Paano dapat kainin at inumin ng tao ang mga salita ng Diyos at pagnilayan ang mga salita ng Diyos

Enero 26, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Nakapasok ka man sa bagong kapanahunang ito ay depende sa kung nakapasok ka sa realidad ng mga salita ng Diyos, kung naging buhay realidad mo ang Kanyang mga salita. Ang mga salita ng Diyos ay ipinapaalam sa bawat tao upang, sa huli, lahat ng tao ay mabuhay sa mundo ng mga salita ng Diyos, at liliwanagan at pagliliwanagin ng Kanyang mga salita ang kalooban ng bawat tao. Kung, sa panahong ito, hindi ka maingat sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, at wala kang interes sa Kanyang mga salita, nagpapakita ito na mali ang iyong kalagayan. Kung hindi ka makapasok sa Kapanahunan ng Salita, hindi gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu; kung nakapasok ka sa kapanahunang ito, gagawin Niya ang Kanyang gawain. Ano ang magagawa mo sa pagsisimula ng Kapanahunan ng Salita upang matamo ang gawain ng Banal na Espiritu? Sa kapanahunang ito, at sa inyo, isasakatuparan ng Diyos ang sumusunod na realidad: na bawat tao ay isasabuhay ang mga salita ng Diyos, maisasagawa ang katotohanan, at taimtim na mamahalin ang Diyos; na gagamitin ng lahat ng tao ang mga salita ng Diyos bilang pundasyon at bilang kanilang realidad, at magkakaroon ng pusong nagpipitagan sa Diyos; at na, sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, gagamitin ng tao ang kapangyarihang maghari kasama ang Diyos. Ito ang gawaing gagawin ng Diyos. Makakaya mo bang magpatuloy nang hindi binabasa ang mga salita ng Diyos? Ngayon, pakiramdam ng marami ay hindi nila kayang magpatuloy nang kahit isa o dalawang araw lamang nang hindi binabasa ang Kanyang mga salita. Kailangan nilang basahin ang Kanyang mga salita araw-araw, at kung hindi tutulutan ng panahon, sasapat nang makinig sila sa mga ito. Ito ang pakiramdam na ibinibigay ng Banal na Espiritu sa mga tao, at ito ang paraan na sinisimulan Niya silang antigin. Ibig sabihin, pinamamahalaan Niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salita, nang sa gayon ay makapasok sila sa realidad ng mga salita ng Diyos. Kung, pagkaraan ng kahit isang araw lamang na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, makadarama ka ng kadiliman at pagkauhaw, at hindi mo ito matatagalan, ipinakikita nito na naantig ka na ng Banal na Espiritu, at na hindi ka pa Niya tinatalikuran. Ikaw, kung gayon, ay isang tao na nasa daloy na ito. Gayunman, kung pagkaraan ng isa o dalawang araw nang hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, wala kang anumang nadarama, kung hindi ka nauuhaw, at ni hindi ka man lamang naaantig, nagpapakita ito na tinalikuran ka na ng Banal na Espiritu. Nangangahulugan ito, kung gayon, na may hindi tama sa kalagayang nasa iyong kalooban; hindi ka pa nakapasok sa Kapanahunan ng Salita, at isa ka sa mga yaong naiwan. Gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pamahalaan ang mga tao; maganda ang iyong pakiramdam kung kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, at kung hindi, wala kang landas na susundan. Ang mga salita ng Diyos ay nagiging pagkain ng mga tao, at ang puwersang nagtutulak sa kanila. Sinasabi sa Biblia na “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawa’t salitang lumalabas sa bibig ng Diyos.” Ngayon, tatapusin ng Diyos ang gawaing ito, at isasakatuparan Niya ang katotohanang ito sa inyo. Paano nakakatagal ang mga tao nang maraming araw, noong araw, nang hindi nagbabasa ng mga salita ng Diyos subalit nakakakain at nakakagawa pa rin tulad ng dati, ngunit hindi ganito ang nangyayari ngayon? Sa kapanahunang ito, mga salita lamang ang ginagamit ng Diyos upang pamahalaan ang lahat. Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, hinahatulan at ginagawang perpekto ang tao, pagkatapos ay dinadala sa kaharian sa huli. Mga salita lamang ng Diyos ang makatutustos sa buhay ng tao, at mga salita lamang ng Diyos ang makakapagbigay sa tao ng liwanag at isang landas para magsagawa, lalo na sa Kapanahunan ng Kaharian. Basta’t hindi ka napapalayo mula sa realidad ng mga salita ng Diyos, araw-araw kang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita, magagawa kang perpekto ng Diyos.

Ang paghahangad na mabuhay ay hindi isang bagay na maaaring madaliin; ang paglago sa buhay ay hindi nangyayari sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Ang gawain ng Diyos ay normal at praktikal, at may isang proseso itong kailangang pagdaanan. Kinailangan ni Jesus na nagkatawang-tao ng tatlumpu’t tatlo’t kalahating taon upang makumpleto ang Kanyang gawaing maipako sa krus—kaya paano naging napakahirap na gawin itong pagdadalisay sa tao at pagbabago ng kanyang buhay? Hindi madaling gumawa ng isang normal na tao na naghahayag ng Diyos. Totoo ito lalo na para sa mga taong isinisilang sa bansa ng malaking pulang dragon, na mahina ang kakayahan at nangangailangan ng matagal na panahon ng mga salita at gawain ng Diyos. Kaya huwag kang mainip na makakita ng mga resulta. Kailangan kang maging maagap sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, at higit na magsikap sa mga salita ng Diyos. Kapag natapos mong basahin ang Kanyang mga salita, kailangan mong tunay na maisagawa ang mga iyon, lumago sa kaalaman, kabatiran, paghiwatig, at karunungan sa mga salita ng Diyos. Sa pamamagitan nito, magbabago ka nang hindi mo namamalayan. Kung nagagawa mong tanggapin bilang prinsipyo mo ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pagbasa sa mga ito, pag-alam sa mga ito, maranasan ito, at pagsasagawa ng mga ito, lalago ka nang hindi mo namamalayan. May mga nagsasabi na hindi nila naisasagawa ang mga salita ng Diyos kahit matapos nila itong basahin. Bakit ka nagmamadali? Kapag naabot mo ang isang tiyak na tayog, magagawa mong isagawa ang Kanyang mga salita. Masasabi ba ng isang apat- o limang-taong-gulang na bata na hindi nila magawang suportahan o bigyang-dangal ang kanilang mga magulang? Dapat mong malaman kung gaano kataas ang iyong kasalukuyang tayog. Isagawa kung ano ang kaya mong isagawa, at iwasang maging isang tao na gumagambala sa pamamahala ng Diyos. Kainin at inumin lamang ang mga salita ng Diyos, at tanggapin iyon bilang iyong prinsipyo mula ngayon. Huwag kang mag-alala, sa ngayon, kung magagawa kang ganap ng Diyos. Huwag mo munang tuklasin iyon. Kumain at uminom lamang ng mga salita ng Diyos habang dumarating sa iyo ang mga iyon, at titiyakin ng Diyos na magawa kang ganap. Gayunman, may isang prinsipyong kailangan mong sundin sa pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Huwag mo itong gawin nang pikit-mata. Sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, sa isang dako, hanapin ang mga salitang dapat mong malaman—ibig sabihin, yaong may kaugnayan sa mga pangitain—at sa kabilang dako, hangaring malaman yaong dapat mong aktwal na isagawa—ibig sabihin, kung ano ang dapat mong pasukin. Ang isang aspeto ay may kinalaman sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Kapag naintindihan mo iyang pareho—kapag naintindihan mo kung ano ang dapat mong malaman at kung ano ang dapat mong isagawa—malalaman mo kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Sa mga prinsipyo ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, ang isa ay may kaugnayan sa kaalaman, at ang isa pa ay sa pagpasok. Aling mga salita ang dapat mong malaman? Dapat mong malaman ang mga salitang may kaugnayan sa mga pangitain (tulad ng, yaong mga may kaugnayan sa kung aling kapanahunan ang napasok na ngayon ng gawain ng Diyos, ano ang nais makamit ng Diyos ngayon, ano ang pagkakatawang-tao, at iba pa; lahat ng ito ay may kaugnayan sa mga pangitain). Ano ang ibig sabihin ng landas na dapat pasukin ng tao? Tumutukoy ito sa mga salita ng Diyos na dapat isagawa at pasukin ng tao. Nasa itaas ang dalawang aspeto ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Mula ngayon, kainin at inumin ang mga salita ng Diyos sa ganitong paraan. Kung mayroon kang malinaw na pagkaunawa sa Kanyang mga salita tungkol sa mga pangitain, hindi na kailangang patuloy na magbasa sa lahat ng oras. Napakahalagang kumain at uminom ng iba pang mga salita tungkol sa pagpasok, tulad ng paano ibaling ang puso mo sa Diyos, paano patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos, at paano talikdan ang laman. Ito ang mga bagay na dapat mong isagawa. Kung hindi mo alam kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, imposible ang tunay na pagbabahagi. Kapag alam mo na kung paano kumain at uminom ng Kanyang mga salita, kapag naintindihan mo na kung ano ang mahalaga, magiging malaya ang pagbabahagi, at anumang isyu ang dumating, magagawa mong ibahagi at maintindihan ang realidad. Kung, kapag nagbabahagi ng mga salita ng Diyos, wala kang realidad, hindi mo pa naiintindihan kung ano ang mahalaga, na nagpapakita na hindi mo alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos. Maaaring nakakapagod para sa ilan ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos, na hindi isang normal na kalagayan. Ang normal ay hindi mapagod kailanman sa pagbasa sa mga salita ng Diyos, palaging mauhaw para sa mga ito, at palaging iniisip na mabuti ang mga salita ng Diyos. Ganito kumain at uminom ng mga salita ng Diyos ang isang taong tunay na nakapasok. Kapag nadarama mo na ang mga salita ng Diyos ay masyadong praktikal at siya mismong dapat pasukin ng tao; kapag nadarama mo na napakalaking tulong at kapaki-pakinabang sa tao ang Kanyang mga salita, at na ang mga ito ang panustos sa buhay ng tao—ang Banal na Espiritu ang nagbibigay sa iyo ng damdaming ito, at ang Banal na Espiritu ang umaantig sa iyo. Pinatutunayan nito na ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa iyo at na hindi ka pa tinalikuran ng Diyos. Ang ilang tao, na nakikita na ang Diyos ay laging nagsasalita, ay nagsasawa sa Kanyang mga salita, at iniisip na walang kahihinatnan kung basahin man nila ang mga ito o hindi—na hindi isang normal na kalagayan. Wala silang pusong nauuhaw na makapasok sa realidad, at ang gayong mga tao ay hindi nauuhaw ni nagpapahalaga na magawa silang perpekto. Tuwing nasusumpungan mo na hindi ka uhaw sa mga salita ng Diyos, nagpapakita ito na hindi normal ang iyong kalagayan. Noong araw, malalaman kung tumalikod na ang Diyos sa iyo kung payapa ang iyong kalooban at nakaranas ka ng kasiyahan. Ngayon ang mahalaga ay kung uhaw ka sa mga salita ng Diyos, kung ang Kanyang mga salita ay iyong realidad, kung ikaw ay tapat, at kung nagagawa mo ang lahat ng makakaya mo para sa Diyos. Sa madaling salita, hinahatulan ang tao sa pamamagitan ng realidad ng mga salita ng Diyos. Itinutuon ng Diyos ang Kanyang mga salita sa buong sangkatauhan. Kung handa kang basahin ang mga ito, liliwanagan ka Niya, ngunit kung hindi, hindi Niya gagawin iyon. Nililiwanagan ng Diyos ang mga nagugutom at uhaw sa katuwiran, at nililiwanagan Niya ang mga naghahanap sa Kanya. Sinasabi ng ilan na hindi sila niliwanagan ng Diyos kahit matapos nilang basahin ang Kanyang mga salita. Ngunit sa paanong paraan mo binasa ang mga salitang ito? Kung binasa mo ang Kanyang mga salita sa paraang tinitingnan ng isang taong nakakabayo ang mga bulaklak, at hindi pinahalagahan ang realidad, paano ka maliliwanagan ng Diyos? Paano Niya magagawang perpekto ang isang taong hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos? Kung hindi mo pinahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi mapapasaiyo ang katotohanan ni ang realidad. Kung pinahahalagahan mo ang Kanyang mga salita, maisasagawa mo ang katotohanan, at saka lamang mapapasaiyo ang realidad. Kaya nga kailangan mong kainin at inumin ang mga salita ng Diyos sa lahat ng oras, abala ka man o hindi, masama man ang iyong sitwasyon o hindi, at sinusubukan ka man o hindi. Sa kabuuan, ang mga salita ng Diyos ang pundasyon ng pag-iral ng tao. Walang sinumang maaaring tumalikod sa Kanyang mga salita, kundi kailangang kumain ng Kanyang mga salita tulad ng pagkain nang tatlong beses sa isang araw. Ganoon ba kadaling magawang perpekto at maangkin ng Diyos? Nauunawaan mo man o hindi sa ngayon, at mayroon ka mang kabatiran sa gawain ng Diyos o wala, kailangan mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos hangga’t maaari. Ito ang pagpasok sa isang maagap na paraan. Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, magmadaling isagawa kung ano ang kaya mong pasukin, at pansamantalang isantabi kung ano ang hindi mo kayang pasukin. Maaaring marami sa mga salita ng Diyos ang hindi mo maunawaan sa simula, ngunit pagkaraan ng dalawa o tatlong buwan, marahil ay kahit isang taon, mauunawaan mo ito. Paano mangyayari ito? Ito ay dahil hindi magagawang perpekto ng Diyos ang mga tao sa loob ng isa o dalawang araw. Madalas, kapag binasa mo ang Kanyang mga salita, maaaring hindi mo ito maunawaan kaagad. Sa sandaling iyon, maaaring tila mga salita lamang ang mga iyon; kailangan mong maranasan ang mga iyon nang ilang panahon bago mo maunawaan ang mga iyon. Dahil napakarami nang nasabi ng Diyos, dapat mong gawin ang lahat upang kainin at inumin ang Kanyang mga salita, at pagkatapos, hindi mo namamalayan, mauunawaan mo ang mga ito, at hindi mo namamalayan, liliwanagan ka ng Banal na Espiritu. Kapag nililiwanagan ng Banal na Espiritu ang tao, madalas ay lingid ito sa kaalaman ng tao. Nililiwanagan at ginagabayan ka Niya kapag ikaw ay nauuhaw at naghahanap. Ang prinsipyo kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu ay nakasentro sa mga salita ng Diyos na iyong kinakain at iniinom. Lahat ng hindi nagpapahalaga sa mga salita ng Diyos at palaging iba ang saloobin tungkol sa Kanyang mga salita—na naniniwala, sa kanilang magulong pag-iisip, na walang halaga kung binabasa nila ang Kanyang mga salita o hindi—ay yaong mga walang realidad. Hindi makikita ang gawain ng Banal na Espiritu ni ang kaliwanagang hatid Niya sa gayong tao. Ang mga taong katulad nito ay nagpapadala lamang sa agos, mga mapagpanggap na walang totoong mga kakayahan, tulad ni Mr. Nanguo sa talinghaga.[a]

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Tuwing ikaw ay kumakain at umiinom ng isang sipi ng mga salita ng Diyos, kung nagagawa mong maunawaan ang gawaing kasalukuyan Niyang isinasagawa at matututuhan kung paano manalangin, paano makipagtulungan, at paano makapasok, saka lamang magkakaroon ng mga bunga ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos. Kapag nagawa mo, sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, na mahanap ang landas ng pagpasok at mahiwatigan ang kasalukuyang takbo ng gawain ng Diyos, gayundin ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, nakapasok ka na sa tamang landas. Kung hindi mo pa nauunawaan ang mga pangunahing punto habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos at, pagkatapos, hindi mo pa rin masumpungan ang landas tungo sa pagsasagawa, ipapakita niyan na hindi mo pa rin alam kung paano kumain at uminom ng mga salita ng Diyos nang wasto, at na hindi mo pa natutuklasan ang pamamaraan o prinsipyo para magawa ito.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

Kapag kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos, kailangan mong sukatin ang realidad ng sarili mong kalagayan kumpara sa mga ito. Ibig sabihin, kapag natuklasan mo ang iyong mga pagkukulang habang dumaranas ng totoo mong realidad, kailangang makaya mong makakita ng isang landas ng pagsasagawa, na talikuran ang iyong mga maling motibo at kuru-kuroa. Kung lagi kang nagsisikap para sa mga bagay na ito at buong pusong nagsisikap tungo sa pagkakamit ng mga ito, magkakaroon ka ng landas na susundan, hindi ka makararamdam ng kahungkagan, at sa gayo’y magagawa mong manatili sa isang normal na kalagayan. Saka ka lamang magiging isang tao na nagdadala ng pasanin sa sarili mong buhay, na may pananampalataya. Bakit kaya hindi magawa ng ilang tao, matapos basahin ang mga salita ng Diyos, na isagawa ang mga ito? Hindi ba dahil hindi nila natatarok ang pinakamahahalagang bagay? Hindi ba dahil hindi sila seryoso sa buhay? Kaya hindi nila natatarok ang mahahalagang bagay at wala silang landas sa pagsasagawa ay dahil kapag binabasa nila ang mga salita ng Diyos, hindi nila maiugnay ang sarili nilang mga kalagayan sa mga ito, ni nasusupil ang sarili nilang mga kalagayan. Sinasabi ng ilang tao: “Binabasa ko ang mga salita ng Diyos at iniuugnay ang aking kalagayan sa mga ito, at alam ko na ako ay tiwali at kulang sa kakayahan, nguni’t hindi ko kayang bigyang-kasiyahan ang kalooban ng Diyos.” Panlabas pa lang ang nakita mo; maraming totoong bagay na hindi mo alam: paano isantabi ang mga kasiyahan ng laman, paano isantabi ang pagmamagaling, paano baguhin ang iyong sarili, paano pumasok sa mga bagay na ito, paano dagdagan ang iyong kakayahan, at saang aspeto magsisimula. Natatarok mo lang ang ilang bagay sa panlabas, at ang alam mo lang ay na talagang napakatiwali mo. Kapag nakikipagkita ka sa iyong mga kapatid, nagsasalita ka tungkol sa kung gaano ka katiwali, at mukhang kilala mo ang sarili mo at mabigat ang pasaning dinadala mo sa buhay. Sa katunayan, hindi nagbago ang iyong tiwaling disposisyon, na nagpapatunay na hindi mo pa natatagpuan ang landas sa pagsasagawa.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa 7

Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas bibigat ang iyong pasanin, at kapag mas mabigat ang iyong pasanin, mas yayaman ang iyong karanasan. Kapag isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, bibigyan ka ng Diyos ng isang pasanin, at pagkatapos ay liliwanagan ka tungkol sa mga gawaing naipagkatiwala Niya sa iyo. Kapag ibinigay ng Diyos ang pasaning ito sa iyo, papansinin mo ang lahat ng nauugnay na katotohanan habang kumakain at umiinom ka ng mga salita ng Diyos. Kung mayroon kang pasanin na may kaugnayan sa kalagayan sa buhay ng iyong mga kapatid, ito ay isang pasanin na naipagkatiwala sa iyo ng Diyos, at palagi mong dadalhin ang pasaning ito sa iyong mga dalangin sa araw-araw. Ang ginagawa ng Diyos ay naipagkatiwala na sa iyo, at handa kang isakatuparan yaong nais gawin ng Diyos; ito ang ibig sabihin ng dalhin na parang iyo ang pasanin ng Diyos. Sa puntong ito, sa iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa ganitong klase ng mga isyu, at iisipin mo, Paano ko lulutasin ang mga problemang ito? Paano ko mabibigyan ng kakayahan ang aking mga kapatid na magkamit ng paglaya at makasumpong ng espirituwal na kasiyahan? Magtutuon ka rin sa paglutas ng mga problemang ito habang nakikibahagi, at habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, magtutuon ka sa pagkain at pag-inom ng mga salitang nauugnay sa mga isyung ito. Magdadala ka rin ng isang pasanin habang kumakain at umiinom ng Kanyang mga salita. Kapag naunawaan mo na ang mga hinihingi ng Diyos, magkakaroon ka ng mas malinaw na ideya tungkol sa landas na tatahakin. Ito ang kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu na dulot ng iyong pasanin, at ito rin ang patnubay na ipinagkaloob ng Diyos sa iyo. Bakit Ko sinasabi ito? Kung wala kang pasanin, hindi ka magbibigay-pansin habang kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos; kapag ikaw ay kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos habang nagdadala ng isang pasanin, mauunawaan mo ang diwa ng mga ito, mahahanap ang iyong daan, at isasaisip ang kalooban ng Diyos. Samakatuwid, sa iyong mga dalangin, dapat mong hilingin na dagdagan ng Diyos ang iyong mga pasanin at ipagkatiwala sa iyo ang mas mabibigat na gawain, para sa hinaharap, maaari kang magkaroon ng iba pang landas ng pagsasagawa; para ang iyong pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay magkaroon ng mas matinding epekto; para maunawaan mo ang diwa ng Kanyang mga salita; at para mas makayanan mong maantig ng Banal na Espiritu.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

Kung magagawa sa tamang paraan, ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos ay makatutulong sa iyo para maunawaan ang katotohanan. Gayunpaman, ang simpleng pag-unawa sa katotohanan ay hindi nangangahulugang magagawa mong pumasok sa katotohanang realidad. May mga taong may magandang katangian ngunit hindi iniibig ang katotohanan; kahit na nagagawa nilang maunawaan nang kaunti ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa. Magagawa ba ng ganoong mga tao ang pumasok sa katotohanang realidad? Ang pag-unawa sa katotohanan ay hindi kasingsimple ng pag-unawa sa mga doktrina. Para maunawaan ang katotohanan, kailangan mong malaman kung paano kainin at inumin ang mga salita ng Diyos. Gawin nating halimbawa ang pagkain at pag-inom ng isang sipi hinggil sa katotohanan ng pag-ibig para sa Diyos. Sinasabi ng salita ng Diyos: “Ang ‘pag-ibig,’ ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin. Sa pag-ibig walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang agwat. Sa pag-ibig walang paghihinala, walang pandaraya, at walang katusuhan. Sa pag-ibig walang kalakalan at walang karumihan.” Ganito ipinakakahulugan ng Diyos ang pag-ibig, at ito ang katotohanan. Ngunit sino ang dapat mong ibigin? Dapat mo bang ibigin ang iyong asawang lalaki? Ang iyong asawang babae? Ang iyong mga kapatid? Hindi. Kapag nangungusap ang Diyos ng tungkol sa pag-ibig, nangungusap Siya hindi ng pag-ibig para sa iyong kapwa tao, kundi ng pag-ibig ng tao sa Diyos. Ang pag-ibig na ito ay tunay na pag-ibig. Paano mo mauunawaan ang katotohanang ito? Nangangahulugan itong nais ng Diyos na huwag Siyang pagdudahan ng tao o ilayo ang kanilang sarili sa Kanya, kundi magkaroon ng pag-ibig sa Kanya na dalisay at walang bahid. Ang ibig sabihin ng “walang bahid” ay walang mararangyang mga pagnanasa at walang mga mararangyang hiling sa Diyos, hindi naglalatag ng mga kondisyon sa Kanya, at hindi gumagawa ng anumang mga dahilan. Nangangahulugan itong nangunguna Siya sa iyong puso; nangangahulugan itong tanging ang mga salita Niya ang nananahan sa iyong puso. Ito ay damdaming dalisay at walang bahid. Ang damdaming ito ay nananahan sa isang tiyak na lugar sa iyong puso; lagi Mo Siyang iniisip at nangungulila sa Kanya; at nagagawang isipin Siya sa bawat sandali. Ang umibig ay nangangahulugang umibig sa pamamagitan ng iyong puso. Ang umibig sa pamamagitan ng iyong puso ay may kasamang pagiging mapagbigay, pag-aaruga, at pananabik. Upang magtagumpay sa pag-ibig sa pamamagitan ng puso, dapat kang sumailalim sa isang proseso ng pagkaalam. Sa kasalukuyan, habang may kaunti kang kaalaman sa Diyos, dapat mong gamitin ang iyong puso para asamin Siya, para panabikan Siya, para sundin Siya, para maging mapagbigay sa Kanya, para manalangin sa Kanya, at para magsumamo sa Kanya; dapat mo ring magawang makibahagi sa Kanyang mga iniisip at inaalala. Dapat mong isapuso ang mga ito. Huwag basta sa salita lamang, at sabihing: “Minamahal na Diyos! Ginagawa ko ito para sa Iyo, ginagawa ko iyan para sa Iyo!” Tanging ang pag-ibig at pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng iyong puso ang totoo. Kahit na hindi mo sinasabi nang malakas, mayroon kang Diyos sa iyong puso, iniisip mo Siya sa iyong puso. Kaya mong isuko ang iyong asawang lalaki, asawang babae, iyong mga anak, iyong mga magulang; ngunit hindi kaya ng puso mong wala ang Diyos. Kung wala ang Diyos, sadyang hindi ka mabubuhay. Nangangahulugan itong mayroon kang pag-ibig, at mayroon kang Diyos sa iyong puso. “Ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging maalalahanin.” Kasama nito ang maraming bagay. Ang tunay na pag-ibig ang hinihingi ng Diyos sa tao; sa madaling salita, dapat mong ibigin at alagaan Siya gamit ang iyong puso, at laging Siyang isaisip. Hindi lamang ito nangangahulugang bibigkasin ang mga salita, ni hindi rin nangangahulugang kung paano mo inihahayag ang iyong sarili sa iyong tindig; bagkus, nangangahulugan itong una sa lahat, ay ang paggawa ng mga bagay gamit ang iyong puso, at pagpapahintulot sa iyong pusong mamahala sa lahat ng iyong kilos. Sa paggawa ng mga bagay sa ganitong paraan, walang pag-uudyok, walang pandaraya, walang pagdududa; ang pusong gaya nito ay higit na mas dalisay. Paano naipahahayag ang mga alinlangan sa iyong puso? Naipahahayag sila kapag lagi mong iniisip, “Tama ba para sa Diyos na gawin ito? Bakit ito sinasabi ng Diyos? Kung walang dahilan sa pagsasabi ng Diyos nito, hindi ko ito susundin. Kung hindi makatarungan para sa Diyos ang gawin ito, hindi ako susunod. Aayawan ko ito sa ngayon.” Ang hindi pagkimkim ng mga alinlangan ay nangangahulugang pagkilala na anumang sabihin at gawin ng Diyos ay tama, at walang tama o mali sa Diyos. Dapat sundin ng tao ang Diyos, maging mapagbigay sa Diyos, pasiyahin ang Diyos, at makibahagi sa Kanyang mga iniisip at inaalala. Makabuluhan man sa iyo o hindi ang lahat ng ginagawa ng Diyos, katanggap-tanggap man ito o hindi sa mga kuru-kuro at guni-guni ng tao, at may katuturan man ito sa tao, maaari kang sumunod lagi at magkaroon ng mapitagan at masunuring puso para sa mga bagay na ito. Hindi ba naaayon sa katotohanan ang ganitong pagsasagawa? Hindi ba ito pagpapakita at pagsasagawa ng pag-ibig? Samakatuwid, kung mula sa mga salita ng Diyos ay hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos at ang mga hangarin sa likod ng Kanyang mga pagbigkas, kung hindi mo nauunawaan ang mga mithiin at resultang hinahangad na makamit ng Kanyang mga salita, kung hindi mo nauunawaan ang hinahanap na maisakatuparan at maperpekto ng Kanyang mga salita sa tao, kung hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito, kung gayon pinatutunayan nito na hindi mo pa naiintindihan ang katotohanan. Bakit sinasabi ng Diyos ang Kanyang sinasabi? Bakit Siya nagsasalita sa ganoong tono? Bakit Siya’y napakamasigasig at taos sa bawa’t salitang Kanyang sinasambit? Bakit Niya pinipiling gamitin ang ilang salita? Alam mo ba? Kung hindi mo masabi nang may katiyakan, ibig sabihin nito ay hindi mo nauunawaan ang kalooban ng Diyos o ang Kanyang mga hangarin, hindi mo nauunawaan ang konteksto sa likod ng Kanyang mga salita. Kung hindi mo ito naiintindihan, kung gayon paano mo matatamo ang katotohanan? Ang ibig sabihin ng pagtatamo ng katotohanan ay pag-unawa sa kahulugan ng Diyos sa pamamagitan ng bawa’t salitang Kanyang sinasabi; ang ibig sabihin nito ay naisasagawa mo ang mga salita ng Diyos sa sandaling naunawaan mo na ang mga ito, para maisabuhay mo ang mga salita ng Diyos at maging iyong realidad. Kapag mayroon ka nang lubos na pagkaunawa sa salita ng Diyos, saka mo lamang tunay na mauunawaan ang katotohanan.

Hinango mula sa “Yaon Lamang mga May Katotohanang Realidad ang May Kakayahang Mamuno” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung nais mong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, dapat mo munang maunawaan ang katotohanan, at mas sikaping hanapin ang katotohanan. Isang mahalagang bahagi ng paghahanap sa katotohanan ang matutuhan kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Ang layunin ng pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos ay ang maunawaan ang totoong kahulugan sa likod ng mga salitang ito: Sa pamamagitan ng paghahanap, malalaman mo ang kahulugan ng mga pahayag ng Diyos, kung ano ang hinihingi Niya, at kung ano ang Kanyang kalooban sa mga salitang ito—ito ang ibig sabihin ng maunawaan ang realidad ng katotohanan. Sa sandaling maunawaan mo ang realidad ng katotohanan, magagawa mong maunawaan ang mga prinsipyo ng pagsasagawa, at gayundin, makakamit mo ang pagpasok sa katotohanang realidad. Sa ganitong paraan at nang hindi namamalayan, maliliwanagan ka sa mga bagay na hindi mo dati nauunawaan, makakakuha ka ng mga bagong kabatiran, at unti-unting magiging realidad mo ang mga ito.

Hinango mula sa “Nagmumula ang Landas sa Madalas na Pagninilay-Nilay sa Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung nais mong hanapin ang katotohanan, kung nais mong maunawaan at makamit ang katotohanan, dapat mong matutuhan kung paano tumahimik sa harap ng Diyos, kung paano pagnilayan ang katotohanan, at kung paano pagnilayan ang mga salita ng Diyos. Mayroon bang mga kailangang sundin na pormalidad upang pagnilayan ang katotohanan? Mayroon bang anumang mga patakaran? Mayroon bang anumang mga limitasyon sa oras? Kailangan mo ba itong gawin sa isang partikular na lugar? Hindi—ang mga salita ng Diyos ay maaaring pagnilayan sa anumang oras o lugar. Kung gumugol kayo ng mas kaunting oras sa inyong mga karaniwang saloobin na walang laman at sa inyong mga guniguni, at ginamit ito upang pagnilayan ang katotohanan, gaano karaming oras sa isang araw ang hindi masasayang bilang bunga? Anong ginagawa ng mga tao kapag nag-aaksaya sila ng oras? Ginugugol nila ang buong araw sa pakikipagkwentuhan at pakikipagtsismisan, ginagawa lamang kung ano ang kinagigiliwan nila, sumasali lamang sa mga kalokohan, iniisip lamang ang mga walang silbing bagay ng mga panahong lumipas, at iniisip kung ano ang mangyayari sa kanilang hinaharap, kung magiging saan ang kaharian sa hinaharap, kung saan naroroon ang impiyerno—hindi ba’t kalokohan ang mga ito? Kung ang oras na ito ay ginugugol sa mga positibong bagay—kung tahimik ka sa harap ng Diyos, gumugugol ng mas maraming oras sa pagninilay sa mga salita ng Diyos at pagbabahagi ng katotohanan, pinagninilayan ang bawat kilos mo, at iniaangat ito sa harapan ng Diyos para sa Kanyang pagsusuri, at pagkatapos ay tinitingnan kung mayroong anumang malalaking isyu na hindi mo napagtanto o nakilala, tinitingnan nang partikular ang mga kritikal na larangan kung saan ka naging pinakamapanghimagsik sa Diyos, at naghahanap ng kaukulang mga salita ng Diyos upang malutas ang mga ito—kung gayon, unti-unti kang papasok sa katotohanang realidad.

Ano ang kasama sa pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos? Kasama rito ang pagtataguyod sa tinatawag na mga pang-espirituwal na termino at doktrina na madalas ninyong binibigkas, at ang mga pang-espirituwal na prinsipyo sa pagsasagawa na madalas ninyong pinaniniwalaang wasto, at pagdarasal sa pagbasa: “Malinaw sa akin ang teorya ng mga espirituwal na parirala at terminolohiyang ito, mayroon akong mahusay na pagkaunawa sa kanilang literal na kahulugan, ngunit paano ang kanilang realidad? Paano ko dapat isagawa ang mga ito?” Ganoon ang pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos; magsimula sa aspetong ito. Kung, kapag naniniwala sila sa Diyos, hindi alam ng mga tao kung paano pagnilayan ang Kanyang mga salita, mahihirapan sila nang husto sa pagpasok at pag-unawa sa katotohanan. Kung walang kakayahan ang mga tao na tunay na maunawaan ang katotohanan, makakapasok ba sila sa katotohanang realidad? Kung hindi sila makakapasok sa katotohanang realidad, makakamit ba nila ang katotohanan? Kung hindi makakamit ng mga tao ang katotohanan, at hindi makakapasok sa katotohanang realidad, mabibigyan ba nila ng kasiyahan ang kalooban ng Diyos? Magiging napakahirap nito. Tingnan ang madalas na ulitin na mga salitang “katakutan ang Diyos at iwasan ang kasamaan” bilang halimbawa: Dapat mong pagnilayan ang mga salitang ito, at sabihin sa sarili mo, “Ano ang pagkatakot sa Diyos? Kung may sabihin akong mali, ito ba ay pagkatakot sa Diyos o hindi? Ang pagsasalita ba kung gayon ay paggawa ng masama, o paggawa ng mabuti? Tinatandaan ba ito ng Diyos? Isinusumpa ba ito ng Diyos? Anong mga bagay ang masama? Ang mga sarili ko bang ideya, pangganyak, kaisipan, pananaw, ang nagtutulak at mga pinagmulan ng mga bagay na sinasabi at ginagawa ko, ang iba’t ibang disposisyong inihahayag ko—itinuturing bang masama ang mga ito? Alin sa mga ito ang sinasang-ayunan ng Diyos? Alin ang kinamumuhian ng Diyos? Alin ang isinusumpa ng Diyos? Sa aling mga bagay mayroong malaking pagkakataon na makagawa ako ng matinding pagkakamali?” Karapat-dapat na isaalang-alang ang lahat ng ito. Palagi ba ninyong pinagninilayan ang katotohanan? Gaano karaming oras ang inyong nasayang? Gaano karaming mga bagay tungkol sa katotohanan, tungkol sa pananampalataya sa Diyos, tungkol sa pagpasok sa buhay, tungkol sa takot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan, ang napag-isipan na ninyo? Kapag nagbunga na ang inyong pagninilay sa mga salita ng Diyos o pagninilay sa mga bagay tungkol sa pananampalataya sa Diyos at sa katotohanan, makakamit ninyo ang pagpasok sa buhay. Hindi pa rin ninyo alam kung paano pagnilayan ang mga bagay na ito ngayon, at hindi pa ninyo nakakamit ang pagpasok sa buhay. Kapag natamo na ng isang tao ang pagpasok sa buhay, at nagagawang pagnilayan ang mga salita ng Diyos, at pag-isipan ang mga isyu, nagsimula na siya kung gayon na pumasok sa katotohanang realidad.

Hinango mula sa “Nagmumula ang Landas sa Madalas na Pagninilay-Nilay sa Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Ano ba ang salita ng Diyos? Ito ang realidad ng lahat ng positibong bagay; ito ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na ipinagkakaloob ng Diyos sa tao. Ang mga salita ng Diyos ay hindi mga doktrina, kasabihan, o argumento, ni hindi sila isang uri ng pilosopiya at pagkatuto. Sa halip ay may kinalaman ang mga ito sa buhay at pag-iral ng tao, sa kanyang pag-uugali at disposisyon, sa lahat ng ibinubunyag ng tao, at sa mga ideya at opinyon na nabubuo sa puso ng tao at umiiral sa kanyang pag-iisip. Kung hindi nakatali sa mga bagay na ito ang iyong pagninilay-nilay sa mga salita ng Diyos, at kung hindi ka nakatali sa mga ito habang binabasa mo ang Kanyang mga salita at nakikinig sa mga sermon at nakikipagbahagian, magiging mababaw at limitado ang maaari mong maunawaan. Dapat ninyong matutuhan kung paano pagnilay-nilayan ang mga salita ng Diyos. Napakahalaga nito. Maraming paraan upang magnilay-nilay ng mga salita ng Diyos: Maaari mo silang basahin nang tahimik at manalangin sa iyong puso, hinahanap ang kaliwanagan at pagpapalinaw mula sa Banal na Espiritu; maaari ka ring makipagbahagian at manalanging-nagbabasa kasama ng mga naghahanap ng katotohanan; at, siyempre, maaari mong isama ang mga pagbabahagi at sermon sa iyong pagninilay-nilay upang palalimin ang iyong pagkaunawa at pagpapahalaga sa mga salita ng Diyos. Ang mga paraan ay marami at nagkakaiba-iba. Sa madaling salita, kung sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nais ng isang tao na makamit ang pagkaunawa tungkol sa mga ito, napakahalaga na magnilay-nilay at manalanging-nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Ang layunin ng pananalangin nang binabasa ang mga salita ng Diyos ay hindi upang bigkasin ang mga ito, ni kabisaduhin ang mga ito; kundi, ito ay upang matamo ang tumpak na pagkaunawa sa mga salitang ito pagkatapos na manalanging-nagbabasa at mapagnilay-nilayan ang mga ito at upang malaman ang kahulugan ng mga salitang ito na sinalita ng Diyos, pati na ang Kanyang hangarin. Ito ay upang hanapin doon ang landas kung saan dapat magsagawa ang isang tao, at upang maiwasang lumiko sa sariling daan. Dagdag pa rito, ito ay upang magawang makilala ang lahat ng iba’t ibang uri ng kalagayan at uri ng mga tao na nabunyag sa mga salita ng Diyos, upang mahanap ang tumpak na landas ng pagsasagawa sa pagtrato sa bawat isang uri ng tao. Kasabay nito, ito ay upang maiwasang maligaw at maiapak ang paa sa landas na kinasusuklaman ng Diyos. Sa sandaling matutuhan mo kung paano manalanging-nagbabasa at kung paano magnilay-nilay ng mga salita ng Diyos, at gawin ito nang madalas, saka lamang maaaring mag-ugat ang mga salita ng Diyos sa iyong puso at maging buhay mo.

Hinango mula sa Pagbabahagi ng Diyos

Alinmang aspeto ng katotohanang realidad ang narinig mo, kung pinanghahawakan mo ito, kung isinasagawa mo ang mga salitang ito sa iyong buhay, at ginagamit ang mga ito sa iyong pagsasagawa, tiyak na may pakinabang kang makukuha, at tiyak na magbabago ka. Kung isinisiksik mo lang ang mga salitang ito sa iyong tiyan, at kinakabisado ang mga ito sa iyong ulo, hindi ka kailanman magbabago. Habang nakikinig sa mga sermon, dapat mong pagnilayang mabuti: “Anong uri ng kalagayan ang tinutukoy ng mga salitang ito? Anong aspekto ng diwa ang tinutukoy nila? Sa anong mga bagay ko dapat gamitin ang aspektong ito ng katotohanan? Sa tuwing may gagawin ako na may kinalaman sa aspektong ito ng katotohanan, naisasagawa ko ba ito nang alinsunod dito? At kapag isinasagawa ko na ito, nakaayon ba ang aking kalagayan sa mga salitang ito? Kung hindi, dapat ba akong maghanap, makibahagi, o maghintay?” Nagsasagawa ka ba sa ganitong paraan sa inyong buhay? Kung hindi ganito, walang Diyos at walang katotohanan sa inyong buhay. Nabubuhay kayo batay sa mga titik at doktrina o batay sa inyong sariling mga interes, lakas ng loob, at kasiglahan. Ang mga hindi nagtataglay ng katotohanan bilang realidad ay ang mga walang realidad, at ang mga taong hindi nagtataglay ng mga salita ng Diyos bilang kanilang realidad ay mga taong hindi nakapasok sa Kanyang salita.

Hinango mula sa “Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Tapat” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Kung hindi nagsisikap ang mga tao na malaman ang katotohanan, sa malao’t madali ay babagsak sila, at mahihirapang tumayo nang matatag. Ito ay dahil kapag sumasapit sa kanila ang mga pagsubok, hindi dedepende ang solusyon sa ilang titik at doktrina. Hindi malulutas ng mga titik at doktrina ang mga tunay na problema! Kailangan mong magkaroon ng malinaw na pag-unawa sa bawat katotohanan, na regular na pinag-iisipan ang mga ito, upang maunawaan mo ang mga ito sa iyong puso at malaman ang mga ito sa loob at labas; doon mo lamang malalaman kung ano ang gagawin kapag may nangyari sa iyo. Ngunit makakamit mo ba ang mga katotohanang ito kung hindi mo pag-aaralan ang mga ito? Kung hindi mo pagninilayan ang mga ito, gaano man karami ang naririnig mo, o gaano man karami ang masasabi mo tungkol sa mga ito, literal na kahulugan lamang ang matatamo mo. Ang literal na mga kahulugang ito ay madalas kang bibigyan ng maling akala na nagbunga na ang pananampalataya mo sa Diyos, at na napakataas ng reputasyon mo, dahil mayroon kang silakbo ng damdamin at sigla—ngunit sa sandaling may mangyari sa iyo, matutuklasan mo na ang literal na mga kahulugang ito ay hindi kayang garantiyahan na malalampasan mo nang maayos ang bawat pagsubok o pagsusuri. Madalas malito ang mga tao kapag may nangyayari sa kanila, na nag-iisip, “Ano ang dapat kong gawin tungkol dito? Kailangan kong magmadaling hanapin ang mga salita ng Diyos at tukuyin ang iba’t ibang mga prinsipyo. Aling aspeto ng katotohanan ang tumutugma rito?” Sa gayong mga pagkakataon mapagtatanto mo na nasangkapan mo ang iyong sarili ng napakakaunting katotohanan, na napakakaunti ng nauunawaan mo sa mga katotohanang realidad. Kadalasan ay natutuklasan lamang ito ng mga tao kapag nangangailangan sila. Kapag hindi, palagi nilang iniisip na nasangkapan na nila ang kanilang sarili ng maraming katotohanan, na nag-umaapaw sa kanila ang katotohanan. Ano ang nag-uumapaw sa kanila? Mga titik at doktrina, mga kababawan. Nagkakamali silang madama na nag-uumpaw sa kanila ang katotohanan; kapag pakiramdam mo ay nag-uumapaw sa iyo ang katotohanan, nanganganib ka. Ngunit kung pakiramdam mo ay wala kang silbi, na marami kang hindi nauunawaan, magagawa mong pagbulayan kung paano makapasok. Kung palagi mong iniisip na taglay mo na ang katotohanan, na nag-uumapaw na ito sa iyo, na mayroon ka nang sapat, na kilala mo ang iyong sarili, at mahal mo ang Diyos, at magagawa mo ang lahat para sa Diyos, tanda ito ng panganib. Habang lalo mo itong iniisip, lalo itong nagpapatunay na wala kang nauunawaan, na wala kang anumang mga katotohanang realidad. Pag-isipan itong mabuti. Alamin kung paano pagnilayan ang katotohanan; napakahalagang bahagi ito ng buhay ng mga taong naniniwala sa Diyos.

Hinango mula sa “Nagmumula ang Landas sa Madalas na Pagninilay-Nilay sa Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Talababa:

a. Wala sa orihinal na teksto ang pariralang “sa talinghaga.”

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman