Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?
Saka ka lamang gagawing perpekto kapag naiwaksi mo na ang iyong mga tiwaling disposisyon at naisabuhay ang normal na pagkatao. Bagama’t hindi mo makakayang mangusap ng propesiya, ni ng anumang mga hiwaga, isasabuhay at ilalantad mo ang larawan ng isang tao. Nilikha ng Diyos ang tao, ngunit ginawang tiwali ni Satanas ang tao, kung kaya’t naging “mga taong patay” sila. Kaya, matapos kang magbago, hindi ka na magiging tulad nitong “mga taong patay.” Ang mga salita ng Diyos ang nagpapaalab sa mga espiritu ng mga tao at nagdudulot ng kanilang muling pagkasilang, at kapag muling isinilang ang mga espiritu nila, nabuhay na sila. Kapag binabanggit Ko ang “mga taong patay,” tinutukoy ko ang mga walang espiritung bangkay, ang mga taong namatay na ang mga espiritu sa loob nila. Kapag nagningas ang apoy ng buhay sa mga espiritu ng mga tao, mabubuhay ang mga tao. Ang mga banal na tinukoy noon ay ang mga taong nabuhay na, yaong mga nasa ilalim ng impluwensya ni Satanas ngunit tinalo si Satanas. Napagtiisan ng mga hinirang na tao sa Tsina ang malupit at di-makataong pag-uusig at panlilinlang ng malaking pulang dragon, na iniwan silang napinsala ang isip at wala ni katiting na lakas ng loob upang mabuhay. Sa gayon, dapat magsimula ang pagpukaw ng kanilang mga espiritu sa kanilang diwa: Unti-unti, sa kanilang diwa, dapat mapukaw ang kanilang mga espiritu. Kapag nabuhay na sila balang araw, wala nang magiging mga sagabal pa, at magpapatuloy ang lahat nang maayos. Sa ngayon, nananatili itong hindi matatamo. Nabubuhay ang karamihan ng mga tao sa paraan na nagbibigay ng labis na pagkaramdam ng kamatayan; nababalot sila ng aura ng kamatayan, at napakarami nilang kakulangan. May dalang kamatayan ang mga salita ng ilang tao, may dalang kamatayan ang kanilang pagkilos, at halos lahat ng dala nila sa paraan ng pamumuhay nila ay mayroong kamatayan. Kung hayagang magpapatotoo sa Diyos ang mga tao ngayon, mabibigo sila rito, dahil hindi pa sila ganap na nabubuhay, at masyadong marami ang mga patay sa inyo. Ngayon, nagtatanong ang ilang tao kung bakit hindi nagpapakita ng ilang mga tanda at mga kababalaghan ang Diyos upang mabilis Niyang maipalaganap ang Kanyang gawain sa mga Hentil. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang mga patay; isang bagay ito na tanging ang mga buhay lang ang makakagawa, gayunpaman, karamihan ng mga tao ngayon ay “mga taong patay”; masyadong marami ang namumuhay na balot ng kamatayan, sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at hindi kayang magtagumpay. Dahil dito, paano sila makapagpapatotoo sa Diyos? Paano nila maipalalaganap ang gawain ng ebanghelyo?
Ang lahat ng namumuhay sa ilalim ng impluwensya ng kadiliman ay yaong mga namumuhay sa gitna ng kamatayan, yaong mga inangkin ni Satanas. Kung hindi iniligtas, hinatulan, at kinastigo ng Diyos, hindi makakatakas ang mga tao sa impluwensya ng kamatayan; hindi sila maaaring maging ang mga buhay. Hindi maaaring magpatotoo sa Diyos ang “mga taong patay” na ito, at ni hindi rin sila maaaring gamitin ng Diyos, lalo nang hindi makakapasok sa kaharian. Nais ng Diyos ang patotoo ng mga buhay, hindi ng mga patay, at hinihiling Niya na ang mga buhay, hindi ang mga patay, ang gumawa para sa Kanya. “Ang mga patay” ay yaong mga sumasalungat at naghihimagsik laban sa Diyos; sila yaong mga manhid ang espiritu at hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos; sila yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan at wala ni katiting na katapatan sa Diyos, at sila yaong mga namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas at pinagsasamantalahan ni Satanas. Ipinapakita ng mga patay ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng paninindigan laban sa katotohanan, paghihimagsik sa Diyos, at pagiging mababa, kasuklam-suklam, mapaghangad ng masama, malupit, mapanlinlang, at lihim na mapanira. Kahit na kinakain at iniinom ng ganitong mga tao ang mga salita ng Diyos, hindi nila kayang isabuhay ang mga salita ng Diyos; kahit na buhay sila, lumalakad at humihingang mga bangkay lamang sila. Lubos na walang kakayahang pasayahin ng mga patay ang Diyos, lalo na ang maging ganap na masunurin sa Kanya. Kaya lamang nilang linlangin Siya, lapastanganin Siya, at ipagkanulo Siya, at ang lahat ng inilalabas nila sa pamamaraan ng kanilang pamumuhay ay naghahayag ng kalikasan ni Satanas. Kung nais ng mga tao na maging buhay na mga nilalang at magpatotoo sa Diyos, at maging kanais-nais sa Diyos, dapat nilang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; dapat silang malugod na magpasakop sa Kanyang paghatol at pagkastigo, at dapat nilang malugod na tanggapin ang pagtatabas at pakikitungo ng Diyos. Saka lamang nila maisasagawa ang lahat ng katotohanang hinihingi ng Diyos, at saka lamang nila makakamit ang pagliligtas ng Diyos at magiging tunay na buhay na mga nilalang. Inililigtas ng Diyos ang mga buhay; nahatulan at nakastigo na sila ng Diyos, handa silang italaga ang kanilang mga sarili at masayang ibigay ang kanilang mga buhay para sa Diyos, at malugod nilang ilalaan ang kanilang buong buhay sa Diyos. Tanging kapag nagpapatotoo lamang sa Diyos ang mga buhay saka mapapahiya si Satanas; tanging ang mga buhay lamang ang maaaring magpalaganap ng gawaing ebanghelyo ng Diyos, tanging ang mga buhay lamang ang kaayon ng puso ng Diyos, at tanging ang mga buhay lamang ang tunay na mga tao. Sa simula, ang taong nilikha ng Diyos ay buhay, ngunit dahil sa katiwalian ni Satanas, namumuhay ang tao sa gitna ng kamatayan, at namumuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, kaya nga, sa ganitong paraan, naging patay na walang espiritu ang mga tao, naging mga kaaway sila na sumasalungat sa Diyos, naging mga kasangkapan sila ni Satanas, at naging mga bihag sila ni Satanas. Naging patay na mga tao na ang lahat ng buhay na mga taong nilikha ng Diyos, kaya nawala sa Diyos ang Kanyang patotoo, at nawala sa Kanya ang sangkatauhang Kanyang nilikha na tanging nagtataglay ng Kanyang hininga. Kung babawiin ng Diyos ang Kanyang patotoo at babawiin yaong mga nilikha ng Kanyang sariling kamay subalit nabihag na ni Satanas, kailangan Niyang buhayin silang muli upang maging buhay na mga nilalang sila, at kailangan Niyang bawiin sila upang mamuhay sila sa Kanyang liwanag. Ang mga patay ay yaong mga walang espiritu, yaong mga sukdulang manhid at sumasalungat sa Diyos. Una sa lahat, sila yaong mga hindi nakakikilala sa Diyos. Wala ni katiting na intensyon ang mga taong ito na sumunod sa Diyos; naghihimagsik lamang sila laban sa Kanya at sinasalungat Siya, at wala kahit na katiting na katapatan. Ang mga buhay ay yaong mga isinilang muli ang mga espiritu, na alam sumunod sa Diyos, at mga tapat sa Diyos. Taglay nila ang katotohanan, at ang patotoo, at ang mga taong ito lamang ang nakalulugod sa Diyos sa Kanyang tahanan. Inililigtas ng Diyos yaong mga kayang mabuhay, na kayang makita ang pagliligtas ng Diyos, na kayang maging tapat sa Diyos at handang hanapin ang Diyos. Inililigtas Niya yaong mga naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos at sa Kanyang pagpapakita. Kayang mabuhay ng ilang tao, at ang ilan ay hindi; nakasalalay ito sa kung kayang maligtas o hindi ang kanilang kalikasan. Maraming tao ang nakarinig na nang marami sa mga salita ng Diyos ngunit hindi nauunawaan ang kalooban ng Diyos, at wala pa ring kakayahang isagawa ang mga ito. Walang kakayahang isabuhay ng mga ganitong tao ang anumang katotohanan, at sinasadyang manggulo sa gawain ng Diyos. Hindi nila kayang gawin ang anumang gawain para sa Diyos, hindi nila maitalaga ang anumang bagay sa Kanya, at palihim din nilang ginugugol ang salapi ng simbahan at kumakain nang libre sa tahanan ng Diyos. Patay na ang mga taong ito, at hindi sila maliligtas. Inililigtas ng Diyos ang lahat ng nasa gitna ng Kanyang gawain, subalit may mga taong hindi makatatanggap ng Kanyang pagliligtas; maliit na bilang lamang ang makatatanggap ng Kanyang pagliligtas. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay masyado nang nagawang tiwali at naging patay, at hindi na sila maaari pang iligtas; ganap na silang napagsamantalahan ni Satanas, at masyadong mapaghangad ng masama ang kanilang kalikasan. Hindi rin magawa ng iilang mga taong ito na ganap na sundin ang Diyos. Hindi sila yaong mga lubos na naging tapat sa Diyos mula sa simula, o yaong mga sukdulang nagmahal na sa Diyos mula sa simula; sa halip, naging masunurin sila sa Diyos dahil sa Kanyang gawain ng panlulupig, nakikita nila ang Diyos dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal, may mga pagbabago sa kanilang disposisyon dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakikilala nila ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ang Kanyang gawain na parehong praktikal at normal. Kung wala ang gawaing ito ng Diyos, kahit gaano pa man kabuti ang mga taong ito, na kay Satanas pa rin sila, nasa kamatayan pa rin sila, at patay pa rin sila. Ang katotohanang maaaring makatanggap ng pagliligtas ng Diyos ang mga tao ngayon ay dahil lamang handa silang makipagtulungan sa Diyos.
Dahil sa kanilang katapatan sa Diyos, kakamtin ng Diyos ang mga buhay at mamumuhay sila sa gitna ng Kanyang mga pangako, at dahil sa kanilang pagsalungat sa Diyos, kamumuhian at tatanggihan ng Diyos ang mga patay at mamumuhay sila sa gitna ng Kanyang kaparusahan at mga sumpa. Ganito ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na hindi mababago ng sinumang tao. Dahil sa kanilang sariling paghahangad, tumatanggap ang mga tao ng pag-ayon ng Diyos at namumuhay sa liwanag; dahil sa kanilang mga tusong pakana, isinusumpa ng Diyos ang mga tao at lumulusong sila sa kaparusahan; dahil sa kanilang masamang gawa, pinarurusahan ng Diyos ang mga tao, at dahil sa kanilang paghahangad at katapatan, tumatanggap ang mga tao ng pagpapala ng Diyos. Matuwid ang Diyos: Pinagpapala Niya ang mga buhay, at isinusumpa ang mga patay upang lagi silang nasa gitna ng kamatayan at hindi kailanman mamumuhay sa liwanag ng Diyos. Dadalhin ng Diyos ang mga buhay sa Kanyang kaharian at sa Kanyang mga pagpapala upang makapiling Siya magpakailanman. Ngunit para sa mga patay, lilipulin Niya sila at dadalhin sa walang-hanggang kamatayan; sila ang layon ng Kanyang pagwasak at palaging mapapabilang kay Satanas. Walang tinatrato ang Diyos nang hindi makatarungan. Tiyak na mananatili ang lahat ng mga tunay na naghahangad sa Diyos sa tahanan ng Diyos, at tiyak na mananahan ang lahat ng mga masuwayin sa Diyos at di-kaayon sa Kanya sa gitna ng Kanyang kaparusahan. Marahil nag-aalangan ka tungkol sa gawain ng Diyos sa katawang-tao—ngunit balang araw, hindi ang katawang-tao ng Diyos ang mismong maghahanda ng katapusan ng tao; sa halip, ang Kanyang Espiritu ang maghahanda sa hantungan ng tao, at sa panahong iyon malalaman ng mga tao na iisa ang katawang-tao ng Diyos at ang Kanyang Espiritu, na hindi kayang magkamali ng Kanyang katawang-tao, at na mas lalong walang kakayahang magkamali ang Kanyang Espiritu. Sa huli, tiyak na dadalhin Niya sa Kanyang kaharian yaong mga nabuhay, walang labis, walang kulang. Para sa mga patay na hindi nabuhay, itatapon sila sa pugad ni Satanas.