Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 13

Matagal-tagal na tayong nagbabahaginan sa paksang “pagbitiw” sa “Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan.” Napag-isipan ba ninyo ang iba’t ibang aspektong nasasangkot sa paksang ito? Tungkol sa mga bagay na pinagbahaginan natin na kailangang bitiwan ng mga tao, madali ba para sa mga tao na bitiwan ang mga ito? Pagkatapos makinig sa mga pagbabahaginan, pinagmuni-munihan at pinagnilay-nilayan ba ninyo ang inyong mga sarili batay sa nilalaman ng mga ito? Inihambing ba ninyo ang nilalamang ito sa mga ipinapakita at ipinapamalas ninyo sa pang-araw-araw na buhay? (Madalas kong pag-isipan ito. Noong huling beses na nagbahagi ang Diyos tungkol sa pagbitiw sa mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya sa atin, napagtanto ko na karaniwan kong sinusunod ang mga satanikong pilosopiyang ito sa buhay ko para sa mga makamundong pakikitungo, tulad ng kasabihang “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito,” na ikinintal sa akin ng aking pamilya. Pagkatapos tanggapin ang mga ideyang ito, binigyan ko ng halaga ang dignidad at katayuan sa lahat ng ginagawa ko, takot akong mapahiya, at hindi ko magawang maging isang matapat na tao.) Ang lahat ng nilalamang ito na pinagbahaginan natin tungkol sa pagbitiw sa iba’t ibang bagay ay pangunahing tumutukoy sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao sa iba’t ibang bagay. Sa pamamagitan ng paglalantad sa kanilang mga maling kaisipan at pananaw sa mga usaping ito, binibigyan nito ng kakayahan ang mga tao na makilala ang mga ito at magkaroon ng malinaw na kaalaman tungkol sa mga ito, at pagkatapos ay mabitiwan ang mga ito sa positibong paraan at hindi na mapigilan ng mga ito. Ang pinakamahalaga ay ang hindi magpagapos sa mga kaisipan at pananaw na ito, kundi ang mamuhay at umiral sa pamamagitan ng wastong paggamit sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan bilang pamantayan ng isang tao. Kung nais pumasok ng mga tao sa realidad ng iba’t ibang katotohanan, dapat silang magkaroon ng kaalaman at karanasan mula sa lahat ng perspektiba. Partikular na dapat silang magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa mga pasibo at negatibong ideya at pananaw tungkol sa iba’t ibang bagay. Kung mayroon silang pagkilatis sa mga ito, saka lamang nila maagap na mabibitiwan ang mga ito at hindi na malilihis at maigagapos ng mga ito. Samakatuwid, upang makapasok sa realidad ng iba’t ibang katotohanan at matamo ang resulta ng paghahangad sa katotohanan, dapat madalas na pagnilay-nilayan ng mga tao ang kanilang sarili at isipin kung paanong nakagapos at kontrolado sila sa pang-araw-araw na buhay ng iba’t ibang ideya at pananaw, o madalas na sikaping alamin kung anong mga kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan nila tungkol sa iba’t ibang bagay sa pang-araw-araw na buhay, at tukuyin kung tama ba o hindi ang mga kaisipan at pananaw na ito at kung alinsunod ba ang mga ito sa katotohanan, kung ang mga ito ba ay positibo at nagmumula sa Diyos, o kung ang mga ito ay nagmumula sa mga intensiyon ng tao o kay Satanas. Ito ay isang napakahalagang aral, at isa itong aspekto ng realidad na dapat pasukin ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Ibig sabihin, sa pang-araw-araw na buhay, nakakatagpo ka man o hindi ng iba’t ibang tao, usapin at bagay, dapat palagi mong suriin kung anong mga kaisipan at pananaw ang pinanghahawakan mo, at kung ang mga kaisipan at pananaw na ito ay tama at alinsunod sa katotohanan—ito ay isang napakahalagang aral. Sa iyong pang-araw-araw na buhay, maliban sa karaniwang pagganap mo sa iyong tungkulin, dapat 80 hanggang 90 porsiyento ng buhay mo ang iginugugol mo sa pagpasok sa aspektong ito. Sa ganitong paraan ka lamang makakaasa na maaalis ang lahat ng uri ng kaisipan at pananaw tungkol sa mga negatibong bagay, at makakapasok sa katotohanang realidad. Masasabi rin na magkakaroon ka lamang ng pag-asa kapag tiningnan mo ang mga tao at bagay, at kapag umasal at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos, gamit ang katotohanan bilang iyong pamantayan; saka ka lang makakaasa na maliligtas ka sa huli. Kung sa pang-araw-araw mong buhay, maliban sa karaniwang pagganap mo sa iyong mga tungkulin ay walang laman ang isipan mo sa natitirang 80 hanggang 90 porsiyento ng oras, o pinag-iisipan at pinagmumuni-munihan mo lamang ang iyong pisikal na buhay, katayuan at reputasyon, kung gayon, hindi magiging madali para sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad, o makamit ang resulta ng paghahangad sa katotohanan. Kung alinman sa mga bagay na ito ay hindi madali para sa iyo na kamtin, magiging napakaliit ng tsansa mong maligtas. Sa ano, kung gayon, nakasalalay ang pagkakamit ng kaligtasan? Sa isang punto, nakasalalay ito sa kung paano gumagawa ang Diyos at kung gumagawa ba sa iyo ang Banal na Espiritu; sa isa pang punto, nakasalalay ito sa iyong sariling kasipagan, kung gaano kalaki ang halagang ibinabayad mo, at kung gaano karaming lakas at oras ang ginugugol mo sa paghahangad sa katotohanan at pagkakamit ng kaligtasan. Kung ang kadalasan mong iniisip at ginagawa ay walang kinalaman sa paghahangad sa katotohanan, kung gayon, walang kinalaman ang ginagawa mo sa pagkakaligtas—ito ay isang hindi maiiwasang katunayan at isang hindi maiiwasang resulta. Kaya, ano ang dapat ninyong gawin, magmula ngayon? Ang isang aspekto ay na dapat maingat ninyong sundin ang bawat paksa na pinagbabahaginan, at pagkatapos ay aktibong sikaping pagnilayan at unawain ang paksa, ibig sabihin, kapag natapos na natin ang isang paksa, dapat ka nang kumilos habang mainam pa ang pagkakataon sa pamamagitan ng pagninilay-nilay sa iyong sarili, upang makamit ang isang tunay at tumpak na kaalaman, at tunay na pagsisisi. Ang layon ng pagkakaroon ng kaalaman sa aspektong ito ng katotohanan sa lalong madaling panahon pagkatapos nating magbahaginan dito, o pagkatapos mong maunawaan ang ilang bahagi ng ating pinagbahaginan, ay upang magkaroon ka ng pinakabatayang kamalayan sa sarili mong mga kaisipan at pananaw, upang sa kalaunan, kapag naharap ka sa mga usaping nauugnay rito sa pang-araw-araw na buhay, ang iyong dating kaalaman at pagkaunawa sa mga katotohanang prinsipyo ay magiging mga batayang ideya at pananaw na gagabay sa iyong karanasan sa usaping ito. Kahit papaano, sa sandaling magkaroon ka ng kamalayan at ng tumpak at wastong kaalaman, ang saloobin at pag-unawa mo sa usaping ito ay magiging positibo at maagap. Ibig sabihin, bago mangyari ang kaganapang ito, mababakunahan ka na at magkakaroon ng panangga, para kapag talagang nangyari na ito, mababawasan ang mga tendensiya mong mabigo, gayundin ang posibilidad na pagtaksilan mo ang Diyos, at tataas nang husto ang probabilidad na makapasok ka sa katotohanang realidad. Katulad lang ito ng kapag nagaganap ang isang pandemya: Kung hindi ka magpapabakuna, ang tanging magagawa mo ay manatili sa loob ng bahay at huwag lumabas, kaya liliit ang posibilidad na mahahawa ka. Ngunit kung lalabas ka at maglilibot-libot, at makikihalubilo sa mundo sa labas, dapat kang magpabakuna. Inaalis ba ng bakunang ito ang posibilidad ng impeksiyon? Hindi, pero binabawasan nito ang probabilidad ng impeksiyon. Sapat nang sabihing magkakaroon ka ng antibodies sa katawan. Ang proseso ng paghahangad sa katotohanan ay nagsisimula sa kaalaman sa iba’t ibang katotohanan. Kung may alam kang mga tama at positibong pahayag at prinsipyo mula sa loob ng iba’t ibang katotohanan, at kasabay nito, may partikular ka ring kaalaman sa iba’t ibang negatibo at masamang kaisipan at pananaw na inihahayag ng bawat katotohanan, kung gayon, kapag muling mangyari ang gayong kaganapan, ang mga pasya mo ay hindi na magiging batay sa pamantayan ng mga negatibo at masamang ideya at opinyon na ikinintal sa iyo ni Satanas, at hindi ka na magkakaroon ng saloobin na kumakapit sa gayong mga ideya at pananaw. Bagamat sa yugtong ito ay hindi ka pa nakapasok sa aspektong ito ng katotohanang realidad at maaaring neutral ang mga pananaw mo, gayunpaman, pagkatapos tanggapin ang mga positibong ideya at pananaw na ito, magkakaroon ka ng tiyak na kaalaman sa mga negatibong ideya at pananaw, upang kapag naharap ka sa parehong usapin sa hinaharap, kahit papaano ay matutukoy mo ang mga positibo at negatibong ideya at pananaw na nauugnay sa ganitong uri ng usapin, at magkakaroon ka ng partikular na mga pamantayan sa pagharap dito. Sa batayan ng mga pamantayang ito, ang mga taong nagmamahal sa katotohanan at mayroong pagkatao ay malamang na mas nahihikayat na isagawa ang katotohanan at tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ayon sa pamantayan ng katotohanan. Sa partikular na antas, lubos itong makatutulong sa iyo na makapasok sa katotohanang realidad at makapagsagawa ayon sa mga katotohanang prinsipyo, magpasakop sa Diyos ayon sa Kanyang mga hinihingi, at matanggap ang mga tao, usapin, at bagay na isinasaayos ng Diyos para sa iyo. Mula sa pananaw na ito, masasabi ba na kung mas maraming katotohanan ang nauunawaan ng isang tao, mas malaki rin ang posibilidad na makakapasok siya sa katotohanang realidad, at kung mas lubusan niyang nauunawaan ang mga negatibong bagay, mas malaki ang probabilidad na maghihimagsik siya laban sa mga negatibong bagay na ito? (Oo, maaari.) Samakatuwid, hindi mahalaga kung handa ka o hindi na hangarin ang katotohanan, o kung nakapagpasya ka na o hindi pa na hangarin ang katotohanan, o kung ikaw ay nasa landas ng paghahangad sa katotohanan o wala, at hindi mahalaga ang iyong kakayahan o kung paano mo naaarok ang katotohanan, sa madaling salita, kung gusto ng mga tao na hangarin ang katotohanan, kung nais nilang maunawaan ang mga pamantayan ng katotohanan, at maisagawa ang katotohanan at makapasok dito, kinakailangang makilatis at maunawaan nila ang lahat ng uri ng negatibong bagay. Ito ang mga unang kinakailangan para sa paghahangad sa katotohanan at pagpasok sa katotohanang realidad.

Hindi nauunawaan ng ilang tao ang katotohanan, at pagdating sa iba’t ibang paksa na pinagbabahaginan natin ngayon, palagi nilang nararamdaman na: “Hindi ko kailanman napag-isipan ang mga paksang ito, ni naranasan ang mga ito. Hindi ko makita ang kaugnayan sa pagitan ng sinasabi Mo tungkol sa mga paksang ito at ng aking iba’t ibang problema, tiwaling disposisyon, at pagpapakita ng katiwalian, kaya ano ang kinalaman ng sinasabi Mo tungkol sa mga paksang ito sa paghahangad ko sa katotohanan? Mukhang wala naman itong gaanong kinalaman sa aking pagpasok sa katotohanang realidad, hindi ba? Bakit hindi Mo na lang talakayin ang ilang matayog at malalim na paksang tungkol sa positibong pagpasok ng mga tao? Bakit lagi Mong inilalantad itong negatibong maliliit na bagay ng pang-araw-araw na buhay?” Tama ba ang opinyong ito o mali? (Mali.) Sa tuwing naririnig ng mga taong may mga ganitong ideya ang gayong mga walang kuwentang bagay ng pang-araw-araw na buhay, lalo na kapag nabibigyang halimbawa ang mga usaping ito, nasusuklam sila at ayaw nilang makinig. Iniisip nila, “Masyadong pangkaraniwan at mababaw ang paksang ito. Walang anumang espesyal tungkol dito, masyado itong simple. Naiintindihan ko ito kaagad pagkarinig ko pa lang. Masyado itong madali. Hindi dapat ganito ang katotohanan, dapat mas malalim ito kaysa rito, at kailangang makinig ang mga tao rito nang ilang beses bago nila ito maunawaan at matandaan ang isa o dalawang pangungusap. Ang sinasabi Mo ngayon ay mga maliliit na usapin ng pang-araw-araw na buhay, at ilang pagpapamalas ng normal na pagkatao sa pang-araw-araw na buhay. Hindi ba’t masyado itong mababaw para sa amin?” Sa tingin mo ba na ang mga taong may ganitong pananaw ay tama sa kanilang pag-iisip? (Hindi, mali sila.) Bakit mali sila? Ano ang mali sa kanila? Una sa lahat, nakahiwalay ba ang mga kaisipan at pananaw ng mga tao sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Nakahiwalay ba ang kanilang iba’t ibang pagpapamalas at saloobin sa kanilang pang-araw-araw na buhay? (Hindi.) Hindi, wala sa mga bagay na ito ang magkahiwalay. Ang mga tiwaling disposisyon, kaisipan, at pananaw ng mga tao, ang kanilang mga ideya at intensiyon tungkol sa iba’t ibang usapin, ang kanilang mga partikular na paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay, pati na ang mga kaisipan at ideya na nagmumula sa kanilang isipan, ay lahat hindi maipaghihiwalay sa kanilang iba’t ibang pagpapamalas at pagbubuhos sa pang-araw-araw na buhay. Higit pa rito, ang iba’t ibang pagpapamalas at pagbubuhos na ito sa pang-araw-araw na buhay, gayundin ang mga kaisipan, pananaw, at saloobin ng mga tao sa iba’t ibang usapin na nangyayari sa kanila, ay mga mas partikular na bagay na nauukol sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao. Ang layon ng paghahangad sa katotohanan ay ang baguhin ang mga maling kaisipan at pananaw ng mga tao at, sa pamamagitan ng pagbabago sa mga kaisipan at pananaw ng mga tao, at sa pamamagitan ng pagbabago sa kanilang mga saloobin sa lahat ng uri ng tao, usapin, at bagay, upang maiwaksi ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao, at maiwaksi ang kanilang paghihimagsik at pagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos, pati na ang kanilang kalikasang diwa na salungat sa Diyos. Samakatuwid, kung nais mong hangarin ang katotohanan, hindi ba’t talagang kinakailangan na iwaksi at baguhin ang iba’t iba mong maling kaisipan at pananaw sa pang-araw-araw na buhay? Hindi ba’t ito ang pinakamahalagang bagay? (Oo, ito nga.) Kaya, gaano man tila kababaw o kapangkaraniwan ang mga bagay na sinasabi Ko, huwag magkaroon ng mapanghimagsik na pag-iisip tungkol sa mga ito. Ang mga bagay na ito ay tiyak na hindi basta-basta lamang. Inookupa ng mga ito ang puso at isipan mo, at kinokontrol ang iyong mga kaisipan at pananaw tungkol sa bawat tao, usapin, at bagay na iyong kinakaharap. Kung hindi mo babaguhin o iwawaksi ang mga maling kaisipan at pananaw na ito sa pang-araw-araw na buhay, kung gayon, ang iyong pahayag na tinatanggap mo ang katotohanan at na mayroon kang katotohanang realidad ay magiging mga walang kabuluhan. Katulad ito ng kapag mayroon kang cancer—dapat maagap itong magamot. Hindi mahalaga kung saang organ naroroon ang mga cancer cell, kung nasa dugo o nasa iyong balat, o kung nasa ibabaw ang mga ito o nakatago sa kailaliman, sapat nang sabihing ang unang bagay na dapat asikasuhin ay ang mga cancer cell sa katawan mo. Pagkatapos maalis ang mga cancer cell, saka lang maa-absorb at gagana sa loob mo ang iba’t ibang sustansiyang natatanggap mo. Sa ganitong paraan, ang lahat ng organ sa katawan mo ay gagana na nang normal. Sa sandaling naalis na ang sakit, magiging mas malusog at mas normal ang katawan mo. At ang ganitong mga tao ay ganap nang gumaling sa sakit. Ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay ang proseso ng pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon, at ito rin ang proseso ng pagpasok sa katotohanang realidad. Ang proseso ng pagwawaksi sa mga tiwaling disposisyon ay ang proseso ng pagbabago ng mga tao at ang pag-aalis sa iba’t ibang mali at negatibong kaisipan at pananaw mula sa kanilang sarili. Ito rin ang proseso ng pagsasangkap ng mga tao sa kanilang sarili ng iba’t ibang wasto at positibong ideya at pananaw. Ano ba ang mga positibong ideya at pananaw? Ang mga ito ay mga bagay na may kinalaman sa realidad, mga prinsipyo, at sa pamantayan ng katotohanan. Upang makapasok sa katotohanang realidad, kailangang isa-isang suriin at unawain ng mga tao ang kanilang iba’t ibang maling ideya at pananaw tungkol sa buhay, pananatiling buhay, at pakikitungo sa iba sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan, at pagkatapos, lutasin ang mga ito at isa-isang iwaksi. Sa madaling salita, ang paghahangad sa katotohanan ay tungkol sa pagbibigay-kakayahan sa mga tao na iwaksi ang lahat ng kanilang mali at hindi wastong kaisipan at pananaw, at pagkakaroon ng mga wastong kaisipan at pananaw tungkol sa lahat ng uri ng bagay, kaisipan at pananaw na naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa ganitong paraan lamang makakamit ng mga tao ang layon ng pagtingin sa mga tao at bagay, pag-asal, at pagkilos nang ganap na ayon sa mga salita ng Diyos at na ang pamantayan ay ang katotohanan. Ito ang pangwakas na resulta na nakakamit ng mga tao sa paghahangad sa katotohanan, at ito rin ang katotohanang realidad na sa wakas ay maisasabuhay ng mga tao matapos makamit ang kaligtasan. Naiintindihan mo ba ito? (Oo.)

Sa huling pagtitipon, nagbahaginan tayo sa paksa ng “pagbitiw” hinggil sa pamilya. Ano ang pinagbahaginan natin noong nakaraan tungkol sa paksa ng pamilya? (Nagbahaginan tayo tungkol sa mga pang-aabala at panghahadlang ng pamilya sa paghahangad natin sa katotohanan, nagbahaginan din tayo kung ano ang mga paghahangad, mithiin, at hangarin na dapat nating bitiwan pagdating sa isyu ng pamilya. Binanggit ng Diyos ang dalawang bagay, ang isa ay ang bitiwan ang pagkakakilanlang namamana natin mula sa ating pamilya, at ang isa naman ay ang bitiwan ang mga epekto ng pagkokondisyon sa atin ng pamilya.) Iyon nga ang dalawang bagay na iyon. Ang una ay ang bitiwan ang pagkakakilanlan na namana mo mula sa iyong pamilya. Alam mo ba kung ano ang mga katotohanang prinsipyo na dapat maunawaan ng mga tao sa aspektong ito? Pagkatapos makinig sa mga pagbabahagi Ko, kung hindi Ako magbibigay ng partikular na pagbubuod, kayo ba ay marunong magbuod ng mga bagay-bagay? Pagkatapos Kong magbahagi tungkol sa mga bagay na ito at sa mga partikular na detalye hinggil sa mga ito, ibinuod ba ninyo ang mga nauugnay na prinsipyo na dapat sundin ng mga tao pagdating sa aspektong ito ng katotohanan? Kung alam mo kung paano ibuod ang mga ito, maisasagawa mo ang mga ito; kung hindi mo alam kung paano ibuod ang mga ito, at nakatutok lamang sa bahagyang pagkaunawa, at hindi mo alam kung ano ang mga sangkot na katotohanang prinsipyo, hindi mo maisasagawa ang mga ito. Kung hindi mo alam kung paano isagawa ang mga ito, hinding-hindi ka makapapasok sa aspektong ito ng katotohanang realidad. Kahit na matuklasan mo kung ano ang mga sarili mong problema, hindi mo pa rin maiuugnay ang mga ito sa Aking mga salita, at hindi ka makakahanap ng mga kaukulang prinsipyo na isasagawa. Ang pangunahing layon ng pagbabahaginan tungkol sa isyu ng pagbitiw sa pagkakakilanlan na namamana mo mula sa iyong pamilya ay upang magawa mong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos ka nang hindi naaapektuhan ng iba’t ibang impluwensiyang nauugnay sa pagkakakilanlang iyon. Kung ang pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya ay respetado, dapat mong harapin nang tama ang pagkakakilanlang ito. Hindi mo dapat maramdaman na respetado ka, o na mas karapat-dapat ka kaysa sa iba, o na espesyal ang iyong pagkakakilanlan. Kapag kasama ang iba, dapat magawa mong makipag-ugnayan nang tama sa kanila ayon sa mga prinsipyo na ipinapaalala ng Diyos sa mga tao, at dapat mong tratuhin nang tama ang lahat, sa halip na gamitin ang respetadong pamilyang pinanggalingan mo bilang kapital para magpasikat sa lahat ng pagkakataon, at hikayatin ang iba na maging mataas ang tingin sa iyo sa bawat sitwasyon. Ipagpalagay nang hindi mo kayang bitiwan ang pagkakakilanlan na namana mo mula sa iyong pamilya, at palagi mong ginagamit ang pinanggalingan mong pamilya bilang kapital, at umaasal ka bilang isang taong may labis na pagtingin sa sarili, sutil, at tila mahalaga. At ipagpalagay nang palagi kang nagpapasikat at nagpapapakitang-gilas, at palagi mong ipinangangalandakan ang pinanggalingan mong pamilya at ang espesyal na pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya. At bukod pa rito, ipagpalagay nang sa kaloob-looban mo ay masyado ka ring mapagmataas at mapanupil, at lalong mapang-api at walang pakundangan kapag nakikipag-usap sa iba, at madalas mong ginagamit ang iyong pagkakakilanlan bilang kapital para sumbatan ang mga tao at supilin sila—sa madaling salita, iniisip ng mga tao na wala kang normal na katwiran—at itinuturing mong mga karaniwang tao ang lahat, at lalo na kapag nakikipag-ugnayan at nakikisalamuha ka sa mga tao, hinahamak mo ang mga taong mas mababang-loob o mas aba kaysa sa iyo, at kapag nakikipag-usap ka sa kanila, masyado kang agresibo, marahas, at talagang inilalabas mo ang iyong mga pangil. At ipagpalagay na palagi mong gustong sumbatan ang iba, at tratuhin ang iba na parang mga aliping inuutus-utusan at sinisigaw-sigawan, at palagi kang naniniwala na respetado ang iyong pagkakakilanlan, at hindi mo magawang makisama nang maayos sa iba, at hindi mo magawang tratuhin nang tama ang mga taong mas mababa ang katayuan kaysa sa iyo—lahat ito ay mga tiwaling disposisyon, at lahat ito ay mga bagay na dapat iwaksi ng mga tao. Ang gayong mga tiwaling disposisyon ay nangyayari at naidudulot kapag ang isang tao ay may respetadong pinanggalingang pamilya at katayuan sa lipunan. Samakatuwid, ang ganitong uri ng tao ay dapat magnilay-nilay sa kanyang mga salita at gawa, at magnilay-nilay sa sarili niyang mga kaisipan at pananaw, lalo na ang mga tungkol sa pagkakakilanlan ng pamilya. Dapat niyang bitiwan ang gayong mga kaisipan at pananaw at balikan ang iba’t ibang pagkataong kanyang isinasabuhay bilang resulta ng kanyang espesyal na katayuan sa lipunan. Sa madaling salita, dapat bitiwan ng ganitong uri ng tao ang pagkakakilanlang minana niya mula sa kanyang pamilya. Iniisip ng karamihan sa mga tao na ang kanilang sariling katayuan sa lipunan ay mas mababa. Sa partikular, ang uri ng mga taong minamaliit, dinidiskrimina, at inaapi sa lipunan ay kadalasang nakakaramdam na ang kanilang pagkakakilanlan ay mas mababa, at dahil sa kahihiyang dulot ng kanilang espesyal na kapaligiran sa pamilya, lalo nilang nararamdaman ang pagiging hamak. Ang pakiramdam na ito ay madalas na nagpaparamdam sa mga tao na mas mababa sila at na hindi nila magawang makisalamuha sa iba nang maayos at sa patas na paraan. Siyempre, ipinapamalas din ng mga ganitong uri ng tao sa iba’t ibang paraan ang kanilang sarili. Ang ilang tao ay partikular na tumitingala sa mga may respetadong katayuan at pagkakakilanlan, sumisipsip sa mga ito, nagbibigay-puri, nambobola sa mga ito, at ginagawa nila ang lahat para mapalugod ang mga ito. Palagi nilang ginagaya ang mga taong iyon at wala silang mga prinsipyo o dignidad, at handa silang maging tau-tauhan ng mga taong iyon at mautus-utusan at mamanipula ng mga ito tulad ng mga alipin. Ang mga prinsipyo ng gayong mga tao sa paggawa ng mga bagay ay hindi rin naaayon sa katotohanan, dahil sa kaibuturan ng kanilang isipan, naniniwala silang mababa ang kanilang pagkakakilanlan at isinilang sila para maging sawing-palad, at hindi sila karapat-dapat na maituring na kapantay ng mayayaman o ng mga may marangal na pagkakakilanlan sa lipunan, at sa halip ay ipinanganak sila para ituring bilang mga alipin ng mga taong iyon, at dapat nilang sundin ang mga taong iyon at maging utus-utusan ng mga ito. Hindi naman nila nararamdamang nagiging utus-utusan sila. Sa halip, iniisip nilang normal lang ito, at na ganito lang talaga dapat ang mga bagay-bagay. Anong klaseng mga ideya at pananaw ang mga ito? Hindi ba’t isang uri ng panghahamak sa sarili ang ganitong mga kaisipan at pananaw? (Oo.) Mayroon ding uri ng mga taong nakikita ang mayayamang tao na namumuhay nang may labis na pagtingin sa sarili, nang sutil, walang pakundangan, at mapangdomina, at labis pa nga nilang kinaiinggitan at pinagsisikapang gayahin ang gayong mga tao, at umaasa silang kung magkakaroon sila ng pagkakataong baguhin ang mga bagay-bagay, makapamumuhay sila nang kagaya sa mayayamang taong ito na sutil at may labis na pagtingin sa sarili. Iniisip nilang walang masama sa pagiging sutil at pagkakaroon ng labis na pagtingin sa sarili; sa kabaligtaran, itinuturing nila ang mga ito bilang mga kaakit-akit at romantikong katangian. Mali rin ang mga kaisipan at pananaw ng gayong mga tao at dapat na bitiwan. Anuman ang iyong pagkakakilanlan o katayuan, lahat ito ay pauna nang itinakda ng Diyos. Anuman ang uri ng pamilya o pinagmulan na pamilya ang pauna nang itinakda ng Diyos para sa iyo, ang pagkakakilanlang namamana mo mula rito ay hindi nakakahiya at hindi rin marangal. Ang prinsipyo ng kung paano mo itinuturing ang iyong pagkakakilanlan ay hindi dapat nakabatay sa prinsipyo ng karangalan at kahihiyan. Sa anumang uri ng pamilya ka inilalagay ng Diyos, sa anumang uri ng pamilya ka Niya tinutulutan na manggagaling, isa lamang ang pagkakakilanlan mo sa harap ng Diyos, at iyon ay ang pagkakakilanlan ng isang nilikha. Sa harap ng Diyos, isa kang nilikha, kaya sa mga mata ng Diyos, kapantay ka ng sinuman sa lipunan na may naiibang pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Lahat kayo ay miyembro ng tiwaling sangkatauhan, at lahat kayo ay mga taong nais na iligtas ng Diyos. At siyempre, sa harap ng Diyos, lahat kayo ay may parehong pagkakataon na gampanan ang inyong mga tungkulin bilang mga nilikha, at lahat kayo ay may parehong pagkakataon na mahangad ang katotohanan at makamit ang kaligtasan. Sa antas na ito, batay sa pagkakakilanlan ng isang nilikha na ibinigay sa iyo ng Diyos, hindi mo dapat pahalagahan ang sarili mong pagkakakilanlan, at hindi mo rin ito dapat maliitin. Sa halip, dapat mong ituring ang iyong pagkakakilanlan na nagmula sa Diyos—na sa isang nilikha—nang tama, at magawang makisama nang maayos at patas sa sinumang tao, at ayon sa mga prinsipyong itinuturo at ipinapayo ng Diyos sa mga tao. Anuman ang katayuan o pagkakakilanlan ng ibang tao sa lipunan, at anuman ang iyong sariling katayuan o pagkakakilanlan sa lipunan, ang sinumang pumapasok sa sambahayan ng Diyos at humaharap sa Diyos ay may iisang pagkakakilanlan lamang—ang pagiging isang nilikha. Samakatuwid, iyong mga may mababang katayuan at pagkakakilanlan sa lipunan ay hindi dapat makaramdam ng pagiging mas mababa. Mayroon ka mang talento o wala, gaano man kahusay ang iyong kakayahan, at mayroon ka mang abilidad o wala, dapat mong bitiwan ang iyong katayuan sa lipunan. Dapat mo ring bitiwan ang mga ideya o pananaw tungkol sa pagraranggo at pagmamarka ng mga tao o pag-uuri sa kanila bilang respetado o mababa batay sa kanilang pinagmulang pamilya at kasaysayan ng pamilya. Hindi ka dapat makaramdam ng pagiging mas mababa dahil sa mababa mong pagkakakilanlan at katayuan sa lipunan. Dapat kang matuwa na bagamat hindi gaanong makapangyarihan at kamangha-mangha ang pinagmulan ng iyong pamilya, at mababa ang katayuan na minana mo, hindi ka tinalikdan ng Diyos. Mula sa dumi at alikabok ay itinataas ng Diyos ang mga taong may mababang-loob, at binibigyan ka Niya ng parehong pagkakakilanlan—ang pagkakakilanlan ng isang nilikha, katulad ng sa ibang tao. Sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos, ang iyong pagkakakilanlan at katayuan ay kapantay ng sa lahat ng ibang taong hinirang ng Diyos. Sa sandaling mapagtanto mo ito, dapat mong bitiwan ang pakiramdam ng pagiging mas mababa at itigil na ang pagkapit dito. Kapag nahaharap sa mga taong may respetado at magandang katayuan sa lipunan, o sa mga taong may mas mataas na katayuan sa lipunan kaysa sa iyo, hindi mo kailangang yumukod sa kanila o maging labis na magiliw sa kanila, lalong hindi mo sila kailangang hangaan. Sa halip, dapat mo silang ituring na mga kapantay mo, tingnan sila nang diretso sa mata, at tratuhin sila nang tama. Kahit na madalas silang mapangdomina o puspos ng pagpapahalaga sa sarili, at itinuturing ang kanilang sarili bilang may mataas na katayuan sa lipunan, dapat mo pa rin silang tratuhin nang tama at hindi ka dapat magpapwersa o matakot sa kanilang kapangyarihan. Anuman ang kanilang pag-uugali o paano ka man nila tatratuhin, dapat mong malaman na sa harap ng Diyos, pareho lamang kayo, dahil kayong lahat ay nilikha, kayong lahat ay mga taong hinirang ng Diyos para maligtas. Walang espesyal sa kanila kumpara sa iyo. Ang kanilang diumano’y espesyal na pagkakakilanlan at katayuan ay hindi umiiral sa mga mata ng Diyos, at hindi Niya kinikilala ang mga ito. Samakatuwid, hindi mo kailangang mapigilan ng usapin sa pagkakakilanlang namamana mo mula sa iyong pamilya, at hindi ka rin kailangang makaramdam ng pagiging mas mababa dahil dito. Lalong hindi kailangang bitiwan ang anumang pagkakataon na makipag-ugnayan sa ibang tao sa patas na paraan dahil lamang sa iyong mababang katayuan sa lipunan, o na talikuran ang alinman sa mga karapatan, responsabilidad, at obligasyon na ipinagkaloob sa iyo ng Diyos sa sambahayan ng Diyos at sa harap ng Diyos. At siyempre, tiyak na hindi mo dapat isuko ang iyong karapatang maligtas o ang pag-asa na makamit ang kaligtasan. Sa sambahayan ng Diyos, sa harap ng Diyos, walang pagkakaiba sa pagitan ng mayaman at mahirap, walang pagkakaiba sa pagitan ng mataas at mababang katayuan sa lipunan, at walang sinumang may espesyal na pinagmulang pamilya ang karapat-dapat bigyan ng espesyal na pagtrato o ng mga partikular na pribilehiyo. Sa harap ng Diyos, iisa lamang ang pagkakakilanlan ng lahat ng tao, ito ay ang pagiging isang nilikha. Dagdag pa rito, sa harap ng Diyos, ang mga kalikasang diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho. Iisang uri lamang ng tao ang gustong iligtas ng Diyos, at iyon ay ang mga tiwaling tao. Kaya, hindi mahalaga kung ang iyong pagkakakilanlan o katayuan sa lipunan ay marangal o mababa, lahat kayo ay mga taong nais iligtas ng Diyos.

Isipin mong may nagsabi sa iyo, “Tingnan mo ang pamilya mo, napakahirap ninyo na wala ka man lang mga disenteng damit; napakahirap ng pamilya mo na nag-aral ka lamang ng elementarya at hindi kailanman nakapag-high school; napakahirap ng pamilya mo na nakakakain ka lang ng sopas at gulay, at hindi ka man lang nakatitikim pa ng tsokolate, pizza, o softdrink.” Paano mo dapat harapin ang sitwasyong ito? Makakaramdam ka ba ng pagiging mas mababa o pagkalumbay? Magrereklamo ka ba tungkol sa Diyos sa loob-loob mo? Mangliliit ka ba sa sinabi ng taong iyon? (Hindi na ako mangliliit ngayon.) Hindi ka na mangliliit ngayon, pero noon ay mangliliit ka, tama ba? Noon, sa tuwing napapansin mo kung kaninong pamilya ang mayaman, o kung sino ang mayaman at respetado, sasabihin mo, “Ah! Nakatira sila sa isang villa at may sariling sasakyan. Maraming beses na silang nag-abroad. Kailanman ay hindi pa ako nakalabas ng aking nayon, at hindi pa ako nakakita ng tren. Mabibilis ang biyahe ng mga treng sinasakyan nila, nasa pang-first class sila kapag nagbabiyahe, sumasakay sa mga luxury cruise, at nagsusuot ng mga French designer brand at mga alahas na mula sa Italya. Paanong hindi ko man lang alam ang mga bagay na ito?” Sa tuwing kasama mo ang mga taong iyon, nanliliit ka sa sarili mo. Medyo may kumpiyansa ka kapag nagbabahagi ka sa katotohanan at nananampalataya sa Diyos. Pero kapag nakikipag-usap ka sa mga taong iyon tungkol sa iyong pamilya at buhay pamilya, gusto mong tumakbo palayo at tumakas, pakiramdam mo ay hindi ka kasinghusay nila, at na mas mabuti pang mamatay kaysa mabuhay. Iniisip mo, “Bakit nasa ganitong pamilya ako? Wala pa akong karanasan sa mundo. Hand cream ang gamit ng iba sa mga kamay nila, samantalang Vaseline pa rin ang gamit ko; ang iba ay hindi man lang naglalagay ng anumang cream sa mukha nila, sa halip ay dumidiretso na sila sa beauty salon, samantalang hindi ko man lang alam kung nasaan ang beauty salon; ang iba ay naglilibot sakay ng sedan, pero masyado nang magara iyon para sa akin, masuwerte na ako kung makasakay man lang ako sa bisikleta, at kung minsan, kailangan kong sumakay sa isang karitong hinihila ng isang baka o asno.” Kaya’t sa tuwing nakikipag-usap ka sa gayong mga tao, nag-aalangan ka sa sarili mo at nahihiya kang sabihin ang iyong pagkakakilanlan at hindi ka naglalakas-loob na banggitin ito. Sa puso mo, medyo may hinanakit at kaunting galit ka sa Diyos, “Lahat sila ay nilikhang katulad ko,” naiisip mo. “Kaya, bakit tinutulutan sila ng Diyos na labis na masiyahan sa buhay? Bakit pauna Niyang itinakda na magkaroon sila ng gayong uri ng pamilya at katayuan sa lipunan? Bakit napakahirap ng pamilya ko? Bakit nasa ilalim ng lipunan ang mga magulang ko, nang walang mga abilidad o kasanayan? Iniisip ko pa lang ito ay nagagalit na ako. Sa tuwing nagsasalita ako tungkol sa bagay na ito, ayaw kong banggitin ang mga magulang ko, masyado silang walang kakayahan at kahusayan! Hindi bale na ang pagsakay sa sedan at pagtira sa isang villa, makokontento na akong madala sa lungsod para sumakay ng mga bus at ng mabibilis na tren, o maglaro sa mga parke sa lungsod, pero hindi pa nila ako dinala roon, kahit isang beses man lang! Wala akong kahit anong karanasan sa buhay. Hindi pa ako nakakain ng masasarap na pagkain, o nakasakay sa magagandang kotse, at hanggang pangarap ko na lang ang makalipad sakay ng eroplano.” Nararamdaman mong mas mababa ka habang iniisip mo ang lahat ng ito, at madalas kang napipigilan ng usaping ito, kaya palagi kang nakikisalamuha sa mga kapatid na may pagkakakilanlan at katayuan na hindi gaanong naiiba sa iyo, iniisip mo: “Totoo ang sinasabi nila, nagsasama-sama ang mga ibon na pareho ang balahibo. Tingnan mo ang mga taong iyon, lahat sila ay mayayaman, kabilang sa kanila ang mga nakatataas na opisyal ng gobyerno, mga milyonaryo, mga taong may mga napakayamang magulang, mga business tycoon, at mga taong nanggaling mula sa pag-aaral sa ibang bansa at mga postgraduate, pati na rin mga corporate executive at hotel manager. Ikumpara mo sila sa amin, sa aming mga hamak na tao. Kaming lahat ay magsasaka o kaya ay walang trabaho. Naninirahan ang pamilya sa liblib na kabukiran, elementarya lang ang natapos namin, at wala kaming karanasan sa mundo. Nakapagpastol kami ng mga baka, nakapagtayo ng mga stall sa kalye, at nakapag-repair ng mga sapatos. Anong klaseng tao kami? Hindi ba’t kami ay mga hamak na tao lang? Tingnan mo ang mga taong iyon, lahat sila ay elegante at mahusay manamit. Kapag naiisip ko na mga hamak na tao lamang kami, pakiramdam ko ay wala akong silbi at agrabyado ako.” Kahit maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, hindi mo kailanman nabitiwan ang usaping ito, at madalas mong nararamdaman ang pagiging mas mababa at pagkalugmok sa depresyon. Ang mga ideya at pananaw ng mga taong ito sa mga bagay-bagay ay malinaw na mali, at lubhang nakakaapekto sa kawastuhan ng kanilang mga pananaw tungkol sa mga tao at bagay, at sa mga paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos. Ang mga ideya at pananaw na ito ay naiimpluwensiyahan ng mga kalakarang panlipunan at ugaling panlipunan. Siyempre, upang maging mas tumpak, ang mga ito ay mga ideya at pananaw na epekto ng pagkokondisyon ng masasamang tao at tradisyonal na kultura. Dahil tiwali ang mga ito at nabibilang sa masasamang kalakaran, dapat mong bitiwan ang mga ito at huwag magpaligalig o magpapigil sa gayong mga ideya at pananaw. Sinasabi ng ilang tao: “Ipinanganak ako sa gayong pamilya, at hindi na mababago ang katunayang ito. Ang mga ganitong uri ng ideya at pananaw ay palaging bumabagabag sa isipan ko, at mahirap itong bitiwan.” Talagang mahirap bitiwan ang mga ito, pero kung palagi mong iisip-isipin ang isang maling ideya at pananaw, hinding-hindi mo ito mabibitiwan. Kung tatanggapin mo ang mga tamang ideya at pananaw, unti-unti mong mabibitiwan ang mga mali. Ano ang ibig Kong sabihin dito? Ang ibig Kong sabihin dito ay hindi posibleng mabitiwan mo ang lahat ng ito nang sabay-sabay, para makasalamuha mo ang mayayaman o iyong mga may mataas na katayuan at halaga bilang kapantay mo o sa normal na paraan. Imposibleng magawa ito nang sabay-sabay, ngunit kahit papaano ay maaari kang makalaya mula sa bagay na ito. Kahit na mayroon ka pa ring pakiramdam ng pagiging mas mababa, kahit na medyo nababagabag ka pa rin nito sa kaibuturan ng iyong puso, nakapagkamit ka na ng kaunting paglaya mula rito sa isang antas. Siyempre, sa susunod mong paghahangad sa katotohanan, unti-unti kang magkakaroon ng higit na kalayaan at liberasyon. Kapag nalantad ang lahat ng iba’t ibang katunayan, makikita mo nang mas higit na malinaw ang diwa ng iba’t ibang tao, usapin, at bagay, at magiging mas malalim ang iyong pagkaunawa sa katotohanan. Kapag mayroon kang mas malalim na kabatiran sa mga ganitong bagay, madaragdagan ang iyong karanasan sa buhay at kaalaman sa gayong mga usapin. Kasabay nito, magiging mas maagap at positibo ang saloobin mo tungkol sa katotohanan, at unti-unti ay hindi ka na mapipigilan ng mga negatibong bagay. Hindi ba’t magbabago ka na sa pagkakataong iyon? Kapag nakatagpo ka sa susunod ng isang taong ibang-iba ang pagkakakilanlan at katayuan sa iyo at nakipag-usap at nakisama ka sa kanya, kahit papaano ay hindi ka na matatakot sa loob-loob mo, hindi ka na tatakbo palayo, kundi sa halip ay magagawa mo siyang tratuhin nang tama, at hindi ka na mapapasailalim sa mga paghihigpit niya, o hindi mo na iisipin kung gaano siya kadakila at karespetado. Sa sandaling maunawaan mo ang mga tiwaling diwa ng mga tao, mapangangasiwaan mo nang tumpak ang lahat ng uri ng tao, at magagawa mong makisama, makisalamuha at makipag-ugnayan sa lahat ng uri ng tao nang naaayon sa mga prinsipyo, nang hindi sila tinitingala o minamaliit, at nang hindi sila dinidiskrimina o masyadong pinapahalagahan. Sa ganitong paraan, unti-unti mo bang makakamit ang resulta ng paghahangad sa katotohanan? (Oo.) Kapag nakamit mo ang resultang ito, mas mamahalin mo ang katotohanan, mas papaboran ang mga positibong bagay, mas kikiling ka sa katotohanan, at mas magiging handa kang hangaan ang Diyos at ang katotohanan, sa halip na hangaan ang sinuman sa lipunan o sa mundo dahil sa kanilang respetadong pagkakakilanlan at katayuan. Ang mga bagay na iyong hinahangaan at tinitingala, pati na ang mga bagay na sinusunod at sinasamba mo ay mag-iiba, at unti-unting magbabago mula sa mga negatibong bagay tungo sa mga positibong bagay, at sa katotohanan o—para maging mas tumpak—tungo sa Diyos, sa mga salita ng Diyos, at sa pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa ganitong paraan, unti-unti kang makapapasok sa katotohanang realidad sa aspektong ito. Ibig sabihin, unti-unti mong maiwawaksi ang iyong tiwaling disposisyon at ang mga gapos ni Satanas sa aspektong ito, at unti-unti mong makakamit ang kaligtasan—ganito ang proseso. Hindi ito mahirap; ang daan ay nakalatag na sa harapan mo. Hangga’t hinahangad mo ang katotohanan, makapapasok ka sa katotohanang realidad. At anong katotohanan ang papasukin mo sa huli? Anumang uri ng katayuan ang mamanahin mo mula sa iyong pamilya, hindi ka na mag-aalala o maliligalig kung marangal man ito o mababa. Sa halip, magagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin bilang isang nilikha, tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos bilang isang nilikha, mamuhay sa harap ng Diyos bilang isang nilikha, at mamuhay sa kasalukuyan sa bawat araw, nang may pagkakakilanlan ng isang nilikha—ito ang resulta na hahangarin mo. Magandang resulta ba ito? (Oo.) Kapag pumasok ang mga tao sa aspektong ito ng realidad, napapalaya ang puso nila. Kahit papaano, hindi ka na maliligalig sa usapin ng pagkakakilanlan na namamana mo mula sa iyong pamilya, at hindi ka na mag-aalala kung mataas o mababa ang iyong katayuan. Kung respetado ang iyong pagkakakilanlan at tinitingala ka ng ilang tao, masusuklam ka; kung mababa ang iyong pagkakakilanlan at dinidiskrimina ka ng ilang tao, hindi ka mapipigilan o maliligalig dahil dito, at hindi ka rin malulungkot o magiging negatibo tungkol dito. Hindi mo na kailangang mag-alala, magdalamhati, o makaramdam ng pagiging mas mababa batay sa kung nakasakay ka na ba sa mabilis na tren, nakapunta sa isang beauty salon, nakapaglakbay sa ibang bansa, nakakain ng Western food, o nakapagtamasa ng mga eksklusibong materyal na kaginhawahan tulad ng ginagawa ng mayayaman. Hindi ka na mapipigilan at maliligalig sa mga gayong bagay, at magagawa mong tratuhin nang tama ang lahat ng uri ng tao, bagay, at usapin, at magagampanan mo nang normal ang iyong mga tungkulin. Hindi ba’t magiging malaya ka na sa pagkakataong iyon? (Oo.) Sa ganitong paraan, lalaya ang puso mo. Kapag nakapasok ka na sa realidad ng aspektong ito ng katotohanan, at nakalaya ka na mula sa mga gapos ni Satanas, tunay ka nang magiging isang nilikhang namumuhay sa harap ng Diyos, at isang nilikhang ninanais ng Diyos. Ngayon, dapat mas malinaw na sa iyo ang tungkol sa landas ng pagbitiw sa pagkakakilanlan at katayuan na namamana mo mula sa pamilya.

Nitong huli, tinalakay rin natin ang isa pang paksa—ang pagbitiw sa mga epekto ng pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo. Ang mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ng isang tao ay nagsisimula mismo noong bata pa ang taong iyon. Kapag umabot na sa hustong gulang ang isang tao, unti-unti niyang sinisimulang gamitin ang mga nakondisyong kaisipan at pananaw sa kanyang buhay. Sa oras na magkaroon siya ng ilang karanasan sa buhay, malaya niyang isinasagawa ang iba’t ibang kaisipan at pananaw na ito na nakondisyon sa kanya ng kanyang pamilya, at sa batayang ito ay nakaipon siya ng iba’t ibang prinsipyo, paraan, at diskarte sa pagharap sa mga bagay na mas komplikado, mas partikular, at mas kapaki-pakinabang sa kanyang sarili. Masasabing ang mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya ay nagsisilbing pundasyon ng isang tao habang unti-unti siyang pumapasok sa lipunan at sa kanyang mga grupong pangkomunidad, at nagbibigay-kakayahan sa kanya na malayang gumamit ng iba’t ibang paraan at diskarte sa pagharap sa mga bagay-bagay habang namumuhay kasama ang iba. Dahil ang mga epekto ng pagkokondisyong ito ng pamilya ay isang pundasyon, nakatanim at malalim nang nakaugat ang mga ito sa puso ng bawat tao. Ang mga bagay na ito ay nakakaimpluwensiya sa buhay ng mga tao, sa paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos, at gayundin sa kanilang pananaw sa buhay. Ngunit dahil ang mga epekto ng pagkokondisyong ito ay hindi positibo, ito rin ay mga bagay na dapat bitiwan ng mga tao sa proseso ng paghahangad sa katotohanan. Hindi mahalaga kung ang mga kaisipan at pananaw na ikinikintal sa iyo ng gayong pagkokondisyon ay nabuo sa pinakaibuturan ng iyong puso, o kung ang mga ito ay nangingibabaw sa kaloob-looban—at tiyak na hindi mahalaga kung nakumpirma na ba na totoo ang gayong mga kaisipan at pananaw o kung naisagawa mo na ang mga ito sa iyong pag-iral—ang mga epekto ng pagkokondisyong ito ay makakaapekto sa buhay mo sa iba’t ibang antas, kapwa ngayon at sa hinaharap, nakakaimpluwensiya sa iyong pinipiling landas sa buhay, at nakakaapekto sa iyong saloobin at mga prinsipyo ng pagharap sa mga bagay-bagay. Masasabi na ang karamihan sa mga pamilya ay nagbibigay sa mga tao ng mga pinakapangunahing diskarte at pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, upang makapamuhay at patuloy silang mabuhay sa lipunan. Halimbawa, nagbahaginan tayo noong nakaraan tungkol sa mga bagay na palaging sinasabi ng mga magulang, tulad ng “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito” at “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan saanman siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” pati na ang “Kailangan mong pagtiisan ang matinding pagdurusa upang manguna” at “Ang ibong nag-uunat ng kanyang leeg ang unang nababaril.” Ano pa ba? “Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,” at “Ang taong maraming sinasabi ay madalas na nagkakamali.” Ang iba’t ibang ideya at pananaw na ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya, tahasan mo mang ginagamit ang mga ito o isinasagawa sa buhay mo, ay ang iyong pundasyon. Ano ang ibig Kong sabihin sa “pundasyon”? Ang ibig Kong sabihin, ito ay isang bagay na nagbibigay-inspirasyon at nagtutulak sa iyo na tanggapin ang mga pilosopiya ni Satanas para sa mga makamundong pakikitungo. Ang mga kasabihang ito mula sa iyong pamilya ay nagkintal sa iyo ng pinakabatayang paraan upang maharap ang mundo at pinakabatayang paraan upang manatiling buhay, nang sa gayon ay pagkatapos na makapasok sa lipunang ito, magsisikap ka na hangarin ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, magsisikap na magbalatkayo at mas mahusay na ipresenta ang iyong sarili, at mas protektahan ang iyong sarili, at magsisikap na maging tanyag sa gitna ng mga tao, at manguna, at manatili sa mataas na posisyon. Para sa iyo, ang mga bagay na ito na ikinokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay mga panuntunan at diskarte sa pagharap sa mundo, na nagtutulak sa iyo na pumasok sa lipunan at makiisa sa masasamang kalakaran.

Nagbahaginan tayo nitong huli tungkol sa mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya sa mga tao. Mayroong higit pang mga epekto ng pagkokondisyon kaysa sa mga ito, kaya patuloy tayong magbahaginan tungkol sa mga ito. Halimbawa, sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Alinman sa tatlong taong magkakasamang naglalakad, kahit papaano ay mayroong isa na maaaring maging aking guro.” Sino ang nagsabi nito? (Si Confucius.) Ito nga ang sinabi ni Confucius. Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak: “Dapat kang matuto ng mga kasanayan saan ka man magpunta. Sa sandaling matutunan mo ang mga ito, magkakaroon ka ng isang kasanayan sa isang espesyal na larangan, at hindi mo na kakailanganing mag-alala na mawawalan ka ng trabaho, at ikaw ang magiging awtoridad sa anumang sitwasyon. Mahusay na sinabi ng isa sa mga sinaunang pantas na, ‘Alinman sa tatlong taong magkakasamang naglalakad, kahit papaano ay mayroong isa na maaaring maging aking guro.’ Sa tuwing may ibang tao sa paligid mo, tingnan mo kung sino ang may kasanayan sa isang espesyal na larangan. Palihim mo itong pag-aralan nang hindi hinahayaang malaman ng iba, pagkatapos, sa sandaling maging dalubhasa ka na rito, ito ay magiging kasanayan mo na, at magagawa mong kumita ng pera para masuportahan ang iyong sarili, at hinding-hindi ka na magkukulang sa mga pangunahing pangangailangan sa buhay.” Ano ang layon ng mga magulang mo sa paghikayat sa iyo na matuto ng mga kasanayan kapag kasama mo ang ibang tao? (Upang magtagumpay sa mundo.) Ang layon ng pagkatuto ng mga kasanayan ay para palakasin ang iyong sarili, manguna, lihim na matutunan ang mga kasanayan ng iba, at unti-unting palakasin ang iyong sariling kalakasan. Kung makikita ng mga tao ang iyong kakaibang lakas, magkakaroon ka ng kabuhayan at pati ng kasikatan at kayamanan. At kapag parehong mayroon kang kasikatan at kayamanan, magiging mataas ang tingin ng mga tao sa iyo. Kung wala kang mga tunay na kasanayan, hindi ka pahahalagahan ng sinuman, kaya dapat lihim mong matutunan ang mga kasanayan ng iba, matutunan ang mga kalakasan at kasanayan ng ibang tao, at unti-unting maging mas malakas kaysa sa kanila—pagkatapos ay saka ka lang mangunguna. Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin,” nang may layon pa rin na hikayatin ang kanilang mga anak na tamuhin ang pagpapahalaga at paghanga ng iba. Kung nagsisikap at nagtitiyaga ka, at nagtitiis ka ng matinding paghihirap para matuto ng mga kasanayan kapag hindi nakatingin ang iba, kung gayon, sa sandaling matamo mo na ang mga kasanayang ito, mapapabilib mo na ang lahat sa iyong karunungan, at sa tuwing minamaliit o inaapi ka ng mga tao, maaari mong ipangalandakan ang iyong mga talento, at wala nang sinuman ang mangangahas na apihin ka. Kahit na maaaring mukha kang ordinaryo at hindi kapansin-pansin, at hindi gaanong nagsasalita, magkakaroon ka ng ilang kasanayan, sa larangan ng mga teknikal na abilidad na hindi kayang unawain ng mga ordinaryong tao, kaya’t hahangaan ka ng iba dahil dito at manliliit sila sa iyong presensiya, at ituturing ka nila bilang isang taong makakatulong sa kanila. Sa ganitong paraan, hindi ba’t tumaas ang iyong halaga sa mga tao? At habang tumataas ang iyong halaga, hindi ba’t pinagmumukha ka nitong marangal? Kung gusto mong magsikap na magkaroon ng respetadong katayuan sa mga tao, kailangan mong magtiis ng paghihirap at pagdurusa kapag hindi sila nakatingin. Kahit gaano pa katinding paghihirap ang tinitiis mo, lunukin mo na lang ito at magpatuloy ka lang, at magiging sulit ang lahat ng paghihirap mo sa sandaling makita ng mga tao kung gaano ka kahusay. Ano ang layon ng mga magulang mo sa pagsasabi sa iyo ng kasabihang ito, “Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin”? Ang layon nila ay ang magkamit ka ng respetadong katayuan sa ibang tao at makuha ang paghanga ng mga ito, sa halip na madiskrimina o maapi, nang sa gayon ay hindi mo lamang matamasa ang magagandang bagay sa buhay, kundi makukuha mo rin ang respeto at suporta ng iba. Bukod sa hindi inaapi ng iba ang mga taong may ganitong katayuan sa lipunan, maayos ang takbo ng mga bagay-bagay sa kanila kahit saan man sila magpunta. Sa tuwing nakikita ng mga tao na paparating ka, sasabihin nila, “O ikaw pala, ano ang maipaglilingkod namin sa iyo? Isang karangalan na makita ka! May kailangan ka bang asikasuhin? Ako na ang bahala. O, narito ka para bumili ng mga tiket? Hindi mo na kailangang pumila. Ilalaan ko sa iyo ang pinakamagandang upuan. Tutal, magkaibigan naman tayo!” Tatanggapin mo ito at iisipin, “Wow, talagang kapaki-pakinabang itong maging isang kilalang tao. Tama ang matatanda nang sabihin nila, ‘Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin.’ Ganoon talaga ang lipunan, labis na nakatuon sa realidad! Kung wala akong ganitong reputasyon, sino ang magbibigay-pansin sa akin? Kung pipila ka katulad ng isang normal na tao, maaaring maliitin ka ng iba at hamakin, at maaari pa ngang hindi ka pagbentahan kapag nasa unahan ka na ng pila.” Kapag pumipila ka para magpatingin sa isang doktor sa ospital, may nakakita sa iyo mula sa kabilang pasilyo at nagsabing, “Hindi ba’t ikaw si ganito ganyan? Bakit ka pa naghihintay sa pila? Hahanapan kita agad ng espesyalista para hindi ka na kailangang pumila.” Tutugon ka: “Hindi pa ako nagbayad.” At sasabihin nila, “Hindi na kailangan, ako na ang bahala sa bayarin.” Pag-iisipan mo ito, “Masarap maging isang kilalang tao. Pagkatapos ng lahat, hindi naging walang kabuluhan ang pagtitiis sa lahat ng pagdurusang iyon kapag walang nakatingin. Talagang natatamasa ko ang espesyal na pagtrato sa lipunan. Labis na nakatuon sa realidad ang lipunang ito, kailangan mo lang maging isang kilalang tao para matrato ka nang maayos. Napakaganda nito!” Muli, nagagalak ka na hindi naging walang saysay ang iyong pagdurusa, at iniisip mo na naging sulit pagdaanan ang lahat ng paghihirap at pagdurusang iyon kapag ang iba ay hindi nakatingin! Patuloy kang namamangha tungkol dito: “Hindi ko na kailangang pumila para magpatingin sa doktor sa ospital,” naiisip mo. “Makakakuha ako ng magandang upuan sa tuwing bibili ako ng tiket sa eroplano, at espesyal na pagtrato rin kahit saan ako magpunta. Dahil sa aking impluwensiya, maaari pa nga akong magkaroon ng mga natatanging pribilehiyo. Maganda ito! Ganito dapat ang lipunan, hindi na kailangan ng pagkakapantay-pantay. Dapat naaani ng mga tao ang mga pinagsisikapan nila. Kung hindi ka nagdurusa kapag ang iba ay hindi nakatingin, magmumukha ka kayang marangal kapag nakatingin na sila? Gawin mo akong halimbawa, nagdusa ako noong ang iba ay hindi nakatingin, para kapag nakatingin na sila, makakakuha ako ng espesyal na pagtrato tulad ng ganito, dahil karapat-dapat ako rito.” Dahil dito, saan umaasa ang mga tao kung gusto nilang makihalubilo sa iba at maisakatuparan ang mga bagay-bagay sa lipunan? Umaasa sila sa kanilang mga talento at kasanayan para masuportahan ang kanilang abilidad sa paggawa ng mga bagay-bagay. Magtagumpay man o hindi ang isang tao sa kanyang mga pagsusumikap o gaano man siya kahusay sa pagsasakatuparan ng mga bagay-bagay sa lipunan ay hindi nakabatay sa talento o pagkatao ng taong iyon, o sa kung taglay man niya ang katotohanan o hindi. Walang pagkamakatarungan o pagkakapantay-pantay sa lipunan. At hangga’t ikaw ay masigasig, kayang tiisin ang pagdurusa kapag ang iba ay hindi nakatingin, at mapaniil at mabangis hangga’t kinakailangan, magiging mataas ang katayuan mo sa mga tao. Katulad ito sa nakaraan noong nakikipagkumpitensya ang mga tao para maging dalubhasa sa mundo ng martial arts, tinitiis nila ang matinding paghihirap at pagsasanay sa magkakasunod na mga araw at gabi, hanggang sa wakas ay naging dalubhasa na sila sa lahat ng estilo ng iba’t ibang paaralan ng martial arts at nakaisip sila ng kanilang sariling natatanging estilo, na ineensayo nilang maigi hanggang sa hindi na sila natitinag. At ano ang nangyari sa huli? Sa paligsahan ng martial arts, tinalo nila ang mga manlalaban mula sa lahat ng malaking paaralan ng martial arts at nakuha nila ang katayuan ng pagiging dalubhasa sa mundo ng martial arts. Upang magmukhang marangal sa harap ng iba, handa silang tiisin ang anumang uri ng pagdurusa, at magsasanay pa nga sila ng ilang dark arts nang lingid sa kaalaman ng iba. Pagkatapos ng walo hanggang sampung taon ng pagsasanay, nagiging sobrang dalubhasa sila na walang sinuman sa mundo ng martial arts ang makatatalo sa kanila sa ring, o makapapatay sa kanila sa labas nito, at kahit na uminom sila ng lason, kaya nila itong ilabas mula sa kanilang katawan. Samakatuwid, napagtibay nila ang kanilang posisyon bilang dalubhasa sa mundo ng martial arts at walang sinuman ang kayang magnakaw sa kanilang posisyon—ito ang ibig sabihin ng pagmumukhang marangal sa iba. Upang magmukhang marangal sa harap ng iba, ang mga tao sa sinaunang panahon ay kumukuha ng mga imperyal na pagsusulit at nagtatamo ng mga karangalang pang-iskolar. Sa panahon ngayon, ang mga tao ay nag-aaral sa kolehiyo, kumukuha ng mga postgraduate na entrance exams, at nag-aaral para sa Ph.D.—nagtitiyaga rin sila sa kanilang pag-aaral sa kabila ng mga paghihirap, at nagsisikap nang husto sa pag-aaral ng walang kwentang kaalaman mula madaling araw hanggang sa kalaliman ng gabi, taon-taon. Kung minsan ay pagod na pagod sila na ayaw na nilang mag-aral pa, at inaasam nilang magpahinga, pero pinapagalitan sila ng kanilang mga magulang na nagsasabing, “Kailan pa ba may makikitang katiting na pag-asa sa iyo? Gusto mo pa bang magmukhang marangal sa harap ng iba? Kung oo, paano mo magagawa ito kung hindi ka magdurusa kapag hindi sila nakatingin? Hindi ka naman siguro mamamatay kung hindi ka makapagpapahinga nang kaunti, hindi ba? Mag-aral ka! Gawin mo ang takdang-aralin mo!” Sinasabi nila, “Natapos ko na ang aking takdang-aralin at ni-review ko ang mga leksiyon ko ngayong araw. Pwede bang hayaan mo akong makapagpahinga sandali?” Pero tumutugon ang kanilang mga magulang: “Talagang hindi pwede! Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin!” Pinagninilayan nila ito at iniisip nila, “Ginagawa ng mga magulang ko ang lahat ng ito para sa ikabubuti ko, kaya bakit napakatigas ng ulo ko at gustong-gusto kong magsaya? Dapat kong sundin ang sinabi nila sa akin. May kasabihan na magdurusa ka sa pagbabalewala mo sa mga nakatatanda sa iyo, kaya kailangan kong makinig sa aking mga magulang. Ganito na talaga sila hangga’t sila ay nabubuhay. Kung hindi ko sila igagalang, mabibigo ko sila. At saka, mahaba pa ang lalakbayin ko sa buhay, kaya ano ba ang kaunting pagdurusa sa huli?” Sa isiping ito, ibinubuhos nila ang lahat ng kanilang lakas sa pag-aaral, pagbabalik-aral sa kanilang mga leksiyon, at paggawa ng kanilang takdang-aralin. Nananatili silang gising lampas hatinggabi nang nag-aaral at gaano man sila kapagod, nagagawa nilang malampasan ito. Sa kanilang landas sa buhay, ang mga tao ay palaging iniindoktrinahan ng mga epekto ng pagkokondisyon ng kanilang pamilya, sa anyo ng mga ideya at pagpapahayag tulad ng “Kung gusto mong magmukhang marangal kapag nakatingin ang mga tao, kailangan mong magdusa kapag sila ay hindi nakatingin,” na patuloy na naghihikayat at nagbibigay-motibasyon sa kanila. Alang-alang sa kanilang kinabukasan at mga inaasam at upang magmukhang marangal sa ibang tao, patuloy silang nag-aaral ng mga kasanayan at kaalaman kapag hindi nakatingin ang mga tao. Sinasangkapan nila ang kanilang sarili ng kaalaman at ng iba’t ibang kasanayan para mas palakasin ang kanilang sarili. Iniisip din nila ang mga tagumpay ng iba’t ibang sinaunang tao o mga matagumpay na tao para mapalakas at maging buo ang kanilang loob. Ginagawa nila ang lahat ng ito nang may layong iwaksi ang pagiging mahirap, pagiging pangkaraniwan, at pagiging aba sa kanilang kinabukasan, at baguhin ang kanilang tadhana kung saan sila ay dinidiskrimina, upang sila ay maging isang nakahihigit na tao, isang elitista, at isang taong tinitingala ng iba. Itong mga epekto ng pagkokondisyon na mula sa kanilang pamilya ay paulit-ulit na tumatakbo sa kanilang isipan, hanggang sa unti-unti, ang mga pananalita at kasabihang ito ay nagiging mga ideya at pananaw na nag-uugat na sa kanila, ang kanilang mga nakatakdang pamamaraan sa mga makamundong pakikitungo, at nagiging kanilang likas na pananaw sa pag-iral at ang layon na kanilang hinahangad.

Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak, “Dapat kang matutong makipagkaibigan sa iba. Katulad ito ng kasabihang, ‘Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao.’ Maging ang kinamumuhiang politiko sa dinastiyang Song na si Qin Hui[a] ay may tatlong kaibigan noon. Saan ka man magpunta, matuto kang makisama sa iba at magpanatili ng magandang relasyon sa ibang tao. Kahit papaano, kailangang magkaroon ka ng ilang malapit na kaibigan. Sa sandaling pumasok ka sa lipunan, mahaharap ka sa lahat ng uri ng paghihirap sa buhay, trabaho, at kapag inaasikaso mo ang iyong mga gawain. Kung wala kang mga kaibigan na tutulong sa iyo, kakailanganin mong harapin ang lahat ng uri ng suliranin at mahihirap na sitwasyon nang mag-isa. Kung may alam kang ilang diskarte para magkaroon ng ilang malapit na kaibigan, kung gayon kapag naharap ka sa mga mahirap na sitwasyon at suliraning ito, darating ang mga kaibigang iyon para ilayo ka sa problema at tulungan kang magtagumpay sa iyong mga pagsusumikap. Kung gusto mong magkamit ng magagandang bagay, dapat kang tumigil sa pagmamataas at makipagkaibigan. Dapat mong mapanatili ang lahat ng uri ng makapangyarihang tao sa panig mo para masuportahan ang iyong mga pagsusumikap at ang iyong buhay at pag-iral sa hinaharap. Dapat masamantala mo ang iba’t ibang tao para makatulong sa iyong magawa ang mga bagay-bagay at masuportahan ka.” Karaniwang hindi tahasang nagsasabi ng ganitong uri ng ideya o pananaw ang mga magulang, o direktang nagsasabi sa kanilang mga anak na kailangan ng mga ito na matutong makipagkaibigan, magsamantala ng mga tao, at makahanap ng mga kaibigang makatutulong sa mga ito na magtagumpay sa mga pagsusumikap. Gayunpaman, may ilang magulang na may katayuan at posisyon sa lipunan, o partikular na tuso at mapagpakana, at mga nag-iimpluwensiya sa kanilang mga anak sa pamamagitan ng kanilang mga salita at pag-asal. Isa pa, sa tuwing nakikita at naririnig ng kanilang mga anak ang kanilang mga ideya, pananaw, at pamamaraan ng pagharap sa mundo sa pamamagitan ng mga bagay na sinasabi at ginagawa nila sa pang-araw-araw na buhay, nagdudulot ito ng epekto ng pagkokondisyon sa mga anak. Sa sitwasyon na hindi mo nahuhusgahan at natutukoy nang tama ang mga positibo sa mga negatibong bagay, hindi sinasadyang naiimpluwensiyahan ka ng mga salita at kilos ng iyong mga magulang at tinatanggap mo ang kanilang mga ideya at pananaw, o hindi sinasadyang naitatanim ang mga ideya at pananaw na ito sa kaibuturan ng iyong puso, at nagiging ang pinakabatayang pundasyon at prinsipyo ng iyong paggawa sa mga bagay-bagay. Maaaring hindi direktang sabihin sa iyo ng iyong mga magulang na “magkaroon ka ng maraming kaibigan, matutong hikayatin ang mga tao na gawin ang mga bagay-bagay para sa iyo, at pakinabangan ang mga kalakasan ng mga tao, at matutong samantalahin ang mga nasa paligid mo.” Gayunpaman, hinahawaan at kinokondisyon ka nila sa pamamagitan ng pagsagawa sa kanilang mga kilos ng mga ideya at pananaw na kanilang ipinangangaral. Kaya, ang iyong mga magulang ang nagiging una mong guro sa usaping ito, ang unang nagtuturo sa iyo patungkol sa kung paano harapin ang mga bagay-bagay, kung paano makisama sa mga tao, at kung paano makipagkaibigan sa lipunang ito, at ang unang nagtuturo sa iyo sa layon sa likod ng pakikipagkaibigan, kung bakit dapat kang makipagkaibigan, kung anong uri ng mga kaibigan ang dapat mayroon ka, kung paano magkaroon ng katatayuan sa lipunan, ang mga pangunahing kaalaman at pamamaraan sa pagkakaroon ng katatayuan, at iba pa. Kaya, kinokondisyon ka ng mga magulang mo sa pamamagitan ng pagsasagawa ng kanilang ipinangangaral. Nang hindi namamalayan, mula sa iyong pagkabata hanggang sa pagtanda, unti-unting nabubuo ang mga ideya at pananaw na ito, mula sa isang simpleng kamalayan hanggang sa mga kongkretong kaisipan, pananaw, at pagkilos, nang sa gayon, unti-unting malalim na naitatanim ang mga ito sa iyong puso at kaluluwa at nagiging paraan at pilosopiya mo para sa mga makamundong pakikitungo. Ano ang tingin mo sa kasabihang “Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao” bilang isang paraan ng mga makamundong pakikitungo? (Masama ito.) Mayroon ba talagang matatawag na isang tunay na kaibigan sa mundong ito? (Wala.) Kung gayon, bakit kailangan ng isang bakod ang pantukod ng tatlong tulos? Ano ang silbi ng pagkakaroon ng tatlong tulos? Para lang gawin itong mas matibay. Hindi ito magiging matibay gamit ang dalawang tulos, at walang silbi kung isang tulos lang. Kaya, ano ang prinsipyo ng pagharap sa mundo ang may kinalaman dito? Kahit na ang isang taong may kakayahan, gaano man siya kahusay, ay hindi kayang pumalakpak gamit ang isang kamay lamang, at wala siyang mararating. Kung gusto mong magkamit ng isang bagay, kailangan mo ng mga tao na tutulong sa iyo. At kung gusto mong tulungan ka ng mga tao, kailangan mong matuto kung paano umasal at humarap sa mundo, at makipagkaibigan sa maraming tao at magtipon ng mga tao para magawa ang mga bagay-bagay. Upang makamit ang anumang bagay, malaki man o maliit, ito man ay pagbuo ng isang propesyon, o pagkakaroon ng katatayuan sa lipunan, o pagsasakatuparan ng isang mas malaki pang bagay, kailangan mong magkaroon ng mga tao sa paligid mo na iyong pinagkakatiwalaan o pinahahalagahan, at na magagamit mo para matulungan kang makamit ang mga mithiin mo, kung hindi, ito ay magiging parang pagtatangkang pumalakpak gamit ang isang kamay lamang. Siyempre, ito ang mga panuntunan sa paggawa ng anumang bagay sa mundong ito, dahil walang pagkamakatarungan sa lipunan, tanging pagpapakana at paghihirap ang mayroon. Kung tatahakin mo ang tamang landas at gagawin ang mga makatarungang layon, walang sasang-ayon, hindi ito gagana sa lipunang ito. Anumang uri ng pagsusumikap ang gagawin mo, kailangan mong magkaroon ng ilang tao na tutulong sa iyo at magtipon ng mga tao sa lipunan. Saan ka man magpunta, kung mayroong mga taong sumusunod at natatakot sa iyo, magkakaroon ka ng matatag na katatayuan sa lipunan, magiging mas madali para sa iyo na gawin ang iyong mga pagsusumikap, at magkakaroon ng mga taong susuporta sa iyong magawa ang mga bagay-bagay. Ito ay isang saloobin at isang paraan ng pagharap sa mundo. Anuman ang gusto mong gawin, palaging sasabihin sa iyo ng iyong mga magulang “Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao.” Kaya, tama ba o mali ang prinsipyong ito ng mga makamundong pakikitungo? (Mali.) Ano ang mali rito? (Kung maisasakatuparan man ng isang tao ang mga bagay-bagay ay hindi nakasalalay sa kanyang kapangyarihan o talento, kundi sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.) Nakasalalay ito sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ito ay isang aspekto. Dagdag pa rito, ano ang layon ng mga tao sa pagnanais na tulungan sila ng ibang tao sa lipunan? (Para bigyang-kakayahan ang kanilang sarili na maging mas magaling kaysa sa iba.) Tama iyan. Ang layon sa likod ng pagkakaroon ng tatlong tulos na ito bilang iyong suporta ay upang makapagtatag ka ng isang posisyon para sa iyong sarili at makapagkamit ng matatag na katayuan. Sa ganoong paraan, walang sinuman ang makakapagpabagsak sa iyo, at kahit na bumagsak ang isang tulos, ang dalawa pang tulos ay naroroon pa rin para suportahan ka. Ang mga taong may partikular na kapangyarihan ay madaling nakagagawa ng mga bagay sa lipunang ito, nang hindi inaalala ang batas, damdamin ng mga tao, o opinyon ng publiko. Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao? (Oo.) Sa ganoong paraan, pwede kang maging isang taong namamahala at may boses sa lipunan, at ang batas o anumang opinyon ng publiko ay hindi makatitinag sa iyong posisyon o makagagambala sa iyo. Ikaw ang may huling pasya sa mga kalakaran ng lipunang ito at sa anumang pangkat ng lipunan. Ikaw ang magiging inaasahang awtoridad. Kung gayon, hindi ba’t magagawa mo ang anumang gusto mo? Maaari kang mangibabaw sa batas, sa damdamin ng mga tao, sa opinyon ng publiko, sa moralidad, at sa pagkondena ng konsensiya. Ito ba ang layon na gustong makamit ng mga tao? (Oo.) Ito ang layon na gustong makamit ng mga tao. Ito ay isang batayang pundasyon sa mga kilos ng mga tao na nagbibigay-kakayahan sa kanila na makamit ang kanilang mga ambisyon at hangarin. Ang ilang tao sa lipunan ay sumusumpa ng katapatan sa kanilang kapatiran. Kabilang sa mga ito ay ang isang nakatatandang brother na CEO sa isang korporasyon, ang isang nakababatang brother ay ang presidente ng isang grupo, at ang iba ay mga pulitiko o mga amo sa mundo ng mga kriminal. Ang ilang tao ay may mga kaibigan na mga direktor ng ospital o mga chief surgeon o head nurse, at ang ilang tao ay nagkakaroon ng ilang mabuting kaibigan sa kanilang sariling linya ng gawain. Nakikipagkaibigan ba talaga ang mga tao sa mga ito dahil magkapareho sila ng mga pananaw at interes? O dahil gusto talaga nilang itaguyod nang magkasama ang mga makatarungang layon? (Hindi.) Kung gayon, bakit nila ito ginagawa? Ginagawa nila ito dahil gusto nilang makapagtipon ng isang uri ng puwersa, at palawakin at palakasin ang puwersang ito, at sa huli ay umasa rito para magkaroon ng katatayuan at manatiling buhay sa lipunan, mamuhay nang may mataas na posisyon, at matamasa ang isang buhay na may karangyaan at kalayawan; walang mangangahas na apihin sila, at kahit makagawa sila ng mga krimen, hindi mangangahas ang batas na parusahan sila. At kung makagawa nga sila ng mga krimen, darating ang kanilang mga kaibigan para tulungan sila. Ang isang kaibigan ay magsasalita para sa kanila, ang isa pang kaibigan ay tutulong na ayusin ang mga bagay-bagay sa korte at kukumbinsihin ang matataas na pulitiko para patawarin na ang kanilang krimen, kaya wala pang 24 na oras ay makakalabas na sila sa istasyon ng pulisya. Gaano man kabigat ang krimeng ginawa nila, hindi sila mananagot at ni hindi nila kakailanganing magbayad ng multa. Sa huli, sasabihin ng karaniwang tao: “Naku, kakaiba talaga ang taong iyon. Paano siya nakaiwas sa pananagutan nang napakabilis matapos gumawa ng gayon kaseryosong krimen? Kung tayo iyon, katapusan na natin, hindi ba? Makukulong tayo, hindi ba? Tingnan mo ang mga kaibigan nila. Bakit wala tayong gayong mga kaibigan? Bakit ba hindi natin maabot ang mga ganoong klase ng tao?” At maiinggit ang mga tao. Ang mga usaping ito ay dulot lahat ng kawalan ng hustisya sa lipunan at ng patuloy na paglitaw ng masasamang kalakaran sa lipunan. Hindi nararamdaman ng mga tao ang seguridad sa lipunang ito. Palagi nilang gustong sumipsip sa ilang puwersa at ikumpara ang mga puwersa ng isa’t isa. Lalo na iyong mga namumuhay sa ilalim ng lipunan, kahit na mayroon silang ilang paraan upang makapaghanap-buhay, hindi nila alam kung kailan sila mahaharap sa panganib o paghihirap, at pinakakinatatakutan nila ang makatagpo ng hindi inaasahang sakuna, o makaharap sa isang kapahamakan, lalo na pagdating sa anumang bagay na may kinalaman sa batas, kaya namumuhay sila nang hindi kailanman ninananis na makipag-ugnayan sa mga pulis o sa korte. Dahil walang nararamdamang seguridad ang mga tao sa lipunang ito, palagi nilang kailangang makipagkaibigan at maghanap ng mga makapangyarihang kakampi na maaasahan. Kapag ang mga bata ay nasa paaralan, kailangan nilang magkaroon ng dalawa o tatlong kaibigan na makakalaro. Kung hindi, palagi silang aapihin kapag nag-iisa sila. At hindi sila naglalakas-loob na sabihin sa guro na inaapi sila, dahil sa sandaling gawin nila iyon, siguradong mabubugbog sila pauwi galing ng paaralan. Kahit mabait sa iyo ang mga guro at medyo maganda ang iyong mga grado, kung hindi mo alam kung paano makipagkaibigan o makipagbarkada sa mga siga sa paligid mo, malalagay ka sa gulo kung maaagrabyado mo sila. At kung minsan, kahit na hindi mo sila maagrabyado, susubukan ka nilang iligaw kapag nakikita ka nilang nag-aaral nang mabuti, at kung hindi ka makikinig sa kanila, bubugbugin o aapihin ka nila. Maging sa mga kapaligiran ng paaralan, hindi nararamdaman ng mga tao na ligtas sila, kaya talagang nakakatakot ang mundong ito, hindi ba? Samakatuwid, ang mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya sa iyo sa aspektong ito ay nagmumula, sa isang punto, sa impluwensiya ng halimbawa ng iyong mga magulang, at sa isa pang punto, nagmumula rin ang mga ito sa kawalan ng seguridad ng mga tao sa lipunan. Dahil walang pagkamakatarungan sa lipunang ito, o anumang puwersa o benepisyo na makakaprotekta sa iyong mga karapatang pantao at interes, madalas na nababalot ng pangamba at takot ang mga tao sa lipunang ito. Bilang resulta, natural nilang tinatanggap ang mga epekto ng pagkokondisyon ng ideyang “Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao.” Dahil sa mga tunay na kapaligiran kung saan umiiral ang mga tao, ang mga ideya at pananaw na tulad nito ay kinakailangan para masuportahan ang kanilang pananatiling buhay, na nagbibigay-kakayahan sa kanila na baguhin ang isang buhay ng pag-iisa at kalungkutan patungo sa isang buhay na may masasandalan at may pakiramdam ng seguridad. Samakatuwid, itinuturing ng mga tao ang pagsandal sa isang puwersa at pagsandal sa mga kaibigan sa mundong ito bilang isang bagay na napakahalaga.

Tungkol sa mga paraan kung paano nakokondisyon ang mga tao ng kanilang pamilya, bukod pa sa kasabihang kababanggit lang natin ngayon, na “Gaya ng isang bakod na nangangailangan ng tatlong tulos na pantukod, ang isang taong may kakayahan ay nangangailangan ng suporta ng tatlo pang tao,” mayroon pang ilang mas tiyak na paraan kung paanong ang mga tao ay tinuturuan ng kanilang pamilya. Halimbawa, may tendensiyang turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak na babae sa pamamagitan ng pagsasabi ng mga bagay tulad ng: “‘Ang isang babae ay nagpapaganda para sa mga humahanga sa kanya, samantalang ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya.’ At saka, ‘Walang pangit na babae, may mga tamad nga lang.’ Dapat matuto ang mga babae na mahalin ang kanilang sarili, at bihisan ang kanilang sarili, at pagandahin ang kanilang sarili. Sa ganoong paraan, saan ka man magpunta, magugustuhan ka ng mga tao, at mas maraming tao ang gagawa ng mga bagay-bagay para sa iyo at susuportahan ka. Kung gusto ka ng mga tao, natural na hindi ka nila pahihirapan o gagawing mahirap ang mga bagay-bagay para sa iyo.” Sinasabi ng ilang magulang sa kanilang mga anak na babae: “Dapat matutong magbihis nang maayos ang mga babae, maglagay ng make-up, at ang mas mahalaga pa, dapat silang matutong maging mahinhin.” Ang talagang sinasabi nila ay kailangan kang matutong makaakit ng atensiyon. Sinasabi rin nila ang mga bagay tulad ng: “Huwag maging isang malakas na babae. Ano ang silbi para sa isang babae na maging napakalakas at nakapagsasarili? Ang gayong mga babae ay hindi kailanman nagbibihis nang maayos, kundi namumuhay na parang mga lalaki, at nagmamadali at nagpapakaabala sa buong araw, at hindi rin sila mahinhin. Ang mga babae ay ipinanganak para kagiliwan ng mga lalaki. Hindi nila kailangang maging isang taong nakapagsasarili o matuto ng anumang kasanayan. Kailangan lang nilang matutunang bihisan nang maayos ang kanilang sarili, matutunan kung paano pasayahin ang mga lalaki, at gawin nang maayos ang dapat gawin ng isang babae. Ang isang babaeng itinatangi at pinahahalagahan ng mga lalaki ay magiging masaya sa buong buhay niya.” Ang ilang kababaihan ay kinokondisyon ng kanilang mga magulang sa bagay na ito. Sa isang banda, tinitingnan nila kung paano kumikilos ang kanilang ina bilang babae. Sa isa pang banda, pagkatapos makondisyon ng kanilang mga magulang, binabago nila ang kanilang anyo para maging isang babaeng tunay na kaakit-akit sa paningin, sa pamamagitan ng palaging pagbibihis nang maayos at pagpapaganda. Mayroon bang ganitong mga tao? (Mayroon.) Ang mga babaeng lumaki sa ganitong uri ng kapaligiran ng pamilya ay masyadong nagpapahalaga sa kanilang hitsura, pananamit, at identidad bilang babae. Hindi sila aalis ng bahay nang hindi muna naglalagay ng makeup at nagpapalit ng damit. Ang ilang kababaihan, gaano man sila kaabala sa trabaho, ay talagang kailangang maghugas ng kanilang buhok, maligo, at magpabango bago umalis ng bahay, kung hindi, hindi talaga sila lalabas, at kapag wala silang gagawin, ang ginagawa lang nila ay tumingin sa salamin at ayusin ang kanilang buhok. Sino ang nakakaalam kung ilang beses tumitingin sa salamin ang mga babaeng ito bawat araw! Lubos silang nakokondisyon ng mga ideya at pananaw tulad ng “Ang isang babae ay nagpapaganda para sa mga humahanga sa kanya, samantalang ang isang ginoo ay nag-aalay ng kanyang buhay para sa mga nakakaintindi sa kanya,” kaya’t lubos nilang binibigyang-pansin ang hugis ng kanilang katawan at ang hitsura ng kanilang mukha. Hindi sila lalabas kahit na may kaunting kapintasan lang sa kanilang kutis, at hindi nila ipapakita ang kanilang mukha sa publiko kung may taghiyawat ito. Kung isang araw ay hindi nila gustong maglagay ng makeup, hindi sila lalabas. O, kung nagpagupit sila ng buhok pero hindi ito ganoon kaganda, at hindi ito kaaya-ayang tingnan, hindi sila lalabas para magtrabaho, at baka sakaling hamakin sila ng mga tao. Ginugugol ng gayong mga babae ang buong araw nang namumuhay para sa mga bagay na ito. Kung mayroon silang kagat ng lamok sa kanilang kamay, itatago nila ang kanilang kamay para hindi ito makita, o kung nasa binti nila ito, palagi nilang tatakpan ang kanilang binti dahil hindi ito magiging maganda tingnan kapag nakapalda, at hindi rin sila lalabas, at hindi nila magampanan ang kanilang tungkulin. Sa kada maliit na bagay ay may tendensiya silang panghinaan ng loob at mapigilan sa kanilang ginagawa, kaya’t nagiging lubhang mahirap at nakakapagod para sa kanila ang buhay. Upang mapanatili ang dignidad ng isang babae at maiwasan na maging pangit, nagpapakahirap at nagsusumikap sila na alagaan ang kanilang mukha, pigura, at estilo ng buhok, at upang maiwasan ang maging pangit, iwinawaksi nila ang kanilang mga dating masamang gawi at katamaran. Gaano man sila kaabala sa trabaho, kailangan nilang magbihis nang maayos at pagandahin ang kanilang sarili nang maigi at napakahusay. Kung hindi maganda ang pagkakaguhit ng kanilang mga kilay, uulitin nila ang mga ito. Kung hindi pantay ang pagkakalagay ng kanilang blusher, uulitin nila ang paglagay nito. Maliban kung gumugol na sila ng hindi bababa sa isa o dalawang oras sa paglalagay ng makeup, hindi sila lalabas ng pintuan. Sinisimulan ng ilang babae itong buong akto ng pagligo, pagbibihis, at pagpapalit ng damit sa sandaling bumabangon sila sa umaga. Nag-iisip at nag-iisip silang muli, sinusubukan ang kung anu-ano, hanggang sa sumapit na ang tanghali at hindi pa rin sila nakakaalis ng bahay. Siguro ay napakahirap para sa kanila, na ang kanilang limitadong oras at lakas ay napupunta sa mga walang kabuluhang bagay na ito. Wala na silang nagagawang seryoso, at sa sandaling imulat nila ang kanilang mga mata, ang iniisip lang nila ay magbihis nang maayos at magpaganda. Ang ilan sa mga taong ito ay naiimpluwensiyahan ng mga ideya at pananaw ng kanilang ina, samantalang ang iba ay tahasang sinasabihan ng kanilang ina kung ano ang dapat nilang ginagawa, at ang ilan ay natututo mula sa halimbawang ipinapakita ng kanilang ina sa mga kilos nito. Sa madaling salita, ang lahat ng ito ay mga paraan kung paano nakokondisyon ang mga tao ng kanilang pamilya.

Ang ilang pamilya ay pinanghahawakan ang pananaw na “Ang mga anak na babae ay dapat palakihin na parang mayayamang anak, at ang mga anak na lalaki na parang mahihirap na anak.” Narinig mo na ba ang kasabihang ito? (Oo, narinig ko na.) Ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Lahat sila ay mga bata, kaya bakit dapat palakihin ang mga babae na parang mayayamang bata, at ang mga lalaki na parang mahihirap na bata? Karaniwang pinahahalagahan ng tradisyonal na kultura ang mga lalaki at hindi gaanong binibigyang-halaga ang mga babae, kaya bakit tila pinahahalagahan ng kasabihang ito ang mga babae kaysa sa mga lalaki? Kung ang isang anak na babae ay pinalalaki na parang isang mayamang anak, magiging anong klase siyang anak? Magiging anong uri siya ng bagay? (Isang taong laki sa layaw, may labis na pagtingin sa sarili, at mapandomina.) Isang taong sutil, marupok, hindi kayang magtiis ng anumang paghihirap, hindi kayang magmalasakit, hindi makatwiran, at hindi kayang tumukoy sa kaibahan ng mabuti at masama—ano ang halaga ng gayong tao? Ito ba ang tamang paraan para turuan ang isang tao? (Hindi.) Ang pagpapalaki sa isang tao nang ganito ay sisira sa kanila. Kung palalakihin mo ang iyong anak na babae na parang isang mayamang bata, bagamat lalaki siya sa isang kapaligiran ng pamilya na nakakatugon sa bawat pangunahin niyang pangangailangan, at magkakaroon siya ng kaunting sopistikasyon, mauunawaan ba niya ang mga tunay na prinsipyo ng pag-asal? Kung hindi niya nauunawaan, kung gayon, pinapahirapan at pinipinsala siya ng ganitong paraan ng pagpapalaki, sa halip na pinoprotektahan siya. Ano ang motibasyon ng mga magulang sa pagpapalaki ng kanilang mga anak na babae batay sa prinsipyong ito? Ang isang anak na babaeng pinalaki nang ganito ay magiging sopistikada at hindi madaling magkakagusto sa mga lalaking binibilhan siya ng magagandang damit, nagbibigay sa kanya ng kaunting perang panggastos, o paulit-ulit na nagbibigay sa kanya ng mga munting regalo at pabor. Samakatuwid, hindi siya basta-bastang mapapaibig ng karaniwang lalaki. Kakailanganin nitong maging napakayaman, at isang perpektong maginoo, at labis na sopistikado, at lubhang mapagpakana at mapagkalkula, at lubhang mautak para makuha ang kanyang loob, at mapaibig siya, at makuha ang kanyang kamay sa kasal. Sa palagay mo, mabuti ba o masama na ipakasal ang anak mong babae sa ganoong tao? Tiyak na hindi ito isang magandang bagay, hindi ba? Bukod pa rito, kung pinalalaki mo ang iyong anak na babae na parang isang mayamang bata, kung gayon, bukod sa alam nito kung paano magsaya, magbihis nang maayos, at kumain ng masasarap na pagkain, magagawa ba niyang kilatisin ang mga tao kung sino talaga sila? Magkakaroon ba siya ng anumang kasanayan para manatiling buhay? Kakayanin ba niyang mamuhay nang matagal kasama ang iba? Hindi sigurado ang mga ito. Maaaring mahirapan siyang ayusin ang sarili niyang buhay, kung magkagayon man, ang mga taong tulad nito ay walang silbi. Sila ay laki sa layaw, mahilig mang-utos at mapandomina, sutil at walang pakundangan, mapagpalayaw sa sarili at mapanupil, hindi nagkokompromiso at mapilit, at ang alam lang nila ay kumain, uminom, at magsaya. Bukod sa lahat ng iyon, hindi man lang siya magkakaroon ng batayang sentido komun na kinakailangan para makaraos sa buhay, na unti-unting magdudulot ng problema sa kanyang pamumuhay sa hinaharap at buhay-pamilya. Hindi isang mabuting bagay na turuan ng mga magulang ang kanilang anak sa ganitong paraan. Hindi nila itinuro sa kanya ang mga prinsipyo ng pag-asal, kundi tinuro lang nila kung paano magsaya sa buhay. Kaya, kung hindi siya kikita ng sapat na pera sa hinaharap, hindi ba’t kakailanganin niyang tiisin ang paghihirap? Hindi ba’t mahihirapan siyang makaraos kung gayon? Kakayanin kaya niya iyon? Hindi ba’t magiging marupok siya sa tuwing mahaharap siya sa mga suliranin sa hinaharap? Magkakaroon kaya siya ng tiyaga na kakailanganin para maharap ang lahat ng paghihirap na ito? Huwag kang umasa rito. Pagdating sa mga taong labis na tinatangkilik ang materyal na buhay, at labis nang nakasanayan ang isang buhay na madali at maluho, at hindi kailanman nagdusa, ano ang pinakamalaking problema sa kanilang pagkatao? Ito ay na sila ay marupok at walang kagustuhan na magtiis ng paghihirap, at ang mga taong tulad nito ay mapapahamak. Kaya, ang turong natatanggap ng mga anak mula sa kanilang pamilya, sa pamamagitan man ng kanilang mga magulang o sa mga kalakaran ng lipunan, ay pangunahing nagmumula sa mga tao. Kung ang mga sari-saring kasabihang ito ay nagiging isang ideya o pananaw man, o nagiging isang paraan ng pamumuhay ng mga tao o para sila ay manatiling buhay, nagtutulak ito sa mga tao na tingnan ang mga isyung ito nang may labis-labis, may pagkiling, at baluktot na perspektiba. Sa madaling salita, ang mga kasabihang ito na mula sa impluwensiya ng pamilya, sa mas mataas o mas mababang antas, ang paraan ng pagtingin ng mga tao sa mga tao at bagay, at ang paraan ng kanilang pag-asal at pagkilos. At dahil naiimpluwensiyahan ka ng mga bagay na ito, maiimpluwensiyahan rin ng mga ito ang iyong paghahangad sa katotohanan. Kaya, hindi mahalaga kung itong mga kasabihan, ideya at pananaw na mula sa mga magulang ng isang tao ay marangal at maprinsipyo, o ignorante at hangal, dapat muli itong masusing pag-aralan at suriin ng lahat, at matutunang tukuyin kung ano talaga ang mga ito. Kung magkakaroon ng partikular na impluwensiya ang mga ito sa iyo, o magdudulot ng kaguluhan sa iyong buhay at sa iyong paghahangad sa katotohanan, o guguluhin nang husto ang buhay mo o hahadlangan ka sa paghahanap sa katotohanan at pagtanggap sa katotohanan sa tuwing nahaharap ka sa mga tao, pangyayari, at bagay, kung gayon ay dapat mo na lang bitiwan ang mga ito.

Mayroon ding mga pahayag na kumakalat sa lipunan hinggil sa mga konsepto ng emotional quotient, o EQ, at intelligence quotient, o IQ. Iminumungkahi ng mga pahayag na ito na hindi kailangang magkaroon ng mataas na IQ ang mga tao, kundi kailangan lang nilang magkaroon ng mataas na EQ. Ang IQ ay higit na may kinalaman sa kakayahan ng isang tao, samantalang ang EQ ay higit na nauugnay sa mga diskarte ng pagharap ng isang tao sa mundo. Ito ang Aking pangunahing pagkaunawa sa dalawang terminong ito. Marahil ay medyo mataas ang iyong intelligence quotient, at talagang edukado ka, talagang maalam, at mahusay makipag-usap, at matibay ang kakayahan mong manatiling buhay, pero hindi mataas ang iyong emotional intelligence, at wala kang mga diskarte sa pagharap sa mundo, o kahit pa medyo madiskarte ka, hindi masyadong sopistikado ang mga pamamaraan mo. Sa mga sitwasyong tulad nito, ang iyong kaalaman, mga kasanayan, at kahusayan sa isang espesyal na larangan ay nagbibigay-kakayahan lamang sa iyo na kumayod sa lipunan at kumita sa simpleng kabuhayan. Ang mga taong may mataas na emotional intelligence ay partikular na mahusay sa pagiging tuso. Gagamitin nila ang iba’t ibang pwersa sa lipunan, kapaki-pakinabang na mga heograpikal na kapaligiran o mga makabubuting oportunidad, at kapaki-pakinabang na impormasyon para gumawa ng ingay at manipulahin ang mga bagay-bagay, pinalalaki ang isang bagay na hindi kapansin-pansin tungo sa isang bagay na may tiyak na epekto sa lipunan o sa loob ng isang komunidad, upang sila mismo ay maging sikat, at sa huli ay mamukod-tangi sa karamihan at maging isang taong sikat at may katayuan. Ang ganitong uri ng tao ay may mataas na emotional intelligence at mga diskarte. Ang mga madiskarteng tao, sa diwa, ay mga tusong demonyong hari. Ang lipunan ngayon ay nagsusulong ng mataas na emotional intelligence, at ang ilang pamilya ay maaaring madalas na kinokondisyon ang kanilang mga anak sa ganitong paraan, sa pagsasabing: “Mabuti na mayroon kang mataas na IQ, pero kailangan mo ring magkaroon ng mataas na emotional intelligence. Kailangan mo ito kapag nakikipag-ugnayan sa iyong mga kaklase, katrabaho, kamag-anak, at kaibigan. Ang pinakahigit na isinusulong ng lipunang ito ay hindi ang iyong kalakasan, kundi ang pagiging madiskarte, ang matuto kung paano ipresenta ang iyong sarili, kung paano ibida ang iyong sarili, at kung paano samantalahin ang lahat ng iba’t ibang pwersa at mga kapaki-pakinabang na kondisyon sa lipunan at gamitin ang mga ito para maging pabor at kapaki-pakinabang sa iyo—ginagawa mo man ito para samantalahin ang pagkakataong yumaman o sumikat. Ang gayong mga tao ay pawang may mataas na emotional intelligence.” Madalas tinuturuan ng ilang partikular na pamilya o ilang sikat at tanyag na magulang sa lipunan ang kanilang mga anak sa ganitong paraan, sa pamamagitan ng pagsasabing: “Gusto ng kapwa mga lalaki at babae ang isang lalaking may emotional intelligence, samantalang ang isang lalaking walang emotional intelligence ay inaayawan ng lahat. Ang isang babaeng may emotional intelligence ay magugustuhan ng maraming kalalakihan at kababaihan, at maraming lalaki ang maghahabol sa kanya. Samantala, kung walang emotional intelligence ang isang babae, kakaunti lang ang maghahabol sa kanya kahit gaano pa siya kaganda.” Sa pamumuhay sa lipunan ngayon, kung ang mga tao ay walang anumang pagkakilala sa mga pahayag na ito ng kanilang mga pamilya, hindi namamalayang maiimpluwensiyahan sila ng mga ideya at pananaw na ito, at madalas nilang susukatin ang sarili nilang IQ, at higit sa lahat, madalas nilang ikukumpara ang kanilang sarili sa ilang pamantayan para matukoy kung mayroon silang emotional intelligence, at kung gaano talaga kataas ang kanilang EQ. Hindi mahalaga kung may matibay o malinaw kang kamalayan sa mga bagay na ito, sapat nang sabihing ang mga epekto ng pagkokondisyon mula sa iyong pamilya sa bagay na ito ay nagsimula nang makaimpluwensiya sa iyo. Maaaring hindi halata ang mga ito, at maaaring hindi ito mahalaga para pag-isipan mo. Pero kapag narinig mo ang mga bagay na ito at wala kang pagkakilala sa mga ito, nagsimula ka nang makondisyon ng mga ito sa isang partikular na antas.

May iba pang mga epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa pamilya ng isang tao. Halimbawa, madalas na sasabihin ng mga magulang sa kanilang mga anak, “Sa tuwing kasama mo ang iba, hindi mo alam kung paano manatiling alerto at palagi ka na lang hangal at walang kaalam-alam. Gaya ng kasabihan, ‘Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses.’ Kaya’t sa tuwing kinakausap ka ng mga tao, dapat kang matutong makinig sa sinasabi nila, kung hindi, ipagkakanulo ka at ikaw ang magdurusa sa mga negatibong kahihinatnan!” Madalas ba itong sinasabi ng ilang magulang? Ano ba talaga ang nais nilang sabihin? Huwag maging isang matapat na tao, maging mas mapagkalkula. Ibig sabihin, palagi mong subukang unawain kung ano talaga ang nais sabihin ng ibang tao, palaging pakinggan ang iba pang ipinapahiwatig ng kanilang mga salita na hindi nila tahasang sinasabi, matutong hulaan kung ano talaga ang ibig sabihin ng iba, at pagkatapos, gamitin ang mga kaukulang hakbang o diskarte batay sa bagay na hindi nila sinasabi. Huwag maging pasibo, kung hindi, ipagkakanulo ka at magiging pananagutan mo iyon. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, lahat ng mga salitang ito ay may mabuting intensiyon, at nilalayong pigilan ka sa paggawa ng mga kahangalan, o protektahan ka mula sa pagkakanulo ng iba sa masamang komunidad na ito, at para protektahan ka na hindi malinlang at hindi gumawa ng kalokohan. Subalit naaayon ba ang kasabihang ito sa katotohanan? (Hindi.) Hindi ito naaayon. Minsan nahihiwatigan ng mga tao ang mga lihim na kahulugan sa sinasabi ng iba. Kahit na hindi ka magbigay-pansin, maaari mo pa ring mahiwatigan ang mga lihim na kahulugan. Kaya ano ang dapat mong gawin? Ayon sa kasabihang ito na sinasabi ng mga magulang mo sa iyo—“Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses”—dapat kang mag-ingat laban sa iba at maging mapagbantay sa kanila sa lahat ng oras, at kasabay ng pag-iingat laban sa kanila, dapat kang gumawa ng mga hakbang upang protektahan ang sarili mo bago ka nila mapinsala o malinlang. Ang mas mahalaga, dapat ikaw ang unang umatake at huwag ilagay ang iyong sarili sa isang pasibong sitwasyon o mahirap na kalagayan. Ito ba ang pinakalayon na gustong makamit ng mga magulang sa pagsasabi sa iyo ng kasabihang ito? (Oo.) Ito ay na kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, pinipinsala ka man nila o hindi, hindi ka dapat maging pasibo. Dapat kang magkaroon ng pagkukusa, at sunggaban ang kutsilyo gamit ang sarili mong mga kamay, upang sa tuwing may gustong manakit sa iyo, hindi mo lamang mapoprotektahan ang iyong sarili, kundi maaari ka ring magkusang atakihin at saktan sila, at maging mas nakatatakot at walang awa kaysa sa kanila. Ito talaga ang layon at ang ugat na kahulugan ng mga salita ng iyong mga magulang. Kung susuriin sa ganitong paraan, malinaw na hindi naaayon sa katotohanan ang kasabihang ito, at na ito ay ganap na hindi alinsunod sa ibig sabihin ng Diyos nang sabihin Niya sa mga tao na “mangagpakatalino kayong gaya ng ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng kalapati.” Ang mga prinsipyo at matalinong paraan na sinasabi ng Diyos sa mga tao ay para tulungan silang makilala ang mga tusong pakana ng iba, at maprotektahan ang kanilang sarili mula sa pagkahulog sa tukso at pakikipag-ugnayan sa masasamang tao, at maiwasan ang paggamit ng masasamang paraan para harapin ang kasamaan, at sa halip ay gamitin ang mga katotohanang prinsipyo para harapin ang anumang masamang gawa at sinumang masamang tao. Samantalang ang pamamaraan na tinuturo ng mga magulang sa kanilang mga anak—“Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses”—ay tungkol sa pagganti sa kasamaan gamit ang kasamaan. Kaya kung masama ang isa pang tao, dapat kang maging mas masama kaysa sa kanya. Kung may lihim na kahulugan ang kanyang mga salita, mas nakahihigit ka sa kanya at matutukoy mo ito, at kasabay nito, batay sa lihim na kahulugang ito, maaari kang gumamit ng mga kaukulang pamamaraan at diskarte para harapin siya, kontrahin siya, supilin siya, at takutin siya, upang magpasakop siya sa iyo, at ipaalam mo sa kanya na hindi ka isang taong pwedeng apihin o kalabanin. Ito ang ibig sabihin ng pagkontra sa kasamaan gamit ang masasamang pamamaraan. Malinaw na ang landas ng pagsasagawa at ang pamantayan ng pagsasagawa na itinuturo sa iyo at ang resultang nakakamit sa pamamagitan ng kasabihang ito ay magtutulak sa iyo na gumawa ng kasamaan at lumihis sa tunay na daan. Kapag sinasabihan ka ng mga magulang mo na kumilos nang ganito, hindi nila hinihiling sa iyo na maging isang tao na taglay ang katotohanan o isang tao na nagpapasakop sa katotohanan, hindi rin nila hinihiling sa iyo na maging isang tunay na nilikha. Hinihiling nila sa iyo na kontrahin at talunin ang kasamaan gamit ang mas higit pang masasamang pamamaraan kaysa sa ginagamit ng masamang tao na kaharap mo. Ito ang ibig sabihin ng iyong mga magulang. Mayroon bang sinumang magulang na nagsasabi nitong sumusunod? “Kung inaatake ka ng isang masamang tao, magpigil ka. Dapat ay huwag mo siyang pansinin at kilatisin mo kung ano talaga siya. Una, tukuyin ang diwa ng masamang tao sa loob niya, at kilalanin siya kung ano siya. Pangalawa, kilalanin ang masasamang gawa at tiwaling disposisyon sa iyong sarili na kapareho o katulad ng sa kanya, at pagkatapos ay hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga ito.” May mga magulang bang nagsasabi nito sa kanilang mga anak? (Wala.) Kapag sinasabi sa iyo ng magulang mo na, “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses. Dapat kang mag-ingat, kung hindi, ipagkakanulo ka ng iba at ikaw ang mananagot dito, at dapat kang matutong mauna sa pag-atake,” anuman ang pangunahing intensiyon ng iyong mga magulang sa pagsasabi nito, o ang epekto sa huli na nakakamit, ginagawa ka nitong mas nakakatakot, mas makapangyarihan, mas nangingibabaw, mas mapandomina, at mas malupit, kaya kinakatakutan ka ng masasamang tao at iiwasan ka pa nga nila kapag nakikita ka, at hindi sila mangangahas na kalabanin ka. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? (Oo.) Kaya, masasabi ba na ang layon ng mga magulang mo sa pagsasabi sa iyo ng kasabihang ito ay hindi para gawin kang isang taong may pagpapahalaga sa katarungan, o isang taong nagtataglay ng katotohanan, at hindi ka gawin na isang matalinong tao na “kasingtalino ng mga ahas, at kasingkatimtiman ng mga kalapati”? Ang layon nila ay ang sabihin sa iyong kailangan mong maging isang makapangyarihang tao sa lipunan, na maging higit na mas masama kaysa sa iba, at maging isang taong gumagamit ng kasamaan para protektahan ang iyong sarili, tama? (Oo.) Kapag sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang na “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses,” ito man ang pangunahin nilang intensiyon o ang epekto sa huli na nakakamit, at sinasabi man sa iyo ng iyong mga magulang ang mga prinsipyo at pamamaraan ng pagsasagawa ng mga gayong bagay, o sa halip ay sinasabi sa iyo ang kanilang mga kaisipan at pananaw sa mga gayong bagay, malinaw na wala sa mga ito ang naaayon sa katotohanan, at sumasalungat ito sa mga salita ng Diyos. Ginagawa kang isang masamang tao ng mga magulang mo, hindi isang matuwid na tao o isang matalinong tao na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Malinaw na hindi positibo ang pagtuturo at pagkokondisyon sa iyo ng iyong mga magulang, at hindi rin tamang landas ang mga ito. Bagamat ninanais ng iyong mga magulang na protektahan ka, at pinakamabuti ang kanilang intensiyon sa paggawa nito, ang epektong nakakamit nila ay nakapipinsala. Hindi lamang sila nabibigong protektahan ka, kundi idinirekta ka rin nila sa isang maling landas, na nagiging dahilan para gumawa ka ng kasamaan at maging isang masamang tao. Hindi lamang sila nabigong protektahan ka, kundi talagang napinsala ka nila sa pamamagitan ng pagtulak sa iyo na mahulog sa tukso at sa kawalan ng katuwiran, at lumayo sa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos. Mula sa pananaw na ito, ang mga epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya ay mas ginagawa kang makasarili, mapagpaimbabaw, at sakim sa kasikatan, pakinabang, at katayuan sa lipunan, at para mas maisama ka sa masasamang kalakaran, at bigyan ka ng mga mas sopistikadong paraan sa pakikipag-ugnayan sa iba, at gawin kang tuso, malupit, nangingibabaw, at mapandomina sa iba, nang sa gayon ay walang maglakas-loob na kalabanin ka o magbuhat ng kamay sa iyo. Mula sa pananaw ng iyong mga magulang, ginamit nila ang mga pamamaraang ito para ikondisyon ka, nang sa gayon ay protektado ka sa lipunan, o, sa isang partikular na antas, upang ikaw ay maging isang marangal na tao. Ngunit mula sa perspektiba ng katotohanan, hindi ka nila tinutulutan na maging isang tunay na nilikha. Inilalayo ka nila mula sa mga turo ng Diyos at sa mga pamamaraan na ipinapayo ng Diyos sa iyong pag-asal, at mas lalo ka rin nilang inilalayo mula sa layon na sinasabi ng Diyos na hangarin mo. Anuman ang pangunahing intensiyon ng mga magulang mo sa pagkokondisyon at pagtuturo sa iyo, sa huli ay nagdulot lamang sa iyo ng kasikatan, pakinabang, at kahungkagan ang mga ideyang ito na ikinondisyon sa iyo, pati rin ng lahat ng masasamang gawang isinabuhay at ibinunyag mo, at higit na kinumpirma ng mga ito sa iyo ang pagiging praktikal nitong mga epekto ng pagkokondisyon sa lipunan, at wala nang iba pa.

Hinggil sa mga kasabihang ito na nagmumula sa pagkokondisyon ng iyong pamilya sa iyo—gaya ng “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses”—kung ito lang ang ikokonsidera, hindi mo seseryosohin ang mga ito. Madarama mo na pangkaraniwan lang at laganap naman ang mga kasabihang ito, at na walang malalaking isyu sa mga gayong kasabihan, ideya, at pananaw. Gayunpaman, kung ikukumpara mo ang mga ito sa katotohanan at gagamitin mo ang katotohanan para suriin ang detalye ng mga ito, magiging malinaw na mayroon ngang malalaking isyu sa mga kasabihang ito. Halimbawa, kung palaging sinasabi sa iyo ng iyong mga magulang, “Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses,” at mahusay mong ginagamit ang ganitong pamamaraan ng pag-iral, kung gayon, sa tuwing nakatatagpo ka ng mga tao, paulit-ulit at hindi sinasadyang mag-iisip-isip ka nang hindi ito namamalayan, tungkol sa mga bagay na tulad ng “Ano ang ibig niyang sabihin dito? Bakit niya sinabi iyon?” At natural kang mag-iisip-isip sa mga kaisipan ng ibang tao, palaging nakikinig sa kanilang sinasabi at nakikipag-ugnayan sa kanila sa ganitong nakagawiang pamamaraan ng pag-iisip, kaya, hindi ka magninilay-nilay sa katotohanan, o kung paano makisama sa iba, o kung ano ang mga prinsipyo sa pakikipag-ugnayan sa iba, o kung ano ang mga prinsipyo sa pakikipag-usap sa iba, o kung paano haharapin ang mga pahiwatig na natutukoy mo sa mga salita ng mga tao, o kung ano ang paraan na itinuturo ng Diyos, o kung paano makilala ang mga ganitong uri ng tao, o kung paano sila tatratuhin, at iba pang mga gayong prinsipyo ng pagsasagawa na hindi kailanman ipinaalam sa iyo ng iyong mga magulang. Ang sinabi sa iyo ng mga magulang mo ay ang matutunan kung paano hulaan ang mga iniisip ng ibang tao, at naisakatuparan mo ang ganitong paraan ng pagsasagawa nang napakahusay; umabot ka na sa puntong naging dalubhasa ka na rito at hindi mo na mapigilan ang sarili mo na gawin ito. Samakatuwid, dahil sa mga isyung ito, ang mga tao ay kinakailangang regular na ayusin ang kanilang sarili, mag-isip nang mabuti, at magsikap sa pag-unawa sa mga bagay-bagay. Sa isang punto, dapat mong suriin at kilatisin nang malinaw ang mga isyung ito. Sa isa pang punto, sa tuwing nangyayari ang mga bagay na ito, dapat kang magsikap na baguhin ang iyong paraan ng pag-iisip at pati na ang iyong paraan ng pagtingin sa mga tao at mga bagay. Ibig sabihin, dapat mong baguhin ang iyong mga kaisipan at pananaw sa pagharap sa mga gayong bagay. Sa susunod na makinig ka sa isang taong nagsasalita, at subukang pag-isipan kung ano talaga ang ibig niyang sabihin, bitiwan mo ang ganitong paraan ng pag-iisip at ang ganitong paraan ng pagtrato sa mga tao, at pag-isipan ito nang mabuti: “Ano ang ibig niyang sabihin sa pagsasabi nito? Hindi siya direktang nagsasalita at palaging nagpapaligoy-ligoy. Mapanlinlang ang taong ito. Ano ba iyong sinasabi niya? Ano ang diwa ng bagay na ito? Malinaw ko ba itong mauunawaan? Kung mauunawaan ko ito nang malinaw, makikipagbahaginan ako sa kanya gamit ang mga argumento at pananaw na naaayon sa katotohanan, ipapaliwanag nang malinaw ang usapin, at ipapaunawa sa kanya ang katotohanan ng aspektong ito. Tutulungan ko siya at itatama ang kanyang mga maling kaisipan at pananaw. Dagdag pa rito, mapanlinlang siya kung magsalita. Ayaw kong malaman kung ano ang ibig niyang sabihin doon, o kung bakit paligoy-ligoy siyang magsalita. Ayaw kong gumugol ng oras at lakas sa pag-iisip sa kung ano talaga ang ibig niyang sabihin. Ayaw kong magbayad ng ganoong halaga, at ayaw kong gumawa ng anumang may kinalaman dito. Kailangan ko lang makilala na isa siyang mapanlinlang na tao. Kahit na mapanlinlang siya, hindi ko siya lilinlagin. Kahit gaano pa siya magpaligoy-ligoy, didiretsahin ko siya, sasabihin ko kung ano ang dapat sabihin, at sasabihin ko ang totoo. Gaya ng sinabi ng Panginoong Jesus, ‘Datapuwat ang magiging pananalita ninyo ay, “Oo, oo; Hindi, hindi”’ (Mateo 5:37). Ang pagtugon sa panlilinlang gamit ang pagiging matapat ay ang pinakamataas na pamantayan ng pagsasagawa sa katotohanan.” Kung magsasagawa ka sa ganitong paraan, bibitiwan mo ang mga paraan na ikinondisyon at itinuro sa iyo ng iyong mga magulang, at magbabago rin ang iyong mga prinsipyo ng pagsasagawa. Pagkatapos ay magiging isa kang taong naghahangad sa katotohanan. Anumang aspekto ng pagkokondisyon ng iyonng mga magulang ang bibitiwan mo, sa tuwing mangyayaring muli ang mga nauugnay na bagay, babaguhin mo ang iyong mga maling kaisipan at pananaw tungkol sa mga ito, sa pamamagitan ng pagturing sa mga salita ng Diyos bilang ang batayan at paggamit sa katotohanan bilang ang pamantayan, at gawin ang mga ito na ganap na wasto at positibong mga kaisipan at pananaw. Ibig sabihin, kung huhusgahan, titingnan, at tatratuhin mo ang bagay na ito gamit ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan bilang iyong batayan at pamantayan sa pagsasagawa, kung gayon, isinasagawa mo ang katotohanan. Sa kabaligtaran, kung pinanghahawakan mo pa rin ang mga paraan na itinuro sa iyo ng mga magulang mo—o ang mga ideya at pananaw na ikinintal nila sa iyo—bilang mga pamantayan, batayan, at mga prinsipyo ng pagsasagawa sa pagharap sa usaping ito, kung gayon, ang paraang ito ng pagsasagawa ay hindi pagsasagawa sa katotohanan, hindi rin ito paghahangad sa katotohanan. Sa huli, ang nakakamit ng mga tao sa paghahangad sa katotohanan ay ang pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan. Kung hindi mo hinahangad ang katotohanan, hindi ka magkakaroon ng pagpapahalaga o karanasan sa katotohanan. Ang makakamit mo lang ay isang pagpapahalaga at karanasan sa pagsasagawa nitong kasabihang ikinondisyon sa iyo ng iyong mga magulang. Kaya, habang sinasabi ng iba ang kanilang karanasan at pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos, hindi ka makapagsalita ng kahit ano, dahil wala kang anumang masasabi. Ang tanging mayroon ka ay isang praktikal na pagpapahalaga at karanasan sa mga ideya at pananaw na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Sadyang wala ka lang talagang masabi tungkol sa mga ito, at hindi mo maibahagi ang mga ito. Samakatuwid, kung anuman ang isinasagawa mo, iyon ang pahahalagahan mo sa huli. Kung ang isinasagawa mo ay ang katotohanan, kung gayon, ang makakamit mo ay isang pagpapahalaga at karanasan sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kung isinasagawa mo ang turo at mga tagubiling ibinigay sa iyo ng iyong mga magulang, kung gayon, ang pahahalagahan mo ay ang karanasan ng pagkokondisyon at tradisyonal na turo ng iyong pamilya, at ang makakamit mo ay ang mga ideya lamang na ikinikintal sa iyo ni Satanas, at ang pagtitiwali ni Satanas sa iyo. Habang mas lubos mong pinahahalagahan ang mga bagay na ito, mas lalo mong mararamdaman na kapaki-pakinabang at praktikal ang mga tiwaling ideya at pananaw ni Satanas, at mas lubos kang magagawang tiwali ni Satanas. Paano kung isagawa mo ang katotohanan? Magkakaroon ka ng mas higit na pagpapahalaga at karanasan sa katotohanan, at sa mga salita at prinsipyo na sinasabi sa iyo ng Diyos, at mararamdaman mo na ang katotohanan ang pinakamahalagang bagay, at na ang Diyos ang pinagmulan ng buhay ng tao, at na ang mga salita ng Diyos ang buhay ng mga tao.

Bukod sa pagpapalaki sa iyo at pagtutustos sa iyo ng pagkain, damit, at edukasyon, ano ang naibigay sa iyo ng iyong pamilya? Problema lang ang naibigay nito sa iyo, hindi ba? (Oo.) Kung hindi ka ipinanganak sa gayong pamilya, baka hindi umiral ang lahat ng iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng pamilya mo. Hindi sana umiral ang pagkokondisyon ng iyong pamilya, pero ang mga epekto ng pagkokondisyon ng lipunan ay iiral pa rin—hindi mo matatakasan ang mga ito. Kahit saang perspektiba mo ito tingnan, nanggagaling man sa pamilya o sa lipunan itong mga epekto ng pagkokondisyon, ang mga ideya at pananaw na ito ay karaniwang nagmumula kay Satanas. Sadyang tinatanggap lang ng bawat pamilya ang iba’t ibang kasabihang ito mula sa lipunan nang may iba’t ibang antas ng paniniwala, at binibigyang-diin ang iba’t ibang punto. Pagkatapos, gagamit sila ng mga kaukulang pamamaraan para turuan at ikondisyon ang susunod na henerasyon ng kanilang pamilya. Ang bawat isa ay tumatanggap ng lahat ng uri ng pagkokondisyon sa iba’t ibang antas, depende sa pamilyang pinagmulan nila. Ngunit sa katunayan, itong mga epekto ng pagkokondisyon ay nagmumula sa lipunan at kay Satanas. Sadyang malalim na nakakintal sa isipan ng mga tao itong mga epekto ng pagkokondisyon sa pamamagitan ng mga mas kongkretong salita at kilos ng mga magulang, gamit ang mga mas direktang pamamaraan para mas mapasunod ang mga tao sa mga ito, upang tanggapin ng mga tao ang pagkokondisyon na ito at ito ay magiging kanilang mga prinsipyo at paraan sa mga makamundong pakikitungo, at ito rin ay magiging batayan ng kanilang pagtingin sa mga tao at mga bagay, at ng kanilang pag-asal at pagkilos. Halimbawa, ang ideya at pananaw na katatalakay lang natin—“Kapag may humahampas ng gong, pakinggan ang tunog nito; kapag may nagsasalita, pakinggan ang kanyang boses”—ay isa ring epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya. Anumang uri ng epekto ng pagkokondisyon ang idinudulot ng kanilang pamilya sa kanila, tinitingnan ito ng mga tao mula sa perspektiba ng mga miyembro ng pamilya at kaya, tinatanggap nila ito bilang isang positibong bagay, at bilang kanilang personal na anting-anting, na ginagamit nila para protektahan ang kanilang sarili. Ito ay dahil iniisip ng mga tao na ang lahat ng nanggagaling sa kanilang mga magulang ay resulta ng pagsasagawa at karanasan ng kanilang mga magulang. Sa lahat ng tao sa mundo, ang mga magulang lamang nila ang hindi kailanman magpapahamak sa kanila, at ang kanilang mga magulang lamang ang nagnanais na makapamuhay sila ng mas magandang buhay at maprotektahan sila. Kaya, tinatanggap ng mga tao ang iba’t ibang ideya at pananaw mula sa kanilang mga magulang nang walang anumang pagkilatis. Sa ganitong paraan, likas nilang tinatanggap ang pagkokondisyon ng iba’t ibang ideya at pananaw na ito. Sa sandaling makondisyon na ang mga tao ng iba’t ibang ideya at pananaw na ito, hindi na nila pinagdududahan o kinikilatis kung ano talaga ang mga ito, dahil madalas nilang naririnig ang kanilang mga magulang na sinasabi ang mga gayong bagay. Halimbawa, “Ang magulang ay palaging tama.” Ano ang ibig sabihin ng kasabihang ito? Nangangahulugan ito na tama man o mali ang mga magulang mo, dahil ipinanganak at pinalaki ka ng iyong mga magulang, para sa iyo, ang lahat ng ginagawa ng mga magulang mo ay tama. Hindi mo pwedeng husgahan kung sila ay tama o mali, at hindi mo rin sila pwedeng tanggihan, lalo na ang labanan sila. Ito ay tinatawag na paggalang sa mga magulang. Kahit na nakagawa ng mali ang mga magulang mo, at kahit na luma na o mali ang ilan sa kanilang mga ideya at pananaw, o hindi wasto o positibo ang paraan ng kanilang pagtuturo sa iyo at ang mga ideya at pananaw nila na itinuturo sa iyo, hindi mo sila dapat pagdudahan o tanggihan, dahil may kasabihan tungkol diyan—“Ang magulang ay palaging tama.” Pagdating sa mga magulang, hindi mo dapat kilatisin o suriin kung sila ay tama o mali, dahil para sa mga anak, ang kanilang buhay at lahat ng kanilang pag-aari ay nagmumula sa kanilang mga magulang. Walang mas mataas sa iyong mga magulang, kaya kung may konsensiya ka, hindi mo sila dapat pupunahin. Gaano man kamali o hindi perpekto ang iyong mga magulang, mga magulang mo pa rin sila. Sila ang mga taong pinakamalapit sa iyo, nagpalaki sa iyo, ang mga taong pinakamabuti ang pagtrato sa iyo, at ang mga taong nagbigay sa iyo ng buhay. Hindi ba’t tinatanggap ng lahat ang kasabihang ito? At dahil sa mismong pag-iral ng mentalidad na ito, iniisip ng mga magulang mo na pwede ka nilang tratuhin nang walang prinsipyo, at gumamit ng iba’t ibang pamamaraan para igiya ka sa paggawa ng lahat ng uri ng bagay, at magkintal ng iba’t ibang ideya sa iyo. Sa kanilang pananaw, iniisip nila, “Tama ang aking mga motibo, para ito sa ikabubuti mo. Ang lahat ng mayroon ka ay ibinigay ko sa iyo. Ipinanganak at pinalaki kita, kaya hindi ako maaaring magkamali sa kung paano man kita tatratuhin, dahil ang lahat ng ginagawa ko ay para sa iyong ikabubuti at hindi kita sasaktan o ipapahamak.” Mula sa perspektiba ng mga anak, tama ba na ang kanilang saloobin sa kanilang mga magulang ay dapat na nakabatay sa kasabihang ito, “Ang magulang ay palaging tama”? (Hindi, mali ito.) Tiyak na mali ito. Kaya, paano mo dapat kilatisin ang kasabihang ito? Mula sa ilang aspekto natin masusuri ang kamalian ng kasabihang ito? Kung titingnan natin ito mula sa perspektiba ng mga anak, ang kanilang buhay at katawan ay nagmumula sa kanilang mga magulang, na may kabutihan din para palakihin at turuan sila, kaya dapat sundin ng mga anak ang bawat sabihin ng kanilang mga magulang, tuparin ang kanilang obligasyon bilang anak, at huwag maghanap ng mali sa kanilang mga magulang. Ang lihim na kahulugan ng mga salitang ito ay na hindi mo dapat kilatisin kung sino talaga ang iyong mga magulang. Kung susuriin natin ito mula sa perspektibang ito, tama ba ang pananaw na ito? (Hindi, mali ito.) Paano natin dapat tratuhin ang bagay na ito ayon sa katotohanan? Paano ba ito maipapahayag nang tama? Ang katawan at buhay ba ng mga anak ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang? (Hindi.) Ang katawan ng isang tao ay ipinanganak ng kanilang mga magulang, ngunit saan nanggagaling ang kakayahan ng mga magulang na magkaanak? (Ito ay ibinigay ng Diyos at nanggagaling sa Diyos.) Paano naman ang kaluluwa ng isang tao? Saan ito nanggaling? Galing din ito sa Diyos. Kaya sa pinakaugat, ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang lahat ng ito ay pauna na Niyang itinalaga. Ang Diyos ang paunang nagtalaga na maisilang ka sa pamilyang ito. Nagpadala ang Diyos ng kaluluwa sa pamilyang ito, at pagkatapos ay ipinanganak ka sa pamilyang ito, at mayroon ka nitong pauna nang itinakdang relasyon sa iyong mga magulang—ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Dahil sa kataas-taasang kapangyarihang at paunang pagtatalaga ng Diyos, naging anak ka ng iyong mga magulang at isinilang ka sa pamilyang ito. Ito ang ugat na dahilan dito. Ngunit paano kung hindi paunang itinalaga ng Diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung gayon, hindi ka magiging anak ng iyong mga magulang at hindi kayo kailanman magkakaroon ng ugnayan bilang magulang at anak. Wala sanang relasyon sa dugo, walang pagmamahal sa pamilya, at walang anumang ugnayan. Samakatuwid, maling sabihin na ang buhay ng isang tao ay ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang. Ang isa pang aspekto ay na, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng anak, isang henerasyon ang tanda sa kanila ng kanilang mga magulang. Ngunit kung ang mga tao ang tatanungin, ang mga magulang ay katulad lang ng iba, dahil lahat sila ay miyembro ng tiwaling sangkatauhan, at lahat ay may mga tiwaling disposisyon ni Satanas. Wala silang ipinagkaiba sa sinuman, at walang ipinagkaiba sa iyo. Bagamat ipinanganak ka ng kanilang katawan, at sa usapin ng inyong relasyon sa laman-at-dugo ay isang henerasyon ang tanda nila sa iyo, gayunpaman, pagdating sa iyong disposisyong diwa bilang tao, namumuhay kayong lahat sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at lahat kayo ay ginawang tiwali ni Satanas at nagtataglay ng mga tiwali at satanikong disposisyon. Batay sa katunayan na ang lahat ng tao ay may mga tiwali at satanikong disposisyon, ang mga diwa ng lahat ng tao ay pare-pareho lang. Anuman ang pagkakaiba sa katandaan, o sa edad ng isang tao, o gaano man kaaga o kahuli dumating ang isang tao sa mundong ito, sa diwa ay pare-pareho lang ang mga tiwaling disposisyong diwa ng mga tao, lahat sila ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas, at hindi naiiba sa usaping ito. Hindi mahalaga kung mabuti o masama ang kanilang pagkatao, dahil sila ay may mga tiwaling disposisyon, pinanghahawakan nila ang mga parehong perspektiba at paninindigan pagdating sa pagtingin sa mga tao at mga bagay, at sa pagharap sa katotohanan. Sa ganitong pananaw, wala silang pinag-iba sa isa’t isa. Gayundin, ang lahat ng naninirahan kasama ang masamang sangkatauhang ito ay tumatanggap ng iba’t ibang ideya at pananaw na laganap sa masamang mundong ito, sa mga salita man o kaisipan, o sa anyo o ideolohiya, at tumatanggap ng lahat ng uri ng ideya mula kay Satanas, sa pamamagitan man ng edukasyon ng estado o ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan. Ang mga bagay na ito ay hinding-hindi naaayon sa katotohanan. Walang katotohanan sa mga ito, at talagang hindi nauunawaan ng mga tao kung ano ang katotohanan. Mula sa pananaw na ito, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay pantay-pantay at may mga parehong ideya at pananaw. Sadyang tinanggap lang ng iyong mga magulang ang mga ideya at pananaw na ito 20 o 30 taon na ang nakalilipas, samantalang medyo kamakailan mo lang tinanggap ang mga ito. Ibig sabihin, dahil sa magkatulad na kalagayan ng lipunan, hangga’t ikaw ay isang normal na tao, kapwa ikaw at ang mga magulang mo ay tumanggap ng parehong pagtitiwali ni Satanas, ng pagkokondisyon ng mga kaugaliang panlipunan, at ng mga parehong ideya at pananaw na nagmumula sa iba’t ibang masamang kalakaran sa lipunan. Mula sa pananaw na ito, ang mga anak ay kapareho ng uri ng kanilang mga magulang. Mula sa pananaw ng Diyos, kung isasantabi muna ang pangunahing batayan na Siya ang paunang nagtatalaga, nagtatakda, at pumipili, sa mga mata ng Diyos, ang mga magulang at kanilang mga anak ay magkatulad sapagkat sila ay mga nilikha, at sila man ay mga nilikhang sumasamba sa Diyos o hindi, lahat sila ay kilala bilang mga nilikha, at silang lahat ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan, mga pangangasiwa, at mga pagsasaayos ng Diyos. Mula sa pananaw na ito, sa totoo lang, ang mga magulang at ang kanilang mga anak ay may pantay na katayuan sa mga mata ng Diyos, at lahat sila ay tumatanggap sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos nang pare-pareho at pantay-pantay. Ito ay isang obhektibong katunayan. Kung silang lahat ay hinirang ng Diyos, lahat sila ay may pantay-pantay na pagkakataon na hangarin ang katotohanan. Siyempre, mayroon din silang pantay-pantay na pagkakataon na tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at pantay-pantay na pagkakataon na maligtas. Bukod sa mga pagkakatulad sa itaas, may isang pagkakaiba lamang sa pagitan ng mga magulang at ng kanilang mga anak, at iyon ay na mas mataas ang antas ng mga magulang kaysa sa kanilang mga anak sa tinatawag na herarkiya ng pamilya. Ano ang ibig sabihin ng kanilang antas sa herarkiya ng pamilya? Nangangahulugan ito na isang henerasyon lang ang tanda nila, mga 20 o 30 taon—ito ay isang malaking agwat sa edad lamang. At dahil sa espesyal na katayuan ng mga magulang, kailangang maging magalang ang mga anak at tuparin ang kanilang mga obligasyon sa kanilang mga magulang. Ito ang tanging responsabilidad ng isang tao sa kanyang mga magulang. Subalit dahil ang mga anak at mga magulang ay pawang bahagi ng iisang tiwaling sangkatauhan, ang mga magulang ay hindi mga moral na halimbawa para sa kanilang mga anak, hindi rin sila isang pamantayan o huwaran para sa paghahangad ng kanilang mga anak sa katotohanan, ni hindi rin sila huwaran para sa kanilang mga anak pagdating sa pagsamba at pagpapasakop sa Diyos. Siyempre, ang mga magulang ay hindi ang pagkakatawang-tao ng katotohanan. Ang mga tao ay walang obligasyon o responsabilidad na ituring ang kanilang mga magulang bilang mga moral na halimbawa at mga taong dapat sundin nang walang kondisyon. Hindi dapat matakot ang mga anak na makilala ang asal, mga kilos, at diwa ng disposisyon ng kanilang mga magulang. Ibig sabihin, pagdating sa pagtrato sa sarili nilang mga magulang, hindi dapat sumunod ang mga tao sa mga ideya at pananaw gaya ng “Ang magulang ay palaging tama.” Ang pananaw na ito ay batay sa katunayan na ang mga magulang ay may espesyal na katayuan, dahil ipinanganak ka nila sa ilalim ng paunang pagtatalaga ng Diyos, at sila ay 20, 30 o kahit na 40 o 50 taong mas matanda sa iyo. Mula lamang ito sa perspektiba ng relasyong ito ng laman-at-dugo, pagdating sa kanilang katayuan at antas sa herarkiya ng pamilya, na sila ay naiiba sa kanilang mga anak. Ngunit dahil sa pagkakaibang ito, itinuturing ng mga tao ang kanilang mga magulang bilang walang anumang pagkakamali. Tama ba ito? Ito ay mali, hindi makatwiran, at hindi naaayon sa katotohanan. Ang ilang tao ay napapaisip kung paano dapat tratuhin ng isang tao ang sarili niyang mga magulang, dahil sa may ganitong relasyon ng laman-at-dugo ang mga magulang at mga anak. Kung nananampalataya sa Diyos ang mga magulang, dapat silang tratuhin bilang mga mananampalataya; kung hindi sila nananampalataya sa Diyos, dapat silang tratuhin bilang mga walang pananampalataya. Anumang uri ng tao ang mga magulang, dapat silang tratuhin ayon sa mga kaukulang katotohanang prinsipyo. Kung sila ay mga diyablo, dapat mong sabihin na sila ay mga diyablo. Kung wala silang pagkatao, dapat mong sabihin na wala silang pagkatao. Kung ang mga ideya at pananaw na itinuturo nila sa iyo ay hindi naaayon sa katotohanan, hindi mo kailangang pakinggan o tanggapin ang mga ito, at maaari mo pa ngang kilatisin kung ano talaga sila at ilantad sila. Kung sasabihin ng mga magulang mo, “Ginagawa ko ito para sa ikabubuti mo,” at mag-aalburuto at magagalit sila nang husto, mag-aalala ka ba? (Hindi.) Kung hindi nananampalataya ang iyong mga magulang, huwag mo na lang silang pansinin, at hayaan na lang. Kung magagalit sila nang husto, makikita mo na sila ay walang iba kundi mga diyablo. Ang mga katotohanang ito tungkol sa pananalig sa Diyos ay ang mga ideya at pananaw na pinakakailangang tanggapin ng mga tao. Hindi nila kayang tanggapin o unawain ang mga ito, kaya anong uri sila? Hindi nila nauunawaan ang mga salita ng Diyos, kaya sila ay mas mababa pa kaysa sa tao, hindi ba? Kailangan mong mag-isip nang ganito: “Bagamat kayo nga ang mga magulang ko, wala naman kayong pagkatao. Talagang nahihiya ako na ikaw ang nagsilang sa akin! Ngayon ay nakikilala ko na kung sino ka talaga. Wala kang espiritu ng tao sa loob mo, hindi mo nauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo man lang mapakinggan ang mga napakalinaw at napakasimpleng doktrina, pero nagkokomento ka pa rin nang hindi muna nag-iisip at nagsasabi ng mga bagay na mapanirang-puri. Naiintindihan ko na iyon ngayon, at sa puso ko ay tinapos ko na ang ugnayan natin. Pero sa panlabas, kailangan pa rin kitang pagbigyan, at kailangan ko pa ring tuparin ang ilan sa aking mga responsabilidad at obligasyon bilang anak mo. Kung kakayanin ko, bibilhan kita ng ilang produkto para sa pangangalaga ng kalusugan, pero kung hindi ko kakayanin, babalik ako para bisitahin ka, at iyon na iyon. Hindi ko pabubulaanan ang mga opinyon mo, anuman ang iyong sabihin. Ikaw ay kakatwa, at hahayaan na lang kitang maging ganyan. Ano pa ba ang masasabi sa mga diyablong katulad mo, na hindi tinatablan ng katwiran? Bilang konsiderasyon sa katunayang ipinanganak mo ako at sa lahat ng taon na ginugol mo sa pagpapalaki sa akin, patuloy kitang dadalawin at aalagaan. Kung hindi dahil sa mga konsiderasyong iyon, hindi talaga kita bibigyang-pansin, at ayaw ko nang makita ka habang ako ay nabubuhay.” Bakit ayaw mo silang makitang muli o magkaroon ng anumang kaugnayan sa kanila? Dahil nauunawaan mo na ang katotohanan, at nabatid mo ang kanilang diwa, at naarok ang lahat ng iba’t ibang nakalilinlang na ideya at pananaw na mayroon sila, at mula sa mga nakalilinlang na ideya at pananaw na ito ay nakikita mo ang kanilang kahangalan, katigasan, at kasamaan, at malinaw mong nakikita na sila ay mga diyablo, kaya nakakaramdam ka ng pagtutol sa kanila, at ayaw mo na silang makita. Dahil lamang sa kaunting konsensiyang nasa loob mo kaya ka napipilitang gampanan ang ilan sa iyong responsabilidad at tungkulin bilang anak, kaya binibisita mo sila tuwing Bagong Taon at tuwing may holiday, at hanggang doon na lang iyon. Hangga’t hindi ka nila nahahadlangan sa pananampalataya sa Diyos o sa paggawa ng iyong tungkulin, bisitahin mo sila kapag may oras ka. Kung talagang ayaw mo silang makita, tawagan mo na lang sila para kumustahin, padalhan sila ng pera sa koreo paminsan-minsan, at bilhan sila ng ilang kapaki-pakinabang na bagay. Ito man ay pag-aalaga sa kanila, pagbisita sa kanila, pagbili ng kanilang mga damit, pagmamalasakit sa kanilang kapakanan, o pag-aalaga sa kanila kapag sila ay may sakit—ang lahat ng ito ay pagtupad lamang sa mga obligasyon ng isang anak at pagtugon sa sariling pangangailangan pagdating sa damdamin at konsensiya ng isang tao. Iyon lang iyon, at hindi ito katumbas ng pagsasagawa sa katotohanan. Gaano ka man nasusuklam sa kanila, o gaano mo man kahusay na nakikilatis ang kanilang diwa, hangga’t sila ay nabubuhay, dapat mong tuparin ang iyong mahahalagang obligasyon bilang isang anak at pasanin ang mahahalagang responsabilidad. Inalagaan ka ng mga magulang mo noong bata ka pa, at kapag tumanda na sila, dapat mo silang alagaan hangga’t makakaya mo. Hayaan mo silang kulitin ka kung gusto nila. Hangga’t hindi mo pinakikinggan ang mga ideya at pananaw na sinusubukan nilang ikintal sa iyo, at hindi tinatanggap ang kanilang sinasabi, at hindi sila hinahayaang guluhin o pigilan ka, kung gayon ay ayos lang ito, at nagpapatunay ito na lumago na ang tayog mo at nakapaninindigan ka na sa iyong patotoo sa harap ng Diyos. Hindi ka Niya kokondenahin dahil nagmamalasakit ka sa kanila at hindi Niya sasabihing, “Bakit napakasentimental mo? Tinanggap mo na ang katotohanan at hinahangad mo ito, kaya bakit inaalagaan mo pa rin sila?” Ito dapat ang pinakabatayang responsabilidad at obligasyon ng iyong pag-asal, ang tuparin ang iyong mga obligasyon hangga’t maaari. Hindi ito nangangahulugan na nagiging sentimental ka, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Siyempre, sa mundong ito, maliban sa iyong mga magulang, na siyang mga taong dapat mong tuparin ang iyong mga obligasyon at responsabilidad, wala ka nang mga responsabilidad at obligasyon sa iba—sa iyong mga kapatid man, sa iyong mga kaibigan, o sa iyong iba’t ibang tiyahin at tiyuhin. Wala kang obligasyon o responsabilidad na gawin ang anumang bagay para pasayahin sila, o na suyuin at tulungan sila. Hindi ba’t totoo ito? (Oo.)

Malinaw ba ang sinabi Ko tungkol sa pahayag na “Ang magulang ay palaging tama”? (Oo.) Sino ang mga magulang? (Mga tiwaling tao.) Tama, ang mga magulang ay mga tiwaling tao. Kung nangungulila ka minsan sa iyong mga magulang, at iniisip mo, “Kumusta na kaya ang mga magulang ko nitong nakaraang dalawang taon? Nangulila kaya sila sa akin? Nagretiro na kaya sila? Mayroon ba silang anumang suliranin sa buhay? Mayroon kayang nag-aalaga sa kanila kapag may sakit sila?” Sabihin nating iniisip mo ang mga bagay na ito at iniisip mo rin, “Ang magulang ay palaging tama. Madalas akong bugbugin at pagalitan ng mga magulang ko noon dahil galit na galit sila na hindi ko matugunan ang kanilang mga ekspektasiyon, at dahil matindi ang pagmamahal nila sa akin. Ang mga magulang ko ay mas mabait kaysa sa sinuman, sila ang pinakanagmamahal sa akin sa mundong ito. Ngayong naiisip ko ang masasamang katangian ng aking mga magulang, hindi ko na itinuturing na masasamang katangian ang mga ito, dahil ang magulang ay palaging tama.” At habang mas iniisip mo ito, mas lalong gusto mo silang makita. Mabuti ba ang mag-isip nang ganito? (Hindi.) Hindi ito mabuti. Paano ka dapat mag-isip? Pagnilayan mo ito: “Binugbog, pinagalitan, at sinira ng mga magulang ko ang kumpiyansa ko sa sarili noong bata pa ako. Kailanman ay wala silang sinabing mabuti sa akin at hindi nila kailanman pinalakas ang aking loob. Pinilit nila akong mag-aral, at pinilit din akong matutong sumayaw at kumanta, at mag-aral para sa Math Olympiads—lahat ng bagay na hindi ko gusto. Nakakainis talaga ang mga magulang ko. Ngayon ay nananampalataya na ako sa Diyos at malaya na ako. Nilisan ko ang tahanan ko para gampanan ang aking tungkulin bago pa man ako makatapos ng kolehiyo. Ang Diyos ang mabuti. Hindi ako nangungulila sa mga magulang ko. Pinigilan nila akong manampalataya sa Diyos. Ang mga magulang ko ay mga diyablo.” Pagkatapos, muli kang nagninilay-nilay, “Hindi tama iyon. Ang magulang ay palaging tama. Ang mga magulang ko ang mga taong pinakamalapit sa akin, kaya tama lang na mangulila ako sa kanila.” Tama ba na isipin ito? (Hindi, mali ito.) Kung gayon, ano ang tamang paraan ng pag-iisip? (Akala natin noon na anuman ang gawin ng ating mga magulang, ginagawa nila ito bilang pagsasaalang-alang sa atin, at na sila ay mabuti sa atin sa lahat ng kanilang ginagawa, at na hinding-hindi nila tayo ipapahamak. Ang ibinahagi ng Diyos ngayon lang ay nagpamulat sa akin na ang aking mga magulang ay mga tiwaling tao rin, na tumanggap ng iba’t ibang ideya at pananaw mula kay Satanas. Hindi namamalayang naikintal sa atin ng ating mga magulang ang maraming satanikong pananaw, na nagsasanhing lubos tayong malayo sa katotohanan sa ating pag-asal at pagkilos, at mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya. Ngayong mayroon na akong kaunting pagkaunawa sa kung ano ang nasa puso ng aking mga magulang, hindi na ako masyadong mangungulila sa kanila at hindi ko na sila masyadong iisipin.) Sa pakikitungo sa iyong mga magulang, dapat ka munang makatwirang dumistansiya mula sa pagiging magkadugo at kilatisin ang iyong mga magulang gamit ang mga katotohanang natanggap at naunawaan mo na. Kilatisin ang iyong mga magulang batay sa kanilang mga kaisipan, pananaw, at motibo tungkol sa pag-asal, at sa kanilang mga prinsipyo at pamamaraan ng paggawa, na magpapatunay na sila rin ay mga taong ginawang tiwali ni Satanas. Tingnan at kilatisin sila mula sa perspektiba ng katotohanan, sa halip na laging isipin na matayog, hindi makasarili, at mabait sa iyo ang mga magulang mo, at kung titingnan mo sila sa ganoong paraan, hinding-hindi mo matutuklasan kung ano ang mga isyu sa kanila. Huwag tingnan ang iyong mga magulang mula sa perspektiba ng inyong ugnayan bilang magkapamilya, o mula sa tungkulin mo bilang isang anak. Tingnan mo mula sa malayo kung paano sila makitungo sa mundo, sa katotohanan, at sa mga tao, usapin, at bagay. Gayundin, sa mas partikular, tingnan mo ang mga ideya at pananaw na naikondisyon sa iyo ng iyong mga magulang hinggil sa kung paano mo dapat tingnan ang mga tao at bagay, at kung paano ka dapat umasal at kumilos—ganito mo sila dapat kilalanin at kilatisin. Sa ganitong paraan, unti-unting magiging malinaw ang kanilang mga katangian bilang tao at ang katunayang nagawa silang tiwali ni Satanas. Anong klaseng tao sila? Kung hindi sila mga mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa mga taong nananampalataya sa Diyos? Kung sila ay mananampalataya, ano ang kanilang saloobin sa katotohanan? Sila ba ay mga taong naghahangad sa katotohanan? Mahal ba nila ang katotohanan? Gusto ba nila ang mga positibong bagay? Ano ang kanilang pananaw sa buhay at sa mundo? At iba pa. Kung makikilatis mo ang iyong mga magulang batay sa mga bagay na ito, magkakaroon ka ng malinaw na ideya. Kapag malinaw na ang mga bagay na ito, magbabago ang matayog, marangal, at hindi natitinag na katayuan ng iyong mga magulang sa isipan mo. At kapag nagbago na ito, ang pagmamahal na ipinapakita ng iyong mga magulang—kasama na ang kanilang mga partikular na salita at kilos, at ang matatayog nilang imaheng pinanghahawakan mo—ay hindi na gaanong tatatak sa isipan mo. Ang pagiging hindi makasarili at ang kadakilaan ng pagmamahal ng iyong mga magulang para sa iyo, pati na ang kanilang debosyon sa pag-aalaga sa iyo, pagpoprotekta sa iyo, at maging ang pagkagiliw sa iyo, ay hindi na magiging mahalaga sa iyong isipan, nang hindi namamalayan. Madalas sabihin ng mga tao, “Mahal na mahal ako ng aking mga magulang. Tuwing wala ako sa bahay, palagi akong tinatanong ng nanay ko ng ‘Kumain ka na ba? Kumakain ka ba sa tamang oras?’ Palaging nagtatanong si tatay ng ‘Sapat ba ang pera mo riyan? Kung wala kang pera, padadalhan pa kita ng pandagdag.’ At sinasabi ko na ‘May pera pa ako, hindi na kailangan,’ at sumasagot si tatay ng ‘Hindi, hindi maaari, kahit na sabihin mong may pera ka, padadalhan pa rin kita ng kaunting pera.’” Ang totoo, nagtitipid ang mga magulang mo at nag-aatubili silang gumastos ng pera para sa kanilang sarili. Ginagamit nila ang kanilang pera para masuportahan ka, upang magkaroon ka ng dagdag na panggastos kapag wala ka sa bahay. Palaging sinasabi ng nanay at tatay mo, “Magtipid ka sa bahay pero magdala ka ng ekstrang pera kapag nagbabiyahe. Magdala ka ng ekstra kapag nasa labas ka. Kung kulang ang pera mo, sabihan mo lang ako, at magpapadala ako sa iyo nang kaunti o idadagdag ko ito sa card mo.” Ang walang pag-iimbot na pagmamalasakit, konsiderasyon, pag-aalaga ng iyong mga magulang, at maging ang pagbibigay nila ng labis-labis na atensiyon at ang kanilang pagpapalayaw sa iyo ay, sa iyong paningin, palaging magiging isang hindi mabuburang tanda ng kanilang walang pag-iimbot na dedikasyon. Ang walang pag-iimbot na dedikasyon na ito ay naging isang makapangyarihan, positibong damdamin sa kaibuturan ng iyong puso na nagbubuklod sa ugnayan ninyo. Dahil dito, hindi mo sila magawang bitiwan, at nag-aalala ka sa kanila, palaging nababahala sa kanila, palaging nangungulila sa kanila, at palagi ka pa ngang nagiging handang makulong sa damdaming ito at ma-blackmail ng kanilang pagmamahal. Anong uri ng pangyayari ito? Tunay ngang walang pag-iimbot ang pagmamahal ng iyong mga magulang. Gaano ka man inaalagaan ng mga magulang mo, o nagtipid at nag-ipon man sila para lang mabigyan ka ng perang panggastos, o mabilhan ka ng mga pangangailangan mo, maaaring isa itong pagpapala para sa iyo ngayon, ngunit hindi ito makakabuti sa iyo sa katagalan. Kapag mas higit silang hindi makasarili, at mas mabuti ang pakikitungo nila sa iyo, at mas nagmamalasakit sila sa iyo, mas lalong hindi mo kakayaning lumayo mula sa pagmamahal na ito at bitiwan o kalimutan ito, at mas lalo ka lang mangungulila sa kanila. Kapag nabigo kang gawin ang tungkulin mo bilang anak o tuparin ang anumang obligasyon mo sa kanila, mas lalo kang maaawa sa kanila. Sa mga sitwasyong ito, hindi mo sila kayang kilatisin, o kalimutan ang kanilang pagmamahal at dedikasyon at ang lahat ng nagawa nila para sa iyo, o na ituring ang lahat ng iyon na walang kabuluhan—ito ang epekto ng iyong konsensiya. Kumakatawan ba sa katotohanan ang iyong konsensiya? (Hindi.) Bakit ganito ang mga magulang mo sa iyo? Dahil may pagmamahal sila sa iyo. Kung gayon, maaari bang kumatawan sa kanilang pagkataong diwa ang pagiging mabait nila sa iyo? Maaari ba itong kumatawan sa kanilang saloobin sa katotohanan? Hindi. Katulad lang ito ng mga nanay na palaging nagsasabi na “Ikaw ay sarili kong laman at dugo, naghirap ako nang husto para mapalaki ka. Paanong hindi ko malalaman kung ano ang nasa puso mo?” Mabuti sila sa iyo dahil sa malapit na ugnayan ng pamilya at sa relasyong ito ng laman-at-dugo, subalit talaga bang nagiging mabuti sila sa iyo? Ito ba talaga ang tunay nilang mukha? Ito ba ay isang tunay na pagpapahayag ng kanilang pagkataong diwa? Hindi ito tiyak. Dahil magkadugo kayo, iniisip nila na dapat silang maging mabuti sa iyo sa ngalan ng tungkulin. Ngunit ikaw, bilang kanilang anak, ay nag-iisip na mabuti sila sa iyo dahil sa kanilang kabutihang-loob, at sa tingin mo ay hindi mo sila masusuklian kahit kailan. Kung hindi mo masusuklian nang buo ang kanilang kabutihang-loob, o kahit na ang katiting nito, uusigin ka ng iyong konsensiya. Naaayon ba sa katotohanan ang nararamdaman mo kapag inuusig ka ng iyong konsensiya? Sa madaling salita, kung hindi sila ang mga magulang mo, bagkus ay mga ordinaryong tao na nakikisalamuha sa iyo sa loob ng isang grupo, tatratuhin ka ba nila nang ganito? (Hindi.) Tiyak na hindi. Kung hindi sila ang mga magulang mo at hindi kayo magkadugo, magiging iba ang kanilang ugali at saloobin sa iyo. Tiyak na hindi sila magmamalasakit sa iyo, magpoprotekta sa iyo, magbibigay sa iyo ng labis-labis na atensiyon, mag-aalaga sa iyo, o walang pag-iimbot na mag-aalay ng kahit ano para sa iyo. Kung gayon, paano ka nila tatratuhin? Marahil ay aapihin ka nila dahil bata ka pa at walang karanasan sa lipunan, o didiskriminahin ka dahil sa iyong mababang posisyon at katayuan, at palagi kang kakausapin sa pormal na tono at susubukang pangaralan ka; o marahil ay iisipin nilang pangkaraniwan lang ang hitsura mo, at kung makikipag-usap ka sa kanila, hindi ka nila papansinin, at hindi mo sila mapapantayan; o baka hindi ka nila makikitaan ng anumang silbi, at hindi sila makikihalubilo sa iyo o makikipag-ugnayan sa iyo; o marahil ay iisipin nilang inosente ka, kaya, kung gusto nilang malaman ang tungkol sa isang bagay, palagi silang magsisimula sa pamamagitan ng pagtatanong sa iyo at pagtatangkang makakuha ng mga sagot mula sa iyo; o marahil ay gusto nilang samantalahin ka kahit papaano, gaya ng sa tuwing bibili ka ng ilang murang gamit, palagi nilang gustong ibahagi mo ito sa kanila, o gusto nilang kuhain ang ilan sa mga ito; o marahil, kapag nadapa ka sa kalye at kailangan mo ang kanilang kamay para tulungan kang makatayo, hindi ka man lang nila titingnan, at sa halip ay sisipain ka; o marahil kapag sumakay ka ng bus, kung hindi mo ibibigay sa kanila ang iyong upuan, sasabihin nila, “Napakatanda ko na pero bakit ayaw mong ibigay ang upuan mo sa akin? Bakit ba napakamangmang mong bata ka? Hindi ka ba tinuruan ng mga magulang mo ng tamang asal!” At pagagalitan ka pa nga nila. Kung ganito ang kaso, kailangan mong tuklasin kung ang pagmamahal ba ng ina at ama na nakatago sa kaibuturan ng puso mo ay isang tunay na pagbubunyag ng kanilang pagkatao. Madalas kang maantig ng kanilang walang pag-iimbot na debosyon sa iyo at ng kanilang dakilang pagmamahal bilang ina at ama, at masyado kang malapit sa kanila, nangungulila ka sa kanila, at palagi mong gustong suklian sila ng iyong sariling buhay. Ano ang dahilan nito? Kung ito ay dahil lang sa konsensiya mo, kung gayon, hindi ganoon kalalim ang problema at maaari itong malutas. Ngunit kung dahil ito sa pagmamahal sa kanila, kung gayon, napakalaking problema nito. Mas maiipit ka nang maiipit dito at hindi mo magagawang kumawala. Madalas kang maiipit sa pagmamahal na ito at mangungulila ka sa iyong mga magulang, at kung minsan pa nga ay ipagkakanulo mo ang Diyos para mabayaran ang kabutihan ng iyong mga magulang. Halimbawa, ano ang gagawin mo kung mabalitaan mong may malubhang karamdaman sa ospital ang iyong mga magulang, o na may malubhang nangyari sa kanila at hindi sila makaalis sa mahirap na sitwasyon at nagdadalamhati at nasisiraan sila ng loob, o kung mabalitaan mong malapit nang pumanaw ang mga magulang mo? Sa oras na iyon, hindi mo malalaman kung ang iyong pagmamahal ay mangingibabaw sa iyong konsensiya, o kung ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos na Kanyang itinuro sa iyo ay magtutulak sa iyong konsensiya na gumawa ng desisyon. Ang kalalabasan ng mga bagay na ito ay nakadepende sa kung paano mo madalas tingnan ang ugnayan sa pagitan ng mga magulang at mga anak, kung gaano ka na nakapasok sa katotohanan tungkol sa kung paano pakikitunguhan ang mga magulang, kung gaano mo sila nakikilatis, kung gaano na kalalim ang pagkaunawa mo hinggil sa kalikasang diwa ng sangkatauhan, at kung gaano na kalaki ang iyong pagkaunawa hinggil sa karakter at pagkataong diwa ng iyong mga magulang, pati na sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Higit sa lahat, ang kalalabasan ng mga bagay na ito ay nakasalalay sa kung paano mo tinatrato ang mga ugnayan sa pamilya, at ang mga tamang pananaw na dapat mong panghawakan—ito ang iba’t ibang katotohanan na dapat mong isangkap sa iyong sarili bago mangyari sa iyo ang alinman sa mga bagay na ito. Ang lahat ng iba—mga kamag-anak at kaibigan, tiyahin at tiyuhin, lolo at lola, at iba pang mga tagalabas—ay madaling mabitiwan, dahil wala silang mahalagang puwang sa pagmamahal ng isang tao. Ang mga taong ito ay madaling bitiwan, pero ang mga magulang ang eksepsiyon. Ang mga magulang lamang ang pinakamalapit na kamag-anak sa mundo. Sila ang mga taong may mahalagang papel sa buhay ng isang tao at may malaking epekto sa buhay ng isang tao, kaya hindi sila madaling bitiwan. Kung nagkaroon ka ng malinaw na pagkaunawa ngayon sa iba’t ibang kaisipan na ibinubunga ng pagkokondisyon ng iyong pamilya, maaari itong makatulong sa iyo na mabitiwan ang pagmamahal mo sa iyong mga magulang, dahil ang mga epekto ng pagkokondisyon sa iyo ng iyong pamilya sa kabuuan ay katumbas lamang ng mga hindi nakikitang pahayag, samantalang ang pinakapartikular na pakokondisyon ay talagang nagmumula sa iyong mga magulang. Isang pangungusap mula sa iyong mga magulang, o ang kanilang saloobin sa paggawa ng isang bagay, o ang mga paraan at diskarte nila sa pangangasiwa sa isang bagay—ito ang mga pinakatumpak na paraan para mailarawan kung paano ka kinokondisyon. Sa sandaling makilatis mo sa iba’t-ibang paraan at makilala sa partikular na paraan ang mga ideya, kilos, at kasabihang naikondisyon sa iyo ng iyong mga magulang, magkakaroon ka ng tumpak na pagsusuri at kaalaman sa diwa ng papel, karakter, pananaw sa buhay ng iyong mga magulang, at sa kanilang mga paraan ng paggawa sa mga bagay-bagay. Sa sandaling magkaroon ka nitong tumpak na pagsusuri at kaalaman, hindi mamamalayang unti-unting magbabago, mula sa positibo tungo sa negatibo, ang pag-unawa mo sa papel ng iyong mga magulang. Sa sandaling mapagtanto mo na ang papel ng iyong mga magulang ay lubos na negatibo, unti-unti mo nang mabibitiwan ang iyong sentimental na pagkagiliw, espirituwal na kaugnayan, at ang iba’t ibang uri ng dakilang pagmamahal na mayroon sila para sa iyo. Sa oras na iyon, mararamdaman mo na ang imaheng hawak mo tungkol sa iyong mga magulang sa kaibuturan ng iyong puso ay dating napakatayog, katulad niyong nasa sanaysay na “Ang Likod ng Aking Ama,” na pinag-aralan mo sa iyong aklat sa paaralan, pati na ang sikat na kantang iyon maraming taon na ang nakalipas, “Si Nanay ang Pinakamabuti sa Buong Mundo,” na isang Taiwanese movie theme song at napapanood sa lahat ng lipunang marunong magsalita ng Chinese—ito ang mga paraan ng lipunan at ng mundo sa pagtuturo sa sangkatauhan. Kapag hindi mo napagtatanto ang diwa o ang tunay na mukha sa likod ng mga bagay na ito, pakiramdam mo ay positibo ang mga pamamaraang ito ng pagtuturo. Batay sa iyong umiiral na pagkatao, binibigyan ka ng mga ito ng higit na pagkilala at paniniwala sa kadakilaan ng pagmamahal ng iyong mga magulang para sa iyo, at dahil dito, nag-iiwan ang mga ito ng isang impresyon sa kaibuturan ng iyong puso na ang pagmamahal ng iyong mga magulang ay hindi makasarili; ito ay dakila, at sagrado. Samakatuwid, gaano man kasama ang iyong mga magulang, ang kanilang pagmamahal ay nananatiling walang pag-iimbot at dakila. Para sa iyo, ito ay isang hindi maitatangging katotohanan na hindi mapapabulaanan ninuman, at walang sinuman ang makapagsasabi ng masamang salita tungkol sa mga magulang mo. Dahil dito, ayaw mo silang kilatisin o ilantad, at kasabay nito, gusto mo rin silang paglaanan ng puwang sa kaibuturan ng iyong puso, dahil naniniwala ka na ang pagmamahal ng magulang ay higit sa lahat ng bagay, walang kapintasan, dakila, at sagrado magpakailanman, at hindi ito maitatanggi ninuman. Ito ang batayan ng iyong konsensiya at pag-asal. Kung may magsasabi na ang pagmamahal ng isang magulang ay hindi dakila o walang kapintasan, makikipaglaban ka nang husto sa kanila—hindi ito makatwiran. Bago maunawaan ng mga tao ang katotohanan, ang impluwensiya ng kanilang konsensiya ay mag-uudyok sa kanila na panghawakan ang ilang tradisyonal na ideya at pananaw, o magbubunga din ito ng ilang bagong ideya at pananaw. Gayunpaman, kung titingnan ito mula sa perspektiba ng katotohanan, ang mga ideya at pananaw na ito ay kadalasang hindi makatwiran. Sa sandaling maunawaan mo ang katotohanan, magagawa mong harapin ang mga bagay na ito sa loob ng saklaw ng normal na katwiran. Samakatuwid, ang sangkatauhan ay nagtataglay ng parehong konsensiya at katwiran. Kung hindi maaabot ng konsensiya ang pamantayan ng mga bagay na ito, o hindi kontrolado o positibo ang mga ito sa ilalim ng mga epekto ng konsensiya, maaaring gamitin ng mga tao ang katwiran para ayusin at itama ang mga ito. Kung gayon, paano nakakamit ng mga tao ang pagiging makatwiran? Kailangang maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Sa sandaling maunawaan ng mga tao ang katotohanan, ituturing nila ang lahat, pipiliin ang lahat, at kikilatisin ang lahat nang mas tama at tumpak. Sa gayon ay magkakamit sila ng tunay na katwiran, at maaabot nila ang punto kung saan ang katwiran ay malalampasan ang konsensiya. Ito ay isang pagpapamalas sa kung ano ang nangyayari pagkatapos makapasok ang isang tao sa katotohanang realidad. Maaaring hindi mo talaga nauunawaan ang mga salitang ito ngayon, ngunit mauunawaan mo ang mga ito sa sandaling magkaroon ka ng tunay na karanasan at maunawaan ang katotohanan. Nagmumula ba ang kasabihang “Ang magulang ay palaging tama” sa katwiran o konsensiya? Hindi ito makatwiran, nagmumula ito sa mga pagmamahal ng isang tao sa ilalim ng impluwensiya ng konsensiya. Kung gayon, makatwiran ba ang kasabihang ito? Hindi, hindi ito makatwiran. Bakit hindi ito makatwiran? Dahil ito ay nagmumula sa pagmamahal ng isang tao, at hindi ito naaayon sa katotohanan. Kaya, sa anong punto mo nagagawang tingnan at tratuhin ang mga magulang nang makatwiran? Kapag nauunawaan mo ang katotohanan at nakilala ang diwa at ugat ng bagay na ito. Sa sandaling magawa mo na iyon, hindi mo na tatratuhin ang iyong mga magulang ayon sa impluwensiya ng konsensiya, hindi na magkakaroon ng papel ang pagmamahal, gayundin ang konsensiya, at magagawa mo nang tingnan at pakitunguhan ang iyong mga magulang ayon sa katotohanan—ito ang pagiging makatwiran.

Naging malinaw ba Ako sa pagbabahagi sa problema kung paano pakitunguhan ang mga magulang? (Oo.) Mahalagang bagay ito. Sinasabi ng lahat ng miyembro ng pamilya na “Ang magulang ay palaging tama,” at hindi mo alam kung tama ba ito o hindi, kaya tinatanggap mo na lang ito. Kaya, sa tuwing may ginagawa ang iyong mga magulang na hindi tama, nagninilay-nilay at napapaisip ka, “Sinasabi ng mga tao na ‘Ang magulang ay palaging tama,’ kaya bakit ko sasabihin na hindi tama ang mga magulang ko? Ang nangyayari sa pamilya ay nananatiling pribado sa pamilya, huwag mong sabihin sa iba ang tungkol dito, tiisin mo lang ito.” Bukod sa mga epekto ng pagkokondisyon ng maling kasabihang ito—“Ang magulang ay palaging tama”—may isa pang kasabihan: “Ang nangyayari sa pamilya ay nananatiling pribado sa pamilya.” Kaya iniisip mo, “Sino ang dapat sisihin sa sarili kong mga magulang? Hindi ko pwedeng sabihin sa iba ang tungkol sa kahiya-hiyang bagay na ito. Dapat ko itong itago. Ano ba ang silbi ng pagiging seryoso sa aking mga magulang?” Ang mga epekto ng pagkokondisyong ito mula sa pamilya ay palaging naroroon sa pang-araw-araw na buhay ng mga tao, sa kanilang landas sa buhay, at sa kanilang pag-iral. Bago maunawaan at makamit ng mga tao ang katotohanan, tinitingnan nila ang mga tao at mga bagay, at umaasal at kumikilos sila batay sa iba’t ibang ideya at pananaw na ito na kinokondisyon sa kanila ng kanilang pamilya. Madalas silang naiimpluwensiyahan, naguguluhan, napipigilan, at mahigpit na naigagapos ng mga kaisipang ito. Ginigiyahan pa nga sila ng mga kaisipang ito, at madalas na nagkakamali ng paghusga sa mga tao at gumagawa ng mga maling bagay, at madalas din silang lumalabag sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan. Kahit na napakinggan ng mga tao ang maraming salita ng Diyos, at kahit na madalas silang nagdarasal-nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagbabahagi ng mga ito, dahil malalim na nakaugat sa kanilang isipan at puso ang mga pananaw na ito na naikondisyon sa kanila ng kanilang pamilya, wala silang pagkakilala sa mga pananaw na ito, o anumang kakayahan na malabanan ang mga ito. Kahit na habang tumatanggap sila ng mga turo at panustos ng mga salita ng Diyos, naiimpluwensiyahan pa rin sila ng mga kaisipang ito, na gumagabay din sa kanilang mga salita, gawa, at paraan ng pamumuhay. Samakatuwid, dahil sa hindi namamalayang paggabay ng mga kaisipang ito na naikondisyon sa kanila ng kanilang pamilya, kadalasang hindi mapigilan ng mga tao ang kanilang sarili na lumabag sa mga salita ng Diyos at sa mga katotohanang prinsipyo. Gayunpaman, iniisip pa rin nila na isinasagawa at hinahangad nila ang katotohanan. Hindi nila alam na ang iba’t ibang kasabihang ito na ikinondisyon sa kanila ng kanilang pamilya ay sadyang hindi naaayon sa katotohanan. Ang mas malala pa ay ang mga kasabihang ito na naikondisyon sa mga tao ng kanilang pamilya ay umaakay sa kanila sa landas ng paulit-ulit na paglabag sa katotohanan, subalit hindi man lang nila ito alam. Samakatuwid, kung nais mong hangarin ang katotohanan at pasukin ang katotohanang realidad, dapat mo munang malinaw na makilatis at makilala ang iba’t ibang epekto ng pagkokondisyon na nagmumula sa iyong pamilya, at pagkatapos ay magsikap na alisin ang mga kaisipang ito na ikinondisyon sa iyo ng iyong pamilya. Siyempre, talagang masasabi na dapat kang kumawala sa pagkokondisyon ng iyong pamilya. Huwag mong isipin na dahil nanggaling ka sa pamilyang iyon, kailangan mong gawin ito o mamuhay sa ganoong paraan. Wala kang responsabilidad o obligasyon na manahin ang mga tradisyon ng iyong pamilya o manahin ang iba’t ibang paraan at diskarte nito sa paggawa ng mga bagay-bagay at sa pagkilos. Ang buhay mo ay mula sa Diyos. Hinirang ka ng Diyos ngayon, at ang layong nais mong hangarin ay ang kaligtasan, kaya hindi mo pwedeng gamitin ang iba’t ibang ideyang naikondisyon sa iyo ng iyong pamilya bilang batayan sa iyong mga pananaw sa mga tao at bagay, sa iyong pag-asal, at iyong pagkilos. Sa halip, dapat mong tingnan ang mga tao at bagay, at umasal at kumilos batay sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang iba’t ibang turo. Sa ganitong paraan mo lamang makakamit ang kaligtasan sa huli. Siyempre, ang mga epekto ng pagkokondisyon na idinudulot ng pamilya ay hindi limitado sa mga nakalista rito. Ilan lang sa mga ito ang nabanggit Ko. Maraming iba’t ibang uri ng pagtuturo ng pamilya ang nagmumula sa iba’t ibang pamilya, iba’t ibang angkan, iba’t ibang lipunan, iba’t ibang lahi, at iba’t ibang relihiyon, at kinokondisyon ng mga ito ang pag-iisip ng mga tao sa maraming paraan. Sa anumang lahi o kulturang panrelihiyon nagmumula itong iba’t ibang pagkokondisyon ng pag-iisip, hangga’t hindi ito naaayon sa katotohanan, at hangga’t hindi ito nagmumula sa Diyos at bagkus ay sa mga tao, kung gayon ay dapat itong bitiwan at layuan ng mga tao. Hindi sila dapat sumunod dito, lalong hindi nila dapat manahin ito. Ang mga bagay na ito ay pawang mga bagay na dapat talikdan at iwaksi ng mga tao. Sa ganitong paraan lamang tunay na makakatahak ang mga tao sa landas ng paghahangad sa katotohanan at makapapasok sa katotohanang realidad.

Ang mga kasabihang ito na pinagbahaginan natin na nagmumula sa pagkokondisyon ng sariling pamilya ay tipikal sa isang punto, at sa isa pang punto, madalas itong pinag-uusapan ng mga tao. Tungkol naman sa ilang espesyal at hindi tipikal na mga kasabihan, hindi natin pag-uusapan ang mga iyon sa ngayon. Ano ang tingin ninyo tungkol sa pagbabahaginan natin sa paksa ng pamilya? Naging kapaki-pakinabang ba ito kahit papaano? (Oo.) Kinakailangan ba na magbahagi sa paksang ito? (Oo.) Ang lahat ay may pamilya at kinokondisyon ng kanilang pamilya. Ang mga bagay na ikinikintal sa iyo ng pamilya ay pawang mga lason at espirituwal na opyum, na labis na nagpapahirap sa iyo. Nang ikintal sa iyo ng iyong mga magulang ang mga bagay na ito, talagang maganda ang pakiramdam mo noong panahong iyon, para itong paglanghap ng opyum. Maginhawa ang buong katawan mo, na para bang nakapasok ka sa isang maligayang mundo. Subalit pagkaraan ng ilang panahon, kumukupas ang mga epekto, kaya kailangan mong patuloy na hanapin ang ganitong uri ng ginhawa. Ang espirituwal na opyum na ito ay nagdudulot sa iyo ng walang katapusang problema at kaguluhan. Hanggang ngayon, talagang mahirap sa iyo na alisin ito, at hindi ito isang bagay na maaaring iwaksi sa loob lamang ng maikling panahon. Kung nais ng mga tao na bitiwan ang mga naikondisyong ideya at pananaw na ito, dapat silang gumugol ng oras at lakas sa pagtukoy sa mga ito, himay-himayin ang mga ito para malinaw na makilala ang mga ito at maarok ang mga ito. Pagkatapos, sa tuwing lilitaw ang mga nauugnay na usapin, dapat nilang magawang bitiwan ang mga bagay na ito, maghimagsik laban sa mga ito, at hindi kumilos ayon sa mga prinsipyo ng gayong mga ideya at pananaw, bagkus, isagawa at gawin ang mga bagay alinsunod sa paraang itinuturo ng Diyos sa mga tao. Simple lang kung pakikinggan ang ilang salitang ito, ngunit maaaring tumagal nang 20 o 30 taon, o nang habang-buhay pa nga para sa mga tao na maisagawa ito. Maaaring gugugulin mo ang iyong buong buhay sa pakikipaglaban sa mga ideya at pananaw na naidudulot ng mga kasabihang ikinikintal sa iyo ng iyong pamilya, at sa paglayo at paghiwalay mula sa mga ideyang ito. Para magawa ito, dapat mong gugulin ang iyong damdamin at lakas, at dumaan din sa ilang pisikal na paghihirap. Dapat ka ring magkaroon ng matinding pagnanais para sa Diyos at isang kalooban na nauuhaw at naghahangad sa katotohanan. Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng mga bagay na ito mo unti-unting makakamit ang pagbabago at unti-unting mapapasok ang katotohanang realidad. Ganito kahirap kamtin ang katotohanan at buhay. Kapag napakinggan ng mga tao ang maraming sermon, nauunawaan nila ang ilang doktrina tungkol sa pananalig sa Diyos, ngunit hindi madali para sa kanila na tunay na magkaroon ng pagkaunawa sa katotohanan at makilala ang mga epekto ng pagkokondisyon ng pamilya at ang mga ideya at pananaw ng mga walang pananampalataya. Kahit na nauunawaan mo ang katotohanan pagkatapos makinig sa mga sermon, ang pagpasok sa katotohanang realidad ay hindi isang bagay na nangyayari sa magdamag, hindi ba? (Tama.) Sige, dito na nagtatapos ang ating pagbabahaginan para sa araw na ito. Paalam na!

Pebrero 25, 2023

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “ang kinamumuhiang politiko sa dinastiyang Song.”

Sinundan: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 12

Sumunod: Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 14

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito