Kabanata 39
Dumako tayo sa labas ng mga salita ng Diyos at pag-usapan nang kaunti ang tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa ating mga buhay, upang mamukadkad pa ang ating mga buhay, at maabot natin ang mga inaasahan ng Diyos para sa atin. Partikular sa pagdating ng kasalukuyan—isang panahon na ang bawat isa ay pinagsasama-sama ayon sa uri, at isang panahon ng pagkastigo—mayroong higit na malaking pangangailangan na magtuon sa mas malaking larawan at pagtuunan ang “kapakanan ng lahat.” Ito ang kalooban ng Diyos, at ito ang dapat na makamit ng lahat ng tao. Paanong hindi natin maisasakripisyo ang ating mga sarili para sa kalooban ng Diyos sa langit? Ang Diyos ay “nagtatakda ng mga bilang sa lahat ng uri ng tao, nagmamarka ng iba’t ibang tanda sa bawat uri ng tao, upang ang kanilang mga ninuno ay magabayan sila pabalik sa kanilang mga pamilya,” na nagpapakitang napagsama-sama ang mga tao ayon sa uri, at bilang resulta, ibinubunyag ng lahat ng uri ng mga tao ang kanilang tunay na anyo. Ibig ipakahulugan nito ay patas na sabihing tapat ang mga tao sa kanilang mga ninuno, hindi sa Diyos. Gayunpaman, ang lahat ng tao ay gumagawa rin ng serbisyo sa Diyos sa pamamatnubay ng kanilang mga ninuno, na isang kahanga-hangang katangian ng gawain ng Diyos. Gumagawa ng serbisyo ang lahat ng bagay sa Diyos, at kahit na ginagambala ni Satanas ang mga tao, ginagamit ng Diyos ang pagkakataong ito upang kumuha sa mga “lokal na pinagkukunang yaman” upang paglingkuran Siya. Gayunpaman, hindi ito maintindihan ng mga tao. Gaya ng sinasabi ng Diyos, “Sa gayon, hinahati Ko rin ang pagpapagal, at ipinamamahagi ang mga pagsisikap. Ito ay bahagi ng Aking plano, at hindi maaaring gambalain ng sinumang tao.” Hindi makita ng mga tao ang lahat ng itinalaga ng Diyos, at ang lahat ng ninanais matupad ng Diyos, bago Niya ito ginawa. Makikita lamang nila ito kapag natapos na ang gawain ng Diyos; kung hindi, sila ay bulag, at walang nakikita.
Ngayon, may bagong gawain ang Diyos sa mga iglesia. Pinasusunod Niya ang lahat ng bagay sa takbo ng kalikasan at tunay na pinapapasan ang tungkulin ng tao. Gaya ng sinasabi ng Diyos, “Aking pinamumunuan ang lahat ng bagay, Aking inuutusan ang lahat, na nagiging sanhi upang ang lahat ay sumunod sa daloy ng kalikasan at magpasakop sa utos ng kalikasan.” Hindi Ko alam kung anong matatalinong kabatiran ang mayroon kayo tungkol sa “pagsunod sa daloy ng kalikasan,” kaya pag-usapan natin ito. Ganito ang nakikita Ko rito: Dahil inaakay sila pauwi ng kanilang mga ninuno, lahat ng uri ng tao ay dapat na lumabas at “gumanap.” At dahil sinusundan nila ang daloy ng kalikasan, ang likas sa kanila ay ginagamit upang mapasan nila ang kanilang orihinal na tungkulin, at pinasusunod sila sa paggabay ng Banal na Espiritu ayon sa alituntunin na ito. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay isinasakatuparan ayon sa kalagayan ng kalooban ng bawat tao; sa eksaktong pananalita, tinatawag ito na “Minamaniobra ng Diyos ang lahat ng bagay upang maglingkod sila sa Kanya,” nauugnay naman ito kung gayon sa pagsunod sa daloy ng kalikasan. Kahit na ang isang tao ay mayroong mga elemento ng diyablo sa kalooban nila, gagamitin ito ng Diyos at idaragdag ang gawain ng Banal na Espiritu sa pundasyon ng kung ano ang likas sa kalooban nila, ginagawa silang sapat upang gumawa ng serbisyo sa Diyos. Ito ang lahat ng sasabihin Ko tungkol sa “pagsunod sa daloy ng kalikasan”—marahil kayo ay may ilang mas mataas na mga mungkahi. Umaasa Ako na makapagbibigay kayo ng ilang mahalagang karagdagan. Ano ang masasabi ninyo? Handa ba kayong makipagtulungan sa pagsunod sa daloy ng kalikasan? Handa ba kayong makihati ng gawain sa Diyos? Naisip na ba ninyo kung paano tutuparin ito? Umaasa Ako na makakaya ng mga tao na maunawaan ang kalooban ng Diyos, na maaari silang maging isa sa isipan sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos alang-alang sa iisang simulain, at sumulong nang sama-sama sa daan tungo sa kaharian. Anong pangangailangan ang mayroon upang makabuo ng di-kailangang mga kuru-kuro? Kaninong pag-iral magpahanggang sa ngayon ang hindi naging alang-alang sa Diyos? At yamang ito ay ganoon nga, anong pangangailangan ang mayroon para sa kalungkutan, dalamhati, at pagbuntung-hininga? Wala itong pakinabang sa sinuman. Ang buong buhay ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung hindi sa kanilang paninindigan sa harap ng Diyos, sino ang magiging handang mamuhay nang walang saysay sa hungkag na mundong ito ng tao? Bakit pa mag-aabala? Nagmamadali papasok at palabas sa mundo, kung hindi sila gagawa ng anuman para sa Diyos, masasayang ba ang kanilang buong buhay? Kahit na hindi itinuturing ng Diyos ang iyong mga kilos na karapat-dapat mabanggit, hindi ka ba ngingiti nang dahil sa kasiyahan sa sandali ng iyong kamatayan? Dapat mong hangarin ang positibong pag-unlad, hindi ang negatibong pag-urong—hindi ba ito mas mahusay na pagsasagawa? Kung ang iyong mga pagkilos ay para lamang bigyang-kasiyahan ang Diyos, kung gayon ay hindi ka magiging negatibo o paurong. Dahil mayroon laging mga bagay na hindi kayang maarok sa mga puso ng mga tao, hindi nila namamalayan na tila tulad ng papawiring may madidilim na ulap ang kanilang mga mukha, na humahantong sa maraming “uka” na lumilitaw sa kanilang mga mukha nang hindi nila nalalaman, na tila dahil sa parating bumubuka ang lupa. Para bang parating gumagalaw ang lupa, at nagdudulot sa “maliliit na burol” o “mga paglubog” sa lupa na lumilipat ng kinalalagyan nang hindi natatanto ng mga tao. Dito ay hindi Ko tinutuya ang mga tao, bagkus ay nagsasalita Ako tungkol sa “kaalaman sa heograpiya.”
Bagaman nadala ng Diyos ang lahat ng tao tungo sa pagkastigo, wala Siyang sinasabi tungkol dito. Sa halip, sinasadya Niyang iwasan ang paksang ito at nagsisimula ng bago, na sa isang banda ay dahil sa gawain ng Diyos, at sa isa pa, ay upang agad na tapusin ang hakbang na ito ng gawain. Dahil matagal nang nakamit ang mga layon ng Diyos sa pagsasakatuparan ng hakbang na ito ng gawain, wala nang pangangailangan na magsalita pa. Sa kasalukuyan, hindi Ko alam kung gaano na karami ang nakita ninyo tungkol sa mga pamamaraan ng gawain ng Diyos; sa Aking kamalayan, lagi Kong nadarama na ang gawain ng Diyos ay hindi na kasinglinaw na nahahati sa mga yugto at kapanahunan gaya ng dati. Sa halip, nagdadala ang bawat araw ng sarili nitong paraan ng paggawa, nagaganap ang pagbabago halos kada tatlo hanggang limang araw, at kahit sa loob ng limang araw, maaaring magkaroon ng dalawang magkaibang uri ng nilalaman sa gawain ng Diyos. Ipinakikita nito ang bilis ng gawain ng Diyos; bago pa nagkaroon ang mga tao ng panahong makatugon at makasilip nang malapitan, nakaalis na ang Diyos nang walang bakas. Kaya laging hindi maunawaan ng mga tao ang Diyos, na humantong sa pagiging di-nahahalata ng gawain ng Banal na Espiritu. Bakit laging sinasabi ng Diyos ang mga salitang gaya ng “at kaya iniwan Ko ang tao”? Maaaring magbigay ng kaunting pansin ang mga tao sa mga salitang ito, ngunit hindi nila nauunawaan ang kahulugan ng mga iyon. Sa pagkakataong ito, nauunawaan mo ba? Hindi nakapagtataka na walang pagkaunawa ang mga tao sa presensya ng Banal na Espiritu. Ang kanilang paghahanap sa Diyos ay laging nasa ilalim ng malabong liwanag ng buwan—ito ay ganap na totoo—at para bang sinasadyang biruin ng Diyos ang tao, ginagawa ang mga utak ng lahat ng tao na mamaga, kaya nakakaramdam sila ng pagkahilo at pagkalito. Halos hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa; na para bang nananaginip sila, at sa sandaling sila ay magising, hindi nila alam kung ano ang nangyari. Ang kailangan lamang ay ilang karaniwang mga salita mula sa Diyos upang maiwang lito ang mga tao. Hindi nakapagtataka, kung gayon, na sinasabi ng Diyos, “Sa kasalukuyan, itinatapon Ko ang lahat ng tao sa ‘malaking pugon’ upang mapino. Tumatayo Ako nang mataas, nakabantay nang maigi habang ang mga tao ay nasusunog sa apoy at, dahil napupuwersa ng mga lagablab, inilalabas ng mga tao ang mga katunayan.” Sa kalagitnaan ng palaging-nagbabagong mga salita ng Diyos, walang ideya ang mga tao kung ano ang gagawin; sa katunayan, gaya lamang ng sinasabi ng Diyos, matagal nang nagsimula ang pagkastigo, at dahil hindi ito natatanto ng mga tao, nalalaman lamang nila kapag nagsasalita ang Diyos nang tahasan, nagbibigay-pansin lamang sila matapos itong masabi ng Diyos sa kanila. Maaaring masabi na nagsisimula lamang ang mga tao na pag-aralan ang pagkastigo ngayon na naisakatuparan ang gawain ng Diyos hanggang sa puntong ito. Gaya lamang ito nang mamalayan ng mga tao ang tungkol sa bombang atomika—ngunit dahil hindi pa dumarating ang panahon, hindi nakikinig ang mga tao; saka lamang nagsisimulang magbigay-pansin ang mga tao nang may nagsisimulang gumawa nito. Saka lamang mas naunawaan ng mga tao ang bombang atomika nang inilabas ito. Nagkaroon lamang ng kaunting kaalaman ang mga tao nang sinabi ng Diyos na itatapon Niya ang tao sa pugon. Kung hindi nagsalita ang Diyos, walang sinuman ang makaaalam—hindi ba ganito? Kaya sinasabi ng Diyos, “Ang mga tao ay walang-kamalayang pumapasok sa pugon, na para bang sila ay hinila roon ng isang lubid, na para bang sila ay naging manhid na.” Bakit hindi suriin ito: Kapag nag-aalok ang mga tao ng mga katunayan, ito ba ay kapag sinasabi ng Diyos na nagsimula na ang pagkastigo, o bago ang pagsasabi ng Diyos na nagsimula na ang pagkastigo? Makikita mula rito na, bago nagsalita ang Diyos tungkol sa pagkastigo, ang mga tao ay nagsimula nang magkumpisal, ipinakikita na nagsimula na ang pagkastigo bago pa sinabi ng Diyos ang tungkol dito—hindi ba ito totoo?