Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala sa Diyos at ng paniniwala sa relihiyon
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ano ang paniniwala sa relihiyon? Ano ang paniniwala sa Diyos? May pagkakaiba ba sa pagitan ng mga ito? Ano ang karaniwan at hayag na mga katangian ng relihiyon? Paano karaniwang binibigyang-kahulugan ng mga tao ang paniniwala sa relihiyon? Ang paniniwala sa relihiyon ay binubuo ng mga pagbabago sa pag-uugali, isang pagbabago sa mga pag-uugaling tulad ng pakikipag-away sa iba, pagmumura sa iba, katiwalian, pagkasangkapan sa iba, pagsasamantala sa iba, at maliliit na pagnanakaw at panloloob. Karaniwang tumutukoy ito sa mga pagbabago sa pag-uugali. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, sinisikap nilang kumilos nang maayos, na maging isang mabuting tao; ang mga ito ay mga pag-uugaling hayag. Ano naman ang relihiyon bilang isang bagay na nagbibigay ng pansamantalang kapanatagan ng isipan? Ano naman ang tungkol sa dako ng pag-iisip? Sa pagsampalataya, mayroon ngang pansamantalang kapanatagan ng isipan ang isang tao. Ang paniniwala sa relihiyon kung gayon ay maaaring bigyang-kahulugan nang ganito: pagkilos nang maayos, at pagkakaroon ng pansamantalang kapanatagan ng isipan—wala nang iba. Pagdating sa mga detalyeng tulad ng kung ang pinaniniwalaan nila ay totoong nabubuhay at kung ano Siya, talaga, at kung ano ang hinihiling Niya sa kanila, ginagamit ng mga tao ang paghinuha at ang kanilang imahinasyon. Ang paniniwala na may gayong batayan ay tinatawag na paniniwala sa relihiyon. Ang paniniwala sa relihiyon ay nangangahulugan higit sa lahat ng paghahangad na mabago ang pag-uugali at magkaroon ng pansamantalang kapanatagan ng isipan, ngunit kinapapalooban ba ito ng anumang pagbabago sa landas ng buhay ng isang tao? Wala ni katiting na pagbabago sa landas, layunin, o direksyon sa buhay ng isang tao, ni sa pinagbabatayan ng kanilang pamumuhay. At ano ang ibig sabihin ng maniwala sa Diyos? Ano ang itinuturing at ipinagagawa ng Diyos bilang paniniwala sa Kanya? (Paniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan.) Paniniwala ito na Siya ay umiiral at paniniwala sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan—napakahalaga nito. Ano ang ipinagagawa ng Diyos sa mga tao sa kanilang paniniwala sa Kanya? Saan ito nauugnay? (Pagiging matatapat na tao, pagkakaroon ng normal na pagkatao, paghahangad sa katotohanan, paghahangad sa pagbabago ng disposisyon, at paghahangad na makilala ang Diyos.) At mayroon bang ipinagagawa sa mga tao hinggil sa kanilang mga salita at pag-uugali? Sa panlabas, kailangan mong magkaroon ng banal na kagandahang-asal at mamuhay nang may normal na pagkatao. At ano ang kahulugan ng paniniwala sa Diyos? Ang paniniwala sa Diyos ay pagsunod sa mga salita ng Diyos; ito ay ang umiral, mabuhay, at gampanan ang tungkulin ng isang tao ayon sa mga salitang sinambit ng Diyos, at maging abala sa lahat ng aktibidad ng normal na pagkatao. Ipinahihiwatig nito na ang maniwala sa Diyos ay ang sundin ang Diyos, gawin ang ipinagagawa sa iyo ng Diyos, at mamuhay ayon sa nais ng Diyos. Ang maniwala sa Diyos ay ang sumunod sa Kanyang daan. At sa paggawa nito, hindi ba lubos na naiiba ang layunin at direksyon ng buhay ng mga tao mula sa mga taong naniniwala sa relihiyon? Ano ang kinabibilangan ng paniniwala sa Diyos? Ang mga tao ay dapat ipamuhay ang normal na pagkatao; dapat nilang sundin ang mga salita ng Diyos, anuman ang ipinagagawa sa kanila ng Diyos; at dapat silang magsagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Lahat ng bagay na ito ay kinapapalooban ng mga salita ng Diyos. Ano ang mga salita ng Diyos? (Ang katotohanan.) Ang paniniwala sa Diyos ay kinapapalooban ng katotohanan; ito ang pinagmumulan, at ang tamang landas ng buhay; kinapapalooban ito ng landas na tinatahak ng mga tao sa buhay. Kinapapalooban ba ng anuman dito ang paniniwala sa relihiyon? Hindi. Sa paniniwala sa relihiyon, ayos lang na ipakita na kumikilos ka nang maayos, nagpipigil sa sarili, sumusunod sa mga panuntunan, at magkaroon ng pansamantalang kapanatagan ng isipan. Kung kumikilos nang maayos ang isang tao at may suporta at pansamantalang kapanatagan ng isipan, nagbabago ba ang kanilang landas sa buhay? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Ang paniniwala sa relihiyon at paniniwala sa Diyos ay magkapareho.” Kung gayon, sinusunod ba nila ang Diyos? Ang paniniwala sa relihiyon ay paghahangad lamang ng pagbabago ng pag-uugali, walang iba kundi paghahangad ng pansamantalang kapanatagan ng isipan, at hindi ito kinapapalooban ng anumang katotohanan. Dahil dito, hindi maaaring magkaroon ng pagbabago sa disposisyon ng mga taong ito. Wala silang kakayahang isagawa ang katotohanan, o ang anumang makabuluhang pagbabago, at wala silang totoong kaalaman tungkol sa Diyos. Kapag naniniwala ang isang tao sa relihiyon, gaano man kabuti ang kanilang pag-uugali, gaano man katindi ang pansamantalang kapanatagan ng kanilang isipan, sinusunod ba nila ang Diyos? (Hindi.) Kung gayon ay sino ang kanilang sinusunod? Sinusunod nila si Satanas. At ano ang batayan ng kanilang ipinamumuhay, hinahangad, ninanais, isinasagawa, at inaasahan sa kanilang buhay? Ang batayang iyon ay ang buong tiwaling disposisyon ni Satanas at ang kakanyahan nito. Ang paraan ng pagdadala nila sa kanilang sarili at pagtrato nila sa iba ay naaayon sa lohika at pilosopiya ni Satanas ukol sa pamumuhay; lahat ng sinasabi nila ay kasinungalingan, wala ni katiting na katotohanan; hindi pa sila nagkamit ng kahit kaunting pagbabago sa kanilang satanikong disposisyon, at si Satanas pa rin ang kanilang sinusunod. Ang kanilang pananaw sa buhay, mga pinahahalagahan, mga paraan ng pamamahala sa mga bagay-bagay, at mga prinsipyo ng kanilang mga kilos ay pawang mga pagpapahayag ng kanilang satanikong kalikasan; mayroon lamang maliit na pagbabago sa ipinapakita nilang pag-uugali; wala ni katiting na pagbabago sa kanilang landas ng buhay, sa paraan ng kanilang pamumuhay, o sa kanilang pananaw. Kung talagang naniniwala ka sa Diyos, anong mga pagbabago ang totoong nangyari na sa iyo matapos maniwala sa Diyos nang ilang taon? Ang pundasyon ng iyong buhay ay nagdaraan sa isang pagbabago. Ano ang batayan ng iyong pamumuhay? Ano ang nakakaimpluwensya sa ginagawa at sinasabi mo araw-araw? Saan nakabatay ang lahat ng iyon? (Lahat ng iyon ay batay sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan.) Halimbawa, marahil ay hindi ka na nagsisinungaling—ano ang batayan nito? Bakit hindi ka na nagsasalita sa gayong paraan? (Dahil ayaw iyon ng Diyos.) May batayan kaya hindi ka na nagsasalita o kumikilos sa gayong paraan, at ang batayan ay ang salita ng Diyos, ang hinihiling ng Diyos, at ang katotohanan. Ang gayong tao ba ay may katulad na landas ng buhay? Narito ang isang buod: Ano ang paniniwala sa relihiyon? At ano ang paniniwala sa Diyos? Kapag naniniwala ang mga tao sa relihiyon, sinusunod nila si Satanas; kapag naniniwala sila sa Diyos, sinusunod nila ang Diyos. Iyan ang pagkakaiba. Ngayon, ginagampanan mo ang iyong tungkulin sa bahay ng Diyos; naniniwala ka ba sa relihiyon o sa Diyos? Ano ang pagkakaiba? Saan ito nakadepende? Nakadepende ito sa landas na iyong tinatahak. Kung ang hinahangad mo ay mabuting pag-uugali, isang pansamantalang kapanatagan ng isipan, pagsunod sa mga panuntunan, at masasamang balak para personal na makinabang, at kung hindi mo hinahangad ang katotohanan nang kahit kaunti, kundi ang maging isang taong tila mabuti, at wala ni katiting na pagbabago sa iyong kalikasang diwa, o tiwaling disposisyon, kung gayon ay naniniwala ka sa relihiyon. Yaong mga naniniwala sa Diyos ay nagagawang tanggapin ang lahat ng katotohanang ipinapahayag ng Diyos; nagagawa nilang magmuni-muni tungkol sa at makilala ang kanilang sarili ayon sa katotohanan at talagang nagsisisi, at sa huli, nagagawa nilang mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos, sundin ang Diyos, at sambahin ang Diyos—ang gayong mga tao lamang ang tunay na sumasampalataya sa Diyos.
Hinango mula sa “Ang Paniniwala sa Relihiyon ay Hindi Kailanman Hahantong sa Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala sa Diyos at paniniwala sa relihiyon at pagiging relihiyoso? Iniisip ng lahat na naniniwala sa relihiyon ang tao dahil kulang sila sa kabuhayan, na maaaring mayroon silang mga paghihirap sa kanilang tahanan. Kung hindi, iyon ay dahil gusto nilang makahanap ng isang bagay na masasandalan, upang makahanap ng espirituwal na panustos. Madalas na ang paniniwala sa relihiyon ay walang iba kundi pag-uudyok sa mga tao na maging mapagkawang-gawa, na tumulong sa iba, na maging mabuti sa iba, na gumawa nang mas maraming mabubuting gawa upang magpalago ng kabanalan, na huwag pumatay o manunog, huwag gumawa ng masasamang bagay, huwag manakit ng mga tao o magmura sa kanila, huwag magnakaw o mandambong, at huwag mandaya o manggantso. Ito ang konsepto ng “paniniwala sa relihiyon” na umiiral sa isipan ng lahat. Gaano kalaki sa konsepto ng paniniwala sa relihiyon ang umiiral sa inyong mga puso ngayon? Masasabi ba ninyo kung ang pagkakaroon ng mga saloobing ito ay paniniwala sa relihiyon? May pagkakaiba ba sa pagitan ng kalagayan ng pagkakaroon ng pananampalataya at kalagayan ng paniniwala sa relihiyon? Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala sa relihiyon at paniniwala sa Diyos? Noong una kang naniwala sa Diyos, maaaring nadama mo na ang paniniwala sa relihiyon at paniniwala sa Diyos ay magkapareho. Ngunit ngayon, matapos maniwala sa Diyos nang mahigit limang taon, sa palagay mo ay ano ba talaga ang pagkakaroon ng pananampalataya? Mayroon ba itong anumang pagkakaiba sa paniniwala sa relihiyon? Ang ibig sabihin ng paniniwala sa relihiyon ay pagsunod sa ilang rituwal upang magdala ng kaligayahan at kapanatagan sa espiritu ng isang tao. Wala itong kaugnayan sa mga katanungan gaya ng kung anong landas ang nilalakaran ng mga tao, kung paano nabubuhay ang mga tao, o kung paano sila namumuhay. Ibig sabihin, walang pagbabago sa iyong puso, sa iyong panloob na mundo; ikaw pa rin iyan, at ang iyong kalikasan at kakanyahan ay hindi nagbabago. Hindi mo pa tinatanggap ang mga katotohanan na mula sa Diyos at ginagawa ang mga ito na iyong buhay, kundi gumawa ka lang ng ilang mabubuting gawa o sumunod sa seremonya at mga tuntunin. Nakibahagi ka lamang sa ilang aktibidad na may kaugnayan sa paniniwala sa relihiyon—ito lang, iyon lang iyon. Kung gayon ay ano ang tinutukoy ng paniniwala sa Diyos? Ang ibig sabihin nito ay isang pagbabago kung paano ka nabubuhay sa mundong ito, ibig sabihin nito ay nagkaroon na ng pagbabago sa halaga ng iyong pag-iral at iyong mga hangarin sa buhay. Noon ay nabuhay ka para sa mga bagay na tulad ng pagbibigay-dangal sa iyong mga ninuno, pamumukod-tangi sa mga tao, pagkakaroon ng magandang buhay, at pagsisikap para sa katanyagan at kayamanan. Ngayon, tinalikuran mo na ang mga bagay na iyon. Hindi ka na sumusunod kay Satanas, bagkus ay nais mo na itong talikuran, na talikuran ang masamang kalakarang ito. Ikaw ay sumusunod sa Diyos, ang tinatanggap mo ay ang katotohanan, at ang landas na nilalakaran mo ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan. Ang direksyon ng buhay mo ay ganap nang nagbago. Ito ay pagharap sa buhay sa ibang paraan, pagkakaroon ng ibang paraan ng pamumuhay, pagsunod sa Lumikha, pagtanggap at pagpapasakop sa pangangasiwa at mga pagsasaayos ng Lumikha, pagtanggap sa pagliligtas ng Lumikha, at sa wakas ay pagiging isang tunay na nilikha. Hindi ba’t ito ay pagbabago sa iyong paraan ng pamumuhay? Ito ang ganap na kabaliktaran ng iyong dating hangarin, paraan ng pamumuhay, at mga motibasyon at mga intensyon sa likod ng lahat ng iyong ginagawa—ang mga ito ay ganap na magkasalungat, ni walang pagkakatulad.
Hinango mula sa “Kung Ano Talaga ang Inaasahan ng mga Tao para Mabuhay” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Ang pinakasimpleng paraan para mailarawan ang paniniwala sa Diyos ay ang magtiwalang mayroong Diyos, at, sa pundasyong ito, ang sundan Siya, sundin Siya, tanggapin ang Kanyang kapamahalaan, mga pagsasaayos, at mga paghahanda, pakikinig sa Kanyang mga salita, pamumuhay ayon sa Kanyang mga salita, paggawa ng lahat ayon sa Kanyang mga salita, pagiging isang totoong nilikha, at natatakot sa Kanya at nilalayuan ang kasamaan; tanging ito lamang ang totoong paniniwala sa Diyos. Ito ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos. Sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit, sa iyong puso, hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos, at hindi mo tinatanggap ang Kanyang kapamahalaan, mga pagsasaayos, at mga paghahanda. Kung lagi kang may mga kuru-kuro kung ano ang ginagawa ng Diyos, at palaging mali ang pagkaintindi mo sa mga ginagawa Niya, at nagrereklamo tungkol dito; kung palagi kang hindi nasisiyahan, at palagi mong sinusukat at inuunawa ang ginagawa Niya gamit ang sarili mong mga kuro-kuro at mga haka-haka; kung palagi kang may mga sariling pagkakaunawa—makapagdudulot ito ng problema. Hindi mo nararanasan ang gawain ng Diyos, at wala kang paraan para tunay na masunod Siya. Hindi ganito ang paniniwala sa Diyos.
Ano mismo ang paniniwala sa Diyos? Ang paniniwala ba sa relihiyon ay katumbas ng paniniwala sa Diyos? Kapag naniniwala ang mga tao sa relihiyon, sinusundan nila si Satanas. Sa paniniwala lamang sa Diyos nila nasusunod ang Diyos, at tanging ang mga sumusunod kay Cristo ang tunay na naniniwala sa Diyos. Ang isang tao bang hindi tatanggapin kailanman ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay ay isang taong naniniwala sa Diyos? Wala itong gamit, kahit pa ilang taon na silang naniwala sa Diyos. Ang isang taong laging gumagawa ng mga ritwal na pangrelihiyon sa kanilang pananampalataya ngunit hindi nagsasabuhay ng katotohanan ay hindi isang mananampalataya ng Diyos, at hindi siya kinikilala ng Diyos. Sa anong basehan ka kinikilala ng Diyos? Ang Kanyang pagkilala sa iyo ay ayon sa kung ginagawa mo ang lahat ng bagay na ayon sa Kanyang mga hinihingi. Ang Kanyang pagkilala ay iginagawad ayon sa Kanyang mga salita, hindi ayon sa kung gaano karaming mga pagbabago ang mayroon sa iyong panlabas na pag-uugali, o sa kung gaano karami ang oras ang ginugugol mo sa pagsunod para sa Kanya, kundi sa landas na nilakaran mo, at kung pinagsusumikapan mong makamit ang katotohanan. Marami ang nagsasabi na naniniwala sila sa Diyos at nagwiwika ng mga salita ng papuri sa Diyos—ngunit, sa kanilang mga puso, hindi nila iniibig ang mga salitang winiwika ng Diyos, ni hindi rin sila interesado sa katotohanan. Sa kanilang mga puso ay palagi nilang pinaniniwalaan na magiging normal lamang sila, at magagawang protektahan ang kanilang sarili, kung mamumuhay sila sa mga pilosopiya ni Satanas at iba pang mga doktrina ng mundo sa labas, na ang ganitong pamumuhay lamang ang magbibigay ng halaga sa kanilang mga buhay sa mundong ito. Ganito ba ang taong naniniwala sa Diyos at sumusunod sa Kanya? Ang lahat ng kasabihan ng mga kilala at dakilang tao ay talagang masasabing pilosopikal at partikular na may kakayahang makapanlinlang ng mga tao. Kung ituturing mo ang mga ito bilang katotohanan at susundin ang mga ito bilang mga kasabihan, ngunit, pagdating sa mga salita ng Diyos, sa pinakakaraniwang mga salita ng Diyos, na humihiling na maging tapat kang tao, na manatili kang masigasig sa kalagayang inilaan sa iyo at isakatuparan ang tungkulin ng isang nilikha, at manatili kang matatag—wala kang kakayahang maisagawa ang mga ito, at hindi mo itinuturing ang mga ito na katotohanan, kung gayon ay hindi ka tagasunod ng Diyos. Maaaring sinasabi mong isinagawa mo ang mga salita Niya, ngunit paano kung pilitin ka ng Diyos na magsabi ng katotohanan at itanong Niya ang mga ito: “Ano ang iyong isinagawa? Sino ang nagwika ng mga salita na iyong isinasagawa? Ano ang batayan ng mga prinsipyong iyong sinusunod?” Kung ang batayang iyon ay hindi ang mga salita ng Diyos, kung gayon ito ay mga salita ni Satanas; ang iyong isinasabuhay ay mga salita ni Satanas, ngunit sinasabi mo pa ring ginagawa mo ang katotohanan at ang nagbibigay-kasiyahan sa Diyos, hindi ba ito paglapastangan sa Kanya? Sinasabi ng Diyos na dapat maging tapat ang mga tao, ngunit mayroong mga hindi nag-iisip nang mabuti kung ano ang nakapaloob sa pagiging tapat, paano nila dapat isagawa ang katapatan, o alin sa mga bagay na isinasabuhay at ibinubunyag nila ang hindi tapat, at alin sa mga ito ang tapat. Hindi nila pinagmumunihan ang katuturan ng katotohanan sa mga salita ng Diyos, ngunit nakahahanap ng libro ng mga hindi mananampalataya, at, kapag nabasa ito, sinasabi nila, “Ang mga ito ay mabubuting salita—mas mainam pa kaysa sa sinabi ng Diyos. ‘Ang mga tapat na tao ay laging mamamayani’—hindi ba iyan katulad sa sinabi ng Diyos? Ito rin ang katotohanan!” Kaya sumusunod sila sa mga salitang ito. Ano ang isinasabuhay nila kapag sumusunod sila sa mga salitang ito? Nagagawa ba nilang isabuhay ang realidad ng katotohanan? Marami bang ganyang mga tao? Nagkakamit sila ng kaunting kaalaman, nagbabasa ng ilang libro, at nagkakamit ng maliit na kabatiran, at nakaririnig sila ng ilang kilalang kawikaan o tanyag na kasabihan at itinuturing ang mga ito bilang katotohanan. Kumikilos sila ayon sa mga salitang ito, at ginagamit ang mga ito sa kanilang mga tungkulin at sa kanilang mga buhay ng paniniwala sa Diyos, at iniisip pa nga nila na nagbibigay-kasiyahan ito sa Kanya. Hindi ba ito pandaraya? Hindi ba ito panlilinlang? Ito ay kalapastanganan! Marami nito sa mga tao. Sumusunod sila sa mga masarap pakinggan at tila wastong doktrina ng mga tao na para bang ang mga ito ang katotohanan. Isinasantabi nila ang mga salita ng Diyos at hindi dinirinig ang mga ito, at, kahit ilang beses nilang basahin ang mga ito, hindi nila isinasapuso ang mga ito o itinuturing ang mga ito na katotohanan. Ang gumagawa ba nito ay isang taong naniniwala sa Diyos? Sumusunod ba sila sa Diyos? Ang ganyang tao ay naniniwala sa relihiyon; sinusunod nila si Satanas! Sa puso nila, iniisip nila na may pilosopiya sa mga salitang winiwika ni Satanas, na ang mga salitang ito ay may malalim na kahulugan, na ang mga ito ay mga banal na kasulatan, matalinong mga kasabihan, at, ano pa man ang kanilang itakwil, hindi nila magagawang isantabi ang mga salitang ito. Ang paggawa nito, para sa kanila, ay parang pagkawala ng kanilang buhay, o pagdukot sa kanilang puso. Anong uri ito ng tao? Ito ay taong sumusunod kay Satanas.
Hinango mula sa “Ang Paniniwala sa Relihiyon ay Hindi Kailanman Hahantong sa Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kung naniniwala sa Diyos ang isang tao ngunit hindi nakikinig sa Kanyang mga salita, hindi tinatanggap ang katotohanan, o hindi nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at orkestrasyon; kung nagpapakita lamang sila ng ilang mabubuting pag-uugali, ngunit hindi magawang talikuran ang laman, at walang inaalis sa kanilang pagmamataas o kapakinabangan; kung, bagama’t sa lahat ng pagpapakita ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nabubuhay pa rin sila sa kanilang mga satanikong disposisyon, at hindi binibitawan man lamang ang mga pilosopiya at pamamaraan ng pag-iral ni Satanas, at hindi nagbabago—paano nila maaaring paniwalaan ang Diyos kung gayon? Iyon ay paniniwala sa relihiyon. Tinatalikdan ng gayong mga tao ang mga bagay at ginugugol ang kanilang sarili nang may kababawan, ngunit ang landas na kanilang tinatahak at ang pinagmumulan at lakas ng lahat ng kanilang ginagawa ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan; sa halip, patuloy silang kumikilos alinsunod sa kanilang mga sariling paglalarawan sa isip, pagnanasa, at pansariling palagay, at ang mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas ang patuloy na pinagbabatayan ng kanilang pag-iral at mga kilos. Sa mga bagay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nila ito hinahanap; sa mga bagay na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa, hindi ipinagbubunyi ang Diyos bilang dakila, o pinahahalagahan ang katotohanan. Bagama’t maituturing silang tagasunod ng Diyos, ito ay sa salita lamang; ang laman ng kanilang mga kilos ay walang iba kundi pagpapahayag ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Walang palatandaan na ang kanilang layon at hangarin ay upang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong iniisip ang kanilang mga sariling kapakanan bago ang iba pa, na inuunang tuparin ang kanilang mga sariling hangarin at layon—ito ba ang mga taong sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At maaari bang maghatid ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon ang mga taong hindi sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At kung hindi nila mababago ang kanilang mga disposisyon, hindi ba sila kalunos-lunos? … Kapag wala silang mga problema, kapag lahat ay maayos ang takbo sa kanila, nararamdaman ng karamihan sa mga tao na makapangyarihan ang Diyos, at matuwid, at kaibig-ibig. Kapag sinusubok sila ng Diyos, pinakikitunguhan sila, itinutuwid sila, at dinidisiplina sila, kapag hinihiling Niya sa kanila na isantabi ang kanilang mga pansariling interes, na talikuran ang katawang-tao at isagawa ang katotohanan, kapag may gawain ang Diyos sa kanila, at isinasaayos at pinamumunuan ang kanilang mga kapalaran at buhay, nagiging suwail sila, at ihinihiwalay ang kanilang mga sarili sa Diyos; lumilikha sila ng sigalot at malawak na pagkakalayo sa pagitan nila at ng Diyos. Sa ganoong mga panahon, sa kanilang mga puso, ang Diyos ay hindi kaibig-ibig nang kahit kaunti; Siya ay hindi talaga makapangyarihan, dahil ang ginagawa Niya ay hindi nakatutupad ng kanilang mga hiling. Pinalulungkot sila ng Diyos; inaaburido Niya sila; nagdadala Siya ng sakit at dusa sa kanila; ipinadarama Niya sa kanila ang kawalang-katatagan. Kung kaya hindi man lang sila nagpapasakop sa Diyos, sa halip ay naghihimagsik laban sa Kanya at nilalayuan Siya. Isinasabuhay ba nila ang katotohanan sa paggawa nito? Sinusundan ba nila ang daan ng Diyos? Sinusunod ba nila ang Diyos? Hindi. Kung kaya, gaano man karami ang iyong mga kuru-kuro at guni-guni tungkol sa mga gawain ng Diyos, at gaano ka man dating kumilos ayon sa iyong sariling kalooban at naghimagsik laban sa Diyos, kung lubos mong sinisikap na makamit ang katotohanan, at tatanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, at tanggapin ang matabasan at mapakitunguhan ng mga salita ng Diyos; kung, sa lahat ng isinasaayos Niya ay nagagawa mong sundan ang daan ng Diyos, sundin ang mga salita ng Diyos, hangarin ang Kanyang kalooban, magsagawa ayon sa Kanyang mga salita at kalooban, nagagawang maghanap para magpasakop, at kayang isantabi ang lahat ng iyong sariling kalooban, mga naisin, mga pagsasaalang-alang, mga pampasigasig, at pagsalungat sa Diyos—doon mo lamang masasabi na sumusunod ka sa Diyos! Sinasabi mong sinusunod mo ang Diyos, ngunit lahat ng ginagawa mo, ginagawa mo ayon sa sarili mong kalooban. Sa lahat ng ginagawa mo, mayroon kang sariling mga layunin, sarili mong mga plano; hindi mo ito iniaasa sa Diyos. Kung gayon, ang Diyos pa rin ba ang iyong Diyos? Kung ang Diyos ay hindi mo Diyos, kung gayon, kapag sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, hindi ba ito mga walang lamang salita? Ang mga ganitong salita ba ay hindi pagtatangkang manloko ng tao? Sinasabi mong sumusunod ka sa Diyos, ngunit ang lahat ng iyong mga kilos at pag-uugali, iyong pananaw sa buhay, iyong mga pagpapahalaga, at asal at mga prinsipyo na ginagamit mo sa pagharap at pagdadala sa mga bagay ay nanggaling lahat kay Satanas—ang pagdadala mo sa lahat ng ito ay lubos na nakaayon sa mga prinsipyo at lohika ni Satanas. Kung gayon, sinusunod mo ba ang Diyos?
Hinango mula sa “Ang Paniniwala sa Relihiyon ay Hindi Kailanman Hahantong sa Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kung, sa paniniwala sa Diyos, itinuturing ng mga tao ang katotohanan bilang isang grupo ng mga patakarang dapat panghawakan, hindi ba’t hindi maiiwasang mauwi ang kanilang paniniwala sa ilang seremonyang pangrelihiyon lamang? At ano ang mga pagkakaiba ng gayong mga seremonyang pangrelihiyon at ng Kristiyanismo? Maaaring mas malalim at mas progresibo ang mga taong ito sa paraan ng kanilang pananalita, ngunit kung ang kanilang pananampalataya ay naging isang kalipunan na lang ng mga patakaran at isang uri ng seremonya, hindi ba’t ibig sabihin noon ay naging Kristiyanismo na ito? (Oo, ganoon nga.) May mga pagkakaiba ang luma at bagong mga katuruan, ngunit kung ang mga katuruan ay walang anuman kundi isang uri ng teorya, at naging isang uri lamang ng seremonya o patakaran para sa mga tao—at, gayundin, kung hindi makatatamo ang mga tao ng katotohanan mula rito o magagamit ito upang makapasok sa katotohanang realidad—hindi ba’t ang pananampalataya nila’y naging tulad lamang ng Kristiyanismo? Sa diwa, hindi ba ito Kristiyanismo? (Oo, ganoon nga.) Kung gayon, sa inyong pag-uugali at sa pagganap ng inyong tungkulin, sa aling mga bagay kayo mayroong mga pananaw at kalagayan na pareho o katulad ng sa mga mananampalataya sa Kristiyanismo? (Sa pagsunod sa mga patakaran, at sa pagsasangkap sa ating mga sarili ng mga titik at doktrina.) (Sa pagtuon sa pagpapakita ng pagiging espirituwal at pagpapakita ng mabuting ugali, at sa pagiging taimtim at mapagpakumbaba.) Hinahangad ninyong magpakita sa iba ng mabuting ugali, ginagawa ninyo ang lahat ng inyong makakaya upang palabasin ang inyong mga sarili ng isang uri ng espirituwal na kaanyuan, at gumagawa kayo ng ilang bagay na kahit papaano ay katanggap-tanggap sa mga kuru-kuro at guni-guni ng tao, nagpapanggap na mabait. Tumatayo kayo sa mataas na pulpito na nangangaral ng mga titik at doktrina, tinuturuan ang mga tao na gumawa ng mabuti, maging mabait, at unawain ang katotohanan; nangangaral kayo ng espirituwal na doktrina, sinasabi ang mga tamang espirituwal na bagay; nag-aasta kayong mataas tungkol sa pagiging espirituwal at nagpapakita ng isang mababaw na espirituwalidad sa lahat ng sinasabi at ginagawa ninyo, subalit sa pagsasagawa at pagtupad sa inyong tungkulin, hindi ninyo kailanman hinahanap ang katotohanan. Sa sandaling maharap kayo sa problema, lubos kayong kumikilos alinsunod sa kalooban ng tao, isinasantabi ang Diyos. Hindi kayo kailanman kumilos alinsunod sa katotohanang prinsipyo, ni wala kayong anumang ideya kung ano ba ang katotohanan, kung ano ang mga layunin ng Diyos, o kung ano ang mga pamantayang hinihingi Niya sa tao; hindi ninyo kailanman sineryoso ang mga bagay na ito o ni inisip ang mga iyon. Ang ganito bang mga panlabas na kilos at mga panloob na kalagayan ng tao—ibig sabihin, ang ganito bang uri ng pananampalataya—ang bumubuo ng takot sa Diyos at paglayo sa kasamaan? Kung walang kaugnayan ang pananampalataya ng mga tao at ang paghahanap sa katotohanan, naniniwala ba sila o hindi sa Diyos? Kahit pa ilang taon maniwala sa Kanya ang mga taong walang kaugnayan sa paghahanap ng katotohanan, magagawa ba nila o hindi na talagang matakot sa Diyos at layuan ang kasamaan? (Hindi nila magagawa.) Ano kung gayon ang panlabas na pag-uugali ng ganitong mga tao? Anong uri ng landas ang malalakaran nila? (Ang landas ng mga Fariseo.) Ano ang ipinangsasangkap nila sa mga sarili nila sa araw-araw? Hindi ba’t mga titik at doktrina? Hindi ba’t ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pagsasandata sa mga sarili nila, binibihisan ang mga sarili nila ng mga titik at doktrina upang gawin ang mga sarili nila na mas katulad ng mga Fariseo, mas espirituwal, at mas katulad ng mga tao na naglilingkod daw sa Diyos? Ano ba talaga ang kalikasan ng lahat ng pagkilos na ito? Ito ba ay pagsamba sa Diyos? Ito ba ay tunay na pananampalataya sa Kanya? (Hindi, ito ay hindi.) Kaya, ano ang ginagawa nila? Nililinlang nila ang Diyos; ginagawa lamang nila ang mga hakbang ng isang proseso, at nakikilahok sa mga seremonyang pangrelihiyon. Iwinawagayway nila ang bandila ng pananampalataya at gumaganap ng mga ritwal na pangrelihiyon, tinatangkang linlangin ang Diyos upang makamit ang kanilang layong mapagpala. Hindi talaga sinasamba ng mga taong ito ang Diyos. Sa katapusan, hindi ba’t ang grupo ng mga taong ganyan ay magwawakas tulad lamang ng mga nasa loob ng iglesia na inaakalang naglilingkod sa Diyos, at inaakalang naniniwala at sumusunod sa Diyos?
Hinango mula sa “Tanging Kapag Namumuhay Ka sa Harapan ng Diyos sa Lahat ng Sandali Makalalakad Ka sa Landas ng Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Kung ang landas na inyong sinusundan ay katulad ng sinusundan ng mga relihiyosong tao, nangangahulugan iyan na mananampalataya kayo sa Kristiyanismo; hindi kayo naniniwala sa Diyos at hindi nakararanas ng Kanyang gawain. Ang ilang matagal na hindi naniwala sa Diyos ay hinahangaan iyong mga naniniwala, na ang pananalita ay batay sa katwiran. Nakikita nila ang gayong mga tao na nakaupo at maalwang nakapagsasalita nang dalawa o tatlong oras. Nag-uumpisa silang matuto mula sa kanila—mga espirituwal na kataga at pagpapahayag, gayundin kung paano magsalita at umasal ang isang tao. Pagkatapos ay isasaulo nila ang ilang sipi ng mga espirituwal na salita, at magpapatuloy sila hanggang, isang araw, ang mga taon ng kanilang paniniwala ay sapat na sa bilang upang sila ay umupo at magpaliwanag nang walang hanggan, may kahusayan, at may kahabaan. Ngunit kung pakikinggan nang malapitan, walang kapararakan ang lahat ng ito, mga hungkag na salita, mga titik at doktrina lamang; at malinaw na sila ay mga mandarayang relihiyoso, dinadaya kapwa ang mga sarili nila at ang iba pa. Napakalungkot na bagay! Hindi kayo dapat sumunod sa landas na iyan, na sa sandaling tahakin, ay nagdudulot ng pagkasira, at mahirap nang talikuran. Upang pahalagahan ang gayong mga bagay, upang tanggapin ang mga ito bilang buhay, at upang gamitin ang mga ito para sukatin ang sarili laban sa iba saanman siya magpunta; upang magkaroon ng ilang espirituwal na teorya, at mga sangkap ng pagkukunwari, sa kabila ng tiwaling, malademonyong disposisyon—hindi lamang nakasusuklam ang taong ito, kundi sukdulang nakasusuklam, nakasusuka at walanghiya, at hindi kaya ng iba na tingnan sila. Samakatuwid, ang denominasyon ng mga minsang sumunod sa Panginoon ay tinatawag ngayong Kristiyanismo. Ito ay isang denominasyon, at sa kanilang paniniwala sa Diyos, wala silang ibang ginagawa maliban sa istriktong pagkapit sa pormalidad. Wala man lang pagbabago sa kanilang disposisyon sa buhay, at hindi sila mga tao na naghahangad ng katotohanan; ang pinagsusumikapan nilang makamit ay hindi ang katotohanan, ang daan, at ang buhay na nagmumula sa Diyos, kundi sa halip ay hinahangad nilang maging mga Fariseo, at salungat sa Diyos—ito ang pangkat ng mga tao ngayon na tinutukoy bilang Kristiyanismo. Paanong nangyari na tinawag na “Kristiyanismo” ang kanilang pangkat? Naganap ito dahil pinalabas nila ang kanilang mga sarili bilang banal, espirituwal, at mabait, at bilang totoong mga tagasunod ng Diyos, ngunit itinatatwa nila ang lahat ng katotohanan at itinatatwa nila ang realidad ng lahat ng positibong bagay na nagmumula sa Diyos. Gumagamit sila ng mga salitang dating winika ng Diyos upang ikubli ang kanilang mga sarili, upang armasan at itago ang kanilang mga sarili, at sa huli ay ginagamit nila ang mga ito bilang isang uri ng puhunan upang linlangin ang mga tao saanman upang magbigay ng pagkain at inumin. Nagbabalatkayo sila bilang mga mananampalataya sa Diyos kung kaya nakapagyayabang at nakapandaraya ng iba; nakikipagtunggali at nakikipagpaligsahan sila sa iba—sa kanila, kaluwalhatian at puhunan ang mga bagay na ito. Nais din nilang matamo ang mga biyaya at gantimpala ng Diyos sa pamamagitan ng panlilinlang. Ito ang landas na kanilang sinusunod. Dahil sinusunod nila ang uri ng landas na ito kung kaya’t ang kanilang pangkat ay tinukoy sa huli bilang Kristiyanismo. Kapag tinitingnan ito ngayon, mabuti ba o masama ang ngalang “Kristiyanismo”? Ito ay kahiya-hiyang pagpapangalan, at walang dakila o maringal tungkol dito.
Hinango mula sa “Yaon Lamang mga Nagsasagawa ng Katotohanan ang May Takot sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw
Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.