Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)

Noong nakaraan, nagbahaginan tayo tungkol sa mga pagpapamalas at katangian ng mga taong nagreinkarnasyon mula sa tao—ibig sabihin, nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran, at kaya nilang kilatisin ang tama sa mali at alamin kung ano ang wasto at ang hindi wasto. Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa paksa mula noong nakaraan. Bago iyan, magkukuwento muna Ako. Ilang taon na ang nakalipas, may narinig akong isang pangyayari. Isang magandang kabataang babae ang sumasailalim sa isang screen test, at may isang taong kaswal na nagkomento, “Medyo malaki ang mga binti mo!” Naisip ng kabataang babaeng ito, “Sinasabi mong malaki ang mga binti ko, hindi ba’t sinasabi mo lang na mataba ako? Magiging maganda ba ang hitsura ko sa kamera kung mataba ako? Hindi ba’t magiging nakakahiya iyon?” Kaya, sinimulan niyang pag-isipan kung paano niya mababawasan ang taba ng kanyang mga binti, para magmukha siyang balingkinitan at maganda sa kamera. Para makamit ang layong ito, pinagsumikapan niyang maghanap ng lahat ng uri ng impormasyon at sinubukan niya ang iba’t ibang paraan para magpapayat, tulad ng pagkain lang ng mga pagkaing pampapayat sa halip na kompletong pagkain o pagkain lang ng mga prutas at gulay araw-araw—sa madaling salita, kinain niya ang anumang makakatulong sa pagpapapayat. Narinig niya na ang pag-inom ng kape ay isang mabilis at epektibong paraan para magpapayat, kaya minsan ay umiinom lang siya ng kape. Sabi ng ilang tao, nakakatulong ang pagpupuyat para mabilis kang pumayat, kaya dalawa o tatlong oras lang ang tulog niya kada araw. Pagkatapos ng maraming pag-aalala at pagsusumikap, nakakita nga siya ng mga resulta. Pumayat siya, naging balingkinitan ang kanyang katawan, at numipis ang kanyang mga binti. Naging kaaya-aya siya sa paningin at presentable, pero nagsimula siyang magkaroon ng ilang masamang reaksyon sa katawan. Anong masasamang reaksyon? Madalas siyang nahihilo at mabigat ang ulo, at sa maghapon habang ginagawa ang kanyang tungkulin, palagi siyang lutang. Sumusuray-suray siya habang nakatayo, at nanghihina ang buong katawan habang nakaupo. Hindi niya makayanan ang buong araw, at nakaramdam siya ng matinding pisikal na paghihirap. Interesado ba ang karamihan ng tao na malaman ang kasalukuyang sitwasyon ng kabataang babaeng ito, at kung buhay pa ba siya at maayos ang kalagayan? Gusto ba ninyong marinig ang tungkol sa kanyang karanasan at mga saloobin sa pagpapapayat? (Hindi.) Sa pamumuhay sa mundong ito, hindi alam ng mga tao kung paano mamuhay nang wasto at nang may regularidad, kung paano tratuhin ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Kapag nakakarinig sila ng isang komento o nakakaranas ng isang pangyayari, hindi nila alam kung aling paraan ng pagtrato rito ang angkop at makakaprotekta sa kanila mula sa kapahamakan para makapamuhay sila sa isang tunay na wasto at marangal na paraan. Hindi na kailangang banggitin pa ang mga walang pananampalataya, maging ang karamihan sa mga mananampalataya ay hindi rin alam ang mga bagay na ito. Kapag nahaharap sa impormasyon at balita, pati na rin sa iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya, at maling kaisipan, mula sa mundo sa labas, sadyang walang abilidad ang mga tao na kilatisin ang mga ito at wala silang anumang abilidad na salagin ang mga ito. Siyempre, wala rin silang mga wastong kaisipan at pananaw, lalo na ng isang wastong paraan ng pagtrato sa mga ito mula sa isang positibong perspektiba. Samakatwid, namumuhay nang labis na kaawa-awa ang mga tao. Tingnan ang kabataang babaeng kababanggit ko lang. Sabihin ninyo sa Akin, nakakapagod ba ang buhay niya? Kaaawa-awa ba ito? (Kaaawa-awa ito.) Bakit kaaawa-awa ito? Saan siya nagkamali sa pagkilos sa ganitong paraan? Hindi ba’t hinahangad ng lahat ng tao na maging maganda at mamuhay nang presentable? Mali bang naisin na maging kalugod-lugod ka sa iba at mapuri at mapahalagahan ka kapag nakakatagpo mo sila? Paano ninyo tinitingnan ang usaping ito? (Ang ginawa niya para sa panlabas na kagandahan at para mapuri ay nakapipinsala sa sarili niyang katawan. Dahil hindi niya sinunod ang mga batas na itinatag ng Diyos, sa huli ay humantong ito sa hindi maayos na paggana ng kanyang buong katawan. Ang kanyang pagkahilo at pagbigat ng ulo ay mga resultang siya mismo ang nagdulot sa sarili niya. Sa tingin ko, magulo ang isip ng taong ito.) Ganoon nga ba? (Oo.) Ipinanganak ang mga tao na may sarili nilang kakarampot na talino, talas ng isip, at mga kaisipan bilang tao. Pagkatapos, nagkakamit sila ng kaunting kaalaman, nagkakaroon ng ilang kasanayan, at natututo nang kaunti kung paano magmukhang isang mabuting tao. Sapat na ba ang mga bagay na ito para harapin ang iba’t ibang kaisipan, pananaw, maling pananampalataya, at maling kaisipan, at ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay, na nagmumula sa mundo sa labas? Matutulungan ka ba ng mga ito na harapin nang wasto ang mga bagay na ito? (Hindi.) Hinding-hindi. Ganito kakaawa-awa at kalunos-lunos ang mga tao kapag hindi nila nauunawaan ang katotohanan; sa huli ay humahantong ito sa napakaraming kahindik-hindik na kahihinatnan. Wala silang pagkilatis sa anumang maling pananampalataya at maling kaisipan o mga kaisipan at pananaw mula sa mundo sa labas, at wala rin silang mga wastong kaisipan at pananaw pagdating sa mga tao, pangyayari, at bagay na nakakaharap nila. Kapag sumasapit sa kanila ang mga bagay, nalilito sila at ang kanilang kahangalan ay nalalantad sa hindi mabilang na paraan. Kapag walang nangyayari sa kanila, tila nauunawaan nila ang ilang doktrina at mayroon silang kaunting wangis ng tao, pero kapag sumasapit nga sa kanila ang mga bagay, iba na ang kuwento—ang mga baluktot, pangit, at katawa-tawang kaisipan at pananaw sa kanilang mga puso ay nabubunyag. Kapag totoong tungkol na ito sa kung paano umasal, sa pananatiling buhay, o maging sa isang partikular na kaisipan o pananaw sa buhay, napakamangmang at napakapurol ng isip ng mga tao, at napakakatawa-tawa ng kanilang mga saloobin at pananaw. Kaya, maraming tao ang maraming taon nang nananampalataya sa Diyos, maraming taon nang nakikinig sa mga sermon, at gumagawa rin ng kanilang mga tungkulin, at hindi sila kailanman sadyang gumawa ng anumang bagay na nakakagambala o nakakagulo, ni sadyang nagsalita ng anumang mga salitang sumasalungat o lumalapastangan sa Diyos—sa panlabas, walang maipipintas sa kanila, subalit kapag nahaharap sila sa iba’t ibang maling kaisipan at pananaw mula sa mundo sa labas, lalo na ang ilang medyo sikat, sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi sila nasusuklam sa mga ito, at hindi rin nila nilalabanan o tinatanggihan ang mga ito, sa halip ay nagugustuhan at sinasang-ayunan pa nila ang mga ito, at sa sandaling magkaroon ng angkop na kapaligiran o pagkakataon, hindi nila namamalayang tatanggapin nila ang mga bagay na ito at ilalapat sa sarili nilang buhay. Hindi ba’t isang napakalinaw na halimbawa ang kabataang babaeng nabanggit kanina? (Oo.) Isa ba itong paraan ng pagsunod sa masasamang kalakaran? (Oo.) Hindi lang niya sinunod ang mga ito—lubusan niyang isinagawa ang mga ito. Hindi ba’t itinataguyod ng mundo ngayon ang pagiging seksi, kaakit-akit, balingkinitan, at pagkakaroon ng magandang hubog ng katawan? Sikat ang mga ideyang ito sa bawat industriya, sa bawat grupo ng mga tao, at maging sa mga taong may pananalig. May ilang matandang babae na nananampalataya sa Panginoon, at sa kabila ng pagiging mahigit 60 anyos ng karamihan sa kanila, nagpapagandahan pa rin sila sa isa’t isa. Tinanong nila ang isang dalagita sa tabi nila, “Sino sa amin sa tingin mo ang pinakamagandang tingnan sa bestidang ito?” Sumagot ang dalagita, “Lahat po kayong mga ‘girls’ ay maganda sa bestidang iyan!” Kahit na mga sesenta anyos na sila, kailangan silang tawaging “girls”; ayaw nila at hindi sila masaya na tawaging “mga ginang.” Sa kanilang likuran, sinabi ng dalagita sa iba, “Mahigit sesenta anyos na sila; gaano kaganda pa ba sila kung titingnan?” Pero ang grupong ito ng matatandang babae ay natutuwa pa rin dito. Mayroon ba silang anumang pagkaramdam ng kahihiyan? (Wala.) Napakaraming taon na nilang nananampalataya sa Panginoon, pero nakatuon pa rin sila sa mga bagay na iyon. Hindi ba’t abnormal ang kanilang pagkatao? Kapag walang konsensiya at katwiran ang mga tao, nakagagawa sila ng maraming bagay na katawa-tawa, maraming bagay na kinasusuklaman at kinamumuhian ng mga tao, at maraming bagay na nagbubunyag sa kanilang mababang karakter. Bakit maraming tao ang walang pagkilatis tungkol sa mga bagay sa masasamang kalakaran, at walang anumang abilidad na salagin ang mga ito, at dahil dito ay nalilihis at natatangay ng mga ito? Ito ay dahil hindi nila hinahangad ang katotohanan at hindi nila nauunawaan ang kahit katiting na katotohanan. Anuman ang sumapit sa kanila, hindi nila ito makilatis, at sa sandaling makaharap sila ng isang tukso, nabubunyag sila at nalulubog dito. Tingnan ninyo kung ano ang itinuturo at kung ano ang sikat sa lahat ng antas ng lipunan ngayon. Isang reporter sa radyo ang nakapanayam ang isang batang lalaki at nagtanong dito, “Ano ang paborito mong pambatang kanta?” Kinamot ng bata ang kanyang ulo at sinabing, “‘The Moon Represents My Heart.’” Hindi malaman ng mga taong nakarinig nito kung matatawa ba sila o maiiyak. Bakit hindi nila malaman kung matatawa ba sila o maiiyak? Isa ba itong pambatang kanta? (Hindi, isa itong romantikong kanta.) Isa itong romantikong kanta, pero napagkamalan ng bata na isa itong pambatang kanta. Mula sa pangyayaring ito, makikita natin kung ano ang sikat sa lipunan. Isa ito sa mga penomenon ng masasamang kalakaran sa lipunan, at ang matatanda at mga bata ay kapwa labis na napipinsala ng mga kalakarang ito at malalim na nalulubog sa mga ito. Sa mga sumusunod sa Diyos, nakakagulat na marami-rami ang sumusunod sa mga kalakarang ito, at inilalapat din ang mga kaisipang itinataguyod ng mga kalakarang ito sa kanilang sarili. At ano ang nangyayari sa huli? Nagbubunga ba ito ng mabubuting kahihinatnan o masasama? (Masasama.) Nagbubunga ito ng masasamang kahihinatnan—ito ang kahahantungan ng pagsunod sa masasamang kalakaran. Nalulubog ang mga tao sa pagnanasang seksuwal ng kanilang laman, sa mga damdamin ng laman, at sa pagkain, pag-inom, at pagsasaya, namumuhay sa isang mapagpasasang kalituhan. Wala silang mga wastong kaisipan o pananaw, at walang wastong saloobin sa pamumuhay para harapin ang buhay. Namumuhay sila sa ganitong kalagayan nang walang anumang kamalayan at walang kapangyarihang labanan ito. Sa huli, maaari lang silang lumubog nang lumubog, hindi magawang makaahon. At ano ang huling resulta? Sila ay ganap na nilalamon ni Satanas, at nagiging pagkain nito.

Para sa bawat taong namumuhay sa sangkatauhan, kung hindi mo alam kung paano kilatisin kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, kung gayon, sa magulong mundong ito, sa komplikadong mundong ito ng mga tao, magiging napakahirap para sa iyo na mahigpit na panghawakan ang mga wastong kaisipan at pananaw sa buhay, at napakahirap na mahigpit na panghawakan ang wastong landas sa buhay na hinahangad mo; hindi mo kailanman malalaman kung kailan ka di-sinasadyang matatangay ng masasamang kalakaran dahil sa pagkarinig ng isang partikular na salita o pagkaharap sa isang partikular na pangyayari. Kung walang abilidad ang mga tao na kilatisin ang tama sa mali, hindi man lang nila mapapamahalaan nang maayos ang sarili nilang buhay, lalo na ang iba’t ibang malalaking isyu ng tama at mali na nakakaharap sa landas ng pananatiling buhay, na lalo pang mas mahirap para sa kanila na harapin. Kung hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, hindi nila malalaman kung paano pamahalaan ang kanilang buhay at hindi sila magkakaroon ng wastong paraan ng pamumuhay. Kung makakakita sila ng iba’t ibang uri ng impormasyon tungkol sa malusog na pamumuhay, hindi nila malalaman kung paano kilatisin ang mga ito o kung alin ang tatanggapin at alin ang tatanggihan, kung paano tanggapin ang mga wasto at positibong pahayag, o kung paano tanggihan ang mga mali. Masasabi pa nga na hindi man lang mapangalagaan ng gayong mga tao ang sarili nilang pisikal na kalusugan. Ang ilang tao ay napupunta mula sa isang sukdulan patungo sa isa pa, habang ang iba naman ay palaging namumuhay sa isang sukdulan. Halimbawa, may ilang taong nakakarinig: “Ang pagkain ng maraming prutas ay mabuti sa kalusugan. Makakapagbigay ito ng mga bitamina, at gagawin nitong hydrated at makinis ang iyong balat, na magiging dahilan para mahalin ka ng lahat.” Kaya, naniniwala sila rito at nagsisimulang kumain ng lahat ng prutas na mahahanap nila, nagkakaroon ng abnormal na mga gawi sa pagkain. Pagkaraan ng ilang panahon, palaging masama ang pakiramdam nila, at natuklasan sa check-up sa ospital na mayroon silang mataas na blood sugar. Nagtataka sila: “Karaniwan naman akong kumakain nang labis na masustansiya, kaya bakit mataas ang blood sugar ko? Sabi ng iba, ang pagkain ng maraming prutas ay nagbibigay ng mga bitamina, kaya paanong nagkamali ako sa pagsunod sa pahayag na ito at pagkain ng maraming prutas?” Sabi ng doktor, “Naglalaman ng mga bitamina ang prutas, pero mataas ito sa asukal. Hindi nito mapapalitan ang mga pangunahing pagkain at hindi ito maaaring kainin bilang isang kompletong pagkain. Maaari mo itong kainin nang katamtaman o nang paminsan-minsan. Kahit hindi mo ito kainin, hindi ka magkukulang sa anumang sustansiya, dahil naglalaman na ang mga butil at gulay ng lahat ng sustansiyang ito.” Angkop ang pahayag ng doktor. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na may problema sa kanilang pamumuhay? (Oo.) Ito mismo ang uri ng pagkakamaling nagagawa ng ilang tao. Sa tingin mo, dapat ba nilang gawin ang pagkakamaling iyon? (Hindi.) Sabi ng ilang tao, “Hindi ako nagreklamo tungkol sa Diyos, kahit na mataas ang blood sugar ko.” Ano ang palagay ninyo sa pahayag na ito? Hindi ba’t wala itong katwiran? May kinalaman ba sa Diyos ang pagiging mataas ng blood sugar mo? Hindi ba’t ito ay isang bagay na ikaw mismo ang nagdulot sa sarili mo? Kumakain ka nang walang ingat at nang walang mga prinsipyo. Sa tingin mo, masarap ang prutas kaya hindi mo mapigilang kumain nito, o sa tingin mo, masarap ang karne kaya hindi ka kumakain ng anumang gulay, hindi nagpapakita ng anumang pagpipigil, at dahil dito, nagkakasakit ka. Hindi ba’t kagagawan mo mismo ito? Sa tingin mo ba, sa hindi pagrereklamo tungkol sa Diyos, tila marangal ka, na mahal mo ang Diyos, na dalisay ka? Ang totoo, ang ilang sakit ay kagagawan mismo ng isang tao at walang kinalaman sa Diyos, at ang mga ito ay idinulot ng sarili mong kahangalan at kamangmangan. Mayroon ding ilang tao na nagsasabing, “Ang mga itlog, karne, at mga produktong gatas ay masustansiya at maaaring makadagdag sa iyong protina. Kakaunti ang sustansiya ng kanin at harina, kaya dapat kumain ng mas maraming karne, itlog, at gatas.” Ang ilang tao, nang marinig ito, ay nagsasabing, “Mahilig nga akong kumain ng karne. Dahil sinasabing masustansiya ang karne, mas marami akong kakaining karne. Ang iba ay kumakain ng 4 na onsa sa isang araw, pero kakain ako ng kalahating libra bawat kain, nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw!” Kumakain sila nang walang pagpipigil na tulad nito, kumakain nang mas marami pa, kumokonsumo ng dalawa o tatlong beses na mas maraming pagkain kaysa sa iba araw-araw, may mga panghatinggabing meryenda pa. Sa paglipas ng panahon, nagsisimulang lumaki ang kapasidad ng kanilang tiyan, at habang lumalaki ang kapasidad ng tiyan, mas lumalakas ang gana nila sa pagkain. Ano ang nangyayari sa huli? Kumakain sila hanggang sa punto ng pagkakasakit, nagiging sobra sila sa timbang, at palagi silang inaantok at lutang. Wala silang pagpipilian kundi pumunta sa ospital para magpa-check-up, at ipinapakita ng mga resulta na mayroon silang mataas na presyon ng dugo, mataas na blood sugar, at mataas na blood lipids. Nag-iisip sila, “Hindi ba’t kumain lang ako ng ilang karagdagang piraso ng karne araw-araw? Hindi ba’t sinabi nila na ang pagkain ng mas maraming karne ay mabuti para sa katawan at magiging dahilan para maiwasan ng isang tao ang malnutrisyon? Kaya saan ako nagkamali? Bakit mataas ang presyon ng dugo ko? Napakahirap namang alagaan ng katawang-laman kong ito! Hindi man lang ako makakain ng ilang dagdag na piraso ng karne!” Kumakain ka ng kalahating libra ng karne bawat kain—ilang dagdag na piraso lang ba talaga iyon? At karaniwan kang nakaupo at hindi nag-eehersisyo, pero napakarami mong kinakain. Sa huli, nagkakaroon ka ng mga problema sa kalusugan, at nagsisimula kang makaramdam ng hindi magandang pakiramdam sa iyong puso. Iniisip pa nila, “Ito ay pagpipino sa akin ng Diyos. Walang anuman ito, magiging maayos din ako sa paglipas ng panahon. Hindi ako magrereklamo tungkol sa Diyos!” Anong karapatan mong magreklamo tungkol sa Diyos? Ang sakit mo ba ay paraan ng Diyos ng pagpipino sa iyo, o kagagawan mo mismo? Tumataba ka at nagkakasakit dahil sa pagkain ng karne at iniisip mong ito ay pagpipino sa iyo ng Diyos, at na sinusubok ng Diyos ang iyong pananalig. Pipinuhin ka ba ng Diyos sa ganitong paraan? (Hindi.) Kaya paano naidulot ang resultang ito? (Naidulot ito ng kahangalan ng tao.) Ang mga tao mismo ay walang pagkilatis, hindi alam kung paano pamahalaan ang sarili nilang buhay, hindi nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, hindi alam kung paano tratuhin nang wasto ang kanilang pisikal na buhay, hindi alam kung paano sundin ang mga batas ng pananatiling buhay na itinatag ng Diyos para sa mga tao, at hindi alam kung paano sundin ang mga batas ng iba’t ibang likas na kondisyon ng katawan. Palagi silang gumagawa ng mga hangal at katawa-tawang gawain, palaging puno ng mga kuru-kuro at imahinasyon tungkol sa Diyos, at hindi nagkukulang sa maluluhong pagnanais. Ano ang nangyayari sa huli? Palagi silang lumilihis ng landas, palaging nagkakamali, at patuloy na nagkakamali ng pagkaunawa sa Diyos. Hindi ba’t isa itong napakaproblematikong usapin? (Oo.)

Sa pamumuhay sa laman at sa materyal na mundo, makakaharap ng mga tao ang maraming impormasyon, maraming kaisipan at pananaw, at marami ring iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay. Kung hindi nila alam kung paano kilatisin kung ang iba’t ibang tao, pangyayari, at bagay ay positibo o negatibo, hindi alam kung paano piliin kung ano ang tatanggapin at ano ang tatanggihan, hindi alam na panghawakang mahigpit ang mga positibong bagay at hindi alam kung bakit tama ang mga ito, at hindi alam na tanggihan ang mga negatibong bagay—lalo na kung hindi nila namamalayan ang negatibong katangian ng mga bagay na ito—hindi ba’t napakamapanganib ng pamumuhay sa ganitong paraan? (Oo.) Hindi kalabisang sabihin na nanganganib silang mawalan ng buhay anumang oras. Hindi man lang mapamahalaan nang maayos ng mga tao ang sarili nilang pisikal na buhay at kalusugan, na mga simpleng bagay; kailangan pa nilang alalahanin sila ng iba, kailangan pa nila na protektahan at bantayan sila ng Diyos, kung hindi ay patuloy silang magkakamali, maaaring sumobra sa isang direksyon o sa kabila. Ang ilang babae, dahil tinanggap ang mga ideya ng masasamang kalakaran ng lipunan, ay nag-iisip nang husto ng mga paraan upang pagandahin ang kanilang sarili, nang hindi iniisip ang mga kahihinatnan. Ang ilan ay basta-basta na lang umiinom ng tradisyonal na gamot na Tsino, ang ilan ay basta-basta na lang umiinom ng Kanluraning gamot, ang ilan ay walang-pakundangang umiinom ng mga pampalakas, at ang ilan ay walang-pakundangang kumakain ng isang partikular na pagkain. Dahil dito, nagkakaroon sila ng mga problema sa tiyan, at ginugugol nila ang kanilang mga araw na nagbubuntong-hininga at mukhang masakitin at mahina. Hindi lang sila nabibigong pagandahin ang kanilang sarili, kundi nagiging nakakadiri pa silang tingnan. Ang ilang tao ay may medyo magandang balat ngunit hindi pa rin kontento, at ipinipilit nilang pahiran ang kanilang sarili ng lahat ng uri ng kosmetiko. Sa isang punto, gumagamit sila ng mababang-kalidad na mga kosmetiko at sa huli ay nasisira ang kanilang mukha, na nagiging batik-batik at hindi pantay ang kulay, na nagiging nakakatakot tingnan. Ang ilang tao ay kapwa sumasailalim sa mga beauty treatment at plastic surgery—sinusubukan ng ilan sa kanila na patangusin ang kanilang ilong at hindi lang nabibigong patangusin ito, kundi sa huli ay nagiging abnormal pa ang hugis nito, at ang ilan ay nagpapalagay ng fillers sa baba na nagkakaproblema, at nagmumukha silang katawa-tawa sa tuwing sila ay ngumingiti o humihikab, na nagiging dahilan para matakot silang gawin ang alinman sa dalawa—labis itong miserable, labis itong nakakapagod na paraan ng pamumuhay! Hindi ba’t gumagawa sila ng gulo para sa kanilang sarili sa paggawa nito? Ang ilang babae, na hindi kontento sa kanilang taas, ay pinababali ang kanilang mga binti at pagkatapos ay muling pinadudugtong at pinapahaba, ngunit nagkakaproblema sa proseso, na nagiging sanhi ng pagkalumpo ng dati nilang perpektong mga binti. Hindi ba’t kalunos-lunos iyon? (Oo.) Lahat ng uri ng masasamang kahihinatnan ay nangyari na—ang gayong mga tao ay hindi kailanman nagkakaroon ng magandang kahihinatnan. Anumang kaisipan o pananaw na itinataguyod ng masasamang kalakaran ay walang-katotohanan at buktot, ito ay tunay na lubhang nakapipinsala. Ang masasarap na pagkain at mga gawi sa pagpapaganda na kanilang itinataguyod ay hindi tunay na mabuti; lahat ng iyon ay buktot, at sa huli ay nakapipinsala at nakabibitag sa mga tao. Ang mga mangmang na babaeng ito ay handang magdusa ng pinsalang ito, at wala silang abilidad na salagin ang mga buktot na kaisipan at pananaw na ito. Kinakain nila ang anumang ipinakakain sa kanila at ginagawa ang anumang ipinapagawa sa kanila, nang hindi man lang kumikilatis kahit kaunti, pikit-mata lang na sumusunod. Napakamasunurin nila! At ano ang nangyayari sa huli? Halos wala sa kanila ang nagkakaroon ng magandang kalalabasan. Maliban na lang kung mamalayan nila ang kanilang pagkakamali sa kalagitnaan at bumalik sa tamang landas sa tamang oras upang maiwasan ang mas malaking pinsala, kung magpapatuloy silang sundin ang masasamang kalakarang ito at tanggapin ang mga buktot na kaisipan at pananaw na ito, sa huli ay lalo silang magiging tiwali, lalong hindi makikilatis ang mabuti sa masama, at lalong magiging katulad ng mga diyablo sa kanilang hitsura, na walang wangis ng tao. Masasabi na siyamnapu’t siyam na porsiyento ng mga tao ay walang pagkilatis sa mga positibo at negatibong bagay, at kusang-loob na tinatanggap ang masasamang kalakaran. Tingnan ninyo kung ano ang sinasabi ng mga babae kapag magkakasama silang namimili ng damit. Sabi ng ilan, “Hindi ito bagay sa iyo; hindi nito pinapaputi ang iyong mukha o ipinapakita ang iyong hubog. Hindi ito makakaagaw ng pansin. Sa tingin ko, iyong isang iyon ay mukhang seksi at makakaagaw ng pansin!” Sabi naman ng iba, “Hindi ito kaakit-akit. Kailangan mong magpakita ng kaunting balat, kailangan mong maging seksi at kaaya-aya sa paningin—iyon lang ang gagana. Kung palagi kang masyadong kagalang-galang at pormal, walang magkakagusto sa iyo.” Ipinipilit pa nga ng ilang ina na maging artista ang kanilang mga anak na babae. Sabi ng anak, “Napakagulo ng industriya ng showbiz! Ayaw kong maging artista.” Pagkatapos ay pinagagalitan siya ng kanyang ina: “Wala ka bang ambisyon? Sa tangkad, hitsura, at balat mo, napakaganda ng likas na mga katangian mo! Kung hindi ka kikita ng pera bilang artista, paano tayo mabubuhay? Hangga’t maaari kang sumikat at kumita ng pera, ayos lang na makipagtalik sa kahit sino. Kung hindi, masasayang lang ang magandang hitsura mo! Pinalaki ka namin hanggang sa edad na ito, at naghihintay kami ng tatay mo na magtamasa ng bunga ng tagumpay mo! Kung kahit iyon ay ipagkakait sa amin, para saan pa at isinilang ka namin?” Tama ba para sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak sa ganitong paraan? (Hindi.) Ano ang mga kahihinatnan ng pagtuturo sa mga anak sa ganitong paraan? (Napipinsala ang mga anak.) Balang araw, kapag nakaunawa na ang gayong anak, at dumaan na siya sa napakaraming pagdurusa at sakit, hindi maiiwasang mamuhi siya at sumama ang loob niya sa kanyang ina, sinasabi: “Kasalanan mo ang lahat ng ito! Hindi mo ako ginabayan sa tamang landas! Sinabi kong ayaw kong umarte, pero ipinilit mo. Tingnan mo ako ngayon—halos kuwarenta anyos na ako, hindi pa rin ako makahanap ng asawa, at walang may gusto sa akin. Ang mga nanligaw sa akin ay naglalaro lang at hindi kailanman nagbalak na pakasalan ako. Hindi ba’t nasira na ang buong buhay ko?” Labis na nagdurusa ang mga anak, at ang mga magulang ang salarin at ugat ng problema. Nagdulot sila ng pinsala sa kanilang mga anak.

Kung ang mga mananampalataya sa Diyos ay katulad lang ng mga walang pananampalataya sa kanilang kawalan ng kakayahang makaahon mula sa masasamang kalakaran, nagpapahiwatig ito ng isang problema. Kung wala kang pagkilatis sa anumang masasamang kalakaran, anumang buktot at negatibong pahayag, o sa alinman sa iba’t ibang gawi na ginagawa ng mga tao, anuman ang mga ito, at sinusunod mo pa ang mga ito at sinasadya mong subukan ang mga ito, kung gayon, sa mga mata ng Diyos, lahat ng ito ay mga tanda ng kahihiyan. Ano ang sasabihin ng Diyos? Sasabihin Niya na bilang isang tao, wala kang abilidad na kilatisin ang tama sa mali, wala sa iyo ang realidad ng pagtanggap sa mga positibong bagay, at higit pa rito, hindi mo isinagawa ang mga kilos at gawi ng pagtanggi sa mga negatibong bagay. Sasabihin Niya na hindi ka tao, at na hindi mo natutugunan ang pangunahing kondisyon ng pagkakaroon ng konsensiya at katwiran ng tao. Sasabihin Niya na hindi ka tao, at na hindi ka tatanggapin ng kaharian. Kung hindi ka tao, imposible para sa iyo na tanggapin ang katotohanan, dahil sa iyong puso, ang suhetibo mong kusang-loob na tinatanggap ay lahat ng buktot na bagay mula kay Satanas, at ang puso mo ay ganap na lumalaban, sumasalungat, at tumatanggi sa mga positibong bagay; hindi ka kailanman nagkaroon ng saloobin ng pagtanggap sa mga ito. Samakatwid, sinasabi ng Diyos na hindi ka tao, na wala kang pagkatao. Ayaw ng Diyos sa mga taong walang pagkatao. Huwag mong isipin, “Kung hindi ako tinatanggap ng Diyos, magdurusa na lang ako nang kaunti pa at magbabayad ng kaunti pang halaga para maantig ang Diyos, at mabago ang Kanyang saloobin sa akin.” Ang nais ng Diyos ay hindi ang isang partikular na pamamaraan ng paggawa ng mga bagay; ang nais ng Diyos ay magkaroon ka ng saloobin ng pagtanggap sa katotohanan mula sa kaibuturan ng iyong puso, pati na ng realidad ng pagtanggap sa katotohanan at ng katibayan ng pagsasagawa sa katotohanan. Dapat kang maging isang tao na tunay na may pagkatao—ang pagkataong ito ay hindi isang bagay na pinagkukunwari. Kung tunay kang may ilang palatandaan ng normal na pagkatao, ibig sabihin, kung marami kang pagpapamalas ng pagkilatis ng tama sa mali, kung ipinapakita ng mga katunayan na mahal mo ang mga positibong bagay, at kung may mga pagkakataon na tinanggap mo ang mga positibong bagay at tinanggihan ang mga negatibong bagay, at makikita na taglay mo ang pagpapamalas ng pagsasabuhay sa katotohanan, kung gayon, sasabihin ng Diyos na mayroon kang pagkatao at tatawagin kang isang tao. Kung sinasabi mo, “May pagkatao rin ako, kaya kong kilatisin ang mga positibo at negatibong bagay,” pero wala kang pagpapamalas ng pagsasabuhay sa katotohanang realidad, at ang mga salita mo ay hindi sinusuportahan ng katibayan, problema ito. Sa doktrina, inaamin mo na, “Ang sinasabi at ginagawa ng Diyos ay pawang mga positibong bagay at katotohanan, at ang sinasabi at ginagawa ni Satanas ay pawang buktot, pawang mga negatibong bagay; lahat ng nagmumula sa Diyos ay mga positibong bagay, lahat ng nagmumula kay Satanas ay mga negatibong bagay, at lahat ng nagmumula sa mga tao sa lipunan ay mga buktot at negatibong bagay”—ibig sabihin, sa doktrina, tama ang sinasabi mo, walang anumang problema, at walang maipipintas sa sinasabi mo—ngunit kapag nahaharap ka sa mga tunay na sitwasyon, hindi mo kailanman tinatanggap ang mga positibong bagay, hindi ka kailanman naninindigan sa mga positibong bagay, at hindi sumusunod sa mga tuntunin at batas ng mga positibong bagay. Pinatutunayan nito na isa kang tao na hindi nakakakilatis ng tama sa mali. Malinaw sa puso ng mga tao kung mayroon sila ng mga pagpapamalas na ito o wala. Kapag nakakarinig ka ng isang buktot at negatibong kaisipan o pananaw, o nakakarinig ng impormasyon tungkol sa isang masamang kalakaran, ano ang iyong saloobin? Ano ang iyong mga kaisipan at pananaw? Ano ang iyong inklinasyon? Sumasang-ayon ka ba rito o nasusuklam ka rito? Binabalak mo bang panatilihin ito sa iyong puso at gamitin kapag kinakailangan, o tinututulan mo ba ito at kinokondena sa iyong puso, at talagang tinatanggihang tanggapin ito? Sa iyong puso, dapat mong malaman kung ano mismo ang iyong saloobin. Kung may nagsasabing hindi niya alam, may puso ba siya? Hindi malinaw kahit ang sarili niyang saloobin—normal ba siyang tao? Kung alam mo sa iyong puso na hindi ka mabuti, at alam mo na interesado ka sa iba’t ibang masasamang kalakaran at mga buktot na pahayag, at palaging gustong sundin ang mga ito at makibahagi sa mga ito, ngunit napipilitan ka lang na pigilan nang kaunti ang iyong sarili dahil nalilimitahan ka ng iba’t ibang katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos at ng sarili mong pride dahil sa iyong pananampalataya sa Diyos, gayong sa katunayan, sa kaibuturan ng iyong puso, nasusuklam ka at tinatanggihan mo ang mga positibong bagay, kung gayon, kahit pa sabihin mong gusto mo ang mga positibong bagay at ayaw mo sa masasamang kalakaran, labag iyon sa iyong tunay na mga damdamin. Narito ang isang halimbawa. Sinasabi ng ilang indibidwal, “Hindi maganda ang pagkain ng masyadong maraming karne, masama ito sa kalusugan. Dapat kang kumain ng karne nang paunti-unti lang, at kumain ng mas maraming kanin, mga pagkaing gawa sa trigo, at mga gulay.” Kaya itong tanggapin ng ilang tao. Hindi nila nararamdaman na ang pagkain ng mas kaunting karne ay labag sa kanilang kalooban; hindi ito nagdudulot sa kanila ng pagkadismaya o tunay na sama ng loob. Sa halip, iniisip nila, “Ito ang tamang gawin. Matapos itong maranasan sa loob ng ilang panahon, pakiramdam ko ay mabuti ito para sa aking katawan. Bumuti ang pangkalahatang kalagayan ng kaisipan ko, at mas malusog ang katawan ko kaysa dati. Napakainam ng pagkain sa ganitong paraan!” Gayumpaman, ang pagtanggap ng ilang tao ay labag sa kanilang kalooban. Matagal na nilang napagpasyahan: “Paanong naging hindi mabuti sa kalusugan ang pagkain ng maraming karne? Ang pagkain ng mas maraming gulay ay hindi naman nangangahulugang magiging mas malusog ka. Paano mo man tingnan, mas masarap at mas nakakatakam ang karne! Ayos lang kumain ng ilang gulay kung walang karne—mas mabuti iyon kaysa magutom—pero kung may karne, dapat kang kumain ng marami nito. Mga hangal kayong lahat, at nagkukunwari lang kayong lahat. Ako lang ang hindi nagkukunwari. Walang sinuman sa inyo ang kasingtotoo ko. Sinasabi ko kung ano ang iniisip ko. Talagang masarap ang karne!” Sa bawat kainan, napakakaunti ng kinakain nilang gulay, ngunit napakarami nilang kinakaing karne. Sabihin mo sa Akin, tinatanggap ba nila sa kanilang puso ang mga positibong pahayag? (Hindi.) Hindi nila tinatanggap ang mga ito, ni kayang isagawa ang mga ito. Lubos silang nasusuklam sa mga ito sa kanilang puso. Sinasabi nila, “Paano magiging positibo ang mga pahayag na ito? Bakit hindi ko maramdaman na positibo ang mga ito? Ano ang mabuti sa mga ito? Ano ang mali sa pagkain ko ng mas maraming karne? Hindi naman ako namatay, at walang sinuman sa inyo ang namumuhay nang mas mahusay kaysa sa akin!” Hindi nila tinatanggap ang mga katunayan at hindi nila inaamin na masama sa kanilang kalusugan ang pagkain ng masyadong maraming karne. Hindi man lang nila matanggap ang mga wastong pahayag, kaya paano nila matatanggap ang mga katunayan? Mas lalong hindi iyon mangyayari. Para sa gayong mga tao, ang pagtanggap sa mga positibong bagay ay lubhang labag sa kanilang kalooban. Pakiramdam nila ay napakasakit at napakahirap gawin nito. Ipinapakita nito na may problema sa kanilang pagkatao, at na hindi nila mahal ang katotohanan sa kanilang puso. Ang ilang tao, kapag nakakarinig sila ng mga wastong salita na mga positibong bagay, ay madali itong natatanggap, sinasabing, “Nag-aalala nga ako tungkol dito at hindi ko alam kung paano ito haharapin, wala akong landas ng pagsasagawa. Sa kabutihang-palad, binigyan mo ito ng liwanag. Sa sandaling marinig kita, naramdaman ko na tama ang ganitong pananaw sa mga bagay-bagay, na dalisay, obhetibo, at praktikal ang pananaw, at na umaayon ito sa pagkatao.” Pagkatapos itong marinig, agad nila itong maisasagawa. Bagama’t paminsan-minsan ay nagpapasasa sila sa sarili at nagiging sutil, mabilis silang bumabalik sa tamang landas. Gumagawa sila ng mga positibong bagay nang hindi kailangan na bantayan o kontrolin sila ng iba, at hindi nila nararamdaman na ang paggawa nito ay labag sa kanilang kalooban, at hindi rin ito nagdudulot sa kanila ng pagkabagabag. Ito ay tulad ng kung paanong gusto ng mga tupa na kumain ng damo. Kung bibigyan mo ng karne ang mga tupa, hindi nila ito kakainin, ngunit kung bibigyan mo sila ng damo, kakainin nila ito nang may kasiyahan, dahil sila ay mga kumakain ng halaman, at ang kailangan nila sa loob nila ay damo. Ngunit iba ang mga lobo. Partikular silang naghahanap ng karne na makakain; hindi sila kumakain ng damo, at pakiramdam nila ay walang kasingnakakatakam gaya ng karne. Ang mga ito ay mga likas na pagpapakita ng kanilang mga kalikasan, na walang sinumang makapagbabago. Hindi ito isang bagay na natatamo nila sa bandang huli, ni isang bagay na itinuturo sa kanila. Ipinanganak ang mga tupa para kumain ng damo, at ipinanganak ang mga lobo para kumain ng karne. Walang sinuman ang makapagtuturo sa isang tupa na maging isang hayop na kumakain ng karne o makapagtuturo sa isang lobo na maging isang hayop na kumakain ng damo. Ito ang pagpapamalas ng kanilang diwa. Ang kailangan mo at ang mahal mo ay itinatakda ng iyong pagkatao. Kung ang iyong pagkatao ay walang pangangailangan para sa mga positibong bagay, hindi mo mamahalin ang mga positibong bagay. Kung gusto mo ang mga negatibong bagay, nangangahulugan ito na kailangan ng iyong puso ang mga negatibong bagay. Ito ay itinatakda ng iyong kalikasang diwa, hindi ito kailangang ikintal sa iyo ng iba. Kung may gustong tumulong sa iyo na magbago at nakikipagbahaginan sa iyo ng ilang katotohanang prinsipyo, maaaring pansamantala mo itong matanggap dahil sa amor propyo o dahil gusto mong iwasan ang kahihiyan, at pasalitang ipahayag ang iyong pagsang-ayon, ngunit kung paano ka nag-iisip at nagsasagawa kapag walang nakakakita ay ganap na itinatakda ng iyong kalikasan. Hindi mo ito mapepeke, at hindi ka rin kayang baguhin ng iyong mga magulang. Kung ang iyong pagkatao ba ay may sangkap ng pagmamahal sa mga positibong bagay at pagkamuhi sa mga negatibong bagay ay hindi isang bagay na mapagpapasyahan ng sinuman; tanging ang sarili mo lang diwa ang nagpapasya nito. Malinaw na ba ang usaping ito ngayon? (Oo.) Samakatwid, ang kakayahan ng isang tao na kilatisin ang tama sa mali ay maraming sinasabi tungkol sa kanyang pagkatao. Kung ang iyong pagkilatis ng tama sa mali ay isang likas na pagpapakita, ipinanganak ka na partikular na interesado sa ilang positibong bagay. Handang-handa kang makinig kapag may nagsasabi ng isang bagay na wasto, at wala ka nang ibang gugustuhin pa kundi ang mas magsalita pa sila, para mas marami kang mapakinggan at mas marami kang matamo, at mas kaunting paglihis ang tahakin mo o ni wala man lang. At kapag nakakaharap ka ng ilang buktot at negatibong bagay, nasusuklam ka sa iyong puso, at iniiwasan mo ang mga ito at ayaw mong makisangkot—ayaw mo man lang marinig ang tungkol sa mga ito. Ikaw mismo ay hindi alam ang mga dahilan para dito; sadyang hindi mo magawang gustuhin ang mga negatibong bagay, ngunit handang-handa kang makinig kapag may nagsasabi ng isang bagay na wasto, at kahit na tuyain ka ng sinuman, wala kang pakialam—hindi mo alam kung saan nanggagaling ang sigasig na ito. Nakikita ng ilang tao ang taos-pusong sigasig na ito sa iyo at hinahamak at tinutuya ka, iniisip na isa kang hangal, ngunit hindi ka sumasang-ayon. Iniisip mo, “Hangga’t tama ang sinasabi ng isang tao, tinatanggap ko ito. Ano ba ang napakahirap doon?” Ito ay isang likas na pagpapakita ng pagkatao. Ang pagkakaroon ng likas na pakiramdam na ito ng pagmamahal sa mga positibong bagay at pagtutol sa mga negatibong bagay sa iyong pagkatao ay isang katangian at pagpapamalas ng normal na pagkatao. Tanging kapag taglay mo ang pakiramdam na ito at ang ganitong uri ng pagkatao saka ka maaaring maging matuwid at mabait, at masasabi mo ang dapat sabihin at magagawa ang dapat gawin mula sa wastong paninindigan at kinatatayuan. Kapag taglay mo ang aspekto ng pagkatao na pagkilatis ng tama sa mali, taglay mo ang pangunahing kondisyon para tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang iba’t ibang malinaw na pahayag mula sa Diyos na kinasasangkutan ng mga katotohanang prinsipyo. Kung hindi mo taglay ang aspekto ng pagkatao na pagkilatis ng tama sa mali, wala ang konsensiya at katwiran sa iyong pagkatao, at wala ka ng pangunahing kondisyon para tanggapin ang katotohanan, tanggapin ang mga salita ng Diyos, at tanggapin ang lahat ng positibong paggabay at mga wastong landas mula sa Diyos. Hindi mo man lang taglay ang pangunahing kondisyon para tanggapin ang katotohanan at tanggapin ang mga positibong bagay, kaya ang sabihing kaya mong magpasakop ay katawa-tawa, at isang pantasya lamang.

Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, subalit sinasabi pa rin niya, “May konsensiya ako, at napakatuwid at napakabait ko,” hindi ba’t nagpapakita ito ng kawalan ng kamalayan sa sarili? Saan nanggagaling ang iyong pagiging matuwid? Ang isipan mo ay puno lang ng mga negatibong bagay—ano ang magagamit mo para patunayan na ikaw ay matuwid? Nasaan ang iyong katibayan? Sa anong batayan mo sinasabi na isa kang taong matuwid? At paano mo maisasagawa ang iyong tinatawag na kabaitan? Ang nasa loob mo ay pawang buktot at negatibong mga kaisipan at pananaw. Maaari ka bang maging mabait? Mabuti na ang magagawa mo kung hindi ka mambibitag o mamiminsala ng mga tao. Ang ilang tao, para patunayan na mayroon silang pagkatao at sila ay matuwid at mabait, ay binibigyan ang kanilang sarili ng mga pangalang tulad ng Zheng Wang, Zheng Zhang, Zheng Zhou, Zheng Gang[a]—bagama’t “matuwid” nga pakinggan ang mga pangalan, nangangahulugan ba ang mga ito na ang isang tao ay tunay na matuwid? Saan nagmumula ang tunay na pagiging matuwid? Nagmumula ito sa pagkatao. Tanging kapag taglay ng pagkatao ng isang tao ang kakayahan o ang mga pangunahing kondisyon para kilatisin ang tama sa mali saka siya maaaring maging matuwid. Kung hindi mo man lang alam kung ano ang mga positibong bagay, o kung sadyang hindi mo mahal ang mga positibong bagay at hindi ka kailanman tumanggap ng kahit isang positibong bagay o positibong kaisipan at pananaw, subalit sinasabi mo pa ring ikaw ay matuwid, hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Sa anong batayan mo sinasabi na ikaw ay matuwid? Sabi ng ilan, “Tama ang lahat ng aking pananaw sa mundo, mga pinahahalagahan, at pananaw sa buhay.” Mayroon ba itong anumang kinalaman sa katotohanan? Ang pagkakaroon ba ng tamang pananaw sa mundo, mga pinahahalagahan, at pananaw sa buhay ay nangangahulugan na taglay ng isang tao ang katotohanan? Sabi ng iba, “Mayroon akong ‘positibong enerhiya.’ Ang mga bagay na sinasabi at ginagawa ko ay praktikal at nagpapatibay sa mga tao. Hindi ako kailanman nagsasabi ng mga bagay na nagpapahina sa mga tao, hindi ako kailanman nagsasabi ng anumang nakasisira ng loob, at hindi ako nagsasabi ng mga bagay na nagpapahiya sa mga tao o nagdudulot sa kanila na maging negatibo at mahina, o na nagpapahina ng loob nila. Lahat ng sinasabi ko ay nanghihikayat, nag-uudyok, o nagbibigay-inspirasyon sa mga tao. Maituturing ba itong ‘positibong enerhiya’? Ang terminong ito, ‘positibong enerhiya,’ ay sikat na sikat sa lipunan ngayon. Kay-dakila, kay-sunod sa uso, at kay-elegante ng ideya ng ‘pagiging puno ng positibong enerhiya’!” Sabi ng iba, “Tingnan ninyo kung paano ako nag-uumapaw sa diwa ng katuwiran. Kapag nakatayo ako roon, mukha akong isang sundalo—maningning ang aking mga mata at matalas ang aking tingin, hindi ako basta-basta. Ang mga lokal na siga, kasuklam-suklam na kontrabida, at masasamang taong iyon ay hindi nangangahas na lumapit sa akin. Kapag nasa harapan ko sila, nabubunyag ang kanilang tunay na kulay, ipinapakita nila ang kanilang kaduwagan, at nagmumukha silang hamak. Kapag nasa paligid ko ang karaniwang tao, kailangan niyang umasal nang maayos at hindi siya nangangahas na kumilos nang walang ingat. Kita mo, kayang sugpuin ng matuwid na diwa kong ito ang kabuktutan!” Ito ba ay pagiging matuwid? (Hindi.) Sikat sa lipunan ang pagnakawan ang mayayaman para tulungan ang mahihirap, ang kumilos nang buong tapang para sa isang makatarungang layunin, ang maging mabait at mapagkawanggawa, at ang maging isang bayani sa pamamagitan ng pagsagip sa mga dalagang nasa panganib. Ang ilang tao, pagkatapos gawin ang mga bagay na ito, ay itinuturing ang kanilang sarili na mga bayani, at maraming iba pa ang yumuyukod sa harap ng mga bayaning ito. Sabi ng iba, “Hindi ako kailanman nanlalamang ng mga tao, puno ako ng diwa ng katuwiran, ako ay pirmihang matuwid at walang kinikilingan, at kaya kong sabihin ang tama sa mali. Kapag may dalawang taong nag-aaway at hinihiling sa aking mamagitan sa alitan, binibigyan ko ang magkabilang panig ng pantay na parusa at hindi ako nagpapakita ng pagkiling. Tingnan ninyo itong matuwid na diwang ito na pumupuno sa akin, hinahangaan ako ng lahat!” Maituturing ba itong pagiging matuwid? (Hindi.) Bagama’t ang mga nauna nang nabanggit na ideya ng “mga tamang pananaw sa mundo, mga pinahahalagahan, at pananaw sa buhay” at “positibong enerhiya” ay mga sikat na kasabihang Tsino, itong huli—ang pagiging mabait at mapagkawanggawa, pag-iipon ng merito at paggawa ng mabubuting bagay, at pagkilos nang buong tapang para sa isang makatarungang layunin—ay malamang na pangkalahatang iginagalang sa lahat ng bansa at sa gitna ng lahat ng tao. Kaya itinuturing ito ng mga tao na isang diwa ng katuwiran, na pagiging matuwid. Maging ang karamihan sa mga mananampalataya sa Diyos ay iniisip na ito ay napakatuwid, sinasabing, “Tingnan ninyo ang ating pambansang bayani, si Ganito-at-ganyan. Inialay niya ang kanyang buhay para sa matuwid at dakilang layunin ng bansa, isinakripisyo ang kanyang sarili para pasabugin ang isang bunker para protektahan ang bansa. Puno siya ng diwa ng katuwiran. Iyan ang tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng pagkatao!” Sa pagtingin dito ngayon, tama ba ang pananaw na ito? (Hindi.) Paanong mali ito? Ang ganitong mga uri ng pagiging matuwid, na pinaniniwalaang gayon ng mga tao o na iginagalang ng mga tao, ay tinatasa sa pamamagitan ng mga pamantayang batay sa paghahangad ng tao para sa mga bagay na mabuti at medyo positibo. Dahil sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng laman ng mga tao, at dahil hindi nila nauunawaan kung ano ang mga positibong bagay, itinuturing nilang mabubuting tao ang mga kayang isakripisyo ang sarili nilang mga interes para sa iba at gumagawa ng mabubuting pag-uugali—o ang mga hindi aktibong nambibitag o namiminsala ng iba, walang banta sa iba, at hindi nagdulot ng anumang masasamang kahihinatnan—at iginagalang nila ang mga ito at inilalarawan bilang matuwid. Ang depinisyong ito ng “matuwid” ay batay sa mga kuru-kuro ng mga tao sa pagiging matuwid, pati na rin sa kanilang pagkamuhi sa masasamang kalakaran at sa buktot na sangkatauhan, at sa kanilang paghahangad para sa mabubuting bagay. Dahil ang karamihan sa mga tao sa lahi ng tao ay naniniil, nang-aapi, nambibitag, at namiminsala ng iba, at dahil ang mundong ito ay napakasama, napakadilim, at walang bakas ng pagiging patas o katuwiran na matatagpuan, kapag lumitaw ang gayong mga bayani o ang tinatawag na mabubuting Samaritano at mga gumagawa ng mabubuting gawa, may tendensiya ang mga tao na igalang ang mga ito, tinutukoy ang mga ito gamit ang pinakamaiinam na terminong posible. Tumpak ba ang mga prinsipyo ng kahulugang ito? (Hindi.) Ang mismong mga prinsipyo at batayan ng kahulugan ay hindi tumpak. Halimbawa, may isang tao sa isang grupo na inaapi ng karamihan sa iba, ngunit may isang partikular na indibidwal na hindi nang-aapi sa kanya. Sinasabi ng taong inaapi, “Iyong hindi nang-aapi sa akin ay isang mabuting tao.” Tumpak ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Lohikal ba ito? (Hindi.) Sabihin mo sa Akin, ano ang mali rito? (Marahil iyong taong hindi nang-aapi sa kanya ay hindi lang siya kinaiinisan, o hindi siya inaapi dahil hindi angkop ang obhetibong sitwasyon at mga pagkakataon. Hindi ito nangangahulugan na mabuting tao ito.) Ang kanyang pananaw ay naglalaman ng isang kamalian sa lohika. Ang ideya na ang mga taong nang-aapi sa iyo ay masasamang tao, kaya ang mga taong hindi nang-aapi sa iyo ay tiyak na mabubuting tao, ay isang kamalian sa lohika, hindi ba? (Oo.) Karamihan sa mga taong nang-aapi sa iba ay hindi mabubuting tao, ngunit ang iyong pamantayan sa pagtukoy kung ano ang ibig sabihin ng mang-api sa iba ay hindi naman tiyak na tumpak, kaya ang iyong pagtukoy na ang mga taong nang-aapi sa iyo ay masasamang tao ay hindi rin naman tiyak na tumpak, at hindi rin tumpak na sabihin na ang mga taong hindi nang-aapi sa iyo ay tiyak na mabubuting tao. Maaaring may ilang sitwasyon kung saan hindi ka inaapi ng isang tao. Marahil ay ayaw ka niyang pansinin, kaya hindi na siya nag-aabalang mang-api sa iyo. Marahil ay hindi ka niya kilala, kaya hindi ka niya maapi. Marahil ay pakiramdam niya na mas mahirap kang kalabanin kaysa sa kanya, kaya hindi siya nangangahas na mang-api sa iyo. May ilang posibleng sitwasyong tulad niyan. Ang iyong batayan sa paglalarawan sa kanya bilang isang mabuting tao ay nakasalalay sa pundasyon na hindi ka niya inapi, kaya ang batayan mismo ng kahulugang ito ay mali. Ano ang tunay na batayan sa pagtukoy sa isang tao bilang isang mabuting tao? Kung ang taong ito ay minamahal ang mga positibong bagay, tinatrato ang iba nang patas at nang may mga prinsipyo, at may mga prinsipyo rin sa kung paano siya gumagawa ng mga bagay-bagay, kung gayon, kahit na minsan ay prangka siyang magsalita sa iyo, nang may masakit na tono, o pinupuna ka niya, hindi ka niya inaapi. Kumikilos siya ayon sa mga prinsipyo at hinuhusgahan niya ang mga bagay-bagay batay sa mga katunayan. Kaya, siya ay tunay na isang mabuting tao, at kaya niyang tratuhin ang mga tao ayon sa mga prinsipyo. Ngunit ang ilang tao ay hindi ganito. Kapag nakikita nilang may katayuan ka at mahirap kang kalabanin, sumisipsip sila sa iyo. Kapag nakikita nilang wala kang katayuan at dehado ka, inaapi ka nila, niyuyurakan ka, at palagi kang sinasaktan kapag nagsasalita sila. Kung may ginawa kang tama, naiinggit sila sa iyo. Kung may ginawa kang mali, tinutuya ka nila at minamaliit. Ang gayong mga tao ay masasamang tao. Kung sinusukat mo ang mabuti at masama batay sa mga positibong bagay at sa mga katotohanang prinsipyo, ang iyong mga pamantayan sa pagsukat ng mga bagay-bagay at ang mga resulta ng iyong mga pagsukat ay magiging wasto. Ang pagsusuri o kahulugan mismo ng mga positibo at negatibong bagay sa mundo at sa lipunan ay baligtad. Karamihan sa mga tao sa lipunan ay iniidolo ang mga lider na mahal nila, ang mga sikat na tao, o mga bituin. Anuman ang sabihin ng mga sikat na taong ito, ng mga bituin, at mga lider, iniisip nilang ito ay wasto, at walang naglalantad o sumasalungat dito. Paano man maghari-harian ang mga taong iyon sa mga karaniwang tao at mang-api sa kanila, magdiskrimina o mangikil sa mahihirap, o walang-pakundangan pa ngang kumitil ng buhay ng tao na para bang walang halaga ang mga ito, walang tumitindig para magprotesta o tumutol laban sa kanila. Kung gumawa sila ng ilang mabuting bagay para sa kanilang kapakinabangang pampulitika, marami ang pupuri sa kanila at dadakila sa kanila. Kung may isang taong lumalaban para sa katarungan na lilitaw at ilalantad ang satanikong rehimen, o ang mga sikat na tao at mga dakilang tao, sama-sama siyang aatakihin ng masa, na desperadong umaasang maalis siya at maglaho. Ano ang ipinapakita nito? Na ginagawa ng lipunan ang lahat ng bagay sa isang di-makatarungan at baluktot na paraan; binabaligtad nito ang tama at mali. Ang mga pamantayan ng pagtukoy ng tiwaling sangkatauhan sa mabuti at masama, at sa positibo at negatibo, ay pawang mali, kaya ang mga kongklusyong nabubuo nila ay hindi rin makatwiran.

Tingnan natin ang isang halimbawa. Mayroong mga nanloloob at nagnanakaw sa mga bahay—nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap. Pagkatapos nilang nakawan ang mayayaman ng mga pag-aari ng mga ito, nagbibigay sila ng tulong sa karaniwang mga tao. Kapag nakikinabang at nagsasamantala rito ang karaniwang mga tao, masaya sila, at pinupuri nila ang mga taong ito bilang mga bayani at matutuwid na taong may birtud. Pero kung susuriin mo ang mga bagay na ginawa ng mga tinatawag na matutuwid na taong may birtud na ito, talaga bang matuwid sila? Nakuha ng ilang mayamang tao ang kanilang yaman sa pamamagitan ng masigasig na pamamahala at pagsisikap, at mayroon pa ngang ilan na naipon lamang ang kanilang yaman sa pamamagitan ng ilang henerasyon ng pamamahala at pagsisikap. Anong karapatan mong nakawan sila ng kanilang mga pag-aari? Ninakawan mo sila ng kanilang pribadong ari-arian—mali iyan. Kung kaya mo, humayo ka at kumita ka ng pera nang ikaw mismo. Ang paggamit ng perang kinita mo para tulungan ang mahihirap—maituturing iyang pagkakawanggawa. Pero ninanakawan mo ang mayayaman ng kanilang mga pag-aari, kinukuha ang pag-aari ng iba para angkinin mo, at pagkatapos ay tinutulungan ang mahihirap. Sa mga mata ng mahihirap, itinuturing itong matuwid. Hindi ba’t ito ay isang lubos na katawa-tawang pananaw? Iginagalang ng mahihirap at ng karaniwang mga tao ang gayong mga tao bilang mga bayani, at tinatamasa ng “mga bayaning” ito ang titulong ito at ang karangalang ito na para bang nararapat ito sa kanila. Hindi ba’t kawalan ito ng kahihiyan? Hindi ba’t lubos itong katawa-tawa? (Oo.) Sila mismo ay walang kakayahang kumita ng pera, at nagkikimkim sila ng sama ng loob sa mayayaman, kaya gumagamit sila ng dahas para nakawin ang yaman ng mayayaman at ipamahagi ito sa karaniwang mga tao, para purihin sila ng karaniwang mga tao. Ang totoo, ang mga bagay na kinukuha nila ay hindi talaga ang mga kinita nila sa pamamagitan ng sarili nilang pagtatrabaho, at ang tinatamasa ng mahihirap ay hindi mga bagay na pag-aari ng mga magnanakaw na ito, kundi mga bagay na pag-aari ng mayayaman. Kaya bakit dapat na, dahil lang dumaan sa mga kamay nila ang mga bagay na ito, kailangang magkaroon ng malaking utang na loob sa kanila ang karaniwang mga tao at ang mahihirap? At tama ba para sa karaniwang mga tao na tamasahin ang mga bagay na ito nang may hindi nababagabag na konsensiya? Ang mga bagay ba na ito ang nararapat sa iyo? Kinita mo ba ang mga ito sa pamamagitan ng sarili mong pagtatrabaho? Tinatamasa mo nang may hindi nababagabag na konsensiya ang mga ninakaw na bagay na hindi mo pinaghirapan, at pakiramdam mo pa nga ay dapat nakawan ang mayayaman, at na dapat mong tamasahin ang mga ninakaw na bagay. Nakukuha mo ang mga bagay na ito nang libre at nang walang anumang ibinabayad na halaga, at tinatamasa mo ang mga ito nang may hindi nababagabag na konsensiya. Hindi ba’t ito ay kawalan ng kahihiyan? (Oo.) Tinatamasa ng mga tinatawag na bayaning ito ang paghangang ito mula sa mga tao at ang karangalang ito. Ginagawa nila ang mga bagay na ito para bigyang-kasiyahan ang sarili nilang banidad. Habang lalo silang pinupuri at iniidolo ng mga tao, lalo silang nagiging parang mga baliw, at nanloloob na nga sila maging ng mga palasyo, ninanakaw ang kayamanan sa loob ng mga ito, ipinagbibili ito, at pagkatapos ay isinasaboy ang pera sa mga bakuran ng mahihirap. Ang paraan nila ng pagtulong sa mahihirap ay sa pamamagitan ng pagnanakaw sa mayayaman. Hindi ba’t lubos itong katawa-tawa? (Oo.) Hindi na natin pag-uusapan pa kung ang pagnanakaw sa mga pag-aari ng iba ay lumalabag ba sa batas, sa usapin ng moralidad at pagkatao, hindi ito katanggap-tanggap, at hindi ito ang tinatawag na pagiging matuwid. Ang mga bagay na ninakaw nila ay hindi talaga mga bagay na dapat nilang ariin. Ang mga ito ay mga bagay na nakuha sa pamamagitan ng mabababa, marurumi, kaduda-duda, ilegal, at hindi karaniwang mga paraan. Ipinagpapalit nila ang mga ito para sa kaunting pera at pagkatapos ay tinutulungan ang mga hindi naman talaga nangangailangan ng tulong o ang mga sa tingin nila ay dapat tulungan, at pagkatapos ay tumatanggap sila ng papuri mula sa mga taong ito, at tinatamasa nila ang karangalang ito. Hindi ba’t ito ay kawalan ng kahihiyan? Ngunit ipinagmamalaki pa nila ang kanilang sarili at tinatawag ang sarili nilang mga bayani na nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap. Ang gayong mga tao ay partikular na sikat sa lipunan. Noong unang panahon, may ilang tinatawag na “mga bayani” na tulad nito, at ang kanilang mga kuwento ay kumakalat pa rin hanggang sa ngayon. Hindi ba’t katawa-tawa ito? (Oo.) Sa buong sangkatauhan, labis na kakaunti ang tunay na nakakaunawa kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay. Hindi makilatis ng mga tao ang mga bagay na ito. Ilang araw lang naman matatamasa ng karaniwang mga tao ang mga bagay na ninakaw ng “mga bayani”? Iyan ba ang nararapat sa iyo? Pinaghirapan mo ba iyan? Iyan ay hindi mo pinaghirapan ni nararapat sa iyo—iyan ay tinatawag na pagtanggap sa mga pakinabang na hindi nararapat sa iyo. Marangal ba para sa iyo na tamasahin ang mga bagay na ito? Mahirap ka dahil tamad ka o walang kakayahan. Ang isang taong may konsensiya at katwiran ay dapat makontento na sa pagkakaroon ng pagkain at damit, at dapat niyang tamasahin kung ano lang ang kaya niyang kitain. Binibigyan ka ng Diyos ng ikabubuhay, kaya dapat kang makontento. Kung makakita ka ng isang taong mayaman, na maraming ari-arian, na masagana, at palagi mong gusto ang kalahati ng kung anong mayroon siya, makatwiran ba ito? Ang kaisipang ito, sa ganang sarili, ay hindi makatwiran. Kinokontrol at pinaghaharian ni Satanas ang lipunan, kaya siyempre ay walang pagiging patas. Sa lipunan, marami ang mahihirap habang kakaunti ang mayayaman—anuman ang sanhi nito, ang katunayan ay, may mga taong mayaman at may mga taong mahirap. Ganito ang lipunan—maaaring hindi ka yumaman kahit pa may kakayahan ka, at maaari ka namang mamuhay bilang mayamang tao kahit pa wala kang kakayahan. Walang sinumang makapagpapaliwanag nang malinaw sa mga bagay na ito, pero anuman ang mangyari, naririto rin ang pag-orden ng Diyos. Ang mga bagay na ninakaw mula sa iba ay hindi sa iyo, at kahit matamo mo pa ang mga ito, hindi sa iyo ang mga ito, at sa malao’t madali ay mawawala rin sa iyo ang mga ito. Tingnan mo yaong mga, dahil daw sa kabayanihan at katarungan, ay nanloloob at nagnanakaw sa mga bahay, at nagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap. Ginagawa nila ang lahat ng uri ng masasamang bagay nang palihim, tulad ng pagkain, pag-inom, pakikiapid, at pagsusugal, at paggamit ng droga, at may ilan pa ngang pumapatay o nanggagahasa. Pagkatapos, dahil lang sa ilang beses na pagnanakaw sa mayayaman para tulungan ang mahihirap, iginagalang na sila bilang mga bayani ng karaniwang mga tao. Hindi ba’t isang kaso ito ng pagtatagumpay ng mga taong ubod ng sama? Ang karaniwang mga tao—ang mga kasuklam-suklam, ang mga masang mababang-uri, at ang mga taong magulo—ay masaya na sa tuwing makakakuha sila ng kaunting pakinabang, at pinupuri ang sinumang magbigay sa kanila nito. At paano naman yaong “mga bayani”? Binibigyan sila ng karaniwang mga tao ng kaunting karangalan at ginagantimpalaan sila ng mga ito, at itinataas sila bilang mga bayani, kaya inaakala nilang isa na itong korona ng tagumpay, na sila ay tunay na mga bayani, at walang kapantay. Kaya, nagpapatuloy sila sa pagnanakaw, at ang resulta, nababaril sila at namamatay sa isang bala lang kapag nilooban nila ang isang palasyo. Akala talaga nila ay napakalaki ng kanilang kakayahan at sila ay mga superhuman, na sila ay pambihira at nakahihigit sa karaniwan, pero ang totoo, wala man lang silang abilidad na makailag sa bala, at sa huli ay namamatay sila. Hindi ba’t nararapat lang iyon sa kanila? (Oo.) Ang mismong pagnanakaw ay hindi marangal. Ito ay mababang-uri. Ang umasa sa pagnanakaw para makuha ang papuri ng mga tao, para magkaroon ng magandang reputasyon, para magtamo ng kaunting karangalan—kasuklam-suklam na bagay ito. Sa huli, sila pa mismo ang pumupuri sa kanilang sarili: “Hindi makapamuhay nang maayos ang mga tao, at labis silang nahihirapan, dahil lang sa mga opisyal. Tingnan ninyo kung gaano ako nagtataglay ng espiritu ng katuwiran; may malasakit ako sa mga karaniwang taong may mababang-uri!” Matuwid ba ang gayong mga tao? (Hindi.) Nagsasalita rin nang baluktot ang karaniwang mga tao, at ngumingiti sila kapag nakakakuha ng kaunting pakinabang. Kung wala silang nakukuhang anumang kalamangan mula sa iyo, anuman ang paghihirap na dinaranas mo, hindi ka nila papansinin. Pero kung bibigyan mo sila ng mga pabor, na magdudulot sa kanila na magkamit ng isang bagay na nahahawakan, sasaya sila at sasabihin nila, “Napakabuti mong tao! Isang taong napakadakila ang pagkakawanggawa!” Napakagandang pakinggan ng kanilang mga sinasabi, pero wala ni isang salita roon ang totoo. Hindi man lang sila makapagsabi ng mga wastong salita. Paanong naging matuwid sila sa anumang paraan? Ang totoo, lahat ng sinasabi nila ay panlilinlang.

Itinuturing ng ilang tao ang kanilang sarili na puspos ng espiritu ng katuwiran, bilang mga taong may konsensiya at pagkatao. Pero karapat-dapat man lang bang banggitin ang espiritu ng katuwiran nilang ito? Higit pa rito, talagang hindi ito isang espiritu ng katuwiran; isa itong uri ng pagiging matuwid na binuo nila sa kanilang imahinasyon, na walang kinalaman sa mga positibong bagay na sinasabi ng Diyos o sa alinman sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi ito pagiging matuwid; ito ay baluktot na pangangatwiran, mga maling paniniwala, at mga maling kaisipan. Masasabing ang mga kasabihang isinusulong nila, tulad ng positibong enerhiya, tamang pananaw sa mundo, mga pagpapahalaga, at pananaw sa buhay, at natatangi at matalas na kabatiran, ay tila matuwid at wasto, pero hindi tunay na gayon nga. Sa mas tumpak na pananalita, lahat ng iyon ay mapaminsalang mga kalakaran at masasamang impluwensiya, baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala; lahat ng iyon ay mga negatibong bagay, at lahat ng iyon ay mga maling paniniwala at mga maling kaisian na ganap na kasalungat ng mga positibong bagay. Samakatwid, kung sumasang-ayon ka sa mga kasabihang ito ng mga walang pananampalataya at palaging kumakapit sa mga pananaw na ito sa iyong puso, pinapatunayan nito na tulad lang ng mga walang pananampalataya, hindi ka isang matuwid na tao, at na walang pagiging matuwid sa iyong pagkatao. Nais mong magpanggap bilang isang matuwid na tao, tulad ng pagsubok ni Satanas na magpanggap bilang isang anghel ng liwanag. Nagsasabi si Satanas ng ilang magandang pakinggang bagay, nais magpanggap bilang Diyos, bilang isang matuwid na taong may birtud, at bilang isang bagay na positibo. Nagpapanggap ka rin bilang isang bagay na hindi naman ikaw; palagi mong sinasabi na mayroon kang tamang pananaw sa mundo, mga pagpapahalaga, at pananaw sa buhay, na mayroon kang positibong enerhiya at matuwid na espiritu, na isa kang bayani, isang taong may matalas at natatanging kabatiran, o na ikaw ay matuwid at walang dapat ikatakot, na saan ka man magpunta, dala-dala mo ang espiritu ng katuwiran sa iyong pagsasalita at pakikitungo sa mga tao—palagi mong iniistilo ang iyong sarili sa ganitong paraan. Kung gayon, sinasabi Ko na ikaw ay isang taong walang gaanong konsensiya, isang taong nais magpanggap na may espiritu ng katuwiran, na matuwid, at may pagkatao. Dahil ipinagkukunwari mo ang mga bagay na ito, nangangahulugan itong hindi mo taglay ang mga ito—kung hindi, kakailanganin mo pa bang ipagkunwari ang mga ito? Kung tunay kang may pagkatao, hindi mo kakailanganing ipagkunwari ito, at hindi mo rin matatanggap ang mga kasabihang tulad ng tinatawag na “tamang pananaw sa mundo, mga pagpapahalaga, at pananaw sa buhay,” “positibong enerhiya,” “pagkakaroon ng espiritu ng katuwiran,” at “pagkakaroon ng espiritu ng pagkabayani”; hindi mo tatanggapin ang mga negatibong bagay na ito—hindi na kailangang sabihin pa na matapos makarinig ng napakaraming sermon hanggang ngayon, dapat ay mayroon ka nang pagkilatis sa mga bagay na ito. Kung may pagkatao ka, matagal mo nang itinakwil ang mga negatibong bagay na ito. Kung may isang taong maghain ng mga kasabihan at argumentong ito, kahit pa wala kang pagkilatis, hindi mo tatanggapin ang mga ito mula sa kaibuturan ng iyong puso. Iisipin mong ang mga bagay na iyon ay masyadong hindi totoo, na ang mga bagay na isinusulong ng mga tinatawag na sosyologo, edukador, at intelektuwal, mga tinatawag na sikat na tao at dakilang personalidad, at yaong mga demonyo at mga haring diyablo ng mundo, ay pawang mga bagay na nagsasabi sa mga tao na magkunwari. Gaya ito ng isang kasabihang sikat sa lipunan, “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo.” Nakikita mo, sinasabi ng masasamang diyablo na dapat magbigay ng kaunting pagmamahal ang lahat ng tao, na ibig sabihin, ang karaniwang mga tao ay lahat dapat magbigay ng pagmamahal, lahat dapat magmahal sa masasamang diyablo, lahat dapat masunuring makinig at sumunod sa kanilang partido, at huwag gumawa ng gulo o magdulot ng problema sa bansa at sa kanilang partido, at sa gayon ay magiging mapayapa ang mundo. Ang totoo, kailan ba naging ang karaniwang mga tao ang gumagawa ng gulo? Malinaw na mga diyablo ang nagsusulsol ng kaguluhan at nakikipag-agawan sa kapangyarihan at pakinabang. Iniligaw at ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan; lahat sila ay sumusunod sa mga diyablo at kay Satanas, at lahat sila ay umiiwas at kumakalaban sa Diyos. Kaya, mararanasan ba ng lipunang ito ang kapayapaan? Sabihin mo sa Akin, mapaninindigan ba ang kasabihang “Kung ang lahat ay magbibigay ng kaunting pagmamahal, magiging magandang lugar ang mundo”? Lahat ng ito ay mga salita para linlangin ang mga bata. Kung wala kang pagkilatis sa mga salitang ito, at naniniwala kang, “May pag-asa pa para sa mundo, mas marami pa ring mabubuting tao kaysa sa masasama sa sangkatauhang ito, magiging magandang lugar ang mundo sa hinaharap, at ang sangkatauhang ito ay tutungo sa isang magandang kinabukasan,” kung gayon, ang iyong mga kaisipan at pananaw ay walang ipinagkaiba sa mga kaisipan at pananaw ng pangkalahatang publiko, at ikaw ay isa lamang hindi tao. Ang isang katangian ng mga hindi tao ay na partikular silang mahilig magbalatkayo, gamit ang magagandang pakinggan, mabulaklak, at mapagpaimbabaw na mga kasabihan para ibalatkayo ang kanilang panlabas na hitsura, habang ang kaibuturan ng kanilang puso ay napakarumi at napakadilim, at sunod-sunod ang kanilang mga kasuklam-suklam at maruruming taktika. Wala silang anumang pagmamahal sa pagiging patas at sa katuwiran; mahilig lang silang gumamit ng mga taktika. Nagsasabi sila ng napakagagandang pakinggang bagay; nagtatago sila ng mga punyal sa likod ng kanilang mga ngiti at ginagawa nila ang lahat ng masamang gawang maiisip. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao. Ang mga ito mismo ang mga pagpapamalas ng mga taong walang pagkatao. Pagpapamalas ba ito ng pagiging matuwid? (Hindi.) Dahil hindi matuwid ang mga taong ito, sa tingin mo ba ay maaari silang maging mabait? (Hindi.) Huwag nang pag-usapan pa ang pagiging mabait, dapat nang ipagdiwang kung mabawasan man lang nang isa ang masasamang gawa nila, isang pagpapala para sa lahat sa lupa. Pero tinatawag pa rin nilang matuwid ang kanilang sarili! Pinupuri lang nila ang kanilang sarili! Hindi man lang nila alam kung ano ang mga positibong bagay, at kahit pa matapos makarinig tungkol sa mga positibong bagay, sa kanilang puso ay hindi nila gusto ang mga ito at nasusuklam at nandidiri pa sila sa mga ito. Pero sinasabi pa rin nilang sila ay matuwid at mabait. Sino sa akala nila ang niloloko nila? Ang tinatawag na pagiging matuwid, kabaitan, at katwiran ng sangkatauhan ay hindi nakabatay sa mga positibong bagay, ni nakabatay sa mga katotohanang pamantayan. Kaya, ang pagiging matuwid, kabaitan, pagkamakatwiran, at ang konsensiya at katwiran ng mga tao, batay sa pagpapakahulugan ng sangkatauhan, ay pawang hindi tumpak, walang batayan sa katotohanan, at pawang mga baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala.

Kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, una, siya ay isang taong kayang kilatisin ang tama sa mali. Ikalawa, nalalaman niya kung ano ang wasto at ang hindi wasto. Pag-usapan muna natin ang tungkol sa pagkilatis ng tama sa mali. Suriin mo ang iyong sarili, at pagkatapos ay suriin mo ang iyong mga magulang at ang iyong mga kapatid—mayroon ba sa inyo na mga taong kayang kilatisin ang tama sa mali? Ikaw ba ay gayong tao? Kung ikaw ay isang taong kayang kilatisin ang tama sa mali, kung gayon sa hinaharap, ang iyong pagtanggap at pagpapasakop sa katotohanan ay magiging isang natural na bagay na lamang. Sa pamamagitan ng kaunting pagsisikap, pagtitiis ng kaunting hirap, at pagbabayad ng kaunting halaga, magagawa mong makamit ito—kung gayon, may pag-asa para sa iyong kaligtasan. Kung hindi ka isang taong kayang kilatisin ang tama sa mali, at sa nakaraan ay tutol ka sa katotohanan, hindi mo ito matanggap at ayaw mong isagawa ito, at sa pagbanggit pa lang ng pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan ay lubos kang naiinis at pakiramdam mo ay parang naipit ang ulo mo sa isang gato, naghihirap at walang kalayaan, kung gayon sa hinaharap ay magkakaroon ka ng parehong pakiramdam tungkol sa pagtanggap at pagsasagawa sa katotohanan; hindi mo tatanggapin ang katotohanan. Ang iyong kawalan ng kakayahang tanggapin ang katotohanan at ang iyong pagtutol dito ay hindi dahil sa maikling panahon ka pa lang nananampalataya sa Diyos, ni dahil hindi ka dinisiplina ng Diyos o hindi ka Niya pinanagutan. Hindi ito ang mga tunay na ugat na mga dahilan. Ano ang tunay na ugat na dahilan? Wala kang abilidad na kilatisin ang tama sa mali, ang pangunahing kondisyong ito, kaya sa hinaharap ay hindi mo pa rin matatanggap ang katotohanan, at hindi mo makakamit ang pagpapasakop sa katotohanan. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi ko kayang tanggapin ang katotohanan o magpasakop dito, magkakamit pa rin ba ako ng kaligtasan?” At ano ang masasabi ninyo—makapagkakamit ba sila? (Hindi.) Ang sagot Ko ay, “Napakahirap sabihin.” Bakit napakahirap sabihin? Dahil sa dami ng nasabi Ko na ngayon at sa dami ng nailista Ko nang mga pagpapamalas, hindi tiyak kung maihahalintulad mo ba ang iyong sarili sa mga ito o makikilala mo ba ang mga ito sa iyong sarili. Bukod pa rito, hindi rin tiyak kung maaarok mo ba ang mga bagay na ito at ang mga aspektong ito ng katotohanan na Aking sinabi. Samakatwid, kahit hindi Ko sabihin sa iyo kung maliligtas ka ba, matitiyak ito ng bawat isa sa inyo batay sa inyong saloobin sa katotohanan at sa mga positibong bagay. Hindi Ko na kailangang sabihin ito sa inyo nang napakalinaw at napakatapat; alam na ninyo sa bawat puso ninyo.

Ngayong natapos na tayong magbahaginan tungkol sa pagkilatis ng tama sa mali, dapat na nating pag-usapan ang tungkol sa pag-alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto, tama ba? (Oo.) Ang pag-alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto ay tiyak na iba sa pagkilatis ng tama sa mali; kung hindi, hindi na sana kailangang pag-usapan ang mga ito nang magkahiwalay. Ang pag-alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto ay nangangahulugan na, mula sa perspektiba ng pagkatao, dapat malaman ng isang tao kung aling mga pananaw at aling mga salita ang wasto, at kung alin ang hindi wasto. Ang wasto ay dapat itaguyod, at ang hindi wasto ay dapat bitiwan. Sa isipan ng mga normal na tao, mayroong ilang kaisipan, pananaw, at batayan para kilatisin kung ano ang wasto at hindi wasto. Magpupursigi sila sa kung ano ang wasto, at sasalungatin o itatakwil pa nga nila kung ano ang hindi wasto. Kung hindi man lang ito magawa ng isang tao, ipinapakita nito na mayroong kulang sa kanyang pagkatao; maaari ding tiyak na sabihin na ang mga taong tulad nito ay walang pagkatao. Bilang isang tao, kung sinasabi mong may pagkatao ka, pero hindi mo man lang nalalaman kung ano ang wasto at ang hindi wasto, paano ka aasal? Paano ka aasal nang maayos? Paano mo masasabi ang bawat salita at magagawa ang bawat kilos sa loob ng pagkatao? Kung hindi mo nalalaman kung ano ang wasto at ang hindi wasto, kung gayon ang bawat isa sa iyong mga salita at kilos ay hindi sinasabi at ginagawa sa loob ng pagkatao. Ano ang ibig sabihin ng hindi pagkilos o pagsasalita sa loob ng pagkatao? Ibig sabihin, hindi mo sinasabi ang mga salitang ito at ginagawa ang mga bagay na ito nang makatwiran, batay sa mga wastong kaisipan at pananaw na dapat taglayin ng pagkatao—ito ang ibig sabihin ng hindi pagsasalita o pagkilos sa loob ng iyong pagkatao. Sinasabi ng ilang tao, “Kung hindi nagsasalita o kumikilos ang isang tao sa loob ng kanyang pagkatao, kung gayon, sa anong batayan siya nagsasalita at kumikilos?” Sa pangkalahatan, mayroong dalawang batayan. Ang isa ay pagsasalita at pagkilos sa loob ng isang demonyong kalikasan, pamumuhay ayon sa isang satanikong disposisyon. Nakikita ng mga taong nakakaunawa sa katotohanan na ang mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng mga taong ito sa kanilang mga salita at kilos ay kapareho ng sa mga diyablo, at na ang mga bagay na ito ay nanlilihis, namiminsala, nanunukso, at nagliligaw sa mga tao, at hindi positibo. Ito ang isang batayan: ang pagsasalita at pagkilos sa loob ng demonyong kalikasan ng isang tao. Ang isa pa ay pagsasalita at pagkilos bilang isang hayop, at ang mga hayop ay lalong walang pagkatao. Ang kawalan ng pagkatao ay nangangahulugan ng pagsasalita at pagkilos nang walang konsensiya o katwiran; ganoon lang kasimple. Ang mga salitang sinasabi ng mga hayop ay isang bunton ng mga salitang magulo, hangal, at baluktot; puro mga doktrinang baluktot ang sinasabi nila. Nakikita mo, ang mga salitang sinasabi nila ay kapareho ng mga kaisipan at pananaw ng mga hayop—ang mga ito ay baluktot at hangal, tunggak at magulo. Pagkatapos pakinggan ang mga ito, hindi mo alam kung matatawa ka o maiiyak, at sasabihin mo, “Paano niya nasabi iyan? Para siyang isang bata na tatlo hanggang limang taong gulang, katawa-tawa at walang kamuwang-muwang. Hindi iyan mga salitang dapat sabihin ng isang taong nasa hustong gulang na! Ang mga sinasabi niya ay walang anumang batayan, katawa-tawa ang mga ito—masyadong nakakahiyang sabihin ang mga ito sa harap ng mga tao!” Iyan ay isang hayop, isang halimaw na nagsasalita. Sila ay nagsasalita at kumikilos sa loob ng kalikasan ng isang halimaw, walang anumang katinuan, o anumang pagiging makatwiran, at lalong walang anumang konsensiya at katwiran. Ibig sabihin, ang kanilang pananalita ay labis na hindi makatwiran, walang anumang lohika sa likod nito. Hindi mo alam kung saan nagmumula ang kanilang mga sinasabi, at pagkatapos marinig ang mga ito, ikaw ay lubos na nalilito at hindi mo alam ang gagawin. Habang lalo mong pinakikinggan ang kanilang mga salita at pagsasalaysay ng mga bagay-bagay, lalo kang naguguluhan dito, at wala kang paraan para maunawaan sila. Kapag nagsasalita sila, palagi silang nagpapaikot-ikot, pinaghahalo-halo ang mga usapin, nagpapaulit-ulit, at walang-tigil na satsat nang satsat tungkol sa iisang bagay at hindi pa rin nila alam kung paano ito tatapusin sa huli. Ito ay isang halimaw, isang hayop na nagsasalita. Ang gayong mga tao ay may isang katangian, iyon ay na anuman ang kanilang gawin, sabihin, taglaying kaisipan o pananaw, o tanggaping kaisipan o pananaw, hindi man lang nila alam sa kanilang sarili kung ito ay wasto o hindi wasto. Ito ay isang katangian ng kanilang pagkatao. Ang katangian ng kanilang pagkatao ay natutukoy sa huli na ang gayong mga tao ay walang pagkatao, ibig sabihin, wala silang konsensiya at katwiran. Hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto, kaya sa tingin mo ba ay kaya nilang magsalita at kumilos nang may konsensiya? Kaya ba nilang magtaglay ng konsensiya at katwiran ng isang normal na tao kung hindi nila alam kung ano ang wasto at ang hindi wasto? Magkakaroon ba sila ng pag-iisip ng isang normal na tao kung hindi nila kayang kilatisin kung ano ang wasto at ang hindi wasto? Hinding-hindi sila magkakaroon nito. Ang mga normal na tao ay hindi kayang makipag-usap sa gayong tao. Bakit Ko sinasabi ito? Dahil ba hindi ka mapagmahal? Hindi, ito ay dahil wala kayong iisang batayan, hindi nagtatagpo ang anumang mga kaisipan o pananaw ninyo. Ang pakikipag-usap sa kanila ay tulad ng pakikipag-usap sa isang hayop, sa isang diyablo; imposible ito. Sabihin mo sa Akin, kung kakausapin mo ang mga diyablo at mga Satanas tungkol sa katotohanan, mauunawaan ka ba nila? Kung sasabihin mo sa mga diyablo at mga Satanas, “Dapat kang manampalataya sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan. Bilang mga nilikha, tama at nararapat lamang na sambahin ng mga tao ang Diyos,” ano ang isasagot nila? “Sambahin ang diyos? Ang gusto ko ay ako ang sambahin ng mga tao! Magkano ba ang kikitain ko sa pagsamba sa diyos? Gagawin ko ito kung babayaran ako.” Anong klaseng mga salita iyan? Makakausap mo ba ang mga diyablo? (Hindi.) Paano naman ang mga hayop, makakausap mo ba ang mga ito? (Hindi rin namin sila makakausap.) Tingnan mo, ang ilang hayop ay labis na mapagprotekta sa kanilang pagkain kapag kumakain ang mga ito. Pagkatapos ubusin ang sariling pagkain ng mga ito, aagawin pa ng mga ito ang pagkain ng iba. Kung sasabihin mo sa mga ito, “Huwag ninyong pag-awayan ang pagkain, kainin na lang ninyo ang sa inyo,” papasok ba ito sa isip nila? (Hindi.) Pagsapit ng oras ng pagkain, mag-aagawan pa rin sila ng pagkain, at magsisimula pang mag-away at magkagatan. Sadyang hindi mo sila makakausap. Upang maprotektahan sila at maiwasan ang pag-aawayan nila sa pagkain, kailangan mong gumawa ng mga hakbang at pamahalaan sila nang mahigpit, pakainin sila nang magkakahiwalay kapag oras na ng pagkain. Ito lamang ang wastong paraan para pamahalaan sila. Bakit? Dahil sila ay mga hayop, wala silang pagkamakatwiran, at lalo nang walang kontrol sa sarili, at hindi nila kayang husgahan kung ang kanilang ginagawa ay wasto o hindi wasto, kaya gaano man kawasto ang iyong sinasabi at gaano man ito kapani-paniwala, at gaano man ito kapaki-pakinabang sa kanila, hindi nila ito mauunawaan. Ang mga taong nagreinkarnasyon mula sa mga hayop ay ganito rin. Gaano man kalinaw na pinagbabahaginan ang katotohanan, hindi nila ito nauunawaan, kaya hindi sila kailanman kumikilos ayon sa mga wastong prinsipyo. Kahit makagawa sila ng mali, hindi nila ito itinuturing na mali, at magpupursigi pa sila rito, at gagawin pa nga ito habambuhay. Hindi ba’t mga hayop sila? Ang gayong mga taong hindi nakakaunawa ng wika ng tao ay tulad lang ng mga hayop—halos walang ipinagkaiba, kung mayroon man.

Huwag muna nating pag-usapan ngayon ang tungkol sa kalikasan ng hayop at ng demonyo, kundi tumuon lang tayo sa aspekto ng pagkatao na pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Ang pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto ay isang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong may pagkatao, pero ang totoo, marami ang wala nito. Madalas na nagpapahayag ang mga tao ng baluktot na pangangatwiran, nagsasabi ng mga baluktot na salita, at gumagawa pa nga ng mga bagay na walang-katotohanan, ginagawa ang mga ito nang may partikular na pagpupursigi, at kaya pa nilang ipakalat ang kanilang baluktot na pangangatwiran sa iba, ipinapasa ito sa mga ito. Ang pangangatwirang ipinapahayag nila ay lubhang baluktot subalit ipinapasa pa rin nila ito sa iba, hindi lang nila pinipinsala ang sarili nila kundi pati na rin ang iba. Halimbawa, kung ayaw nilang kumain ng kanin, sasabihin nila, “Hindi masustansiya ang kanin. Dapat tayong kumain ng noodles, steamed buns, at tinapay.” Sinasabi nilang hindi masustansiya ang kanin. Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Nutrisyonista ka ba? Nasubukan mo na ba ito? Ano ang batayan mo sa pagsasabing hindi masustansiya ang kanin? Halimbawa, may mga lugar kung saan palay lang ang itinatanim nila at hindi trigo, at ang mga tao roon ay kanin ang kinakain sa buong buhay nila at maayos naman ang pamumuhay, at marami ang umaabot sa katandaan. Ngunit batay sa sarili nilang panlasa, kayang sabihin ng mga taong nagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran na “hindi masustansiya ang kanin,” sinasabi pa ito na para bang ito ay isang matuwid na pangangatwiran. Matuwid na pangangatwiran nga ba ito? (Hindi.) Huwag na nating pag-usapan pa kung ang pahayag na ito ay umaayon sa katotohanan—hindi man lang ito matuwid na pangangatwiran. Paano nila nasasabi ang gayon kabaluktot na pangangatwiran? Tao ba sila? (Hindi.) Malinaw na mali ang pahayag na ito; malinaw na isa itong pahayag na sinabi dahil sa mga makasariling pagnanais at pagkiling, isang pahayag mula sa isang taong nagsasalita sa isang baluktot na paraan. Sila mismo ay hindi man lang alam kung tama ito o hindi, subalit hayagan pa rin nila itong ipinapahayag, ipinoproklama ito kahit saan. May ilang taong mahilig kumain ng kanin at ayaw sa mga pagkaing gawa sa trigo. Kapag nakakakita sila ng isang taong kumakain ng mga pagkaing gawa sa trigo, sinasabi nila, “Hindi masustansiya ang mga pagkaing gawa sa trigo, masustansiya ang kanin. Walang-halaga ang mga taong kumakain ng mga pagkaing gawa sa trigo, samantalang mararangal ang mga taong kumakain ng kanin!” Ginagamit nila ang teoryang ito bilang batayan para sukatin ang lahat ng uri ng tao. Kung mahilig kang kumain ng mga pagkaing gawa sa trigo, itinuturing ka nilang hamak at hindi kasingrangal nila. Napakalinaw na mali ang pahayag na ito, subalit hindi nila ito makilatis at sinasabi pa nila ito kahit saan. Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Kapag hindi na nila gusto ang pagkain ng kanin at nagsimula nang magustuhan ang mga pagkaing gawa sa trigo, sinasabi nila, “Hindi masustansiya ang kanin, masustansiya ang mga pagkaing gawa sa trigo. Tingnan ninyo kung gaano katipuno ang mga taong madalas kumain ng mga pagkaing gawa sa trigo; dapat tayong kumain ng mas maraming noodles at steamed buns! Ang kanin ay may ‘cooling’ na katangian, hindi ito mabuti para sa katawan!” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Hindi ba’t isa itong pagkiling? (Oo.) Isa itong pagkiling; hindi ito isang katunayan. Sa anong batayan nila sinasabi ito? Batay sa sarili nilang mga kagustuhan at pagkiling, batay sa kanilang walang-katotohanang mga kaisipan at pananaw. Ngunit hindi nila alam na mali ito, at sinasabi at ipinoproklama pa nila ito na para bang ito ay tama. Kung may sinumang magpahayag ng ibang opinyon, makikipagtalo sila, at magpapatuloy pa rin sa kanilang walang-katotohanang pananaw. Hindi ba’t kamangmangan ito tungkol sa kung ano ang wasto at hindi wasto? (Oo.) Hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto sa gayon kasimpleng bagay—sabihin mo sa Akin, gumagana ba ang kanilang konsensiya? Maaari ba silang maging matuwid? Ang isang taong matuwid ay dapat alam kung ano ang wasto at hindi wasto para maitaguyod ang katarungan at maitaguyod ang mga prinsipyo; saka lang magiging tama ang kanyang pinaninindigan. Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang wasto at hindi wasto at patuloy siyang kumakapit sa isang maling pahayag o isang maling kaisipan at pananaw, ang kanyang tinatawag na pagiging matuwid ay tunay bang pagiging matuwid? Hindi ito pagiging matuwid; ito ay pagkabaluktot, kahibangan, at baluktot na pangangatwiran. Kaya, sabihin mo sa Akin, umiiral ba ang konsensiya ng gayong mga tao? (Hindi.) Wala silang konsensiyang masasabi. Ang ilang tao, kapag may nangyayari sa kanila at umuusbong sa kanila ang mga makasariling pagnanais, ay natatanto ito sa kanilang puso at napipigilan ng kanilang pagkamakatwiran. Alam nilang mali ang mga makasariling pagnanais, kaya nagagawa nilang maghimagsik laban sa laman at bitiwan ang mga ito. Ngunit iba ang ilang tao; partikular na, yaong mga hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto at yaong mga madaling magpahayag ng baluktot na pangangatwiran ay magpapatuloy sa mga maling pananaw nang may kahangalan at katigasan ng ulo. Halimbawa, may ilang taong hindi magaling sumayaw; kapag sumasayaw sila, parehong kaliwa ang paa nila, wala silang balanse, at hindi makasunod sa kumpas, kaya palaging ginagawang katatawanan ang kanilang sarili. Kaya sinasabi nila, “Ang mga taong ayaw sumayaw ay mga indibidwal na matatag. Ang mga taong mahilig sumayaw ay pawang hindi matatag, masama ang kanilang personalidad at imoral sila. Kung mag-aasawa ka ng gayong tao, tiyak na magiging hindi matatag ang buhay mo.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit ito mali? (Walang kinalaman ang pagkahilig sa pagsasayaw sa pagiging matatag o hindi.) Hindi na natin isasaalang-alang pa kung sinasabi nila ito dahil sa pagkamakasarili, inggit, o pagtatangkang manirang-puri, anuman ang kanilang intensyon, umaayon ba ang kanilang mga salita sa mga obhetibong katunayan? Ang mga taong marunong sumayaw at magaling sumayaw ay talaga bang hindi matatag? Ang gayong mga salita ba ay batay sa diwa ng pagkatao ng mga taong ito? Katunayan ba na sila ay hindi matatag? (Hindi.) Dagdag pa rito, ano ang tinutukoy ng pagiging matatag? Ang pagiging matatag ba ay nangangahulugang mabuting tao ang isang tao? Ang pagiging matatag ba ay isang pagpapamalas ng pagiging matuwid at mabait, ng pagkakaroon ng pagkatao? Sa pinakamainam, ito ay isang merito ng pagkatao ng isang tao o isang kalakasan; hindi nito maipapahiwatig na ang isang tao ay may normal na pagkatao. Sinasabi nila ang kanilang pananaw na para bang ito ay matuwid na pangangatwiran, na para bang ito ay isang tamang pahayag. Hindi ba’t ito ay pagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Ang katunayang nabibigkas nila ang mga salitang iyon ay nagpapatunay na hindi nila alam kung tama o mali ang kanilang sinasabi. Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Hindi ba’t lubha silang sila problematiko? (Oo.) Kung isa itong taong may normal na pagkatao, kahit pa naiinggit siya sa isang taong magaling sumayaw, sa pinakamalala ay sasabihin niya, “Tingnan mo kung gaano kaliksi ang kanyang mga kamay at paa kapag sumasayaw siya. Gusto ko ring sumayaw, pero wala akong ganitong kaloob, ng ganitong kalakasan; hindi ako magaling sumayaw. Talagang naiinggit ako na kaya niyang sumayaw nang mahusay! Sana ay nasa akin ang mga braso at binti niya!” Ang pagsasabi nito sa ganitong paraan ay bahagya pang katanggap-tanggap; ito ay tinatawag na pagsasabi ng simpleng katotohanan. Sa pinakamalala, mayroong bahid ng isang tiwaling disposisyon dito, ngunit hindi ito isang pagpapamalas ng pagkakaroon ng hindi normal na pagkatao. Gayumpaman, ang problema ng pagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran ay isang seryosong problema. Sinasabi nila, “Ang mga taong sumasayaw ay pawang hindi matatag at mababaw sila. Makikita mo sa isang sulyap lang na hindi sila mga taong kayang gumawa ng mga dakilang bagay.” Ang katunayang kaya nilang sabihin ang mga salitang ito ay naglalantad na may malaking problema sa kanilang pagkatao. Anong malaking problema? Wala ang kanilang pagkatao ng pangunahing kondisyon na pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kaya nilang sabihin ang mga maling bagay, mga bagay na binaluktot, at mga bagay na pinilipit na para bang ang mga ito ay matuwid na pangangatwiran at mga tamang salita. Sapat na ito para ipakita na wala silang pagkatao. Sinasabi nila anuman ang gusto nila, nang hindi napipigilan ng kanilang konsensiya. Nagagawa pa nilang magpahayag ng baluktot na pangangatwiran sa gayong hayagang paraan, na may gayong pag-aakalang sila ay nasa katwiran, habang hindi man lang nalalaman ang kalikasan ng mga salitang ito o kung ano ang magiging mga kahihinatnan ng pagsasabi ng mga ito. Ito ay isang pagpapamalas ng kawalan ng pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay madalas na hayagang nagsasabi ng gayong mga maling bagay at kahibangan. Ito ang kanilang likas na pagbubunyag. Hindi lang nila sinasabi ang mga bagay na ito pagdating sa isa o dalawang usapin—nagsasalita sila sa ganitong paraan sa lahat ng usapin, nagpapahayag ng kung anong uri ng walang-katotohanang mga kaisipan at pananaw, at naniniwalang ganoon nga sa kanilang puso. Hindi sila kailanman tumatanggap ng mga tama o positibong pahayag, ni naghahanap kailanman ng mga tama o positibong pahayag, sa halip ay nagpapatuloy sila sa pagsasalita sa ganitong paraan at sa pag-asal sa ganitong paraan. Kaya, ang gayong mga indibidwal ay tiyak na mga taong walang pagkatao. Iginigiit nilang magsalita sa ganitong paraan, na ganap na naglalantad sa isang problema, sa isang katunayan: Hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at iniisip nilang tama ang lahat ng maling paniniwala at mga maling kaisipan. Kung tatanungin mo sila, “Ano ang mali?” sasabihin nila, “Anumang salungat sa mga pahayag na ito ay malamang na mali.” At kung tatanungin mo pa sila, “Paano naman iyong mga salitang umaayon sa mga katotohanang prinsipyo, na umaayon sa mga obhetibong katunayan? Tama ba ang mga iyon?” sasabihin nila, “Wala akong pakialam. Sino ang nakakaalam kung tama ang mga iyon o hindi? Basta, tama ang mga salitang sinasabi ko!” Ang hindi pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto—ito ba ay isang pagpapamalas na dapat taglayin ng isang taong tunay na nagtataglay ng konsensiya at katwiran? (Hindi.) Napakalinaw ng sagot: Tiyak na hindi.

May isang taong mahilig magnegosyo na dating bumibili ng ilang damit na naka-clearance mula sa mga walang pananampalataya at pagkatapos ay ibinebenta ito sa mga kapatid, pinagkakakitaan ito. Kalaunan, may ibang taong bumili ng ilang rayon, gauze, at iba pang katulad na tela para sa tag-init at inimbak ang mga ito sa bodega. Sinabi Ko, “Hindi angkop na itago ang mga iyan diyan. Kung magtatagal ang mga iyan diyan, baka ngatngatin ng mga daga o amagin dahil sa mahalumigmig na panahon, na napakalaking sayang. Hindi natin kailangang mag-alala tungkol diyan kung gagawin natin itong mga damit para maisuot ng mga kapatid, hindi ba?” Kalaunan, sinimulan Kong ayusin ito. Habang ginagawa namin ito, ang taong nagbebenta ng damit ay tumindig para tumutol: “Hindi, hindi natin puwedeng gawin ito! Sumisipsip ng init ang itim na tela. Madalas magtrabaho sa ilalim ng araw ang mga kapatid; masyado silang maiinitan kung magsusuot sila ng itim na damit. Sino ang mananagot kung magkasakit ang mga kapatid dahil sa init o ma-heatstroke?” Sa tingin ninyo, tama ba iyon? Hindi ninyo alam, ano? May isang obhetibong katunayan dito: Ang mga telang ito ay napakanipis at presko sa katawan, napakapreskong isuot. Kahit na bahagyang mas mainit isuot ang itim na tela, hangga’t medyo maluwag ang pagkagawa ng damit, hindi ito magiging sanhi para magkasakit ang mga tao dahil sa init gaya ng sinasabi ng taong iyon. Bukod pa riyan, hindi naman puro itim ang mga telang ito; may ilan na mapusyaw ang kulay. Ang totoo, ang taong nagsabi nito ay may mga lihim na motibo. Bakit Ko ito sinasabi? Kung hindi mo alam ang konteksto, baka isipin mo talagang naging mapagsaalang-alang siya sa mga kapatid. Ngunit kung alam mo ang konteksto, malalaman mong may agenda siya sa pagsasabi nito. Kung isusuot ng mga kapatid ang mga preskong damit na iyon na gawa sa rayon, hindi niya maibebenta ang mga damit na binili niya; hindi bibilhin ng mga kapatid ang mga iyon. Ang mga damit na binili niya ay puro galing sa mga tindahan sa bangketa at clearance sale, na pangit ang kalidad; magmumukha kang pulubi kapag isinuot mo ang mga iyon. Ang pinakamahalaga, hindi mura ang kanyang mga presyo. Ngayong alam na ninyo ang konteksto, nalalaman na ba ninyo kung tama o mali ang sinabi niya? (Oo.) Bakit niya ito sinabi? (Natatakot siyang hindi maibenta ang kanyang mga paninda.) Hindi niya sinabing mayroon siyang mga makasariling motibo; ginamit niya ang pagkukunwaring nagmamalasakit siya sa mga kapatid at nag-aalala na baka magkasakit ang mga ito dahil sa init para hadlangan ang paggawa ng mga damit na iyon, para hadlangan ang gawaing ito. May isa pang obhetibong katunayan, na siya mismo ay nagsusuot ng itim na maong at itim na damit sa gitna ng init ng tag-araw at hindi kailanman nagsabing naiinitan siya. Ano ang nangyayari? Hindi tumugma sa mga katunayan ang sinabi niya! Nais naming gumawa ng ilang damit para sa mga kapatid gamit ang telang rayon, at sinabi niya, “Hindi, masyadong mainit ang itim na tela, magiging sanhi ito para magkasakit ang mga kapatid dahil sa init.” Ang itim na maong na isinusuot niya ay mas makapal pa kaysa sa rayon, kaya paanong hindi siya naiinitan? Kaya, tama ba ang kanyang pahayag na masyadong mainit ang itim na damit at magiging sanhi para magkasakit ang mga kapatid dahil sa init? Sinsero ba siya nang sabihin niya ito? Hindi siya sinsero; labag ito sa tunay niyang nararamdaman. Kaya, tama ba o mali ang sinabi niya? Umayon ba ito sa mga katunayan? (Hindi ito umayon sa mga katunayan.) Kung gayon, bakit niya ito sinabi? Ito ay dahil mismo ang usaping ito ay nakakaapekto sa kanyang negosyo. Balisa siya sa loob-loob niya ngunit hindi niya masabi nang tuwiran, kaya ginamit na lamang niya ang mga salitang ito para isabotahe ang usapin, para makamit ang kanyang layon na protektahan ang sarili niyang mga interes. Ako ang nag-organisa nito, at hayagan niya itong ginambala nang ganito. Kung mayroon siyang anumang pagtutol sa inorganisa Ko, maaari naman niyang idulog ang mga iyon nang direkta sa Akin, ngunit hindi niya iyon ginawa. Sa panlabas, napakagaling niyang magkunwari, na tila walang anumang pagtutol, ngunit palihim niyang sinisira ang gawain, nang walang anumang pagpipigil. Ano ang sinabi niya? “Lahat naman ng mga kapatid ay may maisusuot, at maayos naman ang kanilang mga pananamit. Kailangan pa bang gumamit ng napakaraming tao at magbuhos ng napakalaking pagsisikap para gawin ang mga damit na ito?” Wala siyang sinabing kahit isang salita sa harap Ko; palihim lang niyang sinira ang gawain nang ganito. Nang sabihin niya ang mga salitang ito, alam ba niya sa kanyang puso kung tama ang mga iyon? Kung ginawa niya ito sa isang ordinaryong tao, at alam niya sa kanyang puso kung tama ito o hindi, at ginawa lang niya ito dahil nabulag siya ng kasakiman at itinulak ng mga personal na motibo at layunin, isa lang itong problema sa kanyang karakter. Ngunit Ako ang pinupuntirya niya sa kilos na ito, at pagkatapos niyang sabihin ang mga bagay na ito para sirain ang gawain, hindi niya alam kung tama ang mga iyon o hindi, wala siyang kamalayan dito sa kanyang puso, at hindi rin siya nakaramdam ng anumang pag-uusig sa sarili, at hindi niya alam ang kalikasan ng kanyang mga kilos. Anong uri ng tao ito? May pagkatao ba siya? (Wala.) Gumawa siya ng gayon kabigat na kasalanan subalit wala siyang naramdaman sa kanyang puso. Sabihin mo sa Akin, may konsensiya ba siya? (Wala.) Wala siyang konsensiya, malinaw na malinaw iyan. Kahit pa isang ordinaryong tao lang ang gumagawa ng mga wastong bagay, gumagawa ng isang bagay na kapaki-pakinabang sa mga kapatid sa sambahayan ng Diyos, dapat mo itong suportahan at hindi sirain—dapat magtulungan ang lahat nang may pagkakasundo para maisakatuparan ito. Paano pa kaya itong gawaing Ako Mismo ang nagpasimula; subalit nangahas pa rin siyang sirain ito nang palihim, at nangahas na iunat ang kanyang mala-demonyong mga kuko. Napakalubha ng kalikasan nito! Pagkatapos niyang sirain ang gawain, nagkunwari pa rin siyang isang mabuting tao, na para bang walang nangyari. Sabihin mo sa Akin, mayroon ba siyang kahit katiting na konsensiya? Sinasabi pa niyang nananampalataya siya sa Diyos. Iyan ba ang wangis na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos? Iyan ba ang konsensiya at pagkatao na dapat taglayin ng isang mananampalataya sa Diyos? Hindi man lang niya alam kung kanino siya nananampalataya, at hindi niya makilatis ang tama sa mali. Anong tungkulin ang kaya niyang gampanan? Umaasa pa ang gayong tao na pagpapalain siya—hindi ba’t isa iyang katatawanan? Kung Ako mismo ang pinupuntirya niya gamit ang mga puna tungkol sa Akin, at nakita Kong hindi niya sinasadyang gambalain at guluhin ang gawain ng iglesia, at katanggap-tanggap ang pagganap niya sa kanyang tungkulin, pagtitiisan Ko sana iyon pansamantala at patuloy siyang oobserbahan. Ngunit gumagawa Ako ng isang bagay na nararapat gawin para sa sambahayan ng Diyos at para sa hinirang na mga tao ng Diyos, isang bagay na kapaki-pakinabang sa lahat, at humadlang siya para guluhin at sirain ito, pinipigilan Akong magpatuloy. Sabihin mo sa Akin, dapat ba akong maging maluwag sa kanya? Kung isa siyang taong may mababang tayog na walang gaanong alam, ngunit ang pagganap niya sa tungkulin ay karaniwang nagbubunga, kaya Kong pagtiisan ito at bigyan siya ng pagkakataong magsisi. Kung handa siyang magsisi at magserbisyo sa sambahayan ng Diyos, maaari Ko siyang patawarin at hindi pakitunguhan. Ngunit kung hindi niya alam kung ano ang makabubuti sa kanya at nagpatuloy siyang magpakalat ng mga maling paniniwala at maling kaisipan, at patuloy na nanggulo at nanira, hindi Ko na siya pagbibigyan, at pakikitunguhan Ko siya ayon sa mga prinsipyo. Ang tanging magagawa sa masasamang tao ay pakitunguhan sila ayon sa mga prinsipyo. Kapag ang lahat ng iba’t ibang uri ng peste na nanggugulo sa iglesia ay naalis na, ang iglesia ay magiging mas payapa. Kapag ang mga di-taong ito ay napakitunguhan na, magiging napakapayapa! Ang mga hayop tulad ng mga baboy, baka, at kabayo ay hindi angkop na alagaan sa loob ng bahay. Kung aalagaan sa loob ng mga bahay ang mga ito, ano ang kahihinatnan? Tiyak na gagawin nitong isang karima-rimarim na lugar ang bahay na iyon, isang lugar na magulo. Kung sasabihin mong kaya mo itong pagtiisan, gusto Kong makita kung ilang araw kang tatagal. Ang mga bagay na hindi angkop sa loob ay dapat ilabas. Dapat silang manatili kung saan sila nababagay, at sa gayon ay malulutas ang problema. Ang pagtitiis ay hindi solusyon; ang paglutas lamang sa problema ang solusyon, tama ba? (Oo.) Gaano man kalinaw ang iyong pakikipagbahaginan sa mga di-taong ito, sadyang hindi nila isasagawa ang anuman dito. Maaaring sampu o dalawampung taon na silang nananampalataya sa Diyos, ngunit kapag may nangyayari sa kanila, sila ay tulad pa rin ng mga walang pananampalataya; hindi nila tinatanggap o isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti, wala silang buhay pagpasok, at kapag may nangyayari sa kanila, nanggugulo at nananabotahe lang sila. Kapag hindi pa inilalantad ng gayong mga tao ang kanilang tunay na kulay, nagseserbisyo sila nang labag sa kanilang kalooban. Ngunit sa sandaling mabunyag ang kanilang tunay na kulay, dapat silang alisin kaagad—huwag nang magpakita pa ng anumang paggalang sa kanila. Kung gagawin mo iyon, nagiging malupit ka sa mga taong tunay na may pagkatao, naghahangad sa katotohanan, at may debosyon sa pagganap sa kanilang tungkulin.

Isang malinaw na katangian ng mga taong walang pagkatao ay na hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto kapag sila ay kumikilos at nagsasalita; palagi silang nagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran. Sinasabi nating hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto, subalit talagang hindi sila kailanman nagsasabi o gumagawa ng anumang tama. Puro maling bagay lang ang sinasabi nila; kaya nilang sabihin ang anuman gaano man ito kamali. Halimbawa, may isang taong bumili ng damit na hindi kasya sa kanya, at nakita niyang kasya ang damit ng iba, kaya nagalit siya at sinabing, “Hindi ito kasya sa akin—paanong kasyang-kasya sa iyo ang damit mo?” Desperado siya na hindi rin magkasya ang damit ng iba—saka lang siya magiging masaya. Kaya pa niyang sabihin ang gayong mga bagay—hindi ba’t ito ay baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Kung hindi siya makatulog sa gabi at nakita niyang mahimbing ang tulog mo, hindi siya magiging masaya at sasabihin niyang, “Hindi ako makatulog, kaya paano ka nakakatulog? Hindi ito makatwiran! Napakahimbing ng tulog mo, dahil ba hindi ka nakararamdam ng pasanin sa paggawa ng iyong tungkulin? Kailangan kong iulat ito sa lider ng iglesia, sa Itaas!” Hindi ba’t ito ay baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Hindi Ako nagbibiro, ganito mismo magsalita yaong mga walang pagkatao at hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Bakit Ko sinasabing hindi niya alam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto? Dahil inulat niya ito sa Akin. Nang marinig Ko ang sinabi niya, naisip Ko, “May mali sa sinasabi ng taong ito; hindi ito matuwid na pangangatwiran! Hindi ito ang dapat sabihin ng isang taong may pagkatao. Hindi na siya bata, at mahigit sampung taon nang nananampalataya sa Diyos, subalit hindi man lang niya alam kung tama o mali ang kanyang sinasabi; itinuturing pa niya na matuwid na pangangatwiran na iulat ang taong iyon. Ang taong ito ay hindi lang hindi makakilatis ng tama sa mali—hindi man lang niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Wala siyang silbi.” Kung ipinarating niya ang usaping ito sa inyo, baka talaga hindi ninyo ito nakilatis, at baka nalinlang ang ilan sa inyo sa sinabi niya, at naniwalang tama ang kanyang pangangatwiran. Ngayong nailarawan Ko na ito sa ganitong paraan, nakikilatis na ba ninyo kung tama ito o mali? (Oo.) Hindi ba’t baluktot at hibang ang gayong mga tao? (Oo.) Hindi nila alam kung tama o mali ang kanilang sinasabi, subalit sinasabi pa rin nila ito. Malinaw na itinuturing nila ang mga maling pahayag, kaisipan, at pananaw bilang mga positibong kaisipan at pananaw para ipahayag at iparating. Ito ay hindi pagkaalam kung ano ang wasto at hindi wasto. Hindi sila nagkukunwaring walang alam, at hindi rin nila ginagamit ang mga salitang ito para iligaw ang mga tao o lokohin ang mga bata—malinaw na hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kaya, sinasabi Kong wala silang pagkatao. Hindi man lang nila makilatis ang tama sa mali sa isang napakapundamental na bagay—mayroon ba silang tunay na katwiran? Maaari pa ba silang maging mga taong matuwid? Sinasabi nila ang mga maling bagay na para bang tama ang mga ito, na katumbas ng pagsasabing ang itim ay puti. Maaari pa ba silang maging matuwid sa kanilang mga kilos? Kaya ba nilang tratuhin ang mga tao nang patas? Hindi nila kayang tratuhin ang mga tao nang patas, kaya hindi ba’t nakakapinsala sila ng mga tao? (Oo.) Kabaitan ba iyon? (Hindi.) Marahil ay ayaw nilang maging masasamang tao, at gusto rin nilang maging palakaibigan sa iba, ngunit hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto, ni hindi nila makilala ang itim sa puti, kaya paano sila magiging palakaibigan sa iba? Imposible nila itong magawa. Tanging kapag ang konsensiya at katwiran ng isang tao ay matuwid, at mayroon siyang kakayahang kumilatis at pumili ng mga tamang prinsipyo ng pagsasagawa, saka lang siya maaaring maging mabait. Kung sinasabi mong ikaw ay matuwid at mabait, nasaan ang mga pagpapamalas nito? Kung hindi mo man lang alam kung ano ang wasto at kung ano ang hindi wasto, paano ka magiging matuwid at mabait? Huwag mong lokohin ang iyong sarili! Tama? Ito ay tinatawag na panlilinlang sa sarili at sa iba. Partikular ding hinahangaan ng gayong mga tao ang kanilang sarili, iniisip na ang kanilang karakter ay matuwid, na sila ay mabait at hindi natatakot sa awtoridad, at na sa tuwing makakakita sila ng isang taong may nagawang mali, agad nila itong mapupuna. Ano ang batayan mo sa gayong pagpuna? Kung pinupuna mo sila batay sa sarili mong mga maling kaisipan at pananaw, sa huli ay pahihirapan mo ang mabubuting tao at babaluktutin ang mga katotohanang prinsipyo ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t panlilihis iyan sa mga tao? Kung ang gayong tao ang may hawak ng kapangyarihan sa iglesia, nangangahulugan iyan na si Satanas ang may hawak ng kapangyarihan. Kung si Satanas ang may hawak ng kapangyarihan, karamihan ba ng mga tao ay nakikinabang o nagdurusa? (Sila ay nagdurusa.) Karamihan ng mga tao ay lubhang mapipinsala at walang magiging paraan para mabuhay.

Ang mga paksang tinalakay natin ay pawang may kaugnayan sa ilang karaniwang pagpapamalas sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao. Ano ang nararamdaman ninyo pagkatapos ninyong marinig ang pagtalakay sa mga paksang ito? May kaugnayan ba ang mga paksang ito sa katotohanan? Handa ba kayong makinig? (Oo.) Tsismis lang ba ito? Pagsasalita ba ito nang masama tungkol sa mga tao habang nakatalikod sila? (Hindi, ito ay para tulungan tayong matutong kilatisin ang mga tao.) Ngayong narinig na ninyo ang mga pagbabahaginang ito, kaya na ba ninyong kilatisin ang mga tao? (Pakiramdam ko ay medyo mas kaya ko nang kilatisin ang mga tao kaysa dati.) Dapat ay medyo nakakakilatis na kayo ng mga tao ngayon. Ngayong naibahagi Ko na ang katotohanan at natalakay ang mga halimbawa sa ganitong paraan, kung hindi pa rin ninyo kayang kilatisin ang mga tao, kung gayon ay napakahina ng inyong kakayahan at hindi ninyo kayang abutin ang katotohanan. Siyempre, tiyak na may mga taong ganito. Paano man sila makinig, hindi nila ito nauunawaan, at iniisip pa nga nila, “Ang sinasabi Mo ay puro mga bagay lang sa pang-araw-araw na buhay—hindi ako makikinig! Gusto kong marinig ang malalalim na katotohanan ng ikatlong langit. Ang ibinabahagi Mo ay hindi ang katotohanan, puro tsismis lang iyan. Hindi ako makikinig!” Kung talagang ayaw mong makinig, hindi mo kailangang makinig. Pero kailangan ang lahat ng paksang tinatalakay natin. Sinumang makakaunawa sa katotohanang nilalaman ng mga ito ay makakakilatis ng mga tao. Kung tunay kang nakakaunawa, kung gayon ay isa kang taong pinagpala. Kung hindi mo maunawaan gaano ka man makinig, at habang lalo kang nakikinig ay lalo kang naguguluhan at lalong sumasakit ang ulo mo, kung gayon, ang pagpapamalas na ito ay hindi isang magandang tanda o magandang pangitain para sa iyo.

Kanina lang ay napag-usapan natin ang katangian sa pagkatao ng pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto. Maraming iba’t ibang pagpapamalas ng hindi pagkaalam ng mga tao sa kung ano ang wasto at hindi wasto. Kung alam ng mga tao kung ano ang wasto at hindi wasto, mabuti sana iyon, at hindi na natin kailangang pag-usapan pa ang paksang ito. Ngunit maraming tao ang hindi nakakaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto, kaya sulit na magbanggit ng ilang halimbawa para kilatisin kung bakit hindi alam ng ganitong uri ng tao kung ano ang wasto at hindi wasto, kung bakit hindi nito makilatis ang mga bagay na napakalinaw na wasto o hindi wasto. Ang ganitong uri ng tao ay talagang nakapagsasabi ng gayong mga hibang na salita at nakagagawa ng gayong mga katawa-tawang bagay—ano ba talaga ang nangyayari dito? Sulit itong pagbahaginan at kilatisin. Ang pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay isang kondisyon na dapat taglayin ng pagkatao ng isang tao. Ang hindi pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay isang bagay na hindi dapat mangyari sa isang tao. Kung talagang hindi alam ng isang tao kung ano ang wasto at hindi wasto, nakakapanghinayang iyon; nangangahulugan ito na wala sa kanya ang mga kondisyon na dapat mayroon ang isang tao. Kani-kanina lang ay napag-usapan natin ang ilang partikular na halimbawa at pagpapamalas, at para sa ilang tao, talaga ngang hindi nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kung ang isang tao ay nagsasabi lang ng ilang di-makatwiran at mapanghamong bagay o ng ilang walang-katotohanang salita sa mga tao, o nagpapahayag ng kung anong baluktot na pangangatwiran sa mga tao, hindi ito kailangang espesyal na banggitin para pagbahaginan at kilatisin, dahil ang mga pagpapamalas na iyon ay nakatuon sa mga ordinaryong tiwaling tao. Ngunit ang pagpapamalas ng ilang tao ng hindi pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto ay nakatuon sa Diyos, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay. Para sa ganitong uri ng tao na hindi nakakaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto, kung hindi Ako magbabanggit ng ilang halimbawa para pagbahaginan, maaaring hindi pa rin makilatis ng lahat ang mga ito, at hindi nila matatarok ang diwa at kabigatan ng ganitong uri ng problema. Kaya kailangan Ko itong talakayin. Maraming bagay na ang nangyari—kung may kinalaman ang mga ito sa katotohanan, dapat Kong sabihin kung ano talaga ang totoo, nang binabanggit ang mga negatibong halimbawang ito para tulungan ang mga tao na maunawaan ang katotohanan at magkamit ng pagkakilatis, at para hayaan din ang lahat na matuto ng mga aral mula sa mga ito. Kung may usaping kinasasangkutan ng isang partikular na tao, hindi dapat makaramdam ng hiya iyong mga sangkot. Kung nahihiya ka ngayon, hindi mo sana dapat ginawa ang mga bagay na iyon noon. Gaano kalubha ang hindi pagkaalam ng ilang tao sa kung ano ang wasto at hindi wasto? Ang mga bagay na ginagawa nila—na bunga ng hindi pagkaalam sa kung ano ang wasto at hindi wasto, at na may napakalubhang kalikasan—ay hindi nakatuon sa sinumang tao, kundi sa Akin. Hindi pamilyar sa Akin at hindi Ko kilala ang karamihan sa mga tao sa iglesia, at may ilang lider at manggagawa na isa o dalawang beses Ko pa lang nakatagpo, ngunit bihira Akong magkaroon ng isa-isa at taos-pusong pakikipag-usap sa mga tao nang harapan, dahil wala Akong ganoong karaming libreng oras. Sa mga taong ito, nakakasundo Ko naman nang maayos ang ilan sa kanila, ngunit ang ilan ay napakahirap kausapin. Bakit ganito? Sunod nating tingnan ang ilang halimbawa.

Isang taglagas, inani ang mga patatas na itinanim sa isang bukid, at ang taong responsable sa pagluluto ay pumunta sa bukid at nag-uwi ng isang basket ng mga ito. Ang mga patatas na nasa ibabaw ay tila halos kasinglaki ng isang kamao, na mukhang puwede na. Gayumpaman, ang mga nasa ilalim nito ay puro maliliit, at ang ilan ay bulok. Nagulat Ako. “Paano niya kami nagawang bigyan ng ganitong mga patatas? Hindi ba’t dapat ang mga patatas na tulad nito ay ipinapakain sa hayop? Nagkamali kaya ng pag-empake ang tao sa bukid?” Kung totoong pagkakamali ito, bakit magaganda at normal ang mga patatas na nasa ibabaw, habang ang mga nasa ilalim ay maliliit o bulok? Talagang nag-iwan ng malalim na impresyon sa Akin ang pangyayaring ito. Sa panlabas, ang taong nag-empake ng mga patatas ay hindi duling at ordinaryo ang kanyang hitsura. Ilang beses Ko na siyang nakita at nakausap nang saglit, pero wala kaming tunay na interaksyon. Halos masasabi Ko na hindi Ko siya kilala, kaya walang usapin ng pagpuna, mga pagsaway, o pagpupungos. Kaya bakit Ako tatratuhin ng taong ito sa ganitong paraan, na binibigyan Ako ng napakaliliit at bulok na mga patatas? Kung hindi niya alam na para sa Akin ang mga iyon, bakit siya maglalagay ng magaganda sa ibabaw at ng mga bulok sa ilalim? Malinaw na alam niya. Kaya, dahil alam niyang para sa Akin ang mga iyon, bakit naglagay pa rin siya ng mga bulok na patatas? Lutang ba siya noong panahong iyon? O kinontrol ba ng isang diyablo ang kanyang mga kamay? O sinapian ba siya ng isang masamang espiritu? Hindi ito gaanong posible. Kung tunay siyang sinapian ng isang masamang espiritu, nasiraan na sana siya ng bait at hindi na Ako dinalhan ng mga patatas. Kaya, kung hindi siya sinapian ng isang masamang espiritu, bakit gagawin ng taong ito na mukhang normal naman ang gayong bagay? Hindi ba niya alam na ang paggawa nito ay isang panlilinlang? Kung nagkikimkim siya ng pagkamuhi sa Akin sa kanyang puso, dapat sana ay umalis na siya sa sambahayan ng Diyos sa halip na gawin ang kanyang tungkulin dito. Bukod pa rito, kung mayroon nga siyang pagkamuhi sa Akin, ano ang dahilan? Anong dahilan ang mayroon para kamuhian Ako? Kung titingnan natin ito sa aspekto ng pagkatao, una, ilang beses Ko lang siyang nakita; hindi Ko alam kung kumusta siya bilang tao. At pangalawa, hindi pa Ako kailanman nagkaroon ng anumang tunay na pakikipag-ugnayan o pakikitungo sa kanya. Alam Ko lang na nagbubungkal siya ng lupa. Kaya bakit niya Ako tinrato sa ganitong paraan? Mayroon lang na iisang posibilidad: Magagawa lang niya ang gayong bagay kung mayroon siyang napakatinding mga kuru-kuro tungkol sa Akin at napakalaking pagkiling laban sa Akin, o kung may nag-udyok sa kanya. Na magagawa ng taong ito ang gayong bagay, na naatim niyang gawin iyon—hindi ba’t hindi ninyo ito mahihinagap? Kahit na isang ordinaryong tao ang pinakikitunguhan mo, magagawa mo bang gawin ang gayong bagay? Kahit pa nagpapatakbo ka ng isang supermarket, hindi mo puwedeng dayain at lokohin ang mga tao; kailangan mong maging mapagkakatiwalaan para mapanatili ang iyong mga mamimili at hindi masira ang sarili mong landas. Higit pa rito, ngayon ay ginagawa mo ang iyong tungkulin, at ang gawin ang gayong bagay, lalo na sa Akin—sabihin mo sa Akin, mapangangatwiranan ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang kalikasan ng gayong tao? Alam ba niya kung ano ang wasto at hindi wasto noong ginawa niya ito? Wala siyang anumang kamalayan. Kung tunay siyang may kamalayan, noong malapit na niyang kunin ang mga bulok na patatas, inisip niya sana, “Hindi, hindi ko puwedeng kunin ang mga bulok, kailangan kong kumuha ng magaganda. Hindi ba’t ang lahat ay kailangang kumain ng mabuting pagkain?” At iyon ay bukod pa sa katunayan na Ako ang kakain ng mga iyon—ang isiping kumuha ng mga bulok na patatas ay ni hindi dapat sumagi sa kanyang isipan, lalo nang hindi niya dapat ito ginawa. Ngayon, hindi ba’t napakalinaw na ng sagot? Bakit niya nagawa ito? Ito ay dahil mula man sa mga diyablo o sa mga hayop nagreinkarnasyon ang gayong mga tao, sa kanilang pagkatao, hindi nila nauunawaan kung ano ang wasto at hindi wasto. Sa kanilang pagkatao, walang anumang bagay na makakatukoy o makapagsusuri kung ano ang mga wastong pagkilos at kaisipan at kung ano ang mga di-wastong pagkilos at kaisipan. Kung hindi sila nagreinkarnasyon mula sa mga hayop o mga diyablo, kung gayon, sila ay mga naglalakad na patay. Kung gayon, ano ang kahulugan ng pananampalataya ng gayong tao sa Diyos? Sinasabi niya, “Sa diyos ako nananampalataya. Isa ka lang tao, ano ang magagawa mo sa akin?” May anumang pagkamakatwiran ba sa mga salitang ito? Tunay ba itong pananampalataya sa Diyos? Ang pagtrato ba sa Diyos sa ganitong paraan ay umaayon sa mga layunin ng Diyos? Ayaw ng Diyos sa ganitong uri ng pananampalataya. Marahil ay sasabihin din niya, “Kung gusto ba ako ng diyos o hindi ay hindi ikaw ang magsasabi!” Sinasabi Ko, “Hindi tama ang sinasabi mo. Kung ang mga salitang binibigkas Ko ay mga salita ng Diyos, kung gayon ay may problema sa pagtrato mo sa Akin sa ganitong paraan. Ang iyong kalalabasan ay itinatakda ng mga salita ng Diyos.” Sinasabi niya, “Pupunta ako sa ikatlong langit at isusumbong kita!” Sinasabi Ko, “Kung talagang makakapunta ka sa ikatlong langit, kung gayon ay magmadali ka at gawin mo iyon.” Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t nakakakilabot ang gayong mga tao? Sino pa ang magnanais na makipag-ugnayan sa gayong tao? Huwag na muna nating pag-usapan kung sino ang kanyang pinupuntirya sa ngayon. Kung hindi Ako ang kanyang pinupuntirya, kundi isang tao, ang kanyang mga kilos ba ay tutugma sa pamantayan ng konsensiya? (Hindi.) Anong uri ito ng problema na nagawa niya ang gayong bagay sa Akin? Yamang maging sa Akin ay nagawa niya ang gayong bagay, magagawa rin ba niya ito sa isang ordinaryong tao? Paano ba dapat tasahin ang usaping ito? Lubha Akong nagulat na nagawa ng taong ito ang gayong bagay. Bakit niya ito nagawa? Kung ginawa niya ito sa isang ordinaryong tao, magkakaroon din Ako ng paglalarawan para sa kanya. Mali ang ginawa niya. Hindi sa tama na gawin ito sa iba habang mali na gawin ito sa Akin—ang ganitong uri ng pahayag ay hindi patas at walang basehan. Kung nagawa niya ito sa Akin, magagawa niya rin ito sa iba, sa kahit sino. Ano ang dahilan nito? Sulit itong pagnilay-nilayang mabuti. Sinabi niyang nananampalataya siya sa Diyos at miyembro siya ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit nagawa niya pa ring tratuhin Ako sa ganitong paraan? Paano niya nagawa ang gayong napakababang bagay? Paano niya nagawa ang isang bagay na napakahirap arukin? Itinuring niya ang kanyang sarili na napakabait, kaya paano niya nagawang ibigay at ipakain sa iba ang mga bulok na patatas? Bakit hindi siya mismo ang kumain ng mga iyon? Ang mga bulok na patatas, maliliit na patatas, at mga patatas na hindi lumaki ay pagkain para sa mga hayop, kaya bakit niya ibinigay ang mga iyon sa mga tao para kainin? Kahit hindi Ko siya sukatin sa pamamagitan ng katotohanan, mula lamang sa moral na pananaw ay hindi katanggap-tanggap ang kanyang mga kilos, kaya sinasabi Kong hindi siya tao. Tumpak ba ang paglalarawang ito? Patas ba ito? (Tumpak at patas ito.) Gumawa siya ng gayong malinaw na maling bagay at hindi pa rin niya ito namalayan, at panatag pa nga ang kanyang pakiramdam, at wala siyang bahid ng paninisi sa sarili sa kanyang puso. Bakit ganito? Wala siyang konsensiya, wala man lang siyang kaluluwa; tulad ng isang diyablo o isang hayop, wala siyang kamalayan. Hindi siya tao, kaya wala siyang konsensiya. Hindi niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at gaano man kalubha ang maling nagawa niya, palagi niyang nararamdaman na ang kanyang mga kilos ay ganap na may katwiran, at hindi niya kailanman inamin ang kanyang mga pagkakamali, at ipinagpilitan pa rin niyang kumilos sa ganoong paraan. Kapag inilarawan siya ng iba, sinasabing mali ang kanyang ginawa, iniisip pa rin niyang siya ang nasa tama at nakakaramdam siya na naagrabyado siya. Sinasabi Kong hindi talaga iyon pag-agrabyado sa iyo. Hindi kita kinokondena o inilalarawan na walang pagkatao nang walang hawak na mga katunayan. Sa halip, sa gayong malulubhang katunayan na nakikita ng lahat, sino pa ang makapagsasabing mayroon kang pagkatao? Sa mga katunayang ito bilang ebidensiya, walang sinuman ang makapagkakaila nito. Gusto Ko sanang sabihin na mayroon kang pagkatao, na ikaw ay mabait at matuwid, ngunit ang kalikasan ng iyong ginawa ay ubod ng sama; ang kalikasan nito ay pareho sa kalikasan ng panunuya ni Satanas sa Diyos, ito ay pagbabaligtad sa tama at mali tulad ng ginawa ni Satanas sa pamamagitan ng pagpapakita sa Diyos ng mga kayamanan at kaluwalhatian ng mundo at pagsasabi sa Kanya, “Lahat ng mga bagay na ito ay ibibigay ko sa iyo, kung ikaw ay magpapatirapa at sasambahin mo ako.” Ang lahat ng nasa mundo at ang lahat ng bagay, ay nilikha ng Diyos. Nilikha ng Diyos ang lahat ng mayroon at ang lahat ng bagay; ang Diyos ang dapat magtamasa ng lahat ng ito, hindi ikaw, hindi ka kalipikado na gawin ito. Ang tinatamasa mo ay ang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos. Dapat mong sambahin ang Diyos, hindi ikaw ang dapat sambahin ng Diyos. Hindi man lang naunawaan ng taong ito ang gayong malinaw at simpleng konsepto, at inisip pa na kailangan Kong pakiramdaman ang kanyang lagay ng loob at alamin kung masaya siya o hindi para lang makakuha ng ilang patatas. Kung masama ang lagay ng kanyang loob, bibigyan niya Ako ng ilang bulok na patatas, na para bang isang pulubi ang kaharap niya. Inaasahan pa niyang pagtitiisan Ko ang masamang pagtrato niya—posible ba iyon? Matitiis Ko ba iyon? (Hindi.) Paano dapat pakitunguhan ang gayong tao? (Dapat siyang paalisin kaagad.) Ang gayong tao ay dapat pakitunguhan sa pamamagitan ng atas administratibo. At ito ay talagang hindi ang tanging insidente ng ganitong uri. Sabi ng ilan, “Mayroon pa bang mas malulubhang insidente kaysa rito?” Siyempre mayroon, kung hindi, bakit Ko sasabihing magkakaiba ang mga tao? Kung ang lahat ng nananampalataya sa Diyos ay nakakasamba sa Diyos, kung gayon ay hindi na kailangang ibukod-bukod ang bawat isa ayon sa kanilang uri. Dahil maraming tao ang hindi taos-pusong nananampalataya sa Diyos, at dahil may masasamang tao at mga taong magulo ang isip na gumugulo sa gawain ng iglesia, na kayang gumawa ng anumang masamang gawa, kung kaya’t sa pagtatapos ng gawain ng iglesia, ang lahat ay nabubunyag at nabubukod-bukod ayon sa kanilang uri.

Pag-usapan natin ang isa pang halimbawa. Hinog na ang mais sa isang bukid, at may isang taong magdadala ng ilan sa Akin. Sinabi sa kanya ng isang taong nasa malapit, “Ginapangan ng mga daga ang mais na iyan, huwag mong kunin!” Pinag-isipan niya ito at sinabi, “Ano naman kung ginapangan ito ng mga daga? Hindi ba’t makakain pa rin naman ito? Ayos lang kung dalhin ko ito!” Malinaw niyang alam na ang mais ay ginapangan ng mga daga at hindi angkop kainin ng mga tao, subalit ipinilit pa rin niyang dalhin ito sa Akin. Ano ang kalikasan nito? May pagkatao ba ang gayong tao? (Wala.) Kung gayon, anong uri ng tao ito? (Hindi tao, kundi isang diyablo.) Sabihin ninyo sa Akin, papayag ba siyang ibigay ang mais na ginapangan ng mga daga sa kanyang mga magulang o anak para kainin? (Hindi.) Bakit hindi? (Alam niyang hindi ito malinis, na ang pagkain nito ay masama para sa kanilang kalusugan. Hindi niya hahayaang kainin ito ng kanyang pamilya.) Alam niyang hindi niya ito maibibigay sa kanyang pamilya, subalit ipinilit pa rin niyang dalhin ito sa Akin, at hindi siya mapigilan ng iba. Kaya alam ba niya kung ito ay tama o mali? (Hindi niya alam.) Sa katunayan, alam niya sa kanyang puso na ito ay mali. Kaya bakit gusto pa rin niyang dalhin ang mais sa Akin? Kaaway niya ba Ako? Pinahirapan Ko ba siya o sinaktan? Hindi, wala Akong ginawang anuman sa mga bagay na ito. Hindi Ako pamilyar sa kanya, subalit ipinilit niyang dalhan Ako ng mais na ginapangan ng mga daga. Sabihin ninyo sa Akin, ano ang kalikasan nito? Sa katunayan, ito ay isang bagay na ginawa ng isang taong nananampalataya sa Diyos. Talagang iminumulat nito ang iyong mga mata at pinalalawak ang iyong kaalaman, talagang magkakamit ka ng pagkilatis dahil dito, at makikita mo rito na tunay ngang walang katapusan ang mga kakatwang bagay sa malawak na mundong ito. Sabihin ninyo sa Akin, noong inihanda niya ang mais na iyon para sa Akin, mayroon ba siyang anumang kamalayan sa kanyang puso? Alam ba niya na mali ang kanyang ginagawa, na dapat sana ay nagdala siya ng magandang mais, kahit man lang mais na hindi ginapangan ng mga daga? Nag-isip ba siya nang ganito? (Wala siyang kamalayan.) Wala siyang kamalayan pagdating sa gayong mga bagay. Kung ang gayong maruming mais ay dinala sa kanyang ina o sa kanyang anak, magkakaroon siya ng kamalayan. Wala sa kanya ang kamalayan ng konsensiya na dapat taglayin ng pagkatao, kaya may pagkatao ba siya? Anong uri siya ng nilalang? (Hindi tao.) Tingnan mo, sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ginawa niya ang kanyang tungkulin, nagdusa siya at nagbayad ng halaga, kaya niyang gumawa ng pisikal na gawain, at dumadalo rin siya sa mga pagtitipon at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, ngunit bakit napakasama ng pakikitungo niya sa Akin? Bakit siya labis na nasusuklam sa Akin? Hindi Ko pa siya kailanman nakausap nang matagal, kaya sa anong paraan Ko napasama ang kanyang loob? Ang ilan sa mga taong nakaugnayan Ko ay mabuti naman, at sila ay labis na palakaibigan sa Akin. Hindi lahat ay tulad niya. Ngunit hindi Ko napasama ang kanyang loob, at hindi Ko rin siya pininsala, kaya bakit niya Ako labis na kinamuhian? Nasa inyong mga puso ang sagot dito. Hindi lang Ako ang kinamumuhian niya; ganito niya tinatrato ang lahat. Ganitong klase talaga siyang nilalang. Kung siya ay magnenegosyo, tiyak na mandaraya at manloloko siya, at gagawin ang lahat ng uri ng masamang gawa. Wala siyang mga paglilimita ng konsensiya at walang mga prinsipyo sa kanyang pakikipag-ugnayan sa mga tao; nilalamon ng madidilim na bagay na ito ang kanyang puso. Napakalinaw na ito ang kanyang palagiang pamamaraan at prinsipyo pagdating sa pakikitungo sa mga tao; ito ang kanyang paraan at gawi ng pag-aasikaso ng mga bagay. Sabi ng ilang tao, “Ang katunayang nagawa niya ito ay nangangahulugang hindi niya itinuring ang Diyos bilang Diyos.” Tama ba ang pahayag na ito? (Hindi.) Bakit ito mali? Kahit pa tinatrato mo Akong parang isang ordinaryong tao, hindi mo dapat ginawa ito sa Akin. Kahit pa sumusunod ka lang sa moralidad, hindi mo dapat ginawa ito. Kung ang pagkain ay talagang ginapangan ng mga daga o nginatngat ng kung anong hayop at may bakterya, ni hindi ito maaaring ibenta sa supermarket. Paano kung may kumain nito at may mangyari sa kanila? Alam man ng iba o hindi, hindi ito matatanggap ng iyong konsensiya. Yamang alam mo, hindi mo dapat hayaang kainin ito ng mga tao. Sangkot dito ang kalikasan ng isang tao, at sangkot dito ang mga prinsipyo ng pag-asal. Wala ka man lang mga pinakapangunahing pamantayan ng moralidad ng sariling asal, subalit iniisip mong tao ka. Hindi ka talaga tao. Kahit ang isang hayop ay alam na dapat nitong protektahan ang sinumang nagpapakain at nag-aalaga rito. Gamitin nating halimbawa ang isang aso—kung palagi mo itong pinapakain, magiging mabuti ito sa iyo. Kung isang estranghero ang pumasok sa bahay at gustong kumuha ng isang bagay, pipigilan nito ito at poprotektahan ka sa bawat pagkakataon. Kahit ang isang aso ay kayang maging tapat at protektahan ang amo nito, kaya paanong hindi naabot ng taong iyon ang antas na ito? Hindi ba’t mas masahol pa siya sa isang aso? (Oo.) Kung sasabihin mong isa siyang diyablo, maaaring talagang tumanggi siyang tanggapin ito. Kaya sabihin natin ito nang obhetibo ngayon: Ang gayong tao ay walang pagkatao, dahil gumawa siya ng gayong bagay na katawa-tawa, isang bagay na tiwali ang moralidad, subalit wala siyang kamalayan ng konsensiya, at hindi rin siya kailanman nagsisisi at hindi nababagabag tungkol dito. Kahit na tratuhin ng isang tao ang isang ordinaryong tao sa ganitong paraan, dapat mayroon siyang kamalayan ng konsensiya, dapat nababagabag siya sa loob niya, at dapat alam niya na mali ang kanyang ginagawa at dapat siyang huminto. Lalo nang ganito ang kaso pagdating sa pagtrato niya sa Akin sa ganitong paraan, na lalong hindi mapangangatwiranan. Siyempre, hindi Ako nasaktan dahil tinrato niya Ako sa ganitong paraan. Ang puso Ko ay hindi gaanong madaling masaktan. Nakita Ko lang na ang prinsipyong pinanghahawakan niya sa pag-aasikaso ng mga bagay ay masyadong kasuklam-suklam. Hindi lang ito nabigong maabot ang pamantayan ng konsensiya, kundi ito rin ay napakababa at masyadong karima-rimarim. Ang taong ito ay talagang walang pagkatao! Gumawa siya ng gayong maling gawain sa paraang nagmamatuwid sa sarili at hayagan, at walang sinumang makapigil sa kanya. Hindi Ko siya inaagrabyado sa pagsasabi Kong wala siyang pagkatao, dahil ito mismo ang uri ng gawain—isang gawaing walang-walang pagkatao—na ginagawa ng mga walang pagkatao. Labis itong naaayon sa kanyang diwa at pagkakakilanlan. Kung ang isang tao ay gumagawa ng mga bagay nang naaangkop, at mayroon siyang pagkatao at konsensiya, kung gayon, ang pagsasabing wala siyang pagkatao ay pag-agrabyado sa kanya. Ngunit kung talagang gumagawa siya ng mga gawaing walang-walang pagkatao, kung gayon ang pagsasabing wala siyang pagkatao ay lubos na tumutugma sa kanyang diwa. Ang pagsasabi nito ay hindi pag-agrabyado sa kanya, tama ba? (Tama.) Ang ilang tao, kapag naririnig Akong sinasabi ang mga salitang ito, ay nagkakaroon ng ilang maling opinyon at nagsasabing, “Lagi Mong tinatalakay ang mga bagay na ito at napapahiya kami. Sino ba ang hindi nagkakamali?” Tama bang mag-isip sa ganitong paraan? (Hindi.) Lahat ay nagkakamali, ngunit talagang magkakaiba ang kalikasan ng mga pagkakamali. Maraming pagkakamali ang may kinalaman sa mga problema sa pagkatao, at maraming pagkakamali ang may kinalaman sa kalikasang diwa ng isang tao. Ang ilang pagkakamali ay mga pagbubunyag lamang ng tiwaling disposisyon ng isang tao at hindi nangangahulugang may problema sa diwa niya.

Pag-usapan natin ang isa pang halimbawa. Isang araw, pumunta Ako sa isang bukid, at nagkataon lang na ang mga tao roon ay namimitas ng peras. May isang taong nagdala sa Akin ng iilan. Sa isang tingin ay nakita Ko na medyo berde ang mga peras na ito at hindi pa gaanong hinog, pero nakita Ko ang taong namimitas ng peras na may hawak na peras na matingkad ang pagkadilaw at kinakain ito, na sinasabi habang kumakain, “Kay tamis! Napakasarap ng peras na ito!” Itinabi niya ang mga hinog para siya mismo ang kumain, at ang mga pinitas niya para sa Akin ay halos puro hilaw. Isinasantabi ang usapin kung hinog ba ang mga peras o hindi, ang taong namimitas ng peras ay hindi hangal. Araw-araw siyang nasa tabi ng mga puno ng peras na iyon, at alam niya kung alin ang mga hinog at kung alin ang hindi. Nagkataon lang na pumunta Ako roon, at pinitas niya ang mga hilaw na peras mula sa puno at ibinigay ang mga ito sa Akin. Ang katunayan, hindi Ako mahilig kumain ng hilaw na prutas o prutas na malamig sa katawan, at lalo nang hindi Ako makakain ng hilaw na prutas, dahil sumasama ang Aking tiyan. Pero binigyan niya Ako ng mga hilaw na peras, habang kumuha siya ng isang hinog na peras at kinagatan ito. Nag-iwan ng malalim na impresyon sa Akin ang pangyayaring ito. Alam Ko na kaya niyang tukuyin ang pagkakaiba ng mga hilaw at hinog na peras. Ipinapalagay niyang hangal ang iba at hindi nila ito malalaman, at inisip niya, “Mabuti na ngang binigyan kita ng isang hilaw na peras. Binibigyan pa nga kita ng ilan. Hindi mo alam kung hinog ba ang mga peras o hindi, wala kang ganyang kaalaman! Bagama’t nangangaral ka ng katotohanan nang malinaw at lohikal, tiyak na iniisip mo pa rin na mabuti ako at tinatrato kita nang mabuti pagkatapos kong mamitas ng napakaraming hilaw na peras para sa iyo.” Inisip ng taong gumawa nito na hangal ang iba, at na sa partikular ay hangal Ako. May anumang kamalayan ba siya sa kanyang puso nang gawin niya ang kahangalang ito? (Wala.) Wala siyang kamalayan. Inisip niyang naloko niya ang iba at na napakatalino niya. Matalino ba siya? (Hindi.) Kung tunay siyang matalino, paano niya nagawa ang isang sukdulang kahangalan at wala pa rin siyang kamalayan? Pinatunayan nito na hindi siya matalino, at sa halip ay makitid ang isip niya. Pinitas niya ang mga hilaw na peras at ibinigay sa Akin para kainin, habang siya mismo ay may hawak na hinog na peras at kinain ito. Hindi ba’t mukhang katawa-tawa ang kilos na ito? Pinalampas Ko ito, pero ang ginawa niya ay nag-iwan ng malalim na impresyon sa Akin. Ang katunayang nagawa sa Akin ng taong ito ang bagay na ito—hindi ba’t napakalubha ng kalikasan nito? Batay sa kanyang pananaw, prinsipyo sa pangangasiwa ng mga bagay, at pamamaraan sa usaping ito, anong klaseng pagkatao mayroon siya? Alam ba niya na mali ang ginawa niya, na mali ang ganitong pagtrato sa mga tao? (Hindi niya ito alam.) Inisip niyang napakatalino niya. “Tingnan mo kung gaano ako katalino, binigyan kita ng mga hilaw na peras at hindi mo man lang nalaman! Itinabi ko ang lahat ng hinog para sa sarili ko, at hindi ka makakakain ng kahit isang hinog! Kung babalik ka, hindi pa rin kita pipitasan ng mga hinog, bibigyan lang kita ng mga hilaw!” Ang mismong usapin ng pamimitas ng peras ay nagbunyag sa kanya. Hindi ba’t walang kuwenta ang taong ito? (Ganoon nga.) Wala siyang kuwenta at hindi niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Sabihin ninyo sa Akin, anong uri ng pagkatao ito? Sa Aking pananaw, isa siyang hayop, at mayroon lang siyang anyo ng isang tao, gayong sa realidad, hindi siya karapat-dapat na tawaging tao. Ang bagay na ginawa niya at ang pagkakamaling ito na nagawa niya ay sukdulang kasuklam-suklam, hindi mas mabuti kaysa sa gagawin ng isang hayop. Palaging sinasabi ng mga tao na ang mga tao ay mas mataas na uri ng hayop, pero sa nakikita Ko, maraming tao ang mas masahol pa kaysa sa mga hayop! Mula lang sa ginawa niya, mula sa mga prinsipyo at pamamaraan ng kanyang mga kilos, bukod sa walang pagkatao, hindi man lang siya kasingtapat ng isang asong bantay sa amo nito. Mayroon kaming aso sa bahay. Isang beses, kumakain ito ng tainga ng baboy, at tinukso Ko ito, sinabi Ko, “Talagang ninanamnam mo iyan, ano? Bakit hindi mo Ako pakagatin?” Ibinaba nito ang tainga ng baboy at itinulak ito papalapit sa Akin, na para bang sinasabing, “Sige na.” Ang karne at mga buto ang pinakamasasarap na bagay para sa isang aso. Kahit na gustuhin pa ito ng tuta nito, hindi nito ibibigay rito ang tainga ng baboy, pero sinabi Kong gusto Kong kumain nito, at agad nitong inialok ito sa Akin. Nakikita mo, kapag may alaga kang aso, makikita mo mula rito kung ano ang kaibig-ibig sa mga aso. Inaalagaan mo ito at tinatrato nang mabuti, at para dito, ikaw ang pamilya nito. Kung hihingin mo rito ang pinakamagandang bagay na mayroon ito, ibibigay nito ito sa iyo. May pagkagiliw ito sa iyo. Hindi ito kayang gawin ng mga tao—kaya paano sila naging mas mataas na uri ng hayop? Sinasabi ng mga diyablo na ang mga tao ay mas mataas na uri ng hayop. Isa lang itong maling kaisipan, isa itong baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala. Kung ang isang tao ay walang pagkatao, namumuhay sa satanikong mundong ito, makakagawa siya ng anumang masamang gawa—puwede siyang maging kasinsama ng pinakamasama, kasimbaba ng pinakamababa, kasimpangit ng pinakapangit, at kasingkasuklam-suklam ng pinakakasuklam-suklam. Kung wala siyang paggana ng konsensiya at hindi niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto, makakagawa siya ng anumang masamang gawa, at hahayaan niyang lumabas sa kanyang bibig ang anumang maling salita, baluktot na pangangatwiran, at mga maling paniniwala. Mas nakakatakot ang mga tao kaysa sa mga hayop. Ang mga hayop ay hindi naman talaga nakakatakot; napakasimple ng mga ito, napakadalisay, at napakatuwiran. Ang maliit na aso na alaga Ko, noong bata pa ito at kumakain ng tainga ng baboy, ay natuwa nang makita Ako kaya nagsimula itong igalaw-galaw ang ulo nito at kumawag-kawag ng buntot. Alam nitong pasayahin Ako. Pero kung tinukso Ko ito at hiningi ang pagkain nito, hindi nito ibibigay sa Akin ito, at mabilis itong magtatago at lalabas lang kapag tapos na itong kumain. Mula nang umabot ito ng dalawa o tatlong taong gulang, iba na ang ugali nito, may isip na ito ngayon. Kapag hinihingi Ko rito ang isang bagay na gusto nito, ibinibigay nito ito sa Akin. Taos-puso ito kapag ibinibigay nito ito sa Akin, walang hinihingi sa Akin at hindi nagkikimkim ng mga natatagong motibo laban sa Akin. At kapag hindi nito ibinibigay sa Akin ito, taos-puso rin ito, walang masamang hangarin laban sa Akin. Ibinibigay man nito ito sa Akin o hindi, nagiging taos-puso ito. Ito ang mga likas na katangian at instinto nito. Ang mga hayop ay walang mga tiwaling disposisyon. Walang taglay ang mga ito na anumang bagay na naproseso ni Satanas, at ang mga pagpapamalas ng mga ito ay pawang likas, at napakadirekta at napakasimple. Hindi mo kailangang hulaan ang mga intensyon ng mga ito, at hindi mo kailangang maging mapagbantay laban sa mga ito. Kung bibigyan ka ng isang hayop ng isang bagay, ibinibigay nito iyon sa iyo, at kung hindi, hindi. Kung masaya ito, masaya ito, at kung hindi, hindi. Hindi ito makokontrol ng mga damdamin nito, at hindi ito magkikimkim ng masasamang intensyon laban sa iyo. Iba ang mga tao. Nakakatakot ang mga tao. Nakasuot ng balat ng tao, kung hindi sila nagtataglay ng konsensiya o katwiran, imposible silang maging mas mabuti kaysa sa mga hayop, pero puwede silang maging kasinsama ng pinakamasama. Gaano sila kasama? Napakasama na mararamdaman mong nakakita ka ng isang buhay na demonyo, na magpaparamdam sa iyong ito ay hindi mahinagap, yayanigin nito ang iyong konsensiya, sasaktan at pahihirapan ang kaibuturan ng iyong puso. Kapag nararamdaman Ko ang mga bagay na ito, napapabuntong-hininga Ako sa loob-loob Ko, iniisip Ko: “Ito ba ay isang bagay na dapat gawin ng isang tao? Paano nagiging ganito kasama ang mga tao? Nananampalataya siya sa Diyos, paanong nagagawa pa rin niya ang mga bagay na ito?” Sa sandaling mawalan ang isang tao ng kanyang konsensiya at katwiran, puwede siyang maging kasinsama ng pinakamasama. Hindi lang siya puwedeng maging kasinsama ng kung ano siya ngayon, kundi puwede pa siyang lalong sumama, at puwede siyang patuloy na masadlak. Ang hindi pagkaalam ng mga tao kung ano ang wasto at hindi wasto ang simula ng pagkasadlak ng sangkatauhan, ang simula ng pagbagsak ng sangkatauhan.

Kung hindi alam ng isang tao kung ano ang wasto at hindi wasto, wala siyang konsensiya o katwiran, at sa gayon ay wala siyang pagkatao, at posibleng mayroon siyang kalikasan ng demonyo. Anuman ang ibunyag niya pagkatapos o anuman ang isabuhay niya sa kanyang buong buhay, sa madaling salita, hindi siya matutubos, hindi siya kailanman matutubos. Kung ang isang tao ay walang konsensiya at walang katwiran—sa tumpak na pananalita, walang pagkatao—kung gayon hindi na siya maitutuwid at hindi na matutubos. Ganito talaga iyon. Kung hindi man lang niya alam kung ano ang wasto at hindi wasto, paano siya makakagawa ng anumang bagay na umaayon sa konsensiya at katwiran? Katawa-tawa na imungkahi iyan. Ang ilang tao ay madaling mainggit at makipag-away. Kung ito ay pakikipag-away sa ibang tao, maaaring isipin mo na hindi gaanong malubha ang kalikasan nito, pero ang ilang tao ay nakikipag-away sa Akin. Kung gayon, sino ba talaga ang sinasampalatayaan ng mga “mananampalataya sa Diyos” na ito? Dahil sa katunayang kaya nilang makipag-away sa Akin, nagiging malubha ang problemang ito. Ang ilang tao ay hindi kailanman nalilimutan kapag tinutukoy Ko ang ilang problema nila, at pagkatapos ay pinagbubulayan nila kung anong paraan ang magagamit nila para makahanap ng magagamit laban sa Akin at gumanti. Halimbawa, minsan Kong sinabi sa isang taong tulad nito, “Lagi kang nagluluto nang napakarami, bakit hindi mo gawing sakto lang ang dami?” Pinag-isipan niya ito: “Sinasabi mong hindi ko tantyado ang dami ng pagkaing ihahanda. Hindi ba’t ipinapahiwatig nito na hindi matalas ang isip ko, na sinasabi mong wala akong kuwenta? Bakit hindi ikaw ang magluto, kung gayon!” Pagkatapos Kong magluto at may natira ding kaunti, hindi siya nagsalita nang malakas, pero sa loob-loob niya ay inisip niya, “Hindi mo rin pala kayang magluto ng sakto, ano? Nakahanap ako ng pagkakataong gumanti sa iyo. Inilantad mo ang problema ko, kaya ilalantad din kita!” Palagi siyang sumusubok na humanap ng mga paraan para puntiryahin Ako. Sinasabi ng ilang tao, “Nagtatanim Ka ba ng sama ng loob sa sinumang pumupuntirya sa Iyo? Kaya ayos lang na puntiryahin ang iba, pero hindi Ikaw?” Tama ba sila sa pagsasabi niyon? (Hindi.) Sa isa pang pagkakataon, hiniling Ko sa isang tao na ayusin ang mesa, at sinabi niya, “Hindi naman ako ang nagkalat diyan!” Sinabi Ko, “Kahit hindi ikaw, puwede mo pa rin namang ayusin.” Sinabi niya, “Kahit ayusin ko pa, kailangan kong linawin na hindi ako ang nagkalat diyan.” Hiniling Ko sa kanya na ayusin ang mga gamit sa kabinet, at sinabi niya, “Ang mga gamit diyan ay hindi ako ang bumili!” Sinabi Ko, “Hindi ikaw ang bumili ng mga iyan, pero hindi mo ba puwedeng ayusin? Bakit ba kapag nagsasalita Ako, wala itong gaanong bigat? Kailangan mo pang alamin kung sino ang bumili bago mo ito ayusin?” Alam ba niya kung tama o mali ang sinasabi niya? Nagpapahayag siya ng baluktot na pangangatwiran, hindi ba? (Oo.) Sinabi Kong nagpapahayag siya ng baluktot na pangangatwiran, pero hindi pa rin siya kumbinsido sa kanyang puso, iniisip na dahil sa Aking espesyal na katayuan ay kailangang pagtiisan ng iba ang anumang sabihin Ko, na para bang naghahari-harian Ako. Tama ba ang pag-iisip niya? (Hindi.) Kalaunan, nakita Ko na hindi niya talaga tinatanggap ang katotohanan, at anuman ang sabihin Ko, hindi niya ito tatanggapin sa kanyang puso, kaya hindi Ko na sinayang ang laway ko sa kanya—puwede niyang gawin anuman ang gusto niya, at palalampasin at pagtitiisan Ko siya. Bagama’t taglay Ko ang pagkakakilanlan at katayuang ito, napakaraming tao ang hindi nakikinig sa Akin at sumasalungat sa Akin. Personal Kong nakita ang maraming kapatid na walang galang sa Akin. Maraming tao ang suwail at puno ng sama ng loob sa Akin, maraming tao ang naiinggit at namumuhi sa Akin sa kanilang puso, maraming tao ang minamaliit at hinahamak Ako, maraming tao ang hinuhusgahan Ako sa Aking likuran, at maraming tao ang tinutuya at kinukutya Ako nang hayagan. Paano Ko sila tinrato? Sa mahigit tatlumpung taon ng Aking gawain, hindi Ako gumanti kahit sa isang tao. Wala Akong kinamuhiang sinuman, at hindi Ko rin sila pinahirapan pagkatapos Kong taglayin ang Aking katayuan dahil wala silang galang sa Akin noong hindi pa hayagang nabubunyag ang Aking pagkakakilanlan. Kahit minsan ay hindi Ako gumawa ng ganoong bagay. Bukod dito, ang mga taong ito ay gumawa ng ilang bastos o masakit na bagay sa Akin, at hindi Ko sila kailanman pinanagot. Gayumpaman, kailangan Kong makipagbahaginan tungkol sa mga ganitong uri ng problema sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga ito sa katotohanan upang matulungan ang lahat na magkaroon ng pagkilatis—ito ay kapaki-pakinabang sa lahat. Pero maraming tao ang walang pagkilatis tungkol sa mga bagay na ginawa ng mga taong ito. Hindi nila sineseryoso ang gayong mga bagay, na para bang hindi karapat-dapat banggitin ang mga ito. Hindi ba’t isa itong problema? Kaya kailangang-kailangan na makipagbahaginan tungkol sa gayong mga usapin upang matulungan ang lahat na magkaroon ng pagkilatis. Dahil sinasabi mong nananampalataya ka sa Diyos, tinatrato kita bilang isang mananampalataya. Humihingi Ako sa iyo batay sa tungkuling ginagampanan mo, kaya hindi ba’t dapat mo itong gawin? Hindi ba’t dapat kang magkaroon ng pagpapasakop? (Oo.) Taglay Ko ang pagkakakilanlang ito, at sa pamamagitan nito ay humihingi Ako sa iyo gamit ang pagkakakilanlan at katayuang ito, kaya dapat mong tratuhin ang sinasabi Ko nang may saloobin ng isang nilikha. Ginagampanan mo ang iyong tungkulin; hindi ka dapat bumigkas ng anumang ibang puna, hindi ka dapat magbitiw ng baluktot na pangangatwiran, at hindi mo Ako dapat kontrahin. Ito ang pinakamababang pagkamakatwiran at pagpapamalas ng pagkatao na dapat taglayin mo bilang isang nilikha. Pero ang taong ito ay hindi lang walang gayong saloobin, kundi gumamit pa siya ng baluktot na pangangatwiran. Alam ba niya kung ano ang wasto at hindi wasto? Hindi niya alam. Ang mga taong hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto ay walang pagkatao, hindi ba? (Oo.) Tiyak na masasabing wala silang pagkatao. Kung isang ordinaryong tao ang humiling sa iyo na ayusin ang mesa at organisahin ang kabinet, at ayaw mong gawin ito o nararamdaman mong ang kaharap mo ay isang ordinaryong tao at walang karapatang utusan ka, kung gayon puwede mong piliing huwag itong gawin. Pero ang dalawang bagay na sinabi mo, “Hindi naman ako ang nagkalat diyan!” at “Ang mga gamit sa kabinet ay hindi ako ang bumili!”—ito ba ang sasabihin ng isang taong may konsensiya at katwiran? Hindi ba’t ito ay pagiging labis-labis na di-makatwiran? (Oo.) Nagiging suwail ka kapag isang ordinaryong tao ang nagsasalita sa iyo nang ganito, pero ngayong Ako na ang kausap mo, nangangahas ka pa ring gumamit ng baluktot na pangangatwiran sa Akin at ipagtanggol ang iyong sarili gamit ang mapanlinlang na lohika. Ano ang sinasabi nito tungkol sa iyong karakter na kaya mong gumamit ng baluktot na pangangatwiran nang ganito? Sinabi mo, “Hindi naman ako ang nagkalat diyan,” na ang ibig sabihin ay, “Kung sino man ang nagkalat, siya ang dapat mag-ayos; ano’t anupaman, hindi ko ito gagawin!” Tinanggihan mong gawin ang gampaning dapat mong ginawa, at gumamit ka pa ng baluktot na pangangatwiran. Ito ba dapat ang paraan ng pangangasiwa sa mga bagay ng isang taong may normal na pagkatao? Kung ang gampaning ito ang dapat mong gawin, hindi ba’t dapat ay hindi mo ito sinabi? Dahil nasabi mo ito, hindi ba’t nangangahulugan na hindi mo alam kung ano ang wasto at hindi wasto? Upang tumanggi at hindi gawin ang bagay na ito, ibinulalas mo pa ang iyong personal na galit, sinasabing hindi ikaw ang nagkalat, ni ang bumili ng mga gamit, kaya hindi mo ito aayusin. Gumawa ka ng mga palusot at gumamit ng baluktot na pangangatwiran para iwasan itong gawin. Hindi ba’t masyadong baluktot ang iyong pangangatwiran? Hinayaan mong lumabas sa iyong bibig ang gayong baluktot na pangangatwiran, at ginawa mo ito nang may walang-kahihiyang kumpiyansa sa sarili at nang may pagiging dominante pa nga. Ang gayong tao ay hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, hindi ba? Wala siyang pagkatao, hindi ba? (Oo.) Hindi dahil sa taglay Ko ang pagkakakilanlan at katayuang ito at pinuntirya mo Ako kaya kita inilarawan nang ganito. Kahit pa ibang tao ang humiling sa iyo na gawin ito at tumanggi ka at sinubukan mong makipagtalo, bilang isang tagamasid, ganito pa rin ang magiging pagtatasa Ko sa iyo, dahil ang sinabi mo ay hindi naaayon sa pagkatao, ito ay mali, ito ay baluktot na pangangatwiran, ito ay maling paniniwala at maling kaisipan. Hindi mo inisip na ito ay mali, at itinuring mo pa nga itong mahusay na pangangatwiran; iyan ay sapat na para ipakita kung ano ang nasa loob ng iyong pagkatao. Hindi mo ito napigilan noon at bigla mo na lang itong ibinulalas. Ito ay isang likas na pagbubunyag, at ang isang likas na pagbubunyag ay kumakatawan sa pagkatao at diwa ng isang tao. Bakit Ko sinasabing kumakatawan ito sa diwa ng isang tao? Ang pagkikimkim mo ng gayong mga kaisipan at pananaw ay hindi isang bagay na pansamantala, at ang mga ito ay hindi naidulot ng isang bagay na sinabi Ko; sa halip, ang mga kaisipan at pananaw na ito ang iniisip mo na sa loob ng mahabang panahon, sa loob ng maraming araw at buwan—dagdag pa rito, dahil ang ilang bagay ay hindi ayon sa gusto mo, nagkaroon ka ng mga kuru-kuro, at napupuno ang puso mo ng kawalang-kasiyahan at pagsuway. Nawalan ka ng kontrol sa loob ng isang sandali at nalantad ang mga nilalaman ng iyong puso. Ano ang nalantad? Na wala kang konsensiya at katwiran, at na ang iyong pagkatao ay masyadong masama, masyadong nakakatakot. Kung hihilingin mo sa nabanggit na tao na tanggapin ang katotohanan, hindi niya ito magagawa. Kung hihilingin mo sa kanya na alamin ang kanyang mga tiwaling disposisyon, mas lalong hindi iyon posible para sa kanya. Ang isang taong walang pagkatao ay kapareho ng antas ng isang hayop. Hindi dahil sa hindi niya sinasadyang gumawa ng mali sa Akin o magsabi ng isang bagay na walang-katotohanan sa Akin kaya Ko siya inilarawan sa ganitong paraan; ito ay dahil sadyang ito ang kalikasan ng kanyang ginawa. Ang ilarawan siya sa ganitong paraan ay hindi di-patas o di-makatarungan. Kahit na ibang tao pa ang pinuntirya niya ng mga salitang ito, ganito Ko pa rin siya tatasahin kung nakita Ko ito. Ito ay isang obhetibo at patas na pahayag. Kaya niyang magsabi ng gayong mga katawa-tawang bagay, magbitiw ng gayong hibang na pangangatwiran, at ang paggawa niya nito ay isang likas na pagbubunyag. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t isa itong paglalantad ng kanyang kalikasang diwa? Hindi ba’t isa itong paglalantad ng kanyang tunay na pagkatao? Ibinunyag siya nito. Ano ang ibinunyag nito? Ibinunyag nito na wala siyang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at kaya nilang magbitiw ng anumang baluktot na pangangatwiran at maling paniniwala, sinasabi ang mga bagay na ito nang may gayong walang-kahihiyang kumpiyansa sa sarili. Pagkatapos nilang magsalita, hindi nila kailanman nalalaman na mali ang kanilang mga salita, at hindi nila kailanman inaamin kung ano ang mali sa kanilang mga salita. Hindi sila kailanman nagninilay sa kanilang sarili o tumatanggap ng pagpupungos, at sa huli, ano ang sinasabi nila? “Hindi ko naman sinadyang sabihin iyon. Hindi ba’t nadulas lang ako sa isang sandali ng pagkagalit?” Kailangan pa bang sadya iyon? Likas mo na itong ibinunyag, at kung anong uri ng pagkatao mayroon ka ay nalantad na. Ang katunayang kaya mong sabihin ito nang hindi ito pinag-iisipang mabuti ay nagpapatunay na ang mga salitang ito ay matagal nang nananahan sa iyong puso, at kapag nakatagpo ka ng ganitong uri ng kapaligiran, likas itong nabubunyag. Lubusan nitong kinakatawan ang iyong karakter. Kung pinag-isipan mo muna ito bago mo ito sinabi, maaaring hindi ito tiyak na totoo, at maaari pa ngang isa itong pagkukunwari, samantalang mas inilalantad nito ang iyong karakter. Ang mga taong walang pagkatao ay hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, at binabaligtad pa nila ang tama at mali, at nagpapahayag sila ng baluktot na pangangatwiran na para bang ito ay mahusay na pangangatwiran. Paano mo man ipresenta ang mga katunayan at paano ka man mangatwiran sa kanila, talagang hindi nila aaminin na nagkamali sila. “Paanong mali ako? Kayo ang mali! Minamaliit ninyo ako, nakikita ninyong maamo ako, walang mga kaloob, at walang impluwensiya o katayuan sa lipunan, at inaapi ninyo ako!” Naglilitanya sila ng sandamakmak na baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala, pero hindi kailanman sinasabi ang kalikasan ng mga maling bagay na ginawa nila at ang baluktot na pangangatwirang binitiwan nila. Gaano man karaming maling bagay ang gawin nila, hindi nila inaamin ang mga ito. Magkakaroon ba ng ganitong uri ng pagpapamalas ang isang taong may normal na pagkatao? Ni hindi na natin kailangang banggitin pa ang mga taong napakahusay ng konsensiya at katwiran—sinumang may kahit kaunting konsensiya at katwiran ay tiyak na matatanto na ang mga tao ay nakagagawa ng maraming pagkakamali sa kanilang buong buhay. Sa partikular, ang ilang tao ay nagsasabi o gumagawa ng ilang bagay na hindi nila dapat gawin, at pagkatapos ay nakakaramdam ng pagsisisi at paghihinagpis sa buong buhay nila, nakakaramdam ng panunumbat at paninisi sa sarili sa kanilang konsensiya. Habang naaabot nila ang edad ng may higit na sensibilidad at pagiging hinog ng isipan, lalo nilang nalalaman kung anong mga salita ang dapat sabihin at anong mga bagay ang dapat gawin, at anong mga salita ang hindi dapat sabihin at anong mga bagay ang hindi dapat gawin. Patuloy na pamamahalaan ng kanilang konsensiya at katwiran ang kanilang pag-uugali at mga pag-iisip. Lalo na kung kayang tanggapin ng isang tao ang katotohanan, pagkatapos niyang tumanggap ng ilang katotohanan, uunlad ang kanyang konsensiya at katwiran sa isang positibong direksyon, at ang mga maling salitang dati niyang sinabi, ang mga pananaw na walang-katotohanan na dati niyang ipinahayag, at ang mga maling bagay na dati niyang ginawa ay unti-unting patuloy na lilitaw sa kanyang isipan. Patuloy niya itong pagninilayan, pag-iisipan, at pagbubulayan, at pagkatapos ay hahanapin niya ang mga salita ng Diyos at ihahambing ang kanyang sarili sa mga salita ng Diyos, at lalo niyang mararamdaman na isa lang siyang ordinaryong tao, na marami siyang nagawang pagkakamali at nasabing maling salita, na marami siyang kaisipan at pananaw na walang-katotohanan, at na marami siyang nagawang hangal, mangmang, at tunggak na bagay, at mga bagay na kinasusuklaman ng mga tao, sa kanyang nakaraan. Nang hindi man lang ito tinitingnan mula sa antas ng mga salita ng Diyos at ng katotohanan, at sa pagtingin lang dito gamit ang pagkaunawang natamo ng isang tao mula sa maraming taon ng karanasan, kaya rin niyang patuloy na ibuod ang mga problemang ito sa kanyang pagkatao, at ang mga pagkakamali at pagsalangsang na ito. Normal ito, at ito ang karanasan at mga natamo na dapat taglayin sa huli ng isang taong may pagkatao na alam kung ano ang wasto at hindi wasto pagkatapos umabot sa isang partikular na edad at tumanggap ng ilang katotohanan. Pero yaong mga hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto, kahit na umabot pa sila sa edad na animnapu o pitumpu, ay nananatiling gayong mga hangal, mangmang, at matitigas ang ulo na tao, at hindi sila magbabago. Kung umaasa kang magbabago ang gayong mga tao, para ka na ring umaasang lilipad ang isang baboy. Sadyang hindi ito mangyayari kailanman. Ang gayong mga tao ay hindi kailanman magbabago, dahil hindi man lang nila alam kung ano ang wasto at hindi wasto. Kung hihilingin mo sa isang taong hindi alam kung ano ang wasto at hindi wasto na tanggapin ang katotohanan, pinahihirapan mo siya, dahil sadyang hindi ito abot ng kanyang kakayahan, at hindi niya alam kung ano ang katotohanan. Imposible para sa kanya na tanggapin ang katotohanan. Para kang nag-uutos sa isang taong color-blind na magpinta ng isang larawan. Makakapagpinta ba siya ng isang larawan na may normal na mga kulay? (Hindi.) Kung hihilingin mo sa isang taong sintunado na kumanta, palagi siyang magiging wala sa tono. Gaano man siya kumanta, hindi niya kayang kumanta nang nasa tono, pero iniisip pa rin niya na ang kanyang pagkanta ay nasa tono at na ang iba ang wala sa tono. Hindi tama ang kanyang pamantayan sa pagsukat, kaya hindi niya kailanman malalaman kung ano ang wasto at hindi wasto. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.)

Anong katunayan ang ipinapakita sa mga tao ng pagbabahaginang ito? Sinasabi nito sa kanila na dahil ang mga taong walang pagkatao ay walang konsensiya at katwiran, walang pundamental na kondisyong ito, wala silang pundamental na pamantayan para sa pagsukat at pamamahala sa kanilang pagkatao. Dahil dito, ang kanilang mga pagpapamalas ay tila labis na kakaiba para sa mga may konsensiya at katwiran. Palagi silang nagpapahayag ng baluktot na pangangatwiran at mga maling paniniwala, at nagpapahayag ng mga pananaw na walang batayan. Hindi mo kayang unawain kung ano ba talaga ang nangyayari. Nahanap mo na ang sagot ngayon, hindi ba? (Oo.) Kung ang ganitong uri ng tao ay umabot sa punto na imposible na siyang makasama, kung gayon ay hindi mo na siya dapat pang pakisamahan. Kung hindi pa siya umaabot sa puntong ito at kaya mo pa siyang pakisamahan sa isang katanggap-tanggap na antas, kung gayon, sikapin mong bawasan hangga’t maaari ang pakikipag-usap sa kanya upang maiwasan ang pagkasuya. Sa ngayon, mabigat ang gawain sa lahat ng aspekto ng gawain, maraming gampanin ang nangangailangan ng lakas. Nararamdaman ng ilang tao na masyado silang abala at walang panahon na mag-abala sa mga maling paniniwala at maling kaisipang ito. Mali rin ang pananaw na ito, dahil hindi ito nakakatulong sa pagkakamit ng pagkilatis. Kapag nakarinig ka ng isang maling paniniwala o maling kaisipan at nararamdaman mong may mali rito, dapat mo itong itala. Pagkatapos, hanapin mo ang katotohanan para makilatis mo ito nang malinaw at malaman kung ano mismo ang mali sa maling kaisipang ito. Kung magsasanay at magsasagawa ka sa ganitong paraan, magkakamit ka ng pagkilatis. Pero para sa ganitong uri ng tao, hindi na kailangang makipagbahaginan ng katotohanan sa kanya para itama ang kanyang mga pananaw, dahil sadyang hindi niya ito kayang unawain. Ito ay tulad ng isang taong nakakita ng isang itlog na nahulog mula sa isang puno at pagkatapos ay sinabing ang mga itlog ay tumutubo sa mga puno. Ang totoo, may isang inahing manok sa puno na nangingitlog. Hindi niya nakita ang inahing manok, tanging ang itlog na nahulog, kaya niya nabuo ang ganitong kongklusyon. Anuman ang sabihin mo sa kanya, hindi niya ito naiintindihan, at iginigiit niya na ang mga itlog ay tumutubo sa mga puno. Hindi ba’t kahangalan ito? (Oo.) Mapapaunawa mo ba ang gayong tao? (Hindi.) Kung hindi mo siya mapapaunawa, huwag ka nang magsalita pa. Huwag mong sayangin ang iyong laway. Sa paglipas ng mga taon, nakakita na Ako ng napakaraming taong katawa-tawa. Karamihan sa mga taong ito ay medyo masigasig; kaya nilang gumawa ng ilang tungkulin, at hindi naman lubhang taksil o masama. Kaya kaswal Akong nagsasabi ng isang bagay sa kanila, at ano ang resulta? Kung magsasabi Ako ng ilang salita ng katotohanan, hindi ito abot ng kanilang pang-unawa. Kung tatalakayin Ko ang mga panlabas na usapin, hindi nila matiis na makinig. Kaya ayaw Ko nang magsabi pa ng anuman sa mga taong ito, dahil sobrang nakakapagod makipag-usap sa kanila, at napakarami Kong kailangang gawin, napakaraming wastong paksang dapat talakayin. Hindi Ko man lang matapos ang lahat ng wastong paksa, kaya paano pa Ako mag-aabala sa mga taong ito? Ngayong napagbahaginan na ang katotohanan hanggang sa antas na ito, maraming bagay na ang naging malinaw, nabunyag na ang mga totoong katunayan, at ang iba’t ibang uri ng mga tao ay tunay na mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri. Para sa ganitong uri ng taong katawa-tawa, hayaan na lang silang mabukod-bukod at iyon na iyon. Wala tayong panahon na mangatwiran sa kanila o itama ang kanilang mga pananaw na walang-katotohanan, tama ba? (Oo.) Kung gayon, tapusin na natin ang ating pagbabahaginan dito para sa araw na ito. Paalam!

Marso 16, 2024

Talababa:

a. Ang pangalang “Zheng” ay may konotasyon ng pagkakaroon ng matuwid na moralidad sa orihinal na tekstong Tsino.

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (15)

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (26)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito