Bago dumating ang Panginoong Jesus, ang mga Fariseo ay madalas na magpaliwanag ng mga Banal na Kasulatan sa mga sinagoga at manalangin sa harap ng mga tao. Mukha silang napakamaka-Diyos, at, sa mata ng mga tao, tila hindi sila gumawa ng anumang lumalabag sa Banal na Kasulatan. Kaya bakit isinumpa ng Panginoong Jesus ang mga Fariseo? Sa anong mga paraan nila sinuway ang Diyos, bakit nila napukaw ang poot ng Diyos?

Abril 19, 2018

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“‘Bakit kayo ay nagsisisalangsang rin naman sa utos ng Diyos sa pamamagitan ng inyong tradisyon?’ Sapagkat sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina: at, ang nagsisipagsuway sa ama at sa ina, ay mamatay siyang walang pagsala.’ Datapuwa’t sinasabi ninyo, ‘Sinomang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, Ito ay isang handog, anoman ang mapakinabangan mo sa akin; At hindi iginagalang ang kanyang ama o ina, siya ay mapapalaya.’ Kaya winalan ninyo ng kabuluhan ang salita ng Diyos dahil sa inyong tradisyon. Kayong mga mapagpaimbabaw, mabuti ang pagkahula sa inyo ni Isaias, na nagsasabi, ‘Ang bayang ito ay iginagalang Ako ng kanilang mga labi; subalit ang kanilang puso ay malayo sa Akin. Datapuwa’t walang kabuluhan ang pagsamba nila sa Akin, na itinuturo bilang doktrina ang mga utos ng mga tao’” (Mateo 15:3–9).

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasarhan ninyo ang kaharian ng langit laban sa mga tao: sapagkat kayo ay hindi na nagsisipasok, at ang nagsisipasok man ay ayaw ninyong bayaang mangakapasok. Sa aba ninyo, mga eskriba’t mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat sinasakmal ninyo ang mga bahay ng mga babaeng balo, at inyong dinadahilan ang mahahabang panalangin: kaya’t magsisitanggap kayo ng lalong mabigat na parusa.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililibot ang dagat at ang lupa sa paghanap ng isa ninyong mapagbabalik-loob; at kung siya ay magkagayon na, ay inyong ginagawa siyang makaibayo pang anak ng impiyerno kaysa sa inyong sarili.

“Sa aba ninyo, kayong mga taga-akay na bulag, na inyong sinasabi, Kung ipanumpa ninuman ang templo, ay walang anuman; datapuwat kung ipanumpa ninuman ang ginto ng templo, ay nagkakautang nga siya! Kayong mga mangmang at mga bulag: sapagkat alin baga ang lalong dakila, ang ginto, o ang templong bumabanal sa ginto? At, kung ipanumpa ninuman ang dambana, ay walang anuman; datapuwat kung ipanumpa ninuman ang handog na nasa ibabaw nito, ay nagkakautang nga siya. Kayong mga mangmang at bulag: sapagkat alin baga ang lalong dakila, ang handog, o ang dambana na bumabanal sa handog? Kaya’t ang nanunumpa sa pamamagitan ng dambana, ay ipinanunumpa ito, at ang lahat ng mga bagay na nangasa-ibabaw nito. At ang nanunumpa sa pamamagitan ng templo, ay ipinanumpa ito, at yaong tumatahan sa loob nito. Ang nanunumpa sa pamamagitan ng langit, ay ipinanumpa ang luklukan ng Diyos, at yaong nakaluklok doon.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba’t ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwat dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba. Kayong mga taga-akay na bulag na inyong sinasala ang lamok ngunit nilulunok ang kamelyo!

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat inyong nililinis ang labas ng saro at ng pinggan, datapuwat sa loob ay puno ang mga iyon ng panglulupig at katakawan. Ikaw bulag na Fariseo, linisin mo muna ang loob ng saro at ng pinggan, upang luminis din naman ang labas ng mga ito.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Pariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat tulad kayo sa mga libingang pinaputi, na may anyong maganda sa labas, datapuwat sa loob ay puno ng mga buto ng mga patay na tao, at ng lahat na karumal-dumal. Gayon din naman kayo, sa labas ay nangag-aanyong matuwid sa mga tao, datapuwat sa loob ay puno kayo ng pagpapaimbabaw at ng katampalasanan.

“Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga mapagpaimbabaw! Sapagkat itinatayo ninyo ang mga libingan ng mga propeta, at inyong ginayakan ang mga libingan ng mga matuwid, At sinasabi ninyo, Kung kami sana ang nangabubuhay nang mga kaarawan ng aming mga magulang sana’y hindi kami nangakaramay nila sa dugo ng mga propeta. Kaya’t kayo’y nangagpapatotoo sa inyong sarili, na kayo’y mga anak niyaong mga nagsipatay ng mga propeta. Punuin nga ninyo ang takalan ng inyong mga magulang. Kayong mga ahas, kayong mga lahi ng mga ulupong, paanong mangakawala kayo sa kahatulan sa impiyerno? Kaya’t, narito, sinusugo Ko sa inyo ang mga propeta, at mga pantas na lalaki, at mga eskriba: ang iba sa kanila’y inyong papatayin at ipapako sa krus; at ang iba sa kanila’y inyong hahampasin sa inyong mga sinagoga, at sila’y inyong pag-uusigin sa bayan-bayan: Upang mabubo sa inyo ang lahat ng matuwid na dugo na nabuhos sa ibabaw ng lupa, buhat sa dugo ng matuwid na si Abel hanggang sa dugo ni Zacarias na anak ni Baraquias na pinatay ninyo sa pagitan ng santuario at ng dambana. Katotohanang sinasabi Ko sa inyo, Ang lahat ng mga bagay na ito ay darating sa lahing ito” (Mateo 23:13–36).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa

Ang mga tao, na sumailalim sa pagkakatiwali, ay namumuhay sa patibong ni Satanas; lahat sila ay namumuhay sa laman, namumuhay sa mga makasariling pagnanais, at wala ni isa man sa kanila ang kaayon Ko. Ang mga nagsasabing kaayon Ko sila ay pawang sumasamba sa malalabong diyos-diyosan. Bagama’t sinasabi nilang banal ang pangalan Ko, tumatahak sila sa landas na taliwas sa Akin, at puno ang mga salita nila ng pagmamataas at kumpiyansa sa sarili. Ito ay dahil silang lahat ay likas na laban sa Akin at hindi Ko kaayon. Araw-araw, naghahanap sila ng mga bakas Ko sa Bibliya at sapalarang naghahanap ng “angkop” na mga siping kanilang binabasa nang walang katapusan at binibigkas bilang mga kasulatan. Hindi nila alam kung paano maging kaayon Ko ni ang ibig sabihin ng maging laban sa Akin. Nagbabasa lamang sila ng mga kasulatan nang pikit-mata. Nililimitahan nila sa loob ng mga hangganan ng Bibliya ang isang malabong diyos na sadyang hindi pa nila nakikita, at na sa pundamental ay hindi nila makita, at sa kanilang libreng oras, inilalabas nila ang Bibliya at binabasa. Naniniwala sila sa pag-iral Ko sa loob lamang ng saklaw ng Bibliya, at ipinapantay nila Ako sa Bibliya; kung wala ang Bibliya wala Ako, at kung wala Ako wala ang Bibliya. Hindi nila binibigyang-pansin ang pag-iral o mga kilos Ko, kundi sa halip ay nag-uukol sila ng sukdulan at espesyal na pansin sa bawat salita ng Kasulatan. Mas marami ang naniniwala pa nga na hindi Ko dapat gawin ang anumang nais Kong gawin maliban na lamang kung ito ay inihula ng Kasulatan. Binibigyan nila ng sobrang pagpapahalaga ang Kasulatan. Masasabing nakikita nilang masyadong mahalaga ang mga literal na salita, hanggang sa puntong ginagamit nila ang mga talata mula sa Bibliya upang sukatin ang bawat salitang sinasabi Ko at upang kondenahin Ako. Ang hinahanap nila ay hindi ang daan ng pagiging kaayon Ko o ang daan ng pagiging kaayon ng katotohanan, kundi ang daan ng pagtugma sa mga salita ng Bibliya, at naniniwala silang ang anumang hindi umaayon sa Bibliya ay hindi Ko gawain nang walang eksepsiyon. Hindi ba’t ang ganitong mga tao ay ang masunuring mga inapo ng mga Pariseo? Ginamit ng mga Pariseong Hudyo ang kautusan ni Moises upang kondenahin si Jesus. Hindi nila hinangad na maging kaayon ng Jesus ng panahong iyon, kundi tinrato nila ang bawat artikulo ng kautusan nang may gayong kaseryosohan na—matapos Siyang kasuhan ng hindi pagsunod sa kautusan ng Lumang Tipan at hindi pagiging Mesiyas—sa huli ay ipinako nila sa krus ang walang-salang si Jesus. Ano ang diwa nila? Hindi ba’t hindi nila hinangad ang daan ng pagiging kaayon sa katotohanan? Binigyang-pansin lang nila ang bawat salita ng Kasulatan habang hindi binibigyang-pansin ang mga layunin Ko o ang mga hakbang at mga kaparaanan ng gawain Ko. Hindi sila mga taong naghangad ng katotohanan, kundi mga taong mahigpit na kumapit sa mga salita; hindi sila mga taong nanampalataya sa Diyos, kundi mga taong nanampalataya sa Bibliya. Sa mas malinaw na pananalita, sila ay mga asong-bantay ng Bibliya. Upang mapangalagaan ang mga interes ng Bibliya, upang itaguyod ang dangal ng Bibliya, at upang maprotektahan ang reputasyon ng Bibliya, humantong pa nga sa puntong ipinako nila ang mahabaging si Jesus sa krus. Ginawa nila ito alang-alang lamang sa pagtatanggol sa Bibliya, at alang-alang sa pagpapanatili ng katayuan ng bawat salita ng Bibliya sa puso ng mga tao. Kaya ginusto nilang talikdan ang sarili nilang kinabukasan at hindi makamit ang handog para sa kasalanan upang kondenahin si Jesus, na hindi umayon sa mga tuntunin ng Kasulatan, ng kamatayan. Hindi ba’t silang lahat ay mga alipores ng bawat salita ng Kasulatan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Hanapin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo

Ang Panghuhusga ng mga Pariseo kay Jesus

Marcos 3:21–22  At nang mabalitaan yaon ng Kanyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang Siya’y hulihin: sapagkat kanilang sinabi, “sira ang Kanyang bait.” At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, “nasa Kanya si Beelzebub, at sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas Siya ng mga demonyo.”

Ang Pagsaway ni Jesus sa mga Pariseo

Mateo 12:31–32  Kaya’t sinasabi Ko sa inyo, “Ang bawat kasalanan at paglapastangan ay ipatatawad sa mga tao; datapuwat ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao. At ang sinumang magsalita ng isang salitang laban sa Anak ng tao, ay ipatatawad sa kanya; datapuwat ang sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, kahit sa sanlibutang ito, o maging sa darating.”

…………

Sa Bibliya, ang pagsusuri ng mga Pariseo kay Jesus Mismo at sa mga bagay na Kanyang ginawa ay: “… kanilang sinabi, ‘Sira ang Kanyang bait. … Nasa Kanya si Beelzebub, at sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonyo ay nagpapalayas siya ng mga demonyo’” (Marcos 3:21–22). Ang panghuhusga ng mga eskriba at mga Pariseo sa Panginoong Jesus ay hindi lamang panggagaya nila sa mga salita ng ibang tao, at hindi rin walang basehang pala-palagay—ito ang kongklusyon na binuo nila hinggil sa Panginoong Jesus mula sa kanilang nakita at narinig tungkol sa Kanyang mga pagkilos. Bagaman ang kanilang kongklusyon sa wari ay ginawa sa ngalan ng pagtataguyod ng katarungan at para sa mga tao ay tila may matibay na batayan, ang pagmamataas at pagiging mapanupil kung saan hinusgahan nila ang Panginoong Jesus ay mahirap maging para sa kanila na mapigilan. Ang nagngangalit na enerhiya ng kanilang pagkamuhi sa Panginoong Jesus ang naglantad sa kanilang sariling mga ambisyon at sa kanilang masasamang satanikong mukha, gayundin sa kanilang mapaminsalang kalikasan na ginamit nila sa paglaban sa Diyos. Ang mga bagay na ito na kanilang sinabi sa kanilang panghuhusga sa Panginoong Jesus ay udyok ng kanilang mga ambisyon, pagkainggit, at ng pangit at mapaminsalang kalikasan ng kanilang pagkamapanlaban sa Diyos at sa katotohanan. Hindi nila siniyasat ang pinagmulan ng mga pagkilos ng Panginoong Jesus, ni siniyasat man nila ang diwa ng sinabi o ginawa Niya. Sa halip, bulag, di-makapaghintay, walang habas, sadya, at mapaminsala nilang binatikos at siniraan ang nagawa Niya. Umabot sila sa punto na walang pakundangang naninira sa Kanyang Espiritu, iyon ay, ang Banal na Espiritu, Espiritu ng Diyos. Ito ang ibig nilang sabihin nang kanilang sinabing, “Sira ang Kanyang bait,” “si Beelzebub,” at “prinsipe ng mga demonyo.” Ibig sabihin, sinabi nila na ang Espiritu ng Diyos ay si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo. Inilarawan nila bilang isang kabaliwan ang gawain ng katawang-tao na ibinihis ng Espiritu ng Diyos sa Kanyang sarili. Hindi lang nila nilapastangan ang Espiritu ng Diyos bilang si Beelzebub at ang prinsipe ng mga demonyo, bagkus ay kinondena rin nila ang gawain ng Diyos at kinondena at nilapastangan ang Panginoong Jesucristo. Ang diwa ng kanilang paglaban at paglapastangan sa Diyos ay lubos na kapareho ng diwa ng paglaban at paglapastangan sa Diyos na ginawa ni Satanas at ng masasamang demonyo. Hindi lang nila kinatawan ang mga taong tiwali, subalit lalong higit na sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Sila ay daluyan para kay Satanas sa gitna ng sangkatauhan, at sila ang mga kasabwat at mga alipin ni Satanas. Ang diwa ng kanilang paglapastangan at ng kanilang paninirang-puri sa Panginoong Jesucristo ay ang kanilang pakikipagtunggali sa Diyos para sa katayuan, ang kanilang pakikipagtagisan sa Diyos, at ang kanilang walang katapusang pagsubok sa Diyos. Ang diwa ng kanilang paglaban sa Diyos at ng kanilang saloobin ng pagkamapanlaban sa Kanya, gayundin ang kanilang mga salita at ang kanilang mga kaisipan, ay tahasang nilapastangan at ginalit ang Espiritu ng Diyos. Kaya, tinukoy ng Diyos ang isang makatwirang paghatol batay sa sinabi at ginawa nila, at tinukoy ng Diyos ang kanilang mga gawa na kasalanan ng paglapastangan laban sa Banal na Espiritu. Ang pagkakasalang ito ay walang kapatawaran kapwa sa buhay na ito at sa mundong darating, gaya ng pinatototohanan sa sumusunod na sipi ng mga Kasulatan: “Ang paglapastangan laban sa Banal na Espiritu ay hindi ipatatawad sa mga tao,” at, “sinumang magsalita laban sa Banal na Espiritu, ay hindi ipatatawad sa kanya, ni sa buhay na ito, o maging sa mundong darating.”

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Noon, ang mga Pariseo ay isang respetadong uri sa Israel, kaya bakit naging isang bansag na ang pangalang ito ngayon? Ito ay dahil ang mga Pariseo ay naging kinatawan ng isang uri ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong uri ng tao? Magaling sila sa pamemeke ng mga bagay-bagay, sa pagpapanggap, at sa pagkukunwari; nagkukunwari silang partikular na marangal, banal, matuwid, at bukas at tapat, at maganda sa pandinig ang mga islogan na isinisigaw nila, ngunit ang totoo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Anong mabubuting pag-uugali mayroon ang mga Pariseo? Nagbasa sila ng mga Kasulatan at nangaral; itinuro nila sa iba na sumunod sa kautusan at mga regulasyon, at huwag lumaban sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mabubuting pag-uugali. Ang lahat ng sinabi nila ay magandang pakinggan, ngunit palihim silang nagnakaw ng mga handog. Sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila, “Kayong … sumasala sa lamok ngunit lumulunok ng kamelyo” (Mateo 23:24). Nangangahulugan ito na ang mga bagay na ginawa nila ay pawang mabubuting pag-uugali sa panlabas; sumigaw sila ng mabubulaklak na islogan at nagpahayag ng mga dakila at matayog na teorya, ang kanilang mga salita ay partikular na masarap pakinggan, ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan kahit kaunti. Ang lahat ng kanilang sinabi at ginawa ay walang kinalaman sa katotohanan; ang lahat ng ito ay mapagpaimbabaw na pag-uugali lamang, at panlilinlang at panlilihis sa mga tao. Sa kanilang puso, hindi nila minahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay kahit kaunti, at nasusuklam pa nga sila sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at nasusuklam sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Ano ang minahal nila? Minahal ba nila ang katuwiran at pagiging patas? (Hindi.) Paano mo masasabi na hindi nila minahal ang mga bagay na ito? (Nang ipangaral ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, hindi lamang sila tumanggi na tanggapin ito, kundi sa halip ay kinondena nila ang Panginoong Jesus.) Kung hindi nila kinondena at nilabanan ang Panginoong Jesus, magiging posible bang masabi na hindi nila minahal ang katotohanan, at na hindi nila minahal ang katuwiran at pagiging patas? Hindi. Ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay ganap na nagbunyag sa mga Pariseo; dahil sa kanilang pagkondena at paglaban sa Panginoong Jesus kaya nakita ng iba ang kanilang pagpapaimbabaw. Kung hindi dahil sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus, walang sinuman ang makakakilatis sa mga Pariseo, at kung tiningnan lamang ng mga tao ang panlabas na pag-uugali ng mga Pariseo, labis pa nga silang maiinggit sa mga ito sa loob nila, at titingalain nila ang mga ito. Ginamit ng mga Pariseo ang mga huwad na mabuting pag-uugaling ito upang mapanlokong makuha ang tiwala ng mga tao—hindi ba’t ito ay hindi sinsero at mapanlinlang? Maaari bang mahalin ng mga mapanlinlang na taong ito ang katotohanan? Hinding-hindi. Ano ang layunin sa likod ng kanilang pagpapakita ng mabubuting pag-uugaling ito? Sa isang banda, ito ay upang linlangin ang mga tao. Sa kabilang banda, ito ay upang iligaw ang mga tao at kunin ang loob nila, upang ang mga tao ay magkaroon ng mataas na pagtingin sa kanila at sumamba sa kanila, at sa huli, nais din nilang magantimpalaan. Napakalaking panloloko nito! Hindi ba’t ito ay isang sopistikadong taktika? Minahal ba ng mga taong ito ang pagiging patas at katuwiran? Tiyak na hindi. Ang minahal nila ay katayuan, kasikatan at pakinabang, at ang gusto nila ay isang gantimpala at isang korona. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita na itinuro ng Diyos sa mga tao, at hindi nila kailanman isinabuhay ang mga katotohanang realidad kahit kaunti. Ang ginawa lamang nila ay gumamit ng mabubuting pag-uugali upang magpanggap, at linlangin ang mga tao at kunin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan upang tiyakin ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, na ginamit naman nila upang makakuha ng puhunan para sa kanilang sarili at maghanapbuhay. Hindi ba’t iyon ay kasuklam-suklam? Mula sa lahat ng pag-uugali nilang ito, makikita na, sa kanilang diwa, hindi nila minahal ang katotohanan, dahil hindi nila ito kailanman isinagawa. Ano ang isang bagay na nagpapakita na hindi nila isinagawa ang katotohanan? Narito ang pinakamalinaw sa lahat: Ang Panginoong Jesus ay pumarito upang gawin ang gawain ng pagtubos, at ang lahat ng salitang sinambit ng Panginoong Jesus ay ang katotohanan at may awtoridad—paano ito tinrato ng mga Pariseo? Bagama’t kinilala nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, hindi lamang nila Siya hindi tinanggap, kundi kinondena at nilapastangan pa Siya. Bakit nila ginawa ito? Ito ay dahil hindi nila minahal ang katotohanan, at sa kanilang puso, tutol pa nga sila at namumuhi sa katotohanan. Kinilala nila na ang lahat ng sinabi ng Panginoong Jesus ay tama, may awtoridad at kapangyarihan, at hindi mali sa anumang paraan, at wala silang anumang magagamit laban sa Kanya. Ngunit nagpumilit silang kondenahin ang Panginoong Jesus, at nakipagsabwatan pa nga laban sa Kanya, sinasabi nila, “Ipako siya sa krus. Siya o tayo.” Ganito kumilos ang grupong iyon ng mga Pariseo bilang mga kaaway ng Panginoong Jesus. Noong panahong iyon ay walang sinuman ang nakauunawa sa katotohanan, at walang sinuman ang nakakilala na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ngunit mula sa pananaw ng tao, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag ng maraming katotohanan, nagpalayas din Siya ng mga demonyo para sa mga tao at nagpagaling ng mga maysakit, gumawa ng maraming himala, at nagpakain sa 5,000 gamit ang limang tinapay at dalawang isda—gumawa Siya ng napakaraming mabuting bagay, at nagkaloob ng napakaraming biyaya sa mga tao, at napakakaunti ng mabubuti at matutuwid na tao na tulad nito. Kaya, bakit kinondena pa rin ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus? Bakit napakatindi ng kanilang pagnanais na ipako Siya sa krus? Mas pinili nilang palayain ang isang kriminal kaysa ang Panginoong Jesus—ipinapakita nito kung gaano kabuktot at kamapaminsala ang mga Pariseo ng mundo ng relihiyon. Napakasama nila! May malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga buktot na mukha ng mga Pariseo na nalantad, at ng kanilang kunwariang panlabas na kabaitan; maraming tao ang hindi nakakilatis kung alin ang totoo at kung alin ang huwad. Ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay ganap na nagbunyag sa mga Pariseong ito. Napakahusay nilang magpanggap at sa panlabas ay mukhang napakamaka-Diyos sa ilalim ng mga karaniwang sitwasyon, at walang sinuman ang mag-aakala na magagawa nilang labanan at usigin ang Panginoong Jesus sa gayon kalupit na paraan. Kung hindi nabunyag ang mga Pariseo ng mga katunayan, walang sinuman ang makakaarok sa kanila.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Ang dahilan kung bakit mapagpaimbabaw ang mga Pariseo, ang dahilan kung bakit sila buktot, ay dahil tutol sila sa katotohanan pero minamahal nila ang kaalaman, kaya pinag-aaralan lamang nila ang mga Kasulatan at hinahangad ang kaalaman sa Kasulatan pero hindi kailanman tinatanggap ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Hindi sila nananalangin sa Diyos kapag nagbabasa sila ng Kanyang mga salita, ni hinahanap o pinagbabahaginan nila ang katotohanan. Sa halip, pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan kung ano ang sinabi at ginawa ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa nilang teorya ang mga salita ng Diyos, isang doktrinang ituturo sa iba, na tinatawag na akademikong pag-aaral. Bakit sila gumagawa ng akademikong pag-aaral? Ano ang pinag-aaralan nila? Sa mga mata nila, hindi ito mga salita ng Diyos o pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi ito ang katotohanan. Sa halip, isa itong klase ng pag-aaral, o maaari pa ngang sabihin na ito ay isang teolohikal na kaalaman. Sa pananaw nila, ang ipalaganap ang kaalamang ito, ang pag-aaral na ito, ay ang ipakalat ang daan ng Diyos, ang ipakalat ang ebanghelyo—ito ang tinatawag nilang pangangaral, pero ang ipinangangaral nila ay pawang teolohikal na kaalaman.

… Pinanghawakan ng mga Pariseo ang mga teolohikal na teorya na naarok nila bilang kaalaman at bilang kasangkapan para timbangin at kondenahin ang mga tao, ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus. Ganito kinondena ang Panginoong Jesus. Ang paraan ng pagtimbang o pagtrato nila sa isang tao ay hindi kailanman nakabatay sa diwa ng tao, ni sa kung ang ipinangaral ba ng isang tao ay ang katotohanan, at lalong hindi sa pinagmulan ng mga salitang sinabi ng taong iyon—ang paraan ng pagtimbang o pagkondena ng mga Pariseo sa isang tao ay nakabatay lamang sa mga regulasyon, salita, at doktrinang naarok nila sa Lumang Tipan ng Bibliya. Kahit alam ng mga Pariseo sa puso nila na ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi isang kasalanan o paglabag sa kautusan, kinondena pa rin nila ang Panginoong Jesus, dahil ang mga katotohanang ipinahayag Niya at ang mga tanda at kababalaghang ginawa Niya ay nag-udyok sa mga tao na sumunod sa Kanya at purihin Siya. Namuhi nang namuhi sa Kanya ang mga Pariseo, at gusto pa nga Siyang alisin sa eksena. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, ni kinilala nila na taglay ng mga salita Niya ang katotohanan, at lalo nilang hindi kinilala na alinsunod sa katotohanan ang gawain Niya. Hinusgahan nila ang Panginoong Jesus bilang nagsasalita ng mga mapangahas na salita at nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Dahil isinisisi nila ang mga kasalanang ito sa Panginoong Jesus, ito ay nagpapakita kung gaano sila namumuhi sa Kanya. Kaya, masigasig silang gumawa para itatwa na isinugo ng Diyos ang Panginoong Jesus, at na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang Mesiyas. Ang ibig nilang sabihin ay, “Gagawin ba ng diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung nagkatawang-tao ang diyos, ipinanganak sana siya sa isang pamilyang may makapangyarihang katayuan. At kakailanganin niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Pariseo. Kailangan niyang sistematikong pag-aralan ang mga Kasulatan, magkaroon ng pagkaarok sa kaalaman sa Kasulatan, at masangkapan ng lahat ng kaalaman sa mga Kasulatan bago niya makuha ang pangalang ‘nagkatawang-taong diyos.’” Pero hindi nasangkapan ang Panginoong Jesus ng ganitong kaalaman, kaya kinondena nila ang Panginoong Jesus, nagsasabing, “Unang-una, hindi ka kalipikado, kaya hindi puwedeng ikaw ang diyos; ikalawa, kung wala ka ng kaalamang ito sa Kasulatan, hindi mo magagawa ang gawain ng diyos, lalo na ang maging diyos ka; ikatlo, hindi ka dapat gumawa sa labas ng templo—hindi ka ngayon gumagawa sa loob ng templo, kundi kasama mo palagi ang mga makasalanan, kaya ang gawaing ginagawa mo ay lagpas na sa saklaw ng mga Kasulatan, kaya lalong hindi posibleng ikaw ang diyos.” Saan galing ang batayan nila ng pagkondena? Mula sa mga Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa teolohikal na edukasyong natanggap nila. Dahil punong-puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ang mga Pariseo, naniwala silang tama ang kaalamang ito, na ito ang katotohanan, na makatwiran itong batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ano ang hinanap nila? Ang isang kahima-himalang diyos na nagpakita sa anyo ng isang espirituwal na katawan. Kaya, tinukoy nila ang mga hangganan ng gawain ng Diyos, itinatwa ang Kanyang gawain, at hinusgahan kung tama ba o mali ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng tao. At ano ang naging pangwakas na resulta nito? Hindi lamang nila kinondena ang gawain ng Diyos, ipinako pa nila sa krus ang nagkatawang-taong Diyos.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply