5. Ang Biblia ay patotoo sa gawain ng Diyos. Sa pamamagitan ng Biblia ay kinikilala ng lahat ng naniniwala sa Panginoon na ang langit at lupa at ang lahat ng mga bagay ay nilikha ng Diyos. Dahil sa Biblia ay nakikita nila ang pagiging kamangha-mangha, dakila, at makapangyarihan sa lahat ng mga gawa ng Diyos. Higit pa riyan, naglalaman ang Biblia ng maraming salita ng Diyos at mga patotoong mula sa karanasan ng tao na kayang magbigay para sa buhay ng tao, at lubos na nakapagtuturo sa tao. Maaari ba tayong magtamo ng buhay na walang hanggan sa pagbabasa ng Biblia? O wala sa Biblia ang daan ng buhay na walang hanggan?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagkat iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa Akin. At ayaw ninyong magsilapit sa Akin, upang kayo’y magkaroon ng buhay” (Juan 5:39–40).
“Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay: sinuman ay hindi makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan Ko” (Juan 14:6).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Sa pagbabasa ng Bibliya ang mga tao ay makakatamo rin ng maraming daan ng buhay na hindi matatagpuan sa iba pang mga aklat. Ang mga daang ito ang mga daan ng buhay ng gawain ng Banal na Espiritu na naranasan ng mga propeta at apostol sa mga nagdaang kapanahunan, at karamihan sa mga salita ay mahalaga, at nakakapagbigay ng mga pangangailangan ng mga tao. Kaya nga ibig ng lahat ng tao na magbasa ng Bibliya. Dahil sa napakarami ng nakatago sa Bibliya, ang mga pananaw ng mga tao hinggil dito ay hindi tulad sa anumang isinulat ng dakilang espirituwal na mga tao. Ang Bibliya ay isang talaan at tinipong mga karanasan at kaalaman ng mga taong naglingkod kina Jehova at Jesus sa luma at bagong kapanahunan, kaya nagtatamo ang mga sumunod na henerasyon ng maraming kaliwanagan, pagtanglaw, at mga landas ng pagsasagawa mula rito. Ang dahilan kung bakit ang Bibliya ay mas mataas kaysa sa mga isinulat ng sinumang dakilang espirituwal na tao ay sapagkat ang lahat ng kanilang mga isinulat ay hinango mula sa Bibliya, ang kanilang mga karanasan ay nagmula lahat sa Bibliya, at lahat sila ay nagpapaliwanag ng Bibliya. At bagaman ang mga tao ay maaaring makakuha ng panustos mula sa mga aklat ng sinumang dakilang espirituwal na tao, sinasamba pa rin nila ang Bibliya, dahil ito ay tila napakataas at napakalalim para sa kanila! Kahit na pinagsasama-sama ng Bibliya ang ilang aklat ng mga salita ng buhay, tulad ng mga liham ni Pablo at mga liham ni Pedro, at bagaman ang mga tao ay matutustusan at matutulungan ng mga librong ito, hindi na rin napapanahon ang mga librong ito, ang mga ito ay nabibilang pa rin sa lumang kapanahunan, at kahit na gaano kainam ang mga ito, ang mga ito ay angkop lamang para sa isang panahon, at hindi panghabang-panahon. Sapagkat ang gawain ng Diyos ay palaging umuunlad, at ito ay hindi maaaring basta na lamang tumigil sa panahon nina Pablo at Pedro, o palagiang mananatili sa Kapanahunan ng Biyaya kung saan si Jesus ay ipinako sa krus. Kaya ang mga aklat na ito ay angkop lamang para sa Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa Kapanahunan ng Kaharian ng mga huling araw. Ang mga ito ay makapagtutustos lamang para sa mga mananampalataya ng Kapanahunan ng Biyaya, hindi para sa mga banal ng Kapanahunan ng Kaharian, at gaano man kainam ang mga ito, ang mga ito ay lipas pa rin. Ito ay kapareho ng gawain ni Jehova ng paglikha o ng Kanyang gawain sa Israel: Gaano man kadakila ang gawaing ito, ito pa rin ay hindi na napapanahon, at ang oras ay darating pa rin kung kailan ito ay tapos na. Ang gawain ng Diyos ay katulad din nito: Ito ay dakila, ngunit darating ang panahon kung kailan ay matatapos ito; hindi ito palagiang mananatili sa gitna ng gawain ng paglikha, ni sa gitna ng pagpapako sa krus. Gaano man kapani-paniwala ang gawain ng pagpapako sa krus, gaano man kabisa ito sa pagdaig kay Satanas, ang gawain, kung tutuusin, ay gawain pa rin, at ang mga kapanahunan, kung tutuusin, ay mga kapanahunan pa rin; ang gawain ay hindi palaging mananatili sa gayon ding pundasyon, at hindi rin hindi nagbabago kailanman ang mga panahon, dahil mayroong paglikha at dapat magkaroon ng mga huling araw. Ito ay hindi maiiwasan! Kaya ngayon ang mga salita ng buhay sa Bagong Tipan—ang mga liham ng mga apostol, at ang Apat na Ebanghelyo—ay naging mga aklat ng kasaysayan, ang mga ito ay naging lumang mga almanak, at paano madadala ng lumang mga almanak ang mga tao sa bagong kapanahunan? Gaano man ang kakayahan ng mga almanak na ito sa pagbibigay ng buhay sa mga tao, gaano man ang kakayahan ng mga ito na akayin ang mga tao sa krus, hindi ba’t ang mga ito ay lipas na? Hindi ba nawalan na ang mga ito ng halaga? Kaya sinasabi Ko na hindi ka dapat pikit-matang naniniwala sa mga almanak na ito. Ang mga ito ay napakaluma, hindi ka madadala ng mga ito tungo sa bagong gawain, at maaaring pabigat lamang ang mga ito sa iyo. Hindi lamang sa hindi ka nito madadala tungo sa bagong gawain, at tungo sa bagong pagpasok, kundi dinadala ka ng mga ito tungo sa mga lumang simbahan ng mga relihiyon—at kung gayon, hindi ka ba paurong sa pananampalataya mo sa Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (4)
Maraming tao ang naniniwala na ang pag-unawa at kakayahang magbigay-kahulugan sa Bibliya ay tulad ng pagkasumpong sa tunay na daan—ngunit sa katunayan, ganoon ba talaga kasimple ang mga bagay-bagay? Walang sinumang nakakaalam sa realidad ng Bibliya: na ito’y wala nang iba kundi isang talaan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos, at isang patotoo sa nakaraang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, at na hindi ito nagbibigay sa iyo ng pagkaunawa sa mga layunin ng gawain ng Diyos. Alam ng lahat na nakabasa na sa Bibliya na idinodokumento nito ang dalawang yugto ng gawain ng Diyos noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Isinasalaysay sa Lumang Tipan ang kasaysayan ng Israel at kung paano gumawa si Jehova mula sa panahon ng paglikha hanggang sa katapusan ng Kapanahunan ng Kautusan. Nakatala sa Bagong Tipan ang gawain ni Jesus sa lupa, na nasa Apat na Ebanghelyo, pati na rin ang gawain ni Pablo—hindi ba mga talaan ng kasaysayan ang mga ito? Ang pagbanggit ngayon sa mga bagay na lumipas na ang dahilan kaya kasaysayan ang mga ito, at hindi mahalaga kung gaano katotoo o tunay ang mga ito, ang mga ito ay kasaysayan pa rin—at ang kasaysayan ay hindi magpapatungkol sa kasalukuyan, sapagkat ang Diyos ay hindi lumilingon sa kasaysayan! Kaya kung iyo lamang nauunawaan ang Bibliya, at walang nauunawaan sa gawain na nilalayong isakatuparan ngayon ng Diyos, at kung nananampalataya ka sa Diyos ngunit hindi mo hinahanap ang gawain ng Banal na Espiritu, kung gayon ay hindi mo nauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng hanapin ang Diyos. Kung binabasa mo ang Bibliya upang pag-aralan ang kasaysayan ng Israel, upang saliksikin ang kasaysayan ng paglikha ng Diyos sa buong kalangitan at kalupaan, kung gayon ay hindi ka nananampalataya sa Diyos. Ngunit ngayon, dahil nananampalataya ka sa Diyos, at hinahangad mo ang buhay, dahil hinahangad mo ang pagkakilala sa Diyos, at hindi hinahangad ang mga walang-buhay na salita at doktrina, o ang pagkaunawa ng kasaysayan, dapat mong hanapin ang mga layunin ng Diyos ngayon, at dapat mong hanapin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay isang arkeologo maaari mong mabasa ang Bibliya—ngunit ikaw ay hindi, ikaw ang isa sa mga nananampalataya sa Diyos, at pinakamainam na hanapin mo ang mga layunin ng Diyos sa ngayon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya (4)
Marahil ngayon ay ninanais mong magkamit ng buhay, o marahil ninanais mong makamit ang katotohanan. Anuman ang kalagayan, nais mong matagpuan ang Diyos, matagpuan ang Diyos na maaasahan mo, at na Siyang makapagbibigay sa iyo ng buhay na walang hanggan. Kung nais mong makamit ang buhay na walang hanggan, dapat mo munang maintindihan ang pinagmumulan ng buhay na walang hanggan at dapat mo munang malaman kung nasaan ba mismo ang Diyos. Nasabi Ko na na tanging ang Diyos lamang ang buhay na hindi nababago, at tanging ang Diyos lamang ang nagtataglay ng daan ng buhay. Dahil ang Diyos ay ang buhay na hindi nagbabago, Siya kung gayon ang buhay na walang hanggan; dahil tanging ang Diyos lamang ang daan ng buhay, ang Diyos Mismo kung gayon ang daan ng buhay na walang hanggan. Samakatuwid, dapat mo munang maintindihan kung nasaan ang Diyos, at kung paano makamit itong daan ng buhay na walang hanggan. Magbahagian tayo ngayon tungkol dalawang usaping ito nang paisa-isa.
Kung nais mo talagang makamit ang daan ng buhay na walang hanggan, at kung masigasig ka sa paghahanap mo nito, kung gayon sagutin mo muna ang tanong na ito: Nasaan ang Diyos ngayon? Marahil sasagot ka, “Siyempre, nakatira ang Diyos sa langit—hindi Siya titira sa tahanan mo, hindi ba?” Marahil masasabi mo na maliwanag na naninirahan ang Diyos sa lahat ng bagay. O maaaring masabi mo na naninirahan sa puso ng bawat tao ang Diyos, o na nasa espirituwal na mundo ang Diyos. Hindi Ko ipinagkakaila ang alinman dito, ngunit dapat Kong linawin ang usapin. Hindi lubos na tamang sabihing naninirahan ang Diyos sa puso ng tao, ngunit hindi rin ito lubos na mali. Ito ay sapagkat, sa mga nananalig sa Diyos, mayroong totoo ang paniniwala at mga huwad ang paniniwala, mayroong mga sinasang-ayunan ng Diyos at mga hindi Niya sinasang-ayunan, mayroong mga nagbibigay-lugod sa Kanya at mga kinamumuhian Niya, at mayroong mga ginagawa Niyang perpekto at mga itinitiwalag Niya. Kaya naman sinasabi Ko na naninirahan ang Diyos sa mga puso ng iilang tao, at walang-alinlangang ang mga taong ito ay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos, ang mga sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga nakalulugod sa Kanya, at ang mga ginagawa Niyang perpekto. Sila ang mga pinamumunuan ng Diyos. Dahil pinamumunuan sila ng Diyos, sila ang mga taong nakarinig at nakakita na ng daan ng Diyos sa buhay na walang hanggan. Ang mga huwad ang pananampalataya sa Diyos, ang mga hindi sinasang-ayunan ng Diyos, ang mga kinasusuklaman ng Diyos, ang mga itinitiwalag ng Diyos—tiyak na tatanggihan sila ng Diyos, tiyak na mananatili silang walang daan ng buhay, at tiyak na mananatiling hindi nakakaalam kung nasaan ang Diyos. Sa kabaligtaran, ang mga taong may puso kung saan nananahan ang Diyos ay alam kung nasaan Siya. Sila ang mga taong pinagkakalooban ng Diyos ng daan ng buhay na walang hanggan, at sila ang mga sumusunod sa Diyos. Alam mo na ba ngayon kung nasaan ang Diyos? Kapwa nasa puso ng tao at nasa tabi ng tao ang Diyos. Hindi lamang Siya nasa espirituwal na mundo, at nangingibabaw sa lahat, kundi mas higit na nasa lupa kung saan naroroon ang tao. Kung gayon dinala ng pagdating ng mga huling araw ang mga hakbang ng gawain ng Diyos sa panibagong kalagayan. Ang Diyos ay nasa gitna ng lahat ng bagay, may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at Siya ay nasa loob din ng puso ng tao, nagsisilbing suporta ng tao, at higit pa rito, umiiral Siya sa gitna ng tao. Sa pamamagitan lamang nito Niya maihahatid ang daan ng buhay sa sangkatauhan, at maihahatid ang tao sa daan ng buhay. Pumarito sa lupa ang Diyos, at namumuhay gitna ng mga tao, upang maaaring makamtan ng tao ang daan ng buhay, at alang-alang sa pag-iral ng tao. Kasabay nito, Siya ay nasa gitna ng lahat ng bagay, nag-uutos sa lahat ng bagay, upang padaliin ang pamamahala na ginagawa Niya sa gitna ng tao. Kaya naman, kung kinikilala mo lamang ang doktrinang nasa langit at nasa puso ng tao ang Diyos, subalit hindi kinikilala ang katotohanan ng pamumuhay ng Diyos gitna ng mga tao, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang buhay, at hindi mo kailanman makakamit ang daan ng katotohanan.
Ang Diyos Mismo ang buhay, at ang katotohanan, at sabay na umiiral ang Kanyang buhay at katotohanan. Ang mga walang kakayahang magkamit ng katotohanan ay hindi kailanman magkakamit ng buhay. Kung wala ang patnubay, pagsuporta, at pagtustos ng katotohanan, ang makakamit mo lamang ay mga salita, mga doktrina, at, higit pa rito, kamatayan. Laging naririyan ang buhay ng Diyos, at umiiral nang sabay ang Kanyang katotohanan at buhay. Kung hindi mo matatagpuan ang pinagmulan ng katotohanan, hindi mo makakamit ang pampalusog ng buhay; kung hindi mo makakamit ang panustos ng buhay, tiyak na hindi ka magkakaroon ng katotohanan, at bukod sa mga imahinasyon at mga kuru-kuro, ang kabuuan ng katawan mo ay magiging walang iba kundi ang laman mo—ang umaalingasaw mong laman. Dapat mong malaman na hindi itinuturing na buhay ang mga salita ng mga aklat, hindi maaaring idambana bilang ang katotohanan ang mga talaan ng kasaysayan, at hindi maaaring magsilbing isang ulat ng mga kasalukuyang salita ng Diyos ang mga regulasyon ng nakalipas. Tanging ang mga salitang ipinahayag ng Diyos kapag pumaparito Siya sa lupa at namumuhay kasama ng tao ang siyang katotohanan, buhay, mga layunin ng Diyos, at Kanyang kasalukuyang paraan ng paggawa. Kung kukuhain mo ang mga talaan ng mga salitang sinabi ng Diyos noong mga nagdaang panahon at kakapit sa mga ito hanggang ngayon, ikaw ay nagiging isang arkeologo, sa gayong kaso, ang pinakamainam na paraan ng paglalarawan sa iyo ay isang dalubhasa sa mga relikya ng kasaysayan. Palagi kang naniniwala sa mga bakas ng gawaing ginawa ng Diyos noong mga nagdaang panahon, naniniwala ka lamang sa anino ng Diyos na naiwan mula noong dati Siyang gumawa sa gitna ng mga tao, at naniniwala lamang sa daang ibinigay ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod noong nakalipas na mga panahon, pero hindi ka naniniwala sa oryentasyon ng gawain ng Diyos ngayon, hindi ka naniniwala sa maluwalhating mukha ng Diyos ngayon, at hindi ka naniniwala sa daan ng katotohanan na kasalukuyang inihahayag ng Diyos. Samakatwid, hindi maikakailang nangangarap ka nang gising na ganap nang wala sa realidad. Kung ngayon ay nananatili ka pa ring nakakapit sa mga salitang walang kakayahang magbigay ng buhay sa mga tao, kung gayon ay isa kang walang pag-asang piraso ng bulok na kahoy,[a] dahil masyado kang konserbatibo, masyadong mahirap pakitunguhan, masyadong hindi tinatablan ng katwiran!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Talababa:
a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, na ang ibig sabihin ay “walang pag-asa.”
Ang Cristo ng mga huling araw ay naghahatid ng buhay, at naghahatid ng pangmatagalan at walang katapusang daan ng katotohanan. Ang katotohanang ito ang landas kung saan nakakamit ng tao ang buhay, at ito ang tanging landas para makilala ng tao ang Diyos at masang-ayunan ng Diyos. Kung hindi mo hinahanap ang daan ng buhay na ibinigay ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay hindi mo kailanman makakamit ang pagsang-ayon ni Jesus, at hindi ka magiging kalipikado na pumasok sa pintuan ng kaharian ng langit, sapagkat pareho kang isang papet at bilanggo ng kasaysayan. Ang mga kinokontrol ng mga regulasyon, ng mga salita, at ng mga gapos ng kasaysayan ay hindi kailanman makakapagkamit ng buhay o ng walang-hanggang daan ng buhay. Ito ay dahil ang tanging mayroon sila ay maruming tubig na kanilang kinapitan sa loob ng libo-libong taon sa halip na ang tubig ng buhay na dumadaloy mula sa trono. Ang mga hindi natutustusan ng tubig ng buhay ay mananatiling mga bangkay, mga laruan ni Satanas, at mga anak ng impiyerno magpakailanman. Kung gayon, paano nila masisilayan ang Diyos? Naghahangad ka lang na kumapit sa nakaraan, na manatili sa iyong kinalalagyan at panatilihin ang mga bagay-bagay, at hindi naghahangad na baguhin ang kasalukuyang kalagayan at iwaksi ang kasaysayan, kung gayon, hindi ba’t palagi kang magiging kaaway ng Diyos? Malawak at makapangyarihan ang mga hakbang ng gawain ng Diyos, tulad ng rumaragasang mga alon at dumadagundong na mga kulog—subalit pasibo kang nakaupo na naghihintay ng pagkawasak, kumakapit sa iyong kahangalan at walang ginagawa. Sa ganitong paraan, paano ka maituturing na isang taong sumusunod sa mga yapak ng Kordero? Paano mo mabibigyang-katwiran na ang Diyos na kinakapitan mo ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma? At paano ka maihahatid ng mga salita sa mga nanilaw mong libro patawid sa panibagong kapanahunan? Paano ka maaakay ng mga ito para mahanap mo ang mga hakbang ng gawain ng Diyos? At paano ka madadala ng mga ito paakyat sa langit? Ang hawak mo sa mga kamay mo ay ang mga salitang makapagbibigay lang ng panandaliang ginhawa, hindi ang mga katotohanang kayang magbigay ng buhay sa iyo. Ang mga salita ng mga kasulatang binabasa mo ay pinagyayaman lamang ang dila mo at hindi mga salita ng pilosopiyang makatutulong sa pag-unawa mo sa buhay ng tao, lalong hindi ang mga landas na kayang maghatid sa iyo sa pagiging perpekto. Hindi ba’t nagdudulot sa iyo ng pagninilay-nilay ang pagkakaibang ito? Hindi ba’t naipapaunawa nito sa iyo ang mga hiwagang nakapaloob dito? May kakayahan ka bang dalhin ang sarili mo sa langit upang makipagtagpo sa Diyos nang ikaw lang? Kung wala ang pagdating ng Diyos, kaya mo bang dalhin ang sarili mo sa langit upang matamasa ang kasiyahang pampamilya kasama ang Diyos? Nananaginip ka pa rin ba ngayon? Iminumungkahi Ko, kung gayon, na ihinto mo ang pananaginip at tingnan kung sino ang gumagawa ngayon—tingnan kung sino ang gumagawa ngayon ng gawain ng pagliligtas sa tao sa mga huling araw. Kung hindi mo gagawin, hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan, at hindi mo kailanman makakamit ang buhay.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan