Paano makakapasok ang isang tao sa tunay na panalangin

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Habang nagdarasal, kailangan ay tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at kailangan kang magkaroon ng pusong tapat. Tunay kang nakikipagniig at nagdarasal sa Diyos—hindi mo dapat subukang linlangin ang Diyos gamit ang mga salitang magandang pakinggan. Dapat ay nakasentro ang panalangin doon sa nais isakatuparan ng Diyos ngayon mismo. Hilingin mo sa Diyos na pagkalooban ka ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw, dalhin ang tunay na mga kalagayan at suliranin mo sa Kanyang presensya kapag nagdarasal ka, pati na ang pagpapasyang ginawa mo sa harap ng Diyos. Ang panalangin ay hindi tungkol sa pagsunod sa pamamaraan; tungkol ito sa paghahanap sa Diyos nang taos-puso. Hilingin mo sa Diyos na protektahan ang puso mo, upang madalas itong maging tahimik sa Kanyang harapan; na sa kapaligiran kung saan ka Niya inilagay, makilala mo ang iyong sarili, kamumuhian mo ang iyong sarili, at tatalikdan mo ang iyong sarili, sa gayon ay magkaroon ka ng normal na ugnayan sa Diyos at tunay na maging isang tao kang nagmamahal sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Ang pinakamaliit na hinihiling ng Diyos sa tao ay na magawa niyang buksan ang kanyang puso sa Kanya. Kung ibibigay ng tao ang kanyang tunay na puso sa Diyos at sasabihin sa Diyos ang tunay na nilalaman ng puso niya, handa ang Diyos na gumawa sa kanya. Ang gusto ng Diyos ay hindi ang baluktot na puso ng tao, kundi ang isang dalisay at tapat na puso. Kung hindi magsasalita ang tao sa Diyos mula sa kanyang puso, hindi aantigin ng Diyos ang kanyang puso o gagawa sa kanya. Kaya naman, ang pinakabuod ng panalangin ay ang kausapin ang Diyos mula sa iyong puso, na sinasabi sa Kanya ang iyong mga pagkukulang o ang tungkol sa iyong mapanghimagsik na disposisyon, ganap na ihinahayag ang iyong sarili sa Kanyang harapan; saka lamang magiging interesado ang Diyos sa iyong mga dalangin, kung hindi, itatago Niya ang Kanyang mukha mula sa iyo. Ang pinakamababang saligan para sa panalangin ay kailangan mong mapanatiling tahimik ang puso mo sa harap ng Diyos, at hindi ito dapat lumayo mula sa Diyos. Maaaring sa panahong ito ay hindi ka nagtatamo ng mas bago o mas mataas na kabatiran, ngunit sa gayon ay kailangan mong manalangin upang mapanatili ang iyong katayuan—hindi ka dapat bumalik sa dati. Ito ang pinakamababang kailangan mong makamtan. Kung kahit ito ay hindi mo kayang isakatuparan, pinatutunayan nito na ang iyong espirituwal na buhay ay wala sa tamang landas. Dahil dito, hindi mo magagawang kapitan ang una mong pananaw, mawawalan ka ng pananampalataya sa Diyos, at sa bandang huli ay mapapawi ang iyong kapasyahan. Ang isang tanda kung nakapasok ka na sa espirituwal na buhay o hindi pa ay ang tingnan kung ang iyong mga panalangin ay nasa tamang landas. Kailangang tanggapin ng lahat ng tao ang realidad na ito; kailangan nilang lahat na sadyang sanayin ang kanilang sarili sa pagdarasal, hindi sa paghihintay nang walang kibo, kundi sadyang hangarin na maantig ng Banal na Espiritu. Saka lamang sila magiging mga tao na tunay na naghahanap sa Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Ang panalangin ay hindi lamang basta makatapos ka, o masunod ang pamamaraan, o mabigkas ang mga salita ng Diyos. Ibig sabihin, ang pagdarasal ay hindi pag-uulit ng ilang salita at paggaya sa iba. Sa panalangin, kailangang marating ng isang tao ang kalagayan kung saan maibibigay niya ang kanyang puso sa Diyos, na binubuksan ang puso niya para maantig ito ng Diyos. Para maging mabisa ang panalangin, dapat itong ibatay sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan lamang ng pagdarasal mula sa mga salita ng Diyos magagawa ng isang tao na tumanggap ng higit na kaliwanagan at pagpapalinaw. Ang mga palatandaan ng isang tunay na panalangin ay: Pagkakaroon ng pusong nasasabik sa lahat ng hinihiling ng Diyos, at bukod pa riyan ay naghahangad na isakatuparan ang Kanyang mga hinihingi; pagkasuklam sa kinasusuklaman ng Diyos at pagkatapos, mula sa pundasyong ito, pagtatamo ng kaunting pagkaunawa tungkol dito, at pagkakaroon ng kaunting kaalaman at kalinawan tungkol sa mga katotohanang ipinaliliwanag ng Diyos. Kapag nagkaroon ng pagpapasya, pananampalataya, kaalaman, at isang landas ng pagsasagawa kasunod ng panalangin, saka lamang ito matatawag na tunay na pananalangin, at ang ganitong uri ng panalangin lamang ang maaaring maging mabisa. Subalit kailangang itatag ang panalangin sa pagtatamasa sa mga salita ng Diyos, kailangan itong itatag sa pundasyon ng pakikipagniig sa Diyos sa Kanyang mga salita, at kailangang magawa ng puso na hanapin ang Diyos at maging tahimik sa Kanyang harapan. Ang ganitong uri ng panalangin ay nakapasok na sa yugto ng tunay na pakikipagniig sa Diyos.

Ang pinakamahalagang kaalaman tungkol sa panalangin:

1. Huwag pikit-matang sabihin ang anumang pumasok sa isipan. Kailangan ay may pasanin sa puso mo, ibig sabihin, kailangan ay mayroon kang layunin kapag nagdarasal ka.

2. Ang panalangin ay kailangang maglaman ng mga salita ng Diyos; kailangan ay nakasalig ito sa mga salita ng Diyos.

3. Kapag nagdarasal, hindi mo kailangang ulit-ulitin ang lipas nang mga isyu. Dapat mong iugnay ang iyong mga panalangin sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at kapag nagdarasal ka, sabihin mo sa Diyos ang nasasaloob mo.

4. Ang panalangin ng grupo ay kailangang may isang bagay na pinagtutuunan, na kinakailangan ay ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu.

5. Kailangang matutuhan ng lahat ng tao ang panalangin ng pamamagitan. Isang paraan din ito ng pagsasaalang-alang sa kalooban ng Diyos.

Ang buhay ng panalangin ng indibiduwal ay batay sa pagkaunawa sa kabuluhan ng panalangin at sa pangunahing kaalaman tungkol sa panalangin. Sa pang-araw-araw na buhay, kailangang madalas na ipagdasal ang sarili mong mga pagkukulang, ipagdasal na magkaroon ng pagbabago sa iyong disposisyon sa buhay, at magdasal batay sa iyong kaalaman tungkol sa mga salita ng Diyos. Dapat magtatag ang bawat tao ng kanilang sariling buhay ng panalangin, dapat silang manalangin para malaman ang mga salita ng Diyos, at dapat silang manalangin upang maghangad ng kaalaman tungkol sa gawain ng Diyos. Ihayag ang iyong personal na sitwasyon sa harap ng Diyos at magpakatotoo nang hindi nababahala sa paraan ng iyong pagdarasal, at ang pinakamahalaga ay magtamo ng tunay na pagkaunawa, at magtamo ng tunay na karanasan sa mga salita ng Diyos. Ang isang taong nagsisikap na makapasok sa espirituwal na buhay ay kailangang manalangin sa maraming iba’t ibang paraan. Tahimik na panalangin, pagbubulay-bulay sa mga salita ng Diyos, pag-alam sa gawain ng Diyos—lahat ng ito ay mga halimbawa ng makabuluhang gawain ng espirituwal na pakikibahagi para makapasok sa normal na espirituwal na buhay, na laging nagpapainam sa mga kalagayan ng isang tao sa harap ng Diyos at nagtutulak sa kanya na mas umunlad sa buhay. Sa madaling salita, lahat ng ginagawa mo, kumakain at umiinom ka man ng mga salita ng Diyos, o tahimik na nagdarasal, o nagpapahayag nang malakas, ay para malinaw mong makita ang mga salita ng Diyos, ang Kanyang gawain, at ang nais Niyang matamo sa iyo. Ang mas mahalaga, lahat ng ginagawa mo ay ginagawa para maabot ang mga pamantayang hinihingi ng Diyos at mas bumuti ang buhay mo.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

At paano mo hinahangad na maantig ng Banal na Espiritu? Ang napakahalagang bagay ay ang mabuhay sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at manalangin sa saligan ng mga hinihingi ng Diyos. Sa pananalangin sa ganitong paraan, tiyak na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi ka naghahangad batay sa saligan ng mga salita na sinabi ng Diyos ngayon, ito ay walang ibubunga. Dapat kang manalangin, at sabihin: “O Diyos! Ikaw ay aking kinakalaban, at malaki ang aking pagkakautang sa Iyo; masyado akong masuwayin, at hindi kailanman nagagawang mapalugod Ka. O Diyos, hinihiling ko na iligtas Mo ako, nais kong maglingkod sa Iyo hanggang sa kahuli-hulihan, nais kong mamatay para sa Iyo. Hinahatulan Mo ako at kinakastigo ako, at wala akong mga reklamo; Ikaw ay aking kinakalaban at karapat-dapat akong mamatay, upang lahat ng tao ay maaaring makita ang Iyong matuwid na disposisyon sa aking kamatayan.” Kapag nananalangin ka mula sa kaibuturan ng iyong puso sa ganitong paraan, diringgin ka ng Diyos, at gagabayan ka; kung hindi ka nananalangin sa saligan ng mga salita ng Banal na Espiritu ngayon, walang posibilidad na aantigin ka ng Banal na Espiritu. Kung ikaw ay mananalangin alinsunod sa kalooban ng Diyos, at alinsunod sa kung anong gustong gawin ng Diyos sa kasalukuyan, sasabihin mo: “O Diyos! Nais kong tanggapin ang Iyong mga tagubilin at maging tapat sa Iyong mga tagubilin, at nakahanda akong ilaan ang aking buong buhay sa Iyong kaluwalhatian, upang ang lahat ng aking ginagawa ay makaaabot sa mga pamantayan ng bayan ng Diyos. Nawa’y antigin Mo ang aking puso. Nais ko na liwanagan akong palagi ng Iyong Espiritu, upang ang lahat ng aking ginagawa ay magdulot ng kahihiyan kay Satanas, na sa bandang huli ako ay Iyong makamit.” Kung mananalangin ka sa ganitong paraan, sa paraang nakasentro sa kalooban ng Diyos, walang-pagsalang gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Hindi mahalaga kung gaano karami ang mga salita sa iyong mga panalangin—ang susi ay kung nauunawaan mo o hindi ang kalooban ng Diyos. Maaaring nagkaroon na kayong lahat ng sumusunod na karanasan: Minsan, habang nananalangin sa isang pagpupulong, ang mga dinamika ng gawain ng Banal na Espiritu ay umaabot sa kanilang kasukdulan, na nagiging sanhi para umusbong ang lakas ng bawa’t isa. Ang ilang tao ay tumatangis at humahagulgol habang nananalangin, napuspos ng pagsisisi sa harap ng Diyos, at ang ilang tao ay ipinakikita ang kanilang kapasyahan, at gumagawa ng mga panata. Ang gayon ay ang epekto na tatamuhin ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa kasalukuyan, napakahalaga na ganap na ibuhos ng lahat ng tao ang kanilang mga puso sa mga salita ng Diyos. Huwag magtuon ng pansin sa mga salita na sinabi noon; kung pinanghahawakan mo pa rin ang kung ano ang dumating noong una, ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa sa kalooban mo. Nakikita mo ba kung gaano kahalaga ito?

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Alamin ang Pinakabagong Gawain ng Diyos at Sumunod sa Kanyang mga Yapak

Kapag nagsimula kang manalangin, huwag kang magmalabis at umasang makamit ang lahat nang sabay-sabay. Hindi ka maaaring humiling nang sobra-sobra, na umaasa na sa sandaling ibuka mo ang iyong bibig ay aantigin ka ng Banal na Espiritu, o na tatanggap ka ng kaliwanagan at pagpapalinaw, o na pagkakalooban ka ng Diyos ng biyaya. Hindi mangyayari iyan; hindi gumagawa ang Diyos ng mga bagay na mahimala. Ipinagkakaloob ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao sa Kanyang sariling panahon, at kung minsan ay sinusubok Niya ang iyong pananampalataya upang makita kung ikaw ay tapat sa Kanyang harapan. Kapag nagdarasal ka kailangan ay mayroon kang pananampalataya, pagtitiyaga, at pagpapasya. Karamihan sa mga tao, kapag nagsisimula pa lamang silang magsanay, ay pinanghihinaan ng loob dahil hindi sila naaantig ng Banal na Espiritu. Hindi ito maaari! Kailangan kang magtiyaga; kailangan kang magtuon sa pagdama sa pag-antig ng Banal na Espiritu at sa paghahanap at pagsasaliksik. Kung minsan, ang landas ng iyong gawain ay hindi tama, at kung minsan, ang iyong personal na mga motibo at kuru-kuro ay hindi mo mapanindigan sa harap ng Diyos, kaya hindi ka naaantig ng Espiritu ng Diyos. Sa ibang mga pagkakataon, tinitingnan ng Diyos kung ikaw ay tapat o hindi. Sa madaling salita, sa pagsasanay, dapat kang maglaan ng higit na pagsisikap. Kung matuklasan mo na lumilihis ka ng landas sa iyong gawain, maaari mong baguhin ang paraan ng iyong pagdarasal. Hangga’t taos-puso kang naghahangad at nasasabik na tumanggap, tiyak na dadalhin ka ng Banal na Espiritu sa ganitong realidad. Kung minsan nagdarasal ka nang taos-puso ngunit parang hindi mo nadarama na naantig ka talaga. Sa mga panahong kagaya nito kailangan mong umasa sa pananampalataya, na nagtitiwala na nakabantay ang Diyos sa iyong mga dalangin; kailangan mong magtiyaga sa iyong mga panalangin.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagsasagawa ng Panalangin

Nakatuklas ako ng isang suliranin na mayroon ang lahat ng tao. Kapag may nangyayari sa kanila, lumalapit sila sa Diyos upang manalangin, subalit, para sa kanila, ang panalangin ay isang bagay, at iba pa ang kasalukuyang usapin. Naniniwala silang hindi sila dapat magsalita ng tungkol sa mga nangyayari sa kanila sa panalangin. Bihira kayong manalangin nang taimtim, at may ilan na hindi man lamang alam kung paano. Ang totoo niyan, ang manalangin ay para talaga sabihin kung ano ang nasa puso mo, na parang nagsasalita ka lamang gaya nang karaniwan mong ginagawa. Gayunman, may mga tao na nakalilimot ng kanilang lugar sa sandaling mag-umpisa silang manalangin; ipinagpipilitan nilang pagkalooban sila ng Diyos ng isang bagay, walang-ingat kung ito ba ay naaayon sa sa Kanyang kalooban, at, bilang resulta, humihina ang kanilang mga panalangin sa pagdalangin. Kapag nananalangin ka, anuman ang hinihingi mo sa iyong puso, anuman ang inaasam mo; o, marahil, may suliranin kang nais harapin, ngunit wala kang malinaw na pagkaunawa rito, at hinihiling mo na bigyan ka ng Diyos ng karunungan o lakas, o na bigyan ka Niya ng kaliwanagan—anuman ang iyong kahilingan, dapat ay makatwiran ka sa pagsasabi nito. Kung hindi ka gayon, at lumuhod ka at nagsabing, “O Diyos, bigyan Mo ako ng lakas; hayaan Mong makita ko ang aking likas na pagkatao; nagmamakaawa akong gumawa Ka; nagmamakaawa ako sa Iyo para sa bagay na ito at iyon; nagmamakaawa ako sa Iyo na gawin mo akong ganito-at-ganyan….” Ang “pagmamakaawa” mong iyon ay may katangian ng pamimilit; ito ay isang tangkang pamumuwersa sa Diyos, upang pilitin Siyang gawin kung ano ang gusto mo—na ang mga itinatakda ay pinagpasyahan mo na pala antimano at nang mag-isa. Sa nakikita ng Banal na Espiritu, ano kaya ang epekto ng ganoong klaseng panalangin, kung naitakda mo na ang mga tuntunin at napagpasyahan mo na kung ano ang gusto mong gawin? Dapat manalangin ang sinuman nang may mapaghanap, mapagpakumbabang puso. Kapag may bagay na dumating sa iyo, halimbawa, at hindi ka sigurado kung paano ito harapin, maaaring masabi mo na, “O Diyos! Hindi ko alam kung ano ang gagawin tungkol dito. Nais kong mabigyan Ka ng kaluguran sa bagay na ito, at hanapin ang Iyong kalooban. Mangyari nawa ang Iyong kalooban. Nais ko lamang na matupad ang Iyong kalooban, hindi ang kalooban ko. Nalalaman Mo na ang lahat ng pantaong kalooban ay kasalungat ng sa Iyo, at lumalaban sa Iyo, at hindi naaayon sa katotohanan. Hinihiling Ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan, bigyan mo ako ng paggabay sa bagay na ito, huwag mo akong hayaang magkasala sa Iyo….” Iyan ang angkop na tono para sa isang panalangin. Kung sinasabi mo lamang na, “O Diyos, hinihiling ko na tulungan Mo ako, gabayan Mo ako, pagkalooban Mo ako ng tamang kapaligiran at mga tamang tao, at hayaan mo akong magawa nang mabuti ang aking gawain…,” kung gayon, pagkatapos ng iyong panalangin, hindi mo pa rin nauunawaan ang kalooban ng Diyos, dahil hinihiling mo sa Diyos na gumawa Siya nang ayon sa sarili mong kalooban.

Dapat mo ngayong tiyakin kung ang mga salitang ginagamit mo sa panalangin ay makatwiran. Kung hindi makatwiran ang iyong mga panalangin, kahit pa bunga ito ng iyong kahangalan o ng pagkakasadya, hindi gagawa ang Banal na Espiritu sa iyo. Samakatuwid, kapag nananalangin ka, dapat kang magsalita nang matino, sa isang naaangkop na tono. Sabihin mo ito: “O Diyos! Nababatid mo ang aking mga kahinaan at aking pagiging mapaghimagsik. Hinihiling ko lamang na bigyan Mo ako ng lakas at tulungan Mo akong batahin ang aking kinalalagyan, subalit nang ayon lamang sa Iyong kalooban. Ito lamang ang aking hinihiling. Hindi ko alam kung ano ang Iyong kalooban, subalit matupad din nawa ang Iyong kalooban. Kahit pa papaglingkurin ako, o maging isang hambingan, maluwag sa loob ko itong gagawin. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng lakas at karunungan, at hayaan akong mabigyan ka ng kaluguran sa ganitong bagay. Nais ko lamang na magpasakop sa Iyong mga pagsasaayos….” Pagkatapos ng gayong panalangin, mapapanatag ang iyong puso. Kung ang ginagawa mo lamang ay palaging magmakaawa, kung gayon, gaano man karami ang sabihin mo, lahat ng ito ay magiging mga salitang walang-laman; Hindi gagawa ang Diyos bilang pagtugon sa iyong pagsamo, dahil nakapagpasya ka na kung ano ang gusto mo sa una pa lang. Kapag lumuluhod ka sa panalangin, sabihin mo ito: “O Diyos! Nababatid Mo ang kahinaan ng tao, at nababatid Mo ang mga kalagayan ng tao. Hinihiling ko na bigyan Mo ako ng kaliwanagan sa bagay na ito. Hayaan Mo akong maunawaan ang Iyong kalooban. Nais ko lamang na magpasakop sa lahat ng Iyong isinasaayos; handa ang puso kong sundin Ka….” Manalangin nang gayon, at pakikilusin ka ng Banal na Espiritu. Kung hindi tama ang paraan ng iyong pananalangin, magiging walang pakinabang ang iyong panalangin, at hindi ka mapakikilos ng Banal na Espiritu. Huwag nang magsasasatsat pa at magsalita para iyong sarili—ang gawin iyon ay walang iba kundi pagiging pabaya at padalos-dalos. Gagawa ba ang Banal na Espiritu kung ikaw ay pabaya at padalos-dalos? Kapag lumalapit ang isang tao sa Diyos, dapat ay matuwid at maayos sila, na may debosyon, tulad ng mga pari noong Panahon ng Kautusan, na lahat ay lumuluhod kapag nag-aalay ng haing-sakripisyo. Hindi isang madaling bagay ang manalangin. Paano kaya uubra para sa isang tao ang paglapit sa Diyos nang nakalabas ang kanilang mga pangil at nakaamba ang kanilang matutulis na kuko, o ang manalangin nang nakatihaya, nalalambungan ng kanilang kumot, at naniniwalang naririnig sila ng Diyos? Hindi iyon kabanalan! Ang layunin Ko sa usapang ito ay hindi ang hingin sa mga tao na sumunod sa ilang tiyak na alituntunin; ang pinakasimpleng magagawa ng isang tao ay ihilig ang kanilang puso patungo sa Diyos, at lumapit sa Kanya nang may debosyon.

Hinango mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Napakadalas na wala sa katwiran ang inyong mga panalangin; lagi kayong dumadalangin sa ganitong tono: “Diyos ko! Yamang pinagagampanan Mo sa akin ang tungkuling ito, kailangan Mong gawing angkop ang lahat ng ginagawa ko para hindi maantala ang Iyong gawain at hindi mawalan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Kailangan Mo akong protektahan….” Ang gayong panalangin ay walang-wala sa katwiran, hindi ba? Gagawa ba ang Diyos sa iyo kung lumalapit ka sa Kanya at nananalangin sa ganoong paraan? Makikinig ba Ako kung lumapit ka sa harapan Ko at nagsalita sa ganoong paraan? Sisipain kita papalabas ng pinto! Iba ka ba kapag kaharap mo ang Espiritu kung ikukumpara kapag nasa harapan ka ni Cristo? Kapag lumalapit ang isang tao sa Diyos upang manalangin, dapat nilang isaalang-alang kung paano nila ito maaaring gawin sa makatuwirang paraan, at kung paano nila maaaring isaayos ang kanilang panloob na kalagayan upang makamit ang kabanalan at magawang magpasakop. Kapag nagawa na ito, maaari ka nang magpatuloy at manalangin; mararamdaman mo ang presensya ng Diyos. Sa maraming pagkakataon, lumuluhod ang mga tao sa panalangin; ipinipikit nila ang kanilang mga mata, at wala silang maisip na mga salita kundi, “O Diyos! O Diyos!” Bakit ka sumisigaw nang gayon, walang masabing mga salita, sa loob ng matagal na panahon? Hindi tama ang iyong kalagayan. Nagagawa mo ba ang ganito? Alam mo na ngayon kung ano ang magagawa mo at kung hanggang saan mo ito makakayang gawin, at nagawa mo na ang iyong magagawa, ngunit may mga pagkakataon na malalagay ka sa mga hindi normal na kalagayan. Kung minsan, bagamat maaaring nakaayon ang iyong kalagayan, maaaring hindi mo malaman kung paano ito nangyari, at, mas madalas pa nga, wala kang naiisip na mga salita kapag nananalangin. Baka maisisi mo pa nga ito sa kakulangan mo ng edukasyon. Dapat bang may mataas na pinag-aralan ang isang tao upang makapagdasal? Ang panalangin ay hindi isang sanaysay—magsalita ka lamang nang taos sa puso, na may katwiran ng isang normal na tao. Tingnan mo ang mga panalangin ni Jesus (bagama’t hindi binabanggit dito ang Kanyang mga panalangin para pumalit ang mga tao sa Kanyang lugar o posisyon): Sa Halamanan ng Getsemani, idinalangin Niya, “Kung baga maaari….” Ibig sabihin, “Kung magagawa.” Sinabi ito sa talakayan; hindi Niya sinabing, “Nagsusumamo Ako sa Iyo.” Taglay ang puso at kalagayang nagpapasakop, idinalangin Niya, “Kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayonma’y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Ganito pa rin ang panalangin Niya sa pangalawang pagkakataon, at sa pangatlong pagkakataon idinalangin Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nauunawaan ang mga layon ng Diyos Ama, sinabi Niya, “Mangyari nawa ang Iyong kalooban.” Nagawa Niyang lubos na magpasakop nang hindi gumagawa ng anumang personal na pagpili. Hiniling Niya kung maaaring alisin sa Kanya ng Diyos ang saro. Ano ang ibig sabihin niyon? Nanalangin Siya sa gayong paraan dahil naisip Niya ang malaking pagdurusa ng pagdurugo sa krus hanggang sa Kanyang huling hininga—at patungkol ito sa kamatayan—at dahil hindi pa Niya lubos na naunawaan ang mga layon ng Diyos Ama. Dahil nagawa Niyang manalangin nang gayon sa kabila ng naisip na pagdurusa, talagang nagpasakop Siya nang husto. Ang Kanyang paraan ng panalangin ay normal; hindi Siya nagmungkahi ng anumang mga kundisyon sa Kanyang panalangin, ni hindi Niya sinabing alisin ang saro. Sa halip, ang Kanyang layunin ay hanapin ang kalooban ng Diyos sa isang sitwasyong hindi Niya naunawaan. Nang una Siyang manalangin, hindi Niya naunawaan, at sinabi Niya, “Kung baga maaari … kundi ang ayon sa ibig mo.” Nanalangin Siya sa Diyos nang nasa kalagayang nagpapasakop. Sa pangalawang pagkakataon, nanalangin Siya sa gayon ding paraan. Sa kabuuan, tatlong beses Siyang nanalangin (siyempre, ang tatlong panalanging ito ay hindi nangyari sa loob lamang ng tatlong araw), at sa Kanyang huling panalangin, lubos na Niyang naunawaan ang kalooban ng Diyos, pagkatapos niyon ay hindi na Siya nagsumamo pa ng anumang bagay. Sa Kanyang unang dalawang panalangin, naghahanap lamang Siya, at ginawa Niya ito sa kalagayang nagpapasakop. Gayunman, hindi talaga gayong manalangin ang mga tao. Sa kanilang mga panalangin, sinasabi ng mga tao, “Diyos ko, nagsusumamo ako na gawin Mo ito at iyon, at nagsusumamo ako na gabayan Mo ako sa ganito at ganoon, at nagsusumamo ako na ihanda Mo ang mga kondisyon para sa akin….” Marahil ay hindi Siya naghahanda ng angkop na mga kondisyon para sa iyo at hahayaan kang magdanas ng mga paghihirap. Hindi talaga makatwiran sa mga tao na palaging manalangin na nagsasabing, “Diyos ko, hinihiling ko na gumawa Ka ng mga paghahanda para sa akin at bigyan Mo ako ng lakas.” Kailangan mong maging makatwiran kapag nananalangin ka, at kailangan mong gawin iyon dahil nagpapasakop ka. Huwag magtakda ng mga kondisyon sa iyong mga panalangin. Bago ka pa man magsimulang manalangin, nagtatakda ka na ng mga kondisyon, iniisip na: dapat akong magsumamo sa Diyos at ipagawa sa Kanya ito at iyon. Ang ganitong paraan ng pagdarasal ay talagang hindi makatwiran. Kadalasan, hindi talaga pinapakinggan ng Diyos ang mga panalangin ng mga tao, kaya kapag nananalangin ang mga tao, wala silang anumang nadarama.

Hinango mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ang panananalangin at pagsangguni sa harapan ng Diyos ay hindi tungkol sa pamimilit sa Diyos na gawin ang ganito at ganoon. Ano ang isang makatwirang panalangin? Ano ang hindi makatwirang panalangin? Malalaman mo ang mga bagay na ito pagkatapos magtamo ng karanasan sa loob ng ilang panahon. Halimbawa, pagkatapos mong manalangin, maaaring maramdaman mo na ang Banal na Espiritu ay hindi ginagawa ang ipinagdasal mo ni hindi gumagabay gaya ng ipinagdasal mo. Sa susunod na manalangin ka, hindi ka mananalangin kagaya niyon. Hindi mo pipilitin ang Diyos kagaya ng iyong sinubukan noong nakaraan o hindi hihiling sa Diyos alinsunod sa iyong sariling kalooban. Sasabihin mo: “Diyos ko! Ang lahat ay nangyayari alinsunod sa Iyong kalooban.” Hangga’t nakatuon ka sa ganitong paraan, kung gayon, pagkatapos mangapa nang ilang sandali, malalaman mo kung ano ang kahulugan ng pagiging hindi makatuwiran. Mayroon ding isang kalagayan kung saan ay nararamdaman mo sa iyong espiritu na kapag nananalangin ka alinsunod sa iyong sariling mga kagustuhan, nagiging walang buhay ang iyong mga panalangin, at hindi magtatagal ay makikita mo ang iyong sarili na wala nang masabi. Habang lalo kang nagsasalita, lalo kang naaasiwa sa iyong pananalita. Pinatutunayan nito na kapag nananalangin ka gaya nito, ikaw ay lubos na sumusunod sa laman, at ang Banal na Espiritu ay hindi gagawa o gagabay sa iyo sa gayong paraan. Ito rin ay isang bagay na tungkol sa paghahanap sa at ng karanasan. Kahit na tapos na Akong magsalita sa iyo tungkol dito, malamang na maharap ka sa ilang natatanging sitwasyon sa mararanasan mo. Ang panalangin ay pangunahing tungkol sa pagsasalita nang tapat. “Diyos ko! Nababatid Mo ang katiwalian ng tao. Sa araw na ito ay nakagawa ako ng isa pang hindi makatwirang bagay. Nagkaroon ako ng layunin sa kalooban ko—ako ay isang mapanlinlang na tao. Hindi ako kumilos alinsunod sa Iyong kalooban o sa katotohanan. Kumilos ako ayon sa aking sariling mga layunin, at sinubukang bigyang-katwiran ang aking sarili. Ngayon ay kinikilala ko ang aking katiwalian. Hinihiling ko sa Iyo na mas liwanagan Mo ako at tulutan akong maintindihan ang katotohanan, maisagawa ito, at iwaksi ang mga katiwaliang ito.” Magsalita sa ganitong paraan; magbigay ng makatotohanang salaysay ng mga makatotohanang bagay. Kadalasan, karamihan sa mga tao ay hindi naman tunay na nananalangin, nagbabalik-tanaw lamang sila, na may kaunting kaalaman sa kanilang mga isip at kagustuhang makapagsisi, subalit ni hindi nila pinagnilayan ni naarok ang katotohanan. Ang magnilay-nilay ng mga salita ng Diyos at hanapin ang katotohanan habang nananalangin ay lalong mas malalim kaysa pag-alaala at kaalaman lamang. Ang kasiglahang hatid sa iyo ng gawain ng Banal na Espiritu at ang kaliwanagan at pagpapalinaw na itinutustos ng Kanyang gawain sa iyo sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos ay umaakay sa iyo sa totoong kaalaman at tunay na pagsisisi; higit na malalalim ang mga ito kaysa sa mga kaisipan at kaalaman ng tao. Isa itong bagay na dapat mong malaman nang lubusan. Kung mababaw at gulu-gulong pag-iisip at pagsusuri lamang ang ginagawa mo, wala kang naaakmang landas kung saan magsagawa, at kakaunting progreso lamang ang nagagawa mo tungo sa katotohanan, kung gayon ay mananatili kang walang kakayahang makapagbago.

Hinango mula sa “Ang Kahalagahan ng Panalangin at Pagsasagawa Nito” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Paano mapananatili ng mga tao ang isang relasyon sa Diyos? At sa ano sila dapat umasa upang magawa ito? Dapat silang umasa sa pagsamo sa Diyos, pananalangin sa Diyos, at pakikipagniig sa Diyos sa kanilang mga puso. Sa isang relasyong tulad nito, laging namumuhay ang mga tao sa harap ng Diyos, at napakapayapa ng gayong mga tao. May ilang tao na ginugugol ang lahat ng kanilang oras sa mga panlabas na kilos, nagpapakaabala sa mga panlabas na gawain. Pagkalipas ng isa o dalawang araw na walang espirituwal na buhay, wala silang nadarama; pagkalipas ng tatlo o limang araw, o isa o dalawang buwan, wala pa rin silang nadarama; hindi sila nanalangin, nagsumamo o espirituwal na nakipagniig. Ang pagsamo ay kung may nangyayari sa iyo, at hinihiling mo sa Diyos na tulungan ka, gabayan ka, pagkalooban ka, liwanagan ka, at pahintulutan kang maunawaan ang Kanyang kalooban at malaman kung ano ang dapat gawin ayon sa katotohanan. Mas malawak ang saklaw ng panalangin: Kung minsan sinasabi mo ang mga salita na nasa puso mo, kinakausap ang Diyos tungkol sa iyong mga paghihirap o pagkanegatibo at kahinaan; kaya, gayundin, nananalangin ka sa Diyos kapag ikaw ay suwail, o kung hindi man, sinasabi mo sa Kanya ang mga bagay na nangyayari sa iyo bawat araw, malinaw man ang mga ito sa iyo o hindi. Ito ang pananalangin. Sa madaling salita, ang saklaw ng panalangin ay ang pakikipag-usap at pagbubukas ng puso sa Diyos. Kung minsan, ginagawa ito sa karaniwang panahon, at kung minsan ay hindi; maaari kang manalangin kailanman at saan mo man naisin. Hindi masyadong pormal ang espirituwal na pakikipagniig. Ganito ito kung minsan dahil may problema ka, kung minsan ay hindi. Kung minsan ay may kasama itong mga salita, at kung minsan ay wala. Kapag may problema ka, talakayin mo ito kasama ng Diyos at manalangin; kung wala kang problema, isipin mo kung gaano kamahal ng Diyos ang mga tao, kung gaano ang Kanyang pag-aalala sa mga tao, kung paano Niya sinasaway ang mga tao. Maaari kang makipag-usap sa Diyos sa anumang oras o lugar. Ito ang espirituwal na pakikipagniig. Kung minsan, kapag nasa labas ka at may naiisip kang kung anong bumabagabag sa iyo, hindi mo kailangang lumuhod o ipikit ang iyong mga mata. Kailangan mo lamang sabihin sa Diyos sa puso mo: “O Diyos, mangyaring gabayan mo ako rito. Mahina ako, hindi ko kayang pangibabawan ito.” Maaantig ang puso mo; magsasabi ka lamang ng ilang payak na salita, at alam na ng Diyos. Kung minsan, nasasabik ka sa iyong tahanan at sinasabi mo, “O Diyos! Labis akong nasasabik sa aking tahanan….” Hindi mo sinasabi nang tuwiran kung sino ang kinasasabikan mo. Nalulumbay ka lamang, at sinasabi mo ito sa Diyos. Malulutas lamang ang mga problema kapag mananalangin ka sa Diyos at sasabihin mo kung ano ang nasa puso mo. Malulutas ba ang mga problema sa pakikipag-usap sa ibang tao? Mainam kung makatatagpo ka ng isang taong nauunawaan ang katotohanan, ngunit kung hindi nila ito nauunawaan—kung makatatagpo ka ng isang taong negatibo at mahina—maaari kang magkaroon ng epekto sa kanila. Kung kakausapin mo ang Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng ginhawa, at pupukawin ka. Kung nagagawa mong basahin nang tahimik ang mga salita ng Diyos sa harap ng Diyos, kung gayon ay magagawa mong maunawaan ang katotohanan at lutasin ang problema. Tutulutan ka ng mga salita ng Diyos na makahanap ng daan, na lampasan itong maliit na hadlang. Hindi ka titisurin ng hadlang, hindi ka nito pipigilan, at hindi nito maaapektuhan ang paggawa mo ng iyong tungkulin. May mga pagkakataong bigla kang nalulumbay o nababagabag. Sa ganoong mga panahon, huwag mag-atubiling manalangin sa Diyos. Maaaring hindi ka sasamo sa Diyos, maaaring wala kang ibig gawin ng Diyos o di mo kailangang liwanagan ka Niya—kinakausap mo lamang ang Diyos at binubuksan mo ang iyong puso sa Kanya sa anumang oras, nasaan ka man. Ano ang dapat mong madama sa lahat ng oras? Ito ay, “Lagi kong kasama ang Diyos, hindi Niya ako kailanman iniwan, nadarama ko ito. Saan man ako naroon o anuman ang ginagawa ko—maaaring ako’y nagpapahinga, o nasa isang pagtitipon, o ginagawa ang tungkulin ko—sa puso ko, alam ko na inaakay ng Diyos ang aking kamay, na hindi Niya ako kailanman iniwan.” Kung minsan, sa paggunita ng kung paano mo dinaanan ang bawat araw sa nakaraang mga taon, nadarama mong tumaas na ang katayuan mo, na ginabayan ka ng Diyos, na pinangalagaan ka ng pagmamahal ng Diyos sa buong panahong ito. Kapag iniisip ang mga bagay na ito, nananalangin ka sa iyong puso, nag-aalay ng pasasalamat sa Diyos: “O Diyos, pinasasalamatan Kita! Mahina ako at marupok, lubhang tiwali. Kung wala Ka upang gabayan ako nang ganito, hindi ako aabot sa ngayon nang umaasa lamang sa sarili ko.” Hindi ba ito ang espirituwal na pakikipagniig? Kung makikipagniig nang madalas ang mga tao sa ganitong paraan, hindi ba’t marami silang masasabi sa Diyos? Hindi lilipas ang maraming araw na wala silang masasabi sa Diyos. Kung wala kang masasabi sa Diyos, wala sa puso mo ang Diyos. Kung nasa puso mo ang Diyos, at may pananampalataya ka sa Diyos, magagawa mong sabihin ang lahat ng nasa puso mo sa Kanya, kabilang ang mga bagay na sasabihin mo sa iyong mga kapalagayan ng loob. Kung tutuusin, ang Diyos ay ang pinakamalapit na kapalagayang-loob mo. Kung ituturing mo ang Diyos bilang pinakamalapit mong kapalagayang-loob, bilang pamilya na sinasandigan mo nang higit sa lahat, inaasahan mo nang higit sa lahat, pinagkakatiwalaan mo nang higit sa lahat, pinakatapat, pinakamalapit sa iyo, kung gayon ay magiging imposible para sa iyo na walang masabi sa Diyos. Kung lagi kang may masasabi sa Diyos, hindi ka ba laging mamumuhay sa harap ng Diyos? Kung lagi kang mamumuhay sa harap ng Diyos, sa bawat sandali, mararamdaman mo kung paano ka ginagabayan ng Diyos, kung paano ka Niya alagaan at ingatan, kung paano ka Niya hatdan ng kapayapaan at galak, kung paano ka Niya biyayaan, kung paano ka Niya liwanagan, at kung paano ka Niya sawayin, disiplinahin, linisin, at hatulan at kastiguhin; lahat ng ito ay magiging malinaw at maliwanag sa iyo sa puso mo. Hindi ka lamang basta-bastang dadaan sa bawat araw, nang walang alam, sinasabi lamang na naniniwala ka sa Diyos, ginagawa ang tungkulin mo at dumadalo sa mga pagtitipon para lamang magpakita, binabasa ang mga salita ng Diyos at nananalangin araw-araw, ginagawa ang lahat nang wala sa puso—ang sa iyo ay hindi magiging katulad ng ganitong uri ng panlabas na relihiyosong seremonya. Sa halip, sa puso mo, titingin ka sa Diyos at mananalangin ka sa Diyos sa bawat sandali, makikipagniig ka sa Diyos sa lahat ng panahon, at magagawa mong magpasakop sa Diyos, at mamuhay sa harap ng Diyos.

Hinango mula sa “Kung Hindi Mo Kayang Mamuhay Palagi sa Harap ng Diyos, Ikaw ay Walang Pananalig” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.