Sinabi ng apostol na si Pablo, “Nakipagbaka ako ng mabuting pakikipagbaka, natapos ko na ang aking takbo, iningatan ko ang pananampalataya: Buhat ngayon ay natataan sa akin ang putong na katuwiran” (2 Timoteo 4:7–8). Naniwala kami sa Panginoon sa loob ng maraming taon, at sa buong panahong ito, ginaya namin si Pablo sa pagtapos sa takbuhin at paggawa para sa Panginoon. Ipinalaganap namin ang ebanghelyo at nagtayo ng mga iglesia, at nananatili kami sa pangalan ng Panginoon at sa daan ng Panginoon. Walang pag-aalinlangan na ang korona ng katuwiran ay ilalagay sa atin. Hangga’t tayo ay masigasig sa ating pagsisikap para sa Panginoon at mapagbantay sa paghihintay sa pagbabalik ng Panginoon, tayo ay direktang madadala sa kaharian ng langit. Sinasabi mo bang may mali sa isinasagawa namin?

Enero 21, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Hindi ang bawa’t nagsasabi sa Akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo’y nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo’y nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha? At kung magkagayo’y ipahahayag Ko sa kanila, kailan ma’y hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan” (Mateo 7:21–23).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Kahit na ang isang tao ay marami nang nagawang mabubuting bagay simula nang siya ay maniwala sa Diyos, maraming bagay pa rin ang maaaring hindi malinaw sa kanila, at lalong maliit ang pagkakataong magkaroon sila ng pagkaunawa sa katotohanan—subalit, dahil sa kanilang madaming mabubuting ginagawa, nararamdaman nilang namumuhay na sila sa salita ng Diyos, at nagpapasakop na sa Kanya, at tunay nang nabigyang-lugod ang Kanyang kalooban. Ito ay sa kadahilanang kung wala kang nakitang mahirap na pangyayari, gagawin mo kung ano ang sinabi sa iyo; wala kang pag-aalinlangang gawin ang kahit na anong tungkulin, at hindi ka manlalaban. Kapag sinabihan kang ipangalat ang ebanghelyo, ito ay isang paghihirap na kaya mong tiisin, at hindi ka aangal, at kapag sinabihan kang tumakbo dito at doon, o gumawa ng mabigat na trabaho, gagawin mo ito. Dahil sa mga ipinapakita mong ito, nararamdaman mo na ikaw ay isang taong nagpapasakop sa Diyos at isang taong tunay na naghahangad ng katotohanan. Subalit kung may isang magsusuri sa iyo nang mas malalim at magtanong, “Ikaw ba ay isang matapat na tao? Ikaw ba ay tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong may binagong disposisyon?” pagkatapos matanong nang ganito, pagkatapos kang maikumpara sa katotohanan upang masuri, ikaw—at masasabihing kahit na sino—ay mapapatunayang may kakulangan, at walang kahit na sinong tao ang lubhang nakakagawa ayon sa katotohan. Samakatuwid, kapag ang ugat ng lahat ng mga kilos at gawa ng tao, gayundin ang diwa at likas ng kanyang mga kilos, ay ikinumpara sa katotohanan, lahat ay isusumpa. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil hindi kilala ng tao ang kanyang sarili; lagi siyang naniniwala sa Diyos sa sarili niyang pamamaraan, ginagampananan ang kanyang tungkulin sa sarili niyang pamamaraan, at naglilingkod sa Diyos sa sarili niyang pamamaraan. Higit pa rito, nararamdaman niyang puno siya ng pananampalataya at katuwiran, at, sa bandang huli, nararamdaman niyang marami na siyang nakamit. Lingid sa kanyang kaalaman, nararamdaman niya na kumikilos siya nang alinsunod sa kalooban ng Diyos at ganap na niya itong natugunan, at nagawa na niya ang lahat ng hinihingi ng Diyos at sumusunod na siya sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung, sa ilang taon ng paniniwala mo sa Diyos, nararamdaman mong may inani ka nang kaunting pakinabang, mas lalong dapat kang bumalik sa harap ng Diyos at magmuni-muni tungkol sa iyong sarili. Dapat mong tingnan ang landas na tinahak mo sa mga panahong nananampalataya ka at tingnan kung ang lahat ng iyong mga kilos at pag-uugali sa harap ng Diyos ay ganap na sumusunod sa nilalaman ng Kanyang puso, ang mga ginagawa mo na laban sa Diyos, ang mga ginagawa mo na kayang magbigay-kasiyahan sa Diyos, at kung ang ginagawa mo ay tumutugon sa mga hinihingi ng Diyos at ganap na alinsunod sa Kanyang kalooban—dapat na malinaw ang mga bagay na ito sa iyo.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago

Ang inaalala lamang ng maraming sumusunod sa Diyos ay kung paano magtamo ng mga pagpapala o umiwas sa sakuna. Sa sandaling nabanggit ang gawain at pamamahala ng Diyos, tumatahimik sila at nawawalan ng lahat ng interes. Iniisip nila na ang pag-unawa sa gayong mahihirap na isyu ay hindi magpapalago o magbibigay ng anumang pakinabang sa kanilang buhay. Sa gayon, bagama’t narinig na nila ang tungkol sa pamamahala ng Diyos, hindi nila iyon gaanong pinakikinggan. Hindi nila ito itinuturing na isang bagay na mahalagang tanggapin, lalong hindi nila tinatanggap ito bilang bahagi ng kanilang buhay. Iisa lamang ang payak na layunin ng gayong mga tao sa pagsunod sa Diyos, at ang layuning iyon ay ang tumanggap ng mga pagpapala. Hindi mag-aabala ang gayong mga tao na makinig sa anumang iba pa na walang direktang kinalaman sa layuning ito. Para sa kanila, walang mithiing mas lehitimo kaysa maniwala sa Diyos upang makatanggap ng mga pagpapala—ito mismo ang halaga ng kanilang pananampalataya. Kung may isang bagay na hindi nakakatulong sa layuning ito, nananatili silang ganap na hindi naaantig nito. Ganyan ang karamihan sa mga taong naniniwala sa Diyos ngayon. Ang kanilang layunin at adhikain ay mukhang lehitimo, dahil habang naniniwala sila sa Diyos, gumugugol din sila para sa Diyos, inaalay nila ang kanilang sarili sa Diyos, at ginagampanan nila ang kanilang tungkulin. Isinusuko nila ang kanilang kabataan, tinatalikuran ang pamilya at propesyon, at gumugol pa ng maraming taon na malayo sa tahanan na nag-aabala. Para sa kapakanan ng kanilang pangunahing mithiin, binabago nila ang kanilang sariling mga interes, ang kanilang pananaw sa buhay, at maging ang direksyong kanilang hinahanap; subalit hindi nila mabago ang layunin ng kanilang paniniwala sa Diyos. Paroo’t parito sila para sa pamamahala ng sarili nilang mga huwaran; gaano man kalayo ang daan, at gaano man karami ang mga hirap at balakid sa daan, nananatili silang matiyaga at walang takot sa kamatayan. Anong kapangyarihan ang nagtutulak sa kanila na patuloy na ialay ang kanilang sarili sa ganitong paraan? Ang kanila bang konsiyensya? Ang kanila bang dakila at marangal na katangian? Ang kanila bang determinasyong labanan ang mga puwersa ng kasamaan hanggang sa pinakahuli? Ang kanila bang pananampalatayang magpatotoo sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapalit? Ang kanila bang katapatan sa pagiging handang isuko ang lahat upang makamit ang kalooban ng Diyos? O ang kanila bang diwa ng debosyon na laging isakripisyo ang personal na maluluhong kahilingan? Ang magbigay pa rin ng napakalaki ang isang taong hindi kailanman naunawaan ang gawain ng pamamahala ng Diyos, sa payak na pananalita, ay isang himala! Sa sandaling ito, huwag nating talakayin kung gaano kalaki ang naibigay ng mga taong ito. Ang kanilang pag-uugali, gayunman, ay lubos na karapat-dapat nating suriin. Bukod pa sa mga pakinabang na lubos na nauugnay sa kanila, maaari kayang may iba pang mga dahilan kaya ang mga taong hindi kailanman nauunawaan ang Diyos ay nagbibigay ng napakalaki sa Kanya? Dito, natutuklasan natin ang isang dating di-matukoy na problema: Ang relasyon ng tao sa Diyos ay para lamang sa sarili nilang interes. Isa itong relasyon sa pagitan ng isang tumatanggap at isang nagbibigay ng pagpapala. Sa madaling salita, katulad ito ng relasyon sa pagitan ng empleyado at ng amo. Nagtatrabaho lamang ang empleyado para matanggap ang mga gantimpalang ipinagkakaloob ng amo. Walang pagmamahal sa gayong relasyon, transaksyon lamang. Walang nagmamahal o minamahal, kawanggawa at awa lamang. Walang pag-unawa, pigil na galit at panlilinlang lamang. Walang pagiging matalik, isang pagitan lamang na hindi matatawid.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao upang hatulan ang ibang mga tao; matuwid yaong ang asal ay mabuti, habang buktot yaong ang asal ay karumal-dumal. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba o hindi sa Kanya ang kanilang diwa; matuwid na tao ang nagpapasakop sa Diyos, samantalang ang hindi nagpapasakop ay kaaway at isang buktot na tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at kung tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa upang magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang mga tao na gumamit ng maiinam na salita upang magkamit ng mabuting hantungan. Maling naniniwala ang lahat na natutukoy ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao pagkaraang mamasdan ang kanilang pag-uugali o pagkaraang makinig sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais samantalahin ito upang linlangin ang Diyos na gawaran sila ng isang panandaliang pagtatangi. Sa hinaharap, ang mga taong makaliligtas sa isang kalagayan ng pamamahinga ay napagtiisan na ang lahat ng araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na rin para sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tinupad na ang kanilang mga tungkulin at kusa nang nagpasakop sa Diyos. Yaong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na gawin ang paglilingkod na kasama ang balak na iwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi pahihintulutang manatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pag-aayos ng mga kalalabasan ng bawat tao; hindi Siya basta gumagawa ng mga kapasiyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, o gumagawa Siya ng mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang tagal ng panahon. Lubos na hindi siya magiging maluwag hinggil sa buktot na asal ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, o hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil sa minsanang gugulin para sa Diyos. Walang sinuman ang makaiiwas sa paghihiganti para sa kanilang kabuktutan, at walang sinuman ang mapagtatakpan ang kanilang masamang pag-uugali at sa gayon ay makaiiwas sa mga paghihirap ng pagkawasak. Kung totoong matutupad ng mga tao ang sarili nilang tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggang matapat sila sa Diyos at hindi hinahangad ang mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga biyaya o nagdurusa sa kasawian. Kung matapat sa Diyos ang mga tao kapag nakikita nila ang mga biyaya, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi nila nakikita ang anumang mga biyaya, at kung, sa huli, ay hindi pa rin nila nagagawang magpatotoo para sa Diyos o tuparin ang mga tungkuling kasalukuyang hawak nila, magiging mga pakay pa rin sila ng pagkawasak kahit pa dati na silang nakapagbigay ng matapat na paglilingkod sa Diyos. Sa madaling salita, hindi maaaring makaligtas hanggang sa kawalang-hanggan ang mga taong buktot, o makapapasok sa pamamahinga; tanging ang mga matuwid ang mga panginoon ng pamamahinga.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama

Ipagpalagay nang nakakagawa ka para sa Diyos, subalit hindi ka sumusunod sa Diyos, at hindi mo kayang tunay na mahalin ang Diyos. Sa ganitong paraan, hindi mo lamang hindi natupad ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos, kundi ikukondena ka rin ng Diyos, dahil ikaw ay isang taong hindi nagtataglay ng katotohanan, na walang kakayahang sumunod sa Diyos, at suwail sa Diyos. Pinahahalagahan mo lamang ang paggawa para sa Diyos, at hindi mo pinahahalagahan ang pagsasagawa ng katotohanan o pagkilala sa iyong sarili. Hindi mo nauunawaan o nakikilala ang Lumikha, at hindi mo sinusunod o minamahal ang Lumikha. Ikaw ay isang taong likas na suwail sa Diyos, kaya nga ang gayong mga tao ay hindi minamahal ng Lumikha.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kundisyon sa mga kinakailangan Ko sa tao, at yaong Aking kailangan ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kwalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo na silang taglay; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung lumalakad ka sa Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay pababagsakin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Ngayon, kung nakasunod ka sa mga salita na Aking binitiwan, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa anumang kalagayan, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Sa ano mang katayuan, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid: Nagdusa ako para sa Kanya, gumawa para sa Kanya, at inilaan ang aking sarili sa Kanya, at masigasig akong nakagawa kahit hindi tumatanggap ng anumang pagkilala; tiyak na aalalahanin Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang katuwirang ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong pag-uugnayan. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay gumagawa ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagkamatuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang pag-uugnayan. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at hindi nagtatangi sa lahat ng tao, at ang lahat ng yaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila yaong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kalagayan ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakatugon sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang kailangan, gayunman ay wala kang hangarin na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at pinagsikapan ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isa ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng masasamang tao; lahat niyaong hindi lumalakad sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagkamatuwid ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong matanto na parurusahan din ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ay isang di-nababagong katotohanan. Samakatuwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan nang gayon para sa katuwiran ng Diyos at bilang ganti sa kanilang maraming masasamang gawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Kailangan mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; yaong mga hindi dalisay ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, yaong mga hindi dalisay ay hindi pinahihintulutang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t maaaring marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli kung kalunus-lunos pa rin ang iyong karumihan, hindi katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pundasyon ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nakapag-alok ng madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga humihingi ng pabor sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makasusuway rito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, yaong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila yaong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at gampanan ang kanilang tungkulin bilang nilalang ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi mo hinahangad na baguhin ang iyong sariling disposisyon sa buhay, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—at ito ay isang katotohanang hindi mababago!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.