Ngayon, mas lumulubha at dumadalas ang mga sakuna. Ipinapahiwatig ng mga palatandaang ito na magsisimula na ang malalaking sakuna ng mga huling araw na ipinropesiya sa Biblia. Paano tayo magtatamo ng proteksyon ng Diyos at makaliligtas sa gitna ng mga sakunang ito?

Disyembre 11, 2021

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito at, bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at ng sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaalo sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagbabantay sa sangkatauhang ito gabi at araw. Ang pag-unlad at pagsulong ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi makakatakas mula sa mga pagsasaayos na ginagawa ng mga kamay ng Diyos. Kung isa kang tunay na Kristiyano, tiyak na maniniwala ka na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bansa o bayan ay nasasailalim sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng anumang bansa o bayan, at ang Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung nais ng sangkatauhan na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung nais ng isang bansa na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang lahat ay dapat na magpatirapa sa Diyos at sumamba sa Kanya, at lumapit sa harap ng Diyos para magsisi at magtapat ng kasalanan sa Kanya, o kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang kalamidad.

Magbalik-tanaw kayo sa panahon kung kailan binuo ni Noe ang arka: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, at sila ay lumihis palayo mula sa mga pagpapala ng Diyos, hindi na binabantayan ng Diyos, at nawalan na ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay namumuhay sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Pagkatapos, sila ay naging likas na mahalay, at masama hanggang sa antas na hindi na kaaya-ayang tingnan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na sila karapat-dapat na makasaksi sa mukha ng Diyos o kaya ay makarinig sa tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran na nila ang Diyos, isinantabi na nila ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan na nila ang mga salita ng Diyos na nagtuturo. Ang kanilang puso ay lumihis nang papalayo nang papalayo mula sa Diyos at, pagkatapos nito, sila ay naging imoral hanggang sa puntong nawala na ang kanilang katwiran at pagkatao, at sumama na sila nang sumama. Pagkatapos, sila ay tumahak patungo sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Itinayo ni Noe ang arka ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon doon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pito pang miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkalipol, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.

Ngayon ay tingnan ninyo ang kasalukuyang panahon: Ang matutuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpapakita pa rin ng kagandahang-loob sa sangkatauhang ito at nagpapakita pa rin ng pagpaparaya sa sangkatauhan sa huling kapanahunang ito. Hinahanap ng Diyos iyong mga nag-aasam na Siya ay magpakita, hinahanap iyong mga nakikinig sa Kanyang mga salita, hinahanap iyong mga hindi nakakalimot sa Kanyang atas at mga naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya, at hinahanap iyong mga kasingmapagpasakop at kasing-di-lumalaban ng mga sanggol sa Kanyang harapan. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, nang hindi nahahadlangan ng anumang puwersa, tatratuhin ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob Niya sa iyo ang Kanyang mga pagpapala.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Ang Awa at Pagpaparaya ng Diyos ay Hindi Mahirap Makamit—pero Mahirap para sa Tao na Magkamit ng Tunay na Pagsisisi

Gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng kayong magaspang at naglagay ng mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Noong bago Niya ipinahayag sa kanila na wawasakin Niya ang bayan nila—ang sandali bago ang kanilang pagtatapat at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng sunod-sunod na mga kilos ng pagsisisi, ang galit ng Diyos tungo sa mga taga-Ninive ay unti-unting naging awa at pagpapatawad tungo sa kanila. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspekto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Ipinahayag at ibinunyag ng Diyos ang dalawang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa bago at pagkatapos magsisi ang mga taga-Ninive, nagtutulot sa mga tao na makita ang pagiging totoo at pagiging hindi nalalabag na diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Hindi sa hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, bihira silang tunay na magsisi sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na tunay na magagawa ng tao na magsisi, at umaasa Siya na makita ang tunay na pagsisisi ng tao, kung saan ay, patuloy Niyang bukas-palad na ipagkakaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masasamang gawa ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at makakabitiw sa karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at tatalikdan ang kanilang karahasan, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II

Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at tumatalikod sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masasamang tao ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang sumunod sa Akin sa loob ng maraming taon pero nakagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakikita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng lubos na katapatan sa Akin ay magagalak at papalakpak, pinupuri ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang isang di-mailarawang lagay ng loob ng kaligayahang walang inaalala at mabubuhay sila sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang simulan Kong unang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang grupo ng mga taong kaisa Ko sa isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa sa isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!

Ang huling gawain Ko ay hindi lamang alang-alang sa pagpaparusa sa tao, kundi alang-alang din sa pag-aayos ng destinasyon ng tao. Higit pa rito, ito ay alang-alang sa pagdulot sa lahat ng tao na kilalanin ang mga gawa at mga kilos Ko. Ipapakita Ko sa bawat tao na ang lahat ng nagawa Ko ay tama at isang pagpapahayag ng disposisyon Ko, na hindi ito kagagawan ng tao, at lalong hindi ito kalikasan na nagluwal sa sangkatauhan, at na sa halip ay Ako ang nagtutustos sa lahat ng nabubuhay na nilalang sa gitna ng lahat ng bagay. Kung wala ang pag-iral Ko, mamamatay lamang ang sangkatauhan at magdurusa sa hagupit ng kapahamakan. Walang tao ang makakikitang muli kailanman sa napakarikit na araw at buwan, o sa luntiang mundo; tanging madilim at malamig na gabi lamang ang sasapitin ng sangkatauhan at ang di-matatakasang lambak ng anino ng kamatayan. Ako lamang ang katubusan ng sangkatauhan. Ako lamang ang pag-asa ng sangkatauhan at, higit pa rito, sa Akin Mismo nakasalalay ang pag-iral ng lahat ng sangkatauhan. Kung wala Ako, agad na hihinto ang sangkatauhan, kung wala Ako, magdurusa lang ng nakasisirang kalamidad at mayuyurakan ng lahat ng uri ng mga multo ang sangkatauhan, bagaman walang nagbibigay ng pansin sa Akin. Nakagawa na Ako ng gawaing walang ibang sinumang makagagawa, at umaasa lamang na masusuklian Ako ng tao ng ilang mabuting gawa. Bagaman iilan lamang ang nagagawang magsukli sa Akin, tatapusin Ko pa rin ang paglalakbay Ko sa mundo ng tao at sisimulan ang susunod na hakbang ng gawain na malapit nang maganap, sapagkat ang lahat ng nagmamadaling paroo’t parito Ko sa gitna ng tao nitong maraming taon ay naging mabunga, at labis Akong nasisiyahan. Ang pinahahalagahan Ko ay hindi ang bilang ng mga tao, kundi ang mabubuti nilang gawa. Ano’t anuman, umaasa Akong maghahanda kayo ng sapat na mabubuting gawa para sa hantungan ninyo. Saka lang Ako malulugod; kung hindi, wala sa inyong makatatakas sa daluyong ng sakuna. Nagmumula sa Akin ang sakuna at mangyari pa ay pinamamatnugutan Ko. Kung hindi kayo magmumukhang mabuti sa paningin Ko, hindi kayo makatatakas mula sa pagdurusa sa sakuna.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Sasapit ang lahat ng uri ng sakuna, sunod-sunod; daranas ng mga sakuna ang lahat ng bansa at lugar: Ang salot, taggutom, baha, tagtuyot, at mga lindol ay nasa lahat ng dako. Ang mga sakunang ito ay hindi lamang mangyayari sa isa o dalawang lugar, ni matatapos ang mga ito sa loob ng isa o dalawang araw; bagkus, kakalat ang mga ito sa palawak nang palawak na lugar, at titindi nang titindi. Sa loob ng panahong ito, lilitaw nang sunud-sunod ang lahat ng uri ng mga salot na insekto, at mangyayari ang penomenon ng kanibalismo sa lahat ng dako. Ito ang Aking paghatol sa di-mabilang na bansa at tao. Aking mga anak-na-lalaki! Hindi ninyo dapat pagdusahan ang sakit o ang paghihirap na dulot ng mga sakuna. Inaasam Kong dumating na kayo sa tamang gulang at, sa lalong madaling panahon, akuin ang pasanin na nakaatang sa Aking mga balikat. Bakit hindi ninyo nauunawaan ang Aking mga layunin? Ang gawain sa hinaharap ay magiging pabigat nang pabigat. Napakatigas ba ng inyong mga puso para hayaan ninyo Akong abalang-abala, na kailangang mag-isang nagpapagal nang labis? Mas lilinawan Ko pa ang Aking sinasabi: Yaong gugulang ang mga buhay ay papasok sa kanlungan, at hindi magdurusa ng pighati o paghihirap; yaong hindi gugulang ang mga buhay ay dapat magdusa ng pighati at kapahamakan. Malinaw ang Aking mga salita, hindi ba?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 65

Sa hinaharap, maaaring sumapit sa iyo ang malalaking pagsubok—pero ngayon, kung mahal mo ang Diyos nang may tunay na puso, at kung, gaano man kalaki ang mga pagsubok na darating, anuman ang mangyari sa iyo, nagagawa mong manindigan sa iyong patotoo, at nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, kung gayon, pagiginhawahin ang iyong puso, at hindi ka matatakot gaano man kalaki ang mga pagsubok na iyong makakatagpo sa hinaharap. Hindi ninyo nakikita kung ano ang mangyayari sa hinaharap; maaari lamang ninyong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa mga kalagayan sa ngayon. Wala kayong kakayahang gumawa ng anumang dakilang gawain—dapat kayong tumuon sa pagbibigay-kasiyahan sa Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang mga salita sa tunay na buhay, at dapat kayong magbigay ng malakas at matunog na patotoo at sa gayon ay magbigay-kahihiyan kay Satanas. Bagama’t hindi makakahanap ng kasiyahan ang iyong laman at magdurusa, maghahatid ka ng kasiyahan sa Diyos at magdadala ng kahihiyan kay Satanas. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magbubukas ang Diyos ng isang landas sa harap mo. Kapag, isang araw, dumating ang isang malaking pagsubok, babagsak ang iba, ngunit makatatayo ka pa rin nang matatag: Dahil sa halaga na iyong binayaran, poprotektahan ka ng Diyos upang matatag kang makatayo at hindi bumagsak. Kung sa karaniwan ay naisasagawa mo ang katotohanan at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos nang may tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, tiyak na poprotektahan ka ng Diyos sa mga pagsubok sa hinaharap. Bagama’t ikaw ay hangal at may maliit na tayog at mahina ang kakayahan, hindi kikiling ang Diyos laban sa iyo. Depende ito sa kung ang iyong mga intensiyon ay tama. Ipagpalagay na ngayon, nabibigyang-kasiyahan mo ang Diyos—nagiging mabusisi kahit pagdating sa maliliit at detalyadong usapin, at nabibigyang-kasiyahan ang Diyos sa lahat ng bagay—mayroon kang tunay na mapagmahal-sa-Diyos na puso, ibinibigay mo ang tunay mong puso sa Diyos, at bagama’t may ilang bagay na hindi mo malinaw na nakikita, kaya mong lumapit sa Diyos upang maitama ang iyong mga intensiyon at hanapin ang mga layunin ng Diyos, at ginagawa mo ang lahat upang bigyang-kasiyahan ang Diyos. At bagama’t maaaring itakwil ka ng iyong mga kapatid, binibigyang-kasiyahan ng puso mo ang Diyos, at hindi mo iniimbot ang mga kasiyahan ng laman. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, poprotektahan ka pagdating sa iyo ng malalaking pagsubok.

Sa anong panloob na kalagayan ng mga tao nakatutok ang mga pagsubok? Nakatutok ang mga ito sa mga mapaghimagsik na disposisyon sa kalooban ng mga tao na pumipigil sa kanilang magbigay-kasiyahan sa Diyos. Maraming karumihan sa kalooban ng mga tao, at maraming pagpapaimbabaw, kaya isinasailalim ng Diyos ang mga tao sa mga pagsubok upang dalisayin sila. Ngunit kung ngayon ay nagagawa mong bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay magiging pagpeperpekto sa iyo. Kung ngayon ay hindi mo nagagawang bigyang-kasiyahan ang Diyos, ang mga pagsubok sa hinaharap ay tutukso sa iyo, at malulugmok ka nang hindi mo namamalayan, at sa oras na iyon ay wala kang magagawa para tulungan ang iyong sarili, sapagkat hindi mo magagawang sumabay sa gawain ng Diyos, at hindi ka magtataglay ng tunay na tayog. At kaya, kung nais mong makapanindigan sa hinaharap, mas bigyang-kasiyahan ang Diyos, at sumunod sa Kanya hanggang sa pinakawakas, kailangan mong bumuo ngayon ng isang matatag na pundasyon. Dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa pamamagitan ng pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Kung lagi kang nagsasagawa sa ganitong paraan, magkakaroon ng pundasyon sa kalooban mo, at pupukawin sa iyo ng Diyos ang isang pusong nagmamahal sa Kanya, at bibigyan ka Niya ng pananalig. Isang araw, kapag tunay na sumapit sa iyo ang isang pagsubok, maaari kang magdusa ng ilang pasakit at mabagabag hanggang sa isang antas, at magdusa ng matinding dalamhati, na para bang ikaw ay namatay—ngunit ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso ay hindi magbabago, at magiging mas malalim pa nga. Ganyan ang mga pagpapala ng Diyos. Kung nagagawa mong tanggapin ang lahat ng sinasabi at ginagawa ng Diyos ngayon nang may isang pusong nagpapasakop, tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, at sa gayon magiging isa kang taong magmamana ng Kanyang mga pagpapala at mga pangako. Kung ngayon ay hindi ka nagsasagawa, kapag sumapit sa iyo ang mga pagsubok balang araw, mawawalan ka ng pananalig o mapagmahal na puso, at sa oras na iyon ang pagsubok ay magiging tukso; masasadlak ka sa gitna ng panunukso ni Satanas at hindi magkakaroon ng paraan upang makatakas. Ngayon, maaaring kaya mong manindigan kapag naharap sa isang maliit na pagsubok, ngunit hindi tiyak na magagawa mong manindigan kapag isang araw ay naharap ka sa isang malaking pagsubok. Ang ilang tao ay masyadong bilib sa kanilang sarili at iniisip na sapat na ang inabot nila. Kung hindi ka mas magpapalalim sa nasabing mga pagkakataon, at mananatiling kampante, malalagay ka sa panganib. Ngayon, sa hindi paggawa ng Diyos sa gawain ng mas malalaking pagsubok, mukhang maayos ka naman sa lahat ng aspekto, ngunit kapag sinubukan ka ng Diyos, matutuklasan mong masyado kang kulang, dahil masyadong maliit ang tayog mo at wala kang kakayahang magtiis ng malalaking pagsubok. Kung mananatili ka kung paano ka ngayon at kontento ka nang huminto sa pag-usad, babagsak ka pagdating ng mga pagsubok. Dapat ninyong tingnan nang madalas kung gaano kaliit ang inyong tayog; sa ganitong paraan lamang kayo lalago. Kung sa mga panahon lamang ng pagsubok mo makikita na napakaliit ng iyong tayog, na ang iyong tibay ng loob ay napakahina, na napakakaunti lamang sa loob mo ang tunay, at hindi ka sapat para sa mga layunin ng Diyos—kung saka mo lamang mapagtatanto ang mga bagay na ito, magiging huli na ang lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—na ibig sabihin, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang papasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos; yamang ganoon, ang lahat ng papasok sa kapahingahan ay nakawala na sa impluwensiya ni Satanas at nakamit na ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa huli ay nakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Sa diwa, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol upang dalisayin ang sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay matutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mabubuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mabubuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. … Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang madala Niya ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi lilipulin ng Diyos ang masasama, at sa halip ay papayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas kamangha-manghang mundo. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang buong sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply