Ang mga ugnayang interpersonal ay marupok at kailangang masusing alagaan. May posibilidad na makipagtalo ang mga tao at mag-away-away para sa kapakanan ng mga interes sa anumang sandali. May mga nagiging magkaaway pa nga. Maaari mo bang talakayin kung paano magkakasundo ang mga tao?

Enero 27, 2022

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Walang kabuktutan o panlilinlang sa mga disposisyon ng normal na mga tao, normal ang relasyon ng mga tao sa isa’t isa, hindi sila nag-iisa, at ang kanilang buhay ay hindi karaniwan ni bulok. Gayundin naman, dinadakila ang Diyos sa lahat; ang Kanyang mga salita ay lumalaganap sa tao, namumuhay ang mga tao nang payapa sa piling ng isa’t isa at sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos, ang lupa ay puspos ng pagkakasundo, na walang panghihimasok ni Satanas, at ang kaluwalhatian ng Diyos ang itinuturing na pinakamahalaga sa tao. Ang gayong mga tao ay parang mga anghel: dalisay, masigla, hindi kailanman nagrereklamo tungkol sa Diyos, at inilalaan ang lahat ng pagsisikap nila para lamang sa kaluwalhatian ng Diyos sa lupa.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 16

Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, tutukoy lamang ang lahat ng ito sa isang pilosopiya ng tao sa pamumuhay. Pinananatili mo ang iyong katayuan sa mga tao sa pamamagitan ng isang pananaw ng tao at isang pilosopiya ng tao upang purihin ka ng mga tao, ngunit hindi mo sinusunod ang salita ng Diyos para magtatag ng mga normal na kaugnayan sa mga tao. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao kundi magpapanatili ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay ang puso mo sa Diyos at matututong sundin Siya, natural lamang na magiging normal ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao. Sa ganitong paraan, hindi itinatatag ang mga kaugnayang ito sa laman, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos walang pakikipag-ugnayan sa laman, ngunit sa espiritu ay may pagsasamahan, pagmamahalan, kapanatagan sa isa’t isa, at paglalaan para sa isa’t isa. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng isang pusong nakakalugod sa Diyos. Ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pag-asa sa pilosopiya ng tao sa pamumuhay, kundi likas na likas na nabubuo sa pamamagitan ng pagdadala ng isang pasanin para sa Diyos. Hindi nito kinakailangan ang pagsisikap na gawa ng tao. Kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos. Handa ka bang isaalang-alang ang kalooban ng Diyos? Handa ka bang maging isang taong “walang katwiran” sa harap ng Diyos? Handa ka bang ibigay nang lubusan ang puso mo sa Diyos at balewalain ang iyong katayuan sa mga tao? Sa lahat ng taong nakakasalamuha mo, kanino ka may pinakamagagandang kaugnayan? Kanino ka may pinakamasasamang kaugnayan? Normal ba ang mga kaugnayan mo sa mga tao? Tinatrato mo ba nang pantay-pantay ang lahat ng tao? Pinananatili mo ba ang iyong mga kaugnayan sa iba ayon sa iyong pilosopiya sa pamumuhay, o nakatatag ba ang mga ito sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos? Kapag hindi ibinibigay ng isang tao ang kanyang puso sa Diyos, ang kanyang espiritu ay nagiging mapurol, manhid at walang malay. Hindi mauunawaan ng ganitong klaseng tao ang mga salita ng Diyos kailanman at hindi magkakaroon ng normal na kaugnayan sa Diyos kailanman; ang disposisyon ng ganitong klaseng tao ay hindi kailanman magbabago.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Ang isang normal na kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay itinatatag sa pundasyon ng pagbibigay ng kanilang puso sa Diyos, at hindi sa pamamagitan ng pagsisikap ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanilang puso, ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga tao ay mga kaugnayan lamang ng laman. Hindi normal ang mga ito, kundi sa halip ay pagpapalayaw sa pagnanasa ng laman. Mga kaugnayan ang mga ito na kinamumuhian ng Diyos, na Kanyang kinasusuklaman. Kung sasabihin mo na ang iyong espiritu ay naantig, ngunit gusto mo palaging makisalamuha sa mga taong gusto mo, sa sinumang tinitingala mo, at kung may ibang taong naghahangad ngunit hindi mo sila gusto, at mayroon ka pang ayaw sa kanila at ayaw mo silang pakisamahan, dagdag na patunay ito na maramdamin ka at ni wala ka man lang normal na kaugnayan sa Diyos. Tinatangka mong linlangin ang Diyos at ikubli ang sarili mong kapangitan. Kahit may maibabahagi kang kaunting pagkaunawa subalit mali ang iyong mga layon, lahat ng ginagawa mo ay mabuti lamang ayon sa mga pamantayan ng tao. Hindi ka pupurihin ng Diyos—kumikilos ka ayon sa laman, hindi ayon sa pasanin ng Diyos. Kung nagagawa mong patahimikin ang puso mo sa harap ng Diyos at mayroon kang normal na pakikipag-ugnayan sa lahat ng nagmamahal sa Diyos, saka ka lamang angkop na kasangkapanin ng Diyos. Sa ganitong paraan, gaano ka man nakikisalamuha sa iba, hindi ito magiging ayon sa isang pilosopiya sa pamumuhay, kundi magiging sa harap ng Diyos, pamumuhay sa isang paraan na nagsasaalang-alang sa Kanyang pasanin. Ilan ang mga taong kagaya nito sa inyo? Talaga bang normal ang mga kaugnayan mo sa iba? Sa anong pundasyon nakatatag ang mga ito? Ilang pilosopiya sa pamumuhay ang nasa iyong kalooban? Itinakwil mo na ba ang mga ito? Kung hindi lubos na makabaling ang puso mo sa Diyos, hindi ka maka-Diyos—mula ka kay Satanas, at ibabalik ka kay Satanas sa bandang huli. Hindi ka karapat-dapat na makabilang sa mga tao ng Diyos. Lahat ng ito ay nangangailangan ng iyong maingat na pagsasaalang-alang.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos

Kapag naging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos, magkakaroon ka rin ng normal na mga kaugnayan sa mga tao. Lahat ay itinatatag sa pundasyon ng mga salita ng Diyos. Kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, pagkatapos ay isagawa ang mga kinakailangan ng Diyos, itama ang iyong mga pananaw, at iwasang gumawa ng anuman upang kalabanin ang Diyos o gambalain ang iglesia. Huwag gumawa ng anumang hindi mapapakinabangan sa buhay ng iyong mga kapatid, huwag magsalita ng anumang hindi nakakatulong sa iba, at huwag gumawa ng anumang kahiya-hiya. Maging makatarungan at marangal sa lahat ng bagay na ginagawa mo at tiyakin na bawat kilos mo ay kaaya-aya sa harap ng Diyos. Bagama’t maaaring mahina ang laman kung minsan, kailangan mong magawang unahin ang mga interes ng pamilya ng Diyos, nang walang pag-iimbot para sa sarili mong kapakinabangan, at kailangan mong makakilos nang matuwid. Kung makapagsasagawa ka sa ganitong paraan, magiging normal ang iyong kaugnayan sa Diyos.

Sa lahat ng ginagawa mo, kailangan mong siyasatin kung ang iyong mga layunin ay tama. Kung nagagawa mong kumilos ayon sa mga kinakailangan ng Diyos, ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal. Ito ang pinakamababang pamantayan. Usisain mo ang iyong mga layunin, at kung malaman mo na nagkaroon ng mga maling layunin, talikuran mo ang mga ito at kumilos ka ayon sa mga salita ng Diyos; sa gayon ay magiging isa kang taong matuwid sa harap ng Diyos, na nagpapakita naman na ang iyong kaugnayan sa Diyos ay normal, at na lahat ng iyong ginagawa ay para sa kapakanan ng Diyos, hindi para sa iyong sariling kapakanan. Sa lahat ng iyong ginagawa at lahat ng iyong sinasabi, itama ang iyong puso at maging matuwid sa iyong mga kilos, at huwag patangay sa iyong mga damdamin, ni huwag kumilos ayon sa sarili mong kalooban. Ito ang mga prinsipyong kailangang sundin ng mga sumasampalataya sa Diyos sa kanilang pag-uugali.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?

Nasa anong pangkat ka man, kung kaya mong pagtagumpayan ang inggit, mga alitan, panunuya, at panghahamak na umiiral sa pagitan ng mga tao, at ang iba pang uri ng pananakit at mga pamamaraan na ginagamit ng mga tao sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa, kung kaya mong matukoy ang mga ito, at di mapamahalaan ng mga bagay na ito, at harapin ang mga ito nang tama, nang hindi bumabalik sa pagiging mainitin ang dugo, pagiging natural, o isang tiwaling disposisyong sataniko, ang iyong mga ugnayan sa ibang mga tao ay magiging normal, at sa kabuuan, magagawa mong makisama nang maayos sa iba. Kung maayos ang pakikisama mo sa pangkaraniwang tao, at hindi ka nakokontrol o nagugulo ng sinumang tao, anumang suliranin, o bagay kapag may kasama kang ibang tao, kung gayon ang kalagayan mo ay magiging normal, at mamumuhay ka sa harapan ng Diyos. Saanman may mga tao ay magkakaroon ng pagtatalo. Kung hindi ka namumuhay alinsunod sa katotohanan kapag may mga pagtatalo, masasangkot ka sa mga ito. Ano ba ang napapaloob sa mga pagtatalo? Sigalot, inggit, galit, panghahamak, pakikipagtagisan, panghuhusga sa isa’t isa, pakikipagpaligsahan sa isa’t isa para sa mas mataas na posisyon, paghahambing ng mga kaloob, kakayahan, pangangatawan, kagandahan, kakayahan, kalagayan, reputasyon, tungkulin, kung kaninong talumpati ang mas may bigat, kung sino ang mas kapaki-pakinabang, at kung sino ang mas malakas. Ginugugol mo ang buong araw sa paghahambing sa sarili mo sa iba sa mga bagay na ito, nasasangkot sa ganitong mga pagtatalo, walang kakayahan sa karaniwang buhay espirituwal, at sa pagkakaroon ng normal na kapayapaan sa harap ng Diyos. Sa iyong puso, madalas kang masasangkot sa ganitong mga pagtatalo, sa mga pag-aaway at alitan, na hindi lamang makapananakit sa iyo, kundi sa iba rin, at kaya naman hindi ka kailanman makahaharap sa Diyos. Kapag may nagsabi ng hindi mabuti sa iyo, magiging negatibo ka; kapag mayroong mas magaling sa iyo, mas may kakayahan kaysa sa iyo, at may mas mabilis na pag-iisip kaysa sa iyo, nababalisa ka, at gusto mong makipagpaligsahan sa kanila. Nakaaawa, nakapapagod, at masakit na paraan ng pamumuhay ang laging maipit sa ganitong mga kalagayan. At hindi ba ito nakagagambala sa espirituwal na buhay? Kung hindi mo magagawang hanapin ang daan para makaalis dito, madalas na makararanas ng kawalan ang buhay mo.

mula sa “Ang Pinakamahalagang Prinsipyo para sa Pagsasagawa ng Pagpasok sa Katotohanang Realidad” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Kung nais ng dalawang tao na magkasundo, kailangan nilang buksan ang kanilang mga puso sa isa’t isa; higit na kailangan ito ng mga taong sama-samang gagawa nang may pagkakasundo. Kung minsan, kapag nag-uugnayan ang dalawang tao, hindi nagtutugma ang kanilang mga personalidad, o hindi nagtutugma ang mga kapaligiran, karanasan o kalagayang pang-ekonomiya ng mga pamilya nila. Gayunman, kung kayang buksan ng dalawang taong iyon ang kanilang puso sa isa’t isa at magiging lubos na bukas tungkol sa kanilang mga suliranin, at makikipag-usap nang walang kasinungalingan o panlilinlang, at magagawang ipakita ang kanilang puso sa isa’t isa, sa ganitong paraan, sila ay magiging tunay na magkaibigan, na ang ibig sabihin ay magiging matalik na magkaibigan sila. Marahil, kapag iyong isang tao ay nahihirapan, ikaw ang hahanapin niya at wala nang iba. Kahit na pagsabihan mo siya, alam niyang nagsasabi ka ng totoo, dahil alam niyang isa kang matapat na tao na may pusong taos. Kaya ba ninyong maging ganitong mga tao? Kayo ba ay ganitong mga tao? Kung hindi, hindi ka matapat na tao. Kapag nakikipag-ugnayan ka sa iba, kailangan mo munang ipakita sa kanila ang iyong tunay na nararamdaman at ang iyong katapatan. Kung, habang nagsasalita at nakikipag-ugnayan at nakikipagtulungan sa iba, ang mga salita ng isang tao ay walang ingat, mabulaklak, kaaya-aya ngunit mababaw, pambobola, hindi responsable, at kathang-isip, o kung nagsasalita lamang siya upang makakuha ng pabor sa iba, ang kanyang mga salita ay walang anumang kredibilidad, at hindi siya tapat ni bahagya. Ito ang paraan niya ng pakikipag-ugnayan sa ibang tao, maging sinuman ang mga ibang taong iyon. Mayroon bang tapat na puso ang ganitong tao? Ang taong ito ay hindi tapat.

mula sa “Sa Pamamagitan Lamang ng Pagiging Matapat Maaaring Makapamuhay na Tulad ng Isang Tunay na Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Labis nang nagawang tiwali ni Satanas ang mga tao, at nagkukulang sila sa pag-unawa ng katotohanan, kaya kailangang magparaya sa lahat ng klase ng tao—at ano ang naging kapalit ng maraming taon Ko ng pagpaparaya? Nagpaparaya ako sa lahat; mapagparaya ako sa lahat, at hindi kailanman malupit; nagbibigay at nakikisalamuha ako sa mga tao, marahang nagbibigay-direksyon sa usapan, nagpapabatid sa kanila, nagpapaunawa sa kanila ng dahilan sa likod ng mga bagay, at ganito akong makitungo sa lahat. Kung walang umuubra, anuman ang sabihin ko, hinahayaan ko ang mga ito. Huwag maging mataas ang tingin mo sa iyong sarili na kapag hindi ka pinakinggan ng iba, sumasama ang loob mo at pakiramdam mo ay nagdusa ka sa matinding panghahamak. Hindi ito mahalaga. Ang bagay na napakahalaga ay na anuman ang gawin mo, gawin mo ito sa harap ng Diyos; ipaalam mo ang tungkol sa sarili mo sa Diyos. Lahat ng ginagawa mo ay dapat na makabubuti sa iba. Sa inyo, marahil ay may pagkamabigat ang hinihinging ito, ngunit ito ay dahil nagkukulang ang mga tao sa ganoong pagkatao at tayog. Higit sa lahat, dapat mong isaalang-alang kung paano mapananatili ang normal na kalagayan habang namumuhay ka sa harap ng Diyos. Ano ang kailangan mong gawin kapag tila sasabog na ang pagiging natural at pagiging mainitin ang dugo? Magmadali ka sa harap ng Diyos at tawagin mo ang pangalan Niya. Kapag tinawag mo ang pangalan Niya, mararamdaman mong mawawala at maglalaho ang iyong galit at sama ng loob. Saan napupunta ang mga ito? Bakit bigla na lamang hindi mo na maalala ang mga kakaibang saloobin at mga teoryang nasa isipan mo? Ano ang nangyayari? Inaalis ng Diyos ang lahat ng mga bagay na ginawa ni Satanas, at ang mga pangangatuwiran at mga bagay na nakapagpapainit ng dugo sa isipan ng tao, na nagbibigay sa iyo ng kapayapaan at kaligayahan, pinapayapa ang iyong puso nang paunti-unti, at sinasabi mo sa sarili mo: “Paano ako naging napakapusok ngayon lang? Paano ako naging napakahangal? Napakahunghang? Ano ang naging halaga noon? Galit na galit ako—mabuti na lamang at tinawag ko ang Diyos at tinulungan Niya ako at binigyan ng lakas; naroon talaga ang Diyos, sa likuran ko. Pinangalagaan Niya ako at pinigilan ako sa pagkakasala laban sa Kanya. Talagang nadarama ko ang kanyang biyaya.” Ang pagpaparaya, pagmamahal, at habag ng Diyos ay walang hanggan, at kailangang matutunan ng mga taong humarap sa Diyos upang humingi ng mga ito at tanggapin ang mga ito. Hangga’t mayroon kang pananampalataya at katapatan, ibibigay ng Diyos sa iyo ang mga bagay na ito, at tutulungan kang makamit ang lahat ng ito. Hindi magagawa ng isang tao ang ganoong mga bagay, ngunit kaya ito ng Diyos. Kaya bago ka gumawa ng anuman, dapat mo munang pag-isipan kung ito ay talagang kinakailangan. Kung hindi mo pa ito masyadong napag-iisipan, siguruhin mong payapa ka. Bago ang lahat ng ginagawa mo, bago ka sumabog sa init ng dugo mo, kailangan mo munang pakalmahin ang iyong sarili, tawagin ang pangalan ng Diyos, at isipin kung ang ginagawa mo ay alinsunod sa Kanyang kalooban; kung ang ginagawa mo ay hindi kasiya-siya sa Diyos, tutulungan ka Niyang supilin ang init ng dugo mo, nang paunti-unti, at ayusin ang sitwasyon. May pakinabang ba ito sa iyo? Kung ang mga tao ay masyadong mailap kapag sila ay magkakasama, mahihirapan silang bumalik sa pinakaunang kalagayan ng kanilang ugnayan, kaya, kapag ikaw ay pabulalas na, kapag malapit nang sumabog ang pagiging natural at ang init ng ng dugo mo, at kapag ang pagiging natural at init ng dugong ito ay makasasakit ng kapwa, dapat ay mag-isip ka sandali, at siguruhing mas magdasal sa Diyos. Ang mga kapatid sa simbahan, mga miyembro ng pamilya—dapat na makitungo ka nang maayos sa kanilang lahat. Ito ang pinakamaliit na kailangan. Kapag naayos ng isang tao ang mga ugnayang ito, ang tayog nila ay magiging husto at talagang magkakaroon sila ng kakayahan na tumanggap ng mga gawain at magdala ng pananagutan, at matatanggap nila ang tagubilin ng Diyos.

mula sa “Ang Pinakamahalagang Prinsipyo para sa Pagsasagawa ng Pagpasok sa Katotohanang Realidad” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply