Batay sa mga salita ni Pablo, na nagsabing “Lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios” (2 Timoteo 3:16), ang mga pastor at elder sa relihiyosong mundo ay naniniwala na ang mga salita ng Biblia ay mga salita ng Diyos. Gayunpaman sinasabi mo na hindi lahat ng mga salita sa Biblia ay mga salita ng Diyos. Ano ang ibig mong sabihin dito?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ngayon, naniniwala ang mga tao na ang Biblia ay Diyos, at ang Diyos ay Biblia. Kaya, naniniwala rin sila na lahat ng salita sa Biblia ay siyang mga tanging salita na binigkas ng Diyos, at lahat ng ito ay sinabi ng Diyos. Iniisip pa ng mga naniniwala sa Diyos na bagama’t lahat ng animnapu’t anim na aklat ng Luma at Bagong Tipan ay isinulat ng mga tao, lahat ng ito ay nagmumula sa inspirasyon ng Diyos, at isang talaan ng mga pagbigkas ng Banal na Espiritu. Ito ang maling pagkaunawa ng tao, at hindi ito lubos na naaayon sa mga totoong nangyari. Sa katunayan, maliban sa mga aklat ng propesiya, karamihan sa Lumang Tipan ay talaan ng kasaysayan. Ang ilan sa mga sulat sa Bagong Tipan ay nagmula sa mga karanasan ng mga tao, at ang ilan ay nagmula sa kaliwanagan ng Banal na Espiritu; ang mga sulat ni Pablo, halimbawa, ay nagmula sa gawain ng isang tao, resulta lahat ito ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu, at isinulat para sa mga iglesia, mga salitang nagpapayo at naghihikayat sa mga kapatid sa mga iglesia. Hindi ito mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu—hindi makapagsasalita si Pablo sa ngalan ng Banal na Espiritu, at hindi siya isang propeta, at lalong hindi siya nakakita ng mga pangitain na nakita ni Juan. Ang kanyang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia ng Efeso, Filadelfia, Galacia, at iba pang mga iglesia. Sa gayon, ang mga sulat ni Pablo sa Bagong Tipan ay mga isinulat ni Pablo para sa mga iglesia, at hindi mga inspirasyon mula sa Banal na Espiritu, ni hindi ito mga tuwirang pagbigkas ng Banal na Espiritu. Mga salita lamang ito ng pagpapayo, pag-aliw, at paghihikayat na isinulat niya para sa mga iglesia habang ginagampanan ang kanyang gawain. Kaya isang talaan din ito ng maraming mga ginawa ni Pablo sa panahong iyon. Isinulat ang mga ito para sa lahat na kapatid sa Panginoon, upang sundin ng mga kapatid sa iglesia sa panahong iyon ang kanyang payo at sumunod sila sa daan ng pagsisisi ng Panginoong Jesus. Hindi sinabi ni Pablo sa anumang paraan na, mga iglesia man sila noong panahong iyon o sa hinaharap, lahat ay kailangang kumain at uminom ng mga bagay na isinulat niya, ni hindi niya sinabi na ang kanyang mga salita ay nagmulang lahat sa Diyos. Ayon sa sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon, kinausap lang niya ang mga kapatid, at pinayuhan sila, at binigyang-inspirasyon silang maniwala; at nangaral o nagpaalala lang siya sa mga tao at pinayuhan sila. Ang kanyang mga salita ay batay sa kanyang sariling pasanin, at sinuportahan niya ang mga tao sa pamamagitan ng mga salitang ito. Ginampanan niya ang gawain ng isang apostol ng mga iglesia noong panahong iyon, isa siyang manggagawa na ginamit ng Panginoong Jesus, at sa gayon ay kailangan niyang tanggapin ang responsabilidad para sa mga iglesia, at kailangan niyang gampanan ang gawain ng mga iglesia, kinailangan niyang malaman ang mga sitwasyon ng mga kapatid—at dahil dito, sumulat siya ng mga sulat para sa lahat ng kapatid na nasa Panginoon. Lahat ng sinabi niya na nakakapagpatibay at positibo sa mga tao ay tama, pero hindi nito kinatawan ang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at hindi nito maaaring katawanin ang Diyos. Napakasamang pagkaunawa, at napakalaking kalapastangan sa Diyos, ang tratuhin ng mga tao ang mga talaan ng mga karanasan at mga sulat ng isang tao bilang mga salitang sinabi ng Banal na Espiritu sa mga iglesia! Totoo ’yan lalung-lalo na kapag nagmumula ito sa mga sulat ni Pablo para sa mga iglesia, sapagkat ang kanyang mga isinulat ay para sa mga kapatid batay sa mga kalagayan at sitwasyon ng bawat iglesia sa panahong iyon, at ginawa upang payuhan ang mga kapatid sa Panginoon, upang matanggap nila ang biyaya ng Panginoong Jesus. Ang kanyang mga sulat ay ginawa para pukawin ang mga kapatid noong panahong iyon. Masasabi na ito ang sarili niyang pasanin, at ang pasanin ding ibinigay sa kanya ng Banal na Espiritu; tutal naman, isa siyang apostol na namuno sa mga iglesia noong panahong iyon, na sumulat ng mga sulat para sa mga iglesia at pinayuhan sila—iyon ang kanyang responsibilidad. Ang kanyang pagkakakilanlan ay isa lang siyang naglilingkod na apostol, at isa lang siyang apostol na isinugo ng Diyos; hindi siya isang propeta, ni isang manghuhula. Para sa kanya, ang sarili niyang gawain at ang buhay ng mga kapatid ang pinakamahalaga. Sa gayon, hindi siya makapagsasalita sa ngalan ng Banal na Espiritu. Ang kanyang mga salita ay hindi mga salita ng Banal na Espiritu, at lalong hindi masasabi na mga salita iyon ng Diyos, sapagkat si Pablo ay nilalang lamang ng Diyos, at tiyak na hindi ang pagkakatawang-tao ng Diyos. Ang kanyang pagkakakilanlan ay hindi kapareho ng kay Jesus. Ang mga salita ni Jesus ang mga salita ng Banal na Espiritu, ito ang mga salita ng Diyos, sapagkat ang Kanyang pagkakakilanlan ay iyong kay Cristo—ang Anak ng Diyos. Paano Siya makakapantay ni Pablo? Kung ituturing ng mga tao ang mga sulat o salita na katulad ng kay Pablo bilang mga pagbigkas ng Banal na Espiritu, at sinasamba ang mga ito bilang Diyos, masasabi lamang na masyado silang hindi maselan. Sa mas masakit na pananalita, hindi ba ito’y wala nang iba kundi paglapastangan sa Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? At paano yuyukod ang mga tao sa mga talaan ng kanyang mga sulat at ng mga salitang kanyang sinabi na para bang ang mga ito ay isang banal na aklat, o isang makalangit na aklat? Maaari bang mapagwalang-bahalang bigkasin ng tao ang mga salita ng Diyos? Paano makapagsasalita ang isang tao sa ngalan ng Diyos? Kaya, ano ang masasabi mo—maaari bang hindi mabahiran ng sarili niyang mga kaisipan ang mga isinulat niya para sa mga iglesia? Paano hindi mababahiran ang mga ito ng mga kaisipan ng tao? Isinulat niya ang mga sulat para sa mga iglesia batay sa personal niyang mga karanasan at sarili niyang kaalaman. Halimbawa, may sulat si Pablo sa mga iglesia sa Galacia na may partikular na opinyon, at sumulat si Pedro ng kaiba, na may ibang pananaw. Alin dito ang nagmula sa Banal na Espiritu? Walang makapagsasabi nang tiyak. Sa gayon, masasabi lamang na pareho silang may pasanin para sa mga iglesia, ngunit ang kanilang mga sulat ay kumatawan sa kanilang tayog, kinakatawan nito ang kanilang panustos at suporta para sa mga kapatid, at ang kanilang pasanin sa mga iglesia, at kinakatawan lamang nito ang gawain ng tao—hindi lubos na sa Banal na Espiritu ang mga ito. Kung sinasabi mo na ang kanyang mga sulat ay mga salita ng Banal na Espiritu, kakatwa ka, at nilalapastangan mo ang Diyos! Ang sulat ni Pablo at ang iba pang mga sulat sa Bagong Tipan ay katumbas ng mga talambuhay ng kamakailang espirituwal na mga tao. Kapantay sila ng mga aklat ni Watchman Nee o ng mga karanasan ni Lawrence, at ng iba pa. Talagang hindi lang tinipon ang mga aklat ng kamakailang espirituwal na mga tao sa Bagong Tipan, pero ang diwa ng mga taong ito ay pareho: Sila ang mga taong ginamit ng Banal na Espiritu sa isang partikular na panahon, at hindi nila maaaring tuwirang katawanin ang Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
Noong Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, ang malaking bilang ng mga propeta na ginamit ni Jehova ay nagwika ng mga propesiya para sa Kanya, nagbigay sila ng mga tagubilin sa iba’t ibang mga tribo at bansa, at sinabi ang gawain na gagawin ni Jehova. Ang lahat ng mga taong ito na ginamit ng Diyos ay binigyan ni Jehova ng Espiritu ng propesiya. Nakita nila ang mga pangitain mula kay Jehova, at narinig nila ang Kanyang tinig, at dahil dito, sila’y nabigyan Niya ng inspirasyon at nagsulat ng propesiya. Ang gawain na kanilang ginawa ay paghahayag ng tinig ni Jehova, ang pagpapahayag ng propesiya ni Jehova, at ang gawain ni Jehova noong panahong iyon upang magabayan ang mga tao sa pamamagitan ng Espiritu. Hindi Siya nagkatawang-tao, at hindi nakita ng mga tao ang Kanyang mukha. Kung kaya’t, gumamit Siya ang maraming propeta upang magawa ang Kanyang gawain, at binigyan sila ng mga orakulo na kanilang ipinasa sa bawat tribo at angkan ng Israel. Ang kanilang gawain ay magsalita ng propesiya, at ang ilan sa kanila ay isinulat ang mga tagubilin ni Jehova sa kanila upang ipakita sa iba. Ginamit ni Jehova ang mga taong ito upang magsalita ng propesiya, upang sabihin ang gawain ng hinaharap o ang gawain na gagawin pa sa panahong iyon, upang makita ng mga tao ang pagiging kamangha-mangha at ang karunungan ni Jehova. Ang mga aklat na ito ng propesiya ay medyo naiiba sa ibang mga aklat ng Biblia. Ang mga ito ay mga salitang binigkas o isinulat ng mga nabigyan ng Espiritu ng propesiya—ng mga nakakita ng mga pangitain o tinig mula kay Jehova. Maliban sa mga aklat ng propesiya, ang lahat ng iba pa sa Lumang Tipan ay binubuo ng mga talaan na ginawa ng mga tao matapos magawa ni Jehova ang Kanyang gawain. Ang mga librong ito ay hindi maipanghahalili sa mga sinabi ng mga propeta na ginamit ni Jehova, kung paanong ang Genesis at Exodus ay hindi maikukumpara sa Aklat ni Isaias at sa Aklat ni Daniel. Ang mga propesiya ay sinabi bago pa maisagawa ang gawain, samantalang ang ibang aklat ay isinulat pagkatapos nito, na siya namang kayang gawin ng mga tao. Ang mga propeta ng panahong iyon ay binigyang-inspirasyon ni Jehova at nagsabi ng ilang propesiya, marami silang binigkas na mga salita, at nagbigay sila ng propesiya tungkol sa mga bagay ng Kapanahunan ng Biyaya, pati na rin ang pagkawasak ng mundo sa mga huling araw—ang gawain na binalak gawin ni Jehova. Nakatala sa lahat ng mga natitirang aklat ang ginawa ni Jehova sa Israel. … Sa ganitong paraan, ang nakasulat sa Lumang Tipan ng Biblia ay pulos gawain ng Diyos sa Israel noong panahong iyon. Ang mga salitang binigkas ng mga propeta, ni Isaias, Daniel, Jeremias, at Ezekiel … ang kanilang mga salita ay nagbanggit ng iba pa Niyang mga gawain sa daigdig, binanggit ng mga ito ang gawain ng Mismong Diyos na si Jehova. Ang lahat ng ito ay mula sa Diyos, ito ay ang gawain ng Banal na Espiritu, at bukod sa mga aklat na ito ng mga propeta, ang lahat ng iba pa ay tala ng mga karanasan ng mga tao sa gawain ni Jehova noong panahong iyon.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 1
Hindi lahat ng nasa Biblia ay isang talaan ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos. Isinasaad lang ng Biblia ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos, kung saan ang isang bahagi ay isang talaan ng mga hula ng mga propeta, at ang isang bahagi ay mga karanasan at kaalamang isinulat ng mga taong ginamit ng Diyos sa nagdaang mga panahon. Ang mga karanasan ng tao ay nabahiran ng mga opinyon at kaalaman ng tao, na hindi maiiwasan. Sa maraming mga aklat sa Biblia matatagpuan ang mga kuru-kuro ng tao, mga pagkiling ng tao, at mga kakatwang pag-unawa ng tao. Siyempre, karamihan ng mga salita ay resulta ng kaliwanagan at pagpapalinaw ng Banal na Espiritu, at tama ang mga pagkaunawang iyon—pero hindi pa rin masasabi na sila ay tamang-tama na mga pagpapahayag ng katotohanan. Ang kanilang mga pananaw tungkol sa ilang bagay ay walang iba kundi ang kaalamang hango sa personal na karanasan, o ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Ang mga hula ng mga propeta ay personal na itinagubilin ng Diyos: Ang mga propesiya ng mga katulad nina Isaias, Daniel, Ezra, Jeremias, at Ezekiel ay nagmula sa tuwirang tagubilin ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay mga tagakita, natanggap nila ang Espiritu ng propesiya, lahat sila ay propeta ng Lumang Tipan. Noong Kapanahunan ng Kautusan ang mga taong ito, na nakatanggap ng inspirasyon ni Jehova, ay nagsalita ng maraming propesiya, na tuwirang itinagubilin ni Jehova.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Bibliya 3
Sanggunian na mga Sipi ng Sermon at Pagbabahagi:
Paano nabuo ang Biblia, at kailan ito nagsimulang umiral? Noong Kapanahunan ng Kautusan, tinawag lamang ng mga Hudyo ang Lumang Tipan bilang ang mga Kasulatan. Kalaunan, isinagawa ng Panginoong Jesus ang gawain ng pagtubos, at mahigit tatlong daang taon matapos niyon, ilang pinuno ng simbahan ang nagdaos ng isang konseho at nagpasyang tipunin ang lahat ng liham na isinulat ng mga disipulo at apostol ng Panginoong Jesus. Sa wakas, matapos ang labis na pagsasaalang-alang, pinili nila ang 27 sa mga ito upang maging ang Panuntunan na Bagong Tipan, na isinama nila sa Lumang Tipan para maging ang kabuuang nilalaman ng Biblia. Ito ang mga katotohanan ng mga pinagmulan ng Bago at Lumang Tipan, at ito ang kuwento ng pagbuo ng Biblia. Maraming tao ang naniniwala na nagmula ang Biblia sa Diyos; partikular na sinabi sa Ikalawang Sulat ni Pablo kay Timoteo, “Lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” Sa katunayan, nang sabihin ni Pablo ang mga salitang ito, hindi pa nagagawang aklat ang Bagong Tipan; sa kontekstong ito, ang Lumang Tipan ang mga Kasulatan na tinutukoy ni Pablo, hindi ang Bagong Tipan. Isa itong katotohanan. Gayunman ipinapalagay ng mga tao ng mga huling araw na ang mga Kasulatan na sinabi ni Pablo ay ang buong Biblia—ang Bago at Lumang Tipan. Salungat ito sa mga totoong impormasyon. Isa itong maling pakahulugan, isang kamalian. Higit pa riyan, makatwiran bang sabihin na ang lahat sa Lumang Tipan ay kinasihan ng Diyos? Ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan ay naisakatuparan ng Diyos gamit si Moises. Ang unang limang aklat sa Lumang Tipan ay isinulat din ni Moises. Makatarungang sabihin na walang mas nakaunawa sa gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan nang higit kaysa sa kanya. Kaya, sa Limang Aklat ni Moises, sinabi ba ni Moises na ang lahat ng salitang isinulat niya ay kinasihan ng Diyos? Una, hindi niya ito sinabi. Pangalawa, wala sa mga propeta na ginamit ng Diyos sa Kapanahunan ng Kautusan—mga propetang tulad nina Isaias, Jeremias, Ezekiel, Daniel, at iba pa—wala rin sa kanila ang nagsabi nito. Si Pablo lamang ang nagsabi na ang mga Kasulatan ay kinasihan ng Diyos. Kung nag-iisa lamang si Pablo na nagsabi nito, ang gayong mga salita ay hindi basta-basta maituturing na katanggap-tanggap. Kaya hindi natin dapat ibatay ang anumang bagay sa mga salitang ito.
Dagdag pa rito, ano ang naisip ng mga kapatid sa mga iglesia tungkol sa mga liham na isinulat ni Pedro, Pablo at iba pa nang ipadala ang mga ito sa mga simbahan? Maaaring sinabi nila, “Ito ang sulat ni Brother Pedro,” “Ito ang sulat ni Brother Pablo,” “Ito ang sulat ni Mateo.” … Mayroon bang sinuman na magtuturing sa mga sulat na ito ng mga apostol bilang salita ng Diyos sa panahong iyon? Talagang wala, dahil si Pedro, Mateo at ang iba pa ay hindi kailanman nagsabi na sila ang Diyos o na sila ang pagkakatawang-tao; sinabi nila na naniniwala sila sa Panginoong Jesus at mga disipulo sila ng Panginoong Jesus, kaya itinuring sila ng mga kapatid sa mga iglesia bilang mga kapatid na lalaki, at ang kanilang mga sulat at salita bilang pagbabahagi at patotoo ng mga kapatid na lalaki. Ang lahat ng ito ay tumpak at nakaayon sa mga totoong nangyari sa kasaysayan. Ngunit ngayon, ang mga tao sa lahat ng denominasyon ay itinuturing na kinasihan ng Diyos ang mga salitang ito ng mga apostol. Itinuturing nila ang mga ito bilang mga salita ng Diyos at ipinapantay sa mga salita ng Diyos. Hindi ba ito salungat sa mga totoong pangyayari sa kasaysayan? Hindi nila nararamdaman na mayroong anumang mali sa pagturing sa mga salitang ito ng mga tao bilang mga salita ng Diyos. Kapag tinutukoy ng mga tao ang kanilang kamalian, itinataguyod nila ang mga salita ni Pablo sa Biblia upang ipagtanggol ang kanilang sarili—ngunit may anumang batayan ba ang mga salita ni Pablo? Sa mga sulat ng mga apostol, sinabi ni Pedro na naglalaman ang mga sulat ni Pablo ng mga paghahayag at gawain ng Banal na Espiritu. Ngunit hindi kailanman sinabi ni Pedro na ang mga salita ni Pablo ay kinasihan ng Banal na Espiritu, at na dapat na ituring ang mga ito bilang mga salita ng Diyos, ni hindi nangahas si Pablo na sabihing ang kanyang mga salita ay kinasihan ng Diyos. Hindi nagpatotoo si Pablo ni si Pedro na ang kanilang mga salita ay mga salita ng Diyos, kaya bakit itinuturing ng mga mananampalataya ng mga huling araw ang kanilang mga salita bilang mga salita ng Diyos? Ano ang ginagawa nilang pagkakamali? Tama ba ang mga pakahulugan ng mga tagapagtaguyod na ito? Hindi ba nila natatanto na napakakatawa-tawa ng kamaliang ito, hindi nila ito nakikita, na naglalahad na wala sa kanila ang katotohanan. Gayunman pikit-mata pa ring sumasamba at naniniwala ang mga tao; anuman ang sabihin nila, iyon ang pinaniniwalaan ng mga tao. Hindi ba sukdulang walang pagkakilala ang mga tao sa bagay na ito? May bulag na pananampalataya sa Biblia ang mga tao ng relihiyon, sinasamba nila ang Biblia, itinuturing nila itong mas mataas kaysa sa Diyos, naniniwala silang ang Biblia ay kumakatawan sa Diyos, at ibinabatay nila ang lahat sa Biblia. Hindi ba katawa-tawa para sa kanila na sumamba at magkaroon ng bulag na pananampalataya sa Biblia nang ganoon katindi? At ano ang anyong ginagawa ng kanilang bulag na pananampalataya sa Biblia? Wala silang kakayahang harapin ito ayon sa mga totoong nangyari sa kasaysayan, at hindi nila hinahangad ang katotohanan at hinahanap ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu. Sa halip, pikit-mata nilang sinasamba ang mga kilalang personahe, pinagkakatiwalaan, tinatanggap, at mahigpit na isinasabuhay ang anumang sinasabi ng sinuman sa mga ito. Maaari kayang ang mga salita ng mga tao ay hindi kailanman mali? Maaari kayang tama ang lahat ng sinabi ni Pablo? Isang tao si Pablo—at bilang isang tao, paanong hindi siya nadungisan? Samakatuwid, isang napakalaking pagkakamali para sa mga tao na ituring ang mga sulat ng mga apostol na kapantay ng mga salita ng Diyos. Sa Biblia, ang mga salita ng Diyos ay mga salita ng Diyos, at ang mga salita ng mga tao ay mga salita ng mga tao. Hindi maaaring ituring na pantay ang dalawa. Kaya alin ang mga salita ng Diyos sa Biblia? Ang lahat ng mga salitang personal na sinabi ng Diyos na si Jehova, kung ano ang iniatas ng Diyos na si Jehova sa mga propeta na ipasa, at ang mga salitang personal na sinabi ng Panginoong Jesus—ang mga ito lamang ang mga salita ng Diyos. At ano sa palagay ninyo ang kakaiba sa lahat ng mga salitang sinabi ng mga propeta sa Biblia? Sinabi nilang lahat, “Ito ang sinasabi ni Jehova” at “Kaya’t sinabi ni Jehova.” Hindi nila sinabing, “Ako, si Daniel (o Isaias) ang nagsasabi sa iyo nito.” Nililinaw nito sa mga tao na ang mga propeta ay nagpapasa ng orihinal na mga salita ng Diyos. Samakatuwid, ang mga orihinal na salita ng Diyos lamang na ipinasa ng mga propeta ang mga salita ng Diyos, ang mga salitang personal na sinabi ng Diyos na si Jehova lamang ang mga salita ng Diyos, at ang mga salitang personal na sinabi ng Panginoong Jesus lamang ang mga salita ng Diyos. Wala sa Biblia bukod sa mga ito ang mga salita ng Diyos; ang mga salitang sinabi ng mga apostol at ang mga pangyayaring naitala ng mga alagad ng Diyos ay mga patotoo lamang ng mga tao.
—Ang Pagbabahagi mula sa Itaas
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.