Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 7
Sa panahong ito, ang ating pangunahing paksa ng pagbabahaginan ay “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Ibinuod natin dati ang dalawang prinsipyo ng pagsasagawa sa paghahangad sa katotohanan. Ano ang unang prinsipyo? (Ang unang prinsipyo ay ang pagbitiw, at ang pangalawa ay pag-aalay.) Ang unang prinsipyo ay pagbitiw, at ang pangalawa ay pag-aalay. Hindi pa tayo tapos magbahaginan tungkol sa paksa ng “pagbitiw.” Ano ang unang tema ng “pagbitiw”? (Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon.) Ano ang pangunahing pinagbahaginan natin tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon? Pangunahin nating pinagbahaginan at inihayag ang mga negatibong emosyon na nararanasan ng mga tao, ibig sabihin, kung anong mga uri ng negatibong emosyon ang kadalasang dala-dala ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay at sa kanilang landas sa buhay, at pati na rin kung paano bitiwan ang mga ito. Ang mga negatibong emosyon na ito ay nagpapamalas bilang isang uri ng damdamin sa loob ng mga tao, ngunit ang totoo, napukaw ang mga ito ng iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw na pinanghahawakan ng mga tao. Napukaw ang mga negatibong emosyon dahil sa iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga tao at sa mga ibinubunyag at ipinapakita nila. Batay sa mga isyu ng negatibong emosyon na pinagbahaginan natin kanina, sa iba’t ibang pag-uugali ng mga tao, at sa iba’t ibang kaisipan at pananaw nila, anong mga problema ang nakikita ninyo? Sa madaling salita, sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga panlabas na pagpapamalas ng iba’t ibang negatibong emosyon, nahihiwatigan ba ninyo ang diwa sa likod ng isipan ng mga tao? Kapag nagpapakita ng mga negatibong emosyon ang isang tao, kung mas sasaliksikin at maingat nating susuriin ang mga ito, mapapansin natin ang kanilang iba’t ibang maling pananaw, perspektiba, at saloobin sa mga tao, pangyayari, at sa mga bagay na nakatago sa loob ng mga negatibong emosyong iyon, at makikita pa nga natin ang kanilang mga pamamaraan sa pangangasiwa at pag-aayos sa iba’t ibang tao, usapin, at bagay mula sa loob nila, tama ba? (Tama.) Kaya, mula sa iba’t ibang pagkakataon na nagbahaginan tayo tungkol sa pagsusuri ng mga negatibong emosyong ito, masasabi ba natin na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga tao na mali, hindi totoo, may kinikilingan, negatibo, at masama ay nakatago sa loob ng kanilang mga negatibong emosyon? Masasabi ba natin iyon? (Oo.) Ano ang sinabi Ko ngayon lang? (Kasasabi lang ng Diyos na ang iba’t ibang kaisipan at pananaw ng mga tao na mali, hindi totoo, may kinikilingan, negatibo, at masama ay nakatago sa loob ng kanilang mga negatibong emosyon.) Naunawaan ba ninyo Ako nang malinaw? (Oo, naunawaan Kita.) Kung hindi tayo magbabahaginan tungkol sa mga negatibong emosyong ito, maaaring hindi gaanong bigyang-pansin ng mga tao ang mga pansamantala o pangmatagalang negatibong emosyon na lumilitaw. Gayunpaman, pagkatapos suriin ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na nakatago sa loob ng mga negatibong emosyon, kinikilala ba ng mga tao ang katunayang ito? Iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw ang nakatago sa loob ng iba’t ibang negatibong emosyon ng mga tao. Sa madaling salita, kapag ang isang tao ay nakararanas ng mga negatibong emosyon, sa panlabas, maaaring magmistulang mga partikular na damdamin ang mga ito. Maaaring nagbubulalas sila ng kanilang mga emosyon, nagsasabi ng mga bagay na nakapanlulumo, nagpapakalat ng kawalan ng sigla at nagsasanhi ng ilang negatibong resulta, o gumagawa ng mga bagay na medyo labis-labis. Ito ang ipinapakita sa panlabas. Gayunpaman, sa likod nitong mga pagpapamalas ng mga negatibong emosyon at labis-labis na pag-uugali, talagang mayroong iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw sa mga tao. Samakatuwid, bagamat tinatalakay natin ang mga negatibong emosyon sa panahong ito, ang totoo, sinusuri natin ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw ng mga tao sa pamamagitan ng paglalantad at pagsusuri ng kanilang iba’t ibang negatibong emosyon. Bakit natin inilalantad ang mga kaisipan at pananaw na ito? Nakaaapekto lang ba ang mga negatibong kaisipan at pananaw na ito sa emosyon ng mga tao? Ito ba ay dahil lamang sa nagdudulot ito ng mga negatibong emosyon sa mga tao? Hindi. Ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay hindi lamang nakakaimpluwensya sa mga emosyon at paghahangad ng isang tao; gayunpaman, ang kanilang mga emosyon at panlabas na pag-uugali ang siyang nakikita at napapansin ng mga tao. Samakatuwid, ginagamit natin ang simple at madaling paraan ng pagsusuri ng mga negatibong emosyon upang ilantad ang iba’t ibang negatibo, masama, at hindi naaangkop na kaisipan at pananaw ng mga tao. Inilalantad natin ang mga kaisipan, pananaw, at negatibong emosyon na ito dahil ang mga kaisipan at pananaw na ito ay nauugnay sa perspektiba at paninindigan ng mga tao sa pagtingin sa mga tao at bagay-bagay, sa pag-asal, at pagkilos sa totoong buhay. May kinalaman din ang mga ito sa mga layon at direksyon ng kaligtasan ng mga tao, at natural na may kinalaman din sa kanilang mga pananaw sa buhay. Kaya naman, naisagawa natin ang paglalantad na ito sa ilang negatibong emosyon. Gayunpaman, ang pangunahing layon ng pakikipagbahaginan tungkol sa iba’t ibang negatibong emosyon ay ang ilantad, suriin, at lutasin ang iba’t ibang nakalilinlang, negatibo, at masamang kaisipan at pananaw ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagbubunyag natin sa mga negatibong kaisipan at pananaw na ito, malinaw na makikilala ng mga tao ang mga maling pananaw, saloobin, at perspektiba na umiiral sa kanilang mga kaisipan tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Nakakatulong ito para malutas ang iba’t ibang negatibong emosyon na dulot ng mga negatibong kaisipan at pananaw na ito at sa gayon ay nagbibigay-daan sa mga tao na makilala at malinaw na maunawaan ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito, pagkatapos nito ay mahahanap na nila ang tamang landas, mabibitiwan ang mga negatibong emosyon, at tuluyang matatalikuran ang mga ito. Ang pinakalayon ay ang magkaroon ng kakayahang harapin, pangasiwaan, at lutasin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap ng isang tao sa kanyang pang-araw-araw na buhay o sa takbo ng kanyang buhay nang may mga tamang kaisipan at pananaw. Sa kabuuran, ano ang nais nating maging kalalabasan nito? Ito ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na makilala at malinaw na maunawaan ang iba’t ibang negatibong kaisipan na nasa loob nila, at pagkatapos na makilala ang mga ito, patuloy na baguhin at itama ang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito sa kanilang buhay at mga landas sa buhay, upang maghanap, tumanggap, o magpasakop sa mga tamang kaisipan at pananaw na umaayon sa katotohanan, at sa huli ay mamuhay at umasal nang may mga tamang kaisipan at pananaw. Iyon ang layon. Sumasang-ayon ba kayo? (Oo.) Sa panlabas, inilalantad natin ang mga negatibong emosyon ng mga tao, pero sa katunayan, inilalantad natin ang kanilang mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw tungkol sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Nilalayon nitong bigyang-kakayahan ang mga tao na gamitin ang mga tamang kaisipan at pananaw kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari at bagay upang maharap at mapangasiwaan ang mga ito, at sa huli ay kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo kapag tumitingin sa mga tao at bagay-bagay, kapag umaasal, at kumikilos. Hindi ba’t bumabalik ito sa tema ng “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan”? (Oo.)
Ang pagbabahaginan tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay bumabalik pa rin sa mas malawak na paksa ng “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan” sa huli, nang hindi lumilihis mula sa pangunahing tema, tama ba? (Oo.) Sa simula, maaaring isipin ng ilang tao na, “Ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon ay tila walang masyadong kinalaman sa paghahangad sa katotohanan. Ang mga negatibong emosyon ay mga pansamantalang lagay ng loob o panandaliang kaisipan at ideya lamang.” Kung ito ay isang panandaliang kaisipan o isang pansamantalang lagay ng loob, hindi ito sakop ng mga negatibong emosyon na ating pinagbabahaginan. Ang mga negatibong emosyong ito ay kinabibilangan ng mga isyu ng prinsipyo at esensiya na nauugnay sa kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay-bagay, at kung paano sila umaasal at kumikilos. Kabilang dito ang mga tamang pananaw, paninindigan, at prinsipyo na dapat itaguyod ng mga tao sa buhay, gayundin ang kanilang mga pananaw sa buhay at paraan ng pamumuhay. Ang pinakalayon ng pagbabahaginan tungkol sa mga ito ay upang bigyang-kakayahan ang mga tao, kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin sa buhay, para hindi na nila pangasiwaan ang mga bagay na ito gamit ang kanilang pagiging natural o pagiging mainitin ng ulo, o harapin ang mga isyung ito gamit ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Siyempre, nangangahulugan din ito na hindi nila haharapin ang mga problemang ito base sa iba’t ibang satanikong pilosopiya na itinanim sa kanila ng lipunan. Sa halip, haharapin nila ang mga ito sa tamang paraan, nang may konsensiya at katwiran na kahit papaano ay dapat taglayin ng isang tao sa pagharap sa mga problemang nararanasan sa buhay. Higit pa rito, sa ilalim ng mga pangunahing kondisyon ng normal na konsensiya at katwiran ng tao, ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nabibilang at nakakaharap sa buhay at pag-iral ay tatratuhin nila ayon sa mga salita ng Diyos, sa katotohanan, at sa iba’t ibang prinsipyong itinuro ng Diyos. Ang pagbabahaginan at pagsusuri sa iba’t ibang negatibong emosyon ay inilaan para sa pagkamit ng layong ito. Naiintindihan mo ba? (Oo, naiintindihan ko.) Sabihin mo sa Akin. (Ang layon ng Diyos sa pakikipagbahaginan at pagsusuri sa mga negatibong emosyong ito ay upang bigyang-kakayahan ang mga tao na makilala at mabago ang mga maling kaisipan at pananaw sa loob ng kanilang mga negatibong emosyon, nang sa gayon ay mabitiwan nila ang mga negatibong emosyong ito at umasa sa konsensya at katwiran upang mapangasiwaan at maharap nang tama ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila sa buhay ayon sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Tinutulutan sila nitong unti-unting mabago ang kanilang pananaw sa buhay, na tingnan ang mga tao at bagay base sa katotohanan, na umasal at kumilos alinsunod sa katotohanan, at isabuhay ang kanilang normal na pagkatao.) Kung hindi Ko ibinahagi o sinuri ang mga negatibong emosyong ito, kung hindi Ko rin ibinahagi o inilantad ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw ng mga tao, kung gayon, kapag naharap ang mga tao sa mga problema sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas silang magkakaroon ng maling paninindigan at perspektiba, haharapin, pangangasiwaan, at lulutasin nila ang mga bagay na ito nang may mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw. Sa ganitong paraan, madalas na labis na napipigilan, nakagapos at nakokontrol ng mga negatibong kaisipang ito ang mga tao, hindi nila mapangasiwaan ang iba’t ibang problema sa buhay ayon sa mga hinihingi ng Diyos o sa mga prinsipyo at pamamaraan na inihayag sa mga salita ng Diyos. Siyempre, kung ang isang tao ay mayroong mga tamang kaisipan at pananaw sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, pati na rin ng tamang perspektiba at paninindigan, lubos itong makatutulong sa kanya, kapag nahaharap siya sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito, makakatulong ito na mapangasiwaan niya ang mga ito nang may tamang perspektiba, o kahit nakapaloob man lang sa saklaw ng normal na konsensiya at katwiran ng tao, at maiwasan ang pagtrato sa iba’t ibang isyu nang may mainit na ulo o ayon sa kanyang mga tiwaling disposisyon, na maaaring humantong sa hindi kinakailangang gulo at magdulot ng hindi kanais-nais na mga kahihinatnan. Halimbawa, kung paano harapin ng isang tao ang hinaharap, karamdaman, pamilya, pag-aasawa, pagkagiliw, pera, mga relasyon sa pagitan ng mga tao, at ang kanyang mga sariling talento, pati na rin ang kanyang katayuan at halaga sa lipunan, at iba pang mga katulad na isyu, ay batay sa kung ano ang kanyang narinig, natutunan, o sa impluwensiya at epekto ng kanyang pamilya o lipunan bago magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan, bukod pa sa ilang karanasan o pamamaraan na siya mismo ang nakaisip. Ang bawat tao ay may kanya-kanyang sariling paraan ng pagharap sa mga bagay-bagay, at ang bawat tao ay may binibigyang-diin na isang partikular na saloobin kapag hinaharap ang mga bagay-bagay. Siyempre, mayroong isang karaniwang salik sa iba’t ibang paraan ng pagharap ng mga tao sa mga bagay-bagay, na lahat ito ay pinangingibabawan at pinamumunuan ng mga negatibo, masama, nakalilinlang, o may kinikilingang kaisipan at pananaw. Ang pinakalayon nila ay ang makamit ang sarili nilang kasikatan, magandang kapalaran, at pansariling interes. Upang maging mas espesipiko, ang mga kaisipan at pananaw na ito ay nagmumula sa pagkintal at mga turo ni Satanas. Masasabi rin na nagmumula ang mga ito sa iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ikinakalat, isinusulong, at pinalalago ni Satanas sa buong sangkatauhan. Sa direksyon ng mga nakalilinlang na kaisipan at pananaw na ito, hindi namamalayang ginagamit ng mga tao ang mga ito para protektahan ang kanilang sarili at tiyakin na mapalaki nang labis ang kanilang sariling mga interes. Ginagawa nila ang lahat para gamitin itong iba’t ibang kaisipan at pananaw na nagmumula sa lipunan at mundo upang mapangalagaan ang sarili nila at labis na mapalaki ang mga pansariling pakinabang upang makamit ang kanilang mga pansariling interes. Siyempre, ang paghahangad na ito na may makamit ay hindi nagpapapigil sa anuman at labag na sa moralidad, pati na rin sa konsensiya at katwiran. Samakatuwid, sa direksyon ng mga negatibong emosyon at negatibong kaisipan at pananaw na ito, ang pinakahuling resulta ng kung paano tinitingnan ng isang tao ang mga tao at bagay at kung paano sila umaasal at kumikilos ay maaari lamang humantong sa pagsasamantala, panlilinlang, at pamiminsala sa isa’t isa, at sa alitan sa pagitan ng mga tao. Sa huli, sa ilalim ng direksiyon, pagkagapos, o pang-uudyok ng iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw, mas malalayo ang mga tao sa mga hinihingi ng Diyos, o maging sa mga prinsipyo kung paano umasal at kumilos ayon sa itinuro ng Diyos. Masasabi rin na sa direksiyon at pang-uudyok ng iba’t ibang negatibong kaisipan, hindi kailanman tunay na makakamit ng mga tao ang katotohanan o makapapasok sa realidad ng pagsasagawa sa katotohanan ayon sa hinihingi ng Diyos. Nagiging mahirap din para sa kanila na sumunod sa prinsipyo ng pagbabatay sa kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Samakatuwid, habang nilulutas ng mga tao ang sarili nilang mga negatibong emosyon, sa katunayan, kinakailangan din nilang bitiwan ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw. Kapag nakilala ng mga tao ang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw sa kanilang kalooban ay saka lamang nila mabibitiwan ang lahat ng uri ng negatibong emosyon. Siyempre, habang binibitiwan ng mga tao ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw, lubos ding nalulutas ang kanilang mga negatibong emosyon. Halimbawa, isipin natin ang mga emosyon ng depresyon na pinagbahaginan natin kanina. Sa simpleng pananalita, kung lumilitaw ang mga negatibong emosyong ito sa isang tao dahil palagi niyang nararamdaman na masama ang kanyang kapalaran, kung gayon, kapag pinanghahawakan niya ang mga kaisipan at pananaw na masama ang kanyang kapalaran, hindi namamalayang nalulugmok siya sa emosyon ng depresyon. Bukod dito, lalong pinatitibay ng kanyang emosyonal na kamalayan ang paniniwalang masama ang kanyang kapalaran. Sa tuwing nakararanas siya ng isang bagay na medyo mahirap o mapanghamon, iniisip niya, “Naku, masama ang kapalaran ko.” Iniuugnay niya ito sa kanyang masamang kapalaran. Bilang resulta, namumuhay siya sa mga negatibong emosyon ng kawalan ng pag-asa, pagpapabaya sa sarili, at depresyon. Kung magagawang harapin ng mga tao nang tama ang iba’t paghihirap na nararanasan nila sa buhay o hanapin ang katotohanan kapag umuusbong ang mga negatibong kaisipan at pananaw, umaasa sa mga salita ng Diyos para harapin ang mga ito, kinikilala kung ano ang tungkol sa kapalaran ng tao, at naniniwala na ang kanilang kapalaran ay nasa mga kamay ng Diyos at na Siya ang may kontrol, magagawa na nilang harapin nang tama ang mga paghihirap, hamon, balakid, at suliranin sa buhay, o mauunawaan na nila nang tama ang mga pakikibakang ito. Sa paggawa nito, may nagbabago ba sa kanilang pag-iisip at pananaw sa pagkakaroon ng masamang kapalaran? Kasabay nito, nagkakamit ba sila ng wastong paninindigan para harapin ang mga problemang ito? (Oo.) Kapag ang mga tao ay may tamang paninindigan sa pagharap sa mga isyung ito, unti-unting gumagaan ang kanilang depresyon, mula sa pagiging malubha ay nagiging katamtaman na lang ito, mula sa katamtaman tungo sa banayad, hanggang sa mula sa isang banayad na kalagayan ay tuluyan itong naglalaho at nawawala sa kanilang pagkatao. Dahil dito, huminto na sa pag-iral ang kanilang depresyon. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil ang dati nilang pinanghahawakang kaisipan at pananaw tungkol sa “Masama ang aking kapalaran” ay sumasailalim sa isang pagbabago. Matapos itong maitama, hindi na nila tinitingnan ang kanilang kapalaran nang may pakiramdam ng depresyon, kundi hinaharap na nila ang mga isyu nang may aktibo at optimistang saloobin, nang may mga pamamaraan ng mga turo ng Diyos, at may perspektiba ng diwa ng kapalaran na Kanyang inihayag sa sangkatauhan. Samakatuwid, kapag nahaharap sa parehong problema na kanilang nakaharap noon, hindi na nila tinitingnan ang kanilang kapalaran sa pamamagitan ng mga kaisipan at pananaw ng pagkakaroon ng masamang kapalaran, at hindi na sila lumalaban o nagrerebelde sa mga isyung ito nang may pakiramdam ng depresyon. Bagamat sa simula ay maaari nilang balewalain o pangasiwaan ang mga ito nang may pagwawalang-bahala, sa paglipas ng panahon, habang mas lumalalim ang paghahangad nila sa katotohanan, at lumalago ang kanilang tayog, habang ang kanilang perspektiba at paninindigan sa pagtingin sa mga tao at mga bagay ay lalong nagiging tama, bukod sa nawawala ang kanilang pakiramdam ng depresyon, nagiging mas maagap at optimista rin sila. Sa kalaunan, nagkakamit sila ng ganap na pagkaunawa at malinaw na kabatiran sa likas na katangian ng tadhana ng tao. Nagagawa nilang pangasiwaan at harapin nang tama ang mga bagay na ito nang may saloobin o realidad ng pagpapasakop sa pangangasiwa ng Diyos. Sa puntong iyon, tuluyan na nilang binitiwan ang kanilang mga nararamdamang depresyon. Ang pagbitiw sa mga negatibong emosyon ay isang proseso, ito ay isang makabuluhang paksa sa buhay. Sa kabuuran, kapag ang isang negatibong emosyon ay nag-uugat sa kaibuturan ng puso ng isang tao o nakakaimpluwensya sa kung paano niya tinitingnan ang mga tao at bagay, at kung paano siya umasal at kumilos, walang duda na higit pa ito sa isang simpleng negatibong emosyon. Sa likod nito ay may maling kaisipan o pananaw hinggil sa iba’t ibang usapin. Sa gayong mga pagkakataon, ang kailangan mong gawin ay hindi lamang suriin ang pinagmulan ng mga negatibong emosyon, kundi, ang mas mahalaga, suriin mo ang mapaminsalang salik na nakatago sa loob ng iyong mga negatibong emosyon. Ang nakatagong elementong ito ay isang negatibong kaisipan o pananaw na malalim nang nakaugat sa loob ng puso mo sa mahabang panahon, isang nakalilinlang o lihis na kaisipan o pananaw sa pagharap sa mga bagay-bagay. Pagdating sa mga nakalilinlang at negatibong aspekto, ang kaisipan o pananaw na ito ay tiyak na kumokontra sa katotohanan at sumasalungat dito. Sa puntong ito, ang iyong gampanin ay hindi lamang ang pag-isipan, suriin, at kilalanin ito, kundi sa halip ay lubusang unawain ang pinsalang idinudulot nito sa iyo, ang kontrol at paggapos na ginagamit nito sa iyo, at ang negatibong epekto na mayroon ito sa iyong paghahangad sa katotohanan. Samakatuwid, ang kailangan mong gawin ay ang ilantad, suriin, at kilalanin ang iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw; kasabay nito, kailangan mong hanapin ang mga salita ng Diyos upang matukoy at mabatid ang mga ito ayon sa mga katotohanang prinsipyo na ibinahagi ng Diyos, palitan ang iyong mga mali o negatibong kaisipan at pananaw ng katotohanan at tuluyang lutasin ang mga negatibong emosyon na gumugulo sa iyo. Ito ang landas sa paglutas ng mga negatibong emosyon.
Sinasabi ng ilang tao, “Wala pa akong napapansing negatibong emosyon sa sarili ko hanggang ngayon.” Huwag mag-alala, sa malao’t madali, sa tamang oras, sa naaangkop na kapaligiran, o kapag umabot ka na sa angkop na edad o sa espesyal na makabuluhang yugto sa buhay, natural na uusbong ang mga negatibong emosyong ito. Hindi mo kailangang sadyang hanapin o hukayin ang mga ito; umiiral ang mga ito sa puso ng bawat tao sa magkakaibang antas. Iyon ay dahil ang mga tao ay naninirahan sa mundo ng tao, walang sinuman ang humaharap sa anumang bagay tulad ng ginagawa ng isang computer, nang hindi isinasaalang-alang ang kanyang sariling mga kaisipan at pananaw, at ang mga kaisipan ng mga tao ay aktibo, katulad ng isang sisidlan na may kakayahang tumanggap ng mga positibo at negatibong bagay. Sa kasamaang palad, bago pa man magsimulang tanggapin ng mga tao ang mga positibong kaisipan at pananaw, tinanggap na nila ang iba’t ibang lihis at maling kaisipan at pananaw mula kay Satanas, sa lipunan, at sa tiwaling sangkatauhan. Pinuno ng mga maling kaisipan at pananaw na ito ang kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao, lubhang nakakaapekto at nakakasagabal sa kanilang pang-araw-araw na buhay at mga landas sa buhay. Samakatuwid, kasabay ng pagsama ng iba’t ibang negatibong kaisipan at pananaw sa buhay ng mga tao at sa kanilang pag-iral, iba’t ibang negatibong emosyon din ang kasama ng kanilang buhay at ng landas ng kanilang pag-iral. Kaya, sinuman ang indibidwal, isang araw, matutuklasan mo na hindi lamang iilang pansamantalang negatibong emosyon ang mayroon ka, bagkus ay marami ka nito. Hindi ka lamang nagtataglay ng isang negatibong kaisipan o pananaw, maraming negatibong kaisipan at pananaw ang umiiral sa iyo nang sabay-sabay. Bagamat hindi pa nagpapakita ang mga ito, ito ay dahil lamang sa walang angkop na kapaligiran, wastong oras, o wala pang pumupukaw na mailantad mo ang iyong mga maling kaisipan at pananaw o ibulalas at ihayag ang iyong mga negatibong emosyon, o dahil sa hindi pa dumarating ang sitwasyon o oras na iyon. Kung mangyayari ang isa sa mga salik na ito, magsisilbi itong mitsa, na magsisindi sa iyong mga negatibong emosyon at mga negatibong kaisipan at pananaw upang sumiklab ang mga ito. Hindi sinasadyang maiimpluwensyahan, makokontrol, at magagapos ka ng mga ito. Maaari pa ngang maging hadlang ang mga ito sa iyo at maimpluwensyahan ang iyong mga pasya. Darating ang panahon para dito. Ito ay dahil ang iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbahaginan natin ay mga isyu na maaaring makaharap sa buhay ng mga tao o sa landas ng kanilang pag-iral, at ang mga ito ay mga makatotohanang problema na kinakaharap ng bawat tao sa kanilang buhay o pag-iral. Hindi walang kabuluhan, kundi kongkreto ang mga ito. Dahil ang mga negatibong emosyong ito ay direktang kinabibilangan ng mga prinsipyong dapat itaguyod ng isang tao at ang pananaw sa pananatiling buhay na dapat mayroon siya. Kinakailangan nating maingat na tuklasin at suriin ang mga isyung ito.
Nagbahaginan tayo dati tungkol sa negatibong emosyon ng “pagpipigil.” Ilang beses tayong nagbahaginan tungkol sa isyu ng “pagpipigil”? (Dalawang beses tayong nagbahaginan tungkol dito.) Ano ang pinagbahaginan natin noong una? (Noong una, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paanong madalas ay hindi nagagawa ng mga tao ang anumang gusto nila, na nagdudulot ng mga negatibong emosyon ng pagpipigil. Sa pangalawang pagkakataon, nagbahaginan tayo tungkol sa kung paanong hindi nagagamit ng mga tao ang kanilang kadalubhasaan at madalas silang namumuhay sa isang kalagayan ng napipigilang mga negatibong emosyon.) Nagbahaginan tayo tungkol sa dalawang aspektong ito. Mula sa mga ito, masasabi ba natin na sa likod ng dalawang uri ng pagpipigil na ito, may magkatulad na mga nakatagong kaisipan at pananaw hinggil sa paraan ng pagharap ng mga tao sa buhay? Ang unang uri, na nagmumula sa kawalan ng kakayahan ng isang tao na gawin ang anumang gusto niya, ay kumakatawan sa anong uri ng kaisipan o pananaw? Ito ang mentalidad na palaging nagnanais na maging sutil at iresponsable, ginagawa ang mga bagay batay sa biglaang kagustuhan, lagay ng loob, damdamin, at interes, nang hindi nauunawaan ang pangangailangan ng pag-ako ng responsabilidad. Hindi ba’t isa itong partikular na saloobin na pinanghahawakan ng mga tao sa buhay? (Oo.) Isa rin itong pamamaraan ng pananatiling buhay. Ito ba ay isang positibong saloobin at pamamaraan ng pananatiling buhay? (Hindi.) Hindi ito positibo. Palaging gusto ng mga tao na mamuhay ayon sa anumang gusto nila, sutil na ginagawa ang mga bagay-bagay batay sa lagay ng loob, interes, at mga libangan. Hindi ito ang tamang paraan ng pamumuhay; negatibo ito at kailangang malutas. Siyempre, ang mga negatibong emosyon na nagmumula sa negatibong saloobin at pamamaraan para manatiling buhay ay lalong dapat na malutas. Ang isa pang uri ay ang mga negatibong emosyon ng pagpipigil na lumilitaw mula sa kawalan ng kakayahang gamitin ang sariling kadalubhasaan. Kapag hindi maipakita ng mga tao ang kanilang kadalubhasaan, maipakitang-gilas ang kanilang sarili, mailarawan ang kanilang indibidwal na halaga, makatanggap ng pagsang-ayon mula sa iba, o matugunan ang kanilang sariling mga kagustuhan, sila ay nalulungkot, nalulumbay, at napipigilan. Ito ba ay isang tamang pamamaraan at perspektiba ng pag-iral? (Hindi.) Ang mga maling bagay ay dapat baguhin at ang katotohanan ay dapat hanapin upang malutas ang mga ito at mapalitan ng tamang paraan na nakaayon sa katotohanan at normal na pagkatao. Nagbahaginan tayo dati tungkol sa dalawang kadahilanang ito na nasa likod ng paglitaw ng mga emosyon ng pagpipigil, tulad ng kawalan ng kakayahan ng isang taong gawin ang anumang gusto niya at kawalan ng kakayahang gamitin ang kadalubhasaan niya. May isa pang dahilan sa paglitaw ng mga emosyon ng pagpipigil, naiisip ba ninyo kung ano ito? Ano ang iba pang bagay na nauugnay sa sariling pananaw ng mga tao sa pag-iral na maaaring magparamdam sa kanila ng pagpipigil? Hindi kayo sigurado? Ang isa pang dahilan ay ang pakiramdam ng napipigilan at ang pag-usbong ng mga negatibong emosyon ng pagpipigil dahil sa hindi matupad ng isang tao ang kanyang mga mithiin at hangarin. Pag-isipan ito sandali, umiiral ba itong isyu ng pagpipigil? Totoong problema ba ito sa mga tao? (Oo.) Ang mga taong napag-usapan natin kanina na gustong gawin ang anumang gusto nila ay may tendensiyang maging mas makasarili at sutil. Ang kanilang saloobin sa buhay ay nailalarawan sa pamamagitan ng kanilang pagkilos ayon sa mga biglaang kagustuhan at paggawa ng anumang gusto nila. Mas gusto nilang dominahin ang iba at hindi sila nababagay na mamuhay sa isang komunidad. Ang kanilang pamamaraan ng pananatiling buhay ay ang gawin silang pinakaimportanteng bagay sa buhay ng iba, at sila ay makasarili at hindi nila magawang mamuhay nang matiwasay kasama ang iba o magawang makipagtulungan nang maayos sa iba. Ang pangalawang uri ng tao na nagdudulot ng pagpipigil ay isang taong laging gustong magpasikat, ipangalandakan ang kanyang sarili, isang taong iniisip na siya lang ang kailangan, at hindi kailanman nagbibigay sa iba ng puwang na umiral. Hangga’t nagtataglay sila ng kaunting kadalubhasaan o talento, gugustuhin nilang ipakitang-gilas ito, angkop man ang kapaligiran o hindi, o kung ang kanilang kadalubhasaan ay mahalaga o magagamit ba sa sambahayan ng Diyos. Ang ganitong uri ng tao ay may tendensiya ring bigyang-diin ang indibidwalismo, tama ba? Ang lahat ba ng ito ay nabibilang sa mga pamamaraan ng mga tao para manatiling buhay? (Oo.) Parehong mali ang mga pamamaraang ito ng pamumuhay at pananatiling buhay. Ngayon, balikan natin ang mga negatibong emosyon ng pagpipigil na tinalakay natin kanina na nagmumula sa kawalan ng kakayahang tuparin ang mga mithiin at hangarin ng isang tao. Anuman ang okasyon, kapaligiran, o panahon, at anumang uri ng gawain ang sinasalihan niya, palagi siyang nakatutok sa layon na maisakatuparan ang kanyang sariling mga mithiin at hangarin, ginagawa itong kanyang pamantayan. Kung hindi niya natatamo o naisasakatuparan ang layong ito, napipigilan at nalulungkot siya. Hindi ba’t isa rin itong pamamaraan ng pananatiling buhay para sa gayong uri ng tao? (Oo.) Isa rin itong pamamaraan ng pananatiling buhay para sa mga gayong tao. Kaya, ano ang pangunahing kaisipan o pananaw ng mga namumuhay sa pamamaraang ito ng pananatiling buhay? Ito ay na hangga’t mayroon silang mga mithiin at hangarin, nasaan man sila o kung ano man ang kanilang ginagawa, ang layon nila ay ang maisakatuparan ang kanilang sariling mga mithiin at hangarin. Ito ang kanilang pamamaraan ng pananatiling buhay at ang kanilang layon. Anuman ang halaga na kailangang ibayad ng iba o ang mga sakripisyong kailangang gawin ng iba, kahit gaano pa karaming tao ang kailangang magdala ng pasanin o magsakripisyo ng sariling mga personal na interes para sa mga mithiin at mga hangarin ng mga ito, pagsusumikapan nila ang layon ng pagsasakatuparan sa sarili nilang mga mithiin at hangarin nang hindi sumusuko. Handa pa nga silang samantalahin ang iba o isakripisyo ang mga interes ng iba nang walang pag-aalinlangan. Kung hindi nila nakakamit ang layong ito, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Tama ba ang ganitong uri ng kaisipan o pananaw? (Hindi.) Ano ang mali rito? (Masyado itong makasarili!) Positibo ba o negatibo ang terminong “makasarili”? (Ito ay negatibo.) Ito ay isang negatibo at masamang bagay, kaya dapat itong lutasin batay sa katotohanan.
Paano dapat lutasin ng isang tao ang mga napipigilang emosyong ito na nagmumula sa kawalan ng kakayahang tuparin ang kanyang mga mithiin at hangarin? Suriin muna natin ang iba’t ibang mithiin at hangarin na mayroon ang mga tao. Doon kaya natin simulan ang ating pagbabahaginan? (Sige.) Ang simulan ang ating pagbabahaginan sa kung ano ang mga mithiin at hangarin ng mga tao ay magpapadali na maunawaan ito ng mga tao at malinawan sila tungkol dito. Kaya, tingnan muna natin ang mga mithiin at hangarin ng mga tao. Ang ilang mithiin at hangarin ay makatotohanan, habang ang iba ay hindi makatotohanan. Ang ilang tao ay may mga ideyalistikong mithiin, habang ang sa ibang tao ay makatotohanan. Dapat ba muna nating pagbahaginan ang tungkol sa mga mithiin ng mga idealista o ang mga mithiin ng mga realista? (Ang mga makatotohanang mithiin.) Ang mga makatotohanang mithiin. Paano naman ang mga hindi makatotohanang mithiin? Dapat ba nating pagbahaginan ang mga ito o hindi? Kung hindi natin pagbabahaginan ang mga ito, malalaman ba ng mga tao ang mga ito? (Hindi nila malalaman.) Kung hindi nila malalaman ang mga ito nang walang pagbabahaginan, kung gayon, kailangan talaga nating pagbahaginan ang mga ito. Kadalasan, kahit na walang pagbabahaginan, nababatid ng mga tao ang mga mithiin ng mga realista. Ang mga bagay na ito ay umiiral sa mga kaisipan at kamalayan ng lahat ng tao. Ang ilang mithiin at hangarin ay hindi nagbabago mula pagkabata hanggang sa pagtanda, naisasakatuparan man ang mga ito o hindi, habang ang iba ay nagbabago sa pagtanda. Habang tumatanda ang mga tao at lumalawak ang kanilang kaalaman, pananaw, at karanasan, patuloy ring nagbabago ang kanilang mga mithiin at hangarin. Nagiging mas makatotohanan ang mga ito, mas malapit sa totoong buhay, at mas partikular. Halimbawa, gusto ng ilang tao na maging isang mang-aawit noong bata pa sila, ngunit sa kanilang paglaki, napagtanto nila na wala sila sa tono, kaya ang pagiging isang mang-aawit ay hindi makatotohanan. Tapos, naisipan nilang maging artista. Pagkalipas ng ilang taon, tumingin sila sa salamin at napagtantong hindi sila masyadong kaakit-akit. Bagama’t medyo matangkad sila, hindi sila magaling sa pag-arte, at hindi masyadong natural ang kanilang mga ekspresyon. Ang pagiging artista ay hindi rin makatotohanan. Kaya, naisipan nilang maging direktor na lang, para makapagdirek ng mga pelikula para sa mga artista. Nang umabot sila sa edad na bente at kinailangan nilang pumili ng kurso sa kolehiyo, nagbago ang kanilang mithiin tungo sa pagiging isang direktor. Pagkatapos ng graduation, nang matanggap nila ang kanilang diploma para sa directing at makapasok sila sa totoong mundo, napagtanto nila na ang pagiging isang direktor ay nangangailangan ng kasikatan at katanyagan, nangangailangan ng mga kwalipikasyon, pati na rin ng pinansyal na mapagkukunan, na sa lahat ng aspekto ay wala sila. Walang kumukuha sa kanila bilang direktor. Samakatuwid, kinailangan nilang tanggapin na lang kung ano ang mayroon at humanap ng ibang pwedeng gawin sa industriya ng pelikula, marahil bilang isang script supervisor o isang production coordinator. Sa paglipas ng panahon, naisip nila, “Baka bagay sa akin ang pagiging producer. Nasisiyahan akong maging abala at maglikom ng pondo, nakakapagsalita ako nang mahusay, at medyo may hitsura naman ako. Hindi naiirita sa akin ang mga tao, at kaya kong makipag-usap nang mahusay sa iba at makuha ang kanilang pabor. Baka bagay sa akin ang pagiging producer.” Kita mo, unti-unting nagbago ang kanilang mithiin. Bakit ito nagbago? Nagbago ito sa simula dahil unti-unting nagiging hinog ang kanilang mga kaisipan, nagiging mas tumpak, obhetibo, at praktikal ang kanilang pang-unawa sa mga bagay-bagay. Pagkatapos, sa pamumuhay sa totoong mundo, batay sa kanilang kapaligiran sa totoong buhay at sa mga praktikal na pangangailangan at kagipitan sa buhay, unti-unting nabago ng kapaligirang iyon ang dati nilang mga mithiin. Sa isang sitwasyong walang pag-usad, dahil hindi nila kayang maging isang direktor, pinili nilang maging isang producer na lang. Ngunit talaga bang naisasakatuparan sa pagiging isang producer ang kanilang mga mithiin o hindi? Hindi rin nila alam. Ano’t anuman, sa sandaling magsimula sila, ginagawa nila ito sa loob ng halos sampung taon, o maging hanggang sa pagreretiro. Ito ay isang pangkalahatang ideya sa mga mithiin ng mga realista.
Katatapos lang natin talakayin kung paanong nahahati ang mga mithiin ng mga tao sa mga mithiin ng mga idealista at mga mithiin ng mga realista, sa dalawang kategoryang ito. Simulan nating talakayin ang tungkol sa mga mithiin ng mga idealista. Ang mga mithiin ng mga realista ay siguradong madaling tukuyin. Sa isang banda, ang mga mithiin ng mga idealista ay hindi gaanong kongkreto at medyo malayo sa totoong buhay. Malayo rin ang mga ito sa mga praktikal na bagay na may kinalaman sa pananatiling buhay ng tao, gaya ng pang-araw-araw na pangangailangan. Ang mga mithiing ito ay may mga kongkretong konsepto pero walang tiyak na patutunguhan. Maaari mong sabihin na ang mga mithiin at hangaring ito ay mga pantasya, medyo walang kabuluhan at hindi konektado sa kalikasan ng tao. Ang ilan ay maituturing na haka-haka, at ang ilan ay mga mithiin at hangarin na nagmumula sa isang hindi matatag na personalidad. Ano ang mga mithiin ng mga idealista? Ang idealismo ay madaling unawain. Isa itong pangangarap nang gising, isang pantasya, na walang kaugnayan sa mga praktikal na bagay ng pang-araw-araw na pangangailangan sa totoong buhay. Halimbawa, ang pagiging makata, isang imortal na makata, naglalakbay sa daigdig; o kaya’y pagiging isang eskrimador, isang naglalakbay na kabalyero, na naglalakbay rin sa daigdig, nananatiling walang asawa at walang anak, malaya sa gusot ng mga walang kabuluhang bagay sa buhay, malaya sa alalahanin ng pang-araw-araw na pangangailangan, namumuhay nang maginhawa at maalwan, nagpapatangay kahit saan, laging inaasam na maging imortal at matakasan ang totoong buhay. Ito ba ang mithiin ng isang idealista? (Oo.) Mayroon ba sa inyo ang may mga gayong kaisipan? (Wala.) Paano naman ang mga sikat na makata sa nakaraan ng Tsina, na naglalasing at sumusulat ng tula? Sila ba ay mga idealista o mga realista? (Mga idealista.) Ang mga ideyang isinusulong nila ay ang mga pantasya at pangangarap nang gising ng mga idealista. Palagi silang nagpapatangay kahit saan, at nagsasalita ng mga malabo at hindi tiyak na termino, iniisip kung gaano kaganda ang mundo, kung gaano kapayapa ang sangkatauhan, kung paanong pwedeng umiral ang mga tao nang magkakasama at nagkakaisa. Inilalayo nila ang kanilang sarili sa konsensiya, katwiran, at mga pangangailangan sa buhay ng normal na pagkatao. Hinihiwalay nila ang kanilang sarili mula sa mga isyung ito ng totoong buhay at nag-iisip ng isang perpektong lugar o kathang-isip na kaharian na ganap na hiwalay sa realidad. Nakikinita nila ang kanilang sarili bilang mga nilalang sa loob ng kahariang iyon, naninirahan sa lugar na iyon. Hindi ba’t ito ang mithiin ng isang idealista? May isang tula mula sa nakaraan, at ang isa sa mga linya ay nagsasabing “Gusto kong sumuong sa hangin at lumipad pauwi.” Ano ang pamagat ng tulang iyon? (“Himig ng Tubig.”) Basahin ang mga linya ng tulang iyon. (“Gusto kong sumuong sa hangin at lumipad pauwi. Natatakot ako na sobrang malamig sa langit, na sobrang mataas ang palasyong yari sa jade. Sumasayaw sa aking anino, hindi ko na nararamdaman ang pakikibaka.”) Ano ang ibig niyang sabihin sa, “Sumasayaw sa aking anino, hindi ko na nararamdaman ang pakikibaka”? Ipinababatid ba ng dalawang linyang ito ang mga napipigilan at naghinanakit na emosyon ng isang idealista na may mga mithiing hindi makamit o maisakatuparan? Ipinahayag ba ang mga bagay na ito dahil sa napipigilang emosyong ito? Ano ang pokus nito? Aling pangungusap ang nagpapahiwatig ng kapaligiran at sirkumstansiyang kinalalagyan niya noong panahong iyon? Ito ba ang “Natatakot ako na sobrang malamig sa langit”? (Oo.) Inilalantad niya ang kadiliman at kasamaan ng pagiging opisyal, na isa itong tiwaling lugar na kabibilangan. Nais niyang maging katulad ng isang imortal, upang makatakas sa gayong kapaligiran at sitwasyon. Hindi ba’t sapat na kung magbibitiw na lang siya sa pagiging opisyal? Hindi kaya’t gusto niyang baguhin ang kapaligirang ito? Hindi siya nasisiyahan sa gayong kapaligiran, nararamdamang hindi ito tumutugma sa kapaligiran ng ideyal na buhay na naisip niya, at nararamdaman niya sa kaloob-looban niya na napipigilan siya. Ito ay isang uri ng mithiin na mayroon ang isang idealista. Ang mga mithiin ng mga idealista ay kadalasang pawang mga pantasya, hindi makatotohanan at haka-haka lang ang mga ito, hindi konektado sa totoong buhay. Para bang nakatira sila sa ibang mundo na labas sa materyal na mundo, sa isang nagsasarili at indibidwal na espasyo, nagpapakasasa sa mga pantasya at hiwalay sa realidad. Tulad lamang ng ilang taong namumuhay sa modernong lipunan, gusto nila palaging magsuot ng sinaunang damit, mag-istilo ng buhok sa mga sinaunang pamamaraan, at magsalita sa sinaunang wika. Iniisip nila, “Ah, napakaganda ng ganoong uri ng buhay! Katulad lamang ng isang imortal, nagpapatangay sa agos at naglalakbay, malaya sa mga problema ng pisikal na katawan, malaya sa iba’t ibang hirap ng totoong buhay. Sa ganoong uri ng kapaligiran ng pamumuhay, walang pang-aapi, walang pananamantala, walang mga pag-aalala. Ang mga tao ay pantay-pantay, nagtutulungan at namumuhay nang nagkakaisa. Napakaganda at kanais-nais ng mga gayong ideyal na kondisyon ng pamumuhay!” Sa mga walang pananampalataya, may ilang naghahangad ng mga bagay na ito. Ang ilang tao ay umaawit ng mga parehong kanta o nagsusulat ng mga parehong tula o may mga parehong pagganap. Dahil dito, mas lalong nananabik ang mga tao sa ibang mundong iyon na pinapangarap ng mga idealista. At kapag kinakanta ng mga tao ang mga awit na ito o ipinapalabas ang mga pagganap na ito, habang mas kumakanta sila, mas nagiging mapanglaw ang lagay ng loob nila, mas lalo silang nananabik at kumakapit sa ideyal na mundong iyon. Ano ang mangyayari sa huli? Ang ilang tao, pagkatapos kumanta nang matagal, ay nararamdaman na hindi nila matatakasan ang kanilang mga alalahanin. Gaano man sila kumanta, hindi pa rin nila maramdaman ang sigla ng mundo ng mga tao. Gaano man sila kumanta, nararamdaman pa rin nila na mas maganda ang kathang-isip na mundo ng kanilang idealismo. Nagiging dismayado sila sa mundo, ayaw na nilang manirahan sa mundong ito ng tao, at sa huli ay matatag silang nagpapasya na pumunta sa ideyal na mundong iyon sa sarili nilang paraan. Ang ilan ay lumulunok ng lason, ang ilan ay tumatalon sa mga gusali, ang ilan ay sinasakal ang kanilang sarili gamit ang kanilang leggings, at ang ilan ay nagiging monghe at naghahangad ng espirituwal na pagsasagawa. Sinasabi nilang naarok na nila ang ilusyon ng mga makamundong pagkagiliw. Sa katunayan, hindi na kailangang gumamit ng gayong matitinding hakbang at pamamaraan para lutasin ang kanilang pagkadismaya sa mundo. Maraming paraan upang matugunan ang mga naturang problema at paghihirap, ngunit dahil bigo silang mabatid ang diwa sa likod ng mga isyung ito, sa huli ay pinipili nila ang mga labis-labis na pamamaraan para tugunan ang mga paghihirap na ito at makatakas mula sa mga ito, upang makamit ang layon ng pagsasakatuparan ng kanilang mga mithiin. Kumakatawan ito sa mga idealistang naninirahan kasama ang mga walang pananampalataya at ang kanilang mga problema.
Sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, mayroon bang mga taong may mga parehong mithiin? Tiyak na mayroon, hindi pa lang ninyo sila natutuklasan, kaya’t sasabihin Ko sa iyo ang tungkol sa kanila. May mga indibidwal na habang nasa sekular na mundo ay nananabik sa isang ideyal na lipunan ng kapayapaan, pagkakaisa, katahimikan, at pagkakapantay-pantay para sa lahat, gaya ng mga idealista na kasama ang mga walang pananampalataya. Ang ideyal na lipunang ito ay katulad ng mga paraiso na inilalarawan ng ilang makata o may-akda, bagamat siyempre, mas madalas na katulad ito ng ilang espasyo, paraan ng pamumuhay, o mga kapaligiran sa pamumuhay na umiiral sa loob ng ideyal na mundo ng mga tao. Hindi namamalayan ng mga taong ito, na inuudyukan ng gayong mga pangangailangan at mithiin, na naghahanap sila ng kanilang sariling pananampalataya upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin. Habang naghahanap, natutuklasan nila na ang pananalig sa Diyos ay isang mabuting landas at isang magandang desisyon sa pananampalataya. Dala-dala ang kanilang mga mithiin, pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos, umaasang maranasan ang pagmamalasakit, pangangalaga, at ang pagpapahalaga at pag-aaruga ng mga tao, at siyempre, mas umaasa silang madama ang dakilang pagmamahal at proteksiyon ng Diyos. Pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos dala ang kanilang mga mithiin, at ginagawa man nila ang kanilang mga tungkulin o hindi, anumang mangyari, hindi nagbabago ang kanilang mga mithiin—palagi nilang dinadala at pinanghahawakan ang mga mithiin nila. Mula sa simula hanggang sa wakas, maaaring ilarawan ang kanilang mga mithiin sa pamamagitan ng mga sumusunod: Sa pagpasok sa sambahayan ng Diyos, umaasa sila na isa itong lugar kung saan makararamdam sila ng pagmamalasakit, kung saan maaari silang magtamasa ng malasakit, kaligayahan, at maayos na kalagayan. Umaasa sila na isa itong lugar na walang anumang alitan, paghihinala, o diskriminasyon sa pagitan ng mga tao, isang lugar kung saan walang pang-aapi, panlilinlang, pamiminsala, o pagbubukod na nangyayari sa mga tao. Ito ang mga karaniwang mithiin na makikita sa isipan ng mga gayong idealista. Ibig sabihin, nakikinita nila ang isang lugar kung saan tinatrato ng mga tao ang isa’t isa na parang mga makina, walang kabuhay-buhay at anumang iniisip, nakangiti, tumatango, at yumuyuko nang wala sa loob kapag nagkakasalubong sila para ipakita ang pagiging palakaibigan, para ipakita na walang alitan. Sa ideyal na lugar na ito, may dakilang pagmamahalan sa pagitan ng mga tao, at kaya nilang alalahanin, pahalagahan, alagaan, tulungan, unawain, at suportahan ang isa’t isa, at ipagtanggol at pagtakpan pa nga ang isa’t isa. Ang lahat ng ito ay ilan sa mga bagay na hinahangad at pinapangarap ng mga idealista. Halimbawa, kapag pumasok ang mga idealista sa sambahayan ng Diyos, minimithi nila at umaasa sila na ang matatandang tao ay marerespeto, mapahahalagahan, maaalagaan, at mabibigyan ng masusing atensiyon at pangangalaga ng mga nakababata. Bukod sa respeto, umaasa rin silang tatawagin ng mga tao ang isa’t isa ng may paggalang, tatawagin ang mga brother bilang “Matandang Tiyo,” “si Tiyo ganito,” o “si Tiyo ganyan,” at ang kanilang mga sister bilang “si Lola ganito,” “si Tiya ganyan,” o “si Sister ganito”—sa pangkalahatan, ang bawat isa ay may kanya-kanyang katawagan. Inaasahan nilang magiging mas magiliw, na mas magkakasundo, at magiging magalang sa isa’t isa ang mga tao sa panlabas, at na walang sinuman ang magkakaroon ng anumang masamang hangarin o anumang masamang bagay sa panlabas o sa kaibuturan ng kanyang puso. Umaasa sila na kung magkamali o makatagpo ng mga paghihirap ang sinuman, lahat ay kayang mag-abot ng tulong para sa taong ito, at higit pa rito, tustusan din ito ng puspusang pangangalaga at pagpaparaya. Lalo na pagdating sa mahihina, at sa mga taong medyo inosente na madaling naaapi o napagmamalupitan ng iba sa mundo—mas lalo silang umaasa na kapag ang mga ganitong tao ay pumasok sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, makakatanggap ang mga ito ng masusing pangangalaga, atensiyon, at espesyal na pagtrato. Gaya ng sinasabi ng mga idealistang ito, nang dumating sila sa sambahayan ng Diyos, hinangad nila na maging masaya at maayos ang lahat, at umasa sila na sapagkat nananampalataya silang lahat sa Diyos, sama-sama silang magiging isang malaking pamilya at sila ay magiging magkakapatid. Iniisip nila na dapat walang pang-aapi, walang pagpaparusa, walang pinsalang ginagawa. Naniniwala sila na kung magkakaroon ng problema, hindi dapat magkaroon ng mga pagtatalo o galit sa mga tao, at sa halip, dapat tratuhin ng lahat ang isa’t isa nang mahinahon, at nang may mahabang pasensya at may pagkamatulungin, na dapat nilang palaging gawing komportable ang iba, at na dapat lamang ipakita ng bawat tao ang kanilang pinakamaganda at pinakamabait na katangian sa iba, habang itinatago ang kanilang masasamang katangian. Naniniwala sila na dapat tratuhin ng mga tao ang isa’t isa tulad ng mga makina, na hindi sila dapat magkaroon ng anumang negatibong pananaw o opinyon sa ibang tao, at lalong hindi sila dapat gumawa ng anumang negatibo sa isa’t isa; iniisip nila na dapat mayroong mabubuting layunin sa iba ang mga tao, at naging malinaw ito sa kasabihang, “Payapa ang buhay ng mabubuti.” Iniisip nila na ito lamang ang tunay na sambahayan ng Diyos at ang tunay na iglesia. Gayunpaman, ang mga mithiin ng mga idealistang ito ay hindi pa naisasakatuparan. Sa kanilang lugar, nakatuon ang sambahayan ng Diyos sa mga prinsipyo, na nagbibigay-diin sa pagtutulungan at pagsuporta ng mga tao sa isa’t isa, at hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa lahat na tratuhin ang lahat ng uri ng tao batay sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga salita ng Diyos. Isinulong pa nga ng sambahayan ng Diyos ang ilang hinihingi na “walang konsiderasyon” sa mga tao, tulad ng pagtutukoy sa iba’t ibang uri ng tao, at pagtrato sa kanila sa iba’t ibang paraan. Hinihingi rin ng sambahayan ng Diyos na manindigan ang mga tao upang ilantad at pungusan ang sinumang nakikita nilang pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, lumalabag sa mga pagsasaayos ng gawain, o sumasalungat sa mga prinsipyo, nang sa gayon ay mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi nito pinahihintulutan ang mga tao na ipagtanggol o pagtakpan ang sinuman batay sa mga damdamin. Siyempre, nagtatag din ang sambahayan ng Diyos ng iba’t ibang antas ng pamumuno. Sa isang aspekto, hinihingi ng sambahayan ng Diyos na pangasiwaan ng mga lider sa lahat ng antas ang pang-araw-araw na gawain ng iglesia. Sa isa pang aspekto, hinihingi nito sa kanila na mahigpit na pangasiwaan, pamahalaan, at subaybayan ang iba’t ibang gawain, habang nananatiling may kaalaman, pagkaunawa, at pagbibigay-pansin sa mga kalagayan at buhay-iglesia ng iba’t ibang uri ng indibidwal sa lahat ng oras, inoobserbahan ang mga saloobin at kaugalian nila habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at gumagawa ng mga makatwiran at mga naaangkop na pag-aayos kapag kinakailangan. Siyempre, hinihingi rin ng sambahayan ng Diyos sa mga lider at manggagawa na mahigpit na pungusan ang sinumang indibidwal na natutuklasan nilang sumasalungat sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos o lumalabag sa mga prinsipyo at nakagagambala at nakagugulo sa gawain ng iglesia, naglalabas ng mga babala para sa maliliit na paglabag, at angkop na pinangangasiwaan ang mas malulubhang kaso. Sa kontekstong ito, ang ilang tao ay inalis na, itiniwalag, at tinanggal na sila sa listahan. Mangyari pa, kapag pumasok sa sambahayan ng Diyos ang mga tao upang gawin ang iba’t ibang tungkulin at makilahok sa iba’t ibang gawain, marami sa kanila ang nakakarinig, nakakakita, o nakakaranas ng pagkastigo at paghatol na nagmumula sa mga salita ng Diyos; bukod pa rito, nararanasan nila ang mapungusan ng mga lider mula sa iba’t ibang ranggo. Ang iba’t ibang kapaligiran at usaping ito na nakakaharap ng mga tao sa sambahayan ng Diyos ay ganap na naiiba sa ideyal na sambahayan ng Diyos at iglesiang nakikinita ng mga idealista, hanggang sa puntong sobra-sobrang wala ito sa kanilang mga inaasahan, at dahil dito, nakakaramdam sila ng pressure sa kailaliman ng puso nila. Sa isang aspekto, para sa kanila ay hindi kapani-paniwala ang iba’t ibang pangyayaring lumilitaw sa iglesia, o ang mga pamamaraan at prinsipyo ng iglesia sa pangangasiwa ng mga problema. Sa isa pang aspekto, umuusbong sa kaibuturan ng kanilang puso ang mga emosyon na napipigilan sila dahil sa kanilang mga mithiin at nakalilinlang na pagkaunawa tungkol sa mga positibong bagay, sa iglesia, at sa sambahayan ng Diyos. Matapos umusbong ang mga emosyon na napipigilan sila, dahil nabibigo silang maitama kaagad ang kanilang mga maling kaisipan at pananaw, o maunawaan at malinaw na makilala ang mga problema sa kanilang mga mithiin, maraming kuru-kuro ang nagsisimulang umusbong sa loob nila. Dagdag pa rito, dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan o nagagamit ang katotohanan para malutas ang mga kuru-kurong ito, nagsisimulang mag-ugat ang mga ito sa kailaliman ng kanilang isipan o sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, na nagiging sanhi na patuloy na lumakas at lumala ang kanilang mga emosyon na napipigilan sila. Sa katunayan, ang Diyos, ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, ang mga mananampalataya, at ang mga Kristiyano ay lahat hindi tugma sa napakagandang paraiso, langit, o perpektong lugar na kinatha sa isip ng mga idealistang ito bilang kanilang mga mithiin. Bilang resulta, ang pagpipigil na nasa kaibuturan ng kanilang puso ay patuloy na naiipon, at hindi sila makalaya mula rito. May mga tao bang ganito sa iglesia? (Mayroon.)
Sinasabi ng ilang tao, “O, bakit palaging tinatalakay ng sambahayan ng Diyos ang tungkol sa pagtanggap ng paghatol at pagkastigo? Paanong nahaharap pa rin ang mga mananampalataya sa Diyos sa pagpupungos? O, bakit nagtitiwalag ng mga tao ang sambahayan ng Diyos? Talagang walang pagmamahal dito! Bakit nangyayari ang mga gayong bagay sa ‘langit sa lupa’? Paanong may mga anticristo sa iglesia? Paanong nagkakaroon ng mga pangyayari kung saan sinusupil at pinarurusahan ng mga anticristo ang iba? Sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos, bakit inilalantad at hinihimay ng mga tao ang isa’t isa? Bakit nagkakaroon ng mga pagtatalo? Bakit nagkakaroon ng inggitan at labanan? Ano ang nangyayari? Sapagkat pumasok tayo sa sambahayan ng Diyos, dapat mayroong pagmamahal sa pagitan natin, at dapat magawa nating tumulong sa isa’t isa. Bakit nangyayari pa rin ang mga bagay na ito?” Maraming tao ba ang may mga ganitong ideya? Tinitingnan ng maraming tao ang sambahayan ng Diyos mula sa lente ng kanilang mga imahinasyon. Ngayon, sabihin mo sa Akin, obhetibo ba ang mga imahinasyon at interpretasyong ito? (Hindi, hindi obhetibo ang mga ito.) Bakit hindi obhetibo ang mga ito? (Lubos na tiwali ang sangkatauhan, at ang lahat ng inililigtas ng Diyos ay may mga tiwaling disposisyon, kaya’t hindi maiiwasang magpapakita sila ng katiwalian sa kanilang mga pakikipag-ugnayan sa iba. Magkakaroon ng inggitan at tunggalian, at magkakaroon ng mga insidente ng pang-aapi at panunupil. Mangyayari at mangyayari ang mga bagay na ito. Ang ganitong mga bagay na inaakala ng mga idealista ay hindi umiiral. Higit pa rito, upang mapangalagaan ang buhay-iglesia at ang gawain, pupungusan ng iglesia ang mga tao batay sa mga katotohanang prinsipyo, o isasaayos at papalitan ang mga tao, o aalisin at ititiwalag ang masasamang tao at ang mga hindi mananampalataya—ito ay alinsunod sa mga prinsipyo. Iyon ay dahil kapag ang mga tao ay kumikilos ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon, ginagambala at ginugulo nila ang gawain ng iglesia. Magiging hindi makatotohanan kung hindi gagawa ang iglesia ng mga hakbang tulad ng pagpupungos, pagpapalit, o pag-aalis ng mga gayong tao.) Hindi ito makatotohanan, kung kaya’t ang mga ideya ng mga taong ito ay ang mga mithiin ng mga idealista. Walang makatotohanan sa mga ito, ang mga ito ay pawang walang kabuluhan at imahinasyon lang, tama ba? Kahit ngayon, hindi pa rin nauunawaan ng mga gayong tao kung bakit dapat silang manampalataya sa Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Mabuti ang manampalataya sa Diyos. Ang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugan ng paggawa ng mabubuting bagay at pagiging isang mabuting tao.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi ito tama.) “Ang mga mananampalataya sa Diyos ay dapat magkaroon ng mabubuting layunin sa puso nila.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi ito tama.) Ang pagkakaroon ng mabubuting layunin sa puso ng isang tao—anong uri ng pahayag ito? Maaari ka bang magkaroon ng mabubuting layunin dahil lang sa gusto mo ito? Mayroon ka bang mabubuting layunin? Ang pagkakaroon ba ng mabubuting layunin sa puso ng isang tao ay isang prinsipyo ng pag-asal ng tao? Isa lamang itong sawikain, isang doktrina. Ito ay walang kabuluhan. Kapag hindi sangkot ang iyong sariling mga interes, nasasabi mo ito nang maayos, iniisip na, “Mayroon akong mabubuting layunin sa puso ko, hindi ako nang-aapi, nananakit, nanloloko, o nananamantala ng iba.” Ngunit kapag nasasangkot ang sarili mong mga interes, katayuan, at pagpapahalaga sa sarili, mapipigilan ka ba ng pahayag na “pagkakaroon ng mabubuting layunin sa puso ng isang tao”? Malulutas ba nito ang iyong tiwaling disposisyon? (Hindi.) Samakatuwid, ang pahayag na ito ay walang kabuluhan; hindi ito ang katotohanan. Nagagawang ilantad ng katotohanan ang diwa ng iyong tiwaling disposisyon, nailalantad at nasusuri nito ang diwa at tunay na kalikasan ng uri ng mga bagay na ginagawa mo, at tinutukoy at kinokondena ng katotohanan ang diwa nitong mga bagay na ginagawa mo at ang disposisyong ipinapakita mo. Pagkatapos ay binibigyan ka nito ng naaangkop na landas at mga prinsipyo upang baguhin ang iyong paraan ng pamumuhay at ang paraan ng iyong pag-asal at pagkilos. Sa ganitong paraan, kung kayang tanggapin ng mga tao ang katotohanan at baguhin ang kanilang paraan ng pamumuhay, kung gayon, malulutas ang kanilang mga tiwaling disposisyon; hindi ang paghimok sa mga tao na magkaroon ng magagandang layunin sa puso nila ang makakagawa nito, tanging ang katotohanan ang makakagawa nito. Nilulutas ng katotohanan ang mga tiwaling disposisyon ng isang tao hindi sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sawikain, doktrina, o regulasyon at tuntunin, kundi sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga prinsipyo, pamantayan, at direksiyon kung paano umasal. Ginagamit nito ang mga prinsipyo, pamantayan, at direksiyong ito para halinhinan at palitan ang tiwaling disposisyon ng mga tao. Kapag nagbago at naitama ang mga prinsipyo, pamantayan, at direksyon ng mga tao sa kung paano sila umasal, natural din na magbabago ang lahat ng iba’t ibang baluktot na ideya at kaisipan nila. Kapag nauunawaan at nakakamit ng isang tao ang katotohanan, nagbabago din ang kanyang mga kaisipan. Hindi ito isang usapin ng pagkakaroon ng mabubuting layunin sa puso ng isang tao, kundi ng pagbabago sa pinagmumulan ng kanyang mga kaisipan, sa kanyang disposisyon, at sa kanyang diwa. Nagiging positibo ang ipinapakita at isinasabuhay ng gayong tao. Ang direksyon, pamamaraan, at pinagmumulan ng kung paano siya umasal ay lahat sumasailalim sa pagbabago. Ang kanyang pananalita at mga kilos ay may mga salita ng Diyos bilang kanyang batayan at pamantayan, at kaya niyang isabuhay ang normal na pagkatao. Kaya, kinakailangan pa rin bang sabihin sa kanya na “magkaroon ng mabubuting layunin sa kanyang puso”? Kapaki-pakinabang ba ito? Walang kabuluhan ang pahayag na iyon; hindi nito malulutas ang anumang problema. Matapos pumasok ng mga idealista sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, hindi pa rin naisasakatuparan ang kanilang mga mithiin, at dama nila sa puso nila na napipigilan sila dahil dito. Katulad ito ng kung paanong pumapasok ang ilang idealista sa kaloob-looban ng gobyerno o lipunan, at pagkatapos ay malalaman nila na hindi maisasakatuparan o matutupad ang kanilang mga mithiin. Bilang resulta, madalas silang nasisiraan ng loob. Matapos maging opisyal o emperador ang ilang mga tao, lubos silang nasisiyahan sa kanilang sarili at nagiging masyadong mayabang, tulad ng linya sa isang tula na nagsasabing, “Umihip ang malakas na hangin, nagkalat ang mga ulap.” Ano ang sunod na linya? (“Ngayong naghahari ang aking kapangyarihan sa lahat ng karagatan, magbabalik ako sa aking lupang tinubuan.”) Kita mo, kakaiba pakinggan ang kanilang mga salita. Nagtataglay ang mga ito ng isang uri ng emosyon na mahirap maintindihan ng mga taong may normal na pagkatao at katwiran. Palaging mapagmataas ang tono ng mga idealistang ito kapag nagsasalita. Ano ang ibig sabihin ng magsalita sa mapagmataas na tono? Nangangahulugan ito na hindi nila kailanman nahaharap ang realidad o nalulutas ang mga totoong problema sa anumang ginagawa nila. Hindi nila nauunawaan kung ano ang realidad, palagi silang naiimpluwensyahan ng mga emosyon. Kapag pumapasok ang mga taong ito sa sambahayan ng Diyos, gaano man karami ang katotohanang narinig nila, hindi nila nauunawaan ang ibig sabihin ng manampalataya sa Diyos o ang kabuluhan ng pananampalataya sa Diyos. Hindi nila nauunawaan ang halaga ng katotohanan, lalo na ang halaga ng paghahangad dito. Ang lagi nilang hinahangad ay ang mga mithiin ng mga idealista. Pangarap nila na ang sambahayan ng Diyos ay maging katulad ng kanilang inilalarawan sa kanilang isipan balang araw, kung saan tinatrato ng mga tao ang isa’t isa nang may respeto, magkasamang namumuhay nang matiwasay, nagkakasundo-sundo, at pinahahalagahan, inaalagaan, itinatangi, tinutulungan, at pinasasalamatan ang isa’t isa. Kung saan ang mga tao ay nagsasabi ng magagandang bagay at mga salita ng pagpapala sa isa’t isa, nang walang anumang hindi kasiya-siya o masasakit na salita, o mga salita na naglalantad sa tiwaling diwa ng mga tao, o anumang mga pagtatalo, o mga taong naglalantad at nagpupungos sa isa’t isa. Gaano man karaming katotohanan ang naririnig nila, hindi pa rin nauunawaan ng mga taong ito ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos, o kung ano ang mga hinihingi ng Diyos, at kung anong uri ng tao ang nais ng Diyos. Bukod sa hindi nila nauunawaan ang mga bagay na ito, higit pa silang umaasa na balang araw ay matatamasa nila ang idealistikong pagtrato na ninanais nila sa sambahayan ng Diyos. Kung hindi sila makatatanggap ng gayong pagtrato, pakiramdam nila ay walang lugar sa sambahayan ng Diyos kung saan maaaring maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, o anumang pagkakataon na maisakatuparan ang mga ito. Samakatuwid, madalas naiisip ng ilang tao na sumuko habang nakararamdam na napipigilan, sinasabing, “Ang pananampalataya sa Diyos ay nakababagot at walang kabuluhan. Ang mga mananampalataya sa Diyos ay hindi tumutulong, nagpapahalaga, at gumagalang sa isa’t isa, hindi tulad ng mga nananampalataya sa Budismo. At ang mga mananampalataya sa Diyos ay palaging nagtatalakay tungkol sa katotohanan at sa mga prinsipyo, madalas nilang pinag-uusapan ang tungkol sa pagkilatis sa mga interpersonal na ugnayan, nariyan ang paminsan-minsang paglalantad at pagpuna, at madalas pa nga silang nahaharap sa pagpupungos. Hindi ito ang uri ng buhay na gusto ko.” Kung wala sa kanila ang kanilang mga mithiin at ang katiting na pag-asa na makakapasok sila sa langit, kayang iwan ng mga idealistang tulad nito ang iglesia sa anumang oras at maghanap ng ibang landas. Kaya, sabihin mo sa Akin, ang mga taong ito ba ay sa sambahayan ng Diyos? Angkop ba silang manatili sa sambahayan ng Diyos? (Hindi.) Sa tingin ninyo, saan sila dapat pumunta? (Naaangkop silang makibahagi sa monastikong pamumuhay.) Maaari silang pumunta sa mga templo ng Budismo o Taoismo, alinman sa mga ito ay ayos lang. Hindi sila nakakaramdam ng pagpipigil sa sekular na mundo subalit nakakaramdam sila ng partikular na pagpipigil sa sambahayan ng Diyos, pakiramdam nila ay wala silang pagkakataong maisakatuparan ang kanilang mga mithiin o wala silang puwang para magamit ang mga ito. Samakatuwid, ang mga taong ito ay angkop na angkop sa mga lugar na nababalutan ng usok at may patuloy na pagsusunog ng insenso. Ang mga lugar na iyon ay tahimik, at hindi itinuturo ng mga ito sa iyo kung paano dapat umasal. Hindi inilalantad ng mga ito ang iyong iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw, at hindi pinupungusan ng mga ito ang iyong tiwaling disposisyon. May distansya at respeto sa pagitan ng mga tao roon. Ang mga tao ay hindi gaanong nag-uusap, at walang anumang pagtatalo roon. Walang sinumang nangangasiwa o kumokontrol sa iyo. Makapamumuhay ka roon nang nagsasarili, halos hindi ka makatatagpo ng mga estranghero sa buong taon. Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa mga pang-araw-araw na usapin. Kung may kailangan ka para sa iyong pampisikal na panustos, maaari kang kumuha ng maliit na mangkok o isang panlimos na mangkok at humingi ng limos mula sa pangkalahatang populasyon, at makakuha ng makakain, nang hindi na nangangailangang kumita ng pera. Sa mga lugar na iyon, lahat ng makamundong problema ay nawawala. Napakabait ng pagtrato ng mga tao sa isa’t isa, at walang nakikipagtalo sa iba. Kung mayroong anumang hindi pagkakasundo, nananatili ang mga ito sa puso ng mga tao. Ang mga araw ay ginugugol nang mapayapa at maginhawa. Ito ang kilala bilang lupain ng sukdulang kaligayahan, ito ang lugar ng mga mithiin ng idealista, at ang lugar kung saan naisasakatuparan ng mga idealista ang kanilang mga mithiin. Ang mga taong ito ay dapat manirahan sa lugar ng kanilang imahinasyon, hindi sa iglesia. Para sa mga taong katulad nila, napakaraming bagay na dapat gawin sa iglesia. Araw-araw silang dapat magbasa ng mga salita ng Diyos, dumalo sa mga pagtitipon, matuto ng bawat prinsipyo, at magbahagi tungkol sa katotohanan at sa pagkaunawa sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon sa lahat ng oras; ang ilang tao, na kumikilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon at lumalabag sa mga prinsipyo, ay nahaharap sa pagpupungos, at ilang tao pa nga ang madalas na nahaharap dito. Ang mga taong ito ay nakakaramdam na talagang napipigilan sila at hindi sila masaya rito. Ang iglesia ay hindi ang kanilang minimithi na kapaligiran. Naniniwala sila na sa halip na ubusin ang kanilang oras o sayangin ang kanilang kabataan sa lugar na ito, mas mabuti pang manirahan agad sa isang lugar na gusto nila. Iniisip nila na hindi na kailangang ubusin ang kanilang oras dito, palaging nararamdamang napipigilan sila at namumuhay nang hindi komportable, walang kagalakan, at malungkot. Ito ang tanging tipikal na pagpapamalas ng mga mithiin ng mga idealista na ating tinalakay. Walang gaanong masasabi tungkol sa mga taong ito. Gaano man karaming katotohanan ang ibahagi mo sa kanila, hindi nila ito pakikinggan. Buong araw silang nagpapalayaw sa mga pantasya, at ang mga bagay na iniisip nila ay pawang hindi makatotohanan at malabo, at talagang napakalayo sa normal na pagkatao. Buong araw nilang iniisip ang mga bagay na ito at hindi nila kayang makipag-usap sa mga normal na tao. Hindi rin maintindihan ng mga normal na tao ang mga bagay na bumubuo ng kanilang mundo. Samakatuwid, anumang uri ng kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan ng mga taong ito, ang kanilang mga mithiin ay hungkag. Dahil hungkag ang kanilang mga mithiin, natural na hungkag din ang kanilang mga kaisipan at pananaw. Hindi karapat-dapat na lubusang suriin at tuklasin ang mga ito. Dahil hungkag ang mga ito, hayaan na lang na magpatuloy na hungkag ang mga ito. Ang mga taong ito ay maaaring magpunta saanman nila gusto, at hindi makikialam ang sambahayan ng Diyos. Kung handa silang manatili sa sambahayan ng Diyos at gawin ang kaunti sa kanilang mga tungkulin o magtrabaho, hangga’t hindi sila nanggugulo o gumagawa ng kasamaan, tutugunan natin ang kanilang mga pangangailangan at bibigyan natin sila ng pagkakataong magsisi. Sa madaling sabi, hangga’t nananatili silang mabait sa mga kapatid, sa sambahayan ng Diyos, at sa iglesia, hindi na natin kailangang pangasiwaan ang ganitong uri ng tao, maliban kung sila mismo ang nagpahayag ng pagnanais na umalis. Kung ganoon nga ang mangyayari, tanggapin na lang natin ito nang bukal sa ating kalooban, ayos ba iyon? (Sige.) Kung gayon, naayos na natin ang usapin.
Ang mga mithiin ng mga idealista ay may tendensiyang maging hungkag, habang ang sa mga realista ay mas praktikal at mahigpit na nakaayon sa buhay ng mga tao at sa mga aktuwal na kapaligiran. Siyempre, mas kongkretong nauugnay din ang mga ito sa mga katanungan tungkol sa buhay at pag-iral ng tao, kabilang ang mga katanungan ng paninirahan at pagsisimula ng buhay ng isang tao. Ang paninirahan at pagsisimula ng buhay ng isang tao ay kinabibilangan ng mga kasanayan, abilidad, at talentong nakukuha ng mga tao, ang iba’t ibang uri ng edukasyon na kanilang natatanggap, at ang kanilang mga kaloob, kakayahan, at kadalubhasaan. Ang mga mithiin ng mga realista ay sumasaklaw sa mga aspektong ito. Sa mundo ng mga mithiin ng mga realista, ang layon man ay mapabuti ang kanilang mga kalagayan sa pamumuhay o matugunan ang kanilang sariling espirituwal na mundo, ang mga mithiing ito ay kongkretong naipapamalas sa totoong buhay ng mga tao. Halimbawa, ang ilang tao ay nagtataglay ng mga abilidad sa pamumuno at nasisiyahan sa pagiging sentro ng atensiyon. Maaaring mahusay sila sa pampublikong pagsasalita o verbal na pakikipag-usap, o maaaring mayroon silang matalas na pag-unawa sa mga tao at kahusayan sa paggamit ng mga tao, na mas angkop na ilarawan bilang pag-uutos sa mga tao. Bunga nito, ang ganitong mga tao ay talagang mahilig humawak ng katungkulan, umako ng mga tungkulin sa pamumuno, o magtrabaho sa human resources. Sa sandaling malaman nila ang kanilang kakayahan sa mga aspektong ito, inaasam nilang maging lider o organizer sa mga tao, nangangasiwa sa mga gampanin at tauhan o namumuno pa nga sa isang partikular na gampanin. Ang pangunahin nilang mithiin ay ang maging lider. Siyempre, ganito sila kumilos sa lipunan. Kapag pumasok sila sa sambahayan ng Diyos, nakikita nila ito bilang isang relihiyosong organisasyon, isang katangi-tanging organisasyon. Matapos sumapi sa iglesia, hindi pa rin nagbabago ang kanilang mga mithiin. Ang kanilang mga mithiin ay hindi naaapektuhan ng mga pagbabago sa kapaligiran o sa sirkumstansiya ng kanilang buhay. Dala nila sa sambahayan ng Diyos ang parehong mithiin ng pamumuno. Ang kanilang hangarin ay ang humawak ng mga posisyon sa pamumuno sa sambahayan ng Diyos, tulad ng pamumuno sa isang iglesia, pagiging responsable sa isang partikular na antas, o pamumuno sa isang grupo. Ito ang kanilang mithiin. Gayunpaman, dahil ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay may mga prinsipyo at regulasyon sa pagpili ng mga lider o manggagawa, at hindi natutugunan ng mga taong ito ang mga kuwalipikasyong kinakailangan, kahit na paminsan-minsan silang lumahok sa proseso ng pagpili ng pinuno para sa isang partikular na antas, sa huli ay hindi nila nakakamit ang kanilang mithiin at hindi sila nagiging lider na gaya ng inaasam nila. Habang mas hindi nila natatamo ang pagiging pinuno o nagagawa ang kanilang inaasam na trabaho, mas lalong napupukaw ang mga mithiin sa loob nila, na nagpapatindi sa kanilang pananabik na mamuno. Dahil dito, nagsusumikap sila nang husto sa iba’t ibang layon, kasama man ang kanilang mga kapatid o sa harap ng mga mas nakatataas na lider, upang magpakitang-gilas, magmukha silang namumukod-tangi at pambihira, at tiyaking nakikilala ang kanilang mga talento. Maaari pa nga nilang ikompromiso ang kanilang sariling konsensiya upang matugunan ang mga kagustuhan ng kanilang mga kapatid, gumagawa at nagsasabi ng ilang bagay at sadyang nagpapamalas ng mga partikular na pag-uugali upang umayon sa mga hinihingi sa pamumuno na itinakda ng mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, sa kabila ng kanilang pagpupursige, hindi pa rin nila nakakamit ang kanilang mga mithiin na maging lider. May mga pinanghihinaan ng loob, hindi alam kung ano ang gagawin, at nawawala sa sarili. Ang naranasan nila noon na mga negatibong emosyon ng pagpipigil ay tumitindi kapag nananampalataya sila sa Diyos ngunit hindi nila matanggap ang katotohanan o mahanap ang mga solusyon sa kanilang mga problema. Noon pa man ay nais na nilang manungkulan at maging lider, at umusbong na sa puso nila ang mga mithiing ito bago pa man sila sumampalataya sa Diyos. Dahil hindi nila maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, palaging may hindi nakikitang pagpipigil sa kaibuturan nila. Kahit pa nakapasok na sila sa sambahayan ng Diyos, kung saan hindi pa rin maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, lalo lang tumitindi at bumibigat ang nararamdamang pagpipigil sa loob nila. Nagiging mapaghinanakit ang mga taong ito dahil hindi nagagamit ang kanilang mga abilidad sa pamumuno, at pakiramdam nila na sila ay malas, bigo, at napipigilan dahil hindi maisakatuparan ang kanilang mga mithiin. Dahil nananatiling hindi natutupad ang kanilang mga mithiin, nakakaramdam sila ng kawalan ng katarungan. Dahil wala silang paraan para maipakita ang kanilang mga kakayahan, nasisiraan sila ng loob tungkol sa buhay at sa landas sa hinaharap. Dahil dito, sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas silang napipigilan habang gumagawa ng iba’t ibang gampanin. Ang ilang tao, pagkatapos man ng maraming pagsisikap at pagtatangka, ay hindi pa rin nagiging lider o nagtatamo ng kanilang mithiin. Sa mga gayong sitwasyon, nagsisimula silang gumamit ng iba’t ibang paraan upang mailabas ang kanilang mga emosyon at palayain o ipabatid ang kanilang pagpipigil. Siyempre, natatamo ng ilang mananampalataya sa Diyos, habang pinanghahawakan pa rin ang kanilang mga mithiin, ang hangarin ng kanilang puso at nagiging lider sila sa iglesia. Gayunpaman, hindi nila magampanan ang kanilang mga tungkulin bilang lider ayon sa mga hinihingi ng Diyos at sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Kasabay nito, nag-aatubili silang tuparin ang mga tungkuling ito sa pamumuno sa ilalim ng mga hinihingi at superbisyon ng sambahayan ng Diyos at ng kanilang mga kapatid. Bagamat natamo na nila ang kanilang mga mithiin at ginagawa nila ang mga bagay na inasam nilang gawin, napipigilan pa rin sila. Ito ay dahil namumuno sila batay sa pundasyon ng pagsasakatuparan ng kanilang mga personal na mithiin, at bagamat sa panlabas ay mukhang natutupad nila ang mga gampanin ng sambahayan ng Diyos, lagpas pa sa mga responsabilidad na ito ang kanilang mga mithiin. Ang kanilang mga ambisyon, mithiin, hangarin, at pananaw ay lampas pa sa saklaw ng kanilang kasalukuyang mga tungkulin. Dahil sa mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos at sa mga hinihingi ng Diyos, ang kanilang mga kilos at iniisip, pati na rin ang kanilang mga plano at layunin, ay may hangganan at paghihigpit. Samakatuwid, kahit na matapos umako ng mga posisyon sa pamumuno, napipigilan pa rin sila. Ano ang sanhi ng mga problemang ito? Ito ay dahil, sa kabila ng pagiging lider, patuloy nilang hinahangad ang pagsasakatuparan ng kanilang sariling mga mithiin at ang mga ipinangako nila sa sarili nilang mga mithiin. Gayunpaman, hindi natutupad ang kanilang mga mithiin at hangarin sa paglilingkod bilang lider sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia, at halo-halo at magkakasalungat ang kanilang nararamdaman. Dahil sa mga suliraning ito at dahil sa hindi nila kayang bitiwan ang kanilang sariling mga mithiin at paghahangad, madalas silang napipigilan sa kaloob-looban nila at hindi sila makalaya. Ito ang isang uri ng tao. Sa sambahayan ng Diyos, sa mga idealistang ito, may mga taong ipinaglalaban ang kanilang mga mithiin ngunit hindi pa rin matamo ang mga ito, at mayroon ding mga ipinaglalaban at kalaunan ay naisasakatuparan ang kanilang mga mithiin, subalit napipigilan pa rin. Anuman ang sitwasyon nila, ito ang mga taong hindi pa rin sumusuko sa kanilang mga mithiin at patuloy pa rin nilang hinahangad ang mga ito habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin at namumuhay sa sambahayan ng Diyos.
Mayroon ding iba na may talento sa pagsusulat, verbal na pakikipag-usap, at panitikan. Umaasa silang maipahayag ang kanilang mga saloobin sa pamamagitan ng kanilang mga kasanayan sa panitikan at, kasabay nito, maipakitang-gilas nila ang mga kasanayang ito, at mapansin ng mga tao ang kanilang abilidad, halaga, at kontribusyon sa sambahayan ng Diyos. Ang mithiin nila ay ang hangarin na maging isang namumukod-tangi at kuwalipikadong manunulat at intelektuwal. Kapag pumasok sila sa sambahayan ng Diyos at nagsimulang gawin ang mga tekstuwal na tungkulin, pakiramdam nila ay nakahanap sila ng lugar kung saan magagamit nila ang kanilang mga abilidad. Masigasig nilang ipinapakita ang kanilang mga kalakasan at talento upang maisakatuparan ang kanilang mithiin na maging manunulat at intelektuwal. Bagamat patuloy nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, hindi sila sumusuko sa kanilang mga mithiin. Sa kanilang paggampan sa mga tungkulin, masasabing 80 hanggang 90 porsyento nito ay nakabatay sa kanilang mga mithiin, sa madaling salita, ang motibasyon sa paggawa sa kanilang mga tungkulin ay nagmumula sa kanilang paghahangad at pag-asam sa mga mithiing ito. Dahil dito, ang paggampan ng mga tungkulin para sa mga taong tulad nito ay lubos na nadungisan, kaya’t nagiging mahirap para sa kanila na tugunan ang mga pamantayan ng pagtupad sa mga tungkulin ayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga hinihinging pamantayan ng Diyos. Hindi sila pumapasok sa sambahayan ng Diyos para lamang gampanan ang kanilang mga tungkulin, sa halip ay umaasa silang samantalahin ang pagkakataong gawin ang kanilang mga tungkulin para maipakita ang kanilang sariling mga talento, nananabik na makamit ang kanilang mga mithiin at ipakita ang kanilang halaga sa pamamagitan ng pagtatanghal ng kanilang mga talento. Samakatuwid, ang pinakamalaki nilang balakid sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin ayon sa pamantayan ay ang kanilang mga mithiin, ibig sabihin, ang kanilang proseso ng paggawa sa mga tungkulin ay nahaluan ng mga pansariling kagustuhan at ng kanilang mga saloobin at perspektiba sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang ilang tao ay may pag-unawa sa ilang propesyonal na kasanayan o may partikular na talento, halimbawa, naiintindihan ng ilan ang teknolohiya ng computer at ikinalulugod nilang magtrabaho bilang mga computer engineer. Nakasuot sila ng salamin, propesyonal silang manamit, at ang pinakakapansin-pansin, may dala silang laptop na kakaiba o bihirang makita ng iba. Saan man sila pumunta, umuupo sila roon kasama ang kanilang laptop at binubuksan ito para tingnan ang impormasyon sa iba’t ibang webpage at pangasiwaan ang iba’t ibang problema gamit ang computer, ginagawa ang mga ito nang may propesyonal na istilo. Sa madaling salita, isang propesyonal na perspektiba, tindig, pananalita, at asal ang hinihingi nila sa kanilang sarili at ipinagmamalaki sa iba, nagsusumikap na maging propesyonal sa industriya ng computer engineering. Matapos makapasok sa sambahayan ng Diyos, sa wakas ay napagtatanto ng mga taong ito ang kanilang mithiin at nagsasagawa ng mga gampaning may kaugnayan sa computer technology. Palagi silang nag-aaral ng teknolohiya at nag-a-update ng kanilang mga kasanayan, masigasig na tinutukoy at nilulutas ang iba’t ibang problema, na may layong makasabay sa mga kalakaran sa industriya at sa pagsulong at paglalathala ng mga bagong impormasyon sa kanilang larangan. Ang ganitong mga tao ay may partikular na interes at pag-unawa sa isang partikular na propesyonal na kasanayan, kaya sila ay nagiging mga propesyonal at eksperto. Dahil dito, ang mithiin nila ay ang maging propesyonal, at umaasa sila na ilalagay sila ng sambahayan ng Diyos sa isang mahalagang posisyon, pahahalagahan sila, at aasahan sila. Siyempre, sa sambahayan ng Diyos at sa kasalukuyang panahon, karamihan sa ganitong mga tao ay talagang nagamit ang kanilang mga kalakasan at nakamit ang kanilang mga mithiin. Gayunpaman, habang isinasakatuparan ang kanilang mga mithiin, napag-isipan ba ng mga taong ito kung ginagampanan ba nila ang kanilang mga tungkulin o hinahangad ang sarili nilang mga mithiin sa paggawa ng kanilang gawain? Hindi ito ganap na malinaw, hindi ba? Ang gawaing kinasasangkutan nila ay pangdalubhasa, komplikado, at mabusisi. Gayunpaman, kulang na kulang ang kanilang mga kasanayang taglay sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos para sa gawaing ito. Kaya, habang hinahangad ang sarili nilang mga mithiin at ginagawa ang kanilang mga tungkulin, pakiramdam nila ay medyo nililimitahan at kinokontrol sila. Ang mga taong ito, dahil sa mga mithiing mayroon sila sa kanilang puso, ay maaaring makaramdam ng kaunting pagpipigil kapag nahaharap sa iba’t ibang katotohanan ng pananampalataya sa Diyos at sa mga prinsipyo ng paggampan sa mga tungkulin. Ang ilang tao ay ganito.
May isa pang grupo ng mga tao na kabilang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo. Inaasam nila na maging lider sa ebanghelismo, na manguna, at mamuno at maging mahusay sa alinmang iglesiang kinabibilangan nila, na hindi kailanman maging kontento na mapag-iwanan. Bagamat ginagawa nila ang kanilang mga tungkulin at isinasakatuparan ang kanilang gawain, ang paghahangad nila ay sa kanilang sariling mga mithiin at sa mga layon na kanilang pinaplano at inilalarawan sa isip, na walang kinalaman sa pananalig sa Diyos o sa katotohanan. Kapag nalalantad at namamarkahan ang mga layon at mithiing ito, o nahaharap sila sa ilang balakid, at napagtatanto ng mga taong ito na hindi maisasakatuparan ang kanilang mga mithiin o maipapakita ang kanilang halaga, lalo silang napipigilan at hindi nasisiyahan. Marami sa kanila ang nagnanais na makatanggap ng pagsang-ayon at pagkilala habang hinahangad ang kanilang mga mithiin. Kapag hindi nila natatanggap ang mga bagay na ito, o kapag hindi agad nasusuklian ang halaga ng kanilang mga pagsusumikap, pakiramdam nila ay hindi ito sulit, na hindi ito makatarungan, at kaya nakakaramdam sila ng pagpipigil. Hindi ba’t nagpapakita sila ng mga gayong pag-uugali? (Oo, ganoon ang ipinapakita nila.) Sa mga kabilang sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, may ilan na noon pa man ay nagnanais nang maging kuwalipikado at huwarang mangangaral o ebanghelista. Kapag narinig nila ang kung sino-sino, ang isang tanyag na ebanghelista at mangangaral, labis silang naiinggit at umaasa na balang araw ay magiging ganito rin sila, ginugunita at pinupuri ng mga susunod na henerasyon, at ginugunita ng Diyos. Lagi nilang nais na mangaral sa kanilang sariling ideyal na paraan, gamit ang kanilang mithiin bilang kanilang layon at motibasyon na maging isang mangangaral at magkamit ng kasikatan o maalala ng mga susunod na henerasyon sa sambahayan ng Diyos. Ito ang kanilang mithiin. Gayunpaman, sa sambahayan ng Diyos ay mayroong mahigpit na mga hinihingi para sa anumang gampanin, at mga prinsipyo na sinabi ng Diyos na sundin ng mga tao sa paggawa ng gampaning ito. Bilang resulta, napipigilan ang mga indibidwal na ito dahil hindi nila magawang maging ang uri ng ebanghelista na inaasam nila, madalas silang nasa ilalim ng superbisyon at regulasyon, at mayroong pagsusubaybay at pagtatanong mula sa mga lider at manggagawa tungkol sa kanilang gawain. Mayroon ding mga tao, na dahil nagtataglay sila ng mga espesyal na kasanayan o talento, ang patuloy na naghahangad sa kanilang mga mithiin pagkatapos makapasok sa sambahayan ng Diyos. Halimbawa, sa mga artista, ang ilan ay may kasanayan sa pagtatanghal at may batayang pagkaunawa sa mga diskarte ng pag-arte. Inaasam nilang maging isang ideyal na aktor, umaasa na balang araw ay matulad sila sa mga sikat na aktor na kilalang-kilala sa mga walang pananampalataya: mga bigatin, mga artista, tulad ng mga hari at reyna. Gayunpaman, sa sambahayan ng Diyos, ang disposisyon at pagpapamalas ng katiwalian sa aspektong ito ay palaging nakalantad, at may mga partikular na hinihingi at prinsipyo para sa mga aktor. Kahit matapos magkamit ng kabantugan bilang artista, hindi pa rin sila nagiging isang tanyag na tao na sinasamba at sinusundan ng mga tao, at dahil dito, napipigilan sila. Sinasabi nila, “Magulo ang sambahayan ng Diyos. Palagi nilang pinaghihigpitan ang mga tao sa lahat ng bagay. Ano ang mali sa pagsunod sa halimbawa ng mga tanyag na tao? Ano ang mali sa pananamit nang hindi pangkaraniwan, nang may kaunting personalidad at mga hinihingi?” Dahil sa mga hinihingi para sa mga kasuotan ng mga aktor at sa mga partikular na pagtatanghal sa sambahayan ng Diyos, sa tingin nila, palaging may salungatan at hindi pagkakatugma sa pagitan ng mga hinihinging ito at sa kanilang mithiin na maging tanyag at bigating tao. Dahil dito, dama nila ang sobrang sama ng loob sa puso nila, iniisip na, “Bakit napakahirap isakatuparan ng mga mithiin ko? Bakit ako nahaharap sa mga balakid sa bawat pagkilos ko sa sambahayan ng Diyos?” Kapag nararanasan nila ang mga gayong kaisipan o kapag hindi natutugunan ang mga ekspektasyong ito, napipigilan sila. Sa likod ng damdaming ito ng pagpipigil ay ang kanilang paniniwala na lehitimo at may halaga ang mga mithiin nila. Naniniwala rin sila na walang masama sa paghahangad sa kanilang mga mithiin, na karapatan nilang gawin ito, at dahil dito, nagsisimulang umusbong sa loob nila ang mga nakapipigil na emosyon. Halimbawa, nararamdaman ng ilang direktor na pagkatapos magdirek ng ilang pelikula, nakapagkamit na sila ng kaunting karanasan. Naniniwala sila na karapat-dapat ipalabas ang kanilang mga pelikula, at na napagbuti nila ang mga ito pagdating sa cinematography, pag-eedit, pagtatanghal ng aktor, at lahat ng uri ng parehong pamamahala, kung ikukumpara sa dati. Matapos makatanggap ng patnubay mula sa Itaas, sa wakas, natutugunan na ng kanilang mga pelikula ang mga naaangkop na pamantayan at naipapalabas na ang mga ito sa tamang panahon. Tila pinatutunayan nito na ang kanilang paghahangad na maging isang kuwalipikadong direktor ay isang naaangkop, lehitimo, at mahalagang hangarin. Gayunpaman, habang hinahangad ang layon nila na maging isang kuwalipikadong direktor, ang ilan sa kanilang mga ideya, pananaw, at kilos na walang prinsipyo ay kadalasang tinatanggihan, pinapawalang-bisa, o hindi kinikilala. Maaari pa nga na madalas silang nahaharap sa pagpupungos. Dahil dito, nararamdaman nila sa kaibuturan ng kanilang puso na napipigilan sila, at sinasabi nila na, “Bakit napakahirap na maging isang direktor sa sambahayan ng Diyos? Tingnan mo iyong mga direktor sa mundo ng mga walang pananampalataya, napaka-glamoroso nila. May mga tao silang ipinagtitimpla sila ng tsaa, ipinagsasalin sila ng inumin, at naghuhugas pa nga ng kanilang mga paa. Sa sambahayan ng Diyos, ang pagiging isang direktor ay walang katayuan at gilas, at walang gumagalang o humahanga sa amin. Bakit palagi kaming pinupungusan? Kahit anong gawin namin, hindi ito kailanman tama. Masyado kaming napipigilan! Mayroon kaming sariling mga ideya, pananaw, at propesyonal na abilidad, kaya bakit palagi kaming pinupungusan? Mali bang hangarin ang sarili naming mga mithiin, o posible bang hindi lehitimo ang paghahangad sa mga mithiin namin? Bakit napakahirap maisakatuparan ang mga mithiin namin? Masyado kaming napipigilan!” Paano man nila ito isipin, napipigilan pa rin sila. May ilang mang-aawit din na nagsasabing, “Sa sambahayan ng Diyos, wala akong ibang hinahangad kundi ang maging isang kuwalipikadong mang-aawit, mahusay na kumanta, ipakita ang sarili kong istilo, at ang mahalin ng lahat ng nakikinig sa akin.” Gayunpaman, madalas na isinusulong ng sambahayan ng Diyos ang iba’t ibang hinihingi at mga prinsipyo sa pag-awit ng mga himno, at malimit na pinupungusan ang mga mang-aawit na ito dahil sa madalas na paglabag sa mga hinihinging iyon. Kapag hindi sila pinupungusan, pakiramdam nila ay maisasakatuparan nila nang maayos ang kanilang mga mithiin. Ngunit kapag pinupungusan sila at nakararanas ng ilang balakid, pakiramdam nila ay hindi binigyang-halaga ang kanilang mga pagsisikap at mga natamo sa panahong iyon, at balik na naman sila sa simula. Dahil dito, nararamdaman nila sa kaibuturan ng kanilang puso na napipigilan sila, at sinasabi nila, “Ah, talagang mahirap isakatuparan ang aking mga mithiin! Malawak ang mundo, pero wala yatang puwang para sa akin. Ganoon din sa sambahayan ng Diyos. Bakit ba napakahirap hangarin ang sarili kong propesyon? Bakit napakahirap gawin ang mga bagay na gusto kong gawin? Walang nagbibigay sa akin ng pahintulot na magpatuloy, nakakaranas ako ng mga balakid sa bawat pagkakataon, at palagi akong pinupungusan. Ang lahat ng ito ay tunay na mahirap at nakapipigil! Sa mundo ng mga walang pananampalataya, palagi silang nagpapakana at nag-aaway-away, at may mga balakid sa propesyon kahit saan, kaya’t normal ang makaramdam ng pagpipigil. Ngunit bakit napipigilan pa rin ako nang pumasok ako sa sambahayan ng Diyos nang dala ang aking mga mithiin?” Ang mga nagsasagawa ng iba’t ibang gampanin sa sambahayan ng Diyos ay kadalasang nakararanas ng mga problema sa proseso ng paghahangad ng kanilang mga mithiin, madalas silang hindi pahalagahan, madalas na pinupungusan, at kadalasang hindi nakatatanggap ng pagkilala. Matapos pasibong maranasan ang mga bagay na ito, hindi namamalayang pinanghihinaan sila ng loob, nararamdaman nilang mas mabuti pang matapos na ang kanilang buhay at na imposibleng maisakatuparan pa ang kanilang mga mithiin. Bago pumasok sa sambahayan ng Diyos, iniisip nila noon na, “Dala ko ang sarili kong mga mithiin at inaasam. Mayroon akong sariling mga hangarin, at lahat ay posible sa sambahayan ng Diyos. Maaari akong maging isang kuwalipikadong direktor, artista, manunulat, o kahit isang kuwalipikadong mananayaw, mang-aawit, o musikero.” Bagamat hindi nila naipakita ang kanilang mga talento at nakamit ang kanilang mga mithiin, naniwala sila na bibigyan sila ng sambahayan ng Diyos ng sarili nilang entablado, na may malawak na espasyo kung saan maaaring magkatotoo ang kanilang mga mithiin, pangarap at inaasam. Pakiramdam nila ay napakalaki ng entablado sa sambahayan ng Diyos. Gayunpaman, pagkalipas ng maraming taon, napag-isip-isip nila, “Bakit pakiramdam ko ay lumiliit ang entabladong inaapakan ko? Bakit lumiliit ang mundo ko? Tila lalong lumiliit ang posibilidad at tila imposible pa nga na maisakatuparan ang aking mga mithiin. Ano ang nangyayari?” Sa puntong ito, hindi pa rin sumusuko ang mga taong ito sa kanilang mga mithiin o kinukuwestiyon ang kawastuhan ng mga mithiin at hangaring ito. Dala-dala pa rin nila ang mga mithiin at hangaring ito sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Dahil dito, kasa-kasama nila kahit saan ang mga nakapipigil na emosyon ng mga tao, habang hinahangad man nila ang kanilang mga mithiin at hangarin o habang ginagawa ang mga totoo nilang tungkulin. Para sa mga taglay ang mga nakapipigil na emosyon, o hindi makabitiw sa mga ito, ang pagkakasalungat ng dalawang ito ay hindi maaaring mapagtugma. Naghahatid ang mga ito ng pakiramdam ng pagpipigil sa parehong paghahangad sa kanilang mga mithiin at hangarin at sa paggampan ng kanilang mga tungkulin. Kaya, anuman ang mangyari, palaging iniaakma ng mga tao ang kanilang sarili, palaging hinahangad ang kanilang mga mithiin at pangarap habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Masasabi mo rin na ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin nang may magkasalungat na saloobin, nang napipigilan at nag-aatubili sa buong pagkakataon. Ngunit upang maisakatuparan ang kanilang mga mithiin at hangarin, upang maipakita ang kanilang halaga at mahangad ang mga mithiin at hangarin na ito, wala silang magagawa kundi ang gawin ang kanilang mga tungkulin. Hindi sila sigurado kung bakit nila ito ginagawa, kung ano ang hinahangad nilang kamtin, kung anong layon ang sinusubukan nilang tamuhin, sinusubukang hangarin, o sinusubukang isakatuparan. Nagiging mas malabo ito sa kanila, at tila mas lalong lumalabo ang daan sa hinaharap. Sa gayong kalagayan, hindi ba’t mahirap para sa kanila na bitiwan o lutasin ang kanilang mga nakapipigil na emosyon? (Oo.)
Matapos makapagbahaginan hanggang sa puntong ito, ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa kung paano dapat unawain at tingnan ng mga tao ang ugnayan sa pagitan ng kanilang mga mithiin, hangarin, at mga tungkulin. Una, pag-usapan natin ang tungkol sa mga mithiin, partikular na ang mga mithiin ng mga taong binanggit natin kanina. Tama bang hangarin ng mga tao na maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin sa sambahayan ng Diyos? (Hindi, hindi ito tama.) Ano ang kalikasan ng isyu? Bakit hindi ito tama? (Sa paghahangad na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, nagpapakitang-gilas sila at itinatatag ang kanilang sariling propesyon, sa halip na hangaring maisakatuparan ang kanilang mga tungkulin bilang nilikha.) Sabihin ninyo sa Akin, mali ba na hangaring maisakatuparan ang sariling mga mithiin at hangarin? (Oo, mali ito.) Kung sinasabi ninyong mali ito, ipinagkakait ba nito sa isang tao ang kanyang mga karapatang pantao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang problema? (Kapag nananampalataya sa Diyos ang mga tao, dapat nilang hangarin ang katotohanan at sundin ang landas na itinuturo ng mga salita ng Diyos na hangarin nila. Kung hinahangad lamang nila ang sarili nilang mga hangarin at mithiin, ang kanilang hinahangad ay ang mga hangarin ng kanilang laman, na isang ideolohiyang ikinintal ni Satanas.) Sa mundo, itinuturing na nararapat ang hangaring isakatuparan ang sariling mga mithiin. Anumang mithiin ang hinahangad mo, ayos lang basta’t legal ang mga ito at hindi lumalabag sa anumang moral na limitasyon. Walang sinuman ang kumukuwestiyon sa anuman, at hindi ka maiipit sa mga usapin ng kung ano ang tama o mali. Hinahangad mo ang anumang personal mong gusto, at kung makuha mo ito, kung makamit mo ang iyong layon, kung gayon ay matagumpay ka; pero kung hindi mo ito maabot, kung mabigo ka, problema mo na iyon. Gayunpaman, kapag pumasok ka sa sambahayan ng Diyos, na isang espesyal na lugar, anuman ang mga dinadala mong mithiin at hangarin, dapat mong bitiwan ang lahat ng ito. Bakit ganoon? Ang paghahangad sa mga mithiin at hangarin, anuman ang partikular mong hinahangad—pag-usapan na lang natin ang mismong paghahangad—ang mga paraan ng pagkilos nito at ang landas na tinatahak nito ay umiikot lahat sa egoismo, pansariling interes, katayuan, at reputasyon. Dito sa mga bagay na ito umiikot lahat. Sa madaling salita, kapag hinahangad ng mga tao na maisakatuparan ang kanilang mga mithiin, ang tanging nakikinabang ay ang kanilang sarili. Makatarungan bang hangarin ng isang tao na matupad ang kanyang mga mithiin alang-alang sa katayuan, reputasyon, banidad, at mga pisikal na interes? (Hindi.) Alang-alang sa pansarili at pribadong mga mithiin, kaisipan, at hangarin, ang mga pamamaraang pinanghahawakan nila ay lahat makasarili at nakatuon sa pansariling pakinabang. Kung ikukumpara natin ang mga ito sa katotohanan, hindi makatarungan o lehitimo ang mga ito. Dapat bitiwan ng mga tao ang mga ito, hindi ba’t tiyak iyon? (Oo.) Dapat silang bumitiw, bumitiw sa egoismo, bumitiw sa mga personal na mithiin at hangarin. Nakikita ito mula sa perspektiba ng diwa ng mga landas na tinatahak ng mga tao—hindi positibong bagay ang paghahangad ng pagsasakatuparan ng sariling mga mithiin at hangarin, napabulaanan na ito. Isang aspekto iyon. Ngayon, talakayin natin ang isa pang aspekto, anong uri ng lugar ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, anuman ang pangalan nito? Anong uri ng lugar ito? Ano ang diwa ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos? Una, mula sa teoretikal na perspektiba, hindi ito ang mundo, lipunan, o anumang korporasyon o organisasyon ng tao sa lipunan. Hindi ito pag-aari ng mundo o ng sangkatauhan. Bakit ito itinatag? Ano ang dahilan ng paglitaw at pag-iral nito? Ito ay dahil sa Diyos at sa Kanyang gawain, tama? (Oo.) Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay umiiral dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain. Samakatuwid, ang iglesia ba, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan dapat ipakitang-gilas ang mga personal na talento at tuparin ang mga personal na mithiin, hangarin, at hangarin? (Hindi.) Malinaw na hindi. Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay umiiral dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain. Kung gayon, hindi ito isang lugar para ipakita ang mga personal na talento o isakatuparan ang mga personal na mithiin, pagnanais, at hangarin. Hindi ito umiikot sa buhay ng laman, mga inaasam ng laman, kasikatan at kayamanan, katayuan, reputasyon, at iba pa—hindi ito gumagana para sa mga ito. Hindi rin ito lumitaw o umiral dahil sa materyal na kasikatan, katayuan, kasiyahan, o mga inaasam ng mga tao. Kung gayon, anong uri ng lugar ito? Sapagkat ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay itinatag dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain, hindi ba’t dapat nitong isakatuparan ang kalooban ng Diyos, iproklama ang Kanyang mga salita, at magpatotoo sa Kanya? (Oo.) Hindi ba’t ito ang katotohanan? (Oo.) Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay umiiral dahil sa presensiya ng Diyos at ng Kanyang gawain, kaya’t maaari lamang nitong isakatuparan ang kalooban ng Diyos, iproklama ang Kanyang mga salita, at magpatotoo sa Kanya. Wala itong kinalaman sa personal na katayuan, kasikatan, mga inaasam, o anumang iba pang interes. Ang mga prinsipyong namumuno sa anumang gawain at sa lahat ng gawaing ginagawa ng iglesia, ng sambahayan ng Diyos, ay dapat na nakabatay sa mga salita ng Diyos, sa Kanyang mga hinihingi, at sa Kanyang mga turo. Sa pangkalahatan, masasabing umiikot ang mga ito sa kalooban ng Diyos at sa Kanyang gawain; partikular na sa pagpapalawig ng ebanghelyo ng kaharian at pagpapatotoo at pagpoproklama ng Kanyang salita. Tama ba iyon? (Oo.) Bukod sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos, pagpoproklama ng Kanyang mga salita, at pagpapatotoo sa Kanya, mayroon pa bang mas mahalaga sa iglesia, sa sambahayan ng Diyos? (Ito ang lugar kung saan nakararanas ng Kanyang gawain ang mga hinirang ng Diyos, nakatatanggap ng paglilinis, at nagkakamit ng kaligtasan.) Tumpak ang sinabi mo. Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan isinasakatuparan ang kalooban ng Diyos, ipinoproklama ang Kanyang salita, pinatototohanan Siya, at higit sa lahat, ito ay isang lugar kung saan nakatatanggap ang mga tao ng kaligtasan. Naalala mo na ba iyon? (Oo, naalala ko.) Basahin mo ito. (Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan isinasakatuparan ang kalooban ng Diyos, ipinoproklama ang Kanyang salita, pinatototohanan Siya, at nakatatanggap ng paglilinis at kaligtasan ang mga hinirang ng Diyos.) Ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay isang lugar kung saan isinasakatuparan ang kalooban ng Diyos, ipinoproklama ang Kanyang salita, pinatototohanan Siya, at nakatatanggap ng paglilinis at kaligtasan ang mga hinirang Niya. Gayong klase ng lugar ito. Sa isang lugar na gaya nito, mayroon bang anumang gampanin o proyekto, kahit ano pa man ito, na naaayon sa katuparan ng mga pansariling mithiin at hangarin? Walang gawain o proyekto ang tumutugon sa layon ng pagtupad sa mga personal na mithiin at hangarin, wala ring umiiral na anumang aspekto ng mga ito para sa pagsasakatuparan ng mga pansariling mithiin at hangarin. Kaya, dapat bang umiral sa sambahayan ng Diyos ang pansariling mithiin at hangarin? (Hindi dapat.) Hindi dapat, dahil sumasalungat ang mga pansariling mithiin at hangarin sa anumang gawain na nais gawin ng Diyos sa iglesia. Ang mga personal na mithiin at hangarin ay sumasalungat sa anumang gawaing ginagawa sa iglesia. Sumasalungat ang mga ito sa katotohanan, lumilihis mula sa kalooban ng Diyos, mula sa pagpoproklama ng Kanyang mga salita, mula sa pagpapatotoo sa Kanya, at mula sa gawain ng paglilinis at pagliligtas para sa mga hinirang ng Diyos. Anuman ang mga mithiin ng isang tao, hangga’t ang mga ito ay mga pansariling mithiin at hangarin, hahadlangan ng mga ito ang mga tao sa pagsunod sa kalooban ng Diyos, at makaaapekto o makahahadlang sa pagpoproklama ng Kanyang mga salita at pagpapatotoo sa Kanya. Siyempre, hangga’t ang mga ito ay mga pansariling mithiin at hangarin, hindi makatatanggap ang mga tao ng paglilinis at kaligtasan. Hindi ito usapin lang ng pagiging magkasalungat ng dalawang panig, talagang likas na hindi maaaring umiral ang mga ito nang sabay. Habang itinataguyod ang mga sarili mong mithiin at hangarin, hinahadlangan mo ang pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos, ang gawain ng pagpoproklama ng Kanyang mga salita at pagpapatotoo sa Kanya, at pati na rin ang kaligtasan ng mga tao at, siyempre, ng iyong sarili. Sa madaling salita, anuman ang mithiin ng mga tao, ang mga ito ay hindi para sumunod sa kalooban ng Diyos, at hindi makakamit ng mga ito ang tunay na resulta ng ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kapag hinahangad ng mga tao ang kanilang mga mithiin at hangarin, ang kanilang pinakalayon ay hindi para maunawaan ang katotohanan, o maunawaan kung paano dapat na umasal, kung paano palugurin ang mga layunin ng Diyos, at kung paano gampanan nang maayos ang kanilang mga tungkulin at tuparin ang kanilang papel bilang nilikha. Hindi ito para magkaroon ang mga tao ng tunay na takot sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya. Sa kabaligtaran, habang mas naisasakatuparan ang mga mithiin at hangarin ng isang tao, mas nalalayo ang isang tao sa Diyos at mas nalalapit siya kay Satanas. Katulad nito, kapag mas hinahangad ng isang tao ang kanyang mga mithiin at natatamo ang mga ito, nagiging mas mapanghimagsik laban sa Diyos ang puso ng isang tao, mas lumalayo ang isang tao sa Diyos, at sa huli, kapag natutupad na ng isang tao ang kanyang mga mithiin gaya ng nais niya at naisasakatuparan at natutugunan ang kanyang mga hangarin, lalo lang siyang nasusuklam sa Diyos, sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at sa lahat ng tungkol sa Diyos. Maaari pa nga na lumakad siya sa landas ng pagtatwa, paglaban, at pagsalungat sa Diyos. Ito ang huling kalalabasan.
Pagkatapos maunawaan kung ano ang sambahayan ng Diyos, ang iglesia, dapat ding maunawaan ng mga tao kung anong saloobin at paninindigan ang dapat panghawakan habang namumuhay at nananatili sila sa sambahayan ng Diyos bilang miyembro nito. Sinabi ng ilang tao, “Hindi Mo kami hinahayaang hangarin na maisakatuparan ang mga sarili naming mithiin o hangarin.” Hindi Ko kayo pinipigilang isakatuparan ang mga sarili ninyong mithiin; sinasabi Ko sa inyo kung paano mamuhay nang naaangkop sa sambahayan ng Diyos, kung paano naaangkop na manindigan at tuparin ang iyong mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos bilang isang nilikha. Kung ipipilit mo ang pagsasakutaparan ng sarili mong mga mithiin, kung gayon ay maaari Akong maging prangka at sabihin na: Pakiusap, umalis ka na! Ang iglesia ay hindi isang lugar para isakatuparan mo ang iyong mga mithiin. Sa labas ng sambahayan ng Diyos, maaari mong gawin ang kahit ano sa iyong mga mithiin na gusto mong gawin at maaari mong sundin ang sarili mong mga mithiin at hangarin. Ang kailangan mo lang gawin ay umalis sa sambahayan ng Diyos, at walang sinuman ang makikialam sa ginagawa mo. Gayunpaman, ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay hindi isang angkop na lugar para hangarin mong maisakatuparan ang iyong mga mithiin. Sa mas tumpak na salita, imposibleng maitataguyod mo ang iyong sariling mga mithiin at hangarin sa lugar na ito. Kung mananatili ka sa sambahayan ng Diyos, sa iglesia, kahit na isang araw, huwag na huwag mong iisipin ang pagsasakatuparan o paghahangad ng iyong sariling mga mithiin. Kung sasabihin mo na, “Isinusuko ko ang sarili kong mga mithiin. Handa akong gawin ang mga tungkulin ko ayon sa mga hinihingi ng Diyos at maging isang kwalipikadong nilikha,” kung gayon, magiging katanggap-tanggap ito. Magagawa mo ang iyong tungkulin ayon sa iyong posisyon at ayon sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos. Ngunit kung ipinipilit mong hangarin at isakatuparan ang sarili mong mga mithiin, naglalayong huwag mamuhay nang walang kabuluhan, kung gayon, maaari mong talikuran ang iyong mga tungkulin at umalis sa sambahayan ng Diyos. O maaari kang sumulat ng isang pahayag, na nagsasabing, “Kusang-loob akong umaalis sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos para isakatuparan ang sarili kong mga mithiin at hangarin. Malawak ang mundo, at siguradong may puwang para sa akin doon. Paalam.” Sa gayong paraan, magiging wasto at angkop ang pag-alis mo, at magagawa mong hangarin ang sarili mong mga mithiin. Gayunpaman, kung sasabihin mong, “Mas gugustuhin kong talikuran ang sarili kong mga mithiin, tuparin ang mga tungkulin ko sa sambahayan ng Diyos, maging isang kwalipikadong nilikha, at hangarin ang kaligtasan,” kung gayon ay magkakasundo tayo sa isang bagay. Sapagkat nais mong manatili nang mapayapa sa sambahayan ng Diyos bilang isang miyembro, dapat matutunan mo muna kung paano maging isang mabuting nilikha at tuparin ang iyong mga tungkulin ayon sa iyong posisyon. Sa sambahayan ng Diyos, tunay ka nang matatawag na isang nilikha. Ang pagiging nilikha ang iyong panlabas na identidad at titulo, at dapat may kasama itong mga partikular na pagpapamalas at diwa. Hindi lang ito tungkol sa pagkakaroon ng titulo; ngunit dahil isa kang nilikha, dapat mong tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Sapagkat isa kang nilikha, dapat mong gampanan ang mga responsabilidad ng pagiging isang nilikha. Kaya, ano ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha? Malinaw na inilalatag ng salita ng Diyos ang mga tungkulin, obligasyon, at responsabilidad ng mga nilikha, hindi ba? Mula sa araw na ito, isa ka nang tunay na miyembro ng sambahayan ng Diyos, ibig sabihin, kinikilala mo ang iyong sarili bilang isa sa mga nilikha ng Diyos. Dahil dito, mula sa araw na ito, dapat mong muling pag-isipan ang mga plano mo sa buhay. Hindi mo na dapat hangarin at sa halip ay bitiwan mo na dapat ang mga mithiin, hangarin, at layon na dati mong itinakda sa buhay mo. Sa halip, dapat mong baguhin ang iyong identidad at perspektiba para makapagplano sa mga layon at direksiyon sa buhay na dapat mayroon ang isang nilikha. Una sa lahat, hindi ang pagiging isang lider ang dapat mong layon at direksiyon, o ang mamuno o mangibabaw sa anumang industriya, o ang maging isang kilalang taong gumagawa ng partikular na gampanin o isang taong bihasa sa partikular na kasanayan. Ang layon mo dapat ay ang tumanggap ng iyong tungkulin mula sa Diyos, ibig sabihin, ang alamin kung ano dapat ang gawain mo ngayon, sa sandaling ito, at unawain kung anong tungkulin ang kailangan mong gampanan. Kailangan mong itanong kung ano ang hinihingi sa iyo ng Diyos at kung anong tungkulin ang isinaayos para sa iyo sa Kanyang sambahayan. Dapat kang makaunawa at malinawan sa mga prinsipyong dapat maintindihan, mapanghawakan at masunod tungkol sa tungkuling iyon. Kung hindi mo maalala ang mga ito, maaari mong isulat ang mga ito sa papel o i-rekord ang mga ito sa iyong computer. Maglaan ka ng oras para suriin at pag-isipan ang mga ito. Bilang miyembro ng mga nilikha, ang dapat na pangunahin mong layon sa buhay ay ang tuparin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kwalipikadong nilikha. Ito dapat ang pinakapangunahing layon mo sa buhay. Ang pangalawa at mas partikular ay kung paano gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha at maging isang kwalipikadong nilikha. Siyempre, dapat lang na talikuran ang anumang layon o direksyon na nauugnay sa iyong reputasyon, katayuan, banidad, kinabukasan, at iba pa. Maaaring may magtanong, “Bakit dapat nating isuko ang mga ito?” Simple lang. Ang paghahangad ng kasikatan, kayamanan, at katayuan ay makahahadlang sa pagsasakatuparan sa kalooban ng Diyos, makagagambala sa ilang gawain sa sambahayan ng Diyos o sa iglesia, at makasisira pa nga sa ilang gawain ng iglesia. Makakaapekto ito sa pagpapalaganap ng salita ng Diyos, pagpapatotoo sa Diyos, at, ang pinakamalubha sa lahat, sa mga taong tumatanggap ng kaligtasan. Upang matupad ang iyong tungkulin nang pasok sa pamantayan at maging isang kwalipikadong nilikha, maaari kang magtakda ng mga layon at ibuod ang iyong mga karanasan sa anumang paraan na gusto mo, ngunit hindi mo dapat hangaring maisakatuparan ang sarili mong mga mithiin. Hindi dapat mahalo ang iyong mga mithiin sa alinmang prinsipyo o diskarte na ginagawa mo sa paggampan ng iyong tungkulin. Upang magampanan ang iyong tungkulin gaya nang maayos at pasok sa pamantayan at maging isang kwalipikadong nilikha, dapat kang maghanap ng mga prinsipyo sa loob ng mga salita ng Diyos at ng mas tumpak na landas ng pagsasagawa, sa halip na ibuod ang mga pansarili mong ideya at oportunidad sa labas ng mga salita ng Diyos. Sa huli, umiikot ang mga prinsipyong ito ng pagsasagawa sa kung paano maging isang kwalipikadong nilikha at magampanan ang iyong tungkulin. Ang lahat ay nakasentro sa pag-unawa sa katotohanan, pagtupad sa iyong tungkulin bilang isang nilikha, at sa huli ay pag-unawa sa mga prinsipyong dapat sundin kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay sa proseso ng paggampan sa iyong tungkulin o sa iyong pang-araw-araw na buhay. Malinaw ba ito? (Oo.) Siyempre, kung ginagampanan mo ang iyong tungkulin ayon sa mga hinihingi at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, at sisikaping maging isang kwalipikadong nilikha, matatamo mo ang mga resultang ito. Gayunpaman, kung hahangarin mong maisakatuparan ang sarili mong mga mithiin, hinding-hindi mo matatanggap ang pagsang-ayon ng Diyos.
Kung tuloy-tuloy na hinahangad ng mga tao ang pagsasakatuparan ng kanilang sariling mga mithiin nang hindi sinusunod ang landas ng paghahangad sa katotohanan, magiging mas mayabang, makasarili, agresibo, mabangis, at sakim lang sila sa huli. Ano pa? Lalo rin silang magiging mapagmalaki at hambog. Gayunpaman, kapag isinuko ng mga tao ang paghahangad na maisakatuparan ang kanilang mga sariling mithiin at hangarin, at sa halip ay hangarin ang pagkaunawa sa iba’t ibang katotohanan pati na rin sa iba’t ibang aspekto ng mga salita ng Diyos at pamantayan ng katotohanan ukol sa kung paano tingnan ang mga tao at bagay, kung paano umasal, at umaksiyon, makapamumuhay sila nang may higit na wangis ng tao. Kapag nagsasagawa ng iba’t ibang gawain o dumaranas ng iba’t ibang kapaligiran, hindi na sila maliligaw at malilito tulad ng dati. Higit pa rito, hindi na sila maiipit sa mga negatibong emosyon gaya ng madalas na mangyari noon, hindi mapalaya ang kanilang sarili, napipigil at nakagapos sa mga negatibong kaisipan at emosyon, at sa huli ay nakokontrol at nababalutan ng iba’t ibang negatibong emosyon. Ang paghahangad na maisakatuparan ang sarili nilang mga mithiin at hangarin ay naglalayo lamang sa mga tao mula sa mga prinsipyo ng kapwa ng mga salita ng Diyos at ng tumpak na pagiging mga kwalipikadong nilikha. Hindi nila alam kung paano magpasakop sa mga pagsasaayos at pangangasiwa ng Diyos, at wala silang pagkaunawa tungkol sa kung ano ang buhay, pagtanda, karamdaman, at kamatayan ng tao. Hindi nila alam kung paano pangasiwaan ang poot at harapin ang iba’t ibang negatibong emosyon. Siyempre pa, wala rin silang alam sa kung paano mahusay na pangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na dumarating sa buhay nila. Kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, wala silang magawa, labis na nalilito, at hindi alam ang gagawin. Sa huli, hinahayaan na lamang nilang lumaganap at umusbong ang mga negatibong emosyon, kaisipan, at pananaw sa puso nila, hinahayaan ang sarili nila na makontrol at magapos ng mga ito. Higit pa rito, sa pangunguna ng mga negatibong emosyon, kaisipan, at pananaw na ito, maaaring gumagawa rin sila ng matitinding kilos, o gumagawa ng mga bagay na nakapipinsala sa kanilang sarili at sa iba, na nagdudulot ng mga hindi inaasahang kahihinatnan. Hinahadlangan ng mga ganitong kilos ang mga marapat na hangarin ng mga tao at sinisira ang konsensiya at katwiran na dapat mayroon sila. Samakatuwid, ang pinakamahalagang bagay ngayon ay ang suriin ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso kung ano ang mga bagay na inaasam pa rin nila, at kung ano ang mga bagay na nabibilang sa laman, sa mundo, at sa mga interes ng laman, tulad ng kasikatan, katanyagan, reputasyon, katayuan, kayamanan, at iba pa, na inaasam at kinakailangan pa rin nila, at mga hindi nauunawaan, at madalas na gumagapos at tumutukso sa kanila. Maaari pa ngang nakakulong sila sa mga bagay na ito o may labis silang paghanga sa mga ito, at sa kaunting pagkakamali, madali silang masisilo sa mga ito anumang oras at saanmang lugar. Kung gayon, ang mga bagay na ito ang kanilang mga mithiin. Sa sandaling makamit nila ang mga mithiing ito, iyon ang oras ng kanilang pagbagsak at sanhi ng kanilang pagkamatay. Paano ninyo tinitingnan ang usaping ito? (Dapat suriin ng mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso kung anong mga bagay ang pinananabikan pa rin nila. Kailangan nilang makaunawa sa mga bagay-bagay tulad ng kasikatang nauugnay sa laman at sa mundo, tulad ng katanyagan, reputasyon, katayuan, kayamanan, at iba pa; kung hindi, maaaring madali silang masilo sa mga ito.) Maaari silang masilo sa mga ito, hindi ba? Kaya, lubhang mapanganib ang mga bagay na ito ng laman. Kung hindi mo mauunawaan ang mga ito, palagi kang manganganib na maimpluwensyahan o masilo pa nga sa mga ito. Kaya, ang pinakamahalagang bagay na dapat ninyong gawin ngayon ay ang suriin at unawain ang mga bagay ng laman na binanggit Ko kanina batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Sa sandaling matuklasan at maunawaan ninyo ang mga ito, dapat ninyong bitiwan ang mga ito at ipuhunan ang inyong katawan, isip, at enerhiya sa pagiging isang ordinaryong nilikha, gayundin sa kasalukuyan ninyong mga tungkulin at gawain. Itigil mo ang pagturing sa iyong sarili bilang isang espesyal na tao o isang taong hindi nalulupig, o isang taong may mga pambihirang talento o abilidad. Isa ka lang hamak na indibidwal. Gaano kahamak? Sa lahat ng tao at bagay na nilikha ng Diyos, isa ka lamang sa kanila, ang pinakaordinaryo. Gaano ka kaordinaryo? Kasing-ordinaryo ka ng anumang tangkay ng damo, ng anumang puno, bundok, patak ng tubig, o maging ng isang butil ng buhangin sa baybayin. Wala kang dapat ipagmalaki, walang karapat-dapat na hangaan sa iyo. Ganoon ka kaordinaryo. Higit pa rito, kung mayroon pa ring mga imahe ng mga idolo, maringal na tao, kilalang tao, dakilang tao na namamayani sa kaibuturan ng puso mo, o ilang bagay na kinaiinggitan mo, dapat mo nang alisin at bitiwan ang mga ito. Dapat mong maunawaan ang kalikasang diwa ng mga ito, at dapat ka nang bumalik sa landas ng pagiging isang ordinaryong nilikha. Ang pagiging isang ordinaryong nilikha at pagtupad sa iyong mga tungkulin ang pinakapangunahing bagay na dapat mong gawin. Pagkatapos, dapat mong balikan ang paksang ito ng paghahangad sa katotohanan at dapat na higit kang magsikap sa katotohanan. Subukan mong bawasan ang matambad sa mga balita sa labas, sa mga impormasyon, pangyayari, at sa mga kilalang tao. Pinakamainam na iwasan ang anumang bagay na maaaring muling pumukaw sa iyong pagnanais na maisakatuparan ang mga sarili mong mithiin. Ngayon, kailangan mong ilayo ang iyong sarili sa mga tao, pangyayari, at bagay na walang pakinabang sa iyo at negatibo. Ihiwalay ang sarili mo sa mga ito at subukang umiwas sa lahat ng bagay sa masalimuot at magulong mundong ito. Kahit hindi ito naghahatid ng banta o tukso sa iyo, dapat mo pa ring ilayo ang iyong sarili sa mga ito. Tulad ng kung paano namuhay si Moises sa ilang sa loob ng apatnapung taon; hindi ba’t nakapamuhay pa rin siya nang maayos? Sa huli, kahit hindi mahusay ang abilidad niya sa pagsasalita, hinirang siya ng Diyos, na siyang pinakamarangal na bagay sa buhay niya. Walang anumang masama roon. Samakatuwid, unang-una sa lahat, bawiin ang puso mo sa kaibuturan ng iyong mga iniisip, at sa kaibuturan ng iyong mga iniisip, dapat kang magtaglay ng mentalidad ng pagkagutom at pagkauhaw sa pagiging matuwid na naghahangad sa katotohanan sa iyong pananalig. Kailangan mong magkaroon ng gayong plano, gayong kalooban at hangarin, sa halip na patuloy na nananatili sa iyong mga mithiin o patuloy na nagsisikap at nagninilay-nilay kung makakamit mo ba ang mga ito o hindi. Dapat tuluyan mong putulin ang pagkagiliw sa mga dating mithiin at hangarin, at sikapin na maging isang kwalipikado at ordinaryong nilikha. Ang pagiging isa sa mga ordinaryong nilikha ay hindi isang masamang bagay. Bakit Ko ito sinasabi? Sa totoo lang, mabuting bagay ito. Mula sa sandaling sinimulan mong bitiwan ang iyong mga mithiin at hangarin sa laman, mula sa sandaling matatag mong pinagpasyahan na maging isang ordinaryong nilikha na walang anumang espesyal na katayuan, posisyon, o halaga, ibig sabihin nito ay handa at determinado kang ganap na magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos, sa kapamahalaan ng Lumikha, tinutulutan ang Diyos na mangasiwa at mamuno sa buhay mo. Handa kang magpasakop, bitiwan at isantabi ang mga pansariling mithiin at hangarin, tulutan ang Diyos na maging Panginoon mo at mamuno sa iyong tadhana, handa kang maging isang kwalipikadong nilikha nang may gayong mentalidad, at gumanap nang maayos sa iyong tungkulin nang may gayong mentalidad at saloobin. Ito ang pananaw sa buhay na dapat mong taglayin. Tama ba ito? Ito ba ang katotohanan? (Oo.) Saan nakatutok ang mga layon sa buhay at direksyon ng buhay mo? (Sa pagtupad ng mga tungkulin ng isang nilikha.) Iyan ang pinakapangunahing bagay. Ano pa? (Sa paghahangad na maging isang ordinaryong nilikha.) Mayroon pa bang iba? (Sa paghahangad sa katotohanan upang matamo ang kaligtasan.) Isa pa iyan. May iba pa ba? (Sa pagtutok sa mga salita ng Diyos at higit na pagsisikap sa katotohanan.) Medyo mas kongkreto iyon, hindi ba? Ang lahat ng iyong layon sa buhay at direksiyon ng iyong buhay ay dapat nakatuon sa mga salita ng Diyos, at dapat higit kang magsikap sa katotohanan. Kunin mo ang sigasig mo noon sa paghahangad sa malalabong mithiin at sa halip ay gamitin mo ito sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pagninilay-nilay sa katotohanan, at tingnan mo kung makakagawa ka ng pag-usad tungo sa katotohanan. Kung talagang nakausad ka tungo sa katotohanan, magkakaroon ng mga partikular na pagpapamalas sa sarili mo. Ibig sabihin, kapag nahaharap sa iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na may kinalaman sa mga kaisipan at pananaw ng tao, pati na sa mga prinsipyo, hindi mo na mararamdamang hindi mo alam ang gagawin, hindi ka na malilito, maguguluhan, o matataranta. Sa halip, magdarasal ka sa Diyos, gagabayan ka ng Kanyang mga salita, magkakaroon ng mahinahon at matatag na puso, at matututunan mo kung paano kumilos sa paraang nagpapasakop sa Diyos at alinsunod sa Kanyang mga intensiyon. Iyon ang panahon na magiging tunay kang nasa tamang landas sa buhay. Maraming tao ang mabagal na umuusad sa buhay nila dahil, sa proseso ng paggawa sa kanilang mga tungkulin, palagi nilang hinahangad ang sarili nilang mga mithiin, kasikatan, katayuan, at ang mga layon sa buhay na nasa imahinasyon nila, at ninanais nilang makatanggap ng mga pagpapala habang tinutugunan ang mga hangarin ng kanilang laman. Bilang resulta, hindi nila magampanan ang kanilang mga tungkulin sa praktikal na paraan, at hindi nila mararanasan ang tunay na pagpasok sa buhay. Mula sa simula hanggang sa katapusan, hindi sila makapagbahagi ng tunay na patotoo batay sa karanasan. Dahil dito, gaano man katagal nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, nananatiling maliit ang pag-usad nila sa pagpasok sa buhay at sa katotohanan, at kaunti lang ang mga resulta nila. Kung tunay mong inilalaan ang iyong sarili sa paggawa sa iyong mga tungkulin, ibinubuhos ang lahat ng iyong lakas sa paghahangad sa katotohanan at nagsisikap tungo sa katotohanan, hindi kayo mapupunta sa kasalukuyang kalagayan, katayuan, at kondisyong kinalalagyan ninyo. Ito ay dahil karaniwang nakatuon lamang ang mga tao sa mga nakagawian nang gampanin, propesyonal na gawain, at sa kasalukuyang gampanin, at ang batayang diwa ng mga aktibidad na ito ay ang tuparin ang mga personal na hangarin at adhikain habang isinasakatuparan ang sarili nilang mga mithiin. Ano ang mga mithiing ito? Palaging gusto ng mga tao na makita ang kanilang sarili sa trabaho nila, at makapagtamo ng ilang tagumpay, makapagkamit ng ilang resulta, at makakuha ng pagkilala mula sa iba, at kasabay niyon, palagi nilang gustong maisakatuparan ang kanilang mga pangarap at ang mga layon ng kanilang paghahangad upang maipakita ang sarili nilang halaga. Pagkatapos, nasisiyahan na sila. Gayunpaman, hindi ito ang paghahangad sa katotohanan; ito ay pagpawi lamang sa kahungkagan sa kanilang sarili at paggamit ng gawain para mapagyaman ang buhay nila. Hindi ba’t ganito nga ang nagyayari? (Oo.) Samakatuwid, gaano man katagal gumagawa ang isang tao o gaano man karaming trabaho ang nagawa niya, walang kaugnayan sa katotohanan ang lahat ng ito. Hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan at malayong hangarin niya ito. Pagdating sa mga prinsipyong may kaugnayan sa kanilang mga responsabilidad sa gawain, wala pa ring pagpasok o pagkaunawa ang mga tao. Dahil dito, nahahapo kayo at nagtataka, “Bakit palagi kaming pinupungusan? Nagsikap kami nang husto, nagtiis ng maraming paghihirap, at nagbayad ng malaking halaga. Bakit pinupungusan pa rin kami?” Ito ay dahil hindi mo nauunawaan ang mga prinsipyo. Hindi mo kailanman naunawaan o naarok ang mga prinsipyo, ni hindi ka nagsikap sa mga ito. Sa madaling salita, hindi ka nagsikap sa katotohanan, sa mga salita ng Diyos. Sumunod ka lang sa ilang panuntunan at kumilos ayon sa sarili mong imahinasyon. Palagi kang namumuhay sa mundo ng iyong sariling mga mithiin at kuru-kuro, at lahat ng iyong ginagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan. Hinahangad mo ang sarili mong propesyon, hindi sinusunod ang kalooban ng Diyos. Kaya, hindi mo pa rin nauunawaan ang mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at sa huli, binabansagan ang ilang tao bilang mga trabahador, at ang ilan ay nakakaramdam na naaagrabyado sila. Bakit nila nararamdamang naaagrabyado sila? Ito ay dahil iniisip nila na ang kanilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay katumbas ng pagsasagawa sa katotohanan. Sa totoo lang, ang kanilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga ay pagtitiis lamang ng kaunting paghihirap. Hindi ito pagsasagawa sa katotohanan o pagsunod sa daan ng Diyos. Sa mas tumpak na salita, wala itong kinalaman sa pagsasagawa sa katotohanan; ito ay pagsisikap lamang at paggawa ng gawain. Pasok na ba sa pamantayan ang basta lang pagsusumikap at paggawa ng gawain? Ito ba ay pagiging isang kwalipikadong nilikha? (Hindi.) May distansiya at agwat sa pagitan ng dalawang ito.
Tungkol naman sa paksa ng pagbitiw sa mga negatibong emosyon ng pagpipigil, hanggang dito lang muna ang pagbabahaginan natin ngayong araw. Nakikita mo ba nang malinaw ang mga problemang ito na lumilitaw sa mga taong napipigilan dahil hindi nila makamit ang sarili nilang mga mithiin at hangarin? (Oo, malinaw ko itong nakikita.) Ano ang malinaw? Magbuod tayo nang kaunti. Una, pag-usapan natin kung ano ang mga mithiin. Ang mga mithiing sinusuri dito ay negatibo, hindi ito marapat o positibong bagay. Ano ang mga mithiin? Gumamit ng tumpak na wika para mabigyan ng depinisyon ang “mga mithiin.” (Ang mga ito ay mga walang kabuluhang kaisipan na lumilihis sa normal na konsensiya at katwiran ng tao, na laman ng imahinasyon ng mga tao para sa sarili nila ngunit hindi umaayon sa realidad. Hindi tunay ang mga ito.) Mga mithiin ng mga idealista ang binanggit mo. Sa pangkalahatan, paano mo bibigyang-depinisyon ang mga mithiin? Maaari ba ninyong bigyang-depinisyon ang mga ito? Mahirap ba itong bigyan ng depinisyon? Ano ang mga hinahangad na layon na itinatatag ng mga tao para sa sarili nilang katayuan, reputasyon, at mga inaasam? (Ang mga hinahangad na layon na itinatag ng mga tao para sa sarili nilang katayuan, reputasyon, at mga inaasam ay mga mithiin.) Tama ba ang depinisyong ito? (Oo.) Ang mga hinahangad na layon na itinatag para sa sariling katayuan, reputasyon, mga inaasam, at mga interes ng mga tao ay mga mithiin at hangarin. Ito ba ang pangkalahatang depinisyon ng mga mithiin gaya ng tinutukoy ng mga walang pananampalataya? Binibigyang-depinisyon natin ito depende sa batayang diwa nito, tama ba? (Oo.) Anuman ang partikular na uri ng mga mithiin, matayog man ito, mababa, o katamtaman, lahat ito ay mga hinahangad na layon na itinatag ng mga tao para sa sarili nilang mga interes. Ang mga layong ito ang kanilang mga mithiin o hangarin. Hindi ba’t ito ang mithiin ng mga taong pinag-usapan at sinuri natin sa mga naunang halimbawa? Ang mga hinahangad na layong itinatag ng mga tao para sa sarili nilang katayuan, reputasyon, mga inaasam, interes, at iba pa, ay mga mithiin at hangarin. Ang mga naghahangad ng mga mithiin at hangarin ngunit hindi magawang isakatuparan ang mga ito ay madalas na napipigilan sa loob ng iglesia. Napipigilan ang mga taong ito. Pag-isipan mo saglit, nasa gayong kalagayan at sitwasyon ka rin ba? Madalas ka rin bang namumuhay sa gayong kondisyon, nang may gayong mga emosyon? Kung mayroon ka ng mga emosyong ito, ano ang pinagsisikapan mo? Ito ay para sa sarili mong katayuan, reputasyon, mga inaasam, at mga interes. Ang mga mithiin at hinahangad na layong itinatag mo ay kadalasang pinaghihigpitan at hinahadlangan ng katotohanan at ng mga positibong bagay—hindi maisasakatuparan ang mga ito. Bilang resulta, nalulungkot ka at namumuhay sa mga nakapipigil na emosyon. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ito ang isyu sa mga mithiin ng tao. Una, sinuri natin ang mga mithiin ng tao, at pagkatapos, ano ang pinagbahaginan natin? Nagbahaginan tayo na ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, ay hindi ang lugar para maisakatuparan ng mga tao ang kanilang mga mithiin. Pagkatapos ay nagbahaginan tayo tungkol sa mga tamang layon na dapat hangarin ng mga tao sa kanilang pananalig sa Diyos, kung paano maging isang kwalipikadong nilikha, at kung paano tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Ang pangunahing layon ng pakikipagbahaginan tungkol sa mga bagay na ito ay upang sabihin sa mga tao kung paano piliin at kung paano tratuhin ang kanilang mga mithiin at tungkulin. Dapat talikuran ng mga tao ang mga mithiin nilang hindi wasto, samantalang ang dapat nilang paglaanan ng puhunan at ng kanilang buong buhay ay ang kanilang mga tungkulin. Ang mga tungkulin ng isang nilikha ay mga positibong bagay, habang ang mga mithiin ng tao ay hindi mga positibong bagay at hindi dapat panghawakan kundi talikuran. Ang dapat panghawakan at hangarin ng mga tao ay ang maging isang kwalipikadong nilikha at gawin ang mga tungkulin nila bilang isang kwalipikadong nilikha. Kaya, ano ang dapat gawin ng mga tao kapag sumasalungat ang kanilang mga mithiin sa kanilang mga tungkulin? (Dapat nilang bitiwan ang kanilang sariling mga mithiin at talikuran ang mga ito.) Dapat nilang talikuran ang kanilang mga mithiin at panghawakan ang kanilang mga tungkulin. Hindi mahalaga kung hanggang kailan o hanggang sa anong edad man sila mabubuhay, ang dapat gawin ng mga tao at ang dapat nilang hangarin ay kailangang nakatuon sa kung paano gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha at sa kung paano makamit ang pagpapasakop sa Diyos, sa Kanyang mga salita, at sa katotohanan. Sa gayong pagsasagawa lamang makapamumuhay ang isang tao ng makabuluhan at mahalagang buhay, tama ba? (Oo.) Sige, tapusin na natin dito ang ating pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Disyembre 10, 2022