Gumawa ang Diyos ng mga Kasuotang Balat Para kina Adan at Eba

Abril 18, 2018

Genesis 3:20–21 At tinawag na Eba ni Adan ang kanyang asawa; sapagkat siya ang naging ina ng lahat ng mga nabubuhay. At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila’y dinamitan.

Tingnan natin itong pangatlong pahayag, na nagsasabing totoong may kahulugan sa likod ng pangalan na ibinigay ni Adan kay Eba. Ipinakikita dito na pagkatapos nilikha, may sariling mga kaisipan si Adan at nakakaintindi ng maraming bagay. Ngunit sa ngayon, hindi natin pag-aaralan o sasaliksikin kung ano ang kanyang naintindihan o kung gaano karami ang kanyang naintindihan, dahil hindi ito ang pangunahing punto na nais Kong talakayin sa ikatlong pahayag. Kaya ano ang pangunahing punto na gusto Kong bigyang-diin? Tingnan natin ang linyang, “At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila’y dinamitan.” Kung hindi natin tatalakayin ang tungkol sa linyang ito sa Kasulatan sa atin pagbabahaginan sa araw na ito, marahil ay hindi ninyo kailanman mauunawaan ang mas malalim na implikasyon ng mga salitang ito. Una, hayaan ninyong magbigay Ako ng ilang palatandaan. Ilarawan sa inyong isipan ang Halamanan ng Eden, kung saan nakatira sina Adan at Eba. Binisita sila ng Diyos ngunit nagtago sila dahil sila ay hubad. Hindi sila makita ng Diyos, at matapos Niya silang tawagin, sinabi nila, “Hindi kami mangangahas na makita Kayo dahil ang mga katawan namin ay hubad.” Hindi sila nangahas na makita ang Diyos dahil sila ay hubad. Kaya ano ang ginawa ng Diyos na si Jehova para sa kanila? Ang sabi sa orihinal na teksto: “At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila’y dinamitan.” Mula rito, nauunawaan ba ninyo kung ano ang ginamit ng Diyos sa paggawa ng mga damit nila? Gumamit ang Diyos ng mga balat ng hayop para gumawa ng mga damit nila. Ang ibig sabihin, gumawa ang Diyos ng mga balabal na balahibo para maisuot ng tao. Ito ang mga unang piraso ng damit na ginawa ng Diyos para sa tao. Ang balabal na balahibo ay isang mamahaling damit sa kasalukuyang mga pamantayan at isang bagay na hindi kakayaning bilhin ng lahat para maisuot. Kung may magtatanong sa iyo: “Ano ang mga unang piraso ng damit na isinuot ng ating mga ninuno?” Maaari kang sumagot ng: “Ito ay isang balabal na balahibo.” “Sino ang gumawa ng balabal na balahibong ito?” Maaari kang tumugon ng: “Ang Diyos ang gumawa nito!” Iyan ang pangunahing punto rito: Ang damit na ito ay ginawa ng Diyos. Hindi ba ito isang bagay na marapat talakayin? Matapos marinig ang paglalarawan Ko, may imahe bang nabuo sa inyong isipan? Dapat ay mayroon kayong malabong bakas man lamang nito kahit papaano. Ang dahilan ng pagsasabi nito sa inyo sa araw na ito ay hindi upang ipaalam sa inyo kung ano ang unang piraso ng damit ng tao. Kung gayon ay ano ang punto? Hindi iyong balabal na balahibo ang punto, ngunit kung paano nalaman ng tao—alinsunod sa inihayag ng Diyos sa Kanyang ginawa rito—ang Kanyang disposisyon, kung ano ang mayroon Siya, ang kung ano Siya.

“At iginawa ng Diyos na si Jehova si Adan at ang kanyang asawa ng mga kasuotang balat at sila’y dinamitan.” Sa tagpong ito, anong uri ng papel ang nakikita nating ginampanan ng Diyos noong kasama Niya sina Adan at Eba? Sa anong paraan ipinamalas ng Diyos ang Kanyang sarili, sa mundong ito na may dadalawang tao lamang? Ipinamalas ba Niya ang Kanyang sarili bilang isang Diyos? Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Hongkong, mangyaring sumagot kayo. (Bilang isang magulang.) Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Timog Korea, sa anong uri ng pagganap sa palagay ninyo ang pagpapakita ng Diyos? (Pinuno ng pamilya.) Mga kapatirang lalaki at babae mula sa Taiwan, ano sa palagay ninyo? (Bilang isang kapamilya nina Adan at Eba, bilang isang miyembro ng pamilya.) Sa palagay ng ilan sa inyo ang Diyos ay nagpapakita bilang isang kapamilya nina Adan at Eba, habang ang ilan ay nagsasabing nagpapakita ang Diyos bilang pinuno ng pamilya at ang sabi ng iba bilang isang magulang. Ang lahat ng ito ay napakaangkop. Ngunit nakikita ba ninyo kung ano ang ipinupunto Ko? Nilikha ng Diyos ang dalawang taong ito at itinuring silang mga kasama Niya. Bilang nag-iisa nilang kapamilya, inalagaan ng Diyos ang kanilang mga buhay at tinustusan ang mga pangangailangan nila sa pagkain, damit, at tirahan. Dito, nagpapakita ang Diyos bilang magulang nila Adan at Eba. Habang ginagawa ito ng Diyos, hindi nakikita ng tao kung gaano katayog ang Diyos; hindi niya nakikita ang kataas-taasang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang pagiging mahiwaga, at lalo nang hindi ang Kanyang poot o kamahalan. Ang nakikita lamang niya ay ang pagpapakumbaba ng Diyos, ang Kanyang pagsuyo, ang Kanyang malasakit para sa tao at ang Kanyang pananagutan at paglingap para sa kanya. Ang saloobin at paraan ng pakikitungo ng Diyos kina Adan at Eba ay katulad ng pagpapakita ng malasakit ng mga magulang para sa kanilang mga anak. Ganito rin ang paraan ng pagmamahal, pagsubaybay, at pagmamalasakit ng mga magulang para sa kanilang mga sariling anak na lalaki at babae—totoo, nakikita, at konkreto. Sa halip na ilagay ang Sarili Niya sa isang mataas at makapangyarihan na katayuan, personal na ginamit ng Diyos ang mga balat upang gumawa ng damit para sa tao. Hindi mahalaga kung ang balabal na balahibong ito ay ginamit upang takpan ang kanilang kahinhinan o sanggahan sila mula sa lamig. Ang mahalaga ay itong damit na ginamit upang takpan ang katawan ng tao ay ginawa ng Diyos gamit ang sarili Niyang mga kamay. Sa halip na likhain ito na gamit lamang ang isip o mahimalang mga pamamaraan, gaya ng nasa imahinasyon ng mga tao na gagawin ng Diyos, lehitimong ginawa ng Diyos ang isang bagay na sa palagay ng tao ay hindi magagawa at hindi dapat gawin ng Diyos. Maaaring tila walang halaga ito—marahil sa palagay ng ilan ay hindi na nga dapat pang banggitin ito—ngunit hinahayaan nito ang lahat ng sumusunod sa Diyos na dati ay puno ng malalabong kaisipan tungkol sa Kanya na magkaroon ng kabatiran sa Kanyang pagiging totoo at kaibig-ibig, at upang makita ang Kanyang katapatan at kababaang-loob. Nagagawa nitong payukuin dahil sa hiya ang mapagmataas na ulo ng mga lubhang napakayabang na tao na nag-iisip na sila’y mataas at malakas sa harap ng pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos. Dito, nakatutulong pa ang pagiging totoo at pagpapakumbaba ng Diyos upang maipakita sa mga tao kung gaano Siya kaibig-ibig. Kasalungat nito, ang “napakalaking” Diyos, “kaibig-ibig” na Diyos, at Diyos na “makapangyarihan sa lahat” sa puso ng mga tao ay naging mababaw at pangit, at gumuguho sa pinakamagaan na paghipo. Kapag nakita mo ang bersikulong ito at narinig ang kuwentong ito, bumababa ba ang tingin mo sa Diyos dahil ginawa Niya ang ganoong bagay? May ilang tao ang maaaring ganoon, ngunit kabaligtaran ang magiging tugon ng iba. Iisipin nila na ang Diyos ay totoo at kaibig-ibig, at ang mismong pagkatotoo at pagiging kaibig-ibig ng Diyos ang tumitinag sa kanila. Habang lalo nilang nakikita ang tunay na panig ng Diyos, lalo nilang mapahahalagahan ang tunay na pag-iral ng pag-ibig ng Diyos, ang kahalagahan ng Diyos sa kanilang mga puso, at kung paano Siya nananatili sa tabi nila sa bawat sandali.

Iugnay natin ngayon ang ating talakayan sa kasalukuyan. Kung kaya ng Diyos na gawin ang iba’t ibang maliliit na bagay na ito para sa mga taong nilikha Niya sa simula’t simula, kahit ang ilang bagay na hindi kailanman mangangahas ang mga taong isipin o asahan, kung gayon ay maaari kayang gawin ng Diyos ang ganoong mga bagay para sa mga tao sa kasalukuyan? Sabi ng ilan, “Oo!” Bakit ganoon? Dahil ang diwa ng Diyos ay hindi huwad, at ang Kanyang pagiging kaibig-ibig ay hindi peke. Ang diwa ng Diyos ay tunay na umiiral at hindi isang bagay na idinagdag ng iba, at tiyak na hindi isang bagay na nagbabago kasabay ng mga pagbabago sa oras, lugar, at mga kapanahunan. Ang pagiging totoo at kaibig-ibig ng Diyos ay maaaring maipakita sa pamamagitan lamang ng paggawa ng isang bagay na sa palagay ng mga tao ay karaniwan at walang halaga—isang bagay na napakaliit na hindi man lang iniisip ng mga tao na gagawin Niya kailanman. Ang Diyos ay hindi mapagpanggap. Walang pagmamalabis, pagbabalatkayo, pagmamataas, o pagmamayabang sa Kanyang disposisyon at diwa. Hindi Siya kailanman naghambog, ngunit sa halip ay nagmamahal, nagpapakita ng malasakit, nagsusubaybay, at pinangungunahan ang mga taong Kanyang nilikha nang may katapatan at pagiging taos-puso. Kahit gaano man kaliit ang mapahalagahan, madama, o makita ng mga tao sa ginagawa ng Diyos, tiyak na ginagawa Niya ito. Ang malaman ba na ang Diyos ay may ganitong diwa ay makaaapekto sa pag-ibig ng tao para sa Kanya? Maaari ba itong makaimpluwensya sa kanilang takot sa Diyos? Umaasa Akong kapag naunawaan mo ang pagiging totoo ng Diyos, lalo ka pang mapapalapit sa Kanya at lalo pang tunay na mapahahalagahan ang Kanyang pag-ibig at paglingap para sa sangkatauhan, gayundin ay maibibigay ang iyong puso sa Diyos at maililigtas mula sa mga paghihinala o pagdududa sa Kanya. Tahimik na ginagawa ng Diyos ang lahat para sa tao, tahimik na ginagawa ang lahat ng ito sa pamamagitan ng Kanyang pagiging taos-puso, katapatan, at pag-ibig. Ngunit wala Siya kailanman na anumang pangamba o pagsisisi para sa lahat ng Kanyang ginagawa, ni wala rin Siyang pangangailangang bayaran ng ninuman sa anumang paraan o layunin kailanman na may makuha mula sa sangkatauhan. Ang tanging layunin ng lahat ng ginawa Niya kailanman ay upang matanggap Niya ang tunay na pananampalataya at pag-ibig ng sangkatauhan. At diyan Ko tatapusin ang unang paksa.

Nakatulong ba sa inyo ang mga talakayang ito? Gaano nakatulong ang mga ito? (Mas marami na kaming pagkaunawa at kaalaman tungkol sa pag-ibig ng Diyos.) (Matutulungan tayo sa hinaharap ng ganitong uri ng pagbabahagian upang mas mapahalagahan natin ang salita ng Diyos, upang maunawaan ang mga damdamin Niya at ang mga kahulugan sa likod ng mga bagay na sinabi Niya noong sinabi Niya ang mga ito, at upang madama ang Kanyang nararamdaman noong panahong iyon.) Mayroon ba sa inyo ang mas nakababatid na sa aktuwal na pag-iral ng Diyos matapos basahin ang mga salitang ito? Nararamdaman ba ninyo na ang pag-iral ng Diyos ay hindi na hungkag o malabo? Kapag naramdaman ninyo ito, nararamdaman ba ninyo na ang Diyos ay nariyan sa tabi ninyo? Maaari na ang pakiramdam ay hindi malinaw sa ngayon o maaaring hindi pa ninyo nararamdaman ito. Ngunit balang araw, kapag tunay na may malalim na kayong pagpapahalaga at totoong kaalaman sa disposisyon at diwa ng Diyos sa inyong puso, madarama mong nariyan sa tabi mo ang Diyos—hindi mo pa lamang kasi tapat na tinatanggap ang Diyos sa iyong puso kailanman. At iyan ang totoo!

Ano ang palagay ninyo sa ganitong pamamaraan ng pakikipagbahagian? Nasasabayan ba ninyo? Sa palagay ba ninyo ang ganitong uri ng pagbabahaginan tungkol sa paksang gawain ng Diyos at disposisyon ng Diyos ay napakabigat? Ano ang pakiramdam ninyo? (Napakaganda, nakatutuwa.) Ano ang nagpaganda ng pakiramdam ninyo? Bakit kayo natutuwa? (Para itong pagbabalik sa Hardin ng Eden, pagbabalik sa pagiging nasa tabi ng Diyos.) Ang “disposisyon ng Diyos” sa katunayan ay isang hindi pamilyar na paksa sa mga tao, dahil kung ano ang karaniwang iniisip ninyo, kung ano ang nababasa ninyo sa mga aklat o naririnig sa mga pagbabahaginan, ay laging nakapagpaparamdam sa iyo na para kang isang taong bulag na humihipo ng elepante—nararamdaman mo lang ito gamit ang iyong mga kamay, ngunit wala ka talagang nakikita na kahit ano. Ang paghipo ng kamay nang walang paningin ay hindi talaga makapagdudulot sa iyo ng pahapyaw na pagkaunawa tungkol sa Diyos, lalo na ng isang malinaw na konsepto tungkol sa Kanya; lalo lamang nitong ginigising ang iyong imahinasyon na pumipigil sa iyo na tiyak na mabigyang-kahulugan kung ano ang disposisyon at diwa ng Diyos, at ang mga kawalang-katiyakang nagmumula sa iyong imahinasyon ay walang salang magpupuspos sa iyong puso ng mga pag-aalinlangan. Kapag hindi ka makatiyak tungkol sa isang bagay ngunit sinusubukan mo pa ring intindihin ito, palaging magkakaroon ng mga salungatan at pagtatalo sa iyong puso, at maging ng pakiramdam ng pagkaligalig, na iniiwan kang naguguluhan at nalilito. Hindi ba napakahirap na naising hanapin ang Diyos, kilalanin ang Diyos, at makita Siya nang malinaw, ngunit para bang hindi mo makita ang mga sagot? Siyempre, ang mga salitang ito ay tumutukoy lamang sa mga naghahangad na katakutan at bigyang-kasiyahan ang Diyos. Para sa mga taong hindi nagbibigay-pansin sa mga ganoong bagay, talagang hindi mahalaga ito, dahil labis silang umaasa na alamat o pantasya lamang ang pagiging totoo at pag-iral ng Diyos, para maaari nilang gawin ang anumang nais nila, para sila ang maging pinakamalaki at pinakamahalaga, para makagawa sila ng masasamang gawain nang walang pagsasaalang-alang sa mga kalalabasan, para hindi nila harapin ang kaparusahan o pasanin ang anumang pananagutan, at kaya kahit ang mga bagay na sinabi ng Diyos tungkol sa mga gumagawa ng masama ay hindi mailalapat sa kanila. Ayaw intindihin ng mga taong ito ang disposisyon ng Diyos. Sawang-sawa na sila sa kasusubok na makilala ang Diyos at ang lahat ng tungkol sa Kanya. Mas gusto pa nilang wala na lang Diyos. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at kabilang sila sa mga patatalsikin.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Nilikha ng Diyos si Eba

Nilikha ng Diyos sina Adan at Eva at hiniling kay Adan na pangalanan ang lahat ng uri ng hayop. Ano ang kalooban ng Diyos sa likod nito? Basahin upang malaman.

Leave a Reply