Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (10)
Kamakailan, naisagawa natin ang ilang pagbabahaginan na may kinalaman sa mga isyu ng mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon; sa pangunahin, detalyado at partikular nating pinagbahaginan ang tungkol sa ilang pagpapamalas ng tatlong aspektong ito. Sa pamamagitan ng gayong detalyadong pagbabahaginan, nagkamit ba kayo ng kaunting pagkaunawa sa partikular na klasipikasyon ng mga pagpapamalas na ito? (Oo.) Sa pagkakamit ng pagkaunawa sa mga partikular na pagpapamalas ng tatlong aspektong ito, mas malinaw na ba ngayon sa inyo kung bakit kailangang iwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon o kung anong mga bagay sa mga tao ang kailangang baguhin at iwaksi? Aling mga aspekto ang kailangang baguhin, alin ang hindi kailangang baguhin, alin ang dapat isagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at alin ang mga likas na kondisyong paunang inorden at isinaayos ng Diyos, na hindi kaugnay sa mga tiwaling disposisyon at hindi humihingi sa mga tao na gumugol ng pagsisikap o gumawa ng anumang mga pagbabago—malinaw na ba ngayon ang mga usaping ito? (Medyo mas malinaw na sa amin ang mga ito kaysa dati.) Pagkatapos ninyong magkamit ng kalinawan, nauunawaan ba ninyo ang kahalagahan ng gawain ng Diyos na linisin ang mga tao, baguhin ang kanilang mga disposisyon, at iligtas sila mula sa impluwensiya ni Satanas? Malinaw na ba ngayon kung sa ano nakatuon ang paggawa at pagsasalita ng Diyos para itustos ang katotohanan at ilantad ang iba’ t ibang problema sa mga tao? Ang paglalantad ba ng Diyos ng lahat ng problema sa mga tao ay nakatuon sa kanilang mga likas na kondisyon? (Hindi.) Nakatuon ba ito sa mga likas na depekto ng pagkatao ng mga tao? (Hindi.) Kung gayon, sa ano ito nakatuon? (Pangunahing nakatuon ito sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao.) Ito ay pangunahing nakatuon sa mga prinsipyo ng pag-asal at pagkilos ng mga tao, sa mga pananaw at saloobin nila patungkol sa Diyos, sa katotohanan, mga positibong bagay, at iba pang gayong mga isyu. Ano ba ang mga tiwaling disposisyon? Nagmumula ang mga tiwaling disposisyon mula sa kalikasan ni Satanas at naibubunyag mula sa kalikasan ni Satanas. Ang mga bagay na ito ay pawang sumasalungat sa mga katotohanang prinsipyo, walang-katotohanan, at mga kilos at pagpapamalas ng paglaban sa Diyos. Ang mga bagay na ito ang mga pangunahing bagay na lumalaban sa Diyos at ang mga ugat na dahilan kung bakit nagagawang salungatin ng mga tao ang katotohanan, ipagkanulo ang katotohanan, at salungatin ang mga hinihingi ng Diyos, at pati na ang mga hinihingi ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga likas na kondisyon, ay ilang pangunahing, instintibong bagay lamang na taglay ng mga tao mula pagkapanganak; pero ang buhay na inaasahan ng mga tao sa kasalukuyan para manatiling buhay ay ang mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, ang pakay ng gawain ng Diyos na baguhin ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Dahil mismo ang mga tiwaling disposisyon ay lumalaban sa Diyos at ang mga ito ay kay Satanas, at masasabi na mga pangkalahatang pagpapamalas ng mga negatibong bagay ang mga ito—ang iba’ t ibang tiwaling disposisyon na nabubunyag sa mga tao, o ang iba’t ibang kalagayan at mga detalyadong pagbubunyag at pagpapamalas kaugnay sa mga tiwaling disposisyon, ay pawang nauugnay sa mga negatibong bagay—ang ugat na dahilan ng paglaban ng mga tao sa Diyos, samakatwid, ay hindi ang kanilang mga likas na kondisyon o mga partikular na depekto sa kanilang pagkatao, kundi ang buhay na tumatrato sa mga tiwaling disposisyon bilang pundasyon nito sa pananatiling buhay. Ang buhay na ito ay tumpak na nagmumula kay Satanas. Kaya, ang kailangang baguhin sa huli ay ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at ang kailangang iwaksi ay ang mga tiwaling disposisyon din ng mga tao. Siyempre, maaari ding sabihin na kapag nagbago ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, saka lang sila makakatigil sa paglaban sa Diyos. Sa madaling salita, kapag naiwaksi ng mga tao ang kanilang mga tiwaling disposisyon, saka lang ito nangangahulugan na naligtas na sila, at kapag naligtas na ang mga tao, saka lang sila makakatigil sa paglaban sa Diyos at ganap na makakapagpasakop sa Diyos. Samakatwid, ang tunay na kahulugan ng gawain ng Diyos na iligtas ang mga tao ay ang bigyang-kakayahan sila na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Ang tunay na kahulugan at nilalayong resulta ng pagsasabi ng Diyos sa mga tao na ang pagsisikap na matamo ang katotohanan ay pagtingin sa mga tao at bagay, at pag-asal at pagkilos, ayon sa mga salita ng Diyos at gamit ang katotohanan bilang pamantayan ng isang tao ay ang bigyang-kakayahan ang mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at tingnan ang mga tao at bagay, umasal at kumilos, gamit ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay. Nauunawaan mo ba? (Oo.)
Nagbahaginan tayo dati tungkol sa ilang partikular na pagbubunyag at pagpapamalas kaugnay sa mga likas na kondisyon, pagkatao, at mga tiwaling disposisyon. Ang ilang pagpapamalas ay tumutukoy sa mga likas na kondisyon, ang ilan ay sa mga depekto sa pagkatao, ang ilan ay mga pagpapamalas ng ubod ng samang karakter, at ang ilan ay mga partikular na pagpapamalas ng mga tiwaling disposisyon. Madalas na madaling malito ang mga tao sa mga depekto sa pagkatao ng isang tao at sa ubod ng samang diwa ng pagkatao ng isang tao. Karamihan sa mga depekto sa pagkatao ay napapabilang sa kategorya ng mga likas na kondisyon. Halimbawa, nauutal ang ilang tao kapag nagsasalita, at ang ilang tao ay mainitin ang ulo o mapagpasensya. Ang mga depektong ito sa pagkatao, hangga’t hindi napapabilang ang mga ito sa kategorya ng ubod ng samang karakter, ay pangunahing napapabilang sa loob ng saklaw ng mga likas na kondisyon. Gayumpaman, hindi kaugnay sa mga likas na kondisyon ang ubod ng samang karakter; ito ay isang pagbubunyag ng isang tiwaling disposisyon at dapat mapabilang sa mga tiwaling disposisyon, hindi sa mga likas na kondisyon. Ito ay dahil, sa loob ng karakter ng isang tao, binigyan siya ng Diyos ng dalawang pangunahing bagay: konsensiya at katwiran. Kung ubod ng sama ang karakter ng isang tao, kaugnay rito ang mga problema sa kanyang konsensiya at katwiran. Tiyak na hindi ito tumutukoy sa kanyang mga likas na kondisyon. Tiyak na napapabilang ito sa mga tiwaling disposisyon; isa itong espesipikong pagpapamalas ng isang partikular na tiwaling disposisyon. Sapat ang mga katunayan para ipakita na pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang isang tao, nawawala ang kanyang konsensiya at at katwiran. Ang puso niya ay lubusang nalihis ni Satanas, at tinatanggap niya ang maraming kaisipan at pananaw na nagmumula kay Satanas, pati ang ilang kasabihan at opinyon mula sa masasamang kalakaran. Kapag umabot sa puntong ito ang mga bagay-bagay, lubusang natitiwali at naaagnas ang kanyang konsensiya at katwiran—maaaring sabihin na sa panahong ito, tuluyan nang nawala ang kanyang konsensiya at katwiran. Ang ipinapakita ay na napakababa at napakasama ng kanyang karakter. Ibig sabihin, bago siya tumanggap ng mga positibong bagay, marami na siyang tinanggap na walang-katotohanang bagay mula kay Satanas sa puso niya. Lubhang ginawang tiwali ng mga bagay na ito ang pagkatao niya, kaya masyadong mababa ang pagkatao niya. Halimbawa, pagkatapos niyang tanggapin ang satanikong kaisipan at pananaw mula sa mundo na nagsasabing, “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” mapapabuti ba ang kanyang konsensiya o mananatiling ganoon pa rin, o lalala ba ito? (Lalala ito.) At ano ang mga partikular na pagpapamalas ng paglala na ito? (Isinasaalang-alang lang niya ang sarili niyang mga interes sa lahat ng kanyang ginagawa.) Alang-alang sa sarili niyang layon at mga interes, hindi siya tumitigil kahit ano ang mangyari. Kaya niyang mandaya at maminsala ng iba at gumawa ng kahit ano na labag sa moralidad at konsensiya. Habang mas gumagawa siya, mas nagiging walang awa ang kanyang mga kilos, mas dumidilim ang kanyang puso, mas nababawasan ang pakiramdam niya ng konsensiya, at mas nagiging kaunti ang pagkataong napapanatili niya. Para sa sarili niyang mga interes, dadayain at lilinlangin niya ang kahit sino, parehong nililinlang ang mga taong kilala o hindi niya kilala—lilinlangin niya ang mga katrabaho, kapamilya, at maging ang pinakamalalapit sa kanya sa paligid niya, pinipinsala iyong mga pinakanagtitiwala sa kanya. Sa umpisa, kapag ginagawa niya ang mga bagay na ito, nakakaranas siya ng kaunting pagtatalo sa loob niya at katiting na pakiramdam sa kanyang konsensiya. Kalaunan, sinisimulan niyang pag-isipan kung paano aaksiyon, nagsisimula muna sa mga di-pamilyar na estranghero, at kalaunan ay hindi na nagpapakita ng awa kahit sa sarili niyang mga kamag-anak. Kita mo, unti-unting natitiwali ang pagkatao niya; unti-unti itong inaagnas ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas, gaya ng “mga interes sa ibabaw ng lahat” at “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ang unti-unting proseso ng pagkaagnas na ito ay ang proseso kung saan unti-unting nawawalan ng kamalayan ang kanyang konsensiya at tuluyang humihinto sa paggana, hanggang sa tuluyang umabot sa punto na ganap na mawala. Sa huli, wala na siyang mga moral na hangganan o pakiramdam ng konsensiya sa kanyang mga kilos, at kaya niyang linlangin ang sinuman. Ano ang dahilan kung bakit kaya niyang linlangin ang sinuman? Ano ang ugat na dahilan? Ito ay dahil tinanggap niya ang mga kaisipan at pananaw ni Satanas, at kumikilos siya sa ilalim ng pangingibabaw ng mga kaisipan at pananaw ni Satanas. Sa huli, hindi na gumagana ang konsensiya at katwiran ng pagkatao niya; ibig sabihin, ang mga batayang bagay na dapat taglay ng pagkatao ay ganap nang humihinto sa paggana, ang mga ito ay lubusang naaagnas at nakokontrol ng masasamang kaisipan ni Satanas. Ang proseso ng pagkaagnas at pagkontrol ay ang proseso ng pagtanggap niya sa mga kaisipan at pananaw na ito, at siyempre, ito rin ang proseso ng pagkatiwali niya. Habang natitiwali ang konsensiya at katwiran ng kanyang pagkatao, ang naipapakita niya sa huli ay na nagiging napakababa ng kanyang pagkatao, at sa mas malalalang kaso, nawawala ang kanyang pagkatao. Ang mga ito ang ilang pagpapamalas ng pagkatao ng mga normal na tiwaling tao.
Mayroon ding ilang espesyal na kaso, kung saan ang ilang tao ay hindi man lang ipinapanganak bilang mga tao, kaya hindi masasabi na nagtataglay sila ng konsensiya at katwiran. Sa abstraktong pananalita, hindi sila nagreengkarnasyon mula sa mga tao. Bagama’t ang usapin ng muling kapanganakan, pagreengkarnasyon, at paglipat ng katawan ay abstrakto at di-nakikita ng mga tao, dapat madali itong maunawaan ng mga tao; isa itong bagay na kayang alamin at arukin ng mga tao. Ang gayong mga tao ay hindi nagreengkarnasyon mula sa mga tao, kaya galing sa ano sila nagreengkarnasyon? Ang ilan ay muling ipinanganak at lumipat ng katawan mula sa mga hayop, at ang ilan ay nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo; ipinanganak silang walang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao ay ipinanganak nang walang konsensiya o katwiran; hindi ito lubos na dulot ng katiwalian. Sila ay likas na mga buhay na Satanas at mga buhay na diyablo. Sila ay nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo. Halimbawa, masasamang tao ang mga anticristo; sila ay nagreengkarnasyon mula sa masasamang tao. Kalaunan sa buhay, tinatanggap nila ang mas marami pang kaisipan at pananaw ni Satanas. Ang orihinal na taglay nila, kapag isinama sa nakukuha nila kalaunan, ay lalong nagpapasama sa kanila. Ang gayong mga tao ay ipinanganak nang hindi nagmamahal sa mga positibong bagay; sila ay likas na tutol sa mga positibong bagay, at lubha nilang nilalabanan at kinasusuklaman ang mga positibong bagay. Samakatwid, ang pagpapamalas ng pagkatao sa gayong mga tao ay na wala sila ni katiting na konsensiya o katwiran. Ganap na imposibleng makakita ng anumang mga merito o mga kalakasan ng pagkatao sa kanila. Siyempre, ang meritong ito ay tiyak na hindi tumutukoy sa pagiging sanay sa pagkanta, sanay sa pagpapahayag ng mga pananaw, o sanay sa isang partikular na teknikal na kasanayan o propesyon. Hindi ang mga ito ang mga meritong tinutukoy. Sa halip, tumutukoy ito sa mga merito ng pagkatao, gaya ng pagiging mabuting-loob at mabait, maunawain sa iba, o pagiging may empatiya. Ang mga partikular na pagpapamalas na ito sa loob ng saklaw ng konsensiya at katwiran ng pagkatao ay ganap na wala sa kanila. Kaya, ano ang mga pangunahing katangian ng pagkatao ng gayong mga tao? Paglihis at kasamaan. Ang mga ito ang pangunahing mga katangian. Hindi nila minamahal ang mga positibong bagay; kapag naririnig nila ang tungkol sa mga positibong bagay, kaya nilang kilalanin na tama ang mga ito pero hindi nila kailanman tinatanggap ang mga ito. Ang lahat ng nasa puso nila at lahat ng ibinubunyag nila ay nauugnay sa paglihis at kasamaan. Ito ay isa sa mga pangunahing katangian ng mga tao na ang likas na pagkataong diwa ay masama. Ang gayong mga tao ay nagreengkarnasyon at lumipat ng katawan mula sa mga diyablo at mga Satanas. Kahit walang artipisyal na pagtatanim sa isip, pagtuturo, pag-impluwensiya, o pagkokondisyon kalaunan sa buhay, lubha na silang masama. Sila ay likas na ganitong uri ng mga nilalang. Ang mga kaisipan at pananaw nila ay likas na nagtataglay ng maraming esensyal na bagay na kay Satanas. Dagdag pa roon, tumatanggap sila ng mas marami pang walang-katotohanang kaisipan at pananaw mula sa masasamang kalakaran ni Satanas pagkatapos maisilang. Kaya, maaaring sabihin na ang ginatungan ang apoy ng kalikasang diwa ng gayong mga tao, mas lalo pa itong nagiging masama at malala, ibig sabihin, nagtataglay ito ng bawat nakalalasong katangian na maiisip at nagiging mas lalo pang malubha. Ang mga ito ang dalawang espesyal na kaso ng mga taong nagreengkarnasyon mula sa mga hayop at ng mga taong nagreengkarnasyon mula sa mga diyablo. Ang normal na sitwasyon ay na anuman ang mga depekto sa pagkatao na taglay ng isang tao pagkasilang niya, basta’t nagpapakita siya ng ilang pagpapamalas ng ubod ng samang karakter, napapabilang ito sa loob ng saklaw ng mga tiwaling disposisyon. Kung kaya niyang tanggapin ang katotohanan, isagawa ang katotohanan, at tahakin ang landas ng pagsisikap na matamo ang katotohanan, sa huli ay maiwawaksi ang lahat ng kanyang tiwaling disposisyon. Kapag naiwaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon, magbabago rin nang naaayon ang mga ubod ng samang aspekto ng kanyang pagkatao. Ang gayong mga tao ang mga maaaring maligtas; sila ay mga normal na tiwaling tao. Kahit na nagpapakita ka ng ilang pagpapamalas ng masamang karakter, o wala kang integridad, o ang ilang pagpapamalas ng iyong pagkatao ay hindi umaayon sa katotohanan at kasuklam-suklam sa iba, hangga’t ang iyong konsensiya at katwiran ay umiiral pa rin at kaya pa ring magsilbi bilang ang mga batayang kondisyon kung paano mo tingnan ang mga tao at bagay at kung paano ka umasal at kumilos—ibig sabihin, naiimpluwensiyahan pa rin ng iyong konsensiya at katwiran kung paano ka tumitingin sa mga tao at bagay at umasal at kumilos, at gumagana pa rin sa iyo ang iyong konsensiya at katwiran—kung gayon, sa huli ay maaaring baguhin ang iyong mga tiwaling disposisyon. Kung hindi kayang kontrolin o giyahan ng konsensiya at katwiran ng isang tao ang anumang bagay na ginagawa niya, maaaring sabihin na ang ganitong uri ng tao ay hindi kayang tumanggap sa katotohanan at lalo pang hindi kayang magsagawa nito. Kaya, hindi madaling maiwawaksi ang mga tiwaling disposisyon ng gayong mga tao. Bakit ganito? Dahil hindi gumagana sa anumang paraan ang konsensiya at katwiran ng gayong mga tao. Wala na silang pagkakataon na tumanggap sa katotohanan at hindi na sila nagtataglay ng mga batayang kondisyon para sa pagtanggap sa katotohanan. Napakahirap para sa mga taong ito na iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Samakatwid, anuman ang mga problemang umiiral sa iyong pagkatao, suriin ang iyong sarili para makita kung, kapag malapit ka nang kumilos sa isang paraan na sumasalungat sa pagkatao o sa katotohanan, nakakaramdam ka ba ng anumang bagay sa iyong konsensiya o nakakaramdam ng kirot o pagsaway sa iyong puso, at kung mayroon ka bang hangganan o pamantayan sa puso mo para sukatin kung dapat bang gawin o hindi gawin ang usaping ito, kung ang paggawa ba ng usaping ito ay sumasalungat sa moralidad o konsensiya, at ang mas malalim pa, kung lumalabag ba ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung may pakiramdam ka ng konsensiya, kung kaya mong sukatin na sumasalungat sa pagkatao at sa katotohanan ang usaping ito, at sa ilalim ng paggana ng iyong konsensiya at katwiran ay kaya mong pigilan ang sarili mo at panatilihing kontrolado ang mga kilos mo, kung gayon, mayroon kang pagkakataon o posibilidad na magawang tanggapin ang katotohanan at magsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Pero kung, kapag gumagawa ng anumang bagay, wala kang anumang nararamdaman sa iyong konsensiya, hindi mo kayang sukatin kung ano ang pamantayan para sa usaping ito o kung dapat mo ba itong gawin, at hindi mo alam kung ang paggawa sa bagay na ito ay umaayon ba sa pagkatao, hustisyang moral, o sa mga katotohanang prinsipyo—at higit pa roon, kapag ginagawa ang bagay na ito, sumasalungat ito sa konsensiya, pagkatao, o sa mga katotohanang prinsipyo, pero hindi gumagana ang iyong konsensiya para pigilan ka sa paggawa nitong mali at negatibong bagay—kung gayon, ang mga taong tulad mo, sa kabuuan, ay walang pagkakataon na matanggap ang katotohanan. Ang sumusunod ay na wala kang pagkakataon na iwaksi ang iyong mga tiwaling disposisyon.
Kung kaya ba ng mga tao na iwaksi ang mga tiwaling disposisyon ay nakasalalay sa kung kaya ba nilang tanggapin ang katotohanan—napakalinaw nito. At kung kaya ba ng mga tao na tanggapin ang katotohanan ay nakasalalay sa kung mayroon ba silang pakiramdam ng konsensiya. Kaya, paano makikilatis kung mayroon bang pakiramdam ng konsensiya ang isang tao? Kinakailangan na tingnan kung, kapag gumagawa ng mga bagay-bagay, mayroon ba siya ng pinakabatayang konsensiya na dapat taglayin ng pagkatao, at kung, kapag gumagawa o nagsasabi siya ng isang bagay, gumagana ba ang konsensiya niya. Halimbawa, kapag gusto mong sabihin ang isang bagay na sumasalungat sa iyong konsensiya at ang mga katunayan na naninirang-puri sa isang tao, o kapag gusto mong magsinungaling, inuusig ka ng iyong konsensiya: “Hindi ko dapat sabihin ito. Ang pagsasabi nito ay kasinungalingan at panlilinlang, na ang ibig sabihin ay hindi ako matapat na tao. Nagsisiyasat ang Diyos, at hindi ako papayagan ng sarili kong konsensiya na gawin ito. Hindi nararapat na sabihin ito.” Ang pagkakaroon ng ganitong mga kaisipan ay nangangahulugan na gumagana ang iyong konsensiya. Kapag gumagana ang iyong konsensiya, ang mga salitang sinasabi mo ay maaaring naglalaman pa rin ng ilang karumihan o elemento ng intensiyon ng tao at maaaring hindi 100% tumpak. Gayumpaman, sa ilalim ng epekto ng iyong konsensiya, ang mga salitang sinasabi mo ay medyo angkop na. Kung higit mo pang maisasagawa ang katotohanan at makakapagsalita ka batay sa mga prinsipyo, magiging ganap na angkop ang mga salitang sinasabi mo, at magiging matapat kang tao. Pero kung ang isang tao ay hindi nasasailalim sa paggana ng konsensiya, hindi talaga niya nagagawang maging isang matapat na tao o magsalita ng matatapat na salita. Halimbawa, kapag tinatanong siya ng ang Itaas tungkol sa isang tao, maaaring isipin niya: “Hindi naman talaga masama ang taong iyon. Mahusay ang kakayahan niya, at napakabuti rin ng pagkatao niya. Nagtatanong ba ang Itaas tungkol sa kanya para iangat siya? Kung iaangat siya, ibig sabihin niyon ay hindi ako iaangat. Hindi ko puwedeng sabihin ang totoo; sasabihin ko na lang na katamtaman siya”—nagsisimula siyang mag-isip kung paano magsasalita sa paraang makikinabang siya. Kapag nag-iisip siya sa ganitong paraan, gumagana ba ang konsensiya niya? Wala siyang konsensiya, at hindi siya nasasailalim sa paggana ng konsensiya. Ang mga taong walang konsensiya ay walang pagkatao. Sinasabi nila ang anumang gusto nilang sabihin at nagsisinungaling sila kailanman nila gustong magsinungaling. Bakit hindi mabigat sa loob nila ang pagsisinungaling? Dahil hindi sila nasasailalim sa paggana ng konsensiya. Kaya naman, walang konsensiya o katwiran na pumipigil sa kanila sa puso nila, ni walang anumang pumipigil na lakas. Sa huli, kaya nilang magsabi ng mga kasinungalingan at tuparin ang kanilang mga personal na pagnanais ayon sa sarili nilang kalooban. Sa huli, ano ang diwang ipinamalas ng gayong mga tao? Ito ay ang paggawa ng mga bagay-bagay nang walang pumipigil na lakas ng konsensiya, na nangangahulugan na hindi sila nasasailalim sa paggana ng konsensiya. Ang mga taong hindi nasasailalim sa paggana ng konsensiya ay nagkakagawa ng mga pagkakamali at ng kasamaan nang hindi nakakaramdam ng paninisi o pagkabagabag sa puso nila. Kaya naman, ginagawa nila ang lahat ng bagay gamit ang sarili nilang mga interes bilang ang pamantayan. Ang gayong mga tao ay walang anumang pumipigil na lakas at hindi sila nasasailalim sa paggana ng konsensiya, kaya, maisasagawa ba nila ang katotohanan? (Hindi.) Hindi nila maisasagawa ang katotohanan. Para sukatin kung anong uri ng pagkatao ang mayroon ka, dapat mong tingnan sa pangunahin kung ang iyong mga salita at kilos ay pinamamahalaan ba ng konsensiya at katwiran, at kung kaya mo bang isagawa ang katotohanan, iwaksi ang mga tiwaling disposisyon, at kamtin ang kaligtasan. Kung kaya pa ring gumana nang normal ang konsensiya at katwiran mo, isa kang taong may konsensiya at katwiran. Kung ang mga salita at kilos mo ay hindi napipigilan ng konsensiya at katwiran, at kaya mo pa ngang kumilos nang ganap na sutil at walang pakundangan nang walang anumang pagpipigil, kung gayon, hindi ka lamang walang konsensiya at katwiran, kundi wala ka ring pagkatao. Kung ang lahat ng ipinakikita sa pagkatao ng isang tao ay halos napapabilang sa loob ng saklaw ng ubod ng samang karakter, kung gayon, sa kabuuan ay walang pagkatao ang taong ito. Ang tanda ng kawalan ng pagkatao ay ang kawalan ng konsensiya at katwiran, at paggawa ng mga bagay-bagay nang walang paggana ng konsensiya. Halimbawa, kung sasabihin mo sa kanila na dapat umasal ang isang tao nang may konsensiya at pagkatao, iniisip nila: “Ano ang halaga ng konsensiya? Magkakapera ba ako kung mayroon akong konsensiya? Magkakalaman ba ang tiyan ko kung mayroon akong konsensiya?” Pero para sa mga taong may konsensiya, iba ito. Kung paminsan-minsan silang gumagawa ng masama dahil sa kasakiman, nagsasanhi ng pinsala sa iba, mararamdaman nila kalaunan ang panunumbat sa sarili at pagsisisi, iniisip na, “Talagang nagawan ko ng mali ang mga tao sa paggawa ko nito sa kanila. Hindi ba’t paggawa ito ng kasamaan? Paanong masyado akong naloko noong panahong iyon? Bakit hindi ko napigilan ang sarili ko? Kailangan kong maghanap ng paraan para makabawi.” Kita mo, nilinlang nila ang isang tao noon, at kahit nakapagkamit sila ng kaunting pakinabang, kapag naiisip nila ang pakinabang na ito, nababagabag sila sa puso nila at kinamumuhian nila ang sarili, iniisip na, “Paanong nagawa ko ang isang bagay na gaya nito? Hinding-hindi ko na ito puwedeng gawin ulit sa hinaharap. Mas gugustuhin ko pang mamuhay sa kahirapan o magutom kaysa gawin ulit ito. Hindi iyon isang bagay na dapat gawin ng isang tao—hahantong sa panghabang-buhay na pagsisisi ang paggawa nito!” Ang minsang paggawa ng bagay na gaya nito ay kasingkadiri para sa kanila ng paglunok sa isang patay na langaw. Kaya hindi na nila ito ginagawang muli. Nakakaramdam sila ng pagsisisi at pagkabagabag sa puso nila. Ang mga taong walang pagkatao, sa kabilang banda, ay pipigain ang kanilang utak at ganap na tututukan ang panlilinlang sa iba, lubusan silang nililinlang nang walang pag-aalinlangan; hindi sila inuusig ng kanilang konsensiya, at hindi sila nagpapakita ng awa. Lubha nilang pinipinsala ang iba at nakakaramdam pa nga sila ng kaligayahan, iniisip na, “Tama lang iyon sa kanila! Sino ba ang may sabi sa kanila na mapunta sila sa mga kamay ko? Kung hindi ko sila lilinlangin, sino pa ang lilinlangin ko? Malas lang nila na ako ang nakabangga nila!” Mayroon bang anumang konsensiya ang gayong mga tao? (Wala.) Gaano man nila kalubhang nililinlang ang iba o sa hanggang anong antas man nila pinipinsala ang mga ito, hindi sila kailanman nagsasabi ng kahit isang salita ng paghingi ng tawad at wala silang nararamdamang anumang konsensiya at pagsisisi. Sa halip, nakakaramdam sila ng pagmamalaki at pagiging mapalad sa puso nila. Sa tuwing tinatamasa nila ang nakamit nila sa pamamagitan ng panlilinlang, hindi sila nababagabag, kundi naniniwala sila na ganap na makatarungan iyon. Iniisip nila na may kakayahan sila, na bihasa at mautak sila, na tama ang kanilang inisip at ginawa sa oras na iyon, at na dapat mas marami pa silang nakuha sa pamamagitan ng kanilang panlilinlang. Sabihin mo sa Akin, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Pagkatapos gumawa ng kasamaan, kaya pa rin nilang mag-isip sa ganitong paraan at magpakita ng gayong pag-uugali. Sa palagay mo ba, maililigtas ang ganitong uri ng tao? Manlilinlang ba siya ulit kung mahaharap siya sa mga katulad na sitwasyon? (Oo.) Lalo lang siyang magiging mahusay sa panlilinlang, mas masisiyahan sa sarili, at mas mararamdaman niyang mautak siya habang mas nanlilinlang siya. Sa bawat panlilinlang, mas nagdidilim ang puso niya, mas nagiging walang awa ang mga kilos niya, at mas nagiging malupit ang mga pamamaraan niya. Ang gayong mga tao ay hindi maliligtas. Maaaring sabihin na lubusan na silang nabihag ni Satanas. Sila ay masasamang tao, mga diyablo, at mga lubos na tampalasan. Kung kakausapin mo ang gayong mga tao tungkol sa konsensiya at pagkatao, iismiran ka nila at sasabihin, “Ikaw na malaking hangal, kumikilos nang may konsensiya at pagkatao—sino ang magbibigay sa iyo ng pera para diyan? Hindi ba’t hahantong ka lang sa pagiging mahirap? Tingnan mo kung gaano kaayos ang lagay ko, at tingnan mo na lang ang sarili mo—lubhang kaawa-awa!” Iismiran at hahamakin ka nila. Ang gayong pagkatao ay lubos na walang konsensiya—ang konsensiya ng gayong mga tao ay lubusan nang nawala; tuluyan na silang kinontrol ng mga diyablo, at naging tunay na mga buhay na diyablo. Samakatwid, huwag makipag-usap sa gayong mga tao tungkol sa katotohanan—hindi nila ito kayang tanggapin. Ni wala silang normal na pagkatao, kaya, paano nila matatanggap ang katotohanan? Ang mga taong kayang tumanggap sa katotohanan ay may hangganan pagdating sa pagtingin sa mga tao at usapin, at sa pag-asal at pagkilos, lalo na kapag may kinalaman ito sa sarili nilang mga interes. Ano ang hangganang ito? Ito ay ang pagiging napipigilan at nakokontrol ng kanilang konsensiya. Kung kaya silang pigilan at kontrolin ng kanilang konsensiya, masasabi na mayroon pa ring isang partikular na antas ng pagkatao at hangganan sa kanilang sariling asal ang gayong mga tao. Nangangahulugan ito na kumikilos sila nang may partikular na antas ng pagkadisente. Kapag nakikisalamuha sa iba o gumagawa ng anumang bagay, kung hindi nila nauunawaan ang mga katotohanang prinsipyo o hindi alam kung paano kumilos nang alinsunod sa katotohanan, kaya pa rin nila, kahit papaano, na sundin ang mga hangganan ng konsensiya. Sa madaling salita, mayroon pa ring kamalayan ang kanilang konsensiya at gumagana pa ito. Kung gumagana ang kanilang konsensiya, may pagkakataon silang tanggapin ang katotohanan. Ang kanilang konsensiya ay uunlad sa positibong direksiyon, at sa huli, ang mga parte ng kanilang pagkatao na hindi mabuti ay medyo magbabago. Habang unti-unting sumasailalim sa transpormasyon ang kanilang karakter, hakbang-hakbang ding maiwawaksi ang kanilang iba’t ibang tiwaling disposisyon. Malinaw na ba ito ngayon? (Oo.)
Dapat malinaw na makita ng mga tao kung sino ang inililigtas ng Diyos at aling parte ng mga tao ang inililigtas at binabago ng Diyos. Sa isang banda, dapat mayroon silang malinaw na pagkaunawa sa kanilang sarili, at sa kabilang banda, dapat mayroon din silang pagkilatis tungkol sa mga nasa paligid nila. Tungkol sa mga pagpapamalas ng ubod ng samang karakter, ang ilan sa mga ito ay may kinalaman sa pagbubunyag ng mga tiwaling disposisyon. Pangunahing tinutukoy nito ang mga pagpapamalas na lumalabag sa katotohanan at naghihimagsik laban sa Diyos at lumalaban sa Diyos. Sa mga mata ng mga tao, ang gayong mga kilos ay hindi lumalabag sa batas at hindi makokondena ng batas, pero kinokondena ang mga ito ng Diyos. Ang mga ito ay nabibilang sa mga tiwaling disposisyon. Ang iba pang mga pagpapamalas ng ubod ng samang karakter ay hindi lamang kinapapalooban ng mga tiwaling disposisyon kundi tumutukoy rin sa problema ng pagkakaroon ng malupit na pagkataong diwa. Ang gayong mga tao ay may kakayahang gumawa ng kahit anong uri ng masamang gawa at sila ay lubos na masasamang tao. Kung ang isang tao ay may mga problema sa kanyang karakter sa isang aspekto lamang, pero nagsasalita at kumikilos pa rin siya nang may konsensiya at katwiran, at gumagawa lang siya ng kaunting kasamaan sa mga espesyal na sitwasyon, kung gayon, hindi siya isang masamang tao. Ang masasamang tao ay walang anumang konsensiya o katwiran. Kaya bang gumawa ng mabubuting bagay ng mga taong walang konsensiya at katwiran? Hinding-hindi. Kaya ba nilang isagawa ang katotohanan? Lalong hindi. Kung gumagana ang konsensiya ng isang tao at mayroon siyang pumipigil na lakas, kung gayon, maaaring mapabuti ang kanyang pagkatao at pag-uugali sa ilang antas. Kung ang isang tao ay walang konsensiya at kahit anong gawin niya ay wala siyang gumaganang konsensiya, hindi mapapabuti ang kanyang karakter at pag-uugali. Kaya, ang pagkilatis sa isang tao ay hindi maaaring ganap na nakabatay sa kanyang karakter o integridad; ang pangunahing bagay ay ang tingnan kung mayroon ba siyang konsensiya at katwiran, at kung gumagana ba ang kanyang konsensiya at katwiran. Kung mayroon siyang konsensiya at katwiran, at gumagana ang kanyang konsensiya at katwiran kapag kumikilos siya, nagtataglay pa rin siya ng batayang pagkatao. Kung ang mga kilos niya ay walang paggana ng konsensiya at katwiran, hindi siya nagtataglay ng batayang pagkatao—wala siyang pagkatao. Ang mga taong nagtataglay ng batayang paggana ng konsensiya at batayang pagkatao ay may pagkakataon na maligtas, samantalang ang mga walang batayang pagkatao ay walang pagkakataon na maligtas. Ano ang pangunahing salik sa kung ang isang tao ay makakatanggap ba ng kaligtasan? (Ang pangunahing salik ay kung mayroon ba siyang konsensiya at katwiran sa loob niya.) Tama iyan. Kaya, kaya ba ninyong kilatisin kung ang isang tao ay may konsensiya at katwiran? (Kaya naming kumilatis nang kaunti. Ang pinakamahalagang bagay ay ang makita kung ang isang tao ay napipigilan sa loob-loob ng kanyang konsensiya at katwiran kapag kumikilos siya, at kung mayroon ba siyang mga moral na hangganan.) Pagdating sa doktrina at teorya, ganito ito ipinapaliwanag—mayroon ba kayong anumang mga kongkretong halimbawa? (Halimbawa, ang ilang tao, habang ginagawa ang kanilang tungkulin, ay lumalabag sa mga prinsipyo at gumagawa ng mga walang habas na masasamang gawa, at tinutukoy ng mga kapatid ang mga problema nila o pinupungusan sila. Sa gayong mga kaso, kung mayroong konsensiya at katwiran ang gayong mga tao, aktibo nilang pagninilay-nilayan at susubukang kilalanin ang kanilang sarili. Gayumpaman, kung wala silang konsensiya at katwiran, maaaring magkaroon sila ng sama ng loob o umatake at maghiganti pa nga.) Magandang halimbawa ito. Kapag pinupuna ng iba ang mga taong may konsensiya at katwiran dahil sa paggawa ng mali, nahihiya at nakokonsensiya sila. Nagkakaroon sila ng pagsisisi sa puso nila, at nang may pagsisisi, magkakaroon sila ng mga pagpapamalas ng paninisi sa sarili at kahandaang gumawa ng mas mabuti. Para naman sa mga taong walang konsensiya at katwiran, gaano man kalaki ang ginagawa nilang masasamang gawa o mga pagkakamali, gaano man kalaki ang kawalang idinudulot nila sa gawain ng iglesia o gaano man kalaking problema at kaguluhan ang idinudulot nila sa mga kapatid, kapag pinuna sila, mayroon silang daan-daang dahilan para pangatwiranan at ipagtanggol ang kanilang sarili, tumatangging aminin ang kanilang mga pagsalangsang kahit katiting. Malinaw na nagsasanhi sila ng mga kawalan sa gawain, pero hindi sila nakokonsensiya sa puso nila. Sabihin ninyo sa Akin, makakaramdam ba sila ng pagsisisi? (Hindi.) Hindi sila makakaramdam ng pagsisisi. Makakapagsisi ba ang mga taong walang pagsisisi? (Hindi.) Ang mga tao bang hindi makakapagsisi ay mga tao na tumatanggap sa katotohanan? (Hindi.) Patuloy ba nilang gagawin ang parehong mga bagay? (Oo.) Hanggang kailan? (Dahil wala silang pakiramdam ng konsensiya, patuloy nilang gagawin ito.) Tama. Patuloy nilang gagawin ito. Kahit anong sabihin ng iba, hindi sila makikinig: “Sadyang ganito ko ginagawa ang mga bagay-bagay—gustuhin mo man o hindi! Ano ba ang kinalaman sa akin ng pagdusa ng mga kawalan ng gawain ng iglesia? Ang mahalaga lang ay na hindi ako mismo ang nagdurusa ng mga kawalan.” Ganito ang pananaw nila. Sige, iyon na lahat para sa ating pagbahahaginan tungkol sa paksang ito. Pagnilayan ang ating napagbahaginan, itugma ito sa inyong sarili at sa mga bagay at taong nasa paligid ninyo, unti-unting unawain ito, at gamitin ang mga salitang ito para tingnan ang iba, tingnan ang mga bagay-bagay, at tingnan ang sarili ninyo. Unti-unti, magkakamit kayo ng pagkaunawa sa mga bagay na ito.
Nagbahaginan tayo noong nakaraan tungkol sa maraming partikular na pagpapamalas kaugnay ng pagkatao, mga likas na kondisyon, at mga tiwaling disposisyon. Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan tungkol sa ilang partikular na pagpapamalas kaugnay ng tatlong aspektong ito. Magsisimula tayo sa unang pagpapamalas: kabastusan. Ano ang ibig sabihin ng terminong ito? (Ibig sabihin, ang isang tao ay hindi mahinhin, hindi matuwid at disente; at siya ay malihim at patago.) (Ibig sabihin, ang pag-uugali at tindig ng isang tao ay mukhang medyo buktot.) Medyo buktot—tila medyo abstrakto iyan. Hindi nailalarawan sa isip ng karamihan ng tao kung ano mismo ang pagpapamalas ng kabuktutang ito. Mayroon pa ba? (Ang kabastusan ay nangangahulugan na medyo mababang-uri ang pag-uugali at tindig ng isang tao.) Ilang aspekto na ang nabanggit mo? Pagiging malihim at patago, buktot, mababang-uri, kasuklam-suklam, nakakasira ng puri—hindi ba’t ang mga ito ang mga pagpapamalas? (Oo.) Kung gayon, maaari bang mapalitan ang konsepto ng kabastusan ng pagiging kasuklam-suklam at mababang-uri? (Maaari.) Sa aling aspekto ikinakategorya ang mga pagpapamalas na ito ng kabastusan? (Ubod ng samang karakter.) Isa ba itong depekto ng pagkatao? (Hindi.) Higit na mas malubha sa kalikasan ang pagpapamalas na ito kaysa sa isang depekto ng pagkatao, kaya hindi ito maaaring ikategorya bilang isang depekto ng pagkatao. Ang kabastusan ay isang pagpapamalas ng ubod ng samang karakter. Kung kumikilos ang isang tao sa bastos na paraan, bagama’t hindi masasabi na masamang tao ang taong ito, kung titingnan ito mula sa mga pagpapamalas ng kabastusan, dahil sa kanila ay palaging nakakaramdam ang mga tao ng pagtutol at pagkasuya. Ang mga gayong tao na nagpapakita ng kabastusan ay tiyak na palihim at patagong gumagawa ng mga bagay-bagay, nang hindi man lang nagiging tuwiran, umaasal sa paraang medyo mababang-uri, at palaging gumagawa ng mga kasuklam-suklam na bagay. Ibig sabihin, gumagamit sila ng mga kasuklam-suklam, walang kahihiyan, at nakakasira ng puri na pamamaraan sa paggawa ng mga bagay-bagay, mga pamamaraang hindi matuwid o bukas. Karamihan sa mga tao ay nakakaramdam ng pagkasuya at pagkamuhi kapag nakikita nila ito. Ipinpakita nito na sila ay kasuklam-suklam at aba. Ang pinakaprominenteng katangian nila ay ang pagiging lubhang tampalasan, mababang-uri, at kasuklam-suklam. Anuman ang gawin o sabihin nila, hindi nila kayang maging matuwid at bukas; palagi silang may mga lihim na pakana at nakikibahagi sa ilang bagay na nakakasira ng puri. Halimbawa, ang pananampalataya sa Diyos ay unibersal na kinikilala bilang isang napakamarapat na usapin, isang bagay na kayang unawain at sang-ayunan ng mga tao. Pero kapag nananampalataya ang mga taong ito sa Diyos, kumikilos sila na parang natahak nila ang maling landas, na para bang isa itong bagay na nakakasira ng puri. Ang mga ito ang uri ng mga tao na kasuklam-suklam at bastos. Anong papel ang karaniwang ginagampanan ng mga taong bastos sa gitna ng iba? (Sila ay mga negatibong karakter, mga kahamak-hamak na tao.) Gumaganap sila ng negatibong papel. Anong mga katangian ang mayroon ang mga gayong tao? Maaaring mula sa kanilang anyo, hindi mo masasabi na napakasama nila, o hindi mo makikita na mayroon silang anumang masasamang intensiyon sa kanilang ginagawa. Gayumpaman, pagkatapos mong makisalamuha sa kanila sa loob ng ilang panahon, nararamdaman mo na palagi silang nagsasalita at kumikilos sa paraang hindi matuwid at bukas. Magandang pakinggan ang sinasabi nila, pero iba ang ginagawa nila kapag walang nakakakita. Palagi mong nararamdamang hindi tama ang mga intensiyon nila, o na hindi sila nagsasalita tungkol sa mga bagay-bagay na nilalayon nilang gawin, iniiwan kang naguguluhan. Sa huli, nararamdaman mo na lubhang hindi maaasahan ang gayong mga tao at gumagawa lang sila nga mga kasuklam-suklam, pailalim na bagay-bagay, at palagi nilang sinisira ang iyong mga gawain. Ang mga ito ay mga bastos na tao. Hindi mo makikita ang mga tao na ito na hayagang nagpapahayag ng kanilang naiibang pananaw o hayagang nagsasatinig ng mga pagtutol. Sa harap ng iba, maaari pa ngang magsabi sila ng isang bagay na magandang pakinggan, tulad ng, “Hindi natin puwedeng gawin iyan; dapat tayong kumilos nang may konsensiya.” Gayumpaman, kapag walang nakakakita, minamanipula nila ang mga bagay-bagay, inuudyukan ang ilang tao na walang pagkilatis, hangal, at mangmang na kumilos ayon sa kanilang mga intensiyon. Sa huli, nagagawa ang usaping gusto nilang isakatuparan, tinatamasa nila ang mga bunga ng pagsasakatuparang ito, subalit walang sinuman ang nakakatanto na sila ang may kagagawan niyon. Nakikita mo na wala silang sinasabi o ginagawang anuman sa presensiya ng iba, pero sa huli, nagpapatuloy sa direksiyong minanipula nila ang takbo ng mga kaganapan. Mula sa perspektibang ito, ang gayong mga tao ay medyo lihim na mapanira din. May mga bastos na tao ba sa paligid ninyo? Karaniwan bang madaling makilatis o tunay na makilala ng iba ang mga bastos na tao? (Hindi.) Napakalalim na itinatago ng mga taong ito ang kanilang sarili. Ang isyu sa kanila ay isang problema sa karakter; mayroon silang mababang pagkataong diwa. Nakatagpo na ba kayo ng mga bastos na tao? Malinaw ba sa inyo ang tungkol sa mga pangunahing pagpapamalas ng gayong mga tao? (Hindi masyado.) Mula ngayon, kailangan ninyong bigyang-pansin at obserbahan kung anong uri ng mga tao sa paligid ninyo ang madalas na nagbubunyag ng iba’ t ibang pagpapamalas ng kabastusan. Medyo abstrakto at nakatago ba ang mga pagpapamalas sa aspektong ito? (Oo.) Kahit na may ganoong mga tao sa paligid mo, dahil mahirap silang makilatis, hindi magiging madali para sa iyo na mapansin sila. Kapag isang araw ay natukoy mo nga ang gayong tao, maaari mo siyang obserbahan at itala mo ang mga pagpapamalas niya mula simula hanggang katapusan para makita mo kung ano talaga ang kanyang mga katangian at ang diwa niya, at pagkatapos ay ibuod mo ang mga ito. Hihinto muna tayo rito ngayon sa paksa ng pagpapamalas ng kabastusan.
Ang kasunod na pagpapamalas ay kahalayan. Una, tingnan ninyo—sa anong aspekto nabibilang ang kahalayan? (Ubod ng samang karakter.) Nabibilang ito sa ubod ng samang karakter. Kung gayon, sa pangkalahatan, anong uri ng mga problema ang tinutukoy ng kahalayan? (Mga problema sa pag-asal sa pagitan ng mga tao.) Lubos na tumpak iyan—sa pangkalahatan, ang kahalayan ay kinapapalooban ng mga problema sa pag-asal sa pagitan ng mga lalaki at babae. Kung gayon, ang kahalayan ay nauukol ba sa mga lalaki o sa mga babae? (Parehong sa mga lalaki at babae.) Hindi ito nauukol lang sa iisang kasarian. May mga lalaking ganito, at may mga babaeng ganito. Samakatwid, hindi lang mga lalaki ang maaaring maging mahalay. Kung may mga problema ang mga babae sa pag-asal sa pagitan ng mga tao, kahalayan din ito. Kung gayon, ano ang mga partikular na pagpapamalas ng kahalayan? Palagi nilang gustong makihalubilo sa kasalungat na kasarian at magpakitang-gilas—anong uri ng problema ito? Hindi ba’t medyo mahalay ito? (Oo.) Nasasabik sila kapag nakikita ang kasalungat na kasarian. Kapag mas maraming tao ng kasalungat na kasarian ang naroroon, mas nasasabik sila, at mas lalong gusto nilang magpakitang-gilas. Lalo na para sa ilang tao, hanggang sa anong antas sila nagpapakitang-gilas? Paglalantad ng kanilang mga dibdib at pagtatambad ng kanilang likod, paggawa ng mga mapanuksong galaw, pagsasabi ng mga mapanuksong salita—hindi ba’t mga pagpapamalas ito ng kahalayan? (Oo.) Hangga’t may mga miyembro ng kasalungat na kasarian sa paligid, anuman ang edad nila o gusto man nila ang mga taong ito, nagbibihis sila nang marangya, mapang-akit, o kahali-halina para akitin ang kasalungat na kasarian. Hindi ba’t pagpapamalas ito ng kahalayan? (Oo.) Ito ang pinakakaraniwang pagpapamalas. Naging karaniwan na ang mga penomenong ito at nakikita bilang hindi kakaiba sa gitna ng mga walang pananampalataya. Hindi nila ito itinuturing na kahalayan, kundi sa halip ay nakikita nila ito bilang napakanormal at napakamarapat. Naniniwala sila na dapat magbihis nang maganda ang parehong kasarian para maging kaakit-akit at hangaan ng kasalungat na kasarian, para mahalina ang kasalungat na kasarian na ligawan sila. Ang gayong mga kaisipan at pananaw ba ay mahahalay na kaisipan at pananaw? (Oo.) Palagi nilang gustong maging sentro ng atensiyon para sa kasalungat na kasarian, palaging gustong akitin ang mga ito at gawing interesado ang mga ito sa kanila; may asawa man sila o wala o anuman ang kanilang edad, palagi silang mayroong ganitong mga kaisipan at pagkilos, at puno ng gayong pag-iisip ang buhay nila—hindi ba’t kahalayan ito? (Oo.) Ang mga ito ay ilang pagpapamalas na medyo katanggap-tanggap para sa karamihan ng tao at hindi nila itinuturing na labis na mahalay—gusto lang ipresenta at ipakitang-gilas ang sarili sa harap ng kasalungat na kasarian. Halimbawa, ang pagsusuot ng magagandang damit, pag-spray ng kaunting pabango, pagbibihis nang medyo mapang-akit, pagsasabi ng mga mapanuksong salita, o pangangalandakan ng sariling alindog—para sa karamihan ng tao, ang mahahalay na pagpapamalas na ito ay mga bagay na maaaring pahintulutan. Ang isang mas malubhang pagpapamalas ng kahalayan ay na, sa kahit anong kapaligiran nila nakikita ang mga miyembro ng kasalungat na kasarian, ang gayong mga tao ay nangangahas na umakto nang hindi nararapat at hawakan sila. Kaswal silang lumalapit sa mga kasalungat na kasarian at hinahawakan nila ang mga ito, nang hindi isinasaalang-alang kung pumapayag ba ang mga ito, kumikilos na para bang matagal na silang pamilyar sa isa’t isa. Partikular silang mahusay sa pag-oobserba ng mga ekspresyon at reaksiyon ng iba. Kung nakikita nilang hindi umiiwas at medyo maamo ang isang tao, nangangahas silang kaswal na hawakan ang ulo o likod nito, o umuupo pa nga nang malapit dito o, kung hindi naman tumatanggi ang ibang tao, hinahawakan nila ang kamay nito. Ang ilang babae ay kayang direktang kumandong sa mga lalaki, nang hindi iniintindi kung ano ang maaaring maramdaman ng iba kapag nakita ito. Lumampas na ito sa simpleng pagpapakitang-gilas, naging mas mabigat na ito. Hindi ba’t pagiging mahalay ito? (Oo.) Kaya bang tanggapin ng karamihan ng tao ang ganitong uri ng kahalayan? (Hindi nila kaya.) Hindi iniisip ng ilang tao na malaking usapin ito at sinasabi pa nga nila, “Hindi ito kahalayan. Napakanormal na magpakita ng pagkagiliw sa isa’t isa ang mga lalaki at babae. Kung hindi, ano pa ang silbi ng mabuhay? Dapat masiyahan ang mga lalaki sa mga babae, at dapat masiyahan ang mga babae sa mga lalaki—saka lang nagiging interesante ang buhay.” Kung walang sinuman sa kasalungat na kasarian ang ang gumagawa ng ganoong mahahalay na galaw sa kanila, iniisip nila, “Dahil ba wala akong anumang alindog? Bakit hindi ko maakit ang kasalungat na kasarian?” Pagkatapos ay nakakaramdam sila ng pagkadismaya. Kapag nakakatagpo ang gayong mga tao ng isang taong mahalay na lumalandi sa kanila, labis silang nasisiyahan at natutuwa sa loob-loob. Sa pinakamababa, nakakaramdam sila ng pisikal at mental na pagkalugod, iniisip na may kabuluhan ang kanilang buhay kapag may isang taong interesado sa kanila. Kaya naman, kayang tanggapin ng ilang tao ang ganitong uri ng kahalayan. Halimbawa, ipagpalagay na may gusto ang isang tao sa iba at may nararamdaman siya para dito; kung palagi siyang hindi pinapansin ng taong iyon at hindi ito nagpapakita ng interes sa kanya, lubha siyang nadidismaya. Pero kung paminsan-minsan ay hinahawakan siya ng taong iyon, tinutukso siya, hinahaplos ang kanyang kamay, o umuupo nang malapit sa kanya, sapat para maramdaman niya ang init ng katawan nito—o higit pa rito, kung isa itong lalaki na umakto nang hindi nararapat sa isang babae, iniisip niya, “Ah, maganda iyan, gusto niya ako. Kahit na hindi kami kami puwedeng magsama bilang iisa sa mundong ito, ang matrato niya ako nang mahalay gaya nito, kahit papaano ay nagiging sulit ang buhay ko!” Kita mo, tinatanggap ng ilang tao ang ganitong uri ng kahalayan mula sa kaibuturan ng kanilang puso, sa halip na kamuhian ito. Nakasalalay ang saloobin nila sa kung gusto ba nila ang tao ng kasalungat na kasarian na gumagawa ng mga bagay na ito. Kung gusto nila ang taong ito at hindi sila nakakaramdam ng pag-ayaw, o pinananabikan pa nga nila ito sa kanilang puso, kung gayon, hindi nila kinamumuhian ang gayong mahahalay na tao o mahahalay na kilos. Sa halip, kaya nilang tanggapin ang mga ito at pagbuksan ang mga ito sa kanilang puso, binibigyan ang mga ito ng puwang sa kanilang puso. Kaya, tinatanggap ng ilang tao sa loob-loob nila ang gayong mahahalay na indibidwal. Dahil hindi mabuti ang mga taong mahalay, hindi ba’t nangangahulugan iyon na mahalay rin iyong mga kayang tumanggap ng ganoong mahalay na pag-uugali? (Oo.) Oo, mahalay rin sila. May ilang pagpapamalas na mas malala kaysa sa ganitong uri ng kahalayan—hindi lang bahagyang pagpapakitang-gilas, hindi lang pakikipagpalitan ng mga tingin o pagkakaroon ng kaunting paghaplos, kundi lumalagpas pa nga. Ang isipan ng mga taong ito ay tuluyan nang nilamon ng gayong mahahalay na bagay. Kung nangyayari ito kapag nakikipagrelasyon ang isang tao, isa itong normal na pagpapamalas. Pero kung hindi ito pinahihintulutan ng edad at mga aktuwal na sitwasyon ng isang tao, at buong-buo pa rin niyang iniisip ang gayong mga bagay kapag nakikita ang kasalungat na kasarian, kung gayon, ano ang diwa ng pagpapamalas na ito? Nangangahulugan ito na kapag kaharap ang kasalungat na kasarian, palagi siyang mayroong isang uri ng pagnanais at pananabik, o mayroon siyang layon sa isipan—hindi lang ito dahil gusto niyang matugunan ang isang sikolohikal na pangangailangan at iyon na iyon; sa halip, gusto niyang gumawa ng mga kongkretong aksiyon at magkaroon ng kongkretong pag-usad. Sa puso niya, palagi niyang hinahabol ang mga bagay na ito; bukod sa pag-iisip tungkol sa mahahalay na bagay sa isipan niya, pagdating sa kanyang pag-uugali, nagsisimula rin siyang maghangad na makipag-ugnayan sa mga angkop na miyembro ng kasalungat na kasarian para magpakasasa sa at maglabas ng kanilang seksuwal na pagnanais. Hindi ba’t mahahalay ang gayong mga tao? (Oo.) Kung ikukumpara sa dalawang naunang uri ng mahahalay na tao, hindi ba’t napakamapanganib at nakakatakot ang ganitong uri ng mahalay na tao? (Oo.) Ang gayong mahahalay na tao ay maaaring umaksiyon anumang oras—ipinapakita na nito na sila ay napakabuktot at sobrang mahalay. Tungkol naman sa mga antas na lampas pa rito, hindi na natin tatalakayin pa ang mga ito.
Kaya, sa tatlong uri ng kahalayan na ito, alin ang kaya ninyong tanggapin? Ibig sabihin, alin ang nagpaparamdam sa inyo na ang taong kumikilos nang ganoon ay normal lang, hindi isang malaking problema, at na isa siyang taong wala kayong gaanong nararamdam na pagkasuklam o paghamak at na medyo kaya ninyong tanggapin? Anong antas ng kahalayan ang kaya ninyong tanggapin? (Hindi namin kayang tanggapin ang anumang antas.) Bakit hindi ninyo kayang tanggapin ang anumang antas ng kahalayan? (Ang kalikasan ng huling uri ng kahalayan ay labis na ubod ng sama, at bagama’t ang unang uri ng kahalayan ay may kinalaman lamang sa pagpapakitang-gilas sa harap ng kasalungat na kasarian, nagsasanhi ito ng mga kaguluhan sa mga nakapaligid sa kanila.) Ang unang uri ng tao ay walang malinaw na pakiramdam ng kaibahan ng kasarian sa loob ng puso niya. Ang karamihan ng tao ay nagbibigay-pansin sa mga limitasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae kapag nakikisalamuha sa kasalungat na kasarian. Sa partikular, pagdating sa mga babaeng nakikisalamuha sa mga lalaki, dapat silang manatiling mapagpigil at magpanatili ng ilang limitasyon sa harap ng mga lalaki. Gayumpaman, nasisiyahan ang ilang babae sa pakikihalubilo sa kasalungat na kasarian at nasasabik sila kapag may nakikita silang isang taong nagugustuhan nila. Sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, nakakahanap sila ng dahilan para makipag-ugnayan. Ang sinumang sadyang naghahangad na makisalamuha sa kasalungat na kasarian ay may hindi normal na bagay sa puso niya. Bagama’t ang unang uri ng kahalayan ay hindi naglalaman ng kongkretong mahahalay na paraan ng pagkilos o humahantong sa anumang kongkretong pangyayari, at hindi rin ito kinapapalooban ng seksuwal na pag-atake, batay sa kanilang mga pagpapamalas, sa usapin ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, ang mga taong ito ay walang malinaw na mga hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae. Ibig sabihin, sa puso nila, wala silang malilinaw na hangganan at hindi nila nauunawaan na dapat mayroong pakiramdam ng kahihiyan ang mga normal na tao at hindi sila maging dahilan para maliitin sila ng iba. Kung ang isang tao ay nagpapakita ng mahahalay na pagpapamalas nang walang anumang nararamdaman tungkol dito, hindi siya normal na tao at kahit papaano ay wala siyang konsensiya at katwiran ng normal na mga tao. Lalaki man o babae ang isang tao, dapat niyang sundin ang mga hangganan sa pagitan ng mga kasarian, at dapat malinaw sa puso niya na hindi puwedeng lumagpas sa mga hangganang ito. Nilikha ng Diyos ang mga lalaki at babae nang may mga likas na pagkakaiba; hindi posibleng palabuin ang linya sa pagitan ng mga ito. Kung palaging walang malilinaw na hangganan sa pagitan ng mga lalaki at babae ang isang tao at palagi siyang nagpapakitang-gilas sa harap ng kasalungat na kasarian, hindi lang ito pangkalahatang kalaswaan o kawalan ng pagpipigil—kinapapalooban ito ng isang isyu ng pag-asal sa pagitan ng mga tao. Hindi mahalaga kung ang mga bagay na ginagawa niya ay kinapapalooban ng mga kongkretong problema o hindi, hangga’t may kinalaman ang mga pagpapamalas na ito sa mga isyu ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, ang mga ito ay hindi naaayon sa pakiramdam ng kahihiyan ng tao. Lalo na pagdating sa mga usapin sa pagitan ng mga lalaki at babae, kung ang isang tao ay hindi alam ang kahihiyan o walang pakiramdam ng kahihiyan, nasa malaking panganib siya. Kung kaya mong sadyang ipangalandakan ang iyong alindog sa harap ng kasalungat na kasarian at subukang akitin sila, ikaw ay malamang na malamang na umusad sa susunod na antas ng kahalayan. Maaaring magsimula ka sa pagpapakitang-gilas, pero madali iyong mauuwi sa paghawak-hawak, at mula sa paghawak-hawak, madali itong mauuwi sa isang mas kongkretong bagay, sa huli ay maaaring hindi mo na ito makontrol. Kita mo, anuman ang antas ng kahalayan, basta’t nasa loob ito ng saklaw ng kahalayan, may kinalaman ito sa problema ng pag-asal sa pagitan ng mga tao. Sa sandaling may kinalaman ito sa problema ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, walang kaibahan sa pagitan ng mga antas ng kalubhaan. Ito ay dahil ang gayong mga problema ay maaaring lumaki—simula sa pagpapakitang-gilas at kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan, madali itong humantong sa pisikal na pagdikit, pagkakaroon ng pagkagiliw, at pagkatapos ay pagiging kapwa hindi na mapaghihiwalay. Mula roon, maaari pa itong lumaki pa lalo, hindi na makontrol, nagiging masyado nang huli para magsisi. Sa sandaling maging realidad ito, mahirap na itong ihinto nang maayos. Kaya, anumang uri ng mga pagpapamalas ng kahalayan ang ipinapakita mo, hangga’t may kinalaman ito sa problema ng pag-asal sa pagitan ng mga tao, kung hindi mo pipigilan ang iyong sarili at wala kang pakiramdam ng kahihiyan—kung ikaw ay ganap na walang pakialam sa sinasabi ng iba tungkol sa inyo, kung paano ka sinusuri ng mga tao, o kung paano ka tinitingnan ng Diyos—kung gayon, nasa malaking panganib ka. Ano ang ibig sabihin ng pagiging nasa malaking panganib? Nangangahulugan ito na mula sa karaniwang mahahalay na kilos at mga pagpapamalas, napakadaling mabulok at gumawa ng mga balighong bagay na panghabambuhay mong pagsisisihan. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Samakatwid, kung hindi mo makilatis ang diwa ng problema ng kahalayan at nabibigo kang lutasin ito nang napapanahon, ikaw ay napakamapanggulo. Kung nagpapakita ka ng gayong mga pagpapamalas o nasisiyahan ka sa paghahangad ng mga gayong bagay, pinatutunayan nito na may malubhang problema sa pagkatao mo. Anong problema? Isang kawalan ng pakiramdam ng kahihiyan. Ang isyu ng pag-asal sa pagitan ng mga tao ay nauugnay sa pakiramdam ng kahihiyan ng isang tao. Kung wala kang pakiramdam ng kahihiyan, wala kang mga hangganan kapag ginagawa ang mga gayong bagay. Kahit ano ang maisip mo, kaya mong isagawa. Ang mga kaisipan at pagnanais mo ay hindi makokontrol ni malilimitahan. Hangga’t naaangkop ang kapaligiran, gagamitin ng mga kaisipan at pagnanais mo ang pagkakataon para isakatuparan ang sarili ng mga ito, unti-unting lolobo ang mga ito at aabot sa punto ng pagsabog. Ito ay hahantong sa mga kakila-kilabot na kahihinatnan.
Kung mayroong gayong mahahalay na tao sa paligid ninyo, na ang mga problema ng kahalayan ay hindi lang paminsan-minsang pagbitiw ng isang mapanuksong pananalita, at ang kahalayan ay hindi nakatuon lamang sa iilang partikular na indibidwal—sa halip, madalas silang kumikilos sa ganitong paraan, nang walang anumang pakiramdam ng kahihiyan, at nananatiling hindi nalulutas ang problema kahit na hinahamak, pinaaalalahanan, o binabalaan sila ng iba, nagpapatuloy pa rin silang maging mahalay at lalo pang lumalala ang kanilang kahalayan—at kung makatagpo kayo ng ganoong mga tao, dapat ninyo silang iwasan. Bakit ninyo sila dapat iwasan? Dahil walang kahihiyan ang mahahalay na tao. Mayroon bang anumang pagpipigil sa kanilang mga kilos ang mga taong walang kahihiyan? Kaya ba nilang pigilin ang sarili nila? (Hindi.) Hindi nila kayang pigilin ang sarili nila, kaya dapat mong iwasan ang gayong mga tao; gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para iwasang makihalubilo sa kanila. Kung dahil sa trabaho ay kinakailangan mong makipag-ugnayan sa kanila at hindi ito maiiwasan, panatilihin ito na mahigpit na usaping trabaho lamang, pero pinakamainam na may ilang iba pang tao na naroroon kapag nakikipag-ugnayan ka sa kanila. Huwag makipag-ugnayan sa kanila nang mag-isa ka lang, at huwag mo silang bigyan ng anumang pagkakataon na makapagsamantala. Gawin mo ang lahat ng iyong makakaya para maiwasang maging mag-isa kasama sila, para hindi ka mahulog sa tukso at hindi mabigyan si Satanas ng anumang pagkakataon na makapagsamantala. Anumang uri ito ng mahalay na pag-uugali, hangga’t natutukoy mo na ang gayong mga tao ay walang kahihiyan sa kanilang pag-asal sa pagitan ng mga tao, na kaya nilang makipaglandian sa sinumang miyembro ng kasalungat na kasarian, at na labis pa nga silang mahalay na kaya nilang magsabi ng malalaswang biro sa presensiya ng maraming miyembro ng kasalungat na kasarian, nagsasalita na para bang ganap na normal lang ito, nagsasanhi na ang mga nakakarinig ay mamula, mapahiya, at hindi makayanang pakinggan ito, samantalang sila mismo ay walang nararamdaman, walang kamalay-malay, at walang pakialam, kung gayon, ang ganoong mga tao ay dapat iwasan. Naiintindihan mo ba? (Oo.) Lalo na kapag, sa pakikisalamuha sa kanila nang mag-isa, pinapakitaan ka nila ng espesyal na pag-aalaga at atensiyon, at higit pa nga roon ay mapagparaya sila sa mga kapintasan at depekto mo, at pagkatapos ay madalas ang paghawak-hawak nila sa iyo, o ipinepresenta nila ang kanilang sarili sa panlabas bilang maginoo at pino, pero ang mga salita nila ay palaging may bahid ng kalaswaaan—napakamapanganib ng gayong mga tao, at dapat kayong maging mapagbantay laban sa kanila. Mayroon ding ilang tao na, para sa mga usaping malinaw na puwedeng pagbahaginan o ipagtanong sa isang tao na pareho ang kasarian, o para sa trabahong puwedeng mapangasiwaan kasama ang isang tao sa parehong kasarian, hindi ito ginagawa, kundi sa halip ay iginiit nila ang paghahanap ng isang tao sa kasalungat na kasarian. Alinmang miyembro ng kasalungat na kasarian ang nakakakuha ng kanilang atensiyon, palagi nila itong tinatanong, kinukulit, at nagpapasimula sila ng mga hindi kinakailangang pag-uusap, at gumagawa-gawa sila ng mga bagay para istorbohin ito, palaging tinatanong ang taong ito ng mga walang saysay na katanungan na hindi naman kailangang itanong at nagsisikap pa nga sila nang husto na lumikha ng mga pagkakataon para makasalamuha ang taong ito nang mag-isa. Ang layon nila ng paghahanap ng mga pagkakataon ay para matugunan nila ang sarili nilang mga pagnanais. Lalaki ka man o babae, ano ang dapat mong gawin kapag nakatagpo ka ng gayong mga tao? (Umiwas sa kanila.) Dapat kang mag-isip ng paraan para tanggihan sila; ipaliwanag mo sa kanila ang mga bagay-bagay nang napakalinaw. Huwag bastang lumayo sa kanila nang tahimik at isipin na sapat na iyon. Kung kinukulit ka nila paminsan-minsan lang, maaaring hindi mo matukoy kung umaasal sila nang hindi disente. Pero kung paulit-ulit ka nilang kinukulit, kailangan mo itong linawin sa kanila. Ano ang dapat mong sabihin? Maaari mong sabihin sa kanila: “Mahigit isa o dalawang beses mo na akong kinulit—ano ba talaga ang pakay mo? Maging malinaw ka nga! Mayroon ba talaga tayong ganoong uri ng ugnayan sa trabaho? Napakaraming taong puwede mong tanungin, pero iginigiit mong tanungin ako at lapitan ako—ganoon ba talaga tayo kalapit sa isa’t isa? Huwag mong gawin ito. Hindi ako interesado, at ayaw kong makihalubilo sa mga tao sa ganitong paraan. Pakiusap, huwag mo na akong istorbohin muli sa hinaharap. Wala akong anumang interes sa iyo. Kung patuloy mo akong guguluhin nang ganito sa hinaharap, hindi na ako magiging mabait!” Anong diskarte ang dapat gawin sa gayong mga tao? (Layuan sila at tanggihan sila.) Kung nananatiling hindi maitama ang gayong mga tao sa kabila ng paulit-ulit na paalala, paano sila dapat harapin? Dapat silang harapin ayon sa mga pang-administratibong regulasyon ng iglesia, sa pamamagitan ng pagbubukod o pagpapaalis sa kanila. Ang ilang indibidwal ay mapagpalugod ng tao, na hindi nangangahas na salungatin ang iba at sa loob-loob ay natatakot sa ganitong uri ng mahalay na tao. Problema ito. Maaari lang silang maging laruan ng mga ito. Ang gayong mahahalay na tao ay dapat tratuhin nang napakaseryoso. Dapat maging mas malamig ang pakikitungo mo sa kanila, pero hindi kailangan na magalit—magsalita ka lang nang kalmado: “Huwag na tayong maglaro ng mga pambatang laro na ito. Nakikita ko nang malinaw kung ano ang pakay mo. Hindi uubra ang pakikipaglaro sa akin nang ganito. Hindi kita gusto, kaya pakiusap, huwag mo na akong guluhin pa ulit! Kung paulit-ulit mo akong kukulitin, marami akong paraan para pakitunguhan ka!” Hindi ba’t pagtanggi ito sa kanila? (Oo.) Magagawa ba ninyong tanggihan sila sa ganitong paraan? (Matapos marinig ang mga salita ng Diyos, oo. Bago magsalita ang Diyos, hindi kami maglalakas-loob na tanggihan sila nang ganito.) Siyempre, halimbawa lang ito. Ang gayong mga sitwasyon ay hindi lang limitado sa mga kababaihang ginugulo ng mga kalalakihan; kasama rin dito ang mga kalalakihang ginugulo ng mga kababaihan. Sa madaling salita, lalaki ka man o babae na ginugulo, kung malinaw mong nakikita na ang gayong mahahalay na tao ay talaga ngang hindi nakikipag-ugnayan nang normal sa mga pakikisalamuha, taos-pusong mga pag-uusap, o hindi kumokonsulta sa iyo, puwede mo silang tanggihan. Kapag nakikisalamuha sa gayong mga tao, napakadaling maramdaman ang kanilang intensyon, at dapat kang maging mapagbantay. Dapat mong sabihin sa kanila: “Hindi tayo pamilyar sa isa’t isa, kaya mas mabuting huwag mo akong guluhin!” Kung paulit-ulit ka nilang ginugulo at masyado ka pa ring nahihiya na tanggihan sila, nag-aalala na baka masaktan mo ang damdamin nila, at iniisip na bilang mga kapatid ay dapat kang maging mapagparaya sa kanila, dapat mong maunawaan ang mga kahihinatnan na maaaring idulot ng gayong pagpaparaya. Kung gusto mo sila at handa kang makipaghalubilo sa kanila, kalayaan mo iyan. Siyempre, hindi ba’t kahangalan ang makisimpatiya o ang magkagusto pa nga sa isang mahalay na tao? Kung kaya nilang umasal nang mahalay sa iyo, kaya rin nilang gawin iyon sa iba. Ang pakikihalubilo sa gayong mga tao ay parang paghuhukay ng sarili mong libingan—pagtawag sa kamatayan. Samakatwid, sa gayong mga tao, dapat mo silang direktang tanggihan; linawin mo sa kanila ang mga bagay-bagay, at sabihin mo sa kanila na panatilihin ang kanilang distansya. Hindi ba’t napakasimple niyon? (Oo.) Ang tunay na mahahalay na tao ay tumutukoy sa mga taong walang kahihiyan sa kanilang pagkatao. Siyempre, lalaki man o babae, maaaring magpakita ng kaunting abnormal na mga pagpapamalas ang mga tao kapag nakakaharap ang kasalungat na kasarian. Basta’t hindi ito nakagawian, hindi humahantong sa mga kilos o kahihinatnan, at kaya itong itama ng isang tao kapag nararamdaman niyang hindi ito tama pagkatapos ng ilang panahon, hindi ito maikakategorya bilang kahalayan. Itong mga medyo abnormal na pagpapamalas ay hindi dapat gawing pangkalahatan. Ang pagiging mahalay ay isang pagpapamalas ng kawalan ng kahihiyan sa loob ng pagkatao ng isang tao. Ang pangunahing pagpapamalas ng gayong mga tao ay na wala silang kahihiyan sa kanilang pag-asal sa pagitan ng mga tao—sila ay walang preno, walang pagpipigil, at lalong walang pakundangan. Ito ay ikinakategorya bilang ang pagpapamalas ng kahalayan sa loob ng pagkatao ng isang tao. Ngayon, alam mo na ba kung paano pakitunguhan at pangasiwaan ang gayong mga tao? (Oo.) Iyan na lahat para sa ating talakayan tungkol sa paksa ng kahalayan.
Pag-usapan natin ang tungkol sa isa pang pagpapamalas: ang pagkamaitim ng budhi. Anong uri ng problema ito? (Ito ay problema ng ubod ng samang karakter.) Ang pagkamatitim ng budhi ay nabibilang sa ubod ng samang karakter at ikinakategorya sa ilalim ng pagkatao. Medyo katulad ba ng kabastusan ang pagkamaitim ng budhi? (Oo.) Isa rin itong pagpapamalas ng ubod ng samang karakter. Ang pagkamaitim ng budhi ay nangangahulugan ng pagkilos nang hindi sumusunod sa mga panuntunan, sa palihim na paraan, hindi lamang paggawa ng mga bagay nang walang mga prinsipyo o limitasyon ng konsensiya at moralidad, kundi paggawa rin ng mga bagay sa paraan na labis na kasuklam-suklam at mababa. Ano ang mga pagpapamalas ng pagkamaitim ng budhi? Halimbawa, may isang taong maitim ang budhi na nakakakita ng isang tao na bumili ng magandang kotse na siya mismo ay hindi kayang bilhin. Habang dumadaan, sa panlabas ay binabati niya ang taong ito, sinasabing, “Ang ganda ng kotse! Ang yaman mo siguro!” Kaaya-ayang pakinggan ang mga salita niya, pero sa sandaling maglakad palayo ang may-ari ng sasakyan, duduraan niya ang kotse—pwe! Hindi ba’t ito ay pagiging maitim ang budhi? (Oo.) Anong klase ng pag-uugali ang pagdura? (Pagiging maitim ang budhi.) Ito ay tinatawag na pagiging matitim ang budhi. Ang pagkamaitim ng budhi ay pagiging sobrang kasuklam-suklam, marumi, at aba—ito ay pagkilos nang kahiya-hiya, na nagdudulot para kutyain at hamakin ka ng iba, ipinaparamdam sa iba na mababa ang karakter mo at na nakakasira ka ng puri. Halimbawa, nakikita ng ilang tao na may magandang aso ang kapitbahay nila at naiinggit sila sa loob-loob: “May napakagandang aso ang pamilya nila. Bakit hindi ko binili ang asong iyon?” Kaya, gumagawa sila ng paraan para patayin ang aso, at pagkatapos niyon, tuwang-tuwa sila. Pag-uwi nila, nagdiriwang sila, nagbubukas ng champagne at nagkakaroon ng handaan, pakiramdam nila ay iyon ang pinakamasayang araw nila. Sabihin mo sa Akin, kakila-kilabot ba ang taong ito o hindi? (Kakila-kilabot.) Ito ay pagiging maitim ang budhi. Basta’t may magandang nangyayari sa iba at masaya ang mga ito, ang taong maitim ang budhi ay hindi natutuwa at nag-iisip siya ng mga paraan para sirain ang mga bagay-bagay na nagpapasaya sa iba. Kapag nakikita niya ang iba na nahaharap sa sakuna, natutuwa siya sa kasawian ng mga ito. Napakaitim ng budhi ng gayong mga tao.
Ang mga kaisipan ng mga taong maitim ang budhi ay napakanegatibo. Paanong negatibo ang mga ito? Halimbawa, kapag binigyan mo ang isang tao ng isang bagay, sa mga normal na sitwasyon, dapat siyang makaramdam ng pagpapasalamat, sinasabing, “Napakaganda nito. Dati ay talagang gusto mo ito, pero ngayon, hindi mo na ito kailangan. Hindi mo ito ibinigay sa iba, kundi sa akin mo ito ibinigay kaagad—talagang magkaibigan tayo!” Ang sinumang may konsensiya at katwiran ay mag-iisip nang ganito; positibo nilang aarukin ang ganitong usapin. Pero ang pag-iisip ng mga taong maitim ang budhi ay baluktot. Sasabihin nila sa sarili nila: “Ibinigay mo lang sa akin ito dahil hindi mo na ito kailangan. Kung kailangan mo pa ito, ibibigay mo kaya ito sa akin? Itinatago mo ang magagandang bagay para sa sarili mo at ibinibigay mo sa akin ang mga pangit—sino ba ang may gustong niyon! Isinasawalang-bahala mo ba ako na parang isang pulubi? Akala mo ba hindi ko alam kung ano ang maganda? Ibinigay mo lang sa akin ito dahil hindi mo na ito kailangan, at inaasahan mo pa rin na maging magpasalamat ako. Hangal ba ang tingin mo sa akin?” Kita mo, sa isang napakasimpleng usapin, nag-iisip sila sa isang kasuklam-suklam, marumi, at abang paraan. Ang pagbibigay sa kanila ng isang bagay ay nauuwi pa sa pagkakaroon mo ng problema. Bakit nagdudulot ito sa iyo ng problema? Dahil ang taong binigyan mo ay isang taong maitim ang budhi—isang tao na may mga kasuklam-suklam, marumi, at mababang kaisipan. Negatibo siyang mag-isip tungkol sa kahit sino. Kapag tinitingnan niya ang iba, hindi niya tinitingnan ang mga ito tao batay sa mga prinsipyo, ni batay sa karakter o mga prinsipyo ng pag-asal ng taong iyon na matagal na niyang alam mula sa maraming taon ng paggugol ng oras kasama ito. Sa halip, tinitingnan niya ang iba batay sa kanyang sariling mga sukdulan, mapagmatigas na mga kaisipan at pananaw. Ang gayong mga tao ay napakaitim ng budhi. Kung hindi ka makikihalubilo sa kanila o bibigyan sila ng anumang bagay, nananatiling payapa ang mga bagay-bagay. Pero kung talagang makikihalubilo ka sa kanila at tutulungan sila, madalas kang mahuhusgahan at mapupuna nila sa huli. Kapag nakikita ka nilang gumagamit ng isang magandang bagay, palagi nilang gusto ang bagay na iyon. Kung hindi mo ito ibibigay sa kanila, iisipin nila na kuripot at maramot ka. Ang gayong mga tao ay napakamapanggulo, at napakahirap nilang pakisamahan. Maaaring hindi nila ito sabihin nang tuwiran, pero sa kaibuturan, nang palihim, palagi silang nakikipagkompetensiya sa iyo, bumubuo ng mga hindi kanais-nais na kaisipan tungkol sa iyo sa puso nila. Sa simpleng pananalita, ang gayong mga tao ay mayroong masagwang puso at masagwang mga kaisipan. Sa palagay Ko, ang salitang “masagwa” ay akma para ilarawan ang mga kaisipan at ang puso ng isang tao bilang marumi—ibig sabihin, hindi sila malinis, hindi positibo, at hindi mabait. Kahit gaano pa kapositibo ang isang bagay, kapag pinag-uusapan nila ito, nagiging negatibong bagay ito. Kahit gaano pa karaming mabubuting bagay ang gawin mo para sa kanila, hindi lamang nila ito hindi pinahahalagahan, kundi minamaliit at pinaparatangan ka pa nila, sinasabing mayroon kang masasamang intensiyon. Kung bibigyan mo sila ng kaunting pakinabang, pagninilayan nila kung sinusubukan mo ba silang samantalahin. Kung maligamgam ang pakikitungo mo sa kanila, iisipin nila na dahil mayaman at makapangyarihan ka, minamaliit mo ang mahihirap. Mararamdaman nila na wala kang magandang pakikitungo sa kapwa, hindi marunong makisama sa mga tao, at hindi mo kayang isaalang-alang ang mga damdamin ng iba. Kung didistansiya ka sa kanila, hindi rin iyon uubra—mayroon pa rin silang masasabi tungkol dito. Ang gayong mga tao ay napakamapanggulo. Paano mo man sila pakisamahan, hinding-hindi mo sila mapapalugod. Hindi mo alam kung ano ang iisipin nila, at hindi mo alam kung anong mga problema ang lilitaw mula sa mga bagay na ginagawa mo nang may mabubuting intensiyon. Kaya, iisa lamang ang paraan para pakitunguhan ang gayong mga tao—umiwas at huwag makipag-ugnayan sa kanila. Kapag nakikipagkaibigan, huwag pumili ng gayong mga tao, dahil napakaitim ng kanilang budhi; ang pakikihalubilo sa kanila ay magdudulot sa iyo ng malaking gulo at matinding pagkabagabag, at ang lahat ng pagkabagabag at gulong ito ay lubos na hindi kinakailangan. Mayroon bang pagkamakatwiran ang mga taong maitim ang budhi? (Wala.) Ano ang kahulugan ng sabihin na wala silang pagkamakatwiran? (Wala silang konsensiya o katwiran, at walang mga moral na limitasyon.) Ano ang mga detalye nito? (Hindi nila taglay ang pag-iisip ng mga normal na tao.) Ang hindi pagkakaroon ng pag-iisip ng mga normal na tao ay isang aspekto. Sabihin mo sa Akin, mayroon bang anumang kahihiyan ang gayong mga tao? (Wala.) Wala silang kahihiyan, walang pag-iisip ng normal na pagkatao, at nagsasalita lang sila ng baluktot at walang-katotohanang pangangatwiran. Nakatutok sa pagprotekta sa kanilang sariling mga interes ang kanilang pangangatwiran—lahat ng ito ay baluktot na pangangatwiran. Kung bibigyan mo sila ng isang bagay, sasabihin nilang minamaliit mo sila at binibigyan mo lamang sila ng mga bagay na hindi mo kailangan. Kung hindi mo sila bibigyan ng kahit ano, sasabihin nila na masyado kang maramot. Hindi ba’t baluktot na pangangatwiran ang mga gayong salita? (Oo.) Sadyang hindi nila maarok nang wasto ang mga bagay-bagay at palagi silang nag-iisip sa napakanegatibong paraan—ito ay baluktot na pangangatwiran. Madalas sinasabi ng mga walang pananampalataya na dapat umasal nang makatwiran ang mga tao—kung hindi makatwiran ang isang tao at puro baluktot na pangangatwiran ang sinasalita niya, hindi siya mabuti. Kung may isang tao na nagbibigay sa iyo ng isang bagay, ibig sabihin nito ay may kaunti siyang pagpapahalaga sa iyo; kung hindi niya ito ibibigay sa iyo, matuwid din iyon—maaari niyang ibigay sa kahit sinong gusto niya ang mga pag-aari niya. Kung naghahanap ka pa rin ng kapintasan kapag ibinibigay niya ito sa iyo pero tinatawag mo naman siyang maramot kapag hindi niya ibinibigay, hindi ba’t pagiging wala sa katwiran ito? Hindi ba’t maitim ang budhi ng mga taong nakikibahagi sa ganitong baluktot na pangangatwiran? (Oo.) Lubhang maitim ang budhi nila! Ang mga taong maitim ang budhi ay walang katwiran, kaya hindi sila tinatablan ng anumang pangangatwiran. Ang pagkilos ayon sa konsensiya at katwiran, o batay sa mga katotohanang prinsipyo, ay sadyang walang katuturan para sa kanila. Medyo katulad ng kabastusan ang pagkamaitim ng budhi, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, may ilang tao na gumagastos ng pera para bumili ng isang bagay at palaging nararamdaman na hindi sulit ang presyo, na para bang nalugi sila. Pagkatapos, nagninilay sila, “Sinamantala mo ako, kaya kailangan kong humanap ng paraan para malugi ka—saka ko pa lang mararamdaman sa loob ko ang pagkabalanse.” Ang mga taong gaya nito na kasuklam-suklam at maitim ang budhi ay palaging nagninilay-nilay kung paano pagsamantalahan ang iba. Kung pakiramdam nila ay nalugi sila, ginagawa nilang mahirap ang mga bagay-bagay para sa iba; palagi nilang gustong tiyakin na hindi sila nalulugi, at saka lamang sila nasisiyahan. Kung sinasamantala nila ang ibang tao, nagdiriwang sila at napakasaya nila na nagigising sila nang natatawa mula sa kanilang mga panaginip. Ang halaga ng pera na ginagastos mo para sa isang bagay ay sarili mong pasya—walang pumilit sa iyo na ibigay sa kanila ang pera mo. Dahil kusang-loob mong binili ito, bakit masama pa rin ang loob mo at sinusubukan mo pa ring samantalahin ang iba at umiwas sa pagkalugi? Hindi ba’t napakaitim ng budhi ng gayong mga tao? (Oo.) Kapag pumupunta sila sa supermarket para mag-grocery at pakiramdam nila ay masyadong mahal ang mga ito, para hindi sila malugi, kumukuha sila ng ilang ekstrang plastic bag. Kung nangyayari ito sa panahon ng Bagong Taon o holiday at namimigay ng mga kalendaryo ang supermarket, kailangan nilang kumuha ng ilan pa, at saka lamang sila nasisiyahan. Kapag sinasamantala nila ang iba, natutuwa sila at naglilibot pa nga habang ipinapangalandakan kung gaano sila kahusay at kagaling. Sabihin mo sa Akin, anong uri ng mentalidad ang taglay ng gayong mga tao? Kahit ano pa ito, palagi nilang sinusukat ang mga bagay-bagay batay sa kung puwede silang makapagsamantala at makaiwas sa pagkalugi. Ang ganitong uri ng kaisipan at pananaw pa lang ay napakamaitim ng budhi at kasuklam-suklam. Siyempre, mayroon ding mapanupil na parte rito, pati na ng isang masamang parte. Ang gayong mga tao ay mahirap pakitunguhan at mabusisi. Maraming depekto ng pagkatao ang ipinapakita ng gayong mga tao—ang kanilang mga paraan ng pag-iisip, mula sa perspektiba ng pagkatao, ay hindi umaayon sa sentido kumon o sa anumang mga panuntunan ng pag-uugali kahit kaunti, at mas mababa sa batayang pamantayang moral ng normal na pagkatao; siyempre, hindi rin umaayon ang mga ito sa konsensiya at katwiran ng pagkatao. Ang mga ito ay napakabaluktot, napakababa, at napakamapanupil. Hindi ba’t madalas makita ang mga gayong tao sa gitna ng mga grupo ng mga tao? (Oo.) Ang mga taong maitim ang budhi ay may ubod ng samang karakter at napakahirap pakitunguhan. Hangga’t may isang bagay na may kinalaman sa kanilang mga interes, nauukol man ito sa mga mateyal na interes o sa kanilang pride at katayuan, mabubunyag ang kanilang pag-asal sa aspektong ito; partikular itong makikita nang malinaw. Magsisimula silang magsalita ng baluktot at walang-katotohanang pangangatwiran, nagiging ganap na hindi tinatablan ng katwiran. Sige na, iyan na lahat para sa ating talakayan tungkol sa mga taong maitim ang budhi.
Ang isa pang pagpapamalas ay pagiging makasarili. Mabuti ba ang pagiging makasarili? (Hindi.) Kung gayon, una, sabihin mo sa Akin, likas ba ang pagiging makasarili? (Hindi.) Hindi likas ang pagiging makasarili, kaya anong uri ng problema ito? (Isang depekto ng pagkatao.) (Sa palagay ko, isa itong problema ng karakter.) Dapat ikategorya ang pagiging makasarili batay sa sitwasyon. Ang ilang halimbawa ng pagiging makasarili ay pagpapamalas ng instinto ng tao; ang mga ito ay isang uri ng instinto ng tao, isang karapatang nararapat taglayin ng mga tao, isang karapatan para protektahan ang sariling mga interes. Kung isa itong pagpapamalas ng instinto ng tao, kung gayon, isa itong bagay na dapat taglayin ng mga tao. Ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay pagpapamalas ng pagprotekta sa sariling mga karapatang pantao at pagprotekta sa mga legal na karapatan at mga interes. Ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay makatarungan; hindi ito isang depekto ng pagkatao. Gayumpaman, may isa pang uri ng pagpapamalas na mas seryoso kaysa sa ganitong uri ng pagiging makasarili—kabilang dito ang pamiminsala sa mga interes ng iba, at isa itong depekto ng pagkatao; ito ay umabot na sa antas ng problema ng karakter. Dapat makilatis ang mga isyung ito: kung aling mga pagpapamalas ng pagiging makasarili ang makatarungan, aling mga pagpapamalas ng pagiging makasarili ang isang depekto ng pagkatao, at aling mga pagpapamalas ng pagiging makasarili ang kinapapalooban ng isang problema ng karakter. Kung malinaw na makikita ang mga isyung ito, malalaman ng isang tao kung paano magsagawa ayon sa mga prinsipyo. Halimbawa, nais ng mga tao na alagaan nang mabuti ang sarili nilang buhay, ganap na tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon, at pamahalaan nang maayos ang sarili nila nang hindi inaalala ang iba, pinamamahalaan lang nang maayos ang sarili nila habang hindi nilalabag ang mga interes ng iba—mula sa perspektiba ng pagkatao, isa rin itong uri ng pagiging makasarili, hindi ba? Gayumpaman, mula sa isa pang perspektiba, isa rin itong reaksiyon ng instinto na taglay ng mga tao. Siyempre, isa rin itong likas na karapatan na ibinigay ng Diyos sa mga tao—ibig sabihin, may karapatan kang alagaan muna ang iyong sarili nang hindi inaalala ang iba. Sa pagpapanatili ng sariling buhay mo bilang tao, pinapanatili mo ang sarili mong patuloy na pag-iral. Ito ay makatarungan. Siyempre, mula sa perspektiba ng pagkatao, ang pagmamalasakit lamang sa sarili at hindi pag-aalala sa iba ay isa ring pagpapamalas ng pagiging makasarili. Gayumpaman, ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay isang normal na pagpapamalas ng pagkatao at makatarungan. Bagama’t mula sa perspektiba ng tao, nakikita ito bilang isang depekto ng pagkatao, sa katunayan, hindi ito isang depekto ng pagkatao. Ang pagmamalasakit lamang sa sarili mo—ang makakain nang maayos at at makapagdamit para hindi ginawin, paggawa nang maayos sa iyong gawain, pagtupad sa iyong mga obligasyon, at iyon na lahat—nang hindi magawang alagaan ang iba o hindi gustong alagaan ang iba, ay isang karapatang mayroon ka, at isa rin itong instinto na ibinigay sa iyo ng Diyos. Mula sa perspektiba ng mga likas na kondisyon, kung ang isang tao ay hindi man lang marunong mag-alaga sa kanyang sarili, kung wala siya ng ganitong likas na instinto, kung gayon, hindi niya natutugunan ang pamantayan ng pagiging isang nasa hustong gulang. Ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay isang instintibong reaksiyon na taglay ng mga tao. Bagama’t sarili lamang nila ang kanilang pinagmamalasakitan, sariling mga karapatan at interes lamang ang pinoprotektahan, sariling mga pangunahing pangangailangan sa pamumuhay lamang ang inaasikaso, pati na ang mga usapin na sakop lamang ng kanilang sariling buhay at gawain, gayumpaman, hangga’t hindi nila nilalabag ang mga interes ng iba, ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay hindi kinokondena. Ang uri ng pagiging makasarili na tunay na umaabot sa antas ng ubod ng samang karakter, lampas sa pagmamalasakit lamang sa sarili, ay kinapapalooban din ng panghihimasok o pamiminsala sa mga interes at karapatan ng iba, nilalabag ang mga karapatang pantao ng iba. Ito ay tunay na pagiging makasarili, at isa itong problema ng ubod ng samang karakter. Para maprotektahan ang iyong sariling interes, reputasyon, katayuan, at pride, kung walang nakakapigil sa iyo para agawin o sapilitang kunin ang mga interes ng iba—inaangkin mo ang mga interes ng iba, isinasaalang-alang lamang ang iyong sarili at hindi ang iba, iniiwan pa ngang walang paraan ang iba para patuloy na umiral—ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay nagpapahiwatig ng ubod ng samang karakter. Halimbawa, sa gabi, kapag natutulog ang lahat, nasasabik ka at hindi ka makatulog, kaya gusto mong kumanta. Habang nadadala ka na sa kanta, nagsisimula kang kumanta nang malakas, nagpapatugtog pa nga ng musika at sumasayaw habang kumakanta. Gumanda ang iyong lagay ng loob, at masaya ang pakiramdam mo, pero nagigising mo ang lahat, at kaya hindi sila makatulog. Ano ang tawag dito? (Pagiging makasarili.) Ang ganitong uri ng pag-uugali ay tinatawag na pagiging makasarili. Nagpapahiwatig ba ang pag-uugaling ito ng ubod ng samang karakter? (Oo.) Bakit nagpapahiwatig ng ubod ng samang karakter ang ganitong pag-uugali? (Dahil hindi nito isinasaalang-alang ang iba, at naaapektuhan nito ang pahinga ng iba.) Para mapasaya ang sarili mo, hindi ka nag-aatubiling isakripisyo ang oras ng pahinga at tulog ng iba, pinipilit ang lahat na samahan ka sa iyong pagkanta at pagsasaya. Para makamit ang sarili mong mga layon at maprotektahan ang sarili mong mga interes, nilalabag mo ang mga interes at karapatan ng iba. Ibig sabihin, ang kondisyon para maprotektahan ang sarili mong mga interes ay ang pagsasakripisyo ng mga interes at karapatan ng iba. Ang ganitong uri ng pagpapamalas ay tinatawag na pagiging makasarili. Ang dahilan kung bakit ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay nagpapahiwatig ng kasuklam-suklam, ubod ng samang karakter ay dahil ang ganitong uri ng pag-uugali ay nakakapinsala sa mga interes ng iba. Gumagamit ka ng mga di-wastong pamamaraan para maprotektahan sarili mong mga interes habang pinipinsala at sinisira ang mga interes ng iba—ito ay tinatawag na pagiging makasarili. Halimbawa, kapag sabay-sabay na kumakain ang lahat, ang ilang tao ay iniisip lamang kung makakakuha ba sila ng karne, at kinakain pa nga nila ang mga nakalaang karne para sa iba. Makasarili ba ang mga taong kumakain ng mas maraming karne? (Oo.) Hindi sila wasto sa paraan nila ng pag-asal, isinasaalang-alang lamang ang kanilang sarili at binabalewala ang iba—ito ay tinatawag na pagiging makasarili. Bakit tinatawag na pagiging makasarili ang sitwasyong ito? Bakit itinuturing ito na ubod ng samang karakter? Dahil, upang maprotektahan ang sarili nilang mga interes, pinanghihimasukan nila ang mga interes ng iba, inaagaw ang mga pag-aari ng iba at kinukuha ang mga ito bilang sarili nilang pag-aari. Ito ay tinatawag na pagiging makasarili, at ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay nagpapahiwatig ng kasuklam-suklam na pagkatao at ubod ng samang karakter. Kaya, kung pinoprotektahan mo ang sarili mong mga karapatan at interes sa pamamagitan ng panghihimasok at pamiminsala sa mga interes ng iba, kung gayon, isa kang makasariling tao, isang tao na may ubod ng samang karakter. Maaari ding sabihin na isa kang tao na may masamang pagkatao. Gayumpaman, kung hindi mo napinsala ang mga interes ng iba, hindi mo nawasak o nasaira ang mga ugnayan ng iba, at pinagmalasakitan mo lang ang sarili mo nang hindi nag-aalala tungkol sa iba, kung gayon, ang ganitong uri ng pagiging makasarili ay medyo mapangangatwiranan pa rin. Sa pinakamainam, masasabi na hindi ka masyadong mabait, at na makitid ang isip mo at sarili mo lang ang iniisip mo, pero hindi ka isang masamang tao; hindi ito umaabot sa antas ng ubod ng samang karakter. May pagkakaiba ba sa kalikasan ng dalawang uring ito ng pagiging makasarili? (Oo.) Sa pamamagitan ng pagkilatis sa karakter ng mga tao batay sa antas ng kanilang pagiging makasarili at sa diwa ng kung paano sila kumikilos, makikita na magkaiba ang karakter sa loob ng mga tao—mayroong mga kaibahan.
Hindi kailanman inaalala ng ilang tao ang usapin ng ibang mga tao at tumutuon lamang sila sa sarili nilang mga usapin. Ang gayong mga tao ay maaaring mukhang hindi gaanong mapagmalasakit, hindi masyadong palakaibigan, at hindi gaanong mainit ang pakikisalamuha nila sa iba. Gayumpaman, hindi sila kailanman nagdudulot ng mga kaguluhan, hindi kailanman nag-iimbento ng mga kasinungalingan o tsismis tungkol sa iba, at hindi kailanman nanghihimasok o nang-aagaw ng mga pag-aari ng iba. Siyempre, hindi nila kailanman ibinibigay ang sarili nilang mga pag-aari sa iba. Maaaring magmukha silang napakakuripot at napakamadamot, pero hindi nila kailanman pinipinsala ang mga interes ng iba, at napakamaprinsipyo nila sa kanilang paraan ng pag-asal. Ang gayong mga tao ay may pamantayan, ito ay: “Hindi kita ginagamit para sa sariling pakinabang, at hindi mo dapat isipin na gamitin ako para sa sarili mong pakinabang. Hindi kita kailanman sinasamantala, at hindi mo dapat isipin na samantalahin ako.” Napakamaprinsipyo nila. Bagama’t ang gayong mga tao ay walang pakialam sa iba, hindi masigasig na tumulong sa iba, hindi nakikisalamuha sa iba, at hindi nagpapakita nang labis na pagiging palakaibigan o kasigasigan, hindi nila kailanman pinipinsala ang iba. Kahit pa marami silang gamit, hindi nila ito ibinibigay sa iba. Kapag nakikita nila ang iba na may magagandang bagay, maaaring nakararamdam sila ng inggit o selos minsan, pero wala silang intensiyon na sakim na kuhain ang mga iyon; hindi rin sila lihim na nagsasamantala sa iba, ni hindi sila nanghihimasok sa mga interes ng iba para sa sariling kapakinabangan. Batay sa mga puntong nabanggit sa itaas, hindi sila masamang tao. Kaya, ibig bang sabihin nito na mabuti ang pagkatao nila? Kung mabuti ba o hindi ang pagkatao nila ay nakadepende sa kanilang konsensiya at katwiran, sa kanilang saloobin sa pagtanggap sa katotohanan, at sa kanilang saloobin sa mga positibong bagay—ito ay hiwalay na usapin. Pero kahit papaano, batay sa saloobin at paraang ginagamit nila ng pakikisama nila sa iba, hindi sila mapaminsala sa iba. Sa panlabas, tila napakamakasarili nila, pinagmamalasakitan lamang ang kanilang sarili, namumuhay sa sarili nilang munting mundo, at hindi inaalala ang mga usapin ng iba. Gayumpaman, hindi nila kailanman pinipinsala ang mga interes ng iba, kaya ang kanilang pagkatao ay maituturing na katanggap-tanggap. Ibig sabihin, kapag nakikisalamuha ka sa kanila o mayroon kang materyal o panlipunang mga pakikipagpalitan sa kanila, kahit papaano, hindi nila pipinsalain ang mga interes mo. Kung hihingan mo sila ng payo o ng ilang ideya, tutulungan ka nila, pero kung hindi ka hihingi, hindi sila magkukusang mag-abot ng tulong. Batay sa pagpapamalas na ito, ang gayong mga tao ay maaaring mukhang mailap, pero batay sa katunayan na hindi nila kailanman sinasamantala ang iba o pinipinsala ang mga interes ng iba, mayroon pa rin silang pagkatao at sila ay medyo disente. Tumpak at obhetibo ba ang ganitong pagtingin dito? (Oo.) Samakatwid, hindi lahat ng makasariling tao ay masasamang tao o mga taong may mababang karakter. Dapat mo ring tingnan kung ang pagiging makasarili nila ay umabot na ba sa punto ng pamiminsala sa mga interes ng iba o pang-aagaw sa mga pag-aari ng iba, pati na kung ano ang mga prinsipyo nila sa pag-asal at pakikitungo sa mundo, ano ang diwa ng kanilang karakter, at kung mayroon ba silang mga limitasyon at prinsipyo sa pag-asal. Ang ilang tao, sa panlabas, ay tila napakamapagbigay at mapagmalasakit sa kanilang pakikisama sa iba. Nagbibigay din sila sa iba, tumutulong sa iba, at gumagawa ng mga bagay-bagay para sa iba. Kung kailangan mo ng tulong sa isang bagay, hangga’ t nakikita nila iyon, nag-aabot sila ng tulong nang hindi mo na kailangan pang manghingi. Batay sa mga pagpapamalas na ito, mukhang napakabait nila. Gayumpaman, kung sasalungatin mo sila o hindi sinasadyang gumawa ka ng isang bagay na nakakapinsala sa kanilang mga interes, tumatanggi silang palampasin ito, nagkikimkim sila ng sama ng loob, inuungkat ang mga dating kamalian, at hindi nagpapahinga hanggang sa madurog ka nila. Ang mga ito ay masasamang tao—mas masahol sa pagkatao kaysa sa iyong mga taong mukhang makasarili sa panlabas. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Sa gitna ng mga tao, alin sa dalawang uring ito ang mas karaniwan? Aling uri ang pinapaboran ninyo? Hindi gusto ng karamihan ng tao ang mga taong walang pakialam at makasarili. Ang ilang tao, kapag nakikita ka nilang nahihirapan, ay magkukusang-loob na tumulong. Kahit hindi ka magpatulong, titingnan pa rin nila kung kailangan mo ng tulong. Kung kailangan mo, tutulungan ka nila. Ang gayong mga tao ay may pagmamahal sa iba at may inklinasyon na magbigay at tumulong sa iba. Ang iba naman, kapag nakikita nilang nahihirapan ka, ay hindi magkukusang tumulong, pero basta’t magsasalita ka at hihingi ng tulong sa kanila, tutulong pa rin sila. Bagama’t medyo pasibo ang mga gayong tao, hindi pa rin sila masama at maituturing sila na mabubuting tao. May isa pang uri ng tao—kahit gaano pa kalaki ang paghihirap na kinakaharap mo, hindi siya tutulong. Kahit na humingi ka ng tulong sa kanya, hahanap siya ng mga dahilan at katwiran para tumanggi. Ang ganitong uri ng tao ang pinakamakasarili. Madalas sinasabi ng ilang tao sa panlabas na, “Kung kailangan mo ng anumang tulong, sabihin mo lang.” Kapag walang nangyayari, tila napakamapagmalasakit, maagap, at positibo nila. Pero kapag talagang humingi ka na ng tulong sa kanila para sa isang bagay, pagkatapos nilang tumulong, nagsisimula silang magparinig tungkol sa kabayaran para sa ginawa nila, sinasabi ang mga bagay tulad ng, “Gumastos ako nang ganito kalaking pera sa pagbibigay ng mga regalo sa amo ko para sa bagay na iyon.” Kita mo, sa panlabas ay mukhang silang mapagmalasakit, nag-aalok na magbigay ng mga serbisyo at gumawa ng mga bagay para sa iyo nang walang anumang hinihinging kapalit. Pero pagkatapos nilang tumulong, hinding-hindi mo ganap na masusuklian ang personal na pabor. Kaylihim na mapanira ng gayong mga tao! Dapat ka bang makihalubilo sa mga gayong tao? (Hindi.) Sadyang hindi Ako nakikihalubilo sa gayong mga tao. Matamis silang magsalita, nagpapakita ng labis na pagmamalasakit at pagsasaalang-alang. Nagsasabi sila ng mga kaaya-ayang bagay sa harapan mo, pero gumagawa naman ng masasamang bagay sa iyong likuran. Wala silang anumang prinsipyo sa kanilang ginagawa; sila ay mga nakangiting tigre lamang, nagkukubli ng mga punyal sa likod ng kanilang mga ngiti. Kapag walang nangyayari, palagi silang tumatawa at nakikipagbiruan sa iyo, umaakto na para bang sobrang lapit ninyo sa isa’t isa. Pero kapag talagang kailangan mo ang tulong nila, hindi sila mahanap. Kahit sa mga bagay na napakadali para sa kanila na gawin, hahanap sila ng mga dahilan at palusot para maiwasan ang mga ito. Kahit isa itong bagay na nangangailangan ng kaunting paggugol ng lakas, humihingi pa rin sila ng mga personal na pabor mula sa iyo. Kapag may ginagawa sila para sa iyo, mag-iisip sila ng lahat ng uri ng paraan para masuklian mo sila. Hinding-hindi mo magagawang ganap na masuklian ang personal na pabor na ito. Sa kabilang banda, ang mga taong sa panlabas ay tila napakalamig at mukhang napakamakasarili ay madalas na may mga limitasyon sa kung paano sila umasal at napakametikuloso nila sa kanilang mga kilos. Bagama’t maaaring hindi sila masyadong magiliw sa iyo, hinding-hindi sila magpapakana laban sa iyo. Kung talagang hihingin mo ang tulong nila para sa isang bagay, tiyak na gagawin nila iyon nang napakaseryoso. Pagkatapos, kung susuklian mo sila ng maliit na pabor o ng isang materyal na bagay, tatratuhin nila ito nang maayos. Gayumpaman, kung hindi mo sila bibigyan ng kahit ano, hindi rin sila hihingi sa iyo ng kahit ano, ni hindi nila paulit-ulit na babanggitin ito para humingi ng mga pabor o kabayaran. Ang gayong mga tao ay tunay; kung ano ang ipinapakita nila sa panlabas ay ganoon din sila mismo sa panloob. Gayumpaman, madalas na walang may gusto sa gayong mga tao, sinasabi na sila ay makasarili, mahirap pakisamahan, malamig, at walang pakikipagkapwa-tao, at ayaw nilang magkaroon ng anumang pakikipag-ugnayan sa mga ito. Sa katunayan, ang ilan sa mga taong ito ay may disenteng pagkatao. Tumingin kayo sa paligid ninyo at alamin kung sino ang ganitong uri ng tao. Bagama’t hindi sila mahusay magsalita, medyo malamig ang personalidad nila, at sa panlabas ay mukhang wala silang pakikipagkapwa-tao at hindi marunong kung paano makibahagi o magsimula ng kuwentuhan sa iba, sila ay napakamaprinsipyo sa kanilang pag-asal. Bagama’t maaaring hindi sila masyadong mabait, walang masamang hangarin sa puso nila; sa pinakamababa, wala silang masasamang intensiyon laban sa karamihan ng tao. Kung ano ang ipinapakita nila sa panlabas ay siya ring mismong nasa loob bila. Hindi sila gumagamit ng mga taktika o pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo para kuhain ang loob ng mga tao. Simple ang gayong mga tao. Ganoon ba ang kaso? (Oo.) Kaya ngayon, hindi ba’t mayroon na kayong batayan sa kung paano ninyo dapat tratuhin nang wasto ang mga makasariling tao? Sa anong batayan ninyo sila dapat tratuhin? Hindi ito puwedeng nakabatay sa iyong mga damdamin o kagustuhan, ni sa kung gusto mo ba ang mga taong ito o hindi, kung nakakasundo mo ba sila, kung matulungin o kapaki-pakinabang ba sila sa iyo, o sa saloobin nila sa iyo—hindi ito puwedeng nakabatay sa mga ito. Sa halip, dapat nakabatay ito sa kanilang karakter, sa kanilang pagkataong diwa, at sa saloobin nila sa mga tao, sa katotohanan, at sa mga positibong bagay. Nakabatay ito sa mga salik na ito kung paano mo dapat tratuhin ang mga makasariling tao. Kung tunay nga silang masasamang tao, harapin mo sila nang naaayon. Kung mukha silang makasarili sa panlabas pero hindi naman masama ang kanilang pagkatao, hindi mo sila dapat tratuhin bilang masasamang tao o mga taong may masamang pagkatao. Kahit hindi mo gusto ang mga taong ito o kung hindi sila mahusay sa pakikihalubilo sa iba o pagpapanatili ng mga ugnayan, hindi mo sila puwedeng ituring bilang masasamang tao o bilang mga taong walang pagkatao dahil lang sa mukha silang makasarili sa panlabas. Ito ay maling palagay sa mga taong ito. Kaya ngayon, hindi ba’t may prinsipyo ka na sa kung paano tratuhin ang mga makasariling tao? Hindi ito maaaring gawing pangkalahatan; sa halip, dapat nakabatay ito sa kanilang pagkataong diwa at sa saloobin nila sa katotohanan at sa kanilang tungkulin, at sa saloobin nila sa pag-asal—ito ang prinsipyo ng kung paano mo sila dapat tratuhin. Iyon na lahat para sa ating pagbabahaginan tungkol sa isyu ng pagiging makasarili.
Ang susunod na pagpapamalas ay ang pakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita at hindi paggawa ng anumang tunay na gawain. Talakayin muna natin kung anong uri ng problema ito. Ang gayong mga tao ay nasisiyahang magsalita ng matatayog na doktrina at nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita. Sa mga pagtitipon, madalas nilang tinatalakay ang kanilang mga adhikain at paninindigan, ang kanilang sariling pagkaunawa, at ang kanilang mga plano para sa gawain. Pero kapag kapag oras na para gumawa ng tunay na bagay, hindi sila makahugot ng anumang lakas. Anong uri ng problema mayroon ang gayong mga tao? Ito ba ay isang isyu ng mga likas na kondisyon, pagkatao, o mga tiwaling disposisyon? (Sa tingin ko, nabibilang ito sa mga tiwaling disposisyon.) Nabibilang ba ito sa mga tiwaling disposisyon? Mayroong dalawang problemang nakapaloob dito, hindi ba? Ang isa ay ang depekto ng pagkatao—ayaw nilang gumawa ng anumang tunay, dahil pakiramdam nila ay kinakailangan nilang mag-alala, magtiis ng paghihirap, magbayad ng halaga, at gumugol ng lakas. Hindi ba’t may bakas ng katamaran dito? Ang katamaran ba ay isang depekto ng pagkatao? (Oo.) Ang mga taong ganito katamad ay walang ginagawang tunay pero nakikibahagi pa rin sa matayog-pakinggan na pananalita. Gusto pa rin nilang ilagay ang kanilang sarili sa isang pedestal at mangaral ng matatayog na doktrina sa ibang mga tao. Nagpapahiwatig ba ito ng isang masamang disposisyon? Naglalaman din ba ito ng mga elemento ng isang tiwaling disposisyon? (Oo.) Anong uri ng tiwaling disposisyon ito? (Kayabangan.) Isa itong mayabang na tiwaling disposisyon. Dagdag pa rito, sila ay tamad, mahal nila ang kaalwanan habang namumuhi sila sa gawain, hindi nila ginagawa ang mga bagay sa praktikal na paraan, pundasyon, at ayaw nilang makilahok sa tunay na pagkilos, pero nais pa rin nilang umaktong superyor, igiit ang kanilang katayuan, at mangaral sa iba—handa lang silang igalaw ang kanilang mga labi pero hindi ang mag-angat ng daliri. Malaki ang mga kapintasan sa kanilang pagkatao, at napakalinaw ng kanilang tiwaling disposisyon. Hindi ba’t napakahalata ng dalawang problemang ito? (Oo.) Hindi ba’t marami ang gayong mga tao? (Oo.) Kapag nagtatalakay ng gawain, nakikibahagi sila sa matayog-pakinggan na pananalita at walang-katapusang nagsasalita, pero pagdating sa paggawa ng tunay na bagay, hindi sila makagawa ng kahit isang hakbang. Huwag nating pag-usapan kung kumusta ang kakayahan nila—batay lamang sa katunayan na puro salita lang sila at walang ginagawang tunay, maaari silang ilarawan bilang mga walang silbing tao. Hindi sila gumagawa ng tunay na bagay pero gusto pa rin nilang umaktong superyor at magtamasa ng mga pakinabang ng katayuan—hindi ba’t mayabang sila hanggang sa punto ng kawalan ng katwiran? Puro salita lang sila, wala silang anumang tunay na ginagawa, at parehong tamad at mayabang sila—sila ay mga walang silbing tao, hindi ba? Kung hihilingin sa kanila na gumawa ng aksiyon at gumawa ng tunay na bagay, na mag-organisa, magplano, at magpatupad ng gawain, ayaw nilang gawin iyon; nakakaramdam sila ng pagtutol dito sa kailaliman ng kanilang puso. Kaytamad ng gayong mga tao! Ang mga ito ay mga palamunin na hindi nag-aasikaso sa kanilang marapat na gawain. Nasisiyahan lang silang magpalipas-oras, ayaw nilang gumawa ng kahit anong bagay, gusto lang nilang iraos ang buhay, kumain nang maayos, magbihis nang maganda, at gayumpaman, gusto rin nilang labis silang pahalagahan ng iba, at matamasa ang mataas na antas ng pagtrato at ang uri ng pagtrato na ibinibigay sa mga may katayuan. Kumusta ang pagkatao nila? (Masama.) Karimar-rimarim ba para sa inyo ang gayong mga tao? (Oo.) Kapag nakikita ng ilang tao ang mahuhusay magsalita pero walang ginagawang tunay, naiinggit sila sa mga ito. Iniisip nila, “Kaya nilang magsalita nang magsalita, at ang lahat ng sinasabi nila ay organisado at sistematiko—ipinapakita nito na mayroon silang katotohanang realidad.” Masasabi ng mga mapagkilatis na tao na ang mga bagay na madalas nilang sinasabi ay pawang natutunan mula sa mga sermon at mga pagbabahaginan ng sambahayan ng Diyos at hindi nagmumula sa sarili nilang mga karanasan. Samakatwid, bagama’t kahanga-hangang pakinggan ang kanilang pangangaral, hindi nila kayang lutasin ang anumang problema. Sa paglipas ng panahon, malinaw na nakikita ng mga tao na ang gayong mga indibidwal ay mga huwad mula pa noon. Anumang katanungan ang inihahain mo, hindi nila ito masagot, ni hindi sila makapagbahagi ng anumang mga prinsipyo o landas ng pagsasagawa, pero gusto pa rin nilang mataas ang tingin mo sa kanila. Paano nila ginagawang mataas ang tingin mo sa kanila? Ginagamit nila ang kanilang mga paggampan at pananalita para makakuha ng puwang sa iyong puso, nagsasanhing mainggit, humanga, at tumingala ka sa kanila. Hindi ba’t walang kahihiyan ang mga gayong tao? Wala silang ginagawang tunay na gawain, ni wala silang kakayahan na gumawa ng tunay na gawain, pero gusto pa rin nilang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at gusto pa rin nilang sayangin ang lakas at oras ng ibang tao gamit ang kanilang matayog-pakinggan na pananalita, pero sa huli, hindi nila kayang lutasin ang anumang problema. Ang mga taong sumasampalataya sa Diyos nang isa o dalawang taon ay maaaring malihis pa rin nila, pero ang mga sumasampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon at nakakaunawa ng kaunting katotohanang realidad ay ayaw makinig sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita. Pero kung tumatanggi kang makinig, bumubuo sila ng negatibong opinyon tungkol sa iyo at sinasabi nilang hindi mo mahal ang katotohanan. Hindi ba’t napakamapanggulo ng gayong mga tao? (Oo.) Mayroon lamang silang bahagyang pagkaunawa sa anumang aspekto ng katotohanan, at kapag nakakaunawa sila ng ilang doktrina, hindi nila maipaliwanag ang mga ito nang malinaw, subalit gusto pa rin nilang ipangaral ang mga doktrinang ito sa iba at ipatanggap ang mga ito sa iba. Kung tatanggi kang makinig, sasabihin nilang hindi mo mahal ang katotohanan at hindi mo sila iginagalang. Pero kung pakikinggan mo man sila, hindi komportable ang pakiramdam mo at hindi ka mapakali sa kinauupuan mo. Bakit hindi ka mapakali sa kinauupuan mo? Dahil marami kang problema na kailangang lutasin at maraming gawain na dapat tapusin, at wala kang oras para pakinggan ang kanilang matayog-pakinggan na pananalita. Kung tunay na naiinggit ang isang tao sa mga nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita, anong uri siya ng tao? Siya ay isang taong walang ginagawa, isang hangal na tao, at isang taong walang ibang magawa na mas mabuti. Pagdating sa pagggawa ng isang tungkulin, ang gayong mga tao ay walang debosyon at walang anumang dinadalang pasanin; gusto lamang nilang iraos ang buhay, nagiging palamunin at naghihintay na mamatay. Araw-araw, nakikinig sila sa ilang malalim na doktrina para magpalipas-oras, pero iniisip pa rin nila na may nakamit sila at umusad sila sa kanilang pananampalataya sa Diyos: “Nagiging mas matayog kada araw ang mga katotohanang ipinapangaral nila—ang pangangaral nila ay malapit nang umabot sa antas ng ikatlong langit! Ang mga ito ay pawang mga misteryo mula sa langit!” Nakikinig sila sa maraming doktrina na sinasabi ng mga nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita, pero hindi pa rin nila alam kung paano maging tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin o kung anong mga prinsipyo ang dapat sundin kapag ginagawa ang kanilang tungkulin. Kung gayon, kapaki-pakinabang ba ang pakikinig sa mga bagay na ito? (Hindi.) Ano ang dapat ninyong gawin kapag nakakatagpo kayo ng mga taong nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita at nangangaral ng matatayog na doktrina? Dapat ba ninyo silang mahigpit na sundan o tanggihan? (Tatanggihan sila.) Paano ninyo sila tatanggihan? Kailangan mong malaman kung paano sila tatanggihan at kung bakit mo sila tinatanggihan. Kung hindi mo alam ito, kapag tinanggihan mo sila, maaaring mapapaisip ka pa rin sa puso mo, “Ang pagtanggi ba sa kanila ay nangangahulugan na hindi ko minamahal ang katotohanan?” Kung mayroon kang ganitong kaisipan, problema ito—pinatutunayan nito na wala kang pagkilatis at hindi mo nauunawaan kung ano ang katotohanang realidad. Kung pinakikinggan mo sila na nagsasalita ng mga doktrina at iniisip mo pa rin na nakikipagbahaginan sila sa katotohanan, at sinasang-ayunan mo pa nga sila sa puso mo, ikaw ay lubos na hangal. Kung mayroon kang pagkilatis tungkol sa mga doktrinang sinasalita ng mga gayong tao na nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita, dapat mo silang tanggihan. Ang dahilan dito ay na ang lahat ng kanilang sinasalita ay mga doktrina at mga hungkag na salita—walang silbi ito. Para iyong pagguhit ng mga keyk para lunasan ang gutom o pagtitig sa mga duhat para pawiin ang uhaw—hindi talaga nito kayang lutasin ang mga tunay na problema. Nagsasalita sila ng maraming doktrina, pero ang mga doktrinang ito ay hindi tumutugma sa mga tunay na problemang nararanasan ng mga tao habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, at hindi talaga nila kayang lutasin ang mga ito. Ang pakikinig sa kanila ay hindi naiiba sa hindi pakikinig. Hindi nila alam kung paano lutasin ang mga problemang lumilitaw sa gawain ng ebanghelyo at sa buhay iglesia; hindi nila alam kung paano ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, o kung anong gawain ang may mga kapintasan at agwat na kailangang maremedyuhan o masubaybayan; at hindi nila alam kung paano lutasin o pabulaanan ang mga baluktot na kuru-kuro kapag binabanggit ng iba ang mga ito. Hindi nila alam ang alinman dito, kaya, hindi ba’t pagsasayang ng oras ang pakikinig sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita? Ito ang dahilan kung bakit dapat mo silang tanggihan. Samakatwid, dapat tanggihan ang matayog-pakinggan na pananalitang ito dahil ang sinasalita ng mga taong ito ay hindi ang katotohanan kundi mga doktrina. Ano ang mga doktrina? Ang mga doktrina ay binubuo ng mga salita na umaayon sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Ang mga taong ito ay hindi nakikipagbahaginan tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na tumutuon sa diwa ng problema. Bagama’t kaaya-ayang pakinggan ang mga salita nila at ipinapahayag ang mga ito sa malinaw at lohikal na paraan, hindi kayang lutasin ng mga ito ang mga problema kahit kaunti. Ang mga salitang ito, kung gayon, ay mga doktrina; gaano man kamukhang tama ang mga ito, ang mga ito ay hindi ang mga katotohanang prinsipyo. Maaaring tila mababaw ang mga salita ng ilang tao, pero kayang tamaan ng mga ito ang pinakabuod ng problema at malinaw na ipaliwanag ang diwa nito. Kahit na ang ilan sa mga salita nila ay kasinghindi kanais-nais pakinggan gaya ng mga insulto, ang mga ito ay mga salitang kayang tanggapin ng mga tao, at kayang lutasin ng mga ito ang mga tunay na problema. Walang duda, umaayon ang mga salitang ito sa mga katotohanang prinsipyo. Ang ilang salita ay maaaring kaaya-aya, maingat, pino, at malalim pakinggan, pero hindi kayang lutasin ng mga ito ang anumang mga tunay na problema. Ang mga ito ay hindi nauukol sa mga katotohanang prinsipyo kahit kaunti, ni hindi kayang tukuyin ng mga ito ang isang landas o direksiyon para sa mga tao. Ang mga ito ay pawang mga paimbabaw na doktrina. Ang mga salitang ito, kung gayon, ay dapat tanggihan. Ang dahilan sa pagtanggi sa gayong mga tao ay na sinasayang ng kanilang matayog-pakinggan na pananalita ang oras na dapat na ginagamit mo para gawin ang iyong tungkulin, sinasayang ang oras na dapat ginagamit mo sa paghahanap sa katotohanan, at sinasayang ang iyong personal na lakas—kaya, dapat mo silang tanggihan. Paano mo sila dapat tanggihan? Sa simpleng pagsasabi ng “Paalam,” tinatanggihan mo sila, hindi ba? O maaari mong sabihin, “Tumigil ka na sa pagsasalita, nauunawaan ko ang lahat ng sinasabi mo. Kailan mo ba sasagutin ang katanungan ko? Kung hindi mo ito masasagot, umalis ka na kaagad at tigilan mo ang pagsasayang ng oras ko.” Mabuti ba ang ganitong paraan ng pagtanggi sa kanila? (Oo.) Mukhang napakabuti nito para sa Akin—kung hindi, paano pa mo sila tatanggihan? Ang pagtanggi sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita, mga doktrina, at mga islogan ay katulad ng pagtanggi sa mga Pariseo. Ang mga taong gaya nito ay hindi kayang gumawa ng anumang tunay na bagay. Hindi pasok sa pamantayan ang pagkatao nila, mahina ang kakayahan nila, at sila ay pundamental na walang kakayahang gumawa ng tunay na gawain. Gayumpaman, gumagamit pa rin sila ng matatayog na doktrina para subukang ilihis ka. Kung hindi mo sila tatanggihan, lubos kang hangal. Tama lang na tanggihan ang gayong mga tao kapag nakakatagpo mo sila. Sabihin lang na “Paalam” at lumakad palayo—isa itong bagay na napakadaling lutasin, hindi ba? Ganito mismo ang pagtrato sa mga nakikibahagi sa matayog-pakinggan na pananalita pero hindi gumagawa ng anumang tunay na bagay. Ang mga taong gaya nito ay hindi ang mga gumagawa ng mga bagay sa maayos at seryosong paraan; hindi sila ang mga gumagawa ng mga bagay sa praktikal na paraan. Ang sinasabi nila ay walang kredibilidad, hindi karapat-dapat pagtuunan ng labis na pansin, at hindi karapat-dapat pakinggan na para bang epektibong payo o isang epektibong landas ito. Kaya, pagdating sa kanilang matayog-pakinggan na pananalita, deretsahan mo lang na tanggihan ito—hindi na kailangang gumawa ng mga tala, at hindi ito karapat-dapat pahalagahan. Dito nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa isyu ng matayog-pakinggan na pananalita.
Pag-usapan natin ang isa pang pagpapamalas: ang pagkahilig magtalakay ng politika. Ang ilang tao ay mahilig magtalakay ng politikal na sitwasyon ng sarili nilang bansa o ng pandaigdigang politikal na sitwasyon, gayundin ang mga polisiya at pahayag ng matataas-na-antas na politikal na tao, ang kanilang adyenda sa pamamahala at linya sa politika, ang mga metodo at pamamaraan ng pagpapatupad nila ng iba’t ibang polisiya, at iba pa. Sa madaling salita, madalas nilang talakayin ang mga paksang nauugnay sa politika; mapaluma man o makabagong politika ang mga paksang ito, domestiko man o internasyonal na politika, nasisiyahan silang banggitin ang mga ito paminsan-minsan. Ang pagkahilig bang magtalakay ng politika ay nabibilang sa mga likas na kondisyon, pagkatao, o mga tiwaling disposisyon? Hindi mo alam, hindi ba? Iyon ay dahil ang paksang ito ay medyo espesyal. Ang gustong nilang talakayin ay politika, at sa pananaw ninyo, ang politika ay hindi isang bagay na positibo. Iniisip ninyo: “Kung ang pagkahilig magtalakay ng politika ay isang hilig at libangan na nasa loob ng mga likas na kondisyon, kung gayon, hindi sana binigyan ng Diyos ng ganitong hilig at libangan ang mga tao; kung isa itong isyu ng masamang pagkatao, ang simpleng pagtatalakay tungkol dito nang hindi gumagawa ng anumang masamang bagay ay hindi dapat maging katumbas ng masamang pagkatao, at mas lalong hindi ito maaaring umabot sa antas ng tiwaling disposisyon. Kaya, saan ito dapat iklasipika?” Sa huli, hindi kayo nakakabuo ng isang kongklusyon. Ganito ba ang kaso? (Oo.) Kaya tama bang mag-isip kayo sa ganitong paraan? Bakit sa huli hindi kayo nakakabuo ng isang kongklusyon? Saan kayo naiipit? Naiipit kayo sa salitang “politika,” hindi ba? (Oo.) Kung magsasalita Ako tungkol sa pagkahilig magtalakay ng sining, musika, sayaw, disenyo, o ekonomiks, saan iyon maikaklasipika? (Maikaklasipika ito bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon.) Kung babanggitin Ko ang pagkahilig na magtalakay ng kasaysayan o magtalakay ng gourmet na pagkain, saan iyon dapat iklasipika? (Mga likas na kondisyon.) Kapag sinasabi na ang isang tao ay mahilig magtalakay ng isang bagay, mahilig magsaliksik tungkol sa isang bagay, o magaling sa isang bagay, ibig sabihin ay gusto niya ang larangang iyon at may interes siya rito. Kaya, ikinaklasipika ito bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Ngunit dahil ang paksang kinahihiligang talakayin ng mga taong ito sa kasong ito ay politika, hindi kayo naglalakas-loob na iklasipika ito sa ganitong paraan. Bakit hindi kayo naglalakas-loob na iklasipika ito sa ganitong paraan? Dahil ang politika ay isang napakasensitibong paksa, at ang politika ay hindi isang bagay na partikular na positibo, tama? (Tama.) Bagama’t ang politika ay hindi isang bagay na partikular na positibo, ang aktibidad sa pagkahilig magtalakay ng politika, gaya ng nabanggit, ay talakayan. Samakatwid, dapat itong iklasipika bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Ang likas na hilig at libangan interes ng gayong tao ay ang pagkahilig, sa isang relatibong antas, na sundan at talakayin ang politika. Pero nakikilahok ba siya sa politika? Hindi pa tayo umabot doon; sa ngayon, nililimita lang natin ang ating pagtuon sa akto ng pagtatalakay, kaya maaari lang itong iklasipika bilang isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Nauunawaan na ba ninyo ngayon? (Oo.) Ang pagsasabi nito sa ganitong paraan ay obhetibo; isa itong katunayan, hindi ba? (Oo.) Halimbawa, ipagpalagay na may isang tao na mahilig magtalakay tungkol sa mga sinaunang monarka at madalas niyang talakayin ang tungkol sa kung paano tinrato ng mga partikular na emperador ang kanilang mga ministro at mga karaniwang tao, kung paanong masigasig na pinamahalaan at inalagaan ng mga partikular na pinuno ang mga tao, at kung paanong sapat ang mga reserbang butil ng bansa at kung anong antas ng pamantayan ng pamumuhay ang naabot ng mamamayan sa panahon ng kanilang paghahari. Tinatalakay rin niya kung aling mga emperador ang naging mga tirano at kung paanong naghikahos ang mga tao sa ilalim ng kanilang pamumuno habang ang mga emperador na ito ay nagpakasasa sa maluluhong piging at kahalayan at namuhay sa malaking karangyaan sa kanilang mga palasyo. Pagkatapos ay nagpapatuloy siya sa pagtatalakay sa mga problema ng mga kontemporaryong personalidad ng politika, tinatalakay kung sino ang mahusay na gumagawa at sino ang hindi, at iba pa. Sadyang hilig niyang talakayin ang mga bagay na ito. Sa madaling salita, likas na medyo interesado ang taong ito sa ganitong mga uri ng paksa at usapin. Sa araw-araw niyang buhay, ang paraan niya ng pagpapaalwan at paglilibang ay ang pagtalakay ng mga usaping pampolitika na ito, ginagamit niya ito bilang pampalipas-oras—parte ito ng buhay niya. Kung mahilig lamang siyang magtalakay tungkol sa politika, isa lang itong hilig at libangan. May kinalaman ba rito ang pagkatao niya? Kung titingnan lamang ninyo ang pagkahilig niya sa pagtatalakay ng politika, hindi mo masasabi kung ano ang karakter niya, dahil hindi mo makita kung ano ang saloobin at mga pananaw niya tungkol sa politika. Siya ay simpleng nasisiyahan sa pagtatalakay ng mga gayong paksa at interesado sa mga usaping ito; hindi ito kinapapalooban ng kanilang mga prinsipyo ng pag-asal. Kung ang isang tao ay simpleng mahilig magtalakay ng politika at tinatrato niya ito bilang isang paksang panlibangan sa kanyang pang-araw-araw na buhay, bilang isang materyal sa pakikipag-usap, o bilang isang madalas na paksa ng talakayan kapag nakikisalamuha sa iba at humaharap sa mga bagay-bagay, kung gayon, isa itong hilig at libangan, at hindi ito kinapapalooban ng pagkatao ng taong iyon. Ang mga taong may ganitong hilig at libangan ay katulad ng mga taong may ibang mga libangan—pantay-pantay sila. Hindi puwedeng ilarawan ang taong ito bilang ambisyoso, may masamang pagkatao, o may ubod ng samang karakter dahil gusto niyang talakayin ang politika. Bagama’t ang mga sumasampalataya sa Diyos ay hindi nakikilahok sa politika, pagdating sa politika mismo, may karapatan ang bawat tao na makilahok dito. Ang politika ay hindi isang bagay na positibo, pero hindi rin masasabi na negatibo ito—sadyang ito ay isang bagay na di-maiiwasang umiiral sa proseso ng pag-unlad ng lipunan ng tao. Kaya, ang simpleng pagkahilig na magtalakay ng politika ay hindi nagpapahiwatig kung ano ang karakter ng isang tao. Para itong isang tao na nasisiyahan sa pagsayaw—hindi mo masasabi na ang taong ito ay lihis o hindi nakikibahagi sa mga wastong gampanin. Kung ang isang tao ay mahilig sa mga elektronikong produkto, hindi mo rin masasabi na ang taong ito ay may kakayahan sa mga dakilang bagay o isang positibong personalidad. Magiging tama ba ang ganoong uri ng paghusga? (Hindi.) Kung gayon, paano ito dapat suriin? Nakadepende ito sa kung ano ang ginagawa mo sa iyong mga hilig at libangan. Kung nakikibahagi ka sa isang makatarungang gawain, makalilikha ng kapaki-pakinabang na halaga ang mga hilig at libangan mo. Kung ginagamit mo naman ang mga hilig at libangan mo para gumawa ng mga negatibong bagay, mga bagay na nakapipinsala sa mga tao at nakakasira sa kanilang mga interes, hindi pa rin masasabi na negatibo ang iyong mga hilig at libangan—sa halip, nangangahulugan ito na masama ang pagkatao mo at mali ang landas na tinatahak mo. Maaari mong gamitin ang mga hilig at libangan mo para gumawa ng masasamang bagay, pero ang iyong mga hilig, libangan, kalakasan, at kaugnay na mga propesyonal na kasanayan, mga teknikal na kasanayan, at kaalaman sa kanilang sarili ay hindi negatibo. Anuman ang mga hilig at libangan mo, ang mga ito ay para sa paggamit mo. Kung tinatahak mo ang tamang landas, makatarungan ang ginagawa mo sa mga hilig at libangan mo. Kung hindi ka tumatahak sa tamang landas, kung gayon, ang pinaggagamitan mo ng mga hilig at libangan mo ay hindi makatarungan, kundi masama. Halimbawa, ang kompyuter ay isa lamang makina—isa itong kasangkapang teknolohikal. Puwede kang gumamit ng kompyuter para sa mga pagtitipon, sermon, at sa pangangaral ng ebanghelyo, pero kasabay nito, maraming buktot at masamang tao ang puwede ring gumamit ng kompyuter para gumawa ng masasamang bagay. Kaya, kapag ginagamit ang isang kompyuter para makibahagi sa isang makatarungang gawain, hindi mo puwedeng sabihin na ang kompyuter mismo ay makatarungan; gayundin, kapag ginagamit ang kompyuter para gumawa ng masasamang bagay, hindi mo puwedeng sabihin na ang kompyuter mismo ay masama. Nauunawaan mo ba? (Oo.) Gayundin, para sa mga taong mahilig talakayin ang politika, ang pagpapamalas na ito ng pagkahilig magtalakay ng politika ay isang hilig at libangan—hindi ito kinapapalooban ng mga isyu ng kanilang pagkataong diwa. Dagdag pa rito, ang mga mahilig magtalakay ng politika ay mahilig sa mga politikal na paksa. Palagi nilang gustong talakayin ang mga usapin ng tama at mali at makipagtalo sa iba tungkol sa ilang paksa na nauugnay sa mga politikal na pananaw. Ang ilan ay partikular na interesado sa mga paksang nauugnay sa mga sikat na tao at mga dakilang personalidad, samantalang ang ilan naman ay partikular na interesado sa mga paksa na naglalantad sa madidilim na bahagi ng lipunan. Pero ano’t anupaman, ang mga mahilig magtalakay ng politika ay hindi nagtataglay ng katotohanan, at walang puwang ang Diyos sa puso nila—ito ay lubos na tiyak. Sige, halos iyon na lahat para sa ating talakayan tungkol sa isyu ng pagkahilig magtalakay ng politika.
Ang pagkahilig magtalakay ng politika ay isang hilig at libangan ng ilang tao. Susunod, itaas pa natin ang antas ng talakayang ito at pag-usapan naman ang kagustuhang makilahok sa politika. Ang kagustuhang makilahok sa politika ay hindi katulad ng pagkahilig magtalakay ng politika—ito ay may kasamang aksiyon. Ang kagustuhang makilahok sa politika ay hindi lang isang uri ng materyal sa pag-uusap pagkatapos ng hapunan o isang kaaliwan, at hindi rin ito nananatili lamang sa antas ng mga hilig at libangan, o pagmamalasakit tungkol sa politika; sa halip, may kinalaman ito sa landas na tinatahak ng isang tao. Kung gayon, anong landas ang tinatahak ng mga taong mahilig makilahok sa politika? May kinalaman ba ito sa pagkatao nila? (Mayroon.) Kaya, paano dapat iklasipika ang kagustuhang makilahok sa politika? Mahirap na katanungan ito para sa inyong lahat—hindi ninyo ito makilatis. Kaya, pagbahaginan natin ang tungkol dito. May mga tao sa iba’t ibang antas ng buhay na mahilig magtalakay ng politika. Kita mo, bagama’t ang mga magsasaka ay namumuhay sa pinakamababang antas ng lipunan, ang ilan sa kanila ay maraming alam tungkol sa mga usaping nauugnay sa matataas na antas ng politika, at kaya nilang magpahayag ng mga partikular na pananaw na may kinalaman sa politika. Ang mga taong nakikibahagi sa negosyo at ekonomiya ay nagtatalakay rin ng politika, at maging ang mga nasa sining at edukasyon ay nagtatalakay rin ng politika. Ibig sabihin, sa lahat ng uri ng larangan, may mga taong mahilig magtalakay ng politika at interesado sila sa mga politikal na paksa. Anuman ang larangang kinabibilangan ng isang tao, kung mahilig siyang magtalakay ng politika, iyon ay ganap na dahil interesado siya sa politika. Ang interes na ito ay may partikular na kaugnayan sa likas niyang kakayahan at sa taas ng kanyang perspektiba. Kaya niyang arukin ang mga usapin sa loob ng saklaw ng politikal na kapangyarihan, kaya paminsan-minsan, nagpapahayag siya ng sarili niyang mga pananaw. Ang mga pagpapamalas niya ay nananatili sa antas ng isang hilig at libangan sa loob ng mga likas na kondisyon. Gayumpaman, ang pakikilahok sa politika ay hindi nangangahulugan ng pagiging nasisiyahan sa ganitong uri ng hilig at libangan sa antas ng kaisipan; sa halip, nangangahulugan ito ng pagtalikod sa dating larangan at pagpili na makilahok sa gawaing politikal, pagtungtong sa entablado ng politika, at pagkakaroon ng mga kasunduan sa mga tao sa politika. Kaya, ano ang problema sa gayong mga tao? Maaaring ang ganitong uri ng tao na gustong makilahok sa politika ay hindi naman palaging nagtatalakay tungkol sa politika, pero anuman ang propesyon na piliin niya, basta’t nakikibahagi siya sa isang trabahong hindi kaugnay sa politika, wala siyang interes dito at pakiramdam niya ay madilim ang kinabukasan niya. Ngunit kapag lumitaw ang pakikilahok sa politika, nagniningning ang kanyang mga mata sa pagnanais, at napupukaw ang kanyang interes. Kapag nabalitaan niya na may isang tao tumatakbo para maging alkalde, gobernador, mambabatas, o presidente, nakakaramdam siya ng kawalan sa puso niya at pinipiga niya ang kanyang utak sa kaiisip ng mga paraan kung paano siya mismo makikilahok. Anong uri ng tao siya? Hindi ba’t siya ang uri ng taong may matinding pagnanais sa kapangyarihan? (Oo.) Kaya, anong karadagang bagay ang taglay ng ganitong uri ng tao sa loob ng kanyang pagkatao? Lubos ba siyang nahuhumaling sa pera o lubos na nahuhumaling sa kapangyarihan? (Lubos siyang nahuhumaling sa kapangyarihan.) Nakikita niya na ang kapangyarihan ay higit sa lahat, tinitingnan ito bilang kanyang pinakabuhay, itinuturing ito bilang isang layon na hahangarin sa buong buhay niya. Kaya, anong uri ng tao siya mismo? Anong karagdagang bagay ang mayroon siya sa loob ng kanyang pagkatao na wala ang mga karaniwang tao? (Ambisyon at pagnanais.) Ano ang mayroon siyang ambisyon at pagnanais na gawin? (Ang humawak ng kapangyarihan.) Ano ang pinakadirektang pakinabang na idinudulot sa kanya ng paghawak ng kapangyarihan? (Ang magkamit ng katayuan at labis na mapahalagahan ng iba.) Ang mga iyon ay sekundaryang bagay, hindi ang krusyal na pakinabang. (Gusto niyang kontrolin ang mga tao.) Malapit na iyon. Kung ang isang tao ay mahilig humawak ng katungkulan, pero ang posisyong hawak niya ay isang hungkag na titulo lamang, at wala siyang kahit isang tauhan sa ilalim niya, maituturing ba iyon na pagkakaroon ng kapangyarihan? (Hindi.) Hindi ito maituturing na pagkakaroon ng kapangyarihan. Wala siyang mga espesyal na pribilehiyo at hindi niya matamasa ang anumang mga pakinabang ng paghawak ng katungkulan. Sa pananaw niya, mayroon bang anumang aktuwal na halaga ang paghawak ng ganoong posisyon? (Wala.) Kung gayon, ang ganitong uri ng tao ay may isang bagay na wala ang iba—isang lubhang matinding ambisyon at pagnanais para sa kapangyarihan. Dahil taglay niya ang ganitong uri ng ambisyon at pagnanais, ang layon na nais niyang makamit ay hindi isang bagay na kasingsimple ng labis na mapahalagahan, maidolo, o kainggitan ng iba, sa halip, nais niyang humawak ng katungkulan, magdesisyon sa lahat ng bagay, at manguna sa iba. Mayroon siyang ganitong ambisyon at pagnanais—kung wala siyang katayuan, makakamit ba niya ang layon niya? Makikinig ba sa kanya ang sinuman? Hinding-hindi. Iyon ang dahilan kung bakit determinado siyang magkamit ng katayuan. Sa sandaling magkaroon siya ng katayuan, magkakaroon ng mga taong makikinig sa kanya kapag nagsasalita siya, at kapag hinihingi niya sa iba na gumawa ng isang bagay, mayroong mga susunod at tatalima—ang kanyang ambisyon at pagnanais, ang nais niyang isakatuparan, ay maaari nang maging realidad. Maaaring ilarawan sa magagandang termino ang mga gustong makilahok sa politika bilang mga marangal at naghahangad, pero sa payak na salita, nahuhumaling lang sila sa paghawak ng katungkulan—sadyang mahilig silang humawak ng katungkulan. Kapag hindi sila humahawak na katungkulan, hindi nila mapagpapasyahan ang lahat ng bagay, at wala silang ilang tauhan na mapamumunuan, at kaya, nasisiraan sila ng loob at pakiramdam nila ay mapanglaw ang buhay. Pero sa sandaling humawak sila ng katungkulan, mayroong mga taong nakikinig sa kanila kapag nagsasalita sila at mayroon silang mga tagasunod, at dahil dito, pakiramdam nila ay kasiya-siya ang buhay. Kaya, may problema ba sa kanilang pagkatao? (Mayroon.) Masasabi ba na isa itong depekto ng kanilang pagkatao? (Hindi.) Ito ay tiyak na hindi ganoon kasimple. Kung gayon, anong uri ng problema ito? (Mga tiwaling disposisyon.) Sa usapin ng kanilang pagkatao, maaasahan ba ang ganitong uri ng tao? (Hindi.) Mabuti ba ang karakter nila? (Hindi.) Bakit hindi ito mabuti? (Palagi nilang gustong kontrolin ang mga tao, at palagi nilang gustong magpasya sa lahat ng bagay.) Ang ganitong uri ng tao ay may napakatinding pagnanais para sa katayuan—palagi nilang gustong mahanap ng iba’t ibang pagkakataon para magpasya sa lahat ng bagay, at palagi nilang gustong maging nasa posisyon ng pamumuno at makontrol ang iba. Hindi maaasahan ang gayong mga tao, at hindi rin mabuti ang kanilang karakter. Marami-rami ang ganitong uri ng mga tao sa sambahayan ng Diyos. Kung ipinamahala sa kanila ng sambahayan ng Diyos ang isang aytem ng gawain, naniniwala sila na nangangahulugan ito na humahawak sila ng katungkulan at naglilingkod sa papel ng pamumuno. Hahanapin ba nila ang mga katotohanang prinsipyo? Ipapatupad ba nila ang mga pagsasaayos ng gawain? (Hindi.) Kung itinuturing nila ang pagiging superbisor o lider bilang paghawak ng katungkulan, tiyak na hindi nila ipatutupad ang mga pagsasaayos ng gawain at tiyak na hindi sila gagawa ng aktuwal na gawain. Ano ang gagawin nila? Isasagawa nila ang kanilang sariling proyekto, itatatag ang sarili nilang awtoridad, patatatagin ang sariling katayuan, at sasabihin ang sarili nilang mga ideya sa mga nasa ibaba nila at hihikayatin ang mga tao na makinig sa kanila—ginagawang walang bisa ang mga pagsasaayos ng gawain, mga layunin ng Diyos, at ang katotohanan. Ito mismo ang diwa ng gayong mga tao. Kapag wala silang katayuan, hinahangad nila ito nang buong lakas nila, at sa sandaling magkamit sila ng katayuan, para sa kanila, nangangahulugan ito na nakahanap sila ng pagkakataon. Pagkakataon para gawin ang ano? Para matugunan ang kanilang sariling ambisyon at patatagin ang kanilang sariling katayuan sa pinakaposibleng paraan; ginagamit nila ang ganoong pagkakataon para matugunan ang kanilang sariling ambisyon at pagkagumon sa paghawak ng katungkulan.
Ang kagustuhang makilahok sa politika ay parehong usapin ng masamang karakter at ng mga tiwaling disposisyon. Ilang tiwaling disposisyon ang sangkot dito? (Kayabangan at kalupitan.) Kayabangan, kalupitan, pagtutol sa katotohanan, at katigasan ng kalooban—naroroon ang lahat ng tiwaling disposisyong ito; ang bawat isa ay naroroon. Kung gayon, ano ang pinakamalubhang tiwaling disposisyon dito? Ito ay ang kalupitan—ang tipikal na katangian na pinakaprominente ay ang kalupitan. Para sa mga taong gustong makilahok sa politika, kung dismayado at hindi sila matagumpay sa mundo, nagnanais na makilahok sa politika pero walang pagkakataon o hindi makahanap ng paraan para makapasok sa mga mundo ng politika, kapag dumarating sila sa sambahayan ng Diyos, hindi namamatay ang kanilang ambisyon—nais pa rin nilang makilahok sa politika. Samakatwid, tinatrato nila ang paghahalal ng mga lider sa iba’t ibang antas na parang halalan ito para sa mga opisyal ng gobyerno. Sa tuwing may ganoong halalan, sabik na sabik silang pumunta, nangangalap ng suporta sa mga tao kahit saan para iboto sila. Sa sandaling maging mga lider sila, nakikita nila ito bilang paghawak ng katungkulan, pagkapit sa katayuan para sa kanilang sarili, pagsunggab ng kapangyarihan, at paggawa ng gusto nila. Kumikilos sila sa kahit anong paraang gusto nila at binabalewala nila ang gawaing itinalaga sa kanila ng sambahayan ng Diyos at ang tungkuling dapat nilang gawin, inaalala lamang ang tungkol sa pagpapakasa sa mga pakinabang ng katayuan. Tinatrato nila ang paggawa ng tungkulin ng isang lider katulad ng paghawak ng katungkulan, ginagawa ang anumang gusto at nais nilang gawin, at kumikilos sa anumang paraan na nagbibigay-kakayahan sa kanila na itatag ang sarili nilang awtoridad, patatagin ang sarili nilang katayuan, himukin ang iba na makinig sa kanila, at lubusang matugunan ang kanilang pagkagumon sa paghawak ng katungkulan. Hindi nila isinaalang-alang ang gawain ng sambahayan ng Diyos o ang mga kinakailangan ng pagsasaayos ng gawain. Napakamapanganib ng ganitong uri ng mga tao—kahit hindi pa sila nabubunyag bilang mga anticristo, sila ay magiging mga antcristo. Mayroon bang mabubuting tao sa mga gustong makilahok sa politika? Wala, walang mabubuting tao. Ang mga taong may matinding pagnanais para sa kapangyarihan ay imposibleng magmahal sa katotohanan. Dahil mayroon silang lubhang matinding pagnanis para sa kapangyarihan, hindi kayang supilin o pigilan ng kanilang konsensiya at katwiran ang kanilang pagnanais at paghahangad ng kapangyarihan. Kung ang isang tao ay gustong makilahok sa politika o lubhang nahuhumaling dito, at may malakas siyang pagnanais na gawin ito, ibig sabihin ay may malaking ambisyon siya para sa katayuan at kapangyarihan. Ang mga intensiyon, layunin, at batayan ng kanyang sariling asal at mga kilos ay ganap na nakasalalay sa kung makapagtatamo ba siya ng kapangyarihan at kung matutugunan ba ang ambisyon niya, sa halip na matukoy ng konsensiya at katwiran. Ito ang dahilan kung bakit nakakakilabot ang pagkatao ng gayong mga tao. Upang matugunan ang kanilang pagnanais para sa kapangyarihan at magkamit ng kapangyarihan, kaya nilang gawin ang kahit ano at isakripisyo ang anumang bagay—isinasakripisyo pa nga ang mga taong pinakamalapit at pinakamamahal nila. Kung huhusgahan batay rito, may pagkatao ba ang gayong mga tao? (Wala.) Halimbawa, ipagpalagay na ang isang lalaki ay gustong makilahok sa politika at may lubhang matinding pagnanais para sa kapangyarihan. Kapag lumitaw ang isang oportunidad para sa kanya na makilahok sa politika at makamit ang katayuan at kapangyarihang hinahangad niya, kung kailangan niyang isakripisyo ang babaeng minamahal niya para makamit ang katayuang hinahangad niya, hindi siya mag-aatubiling gawin iyon—hinding-hindi magiging malambot ang puso niya. Ang ilang tao ay hindi man lang mag-aatubiling isakripisyo ang kanilang sariling mga magulang para magkamit ng katayuan—kaya nilang isakripisyo ang sinuman. Ang tanging bagay na hinding-hindi nila bibitiwan ay ang katayuan. Sa madaling salita, maaari nilang gamitin ang sinumang tao, anumang pangyayari, o bagay bilang pantaya o halagang ipampapalit para sa katayuan. Kaya, batay sa karakter ng gayong mga tao, nagtataglay ba talaga sila ng konsensiya at katwiran? (Hindi.) Kaya napakakakila-kilabot ng ganitong uri ng mga tao. Maaaring naglaho na ang kanilang konsensiya at katwiran, o maaaring hindi sila kailanman nagkaroon ng konsensiya o katwiran sa simula pa lang—parehong posible ito. Bakit Ko sinasabing parehong posible ito? Kapag walang katayuan ang mga taong ito at kapag hindi nasasangkot ang mga usaping pampolitika, maaaring nakakasundo nila nang maayos ang iba, maaaring tinutulungan nila ang mga tao, maaaring hindi nila kailanman sinasamantala ang iba, at maaaring nagbibigay sila ng kawanggawa at nagiging napakamapagparaya. Sa panlabas, tila mayroon silang pagkatao, at mukhang normal ang kanilang konsensiya at katwiran. Pero hindi mo alam kung ano ang minamahal nila sa kanilang kaibuturan. Kapag natuklasan mo na ang minamahal nila sa kanilang kaibuturan ay katayuan at kapangyarihan, at pinagmamasdan mong muli ang pagkatao nila, magbabago ang pananaw mo, at magbabago rin ang pagkaunawa at pagtatasa mo sa kanilang pagkatao. Kapag walang kinalaman ang katayuan at kapangyarihan, umaasal sila nang normal kapag nakikisalamuha sa iba, at para silang mga disenteng tao. Pero sa sandaling magkamit sila ng katayuan at kapangyarihan, hindi na katulad ng dati ang pag-uugali nila—hindi mo na makikita kung nasaan ang kanilang konsensiya o katwiran. Saka mo lang mapagtatanto na talagang kakila-kilabot ang gayong mga tao. Lumalabas na ang pagkataong ipinakita nila noon ay pansamantala lamang—ibinunyag lang ito dahil sa tulak ng isang partikular na kapaligiran at mga partikular na pakinabang, sa ilalim ng mga sitwasyon kung saan hindi sangkot ang kanilang minamahal na kapangyarihan at katayuan. Pero sa sandaling masangkot ang katayuan at kapangyarihan, nabubunyag ang kanilang tunay na pagkatao. Kapag nakita mo ang tunay nilang pagkatao, tutukuyin mo sila bilang mga taong walang pagkatao. Ibig sabihin, bago mo makita ang esensyal na bagay sa kailaliman ng kanilang puso, nararamdaman mo nakakasundo nila nang maayos ang iba at na hindi sila walang pagkatao. Pero kapag tunay mong nauunawaan ang kanilang panloob na mundo at ang kanilang pagkataong diwa, at nakikita mo na ang minamahal nila ay katayuan at kapangyarihan, mapagtatanto mo na ang gayong mga tao ay walang pagkatao—may dalawang mukha sila. Ano ang tawag ng mga walang pananampalataya sa ganitong uri ng pagpapamalas? Hindi ba’t tinatawag itong dobleng personalidad? (Oo.) Ang isang hindi-tao ay nagsusuot ng laman ng tao—kapag nakikisalamuha sila sa iba, hindi mo nakikita kung ano ang nasa kailaliman ng kanyang kaluluwa, kaya iniisip mong normal na tao siya—marahil ay naniniwala ka pa nga na mabuting tao siya. Pero kapag nakita mo ang kanyang ibang pagkatao, hindi ka lang titigil sa pag-iisip na siya ay mabuting tao, kundi kakila-kilabot rin ang magiging tingin mo sa kanya. Ito ang ibig sabihin ng pagiging isang hindi-tao. Ano nga ba ang mga hindi-tao? Kahit na may kaunting wangis ng tao sa ipinapakita niya, hindi iyon tunay. Dahil wala siyang katotohanang realidad, ang paminsan-minsan niyang mabubuting pagpapamalas ay hindi kumakatawan sa kanyang diwa. Ang pagkataong ipinapakita niya kapag tunay niyang pinipili ang kanyang landas ang diwa niya. Samakatwid, hindi ka dapat malihis ng panlabas na hitsura ng gayong mga tao—ang susi ay ang tingnan ang landas na tinatahak niya at ang kanyang diwa. Naipaliwanag Ko ba ang nang malinaw ngayon ang usaping ito? (Oo.) Ano ang naunawaan ninyo? Kung ang isang tao ay mahilig magtalakay ng politika at nananatili lamang ito sa antas ng kaisipan, at isa lamang itong hilig at libangan, kung gayon, hindi ito problema. Pero kung gusto niyang makilahok sa politika, hindi na ito isang isyu ng kaisipan—kinapapalooban na ito ng problema sa kanyang sariling asal at sa landas na tinatahak niya. Sa sandaling may kinalaman na ito sa kung paano siya umaasal at sa landas na tinatahak niya, may kinalaman na ito sa karakter niya. At kapag may kinalaman ang karakter, sa karamihan ng kaso, kinapapalooban ito ng mga tiwaling disposisyon. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.) Sige, dito na nagtatapos ang ating talakayan tungkol sa pagpapamalas ng kagustuhang makilahok sa politika.
Pag-usapan natin ang isa pang pagpapamalas, ang pagkahilig sa panitikan. Anong uri ng pagpapamalas ito? (Isang likas na kondisyon.) Ibig sabihin, likas sa mga taong iyon ang pagkahilig sa panitikan. Dahil mahilig sila sa panitikan, pagdating sa mga paksa, aklat, at mga bagay na may kinalaman sa panitikan, nagpapamalas sila ng espesyal na pagkagiliw at kuryosidad, o nagpapamalas sila ng isang espesyal na saloobin—ito ay isang likas na kondisyon. Kung gayon, paano naman ang pagkahilig sa teknolohiya? (Isa itong likas na kondisyon.) Ibig sabihin, kapag walang panghihimasok o pakikialam mula sa mundo sa labas, interesadong-interesado ang mga tao sa mga partikular na uri ng bagay, mahilig silang magbasa ng mga ganoong uri ng aklat, at mahilig din silang magbigay-pansin at makipag-usap tungkol sa mga ganoong paksa; kasabay nito, adhikain din nila ang makibahagi sa isang trabaho o larangan na may kaugnayan sa mga ganoong bagay. Ito ay likas—hindi nito kailangan ang iba na makialam, ni hindi ito kailangang ituro, at siyempre, hindi rin nito kailangan ang iba na sadyang mag-impluwensiya o mag-indoktrina sa kanila sa kanilang buhay. Ipinanganak silang may pagkahilig sa mga partikular na bagay. Ang pagkahilig sa teknolohiya ay isang likas na kondisyon, kaya paano naman ang pagkahilig sa mga halaman at hayop? (Likas na kondisyon din iyon.) Ang pagkahilig sa mga halaman at hayop—pagmamalasakit sa mga puno, insekto, at mga ibon; lalo na ang pagkahilig na makisalamuha sa maliliit na hayop, magkaroon ng malapitang pakikipag-ugnayan sa mga ito, at pagiging labis na mapagmahal at mapagparaya sa mga ito—ay isang likas na kondisyon. Kita mo, ang mga bagay na ito na kabilang sa mga likas kondisyon ay napakanormal, hindi ba? (Oo.) Ang mga ito ay hindi kinapapalooban ng mga negatibong bagay sa loob ng mga tiwaling disposisyon tulad ng kayabangan at kabuktutan. Tapos, ang mga bagay gaya ng pagkahilig sa abyasyon, pagkahilig sa kasaysayan, pagkahilig sa astronomiya at heograpiya, pagkahilig sa agham ng nutrisyon at medisina, pagkahilig sa batas, pagkahilig sa agrikultura—anong uri ng mga pagpapamalas ang mga ito? (Mga likas na kondisyon.) Ang ilang tao ay mahilig sa agrikultura; mahilig silang magsaliksik tungkol sa pagdikit ng mga usbong, pagpapabuti, at ani ng iba’ t ibang halaman, hilig nilang saliksikin ang mga epekto ng klima at temperatura sa mga halaman, hilig nilang magtanim ng mga gulay, pananim, puno, at bulaklak. Araw-araw na maputik at may kalyo ang mga kamay nila dahil sa pagtatrabaho. Ang mga taong ito ay hindi gusto ang maging doktor, abogado, o opisyal—ang gusto lang nila ay pagsasaka at ang pag-aasikaso ng mga halaman, at nakakaramdam sila ng malaking kapanatagan sa pamumuhay nang ganito. May kaugnayan ba sa pagkatao ng mga tao kung ano ang kanilang gusto, ang kanilang mga interes at libangan? (Wala.) Nakakaapekto ba ito sa kanilang pagkatao? (Hindi.) Sa pangkalahatan, hindi ito nakakaapekto roon. Ang mga magsasaka ay hindi maaaring tawaging napakamarangal; mayroon din silang mga tiwaling disposisyon. Gayundin, ang mga nakatataas na intelektuwal, gaya ng mga taong nakikibahagi sa mga larangan ng teknolohiya, panitikan, medisina, o batas, ay hindi mas higit ang pagkatao kaysa sa mga magsasaka. Pagkatapos makakuha ng napakaraming kaalaman, makabasa ng napakaraming aklat, at mag-aral sa napakahabang panahon, sa huli, wala silang pagkaunawa sa Diyos kahit kaunti—natuto lamang sila nang kaunti pa mula sa mga aklat at nagkamit sila ng kaunti pang kaalaman at kabatiran. Pero pagdating sa kung paano sila umasal, anong uri ng landas sa buhay ang dapat nilang sundin, paano sila dapat manampalataya at sumamba sa Diyos, at paano kumilos upang umayon sa mga prinsipyo ng pag-asal sa lahat ng uri ng usapin sa buhay—wala silang alam tungkol sa alinman sa mga bagay na ito. Ang karaniwang katangian ng mga taong mayroong mga hilig at libangan sa iba-ibang larangan ay na kahit ano man ang gusto nila, handa silang gawin iyon, at handa silang makibahagi sa gawain ng larangang iyon, at pagkatapos ay inilalaan nila ang sarili nila sa larangang iyon. Alinmang larangan nila inilalaan ang kanilang sarili, hangga’t nasa loob sila ng lipunang ito, nakondisyon at natiwali sila ni Satanas. Walang pagkatao ng tao ang nagiging marangal dahil lamang ang kanyang mga hilig at libangan, o ang larangang kinasasangkutan niya, ay mas marangal o mas kagalang-galang kaysa sa iba. Gayundin, walang tao ang nagiging mas mababa o mas tiwali kaysa sa iba dahil lamang ang antas ng hanapbuhay niya ay mababa, aba, o minamaliit ng iba. Sa kabaligtaran, anuman ang mga hilig at libangan ng isang tao, anuman ang uri ng larangang kinasasangkutan niya sa paggamit ng anumang kalakasan o kaloob, sa huli, hindi umaayon sa katotohanan ang mga kaisipan at pananaw na taglay niya. Ang mga tao ay pawang may parehong saloobin sa katotohanan at sa Diyos, at ang ibinubunyag nila ay pawang mga tiwaling disposisyon. Ang pagkakapareho ng mga tao ay na namumuhay sila nang may mga tiwaling masamang disposisyon bilang kanilang buhay. Kaya, anuman ang mga hilig at libangan na mayroon ka at anumang hanapbuhay ang kinasasangkutan mo, hindi ibig sabihin na maaapektuhan nito ang pagkatao mo, ni hind ibig sabihin na ang pagkatao mo ay maitataas o maaagnas sa isang partikular na antas. Mula sa mga katunayang ito, makikita na ang mga likas na kondisyon na ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay hindi nakaaapekto sa kanilang mga pamantayan para sa kanilang sariling asal at mga kilos, o nakakabago sa landas at direksiyon ng kanilang mga kilos. Sa pinakamataas na antas, ang mga hilig at libangan na ito ay mga kasangkapan lamang o isang uri ng likas na kapital na inaasahan nila para patuloy na umiral, nang sa gayon, sa pamamagitan ng larangang kinasasangkutan nila, magkakaroon sila ng pagkakakitaan at mapapanatili ang kanilang kabuhayan. Gayumpaman, sa proseso ng pagpapanatili ng kanilang kabuhayan, ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na tinatanggap ng mga tao sa gitna ng mga grupo ng mga tao sa iba’t ibang larangan ay magkakapareho. Samakatwid, sa huli, sa alinmang larangan naroroon ang isang tao, alinmang sulok ng lipunan siya naroroon, o alinmang grupo ng mga tao o alinmang lahi siya nabibilang, pareho ang natatanggap niyang katiwalian. Hindi ka nagiging mas marangal o hindi gaanong malalim na tiwali kaysa sa iba dahil lang nakikibahagi ka sa isang medyo mas mataas na antas ng trabaho o hanapbuhay, ni hindi ka nagiging mas malalim na tiwali kaysa sa iba dahil lang sa mababa ang antas ng larangang kinasasangkutan mo. Sa madaling salita, anuman ang mga likas mong hilig at libangan, sa huli, hindi maiiwasan at hindi mapaglalabanan na ginagawa kang tiwali ni Satanas sa lipunang ito at sa gitna ng mga tao.
Susunod, pag-usapan naman natin ang isa pang pagpapamalas. Ang ilang tao ay mahilig sa gawaing pinansiyal at accounting; mahilig silang humawak ng mga numero at ginugugol nila ang buong buhay nila nang nakikibahagi sa gawaing pinansiyal. Araw-araw silang nagtatala ng mga account, nag-aayos ng mga account, humahawak ng mga bayad at resibo ng pondo—palaging puno ng mga datos ang isipan nila, pero hindi nila nararamdaman na nakakainip ito. Ang pagkahilig sa gawaing pinansiyal at accounting—sa anong aspekto ito nabibilang? (Mga likas na kondisyon.) Ito ay isang kalakasang ibinibigay ng Diyos sa mga tao. Dahil magaling ka rito, natural mong pinipili ang hanapbuhay na ito, at pagkatapos ay nagkakaroon ka ng kabuhayan para sa buong buhay mo—ganito mo sinusustentuhan ang sarili mo. Katumbas ito ng pagpapadala ng Diyos sa iyo ng mana o pugo mula sa langit, para mayroon kang makakain. Ang hilig at libangan na ito ay parang isang gintong gansa na nahuhulog mula sa langit, dumadapo sa mga kamay mo, na nagbibigay-daan para magkaroon ka ng ganitong hilig at libangan. Pagkatapos, natural kang nakikibahagi sa isang hanapbuhay na kaugnay ng iyong hilig at libangan, at nang may ganito bilang kabuhayan mo, nasusustentuhan mo ang iyong sarili hanggang sa ngayon. Hindi mahalaga kung magaling ka rito o hindi, o kung ilang taon ka nang nakikibahagi rito, basta’t ito ay isang bagay na mula pagkapanganak mo, ito ang inorden ng Diyos para sa iyo—isa itong likas na kondisyon. Sa madaling salita, ang lahat ng ito ay nagmumula sa Diyos—walang dapat ipagyabang ang mga tao tungkol dito. Hindi ba’t tama iyon? (Oo.)
Ang pagkahilig sa pagnenegosyo, ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo—sa anong aspekto ito nabibilang? (Mga likas na kondisyon.) Ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo ay nangangahulugan ng pagpapatakbo ng sariling negosyo nang mas mahusay kaysa sa karamihan ng tao. Maaaring nagpapatakbo ang iba ng negosyo sa loob ng dalawa o tatlong buwan at nababangkarote, nawawalan pati ng kanilang unang puhunan, pero pinapatakbo nila ang kanilang negosyo nang dalawa o tatlong taon at lalo silang gumagaling. Unti-unti, umuunlad ang kanilang buhay—mas nakakakain at nakakapanamit nang maayos ang kanilang pamilya, napapalitan ang maliit nilang bahay ng mas malaki, ang maliit na sasakyan ng mas malaking sasakyan, at patuloy na bumubuti ang buhay nila; nagiging mayayamang negosyante sila. Ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo—isa ba itong likas na kondisyon? (Oo.) Ang pagiging bihasa sa pagnenegosyo, ang likas na kondisyong ito, ay kalakasan nila. Hindi nila espesyal na pinag-aralan kung paano magnegosyo, ni hindi sila naimpluwensiyahan ng kanilang mga magulang, pero madali silang nagtatagumpay sa pagpapatakbo ng maliit na negosyo at sa pagkita ng pera. Tinanong mo sila, “Mahirap ba para sa iyo ang pagnenegosyo?” Sumasagot sila, “Hindi naman. Ginagamit ko lang ang utak ko, iniisip ko kung paano gawin ang mga bagay sa paraang angkop at kikita ng pera, at pagkatapos ay nagpapatuloy ako at ginagawa ko ito sa ganoong paraan—at sa huli, akin ang pera.” Sinasabi mo, “Mukhang walang hirap at napakadali para sa iyo ang pagnenegosyo. Bakit hindi ko ito magawa?” Bakit? Dahil hindi ka binigyan ng Diyos ng ganoong kalakasan, kaya sadyang wala kang talento rito. Kaya, ang mga may kalakasan ay hindi dapat magmataas, at ang mga walang kalakasan ay hindi dapat mainggit. Ang ibinibigay ng Diyos, walang sinuman ang makakaalis—kahit ayaw mo rito, hindi mo ito puwedeng tanggihan. Sadyang ginawa kang bihasa ng Diyos sa bagay na ito, at sa pamamagitan ng kalakasang ito, binibigyan ka Niya ng paraan ng kabuhayan o isang kalakalan para masustentuhan ang buhay mo. Ito ay biyaya ng Diyos. Ang iba ay natututo, tinuturuan, at nagsasagawa, pero kahit anong sikap nila, hindi sila makapagkamit ng magagandang resulta. Pero kaya mong gawin ito nang hindi ito napag-aralan. Paano man sila mag-isip, hindi gumagana ang isipan nila nang kasingbilis ng sa iyo, at hindi nila kayang magpatakbo nang kasinghusay gaya mo. Kaya, saan nagmumula ang kalakasan mong ito? Hindi ba’t likas ito? At hindi ba’t ang likas ay ipinagkakaloob ng Diyos? Palagi mong sinasabi kung ano ang gusto mo, kung saan ka bihasa—pero iyon ba ay isang bagay na hiniling mo? Sinasabi ng ilang tao na namana nila ito mula sa kanilang mga magulang. Kung gayon, bakit hindi ka nagmana ng iba pang bagay? Subukan mong maghanap ng paraan para ipasa ang kalakasang ito sa iyong susunod na henerasyon—magagawa mo ba ito? Makakapagdesisyon ka ba sa usaping ito? (Hindi.) Talagang hindi. Ang kalakasang taglay mo ay bigay ng Diyos—gaano ka man kinaiinggitan ng iba, hindi nila ito kayang alisin o agawin, at kahit ayaw mo nito, ibinibigay pa rin ito ng Diyos sa iyo. Sapagkat pinakitaan ka ng Diyos ng biyaya, dapat mo itong tanggapin mula sa Kanya. Huwag kang magmataas, at huwag kang magyabang. Ang pagmamataas at pagyayabang ay mga pagpapamalas ng kamangmangan ng tao.
Kaya, paano mo dapat tratuhin nang wasto ang kalakasan na ibinigay sa iyo ng Diyos? Kung kailangan ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng tungkulin sa larangang ito, dapat mong gamitin ang kalakasan mo sa iyong tungkulin, sa gawain ng iglesia. Huwag kang magpigil—ipamalas ito, at gawin ito sa abot ng pinakamakakaya mo. Sa ganitong paraan, hindi maibibigay nang walang saysay ang kalakasang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos; ang biyaya at espesyal na pagtrato na iyong tinamasa mula sa Diyos ay maibabalik sa Kanya. Sa paggawa nito, isa kang taong may konsensiya—hindi ka lang naghahangad ng mga pakinabang para sa sarili mo kundi sinusuklian mo ang Diyos. Ito ay pagkilos nang tama. Kahit iniisip mo, “Mayroon akong ganitong kalakasan, ganitong hilig at libangan, at napakadali para sa akin ang paggawa nito,” hangga’t itinuturing mo itong bilang tungkulin mo, hindi ka maaaring umasa lamang sa iyong kalakasan, hilig, at libangan. Dapat mo itong gawin ayon sa mga prinsipyong sinabi sa iyo ng Diyos at sa mga hinihingi ng sambahayan ng Diyos, at pagkatapos ay pagsamahin iyon sa kalakasan mo. Sa ganitong paraan, maayos na magagawa ang tungkulin mo, at maiaalay mo ang iyong katapatan. Katulad lang ito ng kung paanong nagkaloob ang Diyos ng isang anak na lalaki kay Abraham—nang ibinigay siya ng Diyos, labis na nagalak si Abraham, at nang ginusto ng Diyos na kunin siya, kinailangan ni Abraham na kusang-loob at ganap na ialay ang anak sa Diyos. Hindi siya nagpigil o hindi niya sinubukang magtakda ng mga kondisyon, at higit pa rito, hindi siya nagreklamo o nang-insulto sa Diyos—kinailangan niyang ialay ang anak nang buong-puso at sinsero. Kapag pinagkakalooban ka ng Diyos ng biyaya, nagiging masayang-masaya at kontento ka, nararamdaman mong nagkamit ka ng kalamangan at na nagpapakita ng kabaitan sa iyo ang Diyos. Pagkatapos mong matamasa ang labis na biyaya ng Diyos, ano ang saloobin mo kapag hiniling ng Diyos na mag-alay ka ng isang bagay? Matitiis mo bang humiwalay rito? Kaya mo bang ialay ito sa Diyos at ibalik sa Kanya nang walang pag-aalinlangan? Kung kaya mong ibalik sa Diyos ang ibinigay Niya sa iyo nang walang kompromiso, ayon sa mga prinsipyong hinihingi Niya, nang walang reklamo, walang pag-aalinlangan, at nang hindi ito itinatago para sa sarili mo, bagkus ay iniaalay ito sa Diyos, kung gayon, ikaw ay pasok sa pamantayan bilang isang nilikha; ang tungkuling ginawa mo ay pasok din sa pamantayan, at masisiyahan ang Diyos. Hindi mataas ang mga hinihingi ng Diyos sa iyo, sapagkat ang ibinigay ng Diyos sa iyo ay maraming beses na lampas pa sa kaya mong ialay. Bukod sa pagbibigay sa iyo ng buhay, binigyan ka rin ng Diyos ng kapital at mga kondisyon na inaasahan mo para sa patuloy na pag-iral. Dahil mayroon kang ganitong kalakasan, hilig at libangan, gaano kalaking pakinabang ang nakamit mo? Gaano kalaking biyaya ng Diyos ang natamasa mo? Hanggang ngayon, gaano kalaki ang naisukli mo sa Diyos? Kung ngayon ka pa lang nagsisimulang magsukli sa Diyos, medyo napakabagal mo. Kung hindi ka mahusay na gumawa noon, mula ngayon, dapat kang mag-alay sa Diyos nang walang anumang pag-aalinlangan; gamitin mo ang iyong kalakasan at ang mga propesyonal na kasanayan at iba’t ibang prinsipyo ng propesyon na pinagkadalubhasaan mo sa iyong tungkulin, nang walang anumang hindi ginagamit, dahil ang iniaalay mo ay orihinal na sa Diyos—ipinagkaloob ito sa iyo ng Diyos. Kapag iniaalay mo ang mga bagay na ito at ginagamit ang mga ito sa tungkulin mo, sa isang banda, tatanggapin ito ng Diyos, at sa isa pang banda, makakamit mo ang katotohanan, makakamit ang buhay, at makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos—magkakamit ka ng mga napakalaking pakinabang at hindi ka magdurusa ng kawalan kahit kaunti. Kasabay nito, hindi inalis ng Diyos ang karapatan mong magtamasa ng iyong hilig, libangan, at kalakasan. Dahil ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang hilig at libangang ito, hinding-hindi Niya babawiin ang mga ito. Gaano ka man mag-alay, mananatili pa rin sa iyo ang mga ito—tinitiyak ng Diyos na magpapatuloy na naroroon sa loob mo ang mga ito nang walang katapusan; ang mga ito ay parte ng iyong mismong katauhan. Kung hindi ka nag-aalay sa Diyos, masasabi lamang na wala kang konsensiya, na hindi ka pasok sa pamantayan bilang isang nilikha, at na wala kang sinseridad sa Diyos. Kung mayroon ka ngang sinseridad, dapat kang magsukli sa Diyos ng kung ano ang natanggap mo mula sa Kanya at kung ano ang taglay mo. Dapat may ganito kang saloobin. Gaano man kalaki ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo, gaano man kalaki ang nauunawaan mo, at gaano man kalaki ang kaya mong gawin, dapat kang mag-alay sa Diyos nang walang pag-aalinlangan. Sa tingin mo ba ay ipapaalay ito ng Diyos sa iyo nang walang saysay? Tingnan mo si Abraham—nang hiningi ng Diyos sa kanya si Isaac, inialay niya si Isaac sa altar. Pero pagkatapos makita ang sinseridad ni Abraham, kinuha ba talaga ng Diyos si Isaac? Hindi siya kinuha ng Diyos—ibinalik ng Diyos si Isaac kay Abraham at naghanda Siya ng isang tupa sa malapit. Hindi lamang na hindi kinailangang isauli ni Abraham si Isaac sa Diyos, tumanggap din siya ng tupang nakahanda na. Sa huli, ang pagpapalang ibinigay ng Diyos sa kanya ay di-mabilang na humigit pa sa kung ano ang nasa imahinasyon niya. Siyempre, hindi ito isang bagay na nailarawan ni Abraham sa isip, ni isang bagay na hiniling niya. Pero hindi tinatrato ng Diyos nang hindi patas ang mga tao; pinagpapala lang Niya ang mga tao sa ganitong paraan—ito ang kalooban ng Diyos. Kahit na wala ka pang anumang naisukli sa Diyos, napakarami na Niyang ipinagkaloob sa iyo. Kaya, kung talagang susuklian mo ang Diyos, sa tingin mo ba ay magkakaloob Siya sa iyo nang mas kaunti? Tiyak na hindi—ang pagpapalang ibinibigay ng Diyos sa iyo ay hihigit pa sa lahat ng kaya mong ilarawan sa isip. Kaya sabihin mo sa Akin, madali bang ialay ang lahat ng kalakasang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo at gamitin ang mga ito sa iyong tungkulin? Ipagpalagay na iniisip mong: “Ang mga kalakasan, hilig, at libangang ito na likas kong taglay ay mga bagay mula pagkapanganak ko, minana ko ang mga ito mula sa aking mga magulang. Ang mga ito ay dahil sa magandang lahi ko at paborable kong pinanggalingan. Kung ipinagkaloob man ito ng Diyos, hindi ko alam. Basta, mapalad lang ako—ito ang sarili kong suwerte. Kung ibabalik ko man ang mga ito sa Diyos, saka ko na ito pagpapasyahan. Sa ngayon, wala akong planong gawin iyon.” Sabihin mo sa Akin, ibig bang sabihin niyon ay mayroon kang konsensiya? (Hindi.) Kahit na hindi binawi ng Diyos ang mga hilig, libangan, kalakasan, at iba pang bagay na ipinagkaloob Niya sa iyo, hindi mo makakamit ang pagpapala ng Diyos. Sa mga mata ng Diyos, hindi ka magiging pasok sa pamantayan bilang isang nilikha—sa pinakamababa, hindi gusto ng Diyos ang mga taong gaya nito. Ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang mga partikular na hilig, libangan, at kalakasan, at mayroon din Siyang mga partikular na hinihingi para sa mga ito. Tungkol sa kung paano tinatrato ng mga tao ang mga hilig, libangan, at kalakasan na ito, dapat din silang magkaroon ng mga prinsipyong umaayon sa katotohanan. Sa isang banda, huwag mong ituring ang mga ito bilang iyong kapital; dagdag pa rito, kung hinihingi ng gawain ng sambahayan ng Diyos na gumawa ka ng tungkuling nauugnay sa iyong mga hilig, libangan, at kalakasan, dapat mong madama na isang karangalan na tanggapin ang tungkuling ito bilang iyong personal na obligasyon. Dapat mong ialay kung ano ang ipinagkaloob ng Diyos sa iyo nang lubos at nang walang pag-aalinlangan, nang sa gayon ay matamasa ng Diyos ang sinseridad at pagpapasakop ng isang nilikha sa Kanya. Hindi ba’t isa itong marangal at maluwalhating bagay? (Oo.) Kung hindi mo kayang ialay sa Diyos ang mga kaloob at kalakasang ipinagkaloob Niya sa iyo, kung gayon, may utang ka sa Diyos—isa iyong kahiya-hiyang bagay. Nang ipinagkaloob sa iyo ng Diyos ang mga kaloob at kalakasang ito, napakasaya mo, pero kapag hinihingi ng Diyos na ialay mo ang mga ito sa Kanya, naiirita ka, ayaw mong ipagamit ang mga ito sa Diyos at gusto mo lang na magamit ang mga ito para sa sarili mo. Nagpapakita ba ito ng katwiran? Ang mga iyon ay hindi mo pribadong mga pag-aari—ipinagkaloob ng Diyos ang mga iyon. Dahil ipinagkaloob ng Diyos ang mga iyon, kapag hinihingi Niya ang mga ito, dapat mong ialay ang mga iyon. Ang magawang ialay ang mga ito ay nagpapakita na mayroon kang pagpapasakop at sinseridad sa Diyos. Kung ayaw mong ialay ang mga ito, o ginagawa mo ito nang may pag-aatubili at sama ng loob, nagpapatunay ito na wala kang pagpapasakop ni sinseridad sa Diyos. Masasabi lamang na may problema sa pagkatao at karakter mo.
Sige, iyon na lahat para sa ating pagbabahaginan ngayong araw. Paalam!
Disyembre 23, 2023