Paano Hangarin ang Katotohanan (22)
Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos marinig ang mga pahayag at nilalaman tungkol sa mga katangian ng pagkatao na ibinahagi nitong nakaraang panahon? Mas malinaw na ba sa inyo ang mga katangian ng mga taong tunay na nagtataglay ng pagkatao? (Mas naging malinaw na ito sa amin nang kaunti kaysa dati.) Kaya, pagkatapos marinig ito, nakabuo ba kayo ng anumang kongklusyon tungkol sa kung ano ang mga pangunahing katangian ng mga taong nagtataglay ng mga katangian ng pagkatao? Nakikita ba ninyo kung ano ang mga katangian ng pagkatao ng isang tao batay sa mga detalye at partikular na bagay na ibinahagi? (Sa pamamagitan ng pagbabahagi ng Diyos kamakailan, nauunawaan ko na ngayon na ang mga taong may mga katangian ng pagkatao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, at may kakayahang kumilatis ng tama sa mali.) Ang isang tao na nagtataglay ng mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanyang pagkatao ay tumitingin sa mga tao at mga bagay, at umaasal at kumikilos, batay sa pundasyon ng kanyang konsensiya at katwiran. Ang mga pananaw niya sa mga tao at ang mga prinsipyo niya para sa sariling asal ay nakabatay sa pundasyong ito ng konsensiya at katwiran. Napakatumpak nito, hindi ba? (Oo.) Ang isang tao na hindi nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay may ilang partikular na katangian pagdating sa mga pananaw niya sa mga tao at sa mga prinsipyo niya para sa sariling asal. Samantala, ang mga taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay mayroon ding ilang partikular na katangian pagdating sa mga pananaw nila sa mga tao at sa mga prinsipyo nila para sa sariling asal, at ang mga katangiang ito ay hindi hungkag kahit kaunti; aktuwal na ibinubunyag at ipinapamalas ang mga ito sa pang-araw-araw na buhay ng mga taong may konsensiya at katwiran. Anumang kapanahunan o uri ng panlipunang kapaligiran ang ginagalawan ng isang tao, kung nagtataglay siya ng konsensiya at katwiran, isasabuhay niya ang ilang katangian ng pagkatao. Sa bawat bagay sa buhay niya, o sa karamihan ng mga bagay na kinasasangkutan ng mga kaisipan at pananaw at mga prinsipyo para sa sariling asal, malinaw niyang ibubunyag ang mga katangian ng konsensiya at katwiran; hindi ito isang bagay na hungkag kahit kaunti. Suriin ninyo ito batay sa mga tao sa paligid ninyo—hindi ba’t ganito ang kaso? (Oo.) Kapag nagtataglay ang isang tao ng konsensiya at katwiran, magkakaroon siya ng mga pagpapamalas ng pagkamatuwid at kabaitan. Dahil inuudyukan at pinakikilos siya ng kanyang konsensiya, magkakaroon siya ng ilang partikular na hangganan sa kung paano siya umaasal at kumikilos, at dahil sa paggana ng kanyang katwiran at sa pumipigil na epekto nito sa kanya—o sa loob ng mga hangganan ng kanyang katwiran—magkakaroon siya ng mga partikular na pagpapamalas at partikular na pagsasabuhay. Kaya, para matukoy kung nagtataglay ba ang isang tao ng konsensiya at katwiran, tingnan ninyo ang mga aktuwal na pagpapamalas niya; tingnan ninyo kung ang mga karaniwang pananaw, prinsipyo, at hangganan niya sa kung paano siya tumitingin sa mga tao at mga bagay, at umaasal at kumikilos, ay naayon ba sa mga pamantayan ng konsensiya at katwiran, at kung ang pinakamababang hangganan niya ay nasa loob ng mga hangganan ng konsensiya at katwiran at nasa ilalim ng kontrol ng kanyang konsensiya at katwiran. Kung hindi gumagana ang konsensiya at katwiran ng isang tao kapag tumitingin siya sa mga tao at mga bagay, at kapag umaasal at kumikilos siya, at kung siya mismo ay hindi nakokontrol at napipigilan ng kanyang konsensiya at katwiran, madalas niyang ipapakita ang kanyang sarili na sumasalungat sa konsensiya at katwiran, o na nawalan na siya ng kanyang konsensiya at katwiran. Sa pang-araw-araw na buhay, ang ipinapamalas at isinasabuhay ng taong ito ay kawalan lang ng konsensiya at kawalan ng katwiran. Kapag nahaharap siya sa mga usapin, naglilitanya lang siya ng mga baluktot na pangangatwiran, at ang mga kaisipan at pananaw niya ay partikular na sukdulan, sarado, at hindi normal. Hindi siya maingat sa paraan ng pagsasalita niya, at nabibigo siyang kumilala sa pagitan ng mga tagaloob at tagalabas kapag nagsasalita; ang lahat ng sinasabi niya ay walang katuturan at magulo. Ang mga kilos din niya, kadalasan, ay lumalampas sa mga hangganan ng katwiran, walang mga prinsipyo, mga hangganan, at lalong walang karunungan, at partikular na nagpapakita ng pagkamainitin ng ulo; gumagawa lang siya ng mga hangal at mangmang na bagay. Nakikisalamuha man sa iba o nangangasiwa ng mga usapin, hindi niya kailanman mahanap ang mga tamang prinsipyo o direksyon, lalong wala siyang anumang mga prinsipyo o hangganan sa kung paano siya umaasal. Hindi niya alam kung paano umasal; hindi niya alam kung ano ang ibig sabihin ng umasal o kung anong uri ng tao ang dapat niyang subukang maging, at hindi rin niya alam kung ano ang tunay na buhay o kung anong uri ng landas ang dapat lakaran ng mga tao. Wala siyang anumang konsepto sa mga bagay na ito sa puso niya; nagpapalipas siya ng mga araw niya sa kalituhan, nang walang anumang mga layon o anumang direksyon. Sa tuwing nahaharap siya sa isang bagay, iniraraos lang niya ito, hindi makakuha ng anumang karanasan o mga aral mula rito, o matuto ng anumang mga tamang landas ng pagsasagawa. Kahit gaano pa siya katagal mabuhay, palagi siyang nananatiling lito at magulo ang isip. Nagtataglay ba ng konsensiya at katwiran ang gayong mga tao? (Hindi.) Tila namumuhay sila nang medyo masaya at maginhawa araw-araw, kumikilos na parang isang hangal na walang inaalala, nang hindi nakakaranas ng anumang mga paghihirap. Pero kapag nahaharap sila sa mga usapin, habang mas kinasasangkutan ang mga usaping ito ng mga kaisipan, pananaw, at mga prinsipyo para sa sariling asal, mas naguguluhan sila at mas hindi nila alam ang gagawin. Lalo na kapag nahaharap sila sa mga komplikadong tao, pangyayari, at bagay, wala sila kahit ng pinakapangunahing karunungan, katalinuhan, at mga prinsipyo para sa sariling asal. Maging sa IQ man o sa mga prinsipyo para sa sariling asal, nagkukulang ang gayong mga tao sa pagtataglay ng mga katangian ng pagkatao. Sa pamumuhay sa mundong ito, haharap ang mga tao sa lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay, pati na rin sa malalaki at maliliit na usapin sa buhay. Ang isang tunay na tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran; kapag nahaharap siya sa mga tao, pangyayari, at bagay na ito, mayroon siyang mga prinsipyo, at nagtataglay siya ng ilang medyo tama at positibong kaisipan at pananaw. Higit pa rito, kapag pinangangasiwaan ang mga tao, pangyayari, at bagay na ito, gagawa siya ng mga paghusga sa loob ng mga hangganan ng pagkamakatwiran. Kahit pa hindi niya tinanggap ang gawain ng Diyos at hindi niya nauunawaan ang katotohanan, gagawa pa rin siya ng mga paghusga at pangangasiwaan pa rin niya ang mga usaping ito sa loob ng mga hangganan ng konsensiya at katwiran. Hindi lito o magulo ang isip niya kapag nahaharap siya sa mga sitwasyon, kundi sa halip ay inuudyukan at pinipigilan siya ng kanyang konsensiya at katwiran, kaya magkakaroon siya ng mga pangunahing prinsipyo ng sariling asal para sa pangangasiwa sa mga usaping ito. Bukod sa pagkamatuwid at kabaitan, ang isa pang pinakamalinaw na katangian ng mga tao na nagtataglay ng mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao ay ang pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan. Nagbahagi Ako nang kaunti tungkol sa pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan noong nagbabahagi Ako tungkol sa mga pagpapamalas ng pagkamatuwid at kabaitan noon. Bukod sa ibinahagi Ko noon, marami pang nilalaman na mas partikular, at iyon ang sunod nating pagbabahaginan ngayon.
Dahil ang isang taong nagtataglay ng konsensiya at katwiran ay may gumaganang konsensiya at nagtataglay rin ng katwiran, tiyak na malinaw siyang magtataglay ng katangian ng pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan sa kanyang pag-asal. Una, pag-usapan natin ang ilang pagpapamalas o kasabihan tungkol sa pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan na naranasan ninyo sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, may ilang malaswang salita na hindi mo kayang sabihin; ang ideya ng pagsasabi ng gayong mga bagay ay nakakahiya para sa iyo—ito ba ay pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan? (Oo.) At may ilang bagay na pangit at buktot; hindi maaaring ilantad ang mga ito sa publiko, at hindi mo kayang gawin ang mga ito—ito ba ay pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan? Kapag gumagawa ka ng mga kahiya-hiyang bagay, nakakaramdam ka ng pagsisisi sa iyong puso at kinamumuhian mo ang iyong sarili—ito ba ay pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan? (Oo.) Ano pa ang ibang mga pagpapamalas? (Ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay nagpapahalaga sa kanilang pride, at marunong makaramdam ng kahihiyan kung kinakailangan.) Ang mga ito ay mga bagay na maiisip ng sinuman. Ano ang isa pang paraan para sabihin ang “pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan”? (Pagkakaroon ng hiya.) Sa pang-araw-araw na buhay, hindi ba’t madalas nating sabihin, “Hindi ka ba nahihiya?” (Oo.) Ano ang pangunahing kinasasangkutan ng pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan? Kinasasangkutan ba ito ng integridad at dignidad? (Oo.) Kapag ang isang tao ay may pagkaramdam ng kahihiyan, partikular niyang pinapahalagahan ang sarili niyang integridad at dignidad. Hindi niya isusuko ang kanyang integridad o gagamitin ang kanyang dignidad kapalit ng mga bagay na itinuturing ng mga tao na mabuti o mga bagay na kapaki-pakinabang sa kanyang sarili. Sa isang banda, ang pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan ay nangangahulugan ng pangangalaga sa integridad at dignidad ng isang tao kahit pa mangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng mga personal na interes. Gumagana ang konsensiya ng mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan kapag kumikilos sila; ibig sabihin, sa paningin ng iba, mayroon silang medyo higit na integridad at dignidad. Sa kanilang pananalita at mga kilos, wala silang itinatago at sila ay bukas at tuwiran. Hindi sila gumagawa ng mga kasuklam-suklam at maruruming bagay, at ang mga prinsipyong sinusunod nila o ang pangangatwirang ipinapahayag nila ay makakayanan ang pagsisiyasat ng mga tao; hindi sila pinupuna ng iba kapag nakatalikod sila o ginagawan ng mga tsismis. Ibig sabihin, kung ang isang tao ay may pagkaramdam ng kahihiyan, ang kanyang mga paraan at metodo ng paggawa ng mga bagay ay magiging medyo bukas at tuwiran. Hindi niya sinusubukang gumawa ng anumang kahina-hinalang bagay, at hindi siya kasuklam-suklam o marumi. Ang mga hangganan para sa mga kilos ng gayong mga tao at ang mga paraan ng kanilang pagkilos ay karaniwang nasa loob ng mga hangganan ng konsensiya at katwiran. Ang mga prinsipyo at paraan ng pag-asal ng mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan, at ang mga layong itinatakda nila para sa kanilang sariling asal, ay ganitong-ganito. Bukod sa mga bagay na ito, ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay tiyak na may ilang partikular na pagpapamalas, at nagsasabuhay at nagbubunyag ng ilang partikular na bagay. O, sa ilang usapin, nagtataglay sila ng ilang medyo positibong kaisipan at pananaw, at umaasal at kumikilos sila sa ilalim ng gabay ng mga positibong kaisipan at pananaw na ito. Halimbawa, kapag naghahalal ang iglesia ng mga lider sa lahat ng antas, dahil ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay may mga tiwaling disposisyon, minamahal nila ang katayuan at may mga ambisyon sila tulad ng sinuman; gusto rin nilang tingalain, at gusto nilang magkaroon ng katayuan at mataas na prestihiyo sa gitna ng mga tao—kapareho sila ng lahat ng iba pa sa bagay na ito. Gayumpaman, ang paraan ng isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan para magkamit ng katayuan ay hindi sa pamamagitan ng pagsubok sa lahat ng paraan para magpakitang-gilas at ipagmalaki ang kanyang sarili upang makuha ang mataas na pagtingin ng mga kapatid, o sa pamamagitan ng walang-hiyang pakikipag-agawan sa iba, gamit ang mga hindi karaniwang pamamaraan o mga hindi marangal na paraan para gumawa ng maruruming bagay. Sa halip, gusto niyang mahalal bilang isang lider batay sa kanyang mga tunay na abilidad; halimbawa, sa pamamagitan ng pagkamit ng ilang resulta sa isang propesyonal na larangan gamit ang kanyang mga kalakasan o ang pagtitiis ng paghihirap at pagbabayad ng halaga—o, sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa pamamagitan ng maayos na pagsasabuhay ng kanyang pagkatao—upang makuha ang pagkilala ng karamihan sa mga kapatid, at sa gayon ay mahalal bilang isang lider. Kung hindi siya mahahalal, makakaramdam din siya ng kaunting hinanakit sa loob-loob niya. Ang hinanakit na ito ay isang normal na pagbubunyag ng katiwalian, at isang napakanatural na pagpapamalas ng tiwaling sangkatauhan. Pero nagagawa niyang harapin nang tama ang usaping ito: “Ang katunayan na hindi ako inihalal ng mga tao ay nagpapakita na nagkukulang pa rin ako. Marahil ay mayroon pa rin akong mga pagkukulang sa ilang larangan. Hindi ako nahalal—hindi ko dapat ipilit na makipag-agawan ngayon para dito. Kahit papaano man lang, dapat mayroon akong mga kanais-nais na katangian pagdating sa kakayahan, pagkatao, o kapabilidad sa gawain para ihalal ako ng mga tao. Kung hindi ako mahahalal dahil sa kawalan ng anumang kanais-nais na katangian, pero walang-kahihiyan pa rin akong magpupumilit na maging isang lider, magiging napakawalang-dangal niyon!” Bagama’t nakakaramdam siya ng kaunting pagkadismaya at lungkot sa loob-loob niya pagkatapos matalo sa halalan, kaya niyang pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili, at makita kung anong mga pagkukulang at kakulangan ang mayroon siya. Pagkatapos ay tinitingnan niya kung anong mga kalakasan talaga ang mayroon ang taong nahalal, kung bakit inihalal ng mga kapatid ang taong iyon, sa anong mga aspekto nito mas mahusay na ginagawa ang gawain kaysa sa kanya, at sa anong mga paraan mas mahusay ang kakayahan ng taong iyon kaysa sa kanya. Ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay haharapin ang usaping ito nang makatwiran; pagkatapos matalo sa halalan, hinding-hindi siya lalaban, magrereklamo, manghuhusga, o magmumura. Hinding-hindi niya gagawin ang mga bagay na ito. Bakit hindi niya gagawin ang mga bagay na ito? Dahil ang ganitong uri ng tao ay nagtataglay ng katwiran. Kahit kapag nakakaranas siya ng ilang dagok at kabiguan, hindi nawawala ang kanyang katwiran; namumuhay pa rin siya sa loob ng mga hangganan ng katwiran. Kaya, haharapin niya ang kasalukuyang usapin nang makatwiran. Kahit na udyukan o pakilusin siya ng kanyang mga tiwaling disposisyon na makaramdam ng sama ng loob, maging negatibo, o makaramdam pa nga ng kaunting pagtutol, dahil nagtataglay siya ng katwiran, mabilis niyang aayusin ang kanyang mentalidad at kalagayan sa loob ng maikling panahon, at pagkatapos ay haharapin nang makatwiran ang usapin ng pagkatalo sa halalan. Hindi siya makikipag-agawan para sa posisyon ng lider, ni gagamit ng mga palihim na pamamaraan o metodo para makamit ang kanyang layon; hindi siya gagawa ng mga bagay na lumalampas sa limitasyon. Ibig sabihin, sa paningin ng iba, ang taong ito ay katulad ng ibang mga tao na may mga tiwaling disposisyon: Minamahal din niya ang katayuan at may ambisyon at pagnanais siyang makamit ito, pero ang pagmamahal niya sa katayuan at ang paraan niya ng pagkamit nito ay napapaloob sa saklaw na kinokontrol ng katangian ng pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan sa loob ng kanyang pagkatao. Hindi siya gagamit ng mga hindi karaniwang pamamaraan para magkamit ng katayuan, ni magpapakitang-gilas para sa katayuan o para tugunan ang kanyang ambisyon at pagnanais, nagsasabi ng mga walang-kahihiyang bagay para makuha ang mataas na pagtingin. Hinding-hindi niya sasabihin o gagawin ang gayong mga bagay. Sa halip, tahimik siyang nagsisikap sa paghahangad sa katotohanan at paggampan ng kanyang tungkulin. Mas marami siyang ginagawa at mas kaunti ang sinasabi niya, ginagawa ang kanyang pinakamakakaya para pigilan ang kanyang ambisyon at pagnanais para sa katayuan. Umaasa siyang magkakamit siya ng mga resulta at makakagampan nang mas mahusay sa pamamagitan ng sarili niyang mga pagsisikap, inihahanda ang sapat na tayog para sa kanyang sarili upang matugunan ang mga kondisyon para sa paglilingkod bilang isang lider o isang manggagawa. Umaasa rin siya na ang kanyang mga pagsisikap ay makikita at kikilalanin ng mga kapatid, at na maaari siyang mahalal bilang isang lider sa hinaharap. Kahit pa ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay may ambisyong mahalal bilang isang lider, gumagawa pa rin siya ng mga medyo makatwirang bagay na nasa loob ng mga hangganan ng konsensiya at katwiran. Sa madaling salita, kahit pa mayroon siyang mga ambisyon ng tiwaling sangkatauhan, pinapahalagahan pa rin niya ang kanyang integridad at dignidad; nang hindi isinusuko ang kanyang integridad at dignidad, gumagawa siya ng mga bagay na itinuturing na tama, wasto, at medyo positibo ayon sa mga kaisipan at kuru-kuro ng tiwaling sangkatauhan. Kaya, ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay partikular na malinaw na ipinapakita ang pagkaramdam ng kahihiyang ito kahit sa harap ng katayuan at pagnanais. Kahit pa minamahal niya ang katayuan at gusto niyang maging isang lider, pinapahalagahan pa rin niya ang kanyang integridad at dignidad; ibig sabihin, ang kanyang mga kaisipan at pananaw tungkol sa gayong mga usapin, pati na rin ang kanyang mga paraan at prinsipyo ng pagkilos, ay medyo makatwiran at positibo. Una, hindi siya nag-iimbento ng mga katunayan para mapanlinlang na makuha ang tiwala o mataas na pagtingin ng mga tao; dagdag pa rito, hindi siya gumagamit ng matatamis na salita o isang huwad na panlabas na anyo na maaaring makalansi sa mga tao na magustuhan siya upang makuha ang mataas na pagtingin ng mga ito. Kahit pa minamahal niya ang katayuan at gusto niyang mahalal bilang isang lider, hindi siya nag-iimbento ng mga bagay, nanlilinlang, o gumagamit ng mga taktika. Naniniwala siya na ang pangunahing prinsipyo na dapat niyang pinakasundin ay ang gumawa ng mga bagay sa isang praktikal na paraan, buong-tiyagang inilalaan ang kanyang sarili na gawin ang anumang hinihingi ng Diyos at anuman ang tama, nagsusumikap na gawin ito nang maayos, at naglalaan ng higit na pagsisikap sa katotohanan. Iniisip niya, “Kung mas nauunawaan ko ang katotohanan at alam ko kung paano magbahagi tungkol sa katotohanan, hindi ba’t ihahalal ako ng mga kapatid bilang isang lider?” Umaasa siyang makakuha ng pagkilala sa pamamagitan ng sarili niyang mga pagsisikap, sa pamamagitan ng praktikal na pagsasabuhay ng mga pagpapamalas na ito ng konsensiya at katwiran, sa halip na sa pamamagitan ng pag-iimbento. Sa pang-araw-araw na pananalita, gusto niyang magkamit ng pagkilala sa pamamagitan ng pag-asa sa kanyang mga tunay na abilidad, aktuwal na talento, at praktikal na gawain, at pagkatapos ay magkaroon ng oportunidad na mahalal bilang isang lider. Kaya, sa tingin mo ba ay mayroong pagkaramdam ng kahihiyan ang gayong mga tao? (Oo.) Masasabi ba ninyo na isa itong obhetibong pagsusuri sa ganitong uri ng tao? (Oo.) Sa anong paraan ito obhetibo? (Bagama’t minamahal din ng ganitong uri ng tao ang reputasyon at katayuan, at may mga ambisyon at pagnanais siya, kaya pa rin niyang gamitin ang mga pamantayan ng konsensiya para pigilan ang kanyang sarili, at pinapahalagahan niya ang kanyang integridad at dignidad. Hindi siya nakikibahagi sa pagpapanggap o panlilinlang para makuha ang mataas na pagtingin at tiwala ng mga tao; sa halip, gusto niyang magkamit ng pagkilala sa pamamagitan ng tunay na pagbabayad ng halaga at paglalaan ng pagsisikap. Pakiramdam ko, kung ihahambing, ang gayong mga tao ay may kaunting pagkaramdam ng kahihiyan.) Kung, sa harap ng katayuan, ang isang tao ay wala man lang mga pagpapamalas ng konsensiya at katwiran, pero sinasabi pa rin ng mga tao na mayroon siyang pagkaramdam ng kahihiyan, hindi ba’t hungkag at hindi praktikal ang mga salitang ito? (Oo.) Kung gayon, sa anong mga sitwasyon nagiging obhetibo at hindi hungkag na sabihing may pagkaramdam ng kahihiyan ang isang tao? Ito ay kapag tunay siyang nagtataglay ng mga pagpapamalas ng pagkakaroon ng konsensiya at katwiran kapag nahaharap sa mga usapin, na kinabibilangan ng pagpapamalas ng pagkaramdam ng kahihiyan na matatagpuan sa normal na pagkatao. Ang pagkaramdam ba ng kahihiyan ay isang bagay na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao? (Oo.)
Anong uri ng mga pagpapamalas mayroon ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan kapag nasa gitna siya ng ibang mga tao? Kumikilos siya nang praktikal. Hindi siya umaasa sa mga pamamaraan tulad ng panunuyo at pagpuri, pagbuo ng mga paksyon, panunulsol sa iba, pag-iimbento ng mga bagay-bagay, paggamit ng pagpapanggap, panlilinlang, pagsisinungaling, o pagkilos nang iba sa harap ng mga tao at iba naman kapag nakatalikod sila, para makamit ang prestihiyo at katayuan na gusto niya; sa halip, tahimik at matiyaga siyang nagtatrabaho. Ano ang obhetibong katunayan dito? Iyon ay na, dahil ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay may mga tiwaling disposisyon, napakanatural nilang ipapakita ang ilang katangian, kaisipan at pananaw, at mga ambisyon at pagnanais ng tiwaling sangkatauhan; normal na normal ito. Pero sa kabila ng pagkakaroon din ng mga ambisyon at pagmamahal sa katayuan, ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay hindi gagamit ng mga hindi karaniwang pamamaraan para magkamit ng katayuan; sa halip, gusto nilang umasa sa kanilang mga tunay na abilidad para kumilos nang praktikal. Siyempre, kung ang ganitong uri ng tao ay pasok sa pamantayan pagdating sa kanyang kakayahan, pagkatao, at lahat ng iba pang aspekto, tiyak na siya nga ay mahahalal bilang isang lider. Pero sa isang panlipunang grupo o sa lugar ng trabaho, ano ang nangyayari sa huli sa mga taong ito na may konsensiya at katwiran? Bukod sa hindi sila maiaangat o mailalagay sa mahahalagang posisyon, itatakwil at susupilin pa nga sila. Hindi sila nanunuyo at nambobola, ni nagpapalakas sa mga lider o nagreregalo sa mga ito, lalong hindi nila sinusubukang makuha ang pagsang-ayon ng mga kasamahan nila. Hindi sila gumagamit ng mga panlalansi o sumusubok na manlinlang, ni gumagamit ng mga tusong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo upang mamangka sa dalawang ilog. Kung hihilingin mo sa kanila na gawin ang mga bagay na ito, palagi silang makakaramdam ng kahihiyan; hindi nila kayang pilitin ang sarili nila na gawin ang mga ito. Kung hihilingin mo sa kanila na manuyo sa mga lider at wala silang ibang sabihin kundi mabubuting bagay tungkol sa mga ito, hindi nila kayang pilitin ang sarili nila na gawin iyon, dahil wala silang nakikitang anumang mabuti sa mga lider. Kung sasalungatin nila ang tunay nilang nararamdaman at magsasabi sila ng pambobola tulad ng, “Inaasikaso ng mga lider ang napakaraming usapin araw-araw at nagpapakapagod sila para sa atin,” makakaramdam sila ng hiya, sasampalin nila ang sarili nila sa mukha kalaunan pagkatapos itong sabihin. Iniisip nila, “Ginugugol ng mga lider na ito ang buong araw sa pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya; matataba sila at mapupula ang mukha. Paano nila inaasikaso ang di-mabilang na mga usapin araw-araw? Silang lahat ay mga tiwaling opisyal na hindi gumagawa ng wastong gawain, kundi kumakain, umiinom, nambababae, at nagsusugal lang. Silang lahat ay mga diyablo na kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao!” Labis nilang kinamumuhian ang mga taong ito sa loob-loob nila at ayaw nilang salungatin ang tunay nilang nararamdaman at magsabi ng kahit isang mapambolang salita sa mga ito. Pakiramdam nila ay nakakasuka ang pagsasabi ng mga pambobola, at mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa sabihin ang mga iyon. Bagama’t medyo nadungisan na sila ng mga kalakaran sa lipunan at kaya nilang magsabi ng ilang bagay na sumasalungat sa tunay nilang nararamdaman, mayroon silang limitasyon; hindi sila lalampas sa limitasyon at magiging labis-labis. Kung magreregalo man sila at hihingi ng mga pabor para magawa ang isang bagay, ito ay dahil wala na silang ibang pagpipilian. Kapag talagang naiipit na sila sa sulok at wala nang ibang pagpipilian, saka lang nila sasalungatin ang tunay nilang nararamdaman at gagawin ang gayong bagay. Pero pagkatapos itong gawin, pagsisisihan nila ito, at mararamdaman nilang nawala ang kanilang dignidad at masyado silang nahihiya na humarap sa sinuman. Nag-iiwan ito ng marka sa kanilang mga puso, at hindi nila makakalimutan ang usaping ito sa buong buhay nila. Kapag ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay napupunta sa ilang partikular na espesyal na sitwasyon kung saan, dahil sa pagkaramdam ng kawalan ng magagawa, sa mga presyur ng buhay, o presyur mula sa labas, wala silang ibang pagpipilian kundi ang gumawa ng mga bagay na nagiging dahilan para isuko ang kanilang integridad at dignidad, nagiging mapagkukunan ito ng kahihiyan sa buong buhay nila. Sa tuwing naiisip nila ito, nakakaramdam sila ng pagsisisi at kirot sa kanilang puso, sumusumpa na hindi na muling gagawa ng gayong bagay.
Ang pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan ay isang malinaw na karakteristiko sa mga katangian ng pagkatao. Ang katangiang ito ay makakapigil sa mga tao sa paggawa ng mga bagay na nagiging dahilan para isuko nila ang kanilang integridad at dignidad, o makakatulong sa kanila na bawasan ang paggawa ng gayong mga bagay. Mapoprotektahan din nito ang mga tao mula sa paglampas sa mga hangganan ng konsensiya at katwiran, at makakatulong ito sa kanila na piliing gumawa ng mga medyo positibo at tamang bagay. Napakahalaga nito. Kahit sa harap ng katayuan, mga pansariling interes, at pera, at kahit para makaraos at manatiling buhay, ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay pinipigilan pa rin ng kanilang konsensiya at katwiran sa anumang ginagawa nila, at hindi sila lalampas sa mga hangganang ito. Kung paminsan-minsan man silang lumampas sa mga ito, at gumawa ng mga bagay na sumasalungat sa kanilang konsensiya at katwiran, na nagiging dahilan para isuko nila ang kanilang dignidad at mawala ang kanilang integridad, magiging mas matindi ang kanilang pagkaramdam ng kahihiyan, at titindi ang pagkaramdam ng paninisi mula sa kanilang konsensiya. Ito ay dahil sa sandaling lumampas ang ganitong uri ng tao sa mga hangganang itinatag ng kanyang pagkaramdam ng kahihiyan, o kumawala siya mula sa kontrol at pagpigil na ibinibigay ng kanyang pagkaramdam ng kahihiyan, mas makakaramdam pa siya ng pagkabalisa at pagkakonsensiya, at mas sisisihin pa niya ang kanyang sarili sa kanyang puso. Kaya, makikita mo na kapag ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay nasa presensya ng mga taong may katayuan at posisyon, mukha silang labis na nakahiwalay at hindi nababagay, nagbibigay pa nga sa iba ng impresyon na medyo kakatwa sila. Iyong mga ganap na walang konsensiya at katwiran ay ganap na nagkakasundo, samantalang ang mga taong may konsensiya at katwiran ay nakakaramdam ng partikular na pagkaasiwa kapag kasama nila ang gayong mga tao. Ang mga taong walang konsensiya at katwiran ay hindi nakakaramdam ng pagkabagabag sa loob-loob nila gaano man kasalungat sa mga katunayan ang kanilang mga salita, at hindi rin sila nakakaramdam ng anuman gaano man kawalang-hiya ang mga bagay na sinasabi nila. Sa kabaligtaran, dahil ang mga taong may konsensiya at katwiran ay may pagkaramdam ng kahihiyan, bukod sa hindi nila kayang pilitin ang sarili nila na sabihin ang mga bagay na ito, naiilang din sila at hindi nila matagalan na marinig ang gayong mga bagay. Kaya, ang pakikisalamuha sa mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan ay isang uri ng pagpapahirap para sa kanila. Ang pagpapahirap na ito ay nagmumula sa sarili nilang pagkaramdam ng kahihiyan sa isang banda, at sa pagtatakwil sa kanila sa kabilang banda. Dahil ang mga prinsipyo nila sa pag-asal at pangangasiwa ng mga usapin ay nagpaparamdam sa iba na sila ay napakakakaiba at isang kakatwang tao, na para bang ganap silang nakahiwalay sa mga makamundong usapin, at itinuturing silang nagmamalinis, kaya ibinubukod sila ng mga tao o lumalayo ang mga ito sa kanila. Samakatwid, ang ganitong uri ng tao ay isasantabi sa gitna ng mga walang pananampalataya, lalo na sa lugar ng trabaho; sa mga salita ng mga walang pananampalataya, ang gayong mga tao ay hindi malugod na tinatanggap saanman. Gusto ng lahat ng walang pananampalataya na umangat gamit ang lahat ng uri ng hindi karaniwang pamamaraan, ginagawa ang anumang kinakailangang paraan para makuha ang gusto nila. Sa kabaligtaran, ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay palaging gustong maghanapbuhay nang patas, makatwiran, at makatarungan, nang umaasa sa kanilang mga abilidad. Hindi ito uubra para sa kanila sa anumang panlipunang grupo, dahil ang mga panuntunan ng laro sa anumang gayong grupo ay hindi makatarungan; sa halip, sumusunod ang lahat sa mga hindi nakasulat na panuntunan. Iyong mga umaasenso at may prestihiyo ay sanay sa pamumuhay ayon sa mga hindi nakasulat na panuntunang ito, samantalang ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan, dahil pinapangalagaan nila ang kanilang integridad at dignidad, ay hindi kailanman matatanggap ang mga hindi nakasulat na panuntunang iyon ng lipunan. Hindi nila nauunawaan ang mga panuntunang ito, hindi nila gusto ang mga ito, at higit pa rito, tumatanggi silang gamitin ang mga ito. Kaya, sa loob ng mga grupo ng mga tao, habang ang iba ay maaaring iangat o hangaan ng mga lider, dahil mayroon silang pagkaramdam ng kahihiyan, palagi silang nagsasalita at kumikilos nang mahigpit na ayon sa mga panuntunan, sinasabi ang anumang nasa isip nila; kaya paminsan-minsan, napapasama nila ang loob ng mga kasamahan at mga lider nila, natatamaan ang mga kahinaan ng mga lider at nasasabi ang mismong mga salita na pinakaayaw marinig ng mga lider. Sa sandaling mapagtanto nila ito, huli na ang lahat. At ano ang nangyayari sa huli? Kahit ilang taon na silang nagsusumikap o gaano na sila katagal sa trabaho, hindi sila kailanman naiaangat o nailalagay sa mahahalagang posisyon. Para sa mga may konsensiya, katwiran, at pagkaramdam ng kahihiyan, ang pamumuhay ba sa gitna ng gayong mga tao ay kaligayahan o pagdurusa? (Pagdurusa.) Kapag hindi nila matalos ang lipunang ito at ang tiwaling sangkatauhang ito, sinusubukan nila ang lahat ng paraan para makibagay sa lipunang ito at sa mga taong kasama nila sa pamumuhay. Gayumpaman, dahil mayroon silang konsensiya at katwiran, hindi nila kayang pilitin ang sarili nila na gumawa ng mga bagay na sumasalungat sa kanilang integridad at dignidad. Kaya, kahit gaano pa nila subukan, at kahit gaano karaming pagsisikap ang ilaan nila o gaano karaming sakripisyo ang gawin nila, ang panghuling resulta ay hindi nila kailanman magawang makibagay sa lipunang ito o sa mga taong kasama nila sa pamumuhay; palagi silang hindi nababagay sa gitna ng mga taong iyon, at hindi man lang nila alam kung bakit. Sinasabi nila sa kanilang sarili, “Sobrang hindi patas ang lipunang ito. Kung hindi mo alam kung paano gumamit ng mga panlalansi o manuyo at mambola, palaging gustong pangalagaan ang iyong integridad at dignidad o makamit ang iyong mga layon, wala kang mararating sa anumang grupo ng mga tao.” Ito ang karanasang nakukuha ng mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan mula sa pamumuhay sa lipunan. Ano ang pakiramdam na naiiwan sa kanila sa huli? Gusto ba nila ang lipunang ito ng tao, o nadidismaya ba sila rito? (Nadidismaya.) Maaari lang silang madismaya. Ibinubuhos nila ang kanilang sarili sa lipunan nang puno ng pag-asa, pakiramdam nila ay ang mabubuting tao pa rin ang bumubuo sa mayorya sa lipunan, at sa lipunan ay mayroong pagiging patas, katarungan, at isang lugar kung saan maaaring ipaglaban ng mga tao ang kanilang katwiran. Pero pagkatapos magpakaabala nang napakahirap sa lipunan sa loob ng napakaraming taon, ano ang napapala nila sa huli? Ang napapala nila ay ang pagkatanto na bukod sa walang pagiging patas o katuwiran sa mundo ng tao, lihim din itong mapanira. Kapag sinunggaban ka ng isang tigre, kahit papaano ay maaari mong subukang iwasan ito; pero kapag tinugis ka ng mga tao, hindi ka man lang magkakaroon ng oportunidad na sumubok. Ito ang napagtatanto nila sa huli; sa huli ay nasisiraan sila ng loob at nadidismaya sa lipunan at sa sangkatauhan. Gusto nilang tularan ang mga taong ito sa pamamagitan ng paggamit ng mga panlalansi, panunuyo at pambobola, pakikipaglapit sa mga lider at nakatataas, pagbibigay ng mga regalo, at pagkuha ng pagsang-ayon ng mga tao, pero kahit paano nila subukan, hindi nila kailanman matututunan kung paano gawin ang mga bagay na ito; hindi man lang sila makapagsabi nang maayos ng ilang mapambolang salita, at kapag sumusubok sila, napapahiya sila at nagiging katatawanan. Gayumpaman, sa pamumuhay sa lipunang ito, wala silang ibang pagpipilian kundi ang kumilos nang ganito. Araw-araw, ang kanilang konsensiya ay puno ng pag-aakusa sa sarili at pagkaramdam ng pagkabalisa. Pakiramdam nila ay wala silang pag-asa sa buhay; ang lahat ay mabigat sa isipan o nakakapagpahirap, at nakakaramdam sila ng pagkabigo araw-araw. Ang pagharap sa iba’t ibang isyu na lumilitaw sa lipunang ito at sa grupong ito ng mga tao ay napakahirap para sa kanila, at ang paghihirap na ito ay nagbibigay sa kanila ng matinding pagkaramdam ng pagkabalisa sa kanilang mga puso. Bagama’t natututo silang magsabi ng ilang walang-kahihiyang bagay, o tumulad sa iba sa paggawa ng mga bagay na sumasalungat sa kanilang konsensiya at katwiran, sa loob-loob nila ay nakakaramdam sila ng pagkabalisa, pati na rin ng paninisi sa sarili at pag-aakusa sa sarili. Habang mas nakakaramdam sila ng pagkabalisa sa loob-loob nila, mas kinamumuhian nila ang lipunang ito at ang sangkatauhan sa kanilang mga puso, hindi ba? (Oo. Mararamdaman nilang hindi patas ang lipunang ito at kamumuhian nila ito.) Kamumuhian nila ang sangkatauhan at kamumuhian nila ang lipunang ito. Umaasa sila na lilitaw ang pagiging patas at katuwiran, umaasa na may lilitaw na isang tao na kayang itaguyod ang katarungan at pagiging patas, at na magkakaroon ng isang lugar kung saan maaaring ipaglaban ng mga tao ang kanilang katwiran. Pero ang mga ito ay mga kahilingan lang; hindi maaaring matupad ang mga ito sa tunay na buhay; walang lugar sa lipunan para ipaglaban ng mga tao ang kanilang katwiran. Bagama’t ang impluwensiya ng lipunang ito at ang pamumuhay sa gitna ng iba’t ibang buktot na grupo ng mga tao ay nagiging dahilan para walang-kamalayan silang madungisan ng mga bagay na pinapasikat at isinusulong ng masasamang kalakaran, o ng mga medyo uso, ang pagkaramdam ng kahihiyan sa kaibuturan ng kanilang mga puso at ang kanilang pag-aasam sa katarungan at sa mga positibong bagay ay hindi kailanman naglalaho o nagbabago. Sa kanilang mga puso, umaasa pa rin sila na lilitaw ang pagiging patas at ang katuwiran, para hindi nila kailangang umasal sa paraang salungat sa tunay nilang nararamdaman, hindi nila kailangang ipagkanulo ang sarili nilang integridad at dignidad, at hindi nila kailangang isuko ang kanilang pagkaramdam ng kahihiyan alang-alang sa paghahanapbuhay at pananatiling buhay, namumuhay at umaasal nang napakawalang-hiya. Bagama’t ang pakikihalubilo sa lipunan at sa gitna ng mga tiwaling tao nang napakatagal ay naging dahilan para madungisan sila ng ilang masamang gawi at humantong sa pag-angkop nila sa mga kalakaran sa lipunan, na ginagawang tila ba unti-unti nang nasira at natakpan ang kanilang konsensiya at katwiran, kung sila ay mga tunay na tao, hindi kailanman mawawala ang kanilang konsensiya at katwiran. Dahil hindi mawawala ang kanilang konsensiya at katwiran, palaging mananatili ang kanilang pagkaramdam ng kahihiyan. Iyon nga lang, dahil napakatagal na sa lipunan, at nakakuha na ng maraming kaalaman at natuto na ng maraming pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, nakapulot na sila ng ilang masamang gawi sa kanilang pagkatao at nakakuha ng ilang bagay ni Satanas at ng mga diyablo sa kanilang disposisyon, kaya ang kanilang konsensiya at katwiran ay medyo manhid at mabagal. Pero hangga’t sila ay mga tao, at nagtataglay sila ng mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao, palaging mananatili ang kanilang pagkaramdam ng kahihiyan—ang mga taong tulad nito ang mga maaaring maligtas.
Kapag ang isang tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, nagtataglay rin siya ng pagkaramdam ng kahihiyan. Ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay isang tao na may integridad at dignidad, at ang gayong tao ay magmamahal sa pagiging patas at sa katuwiran, at sa mga positibong bagay. Ibig sabihin, kung huhusgahan batay sa kanyang kalikasang diwa, minamahal niya ang mga positibong bagay; iyon nga lang, bago niya maunawaan kung ano ang mga positibong bagay, hindi niya alam kung ano ang dapat o hindi niya dapat gustuhin. Sa sandaling maunawaan niya kung ano ang mga positibong bagay at mga negatibong bagay, ang kanyang kagustuhan para sa mga positibong bagay ay nagiging mas partikular at tumpak. Kung ang isang tao ay nagtataglay ng konsensiya at katwiran, ang isang pangunahing pagpapamalas ng kanyang mga katangian ng pagkatao ay ang pagmamahal sa pagiging patas at sa katuwiran. Umaasa siya na, habang namumuhay sa gitna ng iba, maaari siyang tratuhin nang patas, nang hindi kinakailangang gumamit ng mga taktika o panlilinlang, at nang hindi kinakailangang sumunod sa anumang di-hayagang panuntunan. Umaasa siya na ang mga pakikisalamuha sa pagitan ng mga tao ay magiging patas at na ang mga tao ay matatrato nang makatarungan. Ibig sabihin, umaasa siya na ang mga bagay-bagay ay maaaring maging diretsahan at malinaw: Kung may ginawa kang mali, may ginawa kang mali, at dapat mong matanggap ang kaparusahang nararapat sa iyo, samantalang kung wala kang ginawang anumang mali at nakagawa ka ng kontribusyon, dapat kang gantimpalaan. Kung ang mga tao ay may mga kasanayan at tunay na kaalaman at praktikal na pagkatuto, dapat silang igalang, iangat, at ilagay sa mahahalagang posisyon. Kung wala silang tunay na kaalaman at praktikal na pagkatuto, hindi sila dapat ilagay sa mahahalagang posisyon. Nasisiyahan ang mga may konsensiya at katwiran sa mga taong tulad nito, at gusto nila ang ganitong uri ng kapaligiran sa pamumuhay. Kahit pa, pagkatapos gumugol ng mahabang panahon sa lipunan, nakabuo sila ng ilang masamang gawi o tumanggap ng ilang walang-katotohanang kaisipan at pananaw sa ilalim ng impluwensiya ng masasamang kalakaran, at dumanas sila ng mga pagkabigo at bumangga sa mga pader, sa huli ay nararamdaman nila na tama lang na bumalik sa pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan. Sa kanilang mga kilos, babalik sila sa prinsipyo ng pangangalaga sa sarili nilang integridad at dignidad nang hindi nila namamalayan. Kapag ang ganitong uri ng tao ay gumugugol ng mahabang panahon sa lipunan at sa gitna ng iba at naiimpluwensiyahan ng mga ito, para itong isang piraso ng magandang jade na itinapon sa isang tambakan ng basura at tinakpan ng dumi. Kahit pa ang dumi ay napakakapal at napakarumi, ang kalikasan ng jade ay nananatiling hindi nagbabago; sa sandaling maalis ang dumi, ang lumilitaw ay jade pa rin. Samakatwid, kapag ang mga tao na nagtataglay ng konsensiya, katwiran, at pagkaramdam ng kahihiyan ay pumupunta sa sambahayan ng Diyos, ang kapaligiran sa pamumuhay roon, pati na rin ang gawaing ginagawa ng Diyos at ang mga salitang ipinapahayag Niya, ay perpektong tumutugon sa mga pangangailangan sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ano ang mga pangangailangan sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Minamahal nila ang pagiging patas at ang katuwiran, minamahal ang mga positibong bagay, kinasusuklaman ang kabuktutan, kinasusuklaman ang mga di-hayagang panuntunan ng lipunan, at kinasusuklaman ang pag-aaway-away at paninira nang patalikod sa pagitan ng mga tao. Kung ang gayong mga tao ay pupunta sa sambahayan ng Diyos, at sa pamamagitan ng pagdanas ng paglalantad, paghatol, at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay pagdaan sa mga pagsubok at pagpipino ng Diyos, at sa huli, pagpapasakop sa mga salita ng Diyos at pagtanggap sa paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita, unti-unti nilang iwawaksi ang iba’t ibang tiwaling disposisyon na ibinubunyag mula sa kanilang pagkatao, pati na rin ang karaniwang dumi at masasamang gawi sa loob nila, kung gayon ay magiging mga bagong tao sila. Ibig sabihin, sa sandaling matugunan ng mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ang pangunahing pamantayang ito ng pagkatao—ang pagtanggap sa katotohanan, pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, at pagtingin sa mga tao at mga bagay, at pag-asal at pagkilos, ayon sa mga salita ng Diyos—kaya nila, batay sa mga salita ng Diyos, na makilala ang kanilang mga tiwaling disposisyon at iba’t ibang maling kaisipan at pananaw, pati na rin ang kanilang mga maling paraan ng pag-asal at ang mga maling landas na pinili nila. Natutunan man ng isang tao ang mga bagay na ito mula sa lipunan o direktang nagmula ang mga ito sa katiwalian ni Satanas, kung nagtataglay siya ng pagkaramdam ng kahihiyan, pagkatapos tanggapin ang mga salita ng Diyos, magagawa niyang isagawa ang katotohanan at unti-unting iwaksi ang mga tiwaling disposisyong ito, at sa gayon ay magkakaroon siya ng malaking pag-asa na matamo ang kaligtasan.
Kung ang isang tao ay walang pagkaramdam ng kahihiyan, sadyang hindi niya taglay ang pangunahing kondisyong ito ng pagkatao—ang pagtanggap sa mga salita ng Diyos, pagpapasakop sa mga salita ng Diyos, at pagtingin sa mga tao at mga bagay, at pag-asal at pagkilos, ayon sa mga salita ng Diyos. Bakit hindi niya natutugunan ang pangunahing kondisyong ito? Dahil ang mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan ay hindi tutol sa mga negatibong bagay, sa iba’t ibang masasamang kalakaran ng lipunan, o sa mga pilosopiya ni Satanas; sa halip, mahilig sila sa mga bagay na ito, at kaya pa nga nilang tanggapin, isulong, at ipakalat ang mga pananaw na ito. Hindi nila nararamdaman na kahiya-hiya ito, ni nararamdaman na salungat ito sa konsensiya at katwiran. Ibig sabihin, wala silang nararamdamang anumang kahihiyan. Paano man sila gumamit ng mga taktika o gumawa ng mga bagay na salungat sa tunay nilang nararamdaman, hindi sila nakakaramdam ng hiya. Ang mga taong may pagkatao at pagkaramdam ng kahihiyan ay nakakaramdam ng hiya para sa kanila, pero bukod sa hindi man lang nakakaramdam ng pagkasuklam sa paggawa ng mga bagay na ito ang mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan, ang totoo ay nagpapakasaya pa sila sa mga ito. Ang mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan ay komportableng-komportable sa malaking poso negro na siyang lipunan, nang walang anumang pagkaramdam ng pagkasuklam o pagkamuhi—ito mismo ang lugar kung saan sila naglalaro. Kinamumuhian nila ang pagiging patas at ang katuwiran, at kinamumuhian din nila kapag tinatrato sila ng iba sa makatarungang paraan. Sadyang gusto nila ang mga hindi patas at hindi makatarungang paraang ito sa lipunan, dahil nagbibigay ito sa kanila ng oportunidad na makuha ang gusto nila sa pamamagitan ng iba’t ibang hindi wastong pamamaraan. Pakiramdam nila ay napakaganda ng kawalan ng katarungan, at na ang mga masasamang kalakaran at mga di-hayagang panuntunang ito ay kamangha-mangha. Bakit nila iniisip na napakaganda ng mga ito? Dahil ang iba’t ibang kalakaran at mga di-hayagang panuntunan ng buktot na mundong ito ng tao ay nagtutulot sa kanila na makuha ang anumang gusto nila, tinutugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, pati na rin ang iba’t iba nilang buktot na hinihingi. Kaya, pakiramdam nila ay kamangha-mangha ang mundong ito. Kung lilitaw ang pagiging patas at ang katuwiran sa lipunan, wala silang magiging puwang para manatiling buhay at hindi nila maisasakatuparan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais. Mismong dahil hindi patas ang lipunan at may mga di-hayagang panuntunang ito, kaya mayroon silang oportunidad na umasenso at maging nakatataas sa iba. Kung mayroong pagiging patas at katuwiran ang mundong ito, hindi makaaangat ang mga buktot na taong ito na walang pagkaramdam ng kahihiyan. Samakatwid, kapag nakakarinig sila ng mga salita ng pagiging patas at katuwiran, labis silang nasusuklam sa mga ito at sumasabog sila sa galit. Sa kabaligtaran, kapag ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay nakakarinig ng mga salita ng pagiging patas at katuwiran, nararamdaman nila sa kanilang mga puso na ang buhay ay puno ng liwanag, at mayroon silang pag-asa. Sa pagkakita sa liwanag, napapalaya ang kanilang mga puso. Kung nakikita nila na ang lipunan ay puno ng kabuktutan, at ang mga tao ay pawang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas at kumikilos ayon sa mga di-hayagang panuntunan, pakiramdam nila ay madilim at walang liwanag ang landas sa hinaharap. Samakatwid, para sa mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan, ang pagpapakita at gawain ng Diyos, at ang mga katotohanang ipinahayag ng Diyos, ay mismong ang kailangan ng kanilang mga panloob na mundo, at ang mga ito rin ang kinauuhawan at inaasahan nila sa kanilang mga puso. Ang pagpapakita ng Diyos, ang gawain ng Diyos, at ang katunayan na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos ay nagtutulot sa mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan at mga katangian ng pagkatao na makakita ng pag-asa at makakita ng liwanag. Pagkatapos pumunta sa sambahayan ng Diyos, bagama’t ang kanilang mga tiwaling disposisyon pa rin ang namamahala kapag nagsasalita at kumikilos sila, inaasam nila ang mga positibong bagay sa kanilang mga puso at handa silang tanggapin ang katotohanan. Pagdating sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao, pinamamahalaan sila ng konsensiya at katwiran, mapipigilan ang kanilang mga salita at kilos, at kaya nilang kilalanin ang kanilang sarili kapag nagbubunyag sila ng katiwalian. Kung magagawa nilang maunawaan ang katotohanan at kumilos ayon sa mga prinsipyo, puwede nilang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos. Sa pamumuhay sa sambahayan ng Diyos, nakakaramdam sila ng pag-asa; nakikita nila ang isang maliwanag na kinabukasan sa hinaharap, at ang kanilang mga puso ay napupuno ng pag-asa. Sa tuwing sinasabi na “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, matuwid ang Diyos, at saanman maghari ang Diyos ay mayroong pagiging patas at katuwiran,” ang mga taong may konsensiya at katwiran ay nakakaramdam ng kagalakan at kaalwanan sa kanilang mga puso, at siyempre, inaasam din nila ito. Ano ang ibig sabihin ng “pag-aasam”? Nangangahulugan ito na kapag sinasabi na “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos,” nakakaramdam sila ng kaligayahan at paglaya sa kanilang mga puso; sa kaibuturan, tumutugon sila ng amen sa mga salitang ito, at nakakaramdam sila ng isang uri ng kasiyahan. Kapag sinasabi na “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at saanman gumagawa ang Diyos, naghahari ang pagiging patas at katuwiran,” ang mga tao na nagtataglay ng mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao ay nakakaramdam ng labis na pagkakontento sa loob-loob nila. Ang dalawang pahayag na ito ay nagbibigay ng direksyon sa kanilang mga buhay at tumutugon din sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao. Maaaring hindi tiyak na nakakaunawa sila ng maraming katotohanan, at maaaring hindi tiyak na kaya nilang isagawa ang marami sa mga salita ng Diyos, pero ang marinig lang ang pariralang “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos” ay nagpaparamdam sa kanila ng labis na kaalwanan at pagkakontento sa kanilang mga puso. Ang pariralang ito ay malalim ang epekto sa kanila at umaantig sa kanilang mga puso; ito ay isang pagpapamalas ng mga pangangailangan ng kanilang pagkatao. Ang saloobin ng isang tao sa pariralang ito at kung ano ang nararamdaman niya sa kaibuturan ng kanyang puso ay maraming ibinubunyag tungkol sa kanyang diwa at klasikipasyon. Tingnan mo, kapag naririnig ng mga Satanas at mga diyablo na “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos,” nakakaramdam sila ng pagkasuklam: “Anong ibig mong sabihing ‘ang katotohanan ang naghahari’? Hindi ko nakikitang naghahari ang katotohanan!” Kapag naririnig nila na “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos,” pakiramdam nila ay kinokondena sila nito at pinagbabantaan ang kanilang mga buhay, kaya nasusuklam sila rito; ganito ang reaksiyon ng mga Satanas at mga diyablo kapag naririnig nila ang mga salitang ito. Sa kabaligtaran, kapag naririnig ng mga taong magulo ang isip at sa mga hayop ang mga salitang ito, kinikilala nila sa salita na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, pero wala silang nararamdaman na anuman sa kanilang mga puso. Hindi sila nakakaramdam ng kaligayahan o kagalakan, at hindi rin sila nakakaramdam ng anumang malalim na epekto. Bagama’t kaya nilang sumang-ayon sa pahayag na ito at hindi nila ito tinututulan, hindi ito isang bagay na kailangan nila sa kanilang mga puso. Pero ang isang tunay na tao ay naiiba. Inaasam at kinauuhawan niya ang pagiging patas at ang katuwiran, kaya kapag naririnig niya na ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, ang kanyang puso ay nag-uumapaw sa pag-asa. Kahit pa humarap siya sa ilang espesyal na paghihirap at pagkabigo, o dumanas ng hindi patas na pagtrato mula sa mga anticristo at masasamang tao, kapag naiisip niya kung paanong ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, ang kanyang puso ay nag-uumapaw sa pag-asa, ang kanyang kalagayan ay bumubuti nang bumubuti, at ang ilan ay napupuno pa nga ng walang-hanggang kagalakan. Ang mga damdamin ng isang tunay na tao kapag naririnig ang mga salitang “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos” ay naiiba sa mga damdamin ng mga tao na kay Satanas at sa mga diyablo, o na sa mga hayop. Tingnan mo, kapag nakakakita ang isang kuneho ng mga karot at damo, gusto nito ang mga iyon at walang-tigil na nginunguya ang mga iyon. Pero kapag nakakakita ang isang lobo ng mga karot at damo, nakakaramdam ito ng pagkasuklam, sinasabing, “Ano ba ang masarap dito? Sa tingin ko ay mas masarap ang mga kuneho at manok!” Kahit gaano mo pa sabihin dito na masustansiya ang mga karot at damo, nananatiling ganap na hindi natitinag ang lobo. Kaya, kapag naririnig ng mga tao na nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ang mga salitang “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos,” bagama’t kinikilala nila batay sa doktrina na tama ang mga salitang ito, nasusuklam sila sa mga ito sa kanilang mga puso. Hindi nila tinatanggap ang mga salitang ito kahit kaunti, at hindi nila kailanman kikilalanin na totoo ang mga ito. Sa kabaligtaran, kapag naririnig ng isang tunay na tao na “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos, at mayroong pagiging patas at katuwiran sa Diyos,” nakakaramdam siya ng partikular na pagkakontento sa kanyang puso. Pakiramdam niya ay mayroon na siyang landas ngayon, at mayroong pag-asa para sa kanya bilang isang tao. Tingnan mo, ang mga tao na may iba’t ibang klasipikasyon ay may iba’t ibang pagpapamalas sa kung paano nila tinatrato ang iisang usapin. Dahil ang isang tunay na tao ay may napakalinaw na mga damdamin sa pariralang “ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos,” pagdating sa iba pang mga katotohanan—na kinasasangkutan ng ilang partikular na pagsasagawa at mga partikular na turo ng Diyos sa mga tao—ang mga may konsensiya at katwiran ay partikular na mauuhaw sa mga ito. Kahit pa na sa kasalukuyan, habang ang kanilang mga tiwaling disposisyon ay nananatiling ganap na hindi nagbabago, ang pagsasagawa sa katotohanan ay medyo mahirap para sa kanila dahil mababa ang kanilang tayog at masyado silang malalim na ginawang tiwali ni Satanas, sa tuwing binabasa nila ang mga salitang ito ng Diyos, naaantig sila sa kanilang mga puso at nakakaramdam ng inspirasyon. Magpapasya silang magpasakop sa mga salita ng Diyos at isagawa ang mga ito. Para sa kanila, ang mga salita ng Diyos ang nag-uudyok na puwersa na nagbibigay-inspirasyon sa kanila na manatili sa landas, at siyempre, binubuo rin ng mga ito ang praktikal na landas para hangarin nila na maging isang tao na minamahal ng Diyos. Halimbawa, kapag nagsasalita ang Diyos tungkol sa mga kuwento nina Noe, Job, Abraham, at Pedro, ang mga tao na may mga katangian ng pagkatao ay makakaramdam muna ng inggit pagkatapos marinig ang mga ito. Gaano sila naiinggit? Kung gagamit ng isang hindi angkop na pahayag, “naglalaway” sila sa mga ito. Ibig sabihin, kapag naririnig nila na ang mga taong ito ay nagawang magtaglay ng gayong takot at pagpapasakop sa Diyos, gusto rin nilang maging ganoong uri ng tao, iniisip nila, “Gusto kong sambahin ang Diyos tulad ng ginawa nina Job at Noe, at inaasam kong makamit ang ganap na pagpapasakop sa Diyos tulad ng ginawa ni Abraham, nang walang anumang personal na karumihan.” Mayroon silang isang uri ng pag-aasam; ibig sabihin, kapag naririnig nila ang mga kuwento at patotoo ng mga taong ito, naaantig ang kanilang mga puso, at nakakaramdam sila ng inspirasyon. Ano ang ibig sabihin ng maantig ang kanilang mga puso? Nangangahulugan ito na gusto nilang maging ganitong uri ng tao. Pakiramdam nila ay mabuti ang maging ganitong uri ng tao at na ito ang kanilang panloob na pangangailangan; pakiramdam nila, ang pagiging ganitong uri ng tao ay nagbibigay-kakayahan sa kanila na palugdan ang Diyos, magpasakop sa Diyos, at magpatotoo sa Diyos, at na ito ang pinakamaganda, pinakamakabuluhan, at pinakamahalagang bagay. Sa kanilang pananaw, ang mga bagay na ito ang pinakamahalaga at pinakakarapat-dapat na pahalagahan. Kaya, kapag nakakarinig sila tungkol sa mga positibong bagay na ito, naaantig sila sa kanilang mga puso; partikular nilang minamahal ang mga ito, labis silang interesado sa mga ito, at malalim na tumatatak ang mga ito sa kanila. Dahil perpektong tinutugunan ng mga bagay na ito ang kanilang panloob na pangangailangan para sa pagiging patas at katuwiran, at ang kanilang pagkauhaw sa mga positibong bagay, sa mga bagay na ito sila interesado, at ang mga ito ang hindi nila kayang mawala sa kanilang mga buhay. Pagdating naman sa mga bagay na walang halaga at walang kabuluhan, hindi sila interesado sa mga ito. Bago makatagpo ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, maaaring nakabasa sila ng ilang makamundong akdang pampanitikan o mga artikulo tungkol sa mga pananaw sa buhay at mga pilosopiya sa buhay, pero pagkatapos manampalataya sa Diyos at makatagpo ang mga salita ng Diyos, kapag ikinukumpara nila ang mga bagay na iyon sa mga kuwento ng mga tao na binanggit sa mga salita ng Diyos o sa mga katotohanan ng mga salita ng Diyos, hindi na nila gusto ang mga bagay na iyon ng mundong walang pananampalataya; ang pinakagusto nila ay ang nilalamang ito na kinasasangkutan ng katotohanan. Ibig sabihin, mayroon silang pagkauhaw at pag-aasam sa kanilang mga puso para sa mga positibong bagay, para sa mga salita ng Diyos, at para sa mga kuwento ng mga tao na kinasasangkutan ng katotohanan. Sa pundasyong ito magagawa ng mga tao na paisa-isang hakbang na maunawaan ang katotohanan at mapasok ang katotohanang realidad. Una sa lahat, ang mga positibong bagay, ang katotohanan, at ang pagiging patas at katuwiran ay ang mga pangangailangan ng kanilang pagkatao. Taglay ang mga pangangailangang ito sa kanilang pagkatao, kapag naririnig nila ang katotohanan, nagagawa nilang magpakita ng pagkauhaw at pag-aasam para dito, at saka lang sila makakahakbang nang higit pa para tanggapin ito, magpasakop dito, at pumasok dito. Tanging ang gayong mga tao ang may pag-asa na madalisay at mailigtas. Samakatwid, napakahalaga na magkaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan ang isang tao sa kanyang pagkatao.
Kung hihilingin mo sa isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan na sumalungat sa kanyang integridad at dignidad, makakaramdam siya ng paghihirap sa loob-loob niya; ang pamumuhay nang may dignidad at integridad ay isang pangangailangan ng kanyang pagkatao. Batay rito, masasabing isang napakanatural na bagay para sa kanya na tanggapin ang katotohanan; masasabi rin natin na isa itong inaasahang bagay at, natural, isang bagay na medyo madali para sa kanya. Ang dahilan kung bakit masasabi nating medyo madali ito ay dahil mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon ang mga tao sa loob nila, pero sa usapin lang ng pagkatao, mas madali para sa mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan na tanggapin ang katotohanan. Dagdag pa rito, kung ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay may ilang kalakasan, merito, at mga kaloob, sa sandaling makagawa sila ng ilang kontribusyon at magkaroon ng ilang pakinabang habang gumagampan sa kanilang tungkulin sa iglesia, napakanormal nilang ibabahagi ang mga ito sa iba batay sa kanilang konsensiya at katwiran. Ang lahat ng tao ay ginawang tiwali ni Satanas, at kapag ibinabahagi ng mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ang kanilang mga karanasan, pagkaunawa, at mga pakinabang, paminsan-minsan ay ipinapakita nila ang kanilang mga kalakasan at merito. Gayumpaman, dahil mayroon silang pagkaramdam ng kahihiyan, napipigilan sila at may limitasyon sa kanilang mga kilos. Ano ang nagtutulot sa kanila na magkaroon ng limitasyon? Nagmumula ito sa kanilang konsensiya at katwiran. Bagama’t minsan ay nagpapakitang-gilas sila at hindi namamalayang gusto nilang hangaan sila ng iba, dahil sa kanilang pagkaramdam ng kahihiyan at sa pagpigil ng katwiran ng kanilang pagkatao, kahit na magpakitang-gilas sila, hindi sila magiging labis-labis o napakamapagpalayaw at lubhang walang pagpipigil. Kaya, ang kanilang pananalita ay medyo obhetibo at makatwiran. Halimbawa, kapag ang kanilang pagpapakitang-gilas ay umaabot sa punto ng pagsalungat sa kanilang pagkaramdam ng kahihiyan, pipigilan nila ang kanilang sarili at titigil sila, sa halip na walang-kahihiyan at walang-pakundangang ipinagmamalaki ang kanilang sarili, nagpapakitang-gilas, at itinataas at pinatototohanan ang kanilang sarili, o walang-kahihiyang hinahangad ang mataas na pagtingin, paghanga, at paggalang ng mga tao sa anumang kinakailangang paraan. Sa kabila ng pagkakaroon din ng mga pagbubunyag at pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon, at ng mga kaisipan o pagnanais na idinidikta ng mga tiwaling disposisyon, ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay kikilos batay sa konsensiya at katwiran kapag ginagampanan ang kanilang tungkulin, at sa pundasyon ng pangangalaga sa sarili nilang integridad at dignidad. Kahit na magbunyag sila ng isang tiwaling disposisyon, may mga limitasyon ito. Sa kabaligtaran, ang mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan ay sumusubok ng lahat ng posibleng paraan para magpakitang-gilas at itaas ang kanilang sarili sa anumang sitwasyon at sa anumang konteksto. Nagsasalita sila nang walang pag-iingat, sinasabi ang lahat ng uri ng bagay. Inaangkin pa nga nila ang papuri para sa mabubuting bagay na ginawa ng iba, o ginagamit ang pag-uusap tungkol sa mga pagkukulang at pagkakamali ng iba para magpakitang-gilas na mas nakatataas sila at mas mahusay kaysa sa iba, nagsasalita tungkol sa kung gaano sila kagaling at kung paano sila nakatataas sa iba batay sa pagsupil at pangmamaliit sa mga ito. Para sa ilang tao, habang mas maraming tao ang naroroon, mas tumitindi ang kanilang pagnanais na magpakitang-gilas; kapag kakaunti ang mga tao, pakiramdam nila ay hindi matutugunan ang kanilang pagnanais. Kaya, habang mas maraming tao, mas gusto nilang magpakitang-gilas at magpasikat; habang mas maraming tao, mas nagiging mapangahas sila at mas nababawasan ang kanilang pagkaramdam ng kahihiyan—walang-katapusan ang kanilang pagsasalita, hindi nila makontrol ang kanilang sarili. Naghahanap sila ng bawat oportunidad para magpakitang-gilas at ipagmalaki ang kanilang sarili, ipinagmamalaki kung gaano karangal ang kanilang katayuan at posisyon, kung gaano kataas ang kanilang mga kalipikasyon sa edukasyon, kung gaano kayaman ang kanilang kaalaman, kung gaano kataas ang kanilang katayuan sa lipunan, kung anong antas ng lider sila sa sambahayan ng Diyos, kung anong mga kontribusyon ang nagawa nila, at iba pa. Naghahanap sila ng bawat oportunidad para ipagmalaki ang kanilang mga namumukod-tanging katangian at magpakitang-gilas na naiiba sila sa lahat. Walang-katapusan ang kanilang pagpapakitang-gilas, at habang lalo silang nagsasalita, mas lalo silang ginaganahan. Kung hihilingin mo sa kanila na magbahagi tungkol sa kanilang pagkakilala sa katotohanan o sa kanilang mga karanasan sa buhay pagpasok, ang kanilang mga salita ay walang sigla at ilang bagay lang ang sinasabi nila. Pero pagdating sa pagmamalaki sa kanilang sarili, pagsasalita tungkol sa kung paano sila naiiba sa lahat, at anong mga kontribusyon ang nagawa nila, walang-tigil at walang-katapusan silang nagsasalita, salita nang salita nang walang kahit katiting na pagkaramdam ng kahihiyan. Kapag natapos na nilang sabihin ang mga bagay na ito at wala na silang masabi, ikinukuwento nila kung paanong sila ang pinakamalakas na makipaglaban noong bata pa sila, kung paanong walang sinuman ang nakabugbog sa kanila, at kung paano pa nga nila binulag ang isang mata ng isa pang bata. Sinasabi pa nga nila, “Sinabi ng lahat ng matatanda, ‘Hindi pangkaraniwan ang batang ito; hindi siya magiging isang pangkaraniwang tao paglaki niya!’” Hindi ba’t ang mga taong nagsasabi ng mga bagay na ito ay walang pagkaramdam ng kahihiyan? Wala silang pagkaramdam ng kahihiyan; ito ay pagsasalita nang may pagyayabang at pagpapakitang-gilas. Sinasamantala ng mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan ang bawat oportunidad para magpakitang-gilas at itaas ang kanilang sarili, at handa silang magbayad ng anumang halaga para gawin ito. Anuman ang tingin ng iba sa kanila, wala silang kahihiyan kahit kaunti. Sa kabaligtaran, ang mga tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay magpapakitang-gilas at magtataas din ng kanilang sarili, pero kahit pa hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi pa sila sumailalim sa pagkastigo at paghatol, may limitasyon sila kapag ginagawa ang gayong mga bagay. Ang kanilang mga salita, kahit papaano man lang, ay obhetibo. Hindi nila sasabihin na kaya nilang gawin ang mga bagay na hindi nila kayang gawin, hindi sila magyayabang o magmamalaki, lalong hindi nila aangkinin ang papuri para sa mabubuting bagay na ginawa ng iba. Hindi sila magsasabi ng mga bagay na gawa-gawa lang mula sa wala o mag-iimbento ng mga katunayan. Bakit ganito? Hindi nila kayang pilitin ang sarili nila na sabihin ang gayong mga bagay. Iniisip nila, “Kung hindi ko ito ginawa, bakit ko sasabihing ginawa ko?” Makakaramdam sila ng pag-aakusa mula sa kanilang konsensiya. Halimbawa, kung ang isang tao na may konsensiya at katwiran at pagkaramdam ng kahihiyan ay may mabababang marka sa paaralan, bagama’t gusto niyang ipagmalaki na mayroon siyang mahusay na kakayahan at hindi siya mas masahol kaysa sa karaniwang tao, sa pinakahigit ay sasabihin niya, “Nag-aral ako nang mabuti. Nakapasa ako sa mga entrance exam para sa junior high at high school nang mag-isa nang hindi gumagastos ng anumang pera para manuhol, at kalaunan ay nakapasok ako sa isang junior college kahit na sobrang nahirapan ako.” Sinasabi lang niya, “Nagkolehiyo rin ako,” at hindi siya nagmamalaki tungkol sa anuman. Hindi ito maituturing na pagpapakitang-gilas, dahil ang sinasabi niya ay obhetibo at totoo. Maaari niyang alisin ang mga bagay na nagpapahiya sa kanya o nagiging dahilan para masira ang reputasyon niya, pero hinding-hindi niya sasabihin, “Napakagaling kong estudyante; palagi akong nasa top ten sa klase ko.” Hindi siya magkukuwentong-barbero, mag-iimbento ng mga bagay mula sa wala, o magsasabi ng mga bagay na hindi kailanman nangyari. Ano ang dahilan kung bakit hindi niya sinasabi ang mga bagay na ito? Ito ay dahil mayroon siyang konsensiya at pagkaramdam ng kahihiyan sa loob niya. Sinasabi ng ilang tao, “Ito ba ay dahil may isang tao sa paligid niya na nakakaalam ng totoo tungkol sa kanya?” Kahit pa walang nakakaalam ng totoo tungkol sa kanya, hindi pa rin niya kayang pilitin ang sarili niya na sabihin ang mga bagay na ito, dahil mayroon siyang pagkaramdam ng kahihiyan at pinapahalagahan niya ang kanyang pride. Pakiramdam niya, ang pag-iimbento ng mga bagay mula sa wala at pagkukuwentong-barbero ay masyadong kahiya-hiya, at walang integridad at dignidad. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi alam ng iba ang totoo tungkol sa kanya, maaari siyang magpanggap nang kaunti. Ano ba ang problema sa pagpapanggap?” Pero hindi pa rin niya gagawin iyon. Ito ay isang usapin ng kalikasan ng isang tao; nakabatay ito sa klasipikasyon ng isang tao. Kung ikaw ay isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan, ang iyong pananalita at mga kilos ay palaging mananatili sa loob ng mga hangganan ng pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan. Hindi mo magagawang lampasan ang mga hangganang iyon; kung paminsan-minsan ay lumampas ka man ng isang hakbang mula sa mga ito, iyon ay isang napaka-espesyal na sitwasyon. Sa sandaling lumampas ka sa mga ito, nakakaramdam ka ng pagkabalisa at pag-aakusa sa sarili sa iyong konsensiya; hindi ka napapalagay sa loob-loob mo. Samakatwid, kahit na magpakitang-gilas at magmalaki ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan, mayroong limitasyon at hangganan na umiiral. Hinding-hindi sila walang-kahihiyan at walang-pakundangang magsasabi ng mga hungkag na salita o magyayabang para magmalaki at magpakitang-gilas, ni mag-iimbento ng mga bagay mula sa wala at magkukuwentong-barbero para angkinin ang papuri para sa lahat ng mabuting gawain. Hinding-hindi sila ganitong uri ng tao. Pagdating sa pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan, ang pagkaramdam na ito ng kahihiyan ay may ginagampanang papel sa loob ng mga tao; hindi ito isang bagay na hungkag. Dahil ang pagkaramdam ng kahihiyan ay isang katangian ng pagkatao, ito ay isang bagay na likas sa loob ng mga tao; hinding-hindi ito isang epekto na dulot ng pagpigil ng mga panlabas na tao, pangyayari, at bagay. Hindi mapipigilan ng mga panlabas na bagay ang iyong mga kaisipan at kilos; ang mga kaisipan ng isang tao, ang kanyang mga panloob na pangangailangan, at ang kanyang diwa at klasipikasyon, ay mga panloob na usapin para sa kanya. Kahit pa ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay gustong magpakitang-gilas o itaas at patotohanan ang kanyang sarili para makakuha ng kaunting prestihiyo sa gitna ng mga tao, dahil mayroon siyang pagkaramdam ng kahihiyan, mayroong limitasyon at hangganan na umiiral kapag ginagawa niya ang mga bagay na ito. Ibig sabihin, palagi siyang binabalaan ng kanyang konsensiya sa kanyang puso, “Ang paggawa nito ay lumalampas na sa limitasyon at walang-kahihiyan. Huwag mo itong gawin! Kung gagawin mo ito, magiging napakakahiya-hiya at walang dignidad kapag inilantad ng mga tao ang iyong tunay na kulay kalaunan! Kung aasal ka nang ganito, tao ka pa ba?” Palagi siyang pinipigilan ng mga kaisipan at pananaw na ito, kaya mayroong limitasyon na umiiral kapag ginagawa niya ang gayong mga bagay. Tingnan mo, kapag nagbibihis ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan, kahit pa iniisip nilang maganda ang isang damit, kung titingin sila sa salamin at makikita nilang medyo manipis ito, pakiramdam nila ay hindi magandang isuot ito sa labas. Sinasabi ng iba, “Ano naman kung manipis ito? Ganito manamit ang lahat ng tao ngayon. Nagpapakita lang ito ng kaunting balat at nahihiya ka na—nagsusuot ang iba ng damit na mas nagpapakita ng balat at wala man lang silang pakialam.” Sinasabi nila, “Hindi maaari; hindi ko ito maisusuot sa labas.” Mas gugustuhin pa nilang mamatay kaysa lumabas nang ganoon. Bakit ganito? Sadyang hindi ito mapapalampas ng kanilang pagkaramdam ng kahihiyan; pinipigilan sila ng kanilang pagkaramdam ng kahihiyan. Ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay magkakaroon ng limitasyon sa kung paano sila umaasal at nangangasiwa ng mga usapin o sa kanilang pananamit at pag-aayos, samantalang ang mga taong walang pagkaramdam ng kahihiyan ay naiiba. Katulad lang ito ng kung paanong ang ilang tao ay nananamit nang maayos kapag kasama nila ang mga kapatid, pero iba na ang pananamit pagkauwi nila, isinusuot ang anumang gustong suotin ng mga walang pananampalataya—hinuhubad pa nga ng ilan ang mga damit na isinuot nila sa pagtitipon sa sandaling makauwi sila, sinasabing, “Ayaw na ayaw kong suotin ang mga damit na ito. Masyadong makaluma ang mga ito; mukha akong isang ganap na tagabukid. Sino ba ang may gustong magsuot ng damit na ito!” Kasama man nila ang mga kapatid o hindi, ang pananamit at pag-aayos ng mga taong tunay na may pagkaramdam ng kahihiyan ay palaging marangal at disente. Kahit pa hindi sila nanampalataya sa Diyos, ganito pa rin sila mananamit at hindi sila lalampas sa limitasyon.
Kapag nakikipagbahaginan at nagbabahagi sa mga pagtitipon tungkol sa kanyang pagkaunawang batay sa karanasan, kung ang isang tao na may integridad at dignidad ay nagpapakitang-gilas at itinataas ang kanyang sarili, makakaramdam siya ng hiya sa loob-loob niya, na para bang maraming tao ang nanonood sa kanya, at inuudyukan siya ng pakiramdam na ito, “Hindi magandang sabihin ito, hindi ba? Hindi magandang gawin ito, hindi ba?” Makakaramdam siya ng matinding hiya. Ibig sabihin, anuman ang sabihin o gawin niya, o gaano man kalayo ang marating ng kanyang mga salita o kilos, ang pagkaramdam ng kahihiyan sa kaibuturan ng kanyang puso ay palaging nag-uudyok, pumipigil, at kumokontrol sa kanya. Kaya, sa isang partikular na antas, ang mga salitang sinasabi niya at ang mga bagay na ginagawa niya ay sumasalamin sa kaukulang antas ng integridad at dignidad. Kahit pa ang ganitong uri ng tao ay may mga tiwaling disposisyon o ilang kapintasan sa kanyang pagkatao, o naiimpluwensiyahan ng masasamang kalakaran, dahil sa kanyang likas na klasipikasyon, nagagawa pa rin niyang hindi namamalayang ikumpara ang kanyang sarili sa mga salita ng Diyos kapag naririnig ang Kanyang mga salita na naglalantad at humahatol sa mga tao. Iniisip niya, “Ako ang tinutukoy ng Diyos sa pahayag na ito. Nagkaroon na ako ng ganitong uri ng kalagayan at pagbubunyag, at nagkaroon na rin ako ng ganitong uri ng pagpapamalas.” Magpapakita siya ng isang kalagayan at pagpapamalas ng sadyang pagkumpara sa kanyang sarili sa mga salita ng Diyos. Sa madaling salita, kapag ang isang tao na may pagkaramdam ng kahihiyan ay nakakarinig ng mga salita ng Diyos na naglalantad at humahatol sa mga tao, hindi namamalayang tatanggapin niya ang mga ito at hindi namamalayang ikukumpara niya ang kanyang sarili sa mga ito. Pagninilayan niya ang kanyang sarili batay sa mga salita ng Diyos, at aaminin na tiwali siya sa ganitong paraan at mayroon siya ng mga pagbubunyag at pagpapamalas na ito. Makakaramdam siya ng pagkabalisa sa kaibuturan: “Lumalabas na mayroon din pala akong katiwalian. Lumalabas na ako ay isang tao na may mapagmataas na disposisyon gaya ng inilantad ng mga salita ng Diyos. Mapanlaban at masuwayin din ako, at hindi ako isang mabuting tao. Paano ako naging masyadong tiwali? Dati ay iniisip kong disente ako, na isa akong mabuting tao na may konsensiya at katwiran na mahilig magbigay sa iba, at madaling makisimpatya at maawa sa iba. Inakala ko na maaari akong direktang madala paitaas pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos. Hindi ko man lang naisip na miyembro din ako ng tiwaling sangkatauhan.” Dahil nagtataglay siya ng pangunahing kondisyong ito ng pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan, natural at normal niyang tatanggapin ang mga aktuwal na katunayan tungkol sa mga tao na inilalantad ng mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay ikukumpara ang kanyang sarili sa mga ito para pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili. Nagbibigay ito sa kanya ng malaking oportunidad para harapin nang tama ang mga salita ng Diyos, tanggapin ang mga salita ng Diyos nang walang paglaban, at pagkatapos ay kamtin ang pagpapasakop nang unti-unti. Saan nakabatay ang lahat ng ito? Nakabatay ito sa pagkakaroon niya ng pagkaramdam ng kahihiyan. Kaya, napagtatanto niya na mayroong ilang kahiya-hiya at buktot na pagbubunyag ng katiwalian sa loob niya, at pagkatapos, habang kumikilos sa kanya ang kanyang pagkaramdam ng kahihiyan, nagagawa niyang maagap na itakwil ang itinuturing niyang mga negatibo at kahiya-hiyang bagay. Kapag naririnig niya ang mga pahayag, kalagayan, partikular na pagbubunyag, at maging ang mga partikular na pangyayari sa mga salita ng Diyos na naglalantad sa mga tiwaling disposisyon ng sangkatauhan, napagtatanto niya na mayroon siya ng mga tiwaling disposisyong ito sa loob niya. Tatanggapin niya ang mga ito para pagnilayan at kilalanin ang kanyang sarili. Pagkatapos, kapag nahaharap muli sa gayong mga usapin, kung sasalungat siya sa mga salita ng Diyos o muling magbubunyag ng mga kalagayang inilantad sa mga salita ng Diyos, uudyukan pa rin siya ng kanyang pagkaramdam ng kahihiyan sa kanyang puso, “Sa paggawa nito, hindi ba’t sumasalungat ka sa mga salita ng Diyos? Hindi ka isang mabuting tao, ni isang tao na nagpapasakop sa mga salita ng Diyos o nagmamahal sa katotohanan!” Dahil nagtataglay siya ng pagkaramdam ng kahihiyan, nagagawa niyang tanggapin ang paglalantad at paghatol ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos, ang mga salita ng Diyos ay may pumipigil na epekto sa kanya at kayang itama ang kanyang mga kaisipan at pananaw. Tingnan mo, hindi ba’t napakalaki ng papel ng pagkaramdam ng kahihiyan? (Oo.) Kapag hindi niya nauunawaan ang katotohanan, mayroon siyang pangunahing moral na hangganan. Kapag nauunawaan niya ang mga katotohanang prinsipyo o naaarok ang mga detalye ng mga salita ng Diyos, ang pamantayan ng pagpipigil sa kanya ng kanyang pagkaramdam ng kahihiyan ay hindi na ang kanyang moral na hangganan, at hindi lang ito hangganan ng kanyang konsensiya at katwiran; sa halip, ang mga katotohanang prinsipyo ang nagiging hangganan niya. Hindi ba’t ang hangganang ito ay nakahihigit sa hangganan ng konsensiya at katwiran ng isang tao? Hindi ba’t naiangat ang pamantayan ng hangganang ito? (Oo.) Noong una, kapag ang mga taong may pagkaramdam ng kahihiyan ay hindi nakakaunawa sa katotohanan, mayroon silang pangunahing moral na hangganan sa kanilang mga kaisipan at pananaw. Pagkatapos nilang maunawaan ang katotohanan, naiaangat ang kanilang moral na hangganan at unti-unting kumikiling patungo sa mga katotohanang prinsipyo. Sa palagay mo, hindi ba’t nagbago na ang ganitong uri ng tao? Magbibigay Ako ng isang halimbawa at mauunawaan ninyo. Halimbawa, noong una, kapag nakikisalamuha sa iba, hindi siya nananamantala ng mga tao, hindi nananakit o nagmumura sa mga tao, hindi sadyang gumagawa ng mga bagay para mandaya at maminsala ng iba, at hindi nanlilinlang at nanloloko ng iba. Iniisip niyang ang pagkilos nang ganito ay medyo mabuti. Ang pag-iwas ba sa pananakit o pagmumura sa mga tao, at sa pandaraya o pamiminsala sa kanila, ay isang katotohanang prinsipyo para sa pagtrato sa mga tao? (Isa lang itong panimulang pagpapamalas ng pagkatao; hindi ito isang katotohanang prinsipyo.) Ito ay moral na hangganan lang para sa kung paano umaasal ang mga taong may konsensiya at katwiran: ang paggawa ng kanilang pinakamakakaya upang huwag saktan o murahin ang mga tao, at huwag gumawa ng mga bagay na nandadaya o namiminsala sa iba. Ito ay pag-iwas lang sa paggawa ng masama. Gayumpaman, ang mga katotohanang prinsipyo ay mas mataas kaysa sa moral na hangganan ng isang tao. Ang pagtrato sa mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay hindi na lang basta pagsunod sa moral na hangganan; mas mataas ito kaysa roon. Kung gayon, ano ang hinihingi ng mga salita ng Diyos pagdating sa prinsipyong ito para sa pagtrato sa mga tao na mas mataas kaysa sa moral na hangganan ng isang tao? (Ang tratuhin ang mga tao nang patas ayon sa mga prinsipyo.) Tama iyan, ang pagtrato sa mga tao nang patas. Ito ay isang katotohanang prinsipyo. Kung gayon, ang katotohanang prinsipyo bang ito ay isang moral na hangganan? (Hindi, ang prinsipyong ito ay nakahihigit sa isang moral na hangganan.) Hindi ito isang moral na hangganan; ito ay isang katotohanang prinsipyo na nakabatay sa isang moral na hangganan at nakahihigit din dito. Ito ang tunay na prinsipyo para sa pagtrato ng mga tao. Ang pag-iwas sa pananakit o pagmumura sa mga tao, at sa paggawa ng mga bagay na nandadaya o namiminsala ng iba, ay hindi isang katotohanang prinsipyo; ito ay pag-iwas lang sa paggawa ng mga bagay sa isang negatibong kahulugan. Pero hindi dahil iniiwasan mong gawin ang mga ito ay nangangahulugan nang mayroon kang mga prinsipyo para sa pagtrato ng mga tao; ang hindi pananakit o pagmumura sa mga tao ay hindi nangangahulugang tama ang iyong mga prinsipyo para sa pagtrato ng mga tao. Ang pag-iwas ba sa pananakit o pagmumura sa kanila, at sa pandaraya o pamiminsala sa kanila, ay katumbas ng pagtrato sa kanila nang patas? Hindi naman, hindi ba? Kung ito ay isang tao na minsan nang nakapagpasama ng loob mo o hindi mo nakasundo, o ito ay isang tao na hindi mo gusto, pero batay sa kanyang pagkatao at kakayahan, angkop siyang maging isang lider, ihahalal mo ba siya? Kung susukatin mo ito batay sa prinsipyo ng hindi pananakit o pagmumura sa mga tao, at hindi pandaraya o pamiminsala sa kanila, ano ang gagawin mo? Wala kang landas na masusundan. Bilang isang tiwaling tao, kung walang mga tumpak na prinsipyo para sa pagtrato sa mga tao, sa pinakahigit ay sasabihin mo, “Hindi ko siya sinaktan o minura, at hindi ko rin sinabi kung mabuti o masama ba siya. Hindi ko siya pinigilan, kaya hindi mo masasabing dinaya o pininsala ko siya. Ano’t anuman, hindi ko siya gusto, kaya hindi ko siya ihahalal.” Ang hindi ba paghalal sa kanya ay pagtrato sa mga tao nang patas? (Hindi.) Sa katunayan, kung siya ay isang angkop na kandidato para maging isang lider, dapat mo siyang ihalal; ito lang ang pagtrato sa mga tao nang patas. Ang paghalal sa kanya ay hindi nakabatay sa prinsipyo ng hindi pananakit o pagmumura sa mga tao, at hindi pandaraya o pamiminsala sa kanila, kundi sa ano? Nakabatay ito sa prinsipyo ng pagtrato sa mga tao nang patas gaya ng hinihingi ng mga salita ng Diyos; ito lang ang isang katotohanang prinsipyo. Kaya, iniisip ng ilang tao, “Hindi ako nananakit o nagmumura sa mga tao, at hindi ko rin sila dinadaya o pinipinsala, kaya hindi ba’t isa akong mabuting tao dahil dito?” na sinasagot Ko, “Hindi ka isang mabuting tao. Sa pinakamabuti, mapalad ka na maituring man lang na isang tao.” Ang isang tunay na mabuting tao ay isang tao na kayang magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, pagdating sa kung paano tratuhin ang mga tao, bukod sa pag-iwas sa pananakit, pagmumura, pandaraya, o pamiminsala sa kanila, kaya mo rin silang tratuhin nang patas at makatarungan; saka ka lang magiging isang mabuting tao. Malinaw ba ito kapag ibinabahagi ito sa ganitong paraan? (Oo.) Ang isang moral na hangganan ay isang pangunahing prinsipyo para sa sariling asal para sa mga tao na nagtataglay ng konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao. Bagama’t ang prinsipyong ito para sa sariling asal ay sumusunod sa konsensiya at katwiran ng pagkatao, hindi nito mapapalitan ang mga katotohanang prinsipyo; kumpara sa mga katotohanang prinsipyo, mayroon pa ring pagkakaiba. Sa pinakamabuti, ang isang tao na may moral na hangganan ay isang karaniwang tao, pero hindi siya matatawag na isang mabuting tao. Tanging iyong mga kayang umasal at kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo ang mabubuting tao. Halimbawa, medyo mabuti na kung magagawa ng isang karaniwang tao na hindi mandaya o maminsala ng iba, at hindi manakit o magmura sa mga tao pagdating sa kanyang pagtrato sa iba. Gayumpaman, ang mga prinsipyo ng isang mabuting tao para sa pagtrato sa mga tao ay mas mataas kaysa rito: Kaya niyang tratuhin ang mga tao nang patas at ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Ibig sabihin, ang isang tunay na tao ay may moral na hangganan at pagkaramdam ng kahihiyan, at nagtataglay siya ng mga pangunahing kondisyon para sa pag-asal nang maayos. Kaya, ang gayong tao ay may oportunidad na makamit ang pagtrato sa mga tao nang patas, pag-asal ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at pagsasagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Mayroon bang pagkakaiba sa pagitan ng isang moral na hangganan at ng mga katotohanang prinsipyo? (Oo.)
Kung ang isang tao ay may pagkaramdam ng kahihiyan sa kanyang pagkatao, mayroon siyang integridad at dignidad sa kung paano siya umaasal at kumikilos. Ang kanyang hangganan ay na dapat niyang pangalagaan ang kanyang integridad at dignidad at hindi isuko ang mga ito. Sa pang-araw-araw na pananalita, ang gayong tao ay hindi pa naman isinusuko ang kanyang konsensiya; partikular siya sa pagsasagawa ng mga bagay, pinapahalagahan niya ang integridad at karakter, at mayroon siyang pagiging tao. Anuman ang gawin niya, pagdating sa mga pansariling interes, katayuan, o pera, mayroon siyang hangganan. Pinapangalagaan ng hangganang ito ang kanyang integridad at dignidad; ibig sabihin, hindi siya lalampas sa kung ano ang pinapahintulutan ng kanyang integridad at dignidad para walang-pakundangang gumawa ng mga bagay na hindi mabibigyang-katwiran sa usapin ng moral na katarungan o etika ng tao. Ito ay pagkakaroon ng pagkaramdam ng kahihiyan. Dagdag pa rito, ang mga tao na may mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao ay may sariling mga pananaw at pagpili pagdating sa pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, at pagdating sa iba’t ibang masasamang kalakaran sa lipunan. Hinding-hindi sila susunod sa masasamang kalakaran para mamuhay ng isang lito at imoral na buhay, basta-basta na lang nagpapasasa sa kanilang sarili at kumikilos nang buktot. Mayroon silang sariling mga pagpili pagdating sa mga usapin ng mundo ng tao o masasamang kalakaran. Ang mga pagpiling ito ay maaaring nakabatay sa kanilang pagiging matuwid at kabaitan, o maaaring nakabatay ang mga ito sa kanilang pagkaramdam ng kahihiyan; nakadepende ito sa kasalukuyang usapin. Gaano man kasikat ang iba’t ibang bagay na lumilitaw sa mundo, at gaano man sinasang-ayunan ng lipunan at ng publiko ang mga ito, sa kaibuturan ay mayroon pa ring sariling mga kaisipan at pananaw ang gayong mga tao tungkol sa mga bagay na ito, at gagawa pa rin sila ng sarili nilang mga tamang pagpili. Sa kanilang mga puso, naniniwala sila, “Anuman ang mga sitwasyon, hindi mo maaaring isuko ang iyong pagkatao. Sa lahat ng oras, ikaw ay isang tao. Hindi mo maaaring gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga hayop. Hindi mo maaaring gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga diyablo. Hindi mo maaaring gawin ang iyong sarili na kapareho ng mga hayop at mga diyablo.” Kaya, anuman ang gawin nila, pinipigilan sila ng kanilang konsensiya at katwiran. Sa partikular, ang pagpigil na ito ay nangangahulugan ng palagiang pag-uudyok at pagkontrol ng kanilang konsensiya at katwiran. Halimbawa, sabihin nating ang isang tao na tulad nito at ang isa pang tao ay parehong nagnenegosyo. Iyong isa pang tao ay palagiang nanlilinlang at nanloloko ng mga tao, nagbebenta ng isang sampung-yuan na bagay sa halagang tatlo hanggang limang daang yuan, pero ibinebenta lang niya ito sa halagang limampung yuan, kumikita lang nang sapat para makaraos kahit papaano sa buhay. Sa pagkakita roon sa isa pang tao na kumikita nang malaki samantalang nagtrabaho siya nang may gayong kasipagan sa loob ng napakaraming taon para lang kumita nang sapat upang mapakain ang kanyang sarili, palagi siyang nakakaramdam ng hindi pagtanggap sa kanyang puso. Gusto rin niyang maging walang-konsensiya tulad ng taong iyon, pero pagkatapos ay iniisip niya, “Ang paggawa niyon ay labis na sasalungat sa aking konsensiya. Hindi ko kayang pilitin ang sarili ko na gawin ito! Paano kung malantad ako pagkatapos itong gawin? Ang paggawa ba nito ay paglabag sa batas? Makukulong ba ako?” Tingnan mo, iniisip niya ito nang husto, at sa pagbubulay-bulay rito nang ganito, nakakaramdam siya ng palagiang pagkaramdam ng pag-aakusa sa sarili mula sa kanyang konsensiya. Bagama’t naililihis at naiimpluwensiyahan siya ng iba’t ibang masasamang kalakaran ng mundo at gusto rin niyang kumita ng mas maraming pera para magtamasa ng isang magandang materyal na buhay, pagkatapos itong pagbulayan, sa huli ay hindi pa rin niya kayang pilitin ang sarili niya na manlinlang at manloko ng iba. Sinasabi ng ilang tao, “Ang gayong mga tao ay dungo lang, hindi ba?” Ang ilan sa kanila ay dungo, pero ang ilan ay hindi; pinipigilan lang sila ng kanilang konsensiya at katwiran at pakiramdam nila ay hindi sila maaaring manlinlang at manloko ng iba. Kahit pa paminsan-minsan ay ginagawa nila ito, pinagsisisihan nila ito pagkatapos, namumuhay sa takot araw-araw na may mangyayaring masama at may isang taong kakatok sa kanilang pinto. Iniisip nila, “Hindi ko kinita ang perang ito nang marangal. Kung malalaman ng mga tao, pupunahin ba nila ako kapag nakatalikod ako? Tiyak na hindi ko na ito gagawin muli. Kapag ang perang ginagastos ko ay kinita sa pamamagitan ng sarili kong pagsusumikap, saka lang napapanatag ang isip ko, at saka lang nawawalan ng mga bangungot ang pagtulog ko.” Pagkatapos manlinlang ng isang tao nang isang beses nang ganito, nagiging mahirap ang mga bagay-bagay para sa kanila sa loob ng mahabang panahon; hindi sila nakakatulog nang maayos, hindi sila matunawan nang maayos, at palagi silang nakakaramdam ng pagkabalisa sa kanilang mga puso. Siyempre, ang ganitong uri ng tao ay hindi na halos umiiral sa lipunan. Ang lipunan ay puno ng mga taong sa mga diyablo at mga hayop; wala silang nararamdaman pagdating sa panlilinlang at panloloko ng iba nang ganito.
Kahit pa ang isang tao na may konsensiya at katwiran ay madalas na nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang usapin na kinasasangkutan ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, gagampanan pa rin ng kanyang konsensiya at katwiran ang papel ng mga ito. Hindi siya susunod sa laman o sa masasamang kalakaran para lubos na pagbigyan ang iba’t iba niyang pagnanais. Sa halip, anuman ang kanyang kainin, inumin, o tamasahin, mayroong limitasyon. Iniisip niya, “Ang pagkain ng masarap na pagkain, pagsusuot ng magagandang damit, at pagkakaroon ng pinakamasasarap na kasiyahan ng katawan ay pawang walang kabuluhan. Ito ba talaga ang dahilan kung bakit nabubuhay ang mga tao?” Sa puso ng ganitong uri ng tao, ang mga kasiyahan ng katawan, pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya ay hindi makakatugon sa mga pangangailangan ng kanyang panloob na mundo. Iniisip niya, “Palaging hinahangad ng mga tao ang pagtamasa ng mabubuting bagay. Natamasa ko na ang mga ito ngayon, at wala akong nararamdamang anumang kaligayahan. Ano ba talaga ang kaligayahan? Paano dapat mamuhay ang isang tao para magkaroon ng tunay na kaligayahan? Natamasa ko na ang lahat ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya na ito, pati na rin ang iba’t ibang kasiyahan ng katawan—hindi ba’t iyon ang bumubuo sa buhay ng tao? Ito ba ang buhay? Kung ang isang tao ay namumuhay nang ganito sa buong buhay niya, para lang hangarin ang pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, at para hangarin ang mga kasiyahan ng katawan, paano siya naiiba sa isang hayop? Kung ang mga tao, tulad ng mga hayop, ay nabubuhay rin para lang sa tatlong beses na pagkain sa isang araw, hindi nauunawaan kung tungkol saan ang buhay, nananatiling hindi nasisiyahan sa kanilang mga kaisipan, sa kanilang espirituwal na mundo, at sa kanilang mga puso, at hindi nakakaunawa sa maraming bagay tungkol sa buhay, ano ang silbi ng pamumuhay nang ganito ng sunod-sunod na henerasyon?” Kapag bata pa ang mga tao, puno sila ng kuryosidad tungkol sa mundo. Maraming bagay na hindi nila alam at hindi pa nila nakikita, at maraming bagay na hindi pa nila nararanasan, at pakiramdam nila ay kung lalabas sila at haharapin nila ang mundo, maaaring maging napakasaya at napakakontento ng kanilang buhay, o maaaring mamuhay sila ng isang kamangha-mangha at natatanging buhay. Pero pagkatapos tunay na maranasan ang lipunan, nakikita nila na ang sangkatauhan ay namumuhay nang ganito sa bawat henerasyon. Mula sa pagiging hangal at mangmang sa kanilang kabataan hanggang sa pagdurusa nang labis at pagkakamit ng ilang karanasan sa buhay pagkatapos pagdaanan ang ilang bagay sa lipunan, ganito pinapalipas ng lahat ng tao ang kanilang buhay. Pinagdadaanan nilang lahat ang proseso ng paghahangad ng kinabukasan, kasikatan at pakinabang, at pagtuon sa pagkain, pag-inom, pagpapakasaya, at mga kasiyahan ng katawan. Sa kanilang mga huling taon, bagama’t nakakuha sila ng ilang karanasan sa buhay, tila wala silang inani, at hindi rin nila nauunawaan kung tungkol saan ang buhay. Hindi ba’t medyo walang kabuluhan para sa isang tao na mamuhay nang ganito sa buong buhay niya? Madalas na nakakaramdam ang mga tao ng hindi maipaliwanag na kahungkagan. Ibig sabihin, kapag tunay nilang pinagbubulayan ang buhay sa kanilang mga puso at sinusubukang mag-isip ng isang bagay na makabuluhan at mahalaga, wala silang maiisip na anuman, at pakiramdam nila ay ganap na walang laman ang kanilang mga puso. Hindi nila alam kung bakit ganito, ni alam kung ano ang dapat kailanganin ng kanilang mga puso o kung saan dapat magpahinga ang kanilang mga puso. Pakiramdam nila ay wala silang maaasahan, at nakakaramdam sila ng matinding pagkalito, iniisip nila, “Naranasan ko na ang marami-raming bagay sa buhay na ito, at natikman ko na ang iba’t ibang paghihirap at pasakit. Ganito ba talaga nagtatapos ang buhay?” Kapag tinitingnan nila ang mga nakatatandang tao, tila pinagdaanan din ng mga ito ang buhay sa ganitong paraan. Pagkatapos ay nararamdaman nila na walang kabuluhan ang mga buhay ng mga tao. Palagi nilang hinahangad ang kasikatan at pakinabang, katayuan, at mga kasiyahan ng katawan. Kapag wala sila ng mga ito, determinado silang makuha ang mga ito; kapag nakuha na nila ang mga ito, nakakaramdam sila ng kaunting kaligayahan at nagagalak sila nang kaunti sa loob ng ilang panahon, pero sa katagalan, wala silang kaligayahang masasabi. Pagkatapos magpakaabala sa halos buong buhay nila, nakakaramdam pa rin sila ng kahungkagan, nang walang anumang karapat-dapat na panghawakan. Palagi nilang nararamdaman na para silang humahawak sa hangin gamit ang dalawang kamay pero umaasang makakuha ng isang bagay mula rito. Masasabi ba ninyo na mabuti ang pakiramdam na ito? (Hindi.) Kung gayon, paano lumilitaw ang pakiramdam na ito? (Ito ay dahil ang lahat ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya na iyon sa mundo ay hindi makakatugon sa mga panloob na pangangailangan ng mga tao.) Ganito ba mag-isip ang lahat ng tao? Anong uri ng mga tao ang nag-iisip nang ganito? (Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay ganito mag-isip.) Sabihin ninyo sa Akin, ang mga tao ba na walang mga kaisipan, walang lohikal na pag-iisip, at hindi nag-iisip, ay mag-iisip nang ganito? (Hindi.) Ang mga taong hindi nag-iisip ay iyong mga walang konsensiya at katwiran; sila ay sa mga hayop. Hindi nila iniisip ang mga usaping ito ng pagkatao, ni isinasaalang-alang ang buhay ng tao, ang kinabukasan, o kung anong landas ang lalakaran. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga bagay na ito. Hangga’t nakakakain at nakakainom sila, nasisiyahan sila. Iniraraos lang nila ang bawat araw na dumarating, nagpapakasaya sa bawat araw na nabubuhay sila, at tinatamasa nila ang bawat araw na kaya nila. Hindi nila isinasaalang-alang ang mga usaping ito na may kinalaman sa buhay. Kung gayon, ano ang kinalaman ng mga bagay na ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao? Kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, magpapakita siya ng pagkamakatwiran sa kanyang ginagawa. Ang pagkakaroon ng pagkamakatwiran ay napakahalaga para sa mga tao. Kapag ang mga tao ay may pagkamakatwiran, kadalasan ay hindi sila namumuhay ayon sa damdamin, kundi namumuhay sila nang makatwiran, namumuhay nang makatwiran sa kasalukuyang sandali. Iisipin nila, “Mayroon ba talaga akong nakamit sa buhay na ito? Naging sulit ba ang pamumuhay ng buhay na ito? May nagawa ba akong anumang makabuluhan at mahalaga? Ang mga bagay ba na hinahangad ko ay ang mga kailangan ko sa loob-loob ko? Natugunan ba ang aking mga panloob na pangangailangan? Hindi natugunan ang mga ito, at nakakaramdam ako ng matinding kahungkagan. Walang kahit isang materyal na bagay, ni pagmamahal ng pamilya o pagkakaibigan, ang makakatugon sa akin sa kaibuturan. Wala sa mga bagay na ito ang kailangan ng aking pagkatao.” Iisipin nila ang mga bagay na ito nang makatwiran. Ibig sabihin, habang lalo silang tumatanda, mas makatwiran nilang titingnan ang mga bagay na ito, at habang lalo silang nabibigong makakuha ng mga sagot, mas matinding pasakit ang nararamdaman nila. Bago maranasan ang mga bagay na ito, huhusgahan at iisipin ng mga tao ang ilang bagay sa loob ng saklaw ng katwiran sa paraang planado at gumagamit ng normal na pagkamakatwiran. Pero kapag napagdaanan na nila ang proseso ng mga bagay na ito at nagbaliktanaw sila, nagiging mas makatwiran sila. Makatwiran nilang titingnan ang mga bagay na naranasan nila at ang mga bagay na pinagdaanan nila, at makikita nila na ang mga bagay na ito ay pawang walang kabuluhan, at walang kahit isa ang makabuluhan. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ang lahat ng ginagawa ng mga tao ay para sa pagkain at pananamit, para sa pagpapanatili ng tatlong beses na pagkain sa isang araw para sa kanilang laman, at para sa pangangalaga sa mga kasiyahan ng katawan. Nakikipag-agawan sila para sa kasikatan at pakinabang, at nakikipagkompetensiya sa isa’t isa. Kung ang isang tao ay namumuhay sa buong buhay niya para lang sa mga bagay na ito, namumuhay na parang isang hayop, hindi siya mas nakakahigit kaysa sa isang hayop; ang pamumuhay nang ganito ay walang halaga. Ang mga taong may katwiran ng tao ay pagbubulayan ang mga bagay na ito sa kanilang mga puso. Samakatwid, kapag umabot na sila sa isang partikular na edad, ang mga palagiang nauulit na paraan ng pamumuhay, mga panuntunan ng laro, at mga paraan ng pangangasiwa ng mga usapin ay magpaparamdam sa kanila ng pagkapagod, pagkasuya, pagkasuklam, at pagkasawa. Sa huli, magkakaroon sila ng pakiramdam ng kahungkagan, nararamdaman nilang natamasa at naranasan na nila ang lahat ng bagay na ito gayunman ay wala silang anumang naani, at hindi sila nagkamit ng anumang tunay at nahahawakang bagay na tunay na nakakatugon sa mga pangangailangan ng kanilang pagkatao. Sa mga sitwasyong ito, ang mga taong may konsensiya at katwiran ay higit pang mag-iimbestiga, maghahanap, at mangangapa: Ano ba talaga ang isang tunay na buhay ng tao? Paano ba talaga dapat ipamuhay ng isang tao ang kanyang buhay? Ang ilang matalinong tao ay maghahanap ng isang landas sa buhay at susubukang humanap ng pananalig sa relihiyon. Sa ganitong konteksto pumupunta ang ilang tao sa sambahayan ng Diyos. Natutuklasan nila na tanging ang mga salita ng Diyos, at ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na ibinibigay ng Diyos sa sangkatauhan, ang makakatugon sa kanilang mga pangangailangan. Kapag iniimbestigahan nila ang mga tanong tulad ng kung ano ang halaga at kabuluhan ng buhay, tanging ang mga salita ng Diyos ang makakapagbigay sa kanila ng mga sagot. Saka lang sila nagkakaroon ng pagkauhaw para sa mga salita ng Diyos, at kasunod nito ay tinatanggap nila ang mga salita ng Diyos at pagkatapos, higit pa rito ay nagpapasakop sila sa mga ito. Ang kanilang pagkauhaw, pagtanggap, at pagpapasakop sa mga salita ng Diyos ay pawang nakabatay sa kanilang karanasan sa buhay, at nabubuo mula sa kanilang mga pagninilay sa ilan sa mga bagay na naranasan nila sa buhay.
Pakiramdam ba ninyo ay abstrakto ang ibinahagi natin ngayon lang? Nauunawaan ba ninyo ito? (Hindi ito abstrakto. Nauunawaan namin ito.) Ang nilalamang ito ay hindi abstrakto ni hungkag; ang mga ito ay pawang mga bagay na nakikita at nakakasalamuha ng mga tao sa tunay na buhay. Kung iniisip ng isang tao na ang pagbabahagi tungkol sa konsensiya at katwiran ng pagkatao ay walang kaugnayan sa tunay na buhay, at pakiramdam niya ay napakahungkag at abstrakto ng nilalamang ito, na para bang isa itong bagay na nangyayari sa ibang mundo at masyadong malayo sa mga tao, kung gayon ay may problema ang taong iyon, hindi ba? Hindi mo nauunawaan ang mga usaping may kinalaman sa sariling asal, at sa iyong sariling asal ay wala kang anumang konsensiya o katwiran. Kaya ano ka ba talaga—isang diyablo o isang hayop? Mahirap sabihin, pero ano’t anuman, hindi ka isang tao. Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay nakakaramdam at nakakaugnay sa mga kaisipan o pagpapamalas na kinasasangkutan ng konsensiya at katwiran ng pagkatao. Kung hindi makaugnay ang isang tao sa mga positibong kaisipan o pagpapamalas na ito, pero nakakaugnay siya sa mga negatibong kaisipan o pagpapamalas, ipinapakita nito na wala siyang konsensiya o katwiran sa loob niya. Ang ilang tao na walang konsensiya at katwiran ay labis pa ngang nasusuklam sa mga kaisipan at pananaw at mga paraan ng pag-asal na may kinalaman sa konsensiya at katwiran ng pagkatao, pakiramdam nila ay kahiya-hiya, kasuklam-suklam, o nakakababa ang mga ito—ang mga ito ay mga tao na walang mga katangian ng pagkatao. Ang mga tao na walang mga katangian ng pagkatao ay nasusuklam nang husto sa mga pagpapamalas ng konsensiya at katwiran ng pagkatao, at hindi rin nila maramdaman ang iba’t ibang partikular na kaisipan, pag-uugali, at mga prinsipyo ng pagsasagawa na ipinapakita ng pagkatao ng mga tao na may konsensiya at katwiran. Dahil hindi sila magkauri, hindi nila maramdaman ang mga ito. Sabihin ninyo sa Akin, nauunawaan ba ng mga hayop kung batay sa anong mga prinsipyo kumikilos ang mga tao o kung bakit sila kumikilos nang ganoon? (Hindi.) Hindi alam ng mga hayop. Ano ang alam ng mga hayop? Alam nila kung ano ang gagawin at kung kailan ito gagawin—ang mga nakatakdang bagay lang na iyon: kung kailan kakain, gaano katagal maglalaro, at kung saan sila karaniwang dinadala ng kanilang mga amo. Pagdating sa kung bakit sila dinadala roon ng kanilang mga amo o kung bakit hindi, ang mga ito ay mga bagay na hindi nila alam. Hindi rin nila alam kung bakit nag-iiba ang dami ng pagkain na nakukuha nila kapag taglamig at kapag tag-araw, at hindi rin nila alam ang mga intensyon ng kanilang mga amo sa likod ng lahat ng ginagawa ng mga ito para sa kanila. Ang alam lang nila ay, “Ano’t anuman, mabuti sa akin ang amo ko. Binibigyan ako ng amo ko ng masasarap na pagkain araw-araw, at sinasamahan din niya ako at pinoprotektahan ako. Mabuti siya sa akin, kaya siya ang amo ko. Hindi ako pinapakain o tinatrato nang mabuti ng ibang tao, kaya hindi sila ang aking amo, at hindi rin ako malapit sa kanila.” Ang mga simpleng bagay lang na ito ang alam ng mga hayop. Sa katulad na paraan, ang mga taong sa mga hayop ay hindi kailanman mauunawaan o maaarok ang mga usaping ito na may kinalaman sa pagkatao, sariling asal, at mga kaisipan at pananaw. Kahit na turuan mo sila, ang matututunan lang nila mula sa iyo ay mga doktrina. Pero ang pagkaunawa sa isang bagay batay sa doktrina ay hindi tunay na pagkaunawa rito; hindi nila nauunawaan ang mga implikasyon, ni nauunawaan ang halaga ng mga bagay na itinuturo mo sa kanila. Samakatwid, hindi nauunawaan ng mga taong sa mga hayop kapag pinag-uusapan ang mga usaping may kinalaman sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Nauunawaan ng mga diyablo ang mga bagay na ito sa antas ng doktrina, pero hindi nila tinatanggap ang mga ito. Nasusuklam at namumuhi sila sa mga pahayag na ito, iniisip na naglilitanya ka ng mga salitang matayog pakinggan, at na ang mga ito ay mga pahayag na nakahiwalay sa tunay na buhay ng sangkatauhan. Hindi man nila tinatanggap ang mga ito o hindi nila nauunawaan ang mga ito, hindi Ko sinasabi ang mga bagay na ito tungkol sa sariling asal para marinig ng sa mga diyablo o sa mga hayop. Kung handa silang tanggapin ang mga ito bilang mga doktrina, ayos lang iyon; kung hindi sila handa, wala Akong mga pagtutol. Ang mga tao ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri—hindi sila maaaring pilitin. Anuman ang iyong klasipikasyon, iyon ang nagpapasya sa mga bagay na gusto mo. Kung wala kang pagkatao at hindi ka sa sangkatauhan, hindi mo mauunawaan ang mga salitang may kinalaman sa katotohanan, at hindi ka magiging handang lumakad sa landas na dapat lakaran ng mga tao. Tanging ang mga tao na kabilang sa klasipikasyon ng tao ang magiging handang makinig sa mga paksang ito na may kinalaman sa sariling asal at sa katotohanan. Kung ang ilang tao ay hindi handang makinig at hindi nila ito maintindihan, hindi nila kailangang makinig. Ang gayong mga tao ay hindi sa klasipikasyon ng tao, at ang katotohanan ay hindi sinasabi para marinig nila.
Kakabanggit lang natin na, para sa mga taong may konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao, pagdating sa mga pisikal na pangangailangan nila sa buhay—tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya—habang mas nararanasan at nakakaharap nila ang mga bagay na ito, palagi nilang pagninilayan ang mga ito. Habang mas nararanasan nila ang pagkain, pag-inom, pagpapakasaya, at mga kasiyahan ng laman sa buhay, mas nararamdaman nila sa kanilang mga puso na ang mga bagay na ito ay walang kabuluhan at hungkag. Kahit pa hindi nila kayang ihinto ang ganitong pamumuhay, hindi sila nakakahanap ng kagalakan dito; sa halip, nararamdaman nilang lubos silang walang magawa. Lalo pang nag-uudyok sa kanila ang kondisyong ito na hangaring maunawaan ang mga tanong tulad ng kabuluhan ng buhay at kung bakit nabubuhay ang mga tao. Samakatwid, kapag tinatanggap nila ang gawain ng Diyos at nakukuha ang mga sagot sa mga tanong na ito, nakakaramdam sila ng matinding kasiyahan sa kanilang mga puso, at iniisip nila na ito talaga ang tamang landas sa buhay ng tao. Kapag tinatanggap ng gayong tao ang pagtustos ng katotohanan ng mga salita ng Diyos, pakiramdam niya, ang iba’t ibang positibong bagay at ang iba’t ibang hinihingi sa mga tao na binanggit sa mga salita ng Diyos ay perpektong nakatutugon, o sa isang antas ay umaayon, sa mga pangangailangan sa loob ng kanyang pagkatao. Samakatwid, maluwag sa loob niyang tatanggapin ang mga salita ng Diyos at ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao; naniniwala siyang ito talaga ang landas na dapat tahakin ng mga tao, at na ang mga ito talaga ang mga prinsipyo sa sariling asal na dapat taglayin ng mga tao. Dahil mayroon siyang gayong mga pangangailangan at gayong mga pagsasaalang-alang, ang mga salita ng Diyos ang kanyang panustos at ang maaaring maging napapanahon niyang tulong. Kapag natanggap na niya ang pagtustos ng mga salita ng Diyos, magkakaroon siya ng pagnanais at determinasyon na palugdan ang Diyos, at maging isang tunay na tao ayon sa mga hinihingi ng Diyos. Halimbawa, ang matutuwid na tao na binanggit ng Diyos, tulad nina Noe, Abraham, Job, at Pedro—ang mga kuwento tungkol sa kung paano sila nagpasakop sa Diyos at tumanggap sa Kanyang mga atas ang partikular na inaasam at hinahangaan ng ganitong uri ng tao sa kanyang puso. Umaasa siyang balang araw ay magkakaroon din siya ng tunay at ganap na pagpapasakop sa Diyos, tulad lamang nina Noe, Abraham, at ng iba pa, at inaasahan din niyang balang araw ay makakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos at magiging isa siya sa matutuwid na tao na sinasabi ng Diyos. Inaasam niyang maging isang mabuting tao, isang matuwid na tao. Ang mga kuwento ng matutuwid na taong ito na isinalaysay ng Diyos ay labis na nakakaantig sa kanya, at ang kanyang puso ay madalas na naaantig at nabibigyang-inspirasyon ng mga kuwento ng mga ito at ng mga saloobin ng mga ito sa Diyos. Dahil taglay niya ang mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanyang pagkatao, nagagawa niyang gawing mga huwaran at mga halimbawang tutularan ang mga taong ito na binanggit sa mga salita ng Diyos; isa rin itong palatandaan na mayroon siyang konsensiya at katwiran. Siyempre, ang ganitong uri ng pagpapamalas ay isa ring pangunahing kondisyon para magawang tanggapin ng isang tao ang mga salita ng Diyos at magpasakop siya rito, at para madalisay at maligtas siya. Kahit papaano man lang, kung huhusgahan batay sa mga pagpapamalas ng gayong tao at sa mga ibinubunyag niya sa proseso ng pagdanas ng buhay, hindi siya manhid at walang pakiramdam. Hindi siya isang taong walang mga kaisipan, ni isang taong walang anumang mga pananaw sa pamumuhay, sa realidad, o sa mga bagay tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya. Mayroon siyang mga opinyon, mayroon siyang sariling mga pananaw, at higit pa rito ay mayroon siyang mga positibong kaisipan at pananaw. Ibig sabihin, hindi siya manhid at walang pakiramdam sa iba’t ibang bagay sa buhay, kundi sa halip ay pinag-iisipan niya ang mga ito. Lalo na pagkatapos dumanas ng lahat ng uri ng mga paghihirap, dagok, at pagkabigo, at matikman ang mga kagalakan at pighati ng buhay, mas nararamdaman niyang hungkag at walang halaga ang buhay niya kung magpapatuloy ito nang ganito; na kung dadaan lang siya sa mundong ito at aasal nang ganito, wala itong halaga at walang kabuluhan; at na sa huli ay wala siyang mapapala sa pag-asal sa ganitong paraan. Makakaramdam siya ng kawalang-kahandaan na isuko ang sarili niya rito at iisipin niyang hindi ito lubos maisip: “Ganito ba talaga dapat mamuhay ang mga tao, pinalilipas ang buong buhay nila nang ganito? Ano ang silbi ng pamumuhay nang ganito ng sunod-sunod na henerasyon?” Tingnan mo, bagama’t sa huli ay hindi siya nakakabuo ng kongklusyon sa kung paano dapat mamuhay ang mga tao, kahit papaano man lang ay pinag-iisipan niya ito. Hindi siya nalulugmok sa pagkain, pag-inom, pagpapakasaya, at pagtatamasa ng kaginhawahan ng laman, sa pagmamahal ng kanyang pamilya, o sa kaligayahan ng buhay-pamilya, iniraraos lang ang kanyang mga araw nang may kalituhan. Ang saloobin niya sa buhay ay talagang hindi saloobin ng pagraraos lang, dahil, sa ilalim ng pamamahala ng katwiran, madalas siyang nagninilay. Ang mga bagay tulad ng pagkain, pag-inom, pagpapakasaya, at mga kasiyahan ng laman ay talagang hindi makatutugon sa mga pangangailangan ng kanyang puso. Sa mga sitwasyong ito, maghahanap siya ng mga bagay na makatutugon sa mga pangangailangan ng kanyang puso. Sa huli, tanging ang mga salita ng Diyos at ang gawain ng Diyos ang makapagbibigay ng mga sagot sa mga tanong na ito tungkol sa buhay na pinagbubulayan niya, at makatutugon sa mga pangangailangan ng kanyang puso.
Kung pinapalipas lang ng isang tao ang kanyang mga araw nang ganito araw-araw, taon-taon, hindi kailanman isinasaalang-alang kung anong landas ang dapat niyang lakaran o kung paano siya dapat mamuhay; kung, pagkatapos dumanas ng mga dagok, kabiguan, paghihirap, at kapighatian, at matikman ang mga kagalakan at pighati ng buhay, hindi pa rin niya isinasaalang-alang ang mga bagay na ito kahit kaunti, wala siyang mga pananaw sa buhay o kung paano umasal, at patuloy niyang hinahangad ang kasikatan, pakinabang, katayuan, at kasiyahan, labis pa ngang nahihilig sa paglulugmok ng kanyang sarili sa iba’t ibang masasamang kalakaran—at siya ay walang kamalayan, hindi nakakaramdam ng pagkabagabag o pasakit, at hindi nararamdaman na ang pamumuhay nang ganito ay hungkag—kung gayon, ang gayong tao ay tiyak na hindi isang tao. Kung siya ay isang tao, sa sandaling umabot siya sa isang partikular na edad ay pag-iisipan niya ang mga tanong na ito tungkol sa buhay. Nagsisimulang pag-isipan ng ilang tao ang mga usapin sa buhay sa edad na dalawampu: “Ang henerasyon ng aking mga lolo’t lola at ang henerasyon ng aking mga magulang ay pawang namuhay nang ganoon. Mamumuhay rin ba ako na tulad nila, mag-aasawa at magkakaroon ng mga anak sa isang partikular na edad, at iyon na iyon para sa buong buhay ko? Nabubuhay ba talaga ako para lang magpalaki ng mga anak at magparami? Kung mamumuhay ang isang tao nang ganito sa buong buhay niya, ito ay walang kabuluhan. Kung mamumuhay nang ganito ang sunod-sunod na henerasyon, hindi ba’t hungkag pa rin ito?” Bahagya nilang nararamdaman sa kanilang mga puso na ang hinaharap ay hungkag at walang katiyakan. Nararamdaman nila, “Kung hinahangad lang ng isang tao ang pagkain, pag-inom, pagpapakasaya, at mga kasiyahan ng laman sa buong buhay niya, at pagkatapos ay magkakaroon at magpapalaki siya ng mga anak, para alagaan siya ng mga ito sa kanyang pagtanda at bigyan siya ng maayos na libing, at matatamasa niya ang kanyang mga huling taon nang payapa—kung hahabulin niya ang layong ito, magiging lubos na walang kabuluhan ang kanyang buhay!” Bago pa man talaga nila simulan na danasin ang buhay, nakikita na nilang madilim at walang liwanag ang daan pasulong; nakita na nila ang bawat nakaplanong yugto ng buhay na nasa harapan nila. Bahagya nilang nararamdaman sa loob-loob nila na ang pamumuhay nang ganito ay walang kabuluhan at wala silang aabangan! Ang ilang tao, kapag umabot na sila sa edad na dalawampu, ay nagsisimulang mag-isip tungkol sa pagbuo ng pamilya, pagtatatag ng karera, at pamumuhay nang maayos, at pagtutulot sa kanilang mga magulang na magtamasa ng magandang buhay. At mayroon ding ilang tao na palaging may mga ambisyon; palagi nilang gustong yumaman o maging isang opisyal, na mangibabaw sa iba at magdala ng karangalan sa kanilang mga ninuno. Naiimpluwensiyahan man sila ng kanilang mga magulang o ng lipunan, sa madaling salita, hindi nila alam kung paano pagnilayan ang buhay. Mariin silang naniniwala na ang buhay ay tungkol lang sa masasarap na pagkain, magagandang damit, at pamumuhay nang maayos, at hindi nila isinasaalang-alang ang anumang iba pa. Nakakaranas ang ilang tao ng maraming dagok bago nila malinaw na makita na ang lipunang ito at ang sangkatauhan ay hindi kasingganda ng inaakala ng mga tao, at sinisimulan nilang isaalang-alang kung paano mamuhay ng isang buhay na mahalaga at makabuluhan, at na hindi ipinamuhay nang walang saysay. Napakakaunti lamang ng gayong mga tao. Sa madaling salita, ang lahat ng nagbubulay-bulay sa halaga ng buhay at nakakapagtanto na kailangang asikasuhin ng mga tao ang mga praktikal na usapin habang sila ay nabubuhay, ay mga taong may konsensiya at katwiran. Ang katunayang nagagawa nilang pagbulay-bulayan ang mga bagay na ito ay nagpapakita na ang kanilang mga pinahahalagahan ay naiiba sa iba. Ang kanilang mga pinahahalagahan ay hindi tungkol sa pagkain nang masarap at pagtatamasa ng magagandang bagay, at pag-unlad, pangingibabaw sa iba, at pagkakaroon ng magandang kinabukasan sa buhay na ito, at hanggang doon na lamang. Maraming tao ang may magandang kinabukasan, tulad ng mga opisyal na iyon na may mataas na ranggo—mayroon bang anumang mabuting naghihintay sa kanila sa huli? Masaya ba silang namumuhay? Kung titingnan mong mabuti ang kanilang mga pribadong buhay, hindi rin sila masaya. Dahil dito, nararamdaman mo na kung hahangarin mo rin ang katayuan at kinabukasan, magiging malungkot ka rin, tulad nila. Pagbubulay-bulayan ng mga taong may mga kaisipan ng normal na pagkatao, “Ang mga opisyal na iyon na may mataas na ranggo ay hindi masaya, na nagpapatunay na mali ang landas na nilalakaran nila. Kung gayon, ano ang tamang landas na dapat lakaran ng mga tao na tunay na makapagdudulot ng kaaliwan sa kanilang mga puso?” Kailangan ng mga puso ng mga tao ng isang bagay na aaliw sa kanila. Ang pinagmumulan ng kaaliwang ito ay hindi mga materyal na kasiyahan tulad ng pera, mararangyang tahanan, o magagarang sasakyan, at hindi rin ito isang katapatang-loob na kayang humarap sa mga kapighatian kasama nila, lalong hindi ito isang perpektong buhay may-asawa o mabubuting anak. Wala sa mga bagay na ito ang tunay na makapagdudulot ng kaaliwan sa mga puso ng mga tao. Ang tunay na makapagdudulot ng kaaliwan sa mga puso ng mga tao ay ang mga bagay na kailangan ng kanilang mga puso. Kailangan nilang makakuha ng ilang sagot; ibig sabihin, may ilang bagay na gustong maunawaan ng mga tao sa takbo ng buhay: Saan nagmumula ang mga tao? Kailan sila mamamatay? Sino ang kumokontrol sa kamatayan? Mayroon bang tinatawag na kapalaran sa buhay? Sino ang namamahala sa kapalaran? Kung ang mga magulang ng isang tao ang namamahala rito, sino naman ang namamahala sa mga kapalaran ng kanyang mga magulang? Ni hindi nga makontrol ng mga magulang ang sarili nilang mga kapalaran, kaya makokontrol ba nila ang mga kapalaran ng kanilang mga anak? Gayundin, paano dapat umasal ang mga tao? Paano sila dapat umasal upang maging sulit ang kanilang mga buhay, at hindi sila dumaan sa mundong ito nang walang saysay? Kung may kaluluwa ang mga tao, pagkatapos nilang mamatay, mayroon bang pupuntahan ang kanilang mga kaluluwa? Kung may pupuntahan ang mga kaluluwa, may kaugnayan ba ito sa buhay na ito? Ano ang dapat gawin ng mga tao sa buhay na ito upang makapunta sa magandang lugar ang kanilang mga kaluluwa pagkatapos nilang mamatay? Paano nila maiiwasan o mababago ang landas mula sa pagpunta sa isang masamang lugar? Ang mga ito ay pawang mga tanong na dapat pag-isipan ng mga tao. Kapag pinag-iisipan ng mga tao ang mga tanong na ito ngunit hindi sila makakuha ng mga sagot, nakakaramdam ba sila ng pagdurusa sa loob-loob nila? (Oo.) Habang mas nabibigo kang makakuha ng mga sagot, mas nakakaramdam ka ng pagdurusa sa loob-loob mo, at mas nawawalan ka ng ganang magtamasa ng buhay, pagmamahal ng pamilya, o romantikong pag-ibig, dahil paano mo man tamasahin ang mga ito, pansamantala lang mapupunan ng mga bagay na ito ang kahungkagan sa iyong puso. Kapag natapos mo nang tamasahin ang mga bagay na ito, sa kaibuturan mo ay makakaramdam ka ng mas malaking kahungkagan, dahil ang mga bagay na pansamantala mong taglay o tinatamasa ay pinamamanhid lang ang iyong puso at tinutugunan ang mga pansamantala mong pangangailangan; hindi makapagbibigay ang mga ito ng mga sagot sa mga tanong na pinagbubulayan mo. Sa huli, gaano man karami ang pera mo, gaano man kaganda ang materyal na buhay na tinatamasa mo, o gaano man karami ang mga anak sa tabi mo na gumagalang sa iyo, walang anuman sa mga ito ang makasasagot sa mga tanong na iyon sa kaibuturan ng iyong puso, at hindi ka rin matutulungan ng alinman sa mga ito na mahanap ang mga sagot na gusto mo. Ibig sabihin, ang mga bagay na tinatamasa mo sa buhay na ito, ang mga bagay na natamo mo na, ay hindi makapagsasabi sa iyo kung magiging ano ang iyong hinaharap, kung saan ka pupunta pagkatapos ng buhay na ito, o kung parurusahan ka ba o gagantimpalaan. Walang sinuman ang makapagbibigay sa iyo ng tumpak na sagot sa mga tanong na ito, at hindi ka makakahanap ng mga tumpak na sagot sa mga aklat o anumang uri ng sanggunian. Kung, kapag pinagbubulayan ang mga tanong na ito, bahagya mong nararamdaman na ang buhay ay hungkag—na ang pagtatamasa ng pagmamahal ng pamilya ay hungkag, na ang pagtatamasa ng romantikong pag-ibig, pag-aasawa, at ng sariling pamilya ay hungkag, na ang pagtatamasa ng pagiging mabuti sa iyo ng mga anak mo ay hungkag, at ang pagtatamasa ng mga bagay tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya ay pawang hungkag—at habang mas tinatamasa at nakakamit mo ang mga bagay na ito, mas tumitindi at bumibigat ang pakiramdam na ito ng kahungkagan—kung gayon ay lalo mong mararamdaman na kailangan ng iyong puso ng ibang bagay bukod sa mga ito para sa kaaliwan. Lalo ka pa nitong uudyukan na maghanap ng mga bagay na makapagdudulot ng kaaliwan sa iyong puso, at hanapin ang mga sagot sa buhay at ang landas ng buhay. Kapag hindi kayang matamo ang mga bagay na ito, nagkakaroon ang mga tao ng saloobing walang magagawa at pabasta-basta sa mga makamundong usapin: “Mamumuhay na lang ako nang ganito. Tutal, ganito naman namumuhay ang mga tao sa buong buhay nila.” Gaano man kaganda ang mga bagay na tinataglay o tinatamasa ng isang taong may konsensiya at katwiran, hungkag ang lahat ng ito para sa kanya. Hindi siya tulad ng mga taong kauri ng mga hayop, na hindi kailanman nabubusog gaano man karami ang kainin nila at hindi kailanman nakokontento gaano man karami ang tamasahin nila, at nag-iisip pa nga, “Pinakamabuti para sa mga tao na magtamasa nang ganito sa buong buhay nila. Sa buhay na ito, karamdaman ang pinakamasamang taglayin, at pera ang pinakamasamang mawala.” Ito ang lohika ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa pagiging hayop. Ang kasabihang ito—“Karamdaman ang pinakamasamang taglayin, at pera ang pinakamasamang mawala”—ay ang pilosopiya sa buhay na nakuha nila pagkatapos dumanas ng buhay. Gayumpaman, kapag naririnig ng isang taong may konsensiya at katwiran ang mga salitang ito, iniisip niya, “Mukhang masama nga ang maging mahirap; kapag kailangan mo ng pera pero wala ka nito, inilalagay ka niyon sa alanganin. Pero malulutas ba ng pagkakaroon ng pera ang problema ng kahungkagan? Hindi nito malulutas iyon kahit kaunti. Ang pagkakaroon ng masyadong maraming pera ay isa ring abala. Palaging may mga taong nag-iimbot dito, at hindi mo malalaman kung saan ito ligtas itago. Tila hindi ligtas na ilagay ito sa bangko, wala kang nararamdamang katiyakan kung ipupuhunan mo ito, at hindi mo rin naman magagastos ang ganoon kalaki. Kung gagastusin mo ang pera sa mga kasiyahan ng pagkain, pag-inom, at pagpapakasaya, paninirahan sa isang marangyang tahanan, pagmamaneho ng magagarang sasakyan, at pagtatamasa ng pambobola, paghanga, at mataas na pagtingin ng mga tao, na may mga taong sumusunod at nakapaligid sa iyo saan ka man magpunta, tulad ng isang kawan ng mga langaw na palaging umaaligid sa iyo nang hindi ka iniiwan kahit isang sandali—pagkatapos tamasahin ang mga bagay na ito sa loob ng ilang panahon, makakaramdam ka ng pagkasuya sa mga ito sa loob-loob mo, at iisipin mo kung gaano kaganda na makahanap ng isang lugar para manahimik sandali at pakalmahin ang iyong isip. Kahit na makapaglakbay ka sa buong mundo at mapalawak ang iyong pananaw, pagkatapos, kapag naging tahimik ka sa loob-loob mo, mararamdaman mo pa rin na ang pamumuhay nang ganito ay walang kabuluhan, at mas makakaramdam ka ng kahungkagan.” Sa katunayan, kapag nakakaramdam ng kahungkagan ang mga tao sa lahat ng ito, kailangan ng kanilang mga puso ng kaaliwan. Ibig sabihin, kapag umabot na sila sa isang partikular na edad at umabot sa isang partikular na yugto sa landas ng buhay, magkakaroon sila ng maraming tanong at kalituhan tungkol sa buhay na hindi nila nauunawaan, na kakailanganin nilang masagot at malutas. Kung hindi malulutas ang mga tanong na ito, makakapamuhay lang sila na parang isang naglalakad na bangkay, atubiling hinaharap ang lahat ng bagay, at ang kanilang mga pananaw sa lahat ng bagay ay magiging partikular na negatibo at pasibo, sa halip na maagap. Ang mga ito ay ilan sa mga damdamin tungkol sa pamumuhay na taglay ng mga taong may konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao.
Para sa mga taong may konsensiya at katwiran, bukod sa pagkakaroon ng ilang damdamin tungkol sa pamumuhay, kapag umabot na sila sa isang partikular na edad ay magkakaroon sila ng ilang pagkatanto tungkol sa buhay ng tao at pagbubulayan nila ang iba’t ibang tanong. Dahil mayroon silang konsensiya—o sa mas tumpak na pananalita, dahil ang gayong mga tao ay may puso at espiritu—sa ilalim ng patuloy na epekto ng kanilang konsensiya at katwiran, pagbubulayan nila ang iba’t ibang tanong sa iba’t ibang yugto ng buhay: Paano dapat tratuhin ang lahat ng uri ng tao? Paano dapat tratuhin ng isang tao ang kanyang mga magulang at mga anak? Tungkol saan ba talaga ang buhay? Sa buhay, tungkol saan ba talaga ang pagkain, pag-inom, at kasiyahan, gayundin ang kasikatan, pakinabang, katayuan, at kinabukasan? Pagkatapos danasin ang iba’t ibang yugto ng buhay, kahit pa hindi nila nauunawaan ang katotohanan, bubuo sila ng ilang kongklusyon tungkol sa buhay. Dahil nagbubulay-bulay sila, bubuo sila ng mga kongklusyon. Ang mga kongklusyong ito ay maaaring obhetibo, o maaaring mga personal na pagkatanto lang. Pero kahit papaano man lang, ang mga taong may konsensiya at katwiran ay sumailalim na sa ilang partikular na bagay sa proseso ng pagdanas ng buhay. Sa pagkakaroon ng isang partikular na antas ng karanasan sa buhay, mararamdaman nila, “Sa buhay na ito, maraming bagay ang hindi nangyayari ayon sa gusto ng isang tao; maraming bagay ang hindi kontrolado ng isang tao. Tila ba, sa isang lugar na hindi nakikita, isinaayos na ng Langit ang lahat ng ito.” Isa itong pagkatantong nakukuha nila mula sa pagdanas ng buhay, at isa rin ito sa kanilang mga nakamit. Sa usapin ng pagkatao, ang nakamit na ito ay isang napakapositibo at napakanatural na uri ng pagninilay na dulot ng paggana ng konsensiya at katwiran. Bakit mayroon silang ganitong uri ng pagninilay? Ito ay dahil sa proseso ng pagdanas ng buhay, maraming bagay ang nangyayari ayon sa gusto nila at mga bagay na hindi, mga bagay na umaayon sa kanilang mga pagnanais at mga bagay na hindi. Sa proseso ng pagdanas ng mga bagay na ito, patuloy silang matututo ng mga aral at sa huli ay bubuo sila ng isang kongklusyon: May mga kapalaran ang mga tao. Ang buhay man ng isang tao ay maging maayos at ayon sa gusto niya o puno ng mga paghihirap at pagkabigo, magdulot man ito ng pagdurusa o kaligayahan, mayroong tinatawag na kapalaran. Batay rito, pagbubulayan nila ang ilang tanong: “Tiyak na may mga kapalaran ang mga tao, pero pinipili ba ng mga tao ang sarili nilang mga kapalaran? Ang mga ito ba ay hinuhubog ng mga magulang ng mga tao? Tila hindi ganito ang sitwasyon. Kung ang mga kapalaran ng mga anak ay hinuhubog at pinagpapasyahan ng kanilang mga magulang, aasa ang bawat magulang na uunlad at mangingibabaw sa iba ang kanilang mga anak, at magkakaroon ng masayang buhay na umaayon sa kanilang mga gusto. Pero bakit hindi nangyari ang buhay ko ayon sa mga kagustuhan ng aking mga magulang, ni ayon sa sarili kong mga pagnanais? Malinaw na hindi pinagpapasyahan ng mga tao ang kapalaran. Ang sabihing ang mga kapalaran ng mga tao ay hinuhubog ng kalikasan ay hungkag na pagsasalita; lubos itong imposible. Tiyak na mayroong isang May Kataas-taasang Kapangyarihan, Langit, na nagsasaayos ng usaping ito sa hindi nakikitang mundo.” Pagkatapos danasin ang ilan sa mga yugto ng buhay, nagkakaroon sila ng ilang pagkatanto. O, para sa ilang yugto ng buhay na hindi pa nila nararanasan, nakakakuha sila ng ilang pag-unawa at kabatiran galing sa kanilang mga magulang o mga nauna sa kanila; siyempre, ang mga ito ay mga pagkatanto rin tungkol sa buhay. Una sa lahat, naniniwala sila sa kapalaran, at batay rito, naniniwala silang umiiral ang Langit. Obhetibo ba ito? (Oo.) Marahil ay sasabihin ng ilang tao, “Ang sinasabi mo ay hindi obhetibo. Mga tao rin kami, pero hindi kami nag-iisip nang ganoon.” Kapag sinasabi nating pinag-iisipan ng mga taong may konsensiya at katwiran ang mga tanong sa buhay, hindi ibig sabihin na nakaupo lang sila roon na walang ginagawa at pinag-iisipan ito nang apatnapu’t limang minuto na parang nasa klase sila, at pagkatapos ay nakakaisip sila ng sagot. Sa halip, habang tumatanda sila at nakakaranas ng parami nang paraming mga bagay, nang hindi man lang nila namamalayan ay nagkakaroon sila ng mga pagkatanto tungkol sa buhay. Ang mga pagkatantong ito ay hindi nangyayari pagkalipas lamang ng isang gabi, at hindi rin dumarating ang mga ito pagkalipas ng isang taon. Marahil simula sa edad na tatlumpu, nagsisimula silang dumanas ng buhay at makisalamuha sa lipunan at sa ibang tao; pagkatapos unti-unting dumanas ng iba’t ibang bagay, naiipon nila ito nang paunti-unti, na umaakay sa kanila sa gayong kongklusyon. Ibig sabihin, sa pag-abot sa isang partikular na edad, pagkatapos pagdaanan ang ilan sa mga paglalakbay sa buhay, ang mga taong may konsensiya at katwiran ay, una sa lahat, maniniwala na may mga kapalaran ang mga tao, at na ang kanilang mga kapalaran ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Langit; nabubuo nila ang kongklusyong ito. Ano pa ang nabubuo nilang kongklusyon? “Kung magtatamasa ba ang isang tao ng mga pagpapala o magdurusa ng mga kapighatian sa buhay na ito, kung mahirap ba siya o mayaman, kung magiging isa ba siyang mataas na opisyal o isa lang karaniwang tao, walang anuman dito ang nakasalalay sa kanya.” Kung pag-iisipan mo ito mula sa perspektiba ng tao, sino ba ang hindi gustong maging isang opisyal, magtamasa ng magandang materyal na buhay, at magkaroon ng masaya at walang-hirap na buhay na umaayon sa lahat ng gusto nila? Pero ang gayong mga adhikain ay hindi tiyak na matutupad; magkakaiba ang kapalaran ng bawat isa. Halimbawa, ang ilang tao ay mukhang hindi kapansin-pansin at gusgusin noong bata pa sila, pero nagtatagumpay sila paglaki nila; hindi ito maunawaan ng mga tao. Halimbawa, sabihin nating may isang batang babae na partikular na determinadong maging mahusay mula pa sa murang edad; magaling siya sa kanyang pag-aaral at may pambihirang ganda. Pero ano ang nangyayari sa kanya sa huli? Nagpakasal siya sa isang siga, binubugbog araw-araw, at ang mga anak niya ay hindi kasingganda ng inisip niya; lahat ng ito ay kakatwa ang hitsura at hindi kaakit-akit. Napakadeterminado niya, napakaganda, at napakaraming manliligaw, gayunman, pagkatapos tingnan ang lahat ng kanyang pagpipilian, sa huli ay pinili niya ang isang siga; ito ay isang bagay na hindi kailanman aasahan ng mga tao. O sabihin nating may isa pang tao na partikular na ambisyoso at nangangarap na maging isang heneral o isang gobernador ng probinsiya paglaki niya. At ano ang nangyayari sa kanya? Paglaki niya, naghahanapbuhay siya sa pamamagitan ng pagsasaka. Medyo mataas ang pinag-aralan niya, nakasalamin siya buong araw at nakapagsasalita nang mahusay. Saanman siya magpunta, nagkukuwento siya ng mga makasaysayang kuwento at istorya sa iba. Alam pa nga niya ang lahat mula sa astronomiya hanggang sa heograpiya, at nakakapanghula siya. Pero sa huli, wala siyang naisasakatuparan at nananatiling isang magsasaka sa buong buhay niya. Mula sa mga bagay na ito, makikita na ang kapalaran ng isang tao sa buong buhay niya ay isinasaayos ng Langit. Kahit pa mayroon kang magagandang adhikain at pagnanais, hindi tiyak na matutupad ang mga ito; at kahit hindi mo matupad ang mga ito, marahil ay hindi inaasahang darating sa iyo ang suwerte. Tinutupad nito ang kasabihan ng mga walang pananampalataya na may mga mata ang Langit. Ganap itong nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Lumikha. Bukod pa rito, ang sinumang mahirap ngayon ay hindi tiyak na magiging mahirap sa buong buhay niya. Kapag mahirap ang isang tao, maaaring maliitin siya ng kanyang misis at iwanan siya. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, umuunlad ang kanyang negosyo at nagiging milyonaryo siya, nagmamaneho ng magagarang sasakyan, naninirahan sa isang mansiyon, at nagsusuot ng ginto at pilak. Gusto na ngayong bumalik ng kanyang asawa, pero mas gugustuhin pa niyang hindi na muling mag-asawa kaysa tanggapin itong muli. Tingnan mo, sadyang walang magandang kapalaran ang kanyang asawa; nakatadhana itong maging mahirap. Kung mahirap ba o mayaman ang isang tao sa buhay na ito ay hindi niya makokontrol. Hindi mo kailanman malalaman kung kailan ka maaaring yumaman, at hindi mo kailanman malalaman kung ano ang maaaring maging dahilan para maghirap ka. Iniisip ng ilang mayamang tao na magiging mayaman sila sa buong buhay nila, kaya minamaliit nila ang mahihirap at binabalewala ang mga ito. Ngunit pagkalipas ng ilang taon, naghihirap sila, at iyong mga dati nilang inaapi at binabalewala ay mas mayaman na ngayon kaysa sa kanila, at wala nang gana ang mga ito na pansinin sila. Bukod sa pagkatanto na ang pagiging mayaman o mahirap ng isang tao ay hindi niya makokontrol, ano pang mga pagkatanto tungkol sa buhay ang nabubuo ng mga taong may konsensiya at katwiran? Sinasabi ng ilang tao, “Sa buhay na ito, kahit pa hindi ka gumawa ng mabubuting bagay, huwag kang gagawa ng kasamaan. May mga mata ang Langit! Tingnan mo ang pamilyang iyon; bulok na sila simula pa sa henerasyon ng kanilang mga lolo’t lola, palaging nandadaya at namiminsala ng iba. At ano ang nangyari sa kanila sa huli? Nakaranas ng pagganti ang kanilang apo; ipinanganak itong may kapansanan. Kaya, huwag gagawa ng kasamaan. May mga mata ang Langit; makakaranas ka ng pagganti sa malao’t madali kung gagawa ka ng kasamaan!” Ang mga taong may konsensiya at katwiran ay nakakaranas ng maraming bagay at labis na nagdurusa kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan. Pagsapit nila sa edad na limampu o animnapu, magkakaroon sila ng iba’t ibang pagkatanto tungkol sa buhay. Ang mga pagkatantong ito, sa huli, ay nauuwi sa pag-iral ng kapalaran at ng Langit, na sa hindi nakikitang mundo, ang mga kapalaran ng mga tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Langit, na nakakaranas ng pagganti ang mga tao pagkatapos nilang mamatay, na hindi dapat gumawa ng kasamaan ang isang tao, at anuman ang kasamaang gawin ng isang tao, may mga mata ang Langit at nakamasid ito. Huwag mong isipin na walang ideya ang iba na gumawa ka ng kasamaan; maaaring hindi alam ng mga tao, pero tiyak na alam ng Langit. Ang mga utang ng isang tao sa buhay na ito ay dapat bayaran sa susunod na buhay, at maaaring abutin pa ng ilang habambuhay para mabayaran ang mga ito. Tingnan mo, mula pa noong sinaunang panahon hanggang sa kasalukuyan, ang lahat ng gumawa ng labis na kasamaan ay humantong sa masasamang wakas at humarap sa pagganti. Ang ilan ay pumatay ng napakaraming tao at naparusahan; sa loob ng daan-daang taon, hindi sila nagreinkarnasyon bilang mga tao kahit minsan. Palagi silang nagrereinkarnasyon bilang mga baka at baboy, at pagkatapos katayin, muli silang nagrereinkarnasyon bilang mga baboy at baka, dumaraan sa siklong ito sa bawat henerasyon. Ito ang pagharap sa pagganti. Kahit pa hindi nauunawaan ng mga taong may konsensiya at katwiran ang katotohanan, maaari pa rin silang magkaroon ng ilang damdamin tungkol sa mga usapin sa buhay, makatanto ng ilang positibong bagay, at sa huli ay makakuha ng ilang positibong sagot. Dahil sa mga positibong sagot na ito, nakakabuo sila ng ilang prinsipyo sa sariling asal na dapat taglayin ng mga tao, at ng landas ng sariling asal na dapat lakaran ng mga tao. Sa pamumuhay ng buong buhay nila sa ganitong paraan, kahit papaano ay makagagawa sila ng mas kaunting kasamaan at makakaiwas sa ilang kaparusahan. Habang mas maraming karanasan sa buhay ang mga tao at mas maraming pagkatanto tungkol sa buhay ang nakakamit nila, mas tama nilang mahaharap ang kanilang mga kinabukasan at hinaharap, at mas mahahayaan nilang mangyari ang mga bagay-bagay nang natural, tinutulutan ang lahat na mangyari ayon sa nararapat, sa halip na pilit at sadyang subukang kontrolin ang lahat ng bagay na ito. Halimbawa, tungkol sa mga bagay na tulad ng kinabukasan at pag-aasawa ng mga anak ng isang tao, o kung paano tinatrato ng mga anak ang mga nakatatanda, hahayaan ng mga magulang na mangyari ang mga bagay-bagay nang natural at haharapin nila nang tama ang mga bagay na ito, sa halip na gumamit ng mga gawa-gawang pamamaraan o matitinding pag-uugali para manipulahin ang lahat ng ito. Kaya, kapag mayroon ang isang tao ng mga pagkatantong ito tungkol sa buhay, sa isang antas, makakasunod siya sa mga pagsasaayos ng Langit at sa mga pagsasaayos ng kapalaran, at makagagawa ng mas kaunting hangal na bagay o wala na talaga.
Maraming pagkatanto ang maaaring makuha tungkol sa buhay. Bukod sa mga kakabahagi lang natin, ano pang mga pagkatanto ang nakuha ninyo? (Na ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan ay hindi rin kontrolado ng mga tao.) Oo, ang pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan ay hindi kontrolado ng mga tao. Tingnan mo, napakalusog ng ilang tao, pero pagkatapos ay nagkakasipon sila at namamatay sa loob ng ilang araw. Samantala, ang ilang tao ay sakitin, umiinom ng gamot sa buong taon, gayunman ay nabubuhay sila hanggang sa edad na walumpu. Kung kailan mamamatay ang isang tao ay hindi rin niya kontrolado; hindi ito isang bagay na mapipili niya. Ano pang mga pagkatanto tungkol sa buhay ang mayroon? (Na ang romantikong pag-ibig at pag-aasawa ay hindi rin kontrolado ng isang tao.) Hindi matalos ng mga tao ang maraming bagay sa panahong iyon, pero kapag umabot na sila sa isang partikular na edad, magkakaroon sila ng ilang pagkatanto. Halimbawa, maraming bagay ang hindi kayang kontrolin ng mga tao; hindi nagbabago ang mga ito ayon sa kalooban ng tao, at hindi rin pinagpapasyahan nito ang mga ito. Sabihin mo sa Akin, para sa isang tao na kayang pagbulayan ang mga tanong na ito at magkaroon ng mga pagkatantong ito tungkol sa buhay, kapag naririnig niya ang mga salita ng Diyos, hindi ba’t labis na naliliwanagan ang kanyang puso? (Oo.) Kung makakakuha siya ng mga sagot mula sa mga salita ng Diyos, matatanggap ba niya ang mga salita ng Diyos? Kikilalanin ba niya ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos? (Kikilalanin niya.) Pagkatapos danasin ng mga taong may konsensiya at katwiran ang ilan sa mga yugto ng buhay, magkakaroon sila ng ilang pagkatanto tungkol sa buhay. Ang pinakapangunahing punto sa mga pagkatantong ito ay ang paniniwala sa kapalaran at ang paniniwala na umiiral ang Diyos. Batay rito, kapag lumalapit sila sa harapan ng Diyos, binibigyan sila ng mga sagot ng mga salita ng Diyos at binibigyan din sila ng landas, kinukumpirma ang mga pagkatantong nakuha nila sa proseso ng pagdanas ng buhay, at nagbibigay rin sa kanila ng mga partikular na sagot. Ibig sabihin, perpektong pinupunan ng mga salita ng Diyos ang ilang partikular na detalye na nabigo nilang mapagtanto sa proseso ng pagdanas ng buhay, tinutulungan silang mas maunawaan at mas matibay na paniwalaan na umiiral ang Diyos, at na walang anumang pagdududa na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Sa simula pa lang ay mayroon na sila ng pundasyong ito, at nakuha na nila ang gayong mga sagot sa proseso ng pagdanas ng buhay. Kapag humaharap sila sa Diyos at nauunawaan nila ang katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, ginagawa ng mga salita ng Diyos na mas matibay silang maniwala sa Kanyang pag-iral at sa katunayan na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga kapalaran ng mga tao. Ibig sabihin, tinutulutan sila ng mga salita ng Diyos na makumpirma na tama at tumpak ang kanilang mga pagkatanto. Samakatwid, batay sa pagkakaroon ng mga pagkatanto tungkol sa buhay, mas matibay pa silang naniniwala na tunay na umiiral ang Diyos, at na bagama’t hindi Siya nakikita o nahahawakan, hindi maikakaila ang Kanyang pag-iral. Sa katunayan ay mayroon na silang kamalayan at pakiramdam tungkol dito bago pa man lumapit sa harapan ng Diyos. Kapag nakakatanggap sila ng kumpirmasyon mula sa mga salita ng Diyos, natural na nadaragdagan ang kanilang pananalig; sa halip na maging mas mapagduda, nagkakaroon sila ng higit na pananalig sa Diyos at mas matibay na paniniwala sa Kanyang pag-iral. Dahil dito, mas kaunti ang nararanasan nilang paghihirap sa pagtanggap sa mga salita ng Diyos kaysa sa karamihan ng mga tao. Tulad lang ni Job—ano ang kanyang pagkatanto tungkol sa buhay? “Si Jehova ang nagbigay, at si Jehova ang nag-alis; purihin ang pangalan ni Jehova” (Job 1:21). Bago siya sinubok ng Diyos, at bago humarap ang Diyos sa kanya, naramdaman na niya ito. Kaya nang subukin siya ng Diyos, mas matibay siyang naniwala sa kanyang puso na gawa ito ng Diyos, at na hindi ito maipagkakaila. Ibig sabihin, nang subukin siya ng Diyos, hindi siya nagsimula sa wala sa pagkilala sa Diyos, sa pakikipag-ugnayan at pagkilala sa mga gawa ng Diyos, at sa pagkilala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; sa halip, naunawaan at naarok na niya ang mga gawa ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Batay rito, higit pa niyang nakumpirma na tama ang kanyang pagkakilala at mga pagkatanto, at na talagang kumikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Para naman sa mga taong may konsensiya at katwiran, kapag lumalapit sila sa harapan ng Diyos pagkatapos magkamit ng mga pagkatanto tungkol sa buhay, halos wala silang nararanasang paghihirap sa pagtanggap sa mga salita ng Diyos. Mas matibay pa silang makakapaniniwala na tama ang mga salita ng Diyos. Iyon nga lang, maraming detalye ang kulang sa kanilang mga pagkatanto tungkol sa buhay, at ito ang nagdudulot na mas matibay pa silang maniwala at makakumpirma na tama ang kanilang pagkakilala, kaya wala silang anumang pagdududa tungkol sa Diyos. Dahil wala silang mga pagdududa tungkol sa Diyos at matibay silang naniniwala sa Kanyang pag-iral, mahirap ba para sa kanila na tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ang Kanyang mga salita? Kung ikukumpara sa mga hindi naniniwala o hindi kumikilala sa pag-iral ng Diyos kahit kaunti, o sa mga kumukuwestiyon dito, mas hindi ba ito mahirap para sa kanila? (Oo.) Kahit pa nahahadlangan sila ng kanilang mga tiwaling disposisyon, kahit papaano man lang, ang kanilang saloobin sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan ay nakabatay sa pundasyon ng matibay nilang paniniwala, nang walang anumang pagdududa, na ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sangkatauhan. Ibig sabihin, kapag sinusubok sila o kinakastigo at hinahatulan sila ng Diyos, una, kahit papaano man lang ay hindi nila itinatanggi ang pag-iral ng Diyos; ikalawa, hindi nila kinukuwestiyon ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; at ikatlo, hindi nila tinatanggihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Sa halip, nakatuon lang sila sa paglutas sa sarili nilang mga tiwaling disposisyon. Ang kalagayang ito ay naiiba sa kalagayan ng mga taong hindi naniniwala na umiiral ang Diyos kahit kaunti o ng mga nagdududa sa Diyos. Para naman sa mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos kahit kaunti, kapag sumapit sa kanila ang pagkastigo at paghatol ng Diyos o naghanda ang Diyos ng mga kapaligiran para disiplinahin sila, una sa lahat ay mapanlaban sila sa Diyos. Itinatanggi nila ang pag-iral ng Diyos, sinasabing, “Hindi ito gawa ng diyos; hinding-hindi kikilos ang diyos sa ganitong paraan!” o “Nasaan ang diyos? Gawa ito ng mga tao!” Nagpapakita sila ng mga pag-uugali at nagbibitaw ng mga pahayag na tipikal sa mga hindi mananampalataya. Samantala, ang mga nagdududa sa Diyos ay palaging nag-iisip, “Gawa ba ito ng Diyos? Sadyang hindi ako naniniwala na kikilos ang Diyos sa ganitong paraan. Nagmamahal at nagpapakita ng pagmamalasakit ang Diyos sa mga tao; isasagawa ba Niya ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan nang ganito? Sa tingin ko ay hindi Niya gagawin iyon. Ano’t anuman, ayaw kong tanggapin ito; kung hindi umaayon ang isang bagay sa aking mga kuru-kuro, hindi ko ito tinatanggap!” Tingnan mo, magkaiba ang mga saloobin ng dalawang uri ng taong ito sa pagkastigo at paghatol, pagdidisiplina, at mga pagsubok ng Diyos. Para naman sa mga taong nagtataglay ng mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanilang pagkatao at tunay na naniniwala sa pag-iral ng Diyos, kapag naghahanda ang Diyos ng mga kapaligiran para subukin sila, una sa lahat ay tinatrato nila ang mga kapaligirang isinaayos ng Diyos mula sa perspektiba ng nilikhang sangkatauhan. Tinatrato nila ang Lumikha at ang Diyos nang may saloobin ng pagpapasakop sa kanilang mga puso. Ang kanilang saloobin ay hindi pagkuwestiyon, pagtanggi, o pagtatatwa; sa halip, naniniwala sila, “Gawa ito ng Diyos; nasa ilalim ito ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos.” Bagama’t maaari din silang magkaroon ng paghihimagsik at mga kuru-kuro, at sumubok na makipagtalo, kahit papaano man lang, ang kanilang saloobin sa mga kapaligiran ay: “Gawa ito ng Diyos; ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay.” Bukod pa rito, kahit papaano man lang, hindi sila magdududa kung tunay ngang umiiral ang Diyos; isa itong bagay na sadyang hindi mangyayari. Samakatwid, anuman ang gawaing gawin ng Diyos sa kanila, ang kanilang saloobin sa Diyos ay saloobin ng isang nilikhang tao sa Diyos, sa halip na saloobin sa isang ordinaryong tao. Hindi ba’t naiiba ang saloobin sa Diyos ng mga taong may konsensiya at katwiran kaysa sa mga hindi mananampalataya at sa mga taong nagdududa sa Kanya? (Oo.)
Tinatrato ng mga hindi mananampalataya ang Diyos na para bang hangin lang Siya, at tinatrato pa nga Siya bilang isang ordinaryong tao na kapareho nila ng antas. Ang mga nagdududa sa Diyos ay may mga hungkag at malabong imahinasyon tungkol sa Diyos kapag walang nangyayari sa kanila; kapag nakahaharap sila ng mga isyu, nagkikimkim sila ng lahat ng uri ng hinala, pagdududa, at maging ng pag-aalinlangan sa Diyos. Gayumpaman, para sa mga may konsensiya at katwiran, dahil nakakatiyak sila sa kanilang mga puso na umiiral ang Diyos, at nakakatiyak sa pagkakakilanlan at diwa ng Diyos, anuman ang paghihimagsik o mga kuru-kurong nabubuo nila tungkol sa Diyos, kahit papaano man lang, tinatrato nila ang Diyos nang may saloobin ng isang nilikha sa Lumikha. Malaki ba ang pagkakaiba ng ganitong uri ng tao at ng naunang dalawang uri? (Oo.) Hindi siya mag-aalinlangan sa Diyos, at hindi rin niya tatratuhin ang Diyos bilang isang ordinaryong tao. Bakit natin pinag-uusapan ang pagkakaibang ito? Ito ay dahil, para sa isang taong may pagkatao, anuman ang mga tiwaling disposisyon na ibinubunyag niya, at magkaroon man siya ng mga kuru-kuro o paghihimagsik sa Diyos, ang lahat ng ito ay lumilitaw sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng kanyang pagkatao. Una, hindi niya isusumpa ang Diyos; ikalawa, hindi niya huhusgahan ang Diyos o lalapastanganin ang Diyos; at ikatlo, hindi niya lalabanan ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kanya. Sa pinakamalala, maaaring subukan niyang makipagtalo, o maging atubili siyang tanggapin ang kasalukuyang sitwasyon, o maging atubiling tanggapin ang gayong gawain ng Diyos. Pero kahit papaano man lang, tinatrato niya ang Diyos bilang Diyos, at kahit pa mayroon siyang ilang pagpapamalas ng paghihimagsik, limitado ang mga ito sa saklaw ng konsensiya at katwiran. Sa kabaligtaran, ang mga taong nagtatatwa sa Diyos ay walang kamalayan kung umiiral ba ang Diyos kapag hindi sila nahaharap sa anumang mga sitwasyon. Gayumpaman, kapag nakakatagpo nga sila ng isang sitwasyon, naniniwala silang may ginawang isang bagay ang Diyos na hindi paborable sa kanila—marahil ay dinidisiplina Niya sila, o pinagkakaitan sila ng isang bagay kaya nawawalan sila ng ilang personal na interes—at walang pakundangan nilang huhusgahan ang Diyos, isusumpa ang Diyos, at lalapastanganin ang Diyos sa kanilang mga puso, walang anumang may-takot-sa-Diyos na puso. Ang kanilang saloobin sa Diyos ay naiiba sa saloobin ng mga taong may konsensiya at katwiran. Nangangahas silang isumpa ang Diyos, at ang pagsumpang ito ay hindi lang paghihimagsik; isinusumpa nila ang Diyos nang walang anumang pagpipigil o pag-aatubili. Bakit hindi sila nagpipigil o nag-aatubili? Dahil hindi sila mga tao at wala silang konsensiya at katwiran; tinatrato nila ang Diyos na para bang Siya ang pinakaordinaryong tao sa paligid. At kung tinatalakay ng mga salita ng Diyos ang kanilang mga problema, tinatrato nila ang Diyos na parang isang kaaway, iniisip nila, “Kung hindi paborable sa akin ang mga salita mo, magagalit ako at gaganti ako sa iyo! Hangga’t walang kinalaman sa akin ang mga salita at kilos mo, wala akong magiging isyu sa iyo. Kung may mangyaring isang bagay na makapipinsala sa aking mga interes o kung mahaharap ako sa pagkaaresto, itatanggi at itatakwil ko ang diyos sa isang iglap!” Sasabihin din nila sa kanilang mga puso, “Walang saysay ang manampalataya sa diyos—kailangan pa nga nating dumanas ng pag-uusig at paniniil. Ako, sa ganang akin, ay hindi magtitiis ng paghihirap na ito!” Tingnan mo, sa lahat ng oras ay nagkikimkim sila ng mga kaisipan na isuko ang kanilang pananampalataya sa Diyos at talikuran Siya. Kapag nakakatagpo sila ng mga bagay na hindi umaayon sa gusto nila, nagkakaroon sila ng mga kaisipang ito at gusto nilang ilayo ang kanilang sarili sa Diyos. Ito ang pinakakaraniwang kalagayan ng mga diyablo at mga hindi mananampalataya. Sa sandaling makatagpo ang mga taong ito ng mga bagay na hindi paborable sa kanila, gusto nilang itanggi ang Diyos, huminto sa pananampalataya sa Diyos, at itakwil ang pangalan ng Diyos at tumakas. Hindi lang nila tinatalikuran ang pangalan ng Diyos, kundi nagrereklamo rin sila na hindi kaya ng Diyos na protektahan sila o pangalagaan ang kanilang mga interes. Sinasabi pa nga ng ilang tao, “Umiiral ba talaga ang Diyos? Kaya ba talaga Niyang magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay?” At sinasabi ng iba, “Hindi madali ang maglingkod sa Diyos; ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng pagsama sa tigre!” Tingnan mo, nangangahas silang magsabi ng mga labis na mapaghimagsik na bagay. Kung tunay mong tinatrato ang Diyos bilang Diyos at tunay kang naniniwalang mayroong Diyos, isinasaalang-alang ito mula sa konsensiya at katwiran ng isang normal na tao, huhusgahan mo ba ang Diyos at lalapastanganin Siya nang ganito kapag nakaranas ka ng mga bagay na hindi paborable sa iyo? Hindi mo gagawin iyon, dahil sadyang hindi ito tutulutan ng iyong konsensiya, at sa gayon ay hindi mo mabubuo ang mga kaisipang ito kahit kaunti. Kung gayon, sasabihin mo pa rin ba ang gayong mga bagay? Hinding-hindi lalabas sa iyong bibig ang gayong mga salita. Kapag nakakatagpo ang mga diyablo at mga hindi mananampalatayang iyon ng mga bagay na hindi paborable sa kanila, isusumpa at lalapastanganin nila ang Diyos, at sa huli ay tatalikuran nila ang Diyos at hihinto sila sa pananampalataya. Mayroon ding ilang tao na, kapag nakatagpo sila ng mga bagay na hindi umaayon sa gusto nila, ay nagpoprotesta sa pamamagitan ng pagwewelga, pag-aabandona sa kanilang gawain, at pagtangging gampanan ang kanilang mga tungkulin. Dati ay mayroong isang hindi mananampalataya na gumawa ng kasamaan at nagdulot ng malulubhang kawalan sa sambahayan ng Diyos. Tinanggal siya ng sambahayan ng Diyos, at nang italaga siya sa isang ordinaryong iglesia, tumanggi siya, sinabi niya, “Kung itatalaga ninyo ako sa isang ordinaryong iglesia, hindi ako kakain. Mamamatay ako rito mismo!” Pagkatapos ay pinungusan siya ng ilang kapatid at nakipagbahaginan sa kanya ang mga ito. Sinabi Ko, “Hindi ba’t hangal ka para bumaba sa antas ng gayong tao? Isa itong diyablo na nagpapakita ng tunay nitong kulay, kaya bakit mo siya sineseryoso nang labis?” Kung siya ay isang tao, magagawa ba niya ang gayong bagay? Sino ang kinakalaban niya? Isinasantabi ang katunayan na gumawa siya ng napakaraming kasamaan at nagdulot ng gayon kalulubhang kawalan sa sambahayan ng Diyos—kung saan perpektong makatwiran at wasto para sa sambahayan ng Diyos na pangasiwaan siya—kahit pa hindi siya gumawa ng anumang kasamaan, hindi ba’t tama rin para sa sambahayan ng Diyos na tanggalin siya dahil wala siyang kakayahang gawin ang gawain? Ito ay pagkilos ayon sa mga prinsipyo, kaya anong klaseng walang-kahihiyang pagmamaniobra ang sinusubukan niyang gawin? Sa pagsubok na gawin ang walang-kahihiyang panlilinlang na iyon, nabunyag siya, at ito ay higit pang dahilan para paalisin siya. Maaari siyang pumunta saanman niya gusto; kailangan lang alisin ng iglesia ang kanyang pangalan, at iyon na ang katapusan nito. Isa siyang diyablo, kaya bakit mo siya sineseryoso nang labis? Ang pagseseryoso sa kanya ay kahangalan; kaya mo bang mangatwiran sa isang diyablo? Ang hindi mananampalatayang ito ay walang konsensiya at katwiran, gumagawa ng lahat ng uri ng maruming bagay, at sumusubok na gumawa ng mga walang-kahihiyang panlilinlang, iniisip na kung gagawin niya ito, hindi makakatugon ang sambahayan ng Diyos. Madaling pangasiwaan ang gayong tao; paalisin lang siya at iyon na iyon—kapag wala sa paningin, wala sa isip. Hindi ba’t hangal na tratuhin ang isang hindi mananampalataya na isang diyablo bilang isang normal na tao? Hindi tinatanggap ng isang diyablo ang katotohanan kahit kaunti, at paano man siya manampalataya, hindi niya makakamit ang katotohanan. Kung makikipagbahaginan ka sa kanya tungkol sa katotohanan, hindi ba’t pag-aaksaya iyon ng pagsisikap? Kung gusto mo siyang malinis at maligtas, imposible iyon. Isa lang siyang diyablo na nagpapakita ng tunay nitong kulay, at dapat siyang paalisin. Ganito dapat pangasiwaan ang mga hindi mananampalataya.
Iyong mga taong magulo ang isip na nabibilang sa kategorya ng mga hayop ay hindi kumikilala sa Diyos mula sa kaibuturan ng kanilang mga puso at hindi nila tinatrato ang Diyos bilang Diyos, at wala rin silang paggalang sa katawang-tao ng Diyos o takot sa Diyos sa langit; para sa kanila, personal na pakinabang lang ang mahalaga. Kung ngayon ay nakakakuha sila ng mga pagpapala na kapaki-pakinabang sa kanila, sinasabi nila, “Mabuti ang diyos, dakila ang diyos, matuwid ang diyos, marangal ang diyos!” Pero kung isang araw ay bawiin ng Diyos ang kanilang mga pakinabang at pagdusahin sila, itatatwa at ipagkakanulo nila ang Diyos, sasabihin pa nga nila, “Hindi tiyak na totoo na ang diyos ay pawang mabuti; hindi na ako nananampalataya sa diyos!” Kung ang sambahayan ng Diyos ay namamahagi ng ilang pakinabang at hinahayaan silang magkamit ng isang bagay nang libre, nakakaramdam sila ng kaligayahan at sinasabi nila, “Mahal na mahal ng diyos ang mga tao, napakakaibig-ibig ng diyos! Pinupuri ko ang diyos sa aking puso!” Nagiging napakasaya nila na napapatalon sila sa tuwa, at maaari pa ngang magising na tumatawa mula sa kanilang mga panaginip sa gabi. Kung sasabihin sa kanila na hindi na ito libre, agad nilang binabago ang kanilang tono at nagiging malungkot sila. Hindi na nila sinasabi na ang Diyos ay kaibig-ibig o na ang Diyos ay nagmamalasakit sa mga tao, at sa halip ay humuhusga sila na ang sambahayan ng Diyos ay masyadong maramot at walang pagmamahal; napakabilis magbago ng kanilang asal. Mayroon bang konsensiya at pagkamakatwiran ang gayong mga tao? (Wala.) Ang mga taong walang konsensiya at katwiran ay walang pagkaramdam ng kahihiyan. Kapag nakikinabang sila, sinasabi nilang mabuti ang Diyos; kapag hindi sila maaaring makinabang, binabago nila ang kanilang tono at sinasabi nila, “Hindi mabuti ang diyos, walang diyos.” Talagang nasasabi nila ang gayong mga bagay. Nagsasalita sila nang salungat sa kanilang sarili, na para bang may split personality sila; sila ang nagsasabi na mabuti ang Diyos, at sila rin ang nagsasabi na hindi mabuti ang Diyos. Saan nakabatay ang kanilang mga salita? Nakabatay lang ang mga ito sa kung may mapapala sila; kung wala silang mapapala, sinasabi nilang hindi mabuti ang Diyos—talagang nasasabi nila ang gayong mga bagay. Sa pangkalahatan, kung ang isang taong may konsensiya at katwiran ay nagsasabi ng gayong mga bagay, makokonsensiya siya sa loob-loob niya: “Naku, wala akong konsensiya. Ang kakasabi ko lang ay hindi nararapat. Hindi ko iyon puwedeng sabihin sa hinaharap. Kapag may sinabi ka, hindi mo na ito puwedeng bawiin; ang pagsasabi niyon ay nagbunyag sa aking pagkatao.” Pagkatapos ay pagninilayan at kikilalanin niya ang kanyang sarili. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay hindi magninilay at kikilala sa kanilang sarili. Iniisip nilang nasa katwiran sila anuman ang sabihin nila; nagsasabi sila ng isang bagay kapag masaya sila, at iba naman kapag hindi sila masaya. Wala silang pagkaramdam ng kahihiyan at walang integridad o dignidad, at wala silang pakialam kung ano ang tingin sa kanila ng iba. Kaya mayroon ba talaga silang Diyos sa kanilang mga puso? Sa tumpak na pananalita, wala. Sa obhetibong pananalita, kapag kailangan nila Siya, sinasabi nilang mayroong Diyos, na kasama nila ang Diyos, na pinagkakalooban sila ng Diyos ng biyaya at tinutulungan sila, at na binabantayan at pinoprotektahan sila ng Diyos. Gayumpaman, kapag sinasaway at dinidisiplina sila ng Diyos, na nagiging dahilan para mapahiya sila at makaramdam ng kahihiyan, at nararamdaman nilang ang ginagawa ng Diyos ay hindi paborable sa kanila, sinasabi nilang hindi mabuti ang Diyos at nagsisimula silang mag-alinlangan sa Diyos. Sabihin mo sa Akin, anong konsensiya at katwiran mayroon ang gayong mga tao? Tinatrato nila ang Diyos tulad lang ng pagtrato nila sa mga tao, hindi sinusunod ang anumang mga hangganan ng konsensiya. Nangangahas pa nga silang makipag-away at makipagtalo sa Diyos, at nangangahas na magsabi ng pang-iinsulto sa Kanya, nang walang kahit katiting na pangamba o takot sa Diyos. Pagkatapos, pinagsisisihan nila ito: “Naku, binigo ko ang Diyos!” Pero kapag nakaranas sila muli ng gayong mga bagay, ganoon pa rin sila kumilos. Hindi sila kailanman magkakaroon ng tunay na takot sa Diyos sa kanilang mga puso; walang puwang ang Diyos sa kanilang mga puso. Gayumpaman, ang isang taong tunay na may konsensiya at katwiran ay may nakapirming puwang para sa Diyos sa kanyang puso, at dahil sa nakapirming puwang na ito, siya ay nagiging mas sinsero, taimtim, at magalang sa Diyos kaysa sa sinuman. Ang sinseridad, pagkataimtim, at paggalang na ito ang bumubuo sa kanyang saloobin sa Diyos dahil sa epekto ng pangunahing konsensiya at katwiran na mayroon siya. Kaya, sa anumang oras, mahina man siya o negatibo, o nabigo man siya o nadisiplina, hindi siya lalampas sa hangganang ito. Gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan niya o gaano man karaming pasakit ang tinitiis niya, hindi siya lalampas sa hangganang ito, dahil siya ay isang tunay na tao. Naniniwala siyang umiiral ang Diyos at na Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa mga tadhana ng mga tao, kaya hindi siya lalampas sa hangganan ng konsensiya para gumawa ng pagkakasala laban sa Diyos, at hindi rin niya sadyang isusumpa ang Diyos, lalabanan ang Diyos, o paghihimagsikan ang Diyos nang namamalayang ginagawa niya iyon. Ang pag-iwas niyang gawin iyon nang sadya ay nangangahulugang pinipigilan siya ng kanyang konsensiya at katwiran. Siyempre, sa ilalim ng epekto ng kanyang konsensiya at katwiran, magagawa rin niya ang ilang bagay na dapat gawin ng isang taong may normal na pagkatao. Halimbawa, anuman ang gawaing ginagawa ng Diyos o anumang mga salita ang sinasabi ng Diyos na hindi umaayon sa kanyang mga kuru-kuro, hindi siya sadyang huhusga o magbibigay ng mga komento. Kaya niyang tratuhin ang mga bagay na ito nang tama o hanapin ang katotohanan para lutasin ang sarili niyang mga kuru-kuro; mayroon siyang pangunahing hangganan sa kaibuturan ng kanyang isipan. Dahil naniniwala siyang umiiral ang Diyos, magkakaroon siya ng mga pagninilay na ito dahil sa epekto ng kanyang konsensiya at katwiran. Pagkatapos magnilay, magkakaroon siya ng pangunahing saloobin at mga pangunahing prinsipyo sa kanyang pagtrato sa Diyos. Tanging sa pundasyon ng mga pangunahing prinsipyong ito mapapanatili ng mga tao ang kanilang ugnayan sa Diyos bilang ugnayan ng isang nilikha sa Lumikha, pinapanatili ang gayong tama, normal, at wastong ugnayan. Tanging sa pagkakaroon ng ugnayang ito normal na matatanggap ng mga tao ang mga salita ng Diyos, at normal silang makakapagpasakop sa mga salita ng Diyos at makapagsasagawa ng mga ito. Sabihin ninyo sa Akin, matatanggap ba ng mga taong madalas na nagsusumpa sa Diyos, mga taong gustong huminto sa pananampalataya sa Diyos sa isang iglap, at mga taong nagrereklamo tungkol sa Diyos at napopoot sa Diyos nang ganoon-ganoon lang, ang mga salita ng Diyos? Maisasagawa ba nila ang mga salita ng Diyos? (Hindi.) Ang saloobin ng mga taong ito sa Diyos ay ang saloobin ng mga diyablo sa Diyos. Dahil may gayong saloobin ang mga diyablo sa Diyos, maituturing ba nilang katotohanan ang mga salita ng Diyos? Hinding-hindi. Tanging ang mga nilikhang tao ang makatuturing sa mga salita ng Diyos bilang katotohanan. Tanging sa pagturing sa mga salita ng Diyos bilang katotohanan magiging handa ang mga tao na tanggapin ang mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay higit pang magpasakop at pumasok sa mga ito, at isagawa ang mga ito, at sa huli ay malinis at maligtas.
Ang isang taong nagtataglay ng mga katangian ng konsensiya at katwiran sa kanyang pagkatao ay may pangunahing prinsipyo sa kanyang pagtrato sa Diyos, at ito ay ang magkaroon ng intensiyong magpasakop. Anuman ang mangyari sa kanya, hinding-hindi siya manghuhusga nang basta-basta, kundi magdarasal siya sa Diyos at hahanapin niya ang katotohanan; ito ang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang normal na tao. Kung ang mga pagpapamalas ng isang tao ay umaayon sa konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, o kung mayroon siyang regulasyon, pagpipigil, at pagkontrol ng konsensiya at katwiran, kung gayon, ang taong ito ay isang tunay na tao, at isang taong nilalayong iligtas ng Diyos. Kung kumikilos siya nang walang regulasyon, lalo na ng pagpipigil, ng konsensiya at katwiran, at magulo ang isip niya; kung gusto niyang magkaroon ng mabuting saloobin sa Diyos pero hindi niya kailanman magawa, hindi alam kung paano niya talaga dapat tratuhin ang Diyos, at hindi alam kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin ng mga tao sa harap ng Diyos upang maging tama—kung hindi niya alam ang mga bagay na ito, kundi magulo lang ang isip niya at nalilito siya, kumikilos nang mabuti sa paligid ng mabubuting tao at kumikilos nang masama sa paligid ng masasamang tao, anong uri siya ng tao? Kapag nasa paligid siya ng mga taong may konsensiya at katwiran, hindi siya gumagawa ng anumang masasamang bagay, pero hindi iyon nangangahulugan na isa siyang taong may pagkatao. Kung nasa paligid siya ng masasamang tao, gagawa siya ng masasamang bagay. Kapag isinusumpa ng masasamang tao ang Diyos, nagdududa rin siya sa Diyos; kapag itinatatwa at hinuhusgahan ng masasamang tao ang Diyos, hindi siya nasusuklam, hindi siya gumagamit ng anumang pagkilatis, at patuloy pa rin siyang nakikisalamuha sa masasamang tao. Hindi niya kailanman pinangangalagaan ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, o ang mga interes ng iglesia, kundi kumikilos siya bilang isang tagamasid, hindi man lang alam kung ano ang tama at mali. Ang gayong tao ay isa sa mga nagreinkarnasyon mula sa isang hayop; tiyak na hindi siya isang tao. Sa kabaligtaran, bago makatagpo ng isang taong may konsensiya at katwiran ang gawain ng Diyos, mayroon siyang pangunahing paggalang, takot, o pagpipitagan sa Langit na kayang abutin ng mga tao. Kahit papaano man lang, ang Langit ay sagrado, makatarungan, at matayog para sa kanya. Pagkatapos niyang tanggapin ang gawain ng Diyos at maunawaan ang ilang katotohanan na hinihingi ng Diyos na taglayin ng mga tao, dahil sa epekto ng kanyang konsensiya at katwiran, kahit pa hindi siya nakakaunawa ng napakaraming katotohanan, kaya niyang tukuyin ang katwiran at saloobin na dapat taglayin ng mga tao tungkol sa Diyos. Nauugnay man dito ang pagkakakilanlan ng Diyos o ang iba’t ibang aspekto ng Kanyang katawang-tao, magkakaroon siya ng isang antas ng paggalang, pagpipitagan, at takot. Ang mas mabuti pa, batay sa pag-unawa sa ilang katotohanan, maaari siyang magtaglay ng takot sa Diyos. Hindi niya tinatrato ang Diyos sa kaswal, mapagwalang-bahala, pabasta-basta, o walang-galang na paraan, kundi tinatrato Siya nang may matinding pag-iingat at paghihinay. Lalo na kapag nauugnay rito ang gawain ng Diyos, ang Kanyang patotoo, ang Kanyang pangalan, ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, at ang Kanyang mga handog, gayundin ang mga salita ng Diyos, mga hinihingi ng Diyos, at isang partikular na tagubilin mula sa Diyos, partikular siyang maingat at hinay-hinay. Tinatrato niya ang mga bagay na ito nang mayroong may-takot-sa-Diyos na puso at magalang na saloobin. Hindi niya pinangangasiwaan ang mga ito nang pabasta-basta, at hindi rin niya iniraraos lang ang mga ito at hindi siya gumagawa ng mga bagay-bagay para magpakitang-tao, kundi nagagawa niyang tratuhin ang mga ito nang seryoso, nang may mapagpakumbabang puso at saloobin sa lahat ng nakikita o hindi nakikitang bagay na kinasasangkutan ng Diyos. Ito, higit sa lahat, ang saloobin sa Diyos na dapat taglayin ng isang taong may konsensiya at katwiran. Kapag hindi mo nauunawaan ang katotohanan, maaaring wala kang napakatiyak na pagkaunawa sa salitang “Diyos,” at hindi mo rin nauunawaan ang pagkakakilanlan at diwa ng Diyos o ang disposisyon ng Diyos, pero mayroon kang isang antas ng paggalang at takot sa Langit. Pagkatapos mong maunawaan ang gawain ng Diyos, maranasan ang gawain ng Diyos, at tanggapin ang mga salita ng Diyos, magiging ano ang iyong pagpipitagan at takot sa Diyos? Magiging sinseridad, pagkataimtim, at takot ang mga ito, o sindak at panginginig; ito ang saloobin sa Diyos na dapat magkaroon ang isang taong may konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao. Kung ang isang tao ay maraming taon nang nananampalataya sa Diyos at sinasabi niyang naniniwala siyang umiiral ang Diyos at kinikilala niya sa salita ang pag-iral ng Diyos, gayunman ay hindi siya kailanman, dahil sa epekto ng konsensiya at katwiran, nagkaroon ng saloobin na dapat niyang taglayin sa Diyos, madaling isipin kung ano ang kulang sa taong ito sa loob-loob niya. Kung kulang lang siya ng sinseridad at pagkataimtim sa Diyos, pero nagtataglay pa rin ng kaunting pangamba at takot sa Diyos, masasabi lang na ang taong ito ay hindi masyadong mabuti; bagama’t isa siyang tao, hindi siya isang tao na napakabuti. Maaaring labis siyang nadungisan at naimpluwensiyahan ng masasamang kalakaran ni Satanas sa lipunan, o labis siyang nalason at labis na nakondisyon ang isip niya. Gayumpaman, kung nagtataglay ka ng takot sa Diyos, kahit papaano man lang, isa ka pa ring tao. Kung wala kang kahit katiting na sinseridad o pangamba sa Diyos, at wala kang kahit katiting na takot sa Diyos, masasabing hindi ka isang tao; hindi ka karapat-dapat na tawaging isang tao at hindi ka umaabot sa pamantayan ng isang tao. Pagdating sa lahat ng nakikita o hindi nakikitang bagay na kinasasangkutan ng Diyos, kung tinatrato mo ang mga ito nang walang-ingat, mapagwalang-bahala, at pabasta-basta, o tinatrato pa nga ang mga ito sa magaspang at malupit na paraan, hindi ka isang tao. Ito ay dahil kulang ka kahit ng regulasyon at pagpipigil ng konsensiya at katwiran sa iyong pagtrato sa Diyos, na sapat na para ipakita ang problema, at sapat na para ilarawan ang isang tulad mo bilang hindi isang tao. Noong hindi ka pa nananampalataya sa Diyos at hindi pa nakakapunta sa sambahayan ng Diyos, mapapatawad na kulang ka ng malinaw na paggalang o tamang saloobin sa Diyos, at walang mahihigpit na paghatol na ipinataw sa iyo; pero ngayong nananampalataya ka na sa Diyos, kung, sa panahon na sinusunod mo ang Diyos at tinatanggap ang pagtustos ng Kanyang mga salita ng buhay, hindi mo pa rin magawang magkaroon ng sinseridad, pagkataimtim, at takot sa Diyos, at nananatiling magaspang at malupit ang iyong saloobin sa Kanya—hindi lang walang takot kundi napakakaswal at mapagwalang-bahala, tulad lang ng saloobin ni Satanas sa Diyos—masasabi lang na ang isang tulad mo ay walang konsensiya at katwiran. Kung tinatrato pa nga ng gayong tao ang Diyos nang ganito, nang walang pagpipigil ng konsensiya at katwiran, isa pa ba siyang tao? Hindi siya isang tao.
Iyan na ang halos lahat ng pagbabahaginan natin tungkol sa iba’t ibang aspekto ng konsensiya at katwiran ng tao. Anuman ang mga pagpapamalas ng konsensiya at katwiran na pinag-uusapan natin, lahat ng ito ay kinasasangkutan ng ilang kaisipan, pananaw, at pag-uugali ng tao. Wala sa mga aspektong ito ang hungkag—ang ilan ay kinasasangkutan ng kung paano tratuhin ang mga tao, pangyayari, at bagay; ang ilan ay kinasasangkutan ng kung paano harapin ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo at ang iba’t ibang aspekto ng buhay; at ang iba ay kinasasangkutan ng kung paano tratuhin ang katotohanan at ang Diyos. Anumang aspekto ang pagtuunan mo ng pansin, ang isang prominenteng katangian ng isang taong may konsensiya at katwiran ay na ang kanyang sariling asal at mga kilos ay pinipigilan at kinokontrol ng konsensiya at katwiran. Mayroon siyang mga limitasyon at hangganan sa kanyang mga kilos—ito ang kanyang nangingibabaw na katangian. Tanging sa pagtataglay ng katangiang ito niya natutugunan ang pangunahing kondisyon para matamo ang kaligtasan. Nauunawaan ba ninyo? (Oo.) Mayroon ba kayong hindi nauunawaan? Tungkol sa tatlong aspektong pinagbahaginan ngayon—na ang mga taong may konsensiya at katwiran ay nagtataglay ng pagkaramdam ng kahihiyan, kayang magnilay-nilay tungkol sa buhay, at may pangunahing paggalang at takot sa Diyos—nararamdaman ba ninyo na mayroong isang aspekto na hindi ninyo maitugma sa inyong sarili? Nararamdaman ba ninyo na ang alinman sa mga ito ay hungkag? (Hindi. Nararamdaman naming maitutugma namin ang aming sarili sa lahat ng ito.) Kung gayon ay tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!
Hunyo 1, 2024