Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikalawang Bahagi)

Karagdagang Babasahin: Paglutas sa mga Maling Pagkaunawa ng mga Tao tungkol sa Pangangasiwa sa Isang Iglesia sa Canada

May kakaibang nangyari noong huling beses na nagtipon tayo. Ano nga iyon? (Tungkol ito sa pangangasiwa sa isang iglesia sa Canada.) Nangyari ito noong nakaraang buwan. Malinaw pa ba ito sa alaala ninyo? (Oo, malinaw pa.) Lubos bang nakaapekto sa damdamin ninyo ang isyung ito? (Oo, nakaapekto nga.) Kapag may mga problemang lumilitaw sa ilang iglesia o sa ilang tao, nagpapasya Ako batay sa mga sitwasyon at tinutugunan Ko ang mga ito ayon sa mga prinsipyo; ganito rin ang kaso nang pinangasiwaan Ko ang isyu ng iglesia sa Canada. Kaya, sabihin ninyo sa Akin, bakit Ko pinangasiwaan ang isyu gaya nang ginawa Ko noong may lumitaw na anticristo sa iglesia sa Canada at iniligaw ang mga tao? Ano ang mga opinyon ninyo tungkol dito? Mukhang natakot ang ilang tao sa sitwasyong ito. Bakit kaya sila natakot nito? Sabi ng ilan, “Sobrang higpit naman ng pangangasiwa dito. Seryoso ba talaga ang sitwasyon? Paanong pinangasiwaan ito sa ganoong paraan? Napangasiwaan ba ito nang naaayon sa mga prinsipyo? Hindi ba ito napangasiwaan nang padalos-dalos? Ano kaya ang kalalabasan ng ganitong pangangasiwa? Talaga bang ganoon kaseryoso ang ginawa ng mga taong iyon? Batay sa kung ano ang hinihingi sa mga tao roon, at sa kanilang saloobin, mga pahayag, at sa impormasyong narinig mula sa kanila, parang hindi naman sila dapat pinangasiwaan nang ganoon kabigat, hindi ba?” Ganito mag-isip ang ilang tao. May iba namang nagsasabi, “Marahil may mga katwiran at ideya ang Diyos kung bakit Niya pinangasiwaan ito sa ganoong paraan.” Ano bang eksaktong mga ideya ang mga iyon? Mayroon bang orihinal na layon o katwiran para pangasiwaan ang isyu sa ganoong paraan? Makatwiran bang pangasiwaan ang mga taong iyon sa ganoong paraan? (Oo.) Sinasabi ninyong lahat na makatwiran ito, kaya ngayong araw ay talakayin natin ang isyu at tingnan kung bakit talagang makatwirang pangasiwaan nang ganoon ang isyu, kung ano ba talaga ang iniisip ninyo tungkol sa isyung ito, kung ano ang magiging epekto nito sa inyo sa hinaharap, kung tama ba o mali ang mga ideya ninyo tungkol dito, at kung may anuman bang mali o baluktot sa mga ideya ninyo. Kung lagi kayong nagpipigil, umiiwas magsalita, at hindi nagpapahayag ng sarili ninyo, laging nakakaramdam ng pagkontra, kung gayon ang mga problema ay hindi kailanman malulutas sa pinakamahusay na paraan, kaya dapat magkaroon tayo ng isang pangkalahatang pagkakasundo. Ano ang mga prinsipyo para magkaroon ng pangkalahatang pagkakasundo? Kung hindi ninyo kayang tanggapin itong paghatol na ginawa Ko, at may mga ideya at kuru-kuro kayo tungkol dito, nakakaramdam kayo ng pagtutol dito, at nagkikimkim pa nga ng mga maling pagkaunawa tungkol dito at may lumilitaw na mga tanong o masasamang ideya, ano ang dapat nating gawin? Dapat nating talakayin ang isyung ito. Kung may iba-iba tayong opinyon, wala tayong pagkalahatang pagkakasundo. Paano tayo magkakaroon ng pangkalahatang pagkakasundo? Puwede bang maghanap ng punto kung saan tayo nagkakasundo habang pinapanatili natin ang mga pagkakaiba? Kung aayusin natin ang mga pagkakaiba sa pamamagitan ng kompromiso, kung magpaparaya Ako nang kaunti, at kayo rin, magiging ayos ba iyon? Maliwanag, hindi ayos iyon. Hindi ito ang paraan para makamit ang pagkakatugma. Kaya, kung gusto nating magkaroon ng pangkalahatang pagkakasundo at magkaroon ng pare-parehong pag-unawa at desisyon sa isyung ito, ano ang paraan para gawin iyon? Dapat ninyong hanapin ang katotohanan, pagsikapan ang katotohanan, at pagsikapang maunawaan ang katotohanan, at kailangan Kong ipaliwanag at gawing malinaw sa lahat ang buong kuwento. Walang sinuman ang dapat magkimkim sa kanyang puso ng anumang maling pagkaunawa tungkol dito. Sa ganitong paraan, magkakaroon tayo ng iisang pananaw tungkol sa isyu, at pagkatapos ay tapos na ang usapan. Kung mahaharap Ako sa katulad na isyu sa hinaharap, puwede Ko itong pangasiwaan sa parehong paraan, o baka hindi Ko na pangasiwaan sa ganitong paraan, kundi gagamit Ako ng ibang paraan. Kaya, ano ang dapat ninyong matutuhan mula sa isyung ito? (Dapat naming matutuhan kung paano hanapin ang katotohanan at maunawaan kung bakit pinangasiwaan ng Diyos ang usapin sa ganoong paraan.) Nabanggit ninyo ang dalawang aspekto, napakahusay. May iba pa ba? (Dapat naming sikaping maunawaan ang mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos para maiwasang magkasala sa disposisyon ng Diyos. Isang babala ito para sa amin.) Iba pang aspekto ito.

Para maipaliwanag nang malinaw ang pangangasiwa sa iglesia sa Canada, dapat simulan natin sa umpisa. Ano ang dapat nating simulan? Magsisimula tayo sa pag-alis ng mga taong ito sa Tsina. Sobrang layo na ba kung babalikan pa ito? Maaaring nakakatawa ito sa inyo, pero sa totoo lang, hindi ito nakakatawang isyu. Isang kaso ba ito ng paghihiganti para sa nangyari dati? Hindi. Kapag narinig ninyo Akong magsalita tungkol sa mga katwiran Ko, malalaman ninyo kung bakit nagsimula Ako roon. Isantabi muna natin kung ang bawat isa ba na pumupunta sa ibang bansa ay may dalang isang atas, isang misyon, at isang responsabilidad—magsisimula tayo sa isang maliit na isyu—nagkataon lang ba na bawat tao ay kayang umalis sa Tsina? (Hindi.) Hindi ito nagkataon lang. Mula sa pagkakaroon mo ng determinasyon at kahandaang umalis sa Tsina para gampanan ang tungkulin mo hanggang sa makarating ka sa ibang bansa, sa buong prosesong ito, bukod sa pakikipagtulungan mo, sabihin mo sa Akin, sino ang nagtatakda kung maayos ka bang makakaalis sa Tsina? (Ang Diyos.) Tama iyan. Hindi ito natutukoy ng kung anong mga koneksyong panlipunan mayroon ka, at hindi rin ito natutukoy ng kung gaano karami ang pera mo, o kung naayos mo na ba ang lahat ng kailangang dokumento at proseso—lahat ng pumupunta sa ibang bansa ay dapat may parehong pag-unawa at karanasan. Ano ang nararanasan nilang lahat? Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kung ang isang tao ay maayos bang makakaalis sa Tsina; wala itong kinalaman sa kung gaano ba kahusay ang taong ito o kung mayroon ba siyang malaking kakayahan. Hindi ito pagpunta mula sa isang probinsya patungo sa isa pa sa loob ng isang bansa; ito ay pag-alis sa sariling bansa, at nangangailangan ito ng maraming komplikadong dokumento at proseso. Lalo na sa kapanahunan ngayon ng matinding pagsupil at walang tigil na pag-uusig ng malaking pulang dragon sa mga mananampalataya, at mahigpit na pagmamanman sa bawat isa sa kanila, hindi ganoon kadaling asikasuhin ang mga kailangang dokumento at proseso para makaalis sa Tsina. Samakatwid, ang maayos na pagdating ng mga taong ito sa ibang bansa ay lubos na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ipinapakita nito ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Kung sino ba ang makakaalis sa Tsina, kung maayos bang maaasikaso o hindi ang mga kailangang dokumento at proseso, at kung gaano katagal ba bago ito maasikaso, lahat ng ito ay itinakda ng Diyos, at ang kamay ng Diyos ang namamatnugot at nagsasaayos ng lahat ng ito. Hindi magiging tama kung hindi mo ito paniniwalaan, at hindi rin magiging tama kung hindi mo ito kikilalanin—ang mga ito ang katunayan. Ang isyung ito ay natatapos sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga tao at ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung gagawa tayo ng pinal na pasya tungkol sa pag-alis mo sa Tsina, sino ang nagbigay-daan na mangyari ito? (Ang Diyos.) Ang Diyos ang gumawa nito. Walang dapat ipagyabang ang mga tao, sa halip dapat nilang pasalamatan ang Diyos. Kaya, ano ang dapat mong gawin? (Magsikap sa pagtupad sa aming tungkulin.) Dapat kang magsikap sa pagtupad sa tungkulin mo at gawin ito nang nakatuon ang isipan. Kung susuriin natin nang malawakan, puwede ba nating gawing pinal na pasya at sabihin na ang pag-alis mo sa Tsina para gampanan ang tungkulin mo ay bunga ng mga pagsasaayos at patnubay ng Diyos, at hindi ng sarili mong kakayahan? (Oo, puwede.) Sabi ng ilan, “Paanong hindi ito bunga ng kakayahan ko? Kahit may patnubay ako ng Diyos, kung hindi Niya ako ginabayan, hindi rin naman magiging mahirap ang pag-alis ko sa Tsina dahil isa akong nakapagtapos na mag-aaral na may kwalipikasyong TEM8 sa Ingles, at hindi magiging problema ang pagpasa sa TOEFL na pagsusulit.” Napakakaunti lamang ng mga tao na nasa ganitong sitwasyon. Halimbawa, mayayaman ang ilan at makakapangibang-bansa gamit ang investor visa, pero bihira lang ang ganitong mga pagkakataon. Kaya, nangyayari ba ang pag-alis ng mga taong ito sa Tsina sa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nang may pahintulot Niya? Oo, nangyayari nga. Hindi na natin pag-uusapan pa ang mga indibidwal na sitwasyon; pag-uusapan lang natin ang mga makakaalis sa Tsina at pagkatapos ay tapat na gagampanan ang tungkulin nila. Hindi ito ganap na galing sa sarili nilang mga layunin. Isang aspekto ng kung bakit umalis ka sa Tsina ay dahil may misyon ka, habang ang isa pang aspekto ay umalis ka sa Tsina dahil sa patnubay ng Diyos. Kung titingnan ang bagay na ito mula sa ganitong punto, ano nga ba ang dahilan ng pag-alis mo sa Tsina? (Ang gampanan ang tungkulin ko.) Gaano man katagal makompleto ang mga proseso sa simula, gaano man ang igugol mo, o paano man pinamumunuan ng Diyos ang bagay na ito sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan, sa anumang kaso, dahil makakaalis ka sa Tsina at magagawa mo ang tungkulin mo sa sambahayan ng Diyos, masasabi natin nang may katiyakan na may misyon ka sa ibang bansa. May dala kang responsabilidad at mabigat na pasanin, at dapat napakalinaw ng layon mo sa pagpunta sa ibang bansa. Una, hindi ka imigrant na pumunta sa ibang bansa para magsaya sa buhay; ikalawa, hindi ka pumunta sa ibang bansa para maghanap ng ikabubuhay; ikatlo, hindi ka rin pumunta sa ibang bansa para maghanap ng ibang paraan ng pamumuhay; at ikaapat, hindi ka pumunta sa ibang bansa para mamuhay nang maginhawa. Hindi ba’t tama ito? Hindi ka pumunta sa ibang bansa para hangarin ang mga bagay ng mundo; pumunta ka dahil may misyon ka at may atas ng Diyos na gampanan mo ang tungkulin mo. Kung titingnan ito mula sa ganitong punto, ano ang pinakamahalagang dapat mong unahin sa pagpunta sa ibang bansa? (Ang gawin ang aming tungkulin.) Ang pinakamahalagang dapat mong unahin ay ang pumunta sa sambahayan ng Diyos at alamin ang tamang tungkulin mo, at gampanan ang tungkulin mo nang matatag at magalang ayon sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos. Hindi ba’t ganoon? (Oo, ganoon nga.) Tama iyan. Bukod pa riyan, hindi ka pumunta sa ibang bansa dahil may nagbanta o dumukot sa iyo—pumunta ka nang kusang-loob. Kahit saang aspekto mo ito tingnan, pumunta ka sa ibang bansa kaya dapat mong gampanan ang tungkulin mo. Tama, hindi ba? Ito ba ay isang napakataas na kahilingan sa mga tao? (Hindi.) Hindi ito napakataas na kahilingan, at hindi rin ito sobra-sobrang kahilingan. Makatwiran ito. Ngayon, batay sa kakasabi Ko lang, paano mo dapat harapin ang tungkulin mo at paano mo dapat gampanan ang tungkulin mo para maging karapat-dapat ka sa atas na ibinigay sa iyo ng Diyos? Dapat mo bang pag-isipan ang mga bagay na ito? Ang unang bagay na dapat mong gawin ay ang isipin, “Hindi ako isang ordinaryong tao, may dala na ako ngayong pasanin sa aking balikat. Anong pasanin? Ito ay ang atas, ang pasaning ibinigay sa akin ng Diyos. Ginabayan ako ng Diyos para makapunta sa ibang bansa, at dapat kong tuparin ang mga responsabilidad at obligasyong dapat tuparin ng isang nilikha sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos—ito ang tungkulin ko. Una, dapat kong isipin kung ano ang tungkuling kaya kong gawin, at ikalawa, dapat kong isipin kung paano ko magagawa nang mabuti ang tungkuling iyon para hindi ako mabigong tuparin ang inaasahan sa akin ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at ng mga pagsasaayos Niya para sa akin.” Hindi ba’t dapat ganito ka mag-isip? Sobra ba ang pag-iisip na ito? Kasinungalingan ba ito? Hindi, hindi ito kasinungalingan; isang bagay ito na dapat isipin ng isang tao na makatwiran, may pagkatao, at may konsensiya. Kung sinasabi ng ilang tao, “Pagkatapos kong mangibang-bansa, natuklasan kong hindi ito tulad ng inaakala ko at pinagsisisihan ko ito,” anong klaseng mga tao sila? Walang pagkatao ang ganitong mga tao at nasira ang pananalig nila. Gayumpaman, karamihan sa mga tao na nangingibang-bansa ay handang ialay ang sarili nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Sapat na iyon. Ngayon, idugtong natin ang ating pinag-uusapan sa usapin ng iglesia sa Canada. Ang mga tao sa iglesia sa Canada ay kasali rin dito. Aksidente bang napunta sila sa Canada? Hindi ito aksidente, hindi ito maiiwasan. Bakit Ko sinasabing hindi ito maiiwasan? Sinasabi Ko ito dahil matagal nang itinakda ng Diyos kung sino-sino ang pupunta sa aling bansa, at ang “hindi maiiwasan” na ito ay pinamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kapag pinamamahalaan ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos na pupunta ka sa isang bansa, iyon ang mangyayari. Ang mga tao sa iglesia sa Canada ay may misyon din at napunta sila sa ibang bansa ayon sa kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Pinatnubayan sila ng Diyos patungong Canada, at batay sa kani-kanilang mga talento at propesyonal na kasanayan, at mga kalakasan at iba pa, itinalaga sila ng iglesia sa iba’t ibang tungkulin, at hinayaan silang gampanan ang tungkulin nila. Ginampanan nila ang kanilang tungkulin nang medyo matigas mula pa sa simula. Sa “matigas,” hindi Ko ibig sabihin na sila ay tahimik at mabagal, kundi na kahit na pumunta ang karamihan sa kanila para gawin ang tungkulin nila, hindi nila hinahangad ang katotohanan. Bakit Ko sinasabing hindi nila hinahangad ang katotohanan? Kapag nakakaharap sila ng mga isyu, hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi nila hinahanap ang mga prinsipyo sa mga ikinikilos nila. Minsan, kapag may ilang pagsasaayos para sa kanila o may iniutos sa kanila ang Itaas, hindi sila nakahandang tanggapin ito—ganito ang ugali nila sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Nagpatuloy sila sa ganitong pabasta-bastang paraan at ang pagganap nila sa tungkulin nila ay nauwi sa pangit na kalagayan, isang ganap na gulo. Walang anumang mabuti sa buhay iglesia o sa buhay pagpasok ng mga taong ito, masama ang epekto ng tungkulin nila, walang realidad sa pakikipagbahaginan nila tungkol sa katotohanan, at wala silang pagkilatis sa mga huwad na lider at mga anticristo maski kaunti—walang mabuti sa kahit anong ginawa nila. Sa paglipas ng panahon, lumitaw ang isang anticristong nagngangalang Yan, at nakipagkaisa sila sa anticristong ito. Ano ang ibig sabihin ng “nakipagkaisa sila”? Ang anticristong ito ay isang lalaking bata pa, 26 na taong gulang, na dalawa at kalahating taon nang nagtatrabaho sa iglesia. Sa panahong iyon, nakaakit si Yan ng maraming kapatid na babae, mga 10. Nagustuhan niya ang ilan sa kanila, at ang iba ay hindi, at hindi niya pinansin ang mga hindi niya gusto, pero ang lahat ng taong ito ay humanga sa anticristong ito. Dalawa at kalahating taon bago iyon, ang mga tao sa iglesia sa Canada ay hindi kahusayan sa pagtupad sa kanilang tungkulin at nasa kalagayan sila ng pagiging walang kabuhay-buhay. Anuman ang gawaing isinaayos para sa kanila ng Itaas, tinatrato nila ito nang pabasta-basta at hindi sila handang tanggapin ito, at kinailangan ng matinding pagsusumikap para maisagawa ang gawain. Pagkatapos silang pungusan ng Itaas, sila ay nalungkot, nanlumo, bihira na silang makipag-usap sa Itaas, at sobrang nasisiraan din ang loob nila sa gawain. Pagkatapos maging lider ng anticristong si Yan, lumala ang sitwasyon nila araw-araw, at karamihan sa kanila ay iniraos na lang ang mga araw. Bakit sila umabot sa ganitong yugto ng pagraraos na lang ng mga araw? Saan ito may kinalaman? Isang obhetibong dahilan ay puwedeng may kinalaman ito sa mga lider. Wala silang mabubuting lider, wala ni isa sa mga lider nila ang naghahangad sa katotohanan kundi sa halip ay bumubuo ng mga interpersonal na relasyon at nakikilahok sa mga balikong gawain. At ano ang subhetibong dahilan? Ito ay na wala ni isa sa kanila ang naghahangad sa katotohanan. Madali ba para sa isang grupo ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan na gawin ang tungkulin nila nang tapat at naaayon sa pamantayan? (Hindi.) Gayumpaman, madali ba para sa isang grupo ng mga tao na hindi naghahangad sa katotohanan at ng ilang hindi mananampalataya na makilahok sa mga balikong gawain, maging pabasta-basta, at tutulan ang Itaas? (Oo.) At madali ba para sa isang grupo ng ganitong mga tao na lumala at maging masama tulad ng mga walang pananampalataya? Napakadali, at ito ang landas na tinatahak nila. Sa ilalim ng pagkukunwaring ginagawa nila ang kanilang tungkulin, kinain nila ang pagkain ng sambahayan ng Diyos, nanirahan sila sa mga tirahang pagmamay-ari ng sambahayan ng Diyos, at sinuportahan sila ng sambahayan ng Diyos. Niloko nila ang sambahayan ng Diyos sa pagkain at inumin pero naghangad pa rin silang makapasok sa kaharian ng langit at makatanggap ng mga gantimpala—nabuhay sila sa pamamagitan ng panlilinlang sa ganitong paraan. Nang guluhin ng anticristo ang gawain ng iglesia, wala ni isa man sa kanila ang nag-ulat sa Itaas ng anumang isyu. Isang babae lang ang nag-ulat ng problema sa isang huwad na lider, at ang resulta nito ay hindi naayos ang usapin. Nagpikit-mata ang iba, at kahit nakita nilang lumitaw sa iglesia ang napakaraming problema, hindi nila ito iniulat. Ang mga pagsasaayos ng gawain sa sambahayan ng Diyos ay malinaw na nagsasaad ng mga prinsipyo para sa pagpapalit ng mga lider at manggagawa, pero wala ni isa ang nagbigay-pansin sa mga ito, sa halip ay basta na lang nila iniraos ang mga araw kasama ang anticristo na iyon. Sa mga hindi mananampalatayang ito, nasa isang banda ang mahihigit 20 taon nang nananalig sa Diyos, at nasa kabilang banda naman ang mga lima o higit pang taon nang nananalig, at wala ni isa man sa kanila ang nag-ulat ng mga problemang ito. Pero ano ang mas masahol? Maraming babaeng lider ng pangkat at diputadong lider ng pangkat ang nakipagharutan sa anticristong ito, at nagtunggalian sila para sa atensiyon ng anticristong ito. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nagsisimulang magkaroon ng relasyon, madali itong mapansin ng mga nasa tamang edad at ng matatanda sa isang tingin lang. Ang mga tao ay sensitibong lahat sa usapin ng relasyon sa pagitan ng mga lalaki at babae, at malalaman na nila ang nangyayari sa isang sulyap lang. Pero walang nag-ulat nito, walang tumindig para sawayin o ilantad sila, at walang nakakilatis sa kanila. Mayroon bang kahit sinong naglakas-loob at, nang makita na sila ay isang grupong pinamumunuan ng anticristong ito, ay nagsabi sa sarili niya, “Hindi ko kayo kayang sundan. Dapat kong iulat ito sa nakakataas na pamunuan at ipatanggal kayo, o kaya ay magtipon ng ilang kapatid na may pagpapahalaga sa katarungan para patalsikin kayo”? Wala, walang gumawa nito. Walang nag-ulat nito, hanggang sa nabunyag ang bagay na ito. Anong klaseng mga tao sila? Tunay ba silang mananampalataya sa Diyos? Mga naghahangad ba sila ng katotohanan? (Hindi.) Yamang may malaking pangyayaring naganap sa harapan nila at hindi nila ito namalayan, nagampanan ba nang maayos ng mga taong hindi naghahangad sa katotohanan ang tungkulin nila? Ano ang saloobin nila sa kanilang tungkulin? Malinaw na sila ay mga manghuhuthot lang, na nanghuhuthot araw-araw. Naniniwala sila na madali silang makapagpapatuloy sa sambahayan ng Diyos, na walang dapat magsalita kung may mapansing problema, walang dapat magpasama ng loob ninuman, at na kung mapapasama nila ang loob ng “boss,” magiging kakila-kilabot iyon, at magiging masama para sa kanila ang mga kahihinatnan. Kung natatakot kang mapasama ang loob ng mga tao at hindi mo ito pangangahasang gawin, nangangahas ka bang salungatin ang Diyos? Magiging mabuti ba para sa iyo ang mga kahihinatnan kung sasalungatin mo ang Diyos? Paano ka pangangasiwaan ng Diyos? Hindi ba’t magkakaroon ng mga kahihinatnan? (Oo, magkakaroon.) Magkakaroon ng mga kahihinatnan. Siyempre, hindi malaking dahilan ang pagkatakot nilang makapagpasama ng loob ninuman. Ang malaking dahilan ay mga buktot silang tao na walang pagmamahal sa katotohanan. Bukod sa hindi nila hinahangad ang katotohanan, gumawa rin sila ng maraming kahangalan. Hindi naman marami ang mga tao sa iglesia sa Canada, pero marami silang ambisyong wala sa lugar. Maliwanag na walang epekto ang pagganap nila ng kanilang mga tungkulin, pero gusto pa rin nilang palawakin ang saklaw ng kanilang gawain at abala sila sa pagbili ng ari-arian, pero sa huli ay nagbayad lang sila ng deposito sa ari-arian nang wala namang napala. Ngayon, karamihan sa mga taong ito ay inihiwalay na. Sabihin mo sa Akin, anong klaseng mga tao sila? Hindi ba’t sila ay isang grupo ng mga hayop at mga sawimpalad? Malinaw na wala silang kuwenta, pero inaksaya nila nang ganito ang mga handog. Walang nangangalaga sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, walang may pagpapahalaga sa katarungan—sila ay isang grupo lang ng mga demonyo! Talagang nakakagalit!

Hindi naman marami ang mga tao sa iglesia sa Canada, mga ilang daan lang. Hindi sila masyadong nagsisikap sa tungkulin nila, pabaya sila sa kanilang tungkulin at bumuo sila ng grupo-grupo, na lahat ay iniraraos lang ang mga araw. Hindi ba’t nakakagalit iyon? Hindi sila mahusay sa trabaho at wala silang progreso, nagpapakana silang lahat laban sa isa’t isa at hindi sila nagtatrabaho nang may pagkakasundo. Nakilahok ang mga lider sa ilang iba pa sa mga balikong gawain, at walang sinuman ang nakaramdam na kailangang magmadali, walang nagalit, at walang nalungkot tungkol dito. Walang nanalangin tungkol sa bagay na ito, at walang kumonsulta o humingi ng tulong mula sa Itaas. Walang gumawa nito, at walang naglakas-loob na magsabi, “Hindi tama na ginagawa natin ang ating tungkulin sa ganitong paraan. Ang tungkuling ito na ginagawa natin ay atas na ipinagkaloob sa atin ng Diyos, at hindi natin puwedeng biguin ang Diyos!” Hindi sila kinulang sa anuman, sapat ang mga tao nila, sapat ang kagamitan nila. Ano ang wala sa kanila? Ang wala sa kanila ay mabubuting tao. Walang sinuman ang nakaramdam ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia, at wala ring nakapag-ingat sa gawain ng sambahayan ng Diyos, nagkalakas-loob na magsalita, o nakapagbahagi sa katotohanan tungkol sa pagkilatis, para ang lahat ay makatindig at makilatis at malantad ang mga huwad na lider at anticristo; wala ni isa ang gumawa nito. Ito ba ay dahil bulag ang mga sawimpalad na ito at hindi nila nakita ang nangyayari, o dahil ba sila ay walang kakayahan at lito dala ng kanilang katandaan? (Parehong hindi.) Parehong hindi. Kung gayon, ano ang tunay na sitwasyon? Lahat sila ay kasa-kasama ng anticristo, pinoprotektahan nilang lahat ang isa’t isa at nagpapalapad sila ng papel sa isa’t isa, walang naglalantad ng kahit sino, at lahat sila ay tumatambay lang sa lunggang iyon ng mga demonyo. Inisip ba nila kailanman ang kanilang tungkulin o ang atas ng Diyos? (Hindi.) Gusto lang nilang magpatuloy nang ganito nang hindi nakararamdam ng paninisi sa sarili. Ano ba ang pangyayaring ito, kung saan hindi sila nakararamdam ng paninisi sa sarili? Iyon ay dahil hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at sila ay iniwan na ng Diyos. May isa pang paliwanag ng pag-iwan sa kanila ng Diyos, at ito ay, dahil sa saloobin nila sa kanilang tungkulin, sa katotohanan, at sa Diyos, at dahil na rin sa mga iniisip nila, nasuklam na sa kanila ang Diyos at hindi na sila karapat-dapat gumawa ng tungkuling iyon. Kaya walang nakitang pagsasaway o pagdidisiplina sa kanila, walang paggising ng konsensiya nila, at lalong wala silang nakuhang anumang kaliwanagan o pagtanglaw, anumang pagpupungos, paghatol, o pagkastigo. Walang halaga sa kanila ang mga bagay na ito, lahat sila ay manhid, at wala silang kaibahan sa mga diyablo. Ilang taon na silang nakikinig ng mga sermon sa sambahayan ng Diyos, at nakapakinig na rin sila ng mga sermon tungkol sa pagkilatis sa mga anticristo at kung paano gampanan ang tungkulin nang naaayon sa pamantayan, pero hinanap at tinanggap ba nila ang katotohanan sa panahong iyon? Nakilatis ba nila ang mga anticristo? Nagdebate ba sila tungkol sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo? Hindi, hindi sila nagdebate. Kung talagang ginawa nila iyon, tiyak na may iilang tao sana na nakatindig, nakapaglantad, at nakapag-ulat ng anticristo, at hindi sana naging ganoon kalala ang sitwasyon. Isang grupo lang sila ng mga naguguluhan at walang kuwentang tao! Batay sa aktuwal nilang kalagayan, sa asal nila, at sa pag-uuring ibinigay sa kanila, inilipat Ko sila sa Pangkat B para sa isang panahon ng pag-iisa at pagninilay. Sobra na ba na pangasiwaan Ko ang bagay na ito sa ganitong paraan? (Hindi.) Hindi, hinding-hindi ito sobra. At kung hindi ito sobra, hindi ba’t maituturing ito na ganap na tama? Ginawa ito para bigyan sila ng pagkakataon. Anong pagkakataon? Kung talagang mayroon silang kaunting pagkatao at konsensiya, kung kaya nilang magsisi at magbago ng direksiyon, magkakaroon sila ng pagkakataong makabalik sa iglesia; kung wala man lang silang pagnanais na magsisi, mananatili lang silang nakahiwalay sa natitirang bahagi ng buhay nila, at paaalisin pa sila ng iglesia. Ganito ang sitwasyon. Hindi agad sila pinaalis para mabigyan sila ng pagkakataong magsisi. Maaari nilang sabihin, “Ginawa namin ang masamang bagay na ito, at nagalit Ka at inihiwalay Mo kami. Kaya kahit na wala kaming nagawang mabuti sa paggawa ng dati naming tungkulin, tiyak na nagdusa naman kami para dito. Bakit hindi Mo nakikita iyon?” pero sa totoo lang, ang paghiwalay sa kanila ay nagpapakita na ng sapat na pagpaparaya, at ayon sa kanilang mga ginawa at ugali, dapat sana ay napaalis na sila. Tingnan ninyo ang saloobin nila—nasa napakalaking panganib sila! Kaya, paano dapat pangasiwaan ang bagay na ito? Kailangan Kong hatiin ang Aking pamamaraan sa dalawang yugto: Ang unang yugto ay ang paghiwalay sa kanila, at ang ikalawang yugto ay ang pangangasiwa sa kanila sa paraang sa tingin Ko ay nababagay batay sa kalagayan nila sa panahon ng pagkakahiwalay at sa indibidwal nilang kilos, at pagdedesisyon kung papanatilihin ba sila sa iglesia o papaalisin. Hindi ba’t pagpapakita ito ng sapat na pagpaparaya sa kanila?

Gumawa ng napakaraming masamang bagay ang mga tao sa iglesia sa Canada at ang pagbukod sa kanila batay sa asal nila ay nagpakita ng malaking pagpaparaya, kaya bakit may mga tao pa ring may sarili nilang mga pananaw sa kung paano pinangasiwaan ang usapin? Sinasabi ng ilang tao, “Puwedeng tama ang ginawa Mo sa pagharap sa usaping iyon, pero may kaunti pa ring problema. Ang mga tao rin sa iglesia sa Canada ang may kagagawan nito at napala lang nila ang nararapat sa kanila, pero sa pangangasiwa rito sa ganitong paraan, hindi ba’t mahigpit Mo silang pinaparusahan upang magsilbing halimbawa para sa iba?” Tama ba ang pagkakaintinding ito? (Hindi.) Narinig Kong sinabi ng iba, “Ito ang tamang paraan ng pangangasiwa rito. Kailangan Mo silang mahigpit na parusahan upang magsilbing halimbawa para sa iba, paggawang babala sa kanila sa iba, at dapat kang magpakita ng lakas para mabalaan ang iba.” Hindi ba’t isa itong bagay na sasabihin ng isang walang pananampalataya? Ganito ang magiging pananaw ng isang walang pananampalataya sa bagay-bagay. Marahil hindi pa ninyo ganap na maunawaan nang lubusan ang diwa ng problemang ito, at kaya nakakapagpahayag pa rin kayo ng pananaw ng isang walang pananampalataya. Sa tingin ninyo, hindi ba medyo nakakadiri na sabihin ito ng isang tao? Kung ganitong mga salita ang gagamitin ninyo para ipaliwanag ang usaping ito, ibig sabihin ay nagsasabi kayo ng mga walang kinalamang bagay, at hindi ganito ang sitwasyon. Kaya, paano mo ilalarawan kung paano Ko pinangasiwaan ang usapin? (Pinangasiwaan Mo ito ayon sa mga prinsipyo.) Tama, pinangasiwaan Ko ito ayon sa mga prinsipyo; praktikal na sabihin ito. May iba pa ba? Hindi ba’t sila rin ang may kagagawan nito? (Oo.) At ano ang pinakasimpleng paraan para ilarawan ito? (Nakuha lang nila ang nararapat sa kanila.) Tama, batay kung paano sila umasal, nakuha lang nila ang nararapat sa kanila at sila rin ang may kagagawan nito. Kumikilos ang Diyos ayon sa mga katotohanang prinsipyo; nagpapataw Siya ng ganting parusa sa mga tao batay sa asal nila. Bukod pa rito, dapat panagutan ng mga tao ang mga ginawa nila, at kapag gumagawa sila ng mga bagay na mali, dapat silang parusahan—nararapat ito. Nagpapataw ng ganting parusa ang Diyos sa mga tao batay sa asal nila; pagpapataw ito ng ganting parusa sa mga tao sa iglesia sa Canada at, kung gagamitin ang kasalukuyang bokabularyo, pinangangasiwaan sila ayon sa mga prinsipyo. Sabihin mo sa Akin, alin sa mga inilantad Kong bagay na ito tungkol sa kanila ang hindi katunayan? Alin sa Aking mga pagsusuri at depinisyon ng mga usaping ito, alin sa Aking mga klasipikasyon sa mga ito ang hindi katunayan? Mga katunayan ang lahat ng ito. Samakatuwid, ipinapataw ang ganting parusa sa kanila ayon sa mga pagpapamalas na ito at batay sa kanilang mga kilos at asal—ano ang mali roon? Kaya, ang pagpapakita ng lakas para mabalaan ang iba, ang mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba, at ang paggawang babala ang mga tao sa iba—ang kalikasan ba ng mga pagkilos na ito ay kapareho ng paraan Ko ng pangangasiwa sa iglesia sa Canada? (Hindi.) Kung gayon, bakit kailangang mahigpit na parusahan ang mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba? Ano ang kalikasan nito? Ang mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba, ang pagpapakita ng lakas para mabalaan ang iba, at ang paggawang babala ang mga tao sa iba—ang kalikasan ng tatlong pagkilos na ito ay halos pareho lang. Ano ang kalikasang iyon? Iyon ay ang pagkilos ng isang pinuno o makapangyarihang tao na gumagawa ng isang bagay sa isang partikular na sitwasyong pinaniniwalaan niyang kailangan para maitatag ang kanyang awtoridad at ginagamit ito para manakot ng iba. Ito ay tinatawag na mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba. Ano ba ang layunin niya sa paggawa nito? Ito ay para magawa ang iba na sundin siya, katakutan siya, at hindi maglakas-loob sa kanya, para hindi sila gumawa ng anumang kapusukan sa harap niya, at hindi gumawa ng anumang gusto nila sa harap niya. Naaayon ba sa mga prinsipyo ang paggawa niya nito? (Hindi.) Bakit mo sinasabing hindi ito naaayon sa mga prinsipyo? May sariling motibasyon sa pagkilos ang isang pinuno, at ang motibasyon niya ay para patibayin ang kanyang pamamahala at protektahan ang kanyang kapangyarihan. Gugustuhin niyang palakihin ang usapin, at ito ang magiging kalikasan ng pagkilos niya. Nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo ang usapin ng pangangasiwa sa iglesia sa Canada, at hindi sa mga pilosopiyang sataniko ng mga walang pananampalataya. Iniligaw ng anticristo ang mga tao, ginambala at inabala niya ang gawain ng iglesia, ginulo niya ang iglesia, at ipinagtanggol pa nga siya ng karamihan ng tao—talagang kasuklam-suklam ang kalikasan ng mga kilos ng mga taong ito! Iniraraos lang nila nang ganito ang bagay-bagay, mas mabuti pang umalis na lang sila sa iglesia at mamuhay na lang ng sarili nilang buhay. Sa gayon, kahit papaano ay hindi masasayang ang mga yaman ng sambahayan ng Diyos, at magiging mabuti sana iyon. Pero ginawa ba nila iyon? Walang ganitong kamalayan ang konsensiya nila, at sinayang nila ang mga pinansyal at materyal na yaman ng sambahayan ng Diyos, hindi sila nagsikap sa paggawa ng tungkulin nila, at nakipagsabwatan sila sa anticristo at gumawa ng kasamaan kasama ng anticristo—ang kalikasan ng mga pagkilos na ito ay napakalubha! Pinangasiwaan sila ng sambahayan ng Diyos sa ganitong paraan para magnilay-nilay at makilala nila ang kanilang sarili, para malaman nila na kailangan nilang magbago ng landas at magsisi, at para ito sa ikakabuti nila. Kung hindi sila pinangasiwaan, baka sa loob ng isang taon mula ngayon ay ipinagkanulo na nilang lahat ang Diyos at bumalik na sila sa makamundong pamumuhay. Sa kabutihang-palad, naihiwalay at napangasiwaan sila sa tamang oras, at napigilan nito ang mas marami pang tao sa paggawa ng kasamaan at napigilan nitong magkaroon ng mas malaki pang kawalan ang gawain ng iglesia. Sa paggawa nito, inililigtas ba sila o itinitiwalag? (Inililigtas sila.) Ang totoo ay inililigtas sila. Ginawa ito para tulungan sila, para balaan sila, para bigyan sila ng babala, para ipaalam sa kanila na hindi tama na kumilos sila nang ganoon, na kung magpapatuloy sila nang ganoon ay masasadlak sila sa perdisyon at mamamatay, at mawawala ang anumang pag-asang makamtan nila ang kaligtasan. Kung mauunawaan nila ang puntong ito, may pag-asa pa sila. Kung hindi man lang nila maarok ang puntong ito, at patuloy pa rin silang nasisiraan ng loob, nanghihina, at nalulugmok sa kawalan ng pag-asa, sinasalungat ang Itaas at nagpapahayag ng mga kuru-kuro nila nang may negatibong pakiramdam, magkakaproblema sila. Ano ang gusto ninyong mangyari sa kanila? (Na magsisi sila.) Lahat kayo ay gustong mapabuti sila at magsisi. At ano naman ang gusto Ko para sa kanila? Gusto Ko bang hindi sila magsisi, na puwede Ko silang alisin lahat, na mas magiging maayos ang iglesia kung wala ang mga taong ito? Ito ba ang gusto Ko? (Hindi.) Hindi, hindi ito ang gusto Ko. Gusto Kong mapabuti sila at magsisi, na pagkatapos nilang magsisi ay babalik sila sa sambahayan ng Diyos, at na hindi na nila gagampanan ang tungkulin nila tulad ng dati. Paano nga ba ang talatang iyon? “Talikdan ng bawat isa ang kanyang masamang gawi, at ang karahasan na nasa kanilang mga kamay” (Jonas 3:8). Para sa kanila, kung makakamit nila ang ganitong epekto, ito ay magiging isang alaala na hindi kailanman mabubura habang sila ay nabubuhay at isang pambihirang karanasan para sa kanila, ito ay magiging isang kamangha-manghang pangyayari. Nakasalalay ito sa kung ano ang hinahangad nila sa kanilang sarili.

Nang mapangasiwaan na ang usapin tungkol sa anticristo sa iglesia sa Canada, may ilang taong nag-isip, “Maraming taon nang ginagawa ng mga taong ito ang tungkulin nila, pero dahil may lumitaw na anticristo at nagdulot ng kaguluhan, ibinukod sila.” Nakaramdam sila ng isang uri ng krisis, inisip na, “O, ito ang unang pagkakataong nakita kong nagalit ang Diyos at isinumpa ang mga tao. Hindi nakaligtas pati ang mga kasamahan, kasabwat, at tagasunod ng anticristo. Talagang walang konsiderasyon ang Diyos sa nararamdaman ng sinuman! Karaniwan, madalas sinasabi na ang Diyos ay nagmamahal at naaawa sa tao, pero ang galit Niya sa pagkakataong ito ay talagang hindi matitiis!” Nagsisimula silang makaramdam ng pagkabalisa sa mga puso nila. Sabihin ninyo sa Akin, tama bang mag-isip nang ganito ang mga tao? (Hindi.) Bakit hindi? Paano dapat harapin ng mga tao ang usaping ito? Ilang taon na ba kayong nakikinig ng mga sermon? Hindi ba’t mahigit limang taon na? At hindi ba’t dapat ay magkaroon tayo ng pagkakasunduan sa maraming usapin, lalo na sa ilang bagay kung saan malinaw ang mga prinsipyo? (Oo.) Ano ang ibig sabihin ng “pagkakasunduan”? Ito ay nangangahulugan ng isang uri ng hindi nahahayag na pagkakaunawaan. May ginagawa Akong bagay nang hindi Ko sinasabi sa inyo ang dahilan, at alam na alam ninyo kung bakit, kaya ninyo itong maintindihan, tanggapin, at arukin mula sa positibong perspektiba—ito ang ibig sabihin ng magkaroon ng hindi nahahayag na pagkakaunawaan. Paano nga ba nabubuo ang hindi nahahayag na pagkakaunawaang ito? Sabihin nating nakinig na kayo ng maraming sermon, nagkaroon na kayo ng isang antas ng pagkaunawa sa katotohanan, at mas nakilala na natin ang isa’t isa. Ipinaliwanag Ko na sa inyo ang maraming bagay, at sinabi Ko na sa inyo ang Aking mga pananaw, ang Aking mga ideya, ang Aking mga prinsipyo sa pagkilos, pati na rin ang mga bagay na kailangan ninyong maunawaan at magawa. Sinabi Ko na sa inyo ang lahat ng bagay na ito at kung ano ang Aking mga pananaw, at tinanggap na ninyo ang mga pananaw Ko, at hinarap ninyo ang bagay-bagay, ang inyong tungkulin, pananalig, buhay, at pakikitungo sa ibang tao nang ayon sa Aking mga pananaw. Hindi ba’t kung magkagayon ay lumaki na nang lumaki ang hindi nahahayag na pagkakaunawaan natin? (Oo.) Kung gayon, umabot na ba tayo sa ganitong uri ng hindi nahahayag na pagkakaunawaan pagdating sa pangangasiwa sa iglesia sa Canada? Kung hindi Ko ipinaliwanag ang usapin tulad ng ginagawa Ko ngayon, ano kaya ang magiging resulta ng ating hindi nahahayag na pagkakaunawaan? “Mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba,” at “paggawang babala ang mga tao sa iba”—ito ba ang ating hindi nahahayag na pagkakaunawaan? (Hindi.) Ang mga taong ito ay nakinig na ng mga sermon sa loob ng maraming taon, kaya bakit sila nagkaroon ng ganitong reaksiyon sa ginawa Kong pagkilos? Sabihin mo sa Akin, ano ang naramdaman Ko nang marinig Kong sinabi nila ang gayong mga pananaw? Naramdaman Kong kalunos-lunos ito, na makakapagsabi ng ganitong mga bagay ang mga tao! Itatanong Ko sa iyo, dapat bang makaramdam Ako nang ganoon? (Oo.) Bakit mo sinasabi iyan? Ito ay dahil ang ganitong uri ng pahayag, ganitong uri ng perspektiba, ganitong uri ng pagkaunawa, at ganitong uri ng pagkaarok ay hindi dapat umiral o lumitaw. Ngayon, lumitaw sila at lumampas na sa Aking mga inaasahan. Sobrang layo nila sa Aking pagtatasa at mga inaasahan na nakakaramdam Ako ng kahihiyan sa bagay na ito! May taong magsasabi, “Ganoon ba iyon kaseryoso? Hindi ba’t pinalalaki Mo lang ang isang maliit na bagay?” Hayaan ninyo Akong sabihin sa inyo, hindi ito isang napakalaking bagay, pero hindi rin ito maliit na usapin. Mula nang magsimula kang manampalataya sa Diyos, nang kilalanin mo na ang Diyos ang Diyos mo at Panginoon mo, nang gusto mong kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, sumunod sa Diyos, tanggapin ang Kanyang mga pamamatnugot at mga pagsasaayos, at magpasakop sa lahat ng hinihingi ng Diyos sa iyo, mula sa araw na iyon, bumuo ka na ng isang ugnayan sa Diyos. Kapag nabuo mo na ang ugnayang ito, may isang napakahalagang problemang umiiral sa pagitan mo at ng Diyos. Ano ang problemang iyon? Ito ay kung hindi mo matanggap ang mga bagay na ginagawa ng Diyos at ang paraan ng pagkilos Niya, kung hindi mo maunawaan ang mga bagay na ito, at kung hindi ka makapagkusang hanapin at arukin ang mga ito, ay palaging nasa kalagayan ng krisis ang relasyon mo sa Diyos sa bawat sandali. At ano ang ibig sabihin ng kalagayang ito ng krisis? Kahit gaano pa karaming salita ng Diyos ang iyong kainin at inumin, kahit paano mo pa planuhing magpasakop sa Diyos, hangga’t umiiral ang ganitong kalagayan ng krisis kahit isang araw lang, ang katunayan ng kagustuhan mong sumunod sa Diyos at ang hangarin mong tanggapin ang pagliligtas ng Diyos ay puwedeng masira, maging marupok, at maging isa na lang pantasya. Bakit Ko sinasabi ito? Hangga’t hindi normal ang relasyon mo sa Diyos at hangga’t umiiral ang ganitong kalagayan ng krisis, magagawa mo bang mapanatili ang isang normal na relasyon sa Diyos? Kung gayon, anong uri ng relasyon ang magkakaroon ka sa Diyos? Ito ba ay isang relasyon na pagiging magkaayon? Isang relasyong parang sa pamilya, o isang relasyon ng magkatrabaho? Anong klaseng relasyon nga ba ito? Hangga’t ang relasyon mo sa Diyos ay nasa kalagayan ng krisis, magagawa mong husgahan at maling maunawaan ang mga gawa at kilos ng Diyos kailanman at saanman, at magagawa mo pa ngang tutulan at tanggihan ang mga ginagawa ng Diyos. Hindi ba’t mapapasapanganib ka? Paano nagkakaroon ng ganitong panganib? Nagkakaroon nito dahil hindi mo kilala ang Diyos. Hindi tayo magsasalita mula sa positibong panig, kundi sa negatibong panig. Halimbawa, lagi mong nakikita ang Diyos sa isang partikular na paraan, at iniisip mo na ang Diyos ay isang hari sa lupa, isang napakahalagang opisyal, isang kataas-taasang taong may kapangyarihan sa lupa. Sa isipan mo, palagi mong iniisip na ang Diyos ay isang taong nasa ganitong posisyon, kaya batay rito, ano ang magiging perspektiba mo sa mga bagay na ginagawa at sinasabi ng Diyos? Bibigyan Ko kayo ng ilang halimbawa at baka maunawaan ninyo kung anong perspektiba ang tinutukoy Ko. May kasabihan sa mundo: “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng paghiga katabi ng tigre.” Kaya, mayroon bang mga taong inilalapat ang kasabihang ito sa relasyon nila sa Diyos? (Oo.) May mga ganitong tao, at maraming tao ang may ganitong perspektiba tungkol sa Diyos. Nariyan din ang kasabihang nabanggit natin kanina, “Paggawang babala ang mga tao sa iba.” Hindi ba’t ginagawa rin nito ang Diyos na parang isang hari sa lupa o isang taong may impluwensiya at katayuan? (Oo, ganoon nga.) May ganito silang pagkaunawa sa Diyos dahil may ganito silang pagtingin sa Diyos, at ito ay dahil may ganito silang uri ng relasyon sa Diyos, dahil ganito ang tingin nila sa Kanya, dahil ganito ang pagkakaunawa nila sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan, na itinuturing nila ang Diyos na tulad ng isang taong may katayuan sa mundo—natural lang ito. May isa pang kasabihan na nagsasabing: “Paano ba matitiis ng isang tao ang panghihimasok sa kanyang nasasakupan?” Isa itong paraan para ilarawan ang mga makamundong hari at mga taong may katayuan at impluwensiya. Puwedeng kilala o dati nang nakasalamuha ng ilan sa inyo ang mga ganitong tao, at marahil ay inilalapat din ninyo ang kasabihang ito sa Diyos. Ibig sabihin, kapag may ginagawa o sinasabi ang Diyos, puwedeng iniuugnay mo ang mga kasabihang ito sa Kanya at ganito ang tingin mo sa Diyos. Kung ganito ang tingin mo sa Diyos at ganito ang perspektiba mo sa Kanya, ano nga ba ang magiging relasyon mo sa Diyos? Magiging pagsalungat ito. Kahit gaano mo pa hangaan o katakutan ang diyos sa isipan mo, gaano mo man kayang maging masunurin at gaano mo man kayang magpasailalim sa Kanya, at kahit ano pa ang saloobin mo sa Kanya, mananatiling pagsalungat ang relasyon mo sa Diyos. Puwedeng iniisip ninyo na sa pagsasalita nang ganito, ang mga sinasabi Ko ay parang medyo mahirap unawain, pero kung pag-iisipan ninyo ito nang mabuti, hindi ba’t nakikita ninyo na ganito nga ang mga bagay? Nang mapangasiwaan Ko na ang usapin tungkol sa anticristo sa iglesia sa Canada, hindi Ko ipinaliwanag nang maingat at detalyado sa inyo ang mga bagay, at hindi Ko sinabi sa inyo ang mga dahilan kung bakit Ko pinangasiwaan ang mga taong iyon, kaya maraming tao ang nag-alala tungkol sa kanilang kinabukasan at tadhana. Saan nagmula ang pag-aalalang ito? Nagmula ito sa maling pagkakaunawa ng mga tao sa Diyos at hindi pagkakilala sa Diyos—ito ang ugat na dahilan! Kung ang pagkaunawa ninyo sa Diyos ay umaayon sa diwa Niya—halimbawa, kung ang pagkaunawa mo sa pagiging matuwid, awtoridad, at karunungan ng Diyos ay naaayon sa katotohanan—kahit ano pa ang gawin ng Diyos, kahit pa hindi mo nauunawaan ang mga dahilan at hindi mo nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, magiging mali ba ang pagkaunawa mo sa Diyos? Hindi, tiyak na hindi. Nang mapangasiwaan Ko na ang usapin sa iglesia sa Canada, may ilang taong nagsabi, “Ginawa ito para gawin silang babala at takutin kami.” Ano bang problema nila? Naaayon ba sa katotohanan ang sinabi nila? Nagpapakita ba ito ng tamang pagkaunawa? (Hindi.) Bakit hindi? Sasabihin Ko sa inyo ang isang napakasimpleng bagay: salungat sa tunay na sitwasyon ang pagkaunawa nila, hindi ganoon ang mga katunayan, at mali ang pagkaintindi nila. Hindi ba’t simpleng bagay lang na sabihin iyon? (Oo.) Kaya bakit kayo nagsisikap nang husto para maipaliwanag ang isyung ito? Hindi Ko kailanman naisip iyon, at hindi Ko kailanman ninais na takutin ang sinuman. Patuloy na pinapabuti ng karamihan ng tao ang pagiging epektibo nila sa tungkulin nila sa paglipas ng mga taon, kaya ginagawa ba nila ngayon ang kanilang tungkulin nang abot sa pamantayan? Hindi, hindi pa, pero ang mga taong ito ay nasa proseso na ng pag-abot sa pamantayan sa tungkulin nila, at kung may anumang maliliit na isyu, pinalalampas Ko na lang ito. Sa prosesong ito, puwedeng may mga taong nagdudulot ng kaguluhan, may mga nagpapaliban, o may maliliit na isyung lumilitaw sa ilang tao, pero sa pangkalahatan, maayos sila. Gayumpaman, may isang bagay na hindi ninyo dapat kalimutan: Pumarito kayo para gawin ang tungkulin ninyo. Kahit gaano pa kayo magpakahirap magtrabaho, o gaano man kayo magdusa, o gaano man kayo mapungusan, dapat kayong magpasalamat sa Diyos. Ibinigay sa inyo ng Diyos ang pagkakataong ito para maranasan ninyo ang iba’t ibang uri ng sitwasyon at magkaroon kayo ng sari-saring personal na karanasan at pakikisalamuha. Isang mabuting bagay ito, at lahat ng ito ay ginagawa para maunawaan ninyo ang katotohanan. Kaya, ano ba ang pinag-aalala ninyo? Laban kanino ba kayo nagbabantay? Hindi na kailangang maging ganoon. Normal lang ninyong hangarin ang katotohanan, hanapin mo ang tamang lugar para sa iyo, at gampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin at ang gawaing napupunta sa iyo, at sapat na iyon. Hindi masyadong malaki ang hinihingi sa inyo.

Mula nang lumitaw ang anticristong iyon sa iglesia sa Canada at magsimulang magdulot ng mga kaguluhan, hanggang sa marating ng mga taong iyon ang kalagayan nila ngayon, gaano katagal Ko silang pinagtimpian? Hindi Ako lubos na walang alam sa mga nangyayari sa kanila, matagal Ko itong pinagtimpian. Gaano Ko sila pinagtimpian? Sa mahabang panahon, hindi sila nakatapos ng mga gawain, wala silang pagsulong sa gawain nila, at wala sa kanila ang nag-asikaso ng mga nararapat nilang asikasuhin; lahat sila ay arbitraryo at pabaya, imoral at walang kontrol, at dapat sana ay matagal na silang napangasiwaan. Kung kayo rin ay may kakayahang maging arbitraryo, pabaya, at hindi nag-aasikaso ng mga nararapat ninyong asikasuhin, huwag na kayong maghintay na pangasiwaan Ko kayo. Sa halip, kusang-loob na lang kayong umalis; mas magiging marangal pa iyon. Iyon ba ang tamang gawin? Hindi, hindi rin iyon ang tamang gawin. Huwag na ninyong patuloy na isipin ang pag-alis, kailangan ninyong buong-pusong mag-ugat dito at gampanan nang maayos ang tungkulin ninyo. Kaya man ninyo o hindi na gawin nang maayos ang inyong tungkulin, kahit paano man lang ay isapuso ninyo ang inyong ginagawa, at siguraduhing natapos ninyo ang lahat ng inyong gampanin sa huli. Huwag ninyong takasan ang tungkulin. May ilang taong nagsasabi, “Mahina ang kakayahan ko, hindi ako gaanong nakapag-aral at wala akong talento. May mga depekto sa aking personalidad at palagi akong nahihirapan sa tungkulin ko. Ano ang gagawin ko kung hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko at mapalitan ako?” Ano ba ang ikinakatakot mo? Kaya mo bang tapusing mag-isa ang gawaing ito? Ginagampanan mo lang ang isang bahagi, hindi naman hinihingi na ikaw ang gumampan ng lahat. Gawin mo lang ang mga bagay na dapat mong gawin, sapat na iyon. Hindi ba’t natupad mo na ang mga responsabilidad mo kapag nagkagayon? Napakasimple lang nito; bakit ba laging sobra kang nag-aalala? Natatakot kang malaglagan ng dahon ang ulo mo at mabiyak ito, at inuuna mong isipin ang sarili mong mga plano para sa maaaring mangyari—hindi ba’t wala itong kwenta? Ano ang ibig sabihin ng “walang kwenta”? Ibig sabihin nito ay hindi pagsusumikap para sumulong, hindi pagiging handang ibigay ang lahat, kagustuhan palagi na makalibre at magtamasa ng magagandang bagay—mga basura ang ganitong mga tao. May ilang taong napakakitid ng isip. Paano natin mailalarawan ang mga ganitong tao? (Sobrang babaw nila.) Ang taong sobrang kitid ng utak ay isang taong ubod ng sama, at ang sinumang ubod ng sama ay sinusukat ang pagkatao ng isang maginoo ayon sa sarili niyang ubod ng samang pamantayan at itinuturing niya ang iba bilang kasingmakasarili at kasimbaba niya. Ang mga ganitong tao ay mga walang kwenta, at kahit pa nananampalataya sila sa Diyos, hindi magiging madali para sa kanila na tanggapin ang katotohanan. Ano ang dahilan kung bakit napakaliit ng pananalig ng isang tao? Dahil ito sa hindi niya pagkaunawa sa katotohanan. Kung masyadong kakaunti lang ang mga katotohanang nauunawaan mo at napakababaw ng pagkakaunawa mo sa mga ito, at dahil dito ay hindi mo maunawaan ang bawat gawaing ginagawa ng Diyos, ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at ang bawat hinihingi ng Diyos sa iyo, kung hindi mo kayang matamo ang ganitong pagkaunawa, magkakaroon ka ng iba’t ibang uri ng pagdududa, imahinasyon, maling pagkaunawa, at kuru-kuro tungkol sa Diyos. Kung ang puso mo ay puno ng walang iba kundi ganitong mga bagay, magkakaroon ka ba ng tunay na pananalig sa Diyos? Wala kayong tunay na pananalig sa Diyos, kaya palagi kayong hindi mapakali, at nag-aalala na hindi ninyo alam kung kailan kayo mapapalitan. Natatakot kayo at iniisip ninyo, “Baka biglang pumarito ang Diyos para magsagawa ng isang inspeksyon.” Huminahon lang kayo. Hangga’t ginagawa ninyo nang maayos ang mga gawaing ipinagkatiwala sa inyo ng sambahayan ng Diyos, kahit pa medyo kulang kayo sa inyong paghahangad sa katotohanan at sa buhay pagpasok, palalampasin Ko na iyon. Pagdating naman sa kung paano ang pagdalo ninyo sa mga pagtitipon, pakikinig sa mga sermon, ang buhay-iglesia ninyo, at ang pagkain at pag-inom ninyo ng mga salita ng Diyos, hindi Ko tututukan ang mga bagay na iyon, at hindi Ko kayo aabalahin pagdating sa inyong gawain. Bakit hindi Ko kayo aabalahin? May ilang mga dahilan. Una, mas pamilyar kayo kaysa sa Akin pagdating sa iba’t ibang kasanayang propesyonal. Sa proseso ng gawain nitong mga nakaraang taon, dapat ay humusay na kayo pagdating sa inyong karanasan o mga kasanayang propesyonal at nakabuo na kayo ng programa para sa gawain ninyo. Maging ito man ay nakasulat o pasalita, dapat ay nakapagbuod na kayo ng ilang alituntunin at regulasyon. Hindi Ko alam kung anong paraan ng paggawa ang ginagamit ninyo, at wala Akong balak guluhin ang inyong mga plano sa paggawa at pamamaraan ng paggawa. Maaari ninyong sundin ang mga sarili ninyong estilo o pattern, o mga alituntunin at regulasyon, at gawin ang trabaho sa paraang madali at maginhawa, na magpaparamdam sa lahat ng kalayaan at kaluwagan, at magdudulot ng mataas na antas ng kahusayan. Ibig sabihin, binibigyan Ko kayo ng buong kalayaan sa inyong gawain. Kahit minsan ay umiikot Ako sa mga iglesia, iniiwasan Kong makaharap kayo, para hindi ninyo Ako makita—sinisikap Kong gawin ang lahat para makaramdam kayo ng kalayaan at kaluwagan. Bakit Ko ito ginagawa? Wala sa inyo ang masyadong pamilyar sa mga kasanayang propesyonal; kailangan ninyong dahan-dahang matutuhan ito bilang bahagi ng proseso ng pag-aaral. Sa pagkatuto man ng mga kasanayang propesyonal o sa pagpasok sa katotohanan, lahat ng tao ay may kani-kanilang bilis ng pagsulong at antas ng kahusayan. Hindi mo puwedeng pilitin ang mga tao na gawin ang mga bagay na lampas sa kanilang kakayahan. Kailangang dumaan ang mga tao sa isang proseso, makaranas ng kabiguan, mga dagok, o matuto ng ilang aral mula sa mga pagkakamali nila at dahan-dahang bumuo ng isang paraan ng pasulong at maging dalubhasa sa ilang prinsipyo sa lahat ng larangan. Sa ganitong paraan sila susulong. Mayroon kayong sari-sariling estilo ng paggawa at sari-sariling pamamaraan—hindi magiging angkop kung aabalahin Ko pa kayo sa mga usaping ito. Kaya bihira Akong sumali sa mga talakayan tungkol sa mga bagay na ito na may kinalaman sa inyong gawain. Ito ang dahilan na may kaugnayan sa inyo. Mayroon ding pangunahing dahilan na may kinalaman sa Akin. Magiging tapat Ako sa inyo, ang lahat ng kaya ninyong makita at isipin sa mga kasanayang propesyonal man o sining, at lalo na sa katotohanan, ay mukhang napakababaw para sa Akin. Makakayanan ba ninyo kung susubukan Kong pilitin kayong makagawa ng mas mabilis na pagsulong? Hindi, hindi ninyo kakayanin. Kung kikilos Ako kasama ninyo ayon sa nais Ko, malalampasan ng mga hinihingi Ko sa inyo ang kasalukuyan ninyong tunay na antas ng mga kasanayang propesyonal at ang tunay na tayog ninyo pagdating sa buhay pagpasok. Ayaw Ko itong gawin, dahil magiging sobrang nakakapagod iyon para sa Akin, at magiging masyadong mabigat iyon para sa inyo. Pareho tayong malalagay sa isang alanganing sitwasyon, at hindi iyon mabuti; hindi ito ang nais Kong makita. Ito ang mga naiisip Ko tungkol sa bagay na ito, at ganito ang lagay ng bagay-bagay. Dahil sa dalawang dahilan: isang may kaugnayan sa inyo, at isang may kinalaman sa mga naiisip Ko sa bagay na ito, kaya’t ganito Ko pinangasiwaan ang bagay-bagay. Ang pangangasiwa nang ganito sa mga bagay ay angkop para sa inyong unti-unting paglago. Pagdating naman sa buhay pagpasok, mayroon kayong mga aklat ng mga salita ng Diyos, may iba’t ibang uri ng pagtitipon at sermon, at mayroon ding mga lider at manggagawang nagdidilig at sumusuporta sa inyo; napakaraming bagay ang puwede ninyong kainin, inumin, at pagkunan ng pagtustos. Ang isa pang aspekto ay na ang proseso ng paglago ng buhay ng mga tao ay tulad ng isang binhing itinanim sa lupa, dinidiligan at pinatatabaan, at unti-unting tumutubo at lumalago hanggang sa ito ay magbunga sa wakas. Isa itong napakabagal na proseso. Siyempre, ang mabagal na prosesong pinagdadaanan ninyo ay puwedeng mas mabagal pa kaysa sa paglaki ng isang binhi mula sa pagtubo hanggang sa pamumunga. Bakit ganoon? Maraming praktikal at obhetibong dahilan para dito na nakapaloob sa mga tao. Una, ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, pero hindi natin pag-uusapan iyon. Isa pa, ang mga tao ay makupad at madalas nagiging negatibo. Sila ay tamad, at manhid at mabagal pagdating sa katotohanan at mga positibong bagay. Bukod pa rito, hindi mahal ng mga tao ang mga positibong bagay. Kaya naman, kapag sinusubukan ng mga taong pumasok sa katotohanan at makamit ang buhay pagpasok, napakahirap nito para sa kanila, at sila ay sumasalungat sa agos. Para sa mga tao, ang pagsunod sa agos, pag-asa sa iba para makalibre, paghahangad sa makasanlibutang mundo, at pagsunod sa mga kalakaran, ay pagpapaanod sa agos, na madali lang gawin, at mula sa subhetibong perspektiba, talagang gusto ng mga tao na kumilos nang ganito. Gayumpaman, ang paghahangad sa katotohanan, paggawa ng kung ano ang makatarungan, at pagiging mga taong may pagpapahalaga sa katarungan na kayang mag-asikaso ng kanilang nararapat na gampanin, ay napakabigat para sa kanila. Kailangan nilang maghimagsik laban sa mga personal nilang ninanasa, sarili nilang damdamin, sarili nilang mga kuru-kuro, at kailangan din nilang maghimagsik laban sa kanilang katamaran at iba pang masasama at negatibong bagay. Kapag humaharap sila sa mga tao, kapareha sa gawain, o mga kapaligirang hindi ayon sa inaasahan nila, o kahit kapag nakakarinig sila ng nakakainis o hindi kaaya-ayang mga bagay, dapat silang umasa sa pagdarasal para mapagtagumpayan ito, kaya’t nakakatagpo sila ng matinding paglaban sa landas ng paghahangad sa katotohanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos. Kung sila ay talagang desidido at napakamasigasig na naghahangad sa katotohanan, makakakita sila ng kaunting pagsulong pagkatapos ng isa o dalawang taon ng karanasan. Kung hindi naman, kung kikilos lang sila ayon sa gusto nila at hahayaan na lang ang mga bagay na mangyari ayon sa natural na proseso, magiging napakabagal ng pagsulong nila. Marahil, pagkatapos ng ilang panahon, makakaranas sila ng isang natatanging pangyayari, isang may pambihirang kabuluhan para sa kanila, at sila ay matututo ng isang aral, mapupungusan, at sa kaibuturan ng kanilang puso ay makakaranas sila ng matinding pasakit at labis silang maaapektuhan, at saka lang sila magkakaroon ng kaunting mabuting pagbabago pagdating sa kanilang buhay pagpasok. Magiging sanhi ba ng pagsulong ang pagbabagong ito? Hindi. Nakasalalay ang pagsulong nila sa kung paano nila hinahanap ang katotohanan sa panahong ito. Kung sila ay mga taong puro palusot lang ang ginagawa, na nagpapakasasa sa kaginhawahan ng laman, at hindi naman talaga mahal ang katotohanan, ang makukuha lang nila mula sa pangyayaring ito ay isang mababaw na aral, at hindi nila makakamtan ang pagkaunawa sa katotohanan. Ayon sa mabagal na pagsulong na ito ng inyong buhay, pinapanatili Ko ang ganitong distansiya sa pakikisalamuha Ko sa inyo at ginagamit Ko ang ganitong paraan. Sa tingin ninyo, angkop ba ito? (Oo.) Lubos itong kapaki-pakinabang para sa inyo; kahit papaano, nakakaramdam kayo ng ginhawa. Hindi Ko kayo bibigyan ng karagdagang mga pasanin, hindi Ko kayo babantayan at tututukan buong araw, nang hindi hinahayaang magpahinga sa loob ng 24 na oras sa isang araw, at hindi Ko kayo pipiliting magtrabaho nang masigasig at walang kapaguran. Hindi Ko gugustuhing gawin iyon, kundi hahayaan Ko ang mga bagay na mangyari sa inyo ayon sa natural na paraan. Ibig bang sabihin nito ay puwede kayong magpakalunod sa sarili ninyong layaw? (Hindi.) Kung gayon paano Ako nakakapagdesisyon nang may kumpiyansa na huwag kayong bantayan? Dahil may pagsisiyasat ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, kung ang isang tao ay naghahangad sa katotohanan, may ganitong pangangailangan, at handang hangarin ang katotohanan sa kaibuturan ng kanyang puso, kahit hindi mo siya bantayan, patuloy pa rin niyang hahangarin ang katotohanan—siya ay disenteng taong nag-aasikaso ng mga nararapat niyang gawin. Kung hindi siya disenteng tao, walang silbi kahit bantayan mo pa siya. Kapag binabantayan mo siya, kumikilos lang siya sa isang partikular na paraang pakitang-tao para pabasta-basta kang tratuhin, at kapag hindi mo siya binabantayan nang saglit lang, kumikilos lang siya gaya ng normal niyang ginagawa at bumabalik siya sa kung paano siya dati. Ang paghahangad sa katotohanan ay hindi isang bagay na puwedeng bantayan ng mga tao. Ito ay isang bagay na lubos Kong nauunawaan, kaya naman ginagamit Ko ang paraang ito sa pakikisalamuha at pakikitungo sa inyo. Ganap na naaangkop para sa Akin na gawin ito.

Hindi ba’t naipaliwanag na nang malinaw ang usapin tungkol sa iglesia sa Canada? At may naunawaan ba kayong ilang katotohanan mula sa usaping ito? Kung muli kayong mahaharap sa ganitong usapin sa hinaharap, sasabihin pa rin ba ninyo na ito ay isang kaso ng mahigpit na pagpaparusa sa mga tao upang magsilbing halimbawa para sa iba at parusahan sila para maging babala sa iba? Bago nangyari ito, pakiramdam mo ay walang sinumang makasisira sa iyong relasyon sa Diyos at na ikaw ay kaayon na ng Diyos. Pero, nang makaharap mo ang usaping ito, ang katiting na tayog mo ay nabunyag. Anong tayog? Akala mo ay kaya mong magdala ng mabibigat na pasanin at magtiis ng hirap, na ang iyong determinasyon at pananalig ay mas malaki na kaysa dati, at na malapit ka nang maperpekto; ito ang maling pananaw na kinikimkim mo sa puso mo. At ano na ang iniisip mo ngayon? Medyo wala pa sa gulang ang pag-iisip mo! Tingnan mo Ako: ganito ang itsura Ko sa panlabas, nahahawakan Ako at nakikita—ang personalidad Ko ba ay maituturing na bukas at malinaw? Batay sa personalidad Ko, hindi Ako ang tipo ng taong gagawa nang palihim sa likod ninyo kapag may isyu at hindi kayo sasabihan ng anuman, lihim na kumikilos at pinapahulaan sa inyo kung ano ang mga layunin Ko. Hindi Ako ganoong klaseng tao. Kahit ano pa ang isyung lumitaw, palagi Ko itong ipinapaliwanag nang malinaw sa inyo, gayumpaman, nagagawa pa rin ninyong bumuo ng mga gayong teorya at sabihing, “Ito ang pinakamataas kong pagkaunawa sa Diyos.” Ano sa tingin ninyo ang pagkaunawang ito? Natuto na kayo ng aral ngayon, hindi ba? Masasabi bang ito ang naging pinakamalaking kabiguan sa pag-unawa ninyo sa Diyos? Naririnig ninyo ang mga salitang sinasabi Ko at nakikita ninyo ang Aking anyo, at Ako ay isang taong may laman at dugo na mahahawakan at makikita. Ginawa Ko iyon at wala ni isa man sa inyo ang nakaarok dito, at hindi tayo nagkaroon ng isang pinagkasunduan—wala man lang tayong kahit kaunting hindi nahahayag na pagkakaunawaan. Napakalayo mo sa Diyos! Malayo ka pa sa pagkaunawa sa Diyos! Ito ay mga tunay na salita; ito ang tunay na sitwasyon. Huwag mong isipin na dahil kaya mong gumanap ng kaunting tungkulin, maraming taon ka nang nananampalataya sa Diyos, at kaya mong magsalita tungkol sa ilang doktrina, ay nauunawaan mo na ang Diyos. Sasabihin Ko sa iyo, wala pa sa gulang ang pag-iisip mo! Huwag mong isipin na talagang may alam ka na. Sa totoo lang, malayo ka pa sa pagkaunawa sa Diyos; wala ka pa nga sa bingit ng pagkaunawang ito. Puwedeng mabunyag ang mga tao sa anumang bagay, at may ilang taong nabunyag na ng usaping ito ng pangangasiwa sa iglesia sa Canada. Kailangang patuloy na lumago ang mga tao, at patuloy na maunawaan ang kanilang sarili at ang Diyos sa pamamagitan ng iba’t ibang sitwasyon at pangyayaring ito para matutuhan nila ang mga gawa at disposisyon ng Diyos, maunawaan ang kanilang paghihimagsik, maunawaan kung ano ba talaga ang relasyon nila sa Diyos, at malinaw na makita kung nasa anong antas na ang kanilang pagkaunawa at kaalaman sa katotohanan at pagkaunawa sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga usaping ito, masusukat ang tunay mong tayog at ang tunay mong kalagayan. May natutuhan ba kayong aral sa pagkakataong ito? Sikapin ninyong huwag magkaroon ng ganitong uri ng pagkaunawa sa susunod. Sobrang nakakasakit ito, sobrang hindi ito kapani-paniwala! Sa tingin ninyo, sulit bang gumugol ng napakahabang oras para ipaliwanag ang usaping ito? Hindi na sana dapat kailangan. Bakit Ko sinasabing hindi na sana dapat kailangan? Ayon sa mga salita at doktrina na naarok ninyo, dapat ay nalampasan na ninyo ang pagsagabal ng usaping ito; sa pamamagitan ng pagmumuni-muni ninyo mismo rito at pakikipagbahaginan sa isa’t isa tungkol dito, dapat ay naunawaan na ninyo ito nang medyo dalisay, nang hindi nagiging sobrang tindi ang inyong pagkaunawa. Pero ang kinalabasan, lumitaw ang matitinding pagkaunawa, kaya kinailangan Kong makipagbahaginan tungkol sa ilang partikular na detalye. Hindi ba’t naliwanagan na ngayon ang inyong puso matapos ninyong makinig sa pagbabahaginang ito? Wala na dapat kayong mga iba pang ideya ngayon tungkol sa usaping ito, tama? Kaya, sa tingin ba ninyo ay naging labis ang paraan Ko ng pangangasiwa sa mga taong iyon? (Hindi.) Tapusin na natin dito ang talakayan tungkol sa usaping ito, at sisimulan Ko na ang pagbabaginan sa pangunahing paksa.

Isang Paghihimay Kung Gaano Kabuktot, Kamapaminsala, at Kamapanlinlang ang mga Anticristo

Noong nakaraan, pinagbahaginan natin ang ikapitong pagpapamalas ng mga anticristo—sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang. Anong aspekto ang pangunahin nating pinagbahaginan? Tinalakay natin kung paano nagiging buktot ang mga anticristo. Bakit natin sinasabing buktot sila? Anong espesyal na mga disposisyon, pagpapamalas, at karakter na nasa loob ng kanilang kalikasang diwa ang puwedeng magklasipika sa kanila bilang buktot, mapaminsala, at mapanlinlang? Ano ang mga halatang katangiang nagpapatunay sa pagkakaroon nila ng kabuktutan, at na tumutugma ito sa kanilang tunay na mga kalagayan? Ano ang mga pangunahing katangian ng kanilang kalikasang diwa na nagbibigay sa atin ng dahilan para sabihing buktot ang mga ganitong tao? Pakiusap, ibahagi ang mga naiisip ninyo. (Nauunawaan ng maraming anticristo ang katotohanan, pero tahasan silang sumasalungat dito. Matigas nilang iginigiit na piliing tahakin ang sarili nilang landas kahit na malinaw sa kanila kung ano ang tama. Napapamalas din ang kabuktutan ng mga anticristo sa kanilang walang batayang pagkamapanlaban sa mga tunay na naghahangad sa katotohanan at sa mga positibong indibidwal.) (Ayaw makita ng mga anticristo na maayos ang iba. Gusto nilang sila lang ang nagtatamasa sa mga pakinabang na ibinibigay ng sambahayan ng Diyos sa mga kapatid—ayaw nilang tinatamasa ng mga kapatid ang mga iyon, kaya hindi nila ipinapasa ang mga pakinabang na ito sa mga kapatid.) (O Diyos, nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin ang pagbabahagi Mo noong nakaraan sa kung paano ginagamit ng mga anticristo ang Diyos at ang katotohanan bilang kagamitan para magkamit sila ng katayuan, pakiramdam ko ay napakabuktot nito.) Naaalala ng karamihan sa inyo ang ilang bagay, partikular na ang ilang halimbawang ibinigay Ko noong nakikipagbahaginan Ako tungkol sa buktot na diwa ng mga anticristo. Naaalala lang ninyo ang mga halimbawa, pero nakalimutan ninyo ang nilalaman ng Aking pagbabahagi at paghihimay sa buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Kung gayon, gaano karaming katotohanan na tinalakay Ko habang nakikipagbahaginan at naghihimay Ako sa buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo ang nagagawa ninyong maunawaan? Dahil hindi ninyo maalala ang mga bagay na ito, hindi ba’t ipinahihiwatig niyon na hindi ninyo nauunawaan ang anuman sa mga ito noong panahong iyon? Kung nag-iwan ng malalim na impresyon sa inyo ang pakikipagbahaginan Ko, hindi ba’t magagawa ninyong maalala ang mga iyon sa ilang antas? Hindi ba’t ang mga bagay na lumilitaw sa memorya ninyo ang mga naaalala ninyo? Hindi ba’t ang mga bagay na hindi ninyo maalala ay iyong mga bagay na sobrang nahihirapan kayong maunawaan, o na hindi ninyo talaga maintindihan? Nang marinig ninyo ang mga katotohanang iyon noong oras na iyon, akala ninyo ay tama ang mga iyon, at naaalala ninyo ang mga iyon sa usapin ng mga doktrina, at nangailangan ito ng matinding pagsisikap para magawa ninyo iyon. Gayumpaman, nang matulog na kayo, nakalimutan na ninyo ang mga iyon. Paglipas ng isang buwan, talagang nawala na ang mga ito sa isipan ninyo. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Para makilatis ang isang usapin o ang diwa ng isang tao, kailangan mong maunawaan ang katotohanan. Kung nakakapit ka pa rin sa mga pananaw ng mga walang pananampalataya, at tinitingnan at isinasaalang-alang mo ang mga bagay batay sa mga pahayag ng mga walang pananampalataya, pinatutunayan nitong hindi mo nauunawaan ang katotohanan. Kung wala kang nakamit mula sa ilang taong pakikinig mo sa mga sermon at pakikipagbahaginan, at kapag nakikipagbahaginan sa iyo ang mga tao tungkol sa katotohanan, hindi mo ito mauunawaan, paano man nila ito ipaliwanag, ipinahihiwatig nito ang kawalan mo ng abilidad na maarok ang katotohanan, tinatawag itong mahinang kakayahan. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? (Oo.) Tungkol sa kabuktutan ng mga anticristo, walang nagbanggit sa inyo sa pinakamahalagang pahayag. Bakit hindi ninyo ito nabanggit? Sa isang banda, ito ay dahil matagal-tagal na rin ang lumipas, at nakalimutan na ninyo ito. Sa kabilang banda, ito ay dahil hindi ninyo napagtanto ang kahalagahan ng pahayag na ito; hindi ninyo alam na ang pahayag na ito ay ang pangunahing bagay na nagsisiwalat at naglalantad sa buktot na diwa ng mga anticristo. Ano ang pahayag na ito? Ito ay na pangunahing naipapamalas ang kabuktutan ng mga anticristo sa kanilang pagkamapanlaban at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay at sa lahat ng bagay na may kinalaman sa katotohanan. Bakit mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay na ito? Napinsala ba sila ng mga positibong bagay na ito? Hindi. Nakanti ba ng mga ito ang mga interes nila? Siguro minsan ay oo, minsan naman ay hindi talaga. Kaya bakit walang batayan na mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay? (Ito ang kanilang kalikasan.) Mayroon silang ganitong uri ng kalikasan, mapanlaban at namumuhi sila sa lahat ng positibong bagay at sa katotohanan. Pinatutunayan nito ang buktot na kalikasan ng mga anticristo. Mahalaga ba o hindi ang pahayag na ito? Wala kayong maalalang pahayag na kasinghalaga nito; naaalala lang ninyo ang mga bagay na hindi mahalaga. Bakit Ko kayo tinanong ng gayong mga katanungan? Para magsalita kayo, at para makita Ko kung hanggang saang antas ninyo naaarok ang mga ito, kung gaano karami ang maaalala ninyo sa inyong puso, at kung gaano karami ang nagawa ninyong maunawaan noong oras na iyon. Gaya ng inaasahan, naaalala lang ninyo ang ilang hindi masyadong mahalagang bagay. Tinatrato ninyo ang lahat ng tinalakay Ko bilang walang kabuluhang satsat. Hindi Ako naparito para sumatsat—pumarito Ako para sabihin sa inyo kung paano kumilatis ng mga tao. Ang pahayag na sinabi Ko ang pinakamataas na katotohanang prinsipyo para sa pagkilatis ng buktot na kalikasan ng mga anticristo. Kung hindi ninyo kayang gamitin ang pahayag na ito, hindi ninyo makikilatis o malalaman ang buktot na kalikasan ng mga anticristo. Halimbawa, kapag tinukoy ang isang tao bilang isang anticristo, maaaring sabihin ng ilang tao, “Mabuti siya sa amin, mapagmahal siya, at tinutulungan niya kami. Bakit mo tutukuyin na anticristo ang gayong mabuting tao?” Hindi nila nauunawaan na kahit na sa panlabas ay mukhang mapagmahal sa iba ang mga anticristo, ginagambala at ginugulo ng mga ito ang gawain ng Diyos, at sa partikular, kumokontra pa nga sa Diyos ang mga ito. Hindi makita ng karamihan ng tao ang traydor at tusong bahagi na ito ng mga anticristo. Hindi talaga ito makilatis ng mga tao, at mali ang pag-unawa nila sa Diyos, nagkakaroon sila ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos, at kinokondena at inirereklamo nila ang Diyos dahil dito. Talagang mga buhong ang gayong mga tao at hindi nila matatanggap ang pagliligtas ng Diyos. Ito ay dahil nakikita lang nila ang mga paimbabaw na bagay, gaya ng kung paanong ang mga anticristo ay nanlilinlang, nang-aakit, at nagpapalakas sa mga tao, at hindi nila napapansin ang buktot na diwa ng mga anticristo, ni hindi nila nakikita ang mga paraan na ginagamit ng mga anticristo para labanan ang Diyos at magtatag ng mga nagsasariling kaharian. Bakit hindi nila makita ang mga bagay na ito? Dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan at hindi nila makilatis ang mga tao. Palagi silang naililigaw ng mga panlabas na pangyayari at hindi nila makilatis ang diwa at mga kahihinatnan ng problema. Palagi rin nilang ginagamit ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ng tao at ang mga paraan ng mundo para sukatin ang mga tao at husgahan ang mga ito. Bilang resulta, naililigaw sila ng mga anticristo, kumakampi sila sa mga anticristo, at nagkakaroon ng mga hidwaan at sagupaan sa pagitan nila at ng Diyos. Kaninong kasalanan ito? Paano nangyari ang pagkakamaling ito? Bunga ito ng hindi nila pagkaunawa sa katotohanan, hindi pagkaalam sa gawain ng Diyos, at ng palaging pagtingin sa mga tao at bagay batay sa kanilang mga kuru-kuro at imahinasyon.

II. Isang Paghihimay sa Pagmamahal ng mga Anticristo sa mga Negatibong Bagay

Ngayon, ipagpapatuloy natin ang pagbabahaginan sa ika-pitong pagpapamalas ng mga anticristo: Sila ay buktot, mapaminsala, at mapanlinlang. Ang pokus ng pagpapamalas na ito ay sa kanilang kabuktutan, dahil sinasaklaw ng kabuktutan kapwa ang pagiging mapaminsala at mapanlinlang. Kinakatawan ng kabuktutan ang diwa ng mga anticristo, habang nasa ilalim nito ang pagiging mapaminsala at mapanlinlang. Noong nakaraan, pinagbahaginan at inilantad natin ang buktot na diwa ng mga anticristo. Pinagbahaginan natin ang ilang malawak na konsepto at ang ilang medyo mahalagang nilalaman, na tumatalakay sa ilang salita tungkol sa paglalantad sa aspektong ito ng diwa ng mga anticristo. Ngayon, ipagpapatuloy natin ang ating pagbabahaginan sa paksang ito. Maaaring magtanong ang ilan, “May mapagbabahaginan bang kahit na ano pagdating sa paksang ito?” Mayroon. May ilang detalye na kailangan pang pagbahaginan dito. Pagbabahaginan natin ngayon ang paksang ito sa ibang paraan at mula sa ibang perspektiba. Ano ang pangunahing katangian at pagpapamalas ng buktot na kalikasan ng mga anticristo na pinagbahaginan natin noong nakaraan? Mapanlaban at namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa katotohanan ang mga taong gaya ng mga anticristo. Ang pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa katotohanan at sa mga positibong bagay ay hindi nangangailangan ng katwiran, ni hindi rin ito nangyayari bilang resulta ng panunulsol ng sinuman, at siguradong hindi ito resulta ng pagsapi ng isang masamang espiritu. Sa halip, sadyang likas na ayaw nila sa mga bagay na ito. Mapanlaban at namumuhi sila sa mga ito; sa kanilang buhay at kaibuturan, nasusuklam sila kapag nakakaharap nila ang mga positibong bagay. Kung magpapatotoo ka sa Diyos o makikipagbahaginan tungkol sa katotohanan sa kanila, magkakaroon sila ng pagkamuhi sa iyo, at maaari pa ngang maisipan nilang atakihin ka. Natalakay na natin sa nakaraan nating pagbabahaginan ang aspektong ito ng pagkamapanlaban at pagkamuhi ng mga anticristo sa mga positibong bagay, kaya hindi na natin ito muling tatalakayin sa pagkakataong ito. Sa pagbabahaginang ito, tatalakayin natin ang isa pang aspekto. Ano ang isa pang aspektong iyon? Mapanlaban at namumuhi ang mga anticristo sa mga positibong bagay, kung gayon, ano ang gusto nila? Ngayon, susuriin at hihimayin natin ang buktot na kalikasan ng mga anticristo mula sa bahagi at perspektibang ito. Kailangan ba ito? (Oo.) Kailangan ito. Mapagtatanto ba ninyo ito nang kayo lang? (Hindi.) Buktot na kalikasan ng mga anticristo ang kanilang pag-ayaw sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Kaya, batay rito, isaalang-alang ninyong mabuti kung ano ang gusto ng mga anticristo, at kung anong klaseng mga bagay ang gusto nilang gawin, pati na rin ang paraan at diskarte nila sa paggawa ng mga bagay, at ang uri ng mga taong gusto nila—hindi ba’t isa itong mas magandang perspektiba at bahagi para tingnan ang kanilang buktot na kalikasan? Nagbibigay ito ng mas partikular at obhetibong pananaw. Una, ayaw ng mga anticristo sa mga positibong bagay, na nagpapahiwatig na mapanlaban sila sa mga ito at gusto nila ang mga negatibong bagay. Ano ang ilang halimbawa ng mga negatibong bagay? Mga kasinungalingan at panlalansi—hindi ba’t negatibong bagay ang mga ito? Oo, mga negatibong bagay ang mga kasinungalingan at panlalansi. Kaya, ano ang positibong katapat ng mga kasinungalingan at panlalansi? (Katapatan.) Tama, ito ay katapatan. Gusto ba ni Satanas ng katapatan? (Hindi.) Gusto nito ng panlalansi. Ano ang unang hinihingi ng Diyos sa mga tao? Sinasabi ng Diyos, “Kung gusto mong manampalataya sa Akin at sumunod sa Akin, una sa lahat, dapat maging anong klaseng tao ka?” (Isang tapat na tao.) Kaya, ano ang unang bagay na tinuturo ni Satanas sa mga tao? Ang magsinungaling. Ano ang unang ebidensiya ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? (Panlalansi.) Oo, gusto ng mga anticristo ang panlalansi, gusto nila ng mga kasinungalingan, at napopoot at namumuhi sila sa katapatan. Bagama’t positibong bagay ang katapatan, ayaw nila rito, sa halip ay nasusuklam at namumuhi sila rito. Sa kabaligtaran, gusto nila ang panlalansi at mga kasinungalingan. Kung palaging nagsasalita nang totoo ang isang tao sa harap ng mga anticristo, nagsasabi ng, “Gusto mong gumagawa mula sa isang posisyon ng katayuan, at tamad ka minsan,” ano ang nararamdaman ng mga anticristo tungkol dito? (Hindi nila ito tinatanggap.) Isa sa mga saloobing taglay nila ang hindi pagtanggap dito, pero iyon lang ba? Ano ang saloobin nila sa taong ito na nagsasalita nang totoo? Nasusuklam sila at ayaw nila sa kanya. Sinasabi ng ilang anticristo sa mga kapatid, “Matagal-tagal ko na rin kayong pinamumunuan. Sige na, sabihin ninyong lahat ang opinyon ninyo tungkol sa akin.” Iniisip ng lahat, “Dahil napakasinsero mo, sasabihin namin sa iyo ang ilang puna.” Sinasabi ng ilan, “Napakaseryoso at napakamasigasig mo sa lahat ng ginagawa mo, at nagdusa ka ng maraming paghihirap. Hindi namin halos makaya na makita kang gayon, at nababagabag kami para sa iyo. Kailangan ng sambahayan ng Diyos ang mas maraming lider na gaya mo! Kung kinakailangan naming sabihin ang isang pagkukulang mo, iyon ay na masyado kang seryoso at masigasig. Kapag masyado kang mapapagod at mahahapo, hindi ka na makakagawa pa, hindi ba’t magiging katapusan na namin kung gayon? Sino ang mamumuno sa amin?” Kapag naririnig ito ng mga anticristo, nalulugod sila. Alam nilang kasinungalingan ito, na nagpapalakas ang mga taong ito sa kanila, pero handa silang makinig sa mga ito. Sa katunayan, tinatrato ng mga taong ito ang mga anticristo na parang mga hangal, pero mas pipiliin ng mga anticristong ito na magpanggap na hangal kaysa ibunyag ang totoong kalikasan ng mga salitang ito. Gusto ng mga anticristo ang mga taong sumisipsip sa kanila nang ganito. Hindi sinasabi ng mga indibidwal na ito ang mga kamalian, tiwaling disposisyon, at pagkukulang ng mga anticristo. Sa halip, lihim nilang pinupuri at itinataas ang mga ito. Kahit na malinaw naman na mga kasinungalingan at pambobola ang mga salita ng mga taong ito, masayang tinatanggap ng mga anticristo ang mga salitang ito, nakakagaan ng loob at nakakalugod ang tingin nila sa mga ito. Para sa mga anticristo, mas masarap ang mga salitang ito kaysa sa pinakamasasarap na espesyal na pagkain. Matapos marinig ang mga salitang ito, nagiging mayabang sila. Ano ang inilalarawan nito? Ipinapakita nito na may isang partikular na disposisyon sa loob ng mga anticristo na gustong-gusto ang mga kasinungalingan. Ipagpalagay na may magsasabi sa kanila, “Masyado kang mayabang, at hindi patas ang trato mo sa mga tao. Mabuti ka sa mga sumusuporta sa iyo, pero kapag may isang taong lumalayo sa iyo o hindi ka binobola, minamaliit at binabalewala mo siya.” Hindi ba’t totoo ang mga salitang ito? (Oo.) Ano ang nararamdaman ng mga anticristo pagkarinig nila rito? Nalulungkot sila. Ayaw nila itong marinig, at hindi nila ito matanggap. Sinusubukan nilang humanap ng mga palusot at maidadahilan para ipaliwanag ang mga bagay at ayusin ang mga bagay. Pagdating naman sa mga palaging nambobola sa mga anticristo nang harapan, na palaging nagsasabi ng mga salitang masarap pakinggan para palihim silang purihin, at malinaw pa ngang nilalansi sila gamit ang mga salita, hindi kailanman iniimbestigahan ng mga anticristo ang mga taong ito. Sa halip, ginagamit pa nga ng mga anticristo ang mga ito bilang mahahalagang tao. Naglalagay pa nga sila ng mga taong napakasinungaling sa mahahalagang posisyon, itinatalaga ang mga ito na gumawa ng mahahalaga at mga respetadong tungkulin, samantalang isinasaayos nila na ang mga palaging nagsasalita nang tapat, at madalas na nag-uulat ng mga isyu, na gumawa ng mga tungkulin sa mga hindi masyadong napapansing posisyon, na humahadlang sa mga ito na magkaroon ng ugnayan sa nakatataas na pamunuan o maging kilala o malapit sa karamihan ng tao. Hindi mahalaga kung gaano kahusay ang talento ng mga taong ito o anong mga tungkulin ang kaya nilang gawin sa sambahayan ng Diyos—binabalewala ng mga anticristo ang lahat ng iyon. Iniisip lang nila kung sino ang kayang manlansi at sino ang kapaki-pakinabang sa kanila; ito ang mga indibidwal na inilalagay nila sa mahahalagang posisyon, nang hindi isinasaalang-alang kahit kaunti ang mga interes ng sambahayan ng Diyos.

Gusto ng mga anticristo ang panlalansi at mga kasinungalingan. Halimbawa, ipagpalagay na ang mga iglesiang pinangangasiwaan nila ay hindi binibigyang-pansin ang gawain ng ebanghelyo, at hindi nakatuon sa pagsasanay sa mga tao sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, at bilang resulta, hindi maganda ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo, at iilan ang mga nakamit na tao. Gayumpaman, natatakot ang mga anticristo na maaaring iulat ng mga tao ang aktuwal na sitwasyon. Namumuhi sila sa sinumang nagsasalita nang matapat, at gusto nila ang mga nakakapagsinungaling, nakakapanlansi, at nakakapagtago ng mga nakakasirang impormasyon. Kung gayon, anong klaseng pagsasalita ang pinakagustong marinig ng mga anticristo? “Kayang magpatotoo ng lahat ng nagpapalaganap ng ebanghelyo sa ating iglesia, at eksperto ang bawat isa sa kanila sa pagpapalaganap ng ebanghelyo.” Hindi ba’t ang intensyon ng mga salitang ito ay ang makapanlansi ng mga tao? Pero nasisiyahan ang mga anticristong marinig ang mga gayong bagay. Paano tumutugon ang mga anticristo pagkatapos itong marinig? Sinasabi nila, “Mabuti, patuloy na bumubuti ang mga resulta ng gawain ng ebanghelyo ng ating iglesia, mas mabuti ito kaysa sa ibang mga iglesia. Bihasa ang lahat ng taong nagpapalaganap ng ebanghelyo sa ating iglesia.” Nagpupurihan ang mga anticristo at ang mga nambobola sa kanila sa ganitong paraan, at hindi inilalantad ng mga anticristo ang kanilang walang kahihiyang pambobola. Gumagawa sa ganitong paraan ang mga anticristo: Kapag nilalansi sila ng mga nasa ilalim nila, kusa silang nagpapaloko. Nakikipaglokohan lang nang ganito ang mga anticristo. Kung may nakakaalam ng tunay na sitwasyon at titindig ito para magsabi, “Hindi ito tumpak. Sa 10 indibidwal na pinalaganapan natin ng ebanghelyo, tinukoy natin na dalawa sa kanila ang hindi tumatanggap sa katotohanan, at sinukuan na nila ang pagsisiyasat. Tatlo lang sa ibang walo ang tunay na nananampalataya sa Diyos. Gawin natin ang pinakamakakaya natin para mapabalik-loob ang tatlong iyon.” Kapag nalantad na ang realidad ng sitwasyon, ano ang nagiging reaksiyon ng mga anticristo? Iniisip nila, “Hindi ko alam ang tungkol sa mga bagay na iyon!” Kapag may nagsalita nang totoo tungkol sa tunay na sitwasyon ng mga bagay na hindi alam ng mga anticristo, sumasang-ayon ba sila o hindi sa taong iyon, masaya ba sila o malungkot? Malungkot sila. Bakit sila malungkot? Mga lider sila, pero wala silang kamalay-malay at hindi nila naaarok ang mga bagay at mga katunayan tungkol sa gawain ng iglesia—kailangan pa nga nila ang isang taong nakakaunawa sa kung ano talaga ang nangyayari para ipaliwanag sa kanila ang lahat ng ito. Kapag ang isang taong nakakaunawa sa sitwasyon at nagsasalita nang tapat ay nilinaw ang mga usaping ito, ano ang unang nararamdaman ng mga anticristo? Pakiramdam nila ay ganap silang napahiya, at guguho ang kanilang katanyagan. Batay sa buktot na kalikasan ng mga anticristo, anong gagawin nila? Uusbong ang pagkamuhi sa loob nila, at iisipin nila, “Madaldal ka! Kung hindi ka sana nagsalita, wala sanang makakapansin nito. Dahil sa iyo, alam na ito ng lahat, at baka hangaan ka na nila imbes na ako. Hindi ba’t nagmumukha akong walang kakayahan dahil dito, na parang hindi ako gumagawa ng anumang aktuwal na gawain? Tatandaan kita. Sinasabi mo ang katotohanan, sinusubukan at sinasalungat mo ako sa bawat pagkakataon. Sisiguraduhin kong pagsisisihan mo ito!” Pag-isipan ninyo ito, paano nila tinitingnan ang mga gumagawa nang may konsensiya, nagsasalita nang matapat, at matapat na ginagawa ang kanilang mga tungkulin? Nakikita nila ang mga ito bilang mga kalaban. Hindi ba’t pagbabaluktot ito sa mga katunayan? Bukod sa nabibigo silang makipagtulungan agad at bumawi sa mga pagkakamali sa kanilang gawain, nagpapatuloy rin silang pabayaan ang mga tungkulin nila. Nagkikimkim pa nga sila ng pagkamuhi sa mga nagsasabi ng totoo at sa mga maingat at responsable sa kanilang gawain. Maaari pa nga nilang subukang pahirapan ang mga ito. Hindi ba’t ganito ang pag-uugali ng mga anticristo? (Oo.) Anong klaseng disposisyon ito? Kabuktutan ito. Nalalantad sa ganitong paraan ang kabuktutan ng mga anticristo. Tuwing nagpapakita ang isang tapat na tao, tuwing nagsasabi ng mga matapat, totoong salita ang isang tao, at tuwing sumusunod ang isang tao sa mga prinsipyo at nagsisiyasat sa totoong kalikasan ng usapin, nasusuklam at napopoot sa kanya ang mga anticristo, at sumasabog at nabubunyag ang kanilang buktot na kalikasan. Tuwing may panlalansi, at tuwing nasasabi ang mga kasinungalingan, natutuwa ang mga anticristo, nagsasaya sila rito, at nakakalimot sila sa kanilang sarili. May nakabasa na ba sa inyo ng “Ang mga Bagong Kasuotan ng Emperador”? Medyo kapareho nito sa kalikasan ang pag-uugali ng mga anticristo. Sa kuwentong iyon, pumarada nang nakahubad sa kalsada ang emperador, at sumigaw ang libo-libong tao, “Talagang napakaganda ng mga bagong damit ng emperador! Kahanga-hanga ang itsura ng emperador! Napakadakila ng emperador! Talagang mahiwaga ang mga bagong damit ng emperador!” Nagsisinungaling ang lahat. Alam ba ng emperador? Ganap siyang nakahubad, paanong wala siyang kamalay-malay sa katunayan na wala siyang suot na kahit anong damit? Tinatawag itong kahangalan. Kaya, walang karunungan ang mga buktot na anticristong ito, sa kabila ng pagiging mapaminsala at mapanlinlang. Bakit Ko sinasabing wala silang karunungan? Dahil katulad sila ng nakahubad na emperador na iyon. Wala siyang pagkilatis sa mga salita na naglayong lansihin siya. Kaya pa nga niyang lumakad-lakad nang nakahubad, inilalantad ang kapangitan niya. Hindi ba’t kahangalan ito? Kaya, ano ang madalas na ibinubunyag ng kabuktutan ng mga anticristo? Ang kanilang kahangalan.

Dahil may buktot na kalikasan ang mga anticristo, dahil gustung-gusto nila ang panlalansi at mga kasinungalingan pero ayaw nila sa katapatan, at dahil nasusuklam sila sa makatotohanang pananalita, kaya, sa mga iglesiang nasa ilalim ng pamumuno ng mga anticristo, madalas na pinahihirapan ang mga taong tapat o naghahangad na maging tapat, ang mga nagsasagawa sa katotohanan at ayaw manlansi o magsinungaling. Hindi ba’t ganito ang nangyayari? Habang lalo kang nagsasabi ng totoo, lalo kang pahihirapan ng anticristo, at habang lalo kang nagsasabi ng totoo, lalo ka nilang aayawan. Sa kabaligtaran, pinapaboran at nagugustuhan ng mga anticristo ang mga nambobola at nanlalansi sa kanila. Hindi ba’t buktot ang mga anticristo? May mga nakapalibot ba sa inyong mga gayong buktot na anticristo? Nakaharap na ba ninyo sila? Hindi nila pinapayagan ang mga tao na magsabi ng totoo; pinatitikom ang bibig ng sinumang nagsasabi ng totoo. Kung magagawa mong magsinungaling at umayon sa sinasabi nila, nagiging kasabwat nila, hindi ka na nila magiging kalaban. Kung magpipilit kang magsabi ng totoo at pangasiwaan ang mga bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo, sa malao’t madali, pahihirapan ka nila. May napahirapan na ba sa inyo? Dahil lamang sa inilantad mo ang masasamang gawa ng mga huwad na lider at anticristo, pinahirapan ka, at sa huli, pinahirapan ka hanggang sa puntong hindi ka na nangangahas na magsabi ng anumang bagay kahit na gusto mo pa. Nangyari na ba ito? Pinahirapan ka dahil sa pagsasalita mo nang totoo at pag-uulat sa mga isyu. Sa iba’t ibang iglesia, may napahirapan na ba sa inyo dahil sa pag-uulat ng mga isyu? Kapag pinupungusan ang isang taong nagsisinungaling at nanlalansi sa iglesia, pinapahirapan ba sila? (Hindi.) Normal itong pagdidisiplina; hindi ito katulad ng pagpapahirap. Nangyayari ito dahil pabaya ka sa iyong tungkulin, nilalabag mo ang mga prinsipyo, at kumikilos ka nang may mga maling layunin, nagsisinungaling at nanlalansi ka, na humahantong sa pagkakapungos. Kaya, sa presensiya ng Diyos, hindi ka kailanman magdurusa ng kahit anong kahihinatnan sa pagsasalita nang totoo. Gayumpaman, sa presensiya ni Satanas at ng mga anticristo, dapat kang maging mas maingat. Sinasalamin nito ang kasabihang, “Ang pagiging malapit sa hari ay kasingmapanganib ng paghiga katabi ng tigre.” Kapag nakikipag-usap ka sa kanila, kailangan mong palaging isaalang-alang ang lagay ng loob nila, sinusukat ang kanilang kasiyahan at kung malungkot o masaya ba ang itsura nila, saka ka magpasya kung ano ang sasabihin mo para maging naaayon ka sa kanilang mga iniisip. Halimbawa, kung sinasabi ng isang anticristo, “Hindi ba’t uulan ngayon?” kailangan mong sabihin, “Sinasabi sa ulat panahon na uulan ngayon.” Sa realidad, kapag sinabi ng anticristo na maaaring umulan ngayon, ito ay dahil ayaw niyang lumabas at gawin ang kanyang tungkulin. Kung sasabihin mo, “Sinasabi sa ulat panahon na magiging maaraw ngayon,” magagalit siya. Kailangan sabihin mo kaagad, “Ay, nagkamali ako. Uulan ngayon.” Sasabihin ng anticristo, “Kasasabi mo lang na hindi uulan. Paano mo nasabi ngayon na uulan nga?” Kailangan mong sumagot na, “Hindi ibig sabihin na dahil maaraw ngayon ay magpapatuloy ito hanggang mamaya. Gaya ng sinasabi ng mga sinaunang tao, ‘May mga di-inaasahang bagyo ang langit.’ Hindi palaging tumpak ang mga ulat panahon, pero tumpak ang paghusga mo!” Kapag narinig ito ng anticristo, nalulugod siya at pupurihin ka sa pagiging may katuturan mo. Umasal na ba kayo nang ganito? Oo, hindi ba? Kaya ba ninyong gawin ang madalas na ginagawa ng mga anticristo, ang hindi pagpayag na magsalita nang totoo ang mga tao at pinahihirapan ang sinumang gumagawa niyon? Hindi ba’t nakapanood na kayong lahat ng mga drama tungkol sa palasyo? Ano ang relasyon sa pagitan ng emperador at ng kanyang mga ministro sa korte? Maaaring hindi madaling sabihin sa isang pangungusap ang kanilang relasyon, pero may isang penomeno sa kanila, iyon ay na hindi basta-basta tinatanggap ng emperador ang mga sinasabi ng kahit sino. Sinusuri at sinisiyasat niya ang lahat ng sinasabi ng kanyang mga ministro, hindi niya ito kailanman tinatanggap bilang ang katotohanan. Ito ang prinsipyo niya sa pakikinig sa sinasabi ng kanyang mga ministro. Para naman sa mga ministro, kailangan nilang maging mga may kasanayan sa pakikinig sa mga hindi sinasabing implikasyon. Halimbawa, kapag sinabi ng emperador, “May sinabi si Prime Minister Wang ngayon,” at ganito at ganoon, nakikinig ang lahat dito at nag-iisip na, “Parang gusto ng emperador na itaas ang ranggo ni Prime Minister Wang, pero ang pinakakinatatakutan niya ay ang bumuo ng mga paksyon ang mga tao, na maghahangad ng pansariling pakinabang, at maghihimagsik, kaya hindi ko puwedeng lantarang suportahan si Prime Minister Wang. Kailangan gumitna lang ako, hindi sumasalungat ni sumusuporta sa kanya, para hindi makilatis ng emperador ang mga totoo kong layunin—pero hindi ko rin sinasalungat ang kalooban ng emperador.” Tingnan mo, sa isip nila, kinasasangkutan ng napakaraming kaisipan maging ang isang pahayag lang, na may mga paliko-liko na mas masalimuot pa kaysa sa landas ng isang ahas. Nananatiling mahirap intindihin, malabong-malabo ang pinakakahulugan ng sinasabi nila. Kinakailangan ng ilang taon na naipong karanasan para masuri kung aling mga pahayag ang totoo o huwad, at kailangan mong unawain ang kanilang ibig sabihin batay sa kanilang karaniwang ugali at salita. Sa madaling salita, walang kahit isang totoong pahayag sa pananalita nila, at mga kasinungalingan ang lahat ng sinasabi nila. Naglalaman ng sarili nitong paraan ng pagsasalita ang sinasabi ng lahat ng tao, may mababa o mataas na ranggo man ang mga ito. Nagsasalita sila mula sa sarili nilang pananaw, pero ang sinasabi nila ay hindi kailanman ang literal na kahulugan ng naririnig mo—mga kasinungalingan lamang ang mga ito. Paano lumilitaw ang mga kasinungalingan? Dahil may ilang partikular na layunin, layon, at motibasyon ang mga tao sa kanilang pananalita at mga kilos, kapag nagsasalita sila, maingat sila sa kanilang mga salita at sa mga ipinahihiwatig ng kanilang mga salita, paligoy-ligoy sila, at may sarili silang pamamaraan ng pagsasalita. Kapag nagkaroon sila ng isang pamamaraan, makatotohanang pananalita pa rin kaya ito? Hindi na. Naglalaman ng maraming patong-patong na kahulugan ang mga salita nila, pinaghalong katotohanan at kasinungalingan—totoo ang ilan, huwad ang ilan—at may intensyong manlansi ang ilan. Ano’t anuman, hindi totoo ang mga ito. Tingnan ninyo ang halimbawa kay Prime Minister Wang na kababanggit lang. May isang taong lantarang sumasalungat kay Prime Minister Wang sa korte. Hindi agad halata kung totoo o huwad ang pagsalungat niya. Kailangan mong mas magsuri pa. Sa kasunod na eksena, umiinom siya sa sekretong silid sa bahay ni Prime Minister Wang. Lumalabas na magkasabwat pala silang dalawa. Kung papanoorin mo lang ang eksena kung saan sinasalungat ng taong ito si Prime Minister Wang, paano mo makikitang magkasabwat silang dalawa. Bakit niya sinasalungat si Prime Minister Wang? Para makaiwas sa paghihinala at gamitin ito para hindi maging masyadong mapagbantay ang emperador, para hindi paghinalaan ng emperador na magkasabwat sila. Hindi ba’t isa itong taktika? (Oo, ganoon nga.) Namumuhay ang mga taong ito sa grupong iyon kung saan hindi sila naglalakas loob na magsalita ng kahit isang salita ng katotohanan. Kung sobrang nakakapagod ang pagsasabi ng mga kasinungalingan araw-araw, bakit hindi na lang sila umalis? Dinadalaw pa nga nila ang puntod ng isang katunggaling namatay na—ano bang ibig sabihin niyon? Napakahilig lang talaga nilang makipag-away; kapag walang pag-aaway, pakiramdam nila ay nakakabagot ang buhay. Kung walang pag-aaway, iniisip nila na masyadong nakakayamot ang buhay na ito. Sa dami ng balak at pakanang ito sa isip nila na wala nang mapaggamitan, kailangan nila ng katunggaling lalabanan, para makita kung sino ang mas nakahihigit. Doon nila nararamdaman na may halaga ang buhay. Kung namatay ang kalaban nila, pakiramdam nila ay wala nang kabuluhan pa ang kanilang buhay. Sabihin ninyo sa Akin, kaya bang mabago ang ganitong tao? (Hindi.) Kalikasan nila ito. May ganitong uri ng kalikasan ang mga anticristo: Araw-araw silang nakikipag-away sa iba at sa mga lider at manggagawa. Kinakalaban pa nga nila ang Diyos, nagsisinungaling at nanlalansi araw-araw, ginagambala at ginugulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi sila mapakali kahit isang sandali. Hindi nila matanggap ang katotohanan, paano man ito ibahagi sa kanila. Katulad ng malaking pulang dragon, hindi sila titigil hanggang sa ganap na mawasak ang mga ito.

Ayaw ng mga anticristo sa mga nagsasalita nang totoo, ayaw nila sa matatapat na tao. Nasisiyahan sila sa panlalansi at mga kasinungalingan. Kaya, ano ang saloobin nila sa Diyos? Halimbawa, ano ang saloobin nila sa paghingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Una, hinahamak nila ang katotohanang ito. Talagang nagpapahiwatig sa kanilang problema ang abilidad nila na hamakin ang mga positibong bagay, at pinatutunayan na nito na buktot ang kalikasan nila. Gayunman, hindi ito ang kumpleto o buong larawan. Kung susuriin pa nang mas malaliman, paano nauunawaan ng mga anticristo ang hinihingi ng Diyos na maging matapat ang mga tao? Maaaring sabihin nila, “Ang pagiging isang matapat na tao, ang pakikipag-usap sa diyos tungkol sa lahat ng bagay, pagsasabi ng lahat ng bagay sa kanya, at ang hayagang pagbabahagi ng lahat ng bagay sa mga kapatid—hindi ba’t nangangahulugan iyon ng pagkawala sa dignidad ko? Nangangahulugan ito ng kawalan ng dignidad, kawalan ng sarili, at tiyak na kawalan ng pribadong buhay. Kahindik-hindik ito; anong klaseng katotohanan ito?” Hindi ba’t tinitingnan nila ito nang ganito? Hindi lamang hinahamak ng mga anticristo sa puso nila ang mga salita ng Diyos at ang hinihingi Niya na maging matapat, kundi maaaring kinokondena pa nila ito. Kung kaya nila itong kondenahin, kaya ba nilang maging matatapat na tao? Hinding-hindi, siguradong hindi nila kayang maging matapat. Ano ang reaksyon ng mga anticristo kapag nakikita nila ang ilang tao na inaamin na nagsabi sila ng mga kasinungalingan? Mula sa kaibuturan ng kanilang puso, hinahamak at kinukutya nila ang gayong pag-uugali. Naniniwala sila na masyadong hangal ang mga taong nagtatangkang maging matapat. Hindi ba’t buktot na tukuyin nilang mga hangal ang matatapat na tao? (Oo, buktot nga ito.) Buktot ito. Iniisip nila, “Sino ba sa lipunan ngayon ang nagsasabi ng katotohanan? Hinihingi sa iyo ng diyos na maging matapat, at sinusubukan mo talagang maging matapat—nagsasalita ka pa nga nang tapat tungkol sa gayong mga usapin. Talagang napakahangal mo!” Ang paghamak na nararamdaman nila sa kaibuturan ng kanilang puso para sa matatapat na tao ay nagpapatunay na kinokondena at kinasusuklaman nila ang katotohanang ito, at hindi nila ito tinatanggap at hindi sila nagpapasakop dito. Hindi ba’t ito ang kabuktutan ng mga anticristo? Malinaw na isang positibong bagay ang katotohanang ito, at isang aspekto ng pagsasabuhay sa normal na pagkatao na dapat taglayin ng mga tao sa usapin ng kanilang pag-asal, pero kinokondena ito ng mga anticristo. Buktot ito. Sa iglesia, madalas may mga tao na “pinupungusan” ng ilang lider—pinapahirapan sila, dahil iniuulat nila ang mga problema o inilalarawan ang totoong kalagayan sa Itaas. Minsan, kapag tinatanong ng Itaas ang sitwasyon sa iglesia, inuulat lamang ng ilang lider ang mga positibong bagay at hindi nila binabanggit ang mga negatibong bagay. Kapag naririnig ng ilang tao na hindi totoo ang mga ulat ng mga lider na ito, at hinihingi nila sa mga itong sabihin ang katotohanan, isinasantabi sila ng mga lider, at pinipigilan sila na sabihin ang katotohanan. Hindi tinatanggap ng ilang tao ang paraan ng mga anticristo sa paggawa ng mga bagay. Iniisip nila, “Dahil ayaw mong magsalita nang tapat, hindi kita tatratuhin gaya ng isang lider. Sasabihin ko ang katotohanan sa Itaas. Hindi ako natatakot na pungusan nila ako.” Kaya, tapat nilang iniuulat sa Itaas ang tunay na sitwasyon. Kapag ginagawa nila ito, naisisiwalat ang iglesia. Paano nangyari iyon? Dahil inilantad ng mga taong ito ang mga katunayan tungkol sa mga anticristong iyon—inilantad nila ang totoong kalagayan. Sumasang-ayon ba ang mga anticristo rito? Mapapahintulutan ba nila ito? Siguradong hindi nila palalampasin ang mga taong nag-ulat ng isyu. Anong gagawin ng mga anticristo? Pagkatapos niyon, agad silang magpapatawag ng pulong tungkol sa usaping ito, hihilingin nila sa mga tao na talakayin ito at pagmasdan ang mga reaksyon nila. Isinasaalang-alang at iniisip ng karamihan ng tao, na madaling maimpluwensiyahan na, “May isang taong nag-ulat sa mga katunayan, at nanganganib ang lider na ito ngayon. Hindi namin iniulat ang nangyayari—kung magpapasya ang Itaas na parusahan ang lider na ito, hindi ba’t madadamay kami sa kanila?” Kaya, humahanap ng mga paraan ang mga taong ito para ipagtanggol ang mga lider, at bilang resulta, naibubukod ang mga taong nag-ulat ng katotohanan. Sa ganitong paraan, nagagawa ng mga anticristo ang anumang gustuhin nila, dahil anumang masasamang bagay ang gawin nila, walang naglalakas-loob na iulat ang sitwasyon sa Itaas, kaya nakakamit nila ang kanilang mga layon. Samakatwid, para sa ilang tao, nagdudulot ng maraming aktuwal na suliranin ang pag-uulat ng sitwasyon sa Itaas. Alam nila ang mga katunayan, pero palagi silang gustong patahimikin ng mga anticristo. Dahil sa takot at pagkakimi, nakikipagkompromiso sila, at sa paggawa ng ganoon, hindi ba’t nagiging biktima sila ng panggigipit ng mga anticristo? Sa huli, kapag nabunyag at pinalitan ang mga anticristong ito, ano sa tingin mo ang nararamdaman ng mga taong nakipagkompromiso? Pinagsisisihan ba nila ito? (Oo, pagsisisihan nila ito.) Natutuwa sila pero nagsisisi rin sila, iniisip nila, “Kung alam ko lang sana na ganito ang mangyayari sa bagay-bagay, hindi sana ako sumuko. Ipinagpatuloy ko sana ang paglalantad sa kanila at pag-uulat sa kanilang mga isyu hanggang sa napalitan sila.” Pero hindi iyon kayang gawin ng karamihan ng tao; masyado silang duwag.

Gusto ng mga anticristo ang panlalansi at mga kasinungalingan at kinasusuklaman nila ang katapatan; ito ang unang halatang pagpapamalas ng buktot nilang kalikasan. Kita mo, palaging nagsasalita ang ilang tao sa paraang mahirap maintindihan ng mga tao. Kung minsan ay may simula pero walang katapusan ang kanilang mga pangungusap, kung minsan ay may katapusan pero walang simula. Hindi mo talaga masasabi kung ano ang ibig nilang sabihin, wala silang sinasabing may anumang katuturan sa iyo, at kung hihilingan mo silang magpaliwanag nang malinaw, hindi nila ginagawa iyon. Madalas silang gumagamit ng mga panghalip sa kanilang pananalita. Halimbawa, mayroon silang iniuulat na isang bagay, at sinasabing, “Ang lalaking iyon—um, iniisip niyang, tapos ang mga kapatid ay hindi gaanong …” Maaari silang magpatuloy nang ilang oras nang hindi pa rin naipapahayag nang malinaw ang kanilang sarili, nang pautal-utal at patigil-tigil, nang hindi tinatapos ang mga pangungusap nila, nagsasabi lamang ng ilang pare-parehong salita na walang kaugnayan sa isa’t isa, na iniiwan kang walang natutuhan matapos marinig iyon—at balisa pa nga. Sa katunayan, nagsagawa na sila ng maraming pag-aaral at may magandang pinag-aralan—kaya bakit hindi nila kayang bumigkas ng isang kumpletong pangungusap? Ito ay isang problema sa disposisyon. Napakadaya nila kaya kailangan ng matinding pagsisikap para makapagsalita ng kahit kaunting katotohanan. Walang pinagtutuunan ang anumang sinasabi ng anticristo, laging may simula pero walang katapusan; binibigkas nila ang kalahating pangungusap pagkatapos ay nilululon ang natitira, at palagi nilang gustong malaman muna ang mangyayari, dahil ayaw nilang maunawaan mo ang ibig nilang sabihin, gusto nilang manghula ka. Kung sasabihin nila sa iyo nang deretsahan, matatanto mo kung ano ang sinasabi nila at mahahalata mo sila, hindi ba? Ayaw nila iyon. Ano ang gusto nila? Gusto nilang manghula ka sa sarili mo, at masaya silang paniwalain ka na ang hula mo ay totoo—kung ganoon nga, hindi sila ang nagsabi niyon, kaya wala silang anumang responsabilidad. Higit pa roon, ano ang napapala nila kapag sinasabi mo sa kanila ang hula mo sa ibig nilang sabihin? Ang hula mo ang mismong gusto nilang marinig, at sinasabi niyon sa kanila ang iyong mga ideya at pananaw tungkol sa usapin. Mula roon, mapili silang magsasalita, pinipili ang sasabihin at hindi sasabihin, at kung paano iyon sasabihin, at pagkatapos ay gagawa sila ng sunod na hakbang sa kanilang plano. Bawat pangungusap ay nagtatapos sa isang bitag, at habang nakikinig ka sa mga iyon, kung palagi mong tinatapos ang pangungusap nila, lubusan ka nang nahulog sa bitag. Hindi ba sila napapagod na magsalita palagi nang ganito? Ang disposisyon nila ay buktot—hindi sila napapagod. Lubos na natural iyon para sa kanila. Bakit gusto nilang lumikha ng mga bitag na ito para sa iyo? Dahil hindi nila makita nang malinaw ang iyong mga pananaw, at natatakot sila na mahahalata mo sila. Kasabay ng pagsubok nilang patigilin ka sa pag-unawa sa kanila, sinusubukan naman nilang unawain ka. Gusto nilang palabasin mula sa iyo ang mga pananaw, ideya, at pamamaraan mo. Kung magtagumpay sila, ibig sabihin gumana ang mga bitag nila. Nagpapatagal ang ilang tao sa pamamagitan ng madalas na pagsasabi ng “hmm” at “ha”; hindi nila ipinapahayag ang isang partikular na pananaw. Nagpapatagal ang iba sa pamamagitan ng pagsasabi ng “gaya ng” at “baka naman …,” na pinagtatakpan ang talagang iniisip nila, ginagamit ito sa halip na ang talagang gusto nilang sabihin. Maraming walang-silbing pandiwa, pang-abay, at mga pandiwang pantulong sa bawat pangungusap nila. Kung itatala mo ang kanilang mga salita at isusulat ang mga ito, matutuklasan mo na wala sa mga iyon ang naghahayag ng kanilang mga pananaw o saloobin tungkol sa usapin. Lahat ng kanilang salita ay naglalaman ng nakatagong mga bitag, tukso, at pang-aakit. Ano ang disposisyong ito? (Buktot.) Napakabuktot! Mayroon bang sangkot na panlalansi? Ang mga bitag, tukso, at pang-aakit na ito na kanilang nililikha ay tinatawag na panlalansi. Ito ay isang karaniwang katangian ng mga taong may buktot na diwa ng mga anticristo. Paano naipapamalas ang karaniwang katangiang ito? Inuulat nila ang magandang balita pero hindi ang masama, nagsasalita lang sila sa nakalulugod na mga pagpapahayag, patigil-tigil silang magsalita, itinatago nila ang bahagi ng tunay na kahulugan ng kanilang sinasabi, nakakalito silang magsalita, malabo silang magsalita, at ang kanilang mga salita ay may kasamang mga tukso. Lahat ng bagay na ito ay mga bitag, at lahat ng ito ay mga paraan ng panlalansi.

Nagpapakita ng mga pagpapamalas na ito ang karamihan ng anticristo at nagsasalita at kumikilos sila sa ganitong paraan. Makikilatis ba ninyo ito kung nakaugnayan ninyo sila nang mahabang panahon? Makikilatis ba ninyo sila? Una, kailangang matukoy ninyo kung matatapat silang tao. Gaano man nila hingin sa iba na maging matapat at magsalita nang totoo, kailangan mong makita kung sila mismo ay matatapat na tao, kung nagsisikap silang maging matapat, at kung ano ang pananaw at saloobin nila sa matatapat na tao. Tingnan mo kung namumuhi, nasusuklam at nagdidiskrimina sila sa kaibuturan ng puso nila laban sa matatapat na tao, o kung gusto rin nila sa kaibuturan nila na maging matatapat na tao, pero nahihirapan at nagiging hamon sa kanilang gawin ito, kaya hindi nila ito makamit. Kailangan mong malaman kung alin sa mga ito ang sitwasyon nila. Makikilatis mo ba ito? Sa loob ng maikling panahon, maaaring hindi mo ito magawa, dahil kung mautak ang mga tusong pamamaraan nila, maaaring hindi mo sila makilatis. Gayumpaman, paglipas ng panahon, magagawang makilatis ng lahat ang mga ito; hindi nila kayang itago magpakailanman ang katotohanan tungkol sa sarili nila. Gaya ito ng madalas na pagsasabi ng malaking pulang dragon na ito ay “naglilingkod sa mga tao” at “umaakto bilang lingkod publiko ng mga tao.” Pero sa panahon ngayon, sino ba ang naniniwala pa rin na partido ito ng mga tao? Sino pa rin ang naniniwalang nagpapasya ito sa ngalan ng mga tao? Wala nang naniniwala roon, tama? Noong una, may mga optimistikong inaasahan ang mga tao, inaakala nilang sa pamamagitan ng Partido Komunista, mababago nila ang mga kapalaran nila at magiging mga panginoon sila, na maglilingkod ito sa mga tao at kikilos bilang lingkod publiko. Pero sa panahon ngayon, sino ang naniniwala pa rin sa mga maladiyablong salita nito? Paano ito sinusuri ng mga tao ngayon? Naging kaaway na ito ng publiko. Kaya, mula sa pagiging lingkod publiko, paano ito naging kaaway ng publiko? Sa pamamagitan ng mga kilos nito, at sa pamamagitan ng pagkukumpara sa mga kilos nito sa mga salita nito, natuklasan ng mga tao na ang lahat ng sinasabi nito ay mga mapanlinlang na kasinungalingan, huwad na impormasyon, at mga salitang naglalayong pagmukhaing malinis ang sarili nito. Sinabi nito ang pinakamagagandang pakinggang salita pero ginawa nito ang pinakamasasamang bagay. Ganito rin ang mga anticristo. Halimbawa, sinasabi nila sa mga kapatid, “Dapat ninyong gawin nang tapat ang mga tungkulin ninyo—huwag ninyong hayaang mahaluan ang mga ito ng mga personal na karumihan.” Pero isipin ninyo ito, sila ba mismo ay kumikilos nang ganito? Kapag nagmumungkahi ka sa kanila, kapag nagbunyag ka ng kaunting opinyon mo, hindi nila sasang-ayunan o tatanggapin ito. Kapag bumabangga ang kanilang mga personal na interes sa kanilang mga tungkulin o sa mga interes ng sambahayan ng Diyos, ipinaglalaban nila ang bawat katiting na pakinabang at hindi sila magpapaubaya kahit kaunti. Isipin ninyo ang kanilang pag-uugali, pagkatapos ay ikumpara ninyo ito sa sinasabi nila. Ano ang napapansin mo? Magandang pakinggan ang mga sinasabi nila pero huwad na impormasyon ang lahat ng iyon na naglalayong lansihin ang mga tao. Kapag nagpapakana at nakikipaglaban sila para sa kanilang mga interes, tunay ang lahat ng kanilang pag-uugali, pati na rin ang kanilang mga layunin, gawi, at paraan ng kanilang mga kilos—hindi peke ang mga ito. Batay sa mga bagay na ito, puwede kang magtamo ng kaunting pagkilatis sa mga anticristo.

Mahilig ang mga anticristo sa mga kasinungalingan at panlalansi—ano pa ang hilig nila? Mahilig sila sa mga taktika, pakana, at balak. Kumikilos sila ayon sa pilosopiya ni Satanas, na hindi nila kailanman hinahanap ang katotohanan, ganap silang umaasa sa mga kasinungalingan at panlalansi at gumagamit ng mga pakana at masamang balak. Gaano ka man kalinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, kahit na tumango-tango sila na kinikilala nila ito, hindi sila kikilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo. Sa halip, pipigain nila ang utak nila at kikilos sila gamit ang mga pakana at masamang balak. Hindi mahalaga kung gaano ka man kalinaw na makipagbahaginan sa katotohanan, parang hindi nila ito kayang maunawaan; basta lamang nilang ginagawa ang mga bagay sa paraang handa silang gawin ang mga iyon, sa paraang gusto nilang gawin ang mga iyon, at sa anumang paraan para sa sarili nilang interes. Mahusay silang nagsasalita, na itinatago ang kanilang tunay na mukha at kulay, niloloko at nilalansi ang mga tao, at kapag naloko nila ang iba, natutuwa sila, at natutupad ang mga ambisyon at pagnanais nila. Ito ang palagiang pamamaraan at pagharap ng mga anticristo. Tungkol sa matatapat na tao na diretsahan sa kanilang pananalita, na tapat na nagsasalita at hayagang nakikipagbahaginan tungkol sa sarili nilang pagkanegatibo, kahinaan, at mga mapanghimagsik na kalagayan, at na nagsasalita mula sa puso, sa loob-loob ng mga anticristo ay nasusuklam sila sa mga iyon at nagdidiskrimina sila laban sa mga iyon. Gusto nila ang mga tao na gaya nila ay nagsasalita sa isang baliko at mapanlinlang na paraan at hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kapag nakakasalamuha nila ang gayong mga tao, sa puso nila ay natutuwa sila, na para bang nakahanap sila ng isang taong gaya nila. Hindi na sila nag-aalala na mas magaling ang iba kaysa sa kanila o may kakayahang kilatisin sila. Hindi ba’t isa itong pagpapamalas ng buktot na kalikasan ng mga anticristo? Hindi ba’t maipapakita nito na buktot sila? (Oo, maipapakita nito.) Bakit naipapakita ng mga usaping ito na buktot ang mga anticristo? Ang mga positibong bagay at ang katotohanan ang dapat mahalin ng sinumang makatwirang nilikha na may konsensiya. Gayumpaman, pagdating sa mga anticristo, itinuturing nila ang mga positibong bagay na ito bilang isang pahirap sa kanila at isang tinik sa kanilang lalamunan. Nagiging kaaway nila ang sinumang sumusunod o nagsasagawa sa mga ito, at tinitingnan nila ang mga gayong indibiduwal nang may pagkamapanlaban. Hindi ba’t kahawig ito ng kalikasan ng pagkamapanlaban ni Satanas kay Job? (Oo.) Ito ay katulad ng kalikasan, disposisyon, at diwa ni Satanas. Nagmumula kay Satanas ang kalikasan ng mga anticristo, at nabibilang sila sa kategorya na kapareho ng kay Satanas. Samakatwid, kakampi ni Satanas ang mga anticristo. Kalabisan ba ang pahayag na ito? Hindi naman; ganap na tama ito. Bakit? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang mga positibong bagay. Nasisiyahan silang makilahok sa panlalansi, gusto nila ang mga kasinungalingan, mapanlinlang na anyo, at pagpapanggap. Kung may isang tao na naglalantad ng tunay na mukha niya, kaya ba nilang magpasakop dito at tanggapin ito nang masaya? Hindi lang sa hindi nila ito kayang tanggapin, babatikusin pa nila ito nang sobra-sobra. Dahil sa mga taong nagsasabi ng katotohanan o naglalantad sa kanilang tunay na pagkatao, labis silang nagagalit at nagwawala sila. Halimbawa, maaaring may isang anticristo na napakabihasa sa pagkukunwari. Nakikita siya ng lahat bilang isang mabuting tao: mapagmahal, kayang makisimpatya sa mga tao, kayang maunawaan ang mga paghihirap ng iba, at madalas na sumusuporta at tumutulong sa mga mahina at negatibo. Tuwing may mga paghihirap ang ibang tao, nagagawa nilang magpakita ng pagsasaalang-alang at pagpaparaya. Sa puso ng mga tao, mas dakila ang anticristong ito kaysa sa Diyos. Tungkol sa taong ito na nagpopostura bilang isang mabuting tao, kung ilalantad mo ang kanyang pagkukunwari at pagpapanggap, kapag sinabi mo sa kanya ang katunayan, matatanggap ba niya ito? Hindi lang sa hindi niya ito tatanggapin, kundi paiigtingin pa niya ang kanyang pagkukunwari at pagpapanggap. Sabihin mo sa Akin, kung inilantad mo ang pagpapanggap ng mga Pariseo kapag dinadala nila ang kanilang mga kasulatan sa mga sulok ng kalsada para manalangin at basahin ito para marinig ng iba, at sinabi mo sa kanila na ginagawa nila ito para magpakitang-gilas, aaminin ba nila ang sinabi mo? Masaya ba nila itong tatanggapin? Pagninilay-nilayan ba nila ang mga salita mo? Kaya ba nilang aminin na pagpapanggap at panlalansi ang ginagawa nila? Kaya ba nilang magnilay-nilay, magsisi, at hindi na kailanman muling kumilos nang ganito? Hinding-hindi. Kung nagpatuloy ka sa pagsasabing, “Nanlilihis ng mga tao ang mga kilos mo at mapupunta ka sa impiyerno at maparurusahan,” hindi ba’t pagsasabi iyon ng katotohanan? (Oo.) Pagsasabi ito ng katotohanan. Tatanggapin ba nila ito? Hindi, manggagalaiti sila agad at sasabihin nila, “Ano? Sinasabi mong mapupunta ako sa impiyerno at maparurusahan? Ang galing mo naman! Nananampalataya ako sa diyos, hindi sa iyo! Walang kuwenta ang mga salita mo!” Doon na ba natatapos iyon? Ano ang susunod nilang gagawin? Magpapatuloy sila, sasabihin nila, “Nakapaglakbay na ako sa malalayong lugar, nagpalaganap na ako ng ebanghelyo sa napakaraming tao, namunga ng marami, nagpasan ng napakaraming krus, at sobrang nagdusa sa bilangguan—ikaw na bata ka, noong magsimula akong manampalataya sa panginoon, nasa sinapupunan ka pa ng nanay mo!” Nalalantad ang kalikasan nila, tama? Hindi ba’t ipinapangaral nila ang pagpapasensiya at pagtitiis—kung gayon, bakit hindi nila kayang matiis ang maliit na bagay na ito? Bakit hindi nila ito matiis? Dahil sinabi mo ang katotohanan, isiniwalat mo ang totoo nilang pagkatao, at wala silang kahahantungan. Matitiis pa rin ba nila ito? Kung hindi sila mga anticristo, kung nasa landas sila ng mga anticristo pero kaya nilang tanggapin ang katotohanan, at nagpapakita rin sila ng pagpapamalas ng pagpapanggap, ano ang gagawin nila kung inilantad mo ang pagpapanggap nila? Maaaring hindi nila agad pagnilayan ang sarili nila, at maaaring hindi makatotohanan at hungkag na pakinggan ang sabihing ginagawa nila iyon. Gayumpaman, ang unang reaksyon ng karamihan sa mga normal na tao kapag narinig nila ito ay nakakaranas sila ng kirot sa puso nila. Ano ang ipinapahiwatig nitong kirot sa puso nila? Ibig sabihin nito ay apektado sila sa naririnig nila; hindi nila inaasahan na may maglalakas-loob na kumilos nang sobrang padalos-dalos, magsasabi ng katotohanan, at kokondena sa kanila nang ganito sa harap nila—hindi nila kailanman inasahan at hindi pa nila kailanman narinig dati ang mga salitang ito. Bukod dito, nahihiya sila at ayaw nilang mapahiya. Habang pinagmumunihan nila ang sinasabi mong nakakalihis ng mga tao ang pagtayo sa isang sulok sa kalsada para magdasal at magbasa ng kasulatan, natutuklasan nila pagkatapos ng pagsusuri sa kanilang sarili na ang paggawa nito ay talagang para ipakita sa mga tao kung gaano sila kadeboto, kung gaano nila kamahal ang Panginoon, at kung gaano nila kayang magdusa, na pagkukunwari ito, at totoo ang sinabi mo. Natutuklasan nila na kung magpapatuloy sila sa pagkilos nang ganito, hindi nila maipapakita ang mukha nila sa ibang tao. May kahihiyan sila, at sa kahihiyang iyon, maaaring medyo mapigilan nila ang kanilang sarili at itigil ang kanilang masasamang gawa o ang mga kilos nila na kahiya-hiya at magpapahiya sa kanila. Ano ang ibig sabihin kapag hindi na sila nagpapatuloy na kumilos nang ganito? Nagpapahiwatig ito ng kaunting pagsisisi. Hindi siguradong talagang magsisisi sila, pero kahit papaano ay may posibilidad ng pagsisisi, na mas mabuti naman kaysa sa mga anticristo at Pariseo. Bakit ito mas mabuti? Dahil may konsensiya at kahihiyan sila, kumikirot ang puso nila sa mga salita ng ibang tao na naglalantad. Bagama’t maaaring mahiya sila at masaktan ang kanilang dignidad, kahit papaano ay kaya nilang kilalanin na tama ang mga salitang ito. Kahit na hindi nila magawang makatakas sa kahihiyan, sa kaibuturan nila, kinilala na nila at nagpasakop na sila sa mga salitang iyon, na tinatanggap na nila ang mga iyon. Paano naiiba ang mga anticristo? Bakit natin sinasabing buktot ang mga anticristo? Ang kabuktutan ng mga anticristo ay nasa katunayan na kapag may narinig silang tama, hindi lang sa hindi nila magawang tanggapin ito, sa kabaligtaran ay kinamumuhian nila ito. Dagdag pa rito, ginagamit nila ang sarili nilang mga pamamaraan, naghahanap sila ng mga dahilan, katwiran, at ng iba’t ibang obhetibong salik para ipagtanggol at ipaliwanag ang kanilang sarili. Anong layon ang pakay nilang makamit? Pakay nilang gawing mga positibong bagay ang mga negatibong bagay at gawing mga negatibong bagay ang mga positibong bagay—gusto nilang baligtarin ang sitwasyon. Hindi ba’t buktot ito? Iniisip nila, “Gaano ka man katama, o gaano man kanaaayon sa katotohanan ang mga salita mo, kaya mo bang labanan ang husay kong magsalita? Kahit na malinaw na huwad, madaya, at nanlilihis ang lahat ng sinasabi ko, ikakaila at kokondenahin ko pa rin ang sinasabi mo.” Hindi ba’t buktot ito? Buktot nga ito. Sa tingin mo ba, kapag nakikita ng mga anticristo ang mabubuting tao ay hindi nila itinuturing ang mga ito na tapat sa puso nila? Talagang itinuturing nila ang mga ito bilang matatapat na tao at mga naghahangad sa katotohanan, pero ano ang depinisyon nila ng katapatan at paghahangad sa katotohanan? Iniisip nila na hangal ang matatapat na tao. Nasusuklam, namumuhi, at mapanlaban sila sa paghahangad sa katotohanan. Naniniwala silang huwad ito, na walang sinuman ang puwedeng maging napakahangal para talikuran ang lahat ng bagay para sa paghahangad sa katotohanan, para magsabi ng kahit ano sa kaninuman, at ipagkatiwala ang lahat ng bagay sa Diyos. Walang ganoon kahangal. Sa tingin nila, huwad ang lahat ng kilos na ito, at hindi sila naniniwala sa kahit ano sa mga ito. Naniniwala ba ang mga anticristo na makapangyarihan sa lahat at matuwid ang Diyos? (Hindi.) Kaya, kinukwestyon nila ang lahat ng ito sa isipan nila. Ano ang ipinahihiwatig nito? Paano natin ipaliliwanag ang sangkaterbang katanungang ito? Hindi lang nila pinagdududahan o kinukwestyon ito; sa huli, kinakaila rin nila ito at nilalayon nilang baligtarin ang sitwasyon. Ano ang ibig Kong sabihin sa pagbabaligtad sa sitwasyon? Iniisip nila, “Ano bang silbi ng pagiging sobrang makatarungan? Kapag isanlibong beses inulit-ulit ang isang kasinungalingan, nagiging katotohanan ito. Kung walang nagsasabi ng katotohanan, ibig sabihin, hindi ito ang katotohanan at wala itong silbi—kasinungalingan lang ito!” Hindi ba’t pagbabaliktad ito sa tama at mali? Ito ang kabuktutan ni Satanas—binabaluktot ang mga katunayan at binabaligtad ang tama at mali—ito ang gusto nila. Magaling ang mga anticristo sa pagpapanggap at panlalansi. Siyempre, likas sa kaibuturan nila kung saan sila magaling, at kung ano ang likas sa kaibuturan nila ang mismong nasa kalikasang diwa nila. Lalo pa, ito ang kinasasabikan at minamahal nila, at ito rin ang panuntunan ng kung paano sila mabubuhay sa mundo. Naniniwala sila sa mga kasabihang gaya ng “Ang mabubuting tao ay namamatay nang maaga habang ang masasamang tao ay nabubuhay hanggang sa pagtanda,” “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” “Ang tadhana ninuman ay nasa kanyang sariling kamay,” “Mapagtatagumpayan ng tao ang kalikasan,” at iba pa. Umaayon ba ang alinman sa mga pahayag na ito sa pagkatao o sa mga likas na kautusan na kayang maarok ng mga normal na tao? Wala kahit isa. Kaya paanong napakahilig ng mga anticristo sa mga maladiyablong kasabihang ito ni Satanas at tinatrato pa ito bilang kanilang mga islogan? Masasabi lang na ito ay dahil napakabuktot ng kalikasan nila.

May isang partikular na lider ng iglesia na ilang beses Kong nakaugnayan sa loob ng halos isang taon. Nagkaroon kami ng ilang pagkakataon na magkita, pero limitado ang mga naging pag-uusap namin dahil hindi siya palasalita. Ano ang ibig sabihin niyon—“hindi siya palasalita”? Ibig sabihin ay hindi siya masyadong magsasalita kahit na magtanong ka nang magtanong sa kanya. Ngayon, ganito ba siya sa mga pakikisalamuha niya sa ibang tao sa iglesia? May dalawang posibleng sitwasyon. Sa mga katulad niyang mag-isip, marami siyang nasasabi. Gayumpaman, sa mga hindi niya katulad mag-isip, naging mapagbantay siya at tipid magsalita. Kalaunan, nabuod Ko na sa pakikiugnayan Ko sa kanya, nagsabi siya ng limang “klasikong” parirala sa kabuuan. Hindi siya palasalita, kaya noong magsalita siya, naging isang “klasikong” parirala ito. Anong klaseng tao ito? Puwede ba natin siyang tawagin na isang “natatanging tao”? Normal naman para sa mga lider o manggagawa sa iglesia na makipag-ugnayan sa Akin at makipagtalakayan tungkol sa mga usapin, hindi ba? Gayumpaman, natatangi ang taong ito. Limang parirala lang ang sinabi niya, limang parirala na lubhang “klasiko.” Pakinggan ninyo kung bakit naging lubhang “klasiko” ang mga pariralang ito. May sariling konteksto at kaunting kuwento sa likod ng bawat parirala niyang ito. Simulan natin sa kung saan galing ang una niyang parirala.

Sa iglesiang pinamumunuan ng lider na ito, may isang masamang tao na gumawa na ng ilang masamang bagay at gumulo sa gawain ng iglesia. Nakita ng lahat na isa siyang masamang tao, kaya nagsimula silang pagbahaginan at pag-usapan siya. Kung patatalsikin at palalayasin siya, kailangan gumawa ng pagbibigay-alam sa iglesia tungkol sa kanya, para malaman ng lahat kung anong masasamang bagay ang ginawa niya at kung bakit siya ikinaklasipika bilang isang masamang tao at pinapalayas. Habang inilalantad ang ilang masamang bagay na ginawa ng masamang taong iyon, ang lider na ito, na karaniwang hindi masyadong nagsasalita, ay nagsalita at nagsabi, “Mabuti ang intensiyon niya.” Paano niya tiningnan ang masamang taong iyon na gumagawa ng masasamang bagay na iyon at gumugulo sa gawain ng iglesia? “Mabuti ang intensiyon ng taong ito.” Naniwala siyang naaayon sa katotohanan ang masasamang bagay na ginagawa ng isang masamang tao, basta’t mabuti ang intensiyon ng taong iyon. Para sa kanya, anuman ang kalikasan ng mga kilos nito, mabuti man o masama, o anuman ang kahihinatnan ng mga kilos nito, hangga’t mabuti ang intensiyon nito, naaayon sa katotohanan maski pa ang mga panggagambala at panggugulong dinudulot nito. “Mabuti ang intensiyon niya.” Iyon ang unang pariralang sinabi ng lider na ito. Nakarinig na ba kayo ng gayong pananalita? Malinaw na gumagawa ng masama ang isang masamang tao, pero sinasabi ng isang tao na nagkikimkim ng mabubuting layunin ang taong iyon habang ginagawa ang masasamang bagay na iyon. May pagkilatis ba ang lahat sa pariralang ito? Naniniwala Ako na maaaring mailigaw ng pariralang ito ang ilang tao dahil iniisip ng karamihan ng tao na basta’t mabuti ang intensiyon ng isang tao, hindi siya dapat pangasiwaan, at na kung gumagawa ng masama ang isang tao pero mabubuti ang layunin niya, hindi nito sinasadyang gumawa ng masama. Kaya, pagkatapos maudyukan at mailigaw ng lider na ito, posibleng kumampi sa lider na ito ang ilang tao, at magsimulang makisimpatya sa masamang tao. Kung wala ang lider na ito na naglilihis sa kanila, naunawaan sana nang tama ng karamihan ng tao ang usaping ito at naisip na dapat patalsikin at palayasin ang masamang taong iyon dahil sa paggawa ng masama. Gayumpaman, pagkatapos maudyukan at mailigaw ng lider na ito, naisip ng ilang tao, “Mabuti ang intensiyon niya, may katwiran iyon. Minsan ganoon din tayo. Kaya, kung gumagawa tayo ng masama pero may mabubuting layunin, paaalisin at palalayasin din ba tayo?” Dahil dito, kumampi sila sa lider na ito. Bakit? Iniisip nila ang mga sarili nilang kinabukasan. Hindi ba’t madaling tanggapin ng mga tao ang pariralang sinabi ng lider na ito? Ano ang mga kinahinatnan ng pagtanggap nila rito? Nagkaroon sila ng mga pagdududa sa Diyos, sa Kanyang matuwid na disposisyon at sa Kanyang mga prinsipyo sa paggawa ng mga bagay-bagay. Nagkaroon sila ng mga pagdududa sa mga prinsipyong mayroon ang sambahayan ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay, kinuwestyon nila ang mga ito, at pagkatapos ay kinondena ang mga ito. Nagkimkim sila sa puso nila ng mga pagdududang ito. Sa realidad, hindi pinalalayas ang masamang taong ito dahil may nagawa siyang isang masamang bagay. Sa sambahayan ng Diyos, walang pinalalayas dahil lang nakagawa siya ng paminsan-minsang pagkakamali, gumagawa man siya ng mano-manong trabaho, ng isang espesyal na tungkulin, o ng isang tungkuling kinasasangkutan ng mga teknikal na kasanayan. Sumasailalim silang lahat sa sama-samang pagkaklasipika ng mga lider ng iglesia at ng mga kapatid sa kanilang palagiang pag-uugali, at saka sila pinapangasiwaan. Halimbawa, kung palaging tinatamad ang isang tao kung kailan siya dapat gumagawa at nagdadahilan siya para makaiwas sa gawain, angkop bang palayasin siya batay sa pag-uugaling ito? (Oo.) Tama, angkop ito. Halimbawa, kung nakatalaga kang maglinis, at madalas kang kumakain ng buto ng hirasol, umiinom ng tsaa, nagbabasa ng dyaryo, at basta inihahagis lang ang mga balat ng buto ng hirasol kung saan-saan, hindi ba’t pinababayaan mo ang mga tungkulin mo? Bukod sa hindi ka naglilinis, nagkakalat ka rin, na ang ibig sabihin ay pinapabayaan mo ang mga tungkulin mo. Kung hindi ka mahusay sa gawain mo, lubusang naaayon sa mga prinsipyo na palayasin ka, at hindi ka dapat makipagtalo tungkol dito. Gayumpaman, sinabi ng lider na ito ng iglesia na mabuti ang intensiyon ng taong iyon, na nagligaw sa mga tao. Pagkatapos udyukan at iligaw nang ganito ng lider na ito ang mga tao, sumunod ang ilan sa ginawa niya, at nagkasundo sila. Pero saan nila inilagay ang Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo nang kumilos sila sa ganitong paraan? Naging tulad sila ng isang pamilya, na nag-uusap-usap tungkol sa “ating iglesia” at sa “ating sambahayan ng Diyos.” Paano binibigyang kahulugan ang “iglesia” at ang “sambahayan ng Diyos”? Puwede bang magkaroon ng sambahayan ng Diyos kung saan walang Diyos? (Hindi.) Kung walang Diyos sa isang lugar, puwede bang umiral o maitatag ang isang iglesia roon? (Hindi puwede.) Kaya, ano ang ibig sabihin nang sinabi nilang “ating”? Ibig sabihin nito ay humiwalay na sila sa Diyos. Ang iglesia ay naging iglesia na ng lider na ito na magulo ang isip, siya ang naging panginoon ng iglesia, samantalang bumuo na ng isang pangkat kasama niya ang mga diumano’y kapatid na iyon at ang mga taong naguguluhan at umakto ang mga ito na parang mga kamag-anak niya. Inilayo nila ang mga sarili nila sa Diyos, kaya nasa labas na ng “sambahayan ng Diyos” ang naging papel ng Diyos. Ang mga ito ang mga kinahinatnan na nabuo nang sinabi ng lider na ito ang unang parirala sa mga sitwasyong ito. Talagang sinang-ayunan siya ng lahat, iniisip nila, “Patas ang lider ng aming iglesia, mapagsaalang-alang siya sa amin, pinatatawad niya ang mga kahinaan namin, at ipinagtatanggol pa niya kami. Kapag nagkakamali kami, palagi kaming inilalantad at pinupungusan ng Diyos. Pero palagi kaming pinoprotektahan ng lider namin, katulad ng pagprotekta ng isang inahing manok sa kanyang mga sisiw. Basta’t naririyan siya, hindi kami maaagrabyado.” Nagpapasalamat ang lahat sa kanya. Ito ang mga kinahinatnan ng unang sinabing parirala ng lider na ito.

Magpatuloy tayo sa ikalawang pariralang sinabi ng lider na ito. May ilang gawain sa labas ng iglesia na hindi magampanan ng karamihan ng tao o masyado silang abala sa kanilang mga inaasikasong tungkulin. May ilang mananampalataya sa pangalan lang na mahusay sa pag-aasikaso ng mga panlabas na usapin, kaya naglaan ng kaunting pera ang sambahayan ng Diyos para kumuha ng ganitong tao para asikasuhin ang mga gampaning ito, at minsan ay gumagastos pa nang kaunti ang sambahayan ng Diyos para maasikaso ng taong ito ang ilan pang gampanin para sa sambahayan ng Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, labag ba sa mga prinsipyo na gumastos ang sambahayan ng Diyos ng karagdagang 200 RMB para asikasuhin ang mga ganitong bagay? Ito lang ang paraan para pangasiwaan ang mga bagay na iyon, at nagbunga ito ng magagandang resulta, kaya ganoon pinangasiwaan ang mga iyon. Dahil sa pagbibigay sa taong iyon ng dagdag na 200 RMB, naging magaan para sa sambahayan ng Diyos na pangasiwaan ang mga bagay na ito, at maraming isyu ang nalutas. Sulit bang gumastos ng dagdag na 200 RMB? (Sulit ito.) Talagang sulit ito. Angkop na gawin nang ganito ang mga bagay. Kung ibinigay ng sambahayan ng Diyos ang 200 RMB na iyon sa isang taong hindi kayang pangasiwaan ang mga gampaning iyon, masasayang lang ito. Ang pagbibigay ng 200 RMB sa kanya ay nangangahulugang magagawa nang maayos ang mga gampaning iyon—kung gayon, naaayon ba sa mga prinsipyo na pangasiwaan ng sambahayan ng Diyos ang bagay-bagay sa ganitong paraan? (Naaayon ito sa mga prinsipyo.) Kung gayon, naaayon ba sa mga prinsipyo na hindi ito talakayin o sabihin sa mga kapatid? (Naaayon ito sa mga prinsipyo.) May karapatan ba ang Itaas na pangasiwaan ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? (Mayroon.) Mayroon, sigurado iyon. Pero sinabi ng lider ng iglesia na ito, “Sinabi ng mga kapatid na binigyan pa uli ng 200 RMB ang taong iyon…. Tinatanong ko lang ang tungkol sa usaping ito para sa mga kapatid. Hindi nila nauunawaan ang prinsipyong ito, at gusto naming alamin kung paano pagbahaginan ang aspektong ito ng katotohanan.” Kalahating mga pangungusap lang ang sinabi niya. Ito ang pangalawang parirala niya. Halata naman na tanong ang pariralang ito, ibig sabihin, “Sinasabi mong naaayon sa mga prinsipyo ang lahat ng ginagawa mo, pero ang bagay na ito ay hindi, at may mga opinyon at kuru-kuro ang ilang kapatid tungkol dito, kaya kailangan kitang tanungin tungkol dito para sa kanila. Paano mo ipapaliwanag ang usaping ito? Magpaliwanag ka sa akin.” Hindi ba’t katanungan iyon? Ngayon, sige, suriin ninyo kung ilang mensahe ang laman nito—ano ang pananaw ninyo kapag narinig ninyo ang ganitong bagay? Paano ninyo nakikita ang taong ito batay sa usaping ito? (O Diyos, may tono ng pagtatanong sa parirala niyang ito. Kinukwestiyon niya ang Diyos. Sa katunayan, may sarili siyang mga kuru-kuro sa usaping ito. Hindi niya ipinahayag ang mga totoo niyang iniisip, sa halip, sinabi niyang ang mga kapatid ang hindi makatanggap sa desisyon ng Itaas, na may mga opinyon sila tungkol dito. Bilang isang lider ng iglesia, noong may mga kuru-kuro ang mga kapatid, nakipagbahaginan sana siya sa kanila tungkol sa katotohanan para malutas ang isyung ito, pero bukod sa hindi niya ito nilutas, kinuwestiyon pa niya ang Diyos gamit ang mga kuru-kurong ito. May isang mapanlinlang at buktot na disposisyon sa kanya.) Dalawang punto ang nabanggit: Ang isa ay na kinukwestyon niya ang Itaas, at ang isa pa ay ang katunayang may mga kuru-kuro na siya sa loob niya, pero sinabi niya, “Hindi nauunawaan ng mga kapatid ang mga prinsipyo, at gusto nilang hanapin ang mga iyon.” May problema ba sa pariralang ito? Ganoon ba kahalaga sa kanya ang mga kapatid? Dahil itinuturing niyang napakahalaga ang buhay pagpasok ng mga kapatid, noong magkaroon sila ng gayon katinding mga kuru-kuro, bakit hindi niya nilutas ang mga iyon? Hindi ba’t nagiging pabaya siya sa kanyang mga tungkulin? Nagiging pabaya siya. Hindi niya nilutas ang isyu, at hindi pa nga siya nahiyang dalhin ang mga kuru-kuro ng mga kapatid para tanungin ang Itaas. Kaya, ano ang silbi niya? Anong nagbigay-kakayahan sa kanyang magtanong? Hindi ba’t may mga kuru-kuro din siya? Hindi ba’t may mga iniisip din siya tungkol sa desisyon ng Itaas? Hindi ba’t pakiramdam din niya ay hindi angkop na pinangasiwaan ang usaping ito? Hindi ibinigay ang 200 RMB sa kanya, kaya pakiramdam niya ay nawala sa kanya ang pagkakataon, hindi ba? Inisip niya, “Ako dapat ang tumanggap ng dagdag na 200 RMB, nararapat ito sa amin. Hindi mananampalataya ang lalaking iyon, hindi siya ang dapat nakakuha niyon. Tunay kaming nananampalataya sa diyos at mga tao kami ng sambahayan ng diyos, samantalang siya ay hindi.” Hindi ba’t iyon ang ibig niyang sabihin? (Oo.) Iyon mismo ang ibig niyang sabihin. At hindi niya ito diretsahang sinabi; nautal siya sa pagsasabi nito. Pagkatapos ninyo itong marinig, nauunawaan ba ninyo ito o hindi? Ano ang pananaw ninyo sa usaping ito ng paggasta ng pera? Kayang maunawaan ng karamihan ng tao ang maliit na usaping ito. Kung isasaalang-alang ang malaking gawain ng sambahayan ng Diyos, talagang kailangan bang pansinin ng lider na iyon ang ginastos na dagdag na 200 RMB? Bukod dito, hindi naman ito galing sa bulsa niya, kaya bakit labis siyang nababagabag dito? Naiinggit lang ba siya nang makita niyang nagiging mabuting tao ang iba? Hindi ba’t iyon ang ibig niyang sabihin? Nauunawaan ba ninyo ang kapapaliwanag Ko lang sa inyo? Mayroon ba sa inyong hindi sumasang-ayon, at nagsasabi, “Hindi! Ang paggasta ng dagdag na 200 RMB nang hindi namin nalalaman—kahindik-hindik na wala kaming karapatang malaman ito. Hindi ba’t paglulustay ito sa mga handog sa sambahayan ng Diyos?” Ano ang konsepto ng sambahayan ng Diyos? Ano ang konsepto ng mga handog? Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, hindi pagmamay-ari ng lahat ng tao ang mga handog, hindi pagmamay-ari ng mga kapatid ang mga ito; kung may mga kapatid lang at walang Diyos, hindi ito matatawag na sambahayan ng Diyos. Kapag nagpapakita at gumagawa ang Diyos, kapag tinatawag Niya sa harap Niya ang mga tao at nagtatatag Siya ng iglesia—iyon ang sambahayan ng Diyos. Kapag naghahandog ng ikapu ang mga kapatid, hindi ito inihahandog sa sambahayan ng Diyos, ni sa iglesia, at siguradong hindi ito inihahandog sa sinumang indibidwal. Sa Diyos nila inihahandog ang ikapung ito. Sa madaling salita, sa Diyos ibinibigay ang perang ito; pribado Niyang pag-aari ito. Ano ang ipinahihiwatig ng pribado Niyang pag-aari ito? Na puwede itong ilaan ng Diyos sa paraang gusto Niya, at na hindi kalipikado ang lider na makisangkot dito. Hayaan mong sabihin Ko sa iyo, medyo kalabisan na at hindi kinakailangan ang mga pagtatanong at ang kagustuhang hanapin ang katotohanan dahil sa usaping ito; pagiging peke at mapagpanggap niya iyon! Napakaraming mahalagang usapin na hindi pa hinahanapan ng katotohanan ng lider na ito, pero pinili niya itong hanapin sa usaping ito. Bakit hindi niya pinangasiwaan ang masamang taong iyon? Bakit hindi siya naghanap, na nagsasabi, “Nagpakita ang taong ito ng ilang pagpapamalas ng paggawa ng masama; nasusuklam sa kanya ang lahat ng kapatid. Hindi ba’t dapat ko itong pangasiwaan?” Hindi nagtanong ang lider tungkol doon; ganap siyang bulag sa masamang taong ito. Hindi ba’t problema iyon? Ano ang unang pariralang sinabi ng lider na ito? (Mabuti ang intensiyon niya.) “Mabuti ang intensiyon niya.” Tingnan ninyo kung gaano “kabuti” ang taong ito; napakamapagpaimbabaw! Buktot siya, pero puno ng kabutihan at moralidad ang mga salita niya; napakatamis ng mga salita niya, pero may mga patalim sa puso niya, at hindi siya kumikilos gaya ng isang tao. Ano ang pangalawa niyang parirala? “Nagbigay ang sambahayan ng diyos ng dagdag na 200 RMB sa isang tao para tapusin ang isang gampanin. Gusto kong malaman, para sa mga kapatid, kung paano namin dapat maunawaan at maarok ang prinsipyo sa usaping ito.” Ibinigay Ko ito bilang isang kumpletong pahayag; siyempre, hindi niya sinabi ito nang ganoon. Nagsalita siya nang may pag-aalinlangan, kaya naging mahirap na maunawaan kung ano ang ibig niyang sabihin. Ganoon lang talaga siya magsalita. Ito ang pangalawang pariralang sinabi ng lider na iyon.

Ngayon makinig kayo sa pangatlong pariralang sinabi ng lider na iyon. Tulung-tulong na gumagawa ang lahat, naghuhukay. Itinalaga ang bawat tao na magpuno ng isang basket ng lupa. May isang taong mabilis gumawa at unang natapos, pagkatapos ay naupo at uminom ng kaunting tubig at nagpahinga, hinihintay niya ang iba. Pagkatapos, may hindi magandang nangyari. Ano ang hindi magandang nangyari? Lumitaw ang ikatlong problema. Muling lumapit ang lider na ito para tanungin ang Itaas, sinabi niya, “May isang tao rito na mabilis gumawa at mabilis kumilos, pero may mali sa kanya. Pagkatapos niyang gumawa, umuupo lang siya at hindi tumutulong sa iba, kaya nagsisimulang bumuo ng mga opinyon ang iba tungkol sa kanya.” Nagtanong ang kapatid sa Itaas, “Karaniwan ba siyang tamad kapag gumagawa?” Sumagot ang lider na ito, “Hindi naman. Mabilis lang siyang gumawa, at pagkatapos gumawa, umuupo lang siya habang naghihintay, at hindi siya tumutulong sa iba, kaya may mga opinyon ang mga kapatid tungkol sa kanya, sinasabi nilang wala siyang awa.” Nang binanggit ito ng mga kapatid, nabagabag dito ang lider na ito. Inisip niya, “Hay naku, tingnan ninyo kung gaano kasama ang taong iyon! Pagod na sa paggawa ang mga kapatid ko, mabagal silang gumawa, at walang tumutulong sa kanila.” Masama ang loob ng buong grupo, kaya masama rin ang loob niya. “Napakamaawain” naman niya! Dinala niya ang “pasaning” ito para iulat sa Itaas. Ang unang tinanong niya ay, “Puwede bang parusahan ang ganitong tao?” Sabihin ninyo sa Akin, sa tingin ninyo, puwede bang parusahan ang ganitong tao? (Hindi.) Kung gayon, ano ang reaksiyon ninyo pagkarinig dito? Halu-halo ba ang nararamdaman ninyo tungkol dito? Masama ba ang loob ninyo? (Oo.) Palaging ibinabahagi ng sambahayan ng Diyos na dapat maunawaan ng mga tao ang katotohanan at tratuhin nang patas ang iba, pero hindi niya magawa maski ang maliit na bagay na ito. Naniwala siyang magiging patas na parusahan ang taong iyon. Hindi ba’t buktot ito? (Oo, buktot ito.) Inisip niya, “Nagdurusa ang mga kapatid ko, at iniulat nila sa akin na walang awa ang taong ito. Bilang isang lider, paano ko makukuha ang loob ng mga taong ito, paano ko sila mapapasaya, mapoprotektahan, mapipigilang maagrabyado o makaramdam na napabayaan sila?” Ang una niyang tugon ay ang parusahan ang taong iyon, inaakala niya na sa pagpaparusa rito, huhupa ang galit ng lahat, at magiging patas at pantay ang lahat ng bagay. Hindi ba’t gusto niyang gawin ito? (Oo.) Inisip niya, “Kumakain tayong lahat ng parehong pagkain, nakatira sa parehong lugar, at pareho ang pagtrato sa ating lahat. Anong karapatan mong gumawa nang napakabilis? Kung mabilis kang gumawa, bakit hindi mo tulungan ang iba?” Sabihin ninyo sa Akin, ano ang nararamdaman ng mga tao pagkarinig dito? “Kasalanan ang gumawa nang mabilis. Para bang hindi tayo dapat gumawa nang mabilis kailanman—wala itong magandang idudulot sa atin sa ilalim ng lider na ito. Hindi mabuti ang gumawa nang mabilis, ni ang pagiging maagap. Makatwirang maging mabagal!” Tinanong ng Itaas ang lider, “Paano naman ang mga gumagawa nang mabagal? Ginagantimpalaan mo ba sila?” Hindi nakapagsalita ang lider, pero hindi magulo ang isip niya. Sinabi niya, “Hindi, hindi ko sila puwedeng gantimpalaan. Gayumpaman, dapat parusahan ang lalaking iyon na gumagawa nang mabilis. Sinasabi ng lahat ng kapatid na kailangan niyang maparusahan.” Iyon ang pariralang binigkas niya. Sabihin ninyo sa Akin, talaga bang kumakatawan sa mga kapatid ang pariralang ito, o kumakatawan ba ito sa mismong lider? (Kumakatawan ito sa mismong lider.) Isantabi natin ang mga kapatid—maraming klase ng mga taong magulo ang isip sa kanila: ang mga hindi nagmamahal sa katotohanan, ang mga nagsasalita sa balikong paraan, ang mga makasarili at naghahanap ng pakinabang para sa kanilang sarili, ang mga nag-uudyok ng mga pagtatalo, ang mga nagsasalita nang walang mga prinsipyo, at ang mga kumikilos nang walang moral na batayan. Anong klaseng tao ang hindi makikita sa kanila? Kaya, ano ang responsabilidad niya bilang isang lider ng iglesia? Responsabilidad ba niyang magsalita para sa mga maimpluwensiyang kapatid, na ipagtanggol ang mga buktot na kalakaran at masasamang pagsasagawang ito? (Hindi.) Kung gayon ano ang responsabilidad niya? Nang matuklasan niya ang mga isyu ng pagkabaluktot at paglihis sa mga kapatid, responsabilidad niyang lutasin ang mga isyung ito gamit ang katotohanan, para maunawaan ng mga taong iyon kung nasaan ang mga problema, at ang mga isyu sa mga kalagayan nila, para makilala nila ang sarili nila at maunawaan ang katotohanan, at dalhin sila sa harap ng Diyos. Hindi ba’t ito ang responsabilidad ng isang lider ng iglesia? (Oo.) Tinupad niya ba ito? Bukod sa nabigo siyang tuparin ito, pinamayani pa niya ang mga buktot na kalakaran at masasamang pagsasagawang iyon, pinoprotektahan, inuudyukan, at pinahihintulutan ang pagdami at paglaganap ng mga ito sa iglesia. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Sabihin ninyo sa Akin, pagkatapos pungusan at ilantad ng Itaas ang isang tao na may ganitong buktot na disposisyon, magiging tutol ba siya sa puso niya? (Oo.) Siguradong magiging tutol siya. Tatratuhin ba niya nang patas ang mga tao ayon sa mga prinsipyong ibinigay ng Itaas sa kanya? Hinding-hindi. Makikita mo sa mga salitang sinabi niya na ganap siyang mapanlinlang. Kalaunan, naisip Ko: “Kung parurusahan ang mga mabilis gumawa, sino ang mangangahas na gumawa nang mabilis? Magiging kasimbagal ng pagong ang lahat, hindi makaahon sa pampang ng ilog kahit na magkakampay ito sa loob ng tatlong araw.” Hindi ba’t magiging ganoon ang mga bagay-bagay? Bukod sa kawalan niya ng abilidad na tratuhin nang patas ang mga tao, ang pinakamapanganib at matinding aspekto ng lider na ito, at ang pinakamagliligaw sa mga tao, ay na anumang masasamang bagay ang ginawa ng mga kapatid o anumang mali at katawa-tawang pananaw ang ipalaganap nila, bukod sa nabigo siyang kilatisin at iwasto sila, binigyang layaw pa niya sila, kinanlong sila, at sinubukan pang mapalugod sila. Hindi ba’t isa siyang mapanganib na indibidwal? (Oo.) Napakamapanganib niya! Ito ang pangatlong pariralang sinabi ng lider na iyon.

Magpatuloy tayo sa ikaapat na parirala. Madalas Kong dinadalaw ang iglesia kung saan namamahala ang lider na iyon, at nag-aalaga siya ng ilang manok doon. Tuwing dumadalaw Ako, nagkakatay siya ng manok. Sa isang araw, maglalaga siya ng manok; sa susunod na araw, mag-aadobo siya ng manok; sa makalawa, mag-iinasal naman siya ng manok. Naisip Ko na kung araw-araw Akong pupunta roon, mauubos na ang lahat ng manok doon sa loob lang ng ilang araw. Bakit ganoon? Kapag naluto na ang isang manok, minsan kumukuha Ako ng isang piraso, at minsan naman ay ayaw Kong kumain nito, pero kinakain pa rin ito ng mga tao, at nauubos pa rin ang isang buong manok sa bawat pagkakataon. Kalaunan, isinaalang-alang Ko ito: Kung nauubos ang isang buong manok sa tuwing dumadalaw Ako, gaano man karami ang manok nila, hindi magtatagal ang mga ito kapag kinakain ang mga iyon nang ganoon. Kaya, sinabi Ko sa lider na hindi na siya puwedeng magkatay ng manok. Hindi ba’t ito ang tamang gawin? (Oo.) Ngayon, talagang pinroblema niya ito. Nagtanong siya, “Kung hindi kami makakapagkatay ng manok, kung gayon …” Hindi mo aakalain ang sunod niyang tinanong. Ano ang sinabi niya sa huli? “Kung gayon, ano ang gusto mong kainin?” Sinabi Ko, “Hindi ba’t may iba pang makakain bukod sa mga manok? Hindi ba’t puno ng mga gulay ang hardin? Ayos lang sa Akin na kumain ng kahit ano sa mga iyon.” Ang ibig niyang sabihin ay kung hindi siya puwedeng magkatay ng mga manok, kailangan Ko pa ring kumain ng kaunting karne. “Mapagsaalang-alang” siya, hindi ba? Sinabi Ko, “Anong karne! Kung may mga gulay ka, hindi na Ako kakain ng karne. Kung hindi Ko sinasabing magkatay ka ng mga manok, huwag mong kakatayin ang mga iyon!” Madali lang dapat itong maunawaan, hindi ba? (Oo.) Pero sa kaso niya, naging problema ito. Hindi siya naging komportable na hindi na siya makakapagkatay ng mga manok; nagsimula na siyang kumilos nang labis na kakatwa, na parang isang taong nasasapian. Dahil hindi siya makakain ng manok noong pagkakataong iyon, nang sumunod na dumalaw Ako, nagtanong pa uli siya, na magdadala naman sa atin sa ikalimang parirala. Pakinggan ninyo kung paano mas lalong nagiging katawa-tawa ang mga tanong niya. Ano ang tanong? Sinabi niya, “Dahil hindi kami puwedeng magkatay ng manok, at nag-aalaga rin naman tayo ng mga kuneho—iyon na lang ba ang kakainin mo?” Talagang nagalit Ako dahil doon. Sinabi Ko, “Nakakatuwa ang maliliit na kunehong inaalagaan natin, maliliwanag na pula ang mga mata ng mga ito at purong puti ang balahibo ng mga ito. Masayang naglalaro ang mga ito. Bakit ba palagi mong iniisip ang pagkain ng karne? Hindi mo ba kaya kapag walang karne?” Hindi Ko naunawaan. Hindi nauubusan ng karne ang kusina nila; hindi maubos-ubos ang mga hita ng manok at karne ng baboy. Hindi naman parang wala na siyang makakaing karne, kaya bakit tanong siya nang tanong tungkol sa pagkatay sa mga kuneho at pagkain sa karne ng mga ito? Isinagot Ko na lang ang mga salitang ito: “Hindi mo sila puwedeng katayin! Para saan ba ang lahat ng pagkatay na ito?” Nang makita niya Akong tumugon nang ganito, natakot siyang mapungusan at hindi na nangahas na magtanong pa. Anong mga pagkain ang inihanda niya pagkatapos niyon? Kapag buwan ng Hunyo at Hulyo, sari-sari ang nasa hardin; sagana ang madadahon at namumungang gulay. Isang araw, naghanda ang lider na iyon ng napakaraming lutong pagkain. Ano ang inihanda niya? Ginisang toge, sinabawang toge, nilagang tokwa na may isda, ginisang gisantes at itlog, ginisang taingang-daga—wala ni isang dahong gulay sa mesa. Tiningnan Ko ang lahat ng walang kabuhay-buhay na pagkaing iyon. Maganda ang panahon para sa mga sariwang pagkain, pero ganap na wala sa panahon ang mga pagkaing inihanda niya. Inisip Ko, hindi ba’t buktot ang taong ito? May iba’t ibang klase ng gulay sa hardin; bakit hindi siya naghanda ng gulay? Sa huli, sinabi Kong dapat siyang palayasin agad. Kung ang gaya niya ang namamahala sa pagluluto, hindi kailanman makakakain ang mga tao ng mga pagkaing napapanahon. Sa halip, palagi silang kakain ng mga pagkaing wala sa panahon. Normal ba iyon? Siguradong hindi ito normal!

Sa pamamagitan ng mga tanong ng lider na ito at ng paraan ng pagluluto niya, napagmasdan Ko na una, mababa ang karakter niya; ikalawa, mayroon siyang isang buktot at mapaminsalang disposisyon; at ikatlo, hindi niya hinangad ang katotohanan. Gayumpaman, may isang hindi inaasahang bagay; matatawag mo pa nga itong kakatwa. Dati, tuwing may halalan sa iglesiang ito, siya ang nakakatanggap ng pinakamaraming boto, at kahit sa mga muling halalan, siya pa rin ang nakakatanggap ng pinakamaraming boto. Ano ang nangyayari? Bakit paulit-ulit na nakakatanggap ang gayong tao ng pinakamaraming bilang ng boto? Hindi ba’t may mga dahilan dito sa parehong panig? (Mayroon.) May mga dahilan para dito sa parehong panig. Ano ang mga pangunahing dahilan? Sa isang banda, hindi hinahangad o nauunawaan ng karamihan ng kapatid ang katotohanan, at wala silang pagkilatis sa mga tao. Sa kabilang banda, sobrang galing ng lider ng iglesia na ito sa panlilihis sa mga tao. Hindi ninyo alam kung sino ang taong ito, hindi pa ninyo nakita ang ginawa niya, at hindi ninyo alam kung anong klaseng tao siya kapag walang nakakakita. Pero batay pa lang sa mga bagay na sinabi Ko, kasama na ang limang pariralang sinabi niya, sa tingin ninyo, anong klaseng tao siya? Angkop ba siyang maging isang lider ng iglesia? (Hindi.) Kung gayon, bakit siya palaging inihahalal ng mga kapatid na iyon? Dahil may mga estratehiya siya at inililigaw niya ang mga taong ito. Talagang hindi siya kasingtaos-puso at kapraktikal gaya ng ipinapakita niya sa panlabas; tiyak na may mga estratehiya siya. Kalaunan, sinabi Kong walang mga tao sa iglesiang iyon na angkop na umakto bilang isang lider at dapat na may ibang italagang tao para maglingkod sa posisyong ito. Pero hindi naunawaan ng ilang tao; sa tingin nila, hindi hinirang ng mga kapatid ang lider na ito. Paano dapat tukuyin ang “mga kapatid”? Kumakatawan ba sa katotohanan ang mga kapatid? Ganito ba sila tinutukoy? (Hindi.) Kapag nagsama-samang gumawa ng kahilingan, regulasyon, o ng isang opinyon at isang argumento ang mga kapatid, naaayon na ba agad sa katotohanan ang mga ito? Dapat bang isaalang-alang ng Diyos ang mga isyu nila at unahin muna sila? Magagawa ba ito ng Diyos? (Hindi.) Kung gayon, paano sila dapat tratuhin? Paano dapat tukuyin ang mga kapatid na ito? Handa ang karamihan sa kanila na gawin ang kanilang mga tungkulin, magtrabaho, at gumawa, pero hindi nila hinahangad ang katotohanan. Wala silang abilidad at kakayahang maarok ang katotohanan, sila ay hangal, manhid, at mapurol ang utak nila, hindi nila makilatis ang mga tao o ang mga usapin, at makasarili sila at iniisip lang ang pakinabang sa sarili nila. Bagama’t nagtataglay sila ng ilang mabuting layunin at handa silang talikuran ang mga bagay, gugulin ang sarili nila, at magpakapagod para sa Diyos, ano ang mapanganib nilang kahinaan? Hindi nila nauunawaan ang katotohanan o tinatanggap ito. Sumusunod sila sa “Sinuman ang nagpapakain sa akin ay aking ina, at sinuman ang nagbibigay sa akin ng pera ay aking ama.” Sinumang mabuti sa kanila o kapaki-pakinabang sa kanila, sinumang nagsasalita para sa kanila at nagpoprotekta sa kanila, iyon ang taong pinipili nila. Kung hahayaan ang gayong mga tao na pumili ng sariling lider nila, makakapaghalal ba sila ng isang mabuting lider? Hindi. Magagawa ba nilang makausad sa kanilang buhay pagpasok? Kung hahayaan sila ng Itaas na maging napakasutil, at hahayaang patuloy na kumilos nang walang ingat, hindi ba’t magiging iresponsable iyon? (Oo.) Magulo ang isip nila, pero hindi magulo ang isip ng Itaas, kaya ang lider na hinirang ng mga taong ito ay inalis at pinalitan ng ibang tao. Kahit na ayaw ng mga taong ito na tanggapin ang bagong lider, basta’t kayang gawin ng taong iyon ang ilang tunay na gawain, mas mainam na siya kaysa sa huwad na lider na iyon na iniligaw ang mga tao. Kahit na hindi nauunawaan ng mga kapatid ang pagsasaayos ng Itaas, balang araw ay maaarok nila ang ilang katotohanan at mauunawaan nila nang kaunti ang mga bagay, at pagkatapos ay malalaman nila kung sino ang mabuti at sino ang masama. Sa pagkilos nang ganito, ganap silang pinananagutan ng Itaas. Angkop ba ang paggawa nito? (Angkop ito.) Kahit na hindi nila nauunawaan, hindi sila puwedeng hayaan na gawin na lang ang gusto nila sa paghahalal ng kung sino ang gusto nila. Gusto ba nilang maghimagsik? Kung gusto nilang gumawa ng masama, maging mga kasabwat ni Satanas, ganap silang mawawasak. Kaya, nagpasya na ang Itaas para sa kanila at pumili ng ibang lider. Pero hindi nila ito tinanggap; iginiit nilang angkop ang taong pinili nila. Hindi ba’t pagiging buktot ito? Bakit palagi nilang iniisip na mabuti siya? Ano ang napakabuti sa kanya? Bakit napakadeterminado nilang panatilihin siya? May problema roon: Nailigaw at napinsala na sila ng huwad na lider na ito nang hindi nila namamalayan. Talagang mga hangal sila. Tapos na Ako sa pagtatalakay sa usaping ito. Itinuturing natin ang mga taong gaya ng huwad na lider na ito bilang isang tipikal na halimbawa para maghimay at magsuri sa loob ng paksang ito—wasto ang paggawa nito. Kung tutuusin, tipikal ang mismong kabuktutan sa disposisyon nila.

Pagdating sa pagbabahaginan natin sa kabuktutan sa loob ng ikapitong pagpapamalas ng mga anticristo, sa pamamagitan ng pagsasama-sama sa mga partikular na halimbawang ito, at pagsusuri at paghahambing sa mga ito, naging mas malinaw na ba ang paksang ito sa inyo? Hindi sigurado kung magagawa ba ng taong ito, na katatalakay Ko lang sa inyo, na hangarin ang katotohanan sa hinaharap, hindi ito malinaw, at hindi tayo bubuo ng anumang kongklusyon sa ngayon. Gayumpaman, isang bagay ang sigurado: Pawang buktot ang kanyang disposisyon, diwa, at kalikasan. Kaya, ano ang minahal niya? Minahal niya ba ang pagiging patas at matuwid? Minahal niya ba ang iba’t ibang katotohanang sinabi ng Diyos? Minahal niya ba ang pagiging isang matapat na tao, ang pagtrato nang patas sa iba, ang pagkilos nang may mga prinsipyo, at paghahanap sa katotohanan? Minahal niya ba ang mga bagay na ito? Hindi niya minahal ang anuman sa mga ito—isandaang porsiyento ang katiyakan nito. Sa pamamagitan ng ilang pariralang ito na sinabi niya at sa ilang katanungang tinanong niya, nalantad ang mga bagay na minahal niya sa kailaliman ng kanyang puso at sa kanyang kaibuturan. Walang kahit isang bagay sa mga ito ang alinsunod sa mga positibong bagay. Sino ang mga taong gusto niya at handa siyang protektahan? Pinrotektahan niya ang mga gumawa ng masama, ang mga gumulo sa gawain ng iglesia, ang mga ganap na walang pagkamatapat at gumawa ng maraming masamang gawa sa pagganap sa kanilang mga tungkulin. Hindi niya tiningnan ang gayong mga tao nang may galit o pagkamuhi; nagsalita pa nga siya para sa kanila at ipinagtanggol sila. Ano ang ipinahihiwatig nito? Na magkauri sila: Pareho ang kanilang mga interes at diwa. Likas silang nagkakasundo, at pareho silang bulok. Nang patuloy na nagkikimkim ng mga kuru-kuro at maling pag-unawa ang mga kapatid tungkol sa mga salita at kilos ng Diyos, ano ang naramdaman ng lider na ito? Nagdala ba siya ng pasanin pagdating sa paglutas sa mga isyung ito? (Hindi.) Hindi siya nagdala ng pasaning ito; hindi niya tinugunan ang mga isyung ito o binigyang-pansin ang mga ito—nagpikit-mata siya sa mga ito. Kapag may nagpahiya sa pangalan ng Diyos, o ginambala at ginulo ang gawain ng sambahayan ng Diyos, kapag may taong walang pagkamatapat at pabaya sa paggawa ng kanyang tungkulin, o pininsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at nagdala ng kaguluhan at pagkawasak habang ginagawa ang kanyang tungkulin, o nagpapahayag ng pagkanegatibo at nagkakalat ng mga kuru-kuro, kaya ba niyang matukoy ang mga ito bilang mga problema? Hindi niya matukoy ang mga ito bilang mga problema; inisip niya, “Normal na umiral ang mga isyung ito; sino ba ang walang pagbubunyag ng katiwalian?” Ano ang ipinahihiwatig niya? Ipinahihiwatig niya na dapat kumilos nang ganito ang mga taong iyon, nang sa gayon ay hindi siya magmumukhang napakasama—puwede siyang “magtago” at “maprotektahan.” Hindi ba’t buktot ito? Patuloy na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan ang mga taong ito, at hindi niya pinangasiwaan ang mga ito. Batay rito, sabihin ninyo sa Akin, may pagpapahalaga ba siya sa katarungan? Minahal niya ba ang katotohanan? Anong klaseng lugar ang turing niya sa sambahayan ng Diyos? Ayaw niyang mapuno ng matatapat na tao ang sambahayan ng Diyos, ng mga taong tapat sa Diyos, ng mga sumusunod sa daan ng Diyos at alam ang kanilang lugar habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ayaw niyang magtapat at magbahaginan ang lahat tungkol sa mga salita ng Diyos, na magpasakop sa Diyos at magpatotoo sa Kanya. Ayaw niyang maging ganoon ang lahat ng nasa sambahayan ng Diyos. Kung gayon, ano ang gusto niya? Gusto niyang gumawa ang lahat ng mga koneksiyon na kapaki-pakinabang sa kanilang sarili, pinoprotektahan ang interes ng isa’t isa, hindi pinipinsala ng iba, o isinisiwalat ang lihim ng sinuman. Gusto niyang pinoprotektahan at kinakanlungan ng lahat ang isa’t isa, itinatago sa mga tagalabas ang anumang masasamang bagay na ginawa ng iba, at kumikilos bilang isang nagkakaisang puwersa. Iyon ang gusto niya. Nang isiniwalat at isinapubliko ng isang tao ang mga maling ginagawa at totoong sitwasyon ng ibang tao, diretsahang nagsasalita at ipinapaalam sa lahat ang tungkol sa mga ito, kinamuhian at kinasuklaman niya ang gayong mga pagkilos. Gusto niya kapag nananatiling tago at lihim ang mga maling gawain, kapag hindi nalalantad ang mga kasinungalingan, at kapag hindi napapangasiwaan ayon sa mga prinsipyo ang sinumang gumagawa ng mga panlalansi o pumipinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Sa iglesiang pinangasiwaan niya, ano ang nangyari sa mga salita ng Diyos at sa mga atas administratibo at pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos? Naging mga salitang walang kabuluhan ang mga ito, at hindi naipatupad ang mga ito. Bakit hindi naipatupad ang mga ito? Dahil hinarang niya ang mga ito; naging pader siya na pumipigil sa mga ito. Ito ang buktot na disposisyon na ibinubunyag ng mga anticristo sa pamamagitan ng pagbabaluktot sa mga katunayan, paggamit ng mga partikular na taktika at paggawa ng mga partikular na pakana at panlilinlang na nanloloko at nanlalansi sa iba para makamit ang sarili nilang mga layon.

Hindi maipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos sa mga iglesia kung saan ang mga anticristo ang may hawak ng kapangyarihan. Kasabay nito, lumilitaw rin ang isang kakaibang pangyayari sa loob ng mga iglesiang iyon, kung saan ang naipapatupad lamang na gawain ay ang gawaing walang kinalaman o sumasalungat sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos, na nagpapalitaw sa iba’t ibang opinyon at argumento sa mga kapatid, at nagdadala ng matinding kaguluhan sa iglesia. Paano kumikilos ang mga huwad na lider? Hindi sila gumagawa nang naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos; para bang wala silang gagawin, at hindi talaga sila tumutugon sa mga pagsasaayos ng gawain. Walang kaalam-alam ang mga taong nasa pangangasiwa ng mga lider na ito; watak-watak sila, walang nag-oorganisa sa kanila—ginagawa ng lahat ang anumang gustuhin nila, sa ano mang paraan na gusto nila. Hindi nagsasalita ng kahit na anong pahayag ang mga huwad na lider at hindi nila inaako ang responsabilidad na ito. Gayumpaman, iba kumilos ang mga anticristo. Hindi lang sila nabibigong ipatupad ang mga pagsasaayos ng gawain, bumubuo rin sila ng sarili nilang mga pahayag at pagsasagawa. Kinukuha ng ilan ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas at binabago ang mga iyon, ginagawan nila ang mga ito ng sarili nilang bersyon, na kanila namang ipinapatupad, samantalang hindi talaga kumikilos ang iba ayon sa mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas, at ginagawa lang nila ang gusto nila. Sinasarili nila ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas at hindi ipinapasa ang mga ito sa ibaba, pinapanatili nilang walang nalalaman ang mga nasa ilalim nila samantalang ginagawa nila ang anumang gustuhin nila, bumubuo pa nga sila ng sarili nilang mga teorya at pahayag para iligaw at lokohin ang mga nasa ilalim nila. Kaya, huwag ninyong tingnan kung gaano karami ang kayang talikuran ng mga anticristo o kung anong padurusa ang kaya nilang tiisin sa panlabas. Isantabi ninyo ang mga paimbabaw na kilos at pag-uugali nila, at tingnan ninyo ang diwa ng mga bagay na ginagawa nila. Anong klase ang relasyon nila sa Diyos? Sinasalungat nila ang lahat ng bagay na sinabi at ginawa ng Diyos, ang lahat ng bagay na hinihingi ng Diyos na maunawaan ng mga kapatid, at ang lahat ng bagay na hinihingi Niyang maipatupad na maibaba sa iglesia—sinasalungat nila ang lahat ng ito. Maaaring magtanong ang ilan, “Ang pagkabigo bang ipatupad ang mga bagay na ito ay katulad ng pagsalungat sa mga ito?” Bakit hindi nila ipinapatupad ang mga ito? Dahil hindi sila sumasang-ayon sa mga ito. Dahil nakikita natin kung paanong hindi sila sumasang-ayon sa mga ito, mas mataas ba sila kaysa sa sambahayan ng Diyos? Dahil nakikita natin kung paanong hindi sila sumasang-ayon sa mga ito, may mas maganda ba silang plano? Wala. Kaya, bakit nangangahas silang hindi ipatupad ang mga ito dahil lamang hindi sila sumasang-ayon sa mga ito? Dahil gusto nilang pangibabawan at kontrolin ang iglesia. Naniniwala sila na kung ipapatupad nila ang mga bagay nang lubos na naaayon sa mga pagsasaayos ng gawain at sa mga hinihingi ng Itaas, baka hindi mapansin ang mga kontribusyon nila, baka hindi sila mamukod-tangi, at hindi makita ng sinuman. Para sa mga anticristo, magiging malaking problema ito. Kung ang lahat ng tao ay nagpatotoo sa Diyos at regular na nagbahaginan sa katotohanan, kung kayang maunawaan ng lahat ang katotohanan, mapangasiwaan ang mga usapin ayon sa mga prinsipyo, hanapin ang katotohanan at magdasal at tumawag sa Diyos kapag nahaharap sa mga isyu, ano na ang magiging papel nila? Hindi hinahangad ng mga anticristo ang katotohanan, kaya wala silang magiging papel; magiging mga dekorasyon na lang sila. Kung naging mga dekorasyon na sila, at wala nang pumansin sa kanila, matatanggap ba nila ito? Hindi, hindi nila ito matatanggap. Mag-iisip sila ng mga paraan para sagipin ang sitwasyon. Nagtataglay ng buktot na disposisyon at buktot na diwa ang mga anticristo—maiisip ba nilang mabubunyag sila kung naghangad ng katotohanan ang lahat ng kapatid? Napakasama ng mga anticristo, at hindi nila hinahangad ang katotohanan; sila ay buktot, mapanlinlang, mapaminsala, at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay. Kung nauunawaan ng lahat ang katotohanan, magkakaroon sila ng pagkilatis sa mga anticristo. Alam ba ito ng mga anticristo? Oo, alam nila. Nadarama nila ito sa espiritu nila. Para itong kapag nagpunta ka sa isang lugar at may nakaharap kang masamang espiritu. Kapag tumingin sa iyo ang masamang espiritu, hindi ka nito nagugustuhan, at sa isang tingin lang, kasuklam-suklam na para iyo ang masamang espiritu, at ayaw mong makipag-usap dito. Sa katunayan, hindi ka pa nito nasalungat o napinsala, pero nasusuklam ka kapag tinitingnan mo ito, at mas lalo kang nasusuklam kapag nakinig ka sa pagsasalita nito. Sa realidad, hindi ka nito kilala, at hindi mo ito kilala. Ano ang nangyayari dito? Nadarama mo sa espiritu mo na kayong dalawa ay hindi magkauri. Ang mga anticristo ay mga kaaway ng hinirang na mga tao ng Diyos. Kung wala kang pandama o kamalayan kapag nakikisalamuha ka sa kanila, hindi ba’t talagang manhid ka? Ipagpalagay nating kapag hindi masyadong nagsasalita ang isang anticristo, at nagsasabi lamang ng iilang salita habang ipinapahayag ang isang argumento, nagpapahayag ng pananaw, o nagkikimkim ng isang partikular na saloobin sa kanyang mga kilos, hindi mo kayang makita nang malinaw ang mga bagay na ito. Kung nakikisalamuha ka sa kanya sa loob ng mahabang panahon, at wala ka pa ring ganitong kamalayan, at isang araw ay tinukoy siya ng Itaas bilang isang anticristo, at sa wakas ay doon ka lang nakaunawa at nakaramdam ng kaunting takot, iniisip mo, “Paanong hindi ko nakilatis ang gayon kahalatang anticristo! Muntik na iyon!” siguradong napakabagal mong umunawa at napakamanhid mo!

May isang halatang katangian ang kabuktutan ng mga anticristo, at ibabahagi Ko sa inyo ang sekreto sa pagkilatis dito: Ito ay na kapwa sa kanilang pananalita at sa kilos, hindi mo maarok ang kaibuturan nila o makilatis ang puso nila. Kapag kinakausap ka nila, umiikot ang mga mata nila, at hindi mo malaman kung anong klaseng pakana ang binabalak nila. Minsan, pinaparamdam nila sa iyo na tapat o talagang sinsero sila, pero hindi ito totoo—hindi mo sila kailanman makikilatis. May partikular kang nararamdaman sa puso mo, nararamdaman mo na may natatago silang intensiyon sa mga isipan nila, isang di-maarok na kalaliman, na sila ay mapanlinlang. Ito ang unang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo, at ipinapahiwatig nito na nagtataglay ng katangian ng kabuktutan ang mga anticristo. Ano ang pangalawang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo? Ito ay na lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay napakamapanlihis. Saan ito naipapakita? Sa kanilang partikular na kahusayan sa pagsusuri ng mga sikolohiya ng mga tao, sa pagsasabi ng mga bagay na tugma sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng mga tao at na madaling tanggapin. Gayumpaman, may isang bagay na dapat mong makilatis: Hindi nila kailanman isinasabuhay ang magagandang bagay na sinasabi nila. Halimbawa, nagpapangaral sila ng doktrina sa iba, sinasabi sa kanila kung paano maging matatapat na tao, at kung paano magdasal at hayaan ang Diyos na maging panginoon nila kapag may nangyayari sa kanila, pero kapag may nangyayari sa mga anticristo mismo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan. Ang pawang ginagawa nila ay kumilos ayon sa sarili nilang kalooban, at mag-isip ng napakaraming paraan para sila mismo ang makinabang, inuutusan nila ang iba na pagsilbihan sila at pangasiwaan ang kanilang mga usapin. Hindi sila kailanman nagdarasal sa Diyos o hinahayaan Siyang maging panginoon nila. Sinasabi nila ang mga bagay na magandang pakinggan, pero hindi naaayon ang mga kilos nila sa sinasabi nila. Ang una nilang isinasaalang-alang kapag kumikilos sila ay kung ano ang pakinabang nila rito; hindi nila tinatanggap ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Nakikita ng mga tao na hindi sila masunurin sa paggawa ng mga bagay, na palagi silang naghahanap ng paraan para makinabang at umusad. Ito ang mapanlinlang at buktot na bahagi ng mga anticristo na kayang makita ng mga tao. Kapag gumagawa ang mga anticristo, minsan, kaya nilang tiisin ang hirap at magbayad ng halaga, nagagawa pa nga nilang isakripisyo minsan ang pagtulog at ang pagkain, pero ginagawa lang nila ito para magkamit ng katayuan o maging kilala. Pinagdurusahan nila ang paghihirap alang-alang sa mga ambisyon at layon nila pero pabaya sila sa mahalagang gawaing isinasaayos ng sambahayan ng Diyos para sa kanila, na halos hindi nila isinasakatuparan. Kaya, mapagpasakop ba sila sa mga pagsasaayos ng Diyos sa lahat ng ginagawa nila? Ginagawa ba nila ang kanilang mga tungkulin? May problema rito. May isa pang klase ng pag-uugali, iyon ay na kapag nagbibigay ng iba’t ibang opinyon ang mga kapatid, tatanggihan ng mga anticristo ang mga ito sa isang paligoy-ligoy na paraan, nagpapaikot-ikot sila sa pagtatalakay, ipinapaisip nila sa mga tao na nakipagbahaginan at nakipagtalakayan ang mga anticristo sa kanila tungkol sa mga bagay-bagay—pero sa huli, dapat gawin ng lahat ang sinasabi ng mga anticristo. Palagi silang naghahanap ng paraan para supilin ang mga mungkahi ng ibang tao, para sundin ng mga tao ang mga ideya ng anticristo at gawin ang sinasabi nila. Paghahanap ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Siguradong hindi. Kung gayon, ano ang prinsipyo ng gawain nila? Ito ay na dapat makinig at sumunod sa kanila ang lahat, na walang sinumang mas dapat pakinggan kaysa sa kanila, at na pinakamagaling at pinakamataas ang mga ideya nila. Ipaparamdam ng mga anticristo sa lahat na tama ang sinasabi ng mga anticristo, na katotohanan ang mga ito. Hindi ba’t buktot ito? Ito ang ikalawang katangian ng kabuktutan ng mga anticristo. Ang pangatlong katangian ng kabuktutan ng mga anticristo ay na kapag nagpapatotoo sila sa sarili nila, madalas silang nagpapatotoo sa mga kontribusyon nila, sa mga paghihirap na pinagdusahan nila, at sa mga kapaki-pakinabang na bagay na nagawa nila para sa lahat, ibinabaon ito sa isipan ng mga tao, para maalala ng mga tao na nakikinabang sila sa liwanag ng mga anticristo. Kung pinupuri o pinasasalamatan ng isang tao ang isang anticristo, maaaring magsalita pa ito ng mga napakaespirituwal na salita, tulad ng, “Salamat sa diyos. Gawa itong lahat ng diyos. Ang biyaya ng diyos ay sapat para sa atin,” para makita ng lahat na talagang espirituwal siya, at na isa siyang mabuting lingkod ng Diyos. Sa realidad, itinataas at pinatototohanan niya ang sarili niya, at talagang walang lugar para sa Diyos sa puso niya. Sa isip ng ibang mga tao, ang katayuan ng anticristo ay nalampasan na nang husto ang katayuan ng Diyos. Hindi ba’t isa itong tunay na katibayan ng pagpapatotoo ng mga anticristo sa sarili nila? Sa mga iglesia kung saan isang anticristo ang may kapangyarihan at kontrol, siya ang may pinakamataas na katayuan sa puso ng mga tao. Pumapangalawa o pumapangatlo lang ang Diyos. Kung pupunta ang Diyos sa isang iglesia kung saan isang anticristo ang humahawak ng kapangyarihan at may sasabihin Siyang isang bagay, maaarok ba ng mga tao roon ang sasabihin ng Diyos? Taos-puso ba nilang tatanggapin ito? Hindi ito malinaw. Sapat na patunay ito kung gaano pinagsisikapan ng mga anticristo ang pagpapatotoo sa sarili nila. Hindi man lang sila nagpapatotoo sa Diyos, bagkus ay ginagamit nila ang lahat ng pagkakataon nilang magpatotoo sa Diyos para magpatotoo sa sarili nila. Hindi ba’t traydor ang taktikang ito na ginagamit ng mga anticristo? Hindi ba’t napakabuktot nito? Sa pamamagitan ng tatlong katangiang ito na pinagbahaginan dito, madali nang makilatis ang mga anticristo.

May isa pang katangian ang mga anticristo, at isa rin itong malaking pagpapamalas ng buktot na disposisyon nila. Ito ay na paano man makipagbahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan, paano man makipagbahaginan ang hinirang na mga tao ng Diyos tungkol sa kanilang pagkakilala sa sarili, o paano man nila tanggapin ang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, binabalewala ito ng mga anticristo. Hinahangad pa rin nila ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at hindi nila kailanman binibitiwan ang kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala. Sa isipan ng mga anticristo, basta’t nagagawang gampanan ng isang tao ang isang tungkulin, magbayad ng halaga, at dumanas ng kaunting hirap, dapat silang pagpalain ng Diyos. Kaya nga, matapos gawin ang gawain ng iglesia sa loob ng ilang panahon, sinisimulan nilang bilangin ang trabahong nagawa nila para sa iglesia, ang mga naiambag nila sa sambahayan ng Diyos, at ang nagawa na nila para sa mga kapatid. Isinasaisip nilang mabuti ang lahat ng ito, hinihintay nilang makita kung anu-ano ang mga matatamo nilang mga biyaya at pagpapala mula sa Diyos dahil dito, upang matukoy nila kung sulit ba ang ginagawa nila. Bakit palagi silang nag-aabala sa gayong mga bagay? Ano ang hinahangad nila sa kaibuturan ng kanilang puso? Ano ang layon ng kanilang pananampalataya sa Diyos? Sa simula pa lamang, ang kanilang pananalig sa Diyos ay tungkol na sa pagtatamo ng mga pagpapala. At ilang taon man sila makinig sa mga sermon, ilang salita man ng Diyos ang kainin at inumin nila, ilang doktrina man ang maunawaan nila, hinding-hindi nila kalilimutan ang kanilang hangarin at layuning pagpalain. Kung hihilingin mo sa kanilang maging masunuring nilalang at tanggapin ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, sasabihin nila, “Walang kinalaman iyan sa akin. Hindi iyan ang dapat kong pagsumikapan. Ang dapat kong pagsumikapan ay: kapag tapos na ang laban ko, kapag nagawa ko na ang hinihinging pagsisikap at natiis na ang hinihinging hirap—kapag nagawa ko na ito ayon sa hinihingi ng diyos—dapat akong gantimpalaan ng diyos at tulutan akong manatili, at maputungan ng korona sa kaharian, at makahawak ng mas mataas na posisyon kaysa sa mga tao ng diyos. Dapat ay ako ang mamahala sa dalawa o tatlong lungsod, kahit papaano.” Ito ang pinakamahalaga para sa mga anticristo. Paano man ibahagi ng sambahayan ng Diyos ang katotohanan, hindi maiwawaksi ang layunin at pagnanais ng mga anticristong matamo ang mga pagpapala; kauri sila ni Pablo. Hindi ba’t nagtatanim ng isang uri ng buktot at imoral na disposisyon ang gayon kahayag na transaksiyon? Sinasabi ng ilang relihiyosong tao, “Ang aming henerasyon ay sinusundan ang diyos sa landas ng krus. Pinili kami ng diyos, kaya nga may karapatan kaming mapagpala. Nagtiis kami at nagbayad ng halaga, at nakainom na kami mula sa mapait na kopa. Ang ilan sa amin ay naaresto pa nga at nahatulang mabilanggo. Matapos tiisin ang lahat ng hirap na ito, marinig ang napakaraming sermon, at matuto ng napakarami tungkol sa Bibliya, kung isang araw ay hindi kami pagpalain, aakyat kami sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos.” May narinig na ba kayong katulad nito? Sinasabi nila na pupunta sila sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos—gaano kamapangahas iyon? Hindi ka ba natatakot na marinig man lamang ito? Sino ang nangangahas na subukang makipagtalo sa Diyos? Sa kabutihang palad, matagal nang umakyat sa langit ang Jesus na sinasampalatayanan nila. Kung nasa lupa pa rin si Jesus, hindi ba’t susubukan nilang ipako Siyang muli sa krus? Siyempre, maaaring sa umpisa ay makapangyarihan at kahanga-hanga ang gayong mga salita para sa ilang tao kapag nagsimula pa lang silang manampalataya sa Diyos, iniisip nila na dapat magkaroon ng ganitong lakas ng loob at determinasyon ang mga tao. Pero, dahil nanampalataya kayo hanggang ngayon, ano ang tingin ninyo sa mga salitang ito? Hindi ba’t mga arkanghel ang gayong mga tao? Hindi ba’t mga Satanas sila? Puwede kang makipagtalo sa sinuman pero hindi sa Diyos. Hindi mo dapat gawin ang gayong bagay, o isipin mang gawin ito. Galing sa Diyos ang mga pagpapala: ibinibigay Niya ang mga ito sa kanino man Niya gusto. Kahit na matugunan mo ang mga kondisyon sa pagtanggap ng mga pagpapala at hindi ipinagkakaloob ng Diyos ang mga ito sa iyo, hindi ka pa rin dapat makipagtalo sa Diyos. Nasa ilalim ng pamumuno ng Diyos ang buong sansinukob at ang buong sangkatauhan; ang Diyos ang nagpapasya. Paanong ikaw, na isang maliit na tao, ay nangangahas na makipagtalo sa Diyos? Paanong masyado kang tiwala sa mga abilidad mo? Bakit hindi ka manalamin para makita mo kung sino ka? Sa pangangahas na tumutol at makipagtalo laban sa Lumikha sa ganitong paraan, hindi ba’t naghahangad ka ng kamatayan? Ang “Kung isang araw ay hindi kami pagpalain, aakyat kami sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos” ay isang pahayag na hayagang tumututol laban sa Diyos. Anong klaseng lugar ba ang ikatlong langit? Dito nakatira ang Diyos. Katumbas ng pagtatangkang “pabagsakin” ang Diyos ang mangahas na pumunta sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos! Hindi ba’t ganito ang sitwasyon? Maaaring magtanong ang ilan, “Ano naman ang kinalaman nito sa mga anticristo?” Malaki ang kinalaman nito sa kanila, dahil mga anticristo ang lahat ng gustong pumunta sa ikatlong langit para makipagtalo sa Diyos. Mga anticristo lamang ang kayang magsabi ng mga gayong bagay. Ang mga ganitong salita ang boses na kinikimkim ng mga anticristo sa kaibuturan ng kanilang puso. Ito ang kabuktutan nila. Kahit na maaaring hindi hayagang sabihin ng mga anticristo ang mga salitang ito, talagang kinikimkim nila ang mga bagay na ito sa puso nila, hindi lang sila nangangahas na ibunyag ang mga ito, at hindi nila ipinapaalam sa sinuman ang tungkol sa mga ito. Gayumpaman, nag-aalab na gaya ng hindi mapatay na apoy ang mga pagnanais at ambisyon sa kaibuturan ng kanilang puso. Bakit ganito? Dahil hindi mahal ng mga anticristo ang katotohanan. Hindi nila mahal ang pagiging patas at matuwid ng Diyos, ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at siguradong hindi nila mahal ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, karunungan ng Diyos, at ang Kanyang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Hindi nila mahal ang anuman sa mga ito—kinamumuhian nila ang mga ito. Kaya, ano ang mahal nila? Mahal nila ang katayuan at pinapahalagan nila ang mga gantimpala. Sinasabi nila, “May mga kaloob, talento, at abilidad ako. Nagtrabaho ako para sa iglesia, kaya dapat akong suklian at gantimpalaan ng diyos!” Hindi ba’t nanganganib sila? Hindi ba’t paghahangad ito ng kamatayan? Hindi ba’t direktang paghamon ito sa Diyos? Hindi ba’t paghamon ito sa Lumikha? Ang mangahas na itutok ang kanilang mga sibat nang direkta sa Diyos, sa Lumikha—ay isang bagay na ang arkanghel, si Satanas lang, ang makagagawa. Kung talagang may mga taong may gayong mga pananaw, na may kakayahang gawin ang gayong mga kilos, kung gayon, walang duda na mga anticristo sila. Sa lupa, ang mga anticristo lamang ang nangangahas na hayagang labanan at husgahan ang Diyos nang ganito. Maaaring sabihin ng ilan, “Hindi ganito kapangahas o kawalang pakundangan ang mga anticristong nakita namin.” Kailangan itong tingnan ayon sa konteksto at kapaligirang kinaroroonan ng mga anticristo. Paano sila nangangahas na ipakita ang tapang nila kung hindi pa sila lubos na nagkakamit ng kapangyarihan at hindi pa nila naitatatag ang sarili nila? Ang mga anticristo ay marunong magtimpi, naghihintay silang dumating ang tamang pagkakataon. Kapag dumating na ang oras nila, ganap na malalantad ang kanilang tapang. Bagaman mahusay na naitatago ng ilang anticristo ang tunay nilang kulay habang wala silang katayuan, at walang mga isyung makikita sa kanila sa panlabas, kapag nagkamit na sila ng katayuan at naitatag na nila ang sarili nila, ganap na nabubunyag ang kabuktutan at kapangitan nila. Katulad ito ng ilang tao na walang katotohanang realidad. Kapag wala silang anumang katayuan, napipilitan lamang silang magpasakop sa pagpupungos, at sa puso nila ay hindi sila tutol. Gayumpaman, kapag naging lider at manggagawa na sila at nagkamit ng kaunting katanyagan sa hinirang na mga tao ng Diyos, kapag pinungusan sila, malaki ang tsansang ilalantad nila ang tunay nilang pagkatao, at magsisimula silang makipagtalo sa Diyos at tumutol laban sa Kanya. Katulad ito ng kung paanong maayos na ginagawa ng ilang tao ang kanilang mga tungkulin at walang anumang reklamo sa mga normal na sitwasyon, pero kapag naharap sa kanser at malapit nang mamatay, malaki ang tsansang ilantad nila ang kanilang totoong pagkatao. Magsisimula silang magreklamo tungkol sa Diyos, makipagtalo sa Kanya, at tumutol laban sa Kanya. Tutol at galit sa katotohanan ang mga anticristo, ang grupong ito ng mga tao, at hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan. Kung gayon, kahit pagkatapos nilang malantad at mabunyag, bakit handa pa rin silang magtrabaho sa iglesia, at maging ang pinakamaliliit na tagasunod? Ano ang nangyayari? May layon sila: Hindi nila kailanman binitawan ang kanilang layunin na magtamo ng mga pagpapala. Ang mentalidad nila ay, “Kakapit akong mabuti sa pinakahuling pag-asa na ito. Kung hindi ako makakatamo ng mga pagpapala, hindi ko kailanman titigilan ang diyos. Kung hindi ako makakatamo ng mga pagpapala, ibig sabihin ay hindi diyos ang diyos!” Anong klaseng disposisyon ito? Ang mangahas na walang pakundangang itatwa ang Diyos at tumututol laban sa Kanya—kabuktutan ito. Basta’t mayroon silang kahit kaunting pag-asang magtamo ng mga pagpapala, mananatili sila sa sambahayan ng Diyos at maghihintay sa mga pagpapalang iyon. Paano ito mapagmamasdan? Katulad sila ng mga Pariseo, palaging nagkukunwaring mabuti—hindi ba’t halata naman ang intensyon at layon sa likod nito? Gaano man magmukhang mabuti ang kanilang pag-uugali sa labas, gaano man sila nagdurusa sa panlabas, hindi nila kailanman isinasagawa ang katotohanan, hindi nila hinahanap ang katotohanan kapag kumikilos sila, o hindi sila nagdarasal sa Diyos at hindi nila hinahanap ang mga layunin Niya. Hindi nila kailanman ginagawa ang mga bagay na gusto ng Diyos. Sa halip, ginagawa nila kung ano ang handa silang gawin at kung ano ang gusto nila, nagsisikap lamang na matugunan ang sarili nilang ambisyon at pagnanais para sa mga pagpapala. Hindi ba’t manganganib sila dahil dito? Hindi ba’t inilalantad nito ang diwa ng mga anticristo? Ang gusto at hinahangad nila ay kumakatawan lang sa satanikong disposisyon ng mga anticristo. Tinatrato nila ang minamahal at hinahangad nila bilang mga positibong bagay na nagpapalugod sa Diyos, at sinubusukan nilang udyukan ang Diyos na tanggapin at pagpalain sila. Naaayon ba ito sa mga katotohanang prinsipyo? Hindi ba’t pagsalungat ito sa Diyos at paglaban sa Kanya? Sinusubukang makipagkasundo ng mga anticristo sa Diyos sa bawat pagkakataon. Ginagamit nila ang sarili nilang pagdurusa at pagbabayad ng halaga para humingi ng mga gantimpala at korona sa Diyos, para ipagpalit ang mga ito sa isang mabuting hantungan. Pero hindi ba’t nagkamali sila ng pagkalkula? Sa paglaban sa Diyos sa ganitong paraan, paanong hindi nila matatanggap ang kaparusahan ng Diyos? Ito ang nararapat sa kanila dahil sa kanilang mga kasalanan. Kabayaran ito.

Minsan, may isang anticristo na may kaunting alam sa kasanayan ng pag-awit at pagsasayaw, at noong panahong iyon, isinaayos na pangunahan niya ang mga kapatid sa koro para matutuhan nila ang kasanayang ito. Bata pa ang mga kapatid na iyon, at hindi pa masyadong matagal na nananampalataya sa Diyos ang karamihan sa kanila; masigasig lang talaga sila at handang gawin ang kanilang mga tungkulin, iyon lang, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan, at hindi pa nga nakakapaglatag ng pundasyon ang ilan sa kanila. Habang gumagawa ang anticristong iyon, ginabayan niya sila para maranasan nila ang pakiramdam sa gawain ng Banal na Espiritu, pinaparanas sa kanila ang pagkakaiba ng pakiramdam sa presensiya ng Diyos at ng kawalan ng presensiya ng Diyos—palagi niyang sinasanay ang mga ito na umasa sa mga nararamdaman nila. Hindi niya nauunawaan ang katotohanan, at wala rin siyang anumang tunay na karanasan, pero iniligaw at inilihis niya nang ganito ang mga kapatid batay sa kanyang mga kuru-kuro at imahinasyon. Alam ng Itaas na wala siyang katotohanang realidad, at hiniling lang sa kanya na ituro at ipaliwanag ang kasanayang ito. Ang tuparin ang aspektong ito ng kanyang tungkulin ay maituturing nang sapat at pagtupad na sa kanyang mga responsabilidad. Pero gusto pa rin niyang “pagbahaginan ang katotohanan,” at himukin ang mga tao na arukin ang kanilang mga nararamdaman at umasa sa kanilang mga nararamdaman. Sa pagkilos nang ganito, hindi ba’t magiging madali sa kanya na madala ang mga tao sa supernatural na pakiramdam sa isang gawain ng masamang espiritu? Napakamapanganib nito! Kapag kinuha ng isang masamang espiritu ang pagkakataong gaya nito at sinapian ang isang tao, wasak na ang taong iyon. Sa panahon ng pagsasanay, pinagdasal niya ang mga taong ito at pagkatapos magdasal, ipinakita niya sa kanila kung paano gumagawa ang Banal na Espiritu, at kung sila ay pinagpapawisan, umiiyak, o kapag may iba silang nararamdaman sa katawan nila. Binigyang-diin niya ang mga ito, pero sa realidad, malinaw nang naipaliwanag ang mga ito. Napakaraming katotohanan, pero hindi siya nakipagbahaginan tungkol sa mga ito, ni hindi niya inakay ang mga tao na kainin at inumin ang mga salita ng Diyos, at nabigo siyang asikasuhin ang wasto niyang gawain. Hindi niya pinayagan ang mga kapatid na bumuo ng mga sayaw, sa halip ay hinayaan niya ang lahat na sumayaw sa entablado ayon sa gusto ng puso nila, na mag-improbisa ayon sa gusto nila, sinasabi pa niya, “Ayos lang ito, pinapangunahan kami ng diyos, kaya hindi kami natatakot, gumagawa ang banal na espiritu!” Hindi naunawaan ng anticristong ito ang katotohanan, kaya palagi siyang gumagawa ng mga kahangalan. Walang kahit na anong pagkilatis ang mga kapatid, kaya nakinig sila sa kanya at nagsimulang magdasal, “O Diyos, pakiusap gumawa Ka, O Diyos, pakiusap gumawa Ka….” Sinubukan nila ang makakaya nila para magdasal “nang buong puso,” at umiyak pa nga sila pagkatapos magdasal, at pagkatapos, umakyat sila sa entablado at nag-improbisa ng mga sayaw. Naramdaman ng mga nanonood sa ibaba ng entablado na napakaganda ng atmospera at na gumagawa ng makapangyarihang gawain ang Banal na Espiritu! Umiiyak sila habang pinanonood ang iba na sumasayaw, na para bang naramdaman nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Sa huli, kinuhaan ng video ng mga taong ito ang lahat ng bagay na ito at kumuha sila ng mga litrato para makita Ko. Ang ilang tao sa mga litrato ay umiiyak habang nakapikit, at sa gitna ng taglamig ay namumula ang mga mukha nila sa init. Nakita Kong papalapit na ang panganib, at na mawawasak niya ang mga taong ito. Hiniling lang sa kanya na ituro ang kasanayan, at hindi niya nauunawaan ang kahit anong katotohanan. Pikit-mata lang siyang kumilos batay sa mga imahinasyon niya, gustong malaman ang pakiramdam ng gawain ng Banal na Espiritu. Usapin ba ng mga damdamin ang gawain ng Banal na Espiritu? Kailangan mong maunawaan ang katotohanan—iyon ang tunay. Walang kabuluhan at walang silbi ang mga damdamin lang. Kaya mo bang maunawaan ang katotohanan at mga layunin ng Diyos batay sa mga nararamdaman mo? Hinding-hindi. Hindi mo kailangang maghanap ng damdamin, kailangan mo lang hanapin ang mga prinsipyo at mga layunin ng Diyos batay sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay ikumpara mo ang mga ito sa mga bagay na nangyayari sa iyo—napakapraktikal nito, at dahan-dahan mong mauunawaan ang katotohanan. Kapag nagsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, natural na magsisimulang gumawa ang Banal na Espiritu. Kahit na hindi gumawa ang Banal na Espiritu, dahil nagsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos, kikilalanin ka ng Diyos bilang tagasunod Niya—napakapraktikal nito, ito ang pinakatotoong bagay. Hindi nakipagbahaginan sa ganitong paraan ang anticristong iyon, bagkus ay patuloy niyang hinikayat ang mga taong iyon na maghanap ng mga damdamin, ng mga bagay gaya ng mga tanda at kababalaghan, at ng mga panaginip. Isa itong ordinaryong tao na walang espirituwal na pang-unawa na pinamumunuan ang isang grupo ng mga hangal at mangmang na bata para gumawa ng mga katawa-tawang bagay. Umiiyak at tumatangis ang mga tao sa mga litrato. Ano ang kinakatawan niyon? Wala itong kahit anong kinakatawan, pero may isang bagay na nagpapaliwanag sa kalikasan ng ginagawa niya. Kinuhaan ng litrato ng anticristong ito ang lahat ng bagay na ito at pinangalanan ang mga ito bilang “mga detalye ng gawain ng Diyos.” Ano ang mga “detalyeng” ito? Hindi nauunawaan ng mga taong iyon ang katotohanan, hinanap nila ang pakiramdam ng gawain ng Banal na Espiritu at nag-iimprobisa nang walang dahilan, at iba ang sayaw nila sa bawat pagkakataon, dahil sa bawat pagkakataon ay iba ang damdamin, at iba ang “pangunguna” ng Diyos—iyon ang mga “detalye.” Ano pa ang kasama sa mga “detalye” na iyon? Sinabi rin ng anticristo na mga resulta ang mga iyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Nang sinabi niya ito, lalong nasabik ang mga kapatid, na para bang bigla na lang malaki ang inilago ng pananalig at tayog nila. Bakit niya sinabing “mga detalye”? Saan galing ang mga salitang “mga detalye”? Minsan Ko nang nabanggit ang mga detalye ng gawain ng Diyos. Ano ang tinutukoy ng mga detalyeng ito? Mga resula ang mga iyon ng gawain ng Diyos sa mga tao na kayang makita at maarok ng tao, at hindi supernatural ni malabo ang mga iyon. Kaya mong maramdaman ang mga iyon. Kaya mong maramdaman ang mga iyon kapag ang Diyos ay maraming nagawang gawain sa iyo, nagsabi ng maraming salita sa iyo, masinsinang nagsumikap, at binago ang paraan ng pag-iral mo, ang mga pananaw mo sa bagay-bagay, ang saloobing kinikimkim mo habang ginagawa ang mga bagay-bagay, ang saloobin mo sa Diyos, pati na rin ang ibang bahagi mo. Ibig sabihin, ang mga iyon ang mga nakamit at bunga ng gawain ng Diyos—ito ang ibig sabihin ng mga detalye. Tinawag din na “mga detalye” ng anticristong iyon ang mga ginawa niya. Kung isasantabi natin sa ngayon ang kalikasan ng mga bagay na ito, ano ang makikita ninyo sa pagsusuri lang ng pariralang ito? Gumagawa ang Diyos sa mga tao, at sinabi Niya na makikita ng mga tao ang mga detalye ng gawaing ginagawa Niya sa kanila, pero inaakay ng anticristong ito ang lahat na magwala, at ginulo niya ang lahat ng bagay, pero tinatawag niya rin ang mga ito na “mga detalye”—ano ang sinusubukan niyang gawin? (Gusto niyang maging kapantay ng Diyos.) Tama. Saan galing ang paggamit niya sa mga salitang “mga detalye”? Galing ito sa pagnanais niyang maging kapantay ng Diyos at gayahin ang Diyos. Sa paggamit ng salitang ito, ang ibig niyang sabihin ay, “Gumagawa nang may mga detalye ang diyos, at ang ipinapagawa ko rin sa mga taong ito ay may mga detalye.” Ang panuring para sa “mga detalye” ay “ng gawain ng Diyos,” pero sa katunayan, sa puso niya ay iniuugnay niya sa sarili niya ang mga resulta ng mga detalye ng gawain ng Banal sa Espiritu, na siyang ginagawa ng mga anticristo. Tuwing may pagkakataon na maging sentro ng atensyon, tuwing may kaunting pagkakataon, hindi nila ito pakakawalan; makikipagkompetensiya siya sa Diyos para sa mga tao. Para sa anong klaseng mga tao sila nakikipagkompetensiya? Hindi nauunawaan ng ilan sa kanila ang katotohanan, hindi nila kayang kumilatis ng mga tao ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at mga hangal at mangmang sila; hindi naghahangad ng katotohanan ang ilan sa kanila, at gusto nilang sumunod sa karamihan at kumilos nang pikit-mata sa panlabas; at may ilan din na mga bagong mananampalataya at may mababaw na pundasyon—hindi pa nila nauunawaan kung ano ba talaga ang ibig sabihin ng pananampalataya sa Diyos, at inililigaw sila ng mga anticristo. Kalaunan, maagap na napigilan ang pag-uugaling ito. Ang katunayang napigilan ito ay hindi napakaekstraordinaryo, pero nangangahulugan ito na sabay-sabay nang nalantad ang mga kahangalan na ginawa ng anticristo. Habang nagbabahaginan ang lahat at binabalikan nila ito, sinabi nila, “Bago dumating ang anticristong ito, bagama’t minsan ay hindi namin alam ang gagawin sa usapin ng mga propesyonal at teknikal na aspekto ng pag-awit, kapag umaawit kami, nadarama naming kaya namin itong maisapuso, at na kaya naming awitin ang bawat salita nang may puso. Nang dumating na siya at nagsalita tungkol sa ilang propesyonal na teorya, nawalan kaming lahat ng gana at ayaw na naming umawit, dahil hindi namin malasap ang sinasabi ng Diyos sa bawat salita—hindi namin maramdaman ang Diyos.” Hindi ba’t nasa panganib ang mga taong ito? Sa sandaling iunat ng mga anticristo ang kamay nila para kumilos, ang kahihinatnang idinudulot nila ay iyong hindi na nararamdaman ng mga tao kung nasaan ang Diyos, at hindi na nila alam kung paano kumilos nang angkop. Hindi na nila alam ang direksyon nila. Kapag hindi na nararamdaman ng mga tao ang Diyos, matutupad pa rin ba nila ang mga tungkulin nila? Kaya pa rin ba nilang gawin ang mga bagay-bagay nang may pagkamatapat para makapagpatotoo sa Diyos? Pagkatapos magawang tiwali ni Satanas ang mga tao, nagkaroon na sila ng partikular na katangian, iyon ay ang pagkahilig na sumunod sa karamihan. Para silang mga langaw: Hindi kailangang magkaroon ng malinaw na layon, basta’t may isang lider, susunod sa kanila ang ibang tao sa pagkilos nang walang direksyon, dahil mas masigla kapag ganoon, at kapag kumikilos sila sa ganoong paraan ay hindi nila kailangang pigilan ang sarili nila, walang pinakabatayan sa mga kilos nila, at walang kumikilos nang ayon sa mga prinsipyo. Hindi nila kailangang manalangin o maghanap, hindi nila kailangang maging madasalin o tahimik; basta’t may ulo sila at nakakahinga, puwede silang kumilos nang ganoon. Hindi ba’t halos katulad ito ng mga hayop? Dahil nagtataglay ng ganitong katangian ang mga tao, madali silang naililigaw, pero kung nauunawaan mo ang katotohanan at kaya mong kilatisin ang mga bagay na ito, hindi ka napakadaling maililigaw. Pagkatapos mailantad ang anticristong ito, hinimay ng lahat ang mga mapanlihis na bagay na sinabi niya, at ang mga taktikang ginamit niya para kumilos sa ganoong paraan, kinumpara nila ang mga ito sa mga salita ng Diyos. Napagtanto nila na talagang magaling ang taong ito sa panlilihis sa mga tao, na ginulo niya ang mga bagay-bagay, at kahit na talagang mukhang kahanga-hanga ang ipinagawa niya sa kanila, at parang nadama nila ang makapangyarihang gawain ng Banal na Espiritu, sa realidad, hindi talaga nila naramdaman ang Diyos. Sa panlabas, mukhang punong-puno ng matinding sigasig ang lahat, at na biglang lumago ang kanilang pananalig at tayog; pero sa realidad, isa itong ilusyon, ang gawa ng isang masamang espiritu. Lumitaw ang mga supernatural na sitwasyong ito, kaya hindi gumawa ang Banal na Espiritu. Sa loob ng ilang panahon pagkatapos nito, sa pamamagitan ng pagbabahaginan sa katotohanan, nagawa nang makilatis ng lahat ang anticristo, at unti-unti nang bumalik sa normal ang mga kalagayan nila. Nailigaw ng anticristo ang mga taong ito, at napalayo na sila sa Akin. Noong nagsalita Ako, tiningnan Ako ng mga tao na parang hindi nila Ako kilala, ayaw nilang sumagot sa mga tanong Ko, at agad kaming naging estranghero sa isa’t isa. Naghintay sila na magsalita ang anticristo bago sila sumunod sa anuman; nakinig sila sa anumang sabihin ng anticristo, at kumatawan sa kanila ang anumang sabihin ng anticristo. Kaya, walang boses ang mga taong ito sa anumang bagay, pero handa silang maging walang boses sa anumang bagay; naghintay silang magsalita siya at nagpakontrol sila sa kanya. Ginagawa ng masasamang espiritu at mga anticristo ang gayong mga bagay para iligaw ang mga tao.

Puwedeng maipahayag nang malinaw sa mga salita at mahimay ang ilang buktot na bagay, pero ang iba ay masasabi lamang na may masasamang espiritung gumagawa sa loob ng mga iyon, at hindi kayang maipahayag nang malinaw sa mga salita, puwede lamang makilatis ang mga iyon batay sa iyong mga damdamin o batay sa mga katotohanang nauunawaan mo at sa mga karanasan mo. Mabilis na nakilatis at napangasiwaan ang anticristong ito, at bumalik sa normal ang buhay iglesia. Pagkatapos, nananatiling takot ang lahat noong pinagbahaginan nila ang insidenteng ito. Sinabi nila, “Talagang mapanganib iyon! Matindi tayong pininsala ng diumanong ‘mga detalye’ ng anticristong iyon na halos nawasak na niya tayo.” Samakatwid, kailangan ninyong matutuhang kilatisin ang mga anticristo. Kung hindi mo kailanman seryosong kinikilatis ang mga anticristo, manganganib ka, at sinong nakakaalam kung kailan o sa kung anong pangyayari ka nila maililigaw. Maaari pa ngang sumunod ka nang may magulong isip sa isang anticristo nang hindi mo alam kung ano ang nangyayari. Hindi mo mararamdaman na may anumang mali rito sa oras na iyon, at mararamdaman mo pa nga na tama ang sinasabi ng anticristong ito—sa ganitong paraan, maililigaw ka nang hindi mo napagtatanto. Ang katunayang nailigaw ka na ay nagpapakita na ipinagkanulo mo na ang Diyos, at mawawalan na ng paraan ang Diyos para iligtas ka. May ilang tao na karaniwang gumagampan nang maayos, pero sa loob ng ilang panahon, nalilinlang sila ng mga anticristo, at sa huli ay ibinabalik sila ng iglesia sa pamamagitan ng panghihikayat at pagbabahaginan. Gayumpaman, may ilan na hindi bumabalik paano man ibahagi sa kanila ang katotohanan, at nagiging determinado sila sa pagsama sa mga anticristo—hindi ba’t ganap na silang nawasak kapag nagkagayon? Mariin silang tumatanggi na bumalik, at hindi na gumagawa ang Diyos sa kanila. Walang pagkilatis ang ilang tao, at naaawa sila sa ganitong klase ng tao, sinasabi nila, “Disente naman ang taong iyon: Maraming taon siyang nanampalataya sa Diyos, at tinalikuran niya ang mga bagay at ginugol ang kanyang sarili; matapat niyang ginagawa ang kanyang tungkulin dati, malaki ang pananalig niya sa Diyos, at isa siyang tunay na mananampalataya—hindi ba’t dapat bigyan natin siya ng isa pang pagkakataon?” Tama ba ang pananaw na ito? Tugma ba ito sa katotohanan? Nakikita lamang ng mga tao ang panlabas ng ibang tao, pero hindi nila nakikita ang puso niya; hindi nila makita nang malinaw kung anong klaseng tao ba talaga siya, o anong klase ng diwa ang mayroon siya. Kailangan nilang makipag-ugnayan sa kanya o obserbahan siya sa loob ng ilang panahon, at kailangan na maharap ang taong iyon sa mga pangyayaring magbubunyag sa kanya para makilatis siya ng mga tao. Bukod dito, kung tutulungan mo ang mga taong ito dahil sa kabutihan ng puso mo, pero hindi sila bumabalik gaano ka man makipagbahaginan sa kanila, hindi mo malalaman kung ano ang dahilan sa likod ng lahat ng ito. Sa realidad, nakilatis at itiniwalag na ng Diyos ang mga taong ito. Bakit sila itiniwalag ng Diyos? Ang pinakadiretsahang dahilan ay na halatang masasamang espiritu ang ilang anticristo, at puwede silang iklasipika bilang mga anticristo na may mga gumagawang masamang espiritu sa kanila. Kung susundan sila ng mga tao sa loob ng ilang panahon, didilim ang puso nila, at magiging napakahina nila na bumabagsak sila, na nagpapatunay na matagal na silang sinukuan ng Diyos. May matuwid na disposisyon ang Diyos, at kinamumuhian Niya si Satanas. Dahil sumusunod ang mga taong ito kay Satanas at sa masasamang espiritu, magagawa pa rin ba silang kilalanin ng Diyos bilang mga tagasunod Niya? Ang Diyos ay banal at napopoot sa kasamaan. Ayaw Niya sa mga sumunod sa masasamang espiritu; kahit na iniisip ng iba na mabubuting tao sila, ayaw ng Diyos sa kanila. Ano ang ibig sabihin na kinapopootan ng Diyos ang kasamaan? Ano ang ipinahihiwatig ng “kinapopootan ang kasamaan”? Makinig kayo sa sasabihin Ko ngayon, at mauunawaan ninyo. Simula nang hirangin ng Diyos ang isang tao, hanggang sa kilalanin ng taong iyon na ang Diyos ang katotohanan, katuwiran, karunungan, at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, na nag-iisa lamang Siya—kapag naunawaan na nila ang mga bagay na ito, at pagkatapos nilang magkaroon ng ilang karanasan, sa kaibuturan ng kanilang puso ay magkakaroon sila ng pangunahing pagkaunawa sa disposisyon, diwa ng Diyos, at kung ano ang mayroon Siya at ano Siya, at ang pangunahing pagkaunawang ito ay magiging pananalig nila. Magiging motibasyon din nila ito upang sumunod sa Diyos, gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at gawin ang kanilang tungkulin. Kapag may karanasan na sila, kapag nauunawaan na nila ang katotohanan, at nag-ugat na sa kanilang puso ang kanilang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos at ang kanilang kaalaman sa Diyos—kapag taglay na nila ang ganitong tayog—hindi nila itatatwa ang Diyos. Pero kung wala silang totoong kaalaman kay Cristo, ang praktikal na Diyos, at kung malamang na sumamba at sumunod sila sa isang anticristo, nanganganib pa rin sila. Maaari pa rin nilang talikuran si Cristo sa katawang-tao para sumunod sa isang buktot na anticristo. Magiging hayagang pagtatatwa ito kay Cristo at pagputol ng ugnayan sa Diyos. Ang ipinahihiwatig nito ay: “Hindi ko na sinusundan ang Diyos—sinusundan ko si Satanas. Mahal ko si Satanas at handa akong paglingkuran ito; handa akong sundan si Satanas. Paano man ako tratuhin nito, paano man ako wasakin, tapakan, at gawing tiwali nito, handang-handa ako. Gaano man katuwid at kabanal ang Diyos, gaano man karaming katotohanan ang ipinapahayag Niya, hindi ako handang sundan Siya. Ayaw ko sa katotohanan. Gusto ko ang kasikatan, katayuan, mga gantimpala, at mga korona; kahit na hindi ko matamo ang mga iyon, gusto ko ang mga iyon.” Nang ganoon-ganoon lang, sumunod na sila sa isang taong walang kaugnayan sa kanila, sumama na sila sa isang anticristo na sumasalungat sa Diyos. Gugustuhin pa rin ba ng Diyos ang ganitong tao? Siguradong hindi. Makatwiran ba na ayawan sila ng Diyos? Labis itong makatwiran. Mula sa doktrina, alam mo na ang Diyos ay isang Diyos na napopoot sa kasamaan, at na Siya ay banal. Nauunawaan mo ang doktrinang ito, pero alam mo ba kung paano tinatrato ng Diyos ang mga ganitong tao? Kung itinataboy ng Diyos ang isang tao, susukuan Niya ito nang walang pag-aatubili. Hindi ba’t totoo ang sinasabi Ko? (Oo.) Totoo ito. Kung ganoon, ang pagsuko ba ng Diyos sa ganitong tao ay nangangahulugan na may malupit Siyang puso? (Hindi.) May prinsipyo ang Diyos sa Kanyang mga kilos. Kung kilala mo kung sino ang Diyos, pero ayaw mong sumunod sa Kanya—kung kilala mo kung sino si Satanas, pero iginigiit mong sumunod dito—hindi ka pupuwersahin ng Diyos. Sige at sundan mo si Satanas magpakailanman. Huwag ka nang bumalik; sinukuan ka na ng Diyos. Paano mauunawaan ng isang tao ang disposisyon ng Diyos? Matuwid at banal ang disposisyon ng Diyos, at may isang elemento sa disposisyon Niya na napopoot sa kasamaan. Sa madaling salita, kung bilang isang nilikha ay handa kang maging masama, ano pa bang masasabi ng Diyos? Hindi kailanman pinupuwersa ng Diyos ang mga tao na gawin ang mga bagay na ayaw nilang gawin. Hindi Niya kailanman pinupuwersa ang mga tao na tanggapin ang katotohanan. Kung gusto mong maging masama, personal mo nang desisyon iyon—sa huli, ikaw ang magpapasan ng mga kahihinatnan, at sarili mo lang ang masisisi mo. Hindi nagbabago ang mga prinsipyo ng Diyos sa pangangasiwa sa mga tao, kaya kung masaya ka sa kasamaan, hindi maiiwasan na mapaparusahan ka sa huli. Hindi mahalaga kung ilan taon ka nang sumusunod sa Diyos; kung gusto mong maging masama, hindi ka pupuwersahin ng Diyos na magsisi. Ikaw ang handang sumunod kay Satanas, na mailigaw at mawasak ni Satanas, kaya sa huli, ikaw ang dapat magpasan ng mga kahihinatnan. Naaawa ang ilang tao sa mga ganitong tao at nag-aaksaya sila ng kabutihan sa pagtulong sa mga ito, pero paano man sila udyukan, hindi sila babalik. Ano ang nangyayari dito? Ang katunayan ay na hindi inililigtas ng Diyos ang ganitong tao; ayaw Niya rito. Anong magagawa ng tao roon? Ito ang pangunahing dahilan. Pero kapag hindi makita nang malinaw ng mga tao ang sitwasyon, dapat nilang gawin ang nararapat nilang gawin, at gampanan ang mga obligasyon at responsabilidad na nararapat nilang gampanan. Pagdating sa mga magiging resulta ng paggampan sa mga gampaning ito, kailangan nilang tumingin sa pamumuno ng Diyos. Hindi pa ba ninyo naunawaan nang kaunti ang pariralang “Ang Diyos ay isang Diyos na kinapopootan ang kasamaan” sa pamamagitan ng mga detalyeng ito na tinalakay Ko? Isang aspekto ito nito, na ayaw ng Diyos sa mga may bahid ng masasamang espiritu. Ano ang dahilan kung bakit ayaw ng Diyos sa kanila? Kung pinili mo si Satanas, paanong gugustuhin ka pa rin ng Diyos? Kung pinili mo si Satanas, paanong kaaawaan ka pa rin ng Diyos at paanong pupukawin pa rin ng Diyos ang puso mo para pabalikin ka? May kakayahan ba ang Diyos na gawin iyon? Kayang-kaya Niya iyon, pero pinipili Niyang huwag gawin ang gawaing ito dahil matuwid ang disposisyon Niya, at dahil Siya ay isang Diyos na napopoot sa kasamaan.

Noong nakaraan, tumuon ang pagbabahaginan natin sa kung paanong ang pangunahing pagpapamalas ng buktot na diwa ng mga anticristo ay ang pagkamapanlaban at pagkasuklam nila sa lahat ng positibong bagay at katotohanan. Ngayon nagbabahagi Ako mula sa isa pang perspektiba, na minamahal ng mga anticristo ang lahat ng bagay na salungat sa mga positibong bagay. At ano iyon? (Ang mga negatibong bagay.) Tama, mga negatibong bagay ito, ibig sabihin, ang lahat ng bagay na taliwas, salungat, at hindi sang-ayon sa katotohanan. Ayaw ng mga anticristo sa mga positibong bagay, kaya siguradong may mga bagay na gusto nila, tama? At ano ang gusto nila? Gusto nila ang panlalansi at ang mga kasinungalingan, pati na rin ang mga pakana, balak, at taktika. May mga anticristo bang nagbabasa ng Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang sa bakanteng oras nila? Sa tingin Ko ay mayroon. Sa tingin mo ba ay binabasa Ko Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang? Hindi Ko ito binabasa. Hindi Ko ito pinag-aaralan. Anong silbi ng pagbabasa rito? Nasusuya at nasusuka Ako sa pagbabasa nito. Ano sa tingin ninyo ang nararamdaman ng mga normal na tao pagkatapos basahin Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang? Hindi ba’t mas lalo pa kayong nasusuklam sa buktot na sangkatauhan? Nararanasan ba ninyo ang pakiramdam na ito? Habang mas lalo ninyong binabasa ito, mas lalo kayong nasusuklam. Pakiramdam ninyo ay napakasama talaga ng taong ito! Sulit bang gumamit ng mga estratehiya sa bawat maliit na bagay, na gawin ang mga gayong hakbang, na hindi makatulog sa gabi o makakain kapag araw, at pigain ang utak para malaman kung paano makipaglaban? Maaaring pag-aralan ng ilang anticristo Ang Tatlumpu’t Anim na Panlilinlang sa bakanteng oras nila, at gamitin ang kanilang talino laban sa talino ng ibang tao at ng Diyos. Nasisiyahan sila sa mga kasinungalingan, panlalansi, balak, pakana, pati na rin sa mga taktika at estratehiya—pero gusto ba nila ang pagiging patas at matuwid ng Diyos? Ano ang kabaligtaran ng pagiging patas at matuwid? (Kabuktutan at kapangitan.) Kabuktutan at kapangitan. Gusto nila ang mga pangit na bagay, lahat ng imoral at hindi patas, lahat ng hindi makatarungan at hindi tama. Halimbawa, ang paghahangad ng mga tao sa katotohanan ay isang matuwid na layunin—paano ito binibigyang-kahulugan ng mga anticristo? Sinasabi nila, “Mga hangal ang mga naghahangad sa katotohanan! Ano ang halaga ng buhay, kung hindi naman mamumuhay ang tao ayon sa gusto niya? Dapat mamuhay ang mga tao para sa sarili nila, at tungkol naman sa mga namumuhay para sa katotohanan at katarungan, pawang mga hangal ang mga taong iyon!” Iyon ang pananaw nila. Kung gayon, kaya ba nilang gumawa ng mga makatarungang bagay? Hindi. Kaya ba nilang manindigan at magsalita kapag lumitaw ang mga bagay sa iglesia na gumugulo at gumagambala sa gawain ng iglesia? Bukod sa hindi sila naninindigan, lihim silang natutuwa at nasisiyahan sa kasawiang ito—masasamang binhi sila. Hindi sila kailanman nababalisa sa mga bagay na may kaugnayan sa gawain ng sambahayan ng Diyos, ni naninindigan at gumagawa ng anuman para protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos. Ang mga palihim na natutuwa, at ginagawang katatawanan ang sambahayan ng Diyos kapag nakakakita sila ng masasamang taong gumagawa ng kasamaan, at ng masasamang tao na nang-aapi sa iglesia—anong klaseng mga tao sila? Sila ay mga buktot na indibidwal. Kung gayon, anong klaseng mga tao ang mga lider na may kakayahang protektahan ang masasamang taong ito? Mga anticristo sila. Hindi nila hahayaang mapinsala ang sarili nilang mga interes, pero hindi sila kumukurap kapag napipinsala ang mga interes ng iglesia, at hindi man lang sila nalulungkot. Kapag walang nakakakita, masaya pa nga sila na walang nawala sa kanila. Ito ang kabuktutan ng mga anticristo.

Pinag-usapan natin ngayon ang tungkol sa kung paano tutol ang mga anticristo sa katotohanan, kung paano nila gusto ang mga di-matuwid at buktot na bagay, kung paano nila hinahangad ang mga interes at pagpapala, hindi kailanman binibitiwan ang kanilang layunin at pagnanais na magkamit ng mga pagpapala, at kung paano sila palaging nakikipagtawaran sa Diyos. Kung gayon, paano dapat kilatisin at iklasipika ang usaping ito? Kung tatawagin natin itong inuuna ang pakinabang bago ang lahat, magiging masyadong magaan iyon. Katulad ito ng pagtanggap ni Pablo na mayroon siyang tinik sa kanyang laman, at na dapat siyang gumawa upang pagbayaran ang mga kasalanan niya, pero sa huli, hiniling pa rin niyang magkamit ng korona ng katuwiran. Ano ang kalikasan nito? (Pagiging malupit.) Isa itong uri ng malupit na disposisyon. Pero ano ang kalikasan nito? (Pakikipagtawaran sa Diyos.) Mayroon itong ganitong kalikasan. Naghanap siya ng pakinabang sa lahat ng ginawa niya, itinuturing ang lahat bilang isang transaksyon. May isang kasabihan sa mga walang pananampalataya: “Walang libreng tanghalian.” Kinikimkim din ng mga anticristo ang ganitong lohika, iniisip nila, “Kung gagawa ako para sa iyo, ano ang ibibigay mo sa akin bilang kapalit? Anong mga pakinabang ang matatamo ko?” Paano bubuurin ang kalikasang ito? Inuudyukan ito ng mga pakinabang, inuuna ang pakinabang bago ang lahat, at pagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Nananalig sila sa Diyos para lamang sa layon na makapagtamo ng pakinabang at mga pagpapala. Kahit na magtiis sila ng kaunting pagdurusa o magbayad ng kaunting halaga, ito ay pawang para makipagtawaran sa Diyos. Napakalaki ng kanilang layunin at pagnanais na magtamo ng mga pagpapala at gantimpala, at mahigpit nila itong pinanghahawakan. Wala silang tinatanggap na kahit ano sa maraming katotohanang ipinahayag ng Diyos, sa puso nila ay palagi nilang iniisip na ang pananalig sa Diyos ay pawang tungkol sa pagtatamo ng mga pagpapala at pagtitiyak ng isang magandang hantungan, na ito ang pinakamataas na prinsipyo, at na walang makakalampas dito. Iniisip nila na hindi dapat manalig ang mga tao sa Diyos maliban na lang para sa kapakanan ng pagkamit ng mga pagpapala, at na kung hindi dahil sa mga pagpapala, ang pananalig sa Diyos ay magiging walang kahulugan o halaga, na mawawalan ito ng kahulugan at halaga. Ikinintal ba ng ibang tao ang mga ideyang ito sa mga anticristo? Nagmumula ba ang mga ito sa edukasyon o impluwensiya ng iba? Hindi, itinatakda ang mga ito ng likas na kalikasang diwa ng mga anticristo, na isang bagay na walang sinuman ang makakabago. Sa kabila ng pagsasalita ngayon ng napakaraming salita ng Diyos na nagkatawang-tao, walang tinatanggap na kahit na ano sa mga ito ang mga anticristo, sa halip ay nilalaban at kinokondena nila ang mga ito. Hindi kailanman magbabago ang kalikasan nila na tutol sa katotohanan at namumuhi sa katotohanan. Kung hindi sila makakapagbago, ano ang ipinahihiwatig nito? Ipinahihiwatig nito na buktot ang kanilang kalikasan. Hindi ito isyu ng paghahangad o hindi paghahangad sa katotohanan; isa itong buktot na disposisyon, walang pakundangan itong pagtutol sa Diyos at paglaban sa Diyos. Ito ang kalikasang diwa ng mga anticristo; ito ang totoong mukha nila. Dahil nagagawa ng mga anticristo na walang pakundangang magprotesta at sumalungat sa Diyos, ano ang disposisyon nila? Buktot ito. Bakit Ko sinasabing buktot ito? Nangangahas ang mga anticristo na lumaban sa Diyos at magprotesta laban sa Kanya alang-alang sa pagkamit ng mga pagpapala, at para sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Bakit sila nangangahas na gawin ito? Sa kaibuturan ng puso nila ay may isang puwersa, isang buktot na disposisyong namamahala sa kanila, kaya nagagawa nilang kumilos nang walang konsensiya, makipagtalo sa Diyos, at magprotesta laban sa Kanya. Bago pa sabihin ng Diyos na hindi Niya sila bibigyan ng korona, bago alisin ng Diyos ang kanilang hantungan, lumalabas na ang buktot nilang disposisyon sa kanilang puso at sinasabi nila, “Kung hindi mo ako bibigyan ng korona at ng hantungan, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa iyo!” Kung hindi dahil sa kanilang buktot na disposisyon, saan sila makakahanap ng gayong enerhiya? Kaya ba ng karamihan ng tao na makahugot ng gayong enerhiya? Bakit hindi naniniwala ang mga anticristo na ang mga salita ng Diyos ang katotohanan? Bakit mahigpit silang kumakapit sa kanilang pagnanais para sa mga pagpapala? Hindi ba’t kabuktutan na naman nila ito? (Oo.) Naging ambisyon at pagnanais na ng mga anticristo ang mismong mga pagpapala na ipinapangako ng Diyos na ipagkakaloob sa mga tao. Determinado ang mga anticristong matamo ang mga iyon, pero ayaw nilang sundan ang daan ng Diyos, at hindi nila mahal ang katotohanan. Sa halip, hinahangad nila ang mga pagpapala, gantimpala, at korona. Bago pa man sabihin ng Diyos na hindi Niya ipagkakaloob ang mga ito sa kanila, gusto na nilang makipagtalo sa Diyos. Ano ang lohika nila? “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala at gantimpala, makikipagtalo ako sa iyo, sasalungatin kita, at sasabihin kong hindi ka diyos!” Hindi ba’t pinagbabantaan nila ang Diyos sa pagsasabi ng mga gayong bagay? Hindi ba’t sinusubukan nilang pabagsakin ang Diyos? Nangangahas pa nga silang itatwa ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay. Basta’t hindi umaayon sa kalooban nila ang mga kilos ng Diyos, nangangahas silang itatwa na ang Diyos ang Lumikha, ang nag-iisang totoong Diyos. Hindi ba’t disposisyon ito ni Satanas? Hindi ba’t kabuktutan ito ni Satanas? May pagkakaiba ba sa pagitan ng kung paano kumikilos ang mga anticristo at ng saloobin ni Satanas sa Diyos? Puwedeng ganap na ituring na magkapareho ang dalawang pamamaraang ito. Tumatanggi ang mga anticristo na kilalanin ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos sa lahat ng bagay, at gusto nilang agawin ang mga pagpapala, gantimpala, at korona sa mga kamay ng Diyos. Anong klaseng disposisyon ito? Sa anong batayan nila hinihiling na kumilos at agawin ang mga bagay na gaya nito? Paano sila nakakahugot ng gayong enerhiya? Ang kadahilanan para dito ay puwede nang ibuod nang ganito: Ito ang kabuktutan ng mga anticristo. Hindi minamahal ng mga anticristo ang katotohanan, pero gusto pa rin nilang magtamo ng mga pagpapala at korona, at agawin ang mga gantimpalang ito sa mga kamay ng Diyos. Hindi ba’t hinahangad nila ang kamatayan? Nababatid ba nilang hinahangad nila ang kamatayan? (Hindi nila ito nababatid.) Maaaring medyo nararamdaman din nila na imposible para sa kanila na magtamo ng mga gantimpala, kaya nagsasabi muna sila ng isang pahayag gaya ng, “Kung hindi ako magtatamo ng mga pagpapala, aakyat ako sa ikatlong langit at makikipagtalo sa diyos!” Nakikini-kinita na nilang magiging imposible para sa kanila na magtamo ng mga pagpapala. Kung tutuusin, maraming taon nang tumututol laban sa Diyos si Satanas sa himpapawid, at ano ang ibinigay ng Diyos dito? Ang tanging pahayag ng Diyos dito ay, “Kapag natapos na ang gawain, ihahagis kita sa walang hanggang hukay. Nababagay ka sa walang hanggang hukay!” Ito lamang ang “pangako” ng Diyos kay Satanas. Hindi ba’t baluktot na nagnanais pa rin ito ng mga gantimpala? Kabuktutan ito. Antagonistiko sa Diyos ang likas na diwa ng mga anticristo, at hindi nga rin alam ng mga anticristo mismo kung bakit ganito. Nakatuon lamang ang kanilang puso sa pagkakamit ng mga pagpapala at korona. Tuwing may kaugnayan ang anumang bagay sa katotohanan o sa Diyos, lumilitaw ang paglaban at galit sa loob nila. Kabuktutan ito. Maaaring hindi maunawaan ng mga normal na tao ang mga panloob na damdamin ng mga anticristo; napakahirap nito sa mga anticristo. Nagtataglay ng gayong napakalalaking ambisyon ang mga anticristo, nagkikimkim sila ng gayon kalaking buktot na enerhiya sa loob nila, at ng gayon kalaking pagnanais para sa mga pagpapala. Puwede silang mailarawan bilang nag-aalab sa pagnanais. Pero patuloy na nagbabahaginan ang sambahayan ng Diyos tungkol sa katotohanan—siguradong napakasakit at napakahirap para sa kanila na marinig ito. Inaagrabyado nila ang kanilang sarili at nagpapanggap sila nang husto para pagtiisan ito. Hindi ba’t isa itong uri ng buktot na enerhiya? Kung hindi minahal ng mga ordinaryong tao ang katotohanan, hindi magiging interesante sa kanila ang buhay iglesia at makakaramdam pa sila ng pagkasuklam dito. Mas magiging pagdurusa kaysa kasiyahan para sa kanila ang pagbabasa sa mga salita ng Diyos at pagbabahaginan sa katotohanan. Kung gayon, paano ito nagagawang tiisin ng mga anticristo? Dahil ito sa napakalaki ng pagnanais nila para sa mga pagpapala na napipilit sila nitong agrabyaduhin ang kanilang sarili at atubiling tiisin ito. Bukod pa rito, pumapasok sila sa sambahayan ng Diyos para umakto bilang mga kampon ni Satanas, at ilaan ang kanilang sarili para magdulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia. Naniniwala silang ito ang misyon nila, at hanggang hindi nila natatapos ang gampanin nila na labanan ang Diyos, hindi sila napapanatag at pakiramdam nila ay nabigo nila si Satanas. Tinutukoy ito ng kalikasan ni Satanas.

Malinaw na mahilig ang mga anticristo sa katayuan, at alam ito ng lahat. Hanggang sa anong antas nila gusto ang katayuan? Ano ang mga pagpapamalas nito? Una sa lahat, sinasamantala nila ang anumang pagkakataon para umangat, sa pamamagitan man ng pagsisipsip o mga tusong pamamaraan, o sa paggawa ng mabubuting bagay para makuha ang loob ng mga tao. Ano’t anuman, sa tuwing may pagkakataong umangat, sinasamantala nila ito. Kapag nakamit na nila ang katayuan, mas pinahahalagahan nila ito kaysa dati. Kapag nagkakamit ng katayuan ang mga normal na tao, nahihiya sila at pinipigilan nila nang kaunti ang sarili nila. Bukod dito, isang tungkulin ang posisyon ng isang lider o manggagawa sa sambahayan ng Diyos. Hindi ito isang katayuan o isang opisyal na titulo, isa itong tungkulin. Minsan maaaring ibunyag nang kaunti ng mga normal na taong ito ang kanilang mga mga tiwaling disposisyon sa pamamagitan ng pagpapakitang gilas na iniisip na nasa opisyal na posisyon na sila ngayon. Inaakala ng mga normal na tao na medyo katanggap-tanggap na kumilos nang ganito paminsan-minsan, pero kung regular nila itong gagawin, masusuklam sila sa sarili nila at natatakot silang mapapansin ito ng mga kapatid. May dignidad at kahihiyan sila, kaya pinipigilan nila nang kaunti ang sarili nila. Pagkatapos maunawaan ang katotohanan, unti-unti ay hindi na nila masyadong pinapahalagahan ang katayuan. Ano ang magiging positibong epekto nito, at ano ang magiging mabubuting resulta nito? Bibigyan kakayahan sila nitong gawin ang kanilang tungkulin nang may payapang isip. Anuman ang kanilang kasalukuyang papel, ituturing nila itong isang tungkulin. Dahil hinirang sila na mamuno, at ang pamumuno ay kapwa isang pasanin at tungkulin para sa tao, kailangan muna nilang maunawaan kung ano ang mga bagay na nasa saklaw ng tungkuling ito. Kapag wala ka sa tungkulin ng pamumuno, hindi mo kailangang mag-alala sa ilang usapin, at wala ka naman talagang anumang mga pasanin. Pero kapag umako ka ng isang tungkulin ng pamumuno, kailangan mong alamin kung paano maayos na gampanan ang iyong mga gampanin, at kung paano gawin ang tungkulin mo ayon sa mga prinsipyo at sa mga pagsasaayos ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Puwedeng umusad sa ganitong positibong direksiyon ang mga naghahangad sa katotohanan. Kaya, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga anticristo at ng mga naghahangad sa katotohanan pagdating sa kung paano nila hinaharap ang katayuan? Marubdob ang damdamin ng mga anticristo sa katayuan nila, hinahangad, pinahahalagahan, at pinangangasiwaan nila ito. Iniisip nila ang katayuan nila sa bawat pagkakataon. Parang buhay nila ang katayuan. Kung hindi sila iginagalang ng iba, o kung aksidente silang nakapagsabi ng mali at hinahamak sila ng iba, at nawawala ang puwang nila sa puso ng ibang tao, palagi silang nababalisa tungkol sa katayuan nila, at nagiging sobrang maingat sa kanilang pagkilos at pagsasalita. Gaano ka man makipagbahaginan tungkol sa paghahangad sa katotohanan, hindi nila ito mauunawaan. Ano lamang ang mauunawaan nila? “Paano ko magagampanan nang maayos ang ‘trabahong’ ito at paano ako kikilos gaya ng isang opisyal?” May ilang partikular na pagpapamalas nito. Halimbawa, kapag nagpalitrato ang isang lider ng iglesia kasama ang mahigit sa 20 kapatid, saan pipiliing umupo ng isang taong may dignidad at kahihiyan? Hahanap siya ng isang sulok para doon maupo. Saan karaniwang umuupo ang mga anticristo? (Sa gitna.) Ang pag-upo ba nila sa gitna ang gusto ng lahat o ang personal nilang pagnanais? (Personal nilang pagnanais.) Minsan, maaaring binabakante ng lahat ang gitna para sa kanila, kaya napipilitan silang gumitna, at sa puso nila, masayang-masaya sila sa sarili nila, “Tingnan ninyo kung gaano ako sinusuportahan ng lahat! Kailangan kong umupo rito. Nakikita ko rito na may puwang ako sa puso ng lahat. Hindi nila kaya na wala ako!” Nasisiyahan at nalulugod sila. Kung ayaw nila sa ideya ng pagbakante ng lahat sa isang pwesto sa gitna, bakit sila uupo roon? Halatang-halata na masayang-masaya sila sa posisyon nila sa mismong sandaling iyon at sa pakiramdam na dulot nito. Kailangan at pinahahalagahan talaga nila ang damdamin ng sandaling iyon, kaya hindi nila tinatanggihan ang posisyon. Umuupo ang lider na ito sa pinakagitna, napapalibutan siya ng dose-dosenang tao, at gumagamit pa nga siya ng unan para mas mamukod-tangi siya. Iniisip niya, “hindi uubra kung kasing-taas ko ang lahat. Paano nito maipapakita ang pagkakaiba ko bilang isang lider? Kailangang itaas ko nang kaunti ang sarili ko, maupo sa gitna, para magiging kitang-kita ako. Ito ang pagkaalam sa tamang mauupuan. Kapag tiningnan ng mga tao ang litrato, ako ang una nilang makikita. Sasabihin nila, ‘Ito ang lider namin na si ganito at ganoon.’ Napakaluwalhati! Tatagal nang napakaraming taon ang litratong ito. Kung hindi ako makikita ng mga tao, at unti-unti nila akong makakalimutan, ano pang saysay ng pagiging lider ko?” Ganito nila sobrang pinahahalagahan ang kanilang katayuan.

Minsan, hinanap Ko ang ilang tao mula sa isang iglesia para malaman ang sitwasyon doon. Pagkatapos nilang i-on ang kanilang video, naupo silang lahat sa harap ng kamera, nag-iwan sila ng espasyo sa gitna. Hindi Ko naunawaan kung bakit at iminungkahi Ko na mas umusod pa sila sa gitna dahil hindi gaanong malaki ang frame ng kamera, at hindi maganda ang kuha ng mukha nila dahil kalahati lang ang nakikita. Pagkatapos niyon, medyo umusod sila sa gitna, pero nag-iwan pa rin sila ng bakanteng upuan sa gitna. Napaisip Ako, “Bakit walang umuupo sa gitna? Para bang may ilang sagradong Buddha roon—bakit walang nangangahas na pumunta roon?” Pagkatapos, isang matabang lalaki ang dumating at naupo na lang sa gitna, na mukha talagang isang sagradong “Buddha,” bilugan at mataba. Nakareserba pala para sa kanya ang upuan sa gitna. Mahuhulaan ba ninyo kung sino ang taong ito? (Ang lider.) Tama, umupo siya sa pinakagitna. Simbolo iyon ng katayuan. Nang dumating ang diyablong ito, na mukhang Buddha, at naupo roon, napakanatural niyang inokupa ang pwestong iyon, na para bang nararapat sa kanya ang pwestong iyon. Masayang-masaya ang lahat na maupo sa magkabilang gilid, habang nakatingin sa kanya nang may paghanga, na para bang “nauunawaan” nila siya nang husto. Para silang grupo ng mga sipsip, na nagsasabi, “Hay, sa wakas ay dumating ka na. Ang tagal ka na naming hinihintay.” Habang nagsasalita Ako, walang nakikinig sa mga sinasabi Ko; naghihintay sila sa lider. Kailangan munang magpakita ng sagradong “Buddha” na ito. Kung hindi siya dumating, hindi Ako makapagpapatuloy na magsalita. Paano niya nagawang maupo roon, at maupo roon nang napakanatural? May kinalaman ba ito sa karaniwan niyang mga kagustuhan, priyoridad, at hinahangad? (Oo.) Anong klaseng eksena ang karaniwang ipinapakita ng mga taong ito? Gamitin ninyo ang imahinasyon ninyo at pag-isipan ninyo ito. Kapag nagho-host ang lider na ito ng isang pagtitipon o kapag pumapasok siya sa isang kwarto kung saan ginagawa ng mga tao ang kanilang mga tungkulin, paano siya tinatrato ng mga tao? Para bang isa siyang ninuno o isang Buddha: Agad-agad nila siyang binibigyan ng mauupuan, at kailangang nakareserba para sa kanya ang pangunahing upuan. Ayos lang ba kung hindi nila inireserba ito para sa kanya? Batay sa pangyayaring nakita Ko sa kamera noong sandaling iyon, malamang na hindi magiging ayos kung hindi nila inireserba ang pangunahing upuan para sa kanya—naging isang panuntunan na ito, isang hindi nakasulat na panuntunan. Kapag dumating na ang “Buddha,” dapat agad na ibigay sa kanya ang pangunahing upuan. Kung wala ang “Buddha” roon, dapat manatiling bakante ang pangunahing upuan. Katayuan ang tawag doon. Mayroon ba sa inyong kumikilos nang ganito, at itinuturing ang katayuan na mas mataas kaysa sa lahat ng iba pang bagay? Ano ang mapapansin ninyo mula sa eksenang inilarawan Ko kanina? Iba-iba ang trato ng iba’t ibang tao sa katayuan. Ang mga nagmamahal sa katotohanan ay itinuturing ang kanilang katayuan bilang isang tungkulin, pinahahalagahan nila sa kanilang puso ang atas ng Diyos. Tinatanggap nila ang kanilang tungkulin pero hindi nila iginigiit ang kanilang katayuan. Nakikita ng ilang tao ang katayuan bilang pabigat, naniniwala silang isang dagdag na pasanin ito na nagdudulot ng presyur sa kanila, ng mga limitasyon, at ng gulo pa nga. Gayumpaman, ang mga sumasamba sa katayuan ay tinatrato ang katayuan na parang isang opisyal, at palagi silang nasisiyahan sa mga pakinabang nito. Hindi nila kayang mabuhay nang walang katayuan. Kapag nakamit na nila ito, handa silang isakrispisyo ang lahat, kasama na ang buhay nila at ang kanilang respeto sa sarili para dito—handa pa nga silang ipagbili ang kanilang katawan para dito. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Kabuktutan ang tawag dito. Ano ang katayuan sa paningin nila? Isa itong landas at paraan para umangat, at isang pamamaraan para mabago ang kanilang pagkakakilanlan, hantungan, at katayuan sa mga tao. Samakatwid, labis nilang pinapahalagahan ang katayuan. Kapag nakamit na nila ito, at pinakikinggan, sinusunod, pinalalayaw na sila ng mga tao, at sumisipsip sa kanila sa lahat ng bagay, sa halip na masuklam sa lahat ng ito, labis silang nalulugod dito. Katulad ng lider na iyon na umupo sa gitna—napakakalmado at napakakomportable ng postura niya, at may labis na kaluguran at kasiyahan dito. Hindi ba’t buktot ito? Kung labis na tinatamasa ng isang tao ang lahat ng damdamin ng pagiging mas mataas at lahat ng pakinabang na dulot ng katayuan, at talagang hinahangad at pinahahalagahan niya ang mga ito, ayaw bitiwan ang mga ito, napakabuktot ng taong iyon. Bakit Ko sinasabing napakabuktot niya? Pagdating sa mga nambobola, nagsasabi ng mga kaaya-ayang pananalita, at pumupuri sa mga taong may katayuan, ano ang sinasabi nila? Nagsasabi sila ng mga huwad na salita, mga salitang walang kahihiyan, mga nakakasuklam at nakakasukang salita, at mga salita ng panlalansi, at maging ng ilang bagay na nakakasama ng loob. Halimbawa, sabihin natin na may isang taong may katayuan na may isang anak na talagang pangit, matulis ang baba nito at may pisnging gaya ng sa unggoy—sinasabi ba ng mga mambobolang iyon na pangit siya? Ano ang sinasabi nila? (Napakagwapo niya.) Sapat na ba para sa kanila na sabihin na “napakagwapo niya”? Kailangan nilang magsabi ng isang bagay na nakakasuka, tulad ng, “Malapad ang noo niya, at malapad at bilugan ang panga niya. Batay sa itsura ng mukha niya, magiging mayaman siya at magkakaroon siya ng mataas na katayuan sa hinaharap!” Kahit na malinaw na hindi ganito ang sitwasyon, nangangahas pa rin silang hayagang sabihin ang mga kasinungalingang ito. Kapag narinig ito ng opisyal na iyon, natutuwa siya, gustong-gusto niyang marinig ang mga ganitong bagay—nasisiyahan siyang pakinggan ang mga ito. Gaano niya kagustong makinig sa mga ito? Kapag walang sinumang nagsasabi ng mga mapagpaimbabaw na salitang ito, ng mga pambobola, at ng mga panlalansi sa harap niya, kung walang sinumang nagsasabi ng anumang huwad at nakakasuklam na mga salita para pasayahin at palugurin siya, magiging hindi interesante ang buhay para sa kanya. Hindi ba’t buktot ito? (Oo.) Napakabuktot nito. Kapag siya mismo ang nagsisinungaling, nakakasuka na talaga iyon, pero nasisiyahan din siya kapag napapalibutan siya ng mga sinungaling gaya ng kumpol ng mababahong langaw, at hindi siya kailanman nagsasawa rito. Gusto niya ang sinumang magaling magsalita, magaling mambola at sumisipsip sa kanya, at nagsasalita nang paligoy-ligoy—pinapanatili niya ang mga taong ito na malapit sa kanya at inilalagay ang mga ito sa mahahalagang posisyon. Hindi ba’t nanganganib ang mga gayong lider? Anong klaseng gawain ang matatapos nila? Hindi ba’t katapusan na ng iglesia kung mapasailalim ito sa kanilang kontrol? Magkakaroon pa rin ba ito ng gawain ng Banal na Espiritu?

Narinig Ko na mahilig kumain ang ilang lider. Noong nakatira sila kasama ng mga kapatid na hindi mahusay sa pagluluto at hindi naghahanda ng masasarap na pagkain, maghahanap sila ng isang host na marunong mambola at sumipsip sa kanila, at na partikular silang ipaghahanda ng masasarap na pagkain araw-araw. Bawat araw, magpapakasawa sa pagkain at pag-inom ang mga lider, sinasabing, “Salamat sa diyos, araw-araw nating natatamasa ang piging ng diyos. Talagang biyaya ito ng diyos!” Nasa panganib ang gayong mga tao. Kahit na hindi pa sila mga anticristo, inilantad na ng pag-uugali nila na mayroon silang kalikasang diwa at buktot na disposisyon ng isang anticristo, at na kasalukuyan din nilang tinatahak ang landas ng isang anticristo. Kung maaari man silang maging mga anticristo, o kung mga anticristo nga sila, nakadepende ito sa landas na pipiliin nila kalaunan. Kitang-kita na kasalukuyan nilang tinatahak ang landas ng isang anticristo at na umaayon ang disposisyong diwa nila sa isang anticristo, at dahil ito sa mahilig sila sa mga negatibong bagay at ayaw nila sa mga bagay na positibo. Hinahamak nila ang mga positibong bagay, kinokondena at tinatanggihan ang mga ito sa puso nila. Ano ang tinatanggap nila? Ang pagkukunwari, mga kasinungalingan, at lahat ng may kinalaman sa mga negatibong bagay. Kapag pumupunta Ako sa isang partikular na lugar, sinasabi ng ilang tao: “Mukhang napagod Ka; magpahinga Ka sandali.” Maayos man ang pakiramdam Ko o hindi at kung kailangan Ko mang magpahinga, alam Ko mismo ang mga ito. Hindi mo kailangang magkunwaring matalino, at hindi mo kailangang magpakitang-gilas kung gaano ka katalino. Hindi Ko ito tinatanggap; nasusuklam Ako rito. Anong klaseng mga tao ang gusto Ko? Iyong mga kayang makipagbahaginan kaagad kapag may nangyayari at nagsasabi sa Akin ng nasa isipan nila. Nakikipagbahaginan Ako sa iyo para malutas ang mga paghihirap mo, at maaari kang maging mas malapit sa Akin. Huwag mong alalahanin ang tungkol sa pagpapakitang-gilas mo at pagtatangkang palugurin Ako—sobrang kasuklam-suklam niyon! Dapat lumayo sa Akin ang ganitong mga tao, dahil nasusuklam Ako sa kanila. Itinuturing kitang isang nakakayamot na langaw o peste. Lumayo ka sa Akin! Sinasabi ng ilang tao, “Hindi ba’t kailangan Mo ng isang tao sa tabi Mo para pagsilbihan Ka?” Sa pananaw mo, alinsunod sa pagkakakilanlan at katayuan Ko, dapat mayroong kaukulang pagtrato at pagseserbisyo. Pero hindi Ko kailangan iyon. Hindi mo dapat gawin ang mga bagay na ito, naiintindihan mo? Nasusuklam at namumuhi Ako sa mga bagay na ito. Kung talagang nasa puso mo na maging mapagsaalang-alang at mapagmalasakit sa Akin, maraming wastong paraan para gawin iyon. Halimbawa, kung sabihin Ko sa iyong gawin ang isang bagay, masunurin mo itong susundin, at kapag nahaharap ka sa mga paghihirap, matatalakay mo kaagad ang mga ito sa Akin. Gayumpaman, anuman ang ginagawa mo, huwag mong gayahin ang paraan ng mga walang pananampalataya ng pagpapalakas sa mga taong nasa katungkulan, bumibigkas ng maraming pambobola na masarap pakinggan—ayaw Kong marinig ang mga iyon. Kitang-kita naman na hindi Ako matangkad, pero iginigiit mong sabihin, “Maaaring hindi Ka matangkad, pero mas matangkad ka kaysa sa amin.” Ayaw Kong naririnig iyon, kaya anuman ang ginagawa mo, huwag mo itong sabihin sa Akin; sinasabi mo ito sa maling tao. Gusto ng mga anticristong marinig ang ganitong mga klaseng salita. Halimbawa, tinatanong nila ang mga kapatid na nasa ilalim nila: “Mukha ba akong mataba?” At sinasabi ng ilang tao: “Kahit na mataba ka, mas maayos ang itsura mo kaysa sa amin.” “Kung gayon, payat ba ako?” “Kahit na payat ka, ang ganda mo pa ring tingnan. Ano’t anuman, para kang fashion model; bagay sa iyo ang lahat.” Kapag naririnig ito ng mga anticristo, natutuwa sila at itinuturing ka nilang katuwang at kakampi nila. Kasuklam-suklam at buktot ang lahat ng bagay na ito na kinahihiligan ng mga anticristo—sa paanong paraan pa sila matatawag na buktot? Minamahal ba ng mga anticristo ang mga elemento ng normal na pagkatao, gaya ng konsensiya, katwiran, pagpapahalaga sa kahihiyan, at dignidad, pati na rin ang pagkilatis sa kung ano ang mabuti at masama, itim at puti, at tama at mali, at iba pang mga bagay sa normal na pagkatao? Minamahal ba ng mga anticristo ang mga taong may pagpapahalaga sa kahihiyan? Minamahal ba nila ang mga taong may dignidad? Minamahal nila ang mga taong walang kahihiyan, na labis na nambobola kapag nagsasalita nang walang kamalayan sa sarili at nang hindi nahihiya. Hindi ba’t wala silang pagpapahalaga sa kahihiyan? Kapag mas mapambola ang mga salita mo, mas nagiging masaya sila. Kung titingnan ang mga kagustuhan ng mga anticristo at ang mga saloobin nila sa iba’t ibang bagay, pati na rin ang mga pinipili at tendensiya nila, malinaw na walang hangganan ang kabuktutan nila. Kalimutan mo na ang mga nakakaunawa sa katotohanan—kahit ang mga taong may katiting na pagpapahalaga sa katarungan sa lipunan ay hindi sumasang-ayon sa gayong uri ng pag-uugali. Kita mo, desperadong sumisipsip sa mga nasa katungkulan ang ilang taong nasa mga opisyal na grupo. Ibinibigay nila sa mga nasa katungkulan ang anumang kailangan ng mga ito, ibinibigay pa nga nila maski ang sariling asawa nila—hindi ba’t wala silang dignidad? (Wala.) Bukod dito, nakikipagrelasyon din ang ilang opisyal sa mga kapareho nila ng kasarian, at ang ilang tao na kapareho ng kasarian ng mga opisyal na ito ay makikipaglapit sa mga opisyal na ito, ginagawa nila iyon kahit na hindi nila personal na gusto. Kaya ba ninyong gawin ang gayong mga bagay? (Hindi, hindi namin kaya.) Pero kaya nila. Wala silang moral na batayan, walang pagpapahalaga sa kahihiyan, walang kamalayan ng konsensiya, walang pagkamakatwiran—kaya ginagawa nila ang mga bagay na ito. Ni hindi mo nga kayang bigkasin ang mga bagay na sinasabi nila kahit na ipagawa sa iyo ang mga ito bilang mga linya sa isang dula; mas mapambola pa nga ang mga taong ito kaysa sa mga artista. Ano ang ibig Kong sabihin sa mga artista? Ang ibig Kong sabihin ay ang mga walang pakialam at hindi natitinag kapag nakikita o nadaratnan silang nakahubad. Mga artista ang tawag sa gayong mga tao. Kaya, ang mga mambobolang ito, na may mga nakakasuka at nakakasuklam na salita at gusto ang mga buktot na bagay, ay mas masahol pa kaysa sa mga artista. Ipinagbibili lang ng mga artista ang katawan nila, pero ano ang ipinagbibili ng pangkat na ito ng mga buktot na tao na kilala bilang mga anticristo? Ipinagbibili nila ang kaluluwa nila. Mga demonyo silang lahat, na hindi na matutubos. Kaya parang paghahagis ng mga perlas sa mga baboy ang pagsasalita ng katotohanan sa mga taong ito—imposibleng mahalin nila ang katotohanan. Ganito nila hinaharap ang katayuan, tinatamasa ang iba’t ibang damdamin ng pagiging mas mataas at iba pang magagandang damdaming kasama nito. Ano ang iba’t ibang damdamin na nakukuha sa pagtatamasang ito? Mga positibo o negatibong bagay ba ang mga ito? Pawang negatibong bagay ang mga ito. Kapag nagkakamit sila ng katayuan, umaasa silang matatamasa nila ang pambobola ng mga tao sa kanila, pag-aasikaso sa kanila, at pagbibigay-lugod sa mga interes nila. Gusto rin nilang magtamasa ng espesyal na pagtrato—dapat espesyal lahat ng pagkain, tirahan, at mga bagay na ginagamit nila, at dapat naiiba sila sa lahat ng bagay. Talaga bang may pagkakaiba ang pisikal mong katawan kumpara sa iba? Kapag nakakuha na ang mga anticristo ng katayuan, naniniwala silang marangal at ekstraordinaryo sila, na parang wala nang lugar sa lupa ang angkop para patuluyin sila—dapat mabuhay sila nang maginhawa at pag-alayan ng mga handog ng mga tao. Hindi ba’t ganoon ang nangyayari? Sabihin ninyo sa Akin, ito ba ang mga ideyang madalas na iniisip ng mga normal na tao? May katayuan man sila o wala, maaaring may kaunting hangarin at pagnanais ang mga normal na tao para dito, pero dahil nagtataglay sila ng pagpapahalaga sa kahihiyan, konsensiya, at pagkamakatwiran, dagdag pa na ngayon ay mayroon silang kaunting pagkaunawa sa katotohanan, nababawasan at naglalaho ang pagkapit nila sa katayuan. Bukod dito, kaya na nilang hindi masyadong pahalagahan ang mga pakinabang na kasama ng katayuan, at kung kaya nilang makita na hindi mahalaga ang mga benepisyong dulot nito, kaya na rin nilang masuklam sa pambobola at matatamis na salita, pang-uuto, at iba pang gayong mga pag-uugali ng ibang mga tao, at kaya na nilang layuan o talikuran at abandonahin ang gayong mga bagay. Pero kaya bang abandonahin o bitiwan ng mga anticristo ang mga bagay na ito? Hinding-hindi. Kung hihilingin mo sa kanilang bitiwan ang mga bagay na ito, para bang hinihingi mo ang buhay nila. Kung hindi, bakit sasabihin ng ilang tao na, “Hindi na ako sasampalataya, ayaw ko nang mabuhay, hindi sulit ang mabuhay,” sa sandaling mawala ang kanilang katayuan? Hindi ba’t may nangyayari dito? Bakit napakahalaga ng katayuan sa kanila? Hindi nila kayang mamuhay ng isang nakakabagot at ordinaryong buhay; dapat magkaroon sila ng katayuan, dapat maging angat sila sa marami at magpakasasa sa papuri, pagsamba, at pagtataas ng iba, pati na rin sa mga kasinungalingang naglalayong pasayahin, linlangin, at bolahin sila. Gusto nilang magpakasasa sa mga bagay na ito. Handa bang magpakasasa sa gayong mga bagay ang mga taong may normal na pagkatao? Siguradong hindi; hindi sila mapapakali dahil dito. Bakit gustong magtamasa ng mga anticristo ng mga bagay na ito? Ito ay dahil mayroon silang satanikong disposisyon sa loob nila. Ang mga kauri lang ni Satanas ang naghahangad sa mga bagay na ito at may gayong mga hinihingi. Maaaring tamasahin sandali ng mga normal na tao ang mga bagay na ito, pero kalaunan ay napagtatanto nilang walang kabuluhan ang mga ito at nakakayamot pa nga, at pagkatapos ay lumalayo na sila sa lahat ng iyon. Pero matigas na tumatanggi ang ilang tao na bitiwan ang mga iyon. Halimbawa, bakit hindi kailanman nagreretiro ang ilang artista sa mundo ng pelikula, kahit na tumatanda na sila? Ito ay dahil kung wala ang kaluwalhatiang iyon, kung walang mga taong pumapalibot sa kanila, nakakabagot ang buhay para sa kanila. Sa tingin nila ay hindi na makulay ang buhay, na walang direksyon ang buhay nila, at na wala na itong kabuluhan at walang halaga. Sa tingin nila ay malungkot na ang buong buhay nila, kaya kailangan nilang bumalik sa industriya ng pelikula para maranasang muli ang pakiramdam ng pagiging isang bituin. Ang katangian nila ay pareho sa mga anticristo: Nagtataglay sila ng katulad na buktot na disposisyon at diwa. Kapag nagkakamit ng katayuan ang mga anticristo, ipinangangalandakan nila ito sa lahat ng lugar, nagiging diktador pa nga sila sa kanilang mga tahanan at pinasusunod nila sa kanila ang mga kapamilya nila. Nagtataglay ng isang buktot na disposisyon at diwa ang mga anticristo, at masyado silang mahilig sa katayuan, sinasadya nilang ipakita at ipangalandakan ito. Anong ipinapakita nito sa atin? May pagpapahalaga ba sa kahihiyan ang mga taong ito? Wala. Nagtatamo sila ng katayuan at iniisip nila na nagbago na ang pagkakakilanlan nila, at nagbago na maging ang relasyon nila sa kanilang mga magulang. Hindi ba’t may problema rito? Baluktot ito! Isang uri ng katibayan na naglalantad sa kanilang buktot na diwa ang kakayahan nilang magkimkim ng gayong saloobin sa katayuan.

Ang Diyos ang Lumikha, at ang Kanyang pagkakakilanlan at katayuan ang pinakamataas. Ang Diyos ay nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at kapangyarihan, at mayroon Siyang sariling disposisyon at mga pag-aari at Kanyang pagiging Diyos. May sinuman bang nakakaalam kung ilang taon nang gumagawa ang Diyos sa gitna ng sangkatauhan at lahat ng nilikha? Ang partikular na bilang ng mga taon na gumagawa at namamahala ang Diyos sa lahat ng sangkatauhan ay hindi alam; walang makapagbibigay ng tiyak na bilang, at hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito sa sangkatauhan. Gayumpaman, kung gagawa si Satanas ng ganitong bagay, iuulat ba nito ito? Tiyak na gagawin nito iyon. Gusto nitong ipangalandakan ang sarili para iligaw ang mas maraming tao at ipaalam sa mas maraming tao ang mga kontribusyon nito. Bakit hindi iniuulat ng Diyos ang mga bagay na ito? May mapagkumbaba at nakatagong aspekto sa diwa ng Diyos. Ano ang kabaligtaran ng pagiging mapagpakumbaba at tago? Ito ay ang pagiging mayabang at pagpapakitang-gilas. Gaano man kadakila ang gawaing ginagawa ng Diyos, sinasabi lang Niya sa mga tao ang kaya nilang maarok at maunawaan, kontento na Siya sa pagtutulot sa mga tao na makamit ang kaalaman, malaman ang diwa Niya sa pamamagitan ng gawaing ginagawa Niya. Anong mga pakinabang ang idinudulot nito sa mga tao? Anong resulta ang nakakamit nito? Ito ba ay iyong dapat malaman ng mga tao ang mga bagay na ito para sambahin nila ang Diyos? Sa katunayan ay hindi iyon ganoon. Ang magawa ng mga taong sambahin ang Diyos ay ang huling obhetibong kalalabasan, pero ano ang orihinal na layunin ng Diyos sa pagtulot sa mga taong malaman ang mga bagay na ito? Ito ay ang bigyan sila ng kakayahan, pagkatapos nilang magkaroon ng kaalaman sa mga bagay na ito, pagkatapos nilang maunawaan kung paano pinamamahalaan ng Diyos ang sangkatauhan at kung paanong may kataas-taasang kapangyarihan Siya sa sangkatauhan at isinasaayos Niya ang sangkatauhan, para magawa nilang makapagpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, para hindi na sila lumaban nang walang saysay, at hindi na lumihis—sa ganitong paraan, hindi na masyadong magdurusa ang mga tao. Sa pamamagitan ng pamumuhay nang natural at pag-iral nang naaayon sa mga paraan at kautusan na ibinibigay ng Diyos, at ayon sa mga hinihingi Niya at mga prinsipyong ibinibigay Niya, hindi ka na mahuhulog sa mga patibong ni Satanas, ni magagawang tiwali at mayuyurakan sa ikalawang pagkakataon. Sa halip, mamumuhay ka magpakailanman sa mga panuntunang itinatag ng Diyos, mamumuhay nang may wangis ng tao at bilang isang nilikha, at matatanggap mo ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Ito ang orihinal na layunin at mithiin ng gawain ng Diyos. Kaya, sa napakalaking gawaing ginawa ng Diyos, ipinagyabang na ba Niya ito kahit minsan? Sinabi na ba Niya sa mga tao ang ginawa Niya? Hindi kailanman. Hindi alam ng maraming tao kung ano ang ginawa ng Diyos, o kung anong mga klaseng bagay ang ginawa ng Diyos at ano ang hindi. Sa katunayan, marami nang ginawa ang Diyos, pero hindi Niya kailanman idineklara ang mga ito sa sangkatauhan. Hindi idinideklara ng Diyos ang mga ito sa sangkatauhan; ang kailangan mo lang gawin ay maging malinaw sa dapat mong malaman. Sa hinaharap, magagawa nang umiral nang normal ng sangkatauhan sa lupa at tanggapin ang pamumuno ng Diyos, at kapag dumating ang Diyos sa sangkatauhan, magagawa ng mga taong magkaroon ng mga normal na pakikisalamuha sa Diyos, matanggap Siya, sambahin Siya, makinig sa mga salita Niya, at hindi na lumakad kasama ni Satanas. Sa ganitong paraan, magpapakita na sa lupa ang kaharian ng Diyos, at magkakaroon sa lupa ng isang grupo ng mga taong magagawang sambahin Siya, ng isang grupo ng mga taong kayang makinig sa mga salita Niya at isagawa ang mga ito. Kapag nagkagayon, maisasakatuparan na ang gawain ng Diyos; sapat nang makamit ang resultang ito. Kaya, kapag may ginagawang anuman ang Diyos, kung hindi mo nauunawaan o hindi mo ito alam, hindi ito ipapaliwanag ng Diyos sa iyo. Bakit hindi Niya ito ipinapaliwanag? Hindi na kailangan pang gawin iyon. Maraming bagay ang hindi mo nauunawaan, at hindi ibubunyag ng Diyos sa iyo ang mga partikular na misteryo para ipaalam sa iyo ang mga ito o ipaunawa ang pagkakakilanlan at diwa Niya, o ipaunawa ang kapangyarihan Niya. Hindi gumagawa ng ganitong gawain ang Diyos. Ano ang pinagtutuunang gawin ng Diyos sa kasalukuyan? Nakatuon Siya sa pagpapaunawa sa mga tao sa katotohanan. Kapag naunawaan mo na ang katotohanan, makikilala mo na ang Diyos, magkakaroon ka na ng pundasyon para sa buhay mo, at magagawa mo nang magpasakop at sumamba sa Diyos sa hinaharap, at magagawa mo na ring kilatisin at talikuran si Satanas, hindi ka na malilihis nito o susunod dito—kapag nagkagayon, tapos na ang gawain Niya. Tungkol naman sa mga misteryong iyon, magkakaroon ng pagkakataon ang sangkatauhan na maunawaan ang mga iyon sa hinaharap, pero napakalawak ng mga misteryo ng mga kilos ng Diyos, at kahit na ibunyag ng Diyos ang mga iyon sa iyo, hindi iyon nangangahulugan na makakaunawa ka. Kahit na makaugnayan mo ang mga iyon, maaaring hindi mo maunawaan o maarok ang mga iyon. Bakit ganoon? Ito ay dahil may distansya sa pagitan ng mga nilikha at ng Diyos, sa pagitan ng mga isip ng tao at mga ideya ng Diyos. Halimbawa, maaaring alam mo na ang bahaghari ay isang tanda ng kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng sangkatauhan, pero alam mo ba kung paano nabubuo ang bahaghari? Kung ipapaliwanag ng Diyos sa iyo ang misteryong ito, mauunawaan mo ba? Hindi, kaya hindi sinasabi ng Diyos sa iyo. Magiging mabigat para sa iyo kung ipapaliwanag Niya ito, dahil kakailanganin mong pag-aralan at suriin ito, na magdudulot ng problema sa iyo. Kaya, walang masyadong sinasabi ang Diyos tungkol sa mga misteryo. Pero kaya bang manahimik ng tao, na nabibilang kay Satanas, kung alam niya ang tungkol sa mga misteryong ito? Hinding-hindi. Dito nagkakaiba-iba ang diwa nila. Ipinapaliwanag ba ng Diyos ang maraming bagay na ibinunyag Niya sa sangkatauhan sa loob ng maraming taon pero hindi naman kayang maunawaan kailanman ng mga tao? Gumagawa ba Siya ng mga kahima-himalang bagay? Hindi. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, at alam ng Diyos kung gaano ang kayang maunawaan ng mga tao at kung hanggang sa anong antas nila ito kayang maunawaan. Nasa harap na ng mga tao ang mga bagay na ito, pero kung hindi kinakailangan na maunawaan nila, hindi na sila kailangang liwanagan pa o ipilit ang mga ito sa mga tao at gawing mga pasanin ang mga ito para sa kanila, kaya hindi gumagawa nang ganoon ang Diyos. Kaya, may mga prinsipyo sa mga kilos ng Diyos. Ang pagharap Niya sa sangkatauhan ay may pagpapahalaga, konsiderasyon, at pagmamahal. Nais ng Diyos kung ano ang pinakamabuti para sa mga tao—ito ang pinagmulan at orihinal na layunin sa likod ng lahat ng kilos ng Diyos. Sa kabilang banda, ipinangangalandakan ni Satanas ang kanyang sarili, ipinipilit ang mga bagay-bagay sa mga tao, hinihimok silang sambahin ito at mailigaw nito, at inaakay sila na maging masama, upang unti-unti silang maging mga buhay na diyablo at humantong sa pagkawasak. Ngunit kapag nananampalataya ka sa Diyos, kung nauunawaan at nakakamit mo ang katotohanan, makatatakas ka sa impluwensiya ni Satanas at matatamo mo ang kaligtasan—hindi mo mahaharap ang resulta ng pagkawasak. Hindi matiis ni Satanas na makitang maayos ang mga tao, at wala itong pakialam kung mabubuhay o mamamatay ang mga tao; ang iniisip lamang nito ay ang sarili nito, sarili nitong pakinabang, at sarili nitong kasiyahan, at wala itong pagmamahal, awa, pagpaparaya, at pagpapatawad. Hindi taglay ni Satanas ang mga katangiang ito; ang Diyos lamang ang nagtataglay ng mga positibong bagay na ito. Maraming gawain ang nagawa ng Diyos sa mga tao, ngunit kahit kailan ba ay nagsalita Siya tungkol dito? Naipaliwanag ba Niya ito? Naipahayag ba Niya ito? Hindi pa. Gaano man kamali ang pagkaunawa ng mga tao sa Diyos, hindi Siya nagpapaliwanag. Mula sa perspektiba ng Diyos, animnapu o walumpung taong gulang ka man, napakalimitado ng pagkaunawa mo sa Diyos, at batay sa liit ng nalalaman mo, bata ka pa rin. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito; isa ka pa ring bata na wala pa sa hustong gulang. Hindi mahalaga na maraming taon nang nabubuhay ang ilang tao at nagpapakita na ng katandaan ang katawan nila; napakamusmos at mababaw pa rin ng pagkaunawa nila sa Diyos. Hindi ka hinuhusgahan ng Diyos dahil dito—kung hindi mo nauunawaan, hindi mo talaga nauunawaan. Iyon ang kakayahan mo at kapasidad mo, at hindi ito mababago. Walang ipipilit ang Diyos sa iyo. Hinihingi ng Diyos na magpatotoo sa Kanya ang mga tao, ngunit nagpatotoo na ba Siya sa Kanyang sarili? (Hindi.) Sa kabilang banda, natatatakot si Satanas na hindi malalaman ng mga tao ang kahit pinakamaliliit na bagay na ginagawa nito. Hindi naiiba ang mga anticristo: Ipinagmamalaki nila ang bawat maliit na bagay na ginagawa nila sa harap ng lahat. Sa pakikinig sa kanila, para bang nagpapatotoo sila sa Diyos—ngunit kung pakikinggan mo sila nang mabuti, matutuklasan mong hindi sila nagpapatotoo sa Diyos, kundi nagpapakitang-gilas at ipinagmamalaki ang kanilang sarili. Ang layunin at diwa sa likod ng sinasabi nila ay ang makipagtunggali sa Diyos para sa Kanyang hinirang na mga tao, at para sa katayuan. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, at si Satanas ay nagpapakitang-gilas. Mayroon bang pagkakaiba? Pagpapasikat laban sa pagpapakumbaba at pagiging tago: alin ang mga positibong bagay? (Pagpapakumbaba at pagiging tago.) Maaari bang ilarawan na mapagpakumbaba si Satanas? (Hindi.) Bakit? Kung huhusgahan ang buktot na kalikasang diwa nito, ito ay isang walang kuwentang basura; magiging hindi pangkaraniwan kay Satanas na hindi magpakitang-gilas. Paano matatawag na “mapagpakumbaba” si Satanas? Ang “kababaang-loob” ay tumutukoy sa Diyos. Ang pagkakakilanlan, diwa, at disposisyon ng Diyos ay matayog at marangal, ngunit hindi Siya kailanman nagpapakitang-gilas. Ang Diyos ay mapagpakumbaba at nakatago, upang hindi makita ng mga tao kung ano ang Kanyang nagawa, ngunit habang Siya ay nagtatrabaho sa ganoong kadiliman, ang sangkatauhan ay walang tigil na pinagkakalooban, pinangangalagaan, at ginagabayan—at ang lahat ng ito ay isinaayos ng Diyos. Hindi ba’t ang pagiging tago at kababaang-loob ang dahilan kung bakit hindi kailanman ipinapahayag ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi kailanman binabanggit ang mga ito? Mapagpakumbaba ang Diyos at ito ay tiyak na dahil nagagawa Niya ang mga bagay na ito ngunit hindi Niya kailanman binabanggit o ipinapahayag ang mga ito, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga ito sa mga tao. Ano ang karapatan mong magsalita tungkol sa kababaang-loob kung hindi mo kaya ang ganitong mga bagay? Hindi mo ginawa ang alinman sa mga bagay na iyon, subalit ipinipilit mong mabigyan ka ng karangalan para sa mga iyon—ito ay tinatawag na pagiging walang-hiya. Sa paggabay sa sangkatauhan, isinasagawa ng Diyos ang ganoon kahusay na gawain, at pinamumunuan Niya ang buong sansinukob. Napakalawak ng Kanyang awtoridad at kapangyarihan, ngunit hindi pa Niya kailanman sinabi, “Ang Aking kapangyarihan ay katangi-tangi.” Nananatili Siyang nakatago sa lahat ng bagay, namumuno sa lahat, nagtutustos at nagkakaloob para sa sangkatauhan, tinutulutan ang lahat ng sangkatauhan na magpatuloy sa bawat henerasyon. Katulad ng hangin at ng sikat ng araw, halimbawa, o lahat ng mga materyal na bagay na kinakailangan para sa pag-iral ng tao sa mundo—dumadaloy ang lahat ng ito nang walang tigil. Na ang Diyos ay nagkakaloob sa tao ay hindi mapag-aalinlanganan. Kung may ginawang mabuting bagay si Satanas, mananatili ba itong tahimik, at mananatiling isang hindi kilalang bayani? Hindi kailanman. Katulad ito ng kung paanong may ilang anticristo sa iglesia na dating nagsagawa ng mapanganib na trabaho, na tinalikuran ang mga bagay-bagay at nagtiis ng pagdurusa, na maaaring napunta pa sa bilangguan; may ilan ding minsang nag-ambag sa isang aspekto ng gawain ng sambahayan ng Diyos. Hindi nila nakakalimutan ang mga bagay na ito, sa palagay nila ay karapat-dapat sila sa panghabambuhay na karangalan para sa mga ito, sa palagay nila ay panghabambuhay nilang puhunan ang mga iyon—na nagpapakita kung gaano kaliit ang mga tao! Ang mga tao ay talagang maliliit, at si Satanas ay walang kahihiyan.

Sabihin ninyo sa Akin, kung ang katayuan ng mga anticristo ay kapantay ng sa Diyos, ano ang kakailanganin nilang kainin at suotin? Kakailanganin nilang kumain ng pinakamasasarap na pagkain at magsuot ng mga damit na may pinakamamahaling tatak, hindi ba? Kaya, pagdating sa mga hinihingi nilang mga materyal na bagay, sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t may mga partikular silang pamantayan? Kapag pumupunta sila sa kung saan, kailangan nilang mag-eroplano. Kapag dumating na sila roon, puwede ba silang patuluyin sa mga tahanan ng mga ordinaryong kapatid? Kahit na kaya ng mga ito, hindi makikituloy ang mga anticristo sa mga ito—kailangan nilang tumuloy sa mamahaling hotel. Hindi ba’t napakapartikular ng mga anticristo tungkol sa mga pamantayan nila? Pagdating naman sa karangalan, pagtatamasa, at banidad na idudulot sa kanila ng katayuan, kaya ba nilang bitiwan ang mga ito? Basta’t mayroon silang tamang mga kondisyon at pagkakataon, sinusunggaban at tinatamasa nila ang mga bagay na ito. Ano ang mga prinsipyo nila? Basta’t may katayuan sila, magkakaroon sila ng pera at makakapagsuot ng mamahaling damit at mga palamuti. Ayaw nilang magsuot ng mga ordinaryong bagay; kailangan nilang magsuot ng mga damit na may kilalang tatak. Ang kanilang mga kurbata, terno, kamiseta, cufflink, gintong kuwintas, at sinturon—lahat ay may kilalang tatak. Hindi ito magandang senyales, at hindi ba’t nagdurusa ang mga kapatid dahil dito? Ginagamit ng mga anticristong ito ang perang inihahandog ng mga kapatid para bumili ng mga mamahaling bagay. Hindi ba’t isang malaking kasamaan ang ginawa nila? Hindi ba’t dulot ito ng kanilang kabuktutan? Ito ang klase ng mga bagay na kaya nilang gawin. May isang tao na nagdamit nang simple noong una siyang naging lider, mayroon lang siyang tatlo o limang pares ng damit na walang tatak o hindi mamahalin. Pagkatapos ng ilang taon sa pamumuno, dahil hindi siya gumawa ng anumang tunay na gawain, pinalitan siya. Nang umalis siya, napuno ang sasakyan ng mga gamit niya: mga may tatak na damit, bag, at lahat ng klase ng magandang kagamitan. Hindi naman siya kumita ng pera bilang isang lider, kaya saan galing ang mga gamit na ito? Galing ito sa katayuan niya. Kung tumanggi siya noong binili ng ibang tao ang mga gamit na ito para sa kanya, ipipilit pa rin ba ng mga kapatid na bilhin ang mga ito para sa kanya? Mangyayari ba ang ganoong bagay? Kung ayaw niya sa mga gamit na ito, hindi sana binili ng mga kapatid ang mga iyon para sa kanya. Ano ang problema rito? Puwersahan at sakim niyang kinukuha ang mga ito. Sa isang banda, kinikilan niya ang mga kapatid, at sa kabilang banda, siya mismo ang aktibong bumili sa mga ito. Bukod dito, hinayaan niya ang mga kapatid na bilhin ang mga gamit na ito para sa kanya, at kung sinuman ang tumanggi, inaapi niya ang mga ito at pinahihirapan sila. May kinalaman ang lahat ng dahilang ito. Sa huli, nakatanggap siya ng “masaganang ani” at naging mayaman siya. Naiinggit ba kayo sa ganitong klase ng lider? Kung may pagkakataon kayo, makakamit rin ba ninyo ang ganitong klase ng yaman? Sasabihin Ko sa inyo, hindi mabuting maging mayaman sa ganitong paraan—may mga kahihinatnan ito! Kapag nagiging lider ang ilang tao, natatakot silang mangyari ang mga ito sa kanila. Iniisip nila na magiging masyadong matindi ang mga tukso, na magiging mahirap na iwasan o pangasiwaan ang mga tuksong ito, at na magiging madaling mahulog sa mga ito. Pero walang pakialam ang ilang tao, at iniisip nila, “Normal ito. Sino ba ang nagkakaroon ng katungkulan nang hindi natatamasa ang gayong mga bagay? Bakit ka pa kukuha ng katungkulan kung hindi lang din para doon? Iyon naman talaga ang dahilan!” Anong klaseng tinig ito? Tinig ito ng mga anticristo, at nasa panganib ang mga taong ito.

Halos tatlumpung taon na Akong gumagawa. Nangikil na ba Ako ng kahit ano mula sa kaninuman? Halimbawa, kung nakita Ko ang isang tao na may suot na magandang alahas, kinikil Ko ba ito sa kanila sa pamamagitan ng pagpapadala ng mensahe na gaya ng, “Ibigay mo sa Akin ang alahas Mo; hindi ito bagay sa iyo. Ang ginto at pilak na alahas ay para sa mga taong may katayuan, at hindi ito dapat isuot ng mga walang katayuan”? Nangyari na ba ito? Hindi. Kahit na kapag may kaunting pera ang ilang kapatid at binilhan nila Ako ng leather jacket o ng kung ano, palagi Ko itong ibinabalik. Hindi dahil sa ayaw Ko rito; sadyang wala Akong paggagamitan ng mga gayong bagay. Kalaunan, inisip Ko ang tungkol dito: “Paano Ko dapat pangasiwaan nang angkop ang mga bagay na ito? Ano ang dapat Kong gawin para maiwasang masaktan ang mga taong bumili ng mga iyon?” Dinala Ko sa iglesia ang mga bagay na ito para maipamahagi ng mga kapatid ang mga ito nang ayon sa mga prinsipyo. Kung may handang bumili ng mahahalagang aytem na iyon, ipagbibili ng iglesia ang mga iyon nang may diskwento. Hindi ito tungkol sa pagkita ng pera; tungkol ito sa pangangasiwa ng bagay-bagay sa paraang angkop sa parehong panig. Walang sinuman ang dapat tumanggap ng mga ito nang libre dahil hindi ito orihinal na para sa iyo. Limitado ang mga aytem na ito at hindi puwedeng ipamahagi nang pantay-pantay sa lahat, at hindi angkop na ibigay ang mga ito sa sinuman. Kaya, ang magagawa lang ay ang bilhin ang mga iyon ng mga may pera at ng mga handang bumili. Siguradong mas mura ang mga iyon kaysa sa ibinibenta sa merkado, kaya isa itong pabor mula sa sambahayan ng Diyos. May karapatan Akong gawin ang mga bagay sa ganitong paraan. Iyon ay dahil kapag ibinigay sa Akin ang isang bagay, Akin na ito, at may karapatan Akong pangasiwaan ito sa paraang angkop sa pananaw Ko. Wala na itong kinalaman pa sa taong unang bumili nito. Sa pangangasiwa ng mga bagay sa ganitong paraan, naisaalang-alang Ko na ang pagpapahalaga sa sarili ng taong iyon. Wala dapat na anumang pagtutol, dahil ganap na angkop ang pamamaraang ito. Maraming kapatid ang bumili ng bagay-bagay para sa Akin. Hindi Ko sila inatasang bilhan Ako ng bagay-bagay, lalong hindi Ko hiningi sa kanilang gawin ito. Sinsero sila sa paggawa nito, na pinapahalagahan Ko, pero maraming bagay na hindi Ko kayang tanggapin dahil hindi Ko kailangan ang mga iyon. Isa itong praktikal na isyu. Angkop ba ang sinabi Ko? (Oo.) Angkop din ba ang pangangasiwa Ko rito? (Oo.) May ilan ding kapatid na alam na sensitibo Ako sa sipon at hindi Ako kumakain ng malalamig na pagkain, kaya binilhan nila Ako ng ilang gamot para sa “lamig ng tiyan.” Gayumpaman, hindi masyadong maganda ang pakiramdam Ko pagkainom sa mga gamot na iyon—hindi kaya ng katawan Ko ang gayong mga eksperimento, kaya kailangan Kong mag-ingat sa maraming gamot. Kailangan ninyong maunawaan ito. Bumili rin ang ilang kapatid ng ilang health supplement, gaya ng mountain ginseng, pulang ginseng, at iba pang pampalakas. Hindi Ko puwedeng inumin ang anuman sa mga iyon. Bakit? Dahil hindi angkop ang mga iyon sa Akin. Hindi dahil sa hinahamak Ko ang mga binili ng mga kapatid para sa Akin o kung saan nila binili ang mga iyon; hindi Ko lang talaga puwedeng gamitin ang mga iyon; hindi Ko magawang gamitin ang mga iyon. Hindi lahat ng magandang bagay ay angkop sa lahat. Maraming magandang bagay sa lipunan, at kapag ininom mo ang isang mabuting bagay at nagdulot ito ng di-magandang reaksiyon o ng allergy, ibig sabihin, hindi ito nakakabuti para sa iyo. Kaya, paano ito dapat pangasiwaan? Pinakamagandang ipagamit ito sa kung kanino ito naaangkop. Kaya, sasabihin Ko sa inyo, sinumang gumagastos para bilhan Ako ng bagay-bagay, tandaan ninyo ang mga salitang ito—huwag ninyong bilhin ang mga iyon. Kung may kailangan Ako, diretsa Ko itong sasabihin sa iyo, at hindi na Ako magiging masyadong magalang tungkol dito. Kuha ninyo? Pero kapag dinala ninyo ang mga bagay na ito sa Akin, at sinabi Kong hindi Ko kailangan ang mga ito o hindi angkop ang mga iyon, hindi rin iyon nangangahulugan na nagiging magalang Ako sa inyo. Hindi ito huwad o mapagpaimbabaw. Tunay ang lahat ng sinasabi Ko; totoong lahat iyon. Pakiusap, huwag kayong maghanap ng ibang kahulugan kapag nagsasalita Ako. Kapag sinabi Kong hindi Ko ito kailangan, ibig sabihin, hindi Ko ito kailangan. Kapag sinabi Kong hindi Ko ito magagamit, ibig sabihin, hindi Ko ito magagamit. Anuman ang gawin ninyo, huwag na ninyong sayangin ang oras ninyo sa pag-iisip tungkol sa pagbili ng bagay-bagay o paggasta ng pera nang wala namang saysay. Huwag mong isipin na dapat ibigay sa Diyos ang lahat ng magandang bagay—alam mo ba kung kailangan Ko ang mga iyon o hindi? Kung hindi Ko kailangan ang mga iyon, hindi ba’t binili mo ang mga iyon nang walang saysay? Kung tunay na gusto mo Kong ibili ng isang bagay, hayaan mong sabihin Ko sa iyo—huwag mo Akong bilhan ng kahit ano. Kung sinasabi mong binili mo ito para sa Akin para ibahagi sa lahat, ayos lang, kaya Ko itong ipamahagi. Pagdating sa kung paano Ko tinatrato ang gayong mga bagay, at kung paano Ko tinatrato ang mga materyal na pag-aari na dulot ng katayuan at posisyon, ito ang saloobin Ko. Ganito rin ba tinatrato ng mga anticristo ang mga usaping ito? (Hindi.) Unang-una, siguradong hindi nila tinatanggihan ang kahit ano—mas marami, mas maganda. Sinuman ang nagpapadala ng mga regalo sa kanila o kung ano man ang mga ito, tinatanggap nila ang mga ito. Pangalawa, walang dudang nangingikil sila ng ilang bagay mula sa mga tao, at panghuli, kinukuha nila ang ilang bagay para sa sarili nila. Ito ang hinahanap nila at ang gusto nila; ito ang idinudulot sa kanila ng katayuang hinahangad nila.

Tungkol sa buktot na diwa ng mga anticristo, batay sa pagbabahaginan natin kapwa noong nakaraan at ngayon, kaya ba ninyong bumuo ng isang pangungusap ng pagbubuod na naglalantad sa buktot na diwang ito? Ito ang pinakamalaking katangian ng kabuktutan ng mga anticristo: Kinokondena nila ang lahat ng positibong bagay, lahat ng makatarungan at naaayon sa katotohanan, at lahat ng itinuturing na maganda sa sangkatauhan. Namumuhi at tutol sila sa mga bagay na ito. Sa kabaligtaran, ang lahat ng negatibo, at lahat ng kinokondena at hindi sinasang-ayunan ng mga taong may konsensiya at katwiran at pagpapahalaga sa katarungan ay ang mismong kinatutuwaan ng mga anticristo. Ito ang mga bagay na hinahangad at pinapahalagahan nila. May isa pang pangungusap na puwedeng magbuod dito: Kinamumuhian ng mga anticristo ang lahat ng positibong bagay na mula sa Diyos at kinamumuhian nila ang mga minamahal ng Diyos, sa halip, minamahal nila ang mismong mga bagay na kinasusuklaman at kinokondena ng Diyos. Ito ang kabuktutan sa mga anticristo. Ano ang pangunahing katangian ng kabuktutang ito? Ito ay na may espesyal silang pagkahilig sa lahat ng pangit at negatibong bagay, samantalang nasusuklam at mapanlaban sila sa lahat ng bagay na maganda, positibo, at naaayon sa katotohanan. Iyon ang kabuktutan. Nauunawaan ninyo, hindi ba? Ang pagbabahaginan ngayon ay kinapapalooban ng paksa ng “kung ano ang minamahal ng mga anticristo.” Nagbigay rin tayo ng ilang halimbawa, mas karaniwan ang ilan kaysa sa iba, pero puwedeng gamitin ang lahat ng ito bilang katibayan para ipaliwanag ang buktot na kalikasang diwa ng mga anticristo. Susunod, ang kailangan ninyong gawin pagkatapos nito ay ang pag-isipan at pagbahaginan kung aling buktot o mga positibong bagay ang nakikita at nauunawaan ninyo, kung aling mga negatibong bagay ang minamahal ng mga anticristo, kung aling mga positibong bagay ang kinamumuhian nila, at kung ano ang kaya na ninyong maunawaan, pati na rin ang nakikita at nararanasan ninyo. May magkaparehong mga partikular na problema sa mga disposisyon at diwa ang mga anticristo at mga ordinaryong tiwaling tao, at bagama’t maaaring magkakaiba ang tindi ng mga pagkakaparehong ito, pareho ang mga diwa ng kanilang mga disposisyon. Maaaring magkaiba rin ang mga landas na tinatahak nila at ang mga layong hinahangad nila, pero nagbubunyag sila ng maraming magkakaparehong mga tiwaling disposisyong diwa. Samakatwid, ang paglalantad sa iba’t ibang aspekto ng diwa ng mga anticristo ay makakatulong para sa bawat tiwaling tao. Kung kayang kilatisin ng hinirang na mga tao ng Diyos ang diwa ng mga anticristo, matitiyak nila na hindi sila maililigaw ng mga ito at hindi rin sila sasamba o susunod sa mga ito.

Agosto 7, 2019

Sinundan: Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Unang Bahagi)

Sumunod: Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Mapaminsala, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito