Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 21

Medyo naging malawak ang paksa ng pagbabahaginan sa panahong ito. Gaano karami ang natatandaan ninyo? Gaano karami ang naunawaan ninyo? (Pagkatapos magbahagi ng Diyos, medyo natatandaan namin ang kaunti roon. Para naman sa ibang bahagi nito, nagkaroon kami ng bahagyang impresyon dahil sa kasalukuyang pagdanas ng mga kaparehong sitwasyon. At para sa ibang bahagi, dahil kailanman ay hindi pa namin naranasan ang gayong mga sitwasyon, kaunti lang ang natandaan namin.) Kapag may mga pangyayari kayong hinaharap, nagkakaroon ba kayo ng anumang impresyon sa mga bagay na pinagbahaginan? (Kaunti. Kapag nahaharap sa parehong mga sitwasyon, natatandaan ko ang aspektong ito ng katotohanang ibinahagi ng Diyos, ang isa o dalawang nauukol na pangungusap sa Kanyang mga salita, at pagkatapos ay hinahanap ko ang mga salitang ito ng Diyos upang kainin at inumin, at pakiramdam ko ay nagkakaroon ako ng kaunting direksyon.) Naunawaan na ba ninyo ang mga prinsipyo? (Sa aspektong ito, medyo nagkukulang ako nang kaunti. Hindi ko pa talaga nauunawaan ang mga prinsipyo; naiuugnay ko lamang ang mga salita ng Diyos sa aking sarili, at mayroon akong kaunting pagkaunawa.) Alam ba ninyo kung ano ang pangunahing tinutukoy ng pag-unawa sa katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan? Kapag walang kakayahan ang isang tao na maarok ang katotohanan, hindi ba’t madalas na sinasabing “Hindi nauunawaan ng taong ito ang katotohanan,” o “Hindi niya naunawaan ang aspektong ito ng mga katotohanang prinsipyo”? Hindi ba’t madalas ay katulad niyon ang sinasabi ninyo? (Oo.) Kapag sinasabing ang isang tao ay nakauunawa sa katotohanan at may kakayahang maarok ito, ano ang tinutukoy nito? Tinutukoy ba nito ang pag-unawa sa doktrina hinggil sa katotohanan? (Hindi. Ang aking pakahulugan ay na pagkatapos pakinggan ang pagbabahagi ng Diyos, kung taglay ng taong ito ang kakayahang maarok ang katotohanan, kaya niyang iugnay ang kanyang sarili rito at makakuha ng kaalaman tungkol sa kanyang sarili, at mahanap ang mga prinsipyo sa pagsasagawa ng katotohanan.) Ang pag-unawa sa katotohanan at pagkakaroon ng kakayahang maarok ito ay pangunahing tumutukoy sa isang taong nakauunawa sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, kapag pinagbahaginan ang isang partikular na katotohanan, anuman ang mga partikular na detalye at paksa, gaano man karaming mga halimbawa ang nakatala, o gaano man karaming usapin o kalagayan ang tinatalakay—nakapaloob sa lahat ng ito ang isang katotohanang prinsipyo. Kung kaya mong unawain at intindihin ang katotohanang prinsipyong ito, may kakayahan kang maarok ang katotohanan. Ano ba ang tinutukoy ng pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan? Ang ibig sabihin nito ay nagagawang unawain ang mga katotohanang prinsipyo, at, kapag nahaharap sa mga usapin, nagagawang tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan. May ilang taong, kahit paano ibahagi sa kanila ang katotohanan, ilang halimbawa ang ibigay, ilang kalagayan ang talakayin, o gaano kapartikular ang talakayan, hindi pa rin nalalaman kung ano ang katotohanang tinatalakay rito, at hindi nila nagagawang tingnan ang mga tao at bagay, umasal, at kumilos batay sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, hindi nila maiugnay ang kanilang sarili rito o magamit ito. Kahit na kaya nilang magsalita nang ilang oras tungkol sa ilang salita at doktrina, talakayin ang mga ito nang malinaw at makatwiran, nakalulungkot na hindi nila magamit ang mga salita ng Diyos, na hindi nila kayang gamitin ang mga katotohanang prinsipyo sa pagtugon o pagharap sa mga problema. Hindi ito pag-unawa sa mga katotohanang prinsipyo o pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan. Kahit na gaano pa karaming doktrina ang talakayin nila, wala itong saysay. Ang mga katotohanang prinsipyo ay ang mga partikular na pamantayan sa pagsasagawa para sa bawat bagay at bawat kategorya ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Yamang ang mga iyon ay mga partikular na pamantayan sa pagsasagawa, tiyak na mga layunin ng Diyos ang mga iyon. Ang mga iyon ay ang mga pamantayang hinihingi sa iyo ng Diyos sa mga partikular na usapin, at ang partikular na landas ng pagsasagawang dapat mong tahakin. Ang mga ito ay ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi lamang mga layunin ng Diyos ang mga ito kundi mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ipagpalagay na naintindihan mo na ang mga katotohanang prinsipyo, may kakayahan ka nang maarok ang katotohanan. Kung may kakayahan kang maarok ang katotohanan, kapag nahaharap ka sa mga bagay, magsasagawa ka batay sa mga katotohanang prinsipyo. Makapagpapatuloy ka nang naaayon sa mga layunin ng Diyos, at matutupad mo ang mga hinihingi ng Diyos. Sa kabaligtaran, kung hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo—ibig sabihin, kung wala kang kakayahang maarok ang katotohanan—ang anumang gagawin mo ay hindi nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo o sa mga salita ng Diyos. Walang batayan at mga pamantayan ang iyong mga kilos, ibig sabihin, wala kang tiyak na mga pamantayan. Samakatuwid, hindi mo matutupad ang mga hinihingi ng Diyos. Upang masuri kung kaya ng isang taong gumawa ng tunay na gawain, tingnan mo kung may kakayahan siyang maarok ang katotohanan. Kung mayroon, kaya niyang lumutas ng mga tunay na problema. Kung wala siya nito, kahit na gaano pa karaming doktrina ang kaya niyang ibulalas, walang saysay ang lahat ng iyon. Ang isang taong mahilig tumalakay ng mga salita at doktrina ngunit hindi tumutugon sa mga tunay na suliranin ay isang tipikal na Pariseo. Kahit pa di-mabilang na sipi ng mga salita ng Diyos ang kaya mong kabisaduhin, wala itong saysay. Ang mga Pariseo ay mahusay na nakabibigkas ng mga kasulatan, pagkatapos, nagpupunta sila sa mga kanto upang magdasal; ang lahat ng kanilang ginagawa ay upang makita sila ng mga tao, upang makapagpasikat sila, hindi upang tumugon sa mga tunay na problema. Ang gayong mga tao ay tumutuon sa pag-iipon ng lahat ng uri ng espirituwal, kapuri-puri at katanggap-tanggap sa buong mundo, malalim, at esoterikong kaalaman, doktrina, mga salita, at mga salawikain, at ipinapahayag ang lahat ng ito sa lahat ng dako. Nagpapakita pa nga sila ng ilang mabuting pag-uugali sa panlabas, nanlilihis ng mga tao gamit ang mga ito upang hangaan at sambahin sila ng mga ito. Ngunit pagdating sa mga tunay na suliranin, maliban sa pagtataguyod ng mga batas at pagsisipi ng ilang salita at doktrina, hindi nila kayang tugunan ang anumang tunay na problema. Tungkol sa mga panloob na kalagayan o diwa ng mga tao, at kung paano tatratuhin at tutugunan ang mga bagay na ito, wala silang anumang naiintindihan o nauunawaang katotohanan. Hungkag lamang silang makapagsasalita tungkol sa ilang salita at doktrina. Ito ang tinatawag na tipikal na Pariseo. Ang dahilan kung bakit nakapagtatalakay lamang ang mga Pariseo ng mga salita at doktrina, ngunit hindi nakatutugon sa anumang tunay na suliranin, ay sapagkat hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi nila kayang intindihin ang diwa ng suliranin mula sa umpisa hanggang sa dulo. Kaya pagdating ng oras upang tumugon sa mga suliranin, bumabaling sila sa pagbigkas ng mga kasinungalingan at pagpapahayag ng mga katawa-tawang perspektiba. Hindi nila nakikita ang tunay na pagkatao ng sinumang tao o ang diwa ng anumang usapin. Dahil dito, hindi sila nakalulutas ng anumang suliranin. Wala silang ni katiting na kakayahang makaarok. Gaano man karaming sermon ang kanilang napakinggan o gaano karaming doktrina ang kanilang natalakay, hindi nila nauunawaan kung ano ang mga katotohanang prinsipyo o ang mga layunin ng Diyos. Sa kabila ng pagiging mahirap at kaawa-awa, naniniwala pa rin silang nauunawaan nila ang katotohanan at ipinagmamalaking mga espirituwal na tao sila. Hindi ba’t kaawa-awa ito? (Ganoon nga.) Kaawa-awa at kasuklam-suklam ito. Kaya nilang magtalakay ng napakaraming salita at doktrina, at sumunod pa nga sa mga partikular na panuntunan, subalit hindi nila kayang lumutas ng anumang kongkretong suliranin. Babaling lamang sila ng panggagaya sa paraan ng pagsasalita ng iba at sasabihing, “Ay, may nangyari dito. Tingnan ninyo kung gaano kagulo, kakatwa, at kakaibang naganap ang bagay na ito. Ay, walang konsensiya at katwiran ang taong iyon, masama ang kanyang pagkatao at wala siyang kamalayan sa sarili. Sa tuwing may nangyayari sa kanya, umaasal siya nang walang-ingat.” Itatanong mo sa kanila, “Batay sa pag-uugaling ito, paano mo tatratuhin o iwawasto ang taong ito? Batay sa anong mga prinsipyo mo siya pangangasiwaan? Ano ang diwa ng kanyang pag-uugali? Ang ganitong uri ba ng tao ay isang anticristo, o sumusunod sa landas ng isang anticristo? Isa ba siyang huwad na lider, o masama lang ang kanyang pagkatao, o mababaw ang pundasyon ng kanyang pananampalataya?” Ngunit sasabihin nila, “Mahirap itong basahin.” Hindi nila alam kung paano ito lulutasin, at kapag nahaharap sa iba’t ibang usapin, tinitingnan lang nila ang mga panlabas na pangyayari at kondisyon. Pagdating na talaga sa mga partikular na indibidwal na pag-uugali, pagpapamalas, salita, at kilos, mailalarawan o mabibilang lamang nila ang mga iyon, o maaari silang magkaroon ng ilang simple at paunang pasya, ngunit hindi nila kayang unawain ang diwa ng suliranin. Hindi nila alam kung paano tatratuhin o haharapin ang gayong mga tao; kung paano magbahaginan tungkol sa katotohanan upang hikayatin ang mga itong magnilay, kilalanin ang sarili, at iugnay ang kanilang sarili sa mga salita ng Diyos; kung paano tutulungan ang mga ito sa kanilang pagpasok sa buhay, o kung paano itatalaga ang mga taong ito pagdating sa administrasyon at mga tauhan. Kaya lamang nilang magsalita tungkol sa iba’t ibang pag-uugali at kondisyon ng ganito o ganoong kategorya ng mga tao. Kapag tinanong mo sila, “Napangasiwaan mo na ba ang mga taong ito?” tutugon sila ng, “Hindi pa, inoobserbahan ko pa sila.” Ito ang kalalabasan. Hindi ba’t nagpapahiwatig ito ng kawalan ng kakayahang lumutas ng problema? (Oo.) Hindi ba’t ipinahihiwatig ng kawalan ng kakayahang lumutas ng problema ang kawalan ng kakayahang maarok ang katotohanan? (Oo.) Kung wala ang kakayahang maarok ang katotohanan, hindi ba’t hindi mauunawaan ng mga taong ito ang mga katotohanang prinsipyo? Hindi dahil sa hindi sila nakapakinig ng sapat na mga sermon kaya hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo; dahil ito sa wala silang kakayahang maarok ang katotohanan—hindi nila taglay ang kakayahang iyon. Kung gayon, bakit karaniwang napakahusay nilang magsalita at makipagtalastasan? Dahil marami na silang napakinggan at naranasan, at nakabisado na nila ang lahat ng doktrinang ito, natural na nakapagtatalakay sila ng ilang salita at doktrina. Lalo na ang mga taong ilang taon nang nagsilbi bilang mga lider o manggagawa: Nahasa na nila ang kanilang sarili sa pamamagitan ng regular na pagsasanay, kaya nilang tumalakay at magsalita tungkol sa iba’t ibang salita at doktrina, at napakahusay nilang magsalita, na para bang bumibigkas ng mga talumpati at sanaysay. Ngunit hindi ito nangangahulugang mayroon silang tayog o realidad, ni nangangahulugang nauunawaan nila ang mga katotohanang prinsipyo. Kailangang maging magaling kayo sa pagkilatis at hindi kayo mailigaw ng gayong mga tao. Kapag nakakita kayo ng taong nakapagsasalita nang tuloy-tuloy sa isa o dalawang araw sa mga pagtitipon nang hindi inuulit ang sinasabi, sa labis na paghanga ninyo sa kanya ay namamangha kayo; hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng pagkilatis? Hindi ba’t ipinakikita nitong hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan? (Oo.) Ipinakikita nitong hindi ninyo nauunawaan ang katotohanan. Kung naunawaan mo ang katotohanan, makikilatis mo kung may anuman sa nilalaman ng kanyang talumpati na naglalaman ng mga partikular na prinsipyo ng pagsasagawa upang tumugon sa mga partikular na kalagayan o problema. Ipagpalagay mong nakinig ka nang mabuti at nalaman mong wala ni isang pangungusap ang tumutugon sa mga aktuwal na kalagayan o problema ng mga tao, na ang sinasabi niya ay sandamakmak lamang na salawikain, salita, doktrinang walang mga prinsipyo, partikular na solusyon, at kongkretong landas ng pagsasagawa, at na kahit na magsalita pa siya nang dalawa o tatlong araw, pawang hungkag na doktrina lamang iyon. At ipagpalagay nang mukha itong kapaki-pakinabang at produktibo noong sandaling marinig mo ito, ngunit matapos magnilay ay naisip mo, “Paano ko lulutasin ang suliraning ito? Parang hindi niya ito tinalakay kanina,” at kapag tinanong mo siyang muli, bubulalas lang siya ng sandamakmak na doktrina, na hindi mo pa rin malalaman kung paano magpapatuloy. Hindi ba’t pagkaloko at pagkalinlang ito? (Oo.) Bagama’t hindi mo pa rin alam kung paano magpapatuloy, hinahangaan at tinitingala mo pa rin siya: Pagkaloko at pagkalinlang iyon. Hindi ba’t madalas kayong nalilinlang sa ganitong paraan? (Oo.) Kung gayon, bilang mga lider at manggagawa, hindi ba’t madalas ninyong nililinlang ang iba sa ganitong paraan? (Oo.) Ngayon ba ay medyo mas may pagkaunawa na kayo kung ano ang kahulugan ng pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan at kung ano ang mga katotohanang prinsipyo? (Medyo mas nauunawaan ko na ang mga iyon.) Ano ba ang mga katotohanang prinsipyo? (Ang mga katotohanang prinsipyo ay mga partikular na pamantayan para sa pagsasagawa kapag aktuwal na nahaharap sa mga usapin; naglalaman ang mga iyon ng mga layunin ng Diyos pati na ng mga partikular na pamantayan at landas na dapat isagawa. Kung nauunawaan ng isang tao ang mga katotohanang prinsipyo, may kakayahan siyang maarok ang katotohanan.) Ang pagkakaroon ng kakayahang maarok ang katotohanan ay nagbibigay-daan sa isang taong maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo. Ito ang kaugnayan sa pagitan ng dalawa. Hindi sa kapag naunawaan mo ang mga katotohanang prinsipyo ay may kakayahan ka nang maarok ang katotohanan. Sa halip, kapag may kakayahan kang maarok ang katotohanan, kaya mong unawain ang mga katotohanang prinsipyo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Kung gayon, karamihan ba sa inyo ay may kakayahang maarok ang katotohanan? Kaya ba ninyong unawain ang mga katotohanang prinsipyong nakapaloob sa lahat ng paksang ibinabahagi Ko sa bawat pagkakataon? Kung kaya mong unawain ang mga iyon, taglay mo ang kakayahang maarok ang katotohanan, at mayroon kang espirituwal na pagkaunawa. Kung, pagkatapos makinig, ang naaalala mo lang ay mga partikular na bagay, ilang partikular na pag-uugali o paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa mga partikular na tao o kategorya ng mga taong tinalakay sa pagbabahaginan, ngunit hindi mo nauunawaan kung ano talaga ang mga katotohanang prinsipyong pinagbabahaginan dito, at kapag nahaharap sa mga usapin, hindi mo alam kung paano iuugnay ang mga iyon sa mga partikular na katunayang pinagbahaginan, o kung paano kikilos batay sa mga katotohanang prinsipyo, wala kang espirituwal na pagkaunawa. Ang hindi pagkakaroon ng espirituwal na pagkaunawa ay nangangahulugan ng kawalan ng kakayahang maarok ang katotohanan. Kahit na gaano pa karaming sermon ang iyong napakikinggan, hindi mo nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at kapag may mga bagay na nangyayari, nagugulumihanan ka; nakikita mo lamang ang mabababaw na kondisyon, pagpapamalas, at mga tulad nito. Hindi mo nakikita ang diwa ng problema, at hindi ka nakahahanap ng mga landas ng pagsasagawa o ng paraan upang tugunan ang mga suliranin. Nagpapahiwatig ito ng kawalan ng pagkaunawa sa mga tunay na prinsipyo at ng kawalan ng kakayahang maarok ang katotohanan. Ang mga taong tulad nito ay walang espirituwal na pagkaunawa. Huwag kayong magmadali sa pagninilay at pag-uusisa sa mga suliraning ito, at makabubuo kayo ng mga kongklusyon. Kung kahit kailan ay hindi mo pinagninilayan ang mga suliraning ito, kung naguguluhan ang iyong isipan, wala kang tunay na pagkaunawa.

Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa paksang tuloy-tuloy nating pinagbabahaginan sa panahong ito. Sa nakaraang pagtitipon, tinalakay natin ang ikaapat na bahagi ng pagbitiw sa mga paghahangad, mithiin, at hangarin ng mga tao—ang partikular na nilalaman ng bahaging “mga propesyon.” Tungkol sa partikular na paksang nakapaloob sa “mga propesyon,” sa tamang pagkaunawang dapat taglayin ng mga tao tungkol sa mga propesyon, o sa mga partikular na landas ng pagsasagawa at pamantayan ng pagsasagawang hinihingi ng Diyos sa mga tao hinggil sa mga propesyon, nakapagtala tayo ng apat na punto. Ano-ano ang apat na puntong ito? (1. Hindi pagkakawanggawa; 2. Pagkakontento sa pagkain at damit; 3. Paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan; 4. Paglayo sa politika.) Natalakay na natin ang dalawa sa apat na puntong ito. Ang unang punto ay hindi pagkakawanggawa, at ang pangalawa, pagkakontento sa pagkain at damit. Hindi ba’t katumbas ng partikular na pananalita sa bawat isa sa apat na puntong ito ang mga kongkretong prinsipyo ng pagsasagawa para sa pagbitiw sa mga propesyon? (Oo.) Katumbas ng apat na partikular na prinsipyo ng pagsasagawa ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan hinggil sa pagbitiw sa mga propesyon. Siyempre, ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan ay ang mga katotohanang prinsipyo ng pagbitiw sa mga propesyon, at ang mga iyon ang mga partikular na landas ng pagsasagawa kapag nahaharap ang mga tao sa mga usaping ito; ibig sabihin, sa paggawa ng dapat mong gawin sa saklaw na ito, matutupad mo ang mga hinihingi ng Diyos, ngunit kung lalagpas ka sa saklaw na ito, lalabag ka sa mga prinsipyo, sa katotohanan, at sa mga hinihingi ng Diyos. Tungkol naman sa paksa ng mga propesyon, napagbahaginan na natin ang dalawang prinsipyo ng pagsasagawa: Ang una ay ang hindi pagkakawanggawa, at ang pangalawa, pagkakontento sa pagkain at damit. Tungkol sa unang punto ng hindi pagkakawanggawa, nagbigay na tayo ng ilang partikular na halimbawa at nagtalakay na ng ilang espesyal na sitwasyon. Ano-anong suliranin ang pangunahing may kinalaman sa paksang ito? Tumutukoy ito sa kung ano ang dapat na gawin ng mga tao kapag pumipili ng propesyon o hinggil sa mga propesyon. Kahit papaano, ang unang punto ay huwag magsagawa ng mga bagay na may kaugnayan sa kawanggawa; sapat nang pumasok lamang sa mga propesyong may kaugnayan sa sariling buhay o kabuhayan ng isang tao. Kung may organisasyon ng pagkakawanggawa sa pinagtatrabahuhan mo at nagtatrabaho ka lamang dahil sa nag-aplay ka sa patalastas ng trabaho, iba ito sa pagkakawanggawa—isa itong espesyal na sitwasyon. Maaari kang magtrabaho rito at tumanggap ng suweldo, ngunit isa ka lamang manggagawa, wala nang iba kundi isang empleyadong tumatanggap ng suweldo. Para naman sa kung ano ang isinasagawa ng organisasyon ng pagkakawanggawa, mga foundation man, suporta sa lipunan, pag-aampon sa mga naulilang bata o hayop, pagtulong sa mga tao sa mga lugar na mahihirap o nasalanta ng kalamidad, pagtanggap sa mga refugee, at iba pa, ang mga pangunahing pagsisikap na ito ay walang kinalaman sa iyo. Hindi ikaw ang pangunahing taong may pananagutan, at hindi ka dapat mag-ambag ng iyong oras at lakas sa mapagkawanggawang adhikaing ito. Ibang-ibang usapin ito. Hindi ka nagkakawanggawa; nagtatrabaho ka sa isang organisasyon ng pagkakawanggawa. Hindi ba’t likas na magkaiba ang mga iyon? (Oo.) Magkaiba ang mga kalikasan ng mga iyon, at hindi nalabag ng espesyal na sitwasyong ito ang prinsipyo. Maliban dito, maliitan o malakihang kawanggawa man ito, anuman ang sakop ng gawaing kawanggawa, wala itong kinalaman sa iyo. Hindi ito isang bagay na hinihingi ng Diyos na gawin mo. Hindi mo nalalabag ang katotohanan sa pamamagitan ng hindi paggawa nito, at kahit pa gawin mo ito, hindi ito inaalala ng Diyos. Yamang layon mong hangarin ang katotohanan at kaligtasan, hindi mo dapat ilaan ang iyong lakas at panahon sa mga bagay na walang kaugnayan sa kaligtasan, sa paghahangad sa katotohanan, o sa pagpapasakop sa Diyos, dahil walang halaga o kabuluhan ang pagkakawanggawa. Bakit walang halaga o kabuluhan ang paggawa nito? Sino man ang iyong iligtas o tulungan, wala itong anumang mababago. Hindi nito mababago ang tadhana ng sinuman o malulutas ang mga problema sa kanilang tadhana, at ang paminsan-minsan mong pagtulong sa mga tao ay hindi talaga nakapagliligtas sa kanila. Dahil dito, sa huli, ang gayong mga pagsisikap ay walang saysay at walang anumang halaga o kabuluhan. Halimbawa, may ilang taong nag-aampon ng mga lobo: Inuumpisahan nila sa isa o dalawa at kalaunan ay nagpapalaki sila ng daan-daan o libo-libo. Itinuturing nila itong propesyon, inilalaan ang lahat ng kanilang ipon, isinasali ang kanilang buong pamilya, at inilalaan ang lahat ng kanilang lakas sa panahon ng katandaan. Ang buong lakas at buhay nila ay umiikot sa iisang bagay na ito, at ang panghuling resulta, sa kabila ng matagumpay na pagliligtas at pagpoprotekta sa mga lobo ay nakapagsayang sila ng maraming panahon at taon sa bagay na ito. Wala na silang labis na panahon o lakas upang hangarin ang katotohanan at gawin ang kanilang mga tungkulin. Samakatuwid, kung ihahambing sa paggawa ng mga tungkulin at pagtanggap ng kaligtasan, ang anumang gawain, kahit pa ito ay kinikilala ng maraming tao at pinupuri ng lipunan, ay hindi kasinghalaga ng paghahangad ng mga tao sa kaligtasan, sa katotohanan, at ng paggawa sa kanilang mga tungkulin. Hindi ito kasingkabuluhan o kasinghalaga ng paghahangad sa mga ito. May isa pang mahalagang bagay: Kung ikaw ay hinirang ng Diyos, at isa ka sa Kanyang mga hinirang na tao, talagang hinding-hindi ipagkakatiwala sa iyo ng Diyos ang pagsasakatuparan ng isang propesyon sa kawanggawa na maaaring kilalanin ng mundo o ng lipunan. Talagang hinding-hindi ipagkakatiwala sa iyo ng Diyos na gawin ang gayong mga bagay. Kung isa ka sa mga hinirang na tao ng Diyos, ano ang pinakamalaking pag-asa ng Diyos para sa iyo? Ito ay ang gawin mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, ang hangarin mo ang katotohanan at makabalik ka sa harapan ng Diyos, at matanggap mo ang kaligtasan at manatili. Ito ang pinakanakatutupad sa mga layunin ng Diyos, ang pinakamainam na nakatutupad sa Kanyang mga layunin, sa halip na gampanan ang mga kilos na itinuturing ng mga tao sa mundong ito o ng lipunan na mahalaga, makabuluhan, o maningning. Kung isa kang hinirang na tao ng Diyos, ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo ay ang tungkuling dapat mong gawin, iniuugnay lamang ang iyong sarili sa gawain ng Diyos at sa gawain ng iglesia. Ang anumang bagay na higit sa gawain ng iglesia at sa pamamahala ng Diyos ay hindi mo na problema. Anuman ang iyong ginagawa, kahit pa pinaniniwalaan mong mabuti ito at handa kang gawin ito, wala itong halaga, hindi ito karapat-dapat na alalahanin, at hindi ito inaalala ng Diyos. Nagiging isa man itong walang-kupas na pamana, inaalala magpakailanman, o nakatatanggap ng papuri ng mga tao sa kasalukuyan, hindi mahalaga ang lahat ng iyon. Gaano man karaming tao ang kumikilala rito, hindi ito nangangahulugang ang iyong ginagawa ay pinupuri ng Diyos o nakatatanggap ng Kanyang pag-alala. Hindi ito nangangahulugang ang ginagawa mo ay makabuluhan o mahalaga. Ang mga opinyon at pagsusuri ng mundo at lipunang ito ay hindi kumakatawan sa pagsusuri ng Diyos sa iyo. Samakatuwid, pagdating sa mga propesyon, hindi mo dapat sayangin ang iyong limitadong panahon at mahalagang lakas sa mga walang kabuluhang pagsisikap. Sa halip, ituon mo ang iyong lakas at panahon sa tungkuling ibinigay sa iyo ng Diyos, at sa mga bagay na may kaugnayan sa paghahangad sa katotohanan at kaligtasan. Ito ang tunay na may halaga at kabuluhan. Sa pamumuhay nang ganito ay magiging mahalaga at makabuluhan ang iyong buhay. May ilang taong nag-aampon ng libo-libong aso, at ang bawat araw ay nakasentro sa pag-aalaga at pag-iral para sa mga asong ito na kanilang inampon. Halos wala na silang sapat na panahon para kumain at matulog, lalo na para maglaba ng kanilang mga damit o makipag-usap sa mga tao. Ang mga gawaing kanilang inaako ay lagpas na sa saklaw ng kanilang mga kakayahan. Nakapapagod at nakaaawa ang kanilang mga buhay. Hindi ba’t kalokohan ito? (Oo.) Hindi ka isang tagapagligtas, huwag mong subuking maging ganoon. Ang anumang ideya ng pagnanais na iligtas ang mundo, baguhin ang mundo, o gamitin ang sarili mong lakas upang baguhin ang kasalukuyang kalagayan o ang mundong ito ay kalokohan. Siyempre, mas malaking kalokohan ang gayong mga pagtatangka, at ang mga kahihinatnan sa huli ay maglalagay lamang sa iyo sa isang masamang kalagayan, makapapagod sa iyo, magbibigay sa iyo ng matinding paghihirap, at hindi mo malalaman kung tatawa o iiyak ka. Hindi nagtataglay ang mga tao ng ganoon karaming lakas, hindi rin ganoon kahusay ang kanilang abilidad at mga kakayahan upang baguhin ang kahit na ano. Ang kaunting lakas at panahong taglay mo ay dapat na maialay at maigugol sa paggawa sa iyong tungkulin bilang isang nilikha. Siyempre, lalong mahalaga, dapat itong maigugol at mailaan sa paghahangad sa katotohanan upang matamo ang kaligtasan at pagpapasakop sa Diyos. Maliban sa mga bagay na ito, ang iba pang mga pagsisikap ay walang kabuluhan. Ang isang propesyon ay isang bagay na kailangang magawa bilang bahagi ng pisikal na buhay ng isang tao. Hindi ito maituturing na makabuluhan; kinakailangan lamang ito para sa pisikal na buhay at pag-iral. Upang mabuhay at umiral, kailangan mong maghanapbuhay; ang hanapbuhay na ito ay isa lamang trabahong nagbibigay-daan sa iyong suportahan ang iyong sarili. Nagaganap man ang hanapbuhay na ito sa mas mababa o mas mataas na antas ng lipunan, isa lamang itong paraan upang magpanatili ng kabuhayan; ang karangalan at kabuluhan nito ay hindi mahalaga. Isa pa, anuman ang kabuluhan nito, ito ang hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan: Kung nais mong hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng kaligtasan, ang pamantayan para sa pagpili ng isang hanapbuhay upang magpanatili ng kabuhayan ay pagkakontento sa pagkain at damit. Huwag kang mag-ubos ng labis-labis na lakas at panahon sa paggawa ng kung ano-ano at pagpapakaabala para sa sarili mong pagkain, damit, tirahan, at transportasyon—sapat nang makakuha ng mga pangunahing pangangailangan. Kapag busog ang iyong tiyan at mainit at balot ang iyong katawan; kapag nakamit mo ang mga pangunahing kondisyong ito para sa pag-iral, dapat mong gawin ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, ialay mo ang iyong mahalagang lakas at panahon sa iyong tungkulin, sa kung ano ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, at ialay mo ang iyong puso. Ang pinakamahalagang punto, habang ginagawa mo ang iyong tungkulin, kailangan mo ring pagsikapan ang katotohanan, hangarin ang katotohanan at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan—huwag kang basta magpatangay sa agos. Ito ang prinsipyo. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na igugol mo ang lahat ng iyong lakas para lamang umiral at patuloy na mabuhay. Hindi ka Niya kailangang magkaroon ng magarbong buhay at lumuwalhati sa Kanya sa pamamagitan nito, hindi rin Niya hinihingi sa iyong magsakatuparan ng anumang dakilang gawa sa mundong ito, gumawa ng anumang himala, mag-ambag ng anumang bagay sa sangkatauhan, magbigay ng tulong sa ilan mang tao, o lumutas ng mga problema sa trabaho ng ilan mang tao. Hindi mo kinakailangang magkaroon ng dakilang propesyon, maging tanyag sa buong mundo, at pagkatapos ay gamitin ang mga bagay na ito upang luwalhatiin ang pangalan ng Diyos, ipinapahayag sa mundo na, “Isa akong Kristiyano, sumasampalataya ako sa Makapangyarihang Diyos.” Umaasa lamang ang Diyos na kaya mong maging isang ordinaryong tao at isang karaniwang tao sa mundong ito. Hindi mo kailangang gumawa ng anumang himala; hindi mo kailangang mangibabaw sa iba’t ibang propesyon o larangan, o maging isang tanyag o dakilang tao. Hindi mo kailangang maging isang taong nakakukuha ng paghanga o paggalang ng mga tao, hindi mo rin kailangang magkaroon ng anumang tagumpay o papuri sa iba’t ibang larangan. Talagang hindi mo kailangang magbigay ng anumang ambag sa iba’t ibang propesyon upang maluwalhati ang Diyos. Ang hinihingi lamang ng Diyos sa iyo ay mabuhay ka nang maayos, magkaroon ka ng mga pangunahing pangangailangan, huwag kang magutom, magbihis ka nang makapal sa taglamig at nang naaangkop sa tag-init. Basta’t normal ang iyong buhay at may kakayahan kang umiral, sapat na iyon—iyon ang hinihingi ng Diyos sa iyo. Anuman ang mga kaloob, talento, o espesyal na kakayahang taglay mo, hindi ninanais ng Diyos na gamitin mo ang mga iyon upang magkamit ng tagumpay sa mundo. Sa halip, nais Niyang gamitin mo ang anumang kaloob o katangiang taglay mo sa paggawa sa iyong tungkulin, sa kung ano ang ipinagkakatiwala Niya sa iyo, at sa paghahangad sa katotohanan, na sa huli ay makapagtatamo ng kaligtasan. Ito ang pinakamahalagang bagay, at wala nang anumang hinihingi ang Diyos na higit pa roon. Kung mabubuhay ka nang masagana, hindi sasabihin ng Diyos na isa kang taong lumuluwalhati sa Kanya. Kung pangkaraniwan ang iyong buhay at nasa mas mababang antas ka ng lipunan, hindi ito isang insulto sa Diyos. Kung medyo mahirap ang iyong pamilya, ngunit naaabot mo ang pamantayan ng Diyos sa pagkakontento sa pagkain at damit, hindi rin ito isang insulto sa Kanya. Habang nabubuhay at umiiral ka, ang layon ng iyong paghahangad ay ang makontento sa pagkain at damit, magkaroon ng mga pangunahing pangangailangan at mabuhay nang normal, mapanatili ang iyong pang-araw-araw na pagkain, at matustusan ang iyong pang-araw-araw na gastusin—sapat na iyon. Kapag kontento ka, nalulugod din ang Diyos—ito ang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Hindi Niya hinihingi sa iyong maging isang mayaman, tanyag, o matayog na tao, hindi ka rin Niya hinahayaang maging pulubi. Ang mga pulubi ay hindi gumagawa ng anumang trabaho; buong araw silang namamalimos para sa pagkain, nagmumukhang kahabag-habag, kumakain ng mga tira-tira ng mga tao, nagsusuot ng mga gula-gulanit na damit, nagsusuot ng mga tagpi-tagping damit o nagbabalabal pa nga ng sako sa katawan nila—napakababa ng kalidad ng kanilang buhay. Hindi hinihiling ng Diyos na mamuhay ka na parang isang pulubi. Sa mga usaping hinggil sa pisikal na buhay, hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na luwalhatiin mo Siya, hindi rin Niya tinutukoy na nakalalapastangan sa Kanya ang mga partikular na sitwasyon. Hindi huhusgahan ng Diyos ang isang tao batay sa kung siya ay naghihirap o namumuhay nang sagana. Sa halip, sinusuri ka Niya batay sa paraan ng iyong pagsasagawa at kung natutupad mo ang mga hinihingi ng Diyos hinggil sa paghahangad sa katotohanan at sa mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa iyo. Naunawaan at naintindihan mo na ba ang dalawang prinsipyong ito ng pagsasagawang may kaugnayan sa mga propesyon? Ang unang prinsipyo ay ang hindi pagkakawanggawa, at ang pangalawang prinsipyo, pagkakontento sa pagkain at damit. Madaling maunawaan ang parehong prinsipyong ito.

Sa iglesia, may ilang taong matibay pa ring naniniwalang ang pagkakawanggawa ay isang mabuting bagay. Iniisip nila, “Kung saan may pangangailangan, dapat tayong tumulong. Ako naman, nakapag-abuloy na ako ng mga damit at kaunting pera, at pumupunta pa nga ako sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad at nagboboluntaryo.” Paano mo susuriin ang bagay na ito? Dapat ba itong pigilan o panghimasukan? (Hindi ito dapat panghimasukan.) Mayroon ding mga taong nagsasabing, “Kapag nakakikita ako ng taong namamalimos, lalo na ng mga batang nagugutom, naaawa ako sa kanila.” Agad nilang dinadala ang gayong mga tao sa kanilang mga tahanan, ipinagluluto ang mga ito ng kaunting masarap na pagkain, at pagkatapos ay pinag-uuwi ng ilang damit at magagandang gamit, at binibisita pa nga ang mga ito paminsan-minsan. Handa silang gawin ang mga gawa ng kabutihang ito at umasal nang ganito sa paniniwalang itinataguyod ng paraang ito ng pag-asal ang katarungan, at na sa paggawa nito, aalalahanin sila ng Diyos at magiging pinakakaibig-ibig na mga tao sa mundo. Tungkol sa mga taong tulad nito, pinipigilan o pinanghihimasukan ba sila ng iglesia? (Hindi ito nanghihimasok.) Ibinabahagi natin ang mga sermon na dapat maibahagi sa kanila, at ipinaliliwanag sa kanila ang mga layunin ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo. Kung, pagkatapos makaunawa at magkaroon ng kaalaman sa lahat ng bagay, ipagpipilitan pa rin nilang gawin ang mga bagay-bagay ayon sa sarili nilang paraan, kumilos alinsunod sa sarili nilang kalooban, hindi tayo nakikialam. Ang bawat tao ay kailangang managot sa sarili nilang mga salita at kilos, at ang mga tao mismo ang may pananagutan sa pinakakalalabasan at kung paano sila uuriin ng Diyos. Hindi kailangang pasanin ng iba ang pananagutang iyon, hindi ang iba ang kailangang magbayad ng halaga. Kung makatatagpo tayo ng mga taong tulad nito na nakauunawa sa lahat ng bagay ngunit nagpupumilit pa ring magkawanggawa, hindi natin itatama ang kanilang mga kaisipan at perspektiba, hindi rin tayo manghihimasok, at talagang hindi natin sila kokondenahin. Mayroon pa ngang mga taong matapos sumampalataya sa Diyos ay naghahangad ng mga makamundong bagay, kayamanan, puwesto sa pamahalaan, o propesyon. Nanghihimasok ba tayo sa kanila? (Hindi tayo nanghihimasok.) Magbahagi kayo sa kanila tungkol sa mga nauugnay na katotohanan upang maunawaan nila, at pagkatapos ninyong magbahagi, sila na ang magpapasya para sa kanilang sarili. Nasa kanila na ang pasya kung ano ang landas na susundan. Kung ano ang kanilang pipiliin, kung ano ang gusto nilang gawin, at kung paano nila ito gagawin—hindi tayo nakikialam sa mga bagay na ito. Ang ating responsabilidad ay magbahagi sa kanila tungkol sa mga layunin ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Kung mauunawaan at maiintindihan nila, maaari mo silang tanungin, “Kung gayon, ano ang dapat na susunod mong maging hakbang? Kailan ka magsisimulang magpalaganap ng ebanghelyo?” Pagkatapos ay sasabihin nila, “Sandali lang, may kailangan akong ipasok na kargamento ng mga paninda, may kaunti akong negosyo at isang proyektong kailangang pangasiwaan, isang bagay na mapagkakakitaan ko nang malaki kapag natapos. Pag-usapan natin ulit sa susunod ang pagpapalaganap ng ebanghelyo.” At sasabihin mo, “Gaano katagal ako dapat maghintay?” Pagkatapos ay sasagot sila, “Mga dalawa o tatlong taon siguro.” Aba, paalam na kung gayon. Hindi mo na kailangang mag-abala sa gayong mga tao. Sa ganitong paraan ito mapangangasiwaan, hindi ba’t madali ito? (Madali ito.) Ito ang tinatawag na pagkakaroon ng kaalaman sa tunay na daan at sadya pa ring pagkakasala. Ang gayong mga tao ay hindi magkakaroon ng handog para sa kasalanan. Hindi pinipigilan o pinanghihimasukan ng Diyos ang mga taong tulad nito; kahit sa sandaling iyon, hindi Niya sila sinusuri sa anumang paraan. Hinahayaan Niya silang malayang pumili. Kailangan din ninyong matutuhan ang prinsipyong ito. Gaano man karami ang kanilang nauunawaan, sa madaling salita, ang ating responsabilidad ay malinaw na iparating sa kanila ang mga layunin ng Diyos. Kung ano ang pipiliin nila pagkatapos niyon, kung ano ang susunod na magiging mga hakbang nila, ay personal nilang usapin at kanilang kalayaan. Walang sinumang dapat na manghimasok, at hindi na kailangang ipaliwanag ang mga pakinabang at kalugihan upang gipitin sila. Isa ba itong angkop na pamamaraan? (Angkop ito.) Kung angkop ito, dapat ay ganito ito gawin. Huwag kang lumabag sa mga prinsipyo at huwag mo silang puwersahin nang labag sa kanilang kalooban. Ang mga ito ang unang dalawang prinsipyo ng pagbitiw sa propesyon ng isang tao; ang dalawang ito ay medyo madaling unawain at madaling intindihin.

Tungkol sa paksa ng pagbitiw sa mga propesyon, ano ang pangatlong prinsipyong hinihingi ng Diyos na isagawa ng mga tao? Ito ang paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Medyo mas mahirap intindihin ang isang ito, hindi ba? (Oo.) Bagama’t maaaring medyo mas mahirap itong intindihin, isa rin ito sa mga prinsipyo. Isa itong prinsipyong dapat na buong-katapatang sundin ng mga tao upang umiral sa lipunang ito. Isa rin itong saloobin, diskarte, at pamamaraan ng pag-iral na dapat taglayin ng mga tao upang umiral sa lipunang ito, at siyempre, tumpak na masasabing isa itong uri ng karunungan para sa pag-iral sa lipunan. Sa panlabas, ang paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan ay maaaring magmukhang isang suliraning malayo sa bawat tao, ngunit sa katunayan, ang iba’t ibang puwersang ito ng lipunan ay nakakubli sa paligid ng lahat ng tao. Ang mga ito ay mga di-materyal na puwersa, mga di-materyal na sistemang umiiral sa paligid ng bawat isa. Kapag pumipili ka ng propesyon, sa alinmang antas ng lipunan ito nabibilang, nababalot ito ng malaking puwersa ng nauugnay na propesyon. Nagsasagawa ka man ng mataas o mababang hanapbuhay, may mga kaugnay na grupo ng taong nakapaloob sa hanapbuhay na iyon. Kung, sa loob ng lipunan, ang mga grupong ito ay may ilang taon ng karanasan, mga partikular na kwalipikasyon, o mga partikular na pundasyon sa lipunan, walang dudang bumubuo ang mga iyon ng isang di-materyal na puwersa. Halimbawa, maaaring hindi maituturing na isang mataas na hanapbuhay ang propesyon ng pagtuturo, ngunit hindi rin ito mababa. Medyo mas mataas ito kaysa sa mga hanapbuhay na tulad ng pagsasaka o ng iba’t ibang klase ng pisikal na trabaho, ngunit medyo mas mababa sa mga tunay na mataas na propesyon sa lipunan. Sa loob ng hanapbuhay na ito, maliban sa simpleng trabahong iyong isinasagawa, marami pang ibang taong dumaragsa sa industriya. Kaya, sa industriyang ito, tinutukoy ang pagkakaiba ng mga tao sa pamamagitan ng taas ng posisyon at lawak ng karanasan nila. Ang matataas na posisyon sa propesyong ito ay bumubuo ng isang uri na kumokontrol sa mga bagay na tulad ng mga tauhan, kalakaran, polisiya, patakaran, at panuntunan; bumubuo ito ng kaukulang puwersa sa loob ng propesyon. Halimbawa, sa propesyon ng pagtuturo, sino ang lider, ang pinakamataas na amo na nangunguna at kumokontrol sa propesyon, at sino ang kumokontrol sa iyong kabuhayan at suweldo? Sa ilang bansa, maaaring mayroong unyon ng mga guro; sa Tsina, ito ang kawanihan ng edukasyon at ang Kagawaran ng Edukasyon. Kumakatawan ang mga institusyong ito sa saklaw ng mga puwersang nauukol sa propesyon ng pagtuturo sa lipunan. Sa gayunding paraan, para sa mga magsasaka, sino ang kanilang direktang superbisor? Maaaring isa itong lider ng grupo, isang pinuno ng nayon, o ang pinuno ng isang bayan, at ngayon ay may ipinapasok pang mga komite ng pamamahalang pang-agrikultura. Hindi ba’t ito ang saklaw ng mga puwersang nauukol sa propesyong ito? (Oo.) Ang iba’t ibang saklaw na ito ng mga puwersa ay masasabing nakaaapekto at nakapagkokontrol sa iyong mga kaisipan, salita at kilos, at maging sa iyong pananampalataya at sa landas na iyong tinatahak sa buhay. Bukod sa kinokontrol ng mga iyon ang iyong kabuhayan; kinokontrol din ng mga iyon ang lahat ng bagay na tungkol sa iyo. Lalo na sa bansa ng malaking pulang dragon, palaging nagdaraos ang mga walang pananampalataya ng mga ideolohikal na seminar, nagsasabi ng kanilang mga iniisip, at nagsusuri kung may anumang problema sa kanilang mga kaisipan, kung may nakapaloob sa mga iyon na anumang elementong laban sa partido, laban sa estado, o laban sa tao. Alinmang propesyon ang iyong isinasagawa, isa man itong mas tradisyonal na hanapbuhay o isang mas makabagong hanapbuhay, iiral ang iba’t ibang katumbas na puwersang nasa saklaw ng propesyon sa paligid mo. Ang ilan sa mga puwersang iyon ay ang mga direktang superbisor mo, ang mga taong direktang responsable sa pagpapalabas ng iyong suweldo at panggastos sa araw-araw. Ang iba ay maaaring mga di-materyal na puwersa. Halimbawa, ipagpalagay nating isa kang hindi kapansin-pansing empleyado sa isang lugar ng trabaho; magkakaroon ng iba’t ibang puwersang umiiral sa saklaw ng iyong propesyon. Ang ilan ay nagpapalakas sa tagapamahala at laging umaaligid sa mga ito—isang uri ito ng puwersa. Pagkatapos ay naroon ang grupo ng isang puwersang nananatiling malapit sa CEO at nagtatalaga sa kanilang sarili sa pag-aasikaso sa mga bagay-bagay para sa CEO. Ang isa pang grupo ay maaaring malapit sa direktor ng departamento ng marketing. Umiiral ang lahat ng iba’t ibang puwersang ito. Ano ba ang layon ng mga puwersang ito? Paano nabubuo ang mga puwersang ito? Ito ang pagkuha ng bawat tao sa kung ano ang gusto nila, pati na ang pagkampi at pagpapalakas sa mga taong nasa kapangyarihan upang makamit ang sarili nilang mga layunin at tumagal, na pagkatapos ay humahantong sa pagkabuo ng iba’t ibang puwersa. Ang ilang puwersa ay nagtataguyod ng isang pamamaraan, habang ang iba, nagtataguyod ng ibang pamamaraan. Maaaring may tendensiya ang ilang puwersang gumawa ng mga bagay-bagay ayon sa panuntunan at sumunod sa mga pamantayan ng pinagtatrabahuhan, habang ang iba naman ay maaaring kumilos nang mas kasuklam-suklam, kapwa ipinagwawalang-bahala ang batas at propesyonal na etika. Sa pamumuhay sa isang kapaligiran kung saan naghahalo-halo ang iba’t ibang puwersang ito, paano ka dapat magpasya? Paano ka dapat tumagal? Dapat ka bang makipaglapit sa organisasyon ng partido, o sa isang tagapamahala o CEO? Dapat ka bang magpalakas sa isang direktor o pinuno ng seksyon, o dapat ka bang kumampi sa isang lider ng kawanihan o direktor ng pabrika? (Wala sa mga iyon.) Gayunpaman, upang tumagal, malimit na tinatalikuran ng mga tao ang kanilang dignidad, mga prinsipyo sa pag-asal, at lalo na ang mga hangganan ng paraan ng pag-asal nila. Sa loob ng masalimuot na kapaligiran ng mga puwersang ito, wala sa loob na pipiliin ng mga taong makipagkampihan, sumunod sa agos, at kumampi sa iba’t ibang puwersa. Naghahanap sila ng isang puwersang tatanggap at magpoprotekta sa kanila, o naghahanap sila ng puwersang maaaring maging mas madali nilang tanggapin, isang puwersang kaya nilang kontrolin, at nakikipaglapit o sumasama pa sila rito. Hindi ba’t likas na ugali ito ng tao? (Ganoon nga.) Hindi ba’t isa itong uri ng kasanayan o pamamaraan ng pag-iral? (Oo.) Isa mang likas na ugali o kasanayan ang pakikibagay ng mga tao sa lipunang ito at sa iba’t ibang grupo, isa ba itong prinsipyo ng pagsasagawa na dapat taglayin ng isang tao sa pag-asal? (Hindi.) Maaaring sabihin ng ilang tao, “Kahit na sinasabi mo ngayong hindi, kapag talagang nalagay ka sa ganoong sitwasyon, sa tunay na buhay ay pipiliin mong makipagkampihan at maghanap ng proteksyon sa anumang puwersang kapaki-pakinabang sa iyo at nagbibigay-daan sa iyong umiral. At sa kaibuturan, maaari mo pang maramdamang kailangang umasa ng mga tao sa mga puwersang ito upang mabuhay, na hindi nila kayang mabuhay nang nagsasarili, dahil ang pamumuhay nang nagsasarili ay nagdudulot sa kanilang maging lantad sa panganib ng pang-aapi. Hindi puwedeng palagi kang manatiling nagsasarili at malayo; kailangan mong matutong magpasakop at manatiling malapit sa iba’t ibang puwersa. Kailangan mong maging mapagmasid, sumipsip sa mga tao, at magpanggap ayon sa hinihingi ng sitwasyon. Kailangan mong sumunod sa agos, maging magaling sa pambobola, matantiya ang mga kalakaran, at magkaroon ng malakas na pakiramdam. Kailangan mong alamin at maging pamilyar sa kung ano ang mga gusto at hindi gusto ng iyong mga lider, ang kanilang mga ugali at personalidad, ang kanilang mga pinagmulang pamilya, kung anong uri ng mga bagay ang gusto nilang marinig, ang kanilang mga edad, kaarawan, ang gusto nilang mga tatak ng amerikana, mga sapatos, at mga balat na bag, ang gusto nilang mga kainan, pangalan ng kotse, tatak ng computer at telepono, kung anong klase ng mga software ang gusto nilang mailagay sa kanilang mga computer, kung anong uri ng libangan ang kinasisiyahan nila sa kanilang libreng oras, kung sino ang gusto nilang makahalubilo, at kung ano-anong paksa ang kanilang pinag-uusapan.” Alang-alang sa pananatili, wala sa loob at likas kang makikipaglapit sa kanila, sasama sa kanila, magiging labis na matulungin at gagawa ng mga bagay na nag-aalangan kang gawin, at magsasabi ng mga bagay na ayaw mong sabihin upang mabigyang-kasiyahan ang iyong mga lider at katrabaho, at pipilitin ang iyong sariling mahusay na magpatakbo at magkontrol ng lahat ng bagay sa iyong pinagtatrabahuhan, sinisigurong garantisado na ang iyong buhay at pananatili. Nalalabag man ng iyong mga kilos ang etika at ang mga hangganan ng sariling pag-asal, o kahit pa nangangahulugan itong pagtalikod sa iyong dignidad, wala kang pakialam. Ngunit ang kawalan ng pakialam na ito ang mismong naghuhudyat sa simula ng iyong pagbagsak, at isa itong tanda na wala nang makatutulong sa iyo. Samakatuwid, sa panlabas, hindi masisisi ng isang tao ang mga taong walang magawa kundi makipaglapit sa iba’t ibang puwersa ng lipunan alang-alang sa kanilang buhay at pag-iral. Gayunpaman, ang mga pag-uugaling ipinakikita ng mga tao, ang mga pagpapasya nila, at ang mga landas na pinipili nilang tahakin, ay nagbabaluktot sa kanilang pagkatao at karakter. Kasabay nito, habang nakikipaglapit o sumasama ang mga tao sa iba’t ibang puwersa, tuloy-tuloy silang natututong gumamit ng iba’t ibang pakana at diskarte upang bigyang-kasiyahan at bigyang-lugod ang mga puwersang ito, upang mapabuti ang sarili nilang mga buhay at mas mapaganda ang mga kondisyon ng kanilang pananatili. Habang mas ginagawa nila ito, mas maraming lakas at panahon ang kailangan nila upang mapanatili ang kasalukuyang kalagayang ito at ang mga kaugnayang ito. Samakatuwid, sa limitado mong panahon at mga araw, bukod sa walang kabuluhan ang bawat salitang iyong binibigkas, ang bawat kilos na iyong ginagawa, at ang bawat araw na iyong pinagdaraanan; bulok pa ang mga iyon. Ano ba ang ibig sabihin ng bulok ang mga iyon? Ibig sabihin nito ay lalo kang nagiging masama sa bawat araw, hanggang sa puntong hindi ka na mukhang tao o multo. Sa kapaligirang ito, hindi payapa ang iyong puso upang humarap sa Diyos, at siyempre, hindi rin marami ang oras mo para gawin ang iyong tungkulin. Imposible mong mailaan ang buong katawan at isipan mo sa paggawa sa iyong tungkulin, at kasabay niyon ay imposible mong mailaan ang iyong katawan at isipan sa paghahangad sa katotohanan. Sa gayon, malabo ang mga posibilidad na maligtas ka, madilim ang iyong mga pag-asa. Dahil nakapaglaan ka na sa iba’t ibang puwersa ng lipunan, pinili mong makipaglapit sa mga iyon, at minabuti mong sumama sa mga iyon at tanggapin ang mga iyon, ang mga kahihinatnan ng pagpiling ito ay kailangan mong ialay ang buong katawan at isipan mo sa pagpapanatili sa kasalukuyang kalagayang ito, iginugugol ang iyong mga araw. Napapagod ang iyong katawan at isipan, na para bang iginugugol mo ang bawat araw sa nakasisirang sistema, subalit dahil sa iyong mga pasya, kailangan mong magpatuloy nang ganito sa araw-araw. Sa loob ng masalimuot na kapaligiran ng iba’t ibang puwersa, kapag sumama ka sa kanila, ang bawat salitang kanilang sinasabi, ang mga kalakarang nakapaloob doon, pati na ang mga paparating na bagay, ang mga pag-uugali ng bawat tao at ang pinakatatago nilang kaisipan, at lalo na kung ano ang iniisip ng iyong mga direktang superbisor, ang pinakamataas na antas ng mga puwersang ito—kailangan mong timbangin ang lahat ng ito at magkalap ng impormasyon tungkol sa mga ito nang nasa oras. Hindi ka puwedeng magpakatamad o magpabaya rito. Kung ano ang kanilang iniisip, kung ano ang mga bagay na ginagawa nila na lingid sa kaalaman ng mga tao, kung ano ang mga plano at layunin nila, maging kung ano ang kanilang pinaplano o intensyon para sa bawat tao, kung ano ang kanilang ipinapasya para sa mga ito at kung ano ang mga saloobin nila sa mga ito—kung nais mong lubusang malaman ang mga bagay na ito, kailangan mong magkaroon ng pagkaunawa sa kaibuturan ng iyong puso tungkol sa sitwasyong iyon. Kung gusto mo silang lubusang maunawaan, kailangan mong ilaan ang lahat ng iyong lakas sa pag-aaral at pagiging dalubhasa sa mga bagay na ito. Kailangan mong kumain kasama nila, makipagkuwentuhan sa kanila, tawagan sila sa telepono, mas makihalubilo sa kanila sa trabaho, at makipaglapit pa nga sa kanila sa mga pista at subaybayan ang kanilang mga galaw. Ang resulta, kumusta man ang iyong mga araw, puno man ang mga iyon ng kagalakan o pasakit, kahit na gusto mong gawin ang iyong tungkulin at hangarin ang katotohanan, magkakaroon ka ba ng panahong sapat na payapain ang iyong sarili upang tuparin ang iyong tungkulin nang buong katawan at isipan mo? (Hindi namin magagawa.) Sa ganitong uri ng kondisyon, ang iyong pananampalataya sa Diyos at ang paggampan sa iyong tungkulin ay magiging walang iba kundi isang uri ng libangang ginagawa mo sa iyong bakanteng oras. Anuman ang iyong mga hinihingi at ninanais para sa iyong pananampalataya sa Diyos, sa iyong kasalukuyang kondisyon, ang pagsampalataya sa Diyos at paggawa sa iyong tungkulin ay malamang na mga huling bagay lamang sa iyong listahan ng mga ninanais. Tungkol naman sa paghahangad sa katotohanan at pagtanggap sa kaligtasan, maaaring hindi ka naglalakas-loob na isipin ang mga iyon, o maaaring ni hindi mo magawang isipin ang mga iyon—hindi ba’t tama iyon? (Oo.) Samakatuwid, para sa sinuman sa inyo, anuman ang kapaligiran ng trabahong kinalalagyan mo, kung nais mong makipaglapit o sumama sa iba’t ibang puwersa, o kung nakipaglapit at sumama ka na sa mga iyon, anuman ang iyong mga dahilan o katwiran, ang tanging pinakakahihinatnan ay maglalahong parang bula ang iyong pag-asang maligtas. Ang pinakatuwirang kalugihan nito ay halos hindi ka na magkakaroon ng panahong magbasa ng mga salita ng Diyos o gawin ang iyong tungkulin. Siyempre, imposible para sa iyong magpanatili ng payapang puso sa harapan ng Diyos o taimtim na magdasal sa Diyos—hindi mo makakamit kahit na ang pinakamaliit na bagay na ito. Dahil ang kapaligirang kinalalagyan mo ay lubhang komplikado ng mga tao at pangyayari, sa sandaling makasama ka na sa iba’t ibang puwersa, katulad ito ng pagtapak sa isang kumunoy—sa sandaling nasa loob ka na, hindi na madaling iahon ang iyong sarili. Ano ang ibig sabihin ng hindi madaling iahon ang iyong sarili? Ibig sabihin nito, sa sandaling pumasok ka sa saklaw ng iba’t ibang puwersa, malalagay ka sa sitwasyong hindi ka makatatakas sa iba’t ibang usaping kaakibat ng mga puwersang ito, at sa lahat ng uri ng pagtatalong dulot ng mga iyon. Malalagay ka sa sitwasyon kung saan palagi kang masasangkot sa iba’t ibang tao at pangyayari, at hindi mo maiiwasan ang mga iyon kahit pa subukan mo, dahil naging isa ka na sa kanila. Kaya, ang bawat pangyayaring nagaganap sa saklaw ng mga puwersang ito ay konektado at magdadawit sa iyo, maliban na lang kung may partikular na sitwasyong mangyayari; ibig sabihin, mananatili kang walang pakialam dito sa mga pakinabang at kalugihan pati na sa mga pagtatalo, at oobserbahan mo ang lahat ng bagay mula sa perspektiba ng isang tagamasid. Kung gayon, posibleng makaiiwas ka sa iba’t ibang pagtatalo o anumang potensyal na kasawian. Gayunpaman, sa sandaling sumama ka sa mga puwersang ito, sa sandaling makipaglapit ka sa mga ito, sa sandaling buong-puso kang makibahagi sa bawat pangyayaring nagaganap sa gitna ng mga ito, walang dudang mabibitag ka. Hindi ka makapananatili bilang isang tagamasid; maaari ka lamang maging kabahagi. At bilang isang kabahagi, mabibiktima ka ng saklaw ng mga puwersang ito.

Sinasabi ng ilang tao, “Sa aling larangan ng hanapbuhay o sa aling grupo ka man umiiral, maliit na bagay lang ang kayan-kayanin ng iba—ang mahalaga ay kung magagawa mong tumagal o hindi. Kung hindi ka kakampi sa mga organisasyon o sa iba’t ibang puwersa, kung walang susuporta sa iyo sa lipunan o sa loob ng iba’t ibang grupo, hindi ka makararaos.” Ganito ba talaga ang mga bagay-bagay? (Hindi ganoon iyon.) Sa iba’t ibang grupo sa lipunan, ang layon sa likod ng pagpapalakas ng mga tao sa iba’t ibang puwersa ay ang “makisilong sa ilalim ng malaking puno,” upang makahanap ng mga puwersang susuporta sa kanila. Ito ang pinakapangunahing hinihingi ng mga tao. Bukod doon, nais ng mga taong samantalahin ang mga puwersang ito upang tumaas ang posisyon nila, upang matupad ang sarili nilang mithiin ng paghahangad ng mga pakinabang o ng kapangyarihan. Kung, sa saklaw ng iyong propesyon, naghahanapbuhay ka lamang at kontento ka na sa pagkakaroon lang ng pagkain at damit, hindi mo na kailangang makipaglapit sa anumang puwersa. Kung makikipaglapit ka sa mga iyon, nangangahulugan iyong bukod sa paghahanapbuhay at pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan na pagkain at damit—talagang may iba ka pang mga layunin, maaaring para sa katanyagan o kapakinabangan. May nagsasabi ba na, “Bukod sa paghahanapbuhay, gusto ko ring patunayan ang aking sarili”? Kinakailangan ba ito? (Hindi ito kinakailangan.) Sa sandaling kumita ka na ng pera, makakain nang tatlong beses sa isang araw, at magkaroon ng mga damit na masusuot, sapat na iyon—ano ang punto ng pagsusumikap para sa dangal? Para kanino ka nagsusumikap? Para ba ito sa iyong bansa, mga ninuno, mga magulang, o para sa iyong sarili? Sabihin mo sa Akin, mas mahalaga bang magsumikap para sa dangal o makontento sa pagkain at damit? (Mas mahalagang makontento sa pagkain at damit.) Ang pagsusumikap para sa dangal ay isang disposisyong puno ng pagiging padalos-dalos; ang anumang iyong ginagawa ay alang-alang sa dangal na ito. Isa itong abstrakto at walang lamang konsepto. Pinakapraktikal na kumita ng pera upang makapagpanatili ka ng kabuhayan. Dapat ay ganito mo ito isipin: “Anuman ang sitwasyon, sinuman ang kumakampi kanino, o sinuman ang nakikipaglapit sa anong antas ng lider o opisyal, walang mahalaga sa mga ito. Sinuman ang itinataas o ibinababa ang posisyon, itinataas ang suweldo, o gumagamit ng anumang pamamaraan upang maging mataas na opisyal, hindi mahalaga ang lahat ng ito. Nagtatrabaho lang ako upang may maihaing pagkain sa mesa. Anuman ang pinagsusumikapan ng sinuman sa inyo ay walang kinalaman sa akin. Anu’t ano man, gumugugol ako ng walong oras kada araw, nababayaran ako nang nararapat sa akin, at basta’t kaya kong suportahan ang aking sarili at pamilya, kontento na ako. Iyon lang iyon; ito ang kakaunting hinihiling ko.” Gawin mo ang hinihingi sa iyong trabaho at gawin mo iyon nang maayos, at tanggapin mo ang iyong suweldo at anumang karagdagang pera nang malinis ang konsensiya—sapat na iyon. Tama ba ang saloobing ito sa pag-iral at sa hanapbuhay ng isang tao? (Oo.) Paano ito naging tama? (Dahil namumuhay sila nang may saloobing alinsunod sa hinihingi ng Diyos. Una, nangangahulugan itong hindi paggawa sa trabaho ng isang tao sa isang pabasta-bastang paraan at nagagawa nang maayos ang trabaho ng propesyon ng isang tao. Pangalawa, nangangahulugan itong hindi paghahanap ng proteksyon o pagpapalakas sa anumang puwersa; sapat na ang pagtustos sa mga pangangailangan ng isang normal na buhay. Naaayon ito sa mga salita ng Diyos.) Siyempre, naaayon ito sa mga salita ng Diyos. Hinihingi ba ito sa iyo ng Diyos upang protektahan ka? (Oo.) Upang protektahan ka mula sa ano? (Sa pamiminsala ni Satanas. Kung hindi, sa sandaling masangkot kami sa gayong mga pagtatalo, magiging masyadong masaklap ang buhay, at higit pa roon, kaunti na lang ang oras na matitira sa amin para sa pagsampalataya sa Diyos at paggawa sa aming mga tungkulin.) Isang aspekto ito. Pangunahin na, ano ang isa pang aspekto? Kapag nasangkot ka sa iba’t ibang puwersa, ang pinakaresulta ay ikaw mismo ang mapapahamak. Talagang hindi ito sulit! Una, hindi mo mapoprotektahan ang iyong sarili. Pangalawa, hindi mo itataguyod at isusulong ang katarungan. Pangatlo, makikipagsabwatan ka sa iba’t ibang puwersa, pinalalaki ang iyong mga kasalanan. Samakatuwid, walang anumang benepisyo ang pakikipaglapit sa mga puwersang ito. Kahit pa maitaas nga ang iyong suweldo o posisyon sa pamamagitan ng pagpapalakas sa iba’t ibang puwersa, ilang kasinungalingan ang kakailanganin mong sabihin kasama sila? Ilang masamang gawa ang kakailanganin mong gawin nang lingid sa kaalaman ng mga tao? Ilang tao ang kakailanganin mong parusahan nang hindi nalalaman ng iba? Sa lipunang ito, bakit ba kailangan ng lahat ng uri ng tao at ng iba’t ibang industriya na magkaroon ng mga puwersang ito? Ito ay dahil walang katarungan at hustisya sa lipunang ito. Mapoprotektahan lamang ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pag-asa na aaksyon ang iba’t ibang puwersa, at makukuha lamang nila ang kanilang posisyon sa pamamagitan ng pag-asa na magsasalita at kikilos ang mga ito. May katarungan ba rito? (Wala.) Walang katarungan dito; ang lahat ng bagay ay nakabatay sa mga puwersang ito. Ang sinumang may mas malaking puwersa ang may huling pasya, habang ang mga taong walang puwersa o mas maliit ang puwersa ay walang opinyon. Maging ang paggawa ng mga batas ay ganito tumatakbo: Kung malaki ang puwersa mo, maisasabatas at mapatutupad ang mga batas na iyong ginagawa. Kung wala ka masyadong puwersa, wala sa mga batas at patakarang iyong ipinapanukala ang maisasabatas, at hindi makapapasok ang mga iyon sa pambansang lehislasyon. Totoo ito sa anumang grupo ng tao: Kung malaki ang puwersa mo, maipaglalaban mo ang sarili mong mga interes at masusulit ang mga iyon; kung wala kang puwersa, maaaring maalis o maagaw sa iyo ang iyong mga interes. Ang layon sa likod ng pagkabuo ng iba’t ibang puwersa ay kontrolin ang mga sitwasyon gamit ang parehong mga puwersang iyon, mangibabaw pa nga sa opinyon ng madla, sa batas, at sa moralidad ng tao. Mahihigitan ng mga iyon ang batas, moralidad, at pagkatao—mahihigitan ng mga iyon ang lahat ng bagay. Kapag mas malaki ang puwersa ng isang tao, mas malaki ang kanyang impluwensya, at mas dadami ang magiging pagkakataon niyang gawin ang naisin niya, magdikta ng mga bagay. Katarungan ba ito? (Hindi.) Walang katarungan. Ang kapangyarihan at puwersa ang kumakatawan sa kanyang pagkakakilanlan at tumutukoy sa bahagi sa mga pakinabang na makukuha niya. Kung nasa loob ka ng isang grupo ng lipunan at ang gusto mo lamang ay mapanatili ang iyong kabuhayan at magkaroon ng pagkain at damit, at ang paghahangad mo ay hindi para sa katayuan o reputasyon, o upang tuparin ang sarili mong mga pagnanais, mukhang hindi mo talaga kinakailangang makipaglapit sa iba’t ibang puwersa. Kung gusto mong ilaan ang lahat ng panahon mo sa pagganap sa iyong mga tungkulin, kung gusto mong tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at sa huli ay matamo ang kaligtasan, ngunit nais mo ring magpalakas sa iba’t ibang puwersa, magkasalungat ang dalawang bagay na ito. Hindi mapupunan ng mga ito ang isa’t isa dahil lubos na magkasalungat ang mga ito, di-magkatugma ang mga ito na parang tubig at langis. Hindi magkakaroon ng anumang epekto ang pakikipaglapit sa iba’t ibang puwersa sa pagtulong sa iyong pananampalataya sa Diyos o sa iyong paghahangad sa katotohanan. Hindi ka nito matutulungang mas malinaw na matukoy ang kasuklam-suklam na mukha ni Satanas, hindi ka rin nito mabibigyan ng mas mataas na awtoridad o hahayaang sumampalataya sa Diyos nang hindi tinatanggihan ng mundo at inuusig ng pamahalaan. May ilang taong nakatira sa maliit na nayon ngunit matayog ang mga intensyon sa kanilang puso. Iniisip nila, “Ipinanganak ako sa kanayunan. Isa akong magsasaka. Bagaman napagmamalupitan ako, nakararaos pa rin ako sa pamamagitan ng pagtatanim ng kaunting trigo at gulay, at pag-aalaga ng kaunting manok, baka, at tupa. Kung sasampalataya ako sa Diyos at maghahangad ng katotohanan, napakaganda na ng mga kondisyong ito; nasa akin ang mga pangunahing kondisyong kailangan ko para sa pag-iral. Ngunit bakit pakiramdam ko ay laging may kulang sa pamumuhay at pag-iral sa lipunang ito at sa piling ng mga taong ito?” Ano ang kulang? Wala silang makapangyarihang tagasuporta. Tingnan mo kung paano pumipili ng bahay ang mga tao: Palaging mas pinipili nila ang bahay na may malaking bundok sa likod nito. Itinuturing nila ang bundok na iyon bilang tagasuporta nila, at ipinararamdam nito sa kanilang ligtas na manirahan doon. Kung may bangin sa likod ng bahay, hindi nila madaramang ligtas na tumira doon, na para bang sa anumang sandali ay mahuhulog sila sa gilid ng bangin. Sa gayunding paraan, sa paninirahan sa isang nayon, kung ang isang tao ay hindi magkakaroon ng ugnayan sa isang taong may reputasyon at katayuan, at paminsan-minsan ay bibisitahin ito upang mahikayat itong suportahan siya, palagi niyang mararamdamang medyo nakabukod siya sa pamumuhay sa nayong iyon at palaging nanganganib na makayan-kayanan at hindi makaraos. Iyon ang dahilan kung bakit palagi siyang nagnanais na magpalakas sa pinuno ng nayon. Isa ba itong magandang ideya? (Hindi.) Lalo na pagdating sa pagsampalataya sa Diyos, sa ilang bansa kung saan nahaharap sila sa pag-uusig ng pamahalaan, sinasabi ng ilang tao, “Kung mangangaral tayo ng ebanghelyo sa pinuno ng nayon at hindi siya sasampalataya, ngunit sasampalataya naman ang kanyang nanay, lola, asawa, o anak, hindi ba’t pakikipaglapit na iyon sa pinuno? Kung ang isang kapatid sa ating iglesia ay may prominenteng posisyon sa nayon o kamag-anak ng pinuno ng nayon, hindi ba’t magiging matatag ang kalagayan ng iglesia roon? Hindi ba’t magkakaroon ito ng katayuan? Hindi ba’t ang ating mga kapatid na sumasampalataya sa Diyos ay makakakain at makapagsasaka sa nayon nang hindi iyon nagiging problema? Bukod pa rito, kapag dumating ang malaking pulang dragon o ang Departamento ng Gawain ng Nagkakaisang Kilusan upang mag-imbestiga, magkakaroon ng taong susuporta sa atin. Maganda iyon!” Palagi mong ninanais na mapalapit sa kung anong organisasyon o grupo ng mga puwersa upang masigurong hindi ka malalagay sa anumang mapanganib na sitwasyon, upang masigurong makasasampalataya ka sa Diyos nang ligtas at malaya sa pag-uusig—napakaganda niyon! Kasabay niyon, sa pakikihalubilo sa mga maimpluwensiyang tao, pakiramdam mo ay isa kang taong may impluwensiya, hindi ba? Isa itong magandang kaisipan, ngunit gusto naman ba ng pinuno ng nayon na makipaglapit ka sa kanya? Ang pinuno ba ng nayon ay isang taong masasamantala mo? Papayag ba ang pinuno ng nayon na samantalahin mo siya? Ikaw, na isang pangkaraniwang tao, ay nagnanais na mapalapit sa organisasyon o sa pinuno ng nayon, at iniisip mong maisasakatuparan iyon sa pangangaral lamang ng ebanghelyo? Hindi ba’t kailangan mong mag-alay ng ilang katanggap-tanggap na regalo o gumawa ng ilang mahalagang gawain upang mapalapit sa pinuno ng nayon? Ano ang karanasang mayroon ka? Madali bang mapalapit sa pinuno ng nayon? Kahit ang pakikipaglapit sa alaga niyang aso ay magiging mahirap! At hindi uubra ang direktang pagbibigay ng regalo sa pinuno ng nayon; kakailanganin mong makipaglapit sa kanyang asawa, nanay, tiyahin, o lola, mula sa medyo mas madadaling target. Bakit mo kailangang makipaglapit sa lola ng pinuno ng nayon? Mas malapit ang ugnayan sa kanya ng pinuno ng nayon, kaya magsisimula ka sa kanya, at sa pamamagitan ng kanyang lola, isang matanda sa pamilya na makapagbibigay ng magandang rekomendasyon sa iyo, unti-unti kang makalalapit sa pinuno ng nayon. Ito ang tinatawag na “hindi tuwirang pamamaraan,” hindi ba? Kung direkta kang magbibigay ng regalo sa pinuno ng nayon, maaari niyang itanong, “Sino ka?” At tutugon ka, “Ako si ganito-at-ganyan mula sa pamilyang Li sa silangang bahagi ng nayon.” “Aling pamilyang Li? Bakit hindi ko sila kilala?” Kung ni hindi ka niya nakikilala, magiging madali bang makipaglapit sa kanya? (Hindi, hindi ito magiging madali.) At kung bibigyan mo siya ng regalo, anong klase ng regalo ang makatatawag sa pansin niya? Mga bareta ng ginto, mga bloke ng ginto—mayroon ka ba ng mga iyon? Mga trepang—gusto ba niya ng mga iyon? Makikita niya kung inangkat o lokal ang mga trepang mo; marami na siyang ganoon. Maghihigpit ka ng sinturon at matipid na mamumuhay sa mga araw mo upang mabili ito, hindi mangangahas na kainin ito—o hawakan man lang ito. Ibibigay mo ito sa kanya at hindi man lamang niya ito susulyapan. Bibigyan mo siya ng sinturon, at sasabihin niya, “Gawang lokal ito, hindi ba?” Sasabihin mo, “Balat ito ng baka.” At sasabihin niya, “Sino pa ba ang nagsusuot ng sinturong gawa sa balat ng baka sa panahon ngayon? Wala nang nagsusuot ng mga iyon. Nagsusuot ang mga tao ng mga sinturong gawa sa tunay na balat na may mga tatak na produktong Europa o mga sinturon na may mga nakabaong diyamante. May mga ganoon ka ba?” Sasabihin mo, “Ano ba ang itsura ng mga iyon? Hindi pa ako nakakakita ng ganoon.” Sasabihin niya, “Kung hindi ka pa nakakakita ng ganoon, huwag ka nang mag-abalang pumunta rito. Sa pulubi mo ba gustong ibigay ang sinturong ito?” Makapagpapalakas ka ba sa gayong tao? Inaakala mong mautak ang iyong plano, na napag-isipan mo na itong lahat, ngunit minamaliit lang niya ang mga regalo mo. Minamaliit na nga niya ang mga regalo mo, subalit ipinagpipilitan mo pang magpalakas sa kanya. Nararapat ba ito? Kahit pa mataas ang tingin niya sa mga regalo mo, nararapat bang magpalakas sa kanya? (Hindi ito nararapat.) Para lamang magkaroon ng makakain, para lamang magkaroon ng makapangyarihang tagasuporta sa nayon, magiging handa kang gumawa ng gayong mga nakapapahiyang bagay. Hindi ba kayo nahihiya rito? (Nahihiya.) Ang pagpuntirya sa lola ng pinuno, pagpuntirya sa kanyang asawa at hipag, paggamit ng lahat ng uri ng basta-bastang pamamaraan, pagbibigay ng mga regalo at pagsubok na mapalapit. Sinasabi sa iyo ng iba, “Walang saysay ang pagbibigay mo ng mga regalong ito; ikaw mismo ang tinitingnan ng pinuno.” Susubukan mo pa rin bang makipaglapit? Wala kang maibibigay na regalong magiging angkop. Hindi papansinin ng pinuno ang mga iyon at iisiping hindi katanggap-tanggap ang lahat ng iyon para sa kanya. Ang pinakamasama sa lahat, kakailanganin mong ipasok ang sarili mo sa kasunduan. Susubukan mo pa rin bang makipaglapit sa kanya? (Hindi.) Maghahanap ka pa rin ba ng ganitong uri ng tagasuporta? Anong klase ba ng tao ang pinuno ng nayon? Isa ba siyang taong papayag na basta-basta mong lapitan? (Hindi.) Kahit magkaroon ka nga ng kaugnayan sa kanya at makalapit sa kanya, ano ang mangyayari pagkatapos nito? Makokontrol ba niya ang iyong kapalaran, o matutulungan kang magtamo ng kaligtasan? O pagdating ng oras ng pagharap sa tunay na pag-uusig at mga sitwasyon, kapag hinayaan at pinangasiwaan ng Diyos ang mga sitwasyong ito, maiiwasan mo bang humarap sa mga iyon? Ang pinuno ba ng nayon ang may huling pasya rito? (Hindi.) Kung isasaalang-alang ang lahat ng mga bagay na pinangasiwaan ng Diyos, walang anumang puwersa ang may huling pasya, lalong hindi ang pinuno ng nayon—walang anumang puwersang karapat-dapat na banggitin sa aspektong ito. Samakatuwid, sa pamamalagi sa mundong ito, ikaw man ay nasa isang nayon, lalawigan, siyudad, o anumang bansa, kahit pagdating sa anumang industriyang isinasagawa mo sa loob ng anumang bansa, ang lahat ng iba’t ibang puwersang umiiral ay hindi magkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa iyong kapalaran at hindi rin ito makapagbabago sa iyong kapalaran. Wala ni isang puwersa ang may hawak ng iyong kapalaran, lalong hindi magkakaroon ng kataas-taasang kapangyarihan dito, hindi rin nito maibabalangkas ang iyong tadhana. Sa kabaligtaran, sa sandaling sumama ka sa iba’t ibang puwersang umiiral sa lipunan, saka darating ang kapahamakan sa iyo at magsisimula ang iyong paghihirap. Habang mas napapalapit ka sa mga iyon, lalo kang nalalagay sa panganib; habang mas sumasama ka sa mga iyon, lalong nagiging mahirap na makawala rito. Bukod sa hindi na nakapagdudulot sa iyo ng anumang pakinabang ang iba’t ibang puwersang ito, habang mas sumasama ka sa mga iyon ay paulit-ulit ka pang sinisira at inaapakan ng mga iyon, binabaluktot ang iyong espiritu at isipan, nagdudulot sa iyong mawalan ng kapayapaan, nang sa gayon ay hindi ka na maniwala sa pag-iral ng katarungan at hustisya sa mundong ito. Sisirain ng mga iyon ang pinakamaganda mong pagnanais na maghangad ng katotohanan at kaligtasan. Kaya, upang umiral sa lipunang ito, anuman ang iyong antas sa lipunan, kapaligiran, o grupo, o sa anumang industriya ka naroroon, ang paghahangad ng isang puwersang maaasahan, na tatayo bilang sarili mong pananggalang na payong, ay isang nakalilinlang at labis-labis na kaisipan at pananaw. Kung pinipilit mo lamang na makatagal, dapat kang magpakalayo-layo sa mga puwersang ito. Kahit na ipinagtatanggol lamang ng mga puwersang ito ang mga lehitimo mong karapatang pantao, hindi iyon dahilan o katwiran upang masangkot sa mga iyon. Anuman ang kalagayan ng pag-iral sa lipunan ng iba’t ibang puwersang ito, anuman ang mga mithiin ng mga ito sa pagsulong, o ang direksyon ng mga kilos ng mga ito, sa madaling salita, bilang isang taong sumasampalataya sa Diyos, bilang isang taong naghahangad sa katotohanan, hindi ka dapat maging isa sa kanila, ni maging isang tagapagtaguyod sa loob ng iba’t ibang puwersang ito. Sa halip, dapat kang lumayo sa mga iyon, umiwas sa mga iyon, umiwas sa iba’t ibang pagtatalong kinasasangkutan ng mga iyon, umiwas sa iba’t ibang panuntunan ng pandarayang itinatakda ng mga iyon, at umiwas din sa mga nakapipinsalang bagay at nakapipinsalang salitang ipinagagawa at ipinasasabi ng mga iyon sa isang tao sa saklaw ng propesyon niya o sa saklaw ng mga puwersang ito. Hindi ka dapat maging isa sa kanila, at talagang hindi ka dapat maging isa sa mga kasabwat nila. Ito ang hinihingi ng Diyos sa iyo sa loob ng samu’t saring industriya at propesyon kung saan umiiral ang iba’t ibang puwersa: ang lumayo at umiwas sa mga iyon, huwag maging sangkalan ng mga iyon, huwag maging puntirya ng kanilang pananamantala, at huwag maging alagad o tagapagsalita ng mga iyon.

Siyempre, sa lipunang ito, maliban sa mga direktang superbisor ng isang tao sa iba’t ibang industriya at propesyon, at maliban sa mga organisasyong sibil, may mga partikular na ilegal na grupo rin sa lipunan na dapat iwasan ng mga tao—huwag kayong makisangkot sa mga taong ito o makisama sa kanila sa anumang paraan. Halimbawa, iyong mga taong nagsasagawa ng labis na pagpapatubo. May ilang taong walang puhunan para sa kanilang negosyo, at hindi sila makautang nang normal, ngunit may paraan para mapadali nila ang pag-ikot ng puhunan, iyon ay sa pamamagitan ng pautang na labis ang pagpapatubo. Bukod sa may kaakibat na matataas na antas ng interes ang pagpapautang na labis ang pagpapatubo, may dala rin itong malalaking panganib. May ilang taong, upang kumita ng malaking pera at makaiwas sa pagkalugi ng kanilang negosyo, sa huli ay nauuwi sa hakbang na ito: Pautang na labis ang pagpapatubo. Ang mga tao bang nagsasagawa ng labis na pagpapatubo ay mga tao sa lipunan na sumusunod sa batas? (Hindi, hindi sila gayon.) Ilegal na organisasyon sila sa lipunan, at dapat silang iwasan sa lahat ng pagkakataon. Anuman ang sitwasyong idinudulot sa iyo ng iyong pag-iral o kasalukuyang kalagayan, hinding-hindi mo dapat pag-isipang tahakin ang landas na ito, bagkus ay magpakalayo-layo at umiwas ka rito. Anuman ang maging mga problema sa iyong buhay at kabuhayan, kahit ang isipin ang mga iyon o pag-isipang tahakin ang landas na ito ay huwag na huwag mong gagawin. Hindi ba’t pareho ang grupo ng mga taong ito sa organisasyon ng partido? May mga partikular na pagkakatulad ang diumano’y samahang sumusunod sa batas at ang masasamang-loob. Huwag mong isipin na mabibigyan nila ang iyong kabuhayan ng solusyon sa problema o na mababago nila ang mga bagay-bagay; pagpapantasya ito. Sa sandaling piliin mong gawin ang bagay na ito, sa sandaling tahakin mo ang daang ito, magiging mas masahol ang buhay mo sa hinaharap. Siyempre, may isa pang uri ng diumano’y organisasyon sa lipunang ayaw nating pangalanan na hinding-hindi mo dapat lapitan, lalo na kapag nahaharap ka sa mga partikular na pambihira at mahirap na problema, kapag nahaharap ka sa mga pambihirang kapaligiran, o kapag nalalagay ka sa mga lubhang mapanganib na sitwasyon. Huwag mong pag-isipang gumamit ng mga labis-labis na pamamaran upang protektahan ang iyong sarili, upang makatakas sa panganib, at upang makawala sa mga paghihirap. Sa gayong mga sitwasyon, mas mabuti pang mabitag ng mga iyon kaysa sa makisama sa mga ganoong uri ng tao o masangkot sa kanila sa anumang paraan. Bakit mo ito gagawin? Ito ba ang sinasabing pagkakaroon ng integridad? Ito ba ang uri ng integridad na dapat taglayin ng mga Kristiyano? (Hindi ito ang uri ng integridad na dapat taglayin ng mga Kristiyano.) Kung gayon ay ano ito? (Hindi lang tamang makipaglapit sa kanila.) Bakit hindi ito tama? (Ang pakikipaglapit sa kanila ay magdudulot ng napipintong mas masahol na buhay, at mas malaking panganib sa hinaharap.) Ito ba ay para lamang makatakas sa paparating na panganib? Kung gayon ay bakit hindi ka muna kumawala sa nakaambang panganib sa iyo? Bakit hindi ka puwedeng makipaglapit sa mga puwersang ito? Sa Bibliya, nang Siya ay tuksuhin, paano tumugon ang Panginoong Jesus kay Satanas? (Sinabi ng Panginoong Jesus, “Humayo ka, Satanas: sapagkat nasusulat, ‘Sa Panginoon mong Diyos sasamba ka, at Siya lamang ang iyong paglilingkuran’” (Mateo 4:10).) Ang dapat na sambahin ng mga tao ay ang Diyos, at Siya lamang ang dapat na paglingkuran ng mga tao. Kasabay niyon, para sa Diyos lamang dapat na mabuhay ang mga tao. Kung pahihintulutan ng Diyos na mabawi ang iyong buhay, ano ang dapat mong gawin? (Magpasakop.) Dapat kang magpasakop sa Diyos at magpuri sa Kanya. Ang pangalan ng Diyos ay dapat na dakilain, at dapat na magpasakop ang mga tao sa Diyos nang hindi hinahangad ang sarili nilang buhay. Gayunpaman, kung nilalayon ng Diyos na mabuhay ka, sino ang makababawi sa iyong buhay? Walang makababawi nito. Kaya, anumang mga sitwasyon o panganib ang kaharapin mo, kahit na sa harap ng kamatayan, kung may puwersang makapagliligtas sa iyo mula sa kamatayan, ang puwersang ito ay hindi isang wastong puwersa kundi pagmamay-ari ni Satanas. Ano ang dapat mong sabihin? “Lumayas ka, Satanas! Mas gugustuhin ko pang mamatay kaysa magkaroon ng anumang kaugnayan sa iyo!” Hindi ba’t isa itong usapin ng prinsipyo? (Ganoon nga.) “Imposible para sa aking mabuhay dahil sa iyong mga puwersa, hindi rin ako mamamatay dahil sa pinabayaan na ako ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Diyos. Imposibleng umasa ako sa isang puwersa at magparaya upang patuloy na mabuhay.” Ito ang prinsipyong dapat itaguyod ng mga tao. Kung malalagay ka sa isang mahirap na sitwasyon, at sasabihin ng isang tao na may puwersa sa lipunan na makapagliligtas sa iyo; kung maaaring magtagumpay ang puwersang ito sa pagliligtas sa iyo, ngunit magdadala ito ng kahihiyan sa iyo, sa mga Kristiyano, sa iglesia, at sa sambahayan ng Diyos; kung masisira nito ang reputasyon ng sambahayan ng Diyos, paano ka tutugon? Tatanggapin mo ba ito o tatanggihan? (Tatanggihan.) Dapat kang tumanggi. Kung prinsipyo ang pag-uusapan, hindi tayo umaasa sa anumang puwersa upang umiral. Kaya, anuman ang mga sitwasyon o ang mapapanganib na sitwasyong kinahaharap natin, ang pinakapundamental na bagay, maliban sa pagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, ay hindi na dapat natin pag-isipan ang tungkol sa paggamit ng iba’t ibang labis-labis na pamamaraan upang matakasan ang mapapanganib na suliranin. Sa sandaling matupad na ng mga tao ang mga responsabilidad at maigugol ang pagsisikap na nararapat nilang igugol, dapat nang ipaubaya ang ibang bagay sa pangangasiwa ng Diyos. Kung sasabihin ng isang taong may ilegal na organisasyon sa lipunang makapagliligtas sa iyo, papayag ka ba? (Hindi ako papayag.) Bakit hindi ka papayag? Ayaw mo bang mabuhay? Ayaw mo bang mabilis na matakasan ang iyong suliranin? Kahit kapag sinusubukang makatakas sa iyong suliranin at patuloy na mabuhay, kailangan mong magkaroon ng mga prinsipyo para sa sariling pag-asal. Kailagan mong malaman kung ano ang dapat at hindi mo dapat na gawin. Dapat na maging malinaw ang iyong puso at huwag kang mawalan ng mga prinsipyo.

Tungkol sa usapin ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan, bukod sa iba’t ibang puwersang nakahaharap ng mga tao sa kanilang mga buhay, mayroon ding iba’t ibang puwersang malimit na lumilitaw sa lipunan: Dapat ding layuan ng isang tao ang mga ito. Sa buhay man o sa trabaho, iwasan mong magkaroon ng anumang kaugnayan o interaksyon sa kanila. Pangasiwaan mo ang sarili mong buhay at trabaho, at kasabay niyon, huwag kang masindak sa nakatatakot na anyo ng mga puwersang ito. Habang tinatanggihan at nilalayuan sila sa iyong puso, gumamit ka ng karunungan sa pangangasiwa sa iyong ugnayan sa kanila at lumayo ka sa kanila. Ito ang dapat mong gawin. Maging malinaw sa iyong puso na ginagawa mo lamang ang trabahong ito para makakain kang muli, para sa iyong kabuhayan. Simple lang ang layon mo, ang magkaroon ng pagkain at damit, hindi ang makipaglaban sa kanila para sa anumang partikular na resulta. Kahit pa pagsalitaan ka nila o magsalita sila nang malupit; kahit pa nasa isang bansa ka kung saan sumasailalim sa pag-uusig ang mga paniniwala sa relihiyon, kung saan inuusig ang Kristiyanismo, at may ilang taong kumukutya sa iyong pananampalataya, nagbibigay ng mga sarkastikong komento, o nagpapakalat ng mga sabi-sabi tungkol dito, makapagtitiis ka lamang. Protektahan mo ang iyong sarili, manatili kang mahinahon sa harap ng Diyos, magdasal ka nang madalas sa Kanya, regular kang lumapit sa presensya Niya, at huwag mong hayaang masindak ka sa panlabas na kabuktutan o kabangisan ng mga puwersang ito. Maliban sa pagsasagawa ng pagkilatis sa kanila sa kaibuturan ng iyong puso, kailangan mo ring magpakalayo-layo sa kanila. Ingatan mo ang iyong mga salita, maging maingat ka sa iyong paghakbang, magpanatili ka ng payapang pag-iral kasama nila at gumamit ka ng karunungan sa iyong mga transaksyon sa kanila. Hindi ba’t ang mga ito ang mga prinsipyo ng pagsasagawang dapat mong sundin? (Oo.) Siyempre, gusto mo mang layuan sila, tanggihan sila, o kasuklaman pa sila sa iyong puso, dapat kang maging matalino tungkol sa panlabas mong itsura. Hindi mo dapat hayaang maramdaman o makita nila ito. Maging malinaw sa iyong puso na nagtatrabaho ka lang para maghanapbuhay, at huling opsyon ang pamumuhay kasama nila. Una, subukan mong lumayo sa kanila. Kapag sama-sama silang nakikibahagi sa anumang ilegal na gawi, dapat kang lumayo at umiwas sa kanila, at huwag kang magkaroon ng anumang bahagi sa mga krimen nila. Kasabay niyon, protektahan mo ang iyong sarili, at huwag mong hayaang masadlak ka sa alanganing sitwasyon na pinagtutulungang atakihin at idiin. Madali ba itong maisakatuparan? Maaaring maging mahirap ito para sa ilang bata at walang muwang na tao kapag una silang pumasok sa masalimuot na kapaligirang panlipunang ito. O marahil ay may ilang taong walang kakayahan o kasanayang makibagay, at hindi masyadong bihasa sa pangangasiwa ng mga pakikipag-ugnayan sa mga tao, na nakadaragdag ng kaunting hirap dito. Ngunit ano’t ano man, isang bagay ang malinaw: Sapat na para sa iyong gamitin ang sarili mong mga abilidad upang tapusin ang gawain ng kasalukuyang trabaho. Huwag mong pasamain ang loob ng sinuman; huwag kang maging masyadong mapaghanap sa sinumang walang pananampalataya, mga moral na limitasyon, konsensiya, at katwiran. Huwag na dahil sa isang salita o insidente ay mangangaral ka sa kanila ng matataas na prinsipyo o magsasalita tungkol sa mga usaping tulad ng pananampalataya sa Diyos, kung paano umasal, o sa konsensiya at likas na pagkatao. Hindi ito kinakailangan; ibigay mo na lang ang mabuting payo mo sa mga taong nakauunawa. Ni huwag kang gumamit ng pananalita ng tao sa mga taong walang pinagkaiba sa mga hayop, lalong huwag kang magsalita tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa katotohanan. Isa itong hangal na hakbang. Kung makapangyarihang puwersa sila, sa paraan ng pagharap mo sa kanila, habang nilalayuan at tinatanggihan sila sa iyong puso, sa panlabas, dapat kang magpanatili ng isang magiliw at maayos na pag-uugali sa kanila. Pagsikapan mong makamit ang resulta ng pagtustos ng pagkain at damit sa sarili mong kabuhayan—sapat na iyon. Sa gayong kasalimuot na kapaligiran ng pamumuhay kung saan nagkakaugnay-ugnay ang iba’t ibang puwersa, hindi kinakailangan ng Diyos na makibahagi ka sa anumang bagay upang patunayang isa kang taong sumusunod sa Diyos, naghahangad sa katotohanan, o isang mabuti at matapat na tao. Sa halip, gusto Niyang magpakatimtiman kang gaya ng mga kalapati at magpakatalinong gaya ng mga ahas, sa bawat sandali ay humarap ka sa Diyos, payapain mo ang iyong sarili sa harapan Niya at magdasal ka, hayaan mong protektahan ka ng Diyos, at isakatuparan mo ang layunin ng pagprotekta sa iyong sarili. Ano ang partikular na resultang dapat mong makamit? Ito dapat ay ang maiwasang madaya ng masasamang tao, maiwasang masangkot sa iba’t ibang puwersa, at hindi maging puntirya ng pang-aabuso nila, sangkalan nila, taong pinagdidiskitahan nila, o tampulan ng mga panunukso nila. Kapag natuklasan nilang sumasampalataya ka sa Diyos, pagtatawanan ka nila at sasabihing, “Tingnan ninyo, isa siyang relihiyosong mananampalataya,” o “Nakikita ninyo ang relihiyosong taong iyon, ganito o ganyan ang Diyos niya; nagdarasal na naman siya sa Diyos niya, at sinasabi niyang ang perang kinikita niya ay ibinigay ng Diyos sa kanya.” Samakatuwid, huwag kang makipag-usap sa kanila tungkol sa mga bagay na may kaugnayan sa pananampalataya. Huwag mo silang bigyan ng anumang mapanghahawakan laban sa iyo. Hindi mo kailangang ilaan ang anuman sa iyong lakas sa pakikihalubilo sa kanila, pagpapanatili ng ugnayan sa kanila, panghihikayat sa kanilang sabihin kung gaano ka kagaling, kung gaano ka kabuting tao, o upang makuha ang pagsang-ayon nila. Hindi mo kailangan ang mga bagay na ito. Asikasuhin mo ang opisyal na gawain sa isang maprinsipyong paraan; isa kang karaniwang empleyado, isa lamang miyembro ng industriya. Hindi hinihingi sa iyo ng Diyos na ipalaganap mo sa kanila ang Kanyang mga salita, na magbahagi ka sa kanila tungkol sa Kanyang katotohanan. Hinihingi Niya sa iyong dumistansya sa kanila, protektahan mo ang iyong sarili, huwag kang mabitag sa kumunoy nila o sa anumang tukso, at lalong huwag kang masangkot sa iba’t ibang pagtatalo, sa kaguluhang gawa nila, sa kanilang mga pakana at patibong, o sa mga komplikadong sitwasyon. Sa lahat ng oras ay dapat kang magkaroon ng kamalayan sa iyong layunin sa propesyong ito: Hindi ito tungkol sa pagsulong, pag-akyat sa tuktok, pagiging isang mayamang tao, o pangangalandakan sa iyong halaga sa lipunan. Hindi ito tungkol sa paggawa ng anumang bagay upang mapahanga ang iyong mga lider o nakatataas sa iyo. Ang layunin mo ay ang maghanapbuhay, magtrabaho, makatagal sa mundo at lipunang ito, at pagkatapos ay magkaroon ng oras at mga kondisyon upang gampanan ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan, at matamo ang kaligtasan. Samakatuwid, sa anumang lugar ng trabaho, hindi mo kailangang magsumikap para sa mga pagkakataon para sa pagsulong, karagdagang edukasyon, pag-aaral sa ibang bansa, sa mataas na opinyon ng mga nakatataas sa iyo, o maging sa atensyon ng mga nakatataas na lider. Hindi mo kailangan ang alinman doon. Kung pinipilit mong mabuhay, mapanatili ang iyong kabuhayan, maisasantabi ang mga bagay na iyon sa iyong buhay. Kailangan mo lamang protektahan ang iyong sarili sa saklaw ng iyong propesyon—sapat na iyon. Hindi marami ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos. Ang prinsipyong dapat mong sundin ay ang lumayo sa iba’t ibang puwersa, iwasang ilagay ang iyong sarili sa nakasisirang sistema o sirain ang iyong sarili sa isang medyo simpleng kapaligiran kung saan mapananatili mo ang iyong kabuhayan. Isa itong hangal na hakbang. Malinaw na kaya mong panatilihin ang iyong kabuhayan sa pamamagitan ng mga pinakasimpleng pamamaraan sa trabaho, gayunman ay madalas kang handang sumali sa mga pagtatalo, pumasok o makibahagi sa mga usaping walang kaugnayan sa iyong propesyon at kabuhayan, na bilang resulta ay nagdudulot sa iyong masadlak sa iba’t ibang masalimuot na usaping pantao, sa mga masalimuot na pagkakaugnay-ugnay at alitan ng iba’t ibang puwersa ng lipunan. Kaya hindi mo masisisi ang Diyos sa pagsasaayos ng iyong mga sitwasyon; sarili mo lang ang masisisi mo, ikaw mismo ang may kagagawan ng iyong pagbagsak. Madalas mong sabihing masyado kang abala at pagod sa trabaho, at na wala kang oras para sa pakikipagtipon at paggampan sa iyong tungkulin. Anuman ang mga dahilan, kung malalagay ka sa gayong mga sitwasyon, hindi magtatagal ay ititiwalag ka ng sambahayan ng Diyos. Maglalaho ang pag-asa mong maligtas. Iyon ang landas na ikaw mismo ang tumahak, ang landas na iyong pinili, at ito ang resultang matatanggap mo sa huli. Kung sa iyong kapaligiran ay nagsasagawa ka alinsunod sa mga prinsipyong ibinahagi ng Diyos, pinoprotektahan mo nang mabuti ang iyong sarili, at kaya mong humarap sa Diyos nang payapa ang puso, kung gayon, kahit habang binabalanse mo ang trabaho at ang paggampan sa iyong tungkulin, magkakaroon ka pa rin ng pagkakataong maligtas. Ngunit ang paunang kondisyon para dito ay kailangan mong dumistansya sa iba’t ibang puwersa sa lipunan, payapain ang iyong puso, at kasabay niyon, sa saklaw ng iyong mga kakayahan at limitadong pag-aari, magawa mong gampanan ang iyong tungkulin at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Sa ganoong paraan, kahit gaano pa kahirap ang kapaligiran ng iyong pamilya, o gaano kalimitado ang iyong sariling pag-aari, sa ilalim ng pag-iingat, mga pagpapala, at patnubay ng Diyos, sa huli ay paunti-unti kang uusad sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Lalong titibay ang pag-asa mong maligtas. Marahil dala ng mga pansarili mong paghahangad, pagsisikap, at pagsasakripisyo, sa huli ay magtatamo ka ng kaligtasan. Gayunpaman, maaaring sumuko sa kalagitnaan ang ilan. Nakikita nilang masyadong nakababato ang buhay na ito, na ibinukod na sila ng mundo, na nag-iisa at wala silang kasama sa buhay, at pakiramdam nila ay wala silang magawa kung hindi sila masasangkot sa iba’t ibang pagtatalo, at na hindi nila mahanap ang sarili nilang halaga o makita ang kanilang halaga at ang kanilang kinabukasan. Kaya, tinatalikuran nila ang mga prinsipyong hinihingi ng Diyos sa kanila, pinipiling hindi mapag-isa o manahimik, bagkus ay magmukhang kabilang sa iba’t ibang puwersa sa lipunan. Kumokontra sila sa bawat maliit na detalye, sumasali sa mga pakikibaka at ugnayan, at nakikipag-away at nakikipaglaban kasama nila. Nahuhulog sila sa iba’t ibang pagtatalo, nadaramang naging kumpleto, mahalaga, at masaya ang kanilang buhay—hindi na sila malungkot. Ano ba ang pinili ng gayong mga tao? Pinili na nila ang landas ng pagpapabaya sa kanilang mga tungkulin at hindi paghahangad sa katotohanan. Ito na ang katapusan: Kapag dumating na sa puntong ito ng daan, wala nang anumang pag-asa para sa kaligtasan. Hindi ba’t totoo iyon? Maraming tao na, kahit matapos marinig ang mga salitang ito, ay nasisiyahan sa mga ito at hindi masyadong nahihirapang isagawa ang mga ito. Gayunpaman, matapos isagawa ang mga ito sa loob ng ilang panahon, iniisip nilang, “Hindi ba’t masyadong nakapapagod ang pamumuhay nang ganito? Madalas, ang tingin sa akin ng mga tao ay kakaiba, wala akong mga kaibigan, walang mga kasama; masyado itong malungkot, masyadong hiwalay, at nakababato ang pang-araw-araw kong buhay. Pakiramdam ko ay hindi talaga maganda o masaya ang buhay na ito.” Pagkatapos ay muli silang bumabalik sa dati nilang buhay, at natitiwalag ang gayong mga tao. Naglalaho ang pag-asa nilang maligtas. Hindi nila kayang tiisin ang kalungkutan, ni matagalan ang hirap ng makutya at maibukod dahil sa pamumuhay nang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos sa gitna ng grupong ito ng mga tao. Sa halip, nasisiyahan silang mamuhay sa gitna ng iba’t ibang puwersang naglalaban-laban, at sumasama sila sa iba’t ibang puwersa, nasasangkot sa mga iyon, nakikipag-away sa mga iyon, at nakikipaglaban sa mga iyon. Masasabing ang gayong mga tao ay hindi nabibilang sa mga taong hinirang ng Diyos. Kahit pa nasiyahan sila pagkatapos marinig ang mga sermong ito, pinili pa rin nilang sumama sa iba’t ibang puwersa ng lipunan sa halip na lumayo sa mga iyon. Siyempre pa, ang gayong mga tao ay talagang hindi mga taong nilalayong maligtas. Gayunpaman, kung pipiliin mo ang landas ng paglayo sa iba’t ibang puwersa sa lipunan, at sa ilalim ng kondisyon ng pagpapanatili sa iyong kabuhayan ay gagampanan mo ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, kahit papaano, batay sa pasyang ito, may pag-asa kang maligtas. Taglay mo ang mga pangunahing paunang kinakailangan; dahil dito, umiiral ang pag-asang ito para sa kaligtasan.

Dati, may taga-iglesia na sa isang paraan ay nakakilala ng isang puting tao na ang tatay ay miyembro ng parlamento. Ang totoo, hindi ganoon kagandang katungkulan ang pagiging isang miyembro ng parlamento, ngunit pakiramdam ng taong ito ay isang malaking karangalan ang makau-kausap ang anak ng isang miyembro ng parlamento sa ibang bansa. Akala niya ay isa siyang taong may katayuan. Kalaunan, ipinasyal niya ang anak na ito ng miyembro ng parlamento, ipinakikilala ito sa sinumang makita nila, sinasabing, “Ito ang anak ng miyembro ng parlamento.” Itinanong Ko, “Ang anak ng miyembro ng parlamento? Anong antas ng miyembro ng parlamento ang kanyang tatay? Ano ang magagawa niya para sa iyo?” Sumagot siya, “Miyembro ng parlamento ang tatay niya!” Sabi Ko naman, “May kinalaman ba sa iyo ang pagiging miyembro ng parlamento ng tatay niya? Hindi ka naman miyembro ng parlamento, kaya bakit nagpapasikat ka?” Labis ang pagmamalaki ng taong iyon. Dahil lang sa nagkaroon siya ng koneksyon sa anak ng miyembro ng parlamento, kumikilos na siya nang may labis na pagtingin sa sarili saanman siya pumunta, at hindi niya pinapansin ang mga pamilyar na mukha kapag nakikita niya ang mga ito sa daan. Nagtanong ang mga tao, “Bakit hindi mo kami binabati?” Tumugon siya, “Kasama kong maglakad ang anak ng miyembro ng parlamento!” Aakalain mo ba kung gaano siya kabanidoso? Isa ba itong hindi mananampalataya o hindi? (Isang hindi mananampalataya.) Ano ang pinakakahihinatnan ng gayong tao sa sambahayan ng Diyos? (Ititiwalag siya.) Dapat na mapaalis ang taong ito sa iglesia, dahil isa siyang hindi mananampalataya at isang oportunista. Kung sinuman ang mukhang may posisyon at puwersa, dinidikitan niya ang taong iyon, at kung makikita niyang may puwersa sa sambahayan ng Diyos, didikit siya rito. Ang resulta, matapos manatili sa sambahayan ng Diyos sa loob ng ilang panahon, napagtatanto niyang imposible siyang kumita rito, kaya naghahanap siya ng trabaho sa paghahatid ng takeout. Ngunit hindi masyadong kagalang-galang ang pakiramdam niya sa trabahong iyon, at kalaunan ay nagpapalakas siya sa anak ng miyembro ng parlamento, iniisip na may katayuan na siya ngayon at hindi na niya kailangang maghatid ng takeout. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t kalokohan ito? Hindi ba’t may bahagi ng mga taong katulad nito sa iglesia? (Oo.) May ilang taong nagmamalaki dahil lamang sa may kakilala silang taong may posisyon o puwersa. Akala nila ay may halaga sila at naiiba sa lahat. May ilang taong may maliit na opisyal na posisyon at kaunting puwersang kalakip nito, subalit naniniwala silang naiiba na sila sa karamihan sa iglesia at dapat ay sa kanila ang huling pasya. Hindi ba’t mga hindi mananampalataya ang mga taong ito? (Oo.) Pagkatapos ay may mga taong walang tunay na impluwensya, ngunit palagi silang nagyayabang, nagsasabing, “Kilala ko ang presidente!” o, “Kilala ko ang kaibigan ng pinsan ng sekretarya ng presidente!” Nakita mo, nagkakaroon sila ng gayon kagugulong kaugnayan at may lakas pa rin sila ng loob na magsabi ng gayong mga bagay. Bakit ba napakakapal ng mukha nila? Sa sobrang gulo ng kanilang kwento, walang nakaaalam kung ano talaga ang sinasabi nila, at labis na walang pakialam ang iba para makinig, dahil wala silang pakialam sa ganitong mga bagay. Ang mga taong ito lang ang nagtuturing sa mga bagay na ito bilang pinakamahalaga, pinakamakabuluhan, at pinakakahanga-hanga. Madalas sabihin ng ilang tao na may kakilala silang mga kalihim, direktor, o matataas na opisyal. Umaabot pa nga ang ilang tao sa pagsasabing, “May mga kakilala akong tao sa magkabilang panig, sa lipunang sumusunod sa batas at sa masasamang-loob; napakadali kong tinatahak ang parehong landas na parang nasa patag na lupa.” Maaaring sabihin ng iba, “Kilala ko ang hipag ng pinuno ng lalawigan.” At may mga taong nagsasabing, “Kilala ko ang kaibigan sa simbahan ng nanay ng alkalde.” Ginagamit nila ang mga ito bilang karapatang magyabang. Ano ba ang silbi ng pagkakilala sa mga taong ito? Matutulungan ka ba nilang magkamit ng kahit na ano? Kahit pa isa kang alkalde, direktor, gobernador ng probinsya, o kahit pa nanay o tatay ng gobernador, mayroon bang anumang aplikasyon sa iglesia ang katayuan mo? (Wala.) Hindi ba’t bahagi ng sangkatauhan ang mga alkalde, gobernador, at mga tulad nito? Maaari ba silang maging mas dakila sa Diyos? Hindi ba’t kasuklam-suklam ang katunayang pinahahalagahan ng mga hindi mananampalatayang ito ang gayong mga puwersa? (Kasuklam-suklam ito.) Sinasabi pa ng ilang tao na kilala nila ang hepe ng kapulisan, at sinasabi ng iba, “Dati akong pulis ng pamayanan at hepe ng presinto sa lokal na istasyon,” habang sinasabi ng iba, “Dati akong direktor ng tanggapan at nagsusuot ng pulang tali sa braso.” Ano ang nararamdaman ninyo kapag naririnig ninyo silang magkwento tungkol sa mga diumano’y puwersang ito? Sa labis na kahangalan ng ilang hindi mananampalataya, ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan at mga mananampalataya sa pangalan lamang, ay hindi nila alam kung totoo ang sinasabi ng mga taong iyon o hindi, kaya tinatanggap nilang totoo ang mga iyon at mataas ang pagtingin nila sa mga ito. Ngunit para sa mga taong naghahangad sa katotohanan, ano ang palagay nila sa kanilang mga puso kapag naririnig nila ang mga bagay na ito? Ano ang pagsusuri nila sa mga taong iyon? Sa unang tingin ay nahahalata nilang hindi mananampalataya ang mga ito, na ang sinasabi lang ng mga ito ay tungkol sa iba’t ibang puwersa at bagay sa mundo, at na pumasok ang mga ito sa sambahayan ng Diyos upang ipangalandakan ang mga bagay na ito. Huwag mo nang banggitin ang katunayang malalayong kamag-anak ng kung sinong opisyal o sikat na tao ang kakilala nila; kahit pa sila mismo ang ganoon, sa sambahayan ng Diyos, wala silang halaga, walang halaga ang kanilang mga titulo at posisyon, kaya’t ano ang ipinangangalandakan nila? Tinataglay ba nila ang katotohanan? Ginagawa ba nila ang kanilang tungkulin alinsunod sa mga prinsipyo? Wala silang halaga, subalit may lakas pa sila ng loob na magpasikat! Hindi ba’t kawalanghiyaan ito? Hindi ba’t kasuklam-suklam ito? (Ganoon nga.) Gaano ito kasuklam-suklam? Ipagyayabang pa nila ang pagkakaroon ng mga koneksyon sa magkabilang panig ng batas—hangal ba ang mga taong nagyayabang tungkol dito? Hindi ba’t hangal sila? (Oo.) Hindi man lamang sila natatakot na masangkot sa gulo. Ang pakikipag-ugnayan sa magkabilang panig ng batas: Hindi ba’t sanggano ang taong tulad nito? Ang mga sanggano at mandurugas ay hindi pinahahalagahan sa sambahayan ng Diyos; nabibilang sila sa mga hindi mananampalataya at dapat na matiwalag! Subalit ginagamit pa rin nila ito bilang karapatang magyabang. Hindi ba’t kahangalan ito? Isa ba itong bagay na dapat ipagmalaki? Ipinagyayabang pa nga nila ito! May ilang taong nagsusuot ng malalaking kadenang ginto sa kanilang mga pulso at, kapag nalalasing, ipinangangalandakan ang mga iyon sa mga tao, sinasabing, “Ang mga ninuno ko ay mga magnanakaw sa mga libingan, at naipasa ang mga kasanayan nilang ito sa aking pamilya sa loob ng maraming henerasyon. Tingnan mo itong malaking kadena sa aking pulso, nakita ko ito sa kung anong magarbong libingan isang dis-oras ng gabi noong ganito at ganyang petsa at kinuha ko ito para sa akin. Ano ang masasabi mo? Nakabibilib, ano?” Naririnig ito ng ilang tao at isinusuplong sila, at naaaresto sila nang hindi nila nalalaman kung ano ang batas na kanilang nalabag. Tinatanong sila ng mga tao, “Galing ba sa panahong ito ang gintong kadena sa pulso mo? Isa itong artepakto!” Hangal nilang idinidiin ang kanilang sarili. Huwag kang pikit-matang magyabang tungkol sa mga bagay na kailanman ay hindi nangyari; pag-ingatan mong hindi matawag ang atensyon ng mga pulis at masangkot sa gulo. Madaling masangkot sa gulo sa pagyayabang tungkol sa mga bagay-bagay; kung maglalaro ka ng apoy, malamang na mapapaso ka, at hahantong ka sa pagsira mo sa iyong sarili—sarili mong kagagawan iyon. Ni hindi mo nga alam kung ano ang sasabihin, hindi mo ito mawari—hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Kung ipagyayabang mo ang tungkol sa pagkain ng dalawampung tinapay sa isang upuan, ayos lang iyon; hindi ito isang usapin ng paglabag sa prinsipyo. Kadalasan, iisipin lang ng mga taong hangal ka at hindi ka nila seseryosohin, ngunit hindi naman ito labag sa batas. Ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan, sa diwa, ay tungkol sa pangangailangang magkaroon ng karunungan sa bawat sulok ng lipunan at sa anumang grupong iyong kalalagyan. Katulad ito ng sinabi ng Diyos noong Kapanahunan ng Biyaya, “Mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati” (Mateo 10:16). Protektahan mong mabuti ang iyong sarili; basta’t kaya mong panatilihin ang iyong kabuhayan, sapat na iyon. Huwag ka nang sumubok o magkaroon ng mga kahibangan tungkol sa pagsasamantala sa mga puwersa ng lipunan upang mapatunayan ang iyong sarili sa lipunan, maging bahagi nila, makuha ang kanilang pagkilala at pagtanggap. Mga hangal na ideya at imoral na kaisipan ang mga ito. Dapat na maitama ang mga perspektiba ng mga tao. Anuman ang kapaligiran o pamayanang panlipunan ang kalalagyan nila, kung susundin nila ang daan ng Diyos, hahantong ito sa pagtanggi sa kanila ng lipunan o ng sangkatauhan. Ngunit hangga’t binibigyan ka ng Diyos ng buhay, hindi ka maiiwang walang paraan upang umiral. Kailangan mong magkaroon ng ganoong uri ng pagtitiwala. Hindi nakasalalay ang buhay ng mga tao sa iba’t ibang puwersa upang masiguro ang kanilang kaligtasan, kabuhayan, kinabukasan, o ang lahat ng kanilang pagmamay-ari. Umaasa sila sa isang salita mula sa Diyos, sa Kanyang pag-ordena, patnubay, at proteksyon—kailangan mong taglayin ang pagtitiwalang ito. Samakatuwid, upang umiral sa lipunan, ang dapat na saligang pamamaraan ng iyong pag-iral ay pumili ka ng propesyon upang mapanatili ang iyong kabuhayan, sa halip na umasa sa anumang uri ng puwersa. Ang pag-asa sa isang propesyon upang masuportahan ang sarili: Ang prinsipyong ito ay na ang mga tao, sa ilalim ng patnubay at pag-ordena ng Diyos, ay nagtatamasa ng lahat ng bagay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, pati na ng mga materyal na ari-arian at pera—hindi umaasa sa mga limos o pamimigay mula sa iba’t ibang puwersa ng lipunan upang matugunan ang sarili nilang kabuhayan. Ang mga materyal na bagay at perang iyong inaasahan sa araw-araw na ikaw ay umiiral, katulad lang ng iyong hininga, ay nagmumulang lahat sa Diyos, at ipinagkaloob Niya, at walang makababawi sa ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Ang mga materyal na bagay, ang anumang bagay na panlabas sa iyong katawan, tulad ng iyong hininga, ay hindi ibinigay sa iyo sa pamamagitan ng pagbibigay-limos ng sinuman, at siyempre, walang makababawi sa mga iyon. Kung ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang mga iyon, walang makababawi sa mga iyon. Makikita natin ang katunayang ito sa mga karanasan ni Job, at dapat kang magkaroon ng pagtitiwalang ito. Sa tunay na pagtitiwalang ito, magkakaroon ka ng saligang batayan at motibasyong itaguyod ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Pagkatapos, sa saligang ito, mapapayapa ang iyong katawan at isipan sa harapan ng Diyos, makahaharap ka sa Kanya at maiaalay mo ang iyong katawan, isipan, at espiritu, matutupad mo ang iyong tungkulin, mahahangad mo ang katotohanan, at matatamo mo ang magandang resulta ng kaligtasan. Dapat mong taglayin ang kaalamang ito at maunawaan ang mga katotohanang ito. Samakatuwid, bagama’t maaaring mukhang madali ang mga katagang “lumayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan,” kapag nahaharap sa mga bagay ay kailangan mong timbangin ang iyong mga desisyon batay sa iba’t ibang prinsipyo at tunay na sitwasyon. Sa madaling salita, ang pinakamithiin ay hindi lamang lumayo at kumawala sa mga iyon, kundi gamitin ang pamamaraan at landas ng pagsasagawa ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan upang makamit ang pagiging payapa sa harapan ng Diyos, ialay ang iyong katawan at isipan sa Kanya, at humarap sa Diyos, tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan at sa huli ay makamit ang pag-asang maligtas at ang katuparan ng iyong mga pagnanais. Dahil dito, upang makamit ang panghuling kaligtasang ito, kailangan mong sundin ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Isa itong kinakailangang landas, isa sa mga napakahalagang landas sa pagkakamit ng kaligtasan. Hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Malinaw nang napagbahaginan ang prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan. Mayroon pa bang hindi malinaw sa inyo tungkol sa prinsipyong ito? Pagdating sa mga partikular na pambihirang sitwasyon, alam ba ninyo kung paano haharapin ang mga iyon? Kung ang pagsali sa isang partikular na puwersa ay isa lamang pormalidad o pangangailangan sa isang partikular na propesyon, nakalalabag ba ito sa prinsipyo ng paglayo sa iba’t ibang puwersa ng lipunan? Kung isa lamang itong pangangailangan o pormalidad sa loob ng iyong propesyon, katanggap-tanggap ito. Ang mga puwersang ating pinag-uusapan ay walang kaugnayan dito at sa mabababaw na organisasyon o grupo; ang tinatalakay natin dito ay mga puwersa. Ano ba ang tinutukoy ng “mga puwersa”? Tinutukoy nito ang mga awtoridad, kalakasan sa mga grupo, at ang kalakasang ginagamit ng mga ito sa pagkilos o pagwawala pa nga sa lipunan, hindi ba’t ganoon nga? (Oo.) Kung naunawaan na ninyo ang prinsipyong ito ng pagsasagawa, dumako na tayo sa pagbabahaginan tungkol sa kasunod na prinsipyo.

Ang pang-apat na prinsipyo ay lumayo sa politika. Isang sensitibong paksa ang politika. Tatlumpung taon ang nakalilipas, ang pagtalakay sa mga partikular na ganito at ganyang lider, mga polisiya, o kasalukuyang pamamalakad na pampulitika, kahit sa loob ng iglesia, ay makatatanggap ng pamumuna mula sa ilang tao. Marami ang maghahanap ng dahilan para umalis sa sandaling mabanggit ang politika, at hindi mangangahas na talakayin ang gayong mga paksa at sasabihing, “Ang pagbanggit sa politika ay nangangahulugang laban ka sa partido at sa bayan; isa kang kontra-rebolusyonaryo at maaaresto ka. Kung hindi lang dahil sa mga kapatiran, isusuplong kita.” Noon, masyadong sensitibo ang mga tao tungkol sa politika. Ganito pa rin ba ito ngayon? Kung matatalakay o mailalantad ang politika sa loob ng iglesia, kung mahahayag ang malaking pulang dragon at si Satanas, o mababanggit ang mga paksang tila politikal, ganito pa rin ba ang saloobin ng karamihan sa mga tao? Hindi ba’t nagkaroon ng kaunting pagbabago? (Oo.) Sa mga nakaraang pagtitipon, kapag napag-uusapan natin ang mga bagay na tulad ng kung aling demonyo ang lumalaban sa Diyos o nang-uusig sa mga Kristiyano, may ilang taong uubo, na para bang may nakabara sa kanilang mga lalamunan, at lalabas sila upang tumikhim. Pagkalipas ng ilang sandali, makikinig sila nang kaunti at iisiping, “Ay, tapos na ang kontra-rebolusyonaryong usapan,” at babalik na sila. Ngunit nang bumalik sila at nalaman nilang tinatalakay mo pa rin ito, uubo na naman sila at lalabas. Napaisip Ako, bakit ba ubo sila nang ubo? Tinatalakay namin kung paano kilatisin si Satanas, at inihahayag namin ang diwa at kasuklam-suklam na mukha nito. Isa ba itong politikal na talakayan? (Hindi.) May ilang hangal na tao, mga diumano’y espirituwal na taong walang espirituwal na pag-unawa, na mariing kumokontra sa mga paksang ito. Hindi nila matukoy ang pagkakaiba ng katotohanan sa aktuwal na pagkasangkot sa politika o maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng Partido Komunista sa “mga kontra-rebolusyonaryo.” Mga mangmang sila, nakondisyon ang pag-iisip nila ng Partido Komunista, at takot silang sila mismo ay maituring na “mga kontra-rebolusyonaryo.” Hindi sila nangangahas na talakayin o banggitin ang paksa ng paglalantad sa malaking pulang dragon. Pakikibahagi ba sa politika ang paglalantad sa malaking pulang dragon? Kontra-rebolusyonaryo ba ang paghihimagsik laban sa malaking pulang dragon? (Hindi, hindi ito kontra-rebolusyonaryo.) Sa ngayon, naglalakas-loob kayong sabihing hindi, ngunit maglalakas-loob ba kayong sabihin ang parehong bagay sa Tsina? Ang mga tao bang sumusunod sa Diyos ay mga politikal na kriminal na kumikilos laban sa partido at sa estado? (Hindi.) Bakit sinasabi mong hindi? Ano ba ang isang politikal na kriminal? Nakibahagi ka na ba sa politika? (Hindi.) Kung hindi ka nakibahagi sa politika, paano ka naging isang politikal na kriminal? (Ang malaking pulang dragon ang nagbibigay ng bansag na iyon.) Kung nakikibahagi ka sa pagnanakaw, isa kang magnanakaw. Kung nakikibahagi ka sa pagpatay, isa kang mamamatay-tao. Kung nakikibahagi ka sa panghoholdap, isa kang holdaper. Sa anong mga batayan ba napatutunayan ang mga kasong ito? Napatutunayan ang mga kasong ito kapag nagsagawa ka ng mga ganitong kriminal na gawain, at nagiging salarin ka sa kriminal na gawing iyon. Ngunit kung hindi ka nakibahagi, walang kinalaman sa iyo ang krimen at ang kasong ito. Kung hindi mo sinusunod si Satanas o ang partido, kung nilalabanan mo ang Partido Komunista, nilalabanan ang malaking pulang dragon, at kinapopootan ang malaking pulang dragon, at kung sumusunod ka sa Diyos, nakikibahagi ka ba sa politika? (Hindi.) Kung gayon, kung hahatulan ka nila ng pagiging isang kontra-rebolusyonaryo o isang politikal na kriminal, matibay ba ang kasong iyon? (Hindi, hindi ito matibay.) Hindi ito matibay; katawa-tawa ito. Katulad ito ng isang magsasakang walang propesyon, na nagsasaka lang sa maliit na lupain, nag-aani ng mga pananim, at pumupunta sa palengke para ibenta ang mga iyon. Pagkatapos, makikita siya ng isang taong may pulang tsapa sa manggas at sasabihing, “Hoy, may lisensya ka ba sa pagtatrabaho? May sertipiko ka ba ng kalusugan?” Sasabihin ng magsasaka, “Saan ba ako kukuha ng lisensya sa pagtatrabaho? Wala akong propesyon, hindi ako nagtatrabaho, bakit ko kakailanganin ng lisensya sa pagtatrabaho?” Walang posisyon o propesyon ang magsasaka, subalit hinihingan siya ng lisensya sa pagtatrabaho para lang makapagbenta—hindi ba’t katawa-tawa iyon? Kapag sumasampalataya ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, pararatangan ka ng malaking pulang dragon na nakikibahagi ka sa politika. Aling artikulo ba ng pambansang saligang batas ang tinulungan mong balangkasin? Aling politikal na kilusan ba ang tinulungan mong planuhin? Anong antas ng opisyal ka ba sa gobyerno? Nakibahagi ka ba sa panloob na sigalot sa anumang antas ng pamahalaan? Sa aling mga pulong ng pambansang kongreso o kumperensiya ng estado ka ba nakibahagi? (Wala.) Ni wala kang pahintulot na makakuha ng impormasyon, lalo pa ang makibahagi sa politika, subalit sa huli ay nahatulan ka pa bilang isang politikal na kriminal—hindi ba’t isa itong gawa-gawang kaso? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t katawa-tawa ang bansang ito? (Oo, ganoon na nga.) Hangal pa rin ang ilang tao. Iniisip nilang, “Hay naku, isang malaking kahihiyan sa mga mananampalataya ng Diyos ang mahatulan bilang isang politikal na kriminal o kontra-rebolusyonaryo!” Hindi ba’t kahangalan iyon? May ilang tao pa ngang matapos mahatulan bilang mga kontra-rebolusyonaryo o politikal na kriminal dahil sa pagsampalataya sa Diyos at masentensyahan ng 15 hanggang 20 taon sa bilangguan, sa kanilang paglaya, pakiramdam nila ay isa itong kahiya-hiyang bagay. Iniisip nilang wala na silang mukhang maihaharap kahit na kanino, pati na sa mga kaklase, kaibigan, at pamilya. Lalo na kapag sinisisi at pinagbubulungan sila ng mga tao kapag nakatalikod sila, pakiramdam nila ay may nagawa silang kahiya-hiya. Hindi ba’t katawa-tawa iyon? (Oo.) Tinatanggihan ka ng panahong ito, at inuusig ka ng malaking pulang dragon—makatarungan ba sila? Kung titindig ang buong sangkatauhan upang usigin ka, nangangahulugan ba iyong ang katotohanan ay hindi na ang katotohanan? Ang katotohanan ay palaging ang katotohanan, kahit na gaano pa karaming tao ang tumindig upang labanan ito. Mananatiling hindi nagbabago ang diwa ng katotohanan, katulad ng pananatiling hindi nagbabago ng masamang diwa ni Satanas. Kahit pa walang kumikilala o tumatanggap sa katotohanan, katotohanan pa rin ito, at hindi magbabago ang katunayang ito. Kung ang buong sangkatauhan ay titindig laban sa Diyos at hindi tatanggapin ang Kanyang mga salita, ipakikita nitong masama pa rin ang sangkatauhan. Hindi maaaring maging katuwiran ang puwersa ng kasamaan ni Satanas dahil lamang sa maraming tao o malalaking puwersa ang nasa likod nito. Ang isang kasinungalingang inulit nang sampung libong beses ay nagiging katotohanan; iyon ang kabulaanan ni Satanas, ang lohika ni Satanas, hindi ang katotohanan. Kung ang mga mananampalataya ay makararanas ng pagtanggi mula sa buong mundo, at ng pag-uusig at paninirang-puri mula sa malaking pulang dragon, dapat ba silang mahiya? (Hindi.) Hindi sila dapat mahiya. Kapag nakaranas ka ng pag-uusig alang-alang sa pagiging matuwid, pinatutunayan nitong tunay na masama ang mundong ito, at kinukumpirma nito ang mga salita ng Diyos: Ang buong mundo ay napapailalim sa kapangyarihan ng diyablo. Kapag inuusig ka alang-alang sa katuwiran, kahit gaano pa kawasto ang iyong landas at kamakatarungan ang iyong mga kilos, walang titindig at pupuri sa iyo. Sa halip, sa anumang buktot na transaksyong ginagawa ng mga tao sa mundong ito, basta’t itataguyod at isusulong nila ang mga iyon, kapag iniharap ang mga iyon sa publiko, nagiging mga positibong bagay na ang mga iyon. Ang mga taong iyon ang masasamang tao; pawang buktot na pandaraya ang mga gawa nila.

Ipagpatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa usaping ito ng paglayo sa politika. Ano ba ang politika? Kailangan mong malaman kung ano ang politika bago mo maunawaan kung paano didistansya rito. Ano nga ba ang politika? Sa pinakapangunahing antas, nakapaloob dito ang isang pagnanais na humawak ng katungkulan at magkaroon ng propesyon bilang isang opisyal. Ito ay isang aspekto ng politika. Ang ibig sabihin ng politika ay paghawak ng katungkulan at pagkakaroon ng propesyon bilang isang opisyal. Mula sa matataas hanggang sa mabababang opisyal, mula sa mga pinuno ng maliliit na departamento at mga hepe ng seksyon sa mga ahensya ng gobyerno, hanggang sa mga kalihim ng sangay ng partido at mga kalihim ng komite ng partido, hanggang sa mga direktor, pinuno ng kawanihan, kalihim, at mga pinuno sa iba’t ibang antas—ang lahat ng ito ay napapailalim sa kategorya ng politika. Ano ba ang tinutukoy ng politika? Ang pinakatuwirang paraan ng paglalarawan dito ay puwersa at awtoridad ito, isa itong simbolo para sa isang uri ng awtoridad sa lipunan. Isa itong aspekto ng politika. Ano pa ang napapailalim sa politika? (O, Diyos, hindi ba’t ang politika ay tungkol din sa pagsisikap na agawin, patatagin, o palakasin ang politikal na kapangyarihan ng estado?) Ang mga alitan ng mga tauhan at labanan para sa kapangyarihan ay nabibilang lahat sa politika. Ano pa ba ang iba? Ang mga pakana, diskarte, at pamamaraang ginagamit sa mga labanang ito, pati na rin ang iba’t ibang halalan, kampanya, at pagsisikap para sa publisidad na may kaugnayan sa politika at kapangyarihan—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng politika. Ito ang pinakatuwirang pagkaunawa sa politika na mayroon tayo. Ang pakikipaglapit sa organisasyon at sa partido, at pagsusumikap para sa pag-unlad—hindi ba’t ito ang politika para sa mga karaniwang tao? Tinatawag nila itong “Isang maliit na taong nakakakita sa buong sitwasyon.” Nakita mo na, bagaman mababa ang kanilang posisyon, malawak ang kanilang perspektiba. Kaya nakikipaglapit sila sa organisasyon at sa partido, nagsusumikap para sa pag-unlad. Nagsisimula sila sa pagsapi sa Liga ng Kabataang Komunista, pagkatapos ay sa Partido Komunista. Unti-unti silang lumalapit sa partido, nakikinig sa mga tagubilin ng partido, sumusunod sa mga gabay na patakaran nito, at direksyon. Mahigpit nilang sinusunod ang mga alituntuning isinasaad ng partido, ipinatutupad ang mga iyon at lubos na tinataglay ang mga katangian ng isang miyembro ng partido. Nagsasalita at kumikilos sila para sa partido, pinoprotektahan nila ang mga interes ng partido, ang pamamahala, katayuan, at reputasyon nito sa mga isipan ng mga tao. Pinoprotektahan nila ang lahat ng bagay para sa partido. Hindi ba’t bahagi ang lahat ng ito ng politika? (Oo.) Pinoprotektahan mo ang organisasyon, ang organisasyong iyon ay ang partido. Alinmang politikal na partido ito o alinmang organisasyong binuo ng partido, sa sandaling magsimula kang makibahagi, nakikibahagi ka na sa politika. Nakibahagi na ba ang sinuman sa inyo? (Hindi.) Kung gayon ay makatitiyak ka; hindi ka isang politikal na kriminal, wala ka ring mga kwalipikasyon upang tawagin ang iyong sariling isang politikal na kriminal. Kahit papaano man lang, kakailanganin ng isang politikal na kriminal na pumunta sa ibang bansa at magtatag ng organisasyon o grupo ukol sa mga karapatang pantao, magsagawa ng iba’t ibang aktibidad ukol sa karapatang pantao, lumaban sa mga polisiya at pamamahala ng kasalukuyang pamahalaan, pati na sa iba’t ibang hakbang na ginagawa ng pamahalaan. Bukod pa rito, kailangan nilang magtatag ng mga patakaran, sistema, panuntunan, at ng isang saligang batas, pati na ng iba’t ibang probisyong dapat sundin ng mga miyembro ng organisasyon. Dapat itong maging organisado at disiplinado, na may mga lider sa itaas at mga nagtatrabahong miyembro sa ibaba, bumubuo ng isang ganap at sistematikong estruktura ng organisasyon mula sa itaas hanggang sa ibaba. Saka lamang ito matatawag na isang politikal na grupo, at tanging ang mga aktibidad na isinasagawa sa loob ng politikal na grupong ito ang maituturing na pakikibahagi sa politika. Nakibahagi na ba rito ang sinuman sa inyo? Kung hindi, may anumang layunin ba kayong makibahagi, o plano ba ninyong sumapi sa isang politikal na partido at kahit papaano ay humawak ng posisyong tulad ng isang mambabatas o isang tagapayo? Mayroon bang sinumang tumutugma sa paglalarawang ito? Kung may gayon kang mga plano, ibig sabihin nito ay sangkot ka na sa politika; kahit na hindi ka pa nakikibahagi, may layunin ka nang gawin iyon. Ngunit kung wala kang gayong layunin, napakaganda niyon. Ang pakikibahagi ba sa pagboto sa halalan bilang isang mamamayan ay maituturing na pagkasangkot sa politika? Kung ang sistema ng isang bansa ay nakabatay sa kalayaan at demokrasya, at may karapatang bumoto ang mga mamamayan, maituturing bang pakikibahagi sa politika ang pagboto para sa kandidatong si ganito at ganyan? (Hindi.) Hindi, polisiya at sistema ito ng bansang iyon, kung saan may karapatang bumoto ang mga tao. Hindi ito maituturing na pakikibahagi sa politika. Ipinahahayag mo lamang ang sarili mong kagustuhan sa pamamagitan ng pagpili ng isang partikular na tao, ngunit hindi ka nasasangkot sa labanan nila para sa politikal na kapangyarihan. Walang politikal na aktibidad ang may kaugnayan sa iyo. Bumoboto ka lang para kay ganito at ganyan bilang isang mamamayan ng bansang iyon. Ang kilos na ito ay isa lamang tuwirang pagsasagawa ng mga karapatan mo bilang mamamayan at hindi isang uri ng politikal na aktibidad o gawi.

Pagdating sa kung ano ang politika, medyo napagbahaginan na ang paksang ito, kaya medyo malinaw na dapat kung paano lumayo sa politika. Paano ka lumalayo sa politika? Una, pag-usapan natin kung paano lumayo sa politika, at pagkatapos ay tatalakayin natin kung bakit mo ito kailangang gawin. Katatapos lang nating talakayin kung ano ang politika. Ano ba ang politika? Una sa lahat, ito ay pakikibahagi sa mga labanan ng kapangyarihan—katumbas ito ng pakikibahagi sa politika. Mga karaniwang tao tayong lahat, kaya huwag nating pag-usapan ang mga taong tulad ng mga presidente, pangulo ng partido, o mga taong humahawak ng mga posisyon sa mataas na antas ng mga pambansang grupong pampulitika. Sa halip, pag-usapan natin ang mauunawaan ng mga pangkaraniwang tao, tulad ng kalihim ng sangay ng partido sa isang ahensya ng gobyerno. Isa bang politikal na tao ang kalihim ng sangay ng partido? Kapag ang isang tao ay humahawak ng pampartidong posisyon sa loob ng ahensya ng pamahalaan, siya ay nagiging isang prominenteng politikal na tao. Kaya, paano ka lalayo sa politika? Ano ang ibig sabihin ng paglayo? (Hindi pakikipag-ugnayan sa mga politikal na taong ito.) Hindi pakikipag-ugnayan sa kanila? Ngunit hindi mo naman talaga sila maiiwasan sa iyong pinagtatrabahuhan. Kung iiwasan mo sila, maaari ka nilang hanapan ng mali at sabihing, “Bakit hindi mo ako kinakausap? Bakit mo ako pinagtataguan? Ayaw mo ba sa akin na kalihim ng sangay ng partido? Kung mayroon kang anumang opinyon tungkol sa akin, hindi ba’t ibig sabihin niyon ay may isyu sa paraan mo ng pag-iisip? Mag-usap tayo.” Gugustuhin nilang “mag-tsaa” kasama ka. Kasiya-siya ba ang tsaang iyon? Maglalakas-loob ka bang pumunta? Halimbawa, nilapitan ka ng kalihim ng sangay ng partido at tinanong, “Uy, Xiao Zhang, gaano katagal ka nang nagtatrabaho rito?” At sinabi mo, “Maraming taon na rin, mga lima.” Pagkatapos ay tumugon siya, “Mukhang mabait kang tao. Sumapi ka na ba sa partido?” Paano ka tutugon? Ano ang angkop na sagot upang dumistansya sa politika? (Sabihin mo lang, “Hindi ko naabot ang mga pamantayan upang maging miyembro ng partido sa ngayon.”) Matalino iyon. Totoo ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Ang totoo ay isa lang itong paraan upang tanggihan siya. Iisipin mo, “Ikaw na mautak at tusong tao, ano naman sa iyo kung sumapi man ako sa partido o hindi? Gusto mong sumapi ako sa partido. Kung gayon, ano ba ang halaga ng partido?” Iyon ang iniisip mo, pero hindi mo pwedeng sabihin iyon sa tusong tao na ito. Sa halip, kailangan mong palitawing magalang ang panlabas mong pag-uugali. Sasabihin mo, “Ay, ikaw talagang batikang miyembro ng partido, hindi mo nauunawaan ang mga paghihirap na hinaharap naming mga kabataan. Limitado lang ang karanasan namin at hindi pa kami nakakakita ng mga resulta sa trabaho namin, kaya hindi kami kwalipikadong sumapi sa partido. Sagrado ang partido; hindi pwedeng basta-basta na lang kaming sumapi nang walang magandang dahilan. Pinag-iisipan ko nang sumapi sa partido….” Sagutin mo lang siya nang ilang salita. Sa iyong puso, gusto mo bang sumapi sa partido? (Hindi.) Kahit na bigyan ka nila ng mga espesyal na kondisyon, at pagkatapos sumapi ay makatanggap ka ng promosyon o ng isang opisyal na posisyon, hindi ka naman interesado, hindi ba? Ang mga pangunahing kondisyon sa paghawak ng katungkulan at pagkakaroon ng propesyon bilang isang opisyal ay kailangan mo munang sumapi sa organisasyon, sumapi sa partido, o makipaglapit sa partido. Kailangan mong makipaglapit sa partido bago ka makahawak ng katungkulan o umangat. Upang lumayo sa politika, ang unang hakbang ay dumistansya sa mga politikal na partido. Maaaring tanungin ng ilang tao, “Ang ibig sabihin ba niyon ay paglayo lang sa Partido Komunista?” Hindi, ang ibig sabihin nito ay paglayo sa lahat ng uri ng partido. Ano ba ang kinakatawan ng isang partido? Kumakatawan ito sa isang politikal na puwersa. Ang isang grupong itinuturing ang politikal na manipesto, programa, at mga mithiin ng partido bilang layon nito ay tinatawag na isang partido. Anuman ang layon at programa ng isang partido, ang tanging mithiin nila ay ang bumuo ng isang puwersa, at gamitin ang kanilang puwersa at lakas upang makipag-agawan para sa higit na puwersa at kapangyarihan sa politikal na larangan at kapaligiran. Ito ang layunin ng pag-iral ng isang politikal na partido. Ang layunin ng pag-iral ng anumang partido ay hindi para sa pakinabang ng mga tao, kundi para sa puwersa at kapangyarihan. Sa madaling salita, alang-alang ito sa paghawak ng kapangyarihan at pagkakaroon ng sarili nilang puwersa. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Samakatuwid, ang unang hakbang sa paglayo sa politika ay huwag pormal na sumapi sa anumang politikal na partido. Maaaring tanungin ng ilang tao, “Paano kung dati akong miyembro ng ganito at ganyang partido?” Medyo mahirap iyon. Kung handa kang magbitiw sa partido, iyon ang magiging pinakamainam, at pormal mong puputulin ang ugnayan mo sa kanila. Kung ayaw mong magbitiw sa partido o kung mahirap magbitiw, dapat mong pag-isipang mag-isa kung ano ang gagawin mo. Ano’t ano man, pormal man o sa kalooban, dapat kang lumayo sa unang malaking usaping may kinalaman sa politika, at ito ay ang paglayo sa mga partido. Sa sandaling dumistansya ka sa mga partido, magiging isa kang malayang tao. Hindi ka matatangay ng anumang politikal na puwersa, ni magtatrabaho para sa anumang politikal na puwersa. Ang hindi pagsapi sa anumang partido ay ang pinakapundamental na ispesipikong landas na dapat isagawa upang makalayo sa politika. Dagdag pa rito, pagdating sa anumang politikal na puwersa, gaya ng kalihim ng sangay ng partido, direktor, o opisyal ng mga tauhan ng isang tanggapan ng pamahalaan, ang prinsipyo sa pakikitungo sa kanila ay ang dumistansya. Halimbawa, kung sasabihin sa iyo ng kalihim ng sangay ng partido na, “Xiao Zhang, may kaunting oras ka ba? Sabay na tayong maghapunan pagkatapos ng trabaho. Katapusan na ng linggo bukas, maglaro tayo ng basketball,” pwede mong sabihing, “Ay, nagkataon namang may sakit ang anak ko. Nilagnat siya kahapon. Dahil sa trabaho, wala akong oras para mapatingnan siya sa doktor. Kailangan ko siyang dalhin sa ospital bukas.” Sa ibang pagkakataon naman, sasabihin ng kalihim, “Xiao Zhang, medyo matagal na mula nang huli tayong makapagkuwentuhan. Mag-usap naman tayo nang masinsinan, ano sa palagay mo?” Ano ang layunin niya? Gusto ka niyang ihanda bilang kahalili niya. Kung hindi mo pa ito napagtatanto, kailangan mong isipin nang mabuti kung ano talaga ang gusto niya. Kung napagtanto mo na ito, kailangan mong magmadali at umiwas sa kanya, sabihin mong, “Ay, kahapon sinabi ng nanay kong masama ang pakiramdam niya at gusto niyang magpadala sa akin sa ospital. Ang sama naman ng pagkakataon, ano?” Paulit-ulit mo siyang itutulak palayo, at kapag nakita ito ng kalihim, iisipin niya, “Sa tuwing iimbitahan ko siya, may nangyayari, sa tuwing makikipaglapit ako sa kanya, may nangyayari; hindi siya marunong magpahalaga sa mga pabor, maghahanap na ako ng iba!” Puwede siyang humanap ng sinumang naisin niya, ngunit hindi ka pa rin makikipaglapit sa kanya. Kadalasan, medyo magiliw ka sa kanya, ngunit kung gusto ka niyang ihanda bilang kahalili o itaas ang iyong posisyon, maghahanap ka ng mga dahilan para iwasan siya, at mawawalan ka ng sigasig para hindi niya malaman kung ano ang iniisip mo. Sa katunayan, sa iyong puso ay napakalinaw mong nalalamang, “Hindi ako makikipaglapit sa iyo, diyablo! Nasa puso ko ang Diyos, at sinasabi sa akin ng Diyos na lumayo sa politika. Isa kang politikal na tao, at lalayo ako sa iyo. Gusto mong itaas ang puwesto ko sa isang opisyal na posisyon at gamitin ang mga talento ko upang makatulong sa iyo, ngunit hindi kita bibigyan man lang ng pagkakataon! Kahit na nagwawalis lang ako ng sahig at nagtatapon ng basura sa tanggapan ng pamahalaang ito, hindi ako magiging isang opisyal! Kumikita lang ako nang sapat para masuportahan ang aking sarili, hindi ko kayo paglilingkuran!” Ngunit sa realidad, sa halip ay ito ang kailangan mong sabihin, “Nasa puso ninyong mga lider ang bayan, napakarami ninyong gawaing pinangangasiwaan, at naglilingkod kayo sa mga tao, nagmamalasakit sa mga karaniwang mamamayan! Kaming mga ordinaryong tao, kaunti lang ang kamalayan namin, at interesado lang kami sa sarili naming sikmura; hindi tayo magkapantay, at hindi namin kayang gawin ang ginagawa ninyong mga lider.” Lagi kang magmamaang-maangan sa harapan niya, para hindi niya malaman kung ano ang iniisip mo. Kahit na may mga talento ka, hindi mo ipakikita ang mga iyon. Ipakikita mo lang nang kaunti ang mga iyon sa mga kritikal na sandali, at makikita niyang may talento ka talaga. Karaniwan kang gagawa ng ilang maliliit na pagkakamali upang isipin niyang hindi ka ganoon kagaling, ngunit hindi pa rin niya kaya nang wala ka sa trabaho. Karunungan ang tawag dito. Pinaglalaruan mo ang diyablo, ginagamit siya upang magserbisyo, at kumita ng pera niya, ngunit hindi ka nakikipaglapit sa kanya, at kinasusuklaman mo siya sa iyong puso, hindi ba’t tama iyon? Ito ang ibig sabihin ng hindi pakikipaglapit. Kaya mo ba itong gawin? (Oo.) Pagsapit ng tanghali, imamaneho ng lider ang maliit niyang sedan at maghahanap siya kung saan-saan ng isang kilalang kainan. Tatawagin ka niya, “Xiao Zhang, lumabas tayo at kumain; ano ba ang gusto mong kainin ngayong araw?” Sasabihin mo, “Ilang araw na akong hindi nakakakain ng pansit, at matagal na akong hindi nakakakain ng puto; iyon ang gusto kong kainin. Uuwi na ako para magtanghalian, gusto mo ba niyon?” Sasagutin mo siya nang ganito, at kapag narinig niya ito, sasabihin niya, “Kumain ng ano? Kaning-baboy iyon, hindi kumakain ng ganoon ang mga tao!” Ayaw niyang kainin ang anumang sabihin mo sa kanya, at iisipin niya, “Ang taong ito ay tulad nga ng sinasabi nila—ang taong ipinanganak na hangal ay hindi na magagamot. Sino pa ba ang kumakain ng puto at pansit sa panahon ngayon? Mas masarap doon ang kinakain ng mga opisyal!” Pumupunta ang mga opisyal na ito sa mga kainan at ginagastos ang pondo ng bayan, tinatamasa nila ang kaluwalhatian at kaningningan ng pagiging isang opisyal, at mga mamahaling pagkain lang ang kinakain nila: Ang isang kain ay nagkakahalaga ng mahigit isang libong yuan. Kumakain sila ng mga utak ng unggoy at balat ng hedgehog. Kinakain ng mga demonyo at diyablong ito ang kahit na ano, wala silang hindi kinakain o iniinom. Ano ang iniisip mo sa iyong puso? “Hindi ako makikibahagi sa mga kasalanan ninyo, lalayuan kita, kayong grupo ng mga diyablo, kayong mga kasuklam-suklam na taong kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao! Mas gugustuhin ko pang bumalik at kumain ng pansit at puto kaysa tamasahin ang marangya mong pamumuhay. Kahit pa kailanganin kong kumain ng mga rasyon ng halo-halong butil, hindi pa rin ako lalapit sa iyo; hindi ako masasangkot sa kasamaan mo o magkakaroon ng anumang bahagi sa mga kasalanan mo. Ang pagkain ng laman ng tao at pag-inom ng dugo ng tao ay gawain ng mga diyablo, hindi ng mga tao. Ano ang magiging panghuling resulta? Tiyak na mapupunta ka sa impiyerno at haharap sa kaparusahan! Nagpaparaya at nakikipagkompromiso ako at naghahanapbuhay ako sa ilalim ng iyong kapangyarihan, ngunit ang mithiin ko ay panatilihin ang aking kabuhayan, sundin ang Diyos, at gawin ang aking tungkulin. Hindi ko sinusubukang mapataas ang posisyon ko o masangkot sa politika; kinasusuklaman kita mula sa kaibuturan ng aking puso!” Kaya, paano ka man suyuin ng lider na kumain nang marami, hindi ka sasama. Sa katapusan ng linggo, kung iimbitahan ka niyang mag-karaoke, mapaligiran ng magagandang babae, at uminom ng mamahaling alak; kung iimbitahan ka niya sa isang tsaahan para magpahinga at maglibang, o para manood ng drag show, sasama ka ba o hindi? Kung gusto mong mapalapit sa organisasyon o sa partido, kakailanganin mong pumunta sa mga lugar na ito. Ngunit sa sandaling ito, sasabihin mong, “Isinasagawa ko ang mga salita ng Diyos, lumalayo ako sa politika, hindi ako makikibahagi sa alinman dito, hindi ako makikibahagi sa kanilang mga kasalanan.” Kinabukasan, kapag nagtipon-tipon sila, pag-uusapan nila kung gaano kaganda si Binibining Ganito at Ganyan, kung paanong siya ang pinakamagandang babae sa kasiyahan, kung gaano siya kagaling kumanta, kung gaano kasarap ang alak na mula sa partikular na panahon sa Pransya, kung saan pupunta para maglibang, kung saan maglulublob sa maiinit na bukal…. Pinagkukwentuhan nila ang mga bagay na ito—naiinggit ka ba sa kanila? Nagseselos ka ba? Kailangan mong magsuot ng headphones, pasakan mo ang mga tenga mo; huwag mong pakinggan ang mga diyablong ito na nagsasabi ng mga maladiyablong salita, layuan mo sila, panatilihin mong payapa ang iyong puso, huwag kang makibahagi sa mga kasalanan ng mga makasalanan, layuan mo ang marurumi nilang buhay, at huwag kang masangkot sa kanilang kasamaan. Ang layunin mo ay ang lumayo sa politika. Ang mga taong naghahangad ng pag-abante, na nagnanais na mapalapit sa organisasyon, at nagnanais na mapataas ang kanilang posisyon: Ang layunin nila sa pamumuhay nang ganoon, sa totoo, ay ang makibahagi sa politika, diretsong makapasok sa politika, na ang layon ay makakuha ng posisyon sa mga politikal na grupo at magkaroon ng buhay na hindi akma kapwa sa isang tao o sa isang demonyo. Gayunpaman, kabaligtarang-kabaligtaran ka nila. Kailangan mong lumayo sa ganoon karuming buhay. Ang layunin ng paglayo sa ganitong uri ng buhay ay ang hindi maghangad ni maging interesado sa anumang politikal na plano. Ang iyong kinabukasan ay ang hangarin ang katotohanan at magtamo ng kaligtasan. Samakatuwid, dapat na makatiyak ka sa iyong puso na ang lahat ng ginagawa mo ngayon ay makabuluhan at mahalaga; para ito sa paghahangad sa katotohanan, alang-alang sa pagtamo ng kaligtasan. Hindi ito isang walang kabuluhang sakripisyo, at hindi ka rin kumikilos sa isang hindi pangkaraniwang paraan. Higit pa rito, hindi ka nag-iisa. Kaya, ang pinakalayunin ng paglayo sa mga makasalanang buhay na ito ay, sa totoo, ang maihiwalay ang iyong sarili sa mga taong ito, ang maidistansya ang iyong sarili sa tinatawag nilang politika. Ito ang pangalawang prinsipyo ng paglayo sa politika—huwag kang makipaglapit.

Ang hindi pakikipaglapit sa mga politiko ay ang pinakamaliit na bagay na dapat gawin, at dagdag pa rito ay hindi dapat makibahagi. Halimbawa, kung may pagkakataong mapataas ang posisyon sa isang pinuno ng seksyon, direktor, o pinuno ng kawanihan, nasasabik ang lahat na magpasikat, pag-igihin ang kanilang pagtatrabaho, magbigay ng mga regalo sa mga lider, gumamit ng impluwensiya, sumubok ng mga pamamaraan, at subukan ang bawat diskarte upang maipakita sa mga lider at nakatataas sa kanila ang kanilang mga talento, kakayahan, at halaga, at maging ang halaga nilang mapagsamantalahan. Mas pipiliin nilang maging mga mambobola, mas pipiliing sumipsip sa mga lider at nakatataas sa kanila at gawin ang anumang ipagawa ng mga ito sa kanila, kahit na ayaw nila itong gawin. May ilang tao na nagbibigay ng pera, at may ilan namang iniaalay pa ang kanilang mga katawan upang makibahagi sa mga labanan sa politika. Sa mga labanang ito, may ilang tao na bumubuo ng koneksyon sa mga lider, ang iba ay nagbibigay ng malaking pera at mga regalo sa mga lider, at may ilang tao naman na iniaalay ang kanilang mga katawan sa mga lider, na ang pinakamithiin ay mapataas ang posisyon o maturuan ng mga lider na ito at tahakin ang landas ng politika. Bilang isang mananampalataya ng Diyos, kung alam mong may kinalaman ang mga pagsasagawang ito sa pakikibahagi sa politika, dapat kang lumayo. Una, huwag kang magbigay ng mga regalo o bumuo ng mga koneksyon alang-alang sa sarili mong mga politikal na plano o sa isang opisyal na posisyon. Isa pa, huwag mong aktibong ihayag ang mga kalakasan mo sa mga lider, at talagang huwag kang gumamit ng mga labis-labis na hakbang upang makipagkumpitensya para mapansin nila. Hayaan mong magtagisan ang iba nang hindi ka kasama. Sa tuwing irerekomenda ka ng pinuno bilang kandidato, sabihin mo, “Hindi ako sasali sa isang ito, hindi ako kwalipikado.” Kailangan mo lang sabihing hindi ka kwalipikado at hayaan mong magpatuloy ang iba; maraming taong magpiprisinta na lumaban. Kapag sinabi ng pinuno na, “Xiao Zhang, ikaw naman ngayon,” sabihin mo, “Hindi pa ako kwalipikado, boss, ipagpaumanhin mo. Hindi ko pa kaya. Hayaan mong si Xiao Li na ang mauna, at kung hindi kaya ni Xiao Li, hayaan mong si Xiao Wang ang tumakbo. Hayaan mong gawin nila ito.” Sasabihin ng pinuno, “Hangal ka ba? Kung tatanggapin nila ito, hindi ka makakukuha ng alinman sa mga benepisyo: Hindi ka makatatanggap ng bahay, o ng anumang bonus o pagtaas sa sahod.” Pagkatapos ay sasabihin mo, “Kung wala akong anumang makukuha, puwes, wala akong anumang makukuha. May sapat akong pagkain at sapat na panggastos, kaya mapanatag ka, sir. Kung hindi ka pa rin napapanatag, bigyan mo na lang ako ng kaunti pang bonus sa katapusan ng taon.” Huwag kang makibahagi sa kanilang labanan. Kung sinuman ang gustong lumaban, hayaan mong gawin niya iyon. Hindi ka mauuwi sa anumang pamamaraan, mag-uubos ng anumang lakas, o magbabayad ng anumang halaga. Wala kang gagastusin ni isang kusing, sasabihin ni isang salita, gagawing anumang karagdagan, o labis na magsusumikap para sa promosyon. Kahit pa nasa iyo ang mga kondisyon, koneksyon, at angkop na grupo ng mga tao, hindi ka pa rin makikibahagi. Ito ang tinatawag na tunay na pagbitiw, tunay na paglayo. Palagi kang titingnan ng mga makamundong tao nang may awa at paulit-ulit nilang sasabihing, “Hangal ka, mangmang ka!” Ngunit sasabihin mo, “Sabihin na ninyo ang gusto ninyo tungkol sa akin; hindi pa rin ako makikibahagi.” Itatanong ng mga tao, “Bakit ayaw mong makibahagi?” Sasabihin mo, “Sapat naman ang kinikita ko bilang panggastos. Hindi ako kwalipikado. Mas mahuhusay kayong lahat kaysa sa akin, kaya kayo na ang tumakbo.” Nakaiwas ka ba sa pakikibahagi? (Oo.) Siyempre, kung may pagkakataong mapataas ang posisyon mo sa kahaliling pinuno ng seksyon o kahaliling direktor, pwede mo itong tanggihan, ngunit kung iaalok sa iyo ang mga posisyon ng pinuno ng kawanihan o gobernador ng probinsya, magagawa mo ba ang parehong bagay? Baka hindi ito maging madali: Kapag mas mataas ang posisyon, mas nagiging kaakit-akit ito, at kapag mas malawak ang awtoridad nito, mas malaki ang tukso, dahil kapag mas malawak ang awtoridad mo, makatatanggap ka ng mas magandang pagtrato, nagiging mas maimpluwensiya ang iyong mga salita, at nadaragdagan ang pisikal mong kasiyahan. Kita mo na, ang alkalde, ang gobernador, at ang presidente ay may sari-sariling opisyal na tirahang lahat. Ang lahat ng gastos nila, sa pag-alis man o sa tahanan, ay sagot ng estado. Samakatuwid, habang mas nakikisalamuha ka sa mga nasa matataas na antas ng lipunan, mas lumalaki ang tukso nila sa iyo, at kapag mas marami ang mga pagkakataon mong makisalamuha sa kanila, lalong nagiging mahirap na isuko ang mga pagkakataong ito. Upang makaiwas sa tukso, magtatrabaho ka sa pinakamababang antas, hindi tutuntong sa mga komunidad ng nakatataas na antas ng lipunan. Hinding-hindi ka tutuntong sa mga komunidad na ito. Ito ang tinatawag na paglayo. Wala kang sasabihin o gagawing may anumang kinalaman sa politika; ang lahat ay ukol sa paglayo sa mga bagay na ito. Kung sinuman ang matagumpay na mahahalal bilang mataas na opisyal sa bawat partikular na kompetisyon, kung sinuman ang makahahawak ng malaking kapangyarihan, hindi mo siya kaiinggitan, hindi ka masasaktan, at hindi mo ito pagsisisihan, dahil sa isa na namang tukso o sa sitwasyong pinamatnugutan ng Diyos, naisagawa mo ang prinsipyo ng paglayo sa politika na hinihingi ng Diyos. Natupad mo ang hinihingi ng Diyos, at sa harapan ni Satanas, ikaw ay matagumpay; sa harapan ng Diyos, isa kang mananagumpay, at sinasang-ayunan ka ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Kung sinasang-ayunan ako ng Diyos, patataasin ba Niya nang kaunti ang sweldo ko?” Hindi, ang pagsang-ayon at pagkilala sa iyo ng Diyos bilang isang mananagumpay ay nangangahulugang mas malapit ka na sa kaligtasan, at tinitingnan ka ng Diyos nang mas may higit na pabor—isa itong malaking karangalan. Madali bang umiwas sa pakikibahagi sa mga politikal na aktibidad? Kung sinuman ang nasisiyahan sa kompetisyon, hayaan mo siyang makipagkumpitensya. Kung sinuman ang nagnanais na magsalita para sa gayong mga aktibidad, hayaan mong gawin niya iyon. Kung sinuman ang mahilig magpakaabala sa mga iyon, hayaan mo siyang maging abala. Ano’t ano man, wala kang pakialam, at hindi ka rin mag-aalala tungkol sa mga bagay na ito, dahil hindi ka naghahangad ng pag-unlad at wala kang mga mithiin para sa isang opisyal na propesyon. Ito ang pangatlong prinsipyo ng paglayo sa politika—ang hindi pakikibahagi.

Ang pang-apat na prinsipyo ng paglayo sa politika ay ang hindi pagkampi sa anumang panig. Ang “pagkampi sa isang panig” ay isang uri ng pananalitang ginagamit ng mga politikal na tao, at isang karaniwang pangyayari sa politikal na mundo ang pagkampi sa isang panig. Kapag nakibahagi ka sa politika, dapat mong linawin ang iyong paninindigan, kung kumakampi ka sa Partido A o sa Partido B. Sa sandaling masangkot ka sa politika, kailangan mong kumampi sa isang panig. Kung hindi ka masasangkot, hindi mo kailangang kumampi sa anumang panig, o maaari mong sabihing hindi ka kumakampi sa anumang panig. Kung mananatili kang walang kinikilingan at hindi mo bibigyang-pansin ang kanilang mga pagtatalo o kung bakit nag-aaway ang dalawang panig, hindi ka kumakampi sa anumang panig. Kung sinusuportahan mo man ang Partido A o Partido B, walang resulta o sagot mula sa iyo. Sasabihin mo, “Hindi ako kumakampi sa anumang panig, hindi ako nakikisali. Parehong maganda ang ugnayan ko sa A at B, ngunit hindi ako nakikipaglapit sa alinman sa kanila. Hindi ako nakikisali sa alinman sa mga away nila.” Naguguluhan ang mga taong ito: Ano ba talaga? Sa Partido A o Partido B ka ba? Palagi ka nilang sinusubukang mahikayat, ngunit walang makagagawa niyon. Ang panghuling resulta ay nauunawaan nilang hindi ka kumakampi sa anumang panig. Sa wakas, sasabihin ng direktang superbisor mo, “Tusong tao ka, bakit hindi mo ako sinuportahan sa ganoon kakritikal na sandali?” Sasabihin mo, “Boss, hindi ako nangangahas na maghangad ng gayon kalaking karangalan, hindi kasinlalim ang kaisipan ko, at hindi rin ako masyadong magaling sa aking trabaho; natatakot akong mabigo kita. Boss, pakiusap, hayaan mo na ako, isa lang akong hamak na taong pumupulot pa rin ng barya; isa lang akong karaniwang tao, hindi ako nangangahas na kumampi sa anumang panig. Pakiusap, huwag kang maging malupit sa akin at palagpasin mo na ito, talagang susuportahan na kita sa susunod.” Sa realidad, binabalewala mo lang siya. Hindi mo napasama ang loob niya, at wala siyang magagawa tungkol dito. Pwede silang mag-away-away at magtalo-talo paano man nila naisin, wala itong kinalaman sa iyo, isa kang tagalabas. Bakit Ko ba sinasabing isa kang tagalabas? Hindi ka naghahangad ng isang opisyal na propesyon, ng pagiging opisyal, pagiging prominente, pagdadala ng kaluwalhatian sa iyong mga ninuno, o pagpasok sa politika. Hindi ka naghahangad ng mga politikal na pag-asa; ang mithiin mo ay ang lumayo sa isang opisyal na propesyon at sa mga politikal na taong ito. Kaya, sadya mong pinipiling hindi kumampi sa anumang panig, hindi piliin ang Partido A o Partido B, at kung sinuman ang kumakampi sa anumang panig ay walang kinalaman sa iyo. Sa tuwing susubukan kang hikayatin ng isang tao, tatawanan mo lang ito at magkukunwari kang hangal, sasabihing, “Hindi ko alam kung sino ang tama, mabubuting kaibigan ko kayong lahat, magiging masaya ako kahit sino pa ang manalo.” Sasabihin nila, “Napakatuso mo namang tao!” At sasabihin mo, “Hindi ako tuso, hangal lang ako; kayo ang mga eksperto!” Magkukunwari kang naguguluhan sa kanila. Ayos lang bang hindi kumampi sa anumang panig? Huwag kang maging ignorante, huwag kang sumang-ayon sa mga taong sumusubok na manamantala sa iyo. Kahit na sa anumang antas ng politika, palaging maputik ang tubig—hindi mo makikita ang ilalim. Hindi ito tulad ng malinaw na bukal kung saan makikita mo ang ilalim; maputik na tubig ito, isang kumunoy. Kung maganda ang trato sa iyo ng isang lider, makikipaglapit ka sa kanya at papanig sa kanya, ngunit hindi mo alam kung mabuti o masama ang idudulot nito sa iyo. Hindi mo matutukoy kung ano ang magiging kinabukasan niya, kung hahantong siya sa bilangguan o magiging prominente. Ang mga taong iyon ay pawang mga buwaya sa isang bakawan, may malalaki at maliliit na buwaya. Bilang isang hamak na tao, hindi mo matutukoy kung totoo ang bawat salitang kanilang sinasabi o hindi, kung sino ang tinatrato nila nang mabuti at sino ang hindi, at kung ano ang layon ng kanilang mga pang-araw-araw na kilos—hindi mo talaga matutukoy. Samakatuwid, kung gusto mong protektahan ang iyong sarili, ang pinakatuwiran at pinakamataas na prinsipyo ay huwag kumampi sa anumang panig. Kung mabuti sila sa iyo, maging masigasig ka sa kanila; kung hindi, maging masigasig ka pa rin sa kanila, ngunit huwag ka lamang kumampi sa kanila. Kapag may nangyari, tawanan mo lang ito at magkunwari kang nagugulugan; kapag may tinanong sila sa iyo, sabihin mong hindi mo alam, hindi ka sigurado, o ngayon ka lang nakakita ng ganito. Kaya mo bang tumugon sa ganitong paraan? (Oo, kaya ko na ngayon.) Angkop bang gamitin ang mga prinsipyong ito sa iglesia? (Hindi ito angkop.) Ang mga diskarteng ito ay angkop lamang sa mga lugar kung saan naninirahan ang mga diyablo, hindi upang gamitin sa gitna ng mga kapatid. Karunungan ito. Sa mga lugar kung saan naninirahan ang mga diyablo, kailangan mong magpakatalinong gaya ng mga ahas; hindi ka maaaring maging hangal, kailangan mong maging matalino. Kung sinuman ang hihila sa iyo palapit sa kanya, huwag kang sumama at pumanig doon. Kung sinuman ang makikipag-alitan sa iyo o maiinis sa iyo, huwag mo siyang kontrahin o labanan. Paniwalain mo siyang hindi ka niya kalaban. Karunungan ang katumbas ng mga bagay na ito. Huwag kang makipagkumpitensya sa anumang politikal na puwersa, huwag kang makipaglapit sa alinman sa mga iyon, at huwag kang makipagsabwatan o magpakita ng kagandahang-loob sa kanino man sa kanila. Ito ay karunungan, hindi ito pagkampi sa anumang panig. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo.) Natutuhan mo na ba kung paano ito gawin? (Oo.) Sa mga kritikal na pagkakataon, kailangan mong magkunwaring pipi at bingi, baliw at hangal, at hayaan mong makita ka nila bilang isang mangmang na walang-alam. Kung may ipagagawa sila sa iyo, gawin mo ito, tanggapin mo ang payo nila nang hindi ito kinukuwestiyon, at ipakita mo sa kanila kung gaano ka kamasunurin. Hanggang saan ang pagkamasunurin? Tulad ng isang sipsip, na palaging nakikinig, hindi kailanman nagsasalita nang hindi nararapat, hindi kailanman nagtatanong tungkol sa balita sa pinuno, o tungkol sa impormasyon ukol kay ganito at ganyan—maging lalong masunurin. Ngunit hinding-hindi mo dapat ilantad sa kanila ang totoong mga iniisip mo; sa sandaling ilantad mo ang tunay mong mga iniisip at intensyon, parurusahan at tuturuan ka nila ng leksyon. Kung wala ka sa panig nila, hindi mo ito maaaring ipaalam sa kanila—kahit na tanggihan mo sila ay hindi mo dapat hayaang malaman nila ito. Bakit dapat mo itong gawin? Dahil sa kanilang mga mata, kung hindi ka nila kaibigan, kalaban ka. Sa sandaling maging kalaban na ang tingin nila sa iyo, ikaw na ang pupuntiryahin nilang parusahan: Tatratuhin ka nila bilang isang nakayayamot na tao, bilang tinik sa kanilang dibdib, at kakailanganin ka nilang parusahan. Kaya, kailangan mong gumamit ng karunungan at magkunwaring hangal. Huwag mong ipakita ang mga kakayahan mo; kung ipahahayag mo ang iyong mga iniisip, pananaw, paninindigan, o saloobin tungkol sa anumang bagay, hangal ka. Naunawaan mo ba? (Naunawaan ko.) Sa harapan ni Satanas at ng mga diyablo, lalo na kapag napalapit ka sa isang grupo sa mundo ng politika, kailangan mong maging mas maingat, protektahan mo ang iyong sarili, huwag kang mag-isip na mautak ka o kumilos nang walang pakundangan, huwag mong ipangalandakan ang iyong sarili, huwag mong subukang patunayan ang halaga mo—kailangan ay hindi ka maging kapansin-pansin. Kung gusto mong masiguro ang pagtagal mo sa gayong masalimuot na kapaligiran, at gusto mo ring sumampalataya sa Diyos, gawin ang iyong tungkulin, hangarin ang katotohanan, at magtamo ng kaligtasan, ang unang bagay na nararapat mong gawin ay protektahan ang iyong sarili. Ang isa sa mga paraan upang protektahan ang iyong sarili ay huwag mong galitin ang anumang politikal na puwersa at huwag kang maging puntirya ng kanilang pag-atake o pagpaparusa—sa ganitong paraan ka mananatiling bahagyang mas ligtas. Kung palagi kang tatangging makinig sa kanila, sumunod sa kanila, o makipaglapit sa kanila, kaiinisan ka nila at gugustuhin nilang parusahan ka. Sa kabilang banda, kung makikita nilang may talento at kakayahan kang magtrabaho, at kung makikita nilang kapaki-pakinabang ka sa kanila, at na kung ikaw ang hahalili sa kanila, hindi mo ilalantad ang mga lihim nila o sisirain ang kanilang reputasyon sa hinaharap, nanaisin nilang maging tagapagturo mo. Magandang bagay ba na turuan ka nila? (Hindi.) Kung makursunadahan ka nila at naisin nilang turuan ka, sabihin mo sa Akin, hindi ba’t para ka na ring nasapian ng masamang espiritu? (Oo.) Kung makursunadahan ka nila, lagot ka. Kaya, bago ka nila makursunadahan, hindi mo maaaring hayaang magustuhan ka nila; kailangan mong magkunwaring hangal, na para bang wala kang anumang magagawa nang mahusay. Gawin mo nang katanggap-tanggap ang karamihan sa mga bagay. Bagama’t maaaring hindi sila masiyahan dito, hindi sila makakakita ng anumang pagkakamali sa iyo o makahahanap ng mga dahilan upang paalisin ka. Sapat na iyon, at nakukuha niyon ang ninanais na epekto. Kung masyado mong paghuhusayan ang mga bagay-bagay, kung ang lahat ay magagawa mo nang maayos at masyado silang masisiyahan sa iyo at tataas ang tingin nila sa iyo, hindi iyon maganda. Sa isang aspekto, makikita ka nila bilang isang banta sa kanilang direksyon sa politika, at sa isa pa, maaaring naisin nilang turuan ka, at wala sa mga iyon ang mabuti para sa iyo. Kaya, upang mapatatag ang iyong sarili sa lipunang ito, bukod sa pag-iwas at paglayo sa iba’t ibang puwersa, may isa pang bagay na mas mahalaga, ito ay ang lubusang pangasiwaan ang mga ugnayan at usapin hinggil sa iba’t ibang puwersa o sa iyong direktang superbisor. Halimbawa, kung masyado kang magpapasikat, kung labis mong nanaising patunayan ang iyong sarili, o kung gagawin mo ang mga bagay-bagay nang walang anumang karunungan, maaari kang malagay sa isang mahirap na kalagayan kung saan hindi mo maisasantabi ang anumang bagay o kakailanganin mong gawin ang ayaw mong gawin. Ano ang pwedeng gawin tungkol dito? Samakatuwid, mahirap pangasiwaan ang bagay na ito. Kailangan mong magdasal nang madalas sa Diyos, maging tahimik sa Kanyang harapan, hayaan mong patnubayan ka ng Diyos, bigyan ka ng karunungan, ibigay sa iyo ang mga salitang sasabihin, gabayan ka sa kung ano ang dapat mong gawin, at tulungan kang malaman kung paano pangangasiwaan ang sitwasyon, upang maprotektahan mo ang iyong sarili at maingatan ka ng Diyos sa gayong mga masalimuot na komunidad. Kapag natanggap mo na ang pag-iingat ng Diyos at naprotektahan mo na ang iyong sarili, saka mo lamang makakamit ang mga pangunahing kondisyon upang maging tahimik sa harapan ng Diyos, kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, pagnilayan ang mga iyon, at hangarin ang katotohanan. Nauunawaan mo ba ang mga bagay na ito? (Oo, nauunawaan ko.) Ito ang prinsipyo ng hindi pagkampi sa anumang panig.

May isa pang prinsipyo ng paglayo sa politika, iyon ay, ang hindi pagpapaalam sa paninindigan ng isang tao. May kinalaman man ito sa mga politikal na pananaw, saloobin, o kalakaran, o sa layunin at hangarin ng mga lider, sa kanilang mga pagpapahayag, kanilang mga kaisipan, o kung tama man sila o mali, hindi mo dapat ipaalam ang iyong paninindigan. Kapag tinanong ka ng pinuno, “Sang-ayon ka ba sa sinabi ko? Ano ang paninindigan mo?” Sasabihin mo, “Ano ba ang sinabi mo? Mahina ang tenga ko, hindi kita narinig.” Magagalit ang pinuno pagkarinig dito at hindi na ito makikipag-usap sa iyo. Sa iyong puso, iniisip mo, “Mabuti, wala rin naman akong gustong sabihin!” Dapat kang magkunwaring pipi at bingi, at hindi mo dapat palaging ipaalam ang iyong paninindigan, o ipakita kung gaano ka katalino, sabihing, “Boss, may ilan akong opinyon, may ilan akong ideya.” Kung palagi kang magtataas ng kamay at magkakaroon ng paninindigan, kalokohan talaga iyon. Hindi ka dapat magsalita kapag may mga opinyon ka tungkol sa boss, at kapag may mga opinyon ka tungkol sa ganito at ganyang katrabaho mo o nakita mong may ginagawang mali ang boss mo, huwag kang kumibo. Ngayon, paano kung tanungin ka ng lider tungkol sa mga bagay na ito, ano ang sasabihin mo? “Ang galing ng pagkakagawa mo nito, iba ang antas mo sa aming maliliit na manggagawa. Napakamapagmalasakit mo talaga!” Dapat mo siyang purihin, kausapin mo siya nang may labis na pambobola hanggang sa makaramdam siya ng matinding kaligayahan, at kapag nakita mong nakamit mo na ang layunin mo, itigil mo na ang pagpuri sa kanya, dahil halos masuka ka na roon. Anuman ang mga polisiya, opinyon, gawaing dapat ipatupad mula sa itaas na sinasabi ng boss mo, o kanyang saloobin sa anumang bagay, magkukunwari kang hangal at magsasabi ng ilang malabong pangungusap. Kapag narinig ka ng boss, sasabihin niya, “Noon pa man ay naguguluhan na ang taong ito, kaya normal lang na naguguluhan din siya tungkol sa bagay na ito.” Sige, matagumpay ka nang nakaraos sa pamamagitan ng pagpapanggap. Anuman ang sabihin ng boss, hinding-hindi mo dapat ipaalam ang iyong paninindigan. Kung sabay kayong kumakain ng boss at gusto niyang sabihin mo ang paninindigan mo sa isang bagay, sabihin mong, “Ay, tingnan mo kung gaano karaming kanin ang nakain ko; ang taas ng asukal ko at medyo nahihilo ako, kaya hindi ko masyadong narinig nang malinaw ang sinabi mo. Boss, pwede bang pag-usapan na lang ulit natin ito sa susunod?” Maging malabo ka lang sa kanya. Kung magpapadala ang boss ng isang tao upang alamin ang iyong mga pananaw tungkol sa kanya, sa komite ng partido, o sa mga pambansang polisiya, dapat ka bang magpahayag ng anumang pananaw? (Hindi.) Ang dapat na pampublikong saloobin mo ay na wala kang pananaw, ngunit paano naman ang tunay mong saloobin? Kahit pa may mga pananaw ka, huwag mong sabihin ang mga iyon: Ito ang tinatawag na panlilinlang sa isang multo. May isang matalinhagang kasabihan, “Paglalagay ng plastik na bulaklak sa puntod ng isang tao—panlilinlang sa isang multo,” hindi ba’t tama iyon? Kapag nahaharap sa malalaking usapin ng tama at mali, bagama’t mayroon kang mga saloobin at pananaw, hindi mo dapat ipahayag ang mga iyon. Bakit? Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa pananampalataya sa Diyos, walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan, ang lahat ng ito ay mga usapin ng mundo ng mga diyablo, at walang kinalaman sa ating mga mananampalataya. Hindi mahalaga kung ano ang ating mga saloobin, ang mahalaga ay walang kinalaman sa atin ang mga bagay na ito; bagama’t maaaring may saloobin tayo, sa realidad ay isa itong pagkaunawa at pagkilatis sa kanilang diwa; ang ating saloobin at ating prinsipyo ng pagsasagawa ay ang lumayo sa kanila, tanggihan sila, at tanggihan ang kanilang impluwensya at kontrol. Para naman sa mga saloobin ng ibang mga tao, walang kinalaman sa atin ang mga iyon; isa itong usapin ng mundo ng mga diyablo at walang kinalaman sa mga mananampalataya ng Diyos. Walang kinalaman ang mga bagay na ito sa paghahangad sa katotohanan, wala ring kinalaman ang mga ito sa kaligtasan, lalong walang kinalaman sa anumang saloobin ng Diyos sa iyo; kaya, hindi mo kailangang magkaroon ng anumang saloobin, at hindi mo rin kailangang magpahayag ng anumang saloobin. Maaaring tawanan mo lang ito at sabihing, “Boss, mababaw ang paraan ng pag-iisip ko, at magulo ang isipan ko; mahabang panahon kong pinag-aralan ang politika, ngunit kailanman ay hindi pa ako nakaranas ng anumang politikal na rebolusyon sa aking isipan, kaya bilang isang karaniwang tao, hindi ko pa rin maintindihan ang mga polisiyang galing sa itaas o ang iyong ibig sabihin. Pasensya na.” Sapat na ang sagot na ito. Panlilinlang ba ito sa multo? (Oo.) O pwede mo ring sabihing, “Nagniningning ang mga mata ng boss, at malinaw ang mga mata ng mga tao, pero ako lang ang mukhang naguguluhan ang mga mata: Wala akong anumang nakikita o nauunawaan! Hindi ako miyembro ng partido, kaya wala sa akin ang espiritu ng partido. Hindi ko maunawaan ang mga bagay na ito. Kausapin mo kami, boss, mas mahalaga ka sa amin. Anuman ang sasabihin mo, pakikinggan at isasagawa namin ito. Sapat na iyon para sa akin.” Hindi ba’t simple lang ito? Natutupad ba nito ang prinsipyo ng hindi pagpapaalam ng paninindigan ng isang tao? (Oo, natutupad nito.) Ang pagpapanggap na ito at hindi paglilinaw sa iyong paninindigan ay nagbibigay-daan sa iyong protektahan ang iyong sarili. Alam ba ng boss ang ibig mong sabihin dito? Hindi. Iniisip niyang isa ka lang hangal na nag-iisip na, “Ang taong ito ay hindi naghahangad ng pag-unlad. Sa ganito kagagandang kondisyon, tumaas na ang posisyon ng karamihan, baka alkade pa nga. Maaaring maging gobernador ng probinsya ang taong ito, pero ayaw lang talaga niyang umunlad, palagi siyang nagkukunwaring hangal, at hindi siya nakikipaglapit sa organisasyon—isa siyang tipikal na hangal!” Ano ang iisipin mo sa iyong puso? “Sa iyong mga mata, isa akong hangal. Ngunit sa mga mata ng Diyos, isa akong matimtimang kalapati. Mas mahalaga ako kaysa sa iyo. Ikaw na tusong tao, humahawak ka ng opisyal na posisyon at nakikibahagi sa kaunting politika, at akala mo ay nakatataas ka na dahil doon. Sa aking mga mata, wala kang pinagkaiba sa maliit na balang!” Pwede ba ninyong sabihin iyon? (Hindi, hindi namin pwedeng sabihin iyon.) Hindi ninyo pwedeng sabihin iyon. Mag-ingat kayo dahil may tenga ang lupa; pwede mong kausapin ang aso mo sa bahay at hanggang doon na lang. Kakaunti lang ang tao sa mundong ito na mapagkakatiwalaan o mapagsasabihan mo ng mga personal na bagay; kaya, kapag nahaharap ka sa malalaking usapin ng prinsipyo, sa mga politikal na komunidad man o sa anumang grupong panlipunan, dapat mong matutuhang hindi ipaalam ang iyong paninindigan, lalo na kapag may kinalaman ito sa politika, kapangyarihan, o pagkampi sa anumang panig. Talagang hindi mo dapat linawin ang iyong paninindigan. Kung gagawin mo iyon, parang inilalagay mo ang sarili mo sa ibabaw ng apoy para ihawin. Ano ba ang pakiramdam ng mailagay sa ibabaw ng apoy para ihawin? Kung gusto mong malaman, manindigan ka lang at tingnan mo. Hindi ba’t ganoon iyon? (Oo.) Posible bang hindi ipaalam ang iyong paninindigan? Depende ito sa kung ano ang hinahangad mo sa iyong puso. Kung tunay kang naghahangad ng isang opisyal na propesyon, kung gusto mong maging isang opisyal, bukod sa magkakaroon ka ng paninindigan, malinaw mo ring ipahahayag ang iyong paninindigan, at gagawin mo ito sa harapan ng iyong boss, at unti-unti ka ring aakyat—kung gayon, magiging isa kang walang kwentang tao. Hindi ka lumalayo sa politika; nakikibahagi ka rito. Kung nakikibahagi ka sa politika, sige, umalis ka na. Huwag ka nang manatili sa sambahayan ng Diyos. Isa kang hindi mananampalataya, nabibilang ka sa mundo, sa diyablo, hindi sa sambahayan ng Diyos—hindi ka kabilang sa mga hinirang na tao ng Diyos. Kahit na namamalagi ka sa sambahayan ng Diyos, pumuslit ka papasok dito, ninais mong makakain, makatanggap ng pagpapala—hindi tinatanggap dito ang taong tulad nito. Ngunit, sa kabilang banda, kung maganda ang mga personal mong kwalipikasyon at nasa posisyon ka upang magkaroon ng maraming pagkakataong maging isang opisyal at magsimula ng isang propesyon, subalit kaya mo pa ring umiwas na makipaglapit, makibahagi, kumampi sa anumang panig, at magkaroon ng paninindigan, makalalayo ka sa politika. Natatandaan mo ba ang mga prinsipyong ito? Posible bang magawa ang mga ito? (Oo, posibleng magawa ang mga ito.) Alam mo kasi, ang lahat ng tao sa mga politikal na komunidad na palaging nagnanais na itampok ang kanilang mga sarili, mangibabaw, pati na ang mga taong nagnanais na ipahayag ang kanilang mga pananaw at saloobin, na may napakatinding kagustuhang ipahayag ang kanilang mga sarili—lahat sila ay iisa lang ang mithiin: Gusto nilang humawak ng isang opisyal na posisyon. Sa magandang pananalita, gusto nilang makibahagi sa politika; ngunit sa totoo, gusto lang nilang humawak ng katungkulan, magkaroon ng awtoridad, at magtamasa ng magandang buhay sa pamamagitan ng kanilang posisyon. Gusto nilang gamitin ang posisyon nila upang matupad ang iba’t ibang pansariling mithiin at madagdagan ang kanilang katanyagan. Hindi ba’t totoo iyon? (Oo, ganoon nga.) May ilang taong hindi masyadong mahusay ang kakayahan; may kapintasan sila. Gayunpaman, gusto pa rin nilang maging mga opisyal at makibahagi sa politika. Ang resulta, umaasa sila sa mga pagsisikap nila at unti-unting umaakyat anuman ang kapalit; sumisipsip sila sa mga nakatataas sa kanila, at kumikilos bilang mga personal na tauhan ng mga opisyal ng gobyerno. Kalaunan, nakakamit nila ang mithiin nilang makibahagi sa politika at natutupad ang pangarap nilang magkaroon ng opisyal na propesyon.

Tungkol naman sa paglayo sa politika, limang prinsipyo na ang napagbahaginan natin. Ang unang prinsipyo ay ang hindi pagsapi sa anumang partido. Alam mo, ang mga tagapamahala ng anumang bansa ay nabibilang lahat sa isang politikal na partido, bukod pa sa mga lider ng mga awtoritaryang bansa, na nabibilang din sa isang politikal na partido. Samakatuwid, ang unang prinsipyo ng paglayo sa politika ay huwag sumapi sa anumang partido. Hindi ba’t kasasabi Ko lang niyon? (Oo.) Kung gayon, ano ang pangalawang prinsipyo? (Hindi pakikipaglapit sa kanila.) Huwag kang makipaglapit sa kanila o sa mga politikal na komunidad. Ano ang pangatlong prinsipyo? (Hindi pakikibahagi.) Tama iyon, hindi pakikibahagi sa alinman sa kanilang mga aktibidad, kilusan, o ideolohikal na talakayan, ibig sabihin, hindi pakikibahagi sa kanila. Ano ang pang-apat na prinsipyo? (Hindi pagkampi sa anumang panig.) Huwag kang kumampi sa anumang panig, hayaan mo silang magtalo-talo kung sino ang tama at mali; sa madaling salita, hindi ka kakampi sa anumang panig. Ano ang panlimang prinsipyo? (Hindi pagpapaalam ng paninindigan ng isang tao.) Hindi pagpapaalam ng paninindigan ng isang tao. May nagsasabing, “Kung hindi mo ipaaalam ang iyong paninindigan, hindi ba’t nakagugulo ka lang?” Sasabihin mo, “Wala akong opinyon, isa lang akong karaniwang tao, hindi ako masyadong nakapag-aral, hindi ganoon kahusay ang paraan ng aking pag-iisip—anong uri ng opinyon ang tataglayin ko? Isa lang akong karaniwang mamamayan, tigilan mo na ako.” Hinding-hindi ka magkakaroon ng opinyon kahit na kailan. Kapag ipinatawag ka upang magkaroon ng paninindigan, magpapanggap kang naghihilik, natutulog, at kapag nakita ng mga taong hindi ka interesado sa pag-unlad, hindi na nila hihilingin sa iyong ipaalam ang iyong opinyon, na tamang-tama naman, hindi ba? Ilang prinsipyo ba ito sa kabuuan? (Lima.) Kung susundin mo ang limang prinsipyong ito, makalalayo ka sa politika at hindi ka maiimpluwensyahan, maaapektuhan, o maaantala ng anumang politikal na puwersa. Nakikitungo man sa mga politikal na komunidad sa itaas o sa ibaba, kung isasagawa mo ang limang prinsipyong ito, makalalayo ka sa politika. Isa itong paksang naaangkop sa propesyonal na karera ng isang tao. Siyempre, kahit na wala kang propesyon, nananatiling ganito pa rin ang mga prinsipyong ito, hindi nagbabago. Kahit na wala kang trabaho, dapat mo pa ring isagawa ang mga prinsipyong ito upang lumayo sa politika—hindi nagbabago ang mga prinsipyo. Kaya bakit ka ba dapat na lumayo sa politika? Ano ba ang politika? Isa itong labanan, isang tagisan ng kapangyarihan. Ang politika ay kapwa sabwatan at diskarte. Ano pa ba ang politika? Ang politika ay ang mga kilusan o aktibidad ding nililikha ng iba’t ibang puwersa. Nakita mo na, ni hindi na nga ninyo maipaliwanag kung ano ang politika, subalit inaakusahan pa ng malaking pulang dragon ang mga tao sa iglesia na sangkot sa politika. Hindi ba’t katawa-tawa ito? Hindi ba’t madaling makahanap ng mali kapag gusto nila? (Oo.) Malinaw na isa itong maling paratang. May ilang hangal at naguguluhang tao, na matapos makinig sa mga maladiyablong salita ng malaking pulang dragon, ay napipigilan na nito at hindi na naglalakas-loob na gumamit ng pagkilatis kapwa rito o kay Satanas. Sa tuwing mababanggit ang paksa ng pagkilatis sa malaking pulang dragon o kay Satanas, nagtatago sila sa isang sulok at hindi nangangahas na magsalita; tumitikhim lang sila o nagkukunwaring naguguluhan. Para saan ba sila nagkukunwari? Hindi nila kailangang magkunwari: Ni hindi nga nila nauunawaan kung ano ang politika, kaya paano sila makikibahagi sa politika? Magagawa bang makibahagi sa politika ng isang taong magulo ang isip na tulad nila? Samakatuwid, para sa karamihan ng karaniwang tao, ang paglayo sa politika ay posibleng magawa sa realidad. Katatapos lang nating bigyang-diin ang isang punto sa prinsipyo; ito ay ang hindi paggawa ng anumang hangal na bagay, maiwasang masangkot sa politika nang hindi namamalayan, matangay sa politika nang hindi man lamang nalalaman, at sa huli ay mapagbuntunan ng sisi o maging sangkalan nang hindi nauunawaan kung ano ang nangyari. Kaya, ang dahilan kung bakit pinagbabahaginan natin ang mga prinsipyong ito, sa isang aspekto ay upang ipaalam sa iyo na hindi talaga sapat ang talino mo upang maunawaan ang tunay na diwa ng politika. Sa isa pa, kung isasagawa mo ang mga prinsipyong ito, mapoprotektahan mo nang mas maigi ang iyong sarili at maiiwasan mong masamantala sa anumang sitwasyon, o sa mga sitwasyon kung saan wala kang kamalayan o wala kang alam. Sa pamamagitan lang ng pagsunod sa mga prinsipyong ito, matitiyak mo ang sarili mong relatibong kaligtasan sa anumang grupo. Samakatuwid, bukod sa agimat mo ng proteksyon ang mga prinsipyong ito, mga prinsipyo rin itong ipinaaalala sa iyo ng Diyos na sundin sa larangan ng politika. Sa pamamagitan ng pagsunod sa mga prinsipyong ito, matatamasa mo ang mga pakinabang na dulot sa iyo ng katotohanan, at masasabi rin ng isang taong iniingatan ka ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay malabo at walang kabuluhan ang pag-iingat ng Diyos, at hindi mo ito nakikita o nararamdaman, maaari mong piliing isagawa ang limang prinsipyong ito. Sa ganitong paraan, tunay mong mararanasan ang pag-iingat ng Diyos, na isang mas totoong uri ng pag-iingat. Hindi lang ito paggamit sa mga salita ng Diyos upang protektahan ang iyong sarili, kundi pagpoprotekta rin ito sa iyong sarili sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagsunod sa mga katotohanang prinsipyo na inihayag ng Diyos sa iyo. Ano’t ano pa man, matutupad ang pinakamithiin, at sa pamamagitan ng paglayo sa politika ay mapananatili mong ligtas ang iyong sarili mula sa masasamang grupo ng tao, makaiiwas ka sa iba’t ibang tukso at krisis, at sa gayon ay mapatatahimik mo ang iyong katawan at isipan sa harapan ng Diyos sa isang kalmado, payapa, at ligtas na kalagayan, nang sa gayon ay mahangad mo ang katotohanan. Gayunpaman, kung hangal ka at hindi mo alam kung paano sundin ang mga prinsipyong itinuro ng Diyos, at susubukan mong mangibabaw at basta-bastang itampok ang iyong sarili, madalas kang kikilos nang walang karunungan at masasangkot sa iba’t ibang pagtatalo at alitan na nagmumula sa politika at mga grupo; kung madalas kang mahulog sa iba’t ibang patibong at tukso, at ang pang-araw-araw mong buhay ay matatangay at magugulo ng mga bagay na ito, at igugugol mo ang lahat ng oras mo sa pangangasiwa at pagtugon sa mga labanang ito na may kinalaman sa mga pagtatalo at kaguluhan, masasabing hinding-hindi makahaharap sa Diyos ang iyong puso, at hinding-hindi ka magiging tunay na tahimik sa harapan Niya. Kung hindi mo kayang makamit ang maliit na bagay na ito, wala ka nang pag-asang maintindihan ang mga salita ng Diyos, mapalalim o maunawaan ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan upang maligtas. Kung nabitag ka ng mga bagay na ito, katumbas ito ng mabitag ng diyablo. Kung wala kang mga prinsipyo upang pangasiwaan ang mga bagay na ito, ang pinakawakas mo ay lalamunin ka ng mga bagay na ito. Ang iyong pang-araw-araw na buhay, ang iyong puso, at ang iyong buhay ay masasangkot sa mga pagtatalo at labanang ito. Ang tanging iisipin mo ay kung paano maiwawaksi ang mga bagay na ito, kung paano makikipag-away at makikipagtalo sa mga taong iyon, at kung paano patutunayan ang pagiging walang-sala mo at humingi ng katarungan. Ang resulta, habang mas nasasangkot ka sa mga aktibidad na ito, lalo kang magnanais na agad na mapatunayan ang pagiging walang-sala mo, humingi ng katarungan, at makakuha ng paliwanag, at lalong magiging magulo at komplikado ang iyong puso. Kapag mas komplikado ang iyong panlabas na kapaligiran, lalong magiging komplikado ang iyong panloob na pagkatao, at kapag mas magulo ang iyong panlabas na kapaligiran, lalong magiging magulo ang panloob mong pagkatao. Sa ganitong paraan, malalagot ka na talaga, makokontrol at mabibihag ka na ni Satanas. Kung nais mo pa ring hangarin ang katotohanan at maligtas, magiging imposible iyon! Ganap ka nang mawawalan ng halaga, hindi ka na matutubos pa. Pagsapit ng oras na iyon, sasabihin mo, “Pinagsisisihan ko ang lahat ng ito. Ang politikal na komunidad ni Satanas ay walang iba kundi isang kumunoy! Kung alam ko lang, nakinig sana ako sa mga salita ng Diyos.” Matagal Ko nang sinabi sa iyo, ngunit hindi ka naniwala sa Akin. Ipinagpilitan mong makakuha ng paliwanag mula sa kanila, makakuha ng patas na salita, ng salita ng papuri at pagkilala mula sa kanilang mga bibig. Tumanggi kang sumunod sa mga prinsipyo at pamantayang sinabi sa iyo ng Diyos, kaya karapat-dapat kang madamay sa kanila hanggang sa ikaw ay mamatay. Sa huli, mapupuksa si Satanas, at mapupuksa kang kasama nito, nagiging handog para sa libing nito. Dapat lang ito sa iyo! Sino ba ang pumilit sa iyong sumunod kay Satanas? Sino ba ang pumilit sa iyong maghangad ng paliwanag mula kay Satanas? Sino ang pumilit sa iyong maging sobrang hangal? Binigyan ka ng Diyos ng karunungan, ngunit hindi mo ito ginamit. Binigyan ka Niya ng mga prinsipyo, ngunit hindi mo sinunod ang mga iyon. Ipinagpilitan mong gawin ang sarili mong kagustuhan, makipaglaban sa mga taong iyon gamit ang sarili mong isipan, mga talento, at mga kaloob. Kaya mo bang talunin ang diyablo? Higit pa rito, ang paglaban sa diyablo ay hindi ang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Ang ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos ay ang sumunod sa Kanyang daan, hindi ang makipaglaban sa diyablo. Walang saysay na makipaglaban ka rito. Hindi ito inaalala ng Diyos. Kahit pa matalo mo ito, hindi ka magtatamo ng kaligtasan. Nauunawaan mo na ba ngayon? Samakatuwid, sa industriya at komunidad ng politika, kailangan mong tandaan ang mga prinsipyong ito na nararapat sundin ng mga tao. Marahil kayong mga kasalukuyang full time na gumagawa sa inyong tungkulin ay mag-iisip na hindi makatotohanan at medyo malayo sa inyo ang mga salitang ito. Ngunit kahit papaano man lang, pinahihintulutan ka ng mga itong malaman kung ano ang politika, kung paano mo dapat tratuhin ang politika, kung paano mo titingnan ang mga taong namumuhay sa mga politikal na komunidad o naghahangad ng mga politikal na plano, at kung paano sila tutulungang tumugon sa kanilang mga problema kung sumasampalataya sila sa Diyos. Ang mga ito ang mga pinakapangunahing bagay na dapat ninyong malaman. Sa sandaling lubos mong maunawaan at matanggap ang mga prinsipyong ito, matutulungan mo sila, at kapag nakaharap ka ng gayong mga tao, mapangangasiwaan at malulutas mo ang kanilang mga suliranin gamit ang mga kaukulang prinsipyo. Kung gayon, itigil na natin dito ang ating pagbabahaginan tungkol sa paksa ng paglayo sa politika. Paalam!

Hunyo 18, 2023

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 20

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito