1. Sa kasalukuyan ay may bilang ng mga insidente ng panlilinlang ng mga huwad na Cristo sa iba’t ibang mga relihiyosong komunidad sa buong mundo. Hindi magawang makita kung ano ba talaga ang panlilinlang na ito, maraming tao ang sumunod sa mga huwad na Cristong ito, sa gayon ay natutupad ang propesiya ng Panginoong Jesus: “Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na cristo, at mga huwad na propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na ang mga hirang” (Mateo 24:23–24). Samakatuwid, naniniwala kami na ang sinumang pinapatotohanan bilang ang pagdating ng Panginoon ay walang alinlangan na isang huwad na Cristo, at hindi na sila kailangang hanapin at siyasatin. Mali ba kami sa paniniwalang ito?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang Diyos na nagkatawang-tao ay tinatawag na Cristo, at kaya ang pagtawag sa Cristo na kayang magkaloob ng katotohanan sa mga tao ay hindi kalabisan kahit kaunti. Ito ay dahil taglay Niya ang diwa ng Diyos, at taglay Niya ang disposisyon ng Diyos, at ang karunungan ng gawain ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao. Ang mga tumatawag sa sarili nila na cristo, subalit hindi naman kayang gawin ang gawain ng Diyos, ay mga manlilinlang. Hindi lamang pagpapakita ng Diyos sa lupa si Cristo, kundi partikular din na katawang-taong tinaglay ng Diyos habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain sa lupa at tinatapos Niya ang Kanyang gawain sa gitna ng tao. Hindi maaaring palitan ang katawang-taong ito ng kahit na sinumang tao, kundi isang katawang-tao na kakayaning pasanin ang gawain ng Diyos sa lupa, at na kayang maipahayag ang disposisyon ng Diyos, na kayang sapat na katawanin ang Diyos, at na kayang magbigay ng buhay sa tao. Sa malao’t madali, babagsak lahat ng nagpapanggap na Cristo, sapagkat bagama’t inaangkin nilang sila si cristo, hindi nila taglay ang diwa ni Cristo. Kaya naman sinasabi Ko na hindi kayang tukuyin ng tao ang pagiging-tunay ni Cristo, kundi sinasagot at pinagpapasyahan ng Diyos Mismo.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan
Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng diwa ng Diyos, at Siya na Diyos na nagkatawang-tao ay magtataglay ng pagpapahayag ng Diyos. Dahil ang Diyos ay naging tao, dadalhin Niya ang gawaing layon Niyang gawin, at dahil ang Diyos ay naging tao, ipapahayag Niya kung ano Siya, at magagawa Niyang ihatid ang katotohanan sa tao, pagkalooban ito ng buhay, at ituro ang daan para rito. Ang katawang-tao na walang diwa ng Diyos ay tiyak na hindi ang Diyos na nagkatawang-tao; walang duda ito. Kung layon ng tao na magsiyasat kung ito ang katawang-tao ng Diyos, kailangan niyang patunayan ito mula sa disposisyon na Kanyang ipinapahayag at sa mga salitang Kanyang sinasambit. Ibig sabihin, para patunayan kung ito nga ang katawang-tao ng Diyos o hindi, at kung ito nga ang tunay na daan o hindi, kailangan makilala ang kaibhan batay sa Kanyang diwa. Kaya nga, sa pagtukoy kung ito ang katawan ng Diyos na nagkatawang-tao, ang susi ay nasa Kanyang diwa (Kanyang gawain, Kanyang mga pagbigkas, Kanyang disposisyon, at maraming iba pang aspekto), sa halip na sa panlabas na anyo. Kung ang sinusuri lamang ng tao ay ang Kanyang panlabas na anyo, at dahil dito ay hindi pinapansin ang Kanyang diwa, ipinapakita nito na ang tao ay mangmang at ignorante.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita
Bagama’t nagagawa ni Cristo sa lupa na gumawa sa ngalan ng Diyos Mismo, hindi Siya dumarating na may layuning ipakita sa lahat ng mga tao ang wangis Niya sa katawang-tao. Hindi Siya dumarating upang makita Siya ng lahat ng mga tao; dumarating Siya upang pahintulutan ang tao na maakay ng kamay Niya, at sa gayon ay makapasok ang tao sa bagong kapanahunan. Ang katungkulan ng katawang-tao ni Cristo ay para sa gawain ng Diyos Mismo, iyon ay para sa gawain ng Diyos sa katawang-tao, at hindi upang bigyang kakayahan ang tao na lubusang maunawaan ang diwa ng katawang-tao Niya. Paano man Siya gumagawa, wala sa ginagawa Niya ang lumalampas sa matatamo ng katawang-tao. Paano man Siya gumagawa, ginagawa Niya ito sa katawang-tao na may normal na pagkatao, at hindi lubos na ibinubunyag sa tao ang totoong mukha ng Diyos. Dagdag dito, ang gawain Niya sa katawang-tao ay hindi kailanman kahima-himala o hindi matataya tulad ng maiisip ng tao. Bagama’t kinakatawan ni Cristo ang Diyos Mismo sa katawang-tao at isinasakatuparan mismo ang gawain na dapat gawin ng Diyos Mismo, hindi Niya ikinakaila ang pag-iral ng Diyos sa langit, ni maalab Niyang ipinahahayag ang sarili Niyang mga gawa. Sa halip, nananatili Siyang nakakubli, mapagpakumbaba, sa loob ng Kanyang laman. Bukod kay Cristo, yaong mga huwad na umaangking sila ay cristo ay hindi nagtataglay ng Kanyang mga katangian. Kapag magkatabing inihahambing sa mapagmataas at madakila-sa-sarili ang disposisyon ng mga huwad na cristo, nagiging malinaw kung anong uring katawang-tao ang tunay na Cristo. Lalong huwad sila, lalong ipinagpaparangya ng mga ganitong huwad na cristo ang mga sarili nila, at mas may kakayahan silang gumawa ng mga tanda at mga kababalaghan upang ilihis ang tao. Walang mga katangian ng Diyos ang mga huwad na cristo; hindi nadudungisan si Cristo ng kahit anong sangkap na pagmamay-ari ng mga huwad na cristo. Nagkakatawang-tao lamang ang Diyos upang tapusin ang gawain ng katawang-tao, hindi lamang upang pahintulutang makita Siya ng mga tao. Sa halip, hinahayaan Niyang ang gawain Niya ang magpatunay ng Kanyang pagkakakilanlan, at hinahayaang yaong ibinubunyag Niya na magpatunay sa Kanyang diwa. Hindi walang batayan ang diwa Niya; hindi kinamkam ng Kanyang kamay ang pagkakakilanlan Niya; tinutukoy ito sa pamamagitan ng Kanyang gawain at Kanyang diwa.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diwa ni Cristo ay Pagpapasakop sa Kalooban ng Ama sa Langit
Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, isang huwad ito na gawa ng masasamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakompleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi maipagkakasundo sa mga kuru-kuro ng tao; halimbawa, ipinropesiya sa Lumang Tipan ang pagparito ng isang Mesiyas, at ang resulta ng propesiyang ito ay ang pagparito ni Jesus. Dahil nangyari na ito, magiging mali na muling may pumaritong isa pang Mesiyas. Pumarito nang minsan si Jesus, at magiging mali kung paparitong muli si Jesus sa pagkakataong ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at bawat pangalan ay may paglalarawan ng kapanahunang ito. Sa mga kuru-kuro ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi talaga ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagtaboy pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit—kung gagawin Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong ginagaya ng masasamang espiritu, at matapos simulang sundan ni Satanas ang mga yapak ng Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, ginagaya ito ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa inyo ang tungkol dito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagkilala sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos
May ilang sinasaniban ng masasamang espiritu at malakas na sumisigaw ng, “Ako ang Diyos!” Ngunit sa katapusan, sila ay nabubunyag dahil sila ay mali sa kanilang kinakatawan. Kinakatawan nila si Satanas, at hindi sila binibigyang-pansin ng Banal na Espiritu. Gaano mo man itinataas ang iyong sarili o gaano ka man kalakas sumigaw, ikaw ay isang nilikha pa rin at isa na nabibilang kay Satanas. Kailanman ay hindi Ako sumisigaw ng, “Ako ang Diyos, Ako ang sinisintang Anak ng Diyos!” Ngunit ang gawaing ginagawa Ko ay gawain ng Diyos. Kailangan Ko bang sumigaw? Hindi kailangan ang pagdadakila. Ginagawa ng Diyos Mismo ang Kanyang gawain at hindi kailangan ng tao na bigyan Siya ng isang katayuan o kagalang-galang na titulo: kinakatawan na ng Kanyang gawain ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan. Bago ang Kanyang bautismo, hindi ba’t si Jesus ang Diyos Mismo? Hindi ba’t Siya ang nagkatawang-taong Diyos? Tiyak na hindi maaaring sabihin na naging tanging Anak ng Diyos lamang Siya pagkatapos Niyang napatotohanan? Wala bang tao na may pangalang Jesus sa matagal na panahon bago Siya nagsimula ng Kanyang gawain? Hindi mo kayang maghatid ng mga bagong landas o kumatawan sa Espiritu. Hindi mo kayang ipahayag ang gawain ng Espiritu o ang mga salita na sinasabi Niya. Hindi mo kayang gawin ang gawain ng Diyos Mismo o yaong sa Espiritu. Ang karunungan, pagiging kamangha-mangha, at pagiging di-maarok ng Diyos, at ang buong disposisyon sa pagkastigo ng Diyos sa tao—lahat ng ito ay higit sa iyong kakayahang magpahayag. Kaya walang saysay na angkinin mo na ikaw ang Diyos; magkakaroon ka lamang ng pangalan ngunit hindi ng diwa. Dumating na ang Diyos Mismo, ngunit walang nakakakilala sa Kanya, gayunman patuloy Siya sa Kanyang gawain at ginagawa ang gayon sa pagkatawan sa Espiritu. Tawagin mo man Siyang tao o Diyos, ang Panginoon o Cristo, o tawagin Siyang kapatid na babae, hindi ito mahalaga. Ngunit ang gawaing ginagawa Niya ay yaong sa Espiritu at kumakatawan sa gawain ng Diyos Mismo. Wala Siyang pakialam sa pangalan na itinatawag sa Kanya ng tao. Puwede bang matukoy ng pangalang iyon ang Kanyang gawain? Anuman ang itawag mo sa Kanya, sa pananaw ng Diyos, Siya ang nagkatawang-taong laman ng Espiritu ng Diyos; kinakatawan Niya ang Espiritu at sinasang-ayunan ng Espiritu. Kung hindi mo kayang gumawa ng daan para sa isang bagong kapanahunan, o dalhin ang dati sa katapusan, o maghatid ng isang bagong kapanahunan o gumawa ng bagong gawain, hindi ka maaaring tawaging Diyos!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (1)