Saan ibinabatay ng Diyos ang Kanyang pagpapasya tungkol sa kalalabasan ng isang tao

Abril 21, 2018

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan ba o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinangad ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung maaari ba silang magpasakop sa nakikitang Diyos. Salat sa katotohanan yaong mga nagsagawa ng paglilingkod sa nakikitang Diyos, subalit hindi Siya nakikilala o nagpapasakop sa Kanya. Tagagawa ng kasamaan ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga tagagawa ng kasamaan; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang buktot na pag-uugali. Ang Diyos ay para sa mga tao na paniwalaan, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagtalima. Ang mga taong hindi naniniwala sa Diyos at hindi nagagawang magpasakop sa Diyos ay yaong mga may pananampalataya lamang sa malabo at di-nakikitang Diyos. Kung hindi pa rin magagawang maniwala ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na natapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy sa pagiging masuwayin at lumalaban sa Diyos na nakikita sa katawang-tao, walang alinlangan na itong “mga tagasunod ng malabong Diyos” na ito, sa huli, ay magiging mga pakay ng pagwasak. Katulad din ito ng ilan sa inyo—sinumang kumikilala sa salita sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, sa huli ay magiging pakay ng pag-aalis at pagwasak. Bukod dito, sinuman ang pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos, kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya habang hinahangad din ang malabo at di-nakikitang Diyos, ay higit sa malamang na wawasakin sa hinaharap. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating makaraang natapos na ang gawain ng Diyos, o makakaya ng isang tao na katulad ng gayong mga tao na manatili sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang malademonyong mga tao ay yaong mga hindi isinasagawa ang katotohanan; paglaban at pagsuway sa Diyos ang diwa nila, at wala silang bahagya mang layon na magpasakop sa Kanya. Wawasakin ang lahat ng gayong tao. Nakasalalay sa iyong diwa, hindi sa iyong kaanyuan o kung paano ka magsalita o umasal paminsan-minsan, kung taglay mo ang katotohanan o kung lumalaban ka sa Diyos. Natutukoy sa diwa ng tao kung siya ba ay wawasakin o hindi; pinagpapasyahan ito ayon sa diwang inihahayag ng asal ng isang tao at ang pagtataguyod ng isang tao sa katotohanan. Sa mga taong magkakatulad sa isa’t isa sa kanilang gawain, at gumagawa ng magkakasingdaming gawain, yaong mga mabubuti ang pantaong diwa at nagtataglay ng katotohanan ay ang mga taong tutulutang manatili, habang yaong masasama ang pantaong diwa at sumusuway sa nakikitang Diyos ay yaong mga magiging pakay ng pagkawasak. Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na kaugnay sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na iwawasto sa mga tao ayon sa diwa ng bawat isa; walang magaganap na bahagya mang kamalian, at walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa lamang ng gawain ang mga tao na nahahaluan ito ng damdamin at kahulugan. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; lubusan Siyang hindi naglalabas ng mga maling paratang laban sa sinumang nilalang. Maraming tao sa kasalukuyan ang hindi nagagawang mahiwatigan ang hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap at hindi naniniwala sa mga salitang binibigkas Ko. Lahat ng yaong hindi naniniwala, gayundin ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ay mga demonyo!

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Maging mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, wawasakin ang lahat ng mga masama at lahat ng mga hindi pa naililigtas sa sandaling ang banal na nasa sangkatauhan ay pumasok na sa pahinga. Para naman sa mga masasamang espiritu at tao na ito, o ang espiritu ng matuwid na mga tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang kapanahunan, sa huli, ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan ay mawawasak, at ang lahat ng mga matuwid ay makaliligtas. Kung makatatanggap ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan sa batayan ng gawain ng huling kapanahunan. Sa halip, tinutukoy ito sa pamamagitan ng kung sila man ay lumaban o hindi o kaya ay naging masuwayin tungo sa Diyos. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi nakapagtamo ng kaligtasan, walang alinlangan, ay mapagtutuunan ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maaaring mailigtas ay tiyak na mapagtutuunan din ng kaparusahan. Ang mga tao ay nauuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa pamamagitan ng kung anong kapanahunan sila nabuhay. Kapag naayos na batay sa uri, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan. Sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti makaraan Niyang matapos ang pagsasakatuparan ng gawain Niya ng panlulupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mga mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya sa kalagitnaan nila. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain. Hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkatapos ng Kanyang Gawain at pagkatapos ay agarang mag-uumpisa na atupagin ang pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti. Ang buong layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masama at pagbibigay ng gantimpala sa mabuti ay upang lubusang maging dalisay ang lahat ng mga tao upang maaari Siyang magdala ng isang ganap na banal na sangkatauhan sa walang hanggang pahinga. Ang yugtong ito sa gawain Niya ang pinakamahalaga. Ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang pamamahala.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang buktot yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang buktot na tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang pagtatangi. Sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang lahat ng araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin para sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, o gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Lubos na hindi siya magiging maluwag hinggil sa buktot na asal ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa minsanang gugulin para sa Diyos. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kabuktutan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang matapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung matapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung, sa huli, ay hindi pa rin nila nagagawang magpatotoo para sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kasalukuyang hawak nila, magiging mga pakay pa rin sila ng pagkawasak kahit pa dati na silang nakapagbigay ng matapat na paglilingkod sa Diyos. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang mga taong buktot, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Sa gawain ng Diyos sa mga huling araw, tinutukoy Niya ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang paggawa, ngunit anong paggawa ito? Alam ba ninyo? Maaaring isipin ninyo na ito ay tumutukoy sa tiwaling disposisyon ng mga tao na naipapahayag sa kanilang gawa, subalit hindi talaga iyon ang kahulugan nito. Ang paggawang ito ay tumutukoy sa kung naisasagawa mo o hindi ang katotohanan at kung nagagawa mo o hindi na maging matapat habang isinasakatuparan mo ang iyong tungkulin, pati na rin ang iyong perspektibo sa paniniwala sa Diyos, ang iyong saloobin tungkol sa Diyos, ang iyong kapasyahang dumanas ng mga paghihirap, ang iyong saloobin tungkol sa pagtanggap ng paghatol at pagtatabas, ang iyong antas ng pagbabago at ang bilang ng iyong matitinding paglabag. Ang lahat ng ito ay bumubuo sa iyong paggawa. Ang paggawang ito ay hindi tumutukoy sa pinakamalawak na saklaw ng paghahayag ng iyong tiwaling disposisyon, kundi sa kung gaano kalaki ang iyong nakamit sa iyong paniniwala sa Diyos. Kung ang kinalabasan ng mga tao ay natukoy ayon sa kung gaano kalaking katiwalian ang ipinakita sa kanilang likas ng pagkatao at kakanyahan, kung gayon ay walang maliligtas, sapagkat lahat sila ay lubos na nagawang tiwali, lahat sila ay may likas na katangian ni Satanas, lahat sila ay lumalaban sa Diyos—samantalang inililigtas lamang ng Diyos ang mga maaaring tumanggap ng katotohanan at sumunod sa gawain ng Diyos; gaano man kalaking katiwalian ang kanilang ipinakikita, kung tinatanggap nila ang katotohanan sa huli, at talagang nagbabago at nagsisisi sila, kung gayon ay iniligtas sila ng Diyos—na lahat ay ganap na nagpapakita ng pagiging matuwid ng Diyos.

Hinango mula sa “Ang Implikasyon ng Pagtukoy ng Diyos sa mga Kalalabasan ng mga Tao Batay sa Kanilang Paggawa” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw

Tumatanggap man ng mga pagpapala ang isang tao o nagdurusa sa kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, at hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring ibahagi ng isang tao sa iba. Wala na nga lamang puwang sa kaharian ang ganoong uring kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawang makaligtas ng isang tao, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging masuwayin siya sa Diyos at hindi natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat. Natutukoy ang mga hantungang ito ayon sa diwa ng bawat tao, at ganap na walang kinalaman sa ibang mga tao. Ang buktot na pag-uugali ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, o hindi maibabahagi sa mga magulang ang pagkamatuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang buktot na pag-uugali ng isang magulang, o hindi maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagkamatuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kaniyang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kaniyang kapalaran. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao; ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung magtatamo ng magandang kapalaran ang mga magulang, kung gayon ay dapat magawa rin ito ng kanilang mga anak, at kung gagawa ng masama ang mga anak, dapat magsisi ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong pananaw ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay; hindi ito pananaw ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwang nagmumula sa kanilang asal, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang makapapasan sa mga kasalanan ng iba; higit pa, walang sinumang makatatanggap ng kaparusahan na nauukol sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nagpapahiwatig na makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga anak, o ang masunuring pagkamagiliw ng isang anak sa kanyang mga magulang ay nangangahulugang makakaya niyang gampanan ang mga gawang matuwid sa halip ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na pakahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa larangan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa kanila, o hindi madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa matuwid nilang asal. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Sa huli, ang mga gumagawa ng pagkamatuwid ay mga gumagawa ng pagkamatuwid, at ang mga tagagawa ng masama ay mga tagagawa ng masama. Tutulutang makaligtas sa kalaunan ang mga matuwid, samantalang wawasakin ang mga tagagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila madumi. Ang madudumi ay madudumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong wawasakin ay ang lahat ng mga buktot, at ang mga makaliligtas ay ang lahat ng mga matuwid—kahit pa gumaganap ng mga matuwid na gawa ang mga anak ng mga buktot, at kahit pa gumagawa ng masasamang gawa ang mga magulang ng mga matuwid. Walang ugnayan sa pagitan ng isang naniniwalang esposo at ng hindi naniniwalang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga naniniwalang anak at mga di-naniniwalang magulang; ganap na hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, may pisikal na mga kamag-anak ang isang tao, ngunit sa sandaling pumasok sa pamamahinga ang isang tao, wala na siyang anumang pisikal na mga kamag-anak na masasabi. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay mga kaaway ng mga yaong hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga napopoot sa Kanya ay magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga nawasak na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilalang. Ang mga nilalang na tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magagawang makaligtas, habang yaong mga hindi tumutupad sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng pagkawasak; higit pa rito, magtatagal ito hanggang sa kawalang-hanggan.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Marami na Akong nahanap sa lupa upang maging Aking mga tagasunod. Kabilang sa lahat nitong mga tagasunod, mayroon yaong nagsisilbing mga pari, yaong mga namumuno, yaong mga anak ng Diyos, yaong mga bumubuo sa bayan ng Diyos, at yaong mga naglilingkod. Ipinagpangkat-pangkat Ko sila batay sa katapatan na ipinakikita nila sa Akin. Kapag napagbukud-bukod na ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri, iyon ay, kapag ang likas ng bawat uri ng tao ay nabunyag na, Akin namang ibibilang ang bawat tao sa kanilang nararapat na uri at ilalagay ang bawat uri sa kanilang naaangkop na lugar upang sa gayon ay matupad ang Aking layunin ng pagliligtas ng sangkatauhan. Pangkat-pangkat Kong tinatawag sa Aking tahanan yaong mga nais Kong iligtas, at pagkatapos ay ipatatanggap sa kanilang lahat ang Aking gawain ng mga huling araw. Kasabay nito, Aking pinagbubukud-bukod ang tao ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawat isa batay sa kanilang mga gawa. Ganito ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Ngayon ang panahon na tinutukoy Ko ang katapusan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong hubugin ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang piniling landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na mga katangian, at kung paano sila umasal sa dakong huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay makakasama ng kanilang kauri ayon sa itinalaga Ko. Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunuring magpasakop sa pagpapahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na papurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Yaong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring mapadalisay, ibig sabihin, yaong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay kamumuhian at itatakwil ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas marami, at mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagkat napagtaksilan nila ang Diyos at naghimagsik sila laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat na magsagawa ng paglilingkod ay tatanggap ng mas mabigat na parusa, isang parusang bukod diyan ay pangwalang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang ganitong mga tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito mismo ang paghahayag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao, at pagbubunyag sa kanya? Ipapadala ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hahayaan ang masasamang espiritung ito na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto nila at ang kanilang katawan ay mangangamoy-bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan niyaong mga nananalig na hindi-tapat at huwad, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; pagkatapos, sa tamang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hahayaan ang maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto nila, upang hindi na sila makapagkatawang-taong muli kailanman at hindi na makitang muli ang liwanag kailanman. Yaong mga ipokrito na minsang naglingkod ngunit hindi nanatiling tapat hanggang sa huli ay ibinibilang ng Diyos sa masasama, kaya bumabagsak sila sa pakikipagsosyo sa mga masasama at nagiging bahagi ng kanilang magulong grupo; sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi naglaan ng anumang pagsisikap, at pupuksain silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi makapapasok sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos ngunit napilitan dahil sa kanilang kalagayan na humarap sa Kanya nang madalian ay ibinibilang sa mga yaong naglilingkod para sa Kanyang bayan. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay mamamatay na kasama ng mga nagbigay ng serbisyo na hindi umabot sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na ang isipan ay kaayon ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Sila ang magiging bunga ng paglilinis na mula sa gawain ng Diyos. Patungkol sa mga yaong hindi kabilang sa anumang kategoryang inilatag ng Diyos, ibibilang sila sa mga di-mananampalataya—at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasiya kung aling landas ang inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

— Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman