Sa Pananalig sa Diyos, Pinakamahalaga ang Pagkakamit ng Katotohanan

May ilang tao na ilang taon nang nananalig sa Diyos pero kumakapit pa rin sa mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan ng laman. Matutugunan ba ng mga bagay na ito ang mga pangangailangan ng puso ng tao? Ni hindi nga malinaw sa ilang tao na maraming taon nang nananalig sa Diyos kung ano ang pinakakinakailangan ng mga tao. May ilang taong nakakikita sa Akin na nagbibigay ng isang bagay sa isang tao at nagsisimulang magmaktol, sinasabing, “Paanong inaalagaan sila ng Diyos at hindi ako? Wala pa akong ganito.” Ang totoo, hindi ka naman nagugutom, at hindi ka nagkukulang sa damit. Nagpapakasakim ka lang; hindi ka marunong makuntento, at mahilig kang makipagkompetensya para sa mga bagay-bagay. Hindi Ko obligasyon ang pag-aalaga sa inyo. Kailangan mong umasal nang may mga prinsipyo. Huwag na huwag kang makipag-away tungkol sa iyong mga interes o tungkol sa mga kapakinabangan. Ang mga bagay na ito ay panlabas lahat; hindi pamalit ang mga ito para sa pagtatamo mo ng katotohanan at ng buhay. Kahit gaano pa kaayos ang pananamit mo sa panlabas, hungkag pa rin ang puso mo kung hindi mo natamo ang katotohanan. Nauunawaan ng mga tao ang mga bagay na ito kapag sa salita lamang, pero hindi nila napipigilan ang kanilang sarili kapag nahaharap na talaga sila sa mga iyon. Hindi nila matukoy kung ano talaga ang mga iyon. Maraming tao sa mundong ito na may kayamanan at kapangyarihan, at ano ang uri ng buhay ng mga taong ito? Ito ay pawang pagkain, pag-inom, at paglilibang sa kanilang sarili; pagkain nang marangya sa araw-araw; pag-estima ng mga bisita at paghahandog ng mga regalo; at pagkilos nang walang-ingat. Ganito ang kanilang pamumuhay. Mayroon ba silang mga buhay ng tao? Wala. Ang pinagtutuunan nila ng pansin sa buong maghapon ay paglamon nang walang-kapararakan, pagsusuot ng mga kilalang tatak, pagpapasikat saanman sila pumunta, at paghahari-harian. Ano ang gayong mga tao? Sila ay pagmamay-ari ng mga diyablo at ni Satanas; mga halimaw sila. Kapag nagsawa na ang ilang mayayamang tao sa kanilang mga kasiyahan, nawawalan na sila ng interes na mabuhay at nagpapatiwakal na sila. Maaaring nanawa na sila sa mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at mga libangan, pero bakit sila nagpapatiwakal? Mula rito ay makikita ng isang tao na ang katanyagan at pakinabang, katayuan, kayamanan, pagkain, pananamit, at mga kasiyahan ay hindi talaga ang tunay na kailangan ng mga tao. Hindi ninyo dapat hangarin ang mga bagay na iyon. Kung hihintayin mo munang lumala ka hanggang sa puntong hindi ka na maliligtas bago ka magbago, magiging huli na ang lahat! Kapag nakikita ng isang matalinong tao na nabibigo ang isa pang tao, direkta siyang nakakukuha ng karanasan mula rito, nang hindi nila kinakailangang maranasan ito mismo. Ang isang mangmang na tao, sa kabilang banda, ay maaaring makaranas ng sunud-sunod na kabiguan at hindi pa rin makakuha ng mga aral mula sa mga iyon. Kailangan siyang mapungusan bago siya magsimulang magkaroon ng kaunting kamalayan, subalit sa sandaling iyon, huli na ang lahat. Ang mga tao na masyadong mangmang ay hindi nakapagkakamit ng katotohanan. Tanging ang matatalinong tao na nakararanas ng gawain ng Diyos ang nakapagtatamo ng katotohanan. Ang katunayan ay kailangan ng buong sangkatauhan ang katotohanan, at maliligtas lang sila sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Isa ka man sa mga hinirang ng Diyos o isang Hentil, kailangan mo ang panustos ng katotohanan, at kailangan mo ang pagliligtas ng Diyos. May ilang taong wala talagang pagkatao at hindi tumatanggap ng katotohanan kahit kaunti—ang gayong mga tao ay mga halimaw. Maaaring dumadalo sila sa mga pagtitipon, ngunit ang hinahangad nila sa kanilang mga puso ay mga makasalanang kasiyahan, ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at mga libangan, at puno sila ng mga bagay na ito. Hindi talaga nila hinahanap ang katotohanan, at puno ang kanilang mga puso ng mga ateistikong pananaw, at mga ideya tungkol sa teorya ng ebolusyon. Hindi ka nila naririnig kahit paano ka pa magbahagi sa kanila ng katotohanan, at kahit na alam nilang mabuting bagay ang pananalig sa Diyos at nakapagpupursigi sila sa kanilang pananampalataya, hindi nila nagagawang tumahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Iyon ang dahilan kung bakit ang mga tao na walang pagmamahal sa katotohanan ay hindi ang mga tao na inorden ng Diyos para sa Kanyang pagliligtas.

Maraming tao ang kasalukuyang may litong-litong pananampalataya sa Diyos. Hindi nila alam kung ano ang dapat matamo sa pananampalataya sa Diyos; hindi nila nauunawaan kung para saan ang pananampalataya sa Diyos—wala silang ideya. Wala silang kaalam-alam kung para saan dapat mabuhay ang tao, kung batay saan sila dapat mabuhay, o kung paano mabuhay sa makabuluhan at makahulugang paraan. Kung sa puso mo ay hindi ka nakatitiyak kung bakit dapat kang manalig sa Diyos, walang kabuluhan o kahulugan ang pag-uusig at pasakit na dinaranas mo para sa iyong pananampalataya sa Diyos. Ano ba mismo ang layong matamo ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos? Kung ang pananampalataya mo ay hindi para magtamo ng katotohanan at buhay, hindi ba’t mapupuno ka ng pagsisisi kapag natapos na ang gawain ng Diyos at napagpasyahan na ang mga kalalabasan ng mga tao? Noong una kang magpasyang sumunod sa Diyos, isa lamang ba iyong udyok ng sandali, o pinag-isipan mo bang mabuti ang usapin ng pananalig sa Diyos at inalam iyon bago ka nagpasya? Para saan ka ba talaga nabubuhay? Ano ang iyong direksyon sa buhay, at anu-ano ang mga mithiin mo? Taglay mo ba ang determinasyong sumunod sa Diyos hanggang sa dulo at makamtan ang katotohanan sa huli? Masisiguro mo bang hindi ka susuko sa kalagitnaan? Matapat mo bang nagagampanan ang tungkulin mo kahit ano pang mga sitwasyon ang mangyari o ano pang mga kapighatian, pagsubok, paghihirap, o problema ang iyong kaharapin? May ilang tao na ni hindi nagtataglay ng kaunting pananampalataya o determinasyong ito na maghangad sa katotohanan. Kung gayon ay hindi magiging madali ang paghahangad sa katotohanan. Kapag hindi interesado ang mga tao sa katotohanan, hindi nila nagagampanan nang bukal sa loob ang kanilang tungkulin at hindi nila naigugugol nang taos-puso ang kanilang sarili para sa Diyos. Paano makasusunod sa Diyos hanggang sa huli ang mga taong tulad niyon? Kung tatanungin mo sila, “Bakit ka nananalig sa Diyos? Ano ang gusto mong makuha sa pananalig sa Diyos? Ano ang landas na dapat mong tahakin?” hindi nila alam at hindi nila ito masasagot. Pinatutunayan nitong hindi sila sumusunod sa Diyos para magtamo ng katotohanan at buhay, bagkus ay naghahanap sila ng pagkakataong magtamo ng mga pagpapala. Paano magagampanan ng ganitong tao ang kanyang tungkulin ng taos-puso? Habang mas nauunawaan ng mga taong tunay na nagmamahal sa katotohanan ang mga ito, lalo silang nagiging masigasig sa pagganap sa kanilang tungkulin. Ang mga tao na hindi nakauunawa sa katotohanan ay madalas na nagiging negatibo kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin. Kung hindi nila kayang tanggapin ang katotohanan, uurong sila. Naiiba ang mga tao na naghahangad sa katotohanan: Habang mas ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, lalo nilang nauunawaan ang katotohanan, at habang nauunawaan nila ito, naaalis ang kanilang katiwalian. Habang mas nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, lalo niyang nararamdamang mas malaki pa ang natatamo niya sa pagsunod sa Diyos, at nadarama niyang lalong nagliliwanag ang landas ng pagsunod sa Diyos habang mas matagal niya itong sinusundan. Ang mga taong ito ang nakapagkamit ng katotohanan. Kung tunay na nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, magkakaroon sila ng tiwala sa pagsunod sa Diyos at mananatiling tapat hanggang sa huli.

Kapag nahaharap ang ilang tao sa karamdaman at nanganganib ang kanilang mga buhay, hinihiling nila sa Diyos na iligtas sila, at sa sandaling malagpasan na nila ito, nauunawaan nila ang kaunti sa katotohanan. Pero hindi kinakailangang maranasan ng lahat ang pagtawag sa Diyos sa isang buhay-o-kamatayang sitwasyon. Tingnan mo na lang ang mga karanasan ng ilang tao at pakinggan mo ang kanilang pagbabahagi at mga damdamin, at mapakikinabangan mo ito. Kahit na hindi ka pa mismo nagkakaroon ng karanasan, mauunawaan mo ang ilan dito mula sa mga karanasan ng iba. May ilang tao na, kapag nalalapit sila sa kamatayan, pakiramdam nila ay hindi malaki ang kanilang ipinagbago, na kaunti lang ang alam nila tungkol sa Diyos, at na limitado lang ang kanilang nagawa at naigugol para sa Diyos. Pakiramdam nila ay hindi nila hinangad ang katotohanan sa mga taon ng pananalig nila sa Diyos, na kaunting-kaunti ang kanilang natamo at napakalaki ng pagkakautang nila sa Diyos. Kung magkataon ngang mamamatay sila, hindi sila mamamatay nang maluwag sa kanilang loob, dahil hindi na sila magkakaroon ng pagkakataong magsisi. Nang maharap si Job sa mga pagsubok, napuno ng mga sugat ang kanyang katawan; hindi siya naunawaan ng kanyang asawa at tinuya siya, at hindi siya naunawaan ng kanyang mga kaibigan at hinusgahan at kinondena pa nga siya, sa paniniwalang tiyak na may nagawa siyang masama at sinalungat niya ang Diyos na si Jehova. Kinausap nila si Job, sinasabing, “Paano mo ba sinalungat ang Diyos na si Jehova? Sige na at aminin mo na ang iyong mga kasalanan. Matuwid ang Diyos na si Jehova.” Ngunit naunawaan ito ni Job sa kanyang puso at hindi niya nadamang nakagawa siya ng anumang masama. Gayunpaman, masakit para sa kanyang maharap sa gayong pagsubok! Hinangad niya ang kamatayan kaysa sa buhay sa kanyang pagdurusa; sa labis niyang pagdurusa ay inakala niyang sa kamatayan na lang siya makakatakas dito, na kamatayan na ang magiging katapusan nito, gayunpaman, nagawa pa rin niyang purihin ang Diyos sa kanyang puso. Hindi ito isang bagay na maisasakatuparan ng isang pangkaraniwang tao. Karamihan sa mga tao ay hindi nagpupuri sa Diyos kapag sila ay nahihirapan. Humihiling lamang sila sa Kanya, nagsasabing, “Diyos ko, bigyan Mo ako ng isa pang hininga. Bilisan Mo at pagalingin Mo na ulit ako! Gagawin ko ang anumang gusto Mong ipagawa sa akin kapag magaling na ako.” Sinisimulan nilang subukang makipagtawaran. Paano mo dapat danasin ang karamdaman kapag dumarating ito? Dapat kang lumapit sa Diyos at magdasal, maghanap at makiramdam sa layunin ng Diyos; dapat mong suriin ang iyong sarili para malaman kung ano ang nagawa mong salungat sa katotohanan, at kung ano ang katiwaliang nasa iyo na hindi pa nalulutas. Hindi malulutas ang iyong tiwaling disposisyon nang hindi ka sumasailalim sa pagdurusa. Sa pagpapatatag lang ng pagdurusa hindi magiging imoral ang mga tao, at makapapamuhay sa harap ng Diyos sa lahat ng oras. Kapag nagdurusa ang isang tao, palagi siyang nagdarasal. Hindi niya naiisip ang mga kasiyahan ng pagkain, pananamit, at iba pang kasiyahan; palagi siyang nagdarasal sa kanyang puso, sinusuri ang kanyang sarili para malaman kung may mali siyang nagawa o kung saan siya maaaring nakasalungat sa katotohanan. Karaniwan, kapag humaharap ka sa isang malubhang karamdaman o kakaibang sakit na nagdudulot sa iyo ng matinding pagdurusa, hindi ito nagkakataon lang. May karamdaman ka man o nasa mabuting kalusugan, naroon ang layunin ng Diyos. Kapag gumagawa ang Banal na Espiritu at maayos ang katawan mo, karaniwan ay kaya mong hanapin ang Diyos, pero tumitigil ka sa paghahanap sa Diyos kapag nagkakasakit at nagdurusa ka, ni hindi mo rin alam kung paano Siya hanapin. Nabubuhay ka sa karamdaman, palaging pinag-iisipan kung ano ang gamutang mas mabilis na makapagpapagaling sa iyo. Naiinggit ka sa mga taong walang sakit sa ganitong mga pagkakataon, at gusto mong mawala ang iyong karamdaman at paghihirap sa lalong madaling panahon. Mga negatibo at mapanlabang damdamin ang mga ito. Kapag nagkakasakit ang mga tao, minsan ay iniisip nilang, “Idinulot ko ba ang karamdamang ito sa pamamagitan ng sarili kong kamangmangan, o layunin ba ito ng Diyos?” Hindi talaga nila ito mapag-isipan. Sa katunayan, normal naman ang ilang karamdaman, ang mga bagay na tulad ng panginginig, pamamaga, o trangkaso. Kapag pinahihirapan ka ng isang matinding karamdaman na biglaang nagpapabagsak sa iyo, na mas gugustuhin mo pang mamatay kaysa magdusa, ang gayong karamdaman ay hindi nagkakataon lang. Nagdarasal ka ba sa Diyos at naghahanap mula sa Kanya kapag nahaharap ka sa karamdaman at pagdurusa? Paano ka ginagabayan at inaakay ng gawain ng Banal na Espiritu? Binibigyang-liwanag at tinatanglawan ka lang ba Niya? Hindi lang iyon ang Kanyang pamamaraan; susubukin at pipinuhin ka rin Niya. Paano sinusubok ng Diyos ang mga tao? Hindi ba’t sinusubok Niya ang mga tao sa pamamagitan ng pagdudulot ng pagdurusa sa kanila? Kaakibat ng pagdurusa ang pagsubok. Kung hindi dahil sa mga pagsubok, paano magdurusa ang mga tao? At kung walang pagdurusa, paano makapagbabago ang mga tao? Kaakibat ng pagdurusa ang pagsubok—iyon ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung minsan ay binibigyan ng Diyos ang mga tao ng kaunting pagdurusa dahil kung hindi ay hindi nila malalaman ang lugar nila sa sansinukob, at magiging walang-galang sila. Hindi lubos na malulutas ang isang tiwaling disposisyon sa pamamagitan lang ng pagbabahagi sa katotohanan. Maaaring sabihin sa iyo ng iba ang mga problema mo, at maaaring alam mo rin mismo ang mga iyon, pero hindi mo mababago ang mga iyon. Kahit gaano ka pa umasa sa iyong determinasyong pigilan ang iyong sarili, kahit ang pagsampal sa sarili mong mukha, pagbatok sa iyong sarili, pagbangga sa pader, at pagpinsala sa sarili mong laman ay hindi makalulutas sa iyong mga problema. Dahil may satanikong disposisyon sa loob mo na palaging nagpapahirap, nanggugulo, at nagpapaisip sa iyo ng lahat ng uri ng kaisipan at ideya, ang iyong tiwaling disposisyon ay mabubunyag. Kung gayon, ano ang gagawin mo kung hindi mo ito malutas? Kailangan kang pinuhin sa pamamagitan ng karamdaman. May ilang taong sa labis na pagdurusa sa pagpipinong ito ay hindi ito nakakayanan, at nagsisimula silang magdasal at maghanap. Kapag wala kang karamdaman, masyado kang imoral at labis na mapagmataas. Kapag nagkakasakit ka, napipilitan kang sumunod—kaya mo pa rin bang maging labis na mapagmataas sa oras na iyon? Kapag halos wala kang sapat na lakas para magsalita, makapagsesermon ka pa ba sa iba o makapagmamataas? Sa mga pagkakataong tulad niyon, hindi ka humihingi ng mga bagay-bagay; hinihiling mo lang na mawala ang iyong pagdurusa, na hindi iniisip ang anumang pagkain, damit, o kasiyahan. Karamihan sa inyo ay hindi pa iyon nararamdaman, pero mauunawaan ninyo iyon kapag naramdaman na ninyo. Sa ngayon ay may ilang taong nakikipaglaban para sa posisyon, para sa mga kasiyahan ng laman, at para sa mga sarili nilang interes. Ang lahat ng ito ay dahil masyado silang komportable, masyadong kaunti ang kanilang pagdurusa, at sila ay nahahamak. Paghihirap at pagpipino ang nasa hinaharap ng mga taong ito!

Kung minsan, magsasaayos ang Diyos ng ilang sitwasyon para sa iyo, pinupungusan ka sa pamamagitan ng mga tao sa paligid mo at pinagdurusa ka, nagtuturo sa iyo ng mga aral at nagbibigay-daan sa iyo na maunawaan ang katotohanan at makita kung ano talaga ang mga bagay-bagay. Ginagawa na ng Diyos ang gawaing ito ngayon, sa paglalakip ng pagdurusa sa iyong laman para matuto ka ng leksyon, malutas ang iyong tiwaling disposisyon at matupad ang iyong tungkulin nang maayos. Madalas sabihin ni Pablo na mayroong tinik sa kanyang laman. Ano ang tinik na ito? Isa itong karamdaman, at hindi niya ito matatakasan. Alam na alam niya kung ano ang karamdamang ito, na patungkol ito sa kanyang disposisyon at kalikasan. Kung hindi nanatili sa kanya ang tinik na ito, kung hindi siya sinundan ng karamdamang ito, maaaring, sa anumang lugar at sandali, magtatag siya ng sarili niyang kaharian, ngunit sa karamdamang ito ay hindi siya nagkaroon ng lakas para doon. Samakatuwid, kalimitan, ang karamdaman ay isang uri ng “pananggalang na payong” para sa mga tao. Kung wala kang karamdaman, bagkus ay nag-uumapaw sa sigla, malamang na makagawa ka ng kung anong uri ng kasamaan at makapagdulot ng kung anong uri ng problema. Madaling mawala ang katwiran ng mga tao kapag sila ay lubhang mapagmataas at imoral. Pagsisisihan nila kapag nakagawa sila ng kasamaan, pero sa sandaling iyon ay hindi na nila matutulungan ang kanilang sarili. Iyon ang dahilan kung bakit ang pagkakaroon ng kaunting karamdaman ay isang mabuting bagay, isang proteksyon para sa mga tao. Maaaring malutas mo ang lahat ng problema ng ibang tao at maaayos mo ang lahat ng problema sa sarili mong pag-iisip, pero wala kang magagawa kapag hindi ka pa gumagaling sa isang karamdaman. Ang pagkakasakit ay talagang wala sa iyong kontrol. Kung magkakasakit ka at imposible itong magamot, iyon ang pagdurusang dapat mong tiisin. Huwag mong subukang alisin ito; kailangan mo munang magpasakop, magdasal sa Diyos, at hanapin ang mga pagnanais ng Diyos. Sabihin mo: “O Diyos, alam kong ako ay tiwali at masama ang aking kalikasan. Kaya kong gumawa ng mga bagay na mapaghimagsik at mapanlaban sa Iyo, mga bagay na nakasasakit at nagdudulot sa Iyo ng kirot. Nakatutuwang ibinigay Mo sa akin ang karamdamang ito. Dapat akong magpasakop dito. Pakiusap, bigyang-liwanag Mo ako, pahintulutan Mo akong maunawaan kung ano ang layunin Mo, at kung ano ang gusto Mong baguhin at gawing perpekto sa akin. Hiling ko lang na patnubayan Mo ako, para maunawaan ko ang katotohanan at matahak ko ang tamang landas ng buhay.” Kailangan mong maghanap at magdasal. Hindi ka puwedeng maguluhan, sa paniniwalang walang anuman ang pagkakasakit, na hindi maaaring ito ang disiplinang iyong hinaharap dahil sa pagsalungat sa Diyos. Huwag kang padalos-dalos sa paghusga. Kung isa ka talagang taong nasa puso ang Diyos, anuman ang iyong makaharap, huwag mong hayaang makalagpas ito sa iyo. Dapat kang magdasal at maghanap, makiramdam sa pagnanais ng Diyos sa bawat bagay, at matutong magpasakop sa Diyos. Kapag nakikita ng Diyos na kaya mong magpasakop at na mayroon kang pusong nagpapasakop sa Diyos, iibsan Niya ang iyong pagdurusa. Nakakamit ng Diyos ang gayong mga epekto sa pamamagitan ng pagdurusa at pagpipino.

Sa buong kasaysayan, ang mga debotong Kristiyano, alagad, apostol, at propeta ay binato hanggang sa mamatay, kinaladkad ng mga kabayo hanggang sa mamatay, pinagputol-putol, pinakuluan sa mantika, ipinako sa krus…. Namatay sila sa lahat ng uri ng paraan. Ang ibig Kong sabihin dito, huwag mong asahang magiging komportable ka kapag sumunod ka sa Diyos. Huwag mo itong hilingin; huwag kang magkaroon ng labis-labis na kahilingan para dito. Bakit ba sinasabi Kong mali para sa mga tao na humiling sa Diyos? Ito ay dahil ang anumang maliit na kahilingan ay katumbas ng isang labis-labis na kahilingan, at hindi ka dapat magkaroon ng mga ganito. Huwag kang humiling ng mga bagay-bagay, na nagsasabing, “O Diyos, binibihisan Mo ako nang maayos, dahil may dahilan ako para magsuot ng magagandang bagay. O Diyos, ginagawa ko na ang tungkulin ko ngayon, kaya may maganda akong dahilan para hilingin sa Iyong pagpalain at bigyan Mo ako ng mabuting kalusugan.” Kung isang araw ay magkakasakit ka, magiging negatibo ka ba? Titigil ka na ba sa pananalig sa Diyos? Gagampanan mo pa rin ba ang tungkulin mo kung hindi ka malusog? Hindi ba’t ang pagganap naman sa tungkulin mo ang dapat na ginagawa mo? Isa itong bokasyong ipinadala ng langit, isang responsabilidad na hindi mabibitiwan. Dapat mong gampanan ang iyong tungkulin, kahit na walang ibang gumagawa niyon. Ito ang determinasyong kailangan mong taglayin. Maraming tao ang nag-iisip na, “Kung kailangan ko pa ring magdusa kapag nananalig ako sa Diyos, para saan pa ako sumusunod sa Kanya? Sumusunod ako sa Diyos para magtamasa ng Kanyang mga pagpapala. Kung walang mga pagpapalang tatamasahin, hindi ako susunod sa Kanya!” Hindi ba’t isa itong maling paraan ng pagtingin dito? Nakita na ninyong lahat, sa inyong karanasan sa lahat ng mga taon na ito, na para sa mga taong tunay na naghahangad sa katotohanan, walang makikitang malinaw na mga pagpapala sa kanila na gaya ng iniisip ng mga tao. Ang pagiging masiyahin at walang-iniintindi sa araw-araw, pagkakaroon ng maayos na pananamit, maayos na pag-usad ng lahat ng bagay, at pag-unlad sa mundo—hindi ganito ang mga bagay-bagay para sa kahit kanino. Nagdaraan silang lahat sa buhay araw-araw, humaharap sa sunud-sunod na balakid. Ang ilang tao ay nakararanas ng diskriminasyon at pang-aaapi sa mga trabaho nila sa ibang lugar; ang ilang tao ay laging sinusundan ng karamdaman; ang iba pa ay hindi matagumpay sa negosyo, at inaabandona sila ng mga walang pananampalatayang miyembro ng kanilang pamilya. May mga tagumpay at kabiguan sa buhay; kailanman ay hindi ito malaya sa paghihirap. Habang mas hinahangad ng isang tao ang katotohanan, lalo siyang nagdurusa, samantalang ang mga taong hindi talaga naghahangad sa katotohanan ay namumuhay nang komportable. Wala silang mga karamdaman o problema; ang lahat ay maayos na umuusad para sa kanila, at kinaiinggitan sila ng iba. Subalit wala silang ni katiting na buhay pagpasok, at nabubuhay sila na parang mga walang pananampalataya. Hindi maiiwasan ng mga taong taimtim na sumusunod sa Diyos na magdanas ng pag-uusig at paghihirap. At ano ang pinatutunayan nito kapag dumaranas ka ng pag-uusig at paghihirap? Na hindi ka iniwanan ng Diyos, na hindi ka tinalikuran ng Diyos, na lagi kang hawak at hindi binibitiwan ng Diyos. Kung bumitiw nga Siya, at nahulog ka sa bitag ni Satanas, hindi ba’t manganganib ka? Kung araw-araw kang mamumuhay sa kasalanan na naghahanap ng katanyagan at kapakinabangan, naghahangad ng mga kasiyahan, at nalulugmok sa pag-inom, pagsusugal, at kahalayan, tatalikuran ka ng Diyos. Hindi ka na Niya papansinin, at tiyak na matitiwalag ka. Maaari mong makamit ang makamundong kayamanan at katayuan, pero ang totoo, nawala na sa iyo ang pinakamahalagang bagay sa lahat—ang katotohanan, na buhay na walang-hanggan—at ni hindi mo ito alam!

Sinasabi ng ilang tao, “Bakit ba palagi akong dinidisiplina ng Diyos? Bakit napakalusog ng ibang tao samantalang palagi akong may sakit? Bakit ba lagi akong nagdurusa? Bakit napakahirap ng aking pamilya? Bakit hindi kami yumayaman? Bakit kailanman ay hindi ako makapagsuot ng magagandang damit? Bakit nakapagsusuot ang ibang tao ng magagandang damit?” Huwag kang mainggit kung gaano karami ang biyaya at mga pagpapala ng Diyos ang tinatamasa ng ibang tao. Maaaring ito ay dahil maliit ang mga tayog nila at nauunawaan ng Diyos ang mga kahinaan nila, kaya pinagkakalooban Niya sila ng kaunting biyaya para tamasahin nila, hinahayaan silang maranasan ito nang paunti-unti, para dahan-dahan nilang maunawaan ang Kanyang mga gawa. Para sa iyo, napakahigpit ng mga hinihingi ng Diyos. Ang iyong buhay, gaya ng nakikita ng tao, ay hindi talaga masaya, at palagi kang nagdurusa, subalit nakaunawa ka na ng maraming katotohanan, at dapat mong pasalamatan at papurihan nang labis ang Diyos. Ito ang taong nakaaalam sa mga gawa ng Diyos. Basta’t nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, iyon ang pinakamalaking pagpapala ng Diyos, anuman ang kanyang pinagdurusahan. Ang madalas na madisiplina ng Diyos at ang madalas na maharap sa mga pagsubok, sa gayon ay madalas kang natututo ng mga aral at nakauunawa ng mga katotohanan—nangangahulugan itong sinusundan ka ng pagmamahal ng Diyos. Kung palagi kang imoral at hindi ka pa nadidisiplina, at hindi ka disiplinado, kahit gaano pa katagal magpatuloy ang iyong pagiging imoral, nang walang sinumang nagpupungos sa iyo o nakapapansin sa iyo, tapos ka na. Nangangahulugan itong tinalikuran ka na ng Diyos. May ilang tao na hindi gumaganap ng tungkulin at hindi umaako ng mga responsabilidad. Nabubuhay sila nang maalwan at walang inaalala, nang napakaginhawa. Hindi nila kayang matuto ng anumang aral, at wala silang natatamo. Ito ba ang kaligayahan? Ano kaya ang matatamo nila mula sa sarili nilang kagustuhang maging imoral, mula sa paghahangad nila sa kalayaan at sa mga kasiyahan ng kanilang laman? Nagdurusa at nagpapakapagod ka sa pagganap sa iyong tungkulin, at nagmamalasakit ang lahat sa iyo; kung minsan ay pinupungusan ka nila. Ipinakikita nitong minamahal at pinananagutan ka ng Diyos. Sa maraming bagay, kailangan mong maghanap, at kailangan mong mas magdasal sa Diyos. Pagkatapos ay mauunawaan mo ang Kanyang mga layunin. Anumang tungkulin ang iyong ginagampanan, sa anumang sitwasyon ay hindi ka dapat maging suwail, o imoral, o pabasta-basta, o mapagmatigas sa mga maling gawain mo. Magmadali ka at hanapin mo ang katotohanan kapag may problema ka. Ang maisakatuparan ang iyong tungkulin at mabigyang-lugod ang Diyos ang pinakamahalaga, at likas nang magtatamasa ang iyong puso ng kapayapaan at kasiyahan. Kung masyado kang mapagmatigas o imoral, at hindi ka tumatanggap ng disiplina, at medyo matigas din ang ulo mo, malalagay ka sa panganib. Sa sandaling matiwalag ka na, hindi ka na magkakaroon ng mga pagkakataon, at magiging huli na ang lahat para sa pagsisisi. May ilang taong palaging nagdarasal kapag una silang nagkakasakit, pero sa kalaunan, kapag nakikita nilang hindi sila napagagaling ng kanilang mga panalangin, nalulugmok sila sa kanilang karamdaman, palaging nagrereklamo, at nagsasabi sa kanilang mga puso, “Walang anumang mabuting naidulot sa akin ang pananampalataya sa Diyos. May sakit ako, at ayaw akong pagalingin ng Diyos!” Hindi ito tunay na pananampalataya. Wala talagang pagpapasakop dito, at ang nagiging resulta nito ay kanilang kamatayan, sa sandaling matapos na sila sa pagrereklamo. Ito ang pagbawi ng Diyos sa kanilang laman at pagpapadala sa kanila sa impiyerno; ito na ang katapusan ng lahat para sa kanila. Wala na silang pagkakataong magtamo ng kaligtasan sa buhay na ito, at kailangan nang mapunta sa impiyerno ang kanilang kaluluwa. Ito ang huling yugto sa gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan, at kung matitiwalag ang isang tao, hinding-hindi na siya magkakaroon ng isa pang pagkakataon! Kung mamamatay ka habang ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagliligtas, ang kamatayang ito ay isang kaparusahan, hindi isang pangkaraniwang kamatayan. Ang mga taong namamatay bilang kaparusahan ay wala nang pagkakataong maligtas. Hindi ba’t patuloy na pinarurusahan si Pablo sa Hades? Dalawang libong taon na ang nakalilipas, at naroon pa rin siya, pinarurusahan! Mas masahol pa kung alam mong mali ang ginagawa mo, at mas malala pa ang magiging kaparusahan!

Sinasabi ng ilang tao, “Dati na akong may sakit, lagi akong nagdurusa at nasasaktan. Dati pa man ay may ilan nang nangyayari sa akin, pero kailanman ay hindi ko nadama ang gawain ng Banal na Espiritu.” Tama ito. Kadalasan ay ganito gumawa ang Banal na Espiritu—hindi mo ito mararamdaman. Ito ang pagpipino. Kung minsan ay bibigyang-liwanag at pahihintulutan ka ng Banal na Espiritu na maunawaan ang ilang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi. Kung minsan ay hahayaan ka Niyang mapagtanto ang isang bagay sa pamamagitan ng iyong kapaligiran, at susubukin ka, patatatagin ka, at sasanayin ka sa kapaligirang iyon, na pinalalago ka—ganito gumawa ang Banal na Espiritu. Wala kayong kaalaman nang magdaan kayo sa mga bagay-bagay noon dahil hindi ninyo pinagtuunan ang paghahanap sa katotohanan sa inyong puso. Kapag hindi nauunawaan ng isang tao ang katotohanan, hindi niya nakikita kung ano talaga ang anumang bagay at palaging baluktot ang kanyang pag-unawa. Katulad lang ito ng kapag nagkakasakit ang isang tao at naniniwalang ito ang pagdidisiplina sa kanya ng Diyos, gayong sa katunayan, ang ilang karamdaman ay gawa ng tao, dulot ng kawalan ng pagkaunawa sa mga panuntunan sa pamumuhay. Kapag kumakain ka nang walang-pagpipigil at hindi mo nauunawaan ang malusog na pamumuhay, nagkakasakit ka sa lahat ng uri ng paraan. Subalit sinasabi mong pagdidisiplina ito ng Diyos, gayong sa katunayan, nangyari ito dahil sa sarili mong kamangmangan. Pero gayunpaman, tao man ang sanhi ng isang karamdaman o ipinagkaloob ito ng Banal na Espiritu, isa itong espesyal na kabutihang mula sa Diyos; layon nitong matuto ka ng aral, at kailangan mong magpasalamat sa Diyos at hindi magreklamo. Ang bawat pagrereklamo mo ay nag-iiwan ng mantsa, at isa iyong kasalanang hindi mabubura! Kapag nagrereklamo ka, gaano katagal ang aabutin para mabago mo ang iyong kalagayan? Kung medyo negatibo ka, maaari kang gumaling pagkalipas ng isang buwan. Kapag nagrereklamo ka at nagpapahayag ng ilang negatibong damdamin, maaaring hindi ka gumaling kahit pagkalipas ng isang taon, at hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Magiging napakahirap para sa iyo kung palagi kang magrereklamo, at lalo ka pang mahihirapang magtamo ng gawain ng Banal na Espiritu. Kailangang labis na magsikap sa pagdarasal ang isang tao para maitama ang kanyang pag-iisip at matanggap ang ilan sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi madaling bagay ang lubos na mabago ang isang pag-iisip. Magagawa lang ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan at pagtatamo ng kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Sa katunayan ay may mga pagkakataon sa sarili ninyong karanasan kung kailan natatamo ninyo ang gawain ng Banal na Espiritu. Karamihan sa mga ito ay kapag nahaharap kayo sa pag-uusig at paghihirap o pagkakasakit at pagdurusa. Saka lang kayo masigasig na nagdarasal sa Diyos, humihiling sa Kanyang pagalingin kayo, na bigyan kayo ng pananampalataya at lakas. Ito lang isang bagay na ito ang pinagdarasal ninyo. Maaaring gusto ninyong mas magdasal pa at hanapin ang layunin ng Diyos, pero hindi ninyo alam kung ano ang sasabihin. Gusto ninyong makipagbahaginan sa Diyos ng ilang salitang mula sa inyong puso, pero wala kayong masabi. Masyadong maliit ang tayog ninyo. Minsan, pahihirapan ka ng Diyos gamit ang mga tao sa paligid mo. Sa mga pagkakataong iyon, wala kang magagawa kundi ang bumalik sa harapan ng Diyos at simulang magnilay-nilay, “Ano ba mismo ang nagawa kong mali? Pakiusap, Diyos ko, bigyang-liwanag at pahintulutan mo akong maunawaan ito. Kung hindi ako bibigyang-liwanag ng Diyos, magpapatuloy lang ako sa pagdarasal. Kung nakapagdasal na ako at hindi ko pa rin ito naunawaan, patuloy akong maghahanap tungkol sa bagay na ito, at maghahanap ako kasama ang isang taong nakauunawa sa katotohanan.” Ito ang ibig sabihin ng pagiging responsable para sa iyong sarili. May ilang taong kailanman ay hindi naghahanap sa katotohanan kapag may mga nangyayari sa kanila. Nakauunawa sila ng ilang salita at doktrina at inaakala na nilang nauunawaan nila ang katotohanan. Nililinlang nila ang kanilang sarili, at kahangalan iyon. Sila ang mga pinakahangal at pinakamangmang na tao, at ang tanging posibleng resulta nito ay mapipinsala at masisira nila ang kanilang sarili, nang hindi talaga nagtatamo ng anumang katotohanan.

Karaniwan ay hindi kayo masyadong nagdarasal, hindi ba? Kapag hindi masyadong nagdarasal ang mga tao, hindi sila masyadong naghahanap, at kung hindi sila masyadong naghahanap, nahihirapan silang maunawaan ang katotohanan, at wala silang pagpapasakop. Kung wala kang saloobin ng paghahanap, paano ka magkakaroon ng pagpapasakop? Paano mo mauunawaan ang mga gawa ng Diyos? Ni hindi mo nga alam kung paano gumagawa sa iyo ang Diyos, ni kung kanino ka dapat magpasakop o kung kaninong mga salita ang dapat mong pakinggan. Imposible ang pagpapasakop para sa iyo. Ang pagpapasakop ay hindi isang malabong bagay. Nangangailangan ito ng isang layunin at isang paglalaanan. Kung ni hindi mo alam kung bakit ipinapahayag ng Diyos ang katotohanan o kung ano ang Kanyang ginagawa, paano ka magiging mapagpasakop? Nagiging hungkag na salita ang pagpapasakop kapag sinasabi mo ito. Kapag may nangyayari sa iyo, paano ka dapat magdasal, at paano ka dapat maghanap sa pamamagitan ng pagsasabi ng laman ng iyong puso? Ano ang dapat mong hanapin? Kailangang maging malinaw sa iyo ang mga bagay na ito bago ka magkaroon ng tunay na panalangin. Huwag mong gayahin ang sinasabi ng ibang tao kapag nagdarasal ka, lalong huwag mong gayahin ang mga salita ni Jesus na, “Gawin nawa ang Iyong kalooban.” Huwag mong pikit-matang kopyahin ang mga salitang ito. Ang nasa loob mo ay walang iba kundi kaliwanagan at pagtanglaw, at hindi nito matutumbasan ang pagtutupad sa kalooban ng Diyos. Kapag minsan ay napupungusan ka o nagtitiis ka ng kaunting pagdurusa, huwag mong sabihing ginagawa kang perpekto ng Diyos o na kalooban Niya ito. Maling sabihin ito, at hindi ka dapat magdasal nang ganito. Nasa maling katayuan ka, at hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. May ilang taong ginagaya ang panalangin ni Jesus, nagsasabing, “Gayon man hindi ayon sa pagnanais Ko, kundi ang ayon sa pagnanais Mo.” Nararapat bang ilagay ang iyong sarili sa pantay na katayuan sa Diyos? Si Cristo, mula sa perspektiba ng laman, ay binigkas ang panalanging iyon sa Espiritu sa langit. Nasa magkapantay na katayuan Sila, magkapareho ng katayuan. Iisang Diyos Sila, magkaiba lamang sa perspektiba. Nagdasal si Cristo nang ganoon; kung magdarasal din nang ganoon ang mga tao, ipinapakita nitong wala silang katwiran, at hindi kataka-takang hindi talaga sila binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu! Ang mga salitang iyon na binibigkas mo ay mga salita ng panggagaya, hindi mga salitang binibigkas nang mula sa puso. Ganap na hungkag at hindi praktikal ang mga iyon, na nagpapakitang masyadong maliit ang tayog mo para maunawaan ang mga salita o hinihingi ng Diyos. Paano ka bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu? Masyadong lito ang mga tao! Kung ni hindi nila ito matukoy, kailanman ay hindi nila mauunawaan ang katotohanan. Huwag kang basta-bastang manggagaya ng iba kapag nagdarasal ka. Kailangan mong magkaroon ng sariling mga pag-iisip at pananaw. Kung mayroon kang hindi maunawaan, kailangan mong hanapin ang katotohanan. Kailangan mong pag-isipan nang madalas kung paano magdasal kapag may iba’t ibang uri ng bagay na nangyayari sa iyo, at kung makahanap ka ng daan pasulong, kailangan mo ring akayin ang iyong mga kapatid na magdasal nang ganoon. Dito nalulugod ang Diyos. Kailangang matutuhan ng lahat kung paano lumapit sa Diyos. Huwag mong subukang pikit-matang harapin ang lahat ng bagay nang mag-isa, at huwag mong ibatay ang ginagawa mo sa iyong mga imahinasyon. Kung sa paggawa niyon, nakagagawa ka ng mga bagay na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan at sumasalungat sa mga layunin ng Diyos, magdudulot iyon ng problema. Kung hihilingin sa iyong pamunuan ang isang iglesia at palagi kang nangangaral ng mga salita at doktrina, pero hindi ka nagbabahagi tungkol sa kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos o kung paano magdasal sa Diyos, naligaw ka na ng landas. Kung palagi kang nangangaral ng mga salita at doktrina at nagtuturo sa mga tao ng hungkag na mga panalangin, kung saan bumibigkas lang sila ng ilang salita mula sa Bibliya at mga salita ng doktrina, hindi magkakaroon ng mga resulta, kahit paano pa sila magdasal. Hindi uunlad ang buhay nila, hindi magiging normal ang relasyon nila sa Diyos, at nangangahulugan itong maililigaw mo rin sila. Anong uri ba ng panalangin ang nagkakamit ng mga resulta? Ito ang bukas-pusong pakikipagbahaginan sa Diyos. Higit sa lahat, kailangang magdasal ang isang tao sa Diyos at maghanap sa katotohanan alinsunod sa Kanyang mga salita at Kanyang mga hinihingi. Hinihingi nito sa isang tao na maging taos-puso. Mahihirapan ang mga taong hindi taos-puso na makamit ito. Anong uri ng mga tao ang binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu? Ang mga taong matalas at pino ang pag-iisip. Kapag binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng pagkaramdam o binibigyang-liwanag sila, nararamdaman nilang gawain ito ng Banal na Espiritu, na ang Diyos ang gumagawa nito. O kung minsan, kapag binibigyang-liwanag o sinasaway sila ng Banal na Espiritu, agad nila itong nahahalata at nirerendahan ang kanilang sarili. Ang mga ito ang uri ng taong binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Kung ang isang tao ay pabaya at walang espirituwal na pang-unawa, hindi niya mapagtatantong may ipinararamdam sa kanya ang Banal na Espiritu. Hindi niya iniintindi ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaari siyang bigyang-liwanag ng Banal na Espiritu nang tatlo o apat na beses, gayunpaman, hindi niya ito tinatanggap, kaya hindi na gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Bakit ba patuloy na sumasampalataya ang ilang tao, pero hindi nila naaabot ang Diyos o nararamdaman ang paggawa ng Banal na Espiritu, at madilim ang kalooban nila, at sila ay lugmok sa depresyon, at walang lakas? Wala talaga silang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila magkakaroon ng anumang lakas, gamit ang mga walang-buhay na bagay at doktrinang iyon? Hindi magtatagal ang isang tao sa kasiglahan lang; kailangang maunawaan ng isang tao ang katotohanan para magkaroon ng lakas. Samakatuwid, sa pananampalataya sa Diyos, kailangang maging pino ang pag-iisip ng isang tao, at kailangan niyang tumuon sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sa pagkilala sa kanyang sarili, at sa pag-unawa at pagsasagawa sa katotohanan. Saka lang niya matatamo ang gawain at pangunguna ng Banal na Espiritu. May ilang tao na may kakayahan lang na umintindi sa katotohanan, pero kailanman ay hindi pa nila naobserbahan o naranasan ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa hinaharap, kailangan ninyong pagtuunan ng pansin ang pinakapinong pakiramdam at ang pinakapinong liwanag. Sa tuwing may mangyayari sa inyo, dapat ninyo itong tingnan at tratuhin alinsunod sa katotohanan. Sa ganitong paraan ka unti-unting mapupunta sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos. Kung titingnan mo ang lahat ng bagay gamit ang iyong makamundong pagtitig; kung susuriin mo ang lahat ng bagay gamit ang doktrina, lohika, at mga patakaran; at kung susuriin at haharapin mo ang lahat ng bagay batay sa pag-iisip ng tao, hindi iyon paghahanap sa katotohanan, at hindi mo makakayang magpasakop sa Diyos. Kahit gaano karaming taon ka nang nanampalataya sa Diyos, mapupunta ka sa labas ng mga salita ng Diyos, magiging tagalabas ka, at hindi mo mauunawaan ang katotohanan. Ngayon ay kailangan na ninyong unti-unting ituon ang inyong pansin sa direksyong ito at magsikap tungo sa katotohanan. Pagkalipas ng ilang taon ng karanasan, lalago nang kaunti ang inyong tayog at mauunawaan ninyo ang ilan sa katotohanan. Huwag mong isiping hindi problema ang mahuli sa pananampalataya sa Diyos, na makapapasok ka rin sa katotohanang realidad kapag nakapasok ang iba, o na hindi ka kailanman mapag-iiwanan. Hindi ka dapat ganito mag-isip. Kung ganito ka mag-isip, tiyak na mapag-iiwanan ka. Kung huli ka nang sumampalataya sa Diyos, dapat ay lalo ka pang magmadali. Kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo para makahabol, saka mo lang masasabayan ang mga yapak ng gawain ng Diyos at mapipigilan ang iyong sariling mapag-iwanan at matiwalag.

Anuman ang mangyari sa iyo, kailangan mong tingnan ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos at harapin ang mga iyon mula sa perspektiba ng katotohanan. Madaling makita ang mga problema sa ganitong paraan, at sa pamamagitan ng pagtingin sa mga bagay ayon sa mga salita ng Diyos, madali mong makikita ang tunay na diwa ng mga bagay-bagay. May ilang tao na palaging tumitingin sa mga bagay batay sa pagkatuto. Palagi nilang pinag-aaralan at sinusuri ang mga bagay gamit ang kanilang mga utak o paningin at pinagmamasdan ang mga bagay gamit ang kanilang makamundong pagtingin. Samakatuwid ay hindi nila nakikita ang totoong diwa ng mga problema at palagi silang nalilihis ng landas. Maaari itong magpatuloy sa loob ng ilang dekada—maaari silang mamatay nang hindi nakikita nang malinaw ang mga bagay-bagay. Halimbawa, kung minsan ay nahaharap ka sa isang karamdaman at iniisip mong isa lang itong pangkaraniwang karamdaman na may mga obhetibong kadahilanan, na hindi ito pagdisiplina ng Diyos at hindi problema, gayong sa katunayan, may malaking problema rito. Kung pino ang iyong pag-iisip sa bagay na ito at kaya mong magdasal sa Diyos at hanapin ang katotohanan, kung gayon ay minsan, kapag may ipinararating na kahulugan sa iyo ang Banal na Espiritu, mapagtatanto mo ang ilang pagkukulang sa iyong sarili o mga problema sa iyong disposisyon. Binibigyan ka ng Diyos ng karamdaman para patatagin ka, para pagdusahin ka, para pabalikin ka sa espiritu para sa masusing pagsusuri at pag-iisip, nakikita kung tungkol saan mismo ang karamdamang ito. Kapag bumalik ka sa kaibuturan ng espiritu para suriin ang iyong sarili, mahahanap mo ang ugat ng problema at magkakaroon ka ng kaunting kaalaman tungkol sa sarili mong katiwalian. Kung walang kaunting pagdurusa, palagi mong iisiping dakila ka, at mabibigo kang matuklasan ang katiwaliang ito. Pagkatapos ay hindi mo mauunawaan ang katotohanang kailangan mo. Naranasan na ba ninyo ito? Ginagawa ng Banal na Espiritu ang lahat sa isang napapanahong paraan, ang lahat ay alinsunod sa kung ano ang kailangan ng mga tao at alinsunod na lahat sa kasalukuyan nilang tayog at kalagayan. Nasabi na noon na ang gawain ng Diyos ay maagap at kalkulado, at labis na napapanahon, nang walang anumang pagkaantala. Nakita mo na ito sa aktuwal mong karanasan. Sa tuwing mahaharap ka sa isang bagay, agad kang inaantig at binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, pero hindi ka nakikipagtulungan nang maayos. Masyado kang manhid. Minsan ay nararamdaman mo kung ano ang nangyayari at pinababayaan mo na iyong ganoon, nang hindi ito sinusubukang maunawaan nang mas malalim. Kuntento ka na sa kaalamang batay lang sa pag-unawa, at sa gayon, inaakala mong nauunawaan mo ito, pero hindi ka talaga humantong sa isang tunay na pagkaunawa. Kailangang maitaas ang iyong kaalamang batay sa pag-unawa sa isang makatwirang pagkaunawa bago ka magkaroon ng daan pasulong. Kung aantigin kang muli ng Banal na Espiritu at babalewalain mo pa rin ito at hindi mo gustong isulat ito sa iyong talaan, mabilis mo itong malilimutan. Hindi mo matatamo ang liwanag na ito, ang praktikal na bagay na ito, at sayang na sayang ito. Isinusulat ng masisipag na tao ang mga bagay-bagay sa kanilang mga talaan at natutuwa sila kapag kalaunan ay muli nilang tinitingnan ang mga talaan nila. Nakapagtatamo sila ng kaunting liwanag sa pundasyong ito. Hindi mararamdaman ng isang taong pabaya at walang espirituwal na pagkaunawa ang liwanag na ito—ni hindi niya alam kung ano ang liwanag. Kumikislap ang liwanag na ito sa loob niya at nawawala na, at kung palagi siyang ganito, hindi gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Sa paghahangad ng katotohanan, kailangang maging sensitibo at pino ang iyong pag-iisip; hindi ka dapat maging tamad. Kailangan mo ring makipagtulungan agad. Kapag nagkaroon ka ng kaalamang batay sa pag-unawa, dapat mo itong sunggaban, magmadali kang pag-isipan ito, at magdasal ka sa Diyos. Paano ka dapat magdasal? Ituon mo ang iyong panalangin sa kaliwanagang iyong natamo. Minsan ay parang mga sarili mong kaisipan ito, at ayos lang iyon. Basta’t nakararamdam ka ng kasiyahan at kalinawan, dapat kang magdasal at maghanap. Ang pinakamahalaga sa lahat ay matukoy ang bagong liwanag na ito at makuha ito nang tama. Kung napakaayos na lumalabas ang mga salita habang nagdarasal ka, at palagay ang pakiramdam mo, muli kang nabibigyang-liwanag, at natanglawan ang iyong isipan, dapat mong isulat ang bagong liwanag na ito. Ito ay dahil kung minsan, nakaaalala ka kapag nasa mabuti kang kalagayan, pero nakalilimot ka kapag nasa masama kang kalagayan. Nakapagsusulat ang mga tao ng ilang pahina kapag nagsusulat sila ng artikulo, pero hindi sila makapagsulat ng ni isang salita pagdating sa patotoong batay sa karanasan o sa kanilang kaalaman sa Diyos. Kulang pa rin sila sa realidad. Pinagtutuunan ng pansin ng mga taong nagmamahal sa katotohanan ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Hindi pinahahalagahan ng mga taong hindi nagmamahal sa katotohanan ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, na nagpapakitang hindi nila nalalaman kung ano ang importante, kung ano ang pangalawa, kung ano ang napakahalaga, o kung ano ang dapat na natatamo nila. Dahil dito, nawawala sa kanila ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Pinakamainam na magdala ka ng maliit na kwaderno, nang sa gayon, sa tuwing bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu at magtatamo ka ng bagong liwanag, agad mo itong masusunggaban at maisusulat. Gumagawa ang Banal na Espiritu sa anumang oras at sa anumang lugar. Anumang sitwasyon ang kinalalagyan ng isang tao, basta’t pinag-iisipan niya ang mga salita ng Diyos at kaya niyang hanapin ang katotohanan, binibigyang-liwanag siya ng Banal na Espiritu. Kahit na kapag abala ka sa trabaho at pagod na pagod ka, bibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu kung maghahanap at magdarasal ka. Binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu kapag nagbabasa ka ng mga salita ng Diyos o nagbabahagi tungkol sa katotohanan. Binibigyang-liwanag ka Niya kapag pinag-iisipan mo ang mga salita ng Diyos at pinagninilayan mo ang iyong sarili. Kapag binibigyang-liwanag ka ng Banal na Espiritu, isulat mo ito at magpatuloy kang pag-isipan ito, at malilinawan ang puso mo. Kapag tunay mong naunawaan ang katotohanan, ganap kang makalalaya. Kapag naranasan mo nang ganito ang gawain ng Diyos, lalago nang lalago ang aanihin mo. Ang totoo, marami sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu ang nasisira ninyo. Para kayong mga aksayado, napalalagpas ang lahat ng gawain ng Banal na Espiritu sa inyo, nawawalan ng napakaraming pagkakataong magawang perpekto ng Diyos! Marami nang nagawa ang Banal na Espiritu, subalit nabibigo kang sunggaban ito. Masasabi mo ba talagang hindi mabuti sa iyo ang Diyos? Ang totoo ay hindi sa hindi ka pinakitaan ng Diyos ng sapat na kabutihan—kundi hindi mo ito natamo.

May sistema ang gawain ng Banal na Espiritu, at kailangang makabuo ng mga konklusyon tungkol dito. Kung pagsisikapan ng isang tao ang pagbuo ng mga konklusyon, magkakaroon siya ng konklusyon sa maraming bagay. Tiyak na mayroong matatamo. Halimbawa na lang, ang panalangin. May mga pagkakataong makapagtatamo ka ng maraming kaliwanagan mula sa panalangin, pero kung wala kang pakialam, hindi ka magkakaroon ng kabatiran. Bagaman maaaring lumabas ang ilang salita ng kaliwanagan mula sa iyong bibig, hindi mo ito mapapansin kung hindi mo bibigyang-pansin. Malalaman mo lang na naging maganda ang panalangin mo, gayong sa katunayan may mga salita sa iyong panalangin na binigyang-liwanag at tinanglawan ng Banal na Espiritu. Ang lahat ng ito ay pawang bagong liwanag, pero hinayaan mo lang ang mga itong makalagpas. Pinakanakakatulong ang gawain ng Banal na Espiritu sa mga tao sa pamamagitan ng pagbibigay-liwanag at pagtatanglaw sa kanila, na nagbibigay-daan sa kanilang maunawaan ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, para magawa nila ang mga bagay ayon sa mga hinihingi ng Diyos, at hindi sila malihis sa tamang landas. Ano ang layunin ng gawain ng Banal na Espiritu ng pagbibigay-liwanag sa mga tao? Minsan, ang papel nito ay ang ituro ang daan; minsan, nagsisilbi itong paalala, para magkaroon ka ng kaunting katwiran; minsan, tinatanglawan ka nito at tinutulungan kang maunawaan ang katotohanan, at binibigyan ka ng landas para sa pagsasagawa. Kapag nalihis ka sa sarili mong landas, sinusuportahan ka Niya at tinutulungan ka na parang isang saklay, inaakay ka sa tamang landas at ginagabayan ka. Anuman ang liwanag at kaalamang ginagamit ng Banal na Espiritu para bigyang-liwanag ang mga tao, na puwedeng magpaiba-iba dahil sa mga personal na pinagmulan ng mga tao, hindi talaga ito sumasalungat o tumataliwas sa katotohanan. Kung magdaranas ang lahat sa paraang may tunay na paghahanap at pagdarasal, at tunay na pagpapasakop, nang patuloy na gumagawa ang Banal na Espiritu para bigyang-liwanag at gabayan sila, at kung matalas at pino ang kanilang pag-iisip, at nakapagsasagawa sila at nakapapasok sa mga bagay na binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, napakabilis na lalago ang kanilang tayog. Susunggaban na nila ang oportunidad. Ang isang katangian ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang pagiging napakabilis nito. Tapos ito sa isang iglap, hindi katulad ng gawain ng masasamang espiritu na palaging inuudyokan at pinipilit ang mga tao na gumawa ng mga bagay-bagay nang sa gayon ay hindi sila makakilos sa anumang iba pang paraan. Kung minsan, gumagawa ang Banal na Espiritu sa pagbibigay sa mga tao ng isang pakiramdam kapag nasa bingit sila ng panganib, kaya hindi sila napapakali at sobra silang nababalisa. Nangyayari ito sa ilalim ng mga espesyal na sitwasyon. Karaniwan, sa tuwing lalapit ang mga tao sa Diyos, at hinahanap ang katotohanan, o kapag nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos, binibigyan sila ng Banal na Espiritu ng pakiramdam, o ng isang pinong kaisipan o ideya. O, maaari Siyang magparating sa iyo ng isang pahayag o mensahe. Para bang mayroong tinig, pero para din itong walang tinig; para itong isang paalala, at mauunawaan mo ang ibig sabihin nito. Kung magpapatuloy ka para tanggapin ang kahulugang iyong naunawaan at ipapahayag ito gamit ang mga angkop na salita, mayroon kang matatamo, at mapapabuti din nito ang iba. Kung palaging ganito ang nararanasan ng mga tao, unti-unti nilang mauunawaan ang maraming katotohanan. Kung palaging nasa tabi ng mga tao ang gawain ng Banal na Espiritu, at palaging may bagong liwanag na umaakay sa kanila, tiyak na kailanman ay hindi sila lilihis sa tunay na landas. Kahit kailanman ay walang sinumang nagbabahagi sa iyo, at walang sinumang gumagabay sa iyo, at wala kang mga pagsasaayos ng gawain, kung maglalakad ka sa direksyong itinuturo ng Banal na Espiritu sa iyo, tiyak na hindi ka maliligaw. Nakita ni Pedro ang Panginoong Jesus matapos Siyang muling mabuhay at umakyat sa langit, pero iilang beses lang. Hindi niya nakikita ang Panginoong Jesus nang madalas, gaya ng iniisip ng mga tao, o nakikita ang Panginoon kung kailan niya naisin, ni nakikita ang Panginoon sa tuwing nagdarasal siya tungkol sa anumang bagay na hindi niya nauunawaan. Hindi ito ganito. Ganoon ba kadaling makita ang Diyos? Hindi agad-agad na nagpapakita ang Diyos sa mga tao. Kadalasan, ipinauunawa ng Diyos ang mga bagay-bagay kay Pedro sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. Bakit hindi ninyo magawa ang kaya ni Pedro? Ano ang pinatutunayan nito, pagkatapos maisaalang-alang ang lahat? Pinatutunayan nitong kulang ang inyong kakayahan, na wala kayong kapangyarihan ng pag-unawa, at na hindi ninyo kayang tukuyin ang mga bagay-bagay sa pamamagitan ng pag-iisip. Anuman ang inyong harapin, kailangan ay lagi ninyo itong isaalang-alang ayon sa katotohanan sa mga salita ng Diyos. Kung palaging namumuhay ang mga tao sa sarili nilang mga kaisipan at utak kapag may mga nangyayari sa kanila, at hinaharap nila ang mga bagay na iyon gamit ang mga pamamaraan ng tao, wala silang matatamo. Ano ang naisip ni Pedro nang may nangyari sa kanya? Isinaalang-alang at pinag-isipan niya ito ayon sa mga salita ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay natukoy niya ang mga layunin ng Diyos. At kalaunan, nang umakyat na ang Panginoong Jesus sa langit, bakit natutukoy pa rin ni Pedro ang mga layunin ng Diyos? Nagagawa pa rin niya iyon sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Kung hindi niya napakiramdaman ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at hindi nagpakita sa kanya ang Panginoong Jesus pagkatapos ng muling pagkabuhay at pag-akyat sa langit ng Panginoon, paano niya magagawang unawain ang mga layunin ng Diyos? Hindi gumagawa ang Diyos na nasa katawang-tao gaya ng iniisip ng mga tao, na personal at walang humpay Niyang ginagabayan ang mga tao araw-araw para gawin silang perpekto. Hindi ito ganoon. Naroon ang gawain ng Banal na Espiritu sa pakikipagtulungan. Ang katuwang na gawain ng Espiritu ang gumagawa sa karamihan. Ang laman ang gumagawa ng gawain ng pamumuno, at kapag natapos na ang gawaing iyon, binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu ang mga tao para maunawaan nila ang natitirang maliliit na problema. Kung hindi ito masusunggaban ng mga tao at maliit na bahagi lang ang matatamo nila, hindi sila makapagtatamo ng karagdagang mga detalye—at kung hindi nila matatamo ang mga iyon, hindi sila magbabago, at hindi sila uunlad.

Hindi madali para doon sa mga hindi nakaranas ng gawain o kaliwanagan ng Banal na Espiritu na maunawaan ang mga bagay na iyon. Ang katunayan, may sistema ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Sa tuwing nababanggit ang gawain at kaliwanagan ng Banal na Espiritu, palaging mali ang nagiging pagkaunawa ng mga tao, iniisip nilang kailangan nilang magdusa nang matindi at magbayad ng malaking halaga bago nila matamo ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi ba’t isa itong kuru-kuro ng tao? Dahil tamad ang mga tao at masyadong bulgar ang kanilang mga puso, karaniwan ay hindi nila kailanman pinagtutuunan ang mga damdamin sa kanilang mga espiritu, at kapag may kaunting liwanag at kaliwanagan doon, ipinagwawalang-bahala nila ito. Kung buong araw kang nabubuhay sa iyong mga gampanin, pinanghahawakan ang mga salita at doktrina at mga patakaran, nabubuhay sa laman at sa romantikong pagmamahal, hindi ka mabibigyang-liwanag at magagabayan ng Banal na Espiritu. Imposible Niyang gawin ito. Kailangan mong mas magdasal, hanapin ang gawain ng Banal na Espiritu, hanapin kung paano uunawain ang gawain ng Banal na Espiritu at huwag itong hayaang makalagpas. Magdasal ka sa Diyos: “O Diyos! Pakiusap, gumawa Ka sa akin, gawin Mo akong perpekto at baguhin Mo ako, pahintulutan Mo akong maunawaan ang Iyong mga layunin sa lahat ng bagay at magpasakop sa Iyong mga pagnanais. Ang dakila Mong pagmamahal at Iyong layunin ay nasa pagliligtas Mo sa akin. Bagaman mapaghimagsik at mapanlaban sa Iyo ang mga tao, bagaman likas silang mapagkanulo, nauunawaan ko na ngayon ang Iyong layunin sa pagliligtas sa mga tao, at nais kong makipagtulungan sa Iyo. Nawa ay bigyan Mo pa ako ng mas maraming sitwasyon, pagsubok, at paghihirap, na magbibigay-daan para makita ko ang Iyong kamay sa mga paghihirap na ito, at para makita ang Iyong mga gawa, nang sa gayon, maging isa akong tao na nakauunawa sa Iyong mga layunin at nakapagpapasakop sa mga ito. Huwag Mo akong hayaang maging imoral, bagkus ay maging isang tao na napakapraktikal.” Magdasal ka nang ganito, at gawin mo ito nang madalas; hilingin mong laging gumawa sa iyo ang Banal na Espiritu at akayin ka Niya. Kapag nakikita ng Banal na Espiritu na tinatahak mo ang tamang landas at inaasikaso mo ang dapat mong asikasuhin, bibigyan ka muna Niya ng ilang sitwasyon para subukin ka at ng isang mabigat na pagsubok para makita kung mapagtatagumpayan mo ito. Maaaring hindi ito makakayanan ng ilan. Sasabihin nila, “O Diyos, sobra-sobra naman ang sitwasyong ito—hindi ko ito kayang tiisin!” Pagkatapos ay mabibigo sila sa bagay na ito. Kung pakiramdam mo ay talagang sobra-sobra ang sitwasyong ito para sa iyo, magdasal ka sa Diyos nang ganito: “O Diyos, sobra-sobra naman ang sitwasyong ibinigay Mo sa akin. Hindi ko ito kayang tiisin, pero handa akong magsikap. Pakiusap, tustusan Mo ako ayon sa aking tayog at pahintulutan Mo akong maunawaan ang Iyong mga layunin, matindi man o magaan ang pagdurusang pinagdaraanan ko, nang hindi Ka ipinagkakanulo o nagrereklamo sa Iyo. Idulot Mong ganap akong makapagpasakop, sa gayon ay makapagbigay-lugod ito sa Iyo. Matindi man o magaan ang pagdurusang pinagdaraanan ko, basta’t mga pagnanais Mo ito, handa akong magpasakop sa mga ito, nang walang anumang reklamo. Hindi ko gustong sumalungat sa Iyong mga pagnanais, at gaano man katindi ang maging pagdurusa, hangga’t kaya ko itong tiisin, hinihiling kong ibigay Mo ito sa akin.” Kailangan mong magdasal nang buong-tiwala at buong-tapang. Huwag kang tumakbo palayo o maduwag. Kapag nakikita ng Banal na Espiritu na tinatahak mo ang tamang landas, na labis mong ginagawa kung ano ang dapat mong gawin, na nais mo talagang nasa puso mo ang Diyos, at na hinahangad mo ang katotohanan, maaaring bigyan ka Niya ng mabigat na sitwasyon at matinding lakas para mapagtagumpayan mo ito—at sa gayon ay magtatagumpay ka. Ang mapagtagumpayan mo ang isang napakabigat na sitwasyon ay higit pang mataas kaysa sa pagkaunawa lang sa ilang salita at doktrina. Isa itong usapin ng pagpapatotoo.

Sa pang-araw-araw na buhay, nakatatagpo ang mga tao ng lahat ng uri ng tao, pangyayari, at bagay, at kung wala sa kanila ang katotohanan at hindi nila pinagdarasal at hinahanap ito, mahihirapan silang iwaksi ang tukso. Halimbawa na lang, ang relasyon ng mga lalaki at babae. Hindi napaglalabanan ng ilang tao ang gayong mga tukso, at nadadapa sila sa sandaling maharap sila sa ganitong uri ng sitwasyon. Hindi ba’t ipinakikita nitong masyadong maliit ang kanilang tayog? Ganito kaawa-awa ang mga taong hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi talaga sila nagpapatotoo. Ang ilang tao ay nahuhulog sa tukso kapag nahaharap sa mga sitwasyong may kaugnayan sa pera. Kapag nakakikita sila ng ibang taong may pera, nagrereklamo sila, “Bakit ang dami-dami nilang pera at napakahirap ko? Hindi ito patas!” Nagrereklamo sila kapag nangyayari ito sa kanila, at hindi nila matanggap ito mula sa Diyos o makapagpasakop sa Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos. May ilang tao rin na palaging nakatuon sa katayuan, at kapag naharap sa ganitong uri ng tukso, hindi nila ito napagtatagumpayan. Halimbawa, gusto silang kuhanin ng isang walang pananampalataya para sa isang opisyal na posisyon, binibigyan sila ng maraming pakinabang, at hindi sila makapanindigan. Iniisip nila, “Dapat ko ba itong tanggapin?” Nagdarasal at nag-iisip sila, at pagkatapos: “Oo—kailangan ko itong tanggapin!” Nakapagpasya na sila, at wala nang saysay ang kanilang paghahanap. Malinaw na napagpasyahan na nilang tanggapin ang opisyal na posisyong ito at matamo ang mga benepisyo nito, pero gusto rin nilang bumalik at sumampalataya sa Diyos, sa takot na mawala ang mga pagpapala ng pananampalataya sa Diyos. Kaya nagdarasal sila sa Kanya: “Pakiusap, subukin Mo ako, Diyos ko.” Ano pang natitira para subukin sa iyo? Napagpasyahan mo nang tanggapin ang opisyal mong posisyon. Hindi ka nanindigan sa bagay na ito, at nahulog ka na. Kailangan mo pa rin bang masubok? Hindi ka karapat-dapat sa pagsubok ng Diyos. Sa pagkaliit-liit na tayog mo ba ay kakayanin mo ito? May ilan pa ngang kasuklam-suklam na taong nakikipagkompetensya para sa anumang pakinabang na kanilang nakikita. Nasa tabi lang nila ang Banal na Espiritu, pinanonood sila para makita kung ano ang mga pananaw na kanilang ipinapahayag at kung ano ang saloobin nila at sinisimulan silang subukin. Iniisip ng ilang tao, “Hindi ko ito gusto, kahit pa kabutihan ito ng Diyos sa akin. Mayroon na akong sapat, at labis-labis ang kabutihang ipinakikita ng Diyos sa akin. Hindi mahalaga sa akin ang makakain nang sagana at makapagdamit nang maayos, ang mahalaga lang sa akin ay ang paghahangad sa katotohanan at pagkakamit sa Diyos. Ang katotohanang natanggap ko ay ibinigay sa akin ng Diyos para sa wala. Hindi ako karapat-dapat sa mga bagay na ito.” Sinisiyasat ng Banal na Espiritu ang kanilang mga puso at lalo pa silang binibigyang-liwanag, nagbibigay-daan sa kanilang mas makaunawa, at lalong mapasigla, at ginagawang mas malinaw sa kanila ang katotohanan. Gayunpaman, ang mga kasuklam-suklam na taong iyon ay may nakikitang ipinamimigay na benepisyo at naiisip na, “Makikipaglaban ako para dito bago pa ito magawa ng sinuman. Kung ibibigay nila ito sa iba at hindi sa akin, pagagalitan ko sila nang matindi at pahihirapan sila. Ipakikita ko sa kanila kung ano ang kaya ko, at pagkatapos ay makikita natin kung kanino nila ito ibibigay sa susunod!” Nakikita ng Banal na Espiritu na ganitong uri sila at ibinubunyag sila. Nalalantad ang kapangitan nila, at ang ganitong uri ng tao ay dapat maparusahan. Kahit gaano katagal na silang sumasampalataya, wala itong magagawa para sa kanila. Wala silang matatamo! Sa maraming pagkakataon, kapag nagpapakita ang Banal na Espiritu ng kabutihan sa mga tao, natatamo nila ito kung kailan hindi nila ito inaasahan. Kung hindi ka pinakikitaan ng Diyos ng kabutihan, mangyayari din ang iyong kaparusahan kung kailan hindi mo ito inaasahan. Ganito kapanganib ang mga bagay-bagay para doon sa mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan.

Kapag walang kabatiran ang mga tao sa mga bagay na nangyayari sa kanila at hindi nila alam ang angkop na bagay na gagawin, ano ang una nilang dapat gawin? Dapat muna silang magdasal; nauuna ang pagdarasal. Ano ang ipinapakita ng pagdarasal? Na ikaw ay masigasig, na mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso, at na alam mo kung paano hanapin ang Diyos, pinapatunayan na inuuna mo ang Diyos. Kapag nasa puso mo ang Diyos at may lugar Siya roon, at kapag nakakapagpasakop ka sa Diyos, isa ka nang masigasig na Kristiyano. Maraming matatandang mananampalatayang lumuluhod sa pagdarasal sa parehong oras at lugar araw-araw. Lumuluhod sila nang isa o dalawang oras sa bawat pagkakataon, pero kahit gaano karaming taon na silang lumuluhod nang ganito, hindi nito nalulutas ang marami sa mga problema nila sa kasalanan. Isantabi muna natin kung kapaki-pakinabang ba ang ganoong relihiyosong pagdarasal o hindi. Kahit papaano ay medyo masigasig ang matatandang kapatid na ito. Mas mabuti pa sila kaysa sa mga kabataan sa puntong ito. Kung gusto mong mabuhay sa harapan ng Diyos at maranasan ang gawain ng Diyos, ang una mong dapat gawin kapag may nangyayari sa iyo ay ang magdasal. Ang pagdarasal ay hindi lang isang usapin ng wala sa isip na pagbigkas ng mga kabisadong kataga, at wala nang iba; wala kang mararating nang ganito. Kailangan mong magsanay sa pagdarasal nang gamit ang iyong puso. Maaari kang magdasal nang ganito walo o sampung beses nang wala masyadong nakukuhang resulta, pero huwag kang panghinaan ng loob: Dapat kang magpatuloy sa pagsasanay. Magdasal ka muna kapag may nangyayari sa iyo. Magsabi ka muna sa Diyos at ipaubaya mo ito sa Kanya. Hayaan mong tulungan ka ng Diyos, hayaan mong gabayan ka Niya at ipakita Niya sa iyo ang daan. Patutunayan nito na mayroon kang may-takot-sa-Diyos na puso at na inuuna mo ang Diyos. Kapag may nangyayari sa iyo o nahaharap ka sa ilang paghihirap at nagiging negatibo at nagagalit ka, isa itong pagpapamalas na wala ang Diyos sa iyong puso at wala kang takot sa Diyos. Anumang paghihirap ang hinaharap mo sa tunay na buhay, dapat kang humarap sa Diyos. Ang una mong dapat gawin ay lumuhod sa pagdarasal. Ito ang pinakamahalaga. Ipinapakita ng pagdarasal na may puwang ang Diyos sa puso mo. Kapag may problema ka, ipinapakita ng pagtingala sa Diyos at pagdarasal sa Kanya at paghahanap mula sa Kanya na mayroon kang medyo may-takot-sa-Diyos na puso; hindi mo ito gagawin kung wala sa puso mo ang Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nagdasal na ako, pero hindi pa rin ako binigyang-liwanag ng Diyos!” Hindi ganoon ang pagtingin dito. Dapat mo munang tingnan kung tama ang layunin sa likod ng panalangin mo. Kung taimtim mong hinahanap ang katotohanan at madalas kang nagdarasal sa Diyos, malamang na magkakaroon ng partikular na bagay kung saan bibigyang-liwanag ka ng Diyos at bibigyang-daan kang makaunawa. Anu’t ano man, ipauunawa ito sa iyo ng Diyos. Kung hindi ka bibigyang-liwanag ng Diyos, hindi mo magagawang maunawaan ito nang ikaw lang. May ilang bagay na hindi maaabot ng kaisipan ng tao, may kapangyarihan ka man ng pang-unawa o wala at anuman ang iyong kakayahan. Kapag naunawaan mo na, galing ba iyon sa pag-iisip mo? Sa mga layunin ng Diyos at sa gawain ng Espiritu, kung hindi ka bibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, hindi ka makakahanap ng sinumang nakakaalam. Malalaman mo lang ito kapag ang Diyos Mismo ang magsasabi sa iyo kung ano ang ibig Niyang sabihin. Kaya, ang unang bagay na dapat mong gawin kapag may nangyayari sa iyo ay ang magdasal. Kapag nagdarasal ka, dapat mong ipahayag sa Diyos ang mga iniisip, pananaw, at saloobin mo, at hanapin mo ang katotohanan mula sa Kanya, nang may mentalidad ng pagpapasakop; ito ang dapat isagawa ng mga tao. Hindi ka magkakamit ng anumang resulta kung wala sa loob ang ginagawa mo, at kung ganoon ay hindi ka dapat magreklamo na hindi ka binigyang-liwanag ng Banal na Espiritu. Nakakita na Ako ng ilang tao na nakikibahagi lang sa mga relihiyosong seremonya at gumagawa ng mga relihiyosong aktibidad sa pananampalataya nila sa Diyos. Wala talagang puwang sa mga puso nila para sa Kanya; itinatatwa pa nga nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Hindi sila nagdarasal o nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Patuloy lang silang pumupunta sa pagtitipon at wala nang iba. Pananampalataya ba ito sa Diyos? Ipinagpapatuloy nila ang pananampalataya nila gaya ng dati, subalit walang Diyos sa pananampalataya nila. Wala ang Diyos sa mga puso nila, ayaw na nilang magdasal sa Diyos, at ayaw na nilang magbasa ng mga salita ng Diyos. Kung ganoon ay hindi ba’t naging mga walang pananampalataya na sila? May ilang partikular na lider at manggagawa na madalas nag-aasikaso ng mga pangkalahatang aktibidad. Hindi sila kailanman tumutuon sa buhay pagpasok sa halip ay itinuturing nilang pangunahing trabaho ang gawain ng pangkalahatang aktibidad. Naging mga tagapangasiwa na lang sila ng gawain at wala silang ni isang ginagawa sa mahahalagang gawain ng mga lider at manggagawa. Dahil dito, pagkatapos sumampalataya sa Diyos nang dalawampu o tatlumpung taon, wala silang masasabi tungkol sa karanasan nila sa buhay at wala silang tunay na pagkakilala sa Diyos. Kaya lang nilang magsabi ng ilang salita at doktrina. Sa ganoon ay hindi ba’t naging mga huwad na lider na sila? Ito ay dahil sa pananampalataya nila sa Diyos, hindi nila inaasikaso ang mga tamang tungkulin nila o hinahangad ang katotohanan. Walang anumang malulutas ang pagdepende lang sa pagkaunawa ng isang tao sa ilang salita at doktrina. Nagrereklamo sila sa Diyos sa sandaling masubok sila, masalanta ng sakuna, o magkasakit. Wala silang anumang tunay na pagkakilala sa kanilang sarili, at wala talaga silang patotoong batay sa karanasan. Ipinapakita nito na hindi nila hinangad ang katotohanan sa mga taon na sumampalataya sila sa Diyos, na nagpapakaabala lang sila sa mga panlabas na bagay, at dahil dito ay ipinahamak nila ang kanilang sarili. Kahit ilang taon pang sumampalataya ang mga tao sa Diyos, kahit papaano ay dapat silang makaunawa ng ilang katotohanan para masiguro nilang hindi sila madarapa, gagawa ng masama, o matitiwalag. Kahit papaano ay dapat silang masangkapan nang ganito. Ang ilang tao ay walang interes kapag nakikinig sa mga sermon at hindi nila pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos. Hindi nila hinahanap ang katotohanan kahit ano pa ang nangyayari sa kanila. Kontento na sila sa pag-unawa lang sa mga salita at doktrina, ipinagpapalagay na nakamit na nila ang katotohanan. Pagkatapos, kapag dumarating ang isang pagsubok, wala talaga silang kaalaman, at puno ang puso nila ng mga hinaing at reklamo na hindi nila pinangangahasang sabihin nang malakas, kahit na gusto nila. Hindi ba’t masyadong kaawa-awa ang ganoong mga tao? Maraming tao na palaging pabasta-basta sa paggampan sa kanilang tungkulin. Hindi nila pinagninilayan o sinusubukang maunawaan ang kanilang sarili kapag pinupungusan sila. Palagi silang nangangatwiran, kung kaya’t lumilitaw ang kapangitan nila sa maraming iba’t ibang paraan, at nabubunyag at natitiwalag sila, walang kakayahang kilalanin ang sarili nila hanggang sa huli. Kung ganoon ay ano ang punto ng pag-unawa sa mga doktrinang iyon? Talagang walang punto. Kahit ilang taon pang sumampalataya ang mga tao sa Diyos, walang saysay ang pag-unawa at kakayahan lang na magsalita ng mga doktrina. Hindi nila nakamit ang katotohanan kundi naligaw sila. Kung ganoon, kapag may nangyayari sa iyo at nagdarasal ka sa Diyos, hinahanap ang Kanyang mga layunin, ang susi ay ang maunawaan mo ang katotohanan para malutas ang problema. Ito ang tamang landas, at dapat ay palagi kang magpursige sa ganoong pagsasagawa.

1997

Sinundan: Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo

Sumunod: Mayabang na Kalikasan ang Nasa Ugat ng Paglaban ng Tao sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito