Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 5

Sa panahong ito, nagbahaginan tayo sa unang aspekto ng kung paano sikaping matamo ang katotohanan, na tungkol sa pagbitiw. Pangunahin nating pinag-usapan ang unang bahagi ng paksang ito—ang pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon. Ilang beses na ba nating tinalakay ang usapin ng pagbitiw sa iba’t ibang negatibong emosyon? (Apat na beses.) Mayroon ba kayong anumang landas kung paano bitiwan ang mga negatibong emosyon? Ang iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbahaginan at hinimay natin ay tila mga uri ng emosyon o kaisipan sa panlabas, pero ang totoo, umuusbong ang mga ito mula sa mga maling pagtingin sa buhay at maling pagpapahalaga ng mga tao, at mga maling kaisipan at pananaw ng mga tao. Siyempre, ang iba’t ibang tiwaling disposisyon ng mga tao ay humahantong sa pag-usbong ng iba’t ibang nakalilinlang na kaisipan at pananaw, na siya namang nagsasanhi ng iba’t ibang negatibong emosyon. Samakatuwid, ang pag-usbong ng iba’t ibang negatibong emosyon ay mayroong pinagmulan at mga kadahilanan. Ang mga negatibong emosyon na tinalakay natin ay hindi mga panandalian o biglaang kaisipan, ni mga simpleng kaisipan at pananaw lamang, o mga lumilipas na pakiramdam. Kayang maimpluwensyahan ng mga emosyong ito ang paraan ng pamumuhay ng mga tao, kung ano ang kanilang isinasagawa, at ang kanilang mga kaisipan at pananaw, pati na ang mga perspektiba at saloobing ginagamit nila upang tingnan ang mga tao at bagay. Malalim na nakakubli ang mga negatibong emosyong ito sa puso at isipan ng mga tao, palagi nilang kasama ang mga ito sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay at nakaaapekto ang mga ito sa kanilang mga nagiging perspektiba at paninindigan kapag tinitingnan ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Ang mga negatibong emosyong ito ay may malaking negatibong epekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mga tao, sa kanilang asal, at sa mga landas na pinipili nila sa buhay. Hindi nakikitang nauuwi ang mga ito sa iba’t ibang masasamang kahihinatnan ng mga tao. Kaya, dapat ay dahan-dahang maunawaan at malutas ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan, at unti-unting mabitiwan ang mga ito. Ang pagbitiw sa mga negatibong emosyong ito ay hindi gaya ng pagtapon sa isang pisikal na bagay, na hindi na ninyo iniisip pa, at na hindi na kayo pinangingibabawan pagkatapos; hindi ito isang usapin ng simpleng pagpulot lang sa isang bagay at pagbitiw rito. Kung gayon, ano ang ibig sabihin ng “bitiwan” sa kontekstong ito? Pangunahin itong nangangahulugan na dapat ninyong ilantad at himayin ang inyong mga maling kaisipan at pananaw at ang mga maling perspektiba at saloobing ginagamit ninyo upang tingnan ang mga tao at bagay, hanggang sa maunawaan ninyo ang katotohanan. Pagkatapos ay magagawa na ninyong tunay na talikuran ang inyong mga negatibong emosyon. Anumang negatibong emosyon ang umuusbong sa inyo, dapat ninyong lutasin ang mga iyon sa pamamagitan ng paghahanap sa mga nauugnay na katotohanan, hanggang sa taglayin ninyo ang mga prinsipyo at landas sa pagsasagawa sa katotohanan. Saka lamang ninyo magagawang ganap na makawala sa pagpapahirap, pagkakagapos, at impluwensya ng mga negatibong emosyon, at sa huli ay matamo ang kakayahang makapagpasakop sa katotohanan at sa mga kapaligirang isinaayos ng Diyos, at sa gayon ay makapanindigan sa inyong pagpapatotoo. Dapat ninyong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos, na ang pamantayan ay ang katotohanan. Matapos gawin ito ay saka lamang ninyo ganap na mabibitiwan ang inyong mga negatibong emosyon at mga maling kaisipan at pananaw. Bakit kailangan ang ganito kakomplikadong proseso para ganap na mapakawalan ang mga iyon? Ito ay dahil mga hindi nahahawakang bagay ang mga negatibong emosyong ito. Ang mga ito ay hindi mga emosyon na pansamantala lamang na namamayani o nagpapahirap sa isipan ng isang tao. Ang mga ito ay naitatag na, dati nang umiiral, o malalim pa ngang nakatanim na mga kaisipan at pananaw na nabubuo sa loob-loob ng mga tao, at malubha talaga ang impluwensya ng mga ito sa mga tao. Kaya, iba’t ibang pamamaraan at hakbang ang kinakailangan para mapakawalan ang mga negatibong emosyong ito. Ang prosesong ito ng pagbitiw ay ang proseso rin ng paghahangad sa katotohanan, hindi ba? (Oo.) Ang proseso ng pagbitiw sa mga negatibong emosyong ito ay ang proseso nga ng paghahangad sa katotohanan. Kaya, ang tanging paraan para harapin ang mga negatibong emosyon ay ang hanapin ang katotohanan at lutasin ang mga ito batay sa mga salita ng Diyos. Nauunawaan ba ninyo ang ibig sabihin ng pahayag na ito? (Oo.)

Nang una nating simulang pagbahaginan ang mga negatibong emosyon, sa pangkalahatan ay hindi pa natatalakay ng iba’t ibang katotohanang pinagbahaginan natin noon ang paksang ito, kaya masyado itong hindi pamilyar na usapin para sa inyong lahat. Inaakala ng mga tao na normal na magkaroon ng mga negatibong emosyon, at inaakala nila na hiwalay ang mga ito sa mga tiwaling disposisyon; naniniwala sila na ang mga negatibong emosyon ay hindi mga tiwaling disposisyon, at na walang kinalaman ang mga ito sa isa’t isa. Mali ito. Naniniwala ang ilang tao na ang mga negatibong emosyon ay mga pansamantalang kaisipan o ideya lamang na walang epekto sa mga tao, kung kaya’t naniniwala sila na hindi mahalaga kung pakawalan nila o hindi ang mga ito. Ngayon, sa pamamagitan ng maraming sesyon ng pagbabahaginan at paghihimay, napatunayan nang mayroon ngang totoong epekto sa mga tao ang mga negatibong emosyon. Noon, palagi tayong nagbabahaginan sa pag-unawa at pagsuri sa mga tiwaling disposisyon, at pinag-usapan lang natin nang kaunti ang mga negatibong emosyon habang naglalantad ng mga tiwaling disposisyon, pero hindi natin detalyadong pinagbahaginan ang mga iyon. Ngayon, matapos ang ilang kongkretong talakayan, sana ay kaya ninyong pagtuunan ang paksang ito at magsimulang matutunang himayin at unawain ang mga negatibong emosyong ito sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay. Kapag nauunawaan ninyo ang diwa ng mga ito, magagawa ninyong tanggihan at maghimagsik laban sa mga ito, at unti-unting pakawalan ang mga ito. Matapos mapakawalan ang mga negatibong emosyong ito ay saka lamang kayo makatatapak sa tamang landas ng paghahangad sa katotohanan at makatatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Ito ang mga hakbang na dapat ninyong gawin, malinaw ba? (Oo.) Bagamat maaaring hindi pinaghaharian at kinokontrol ng mga negatibong emosyon ang mga tao sa kaparehong antas ng mga tiwaling disposisyon pagdating sa buhay, pag-iral, at landas na tinatahak ng mga tao, hindi rin maiiwasan ang mga negatibong emosyong ito. Sa ilang sitwasyon at sa isang partikular na antas, ang mga negatibong epekto ng mga ito pagdating sa paggapos sa mga kaisipan ng mga tao at sa pag-impluwensya sa kanilang pagtanggap sa katotohanan at kung tinatahak ba nila o hindi ang tamang landas, ay malaki rin gaya ng sa mga tiwaling disposisyon nila. Unti-unti ninyong masisimulang mapahalagahan ito sa inyong mga paghahangad, karanasan, at pagsasagawa sa hinaharap. Sa ngayon, dahil kakatagpo pa lang ninyo sa paksang ito, walang magiging kamalayan o kaalaman ang ilan sa inyo tungkol dito, at lalo nang wala silang magiging pagpapahalaga. Kapag naranasan mo ang bagay na ito sa hinaharap, madarama mong ang mga negatibong emosyon ay hindi pala ganoon kasimple. Mayroong malaking lugar at puwang ang mga ito sa mga kaisipan ng mga tao, sa kaibuturan ng kanilang puso, at maging sa kanilang kamalayan. Maaaring sabihin na labis na itinutulak at inuudyukan ng mga negatibong emosyong ito ang mga indibidwal na kumilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon, at na itinutulak at inuudyukan ng mga ito ang pagpipigil at pagkakagapos ng mga tiwaling disposisyon sa mga tao. Idinudulot ng mga ito sa mga tao na mapagmatigas na mamuhay nang ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon pagdating sa kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano sila umasal at kumilos, kaya hindi mo dapat maliitin ang mga negatibong emosyong ito. Sa katunayan, sa isang banda, maraming negatibong kaisipan at pananaw ang nakakubli sa mga negatibong emosyon, at sa isa pang banda, iba’t ibang negatibong emosyon ang nakakubli sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao, sa iba’t ibang antas. Sa madaling salita, pinamamahayan ng mga negatibong emosyong ito ang puso ng mga tao, at magkapareho ng diwa ang mga ito at ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Parehong aspekto ng pagiging negatibo ang mga ito, at mga negatibong bagay ang mga ito. Ano ang ibig sabihin ng “mga negatibong bagay” rito? Ano ang tinutukoy nito? Ang isang aspekto ay na walang ginagampanang positibong papel ang mga negatibong emosyong ito sa pagpasok sa buhay ng mga tao. Hindi ka magagabayan o matutulungan ng mga itong makaharap sa Diyos, na aktibong mahanap ang Kanyang mga layunin, at pagkatapos ay makamit ang pagpapasakop sa Kanya. Kapag nakakubli sa loob-loob ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito, malayo ang kanilang puso sa Diyos, nag-iingat sila laban sa Kanya at iniiwasan nila Siya, at maaari pa nga nilang palihim, pasimple, at hindi sinasadyang paghinalaan, tanggihan, at husgahan ang Diyos. Mula sa perspektibang ito, mga positibong bagay ba ang mga negatibong emosyong ito? (Hindi, hindi positibo ang mga ito.) Isa iyang aspekto. Sa isa pang aspekto, hindi inaakay ng mga negatibong emosyong ito ang mga tao papunta sa harapan ng Diyos upang magpasakop sa katotohanan. Inaakay ng mga ito ang mga tao sa mga landas at patungo sa mga mithiin at direksyong sumasalungat at kumakalaban sa katotohanan. Hindi ito mapag-aalinlanganan. Ang silbi ng mga negatibong emosyong ito sa loob-loob ng isang tao ay hikayatin siyang protektahan ang kanyang sarili, pangalagaan ang mga interes ng kanyang laman, at panatilihin ang kanyang banidad, pagpapahalaga sa sarili, at katayuan. Palagi kang pinipigil at iginagapos ng mga ito, pinipigilan kang makinig sa mga salita ng Diyos, na maging isang matapat na tao, at na isagawa ang katotohanan. Pinaniniwala ka ng mga ito na madedehado ka kung isasagawa mo ang katotohanan, na mapapahiya ka at mawawalan ng katayuan, na pagtatawanan ka ng iba, at na malalantad sa buong mundo ang tunay na ikaw. Kinokontrol ng mga negatibong emosyong ito ang mga tao, pinangingibabawan ang kanilang mga kaisipan at ipinapaisip lang sa kanila ang mga negatibong bagay na ito. Ngayon, salungat ba sa katotohanan ang diwa ng mga negatibong bagay na ito? (Oo.) Kaya, habang palaging ipinaaalala sa iyo ng mga negatibong emosyon ang mga bagay na ito, kasabay nito ay palagi ka ring pinipigilan ng mga ito na isagawa at hangarin ang katotohanan. Nagsisilbing mga pader ang mga ito sa iyong paghahangad sa katotohanan at mga sagabal sa iyong landas papasok sa katotohanang realidad. Sa tuwing nais mong isagawa ang katotohanan, magsalita nang tapat, magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at kumilos ayon sa mga prinsipyo, o taos-pusong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos, magbayad ng halaga, at ipakita ang iyong katapatan sa Diyos, agad na lumilitaw ang mga negatibong emosyong ito at pinipigilan kang isagawa ang katotohanan. Palaging umuusbong ang mga ito sa iyong mga naiisip at sumasagi sa iyong isipan, sinasabi sa iyong madedehado ka kung kikilos ka sa ganoong paraan, kung ano ang iyong magiging katapusan, kung ano ang mga kahihinatnan, at kung ano ang iyong makakamit. Paulit-ulit kang pinaaalalahanan at binabalaan ng mga ito, pinipigilan kang tanggapin at isagawa ang katotohanan, at magpasakop sa Diyos. Sa halip, hinihikayat ka ng mga ito na isipin ang iyong sarili, isaalang-alang ang sarili mong mga interes, at bilang resulta, hindi mo nagagawang isagawa ang katotohanan o magpasakop na lang sa Diyos. Sa isang saglit, nagagapos at nakokontrol ng mga negatibong emosyong ito ang iyong mga naiisip. Bagamat nais mong isagawa ang katotohanan sa simula, at handa kang magpasakop sa Diyos, at gusto mo Siyang mapalugod, kapag umuusbong ang mga negatibong emosyon sa loob-loob mo, hindi sinasadyang sinusunod mo ang mga ito at nakokontrol ka ng mga ito. Binubusalan ng mga ito ang iyong bibig, iginagapos ang iyong mga kamay at paa, at pinipigilan kang gawin ang dapat mong gawin at sabihin ang mga salitang dapat mong sabihin. Sa halip, nauuwi kang bumibigkas ng mga huwad, mapanlinlang, at mapanghusgang salita, at gumagawa ng mga pagkilos na salungat sa katotohanan. Agad na nagdidilim ang iyong puso at nakukulong sa paghihirap. Magaganda ang iyong orihinal na ideya at plano—nais mong isagawa ang katotohanan, at ialay ang iyong katapatan upang magawa mo nang maayos ang iyong tungkulin, at mayroon kang motibasyon, pagnanais, at kagustuhang isagawa ang katotohanan. Subalit sa mga kritikal na sandali, kinokontrol ka ng mga negatibong emosyong ito. Hindi mo kayang maghimagsik laban sa mga ito o tanggihan ang mga ito, at sa huli, maaari ka lamang sumuko sa mga negatibong emosyong ito. Kapag pinamamalagian at ginugulo ng mga negatibong emosyon ang mga tao, kapag kinokontrol ng mga ito ang mga naiisip ng mga tao at pinipigilan silang isagawa ang katotohanan, nagmumukhang lubos na walang kapangyarihan, walang magawa, at kaawa-awa ang mga tao. Kapag walang malaking isyung nangyayari at kapag walang sangkot na prinsipyo, iniisip ng mga tao na mayroon silang walang-hanggang lakas, na malakas ang kanilang paninindigan at pananampalataya, at pakiramdam nila ay puno sila ng motibasyon. Naniniwala sila na hindi nila magagawang mahalin nang sapat ang Diyos, iniisip nila na mayroon silang may-takot-sa-Diyos na puso, at na wala silang magagawang mali, na wala silang kakayahang makagambala o makagulo, at na tiyak na wala silang kakayahang sadyang gumawa ng kasamaan. Pero kapag may nangyayari, bakit hindi nila mapigilan ang reaksyon nila? Ang mga hindi sinasadyang pagkilos nilang ito ay hindi planado o ginusto, pero nangyayari pa rin ang mga ito at nagiging realidad, at malayo ang mga ito sa kung paano nais na kumilos ng mga taong iyon. Kailangang sabihin na ang pag-iral ng mga bagay na ito at ang paulit-ulit na paglitaw ng ganoong pangyayari ay dahil sa mga negatibong emosyon. Malinaw na ang epekto ng mga negatibong emosyon sa mga tao, at ang kontrol ng mga ito sa mga tao, ay hindi kasingsimple ng inaakala ng mga tao, ni kasingdaling lutasin, at lalo nang hindi ito kasingdaling bitiwan o paghimagsikan. Gaano man kalakas palaging ipagsigawan ng mga tao ang kanilang mga sawikain, gaano man katindi ang kanilang paninindigan kadalasan, o gaano man kataas ang kanilang mga hinahangad, o gaano man kadakila ang kanilang magpagmahal-sa-Diyos na mga puso at pananampalataya sa Diyos, kapag nahaharap sa realidad, bakit hindi nagkakaroon ng anumang epekto ang paninindigan at pananampalatayang iyon, at ang mga hinahangad at pinapangarap na iyon? Paano naiimpluwensyahan at nasusupil ng mga pansamantalang negatibong emosyon ang mga iyon? Malinaw rito na nag-ugat na sa buhay ng mga tao ang mga negatibong emosyon; umiiral ang mga ito kasama ng mga tiwaling disposisyon ng mga tao at kayang impluwensyahan at kontrolin ng mga ito ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao, gaya ng ginagawa ng mga tiwaling disposisyon. Kasabay nito, at mas seryoso, kinokontrol ng mga ito ang mga salita at kilos ng mga tao, at higit pa rito, kinokontrol ng mga ito ang bawat kaisipan at ideya nila, at ang bawat kilos at asal nila sa harap ng lahat ng uri ng sitwasyon. Kaya, hindi ba’t napakahalaga na lutasin ang mga negatibong emosyong ito? (Oo.) Ang mga negatibong emosyon ay hindi mga positibong bagay, maipapakita ito sa dalawang paraan: Una, hindi maaakay ng mga negatibong emosyon ang isang tao na aktibong lumapit sa harapan ng Diyos; pangalawa, hindi mabibigyang-kakayahan ng mga ito ang isang tao na matagumpay na maisagawa ang katotohanan sa harap ng realidad, at na makapasok sa katotohanan, gaya ng gusto nila. Ang mga ito ay mga balakid sa paghahangad ng mga tao sa katotohanan, hinahadlangan ng mga ito ang mga tao sa paghahanap at pagsasagawa sa katotohanan. Kaya, dapat ay malutas ang mga negatibong emosyon. Sa pagtingin sa epekto at diwa ng mga negatibong emosyon, makikita ng isang tao na hindi mga positibong bagay ang mga ito. Bukod pa roon, maaaring sabihin na sa diwa ng mga ito ay mas kaya ng mga ito na pigilan at kontrolin ang mga tao, hanggang sa isang partikular na punto, kaysa sa mga tiwaling disposisyon. Kaya, masasabi ba ninyong ang pag-iral ng mga negatibong emosyong ito ay isang seryosong problema? (Oo.) Kung hindi malulutas ang mga negatibong emosyong ito, anong mga kahihinatnan ang maaasahan? Makatitiyak kayo na gagawin ng mga emosyong ito na mamuhay nang matagal sa pagiging negatibo ang isang tao, at lalo pang kaya ng mga ito na pigilan at igapos ang mga tao, na hinahadlangan sila na hangarin ang katotohanan. Dapat bang malutas ang ganito kaseryosong problema? Dapat itong malutas. Kasabay ng pagharap sa kanilang mga tiwaling disposisyon, dapat ding lutasin ng mga tao ang kanilang mga negatibong emosyon. Kung lulutasin ng mga tao ang kanilang mga negatibong emosyon at tiwaling disposisyon, higit na mas magiging maayos ang kanilang paghahangad sa katotohanan, at hindi magkakaroon ng anumang malaking hadlang dito.

Ang mga tiwaling disposisyon ay nakatago sa ilang panlabas na pagpapamalas at pamamaraan ng mga tao, pati na sa ilang kalagayan, kaya paano mo makikilala ang mga negatibong emosyon? Paano mo makikita ang kaibahan ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? Napag-isipan na ba ninyo ito noon? (Hindi.) Ang disposisyon at ang mga emosyon ay dalawang magkaibang uri ng bagay. Kung pag-uusapan lang natin ang mga disposisyon at mga emosyon, madali bang makita ang pagkakaiba ng mga literal na kahulugan ng mga ito? Ang mga disposisyon ay tumutukoy sa mga bagay na naipamamalas mula sa kalikasan at diwa ng isang tao, habang ang mga emosyon naman ay pangunahing isang uri ng sikolohikal na kalagayan na mayroon ang mga tao habang gumagawa ng isang bagay. Paano man natin literal na bigyang kahulugan ang mga katawagang ito, sa anumang sitwasyon, ang mga emosyon ng tao—lalo na ang kanilang mga negatibong emosyon—ay nagtataglay ng maraming negatibong kaisipan. Kapag nagkikimkim ang isang tao ng mga negatibong emosyong ito, maaari itong magdulot sa kanila na mamuhay sa isang negatibong kalagayan at pangibabawan ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, hindi ba? (Oo.) Maaaring matagal na manatiling nakakubli sa puso ng mga tao ang mga negatibong emosyong ito, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, hindi nila mamamalayan kailanman ang mga emosyong ito o madarama ang presensya ng mga ito; kasama ng mga tao ang mga ito sa lahat ng oras, gaya ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Kadalasan, nakakubli ang mga negatibong emosyong ito sa loob ng iba’t ibang maling kaisipan at pananaw ng mga tao, at ang mga maling kaisipan at pananaw na ito ay nagiging dahilan para pagdudahan ng mga tao ang Diyos, mawalan ng kanilang tunay na pananampalataya, at gumawa ng lahat ng uri ng hindi makatwirang paghingi sa Diyos, at mawalan ng kanilang normal na katwiran. Sa ilalim ng iba’t ibang katwiran, kaisipan, at pananaw, nakakubli ang mga negatibong emosyong ito sa loob ng mga tiwaling disposisyon ng isang tao at sa loob ng kanyang iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, ganap na kinakatawan ang kalikasang diwa ng taong iyon. Nagpapamalas ang mga tiwaling disposisyon sa iba’t ibang kalagayang nahahayag sa pamamagitan ng asal at kilos ng mga tao—tinataglay ng iba’t ibang kalagayang ito ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Bagamat magkaiba ang mga negatibong emosyon at ang mga tiwaling disposisyon, mayroong mahalagang ugnayan sa pagitan ng mga ito sa ilang aspekto, at maaari pa ngang maging magkaugnay at hindi mapaghiwalay ang mga ito. Sa ilang aspekto, maaaring suportahan ng mga ito ang isa’t isa, palakasin ang isa’t isa, at asahan ang isa’t isa at magkasamang umiral. Halimbawa, ang pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa na pinagbahaginan natin noong nakaraan ay isang uri ng negatibong emosyon. Ang ganitong uri ng negatibong emosyon ang nagiging dahilan para mamuhay nang may pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa ang mga tao. Kapag nakakulong ang mga tao sa mga emosyong ito, natural na magkakaroon sila ng ilang kaisipan at pananaw, na magdudulot sa kanila ng pagdududa, pag-uusisa, pag-iingat, pagkakamali sa pag-unawa, at maging panghuhusga at pang-aatake sa Diyos, at maaari din silang gumawa ng mga di-makatwiran at transaksyonal na paghingi sa Diyos. Sa puntong ito, lumala na at naging isa nang tiwaling disposisyon ang mga negatibong emosyong ito. Kung gayon, ano na ang naunawaan ninyo mula sa halimbawang ito? Nakikita ba ninyo ang pagkakaiba ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? Sabihin ninyo sa Akin. (Ang mga negatibong emosyon ay nagdudulot ng ilang maling kaisipan at pananaw, habang ang mga tiwaling disposisyon naman ay mas malalim na nakabaon, at nagsasanhi sa mga tao na magkamali sa pag-unawa at na mag-ingat laban sa Diyos.) Magbibigay Ako ng isang halimbawa. Tingnan natin ang mga negatibong emosyon na pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa. Sabihin nating nagkasakit ang isang tao, at iniisip niya ang kanyang sakit at nakararanas siya ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa bilang resulta. Kinokontrol ng mga ito ang kanyang puso, tinatakot siya ng mga ito na lumala ang kanyang sakit at sa iba’t ibang kahihinatnan na dala ng kamatayan. Pagkatapos ay nagsisimula niyang katakutan ang kamatayan, tanggihan ang kamatayan, at naising matakasan ito. Ang sunud-sunod na kaisipan at ideyang ito ay umuusbong dahil sa kanyang karamdaman. Sa konteksto ng karamdamang ito, nagkakaroon ng maraming aktibong kaisipan ang taong ito. Ang pinagmumulan ng mga aktibong kaisipang ito ay batay sa mga interes ng kanyang laman at malinaw na hindi ito batay sa katunayan na ang Diyos ang naghahari sa lahat ng bagay, o sa katotohanan. Iyan ang dahilan kung bakit itinuturing natin ang mga ito bilang mga negatibong emosyon. Masama ang pakiramdam ng taong iyon dahil sa kanyang karamdaman, pero nasa kanya na ang karamdaman, at kailangan niya itong harapin—hindi niya ito matatakasan, kaya iniisip niya, “Naku, paano ko dapat harapin ang karamdamang ito? Dapat ko ba itong gamutin o hindi? Anong mangyayari kung hindi ko ito gagamutin? Anong mangyayari kung gagamutin ko ito?” Habang patuloy niya itong iniisip, nababagabag siya. Ang iba’t ibang kaisipan at pananaw niya tungkol sa kanyang karamdaman ay ikinukulong siya sa pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa. Hindi ba’t sa panahong iyon ay nagsimula nang umepekto ang negatibong emosyong ito? (Oo.) Noong una niyang naranasan ang kanyang karamdaman, iniisip niyang subukan itong gamutin, pero pagkatapos ay nararamdaman niyang hindi tama na gawin iyon, at sa halip ay pinaplano niyang mabuhay sa pamamagitan ng kanyang pananampalataya, normal na ginagawa ang kanyang tungkulin, habang nag-aalala pa rin na lulubha ang kanyang karamdaman. Ano ang angkop na paraan para harapin ito? Wala siyang landas. Sa pangingibabaw ng kanyang mga negatibong emosyon, palagi siyang nababagabag, nag-aalala, at nababalisa tungkol sa bagay na ito, at sa sandaling umusbong sa kalooban niya ang pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa ay hindi niya mabitiwan ang mga ito. Binabagabag siya ng kanyang karamdaman—ano ang dapat niyang gawin tungkol dito? Nagsisimula niyang isipin, “Ayos lang, nananalig ako sa Diyos. Pagagalingin ako ng Diyos. May pananampalataya ako.” Subalit, pagtagal-tagal, hindi bumubuti ang karamdaman, at hindi siya pinagagaling ng Diyos. Patuloy na nababagabag, nag-aalala, at nababalisa ang taong iyon tungkol doon, sinasabing “Pagagalingin ba ako ng Diyos o hindi? Kailangan ko lang maghintay, pagagalingin ako ng Diyos. May pananampalataya ako.” Sinasabi niya na may pananampalataya siya, pero sa kaibuturan niya, ang totoo ay namumuhay siya sa gitna ng kanyang mga negatibong emosyon, iniisip na, “Paano kung hindi ako pagalingin ng Diyos, at lumala ang sakit ko at mamatay ako? Mawawalan ba ng saysay ang pagganap ko sa tungkulin ko? Hindi ba ako makatatanggap ng anumang mga pagpapala? Dapat kong hilingin sa Diyos na pagalingin ako.” Kaya nagdarasal siya sa Diyos, sinasabing, “Diyos ko, batay sa maraming taon na ginampanan ko ang tungkulin ko, puwede Mo bang alisin ang sakit ko?” Pagkatapos ng higit pang pag-iisip, napagtatanto niya, “Hindi tama na hilingin ko iyon sa Diyos. Hindi ako dapat humingi nang labis-labis sa Diyos. Dapat may pananampalataya ako.” Kapag may pananampalataya siya, pakiramdam niya ay medyo bumuti na ang kanyang karamdaman, pero pagtagal-tagal ay iniisip niya, “Hindi ko nararamdaman na talagang bumuti na ang sakit ko. Ang totoo, tila ba lumubha ito. Anong dapat kong gawin? Lalo pa akong magsisikap at magpupunyagi sa aking tungkulin, magtitiis ako ng higit pang pagdurusa, magbabayad ako ng mas malaki pang halaga, at pagsisikapan kong pagalingin ako ng Diyos. Ipakikita ko sa Diyos ang aking katapatan at ang aking pananampalataya, at ipakikita ko sa Kanya na kaya kong tanggapin ang pagsubok na ito.” Pagtagal-tagal, hindi lang sa hindi bumubuti ang kanyang karamdaman, kundi lumulubha ito, at mas lalo siyang nalulungkot, at iniisip niya: “Hindi pa ako pinagagaling ng Diyos. Anong dapat kong gawin? Pagagalingin ba ako ng Diyos o hindi?” Tumitindi ang kanyang pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa. Sa kontekstong ito, patuloy siyang namumuhay sa gitna ng mga negatibong emosyon gaya ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa dahil sa kanyang karamdaman. Paminsan-minsan, nagkakaroon siya ng kaunting “pananampalataya” sa Diyos at kung minsan ay naghahandog siya ng kaunti niyang katapatan at determinasyon. Anuman ang gawin niya o paano man niya ito harapin, sa anumang sitwasyon, palagi siyang nakakulong sa mga emosyon na pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa. Mahigpit siyang nakagapos sa kanyang karamdaman, at ang lahat ng kanyang ginagawa ay para mapabuti at mapagaling ang kanyang karamdaman, at para makalaya rito. Kapag namumuhay ang isang tao sa gitna ng gayong mga negatibong emosyon, hindi lang niya panandaliang iniisip ang kanyang karamdaman; sa halip, sa ilalim ng paghahari ng mga negatibong emosyong iyon, madalas na napakaaktibo ng kanyang pag-iisip. Kapag hindi mapalalampas ang mga aktibong kaisipang ito o kapag hindi umaayon ang realidad sa gusto niya, paminsan-minsan ay maraming ideya o maging pamamaraan ang nabubuo sa isipan niya nang labag sa kalooban niya. Sinasabi niya, “Kung hindi ako pagagalingin ng Diyos, gagawin ko pa rin ang aking tungkulin, pero kung talagang hindi ako pagagalingin ng Diyos, walang silbi ang pananampalataya ko sa Kanya, at ako na mismo ang gagamot sa sakit ko.” Kita mo, iniisip niya, “Kung hindi ako pagagalingin ng Diyos, maayos ko pa ring gagawin ang tungkulin ko—pagsubok ito ng Diyos sa akin,” pero kasabay niyon ay iniisip niya rin, “Kung talagang hindi ako pagagalingin ng Diyos, kailangan kong gamutin mismo ang sarili ko. Kung kailangan ko mismong gamutin ito, hindi ko gagawin ang tungkulin ko. Kung ni hindi mapagaling ng pananampalataya ko sa Diyos ang aking sakit, bakit pa ako dapat manalig sa Diyos? Bakit pinagagaling ng Diyos ang iba pero hindi ako?” Patuloy siyang natatali ng kanyang mga negatibong emosyon, at hindi lamang niya hindi magawang baligtarin o baguhin ang kanyang mga maling kaisipan at pananaw, kundi inaakay pa siya ng mga negatibong emosyong ito para unti-unting hindi maunawaan ang Diyos, magreklamo tungkol sa Diyos, at pagdudahan ang Diyos habang dinaranas niya ang kanyang karamdaman. Ang prosesong ito ay ang unti-unting pagbabago ng kanyang mga negatibong emosyon, at ang pagpasok niya sa pagkilos nang ayon sa kanyang tiwaling disposisyon. Sa sandaling pangunahan ng tiwaling disposisyon ang mga kilos ng isang tao, hindi na magtataglay ng mga negatibong emosyon ang taong iyon—uusbong sa kalooban niya ang ilang kaisipan at pananaw, o ilang panghuhusga at kapasyahan, at magbubunga ng ilang pagkilos. Kapag ang isang uri ng emosyon ay naging isang uri ng kalagayan, hindi na ito basta usapin lang ng mga negatibong emosyon, ng pag-iisip sa isang bagay o pamumuhay sa isang estado, tungkol ito sa pagbuo ng estadong ito ng mga kaisipan, pananaw, at kapasyahan, pagbuo ng paggalaw at mga pagkilos. Kaya, ano ang nangingibabaw sa mga kaisipan, pananaw, paggalaw, at pagkilos na ito? Isang tiwaling disposisyon ang nangingibabaw sa mga ito. Hindi ba’t naayos na ngayon ang buong prosesong ito ng pagbabago? (Oo.) Sa simula, nagkakaroon ng mga negatibong emosyon ang mga tao sa loob ng isang konteksto, at ang mga negatibong emosyong ito ay ilang simpleng kaisipan, pananaw, at ideya lamang, pero ang lahat ng ideyang ito ay negatibo. Nabubulok ang mga negatibong ideyang ito sa loob ng mga emosyon ng mga tao at nagiging dahilan para makagawa sila ng iba’t ibang maling kalagayan. Kapag namumuhay sa mga maling kalagayan ang mga tao, at nagpapasya sila kung ano ang gagawin, paano ito gagawin, at anong mga pamamaraan ang gagamitin, nabubuo sa loob nila ang mga maling pananaw at teorya, at ang mga ito naman ay may kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon. Ganoon lang iyon kasimple. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo, malinaw na.) Kung gayon, sabihin ninyo sa Akin ang tungkol dito. (Sa ilang konteksto, nagkakaroon ng ilang negatibong emosyon ang mga tao. Sa simula ay hanggang ilang negatibong ideya lamang ang mga negatibong emosyong ito. Kapag nagpatuloy sa pagpapausbong ng iba’t ibang maling kalagayan ang mga negatibong ideyang ito at nagsimula ang mga tao na magpasya kung ano ang gagawin at gumamit ng ilang pamamaraan, pinangingibabawan sila ng ilang kaisipan at teorya. Pagkatapos ay nagkakaroon ito ng kinalaman sa kanilang tiwaling disposisyon.) Pag-isipan ninyo ito at tingnan ninyo kung nauunawaan ninyo ito. Hindi ba’t simple lang ito? (Oo.) Mukha itong simple, pero nakikita ba ninyo ang pagkakaiba ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? Madali man o hindi na mapag-iba ang mga ito sa teorya, sa anumang kaso, naunawaan na ba ninyo ang kaibahan ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon? (Oo.)

Kung umiiral sa inyo mismong puso ang iba’t ibang negatibong emosyon na pinagbahaginan natin, nakikilala at nasusuri ba ninyo ang mga ito? (Medyo nakikilala namin ang mga ito.) Kung taglay ninyo ang mga ito, dapat ay kaya ninyong makilala ang mga ito. Ang layunin ng pagkilala sa mga negatibong emosyon ay hindi lang para magkaroon ng pangkalahatang teoretikal na pagkaunawa sa mga ito o ang maunawaan ang kahulugan ng mga ito at iyon na iyon. Ito ay ang makalaya sa pagpapahirap ng mga negatibong emosyon pagkatapos magkamit ng praktikal na pagkakilala sa mga ito, at ang mabitiwan ang iba’t ibang negatibong emosyong ito na hindi dapat umiiral sa kalooban ng mga tao, gaya ng mga negatibong emosyong napagbahaginan natin noong nakaraan. Ngayon, batay sa pagkakaiba ng mga negatibong emosyon at ng mga tiwaling disposisyon na katatapos lang nating pagbahaginan, masasabi ba natin na ang mga negatibong emosyon ay isang pinag-ugatang dahilan o isang konteksto na umaakay sa mga tao na maghayag ng kanilang mga tiwaling disposisyon? Halimbawa, sa panahon ng karamdaman, kung hindi ka magkakaroon ng mga negatibong emosyon gaya ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa dahil sa karamdaman, pinatutunayan nito na mayroon kang kaalaman at karanasan sa bagay na iyon, na nagtataglay ka ng mga tamang kaisipan at pananaw, at ng tunay na pagpapasakop. Dahil dito, ang iyong mga kaisipan at kilos pagdating doon ay dapat na umaayon sa katotohanan. Sa kabaligtaran, kung palagi kang nakararanas ng mga negatibong emosyon sa isang bagay, at nananatili kang palaging nakakulong sa mga negatibong emosyon dahil doon, natural lang na uusbong ang iba’t ibang negatibong kalagayan sa iyong kalooban dahil sa mga negatibong emosyong ito. Magsasanhi ang mga negatibong kalagayang ito na natural mong ihayag ang iyong tiwaling disposisyon habang ikaw ay nasa mga maling kalagayang iyon. Pagkatapos, kikilos ka ayon sa mga satanikong pilosopiya, lalabagin mo ang katotohanan sa lahat ng aspekto, at mamumuhay ka ayon sa tiwali mong disposisyon. Samakatuwid, paano man natin pag-ibahin ang mga negatibong emosyon at ang mga tiwaling disposisyon, sa suma total, magkaugnay at hindi mapaghihiwalay ang dalawang ito. Sa partikular, may isang diwa na parehong taglay ng mga ito, na ang mga negatibong emosyon at mga tiwaling disposisyon ay kapwa mga negatibong bagay—iisa ang diwa at mga pinagmumulang kaisipan at pananaw ng mga ito. Ang mga kaisipan at pananaw na nagdudulot ng pag-usbong ng mga negatibong emosyon ay puro negatibo, ang lahat ng ito ay mga satanikong pilosopiya, at inaakay ng mga negatibong bagay na ito ang mga tao na maghayag ng kanilang mga tiwaling disposisyon at umasal at kumilos batay sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Hindi ba? (Oo.)

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo sa mga negatibong emosyon gaya ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa. Ngayon, pagbabahaginan natin ang isa pang aspekto ng mga negatibong emosyon, na sa diwa ay halos kapareho lang ng pagkabagabag, pag-aalala, at pagkabalisa pero mas negatibo pa ang kalikasan. Ano ang emosyong ito? Ito ay ang lagay ng pag-iisip na pinakamadalas na nakakaharap ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay—ang napipigilan. Narinig na ba ninyong lahat ang salitang “napipigilan”? (Oo, narinig na namin.) Kung gayon, mangyaring gumawa kayo ng isang pangungusap o magbigay ng isang halimbawa gamit ang salitang “napipigilan.” Magsisimula Ako ng isa. Sinasabi ng ilang tao, “O, madalas pakiramdam ko ay napipigilan ako habang ginagawa ko ang aking tungkulin, at hindi ako makawala roon.” Tama ba ang pagkakagawa sa pangungusap na ito? (Oo.) Ngayon, kayo naman. (Palagi akong naghahayag ng katiwalian kapag may nangyayari sa akin, at palagi kong kailangang magnilay at subukang kilalanin ang aking sarili, kaya pakiramdam ko ay napipigilan ako.) Pakiramdam mo ay napipigilan ka dahil sinusubukan mo masyadong kilalanin ang sarili mo. Ano ang konteksto sa pagkapigil na ito? Ano ang nagsasanhi nito? Iyon ay dahil alam mong wala ka talagang halaga, at tila ba walang naghihintay sa iyong pagkakataon o hantungan, at na wala kang pag-asang maligtas kailanman, kaya pakiramdam mo ay napipigilan ka. Sino pang gustong magbahagi? (Sa bansa ng malaking pulang dragon, ang pananalig sa Diyos ay nagpaparamdam sa mga tao na napipigilan sila.) Ito ay pagkaramdam na napipigilan dahil sa kapaligiran ng isang tao. (Ang palaging pangasiwaan ng aking lider habang ginagawa ko ang aking tungkulin ay nagpaparamdam sa akin na napipigilan ako.) Maganda ang pagkakasabi niyan, napakakongkretong ipinapahayag niyan ang emosyon ng pagkapigil. (Palagi akong nahaharap sa mga kabiguan at dagok habang ginagawa ko ang aking tungkulin, dahil dito, pakiramdam ko ay napipigilan ako.) Pakiramdam ninyo ay napipigilan kayo dahil sa mga dagok at kabiguan, na para bang wala nang patutunguhan. Kapag mabagal na umuusad ang inyong gawain, pakiramdam ba ninyo ay napipigilan kayo? (Oo.) Mayroon iyang kaunting positibong ipinahihiwatig. Magsabi pa kayo ng iba sa Akin. (Pakiramdam ko ay napipigilan ako kapag palagi akong pinupungusan habang ginagawa ko ang aking tungkulin.) Iyan ang realidad, hindi ba? (Pakiramdam ko ay napipigilan ako kapag hindi ako nakakukuha ng magagandang resulta sa aking tungkulin.) Ano ang dahilan ng pagkapigil na ito? Talaga bang dahil ito sa hindi kayo nakakuha ng magagandang resulta? Hindi ba kayo natatakot na iaangkop ang inyong tungkulin o na ititiwalag kayo? (Oo.) Ito ang mga kongkretong dahilan ng inyong pagkapigil. May iba pa bang pagkaramdam ng pagkapigil? Sabihin ninyo sa Akin ang mga iyon. (Mas magaling sa akin ang lahat ng kapareha ko, kaya pakiramdam ko ay napipigilan ako.) Iyan ang problemang idinudulot ng inggit—ang pagkapigil. May iba pa bang isyu ng pagkapigil? (Pakiramdam ko ay napipigilan ako dahil sa matagal nang kawalan ng pag-usad sa aking linya ng gawain.) Ito ba ay pagkagipit o pagkapigil? Ito ay medyo pagkagipit. Isang mabuting bagay ang pagkakaroon ng pagkagipit na ito, kung gayon. Hindi ba’t kailangan lang ninyong gawing motibasyon ang pagkagipit na ito? Kapag palaging iniaangkop ang mga tungkulin ng mga miyembro ng bawat pangkat, hindi ba’t pakiramdam ninyo ay napipigilan kayo? (Oo.) Pakiramdam ninyo ay napipigilan din kayo, kung gayon. Mula sa mga pangungusap na inyong ibinigay, mukhang lahat kayo ay nararanasan ang emosyon na pagkapigil. Tila ba ang kaloob-looban ng mga tao ay lubhang hindi mapakali, palaging balisa, at nasa ilalim ng isang uri ng di-nakikitang pagkagipit, kung kaya’t umuusbong sa kalooban nila ang emosyon na pagkapigil, at pagkatapos ay namumuhay sila sa gitna ng negatibong emosyon na pagkapigil. Isa ba itong mabuting bagay? (Hindi, hindi ito mabuti.) Hindi ito isang mabuting bagay. Hindi ba’t dapat itong lutasin, kung gayon? Dahil hindi ito isang mabuting bagay, dapat itong lutasin. Kapag palaging namumuhay ang mga tao sa gitna ng isang negatibong emosyon, alinmang emosyon iyon, sa mas mababang antas ay maaari itong magkaroon ng masasamang epekto sa kanilang katawan at isipan, na pipigil sa kanila na mamuhay nang malusog at lumaking malakas. Sa mas mataas na antas, ang epekto ng iba’t ibang negatibong emosyon sa mga tao ay hindi limitado sa mga pangunahin nilang pangangailangan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay, gaya ng pagkain, kasuotan, tirahan, at transportasyon. Higit pang mahalaga, naaapektuhan nito kung paano nila tingnan ang mga tao at bagay, pati na rin ang kanilang asal at mga kilos. Sa mas partikular, iniimpluwensiyahan nito ang kanilang kahusayan, pag-usad, at pagiging epektibo sa kanilang mga tungkulin. Siyempre, higit pang mahalaga ay naaapektuhan nito kung ano ang natatamo nila sa paggampan sa kanilang mga tungkulin at ang mga pakinabang na dapat maani ng mga tao mula sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Palaging ginagambala at nililimitahan ng mga negatibong emosyong ito ang kaisipan ng mga tao, ang puso nila ay palaging ginugulo, at madalas silang namumuhay sa mga damdamin gaya ng pagkabagabag, pagkabalisa, at kapusukan. Kapag nakakulong ang mga tao sa mga damdaming ito, nagagambala, naaapektuhan, at nasisira ang kanilang normal na konsensiya at katwiran, pati na ang kanilang normal na mga buhay at ang kanilang normal na paggampan sa kanilang mga tungkulin. Kaya, dapat mong agad na lutasin ang mga negatibong emosyong ito at iwasan na lalo pang maapektuhan ng mga ito ang iyong normal na buhay at gawain. Ang konsepto ng pagkapigil na tinalakay natin ngayon ay may kaparehong diwa ng iba’t ibang negatibong emosyong pinag-usapan natin noong nakaraan. Kadalasan ay nag-aalala at nag-aalinlangan ang mga tao sa napakaraming bagay, o nagkikimkim ng maraming pangamba sa kaibuturan ng kanilang puso, kaya pakiramdam nila ay napipigilan sila. Kung matagal na mananatiling hindi nalulutas ang emosyong ito na pagkapigil, lalo pang magiging balisa at mababagabag ang mga tao sa kaibuturan ng kanilang puso. Sa ilang partikular na kapaligiran at konteksto, maaari pa ngang makawala ang mga tao sa kontrol ng konsensiya at katwiran ng sangkatauhan, makagawa ng ilang sukdulang pamamaraan para mapagtagumpayan ang kanilang mga sitwasyon. Ito ay dahil mayroong hangganan ang likas na kakayahan ng katawan ng tao na kayanin ang ilang negatibong emosyon. Kapag naabot na ang hangganan at sukdulang iyon, makakawala ang mga tao sa mga pagpipigil ng katwiran ng sangkatauhan at gagamit sila ng ilang sukdulang pamamaraan para mailabas ang kanilang mga emosyon, at para mailabas ang lahat ng uri ng di-makatwirang ideya na nasa kaibuturan ng kanilang puso.

Nagpahayag lang kayo ng ilan sa iba’t ibang dahilan kung kaya’t pakiramdam ng mga tao ay napipigilan sila sa pamamagitan ng mga pangungusap na ibinigay ninyo. Ngayon ay pangunahin nating pagbabahaginan ang tatlo sa mga sanhi at dahilan kung bakit umuusbong sa mga tao ang negatibong emosyong ito ng pagkapigil. Ang una ay na maraming tao, sa kanilang pang-araw-araw na buhay man o sa proseso ng paggampan ng kanilang mga tungkulin, ang nakakaramdam na hindi nila maaaring gawin kung ano ang gusto nila. Ito ang unang dahilan: ang kawalan ng kakayahang gawin ng isang tao ang kanyang gusto. Ano ang ibig sabihin ng hindi magawa ng isang tao kung ano ang gusto niya? Ang ibig sabihin nito ay ang hindi magawang kumilos ayon sa bawat pagnanais na sumasagi sa isip ng isang tao. Ang magawa ang gusto niya, kung kailan niya gusto, at kung paano niya gusto ay isang bagay na hinihingi ng mga taong ito kapwa sa kanilang trabaho at buhay. Subalit, dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kasama na ang mga batas, kapaligirang pinamumuhayan, o mga patakaran, sistema, kondisyon, at pamamaraan ng pagdidisiplina ng isang grupo, at iba pa, hindi makakilos ang mga tao ayon sa sarili nilang mga kagustuhan at imahinasyon. Dahil dito, pakiramdam nila sa kaibuturan ng kanilang puso ay napipigilan sila. Sa diretsahang pananalita, nangyayari ang pagkapigil na ito dahil ang pakiramdam ng mga tao ay agrabyado sila—ang pakiramdam pa nga ng ilang tao ay na ginawan sila ng mali. Sa prangkang pananalita, ang hindi magawa ng isang tao ang gusto niya ay nangangahulugang hindi siya makakikilos nang ayon sa sarili niyang kalooban—nangangahulugan ito na hindi maaaring maging sutil o malayang mapagpalayaw ang isang tao dahil sa iba’t ibang kadahilanan at mga paglilimita ng iba’t ibang obhetibong kapaligiran at kondisyon. Halimbawa, ang ilang tao ay palaging pabasta-basta at naghahanap ng mga pamamaraan para magtamad-tamaran habang ginagampanan ang kanilang mga tungkulin. Kung minsan, kailangan sa gawain ng iglesia ang pagmamadali, pero gusto lang nilang gawin kung ano ang gusto nila. Kung hindi masyadong maganda ang pisikal nilang pakiramdam, o mainit ang ulo nila o malungkot sila nang dalawang araw, ayaw nilang magtiis ng paghihirap at magbayad ng halaga para magawa ang gawain ng iglesia. Sa partikular ay tamad sila at nag-aasam ng ginhawa. Kapag wala silang motibasyon, magiging mabagal ang kanilang katawan, at hindi nila gugustuhing gumalaw, pero natatakot silang pungusan ng mga lider at tawaging tamad ng kanilang mga kapatid, kaya wala silang magawa kundi gampanan ang gawain nang mabigat ang loob kasama ng iba. Subalit, labis silang magiging umaayaw, hindi masaya, at mabigat ang loob dito. Madarama nilang ginawan sila ng masama, na inagrabyado sila, na naiinis sila, at pagod na pagod. Gusto nilang kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, pero hindi sila nangangahas na kumawala o sumalungat sa mga hinihingi at kondisyon ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, sa paglipas ng panahon ay nagsisimulang umusbong sa kalooban nila ang isang emosyon—ang pagkapigil. Sa sandaling mag-ugat sa kanila ang emosyon na pagkapigil na ito, magsisimula silang unti-unting magmukhang balisa at mahina. Gaya ng isang makina, hindi na sila magkakaroon ng malinaw na pagkaunawa sa ginagawa nila, pero gagawin pa rin nila ang anumang sabihin sa kanilang gawin araw-araw, sa paraang sinabi sa kanila na gawin iyon. Bagamat sa panlabas ay magpapatuloy silang isagawa ang kanilang mga gampanin nang hindi humihinto, nang hindi tumitigil sandali, nang hindi lumalayo sa kapaligiran ng kanilang pagganap sa kanilang mga tungkulin, sa kanilang puso ay mararamdaman nilang napipigilan sila, at iisipin nila na ang buhay nila ay sobrang nakakapagod at puno ng hinaing. Ang pinakaninanasa nila sa kasalukuyan ay na balang araw ay hindi na sila kokontrolin ng iba, hindi na lilimitahan ng mga kondisyon ng sambahayan ng Diyos, at mapapalaya na sila sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Gusto nilang gawin ang anumang gusto nila, kung kailan man nila gusto, gumawa ng kaunting gawain kung maganda ang pakiramdam nila, at hindi gumawa kung hindi maganda ang pakiramdam nila. Inaasam nilang hindi masisi, hindi mapungusan kailanman, at hindi mapangasiwaan, masubaybayan, o mapamahalaan ninuman. Iniisip nila na kapag dumating ang araw na iyon, magiging magandang araw iyon, at madarama nilang labis silang malaya at napakawalan na. Subalit, ayaw pa rin nilang umalis o sumuko; natatakot sila na kung hindi nila gagampanan ang kanilang mga tungkulin, kung talagang gagawin nila ang gusto nila at magiging malaya at napakawalan na sila balang araw, natural silang mapapalayo sa Diyos kung gayon, at natatakot sila na kapag ayaw na sa kanila ng Diyos ay hindi nila magagawang magtamo ng anumang pagpapala. Nalalagay sa alanganin ang ilang tao: Kung susubukan nilang magreklamo sa kanilang mga kapatid, mahihirapan silang magsalita. Kung babaling sila sa Diyos sa panalangin, madarama nilang hindi nila maibuka ang kanilang bibig. Kung magrereklamo sila, madarama nila na sila mismo ang mali. Kung hindi sila magrereklamo, hindi sila mapapakali. Nagtataka sila kung bakit parang puno ng hinaing ang buhay nila, kung bakit ito lubhang salungat sa kalooban nila, at sobrang nakakapagod. Ayaw nilang mamuhay nang ganoon, ayaw nilang maging kaisa sa iba, gusto nilang gawin ang anumang gusto nila, kung paano man nila gusto, at nagtataka sila kung bakit hindi nila ito maisakatuparan. Pakiramdam nila dati, katawan lang nila ang pagod na pagod, pero ngayon, pakiramdam nila ay pagod na rin ang puso nila. Hindi nila nauunawaan kung ano ang nangyayari sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t idinudulot ito ng mga emosyon na pagkapigil? (Oo.)

Sinasabi ng ilang tao, “Sinasabi ng lahat na malaya at napakawalan na ang mga nananalig, na partikular na masaya, tahimik, at maligaya ang buhay ng mga nananalig. Bakit hindi ako makapamuhay nang kasingsaya at kasingtahimik ng iba? Bakit wala akong nararamdamang anumang ligaya? Bakit pakiramdam ko ay labis akong napipigilan at pagod na pagod? Bakit ang sasaya ng buhay ng ibang tao? Bakit napakamiserable ng buhay ko?” Sabihin ninyo sa Akin, ano ang sanhi nito? Ano ang nagdulot ng kanilang pagkapigil (Hindi nasiyahan ang pisikal nilang katawan at nagdusa ang kanilang laman.) Kapag nagdurusa ang pisikal na katawan ng isang tao at pakiramdam niya ay ginawan ito ng mali, kung matatanggap niya ito sa kanyang puso at isipan, hindi ba’t madarama niyang hindi na masyadong matindi ang kanyang pisikal na pagdurusa? Kung may kaginhawahan, kapayapaan, at kaligayahan sa kanyang puso at isipan, madarama pa ba niyang napipigilan siya? (Hindi.) Kaya, hindi tamang sabihin na ang pagkapigil ay dulot ng pisikal na pagdurusa. Kung umuusbong ang pagkapigil dahil sa labis-labis na pisikal na pagdurusa, hindi ba’t nagdurusa kayo? Pakiramdam ba ninyo ay napipigilan kayo dahil hindi ninyo magawa ang gusto ninyo? Nakukulong ba kayo sa mga emosyon na pagkapigill dahil hindi ninyo magawa ang gusto ninyo? (Hindi.) Abala ba kayo sa inyong pang-araw-araw na gawain? (Medyo abala.) Medyo abala nga kayong lahat, na nagtatrabaho mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon. Bukod sa pagtulog at pagkain, ginugugol ninyo ang halos buong araw ninyo sa harap ng computer, pinapagod ang inyong mga mata at utak, at labis na pinapagod ang inyong katawan, pero pakiramdam mo ba ay napipigilan ka? Magdudulot ba sa iyo ng pagkapigil ang pagod na ito? (Hindi.) Ano ang sanhi ng pagkapigil ng mga tao? Tiyak na hindi ito dahil sa pisikal na pagkapagod, kung gayon, ano ang nagsasanhi nito? Kung palaging naghahanap ng pisikal na kaginhawahan at kasiyahan ang mga tao, kung palagi silang naghahangad ng pisikal na kasiyahan at kaginhawahan, at ayaw nilang magdusa, maging ang katiting na pisikal na pagdurusa, ang pagdurusa nang medyo higit sa iba, o ang pagkaramdam na nagtrabaho sila nang mas mabigat kaysa karaniwan, ay magpaparamdam sa kanila ng pagkapigil. Isa ito sa mga sanhi ng pagkapigil. Kung hindi ituturing ng mga tao ang kaunting pisikal na pagdurusa bilang isang malaking bagay, at hindi sila maghahangad ng pisikal na kaginhawahan, sa halip ay hahangarin nila ang katotohanan at gugustuhing tuparin ang kanilang mga tungkulin upang mapalugod ang Diyos, kadalasan ay hindi sila makadarama ng pisikal na pagdurusa. Kahit pa paminsan-minsan ay mararamdaman nilang medyo abala, pagod, o patang-pata sila, pagkatapos nilang matulog ay magigising sila na mas magaan ang pakiramdam, at pagkatapos ay magpapatuloy sila sa kanilang gawain. Magtutuon sila sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang gawain; hindi nila ituturing ang kaunting pisikal na pagkapagod na malaking isyu. Subalit, kapag umuusbong ang isang problema sa pag-iisip ng mga tao at palagi silang naghahangad ng pisikal na kaginhawahan, anumang oras na medyo maagrabyado o hindi makuntento ang kanilang katawan ay uusbong ang ilang negatibong emosyon sa kanila. Kaya, bakit laging nakukulong sa negatibong emosyong ito na pagkapigil ang ganitong uri ng tao, na palaging gustong gawin ang gusto niya at bigyang-layaw ang kanyang laman at magpakasaya sa buhay, sa tuwing hindi siya kontento? (Ito ay dahil naghahangad siya ng kaginhawahan at pisikal na kasiyahan.) Totoo iyan sa ilang tao. May isa pang grupo ng mga tao na hindi naghahangad ng pisikal na kaginhawahan. Gusto nilang gawin ang mga bagay ayon sa mga kapritso nila at sundin ang lagay ng kalooban nila. Kapag masaya sila, kaya nilang tiisin ang mas maraming pagdurusa, kaya nilang magtrabaho nang tuloy-tuloy buong araw, at kung tatanungin mo sila kung pagod sila, sasabihin nila, “Hindi ako pagod, paano ako mapapagod sa paggawa ng aking tungkulin?” Pero kung hindi sila masaya isang araw, sasama ang loob nila kung hihingin mo sa kanilang gumugol kahit isang dagdag na minuto lang sa isang bagay, at kung medyo pagsasabihan mo sila, sasabihin nila, “Tumigil ka sa pagsasalita! Pakiramdam ko ay napipigilan ako. Kung magpapatuloy ka pang magsalita, hindi ko na gagawin ang tungkulin ko, at kasalanan mo iyon. Kung hindi ako makatatanggap ng mga pagpapala sa hinaharap, kasalanan mo iyon, at ikaw ang mananagot sa lahat ng iyon!” Salawahan ang mga tao kapag nasa abnormal silang kalagayan. Kung minsan ay makakaya nilang magdusa at magbayad ng halaga, pero sa ibang pagkakataon ay magrereklamo sila kahit sa kaunting pagdurusa lang, at maiinis sila kahit sa isang maliit na isyu lamang. Kapag mainit ang kanilang ulo, hindi na nila gugustuhing gawin ang kanilang mga tungkulin, basahin ang mga salita ng Diyos, kantahin ang mga himno, o daluhan ang mga pagtitipon at pakinggan ang mga sermon. Gugustuhin lang nilang mapag-isa sandali, at magiging imposible para kaninuman na tulungan o suportahan sila. Pagkaraan ng ilang araw, maaaring mapakawalan na nila iyon at gumanda ang pakiramdam nila. Ang anumang hindi nagpapalugod sa kanila ay nagpaparamdam sa kanila ng pagkapigil. Hindi ba’t partikular na sutil ang ganitong uri ng tao? (Oo.) Partikular silang sutil. Halimbawa, kung gusto nilang matulog agad-agad, ipipilit nilang gawin iyon. Sasabihin nila, “Pagod na ako, at gusto ko nang matulog ngayon din. Kapag wala na akong lakas, kailangan kong matulog!” Kung sasabihin ng isang tao, “Hindi mo ba kayang magpatuloy nang sampung minuto pa? Malapit na malapit nang matapos ang gampaning ito, at pagkatapos ay puwede na tayong lahat na magpahinga, ano sa tingin mo?” sasagot sila, “Hindi, kailangan ko nang matulog ngayon din!” Kung may makahihikayat sa kanila, mabigat ang loob na magpapatuloy sila ng ilang sandali, pero makararamdam sila ng pagkapigil at pagkainis. Madalas silang nakakaramdam ng pagkapigil sa mga bagay na ito at ayaw nilang tumanggap ng tulong mula sa kanilang mga kapatid o mapangasiwaan ng mga lider. Kung magkakamali sila, hindi nila hahayaan ang iba na pungusan sila. Ayaw nilang malimitahan sa anumang paraan. Iniisip nila, “Nananalig ako sa Diyos para makahanap ako ng kaligayahan, kaya bakit ko pahihirapan ang sarili ko? Bakit kailangang maging sobrang nakakapagod ang buhay ko? Dapat mamuhay nang masaya ang mga tao. Hindi nila dapat masyadong pansinin ang mga patakarang ito at ang mga sistemang iyon. Ano ang silbi ng palaging pagsunod sa mga iyon? Sa ngayon, sa sandaling ito, gagawin ko kung anong gusto ko. Walang sinuman sa inyo ang dapat na may masabi tungkol doon.” Partikular na sutil at talipandas ang ganitong uri ng tao: Hindi nila hinahayaang magtiis ng anumang pagpipigil ang kanilang sarili, at hindi rin nila nais na maramdamang napipigilan sila sa anumang kapaligiran sa trabaho. Ayaw nilang sumunod sa mga patakaran at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos, ayaw nilang tanggapin ang mga prinsipyong dapat pinanghahawakan ng mga tao sa kanilang pag-asal, at ni ayaw nilang sundin ang sinasabi ng konsensiya at katwiran na dapat nilang gawin. Gusto nilang gawin ang gusto nila, gawin ang anumang magpapasaya sa kanila, ang anumang mapakikinabangan nila at makakaginhawa sa kanila. Naniniwala sila na ang mamuhay sa ilalim ng mga pagpipigil na ito ay lalabag sa kanilang kalooban, na magiging isa itong uri ng pang-aabuso sa sarili, na magiging napakahirap nito para sa kanila, at na hindi dapat mamuhay nang ganoon ang mga tao. Iniisip nila na dapat mamuhay ang mga tao nang malaya at napakawalan na, bigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa nang walang limitasyon, pati na rin ang kanilang mga minimithi at ninanais. Iniisip nila na dapat nilang bigyang-layaw ang lahat ng kanilang ideya, sabihin ang anumang gusto nila, gawin ang anumang gusto nila, at pumunta kung saan man nila gusto, nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang mga kahihinatnan o ang mga damdamin ng ibang tao, at lalo na nang hindi kinakailangang isaalang-alang ang sarili nilang mga responsabilidad at obligasyon, o ang mga tungkuling dapat gampanan ng mga nananalig, o ang mga katotohanang realidad na dapat nilang itaguyod at isabuhay, o ang landas sa buhay na dapat nilang sundan. Ang grupong ito ng mga tao ay palaging gustong gawin ang gusto nila sa lipunan at sa ibang tao, pero saanman sila magpunta, hindi nila iyon matatamo kailanman. Naniniwala sila na binibigyang-diin ng sambahayan ng Diyos ang mga karapatang pantao, na binibigyan nito ng lubos na kalayaan ang mga tao, at na inaalala nito ang sangkatauhan, at ang pagpaparaya at pagtitimpi sa mga tao. Inaakala nila na matapos nilang dumating sa sambahayan ng Diyos ay dapat malaya nilang mabigyang-layaw ang kanilang laman at mga ninanasa, pero dahil may mga atas administratibo at patakaran ang sambahayan ng Diyos, hindi pa rin nila magawa ang gusto nila. Kaya, ang negatibong emosyon nilang ito na pagkapigil ay hindi malulutas kahit pagkatapos nilang sumapi sa sambahayan ng Diyos. Hindi sila nabubuhay para tuparin ang anumang uri ng mga responsabilidad o para tapusin ang anumang misyon, o para maging isang tunay na tao. Ang pananalig nila sa Diyos ay hindi para tuparin ang tungkulin ng isang nilikha, tapusin ang kanilang misyon, at kamtin ang kaligtasan. Kahit sino pa ang mga taong kasama nila, kahit ano pa ang mga kapaligiran nila, o ang propesyon nila, ang sukdulan nilang minimithi ay ang mahanap at mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili. Ang layunin ng lahat ng kanilang ginagawa ay umiikot dito, at ang mabigyang-kasiyahan ang kanilang sarili ang kanilang ninanasa sa buong buhay nila at ang minimithi ng kanilang paghahangad.

Ang iba sa inyo ay responsable para sa pagpapatuloy sa mga kapatid at pagluluto ng pagkain nila, at sa ganyang sitwasyon, kailangan mong tanungin ang mga kapatid kung ano ang gusto nilang kainin, tanungin ang iyong sarili kung ano ang mga prinsipyo at hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay patuluyin sila batay sa dalawang uring ito ng mga prinsipyo. Kung nagpapatuloy ka ng mga tao mula sa Hilagang Tsina, mas magluto ka ng mga pagkaing gawa sa trigo gaya ng mga siopao, Mandarin roll, at tinapay na may palaman. Paminsan-minsan, maaari ka ring magluto ng kanin o ng pansit na gawa sa bigas na kinakain ng mga taga-Katimugang Tsina. Ang lahat ng ito ay katanggap-tanggap. Ipagpalagay na ang karamihan ng mga taong pinatutuloy mo ay mula sa Katimugang Tsina. Hindi nila gusto ang mga pagkaing gawa sa trigo, mas gusto nila ang kanin, at pakiramdam nila ay hindi pa sila kumakain kung wala silang kanin. Kaya, kung pinatutuloy mo sila, kailangan mong mas madalas na magluto ng kanin at siguraduhing ang mga pagkain mo ay nababagay sa panlasa ng mga tao mula sa Katimugang Tsina. Kung nagpapatuloy ka ng mga taong kapwa mula sa Katimugan at Hilagang Tsina, maaari kang magluto ng dalawang uri ng pagkain at hayaan ang mga taong pumili kung ano ang gusto nila, at bigyan sila ng kalayaang pumili. Ang pagpapatuloy sa mga kapatid nang ganito ay umaayon sa mga prinsipyo—isa itong napakasimpleng bagay. Hanggat nasisiyahan ang karamihan ng mga tao, sapat na iyon. Hindi mo kailangang mag-alala tungkol sa mangilan-ngilang naiibang indibidwal na hindi nasisiyahan. Subalit, kung ang taong responsable para sa pagpapatuloy ay hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi niya alam kung paano asikasuhin ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, at palagi siyang kumikilos batay sa sarili niyang mga kagustuhan, nagluluto ng anumang pagkaing gusto niya nang hindi isinasaalang-alang kung masisiyahan ba ang mga tao na kainin iyon—anong uri ng problema iyan? Iyan ay labis-labis na pagkasutil at pagkamakasarili. Ang ilang tao ay mula sa Katimugang Tsina, at ang karamihan sa mga taong pinatutuloy nila ay mula sa Hilaga. Nagluluto sila ng kanin araw-araw nang hindi isinasaalang-alang kung sanay ba ang mga kapatid dito, at kapag sinubukan mo silang pungusan at medyo payuhan, umuusbong sa kalooban nila ang isang uri ng emosyon, at ang puso nila ay nagiging palaban, masuwayin, at puno ng hinanakit, at sinasabi nila, “Hindi madaling magluto sa sambahayan ng Diyos. Napakahirap pagsilbihan ang mga taong ito. Nagsusumikap ako mula bukang-liwayway hanggang dapit-hapon para ipagluto kayo, pero napakapihikan pa rin ninyo. Ano bang masama sa pagkain ng kanin? Hindi ba’t kaming mga taga-Timog ay kumakain ng kanin tatlong beses sa isang araw? Hindi ba’t isa iyong magandang paraan ng pamumuhay? Mas malakas kami sa inyo at mas marami kaming enerhiya. Ano bang maganda sa palaging pagkain ng pansit at mga siopao? Mabubusog ba kayo riyan? Bakit hindi ako nasasarapan sa pansit? Bakit hindi ako nabubusog kapag kinakain ko iyon? Buweno, wala na akong magagawa pa. Palagay ko, kakailanganin ko na lang na magtiis at pigilan ang aking sarili para magawa ko ang aking tungkulin. Kung hindi ko pipigilan ang aking sarili, baka palitan ako o itiwalag. Kakailanganin ko na lang magluto ng pansit at mga siopao, kung ganoon!” May hinanakit nilang ginagawa ito araw-araw, iniisip na, “Ni hindi ako makakain ng kanin kapag oras ng pagkain. Gusto ko lang naman kumain ng kanin tuwing oras ng pagkain. Hindi ako mabubuhay kung walang kanin. Gusto kong kumain ng kanin!” Bagamat mabigat sa loob silang nagluluto ng pansit at mga siopao araw-araw, napakalungkot ng kanilang pakiramdam. Bakit napakalungkot ng kanilang pakiramdam? Ito ay dahil pakiramdam nila ay napipigilan sila. Iniisip nila, “Kailangan ko kayong pagsilbihan at ipagluto ng pagkaing gusto ninyong kainin, at hindi ng gusto kong kainin. Bakit ba kailangang laging kayo at hindi ang sarili ko ang bigyan ko ng kasiyahan?” Pakiramdam nila ay agrabyado sila, napipigilan, at na sobrang nakakapagod ang kanilang buhay. Tumatanggi silang gumawa ng anumang dagdag na gawain, at kapag gumagawa sila ng kaunting gawain ay ginagawa nila ito nang pabasta-basta; natatakot silang mapalitan o mapalayas kung hindi sila gagawa ng anumang gawain. Dahil dito, ang tangi nilang magagawa ay ang kumilos nang may pag-aalinlangan at mabigat ang loob at gawin ang kanilang tungkulin sa ganitong paraan, nang hindi dumaranas ng anumang sandali ng kaligayahan, kalayaan, o pagpapalaya. Tinatanong sila ng mga tao, “Anong pakiramdam mo tungkol sa pagpapatuloy sa mga kapatid at pagluluto ng mga pagkain?” Sumasagot sila, “Hindi naman iyon masyadong nakakapagod, pero pakiramdam ko ay napipigilan ako.” Sinasabi ng mga tao, “Bakit pakiramdam mo ay napipigilan ka? Mayroon kang bigas, harina, at mga gulay—lahat ay mayroon ka. Ni hindi mo kailangang gumastos ng sarili mong pera para bilhin ang mga ito. Kailangan mo lang magpagod at gumawa ng kaunti pang gawain kaysa sa ibang mga tao paminsan-minsan. Hindi ba’t iyan ang dapat mong gawin? Nakasisiyang mga bagay ang manalig sa Diyos at gumawa ng tungkulin ng isang tao. Kusang-loob ang mga ito. Kaya bakit pakiramdam mo ay napipigilan ka?” Sumasagot sila, “Bagamat kusang-loob kong ginagawa ang mga ito, hindi ako madalas na makakain ng kanin at hindi ko magawa ang gusto ko, makain ang gusto ko at kung ano ang masarap para sa akin. Natatakot akong mabatikos kung makikitang sinusubukan kong magluto ng isang pagkaing masarap para sa akin, kaya pakiramdam ko ay napipigilan ako, at hindi ako kailanman masaya.” Ang mga ganitong tao ay namumuhay sa gitna ng mga emosyon na pagkapigil dahil hindi nila mabigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanais sa pagkain.

Ang ilang tao ay nagtatanim ng mga gulay sa mga bukirin ng iglesia. Paano nila ito dapat gawin? Dapat silang magtanim ng isang naaangkop na uri ng gulay batay sa panahon, klima, temperatura, at bilang ng tao na kailangan nilang pakainin. Mayroong mga patakaran sa sambahayan ng Diyos tungkol sa pagtatanim ng iba’t ibang gulay, na maaaring maging mahirap sa maraming tao. May ilang gulay na gustong kainin ng mga tao sa pang-araw-araw, at may ilan na hindi gustong kainin ng mga tao. Ang ilan ay kinokontrol ang dami, at ang iba ay kinakain batay sa panahon. Sa ganitong paraan, limitado ang bilang ng pwedeng kainin ng tao. Inisip ng ilang tao, “Ay, hindi kami kailanman puwedeng magpakasasa sa pagkain ng mga gulay na ito. Kumakain kami nang kaunti, at pagkatapos ay wala na ang mga ito. Kulang ang mga ito! Gaya ng maliliit na kamatis, isang maliit na dakot lang ang nakukuha namin bawat pagkakataon, at bago pa namin malasap ang mga ito ay ubos na ang mga ito. Maganda sana kung puwede kaming kumain ng mga ito nang isang punong mangkok!” Kaya, sa isang lugar kung saan may nakatirang humigit-kumulang sampung tao, nagtanim sila ng dalawang daang halaman na maliliit na kamatis. Nagsimula silang kumain ng isang punong mangkok nito pagkagising na pagkagising nila sa umaga at nagpatuloy silang kumain nito hanggang makatulog sila sa gabi. Lubhang kapana-panabik para sa kanila na kumain ng isang punong mangkok ng maliliit na kamatis at mga regular na kamatis, at kumain ng isang punong basket ng pipino. Pakiramdam nila ay para silang nasa langit noong mga panahong iyon, na maligaya sila. Ang mga ganitong tao ay hindi kayang sumunod sa mga kondisyon ng sambahayan ng Diyos sa kanilang mga pagkilos, at hindi nila kayang sumunod sa mga prinsipyo ng agham. Tumatanggi silang makinig kaninuman, inuuna nila ang sarili nilang mga interes, at isinasaalang-alang lamang nila ang kanilang mga sarili sa lahat ng bagay, at ginagawa ang gusto nila. Bilang resulta, sa ilalim ng pagkontrol, pangangasiwa, at pamamahala ng sambahayan ng Diyos, isinailalim sa paglilimita ang mga taong ito na gustong kumain ng napakaraming prutas, at ang ilan sa kanila ay pinungusan. Sabihin ninyo sa Akin, ano sa palagay ninyo ang nadarama nila ngayon? Hindi ba’t nakararamdam sila ng labis na pagkadismaya? Hindi ba’t pakiramdam nila ay mapanglaw ang mundo, at na walang pagmamahal o init sa sambahayan ng Diyos? Hindi ba’t pakiramdam nila ay labis silang napipigilan? (Oo.) Palagi nilang iniisip, “Ano bang masama sa paggawa ng gusto ko? Hindi ba ako pwedeng mag-enjoy na kumain ng ilang gulay? Ni ayaw nila akong payagang kumain ng isang punong mangkok ng maliliit na kamatis. Napakadamot! Hindi binibigyan ng sambahayan ng Diyos ng kalayaan ang mga tao. Kung gusto naming kumain ng maliliit na kamatis, pinagtatanim nila kami niyon batay sa dami ng taong kailangang pakainin. Ano bang problema kung magtanim ako ng dalawa o tatlong daang halaman? Kung hindi namin makakain ang lahat ng iyon, ipapakain na lang namin ang mga iyon sa mga hayop.” Naaangkop ba na kumain ka nang isang punong mangkok? Hindi ba’t dapat ay may pagtitimpi at may limitasyon sa iyong kinakain? Ang proporsyon na kinakain ng mga tao sa iba’t ibang pagkaing nilikha ng Diyos ay nakabatay dapat sa dami ng ani at kapanahunan ng mga ito. Ang mga pangunahing pagkain ay dapat iyong mga mataas ang ani, habang iyong may mabababang ani, na sa maiikling panahon lang namumunga o tumutubo, o na limitado ang ani ay dapat kainin nang mas kaunti—sa ilang partikular na lugar, ni hindi nga kinakain ng mga tao ang mga iyon, at hindi naman iyon kawalan sa kanila. Ito ay makatwiran. Palaging nagkikimkim ng mga pagnanais ang mga tao, at palagi nilang hinihiling na mabigyang-layaw ang kanilang gana na kumain. Tama ba ito? Hindi tama na palaging magkimkim ng mga pagnanais at gana na kumain. Ang sambahayan ng Diyos ay may sariling mga patakaran. Mayroong mga panuntunan, pamamahala, at naaangkop na sistema sa lahat ng aspekto ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Kung nais mong maging kasapi ng sambayahan ng Diyos, dapat kang mahigpit na sumunod sa mga panuntunan nito. Hindi ka dapat maging mapilit, sa halip ay matuto kang magpasakop at kumilos sa paraang katanggap-tanggap para sa lahat. Umaayon ito sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran. Wala sa mga panuntunan ng sambahayan ng Diyos ang itinatag para sa pakinabang ng iisang tao, itinatag ang mga ito para sa kapakanan ng lahat ng tao sa sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ay inilaan para pangalagaan ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang mga panuntunan at sistemang ito ay makatwiran at kung nagtataglay ng konsensiya at katwiran ang mga tao ay dapat nilang sundin ang mga ito. Kaya, anuman ang iyong ginagawa, sa isang aspekto ay kailangan mo iyong gawin nang ayon sa mga panuntunan at sistema ng sambahayan ng Diyos, at sa isa pang aspekto ay mayroon ka ring responsabilidad at obligasyong itaguyod ang lahat ng ito, sa halip na palaging kumilos nang ayon sa iyong mga personal na interes at pananaw. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung partikular mong nararamdaman na napipigilan ka sa pamumuhay at paggawa sa sambahayan ng Diyos, hindi ito dahil sa anumang problema sa mga panuntunan, sistema, o paraan ng pamamahala sa sambahayan ng Diyos, kundi sa halip ay sa isang personal mong isyu. Ipagpalagay na lagi mong hinahangad na masiyahan ka at na mapalugod mo ang mga sarili mong ninanais sa sambahayan ng Diyos, at palagi mong nararamdamang labis kang napipigilan, hindi malaya, at hindi pa napalaya, na wala kang anumang kapayapaan o kasiyahan. Sabihin nang palagi mong nararamdaman na hindi ka maginhawa at na naagrabyado ka, na hindi mo magawa ang gusto mo sa anumang bagay, na hindi ka makakain o makapanamit gaya ng gusto mo, na hindi ka pinapayagang manamit nang sunod sa uso o nang kaakit-akit, at pakiramdam mo ay miserable ka at hindi mapakali bawat araw dahil sa mga ito. Ipagpalagay nang palagi kang hindi komportableng makipag-ugnayan sa iyong mga kapatid, at iniisip mong, “Palaging nagbabahagi sa akin tungkol sa katotohanan ang mga taong ito, masyado itong nakakaabala! Ayaw kong umasal nang ganito. Gusto ko lang mamuhay nang masaya, kontento, at malaya. Pakiramdam ko ay hindi ako kasingsaya at kasinglaya gaya ng iniisip ko na mangyayari sa pananalig sa Diyos. Ayaw kong malimitahan ng kahit sino. Palaging may mga taong namamahala at naglilimita sa akin, at pakiramdam ko ay napipigilan ako.” Ang mga taong tulad nito ay ayaw ng ganitong uri ng kapaligiran sa pamumuhay at nakakaramdam ng pagkamuhi rito. Subalit, alang-alang sa pagkakamit ng mga pagpapala, wala silang magagawa kundi ang ilaan ang sarili nila rito. Wala silang mapaglalabasan ng kanilang mga pagkadismaya, hindi sila nangangahas na magreklamo, at palagi nilang nararamdamang napipigilan sila. Ang tanging solusyon, ang pinakamagandang paraan para iwasto ang mga gayong tao, ay ang sabihan silang: “Maaari kang umalis. Humayo ka at kainin ang gusto mo, isuot ang mga damit na nais mo, mamuhay gaya ng gusto mo, gawin ang mga bagay na ninanais mo, magkaroon ng propesyong gusto mo, at hangarin ang mga layunin at direksyong nais mong hangarin. Hindi ka pinipigilan ng sambahayan ng Diyos. Malaya at hindi nakatali ang iyong mga kamay at paa, pati na rin ang iyong puso. Hindi ka iginagapos ninuman. Maliban sa paglalaan mo ng iyong sarili sa sambahayan ng Diyos upang matamo mo ang isang layunin, walang sinumang nagpataw ng mga panuntunang ito sa iyo, na nagsasabing kailangan mo, na nararapat ka, at na dapat kang manatili sa sambahayan ng Diyos, kung hindi ay may gagawin sa iyo ang sambahayan ng Diyos.” Sinasabi Ko sa iyo ang katotohanan, walang gagawin sa iyo ang sambahayan ng Diyos. Kung gusto mong umalis, maaari kang umalis anumang oras. Basta ibalik mo lang sa iglesia ang mga aklat ng mga salita ng Diyos at ipasa ang anumang gawaing hawak mo. Maaari kang umalis kahit kailan mo gusto. Hindi ka nililimitahan ng sambahayan ng Diyos, hindi mo ito bilangguan, o kulungan. Isang malayang lugar ang sambahayan ng Diyos, at bukas na bukas ang mga pinto nito. Kung pakiramdam mo ay napipigilan ka, ito ay dahil hindi mo magawa ang gusto mo, at nangangahulugan iyon na hindi naaangkop para sa iyo ang lugar na ito. Hindi ito ang masayang tahanang nais mong mahanap, ni ang lugar kung saan dapat kang manatili. Kung namumuhay ka sa isang paraang lubhang labag sa iyong kalooban, dapat kang umalis. Nauunawaan mo ba? Hindi kailanman pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang mga hindi mananampalataya o ang mga hindi naghahangad sa katotohanan. Kung nais mong magnegosyo, yumaman, magkaroon ng propesyon, o maglakbay sa mundo at gumawa ng pangalan para sa iyong sarili, kung gayon, iyan ang iyong personal na hinahangad, at dapat kang bumalik sa sekular na mundo. Hindi kailanman nililimitahan ng sambahayan ng Diyos ang kalayaan ng mga tao. Ang mga pinto ng sambahayan ng Diyos ay bukas na bukas. Ang mga hindi mananampalataya at ang mga hindi naghahangad sa katotohanan ay maaaring lumabas at umalis sa sambahayan ng Diyos anumang oras.

May ilang tao na sadyang ayaw gawin ang kanilang mga tungkulin at magbahagi tungkol sa katotohanan. Hindi sila umangkop sa buhay-iglesia, hindi nila kayang umangkop dito, at pakiramdam nila palagi ay miserable sila at walang magawa. Kung gayon, sasabihin Ko sa mga taong iyon: Dapat kang magmadali at umalis. Pumunta ka sa sekular na mundo para hanapin ang mga sarili mong layunin at direksyon, at mamuhay sa paraang gusto mo. Hindi kailanman pinipilit ng sambahayan ng Diyos ang sinuman. Wala sa mga panuntunan, sistema, o atas administratibo ng iglesia ang nakatuon sa iyo bilang isang indibidwal. Kung nahihirapan ka sa mga ito, kung hindi ka makasunod sa mga ito, at partikular kang miserable at napipigilan, maaari mong piliing umalis kung gayon. Iyong mga kayang tanggapin ang katotohanan at itaguyod ang mga prinsipyo ang mga taong nababagay na manatili sa iglesia. Siyempre, kung pakiramdam mo ay hindi ka nababagay na manatili sa sambahayan ng Diyos, magkakaroon ba ng iba pang nababagay na lugar para sa iyo? Oo, malawak ang mundo, at magkakaroon ng nababagay na lugar para sa iyo. Sa madaling salita, kung pakiramdam mo ay napipigilan ka rito, kung hindi ka makahanap ng paglaya, kung lagi mong gustong maglabas ng hinanakit, at palaging may posibilidad na lumabas ang iyong kalikasan, nanganganib ka kung gayon at hindi ka nababagay na manatili sa sambahayan ng Diyos. Malawak ang mundo, at palaging magkakaroon ng nababagay na lugar para sa iyo. Gamitin mo ang oras mo na mahanap ito nang ikaw mismo. Hindi ba’t naaangkop na paraan ito para harapin ang isyung ito? Hindi ba’t makatwiran ito? (Oo.) Kung labis na hindi mapalagay ang pakiramdam ng mga taong ito, at gusto mo pa rin silang panatilihin dito, hindi ba’t nagpapakahangal ka? Hayaan natin silang umalis at hilingin nating magtagumpay sila sa pagsasakatuparan ng kanilang mga pangarap, pwede ba? Ano ba ang mga pangarap nila? (Ang kumain ng isang punong mangkok ng maliliit na kamatis.) Gusto rin nilang kumain ng kanin at isda tuwing oras ng pagkain, sa buong taon. Ano pa ang iba nilang mga pangarap? Ang kusang magising araw-araw, ang magtrabaho kung kailan nila gusto, at ang hindi sila pamahalaan o pangasiwaan ninuman kapag ayaw nilang magtrabaho. Hindi ba’t ito ang kanilang pangarap? (Oo.) Napakalaking pangarap! Napakatayog nito! Sabihin ninyo sa Akin, may magaganda bang maaasahan ang mga ganitong tao? Inaasikaso ba nila ang nauukol nilang gawain? (Hindi.) Bilang pagbubuod, palaging nararamdaman ng mga ganitong tao na napipigilan sila. Sa madaling salita, ang kahilingan nila ay na mabigyang-layaw nila ang kanilang laman at matugunan ang kanilang mga ninanais. Masyado silang makasarili, gusto nilang gawin ang lahat nang ayon sa sarili nilang mga kapritso at sa paraang gusto nila, nang binabalewala ang mga patakaran at hindi inaasikaso ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo, basta lamang ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang mga damdamin, kagustuhan, at ninanais, at kumikilos batay sa sarili nilang mga interes. Wala silang normal na pagkatao at hindi inaasikaso ng ganitong mga tao ang nauukol nilang gawain. Iyong mga tao na hindi inaasikaso ang nauukol nilang gawain ay nakakaramdam ng pagkapigil sa lahat ng kanilang ginagawa, saanman sila magpunta. Kahit pa mamuhay sila nang mag-isa, mararamdaman nilang napipigilan sila. Sa maayos na salita, walang magandang maaasahan sa mga taong ito at hindi nila inaasikaso ang nauukol nilang gawain. Para mas maging tumpak, hindi normal ang kanilang pagkatao, at medyo mahina silang mag-isip. Paano mailalarawan ang mga taong inaasikaso ang nauukol nilang gawain? Sila ay mga taong tinitingnan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, kasuotan, tirahan, at transportasyon sa isang simpleng paraan. Hanggat naaabot ng mga ito ang isang normal na pamantayan, sapat na iyon para sa kanila. Mas inaalala nila ang landas nila sa buhay, ang kanilang misyon bilang mga tao, ang kanilang pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga. Ano ang maghapong pinag-iisipan ng mga taong hindi maaasahan? Palagi nilang pinag-iisipan kung paano magpapakatamad, kung paano manlilinlang para makatakas sila sa responsabilidad, kung paano kakain nang mabuti at magpapakasaya, kung paano mamumuhay nang maginhawa at komportable ang katawan, nang hindi isinasaalang-alang ang mga nauukol na bagay. Kaya, pakiramdam nila ay napipigilan sila sa sitwasyon at kapaligiran ng paggawa sa kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na matuto ng ilang karaniwan at propesyonal na kaalamang may kinalaman sa kanilang mga tungkulin, para mas maayos nilang magampanan ang mga ito. Hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang madalas nang sa gayon ay magkamit sila ng mas maayos na pagkaunawa sa katotohanan, makapasok sa katotohanang realidad, at malaman kung ano ang mga prinsipyo sa bawat pagkilos. Ang lahat ng ito na ibinabahagi at binabanggit ng sambahayan ng Diyos ay may kaugnayan sa mga paksa, praktikal na mga bagay, at iba pa, na nasa saklaw ng buhay ng mga tao at ng paggampan nila sa kanilang tungkulin, at nilalayon ng mga ito na matulungan ang mga taong maasikaso ang nauukol nilang gawain at matahak ang tamang landas. Ang mga indibidwal na ito na hindi inaasikaso ang kanilang nauukol na gawain at na ginagawa ang gusto nila ay hindi nagnanais na gawin ang mga nauukol na bagay na ito. Ang sukdulang layunin na ninanais nilang makamit sa paggawa ng anumang gusto nila ay ang pisikal na kaginhawahan, kasiyahan, at kadalian, at ang hindi malimitahan o maagrabyado sa anumang paraan. Ito ay ang sapat na makakain ng anumang gusto nila, at magawa ang gusto nila. Dahil sa kalidad ng kanilang pagkatao at sa mga hinahangad ng kanilang kalooban kaya madalas nilang nararamdaman na napipigilan sila. Paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi sila magbabago, at hindi malulutas ang kanilang pagkapigil. Ganoon lang talaga silang klase ng tao; mga bagay lang sila na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Bagamat sa panlabas ay tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan o na hindi sila masasamang tao, at bagamat mukhang nabigo lang silang itaguyod ang mga prinsipyo at panuntunan, ang totoo, ang diwa ng kanilang kalikasan ay na hindi sila nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain o tumatahak ng tamang landas. Ang mga ganitong tao ay walang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at hindi nila matatamo ang katalinuhan ng normal na pagkatao. Hindi nila pinag-iisipan, pinagninilayan, o hinahangad ang mga layuning dapat hangarin ng mga taong may normal na pagkatao, o ang mga saloobin sa buhay at pamamaraan ng pag-iral na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Ang kanilang mga isipan ay araw-araw na puno ng mga isipin kung paano makakahanap ng pisikal na kaginhawahan at kasiyahan. Subalit, sa kapaligirang pinamumuhayan ng iglesia, hindi nila mabigyang-kasiyahan ang mga pisikal nilang kagustuhan kaya pakiramdam nila ay hindi sila komportable at napipigilan sila. Ganyan umuusbong ang mga emosyon nilang ito. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t lubhang nakakapagod ang buhay ng mga ganitong tao? (Oo.) Kaawa-awa ba ang kanilang buhay? (Hindi, hindi kaawa-awa ang mga iyon.) Tama iyan, hindi kaawa-awa ang mga iyon. Sa madaling salita, sila ang uri ng mga tao na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Sa lipunan, sino ang mga taong hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain? Sila ang mga walang ginagawa, ang mga hangal, tamad, basagulero, sanggano, at tambay—mga ganyang tao. Ayaw nilang matuto ng anumang bagong kasanayan o kakayahan, at ayaw nilang maghangad ng mga seryosong propesyon o maghanap ng trabaho para makaraos sila. Sila ang mga walang ginagawa at ang mga tambay ng lipunan. Pinapasok nila ang iglesia, at pagkatapos ay gusto nilang may makuha sila nang walang kapalit, at na matamo nila ang parte nila sa mga pagpapala. Sila ay mga oportunista. Ang mga oportunistang ito ay hindi kailanman handang gumawa ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi masusunod ang gusto nila, kahit bahagya lang, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Palagi nilang hinihiling na makapamuhay nang malaya, ayaw nilag gumanap ng anumang uri ng gawain, pero gusto pa rin nilang kumain ng masasarap na pagkain at magsuot ng magagandang kasuotan, at kumain ng anumang naisin nila at matulog kailan man nila gusto. Iniisip nila na kapag dumating ang ganitong araw ay tiyak na magiging napakaganda nito. Ayaw nilang magtiis ng ni katiting na paghihirap at nagnanais sila ng buhay na mapagpalayaw. Labis pa ngang nakakapagod sa mga taong ito ang mabuhay; nagagapos sila ng mga negatibong emosyon. Madalas silang nakakaramdaman ng pagod at pagkalito dahil hindi nila magawa ang gusto nila. Ayaw nilang pangasiwaan ang kanilang nauukol na gawain o harapin ang mga bagay-bagay na nauukol sa kanila. Ayaw nilang manatili sa isang trabaho at paulit-ulit itong gawin mula simula hanggang katapusan, na tratuhin ito bilang sarili nilang propesyon at tungkulin, bilang kanilang obligasyon at responsabilidad; ayaw nilang tapusin ito at makamit ang mga resulta, o na gawin ito sa pinakamataas na pamantayang maaari. Hindi sila kailanman nag-isip nang ganyan. Gusto lang nilang kumilos nang pabasta-basta at na gamitin ang tungkulin nila bilang paraan para kumita ng ikabubuhay. Kapag nahaharap sila sa kaunting kagipitan o sa isang uri ng pagkontrol, o kapag medyo tinaasan ang pamantayang kailangan nilang maabot, o pinagpasan sila ng kaunting responsabilidad, pakiramdam nila ay hindi sila komportable at na napipigilan sila. Umuusbong sa kalooban nila ang mga negatibong emosyong ito, pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay, at miserable sila. Isang pangunahing dahilan kung bakit pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay ay dahil walang katwiran ang ganitong mga tao. Napinsala ang kanilang pangangatwiran, ginugugol nila ang buong araw sa pagpapantasya, pamumuhay sa isang panaginip, sa mga ulap, palaging iniisip ang mga pinakamatitinding bagay. Iyan ang dahilan kung bakit napakahirap lutasin ng kanilang pagkapigil. Hindi sila interesado sa katotohanan, hindi sila mga mananampalataya. Ang tanging magagawa natin ay ang hingin sa kanila na lisanin ang sambahayan ng Diyos, na bumalik sa mundo at hanapin ang sarili nilang lugar ng kadalian at kaginhawahan.

Ang mga tunay na nananalig sa Diyos ay lahat ng mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ay maaaring maging mahirap masanay sa buhay na ito. Maaari mong maramdamang pagod na pagod ang iyong katawan at isip. Subalit, kung talagang may paninindigan kang makipagtulungan at handa kang maging isang normal at mabuting tao, at na magtamo ng kaligtasan, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga at hayaan ang Diyos na disiplinahin ka. Kapag nahihimok kang maging sutil, kailangan mong maghimagsik laban dito at bitiwan ito, paunti-unting bawasan ang iyong pagkasutil at mga makasariling ninanasa. Dapat kang humingi ng tulong ng Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung tunay kang may paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may paninindigan, at magdarasal ka sa Diyos sa Kanyang presensya at magsusumamo ka sa Kanya, kikilos ang Diyos. Babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, aantigin ka nang kaunti, at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. Kapag nangyari ang pagbabagong ito, madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakapipigil. Ang pagkapigil mong kalagayan at mga emosyon ay magbabago at mababawasan, at magiging iba ang mga ito sa dati. Madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakakapagod. Masisiyahan kang gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Madarama mo na magandang mamuhay, umasal, at gumampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga, sumusunod sa mga patakaran, at ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Madarama mong ito ang uri ng buhay na dapat mayroon ang mga normal na tao. Kapag namumuhay ka ayon sa katotohanan at ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, madarama mong panatag at payapa ang iyong puso, at na makabuluhan ang iyong buhay. Iisipin mo: “Bakit ba hindi ko ito alam noon? Bakit ba ako naging masyadong sutil? Dati, namumuhay ako ayon sa mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas, namumuhay bilang hindi tao o multo, at habang lalo akong nabubuhay, lalo iyong nagiging masakit. Ngayong nauunawaan ko na ang katotohanan, naiwawaksi ko na nang kaunti ang aking tiwaling disposisyon, at nadarama ko ang tunay na kapayapaan at kasiyahan ng isang buhay na ginugugol sa pagtupad ng aking tungkulin at pagsasagawa sa katotohanan!” Hindi ba’t nagbago na kung gayon ang lagay ng iyong kalooban? (Oo.) Sa sandaling mapagtanto mo kung bakit pakiramdam mo noon ay napipigilan at miserable ang buhay mo, sa sandaling mahanap mo ang pinag-uugatan ng iyong pagdurusa, at malutas ang problema, magkakaroon ka ng pag-asang magbago. Hangga’t pinagsusumikapan mo ang katotohanan, lalong pinagsisikapan ang mga salita ng Diyos, higit pang nagbabahagi tungkol sa katotohanan, at nakikinig din sa mga patotoong batay sa karanasan ng iyong mga kapatid, magkakaroon ka ng mas malinaw na landas, at hindi ba’t bubuti ang kalagayan mo pagkatapos niyon? Kung bubuti ang iyong kalagayan, unti-unting mababawasan ang iyong mga emosyon ng pagkapigil, at hindi ka na magagapos ng mga ito. Siyempre, sa mga natatanging sitwasyon o konteksto, paminsan-minsan ay maaaring umusbong ang mga pagkaramdam ng pagkapigil at pasakit, pero hangga’t hinahanap mo ang katotohanan upang malutas ang mga iyon, maglalaho ang mga emosyong ito ng pagkapigil. Magagawa mong ihandog ang iyong katapatan, buong lakas, at katapatan habang ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at magkakaroon ka ng pag-asang maligtas. Kung magagawa mong sumailalim sa ganoong pagbabago, hindi mo kailangan lisanin ang sambahayan ng Diyos. Patutunayan ng iyong kakayahang sumailalim sa pagbabagong ito na mayroon ka pang pag-asa—pag-asang magbago, pag-asang maligtas. Patutunayan nito na isa ka pa ring miyembro ng sambahayan ng Diyos, pero napakatagal at napakalalim kang naimpluwensiyahan ng iba’t ibang makasariling motibo at personal na pagsasaalang-alang, o ng iba’t ibang masasamang kinagawian at ideya, na nagdulot na maging manhid at walang pakiramdam ang iyong konsensiya, na nakapinsala sa iyong pangangatwiran, at nakasira sa iyong pagkadama ng kahihiyan. Kung kaya mong sumailalim sa ganoong pagbabago, sasalubungin ka ng sambahayan ng Diyos para mamalagi ka, para matupad mo ang iyong tungkulin, para magawa mo ang iyong misyon, at para lubusan mong matapos ang gawaing mayroon ka. Siyempre, ang mga taong taglay ang mga negatibong emosyong ito ay matutulungan lamang gamit ang isang mapagmahal na puso. Kung paulit-ulit na tatanggi ang isang tao na tanggapin ang katotohanan at mananatili siyang hindi nagsisisi sa kabila ng paulit-ulit na paalala, dapat na tayong mamaalam sa kanya. Pero kung ang isang tao ay talagang handang magbago, na baguhin ang kanyang sarili, at baligtarin ang kanyang direksyon, mainit natin siyang tinatanggap na manatili. Hangga’t tunay siyang handang manatili at baguhin ang dati niyang mga pagtingin at pamamaraan ng pamumuhay, at nagagawa niyang unti-unting sumailalim sa pagbabago habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin, at humuhusay siya sa tungkulin niya habang tumatagal siya sa paggawa nito, tinatanggap natin ang ganitong mga tao para manatili at umaasa tayong patuloy silang huhusay. Nagpapahayag din tayo ng isang mabuting kahilingan para sa kanila: Hinihiling natin na makaalis sila sa kanilang mga negatibong emosyon, na hindi na sila maigapos ng mga iyon o mabalot ng anino ng mga iyon, at na sa halip ay maasikaso nila ang kanilang nauukol na gawain at matahak ang tamang landas, ikinikilos at isinasabuhay ang dapat gawin ng mga normal na tao ayon sa Kanyang mga hinihingi, at matatag na tinutupad ang kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, hindi na tinatangay ng agos ng buhay. Hinihiling natin na magkaroon sila ng mga kinabukasang may pag-asa, at na hindi na nila gawin kung ano ang gusto nila, o magtuon na lang sa paghahanap ng sarap at kasiyahan ng laman, kundi sa halip ay lalong pag-isipan ang mga bagay na may kinalaman sa paggampan ng kanilang mga tungkulin, sa landas na tinatahak nila sa buhay, at sa pagsasabuhay ng normal na pagkatao. Buong-puso nating hinihiling na makapamuhay sila nang masaya, malaya, at may liberasyon sa sambahayan ng Diyos, nakararanas ng pang-araw-araw na kapayapaan at kaligayahan, at nakadarama ng init at kasiyahan sa kanilang buhay rito. Hindi ba’t ito ang pinakadakilang kahilingan? (Oo.) Natapos Ko na ang Aking kahilingan, at inaanyayahan Ko kayong lahat na ipaabot sa kanila ang inyong mga taos-pusong kahilingan. (Ang aming taos-pusong kahilingan ay na makapamuhay sila nang masaya, malaya, at may liberasyon sa sambahayan ng Diyos, nakararanas ng pang-araw-araw na kapayapaan at kaligayahan, at nakadarama ng init at kasiyahan sa kanilang buhay rito.) Ano pa? Paano iyong buong-pusong paghiling na hindi na sila mamuhay na hawak ng mga emosyon ng pagkapigil? (Oo.) Iyan ang Aking kahilingan. Mayroon ba kayong iba pang mga kahilingan para sa kanila? (Ang taos-puso kong kahilingan ay na magawa nilang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, tuluy-tuloy silang humusay sa pagtupad nila ng kanilang mga tungkulin.) Magandang kahilingan ba ito? (Oo.) May iba pa bang mga kahilingan? (Ang taos-puso kong kahilingan ay makapagsimula na silang isabuhay ang normal na pagkatao sa lalong madaling panahon.) Maaaring hindi gaanong matayog ang kahilingang ito, pero sa tingin Ko ay praktikal ito. Dapat maisabuhay ng mga tao ang normal na pagkatao at hindi nila madamang napipigilan sila. Bakit ba hindi natin kayang tiisin ang mga paghihirap na kayang tiisin ng iba? Kung ang isang tao ay mayroong konsensiya, katwiran, at pagkaramdam ng kahihiyan ng normal na pagkatao, pati na ng mga paghahangad, pamamaraan para mabuhay, at wastong mithiin sa kanilang paghahangad na dapat mayroon ang mga normal na tao, hindi nila madaramang napipigilan sila. Hindi ba’t isa itong magandang kahilingan? (Oo.) May iba pa ba? (Ang taos-puso kong kahilingan ay na maayos silang makipagtulungan sa kanilang mga kapatid, na madama nila ang pagmamahal ng Diyos sa Kanyang sambahayan, at na kumilos sila ayon sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos.) Matayog ba ang hinihinging ito? (Hindi.) Dahil hindi naman ito matayog, madali ba itong matamo? Ang madama ang pagmamahal ng sambahayan ng Diyos ay umaayon naman sa realidad—iyon ang kailangan ng mga taong ito, hindi ba? (Oo.) Ang mga hinihingi sa mga ganitong tao ay hindi mataas. Una sa lahat, kailangan nilang magtaglay ng konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Hindi sila dapat walang ginagawa o tinatangay ng agos ng buhay; dapat matuto silang mabuhay, na asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, na pasanin ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin. Pagkatapos ay kailangan nilang matutunan kung paano mabuhay, kung paano isabuhay ang normal na pagkatao, at kung paano tuparin nang maayos ang kanilang mga responsabilidad at tungkulin. Sa paggawa nito, makararamdam sila ng kaginhawahan, kapayapaan, at kasiyahan sa sambahayan ng Diyos, at magiging handa silang mamuhay at gumampan ng kanilang mga tungkulin dito. Pagkatapos makawala sa kanilang pagkapigil, mga negatibong emosyon, unti-unti nilang magagawang hangarin ang katotohanan at makipagtulungan nang maayos sa iba. Ito ang mga hinihingi sa mga ganitong tao. Anuman ang edad nila, wala tayong malalaking kahilingan o matatayog na hinihingi sa kanila, ito lang na mga pinag-usapan nating ito. Una sa lahat, kailangan nilang matutunang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain, na magpasan ng mga responsabilidad at obligasyon ng isang taong nasa hustong gulang at ng isang normal na tao, at pagkatapos ay matutunang sundin ang mga patakaran, at tanggapin ang pamamahala, pangangasiwa, at pagpupungos ng sambahayan ng Diyos, at gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Ito ang tamang saloobin na dapat magkaroon ang isang taong may konsensiya at katwiran. Ikalawa, dapat silang magkaroon ng tamang pagkaunawa at kaalaman sa mga responsabilidad, obligasyon, at mga kaisipan at pananaw na may kinalaman sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Dapat mong alisin ang iyong mga negatibong emosyon at pagkapigil, at harapin nang tama ang iba’t ibang paghihirap na umuusbong sa buhay mo. Para sa iyo, ang mga ito ay hindi mga karagdagang bagay, o mga pabigat, o mga pagkagapos, kundi sa halip ay kung ano ang dapat mong pasanin bilang isang normal na taong nasa hustong gulang. Nangangahulugan ito na ang bawat taong nasa hustong gulang, anuman ang iyong kasarian, anuman ang iyong kakayahan, gaano ka man kagaling, o ano man ang taglay mong mga talento, ay kailangang pasanin ang lahat ng bagay na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, kasama na ang: mga kapaligirang pinamumuhayan na dapat bagayan ng mga taong nasa hustong gulang, ang mga responsabilidad, obligasyon, at misyon na dapat mong gawin, at ang gawain na dapat mong pasanin. Una, dapat ay positibo mong tanggapin ang mga bagay na ito sa halip na umasa na dadamitan at pakakainin ka ng iba, o umasa sa mga bunga ng pagsisikap ng iba para makaraos ka. Bukod pa rito, kailangan mong matutunang makibagay at tanggapin ang iba’t ibang uri ng mga patakaran, regulasyon, at pamamahala, dapat mong tanggapin ang mga atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, at matutunang makibagay sa isang pag-iral at sa isang buhay sa gitna ng iba pang mga tao. Dapat mong taglayin ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, harapin nang tama ang mga tao, pangyayari, at bagay na nasa iyong paligid, at asikasuhin at lutasin nang tama ang iba’t ibang problemang nakakatagpo mo. Ang lahat ng ito ay mga bagay na dapat harapin ng isang taong may normal na pagkatao, maaari ding sabihin na ito ang buhay at ang kapaligirang pinamumuhayan na dapat harapin ng isang taong nasa hustong gulang. Halimbawa, bilang isang taong nasa hustong gulang, dapat kang umasa sa sarili mong mga kakayahan para suportahan at pakainin ang iyong pamilya, gaano man kahirap ang buhay mo. Ito ang paghihirap na dapat mong tiisin, ang responsabilidad na dapat mong tuparin, at ang obligasyong dapat mong tugunan. Dapat mong pasanin ang mga responsabilidad na dapat pasanin ng isang taong nasa hustong gulang. Gaano man kalaki ang pagdurusang tinitiis mo o ang halagang iyong binabayaran, gaano man kalungkot ang pakiramdam mo, dapat mong lunukin ang iyong mga hinaing at hindi ka dapat magkaroon ng anumang negatibong emosyon o magreklamo tungkol sa kaninuman, dahil ito ang dapat na pasanin ng mga taong nasa hustong gulang. Bilang isang taong nasa hustong gulang, kailangan mong pasanin ang mga ito—nang hindi nagrereklamo o lumalaban, at lalo na nang hindi umiiwas o tumatanggi sa mga ito. Ang pagpapatangay sa agos ng buhay, ang pagiging walang ginagawa, ang paggawa ng kung ano ang gusto mo, ang pagiging sutil o kapritsoso, ang paggawa sa gusto mo at hindi paggawa sa hindi mo gusto—hindi ito ang saloobin sa buhay na dapat mayroon ang isang taong nasa hustong gulang. Ang bawat taong nasa hustong gulang ay kailangang magpasan ng mga responsabilidad ng isang taong nasa hustong gulang, gaano mang kagipitan ang harapin niya, gaya ng mga paghihirap, karamdaman, at maging ng iba’t ibang suliranin—ito ay mga bagay na dapat danasin at pasanin ng lahat ng tao. Ang mga ito ay bahagi ng buhay ng isang normal na tao. Kung hindi mo kayang magdala ng bigat ng pagkagipit o magtiis ng pagdurusa, nangangahulungan iyon na masyado kang marupok at walang silbi. Ang sinumang nabubuhay ay kailangang pasanin ang pagdurusang ito, at walang sinuman ang makaiiwas dito. Sa lipunan man o sa sambahayan ng Diyos, pare-pareho lang para sa lahat. Ito ang responsabilidad na dapat mong pasanin, ang mabigat na dalahing dapat ay buhat-buhat ng isang taong nasa hustong gulang, ang bagay na dapat niyang isabalikat, at hindi mo ito dapat iwasan. Kung palagi mong sinusubukang takasan o iwaksi ang lahat ng ito, lalabas ang iyong mga emosyon ng pagkapigil, at palagi kang magagapos ng mga iyon. Subalit, kung kaya mong maunawaan nang wasto at matanggap ang lahat ng ito, at makita ito bilang isang kinakailangang bahagi ng iyong buhay at pag-iral, hindi dapat maging dahilan ang mga isyung ito upang magkaroon ka ng mga negatibong emosyon. Sa isang aspekto, kailangan mong matutunang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat taglayin at isagawa ng mga taong nasa hustong gulang. Sa isa pang aspekto, dapat mong matutunang mamuhay nang nakakasundo ang iba sa iyong kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan nang may normal na pagkatao. Huwag mong basta na lang gawin ang gusto mo. Ano ang layunin ng mamuhay nang nakakasundo ang iba? Ito ay para mas mabuting matapos ang gawain at mas mabuting matupad ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat mong tapusin at tuparin bilang isang taong nasa hustong gulang, ang mabawasan ang mga kawalang idinudulot ng mga problemang kinakaharap mo sa iyong gawain, at ang labis na mapabuti ang mga resulta at mapabilis ang iyong gawain. Ito ang dapat mong matamo. Kung nagtataglay ka ng normal na pagkatao, dapat mo itong makamit kapag gumagawa ka sa gitna ng iba pang mga tao. Pagdating naman sa kagipitan sa trabaho, nanggagaling man ito sa Itaas o sa sambahayan ng Diyos, o kung kagipitan ito na iniaatang sa iyo ng iyong mga kapatid, isa itong bagay na dapat mong pasanin. Hindi mo maaaring sabihin na, “Sobra-sobra itong kagipitang ito, kaya hindi ko ito gagawin. Naghahanap lang ako ng kalibangan, kadalian, kaligayahan, at kaginhawahan sa paggawa ng aking tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos.” Hindi ito uubra; hindi ito isang kaisipan na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para magpakasasa ka sa kaginhawahan. Ang bawat tao ay nagpapasan ng kaunting kagipitan at pakikipagsapalaran sa kanyang buhay at gawain. Sa anumang trabaho, lalo na sa paggampan ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapang makakuha ng pinakamagagandang resulta. Sa mas mataas na antas, ito ang itinuturo at hinihingi ng Diyos. Sa mas mababang antas, ito ang saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyo na dapat taglayin ng bawat tao sa kanyang asal at mga kilos. Kapag gumagampan ka ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod sa mga patakaran at sistema ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod, matutunan ang mga panuntunan, at umasal nang maayos. Isa itong mahalagang bahagi ng pag-asal ng isang tao. Dapat ay hindi mo iginugugol ang lahat ng oras mo sa pagpapalayaw sa sarili mo sa halip na sa paggawa, hindi seryosong pinag-iisipan ang anuman, at pinalilipas ang iyong mga araw nang walang ginagawa, o gumagawa ng mga maling gawa, at naghahangad ng sarili mong paraan ng pamumuhay, gaya ng mga walang pananampalataya. Huwag mong gawing kamuhian ka ng iba, huwag kang maging tinik sa kanilang lalamunan, huwag mong gawing layuan o tanggihan ka ng lahat, at huwag kang maging sagabal o balakid sa anumang gawain. Ito ang konsensiya at katwiran na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ito rin ang responsabilidad na dapat pasanin ng sinumang normal na taong nasa hustong gulang. Ang mga ito ay bahagi ng mga bagay na kailangan mong gawin upang pasanin ang responsabilidad na ito. Nauunawaan mo ba? (Oo.)

Kung isa kang taong may paninindigan, kung kaya mong ituring na mga mithiin at layunin ng iyong paghahangad ang mga responsabilidad at obligasyong dapat pasanin ng mga tao, ang mga bagay na kailangan makamit ng mga taong may normal na pagkatao, at ang mga bagay na dapat maisakatuparan ng mga taong nasa hustong gulang, at kung kaya mong pasanin ang iyong mga responsabilidad, anumang halaga ang iyong ibayad at anumang pasakit ang iyong tiisin ay hindi ka magrereklamo, at hangga’t nakikilala mo na ito ay mga hinihingi at layunin ng Diyos, magagawa mong tiisin ang anumang pagdurusa at tuparin nang maayos ang iyong tungkulin. Sa panahong iyon, ano ang magiging kalagayan ng iyong pag-iisip? Ito ay mag-iiba; makadarama ka ng kapayapaan at katatagan sa iyong puso, at makararanas ka ng kasiyahan. Kita mo, sa pamamagitan lang ng pagnanais na magsabuhay ng normal na pagkatao, at ng paghahangad sa mga responsabilidad, obligasyon, at misyon na dapat pasanin at isagawa ng mga taong may normal na pagkatao, ay nakadarama ng kapayapaan at kasiyahan sa kanilang puso ang mga tao, at nakararanas sila ng ligaya. Hindi pa nga sila umaabot sa punto kung saan isinasagawa nila ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo at nagtatamo sila ng katotohanan, pero sumailalim na sila sa ilang pagbabago. Ang gayong mga tao ang nagtataglay ng konsensiya at katwiran; sila ay matutuwid na taong kayang mapagtagumpayan ang anumang paghihirap at isagawa ang anumang gampanin. Sila ang mabubuting kawal ni Cristo, sumailalim na sila sa pagsasanay, at walang paghihirap na makadadaig sa kanila. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang tingin ninyo sa ganoong asal? Hindi ba’t mayroong tibay ng loob ang mga taong ito? (Mayroon.) Mayroon nga silang tibay ng loob, at hinahangaan sila ng mga tao. Madarama pa ba ng mga gayong tao na napipigilan sila? (Hindi.) Kung gayon, paano nila nabago ang mga emosyong ito ng pagkapigil? Bakit sila hindi mababagabag ni magkakaroon ng mga emosyong ito na pagkapigil? (Ito ay dahil minamahal nila ang mga positibong bagay at nagdadala sila ng pasanin sa kanilang mga tungkulin.) Tama iyan, iyan ay tungkol sa pag-aasikaso sa nauukol na gawain ng isang tao. Kapag itinutuon ng mga tao ang kanilang isip sa mga nauukol na bagay, at kapag ang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at ang pagkaramdam ng responsabilidad at ang pagkaramdam ng misyon na taglay nila ay lahat nagkakaroon ng epekto, nagiging maayos sila saanman sila ilagay. Kaya nilang magtagumpay sa anumang gampanin, nang walang pagkapigil, pagkabahala, o pagkalugmok sa depresyon. Sa tingin mo ba ay pinagpapala ng Diyos ang gayong mga tao? Mahihirapan ba ang mga taong nagtataglay ng gayong konsensiya, katwiran, at normal na pagkatao na hangarin ang katotohanan? (Hindi.) Batay sa mga paghahangad, pananaw, at paraan ng pag-iral ng normal na pagkatao, hindi magiging napakahirap para sa kanila na hangarin ang katotohanan. Kapag umabot na sa puntong ito ang mga tao, hindi malayong maunawaan nila ang katotohanan, maisagawa nila ang katotohanan, at kumilos sila nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at makapasok sa katotohanang realidad. Ano ang ibig sabihin dito ng “hindi malayo”? Nangangahulugan ito na ang kanilang perspektiba sa kanilang asal, at ang paraan ng pag-iral na pinili nila ay ganap na positibo at maagap, sa diwa ay umaayon sa normal na pagkataong hinihingi ng Diyos. Nangangahulugan ito na naabot na nila ang mga pamantayang itinakda ng Diyos. Sa sandaling maabot nila ang mga pamantayang ito, ang gayong mga indibidwal ay mauunawaan ang katotohanan kapag narinig nila ito, at magiging labis na mas madali para sa kanila na isagawa ang katotohanan. Magiging madali para sa kanila na pumasok sa katotohanang realidad at kumilos nang ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa lahat-lahat, ilang aspekto mayroon sa dapat gawin ng mga taong may normal na pagkatao? Mayroong humigit-kumulang tatlo. Anu-ano ang mga iyon? Sabihin ninyo sa Akin. (Ang una ay tungkol sa pagkatutong pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat mayroon at pinapasan ng isang taong nasa hustong gulang. Ang ikalawa ay tungkol sa pagkatutong mamuhay nang nakakasundo ang iba sa kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan ng isang tao nang may normal na pagkatao, at hindi paggawa ng anumang gusto ng isang tao. At ang ikatlo ay tungkol sa pagkatutong sundin ang mga aral ng Diyos sa loob ng saklaw ng katwiran ng normal na pagkatao, at pagsunod sa mga saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyong dapat taglay ng isang tao sa kanyang pag-asal, na nangangahulugang pagsunod sa mga patakaran.) Ang tatlong aspektong ito ang dapat na taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Kung magsisimulang isipin at pagtuunan ng mga tao ang mga aspektong ito, at magsisimula silang pagsikapan ang mga ito, magsisimula silang asikasuhin ang kanilang nauukol na gawain—makararanas pa ba sila ng mga negatibong emosyon kung gayon? Madarama pa ba nilang napipigilan sila? Kapag inaasikaso mo ang iyong nauukol na gawain at inaasikaso mo ang mga bagay-bagay na nauukol sa iyo, at pinapasan mo ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, magkakaroon ka ng napakaraming gagawin at pag-iisipan, na magiging labis-labis kang abala. Lalo na yaong sa kasalukuyan ay gumagampan ng kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos, mayroon bang anumang oras para madama nilang napipigilan sila? Wala nang oras. Kaya, ano ang nangyayari sa mga nakadaramang napipigilan sila, sa mga umiinit ang ulo, at nalulumbay o labis na nalulungkot sa tuwing nahaharap sila sa isang medyo hindi kaaya-ayang bagay? Iyon ay na hindi sila nagpapakaabala sa mga tamang bagay at sila ay walang ginagawa. Iyon ay na hindi sila nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, at na hindi nila makita ang mga bagay na dapat nilang gawin, kaya nababakante ang kanilang isipan at nagiging mapusok ang kanilang mga naiisip. Nag-iisip sila nang nag-iisip, nang walang anumang landas na tatahakin, kaya pakiramdam nila ay napipigilan sila. Habang lalo silang nag-iisip ay lalo nilang nadaramang agrabyado sila at walang magagawa, at mas nababawasan ang kanilang landas; habang mas nag-iisip sila ay lalo nilang nadarama na para bang hindi sulit ang kanilang buhay, na sila ay miserable, at lalo silang nalulungkot. Wala silang kapangyarihang makawala, at pagtagal-tagal, nakukulong sila sa mga emosyong ito na pagkapigil. Hindi ba’t tama iyan? (Oo.) Sa katunayan, madaling lutasin ang problemang ito dahil napakaraming bagay na dapat mong gawin, napakaraming nauukol na bagay na dapat mong pag-isipan at isaalang-alang, na hindi ka magkakaroon ng oras para pag-isipan ang mga walang kuwentang bagay na iyon, ang mga gawaing iyon na paghahanap ng kasiyahan. Ang mga taong walang sapat na ginagawa ang isipan kung kaya’t naiisip nila ang gayong mga bagay ay pinipiling magpahinga kaysa gumawa, sila ay masisibang tamad, at hindi nila inaasikaso ang nauukol nilang gawain. Ang mga hindi nag-aasikaso sa nauukol nilang gawain ay madalas na nakukulong ng mga emosyon ng pagkapigil. Hindi nag-aabala ang mga taong ito sa mga tamang bagay samantalang mayroong isang tambak na mahahalagang bagay na dapat asikasuhin, at hindi nila pinag-iisipan at inaaksyonan ang mga iyon. Sa halip, nakakahanap sila ng oras para mag-isip ng kung anu-ano, para magreklamo at dumaing tungkol sa kanilang pisikal na katawan, para mag-alala tungkol sa kanilang kinabukasan, at para maligalig sa pasakit na kanilang tiniis at mga halagang kanilang ibinayad. Kapag hindi nila malutas ang lahat ng ito, kapag hindi nila ito makayanan, o hindi sila makahanap ng mapagbubuntunan ng mga pagkabigong ito, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Natatakot silang mapalampas ang mga pagpapala kapag iniisip nilang lisanin ang sambahayan ng Diyos, natatakot silang mapunta sa impiyerno kung gagawa sila ng masama, at ayaw rin nilang hangarin ang katotohanan o tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Bilang resulta, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Tama iyan. Kung aasikasuhin ng isang tao ang nauukol niyang gawain at tatahakin niya ang tamang landas, hindi uusbong ang mga emosyong ito. Kahit pa makaranas siya ng mga emosyon ng pagkapigil paminsan-minsan dahil sa mga pansamantalang natatanging sitwasyon, magiging panandaliang lagay ng kalooban lamang ang mga iyon, dahil agad na madadaig ng mga taong may tamang paraan ng pamumuhay at tamang perspektiba sa pag-iral ang mga negatibong emosyong ito. Bilang resulta, hindi ka madalas na makukulong sa mga emosyon ng pagkapigil. Nangangahulugan ito na hindi ka mababagabag ng gayong mga emosyon ng pagkapigil. Maaari kang makaranas ng pansamantalang hindi magagandang lagay ng kalooban, pero hindi ka makukulong sa mga iyon. Binibigyang-diin nito ang kahalagahan ng paghahangad sa katotohanan. Kung sinisikap mong asikasuhin ang iyong nauukol na gawain, kung nagpapasan ka ng mga responsabilidad na dapat pasanin ng mga taong nasa hustong gulang, at sinisikap mong magkaroon ng isang normal, mabuti, positibo, at maagap na paraan ng pag-iral, hindi ka magkakaroon ng mga negatibong emosyong ito. Hindi ka magkakaroon o kakapitan ng mga emosyong ito ng pagkapigil.

Natapos na nating pagbahaginan ang isyu at hirap ng paglutas sa pagkapigil, na kinapapalooban ng tatlong aspektong nabanggit kanina. Buong-puso nating hinihiling na iyong mga nagapos ng mga emosyon ng pagkapigil, at iyong mga nakulong sa mga emosyon ng pagkapigil ngunit nais na makalaya sa mga ito, ay hindi na makontrol ng mga emosyong ito. Inaasam natin na hindi magtatagal ay makalalabas na sila sa mga negatibong emosyon ng pagkapigil at maisasabuhay nila ang wangis ng isang normal na tao, na mayroong isang normal at wastong paraan ng pag-iral. Isa ba itong mabuting kahilingan? (Oo.) Kung gayon, dapat din ninyong hilingin ito. (Hinihiling namin na iyong mga nagapos ng mga emosyon ng pagkapigil, at iyong mga nakulong sa mga emosyon ng pagkapigil ngunit nais na makalaya sa mga ito, ay hindi na makontrol ng mga emosyong ito. Inaasam namin na hindi magtatagal ay makalalabas na sila sa mga negatibong emosyon ng pagkapigil at maisasabuhay nila ang wangis ng isang normal na tao, na mayroong isang normal at wastong paraan ng pag-iral.) Makatotohanan ang kahilingang ito. Ngayong naipahayag na natin ang ating mga kahilingan, kung makakawala ang mga taong ito sa mga emosyon ng pagkapigil ay nakabatay sa kanilang personal na pagpili sa bandang huli—dapat ay isang simpleng bagay ito. Sa katunayan, isa itong bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Kung sapat na matatag ang paninindigan ng isang tao at handa siyang hangarin ang katotohanan at ang mga positibong bagay, magiging madali para sa kanya kung gayon na makawala sa mga emosyon ng pagkapigil. Hindi ito magiging mahirap na gampanin. Kung hindi nasisiyahan ang isang tao sa paghahangad sa katotohanan at mga positibong bagay, at hindi niya gusto ang mga positibong bagay, hayaan mo siyang manatiling nakakulong sa mga emosyon ng pagkapigil. Hayaan mo lang siya. Hindi na natin kailangang magpahayag ng mga kahilingan para sa kanya, tama ba? (Oo.) Isa pa itong paraan ng pagharap sa sitwasyon. Mayroong kalutasan ang bawat problema, at ang lahat ay mahaharap at malulutas batay sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga aktuwal na sitwasyon ng mga tao. Natapos na natin ang ating mga kahilingan sa ngayon, at nagbahaginan na tayo nang masinsinan tungkol sa ilang iba’t ibang sitwasyon. Nasabi na natin ang lahat ng dapat sabihin tungkol sa ganitong uri ng tao, kaya tapusin na natin ang talakayan dito.

Nobyembre 12, 2022

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 4

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito