Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan
Bilang mga miyembro ng lahi ng tao at mga debotong Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral dahil sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi inilalaan para sa atas ng Diyos at sa makatarungang proyekto ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay mahihiya sa harap ng mga naging martir para sa atas ng Diyos, at lalo nang mas mahihiya sa harap ng Diyos, na nagtustos sa atin ng lahat ng bagay.
Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito at, bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at ng sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaalo sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagbabantay sa sangkatauhang ito gabi at araw. Ang pag-unlad at pagsulong ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi makakatakas mula sa mga pagsasaayos na ginagawa ng mga kamay ng Diyos. Kung isa kang tunay na Kristiyano, tiyak na maniniwala ka na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bansa o bayan ay nasasailalim sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng anumang bansa o bayan, at ang Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung nais ng sangkatauhan na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung nais ng isang bansa na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang lahat ay dapat na magpatirapa sa Diyos at sumamba sa Kanya, at lumapit sa harap ng Diyos para magsisi at magtapat ng kasalanan sa Kanya, o kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang kalamidad.
Magbalik-tanaw kayo sa panahon kung kailan binuo ni Noe ang arka: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, at sila ay lumihis palayo mula sa mga pagpapala ng Diyos, hindi na binabantayan ng Diyos, at nawalan na ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay namumuhay sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Pagkatapos, sila ay naging likas na mahalay, at masama hanggang sa antas na hindi na kaaya-ayang tingnan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na sila karapat-dapat na makasaksi sa mukha ng Diyos o kaya ay makarinig sa tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran na nila ang Diyos, isinantabi na nila ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan na nila ang mga salita ng Diyos na nagtuturo. Ang kanilang puso ay lumihis nang papalayo nang papalayo mula sa Diyos at, pagkatapos nito, sila ay naging imoral hanggang sa puntong nawala na ang kanilang katwiran at pagkatao, at sumama na sila nang sumama. Pagkatapos, sila ay tumahak patungo sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Itinayo ni Noe ang arka ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon doon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pito pang miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkalipol, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.
Ngayon ay tingnan ninyo ang kasalukuyang panahon: Ang matutuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpapakita pa rin ng kagandahang-loob sa sangkatauhang ito at nagpapakita pa rin ng kaluwagan sa sangkatauhan sa huling kapanahunang ito. Hinahanap ng Diyos iyong mga nag-aasam na Siya ay magpakita, hinahanap iyong mga nakikinig sa Kanyang mga salita, hinahanap iyong mga hindi nakakalimot sa Kanyang atas at mga naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya, at hinahanap iyong mga kasingmapagpasakop at kasing-di-lumalaban ng mga sanggol sa Kanyang harapan. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, nang hindi nahahadlangan ng anumang puwersa, tatratuhin ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob Niya sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, prestihiyosong reputasyon, saganang kaalaman, napakaraming ari-arian, at suporta ng maraming tao, subalit nananatili kang hindi nagugulo ng mga bagay na ito at humaharap ka pa rin sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang tawag at ang Kanyang atas at upang gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ang magiging pinakamakabuluhang proyekto sa lupa at ang pinakamakatarungang gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos alang-alang sa katayuan o sarili mong mga layon, ang lahat ng iyong gagawin ay susumpain at, mas lalo na, kasusuklaman ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang elder, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung gagamitin mo ang iyong abilidad at kaalaman para isakatuparan ang iyong sariling gawain, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging pagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay makatarungan, o kinikilala na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay gumagamit ng kaalaman at lakas ng tao upang subukang itulak palayo ang proteksyon ng Diyos sa tao, at na pagtatatwa ito sa mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan wala sa tao ang Diyos at nawala sa tao ang Kanyang mga pagpapala.
Mula nang magsimula ang mga agham panlipunan, ang puso ng tao ay sinakop na ng agham at kaalaman. Pagkatapos nito, ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa paghahari sa sangkatauhan, na iniwan ang tao na walang sapat na puwang para sambahin ang Diyos, at na may mas kakaunting mga kondisyon na kapaki-pakinabang para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay bumaba nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung walang puwang para sa Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Pagkatapos nito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at politiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, ng teorya ng ebolusyon ng tao, at ng iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao, upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at ang Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga mito at alamat. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwawalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, at nagwawalang-bahala sa pag-iral ng Diyos at sa doktrina na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pananatiling buhay ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bansa at mga bayan ay hindi na mahalaga sa kanila, at namumuhay ang tao sa isang hungkag na mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang nagkukusang hanapin kung saan ginagawa ngayon ng Diyos ang Kanyang gawain, o hanapin kung paanong Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan at ang nagsasaayos sa hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay nababawasan nang nababawasan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakasibilisadong bansa ay nagpapahayag ng mga ganitong hinaing. Sapagkat kung wala ang gabay ng Diyos, kahit pa pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit pa mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pag-aasam at pagnanais ng tao na tumuklas. Ito ay dahil ang tao ay nilalang ng Diyos at ang mga walang katuturang sakripisyo at pagtuklas ng tao ay magdudulot lamang ng patindi nang patinding pagkabagabag sa tao, at magdulot na ang tao ay palagiang malagay sa pagkabalisa, nang hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot na sa agham at kaalaman, at lalo nang matakot sa pagkaramdam ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na tuklasin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalo nang wala kang kakayahang takasan ang di-maipaliwanag na pagkaramdam ng kahungkagan. Ang gayong mga penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang tao ang maaaring lumitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang pagliligtas ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang pagliligtas ng Diyos, saka lamang malulutas ang kanyang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa puso niya. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang bayan ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o bayan ay uusad patungo sa paglubog, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.
Marahil ang iyong bansa ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung tutulutan mo ang iyong mga tao na lumayo sa Diyos, pagkakaitan nang pagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos ang bansa mo, ang sibilisasyon nito ay yuyurakan nang yuyurakan ng tao, at hindi magtatagal, ang mga tao nito ay titindig laban sa Diyos at susumpain ang Langit. Sa ganitong paraan, masisira ang kapalaran ng isang bansa nang hindi namamalayan. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bansa upang kontrahin ang mga bansang isinumpa ng Diyos, at maaaring burahin pa nga ang mga ito sa balat ng lupa. Ang susi sa pag-unlad o pagbagsak ng isang bansa o bayan ay kung ang mga pinuno nito ay sumasamba ba sa Diyos, at kung inaakay ba nila ang kanilang mga tao para mapalapit sa Diyos at sambahin Siya. Pero sa huling kapanahunang ito, dahil ang mga taong sinserong naghahanap at sumasamba sa Diyos ay pakaunti nang pakaunti, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bansa kung saan ang Kristiyanismo ang relihiyon ng estado. Tinitipon Niya ang mga bansang iyon upang bumuo ng medyo makatarungang kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga bansang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng makatarungang kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan magagampanan Niya ang Kanyang gawain, kasabay nito, nagkakamit din Siya ng mga bansang nagpapatupad ng makatarungang awtoridad, na nagtutulot na makapagpataw ng mga parusa at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Sa kabila nito, hindi pa rin nagagawa ng Diyos na magkamit ng mas maraming tao para sumamba sa Kanya, sapagkat ang tao ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ang Diyos sa loob ng napakatagal na panahon, at sa mundong ito ay may mga bansa lang na nagpapatupad ng katarungan at lumalaban sa kawalan ng katarungan. Ngunit malayo ito sa pag-abot sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang mga pinuno ng bansa ang magpapahintulot sa Diyos na maghari sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ng anumang bansa ang magtitipon ng mga tao nito para sambahin ang Diyos; nawalan ang Diyos ng Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bansa, bayan, namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang ilang makatarungang puwersa sa mundong ito, ang anumang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay napakarupok, at ang politikal na eksena, na walang pagpapala ng Diyos, ay magulo at hindi makayanan kahit ang isang dagok. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katumbas ng kawalan ng araw. Gaano man kasigasig ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, gaano man karami ang mga makatarungang pagpupulong na isinasagawa ng sangkatauhan nang sama-sama, wala sa mga ito ang makakapagpabalik ng agos o makakapagbago ng kapalaran ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bansa kung saan ang mga tao ay may sapat na pagkain at kasuotan, kung saan sila ay magkakasamang namumuhay nang payapa, ay isang mahusay na bansa, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Naniniwala Siya na ang isang bansa kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay Kanyang lilipulin. Ang mga iniisip ng tao ay palaging ibang-iba sa mga iniisip ng Diyos. Kaya, kung ang pinuno ng isang bansa ay hindi sumasamba sa Diyos, ang kapalaran ng bansang ito ay magiging isang malaking trahedya, at ang bansang ito ay mawawalan ng hantungan.
Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, ngunit kinokontrol Niya ang kapalaran ng bawat bansa at bayan, kinokontrol Niya ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng sangkatauhan at ang plano ng Diyos ay malapit na magkaugnay, at walang tao, bansa, o bayan ang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung nais ng tao na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang lumapit sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya at pahihinain at lilipulin Niya ang mga lumalaban at tumatanggi sa Kanya.
Gunitain ninyo ang eksena sa Bibliya nang wasakin ng Diyos ang Sodoma at isipin din ninyo kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain ninyo kung paano nagsisi at nagtapat ng kanilang mga kasalanan ang mga tao ng Ninive na suot ang tela ng sako at nang may abo. Gunitain ninyo kung ano ang kinalabasan ng mga Hudyo matapos nilang ipako si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan—sila ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas papunta sa mga bansa sa buong mundo, marami ang pinatay, at ang buong bayan ng mga Hudyo ay sumailalim sa wala pang katulad na pasakit ng pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—gumawa sila ng isang karumal-dumal na kasalanan—at ginalit nila ang disposisyon ng Diyos. Kailangan nilang pagbayaran ang kanilang ginawa at pasanin ang lahat ng kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Kinondena nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, at kaya naman iisa lamang ang kanilang naging kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at sakuna na idinulot ng kanilang mga pinuno sa kanilang bansa at bayan.
Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pinakatipikal na halimbawa ng mga diktadurya: ang Tsina, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang pangkat ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong ito, tinutugis Siya ng namumunong partido ng Tsina gamit ang lahat ng paraan at sumailalim Siya sa lahat ng uri ng pagdurusa, nang walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, at nang walang masisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang nilalayong gawin: Sinasabi at binibigkas Niya ang Kanyang mga salita at ipinapalaganap Niya ang ebanghelyo. Walang tao ang makakaarok sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa Tsina, na isang bansang itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, hindi kailanman itinigil ng Diyos ang Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hanggang sa pinakasukdulang punto na maaari. Naniniwala tayong lahat na walang bansa o puwersa ang makakahadlang sa nais ng Diyos na isakatuparan, at na iyong mga sumusubok na humadlang sa gawain ng Diyos, na lumalaban sa salita ng Diyos, at na nanggugulo at sumusubok na sirain ang plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Ang sinumang taong lumalaban sa gawain ng Diyos ay itatapon ng Diyos sa impiyerno; ang anumang bansa na lumalaban sa gawain ng Diyos ay wawasakin ng Diyos; ang anumang bayan na tumitindig upang tutulan ang gawain ng Diyos ay buburahin ng Diyos sa daigdig na ito at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng bayan at ng lahat ng bansa, at maging ng lahat ng industriya na lumapit at makinig sa tinig ng Diyos, lumapit at pagmasdan ang gawain ng Diyos, at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, at sa gayon ay gawin ang Diyos na pinakabanal, pinakadinadakila, pinakamataas, at ang tanging pinag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at upang bigyang-daan ang buong sangkatauhan na mamuhay sa gitna ng mga pagpapala ng Diyos, tulad lamang ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad lamang nina Adan at Eba, na nilikha ng Diyos sa simula, na namuhay sa Hardin ng Eden.
Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang makapipigil sa Kanya, at walang sinuman ang makapagpapahinto sa Kanyang pagsulong. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang makasusunod sa Kanyang mga yapak at makatatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga hindi naman ay sasailalim sa napakalaking sakuna at karapat-dapat na kaparusahan.