Sinasabi mo na dapat nating tanggapin ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, dahil doon lamang malilinis at mababago ang ating mga tiwaling satanikong disposisyon, at saka lamang tayo makakapasok sa kaharian ng Diyos. Kaya, tulad ng hinihingi ng Panginoon, tayo ay nagpapakumbaba at nagpaparaya, minamahal natin ang ating mga kaaway, pinapasan natin ang ating krus, dinidisiplina natin ang ating katawan, tinatalikuran natin ang mga makamundong bagay, gumagawa tayo at nangangaral para sa Panginoon, at iba pa. Hindi ba’t ang lahat ng ito ay mga pagbabagong naganap sa atin? Sinasabi mo bang hindi pa ito sapat upang makapasok tayo sa kaharian sa langit? Naniniwala ako na hangga’t nagpapatuloy tayo sa pagsusumikap sa ganitong paraan, tayo ay magiging banal at makakapasok sa makalangit na kaharian.

Enero 21, 2022

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Hindi ang bawat nagsasabi sa Akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang sumusunod sa kalooban ng Aking Ama na nasa langit. Marami ang mangagsasabi sa Akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga nagsipanghula kami sa Iyong pangalan, at sa pangalan Mo ay nangagpalayas kami ng mga demonyo, at sa pangalan Mo ay nagsigawa kami ng maraming gawang kamangha-mangha?’ At kung magkagayon ay ipahahayag Ko sa kanila, ‘Kailanman ay hindi Ko kayo nangakilala: magsilayo kayo sa Akin, kayong manggagawa ng katampalasanan’” (Mateo 7:21–23).

“Sundin ninyo ang kapayapaan sa lahat ng mga tao, at ang kabanalan, na kung wala ito ay sinoman ay hindi makakakita sa Panginoon” (Mga Hebreo 12:14).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Talagang binibigyang-diin ng karamihan sa mga tao ang pag-uugali sa kanilang pananampalataya sa Diyos, at bilang resulta, nagkakaroon ng ilang pagbabago sa kanilang pag-uugali. Pagkatapos nilang manampalataya sa Diyos, humihinto sila sa paninigarilyo at pag-iinom, at hindi na sila nakikipagtunggali sa iba, mas pinipiling magtiis kahit pa nangangahulugan ito ng pagdurusa ng kawalan. Sumasailalim sila sa ilang pagbabago sa pag-uugali. Ang ilang tao, pagkatapos manampalataya sa Diyos, ay tumutuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, nakauunawa ng ilang katotohanan, nakakaranas sa gawain ng Banal na Espiritu, at nakakaramdam ng matinding kasiyahan sa puso nila, at kaya, handa silang igugol ang kanilang sarili para sa Diyos, at kaya pa nga nilang talikuran ang anumang bagay at magdusa ng anumang paghihirap. Ngunit kung, matapos manampalataya sa Diyos sa loob ng ilang taon, ang mga tao ay palaging nabibigong hangarin ang katotohanan, kung gayon, dahil walang naging pagbabago sa kanilang buhay disposisyon, hindi maiiwasang patuloy silang gagawa ng parehong mga dating pagkakamali. Hindi lang sila nabibigong iwaksi ang kanilang satanikong disposisyon, kundi nagiging malala lang ito. Umaasa sila sa kanilang tagal sa pananampalataya para makipag-agawan para sa kapangyarihan at pakinabang, nag-iimbot sila sa pera ng iglesia, at naiinggit sila sa tuwing nakikita nilang may ibang nananamantala sa sambahayan ng Diyos, umaasa lang na makakuha ng mas malalaking benepisyo para sa kanilang sarili—nagiging mga linta at salot sila sa loob ng sambahayan ng Diyos. Bilang resulta, ang ilan ay nagiging mga huwad na lider at mga anticristo, at nabubunyag at natitiwalag. At ano ang pinatutunayan ng mga katunayang ito? Ang mga pagbabago lang sa pag-uugali ay hindi napapanatili; kung walang pagbabago sa buhay disposisyon ng mga tao, sa malao’t madali, ipapakita nila ang mga tunay nilang kulay. Ito ay dahil ang pinagmumulan ng mga pagbabago sa pag-uugali ay ang kasigasigan, at bukod pa rito, gumagawa ang Banal na Espiritu ng ilang gawain sa panahong ito, kaya nagiging napakadali para sa mga tao na maging masigasig o magpakita ng kaunting kabaitan sa loob ng maikling panahon. Katulad ng sinasabi ng mga walang pananampalataya, “Madali ang paggawa ng isang mabuting bagay; ang mahirap ay ang habambuhay na paggawa ng mabubuting bagay.” Bakit walang kakayahan ang mga tao na gumawa ng mabubuting bagay sa buong buhay nila? Sapagkat sa kalikasan, ang mga tao ay buktot, makasarili, at tiwali. Ang pag-uugali ng isang tao ay dinidikta ng kanyang kalikasan; anuman ang kalikasan ng taong iyon, gayundin ang mga likas na pagbubunyag niya, at iyon lamang likas na ibinubunyag niya ang kumakatawan sa kanyang kalikasan. Hindi magtatagal ang mga pagkukunwari. Kapag gumagawa ang Diyos upang iligtas ang tao, hindi ito upang palamutian ang tao ng mabuting pag-uugali—ang layon ng gawain ng Diyos ay ang baguhin ang disposisyon ng mga tao, baguhin sila hanggang sa kaibuturan at gawin silang mga bagong tao. Ang paghatol, pagkastigo, mga pagsubok, at pagpipino ng Diyos sa tao ay pawang nagsisilbi upang baguhin ang kanyang disposisyon upang makamit niya ang pagpapasakop at katapatan sa Diyos, at tunay siyang sumamba sa Diyos. Ito ang resulta na nais makamit ng Diyos sa Kanyang gawain, at ito rin ang pakay ng gawain ng Diyos. Ang pagpapakabait ay hindi katulad ng pagpapasakop sa Diyos, lalong hindi ito katumbas ng pagiging kaayon kay Cristo. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay batay sa doktrina at bunga ng sigasig; hindi batay ang mga ito sa tunay na pagkakilala sa Diyos o sa katotohanan, lalong hindi batay sa paggabay ng Banal na Espiritu. Bagama’t may mga pagkakataon na ang mga tao ay medyo nabibigyang-liwanag o nagagabayan ng Banal na Espiritu, hindi ito isang pagbubunyag ng buhay nila. Hindi pa sila nakapasok sa mga katotohanang realidad, at ang kanilang buhay disposisyon ay hindi talaga nagbago. Gaano man kabuti ang pag-uugali ng isang tao, hindi ito nagpapatunay na nagpapasakop siya sa Diyos o na isinasagawa niya ang katotohanan. Ang mga pagbabago sa pag-uugali ay hindi kumakatawan sa mga pagbabago sa buhay disposisyon at hindi maaaring ituring ang mga ito bilang mga pagbubunyag ng buhay.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Bagama’t ang isang tao ay maaaring nakapagsagawa ng maraming mabuting pag-uugali buhat nang magsimula siyang manampalataya sa Diyos, hindi pa rin niya makita nang malinaw ang maraming bagay, lalo na ang maunawaan ang katotohanan. Gayunman, dahil sa marami niyang mabuting pag-uugali, ang pakiramdam niya ay isinasagawa na niya ang katotohanan, na nagpasakop na siya sa Diyos, at na natugunan na niya ang mga layunin ng Diyos. Kapag walang nangyayari sa iyo, nagagawa mo ang anumang iutos sa iyo, at walang-atubili mong ginagawa ang iyong tungkulin nang walang anumang pagsuway. Kapag sinabihan kang mangaral ng ebanghelyo, hindi ka nagrereklamo at kaya mong tiisin ang paghihirap na ito, at kapag inutusan kang magparoo’t magparito at gumawa, o gumawa ng isang partikular na gampanin, ginagawa mo iyon. Dahil dito, pakiramdam mo ay isa kang tao na nagpapasakop sa Diyos at tunay na naghahangad sa katotohanan. Ngunit kung isasailalim ka sa seryosong pagsusuri, at tatanungin ka, “Ikaw ba ay isang matapat na tao? Ikaw ba ay isang taong tunay na nagpapasakop sa Diyos? Isang taong nagbago na ang disposisyon?”—kung ang bawat tao ay ikukumpara sa katotohanan ng mga salita ng Diyos—maaaring sabihin na walang sinuman ang pasok sa pamantayan, at na walang sinuman ang kayang kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kaya, ang buong tiwaling sangkatauhan ay dapat na magnilay sa kanilang sarili. Dapat nilang pagnilayan ang mga disposisyon na kanilang ipinamumuhay, at ang mga pilosopiya, lohika, mga maling pananampalataya at maling kaisipan ni Satanas na bumubuo ng batayan para sa lahat ng kanilang kilos at gawa. Dapat nilang pagnilayan ang ugat na dahilan kung bakit ibinubunyag nila ang kanilang mga tiwaling disposisyon, kung ano ang diwa ng kanilang pagkilos nang sutil, kung batay saan at para kanino sila namumuhay. Kung ito ay ihahambing sa katotohanan, ang lahat ng tao ay kokondenahin. Ano ang dahilan nito? Ito ay dahil labis nang ginawang tiwali ang tao. Hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, at lahat sila ay namumuhay ayon sa kanilang mga tiwaling disposisyon. Wala sila ni katiting na pagkakilala sa sarili, palagi silang nananampalataya sa Diyos alinsunod sa kanilang mga sariling kuru-kuro at imahinasyon, palagi nilang ginagawa ang kanilang mga tungkulin batay sa sarili nilang mga kagustuhan at pamamaraan, at palagi nilang sinusunod ang mga relihiyosong teorya sa kung paano sila maglingkod sa Diyos. Higit pa riyan, iniisip pa rin nila na punong-puno sila ng kumpiyansa, na ang kanilang mga kilos ay napakamakatwiran, at sa huli, pakiramdam nila ay marami na silang nakamit. Walang kamalayan nilang naiisip na sila ay kumikilos na nang ayon sa mga layunin ng Diyos at na natugunan na nila ang mga ito nang lubos, at na naabot na nila ang mga hinihingi ng Diyos at sila ay sumusunod na sa kalooban Niya. Kung ganito ang nararamdaman mo, o kung iniisip mo na nakaani ka na ng ilang bunga sa ilang taon mo ng pananampalataya sa Diyos, lalo kang dapat manumbalik sa harapan ng Diyos upang suriing mabuti ang sarili mo. Dapat mong tingnan ang iyong paglalakbay sa mga taon na ito ng pananampalataya sa Diyos, at tingnan kung ang iyong mga kilos at gawa ay nakaaayon sa mga katotohanang prinsipyo, gayundin kung alin sa iyong mga pagpapamalas ang sumasalungat sa Diyos, kung alin ang nagpapasakop sa Diyos, kung alin ang nakatutugon sa mga hinihingi ng Diyos, kung alin ang nagpapatotoo sa Diyos, at sa anong mga larangan ka may pagkakautang sa Diyos. Dapat malinaw sa iyo ang lahat ng bagay na ito—doon ka lamang maituturing na may kamalayan sa sarili.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw Maaaring Tunay na Magbago ang Isang Tao

Ang isang makasalanang tulad mo, na katutubos pa lang, at hindi pa sumailalim sa pagbabago o sa pagpeperpekto ng Diyos—makakaayon ka ba sa mga layunin ng Diyos? Para sa iyo, na nasa luma mo pa ring katauhan, totoong ikaw ay iniligtas ni Jesus, at hindi ka nabibilang sa kasalanan dahil sa pagliligtas ng Diyos, ngunit hindi ito nagpapatunay na ikaw ay walang kasalanan o karumihan. Paano ka magagawang banal kung hindi ka sumailalim sa pagbabago? Sa loob, puno ka ng mga karumihan, at makasarili at mababang-uri ka, ngunit ninanais mo pa ring bumaba kasama ni Jesus—sinusuwerte ka naman masyado! Nalaktawan mo ang isang hakbang sa iyong pananampalataya sa Diyos; natubos ka pa lang, ngunit hindi ka pa sumailalim sa pagbabago. Para makaayon ka sa mga layunin ng Diyos, kailangang ang Diyos Mismo ang gumawa ng gawain para baguhin at linisin ka; kung hindi, natubos ka lamang at imposibleng magawa kang banal. Sa ganitong kaso, hindi ka kalipikado na tamasahin ang magagandang pagpapala kasama ang Diyos, dahil napag-iwanan ka ng isang hakbang sa gawain ng Diyos na pamamahala sa tao, na siyang pangunahing hakbang sa pagbabago at pagperpekto ng tao. Kaya ikaw, na isang makasalanang katutubos pa lang, ay walang kakayahang direktang tumanggap ng pamana ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa mga Katawagan at sa Pagkakakilanlan

Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at magpasan ng mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din nito na gumawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain upang ganap na iwaksi sa tao ang mga disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa sangkatauhan sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mamumuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao. Bagama’t ang tao ay natubos at napatawad na sa kanyang mga kasalanan, ito ay maaari lamang na ituring na hindi pagtanda ng Diyos sa mga pagsalangsang ng tao at hindi pagtrato sa tao alinsunod sa mga pagsalangsang nito. Subalit, ang tao, na namumuhay sa laman, ay hindi pa napapalaya mula sa kasalanan, siya ay makakapagpatuloy lamang sa pagkakasala, ibinubunyag nang walang katapusan ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Ito ang buhay na ipinamumuhay ng tao, isang walang-katapusang siklo ng pagkakasala at pagtanggap ng kapatawaran. Ang karamihan ng tao ay nagkakasala sa araw at nangungumpisal sa gabi. Kaya naman, kahit na ang handog para sa kasalanan ay walang hanggan ang bisa sa tao, hindi nito magagawang iligtas ang tao mula sa kasalanan. Tanging kalahati lang ng gawain ng pagliligtas ang nakompleto, sapagkat ang tao ay mayroon pa ring mga tiwaling disposisyon. … Hindi madali para sa tao na mabatid ang kanyang mga kasalanan, at wala siyang paraan para kilalanin ang kanyang sariling kalikasang nag-ugat na nang malalim. Sa pamamagitan lamang ng paghatol ng salita ay makakamit ang ganitong resulta. Sa ganitong paraan lamang maaaring unti-unting mabago ang tao mula sa puntong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Itinatakda Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong maunawaan na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos nang walang eksepsiyon. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

Maaaring iniisip ninyo na, bilang tagasunod sa loob ng maraming taon, na nakapagsikap na kayong gumawa anuman ang mangyari, at na anuman ang kaso ay puwede kayong maging isang trabahador at makakakain sa sambahayan ng Diyos. Sinasabi Ko na ang karamihan sa inyo ay nag-iisip sa ganitong paraan, dahil palagi ninyong hinahangad ang prinsipyo ng pagsasamantala sa mga bagay at hindi mapagsamantalahan. Kaya’t sinasabi Ko sa inyo ngayon nang may buong kaseryosohan: Wala Akong pakialam kung nagsikap ka nang husto at nakagawa ng mahahalagang kontribusyon, kung matagal ka nang nananampalataya, kung sumusunod ka sa Akin nang malapitan, kung ikaw ay lubos na kilala o kung bumuti na ba ang iyong saloobin; hangga’t hindi ka kumikilos ayon sa Aking mga hinihingi, hinding-hindi mo makakamit ang Aking pagsang-ayon. Mas mabuting kumilos ka sa lalong madaling panahon para alisin ang lahat ng mga ideya at plano mong iyon, at seryosohin ang Aking mga hinihingi. Kung hindi, gagawin Kong abo ang lahat ng tao, nang sa gayon ay magwawakas ang Aking gawain; sa pinakamataas, mauuwi sa wala ang Aking mga taon ng paggawa at pagdurusa—sapagkat hindi Ko maaaring dalhin sa Aking kaharian o isama sa susunod na kapanahunan ang Aking mga kaaway at yaong mga tao na umaalingasaw sa kasamaan at nagtataglay ng parehong dating satanikong wangis.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pagsalangsang ay Magdadala sa Tao sa Impiyerno

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply