Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Dapat maunawaan ng mga tao kung saan nagmula ang mga pasakit na dinaranas nila sa buong buhay nila—kapanganakan, katandaan, karamdaman at kamatayan—at kung bakit dinaranas ng tao ang mga bagay na ito. Noong unang likhain ng Diyos ang tao, hindi ba’t malaya ang tao mula sa mga pasakit na ito? Kaya, saan nagmula ang mga pasakit na ito na sinimulang danasin ng tao kalaunan? Nagmula ang mga ito kay Satanas. Lumitaw ang mga pasakit na ito pagkatapos tuksuhin at gawing tiwali ni Satanas ang tao, at kalaunan ay maging masama ang tao. Ang mga pasakit, pag-aalala, at kahungkagan ng laman ng tao, at ang lahat ng kalunos-lunos na bagay sa mundo ng tao—lumitaw ang lahat ng ito pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang tao. Pagkatapos gawing tiwali ni Satanas, nagkaroon ang tao ng mga satanikong disposisyon, at kaya lalo siyang nagiging masama, lalong lumalala ang kanyang karamdaman, lalong tumitindi ang kanyang pasakit, at lalong tumitindi ang pakiramdam niya na ang mundo ay hungkag at miserable, na imposibleng mabuhay sa mundong ito, at na ang pamumuhay sa mundong ito ay lalong nawawalan ng pag-asa. Kaya, ang mga pasakit na ito ay pawang idinulot ni Satanas sa tao, at lumitaw pagkatapos gawing tiwali ni Satanas ang tao at maging masama ang tao.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Kabuluhan ng Pagtikim ng Diyos ng Pagdurusa sa Mundo
Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, ang puso ng tao ay sinakop na ng agham at kaalaman. Pagkatapos nito, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa sangkatauhan, na iniwan ang tao na walang sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na may mas kakaunting mga kondisyon na kapaki-pakinabang para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao, upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwawalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, at nagwawalang-bahala sa pag-iral ng Diyos at sa doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang tao sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng tao na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng tao ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pagkabalisa, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot na sa agham at kaalaman, at lalo nang matakot sa pakiramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pakiramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos, saka lamang malulutas ang kanyang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa puso niya. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay uusad patungo sa paglubog, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Dumaraan ang mga tao sa buhay na ito sa kahirapan at kayamanan at nabubuhay nang matagal at maigsi. Ang ilan ay karaniwang tao, habang ang iba naman ay matataas ang katungkulan at elitista. Mayroong mga tao mula sa bawat antas ng lipunan, ngunit lahat sila ay karaniwang nabubuhay sa parehong paraan: Nag-aagawan sila para sa kasikatan at pakinabang ayon sa kanilang mga pagnanais, ambisyon, at satanikong disposisyon, at hindi sila mapapayapa kahit sa kamatayan nang hindi nila nakakamit ang mga layong ito. Sa pagkakita sa mga sitwasyong ito, maaaring isaalang-alang ng mga tao, “Bakit namumuhay nang ganito ang mga tao? Wala na bang ibang matatahak na landas? Talaga bang nabubuhay ang mga tao para lamang kumain at uminom nang maayos hanggang sa mamatay sila? Saan sila pumupunta pagkatapos? Bakit ang napakaraming henerasyon ng mga tao ay namuhay sa ganitong parehong paraan? Ano ang ugat ng lahat ng ito?” Hindi alam ng mga tao kung saan sila nagmula, ano ang kanilang misyon sa buhay, o kung sino ang namamahala at siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito. Ang mga henerasyon ay isa-isang dumarating at umaalis, at bawat isa ay nabubuhay at namamatay sa parehong paraan. Dumarating at umaalis silang lahat sa parehong paraan, at walang sinuman ang nakatatagpo ng tunay na paraan o landas sa pamumuhay. Walang naghahanap ng katotohanan tungkol dito. Mula noong unang panahon hanggang ngayon, namumuhay ang mga tao sa parehong paraan. Silang lahat ay naghahanap at naghihintay, nagnanais na makita kung magiging ano ang sangkatauhan pero walang nakakaalam o nakakakita nito. Sa kabuuan, hindi lang talaga alam ng mga tao kung sino ang Isa na namamahala at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng ito o kung Siya ay umiiral nga. Hindi nila alam ang sagot dito, at ang tanging magagawa nila ay mabuhay nang walang laban, nag-aasam taon-taon, at nagtitiis araw-araw hanggang ngayon. Kung alam ng mga tao kung bakit nangyayari ang lahat ng ito, magbibigay ba ito sa kanila ng isang landas na susundan para sa kung paano sila dapat mamuhay? Magagawa na ba nilang makatakas sa paghihirap na ito at hindi na kailangang mamuhay ayon sa mga kagustuhan at inaasam ng tao? Kapag nauunawaan ng mga tao kung bakit sila nabubuhay, bakit sila namamatay, at sino ang namamahala sa mundong ito; kapag naunawaan nila ang sagot na ang Isa na Siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ay ang Lumikha, magkakaroon sila ng landas na susundan. Malalaman nila na dapat nilang hanapin ang katotohanan sa mga salita ng Diyos para makahanap ng daan pasulong at na hindi nila kailangang mamuhay sa gayong pagdurusa na umaasa sa mga kagustuhan at inaasam. Kung matutuklasan ng mga tao ang sagot kung bakit sila nabubuhay at namamatay, hindi ba’t magkakaroon ng solusyon sa lahat ng pagdurusa at paghihirap ng tao? Sa ganitong paraan, hindi ba’t matatamo ng mga tao ang pagpapalaya? Ang mga tao ay tunay na makatatagpo ng pagpapalaya, at sila ay ganap na mapapalaya.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ano ang dapat ninyong pagnilay-nilayan sa inyong puso matapos ninyong mapakinggan ang kantang, “Siya Na May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Lahat”? Kung malalaman ng sangkatauhan kung bakit sila nabubuhay at bakit sila namamatay, at sino, sa katunayan, ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa mundong ito at sa lahat ng bagay at ang Isa na namumuno sa lahat, at kung nasaan Siya mismo, at kung ano ang hinihingi Niya sa tao—kung mauunawaan ng sangkatauhan ang mga bagay na ito, malalaman nila kung paano pakikitunguhan ang Lumikha, at paano sasamba at magpapasakop sa Kanya, magkakamit sila ng suporta sa kanilang puso, magiging payapa sila at masaya, at hindi na sila mabubuhay sa gayong pagdurusa at pasakit. Sa huling pagsusuri, dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan. Ang landas na kanilang pinipili para sa kanilang buhay ay napakahalaga, at mahalaga rin kung paano sila nabubuhay. Kung paano nabubuhay ang isang tao at ang landas na tinatahak niya ang nagpapasya kung ang buhay ng isang tao ay masaya o malungkot. Ito ay isang bagay na dapat maunawaan ng mga tao. Kapag narinig ng mga tao ang himnong ito, maaaring magkaroon sila ng matinding damdamin sa kanilang puso: “Ang buhay ng buong sangkatauhan ay sumusunod sa ganitong uri ng huwaran; ang mga sinaunang tao ay hindi naiiba, at ang mga modernong tao ay tulad lang din ng mga sinauna. Hindi binago ng mga modernong tao ang mga paraang ito. Kaya, mayroon bang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sangkatauhan, isang maalamat na Diyos na namamahala sa lahat ng bagay? Kung matatagpuan ng sangkatauhan ang Diyos, ang Isa na namamahala sa lahat, hindi ba’t ang sangkatauhan ay makadarama ng kaligayahan? Ang susi ngayon ay hanapin ang ugat ng sangkatauhan. Nasaan ang ugat na ito? Kapag natagpuan ang ugat na ito, ang sangkatauhan ay maaaring mamuhay sa ibang uri ng kalagayan. Kung hindi ito matatagpuan ng sangkatauhan, at patuloy nilang ipinamumuhay ang parehong uri ng pamumuhay gaya ng dati, makakamit ba nila ang kaligayahan?” Kung ang mga tao ay hindi nananampalataya sa Diyos, kahit na alam nilang ang sangkatauhan ay labis na tiwali, ano ang kanilang gagawin? Malulutas ba nila ang aktuwal na problema ng katiwalian? Mayroon ba silang landas tungo sa kaligtasan? Bagama’t maaaring nais mong magbago para sa ikabubuti at ipamuhay ang wangis ng tao, kaya mo ba? Wala kang landas na matatahak sa paggawa nito! Halimbawa, nakikita mo ang ilang tao na namumuhay para sa kanilang mga anak—alam mong hindi tama ang ganitong paraan ng pamumuhay, pero maiiwasan mo bang mamuhay para sa iyong mga anak? O nakikita mo ang ilang tao na nagkukumahog at nagpapakaabala sa paghahangad ng pera, kasikatan, at pakinabang—alam mo sa iyong puso na mali ang landas na ito, pero maiiwasan mo bang magkumahog at magpakaabala para sa mga parehong bagay? Kung ang landas na tinatahak mo ay mismong ang paghahangad ng kasikatan at pakinabang, at alam mong ito ang maling landas, subalit kahit na gusto mo, hindi mo kayang tahakin ang landas ng paghahangad sa katotohanan, nangangahulugan itong wala kang kontrol sa kung paano ka namumuhay sa mundong ito! Ano ang ugat nito? Ito ay na hindi tinanggap ng mga tao ang gawain ng Diyos o nakamit ang katotohanan. Ano ang espirituwal na suporta ng mga tao? Saan sila naghahanap ng espirituwal na suporta? Para sa espirituwal na suporta, umaasa ang mga tao sa pagsasama-sama ng pamilya; sa kaligayahan ng kasal; sa pagtatamasa ng mga materyal na bagay; sa kayamanan, kasikatan, pakinabang, katayuan, mga ugnayan, at propesyon; at sa kaligayahan ng susunod na henerasyon. Mayroon bang hindi umaasa sa mga bagay na ito para sa espirituwal na suporta? Natatagpuan ito ng mga may anak sa kanilang mga anak; natatagpuan ito ng mga walang anak sa kanilang mga karera, sa pag-aasawa, sa kanilang katayuang panlipunan, at kasikatan at pakinabang. Ang mga paraan ng buhay na nabubuo samakatwid ay pare-parehong lahat; napapasailalim sa kontrol at kapangyarihan ni Satanas, at labag man sa kanilang kalooban, nagmamadali at abala ang lahat ng tao alang-alang sa katayuan, kasikatan, pakinabang, kanilang mga propesyon at kinabukasan, alang-alang sa kanilang buhay may-asawa, mga pamilya, at kinabukasan ng kanilang mga anak, at alang-alang sa kasiyahan ng laman. Ito ba ang tamang landas? Gaano man kaabala ang mga tao sa mundong ito, gaano man sila kamatagumpay sa kanilang propesyon, gaano man kasaya ang kanilang mga pamilya, gaano man kalaki ang kanilang pamilya, gaano man kaprestihiyoso ang kanilang katayuan—may kapabilidad ba silang tahakin ang tamang landas sa buhay? Sa paghahabol sa kasikatan at pakinabang, sa mundo, o sa paghahangad sa kanilang mga karera, may kapabilidad ba silang makita ang katunayan na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan? Imposible ito. Anuman ang hinahangad ng mga tao o nasaang landas man sila, kung hindi nila kinikilala ang katunayan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng sangkatauhan, kung gayon, ang landas na kanilang tinatahak ay mali. Hindi ito ang tamang landas, kundi ang baliko na landas, ang landas ng kasamaan. Natugunan man o hindi ang pinagmumulan ng iyong espirituwal na suporta, at saan mo man ito hanapin, hindi ito tunay na pananalig, at hindi ito ang tamang landas sa buhay. Ano ang tunay na pananalig? Ito ay ang pagtanggap sa pagpapakita at sa gawain ng Diyos at pagtanggap sa lahat ng katotohanang ipinahayag ng Diyos. Ang katotohanang ito ay ang tamang landas sa buhay at ang katotohanan at buhay na dapat hangarin ng mga tao. Ang pagtahak sa tamang landas sa buhay ay pagsunod sa Diyos at pagkakaroon ng kakayahang maunawaan ang katotohanan sa pamumuno ng Kanyang mga salita, maunawaan kung ano ang mabuti at ano ang masama, malaman kung ano ang mga positibong bagay at kung ano ang mga negatibong bagay, at maunawaan ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat. Kapag tunay na nauunawaan ng mga tao sa kanilang puso na hindi lamang nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay kundi Siya rin ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa sansinukob at sa lahat ng bagay, magagawa nilang magpasakop sa lahat ng Kanyang pamamatnugot at pagsasaayos, mamuhay ayon sa Kanyang mga salita, at matakot sa Diyos at umiwas sa kasamaan. Mangangahulugan ito na tumahak ang mga tao sa tamang landas sa buhay. Kapag tinatahak ng mga tao ang tamang landas sa buhay, mauunawaan nila kung bakit nabubuhay ang mga tao at kung paano sila dapat mamuhay upang mabuhay sa liwanag at matanggap ang pagpapala at pagsang-ayon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Ang ilang tao ay may malalim at taos-pusong pagkaunawa sa pariralang “ganyan ang kapalaran,” subalit hindi sila nananalig man lamang sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi sila naniniwala na ang kapalaran ng tao ay inihanda at isinaayos ng Diyos, at hindi sila handang magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang mga ganoong tao ay para bang natangay ng agos ng dagat, ihinampas ng mga alon, lumulutang sa agos, at walang magawa kundi ang maghintay nang walang kibo at isuko ang kanilang mga sarili sa kapalaran. Ngunit hindi nila nakikilala na ang kapalaran ng tao ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos; hindi nila kayang matalos ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa sarili nilang pagkukusa, at nang sa gayon ay makamit ang kaalaman tungkol sa awtoridad ng Diyos, magpasakop sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos, huminto sa paglaban sa kapalaran, at mabuhay sa ilalim ng pangangalaga, proteksyon, at paggabay ng Diyos. Sa ibang salita, ang pagtanggap sa kapalaran ay hindi katulad ng pagpapasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay hindi nangangahulugang tinatanggap, kinikilala, at nalalaman ng isang tao ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha; ang paniniwala sa kapalaran ay pagkilala lamang sa katotohanan nito at sa panlabas na pagpapamalas nito. Iba ito sa pagkaalam kung paano pinamamahalaan ng Lumikha ang kapalaran ng sangkatauhan, mula sa pagkilala na ang Lumikha ang pinagmumulan ng kapamahalaan sa lahat ng kapalaran ng lahat ng bagay, at tiyak na malayo sa pagpapasailalim sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha para sa kapalaran ng sangkatauhan. Ipagpalagay na ang isang tao ay naniniwala lamang sa kapalaran, at mayroon pa ngang malalim na pakiramdam dito, ngunit hindi niya magawang magkaroon ng pagkilala, kumilala, magpasakop, o tumanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng sangkatauhan. Sa ganoong kaso, ang buhay niya ay magiging isang trahedya; isasabuhay pa rin niya ang buhay na ito nang walang saysay—lahat ng ito ay magiging walang silbi. Mananatili siyang hindi makapagpasailalim sa kapamahalaan ng Lumikha, maging isang nilikhang tao sa totoong kahulugan ng termino, at anihin ang pagkilala ng Lumikha. Ang isang taong tunay na nakakaalam at nakakaranas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha ay dapat nasa isang positibong kalagayan, hindi sa isang kalagayan na negatibo o wala nang magawa. Sa halip, habang kinikilala na ang lahat ng bagay ay itinadhana, nagtataglay rin siya sa kanyang puso ng isang tumpak na kahulugan ng buhay at kapalaran: Ang buong buhay ng tao ay nasasailalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha. Kapag nilingon niya ang daan na kanyang tinahak, kapag ginunita niya ang bawat yugto ng buhay niya, makikita niya na sa bawat hakbang—mahirap man o madali ang kanyang paglalakbay—ang Diyos ay gumagabay at gumagawa ng mga pagsasaayos para sa kanya, na ito ang masusing pagpaplano ng Diyos, gayundin ang Kanyang maiingat na mga pagsasaayos, ang umakay sa kanya, nang hindi niya namamalayan, tungo sa kasalukuyan, kung saan nagagawa niyang tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at pagliligtas ng Lumikha. Ito ang pinakadakilang pagpapala sa buhay ng isang tao! Kung may negatibong saloobin ang isang tao sa kapalaran, pinapatunayan nito na nilalabanan niya ang lahat ng bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanya, na wala siyang mapagpasakop na saloobin. Kung ang isang tao ay may positibong saloobin sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa kapalaran ng tao, kapag nagbalik-tanaw siya sa landas na nilakaran niya, kapag tunay niyang nararanasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, mas tunay niyang nanaisin na magpasakop sa lahat ng isinasaayos ng Diyos, at magkakaroon siya ng mas higit na determinasyon at pananalig na hayaan ang Diyos na pamatnugutan ang kanyang kapalaran, hindi na naghihimagsik laban sa Diyos. Ito ay dahil nakikita niya na kapag hindi alam ng mga tao kung tungkol saan ang kapalaran o kapag hindi nila nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, sutil lang silang gumagapang at nangangapa sa hamog, at masyadong mahirap ang paglalakbay na iyon, at nagdudulot ito ng masyadong pasakit sa puso. Kaya kapag napagtanto ng mga tao na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, pinipili ng matatalino na alamin at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at magpaalam sa masasakit na araw ng “pagsubok na bumuo ng isang mabuting buhay gamit ang sarili nilang mga kamay” sa halip na patuloy na makipagbuno laban sa kapalaran at hangarin ang mga diumano’y mga layon sa buhay sa sarili nilang paraan. Kapag walang Diyos ang isang tao, kapag hindi niya makita ang Diyos, kapag hindi niya tunay at malinaw na makilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ang araw-araw ay walang kabuluhan, walang halaga, at di-mailarawan ang sakit. Nasaan man ang isang tao, at anuman ang kanyang trabaho, ang paraan niya para manatiling buhay at ang mga layong hinahangad niya ay walang ibang idinudulot sa kanya kundi walang-katapusang pasakit sa puso at pasakit na hindi mapangibabawan, na mga karanasan na hindi niya makayanang lingunin. Sa pamamagitan ng pagtanggap sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, pagpapasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at paghahangad na matamo ang tunay na buhay ng tao, saka lang unti-unting makakalaya ang isang tao mula sa lahat ng pasakit sa puso at pighati, at unti-unting maiwawaksi sa sarili niya ang lahat ng kahungkagan ng buhay ng tao.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III
Dahil hindi alam ng tao ang mga pamamatnugot ng Diyos at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, palagi niyang hinaharap ang kapalaran nang may tutol na lagay ng loob at mapaghimagsik na saloobin, at palaging nais makalaya mula sa awtoridad at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at sa mga bagay na inilaan ng kapalaran, umaasa nang walang-saysay na baguhin ang kanyang kasalukuyang mga kalagayan at ibahin ang kanyang kapalaran. Subalit hindi siya kailanman nagtatagumpay at nahahadlangan siya sa bawat pagkakataon. Ang pakikibakang ito, na nagaganap sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, ay nagdudulot ng kirot, at ang kirot na ito ay tumatagos sa kanyang buto, at kasabay nito ay idinudulot nito na maaksaya ang buhay niya. Ano ang sanhi ng kirot na ito? Dahil ba sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, o dahil sa pagkakaroon ng masamang kapalaran? Malinaw na alinman dito ay hindi totoo. Sa huling pagsusuri, idinudulot ito ng landas na tinatahak ng tao at ng paraan na pinipili niyang ipamuhay ang kanyang buhay. Maaaring hindi pa naranasan ng ilang tao ang mga bagay na ito. Subalit kapag tunay mong nalalaman at kinikilala na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, kapag tunay mong nauunawaan na ang lahat ng may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos at Kanyang isinasaayos para sa iyo ay malaking pakinabang at proteksiyon sa iyo, kung gayon unti-unti mong mararamdaman na napapawi ang iyong kirot, at ang buo mong pagkatao ay unti-unting mawawalan ng tensyon, magiging malaya, nakaalpas. Batay sa mga kalagayan ng karamihan sa mga tao, hindi nila kayang tanggapin sa katunayan ang praktikal na halaga at kahulugan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha sa kapalaran ng tao, bagaman sa personal na lebel, ayaw na nilang patuloy na mamuhay gaya ng dati at nais nila ng ginhawa mula sa kanilang kirot; talagang hindi nila kayang tunay na makilala at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, at lalong hindi alam kung paano hahanapin at tatanggapin ang mga pagsasaayos at paghahanda ng Lumikha. Kaya, kung hindi magawang tunay na kilalanin ng tao ang katunayan na ang Lumikha ay may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao at sa lahat ng bagay, at hindi siya tunay na makapagpasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, kung gayon ay magiging napakahirap para sa kanya na hindi matulak at magapos ng ideya na ang kapalaran ng isang tao ay nasa sarili niyang mga kamay, at magiging napakahirap para sa kanya na makawala mula sa pasakit na dulot ng matindi niyang pakikibaka laban sa kapalaran at sa awtoridad ng Lumikha—siyempre, magiging napakahirap din para sa kanya na maging tunay na napalaya at malaya, na maging isang taong sumasamba sa Diyos. Ang pinakasimpleng paraan upang mapalaya ang sarili mula sa ganitong kalagayan ay ang magpaalam sa dating sariling paraan ng pamumuhay; ang magpaalam sa sariling dating mga layon sa buhay; ang ibuod at himayin ang dating paraan ng pamumuhay, pananaw sa buhay, mga paghahangad, mga pagnanais, at mga adhikain; at pagkatapos ay ihambing ang mga ito sa mga layunin at mga hinihingi ng Diyos sa tao, at tingnan kung kaayon ang alinman sa mga ito sa mga layunin ng Diyos, kung alinman sa mga ito ang alinsunod sa mga hinihingi ng Diyos, kung alinman sa mga ito ang naghahatid ng mga tamang pagpapahalaga sa buhay, umaakay sa isang tao na makaunawa ng paparami pang katotohanan, at nagtutulot sa kanya na mamuhay nang may pagkatao at wangis ng tao. Kapag paulit-ulit mong sinisiyasat at maingat na hinihimay ang iba’t ibang layon sa buhay na pinagsisikapan ng mga tao at ang kanilang iba’t ibang paraan ng pamumuhay, matutuklasan mo na ni isa sa mga ito ay hindi umaayon sa orihinal na layunin ng Lumikha nang Kanyang likhain ang sangkatauhan. Lahat ng ito ay naglalayo sa mga tao mula sa kataas-taasang kapangyarihan at pangangalaga ng Lumikha; lahat ng ito ay mga bitag na nagsasanhi na maging napakasama ng mga tao, at naghahatid sa kanila sa impiyerno. Matapos mong mapagtanto ito, ang dapat mong gawin ay bitiwan ang iyong lumang pananaw sa buhay, manatiling malayo sa sari-saring patibong, hayaan ang Diyos na mamahala sa iyong buhay at gumawa ng mga pagsasaayos para dito, hangarin lamang na magpasakop sa mga pamamatnugot at gabay ng Diyos nang hindi gumagawa ng sarili mong mga pagpili, at maging isang tao na sumasamba sa Diyos. Mukhang madali ito, ngunit isang bagay ito na mahirap gawin. Kayang tiisin ng ilang tao ang kirot nito, ang iba ay hindi. May ilan na handang sumunod, ang iba ay hindi. Ang mga hindi handa ay kulang sa pagnanais at sa kapasyahan na gawin ito; malinaw na batid nila ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, alam na alam nila na ang Diyos ang Siyang nagpaplano at nagsasaayos ng kapalaran ng tao, gayunman ay patuloy silang sumisipa at nakikipagbuno at nananatiling hindi umaayon na ilagay ang kanilang mga kapalaran sa palad ng Diyos at magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, dagdag pa rito, naghihinanakit sila sa mga pagsasaayos at paghahanda ng Diyos. Kung kaya palaging mayroong ilang tao na nagnanais na sila mismo ang makakita kung ano ang kaya nilang gawin; nais nilang baguhin ang kanilang mga kapalaran sa sarili nilang mga kamay, o makamit ang kaligayahan sa ilalim ng kanilang sariling kapangyarihan, upang makita kung malalampasan nila ang hangganan ng awtoridad ng Diyos at pangibabawan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ang trahedya ng tao ay hindi sa hinahangad niya ang maligayang buhay, hindi sa hinahangad niya ang kasikatan at pakinabang o sa nakikipagsagupa siya sa sarili niyang kapalaran sa gitna ng hamog, kundi pagkatapos niyang makita ang pag-iral ng Lumikha, matapos niyang matutuhan ang katotohanan na ang Lumikha ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng tao, hindi pa rin siya makaalis mula sa maling landas, hindi maiahon ang sarili mula sa putik, ngunit pinatitigas ang kanyang puso at nagpupumilit sa kanyang mga pagkakamali. Mas nanaisin pa niyang patuloy na makibaka sa putikan, matigas ang ulong nakikipagpaligsahan sa kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, nilalabanan ito hanggang sa mapait na katapusan, nang wala ni katiting na pagsisisi. Magpapasya lamang siyang sumuko at bumalik kapag siya ay nakahiga na nang wasak at nagdurugo. Ito ang tunay na trahedya ng tao. Kaya sinasabi Ko, ang mga pumipili na magpasakop ay matatalino, habang ang mga pumipiling makibaka at kumawala ay hangal at matigas ang ulo.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III