Ikalabing-apat na Aytem: Tinatrato Nila ang Sambahayan ng Diyos na Parang Sarili Nilang Personal na Teritoryo
Sa nakaraang pagtitipon, nagbahagi tayo tungkol sa katunayan na, bukod sa pagkontrol sa puso ng mga tao, kinokontrol din ng mga anticristo ang pananalapi ng iglesia. Ano ang mga pangunahing puntong pinagbahaginan natin? (Nagbahagi tayo tungkol sa dalawang pangunahing punto: Ang unang punto ay ang pag-uuna sa kanilang pag-angkin at paggamit sa pag-aari ng iglesia, habang ang pangalawang punto ay ang pagwaldas, paglustay, pagpapahiram, paggamit nang may pandaraya, at pagnanakaw ng mga handog.) Nagbahagi tayo tungkol sa dalawang pangunahing puntong ito. Ngayon magbabahagi tayo tungkol sa ikalabing-apat na aytem ng iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo: Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo. Tingnan natin sa aytem na ito kung anong mga pagpapamalas ang taglay ng mga anticristo na nagpapatunay na may diwa nga sila ng isang anticristo. Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo: Sa panlabas, walang ibinibigay na indikasyon ang dalawang terminong ito—“sambahayan ng Diyos” at “personal na teritoryo”—kung anong kasamaan ang kayang gawin ng mga anticristo. Ang sabihing “tinatrato ng mga anticristo na parang sarili nilang tahanan ang sambahayan ng Diyos” ay walang ibinibigay na panlabas na indikasyon kung ano talaga ang tinutukoy ng “tahanan” na ito, kung positibo o negatibo ba ito, o kung ginagamit ba ito bilang papuri o paninira. Pero ang pagpapalit ba ng “personal na teritoryo” sa “tahanan” ay nagpapahiwatig na mayroong ilang problema? Una sa lahat, ano ang sinasabi sa atin ng “personal na teritoryo”? (Gusto ng mga anticristo na sila ang may huling salita.) Ano pa? (Tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos bilang sarili nilang balwarte, lumilinang ng malalapit na kaibigan at mga tao mula sa sarili nilang sambahayan, at pagkatapos ay nagkakaroon ng kontrol sa buong iglesia.) Isa rin itong pagpapamalas ng mga anticristo. May iba pa ba? Ipinapahiwatig ba ng mababaw na kahulugan ng katagang ito na balwarte ito ng mga anticristo, na dito ang mga anticristo ay may kapangyarihan at impluwensiya, ang lugar kung saan kontrolado, monopolisado, at limitado ng mga anticristo ang lahat, at ang lugar kung saan ang mga anticristo ang nasusunod? (Oo.) Mahihiwatigan natin ang ganoong kahulugan sa katagang ito; dahil noong tinatalakay ang iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo, nagbahagi tayo nang marami tungkol sa paghihimay at paglalantad sa diwa ng mga anticristo. Pangunahin sa mga pagpapamalas na ito ang mga pagtatangka ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao at humawak ng kapangyarihan—pero siyempre mayroon ding iba’t iba pang pagpapamalas.
Kaya ngayong nagbahaginan na tayo sa pangkalahatang kahulugan ng paggamit ng mga anticristo ng “personal na teritoryo,” pagbahaginan naman natin kung ano talaga ang ibig sabihin ng “sambahayan ng Diyos.” May konsepto ba kayo ng kung ano ang sambahayan ng Diyos—makakapagbigay ba kayo ng tumpak na depinisyon nito? Isang grupo ng mga kapatid na magkakasamang nagkakatipon—ito ba ang sambahayan ng Diyos? Itinuturing bang sambahayan ng Diyos ang isang pagtitipon o kapulungan ng mga taong sumusunod kay Cristo at sa Diyos? Itinuturing bang sambahayan ng Diyos ang isang pagtitipon na sangkot ang mga lider, diyakono at iba’t ibang lider ng grupo sa iglesia? (Hindi.) Ano nga ba talaga ang sambahayan ng Diyos? (Tanging ang iglesia kung saan naghahari si Cristo ang sambahayan ng Diyos.) (Tanging ang isang pagtitipon ng mga tao na sumusunod sa mga salita ng Diyos bilang mga prinsipyo nila ng pagsasagawa ang maituturing na sambahayan ng Diyos.) Tumpak ba ang dalawang depinisyong ito? Hindi ninyo ito kayang ipaliwanag. Sa kabila ng lahat ng sermong narinig ninyo, hindi kayo makapagbigay ng ganoon kasimpleng depinisyon. Maliwanag, hindi ninyo ugaling seryosohin at bigyan ng nararapat na pagpapahalaga ang mga espirituwal na termino at bokabularyong ito. Napakapabaya ninyo! Kaya pag-isipan ninyo itong mabuti: Ano nga ba talaga ang sambahayan ng Diyos? Kung bibigyan ito ng teoretikal na depinisyon, ang sambahayan ng Diyos ay isang lugar kung saan ang katotohanan ang naghahari, isang kapulungan ng mga tao na ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ay ang mga salita ng Diyos. Kung ganoon, ang pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos bilang personal nilang teritoryo ay isang problema; tinatrato nilang sarili nilang personal na balwarte ang pagtitipon ng mga kapatid na sumusunod sa Diyos, bilang lugar kung saan gumagamit sila ng kapangyarihan at bilang bagay na pinaggagamitan nila ng kapangyarihan. Ito ang literal na kahulugan na matutukoy mula sa ginagawang pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos bilang personal nilang teritoryo. Saanmang anggulo pa ninyo ito ipaliwanag o tingnan, ang ginagawang pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos bilang personal nilang teritoryo ay nagpapakita ng kalikasang diwa nila na sumusubok na iligaw at kontrolin ang mga tao at humawak ng lubos na kapangyarihan. Ang sambahayan ng Diyos ang lugar kung saan gumagawa at nagsasalita ang Diyos, kung saan inililigtas ng Diyos ang mga tao, kung saan nararanasan ng mga hinirang ng Diyos ang gawain ng Diyos, nadadalisay, at nakakamtan ang kaligtasan, kung saan magagawang isakatuparan ang kalooban at mga layunin ng Diyos nang walang hadlang, at kung saan maipapatupad at makakamit ang plano ng pamamahala ng Diyos. Sa kabuuan, ang sambahayan ng Diyos ay ang lugar kung saan may hawak na kapangyarihan ang Diyos, kung saan ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan ang siyang naghahari; hindi ito ang lugar kung saan ang sinumang indibidwal ay gumagamit ng kapangyarihan, nagsasagawa ng sarili niyang operasyon, o nagkakamit ng sarili niyang mga pagnanais o engrandeng plano. Gayumpaman, ang ginagawa ng mga anticristo ay talagang sumasalungat sa kung ano ang gusto ng Diyos: Hindi nila pinapansin at binabalewala nila kung ano ang gustong gawin ng Diyos, wala silang pakialam kung magbunga man sa mga tao ang mga salita ng Diyos, o kung kaya bang maunawaan, maisagawa, at maranasan ng mga tao ang mga salita ng Diyos at ang mga katotohanang prinsipyo; nagpapakita lang sila ng konsiderasyon sa kung may katayuan, kapangyarihan, at huling salita ba sila; kung matutupad ba ang mga layunin, ideya, at pagnanais nila sa mga tao. Ibig sabihin, sa loob ng kanilang balwarte, kung gaano karaming tao ang nakikinig sa mga salita nila at sumusunod sa kanila, at kung anong uri ng imahe, reputasyon, at awtoridad ang mayroon sila—ito mismo ang mga pangunahing bagay na sinusubukan nilang pamahalaan, at ang mga ito ang mga bagay na pinahahalagahan nila nang husto sa kanilang puso. Nagsasalita at gumagawa ang Diyos sa piling ng tao, inililigtas Niya ang mga tao, inaakay ang mga tao, at tinutustusan ang mga tao, ginagabayan Niya ang paglapit nila sa harapan ng Diyos, sa pag-unawa sa Kanyang mga layunin, sa hakbang-hakbang nilang pagpasok sa katotohanang realidad, at unti-unting pagkakamit ng pagpapasakop sa Diyos. Ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay talagang salungat dito. Inaakay ng Diyos ang mga tao sa paglapit sa harapan ng Diyos, pero nakikipag-agawan ang mga anticristo sa Diyos para sa mga taong ito, at sinusubukang dalhin ang mga ito sa kanilang harapan. Ginagabayan ng Diyos ang mga tao sa pagpasok sa katotohanang realidad, sa pag-unawa sa mga layunin ng Diyos, at sa pagpapasakop sa kapamahalaan ng Diyos nang hakbang-hakbang; sinusubukan ng mga anticristong kontrolin ang mga tao nang hakbang-hakbang, arukin ang mga galaw ng mga ito, at matatag na dalhin ang mga ito sa sarili nilang kapangyarihan. Bilang buod, ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay para gawing mga tagasunod nila ang mga tagasunod ng Diyos; matapos nilang hikayatin at ilagay sa ilalim ng kapangyarihan nila ang mga taong magulo ang isip na hindi naghahangad sa katotohanan, nagpapatuloy pa sila at sinusubukan ang bawat paraan para mapasailalim sa kapangyarihan nila ang mga nakakasunod sa Diyos at tapat na nakakagawa ng tungkulin ng mga ito, para makinig sa sinasabi nila ang lahat ng nasa iglesia, at para mamuhay ang mga ito, kumilos, umasal, at gumawa ng lahat ng bagay ayon sa kagustuhan ng mga anticristo, nang sa gayon ay mauwi ang mga ito na sinusunod ang lahat ng sinasabi ng mga anticristo, sinusunod ang mga kagustuhan nila, at sinusunod ang mga hinihingi nila. Ibig sabihin, anuman ang gustong gawin ng Diyos, anumang epekto ang gustong makamit ng Diyos, iyon din ang resultang gustong makamit ng mga anticristo. Ang resultang gusto nilang makamit ay hindi para lumapit ang mga tao sa harapan ng Diyos at sambahin ang Diyos, kundi ang lumapit sa kanila, at sambahin sila. Sa kabuuan, kapag nagkaroon ng kapangyarihan ang mga anticristo, susubukan nilang kontrolin ang bawat tao at bagay sa balwarte nila, susubukan nilang kontrolin ang kahit na anong teritoryong kaya nila, susubukan nilang gawing balwarte nila ang iglesia, ang sambahayan ng Diyos, at ang mga sumusunod sa Diyos kung saan magagamit nila ang kanilang kapangyarihan at magagawa nilang maghari-harian. Ibig sabihin, inaakay ng Diyos ang mga tao patungo sa harapan Niya, samantalang inililigaw ng mga anticristo ang mga tao at gusto ring akayin ang mga taong iyon patungo sa harapan nila. Ang layunin ng mga anticristo sa paggawa ng lahat ng ito ay para gawing mga tagasunod nila ang mga tagasunod ng Diyos, para gawing sarili nilang sambahayan ang sambahayan ng Diyos at ang iglesia. Dahil taglay ng mga anticristo ang mga motibasyon at ang diwang ito, anong mga partikular na pagpapamalas at pag-uugali ang mayroon sila na nagpapahiwatig na mga anticristo nga ang mga anticristong ito, na mga kaaway sila ng Diyos, na mga demonyo at mga Satanas sila na mapanlaban sa Diyos at sa katotohanan? Kasunod, kongkreto nating hihimayin kung anong uri ng mga tiyak na pagpapamalas at pamamaraan mayroon ang mga anticristo na nagpapatunay na tinatrato nila ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo.
I. Minomonopolisa ng mga Anticristo ang Kapangyarihan
Ang unang pagpapamalas kung paano tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo ay isang bagay na madalas na nating pagbahaginan, at isa itong mahalagang pagpapamalas na natatangi sa mga anticristo: Gustung-gusto ng mga anticristo ang katayuan higit sa anumang bagay. Bakit pinakagusto nila sa lahat ang katayuan? Ano ba ang nirerepresenta ng katayuan? (Kapangyarihan.) Tama iyan—susi ito. Sa pamamagitan lang ng katayuan sila magkakaroon ng kapangyarihan, at kapag may kapangyarihan lang nila madaling magagawa ang mga bagay-bagay; kapag may kapangyarihan lang sila makakaasang matutupad at magkakatotoo ang iba’t iba nilang pagnanais, ambisyon, at layunin. Kaya, napakatuso ng mga anticristo, napakalinaw ng tingin nila sa ganitong mga bagay; kung gagawin nilang personal na teritoryo ang sambahayan ng Diyos, dapat monopolisahin muna nila ang kapangyarihan. Isa itong prominenteng pagpapamalas. Sa mga anticristong nakasalamuha, nabalitaan, o nasaksihan ninyo ng sarili ninyong mga mata, sino sa kanila ang hindi nagtangkang magmonopolisa ng kapangyarihan? Kahit ano pang mga pamamaraan ang gamitin nila, sa pamamagitan man ng pagiging madulas at tuso, sa pamamagitan man ng pagiging matatag at mabait sa panlabas, o sa paggamit ng mas malulupit at partikular na mga walang-dangal na pamamaraan, o sa pamamagitan ng karahasan, iisa lang ang layunin ng mga anticristo: Ang magtaglay ng katayuan at pagkatapos ay magkaroon ng kapangyarihan. Kaya, ang unang bagay na gusto Kong ibahagi ay na bago ang lahat, sinusubukan ng mga anticristo na monopolisahin ang kapangyarihan. Higit pa sa pagnanais ng mga normal na tao ang pagnanasa ng mga anticristo para sa kapangyarihan, hinihigitan nito ang sa mga ordinaryong taong may tiwaling disposisyon. Gusto lang ng mga ordinaryong taong may tiwaling disposisyon na maging mataas ang tingin ng iba sa kanila, na magkaroon ng magandang tingin sa kanila ang iba; gusto nilang bidang-bida sila kapag nagsasalita sila, pero hindi sila masyadong nasasaktan kung wala silang kapangyarihan at hindi sila sinasamba ng mga tao; ayos lang sa kanila kung mayroon man sila nito o wala; mayroon silang kaunting pagkahilig at paghahangad para sa kapangyarihan, pero hindi sa antas na katulad ng sa mga anticristo. At anong antas iyon? Kapag wala silang kapangyarihan, palagi silang balisa, wala silang kapayapaan, nahihirapan sila dahil hindi sila nakakakain at nakakatulog nang mabuti, tila pagkabagot at walang kapahingahan ang dala ng bawat araw, at sa puso nila, pakiramdam nila ay na para bang may bagay na nabibigo silang makamit, at na para ring may bagay silang napalampas. Masaya ang mga ordinaryong tiwaling tao na magkaroon ng kapangyarihan, pero hindi naman sila labis na nalulungkot kapag wala iyon; posibleng makaramdam sila ng kaunting pagkadismaya, pero kontento rin naman silang maging ordinaryong tao. Kung kailangang maging ordinaryo ang mga anticristo, hindi nila makakayanan, hindi sila makapagpapatuloy, na para bang nawalan na ng direksyon at saysay ang buhay nila, hindi nila alam kung paano patuloy na tatahakin ang daan—ang buhay—na nasa harapan nila. Nararamdaman lang nilang puno ng liwanag ang buhay nila kapag may katayuan sila, nagiging maluwalhati, payapa, at masaya lang ito kapag may katayuan at kapangyarihan sila. Hindi ba’t iba ito sa mga normal na tao? Sa sandaling may katayuan na sila, nagiging kakaiba ang kasabikan ng mga anticristo. Nakikita ito ng iba at naiisip: Bakit iba sila kaysa noon? Bakit sobrang nagliliwanag at nakangisi sila? Bakit napakasaya nila? Kapag tinanong mo sila, ito ay dahil may katayuan sila; may kapangyarihan sila; sila ang may huling salita; kaya nilang manduhan ang mga tao; kaya nilang gumamit ng kapangyarihan; may katanyagan sila; at may mga tagasunod sila. Kapag may katayuan at kapangyarihan sila, may nagbabago sa mental na pananaw ng mga anticristo.
Ipinapahiwatig ng pagnanais ng mga anticristo na magkaroon ng kapangyarihan na hindi pangkaraniwan ang diwa nila; hindi ito isang karaniwang tiwaling disposisyon. Kaya naman, kahit sino pa ang kasama nila, susubukan ng mga anticristo na makahanap ng paraan para mamukod-tangi, para magpakitang-gilas, para ibandera ang kanilang sarili, para makita ng lahat ang mga merito at kabutihan nila at makinig ang mga ito sa kanila, at para makakuha sila ng posisyon sa iglesia. Kapag ginaganap ang mga halalan sa iglesia, pakiramdam ng mga anticristo ay dumating na ang oportunidad nila: Ang pagkakataong ibandera ang sarili nila, gawing totoo ang mga kahilingan nila, at tuparin ang mga ninanais nila, ay narito na. Ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para mahalal silang lider, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng kapangyarihan, naniniwalang magiging mas madali para sa kanilang maisakatuparan ang mga bagay-bagay kapag nagtamo sila ng kapangyarihan. Bakit magiging mas madali ito? Kapag walang kapangyarihan ang mga anticristo, posibleng hindi mo madiskubre ang mga ambisyon, pagnanais, at diwa nila mula sa panlabas nilang kaanyuan, dahil itinatago nila ang mga ito, at nagkukunwari sila, para hindi mo makita ang mga ito. Pero ano ang kauna-unahang ginagawa nila sa sandaling magkamit na sila ng katayuan at magkaroon ng kapangyarihan? Sinusubukan nilang pataasin ang katayuan nila, palawakin at patibayin ang kapangyarihang hawak nila. At anong mga pamamaraan ang ginagamit nila para patibayin ang kapangyarihan nila at pataasin ang katayuan nila? Maraming pamamaraan ang mga anticristo; hindi nila palalampasin ang ganoong oportunidad, siguradong marami silang gagawin kapag nakuha na nila ang kapangyarihan. Para sa kanila, panahon ng matinding kaligayahan ang pagdating ng ganoong uri ng oportunidad—pati na kapag ginagamit nila ang katusuhan nila, at ginagamit nang husto ang mga abilidad nila. Pagkatapos mahalal ang isang anticristo, iniisa-isa muna niya ang direktang kapamilya at kamag-anak niya, tinitingnan kung sino ang malapit niyang kamag-anak, kung sino ang sumisipsip sa kanya, kung sino ang malapit sa kanya, at kung sino ang kasundo niya at kapareho niyang mag-isip. Tinitingnan din niya kung sino ang tuwid, kung sino ang hindi papanig sa kanya, kung sino ang magsusumbong sa kanya kung may gagawin siyang labag sa mga tuntunin at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos—ang mga ito ang mga aalisin niya. Pagkatapos silang isa-isahin, iniisip niya: “May magandang ugnayan sa akin ang karamihan sa aking mga kamag-anak, nagkakasundo kami, pare-pareho kami kung mag-isip; kung magiging tauhan ko sila at magagamit ko sila, hindi ba’t lalaki ang impluwensiya ko? At hindi ba’t patatatagin nito ang katayuan ko sa loob ng iglesia? Gaya nga ng kasabihan, ‘Itaas ang ranggo ng mga karapat-dapat kahit sila pa ay mga kamag-anak.’ Ang lahat ng walang pananampalatayang opisyal ay kailangang sumandig sa malalapit nilang kaibigan at kakilala para tulungan sila—ngayong opisyal na ako, ganoon din ang dapat kong gawin, magandang ideya ito. Una, dapat kong itaas ng ranggo ang mga kamag-anak ko. Siyempre ang asawa at mga anak ko; ang una kong gagawin ay ipaghanda sila ng mga posisyon. Ano ang gagawin ng asawa ko? Ang bantayan ang mga handog sa iglesia ay isang mahalaga at importanteng gampanin—nasa mga kamay dapat namin ang kapangyarihang pinansyal, saka ko lang magagawang gumastos ng pera nang malaya at madali. Hindi puwedeng mapunta sa mga kamay ng isang tagalabas ang perang ito; dahil kung hindi, mapapasakanya ito, at masusubaybayan at makokontrol ang gastos, na hindi maginhawa. Nasa panig ko ba ang taong kasalukuyang namamahala sa mga account? Mukha namang ayos sila sa panlabas, pero sino nga ba ang nakakaalam kung ano talaga ang iniisip nila sa panloob. Hindi, dapat umisip ako ng paraan para mapalitan sila at hayaang ang asawa ko ang mamahala ng mga account.” Sinasabi ito ng anticristo sa asawa niya, na nagsasabi naman, “Maganda ito! Ngayong lider ka na ng iglesia, ikaw na ang may huling salita sa mga handog sa iglesia, hindi ba? Ikaw ang magpapasya kung sino ang mamamahala sa mga iyon.” Sinasabi ng anticristo: “Pero sa sandaling ito, walang magandang paraan para mapatalsik ang taong kasalukuyang namamahala sa mga account.” Medyo pinag-isipan ito ng asawa niya, at sinabi: “Hindi ba’t madali lang iyon? Sabihin mong masyadong matagal na nilang ginagawa ang trabaho. Hindi maganda iyon; puwedeng may mga mga utang na hindi na masisingil, magugulong akawnt, o mga insidente ng ilegal na pagpapayaman. Madaling nangyayari ang mga pagkakamali kapag ipinagkatiwala sa isang tao ang isang bagay sa loob ng matagal na panahon; sa paglipas ng panahon, pakiramdam nila ay may kapital na sila, at hindi na sila nakikinig sa ibang mga tao. Bukod doon, medyo matanda na ang taong namamahala sa mga account, madali na siyang maguluhan at madalas na nakakalimutan ang mga bagay-bagay. Kung magkakaroon ng anumang kapabayaan, hahantong ito sa mga pagkalugi. Napakahalagang gampanin nito—kailangan na siyang palitan.” At sino ang dapat magsabi na kailangan na siyang palitan? Ang anumang pag-uusap tungkol sa pagpapalit sa taong ito ay hindi puwedeng manggaling sa bibig niya bilang lider ng iglesia; ang mga kapatid mismo ang dapat magmungkahi sa asawa ng anticristo. Sa sandaling maihain na ng kanyang asawa ang mungkahi nito, ipagkakatiwala na rito ang mga handog sa iglesia. Pero idinidikta ng prinsipyo ng iglesia na hindi puwedeng gawin ng isang tao lang ang pagsinop sa mga handog, kundi na dalawa o tatlong tao nang magkasama, na nakakatulong para maiwasan na samantalahin ng isang tao ang isang butas sa tuntunin at lustayin ang pananalapi ng sambahayan ng Diyos. Kaya inirerekomenda ng anticristo ang pinsan niya para sumali sa pagsinop nito, sinasabing matagal na itong mananampalataya ng Diyos, marami nang naihandog, may magandang reputasyon, at mapagkakatiwalaan. Sinasabi ng lahat, “Pareho mong kamag-anak ang mga ito. Dapat may kasama ring isang tao na hindi mo kapamilya.” Kaya inirerekomenda ng anticristo ang isang matandang kapatid na babae na magulo ang isip para tumulong sa pamamahala at pagkontrol sa pananalapi. Una, inilalagay ng anticristo ang pananalapi sa ilalim ng kontrol ng pamilya niya, kung saan pagkaraan nito ay espesipikong pinangangasiwaan ng pamilya niya kung paano gagastusin ang perang ito at ang mga espesipikong detalye ukol dito—nasa mga kamay niya ang kontrol sa lahat ng ito.
Pagkatapos monopolisahin ang pinansyal na kapangyarihan at kontrolin ang mga ari-arian, nakamit na ba ng anticristo ang layunin niya? Hindi pa. Ang pinakamahalaga ay ang makontrol ang mga superbisor ng iba’t ibang gawain ng iglesia, hikayatin sila sa panig niya, at manduhan sila. Ito, sa pakiramdam ng anticristo, ang pinakamahalaga; may kaugnayan ito sa kung sinusunod ba ng mga taong nasa bawat pangkat na mas mababa ang mga sinasabi niya, at kung umaabot ba ang kapangyarihan niya sa pinakamababang antas. Kaya paano niya ito ginagawa? Nagpapakilala siya ng mga malawakang reporma. Una, nagbabahagi siya, at sinasabing may maling ganito at ganyan sa gawain ng bawat orihinal na pangkat. May mga partikular na isyung lumitaw sa Video Editing Team, halimbawa, at sinasabi ng anticristo, “Kasalanan ng superbisor ang mga problemang ito. Ang malalaking kapabayaang ito sa gawain nila at ang malalaking problemang idinulot niya ay katunayang hindi angkop ang superbisor sa trabaho, at dapat siyang palitan; kung hindi, hindi magagawa nang maayos ang gawaing ito. Kaya, sino ang papalit sa kanya? May naiisip ba kayo—may mga kandidato ba? Sino ang pinakamahusay sa pangkat sa gawaing ito?” Pinag-iisipan itong mabuti ng lahat, at may nagsasabi, “May kapatid na napakahusay, pero hindi ko alam kung akma siya.” Sumagot ang anticristo: “Kung hindi mo alam, hindi siya puwedeng piliin. May irerekomenda ako sa inyo. Ang anak ko—25 taong gulang siya at nagtapos ng computer science, nag-major siya sa special effects at video production. Isa siyang bagong mananampalataya sa diyos, at hindi niya masyadong hinahangad ang katotohanan, pero magiging mas mahusay ang mga propesyonal niyang kasanayan kaysa sa inyo. May propesyonal ba sa inyo?” At sasagot ang lahat, “Hindi kami ang matatawag mong mga propesyonal, pero matagal na naming ginagawa ang aming tungkulin at nauunawaan namin ang mga prinsipyo ng gawaing ito ng sambahayan ng Diyos. Siya ba?” “Hindi mahalaga kung hindi siya nakakaunawa; puwede siyang matuto.” Tama ito sa pandinig ng lahat at sumasang-ayon sila sa mga sinasabi niya, sumasang-ayon ang lahat na itaas ang posisyon ng sinumang ibig niya, at sa gayon, isang mahalagang gampanin na naman ang nakontrol ng anticristo. Sumunod ay naiisip ng anticristo na mahalaga sa sambahayan ng Diyos ang gawaing ebanghelyo—at ang superbisor nito ay isang taong hindi niya kapanalig. Dapat itong palitan. Paano ito papalitan? Sa ganoon ding pamamaraan: paghahanap ng kapintasan. Sinasabi ng anticristo, “Ano na ang nangyari sa nakaraang potensyal na tatanggap ng ebanghelyo?” Sagot ng isang tao, “Matapos manampalataya ng isang buwan, nakarinig siya ng ilang negatibong propaganda at pinaniwalaan niya iyon, kaya hindi na siya sumampalataya pa.” Tinatanong ng anticristo, “Paanong tumigil siya sa pananampalataya nang ganoon-ganoon lang? Dahil ba hindi ninyo pinagbahaginan nang malinaw ang katotohanan ng mga pangitain? O dahil ba tamad kayo, o kinatakutan ninyo ang masamang kapaligiran at takot kayong ilagay ang sarili ninyo sa panganib, kaya hindi ninyo pinagbahaginan nang malinaw ang mga bagay-bagay? O dahil hindi ninyo sila agad-agad na pinagmalasakitan? O nabigo kayong tulungan silang lutasin ang mga paghihirap?” Napakarami niyang tinatanong, sunod-sunod. At kahit paano pa sumagot ang iba, o kahit anong paliwanag pa ang ibigay nila, wala itong pinagkaiba; ipinipilit ng anticristo na masyadong maraming isyu ang superbisor ng pangkat sa ebanghelyo, masyadong mabigat ang mga pagkukulang nito, iresponsable ito, at hindi kwalipikado para sa trabaho, kaya puwersahan itong tinanggal. At pagkatapos nitong matanggal, sinasabi ng anticristo, “Ang babaeng kapatid na si ganito-at-ganyan ay nagpalaganap na dati ng ebanghelyo at may karanasan din siya—sa tingin ko ay magiging mahusay siya.” Pagkarinig nito, sinasabi ng mga tao, “Siya ang nakatatanda mong kapatid! Posible ngang mahusay siya, pero hindi maganda ang pagkatao niya. May masama talaga siyang reputasyon, hindi siya puwedeng gamitin,” at hindi sumang-ayon ang mga kapatid. Sinasabi ng anticristo, “Kung hindi kayo sang-ayon, mabubuwag ang pangkat sa ebanghelyo. Hindi na kayo magpapalaganap ng ebanghelyo, wala kayong kakayahang gawin nang maayos ang tungkuling ito. Iyon o pumili kayo ng angkop na lider ng pangkat, at ang kapatid kong babae ang magiging katuwang na lider ng pangkat!” Pipili ng isang tao ang mga kapatid, at mapipilitang sumang-ayon ang anticristo, sa kondisyong papayagan ang nakatatanda niyang kapatid na babae na maging katuwang na lider ng pangkat. Ngayong may napagkasunduan na, nagawang manatili sa puwesto ang pangkat sa ebanghelyo.
Saan man ito o anumang trabaho ang nakapaloob, kailangan ng mga anticristo na maglagay ng mga tauhan nila, mga taong nasa panig nila. Kapag naging mga lider ang mga anticristo at nagkaroon ng katayuan, ang una nilang ginagawa ay hindi ang pag-inspeksyon kung kumusta ang buhay pagpasok ng mga miyembro ng bawat pangkat, o ang pag-alam kung ano ang lagay ng gawain nila, o kung paano malulutas ang iba’t ibang paghihirap na hinarap nila sa kanilang gawain, at kung mayroon bang anumang malalaking isyu o hamon; sa halip, tinitingnan nila ang siwasyon ng mga tauhan, at kung sino ang pinuno ng bawat pangkat, kung sino sa bawat pangkat ang laban sa kanila at aling mga tao ang magiging banta sa katayuan nila pagdating ng panahon. Alam na alam nila ang tungkol sa ganoong mga bagay, pero hindi nila kailanman tinatanong ang tungkol sa lagay ng gawain ng iglesia. Hindi nila kailanman kinukumusta ang kalagayan ng mga kapatid, ang buhay pagpasok nila, o kung kumusta ba ang buhay-iglesia, at lalong ayaw nilang magmalasakit. Pero kilalang-kilala nila kung sino ang mga taong namumuno sa bawat pangkat: tauhan man nila ang mga ito, nakakasundo man nila ang mga ito, at banta man ang mga ito sa kapangyarihan o katayuan nila. Alam nila ang lahat ng detalyeng ito at pinag-isipan na nila nang napakalinaw ang mga ito. Kung sinuman sa grupo ang medyo matuwid at tapat magsalita, naniniwala silang dapat bantayan ang ganoong tao at hindi dapat bigyan ng anumang katayuan; pero pinapaboran nila ang mga mahuhusay mambola, ang mga marunong sumipsip, ang mga nagsasabi ng matatamis na salitang nakakalugod sa ibang tao, at ang marurunong sumunod sa hudyat kapag may ginagawang mga bagay-bagay. Pabor ang mga anticristo sa mga ito at pinaplano nilang itaas ng katungkulan ang mga ito at ilagay ang mga ito sa isang mahalagang posisyon. Iniisip pa nga nilang isama ang mga ito saan man sila magpunta, sinisigurong nakikinig sila sa mas maraming sermon at nililinang ang mga ito para maging mga tauhan nila. Sa mga nasa iglesia naman na naghahangad sa katotohanan, may pagpapahalaga sa katarungan, at malakas ang loob na magsalita nang totoo, na tuloy-tuloy na nagpupuri sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, na hindi tumitiklop sa masasamang puwersa, katayuan, o awtoridad—nagbabantay sila laban sa mga ito, kinamumuhian ang mga ito, dinidiskrimina ang mga ito, at inaalis ang mga ito sa kanilang puso. Gayunman, sa mga nambobola sa kanila, lalo na ang kanilang mga kapamilya, malalayong kamag-anak—ang mga ito na kayang maging malapit sa kanila ay kinikilala bilang sarili nilang mga tao at tinatrato bilang kapamilya. Ang lahat ng nasa ilalim ng kapangyarihan ng anticristo na nagagawang maging malapit sa kanya, sumusunod sa mga hudyat niya at kumukuha ng direksyon kapag gumagawa ang mga ito ng mga bagay-bagay, at ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa mga kagustuhan niya—ang mga taong ito ay walang konsensiya o katwiran, walang pagkatao, at hindi nagtataglay ng pinakamaliit na may-takot-sa Diyos na puso. Sila ay isang pangkat ng mga hindi mananampalataya. Kahit ano pang masasamang bagay ang gawin nila, inaaruga, pinoprotektahan, at itinuturing silang sariling pamilya ng anticristo, inilalagay sila sa ilalim ng kapangyarihan niya—sa ganitong paraan nabubuo ang teritoryo ng anticristo.
At sinu-sino ang bumubuo sa personal na teritoryo ng anticristo? Una sa lahat, ang anticristo ang ulo, ang lider, ang haring nagtataglay ng ganap na awtoridad na ang salita ay hindi puwedeng kuwestiyunin sa teritoryong ito. Ang mga taong kadugo nila, ang malalapit na kapamilya nila, mga tauhan nila, mga kabarkada, masusugid na tagahanga, iba pang malugod na sumusunod sa kanila at nauutusan nila, at ang iba pa ring masayang nakikihalubilo sa kanila at sumasama sa paggawa nila ng masama, at ang mga masayang nagpapakaalila para sa kanila, inilalagay sa panganib ang sarili ng mga ito para sa kanila, at nagpapagal para sa kanila, kahit gaano pa ipinapatupad ang mga pagsasaayos at atas administratibo ng sambahayan ng Diyos, kahit ano pa ang sinasabi ng mga salita ng Diyos at mga katotohanang prinsipyo—ang mga ito ang mga miyembro ng teritoryo ng anticristo. Kapag pinagsama-sama, sila ang masusugid na tagasunod ng anticristo. At ano ang ginagawa ng lahat ng miyembrong ito ng teritoryo ng anticristo? Ginagawa ba nila ang tungkulin nila at ang bawat trabaho ayon sa mga regulasyon at prinsipyo ng sambahayan ng Diyos? Ginagawa ba nila ang hinihingi ng Diyos at tinatrato ba nila ang Kanyang mga salita at ang katotohanan bilang pinakamataas sa lahat ng prinsipyo? (Hindi.) Kapag ang mga ganoong tao ay umiiral sa iglesia, makakapagpatuloy ba ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos nang walang hadlang? Hindi lang sa hindi makakapagpatuloy ang mga ito, pero dahil sa panggugulo, panlilihis, at pananabotahe ng grupo ng anticristo, hindi makapagbunga sa iglesia ang mga salita ng Diyos, ang katotohanang ipinapahayag Niya, at ang mga hinihingi Niya sa mga tao; hindi maipatupad ang mga ito. Kapag umiiral ang teritoryo ng anticristo, hindi nagkakaroon ng normal na buhay-iglesia ang mga hinirang ng Diyos, ni hindi nila nagagawa ang tungkulin nila nang normal, lalong hindi nila nagagawa ang mga bagay-bagay alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo; kontrolado ng anticristo ang bawat trabaho sa iglesia. Sa hindi gaanong malubhang kaso, ang panggugulo ng anticristo ay nagdudulot ng kaguluhan, nababalisa ang mga tao, walang nararating ang gawain, at hindi alam ng mga tao kung paano gawin nang maayos ang gawain nila o gampanan nang tama ang tungkulin nila; wala sa kaayusan ang lahat. Sa malalalang kaso, nahihinto ang lahat ng gawain, at walang umiintindi o nagmamalasakit. Kahit na masasabi ng ilang tao na may problema, hindi nila makilatis na ang anticristo ang may-gawa ng gulong ito; ginugulo at nililito rin sila ng anticristo, hindi nila alam kung sino ang tama o mali; kahit pa may ilang nakakakita ng mga partikular na isyu at gustong magsalita o manguna sa gawain, hindi nila magawang harapin ang gawain. Sinusupil ng anticristo ang sinumang nagtatangkang ilantad sila, o na may pagpapahalaga sa katarungan at sinusubukang harapin ang gawain nang mag-isa. At hanggang saan ang ginagawa nila para supilin ang mga ito? Kung hindi ka mangangahas magsalita, kung magmamakaawa ka, kung hindi mo siya isusumbong, kung hindi mo siya iuulat sa mga nakatataas, o idudulog ang mga isyu sa gawain niya, o makikipagbahaginan sa katotohanan, o sasabihin ang salitang “Diyos,” hindi ka parurusahan ng anticristo. Kung itataguyod mo ang mga prinsipyo at ilalantad siya, gagawin niya ang lahat ng posible para parusahan ka, gagamit siya ng iba’t ibang paraan para kondenahin at supilin ka, at manunulsol pa nga siya ng mga miyembro ng teritoryo niya, kasama ang mga walang pinapanigan, at ang mga taong bahag ang buntot, duwag, at takot sa mga puwersa ng anticristo, para itakwil at supilin ka. Sa bandang huli, malulupig ng anticristo ang ilang may maliit na pananalig at tayog. At ikinatutuwa ito ng anticristo; nakamit na nila ang layunin nila. Kapag may kapangyarihan na sila, para mamonopolisa ang kapangyarihang ito at masiguro ang katayuan nila, hindi lang sa ibinibigay nila sa mga kaanak nila at sa mga kapalagayang-loob nila ang lahat ng mahahalagang trabaho sa iglesia, kundi kasabay nito ay nanghihikayat din sila ng iba na walang kaugnayan sa kanila para magserbisyo at magtrabaho nang husto para sa kanila, ang layunin ay ang manatili sila sa kanilang katayuan sa hinaharap, ang sila palagi ang may hawak ng kapangyarihan. Sa isipan nila, habang lalong dumarami ang mga tao sa kanilang teritoryo, lalong lalaki ang mga puwersa nila, at kaya lalong titindi ang kanilang kapangyarihan. At kapag mas matindi ang kapangyarihan nila, lalong matatakot sa kanila ang mga puwedeng lumaban sa kanila, ang mga puwedeng tumanggi, at ang mga mangangahas na ilantad sila. Lalo ring kumakaunti ang ganoong mga tao. Habang lalong natatakot ang mga tao sa kanila, mas maraming kapital ang kailangan nilang agawin sa sambahayan ng Diyos at sa Diyos; hindi na sila takot sa Diyos, at hindi sila natatakot na iwasto ng sambahayan ng Diyos. Kung pagbabatayan natin ang pagnanais ng anticristo na magkaroon ng kapangyarihan, kung ano ang pinaggagamitan nila nito, at ang iba’t ibang pag-uugali nila, sa diwa, ang anticristo ay kalaban ng Diyos; isa siyang Satanas at diyablo.
At ano ang ginagawa ng anticristo pagkatapos maitatag ang sarili niyang teritoryo? Sobra ba siyang balisa tungkol sa lagay ng gawaing ebanghelyo ng iglesia? Nag-aalala ba siya tungkol dito, o nagtatanong ba siya ukol dito? Nagsasagawa lang siya ng inspeksyon, na iniraraos lang, nakakaraos nang pabasta-basta gamit ang ilang salita lang at wala nang iba. Ano ang layunin ng pag-iinspeksyon niya? Para saan ang mga paglalakbay nila nang malayo para kumustahin ang mga kapatid? Dahil ba ito sa may pakialam sila sa lagay ng buhay pagpasok ng mga ito? Hindi. Tinitingnan nila kung may intensyon bang lumaban sa kanila ang sinumang sakop ng impluwensiya nila, kung mayroon bang walang tiwala sa kanila, o mangangahas na magsabi ng “hindi” sa kanila, o mangangahas na hindi sumunod at hindi gawin ang sinasabi nila; kailangan nilang makita ng sarili nilang mga mata, kailangan nilang personal na malaman ang sitwasyon. Isang aspekto iyon. Bukod pa roon, kapag naitatag na ng anticristo ang teritoryo niya, iniluluklok niya ang sarili niya bilang nararapat na hari—at kung sasabihin mong malupit siyang pinuno, ang hari-harian ng bayan, ang bandidong lider, wala siyang pakialam, basta’t may katayuan at kapangyarihan siya. Sa sakop ng impluwensiya niya, sa loob ng teritoryo niya, hawak niya ang lahat ng kapangyarihan, siya lang ang masusunod. Gayundin, tinatamasa rin niya ang pagsamba, paghanga, at pagdakila ng grupo nila, pati na ang pambobola, walang kabuluhang papuri, at maging ang lahat ng pakiramdam ng pagiging mataas at mga espesyal na pagtratong ibinibigay nila sa kanya. Sa palagay mo ba kapag minomonopolisa ng anticristo ang kapangyarihan niya, para lang ito makapagsalita mula sa isang mataas na posisyon? Para lang ba ito matupad ang ganoong kagustuhan? Hindi. May mas mahalaga pa siyang gusto: ang lahat ng pagtrato na kaakibat ng katayuan at kapangyarihang tinatamasa niya sa kanyang teritoryo. Sa sandaling maitatag na ng anticristo ang teritoryo niya, sa sandaling magkaroon na siya ng masusugid na tagasunod, gugugulin niya ang mga araw niya nang mas maginhawa pa kaysa sa mga sinaunang emperador. Wala siyang kailangang gawin: Sa isang salita, natutupad ang hiling niya; sa isang salita, dinadala sa kanya ang mga bagay na gusto niya. Halimbawa, sasabihin ng anticristo, “Maganda ang lagay ng panahon ngayon; bakit parang gustung-gusto kong kumain ng manok?” Bago mananghali, may nagluto na ng nilagang manok. Sa tanghalian, sasabihin ng anticristo, “Kaming mga mananampalataya ng diyos ay hindi puwedeng uminom ng alak, pero baka puwede ang ilang pampalamig?” Pagkarinig sa mga salitang ito ng lider nila, ang mga tagasunod ng anticristo ay may isang inutusan para magmadaling bumili ng mga pampalamig. Hindi ba’t nakukuha niya ang anumang gusto niya? Kailangan lang niyang iunat ang kamay niya, ibuka ang bibig niya, at ang mga bagay ay dadalhin sa kanya at natutupad ang lahat ng hiling niya. Lumilipas ang mga araw niya nang labis na maginhawa. Pagkatapos ay sasabihin ng anticristo, “Malamig ngayon. Binutas ng mga gamu-gamo ang pangginaw na gamit ko noong nakaraang taon, hindi na angkop kapag isinuot ko ito—hindi magandang tingnan. Hindi ko alam kung nasaan ang pangginaw ngayong taon.” Kapag may nag-aalok na ibili siya ng ilang pangginaw, sinasabi niyang hindi siya dapat kaswal na bumili ng mga ito, dapat siyang sumunod sa kaangkupan ng mga santo, at dapat gastusin ang pera ayon sa prinsipyo. Pagkatapos na pagkatapos sabihin ito, may isang taong ibinili siya ng ilang pangginaw. Pagkarating nila, pakiramdam ng anticristo na kung wala siyang sasabihin, magmumukhang sinasadya ang lahat, kaya sinabi niya: “Sino ang bumili ng mga ito? Hindi ba’t isa itong paglabag sa mga prinsipyo? Hindi ba’t malalagay ako sa alanganin nito? Sino ang bumili ng mga ito? Ibibigay ko sa kanila ang pera.” Sasabihan niya ang asawa niyang kumuha muna ng kaunting pera mula sa mga handog sa iglesia, at sasabihin niyang babayaran niya ito kapag may pera na siya. Sa realidad, kaswal niyang sinasabi ito; wala talaga siyang kaplano-planong bayaran ito. Talagang nakukuha ng anticristo ang anumang naisin niya, natatamasa ang lahat nang walang kahirap-hirap. At sa puso niya, nakakaramdam ba siya ng anumang ganting-paratang matapos tamasahin ang mga bagay na ito? Hindi ba siya inuusig ng konsensiya niya? (Hindi.) Paanong makakaramdam siya ng pang-uusig? Ito mismo ang habol niya, ito ang talagang inasam niya araw at gabi—paano niya magagawang tanggihan ito? Hindi puwedeng sayangin ang kapakinabangang ito, kung hindi niya ito sasamantalahin, lilipas ito at masasayang; sa sandaling nasamantala na niya ito, magsasalita pa rin siya nang mabuti, para kusang gawin iyon ng taong gumagastos ng pera, at hindi mangangahas na pag-isipan ito ng anuman.
Sa sarili nilang teritoryo, hindi lamang nakakatanggap ang mga anticristo ng iba’t ibang espesyal na pagtrato at serbisyo mula sa kanilang mga nasasakupan kundi tinuturuan din nila ang mga nasa teritoryo nila na lubos na sumunod sa kanila. Halimbawa, kung sinabi ng anticristo sa lahat na gumising nang alas-sinko ng umaga, dapat gising na ang lahat bago mag-alas-sinko ng umaga. Haharap sa pagpupungos ang mga tinanghali nang gising—kinakailangan nilang bantayan ang mga tingin ng anticristo. Sa oras ng pagkain, walang nangangahas na umupo sa may mesa hangga’t hindi pa siya nakakaupo, at walang kahit sinong nangangahas na mauna pa sa kanya na gumamit ng mga chopstick. Anuman ang maisipan niyang gawin, dapat itong magawa; kung sa papaanong paraan man niya maisipang gawin ang isang bagay, dapat sumunod ang iba, at hindi palalampasin ang pagsuway. Sa teritoryo niya, siya ang lider, ang hari, at ang salita niya ang masusunod—sinumang hindi susunod ay parurusahan. Ang kanyang mga nasasakupan ay tinuturuang sumunod nang walang pasubali sa kanyang mga utos, hindi nangangahas ang mga ito na lumaban sa kanya kahit bahagya man, at naniniwala ang mga ito na anuman ang ipag-utos niya ay makatwiran at nararapat—tungkulin at obligasyon nila ito. Sa ilalim ng bandera ng pananalig sa Diyos at pagganap sa kanilang mga tungkulin, walang alinlangang siyang sinusunod ng mga nasasakupan ng anticristo, buhat-buhat siya sa palad ng kanilang mga kamay at tinatrato siya bilang kanilang hari at panginoon. Kung may mga isipan o opinyon ang sinuman patungkol sa anticristo, kung mayroon silang mga pananaw na iba sa pananaw ng anticristo, hindi siya magdadalawang-isip na pabulaanan, maliitin, himayin, hatulan, kondenahin, at pigilan ang mga ito, tumitigil lang kapag ganap nang sumusunod sa kanya ang taong iyon. Umuunlad ang buhay ng anticristo sa kanyang teritoryo, kung saan lubhang komportable. Napupuntang lahat sa anticristo ang mga perang inihahandog ng mga kapatid, at anumang bagay na wala ang anticristo ay dapat nilang ibigay sa kanya. Dapat agad-agad na maibigay ng mga kapatid ang mga pangangailangan ng anticristo para manatili itong masaya at maging maligaya. Sinanay ng anticristo ang mga taong ito para maging mga birtwal na alipin. Umiikot ang pinakamadalas niyang pangangaral sa kung paano siya nagdusa at naging tapat, binibigyang-diin kung paano siya dapat unawain at sundin ng mga tao para malugod ang Diyos at maging alinsunod sila sa mga katotohanang prinsipyo. Nangangaral ang anticristo ng matatayog na mga sermon, bumibigkas ng mga islogan, at nagpepresenta ng mga doktrinang umaayong ganap sa mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kaya naman nakukuha niya ang pagsamba at paghanga ng iba. Kasabay nito, mabisa niyang napipigilan na may bumangong anumang suspisyon, pagdududa, o pagkilatis laban sa kanya, at napipigilan din niya ang mga tao na magkaroon ng isipang ilantad o kilatisin siya o magkaroon ng sarili nilang isipan ng pagkakanulo. Tinitiyak nitong magpapatuloy ang kanyang kapangyarihan habambuhay, at na lalakas pa ito sa loob ng iglesia nang walang kaproble-problema. Hindi ba’t medyo malayo nang napag-isipan ng anticristo ang mga bagay-bagay? Kaya naman, ano ang layunin sa likod ng lahat ng kilos na ito? Isang salita—kapangyarihan. Ang mga nasa teritoryo man niya o ang mga nasa labas, masusugid man niyang tagasunod o mga kapatid na nakakakilatis sa kanya, ano ang pinakakinatatakutan at ipinag-aalala ng anticristo sa lahat? Ito ay na baka maunawaan ng mga indibiduwal na ito ang katotohanan, lumapit sa harapan ng Diyos, kilatisin siya, at itakwil siya. Ito ang pinakakinatatakutan niya sa lahat. Sa sandaling itakwil na siya ng lahat, siya ay nagiging isang kumander na walang hukbo, nawawalan na siya ng katayuan at katanyagan, at tinatanggalan siya ng kanyang kapangyarihan. Samakatuwid, naniniwala siyang sa pamamagitan lamang ng pagtatatag ng kanyang teritoryo, pagkukulong sa kanyang masusugid na tagasunod, paglilihis at pagkontrol nang husto sa mga sumusunod sa kanila, paghawak sa kanila nang mahigpit, mapalalakas niya ang kanyang kapangyarihan. Sa ganitong paraan, kumakapit siya nang mahigpit sa espesyal na pagtratong nais niyang matamasa, isang espesyal na pagtratong dala ng kanyang kapangyarihan. Masyadong tuso ang ilang anticristo sa ipinapakitang nilang asal at sa kanilang mga pakikitungo, mahusay silang kuhanin ang loob ng mga tao. Sa loob ng teritoryong pinamamahalaan nila, may mga utusan sila, mga nagtutustos ng mga materyal nilang pangangailangan, at mga nangangalap ng impormasyon o nag-aasikaso ng mga bagay-bagay para sa kanila—iba’t ibang klase ng mga indibiduwal ito. Sa loob ng nasasakupang impluwensiya ng anticristo, kung walang may mahusay na kakayahan, walang naghahangad sa katotohanan, at walang nagtataguyod ng mga katotohanang prinsipyo, mapapanatili ng anticristo ang kontrol nito sa iglesia nang pangmatagalan, at lubusang manghihina at maliligaw ang mga tao na nasa loob ng iglesia sa puntong hindi na malulunasan pa. Kahit may ipadala pa ang Itaas para imbestigahan ang gawain, mawawalan lang ito ng kabuluhan. Hindi na tatablan at hindi na mapapasok ang iglesia sa ilalim ng kontrol ng anticristo—ang matibay niyang kuta. Kahit sino pa ang maglantad at humimay sa anticristo, o kahit sino pa ang magbahagi ng mga katotohanang prinsipyo, hindi na makikinig sa kanila ang mga naligaw. Sa halip, kakampi sila sa anticristo, na kinakalaban ang katotohanan at kinokondena ang pagkakalantad at pagkakahimay sa anticristo.
Pinag-uusapan at sinusuri palagi ng anticristo, ng masusugid niyang tagasunod, at ng mga miyembro ng teritoryo niya ang mga usapin sa loob ng sambahayan ng Diyos: Sino ang inilipat kung saan? Sino ang napalitan? May inisyu na namang pagbabahagi at sermon ang Itaas tungkol sa paglalantad ng ganito at ganyan—dapat ba natin itong ilabas? At paano natin ito ilalabas? Kanino ito unang ilalabas, at kanino pagkatapos? Kailangan ba nating makialam at magbawas o mag-edit nang kaunti? Sino ang kamakailang nakipag-usap sa mga tagalabas? May tao bang ipinadala ng Itaas? Nakipag-ugnayan ba ang sinuman sa mga taong iyon sa mga tao natin sa ibaba? Madalas nilang magkakasamang pinag-uusapan ang ganoong mga bagay; madalas silang nag-uusap-usap at nagsasabwatan, pinag-uusapan ang mga pangontra nilang hakbang, pakana, at pamamaraan para matugunan ang lahat ng pagsasaayos ng gawain ng Itaas; kaya, madalas din nilang pinag-uusapan at sinusuri ang mga kalagayan ng mga kapatid na nasa ilalim nila. Buong maghapong magkakasamang nagsasabwatan ang anticristo at ang mga miyembro ng teritoryo niya, at magkakasanggang-magkakasangga sila. Kapag magkakasama sila, hindi sila nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, o sa mga layunin ng Diyos, lalong hindi tungkol sa gawain ng iglesia, o kung paano tuparin ang tungkulin nila, isulong ang gawain ng iglesia, o gabayan ang pagpasok ng mga kapatid sa realidad ng mga salita ng Diyos, o kung paano tumugon sa mga sitwasyon sa labas. Hindi sila kailanman nagbabahagi tungkol sa mga wastong bagay na ito, pero sinusuri nila kung sino ang nagiging mas malapit kanino, kung sino ang pinag-uusapan ng mga taong ito kapag magkakasama sila, kung pinag-uusapan ba nila ang mga lider kapag nakatalikod ang mga ito; at binibigyan nila ng pansin kung sinong pamilya ang mayaman, at kung may mga naihandog na sila. Ito ang mga bagay na patago nilang pinagkukuwentuhan, palagi nilang hinuhusgahan ang mga kapatid, at ang mga pagsasaayos ng gawain ng Itaas—palagi nilang ginagawa ang lahat ng makakaya nila para linlangin ang mga kapatid at ang Itaas. Nakakahiya ang mga bagay na patago nilang ginagawa: Kung hindi ito nakakapinsala sa iglesia, nakakapinsala naman ito sa mga kapatid; palagi silang nagpaplano o lumilikha ng usap-usapan tungkol sa mga kapatid na may mahuhusay na kakayahan at naghahangad sa katotohanan, palagi nilang sinusubukang pabagsakin ang mabubuting tao o dungisan ang kanilang pangalan. Sa tuwing may ginagawang anumang bagay ang mga anticristo, palagi nila itong tinatalakay sa mga tao sa kanilang kampo—may mga plano at pakanang sangkot dito. Walang anumang bagay na sinabi ng grupo ng anticristo ang mapanghahawakang totoo sa pagsusuri; kung gagawan ito ng masusing pagsusuri, may mga makikitang problema sa lahat ng ito. Dahil sa mga taong nasa labas ng teritoryo, pinipigilan nila ang kanilang sarili at nag-iingat sila; sa loob ng teritoryo ng anticristo, wala nang anumang bawal: Hinuhusgahan nila ang mga kapatid, ang gawain ng sambahayan ng Diyos, ang matataas na lider—maging ang Diyos. Pwedeng batikusin ang lahat. Pero kapag nariyan ang isang taong mula sa labas ng teritoryo, itinatago nila ang mga salita nila, nagkukubli, nagpipigil, at nagsasalita pa nga ng isang sikretong wika na hindi maiintindihan ng mga tagalabas. May tingin sila na may partikular na kahulugan, masamang ngiti na may ibig sabihin, kahit singhal at ubo na may ibig sabihin—mga sikretong kodigo nila ang lahat ng ito. Minsan nagkakamot sila ng ulo nila, minsan hinahatak nila ang mga tenga nila, minsan ipinapadyak nila ang mga paa nila, minsan pinagkikiskis nila ang mga kamay nila; may ibig sabihin ang lahat ng iyon. Ito ang mga pangkaraniwang pagpapamalas ng grupo ng anticristo, ang iba’t ibang pag-uugaling ipinapamalas nila sa sandaling mamonopolisa na nila ang kapangyarihan sa iglesia. Kung titingnan ang iba’t iba nilang pag-uugali at pagpapamalas, at kung hihimayin ang mga ito mula sa perspektiba ng pagkatao nila, anong klaseng tao ang mga ito? Hindi ba’t sila ang mga sakristan ng panlilinlang at kabuktutan? (Oo.) At may pagpapahalaga ba sa katarungan ang mga taong ito? May konsensiya o moralidad ba sila? Matapat ba sila? Hindi. Walang kahihiyan ang mga taong ito. Ginagastos nila ang mga hinahandog ng mga kapatid, at iniisip nilang nararapat lang ito para sa kanila; gayundin, sila ay malaya at nagwawala sa loob ng sambahayan ng Diyos, na nagdudulot ng pinsala sa mga kapatid—at hindi lang nila pansamantalang binubuhay ang kanilang sarili sa pera ng iglesia, kundi ginagawa nila iyon araw-araw, hanggang sa mga susunod na henerasyon. Hindi ba’t mga diyablo ang mga ito na kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao? Wala silang kahihiyan! Kapag magkakasama, palaging pinag-uusapan ng anticristo at ng kanyang grupo ang “mga usaping pambansa.” Pero nakakahiya ba ang mga patago nilang usapan? (Oo.) Ano ang pinag-uusapan nila? Nagbabahaginan ba sila tungkol sa gawain ng iglesia? Nabibigatan ba sila sa gawain ng iglesia? Sa ilang lugar, ang iglesia ay sinusubaybayan at ang mga kapatid ay palihim na sinusundan at minamanmanan ng malaking pulang dragon, ng gobyerno, at maging ang karamihan sa mga kapatid ay nasa ilalim ng kontrol ng gobyerno at humaharap sa panganib ng pagkakaaresto at pagkakabilanggo. May pakialam ba sila? Sinusubukan ba nilang mag-isip ng paraan para protektahan ang mga kapatid, para tulungan silang makaiwas sa pag-uusig at pagdurusa sa bilangguan? Nag-uusap-usap ba sila nang pribado kung paano iingatan ang mga libro ng iglesia, mga pagmamay-ari, at iba pa, para protektahan ang iglesia nang hindi ito mawalan? Kung may lumitaw na isang Hudas sa iglesia, kaagad ba silang kumikilos, mabilis na naghahanap ng ligtas na lugar para sa mga apektadong kapatid upang protektahan sila? Gagawin kaya nila ang ganoong mga bagay? (Hindi.) Kapag may kapangyarihan ang mga tao, kaya nilang gumawa ng mabubuting bagay at kaya rin naman nilang gumawa ng masasamang bagay. Kaya, ano ang ginagawa ng anticristo kapag may kapangyarihan siya? (Masasamang bagay.) Anong masasamang bagay ang ginagawa niya? (Naghahanap siya ng mga paraan para parusahan ang sinumang hindi nakikinig sa kanya. Kapag nagpapadala ng ilang lider at manggagawa ang sambahayan ng Diyos para kumustahin ang gawain, hahanap sila ng paraan para iwasan ang mga ito, o ng paraan para samantalahin at husgahan ang mga ito, kondenahin ang mga ito, at makahanap ng mga dahilan para paalisin ang mga ito, para pigilan ang mga ito sa pagtatanong tungkol sa gawain at sa paghahanap ng mga isyu laban sa kanila.) Kabaligtaran naman ang ginagawa ng ilang anticristo: Sa takot na iulat ng mga kapatid ang mga isyu nila, binabantayan nila ang mga lider na ipinadala mula sa Itaas, inililibre nila ang mga ito ng masasarap na pagkain at inumin, at pinipigilan ang mga itong makipag-usap sa mga kapatid na nasa mabababang posisyon. Kapag hinahanap ng mga lider ang mga kapatid, sumasagot sila, “Maayos ang lagay nilang lahat. Sa ngayon, maayos ang takbo ng ating gawaing ebanghelyo. Nalutas na namin ang lahat ng isyung iyon na lumitaw mula sa magulong kapaligiran, at pinatalsik na ang mga Hudas na nagkanulo sa atin; hinarap na namin ang mga nagtangkang guluhin ang gawain ng iglesia, at inalis na namin silang lahat, at naipamahagi na ang mga aklat ng mga salita ng diyos gaya nang normal. Wala nang kaproble-problema.” Pagkasabi nito, iniuulat din nila ang ilang bagay tungkol sa ibang tao. Kapag nagpapadala ang Itaas ng isang tao para imbestigahan sila, kung iniisip nilang may taong nagsumbong sa kanila—sadya nilang iuulat ang mga isyu ng taong iyon para ilihis ang matataas na lider at para isipin nilang may mga isyu nga ang taong nag-ulat sa anticristo, para hindi malaman ng mga lider kung ano talaga ang nangyayari sa gawain ng iglesia, at para hindi madiskubre ang mga isyu laban sa anticristo, upang sa bandang huli, hindi sila mapalitan, at hindi na sila malagay sa alanganin. Ang layunin ng anticristo sa pagprotekta sa teritoryo niya ay ang palakasin ang kanyang kapangyarihan at gawin itong mabisa, kaya naman lumilinang siya ng maraming tagasuporta, galamay, masusugid na tagasunod, at mga kapanalig. Ang layunin niya sa paglinang sa ganoong mga tao ay ang lubusang mamonopolisa ang kapangyarihan, para mapigilan ito sa paghina o pagkawala sa kanya.
Tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo, at ang unang ginagawa nila pagkatapos na maupong lider ay ang monopolisahin ang kapangyarihan. May naisip na ba kayong pagkakataon kung saan minomonopolisa ng mga anticristo ang kapangyarihan? (Dati, may isang lider sa iglesia na anticristo. Sa tuwing ipinupunto ng isang tao ang kanyang mga isyu o inilalantad siya, pipigilan niya ang taong iyon at kukumpiskahin ang mga aklat niya ng mga salita ng Diyos. Nagpunta ako sa ilang pagtitipon ng grupo sa kanyang simbahan para alamin pa ang sitwasyon. Sa takot na baka mabunyag ang masasama niyang gawa, sinubukan ng anticristong iyon na palayasin ako at sinamantala niya ang oportunidad na akusahan ako na palihim akong dumadalo sa mga pagtitipon nang wala ang kanyang pahintulot. Pagkatapos niyon, nagpadala ng tao ang mga matataas na lider para mag-imbestiga, at siniraang-puri ako ng anticristo, nagsalita ng kung anu-anong masama laban sa akin, at isinailalim pa nga niya ako sa house arrest, tinatagubilinan ang mga kapatid na huwag makikihalubilo sa akin. Noong panahong iyon, walong iglesia ang kontrolado ng anticristong ito sa tulong ng isa pang lider at manggagawa. Sa wakas, matapos ang ilang buwan ng pagbabahaginan at pagkilatis, pinalayas na sa wakas ng mga kapatid ang grupong ito ng mga anticristo.) Ganito magtrabaho ang mga anticristo. Anuman ang gawin nila sa loob ng iglesia, layon nitong makakuha ng kapangyarihan at kontrolin ang mga tao. Sensitibong-sensitibo sila sa sinumang banta sa kanilang katayuan at kapangyarihan. Napakatalas ng pang-amoy nila sa gayong mga bagay, at napagtatanto nila kaagad na walang magandang idudulot sa kanila ang mga bagay na ito at banta ang mga ito sa kanilang posisyon. Hindi ba’t buktot ito? Bakit napakasensitibo ng mga anticristo sa gayong mga bagay? Bakit hindi ito nararamdaman ng iba? May kinalaman ito sa kanilang kalikasan; ang mga anticristo lamang ang makababatid sa mga bagay na ito. Kinukumpirma nito ang isang punto: May ganitong diwa ang mga anticristo. Kahanga-hanga ang paghahangad nila para sa kapangyarihan, at nagtataglay sila ng isang kakaibang pananabik. Kapag may nagpunta sa iglesiang pinangungunahan nila, pag-aaralan nila ang taong ito, iniisip na, “Banta ba ang taong ito sa aking katayuan at katanyagan? Narito ba siya para itaas ako ng posisyon o para tanggalin ako? Narito ba siya para imbestigahan ang mga isyu ko o para makipagbahaginan nang normal tungkol sa gawain?” Sinusubukan muna nilang alamin ang mga bagay na ito. Napakasensitibo nila sa gayong mga bagay dahil may natatangi silang pagtingin at paghahangad para sa katayuan at kapangyarihan; nabubuhay sila para sa kapangyarihan at katayuan. Iniisip nila na kung mawalan sila ng kapangyarihan, mabawasan ng mga tagasuporta, at maging isang kumander na walang hukbo, wala nang saysay pa ang buhay. Samakatuwid, patungkol sa katayuan at kapangyarihang natamo nila, nangangasiwa man sila ng tatlong iglesia, limang iglesia, o sampung iglesia, naniniwala ang mga anticristo na kapag mas marami, mas mabuti. Hinding-hindi nila isusuko ang kanilang kapangyarihan sa ibang tao. Iniisip nilang sa kanila lang iyon, isang bagay na ipinaglaban nila, isang bagay na nakuha nila sa pamamagitan ng rebolusyon at estratehiya. Kung gusto itong kunin ng iba, dapat handa silang ibuwis ang kanilang buhay kapalit nito. Tulad ito ng malaking pulang dragon—kung may magmumungkahi ng demokratikong pagbabago para wakasan ang diktadurya nito, inuudyukan ang Partido Komunista na magsagawa ng patas na eleksyon, ano kaya ang sasabihin ng malaking pulang dragon? “Demokrasya? Kakailanganin mong tumbasan ito ng ulo ng dalawampung milyong tao! Nakuha ng Partido Komunista ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ng dugo ng di-mabilang na mga indibiduwal. Kung gusto mong mangamkam ng kapangyarihan, kakailanganin mong tumbasan ito ng dugo at buhay ng ganoon karaming tao!” Ganoon din ang mga anticristo. Kung gusto mong bitawan nila ang kanilang kapangyarihan, hindi sapat na ibahagi ang katotohanan para sumuko sila; makikipagbuno at lalaban sila sa iyo. Kahit gaano pa nakakasuklam ang kanilang mga pamamaraan o kaparaanan, kailangan nilang ingatan ang kanilang kapangyarihan. Maliban na kung magising at magkaisa ang mga hinirang ng Diyos na ilantad at alisin sila, hindi nila ito gagawin. Hindi ba’t masyado lang talagang buktot ang mga anticristo? Kinukumpirma nitong ganap at binibigyang halimbawa ang buktot at malupit na disposisyon ng mga anticristo. Kahit payag pa o hindi ang mga kontroladong nasasakupan, totohanan man silang sumuko o hindi, handa man silang tumalima at sumunod, walang pakialam sa bagay na ito ang mga anticristo. Puwersahan nilang ginagamit ang kanilang kapangyarihan para pigilan at kontrolin ang mga tao. Walang sinuman ang maaaring sumuway. Sinumang hindi sumusunod ay papatawan ng parusa. Ganito ang mga anticristo.
Ngayon lang, nagbahaginan tayo tungkol sa ilang espesipikong pagsasagawa at pagpapamalas ng kung paano minomonopolisa ng mga anticristo ang kapangyarihan. Mula sa mga pagsasagawa at pagpapamalas na ito, hindi ba natin makita na nagtataglay ng malupit at buktot na disposisyon at diwa ang mga anticristo? Mababago ba sila ng sinuman? Sa pamamagitan man ng pangangatwiran sa kanila, pakikiusap, pagpresenta sa katotohanan sa mga salita ng Diyos, pagpupungos sa kanila, o paghahangad na baguhin sila sa pamamagitan ng totoong damdamin—magagawa ba ng alinman sa mga pamamaraang ito na ipaabandona sa kanila ang kaugaliang pagmomonopolisa ng kapangyarihan? (Hindi.) Sinasabi ng ilang tao, “Ang mga anticristo ay mga tao lang na may mga tiwaling disposisyon. May damdamin ang mga tao. Kung makikiusap ka sa kanila na may kalakip na damdamin, ipapaliwanag nang lohikal ang mga bagay-bagay, at lilinawin ang mabubuting bagay at hindi, kapag naunawaan nila ang katwiran, baka sakaling hindi sila kumilos sa ganoong paraan. Baka aminin nila ang kanilang mga pagkakamali, magsisi, at tumigil sa paglakad sa landas ng mga anticristo. Baka sakaling hindi sila magtatag ng sarili nilang teritoryo sa loob ng sambahayan ng Diyos, magtawag ng sarili nilang masusugid na tagasunod para magmonopolisa ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos, at makilahok sa mga ganitong pagkilos na hindi umaayon sa pagkatao at moral.” Maiimpluwensiyahan ba ang mga anticristo sa ganitong paraan? (Hindi.) May nakapagpabago na ba sa isang anticristo? May nagsasabi na, “Siguro hindi sila naturuan mabuti ng kanilang ina mula sa pagkabata, pinalaki sila sa layaw. Ngayon, kung kakausapin sila ng kanilang ina o kung makipagkatwiranan sa kanila ang taong pinakatanyag sa kanilang pamilya, o ng pinakamatagal nang mananampalataya sa kanila, baka sakaling hindi na nila gawin ang mga bagay na ginagawa ng mga anticristo.” Totoo ba ito? (Hindi.) Bakit hindi? (Walang magagawa ang mangatwiran sa kanila; habang lalo kang nagsasalita, lalo nilang ipagdaramdam ito. Kung ilalantad at pupungusan mo sila, kapopootan ka nila.) Tama. Hindi ba’t ilang beses na nilang narinig ang mga salita ng Diyos at ang katotohanan? Nanalig na ang ilang anticristo sa loob ng sampu o dalawampung taon nang walang anumang pagbabago. Marami-rami na silang nabasang mga salita ng Diyos pero bakit walang nangyaring pagbabago? Ito ay dahil puno ng kasamaan ang kanilang mga puso—kahit ang Diyos ay hindi sila inililigtas, kaya ba silang baguhin ng mga tao gamit ang kakaunting kaalaman at doktrinang mayroon sila? Sa lipunan ng mga tao, may edukasyon ang mga bansa, at may mga batas sa lipunan, kung saan hinihimok nitong lahat ang mga tao na matutong maging mabuti at umiwas sa paggawa ng mga krimen. Pero bakit hindi nito mabago ang mga tao? Nagkaroon na ba ng anumang positibong epekto sa lipunan ang edukasyon at mga sistema ng bansa? May anumang edukasyunal na kabuluhan ba o halaga para sa sangkatauhan ang mga bagay na iyon na itinaguyod ng bansa? Naging epektibo ba ang mga ito? (Hindi.) Kahit ang mga legal na departamento ng bawat bansa, gaya ng mga koreksyonal na pasilidad para sa mga delingkuwenteng kabataan at ang mga bilangguan, na pinakamataas at pinakamahigpit na mga lugar para sa pagdidisiplina sa mga tao, nabago ba ng mga ito ang diwa ng mga tao? Halimbawa na lang ang ilang taong nanggahasa, magnanakaw, at butangero—maraming beses na silang labas-masok sa bilangguan na nagiging paulit-ulit na silang lumalabag—nagbabago ba sila kalaunan? Hindi, walang makapagpapabago sa kanila. Hindi mababago ang diwa ng isang tao. Gayundin naman, hindi rin mababago ang diwa ng mga anticristo. Nirerepresenta ng pagsasagawa ng pagmomonopolisa sa kapangyarihan ang diwa ng mga anticristo, at hindi mababago ang diwang ito. Ano ang saloobin ng Diyos patungkol sa ganitong uri ng tao na hindi mababago? Ito ba ay ang gawin Niya ang buo Niyang makakaya para baguhin at iligtas sila, at pagkatapos ay magkamit ng transpormasyon sa kanilang kalikasan? Ginagawa ba ng Diyos ang gawaing ito? (Hindi.) Ngayong nauunawaan na ninyo na hindi ginagawa ng Diyos ang ganitong uri ng trabaho, paano ninyo dapat harapin ang mga anticristo? (Itakwil mo sila.) Una, kilatisin at himayin; kapag nakikita na niyo ang tunay nilang kalikasan, itakwil ninyo sila. Huwag ninyong itakwil ang isang tao batay lamang sa mga kuru-kuro at imahinasyon ninyo, iniisip na mapagmataas at mapagmagaling sila at parang anticristo. Hindi ito uubra; hindi ka maaaring maging bulag. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan, pag-iimbestiga at pagkilatis, unti-unti ninyong patunayan at kumpirmahin na anticristo nga ang isang tao. Una, ibahagi at himayin sila sa lahat, kilatisin sila, at pagkatapos ay makipagkaisa sa mga nasa iglesia na naghahangad sa katotohanan at may pagpapahalaga sa katarungan para itakwil sila. Kilatisin at himayin muna sila, at pagkatapos ay itakwil sila—ito ang pinakamainam na paraan para harapin ang mga anticristo. Para naman sa mga anticristong mahusay magpaimbabaw at may-katusuhan, kung naimbestigahan at nakilatis mo sila sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa kanila, kinukumpirmang mga anticristo nga sila, pero hindi sila masyadong kilala ng mga kapatid, kulang pa rin sila sa totoong pagkilatis, at kapag ibinabahagi at sinusuri mo ang tungkol sa kanila sa mga kapatid, hindi lamang sa hindi sila naniniwala o tinatanggap na anticristo nga ang mga ito bagkus ay sinasabi pa ngang, “Masama ang tingin mo sa kanila; personal na opinyon mo ito”—ano ang dapat mong gawin? Kung sasabihin mong, “Nakilatis ko sila, hindi nila ako maililigaw o mapipigilan, hindi ako makikinig sa mga sinasabi nila, at hinding-hindi ako susunod sa kanila. Wala akong pakialam kung nakilatis man ninyo sila o hindi. Sinabi ko na sa inyo ang tungkol sa pagpapamalas nila at ang mga bagay-bagay na ginagawa nila, at sa maniwala man kayo o hindi, makinig man kayo o hindi, natupad ko na rin naman ang responsabilidad ko. Kung nailigaw o nakontrol nila kayo, kung nakinig kayo sa mga sinasabi nila at sinunod ang mga ito, tama lang ang kinahinatnan ninyo at malas lang talaga kayo!” katanggap-tanggap ba ang diskarteng ito? Nabibilang ba itong pagtupad sa responsabilidad ninyo? Nabibilang ba itong katapatan sa Diyos? (Hindi.) Kung gayon, ano ang dapat ninyong gawin? Hindi maiiwasan ang gayong mga bagay; tiyak na lilitaw ang gayong mga usapin. Ang ilang tao, kahit gaano pa karaming sermon ang marinig nila, hindi nila maunawaan ang katotohanan, at hindi nila maiugnay ang mga pagpapamalas ng mga anticristo sa mga sermong narinig nila o kilatisin ang mga ito. Kapag malinaw pa sa tirik na araw na anticristo nga ang isang tao, hindi talaga nila makita ang tunay na kalikasan ng taong iyon at naliligaw pa rin sila. Maliban nang personal silang saktan ng mga anticristo, pigilan mismo sila, pagalitan sila, pungusan sila, o may masamang gawin sa harapan mismo nila, hindi nila tatanggapin na anticristo nga ang mga ito. Kahit nagsasalita pa ng totoo ang iba o nagprepresenta ng ebidensiya, hindi nila paniniwalaan ito. Kailangang makita mismo ng kanilang mga mata ang ginagawa ng mga anticristo at personal na maranasan ang pang-aabuso ng mga anticristo bago pa nila aminin ito. Ano ang dapat gawin tungkol sa sitwasyong ito? (Hayaan silang sumunod sa mga anticristo at maranasan ang pang-aabuso; magigising lang sila kapag naabuso na sila.) Hindi ba’t masyado namang malupit ito? (Hindi ito pagmamalupit sa kanila. Hindi maunawaan ng gayong mga tao ang katotohanan sa pamamagitan ng pagbabahagi, at maaari lang silang magkaroon ng kabatiran at magising sa pamamagitan ng personal na pagdanas ng pang-aabuso. Samakatuwid, ito lang ang tanging paraan para harapin ang gayong mga tao.) Isa itong prinsipyo. Hindi nakakaunawa ang ilang tao kapag kinausap mo sila sa positibong paraan; wala silang kakayahang maarok ito. Halimbawa, kung sasabihn mo sa kanila, “Mapanganib ang lugar na iyon; kung mag-isa kang maglalakad sa gabi, baka may makasalubong kang mga holdaper. Nangyari na ito sa ilang tao. Huwag kang maglalalakad sa gabi; umuwi ka nang maaga!” Hindi sila naniniwala rito at nagpupumilit na maglakad nang mag-isa sa gabi nang walang kasama. Kung ganoon, hinahayaan mo silang maglakad nang mag-isa pero palihim na pinoprotektahan sila, tinitiyak na hindi sila aktwal na mapapasok sa gulo. Pagtupad ito sa iyong responsabilidad. Kapag dumating ang totoong problema, mapoprotektahan mo sila, mailalayo mo sila sa anumang gulo, at matutulungan mo silang matuto ng leksyon at tandaan ito. Kalaunan, maniniwala na sila na tama ang mga sinabi mo. Samakatuwid, para sa mga taong iniligaw ng mga anticristo at hindi sila makilatis kahit gaano pa ibahagi ang katotohanan, kailangan nilang magdusa ng matinding pinsala, matuto ng leksyon, at tandaan ito upang paunlarin ang kakayahang makakilatis. Hindi makita ng mga taong magugulo ang isip at mga bumabalewala sa payo ang tunay na kalikasan ng kabuktutan at kabangisan ng mga anticristo, at tinatrato pa nga nilang kapatid ang mga anticristo, nakikisalamuha sa kanila nang gayon, tinutulungan pa nga sila nang may pagmamahal at tinatrato silang may sinseridad, nagsasalita sa kanila nang mula sa puso. Bunga nito, nagiging biktima sila ng mga anticristo. May mga taong kailangang saktan nang hindi lang minsan, kundi maraming beses, bago sila magkaroon ng kakayahang makakilatis. Pagkatapos, kapag nakikipagbahaginan ka sa kanila at sinusuportahan sila, naniniwala sila sa iyo. Isa itong epektibong pamamaraan, at ang ilang tao ay kailangang magdusa sa gayong mga bagay. May isang partikular na tao noon na magulo ang isip na walang kakayahang kumilatis at hindi niya lubos na matanggap noong palitan ng sambahayan ng Diyos ang isang anticristo. Kitang-kita naman ang masasamang gawa ng naturang anticristo, at nakaklasipika siya bilang anticristo. Tanggap ito ng lahat maliban sa kanya, at walang sinumang makapagbahagi sa kanya. Kalaunan, sumama na lang siya sa anticristo. Pagkaraan ng ilang panahon, makaraang magdusa ng matinding pinsala, bumalik siyang lumuluha, kinikilala na talagang ubod nga ng sama ang anticristo. Ang totoo, masama na talaga ang anticristo dati pa, pero dahil may mabuti siyang naramdaman tungkol sa anticristo at gusto sana niyang magsipsip, pinalampas at pinagtiyagaan niya ang lahat ng ginawa ng anticristo. Nang mawalan ng katayuan ang anticristo, nakipag-usap siya sa anticristo nang pantay ang lebel nila, at nagsimula siyang magkaroon ng mga opinyon tungkol sa ilang mga bagay na ginawa ng anticristo. Nagbago ang perspektibo niya, at nagsimula na niyang makita ang mga isyu. Sa huli, kahit sabihan mo pa siyang sumunod muli sa anticristo, tatanggi siya kaagad—handa siyang mamatay kaysa sumunod sa anticristo, dahil nagdusa siya ng matinding pinsala at nakita na niya ang tunay na kalikasan ng anticristo. Sa katunayan, ang nakita niyang tunay na kalikasan ay nasabi na sa kanya nang mas maaga, pero tumanggi siyang tanggapin o kilalanin ito. Wala tayong magagawa sa bagay na iyon. Para sa gayong mga tao, kailangan nilang tumahak sa pasikot-sikot na daan at magbata ng mas maraming hirap—nararapat lamang ang kanilang pagdurusa. Bakit Ko nasabing nararapat lamang ito? Ibig Kong sabihin ay kapag may mga pagpapala ka pero tumatangging tamasahin ang mga ito, at nagpupumilit kang magdusa—wala tayong magagawa—kailangan mo munang magtiis ng hirap at magdusa. Nararapat lang ang pagdurusang ito.
Kapag nagmomonopolisa ng kapangyarihan, pangunahin nang ipinagkakatiwala ng mga anticristo ang mahahalagang gampanin sa mga walang pasubaling sumusunod sa kanila. Pagkatapos ay sinasanay nila ang mga indibiduwal na iyon na nag-aatubili pa rin, na may mga isip na madaling hubugin, at dinadala sila sa kanilang panig. Kapag sapat na ang pagsasanay ng mga indibiduwal na ito at naging mga miyembro na ng teritoryo ng anticristo, nakakahinga na nang maluwag ang anticristo. At sa mga natira namang hindi nila magamit, ganap silang inaabandona ng anticristo, at ibinubukod sila mula sa kanilang teritoryo. Lahat ng walang pasubaling sumusunod sa kanila ay itinuturing na masusugid nilang tagasunod, mga tapat na miyembro ng kanilang teritoryo. Itinuturing nila ang mga indibiduwal na ito bilang mga tagasunod, tagasuporta, at taong mapagkakatiwalaan nila. May sinabi ang kapangyarihan nila sa loob ng grupong ito; ibig sabihin, epektibo itong nagagamit sa pamamagitan nila. Samakatuwid, masasabi na kapag minomonopolisa ng mga anticristo ang kapangyarihan, ginagawang sarili nilang teritoryo ang sambahayan ng Diyos, namumuhunan sila ng matinding pagsisikap. Nagsasagawa sila ng iba’t ibang pagkilos at nagbabayad ng malaking halaga para rito, pero ang resulta ng halagang ito ay pakikipag-alit sa Diyos, sa katotohanan, at sa lahat ng kapatid na nagsisipaghangad sa katotohanan. Ano ang halaga at saysay ng kapangyarihang ito? Mahalaga ito dahil nagpaparami ng kapital ang mga anticristo para makipagtunggali laban sa Diyos at sa Kanyang sambahayan, nagtatayo sila ng sarili nilang mga muog, bumubuo ng mga independyenteng kaharian, at gumagamit ng matinding kapangyarihan nang hindi umaasa sa iba.
II. Minamanipula ng mga Anticristo ang mga Sitwasyon
Bago ito, nagbahaginan tayo tungkol sa unang pagpapamalas ng pagtrato ng mga anticristo sa sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang personal na teritoryo: ang pagmomonopolisa sa kapangyarihan. Pagdating sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan, pangunahin na nating ibinahagi ang tungkol sa espesipikong nilalaman ng kung paano nakakakuha ng kapangyarihan ang mga anticristo, kung paano nila pinatatatag ang kanilang katayuan matapos itong makuha at patuloy na pinalalakas ang kapangyarihang iyon, at sa huli, kung paano nila ginagamit ang kapangyarihang iyon. Bukod sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan, ang pangalawang kongkretong nakaugaliang gawin ng mga anticristong tinatratong parang sarili nilang personal na teritoryo ang sambahayan ng Diyos ay ang pagmamanipula sa mga sitwasyon. Madali na lang dapat maunawaan ang literal na ipinapakahulugan ng pagmamanipula sa mga sitwasyon, kaya saan naman tumutukoy ang “mga sitwasyon”? Pagkatapos mamonopolisa ng isang anticristo ang kapangyarihan, makapagtatag ng sarili niyang teritoryo, makapagparami ng sarili niyang masusugid na tagasunod, kaibigan, at mapalawak ang balwarte niya, makakapayag ba siyang makialam ang iba sa kanyang gawain? Mapapahintulutan ba niya ang iba na makialam o manghimasok sa mga bagay-bagay at sa balwarte na pinangangasiwaan niya? (Hindi niya ito pinapahintulutan.) Para sa isang anticristo, kapangyarihan ang siyang buhay niya. Sa loob ng balwarte niya, siya ang dapat magdikta ng lahat ng bagay. Kahit ano pa ang mangyari sa loob ng balwarte niya, siya dapat ang mamatnugot at kumontrol sa lahat ng tao at bagay na sangkot, pati na sa huling kalalabasan ng mga bagay-bagay. Dapat itong umayon sa mga kagustuhan niya at makatugon sa kanyang mga pangangailangan, nang hindi siya nawawalan ng anuman. Halimbawa, kung hindi niya pakikialaman, panghihimasukan, o mamanipulahin ang isang partikular na bagay, bagkus hahayaan na lang itong kusang mangyari, baka sumamâ ang reputasyon niya o isumbong siya ng isang tao at matanggal siya, na baka ikalagay pa sa alanganin ng katayuan niya at mawala pa ang taglay niyang kapangyarihan. Kaya, sa lahat ng klase ng bagay, malaki man at maliit, na nangyayari sa loob ng iglesia, dapat harapin ng anticristo ang mga ito nang mag-isa. May kinalaman ang mga bagay na ito sa reputasyon at katayuan niya, pati na sa kanyang kapangyarihan. Pagdating naman sa mga bagay na walang kinalaman sa kapangyarihan niya, puwede niyang piliing huwag usisain ang mga ito o huwag na lang itong pansinin. Lalo na pagdating sa gawain ng sambahayan ng Diyos, sa buhay pagpasok ng mga kapatid, sa buhay-iglesia, at sa mga ganoong iba’t ibang bagay, basta’t hindi nakakaapekto ang mga ito sa katayuan at kapangyarihan niya at basta’t walang kinalaman ang mga ito sa mga interaksyon niya sa Itaas, wala siyang pakialam, hindi niya inuusisa, o iniintindi ang mga ito. Halimbawa, mahalaga sa kanya ang buwanang bilang ng mga tao na naibunga ng pangkat sa ebanghelyo dahil nakakaapekto ito sa katayuan niya. Kung masisiguro ang katayuan niya sa pamamagitan ng iniuulat na bilang kada buwan, gagawin niya ang lahat para maabot ang bilang na iyon para maingatan ang kanyang katayuan habang nananatili namang walang kabuluhan sa kanya ang iba pang mga bagay. Halimbawa, sabihin na nating kailangang magbunga ng isang daang tao sa isang buwan ang lugar na pinangangasiwaan niya sa ilalim ng mga normal na sitwasyon. Pero, kung dahil sa kapaligiran, mga espesyal na sitwasyong nangyayari sa buwang iyon, o ilang tao na nasa yugto pa rin ng kanilang pagsisiyasat, hindi umabot sa isang daan ang bilang ng mga tao na naibunga, saka ngayon tututukan nang husto ng anticristo ang bagay na ito at mag-aalala nang husto. Ano ang ipinag-aalala niya? Nabibigatan at nag-aalala ba siya dahil nakikita niyang hindi maayos ang takbo ng pagpapalaganap ng ebanghelyo ng Diyos? Ito ba ay dahil walang pagpapahalaga at pabaya sa tungkulin ang mga nagpapalaganap ng ebanghelyo, at nag-aalala siya kung paano niya sila didiligan at lulutasin ito? O alalahanin ba ito tungkol sa kakulangan ng mga taong magpapalaganap ng ebanghelyo, at kung paano niya ito dapat lutasin at dagdagan? Hindi, hindi siya nag-aalala tungkol sa mga bagay na ito. Nag-aalala siya kung paano niya paaabutin ng isang daan ang bilang na iyon nang hindi natutuklasan ng Itaas ang mga pailalím niyang pamamaraan. Kung walumpu lang ang aktuwal na bilang sa halip na isang daan at ito talaga ang iuulat niya, baka magpadala ng tao ang Itaas para mag-imbestiga at alamin pa ang tungkol sa sitwasyon, kaya paano niya maiuulat ang bilang para hindi na mag-imbestiga ang Itaas? Siyamnapu’t walong tao ang iuulat niya. May magsasabi, “Hindi ka maaaring magpalsipika nang ganito; pandaraya ito, hindi ito katanggap-tanggap.” Sasagot naman siya, “Ayos lang ito. Ako ang masusunod; kung may mangyari man, ako ang bahala.” Bakit itong partikular na bilang na ito ang iniulat niya? May mas malalim bang kahulugan sa likod nito? Pinag-isipan ba niya ito nang mabuti? Oo. Masyadong malaki ang magiging diperensya kung isang daang tao ang iuulat niya samantalang walumpu lang talaga ang aktuwal na bilang, magiging mahirap pagtakpan ang kasinungalingan pagdating ng panahon. Pero, kung siyamnapu’t walo ang iuulat niya, kahit na makikita ng Itaas na mas mababa ito sa isang daan, mukhang lehitimong bilang naman ito at hindi na mangangailangan pang mag-inspeksyon ang Itaas, na makapagtitiyak naman sa seguridad ng katayuan niya. Minsan, kung nakapagbunga siya ng isang daang tao, nangangahas siyang dalawang daan ang iulat, at kung may papuntahin ang Itaas para mag-imbestiga, may mga diskarte siya para pangasiwaan ito. Sinasabi niyang ang sobrang isang daan ay kasalukuyang nagsisiyasat at maibubunga sa susunod na buwan. Kung walang papapuntahin ang Itaas para inspeksyunin ito, gagawa naman siya ng paraan para ipagmayabang ang mga kontribusyon niya. Minsan, kung wala siyang ni isang tao na naibunga sa isang buwan, nag-uulat pa nga siya nang di-totoo na nakapagbunga siya ng tatlumpu o limampung tao, pagkatapos ay nag-iisip siya ng paraan para makabawi sa susunod na buwan. Sa madaling salita, pagdating sa pag-uulat ng bilang ng mga tao na naibunga sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, kaya ng anticristo na palsipikahin ang mga ito, magsinungaling tungkol sa mga ito, mandaya, at gumamit ng mga pailalím na pamamaraan. Kung paano iuulat ang isang bilang, at kung anong bilang ang iuulat, ang anticristo ang direktang magsasabi nito. Hindi ba’t pagmamanipula ito sa mga sitwasyon?
Ginagamit ng anticristo ang katayuan at kapangyarihan niya para laging pakialaman at guluhin ang pagganap ng mga hinirang ng Diyos sa mga tungkulin nila. Pinipigilan at ibinubukod niya ang sinumang gumagawa batay sa mga prinsipyo at epektibong gumaganap sa kanilang tungkulin. Ano ang layunin niya sa pagkilos nang ganito? Ito ay para manipulahin ang mga sitwasyon; ipinapakita niyang kontrolado niya ang lahat, sinusupil ang mga nasa ilalim niya at niloloko ang Itaas. Ano ang layunin niya sa pagmamanipula sa mga sitwasyon? Ito ay para hindi mabunyag ang katotohanan, para hindi malaman ng mga tao ang katotohanan, para lokohin ang Itaas, para itago ang aktuwal na sitwasyon ng gawain niya sa ibaba, at para ikubli kung talaga nga bang may nagawa siyang aktuwal na gawain o wala at kung paano niya ginawa ang kanyang gawain. Ang layunin niya sa pagmamanipula sa mga sitwasyon ay ang pagtakpan ang mga totoong nangyari, itago ang katotohanan, at ikubli ang masasama niyang intensyon, at ang itago rin ang kanyang masasamang gawa, ang mga suwail niyang pagkilos, at ang katotohanan tungkol sa kung paanong hindi siya gumagawa at hindi niya kayang gumawa ng anumang aktuwal na gawain, at marami pang iba. Halimbawa, kapag may kailangang pera ang sambahayan ng Diyos at nagtatanong ito kung gaano kalaking handog ang hawak ng iglesia niya, tinatanong muna ng anticristo kung magkano ang kailangan ng sambahayan ng Diyos. Kung sasabihin mong kailangan mo ng ilang libo, sasabihin niyang iilang daan lang ang mayroon siya; kung sasabihin mo namang kailangan mo ng sampu-sampung libo, sasabihin niyang iilang libo lang ang mayroon siya. Ang totoo, sampu-sampung libong yuan na mga handog para sa iglesia ang hawak niya at hindi siya pumapayag na ibigay ito. Hindi ba’t may itinatago siyang masasamang intensyon kapag ganito? Ano ang gusto niyang gawin? Gusto niyang kamkamin ang mga handog na ito para sa personal niyang gamit. Nabibilang ba itong pagmamanipula sa mga sitwasyon? (Oo.) Minamanipula ng anticristo ang mga sitwasyon sa punto pa ngang hindi niya ibigay ang mga handog. Kung tatanungin mo siya kung may mahusay ba sa pagsusulat, musika, o paggawa ng video sa iglesia niya, baka sabihin niya, “May mahusay sa amin sa pagsusulat na pitumpu’t walong taong gulang na, isang dating mamamahayag na may malalang karamdaman sa sikmura.” Ang totoo, nasa mga tatlumpung taong gulang lang ang taong ito, malakas pa, at walang nararanasang anumang matinding sakit sa sikmura. Bakit hindi niluluwagan ng anticristo ang pagkakakapit niya? Bakit siya nagbibigay ng maling impormasyon? Gusto niyang manipulahin ang mga sitwasyon. Naniniwala siyang makakaapekto sa pamumuno niya kung pakakawalan niya ang ganoong talento; gusto niya ring panatilihin ang mga talentadong indibidwal na ito. Sa kanya ba talaga ang mga talentadong tao na ito? (Hindi.) Kung gayon, bakit ayaw niyang pakawalan ang mga ito? Bakit hindi niya ibinibigay ang mahuhusay na taong ito kapag kailangan sila ng gawain ng sambahayan ng Diyos at kinakailangan pa niyang palsipikahin ang impormasyon? Gusto niyang ilihis ang mga tao para maingatan ang katayuan niya—talaga ngang minamanipula niya ang mga sitwasyon. Hindi niya tinatanong ang mga taong sangkot kung payag ba silang gawin ang mga tungkuling ito, ni hindi niya ipinipresenta sa sambahayan ng Diyos ang tunay na sitwasyon ng mga taong ito. Sa halip, pinapanatili niya ang mga ito para sa personal niyang gamit, o kung hindi man niya sila gagamitin, hindi pa rin niya ibibigay ang mga ito sa sambahayan ng Diyos. Halimbawa, kung kailangan ng sambahayan ng Diyos ng video producer mula sa iglesia, nakikita ito ng anticristo at naiisip na, “Ang makapagbigay ng isang taong mahusay sa paggawa ng mga video—mapapalampas ko ba ang isang magandang oportunidad na gaya nito? Inuuna naman ng bawat tao ang sarili niyang kapakanan: May kaunti namang nalalaman ang anak kong babae, anak kong lalaki, at ang ilan kong kamag-anak sa paggawa ng video, kaya sila na lang ang irerekomenda ko, nakakatugon man sila sa mga hinihingi ng sambahayan ng diyos o hindi.” Kapag nahaharap sa isang magandang oportunidad gaya ng pagrekomenda ng mga tao, inuuna niya ang mga kamag-anak at kaibigan niya, at hindi niya binibigyan ng pagkakataon ang mga tagalabas. Hindi ba’t pagmamanipula ito sa mga sitwasyon?
Batay sa mga halimbawang nabanggit sa itaas, saan ba talaga tumutukoy ang pagmamanipula ng mga anticristo sa mga sitwasyon? Hindi ba’t nangangahulugan itong dinodomina ng anticristo ang lahat, kinokontrol at minamanipula niya ang lahat ng tao at ang lahat ng bagay? Ang lahat ng bagay ay hawak niya sa kanyang mga kamay, at siya ang masusunod sa lahat ng bagay; siya ang kumokontrol sa lupon, pinangangasiwaan at minamanipula ito mula sa likod ng mga eksena. Ito ang pagmamanipula sa mga sitwasyon. Kapag may taong pinapunta ang Itaas sa iglesia niya para maunawaan ang sitwasyon, at gusto ng taong ito na makipag-usap sa ilang tao at kumustahin ang lagay ng buhay pagpasok ng mga kapatid at ang pagganap sa mga tungkulin nila, at tingnan kung naipamahagi ba ang mga materyal gaya ng mga aklat ng mga salita ng Diyos at mga recording ng sermon sa bawat isang hinirang ng Diyos, sinasabi ng anticristo, “Walang problema, sasamahan kita sa tahanan ng dalawang kapatid.” Sino ang dalawang taong ito? Hindi ba’t kapwa sila mga taong nasa teritoryo ng anticristo? (Oo, ganoon na nga.) Ang dalawang taong ito ay ang nakababata niyang kapatid na babae at ang nakababatang kapatid na lalaki ng asawa niya. Matapos samahan sa dalawang bahay na ito ang taong ipinadala mula sa Itaas, sasabihin ng dalawang taong ito, “Maganda ang takbo ng aming buhay-iglesia, at may iba’t ibang uri kami ng sermon at pagbabahaginan at mga video na naglalaman ng mga patotoo. Ilang araw nang wala ang lider ng iglesia namin para sa gawain ng iglesia at hindi pa siya nakakauwi.” Kahit sino pa ang papuntahin sa iglesia niya, hindi talaga nila maarok kahit katiting ng tunay na sitwasyon. Pinagtatakpan ng anticristo ang lahat ng bagay patungkol sa totoong sitwasyon sa iglesia, ang mga problemang lumitaw, ang masasamang tao na nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan, kung sino ang gumaganap nang pabasta-basta sa mga tungkulin niya, kung aling mga gawain ang nakaranas ng mga aberya, at iba pa. Ang makikita mo pagpunta mo roon ay mga eksena lang na kaaya-ayang tingnan—pakitang-tao lang ang lahat ng ito. May isang bagay lang na kapansin-pansin: Kung magtatanong ang taong ipinadala mula sa Itaas kung may angkop bang lugar para paglagyan ng mga handog sa iglesia at kung kailangan bang kunin na ang ilan sa mga handog, nagmamadali ang anticristong sabihin na hindi naman ganoon kalaki ang mga handog sa iglesia. Pagdating sa iba pang mga gawain, positibo ang pananalita niya, maliban sa sitwasyong may kinalaman sa mga handog—pinuputol niya kaagad ang usapan bago pa makapagsalita ang taong iyon. Kinokontrol ng anticristo ang mga tauhan ng iglesia na naaangkop sa pagganap sa iba’t ibang tungkulin, habang inirerekomenda ang ilan sa mga taong kinagigiliwan niya o ang mga hindi nakakatugon sa mga kondisyon na gumanap ng tungkulin sa sambahayan ng Diyos, lalo na ang ilang partikular na taong may masamang pagkatao at kung saan kumikilos ang isang masamang espiritu, o ang iba na wala talagang espirituwal na pang-unawa, na karumal-dumal ang pagkatao, mga pabasta-basta kung gumanap sa mga tungkulin nila, mga walang pundasyon sa kanilang pananalig sa Diyos, at para bang mga walang pananampalataya lang. Maliban sa pagganap sa tungkulin nila nang pabasta-basta, nagdudulot din ang mga taong ito ng mga gulo at pagkagambala at nagiging mga sutil, at hindi kaya ng ilan na tiisin ang hirap at gusto nang umalis sa sambahayan ng Diyos. Nagkakalat pa nga ang ilan ng mga tsismis at nagpapalaganap ng mga kuru-kuro, at ang iba ay hindi gumaganap nang maayos sa mga tungkulin nila, ginugugol ang kanilang mga araw sa panunuod ng mga drama sa telebisyon o ng iba pang walang katuturang video. At ano ang nangyayari sa huli? Ipinapadala sa ibang lugar ang ilan sa mga taong ito. Sa mga ipinapadala sa ibang lugar, mahigit siyamnapu’t limang porsyento sa kanila ang may masamang pagkatao. Gaano kasama ang kanilang pagkatao? Sobrang sama—wala silang pagkatao, at hindi talaga sumasampalataya sa Diyos ang ilan. Saan nanggaling ang mga taong ito? Hindi ba’t inirekomenda silang lahat ng iglesia? Dahil rekomendado sila ng iglesia, may problema siguro sa mga taong nagrekomenda sa kanila. Hindi maiaalis sa isip na baka mga anticristo ang ilan sa mga taong ito, at na baka mga kamag-anak, kaibigan, o masusugid na tagasunod ng mga anticristo ang mga inirekomendang indibidwal. Hindi ba’t ganito ang kaso? Magagawa ba ng isang taong may tunay na pagkatao at may kaunting konsensiya na maingat na gawin ang mahalagang bagay na pagrerekomenda ng mga talentadong indibidwal? Kaya ba nilang maging responsable kahit kaunti? Kaya ba nilang alisin ang ilan sa mga makasarili nilang motibo? Kayang-kaya itong makamit ng isang taong may pagkatao at konsensiya, at may isang uri lang naman ng tao na hindi, ang mga anticristo. Gusto nilang solohin ang lahat ng mabubuting bagay para sa sarili nila, at tahasan silang tumatanggi at ayaw nilang makipagtulungan sa anumang bagay na hindi kapaki-pakinabang sa kanila—ganoon ang mga anticristo.
May isa pa ngang mas kasuklam-suklam na aspekto ang pagmamanipula ng mga anticristo sa mga sitwasyon bukod sa lagi nilang gustong kontrolin ang lahat at idikta ang mga bagay-bagay sa iglesia. Magagawa ba ng mga anticristo na nakikipagsabwatan sa masusugid nilang tagasunod na magpasakop sa mga pagsasaayos ng sambahayan ng Diyos, na gumanap nang maayos sa mga tungkulin nila, na itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at tuparin ang mga responsabilidad at obligasyon nila? (Hindi, hindi nila magagawa.) Iyon ang dahilan kaya sinabi Kong nagsasabwatan sila. Kapag sinabing nagsasabwatan sila, nagiging malinaw na ang lahat ng sinasabi at magkakasama nilang ginagawa ay kinapapalooban ng mga ilegal na gawain. Sa panlabas, mukhang palakaibigan ang mga taong ito, may respeto sa senyoridad, at sobrang mapagmahal, magalang, at marespeto sa isa’t isa, at gayundin ay mapitagan at may mabuting pagkatao. Ang totoo, mababaw, mapanlinlang, at mapagkunwari lang ang lahat ng ito. Paano nila nagagawang maging napakagalang at magpakita ng pinakamataas na respeto at pagpipitagan sa isa’t isa? May dahilan ito. Ang layunin nila sa pagsasabwatan ay hindi para matuto sila sa isa’t isa na mapunan ang sarili nilang mga kahinaan o masuportahan ang isa’t isa sa pagpasok sa katotohanang realidad para makasunod sa kalooban ng Diyos at magawa nang maayos ang gawain ng iglesia. Sa halip, ito ay para makapanamantala, makaasa, at magdamayan sila sa isa’t isa. Nagsasabwatan sila dahil kapag mas maraming tao, mas malakas ang kapangyarihan, at kapag mas malakas ang kapangyarihan, mas madaling harapin ang mga bagay-bagay, at napapabilis nito ang pag-aasikaso sa mga pribadong bagay. Kaya, kapag magkakasama sila, mukha silang lubhang palakaibigan, na para bang malapit silang magkakapamilya. Magalang silang makipag-usap sa mga nakatatandang indibidwal, tinatawag na “kapatid” ang mga kaedad nila, sinasabi ang mga salitang ito nang may pagmamahal at puno ng pagsunod sa nakasanayang gawi. Kung walang alam ang isang tao tungkol sa mga tunay na nangyayari sa sitwasyong iyon, baka purihin pa nga niya ang mga taong ito para sa pagmamahal, pagdamay, at pagtitiwala nila sa isa’t isa; mukhang handa silang tumulong sa panahon ng kagipitan, at masayang-masaya sila at kontento, sinasabing, “Magkakapamilya tayong lahat; iisang diyos lang ang sinasampalatayanan natin.” Habang nagsasalita sila, ibinabahagi nila ang kanilang pagmamahal sa pamamagitan ng mga makahulugang sulyap, na lalong kumukumpirma na isang pamilya nga sila at isang grupong magkakadikit. Kaya, ano ba mismo ang ginagawa nila kapag nagsasabwatan sila? Halimbawa, general manager sa isang kumpanya ang isa sa mga babaeng kapatid na elder at marami siyang kakilala at koneksyon sa lipunan. Marami na siyang nagawa para sa mga tao sa teritoryo ng anticristo, at napagbigyan na niya ang mga pabor ng karamihan sa mga tao, kaya “ate” ang tawag nila sa kanya. Sa tuwing may problema sa bahay ang isang tao, gaya ng lalaking anak na papasok sa unibersidad o babaeng anak na naghahanap ng trabaho, siguradong kokonsulta ito sa kanya at hihingan siya ng tulong sa paglutas sa mga bagay-bagay. Kapag may naospital, at may isang tao sa iglesia na nagtatrabaho sa isang ospital at makakatulong sa kanilang makakuha ng mga imported na gamot, biglang ituturing ng anticristo ang taong ito bilang isang pinagkakatiwalaang tao at kapamilya. Nagsasabwatan sila para asikasuhin ang ganoong mga trabaho, kapwa makinabang sa isa’t isa, at lumikha ng mga sitwasyon kung saan lagi silang panalo. Samakatwid, kapag magkakasama sila, mukhang magkasundong-magkasundo sila at panatag ang loob nila sa isa’t isa, masayang-masaya at hindi kailanman nag-aaway. Pero, sa likod ng katiwasayang ito, sikretong nagkikimkim ang bawat tao ng mga lihim na motibo, iniisip kung paano pagsasamantalahan ang kabilang partido at paano gagamitin ang iba, pati na kung paano nila tutulungan ang iba habang pinakikinabangan ang isa’t isa at sinusuklian ang mga pabor ng ibang tao. Kapag naitatag na ng anticristo ang teritoryo niya at nagkaroon na siya ng masusugid na tagasunod, may pangkat at “pamilya” na siyang tutulong sa kanya sa lahat ng maliliit na bagay sa pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, pagdating sa paghahanap ng trabaho, pagpasok sa kolehiyo, pagtaas ng ranggo, pagharap sa isang malubhang sakit, paglipat sa ibang lugar, o kahit paghahanap ng isang taong magbabayad ng pera bilang mediator para makalaya sa kulungan pagkatapos nilang maaresto—may isang taong mag-aasikaso sa lahat ng bagay na ito. Mula sa perspektiba ng anticristo, hindi ba’t kapaki-pakinabang ang “mga kapamilyang” ito? Hindi ba’t maaasahan sila? Hindi ba’t maaasahan at matutulungan nila ang isa’t isa? (Oo.) Samakatwid, sa loob ng teritoryong gaya nito, ang nakikita ng isang tao ay hindi ang interaksyon sa isa’t isa ng mga tao kung saan ang mga salita ng Diyos ang kanilang prinsipyo, o mga taong kumikilos ayon sa konsensiya nila, namumuhay ayon sa mga salita ng Diyos, sumasamba sa Diyos, nakikisalamuha nang normal sa isa’t isa, buong pusong nagbabahaginan, binubuksan ang puso nila at inilalantad ang kanilang sarili, nagbabahaginan at nalalaman ang tungkol sa sarili nilang tiwaling disposisyon, o natututo mula sa isa’t isa para punan ang sarili nilang mga pagkukulang—walang ganoon. Ang samahang ito, ang teritoryong ito, ay ang teritoryo ng grupo ng anticristo, kung saan walang kapangyarihan ang katotohanan, kung saan hindi kumikilos ang Banal na Espiritu, at kung saan wala sa puso ng mga tao ang mga salita ng Diyos. Sa halip, namumuhay rito ang grupo ng anticristo nang kontento, komportable, at may kasiyahan, tinatrato ito na parang sarili nilang tahanan. Ang totoo, hindi ito ang sambahayan ng Diyos, ni ang iglesia; ito ay lipunan, ang grupo ng anticristo.
Ginagawa ng mga anticristong sarili nilang teritoryo ang iglesia, ginagawa itong isang samahan at grupo nila. Mga mapanira at nakakamuhing gawa ang ginagawa nila, at nagsasalita at kumikilos sila gamit ang mga taktika at pamamaraan ng mga walang pananampalataya. Ang bawat isa ay mapambola, walang kuwentang magsalita, puro basag-ulo ang alam, traydor at buktot, at ayaw tanggapin ang katotohanan. Kung titingnan sa panlabas, nagbabalatkayo sila bilang mga taong may pinag-aralan, sibilisado, magalang, disiplinado, at may mabuting asal, may kakayahan at mabuting pagkatao. Pero ang totoo, ang bawat isa sa kanila ay traydor, tuso, mababang-uri, at may buktot na pagkatao. Nagsasabwatan sila, nagpaparami ng mga koneksyon, nakikipagkompitensiya para sa impluwensiya, iniintindi ang luho, at binibigyang-diin ang mga ugnayang panggrupo at pantrabaho sa lipunan. Iniintindi nila kung sino ang mas maimpluwensiya, ang may mas mataas na katayuan, at ang mas tanyag sa lipunan, pati na kung sino ang pinakamahusay pagdating sa mga estratehiya. Wala kang makikitang anumang tunay na paniniwala mula sa pananalita at pag-uugali nila; lalo pang hindi ka makakakita ng pinakamaliit na puwang para sa mga salita ng Diyos at sa katotohanan sa mga puso nila. Isa lang laro at panloloko ang kanilang paniniwala. Ginawa ng mga buktot na taong ito na isang samahan ang iglesia, isang teritoryo para magsabwatan ang mga taong buktot, habang walang-tigil nilang ipinapahayag ang mayayabang nila salita, at sinasabing: “Sumasampalataya kami sa diyos, ginagawa namin ang aming mga tungkulin sa sambahayan ng diyos, sinusunod namin ang diyos nang ganito, nag-aambag para sa kapakanan ng mga kapatid namin sa ganoong paraan, tinutulungan at sinusuportahan sila nang ganito, at minamahal ang isa’t isa sa ganito at ganyang paraan.” Sa pamamagitan ng mga buktot na paraan na naglilihis at sumisilo sa mga tao, kasama na ang iba’t ibang mabababang-uring pamamaraan, pinipinsala nila ang mga kapatid, pero naniniwala silang ginagawa nila ang kanilang tungkulin, na tinutulungan ang mga kapatid, niluluwalhati ang Diyos, at nagpapatotoo sa Kanya. Ang hindi nila namamalayan, sa likod ng mga kilos at pag-uugaling ito, naroroon ang diwa ng mga anticristo na minamanipula ang mga sitwasyon. Sinisilo ng mga anticristo ang mga sumusunod sa Diyos sa ilalim ng kapangyarihan nila, kung saan ginagawa nilang sarili nilang teritoryo ang iglesia, ginagawang isang samahan, at isang organisasyon ng mga taong nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Maituturing pa bang iglesia ang ganoong organisasyon? Malinaw na hindi. Hindi ba’t sadyang nakakasuka ang ugali ng mga anticristo? Nakakita na ba kayo ng ganitong grupo ng anticristo? Ano ang nararamdaman mo kapag kasama mo sila? Sa panlabas, mukha naman silang magalang at mabait—pero kapag ibinabahagi mo na sa kanila ang katotohanan at ang mga layunin ng Diyos, pagkasuklam at kawalan ng interes ang saloobing ipinapakita nila, taliwas sa ipinapakita nilang paggalang at kabaitan. Kapag ibinahagi mo sa kanila ang katotohanan, pakiramdam nila, tagalabas ka, lalong-lalo na kapag ibinahagi mo ang tungkol sa gawain ng iglesia; kapag ibinahagi mo pa ang tungkol sa mga katotohanang prinsipyo na dapat isagawa sa pagganap ng tungkulin, naaasar sila at nawawalan ng gana, at doon na nila ibinubunyag ang kanilang pagiging malademonyo, nagkakamot sila ng ulo, humihikab, at nagluluha ang mata nila sa antok. Hindi ba’t abnormal ito? Bakit lumilitaw ang kanilang pagiging malademonyo kapag ibinahagi mo na ang katotohanan? Wala bang kahit kaunting pagmamahal ang bawat isa sa kanila sa kanilang mga puso? Paano nila nagagawang mawalan ng gana kapag nagsisimula ka nang magbahagi ng tungkol sa katotohanan? Hindi ba sila nabubunyag kung ganoon? Wala ba silang matinding pagkamasigasig at katapatan sa pagsasagawa ng mga panlabas na gawain? At kung tapat sila, wala ba silang taglay na realidad? Kung may taglay silang realidad, masaya dapat sila kapag naririnig nilang nagbabahagi ang mga tao tungkol sa katotohanan, dapat nilang kasabikan ito. Bakit palaging hindi normal ang kalagayan nila, at may pagsapi pa nga ng masasamang espiritu na nangyayari? Ipinapakita nitong ang karaniwan nilang matiwasay na mga interaksyon, at ang pagiging magalang at mabait nila, ay pakitang-tao lang. Ang mga salita ng paghatol ng Diyos at ang mga katotohanang ipinapahayag Niya ang siyang ganap na nagbubunyag sa kanila. Pagkatapos ay namumuo ang galit sa loob nila, at medyo hindi na katulad ng dati ang kalagayan nila, at nagsisimula na silang gumawa ng masama at magdulot ng mga gulo. Pagkatapos, ibibigay na sila ng Diyos kay Satanas at hindi na Niya iintindihin pa ang mga ito. Sa dami ng mga buktot na ginawa nila, naipakita na nila ang tunay nilang kulay.
Talaga ngang isang realidad na minamanipula ng mga anticristo ang mga sitwasyon. Sa mga di-gaanong malalang kaso, isang tao ang nagmamanipula sa isang partikular na bilang ng mga tao; sa malalalang kaso naman, isang grupo ang nagmamanipula sa isang partikular na dami ng tao at sa lahat ng bagay. Limitado ang dami ng mga bagay at pangyayari na kayang manipulahin ng isang tao; kaya, para mapalawak ang puwersa nila at maingatan ang kanilang katayuan, dapat magsanay ng isang pangkat ng mga tao ang mga anticristo. Kailangan nilang hikayatin at kontrolin ang isang grupo ng mga tao para alalayan sila, siguruhin ang katayuan at kapangyarihan nila, at tulungan silang manipulahin ang mga sitwasyon. Sa sandaling maitatag na ng mga anticristo ang grupo nila, mas lumalaki ang kanilang balwarte, kaya lalo nilang namamanipula ang mas maraming bagay, at lumalawak ang pagkasangkot nila. Dahil dito, nadaragdagan ang bilang ng mga biktima. Ano ang dapat ninyong gawin kung makasagupa kayo ng grupo ng isang anticristo na may kakayahang manipulahin ang mga sitwasyon? Nakakita na ba kayo ng ganoong grupo? Ang mga pangunahing miyembro ng grupong ito ay karaniwang binubuo ng apat o limang indibidwal, o mahigit sa sampu. May kanya-kanyang tungkulin ang bawat isa. Halimbawa, may mga dalubhasa sa pangangasiwa ng mga tauhan, may mga humahawak ng pananalapi, may mga humaharap sa Itaas, at may mabibilis magtakip ng mga bagay-bagay para sa anticristo kahit ano pa ang mangyari; may mga nagpapayo rin sa likod ng mga pangyayari, mga nagpaplano ng masasamang bagay para manakit ng mga tao; may mahuhusay magkalat ng mga tsismis, mga lumilikha ng sigalot, mga tumutulong sa mga taong gumagawa ng masama para gumawa ng kasamaan, mga nangangalap ng impormasyon, at mga kumukuha rin ng mga benepisyo at nagbibigay sa kanila ng pag-aasikasong medikal. Sa madaling salita, may isang tao sa pangkat na ito para gumanap sa bawat uri ng papel. Binabalewala ng mga anticristo ang mga indibidwal na walang impluwensiya, taos-puso at simple, at walang abilidad na mag-asikaso ng mga bagay-bagay sa lipunan. Sa halip, espesipiko nilang pinupuntirya ang mga mananampalatayang may katayuan, reputasyon, impluwensiya, at karanasan bilang opisyal o sa pag-aasikaso ng malaking negosyo sa lipunan—mga taong nalibot na ang mundo, may kakayahang gawin ang mga bagay-bagay, at makabili ng magagandang bagay para sa kanila. Halimbawa, kung ang isang kotse ay nagkakahalaga ng 400,000 yuan, magagawa ng isang magaling na tao na may kakayahang laruin ang merkado na makakuha ng segunda manong kotse para sa anticristo sa kalahati ng presyo, katumbas ng isang bagong kotse. Papapasukin ba ng anticristo sa grupo niya ang ganoong indibidwal kung makikipaglapit ito sa kanya? (Oo.) Pinapapasok ng mga anticristo ang ganitong mga tao. Ano ang layunin nila? Layunin nilang baguhin ang sambahayan ng Diyos, ang lugar ng gawain ng Diyos, at gawin itong isang samahan, para ang gawain ng Diyos at ang katotohanan ay hindi maipatupad sa mga tao—gusto nilang makamit ang sarili nilang mga mithiin. Kung buong puso at kaluluwang nananalig sa Diyos ang isang ordinaryong mananampalataya, kayang talikuran ang sarili niyang pamilya at trabaho, taos-puso at simple at walang abilidad na mag-asikaso ng mga bagay-bagay, gugustuhin kaya siya ng anticristo? (Hindi.) Kung parehong kaya ng asawa’t anak niya na kumita ng pera sa negosyo, may impluwensiya sila sa lipunan, at walang nangangahas na manggipit sa kanila, may anumang halaga ba sa anticristo ang isang matandang babaeng gaya nito? Kahit na maaaring wala siyang angking halaga sa paningin ng anticristo, pagdating naman sa pamilya niya, mataas ang halaga niya. Hindi siya kapos sa pera, kaya niyang patuluyin ang mga kapatid sa kanyang tahanan, at kung may mangyari man, kaya siyang tulungan ng pamilya niya na harapin ito. Ang ganitong tao ay mahalaga sa anticristo. Ginagawa ng anticristo ang lahat para hikayatin at mailihis ang ganitong tao, para tumindig ito sa panig niya at magamit niya ito. Masusing sinusuri ng anticristo ang mga taong kapaki-pakinabang sa kanya. Wala siyang pakialam o pagpapahalaga sa mga may tunay na pananalig, taos-pusong nananampalataya sa Diyos, o may mabuting pagkatao, at tapat sa pagganap sa tungkulin, at pagkatapos na akayin at diligan, nagagawang magkaroon ng progreso at tunay na magbayad ng halaga. Habang lalo kang nagpapakamatuwid, at habang lalo kang nagkakaroon ng konsensiya at katwiran, lalo naman siyang namumuhi sa iyo. Kung magsasalita ka nang totoo at diretsahan, mamumuhi at masusuklam siya sa iyo. Kapag nakita ka niya, iiwasan ka niya. Kung makikisalamuha ka sa kanya, babatiin ka lang niya pero hindi siya magsasalita mula sa puso maliban kung mahalaga ka sa kanya. Mas gusto niya ang mga taong mahalaga sa kanya, mga taong may pakinabang sa kapangyarihan at katayuan niya. Kung magagamit niya ang isang tao, at matutulungan siya nitong maisakatuparan ang mga bagay-bagay, pagtakpan ang mga totoong nangyayari, gumawa ng masasamang bagay habang naghahanap ng mga angkop na maidadahilan para sa kanya, at iligaw ang mga kapatid nang walang nakakapansin, nang walang nakakapaglantad o nakakahalata nito, magiging puntirya ang taong iyon ng pananamantala at panghihikayat niya. Kung ang isang tao, kahit sino pa ang kausapin niya, ay laging nagsasabi ng mga pambobola, umaawit ng papuri sa mga may awtoridad, sinusunod ang sinumang may katayuan, at walang pagkilatis kanino man, gagamitin ba siya ng anticristo? May halaga ang ganoong tao para sa anticristo, pero nag-iingat din siya sa ganoong tao. Hindi niya lubos na pinagkakatiwalaan ang mga nambobola sa kanya, at hindi niya hahayaang malaman nito ang ilang partikular na bagay. Kung isasaayos ayon sa herarkiya ang mga pagpupulong, hindi niya isinasama ang ganoong mga indibidwal sa mas mahahalagang pagtitipon. Makakalahok lang ang ganoong mga balimbing na indibidwal sa mga pagtitipong hindi gaanong mahalaga o mga ordinaryong pagtitipon. Ito ay dahil kung may isa pang lider na lilitaw, baka pagtaksilan siya ng mga balimbing na indibidwal na ito at ilantad siya anumang oras. Tuso ang anticristo sa pagharap sa ganoong mga tao, kung saan ginagamit niya sila batay sa sitwasyon. Samakatwid, pagdating sa pagmamanipula sa mga sitwasyon, napakaingat ng anticristo. Hinaharap niya ang ganoong mga bagay nang may sistematiko at sukát na pamamaraan, maingat na isinasaalang-alang kung paano kikilos at kung aling mga tao ang gagamitin para higit na makinabang. Alam nila kung sino ang malalapit na tagasuporta at kung sino ang mga pangkaraniwang tagasuporta.
Kapag nakipag-usap ang anticristo sa hindi niya kakilala, gaya halimbawa sa isang mas mataas na antas na lider o isang taong hindi niya masyadong kilala, inuusisa muna niya ang pagkatao nito, kung may mga partikular ba itong pinagkakaabalahan o libangan, kung may tunay ba itong pananalig, kung ilang taon na itong nananampalataya sa Diyos, kung taglay ba nito ang katotohanang realidad o nakikilatis ba siya nito, at kung may dala ba itong pasanin para sa buhay pagpasok. Sinusuri at inoobserbahan niya ang bawat aspekto, pagkatapos ay gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan para makakuha ng impormasyon mula rito at subukin ito. Kung nakikita niyang magulo ang isip ng isang tao, makakahinga na siya nang maluwag at hindi na niya pagtutuunan ng pansin ang taong ito. Pero kung mukhang tuso at hindi madaling maarok ang isang tao, pakiramdam niya ay parang kailangan niyang maging maingat. Ang pagkontrol ng anticristo sa mga sitwasyon ay para makontrol niya ang lahat, dahil gusto niyang siya ang masunod sa lahat ng bagay, kabilang na ang lahat ng uri ng tao na nasa ilalim ng kontrol niya. Nagiging balewala lang sa kanya ang mga regulasyon ng sambahayan ng Diyos, tulad ng isang piraso ng basurang papel, at hindi umiiral para sa kanya ang mga atas administratibo at ang disposisyon ng Diyos, na para bang hangin lang ang mga ito. Hindi lang pagkontrol sa mga tao at ang pakinggan siya ng mga tao ang ambisyon at ninanasa niya; hangad niyang kontrolin ang bawat pangyayaring nararanasan ng bawat tao, pati na ang mga bagay na hindi niya alam na nangyayari, sa loob at maging sa labas ng balwarte niya. Ano ang layunin ng pagkontrol na ito? Para masiguro ang kapangyarihan at katayuan niya pati na ang kanyang reputasyon. Isang parirala ang makapaglalarawan sa pagmamanipula ng anticristo sa mga sitwasyon: Ang lahat ay nasa ilalim ng kanyang kontrol. Kaya, hindi nangangahas ang anticristo na palampasin ang anumang bagay, malaki man ito o maliit. Hindi niya pinapalampas ang anumang bagay, gusto niyang makilahok at makialam sa anumang bagay na may kinalaman sa kanyang katayuan o sa kanyang balwarte, at hindi niya pinapalampas ang anumang pakinabang. Gusto niyang aktibong makisangkot sa maraming bagay sa loob ng iglesia, at maarok ang sitwasyon ng kung ano na ang lagay ng mga bagay-bagay. Halimbawa, kung hindi talaga nakikinig o nagpapasakop sa kanya ang ilang tao at lagi silang may mga opinyon tungkol sa kanya, humahanap siya ng paraan para parusahan ang mga ito. Pero kung hindi siya makahanap ng anumang dahilan para pungusan sila, ano ang ginagawa niya? Humahanap siya ng paraan para kontrolin ang mga aklat at mga recording ng sermon na ipinapadala mula sa sambahayan ng Diyos. Tinutukoy niya kung sino ang makakatanggap kaagad ng mga materyal na ito batay sa kung sino ang masunurin sa kanya. Kung hindi ka makikinig sa kanya o kung magpapakita ka ng ugaling hindi niya maiibigan sa pagkakataong iyon, sasabihin niyang limitado ang mga sanggunian at hindi ka niya padadalhan ng mga ito. Sinusubaybayan ng anticristo ang kilos mo. Kung pag-iisipan mo ito nang malinaw, uunawain ito, at aarukin ang sikolohiya ng anticristo; kung boluntaryo mong aaminin ang mga pagkakamali mo, at makikipaglapit sa anticristo, makakahanap siya ng dahilan para sabihing, “Sa pagkakataong ito, nagpadala ng sapat na sanggunian ang sambahayan ng diyos para sa lahat, kasama ka rito.” Pero kung makita niyang idinidistansiya mo na naman ang sarili mo pagkaraan ng ilang panahon, parurusahan ka pa rin niya. Ni hindi ka niya aabisuhan kapag may dumating na mga bagong sanggunian, basta wala na lang siyang ibibigay sa iyo, at baka maghanap pa nga siya ng dahilan para kumpiskahin ang mga bagay na nasa sa iyo na. Lalo na kapag natuklasan ng anticristo na baka may nakakaalam ng mga maling pinaggagagawa niya sa likod ng mga eksena at baka iulat siya nito, inuunahan na niya ito, at maagap na inaamin ang kanyang mga pagkakamali at ibinabahagi ang kaalaman niya tungkol sa sarili, kung saan gumagamit muna siya ng malumanay na pamamaraan. Kapag nakita ng anticristo na hindi uubra ang malumanay na pamamaraan, at medyo hindi siya nakatitiyak sa puso niya, iniisip niya na baka iulat pa rin siya ng taong ito, gagawin niya ang lahat para magtawag ng mas marami pang tao para kuyugin at puwersahang sindakin ang indibidwal na ito. Magpapatuloy ito hanggang sa makipagkompromiso ang taong iyon, ipapahayag na hindi niya ito iuulat, at pagkatapos lang noon, saka siya lulubayan ng anticristo. Sa ilang pagkakataon, baka mauna pa nga ang anticristo na ilantad ang iba; sa takot na baka ilantad at iulat siya ng iba, inuunahan na niya ang mga ito, sadyang sinasamantala ang pagkakataon para akusahan nang hindi totoo ang ibang tao at bitagin ito. Pagkatapos nito, humahanap siya ng dahilan para ibukod at patalsikin ang taong iyon, pinuputol ang komunikasyon nito sa Itaas at sa iglesia. Ngayon, makakahinga na nang maluwag ang anticristo at hindi na niya kailangang mag-alala. Hindi ba’t pagmamanipula ito sa mga sitwasyon? (Oo.) Masasabing ang mga ikinilos ng anticristo sa ganoong mga bagay ay hindi lang isa o dalawang hiwalay na pangyayari o paggamit lang ng isa o dalawang pamamaraan. Para mamanipula ang mga sitwasyon, masiguro ang katayuan niya, at nang hindi humina ang kanyang teritoryo, maraming masasamang ginagawa ang anticristo. Halimbawa, binabago niya ang mga sistema at pagsasaayos ng mga tauhan sa loob ng iglesia. Para mas marami pang tao ang makontrol, lumilikha siya ng sigalot sa pagitan ng mga kapatid, para magbatikusan ang mga kapatid at husgahan nila ang isa’t isa. Sinusulsulan pa nga niya ang kanyang mga tagasunod na kuyugin ang ilang kapatid na mas may pagpapahalaga sa katarungan; sinasabi rin niya sa harapan ng mga kapatid kung gaano kataas ang tingin sa kanya ng Itaas. Bukod pa rito, sumusulat siya sa Itaas, ipinagyayabang ang kahanga-hanga niyang gawain at sinasabing nakikilala na niya ang kanyang sarili, na kaya na niyang boluntaryong ilantad ang kanyang mga isyu, at iba pa. Sumusulat siya at ipinapaalam ang tungkol sa sarili niyang mga isyu para lang subukang makakuha ng pabor sa Itaas. Gumagamit siya ng iba’t ibang paraan at diskarte para manipulahin ang mga sitwasyon, kontrolin ang masusugid niyang tagasunod, lokohin ang mga kapatid, at lokohin din ang sambahayan ng Diyos. Ito ang iba’t ibang gawi na ginagamit ng mga anticristo para kontrolin ang mga sitwasyon sa loob ng iglesia. Siyempre, marami pang ibang espesipikong gawi, pero hindi na ililista ang mga iyon dito. Sa kabuuan, pangkaraniwan na ang mga bagay na ito patungkol sa kung paano kinokontrol ng mga anticristo ang iglesia, at pangkaraniwan na rin ang iba’t ibang gawing ipinapamalas nila.
III. Masusing Sinisiyasat at Kinokontrol ng mga Anticristo ang Puso ng mga Tao
Bukod pa sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan at pagmamanipula sa mga sitwasyon, ano pang mga kilos ang makakakumpirma na tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang teritoryo? Pagdating sa pagmomonopolisa sa kapangyarihan, pangunahin na nating napagbahaginan ang tungkol sa mga aspektong may kinalaman sa mga tauhan, habang ang pagmamanipula naman sa mga sitwasyon ay pangunahing tungkol sa pagkontrol sa takbo ng mga pangyayari. Ang pagmomonopolisa ng mga anticristo sa kapangyarihan ay isang panlabas na kilos, at ang pagmamanipula sa mga sitwasyon ay isa ring bagay na panlabas na kayang makita ng mga tao—madaling kontrolin ang mga aspektong ito. Pero, may isang bagay na lubhang mahirap kontrolin para sa sinumang tao. Ano ang bagay na iyon? (Ang pagkontrol sa puso ng mga tao at isipan ng mga tao.) Sabihin ninyo sa Akin, tama ba iyon? (Oo, tama.) Sinasabi ng Bibliya na, “Ang puso ay higit na mapanlinlang kaysa sa lahat na bagay” (Jeremias 17:9), ibig sabihin, ang puso ng tao ang pinakamahirap na bagay na kontrolin. Susubukan kaya ng mga anticristong kontrolin ang pinakamahirap na bagay? Sasabihin kaya nilang, “Dahil ang puso ng tao ang pinakamapanlinlang at pinakamahirap kontrolin, hindi ko ito kokontrolin. Hayaan mo sila sa kung ano ang gusto nilang isipin; hangga’t may kapangyarihan ako, hangga’t kontrolado ko ang mga tao, sapat na iyon. Kokontrolin ko na lang ang mga kilos at pag-uugali nila, at ang Diyos na ang bahala sa kanilang mga isipan; wala akong ganoong abilidad, kaya hindi ko na lang iintindihin ang mga bagay na iyon”? Papayag ba nang ganito ang mga anticristo? (Hindi.) Kung titingnan ang diwa ng mga anticristo, ang ambisyon nila ay ang kontrolin ang buong pagkatao ng isang tao. Ang pinakamalaking hamon para sa kanila na kontrolin ay ang puso ng tao, pero ito rin ang pinakahahangad nilang kontrolin. Sinisilo nila ang mga tao sa ilalim ng kapangyarihan nila, ganap na kinokontrol ang lahat ng bagay: kung saan patungo ang mga pangyayari, kung gaano karaming tao ang kasali, kung anong mga bagay ang gagamitin, ang buong takbo ng mga pangyayaring ito, at kung ano ang kalalabasan ng mga ito—nangyayari ang lahat ayon sa plano at sa kagustuhan nila. Iyon nga lang, may isang problema, ano ang iniisip ng mga tao sa puso nila? Ano ang iniisip ng mga tao tungkol sa kanila? Maganda ba ang impresyon ng mga tao sa kanila o hindi? Naiibigan ba sila ng mga tao o hindi? Sa puso ng mga ito, naniniwala ba ang mga ito na anticristo sila? Nakikilatis ba ng mga ito o kinamumuhian ang kilos nila? Kapag nagpapakita ng respeto sa kanila ang mga tao at binobola sila, ano ba talaga ang iniisip ng mga ito sa kanilang puso? Pareho nga ba ang laman ng puso ng mga ito sa kung ano ang nakikita sa kanila sa panlabas? Tunay nga bang masunurin ang mga ito sa kanila? Isa itong bagay na lubhang nakakapagpabagabag sa mga anticristo. Habang lalo silang nababagabag, lalo naman silang naghahanap ng mga kasagutan. Ito ang ikatlong pagpapamalas na tinatrato ng mga anticristo ang sambahayan ng Diyos na parang sarili nilang teritoryo—ang masusing pagsisiyasat at pagkontrol sa puso ng mga tao.
Madali ba na masusing siyasatin at kontrolin ang puso ng mga tao? Ang masusing pagsisiyasat at ang pagkontrol ay kumakatawan sa dalawang magkaibang antas ng kilos o pag-uugali kapag may bagay na ginagawa. Kapag may kapangyarihan ang isang anticristo at kinontrol niya ang takbo ng buong pangyayari at ang kalalabasan nito, kapag kinontrol niya ang mga bagay na ito, kung ano talaga ang nasa puso ng mga taong nasa ilalim niya o nasa loob ng kanyang balwarte—kung tinatrato ba nila siya na parang Diyos o parang isang perpektong tao, kung nagkikimkim ba sila ng pagkamuhi, mga opinyon, o kuru-kuro laban sa kanya, at kung nakikilatis ba nila siya—kung ano ang mga bagay na talagang iniisip ng mga tao sa puso nila, ito ang mga bagay na medyo mahirap sukatin. Ano kung gayon ang ginagawa niya? Inoobserbahan niya ang mga nasa ilalim niya, binibigyan ng mga biyaya o sinasabihan ng ilang magagandang salita ang sinumang walang pagkilatis at madaling samantalahin. Ang mga taong ito ay para lang mga bolang goma: Mas tumataas sila at mas maraming enerhiya ang naiipon nila tuwing tinatamaan mo sila. Ginagamit niya ang ganoong mga indibidwal bilang mga utusan. Ano ang gamit niya sa kanila? Ang mga utusang ito ang siyang inuutusan niyang magsiyasat sa puso ng mga tao para sa kanya. Maaaring sabihin niya sa isang utusan, “Nitong mga nakaraan, hindi na masyadong nagbibigay sina Sister Li at ang anak niyang babae. Medyo malaki-laki silang magbigay dati, pero ngayon bihira na silang magpunta. Ano na kaya ang pinagkakaabalahan nila? Nakipag-usap kaya sila sa mga tagalabas? May problema ba silang pinagdadaanan sa bahay? Puntahan mo nga’t alamin at mag-alok ka ng tulong.” Bibisita ang taong iyon sa bahay ni Sister Li at mag-iimbestiga sa paligid, iniisip na, “Wala namang hindi pamilyar na tao rito. Mukha namang maayos ang buhay ng dalawang kapatid. Mukha namang wala silang kinaharap na anumang suliranin. Bakit kaya hindi sila nagpupunta sa mga pagtitipon natin? Magtatanong-tanong pa nga ako.” Tatanungin ng taong ito, “May natanggap ba kayong anumang bagong kaliwanagan sa bahay kamakailan? Nanghihina ako nitong mga nagdaang araw; makipagbahaginan kayo sandali sa akin.” Dahil naparito ang tao para hanapin ang katotohanan at para humingi ng tulong, makikipagbahaginan ang mga babaeng kapatid sa kanya at sasabihing, “Kamakailan lang, nagkaroon kami ng bagong kaliwanagan na hindi dapat sumunod o laging umasa sa ibang tao ang mga mananampalataya sa Diyos; kapag may mga hamong kinakaharap, dapat tayong lumapit sa Diyos sa pamamagitan ng pananalangin; ito ang pinakamataas na karunungan. Hindi maaasahan ang mga tao, tanging sa Diyos lang makakaasa ang isang tao; kaya Niyang ipagkaloob sa mga tao ang katotohanan, ang buhay, at ang landas na dapat nilang lakaran—hindi ito kayang gawin ng mga tao. Dati, laging akong umaasa sa iba, pero nitong huli, sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa isang babaeng kapatid….” Sasagot siya, “Sa pamamagitan ng pagkikipagbahaginan sa isang babaeng kapatid? Nasaan ang babaeng kapatid na iyon? Isa ba siyang tagalabas?” Sasabihin ng mga babaeng kapatid, “Hindi naman talaga siya isang tagalabas; isa siyang babaeng kapatid mula sa iglesia natin na nagbalik matapos ang ilang taong pagganap niya sa tungkulin niya sa malayo.” Sasagot siya, “Hindi ba’t pakikipag-usap pa rin iyon sa isang tagalabas? Nakipag-ugnayan ka nang padalus-dalos sa mga tagalabas; kailangan mong iulat ang isyung ito sa iglesia!” Matapos makalap ang impormasyong ito, dalawang mahahalagang piraso ng impormasyon ang natuklasan ng taong iyon: Una, ayaw ng dalawang babaeng kapatid na mapalapit sa lider, at nagpakita sila ng kaunting pagkilatis sa kanya; pangalawa, nakipag-ugnayan sila sa isang tagalabas, at may sinabi sa kanila ang tagalabas na iyon; hindi malinaw kung ano iyon, at ayaw magsabi ng mga babaeng kapatid ng kahit na ano tungkol dito, sadya nilang itinatago ito, na nangangahulugang nawawala na ang katapatan nila sa lider at nagsimula na silang mag-ingat laban sa kanya. Kapag nagbalik ang taong ito at nag-ulat ito sa anticristo, matutuwa ba ang anticristo sa maririnig nito? Iisipin ba niya, “Magaling, sa wakas nagpakita na ng kaunting pagkilatis sa akin ang mga nasasakupan ko”? (Hindi.) Ano kaya ang iisipin niya? “Masama ito. Masunurin dati ang dalawang babaeng kapatid na iyon, mga tunay silang mananampalataya noon sa iglesia, at nagbibigay sila nang malaki. Mula nang makisalamuha sa kanila ang di-kilalang taong ito, medyo naging masuwayin na ang dalawang ito. Patuloy pa kaya silang magbibigay sa hinaharap? Mahirap at delikado ito.” Hindi mapakali ang anticristo. Bakit hindi siya mapakali? (Kinikilatis na siya ng mga tao at hindi na nakikinig ang mga ito sa kanya.) Tama, wala na sa ilalim ng kanyang pagmamanipula at kontrol ang puso ng mga tao, nagkakaroon na ng pagbabago sa puso ng mga ito, kaya hindi na siya mapakali. Dati-rati, inosente lang at di gaanong nag-iisip ang dalawang ito, masunurin naman sila at nagpakita lang ng kaunting pagkilatis sa kanya, anumang sabihin niya ay tinatanggap nila nang walang pagdadalawang-isip. Ngayong nagkaroon na ng pagbabago sa puso nila, natuto nang kumilatis, at dumidistansiya na sa kanya, posibleng itinatakwil na siya, at baka balak pa nga siyang isumbong—malaking problema iyan. Hindi ba’t isa itong espesipikong pagpapamalas ng kung paano masusing sinisiyasat at kinokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao?
Kapag may napansing anumang kakaiba ang anticristo, ipinapadala niya kaagad ang mga tao o galamay niya para alamin ang sitwasyon at maarok ang mga pinagmumulang dahilan nito. Kung walang pagbabago, kung ganoon pa rin ang mga tao at hindi nagbago ang puso nila, napapanatag ang loob niya, at hindi na siya nababagabag o tensyonado. Pero, kung may natuklasan siyang kakaiba, isang bagay na wala siyang nalalaman, wala sa ilalim ng pagmamanipula niya, hindi tulad ng inaakala niya, problema iyon. Nag-aalala at nababalisa siya, at sa pagkataranta niya, kikilos siya. Ano ang layunin ng mga kilos niya? Gusto niyang maging kaisa niya sa isip ang mga tao, na hindi sila magkaroon ng anumang pagbabago sa puso nila. Dapat sabihin sa kanya ng mga tao kung ano ang mga iniisip nila at mag-ulat sa kanya palagi, na nagpapahayag ng katapatan, determinasyon, at sinseridad. Dapat patuloy niyang kontrolin ang mga pabagu-bagong kaisipan at ideya ng puso ng mga tao, at ang direksyon at ang mga prinsipyo ng mga isipan nila. Sa sandaling may makita siyang sinumang hindi sumasang-ayon, dapat siyang kumilos para mapagbago ito. Kung hindi sila mapagbabago at magiging kaibigan, magiging kaaway na lang sila. Ano ang masasamang ibubunga na maging kaaway niya? Daranas sila ng kaparusahan at panunupil. Isang pamamaraan ito. May isa pa. Laging nangangamba ang anticristo sa mga nasa paligid niya, hindi niya masukat-sukat ang mga ito nang husto, sa takot na baka kilatisin at isumbong siya ng mga tao, at sinasabi sa kanyang puso: “Nakita mo ba nang magnakaw ako ng mga handog at gawin ang mga bagay-bagay ayon sa paraang gusto ko? Kung nakita mo nga ito, kaya mo ba itong kilatisin? Magagawa mo bang isumbong ako?” Marami pa ngang karelasyong sekswal ang ilang anticristo sa likod ng mga eksena, at iniisip nila, “Sino ang nakakaalam tungkol sa mga bagay na ito? Ano ang iniisip ng mga nakakaalam nito? Dapat ba akong magkunwari kahit papaano, lumikha ng huwad na impresyon, at pagkatapos ay subukin ang mga taong ito, usisain ang mga saloobin nila, at tingnan kung ano talaga ang iniisip nila?” Gagawin kaya ng mga anticristo ang ganoong mga bagay? Para sa mga buktot na taong gaya ng mga anticristo, parang wala na lang sa kanilang gawin ang ganoong mga bagay; sanay na sanay na sila rito—napakahusay nilang gawin ito. Sama-samang tinitipon ng anticristo ang mga tao at sinasabing, “Ipinatawag ko ang lahat dito ngayon para sa tanging layuning suriin ang mga pagkukulang ko sa gawaing tinrabaho ko sa iglesia kamakailan at para pag-usapan ang kaalaman ko tungkol sa mga tiwaling disposisyong ibinunyag ko. Magsalita kayo nang malaya, huwag ninyong pigilan ang sarili niyo. Hindi ko kayo kokondenahin. Magbahaginan tayo nang malaya, puso-sa-puso at harap-harapan. Kung may nagawa ako, magbabago ako; kung wala, tatanggapin ko ito bilang babala na huwag itong gawin. Ang lahat ng bagay sa sambahayan ng diyos ay hayag, hindi nakatago, at nakalantad. Ginagawa natin ang lahat ng bagay sa harapan ng diyos, at hindi na kailangan pa ng sinuman na mag-ingat laban sa iba. Mga kapatid, ipanatag ninyo ang isip niyo. Magsisimula ako sa pamamagitan ng pagsusuri sa sarili ko. Kamakailan, dahil sa sarili kong katamaran at pagnanasa sa mga kaginhawahang panlaman, hindi ko nagawa nang maayos ang gawain ko. Hindi naging maayos ang takbo ng gawaing ebanghelyo nitong mga nagdaang araw, at hindi ko masyadong napagtuunan ng pansin ang buhay-iglesia. Naging abala ako sa gawaing ebanghelyo at nawalan ako ng panahon sa iba pang bagay. Siyempre, ako ang may kasalanan. Dahil sa pagtitiwala ko sa mga imahinasyon ko, ipinagpalagay ko na kaya na ng mga kapatid na pangasiwaan ang buhay-iglesia nang sila lang, at hindi ko na kakailanganin pang mag-alala masyado. Malalaki na kayong lahat, at napakalinaw naman ng mga salita ng diyos, kaya ibinuhos ko nang buong puso ang sarili ko sa gawaing ebanghelyo. Subalit, hindi ko rin nagawa nang mabuti ang gawaing ebanghelyo. Kailangan kong aminin ang mga pagkakamali ko sa harapan ng mga kapatid, humingi ng tawad sa inyo, at humingi ng tawad sa diyos. Heto, hayaan ninyong yumukod ako sa inyong lahat.” Makikita ito ng lahat at iisipin sa sarili nilang, “Nagbago na siya. Mukhang hindi na siya tuso gaya ng dati. Bakit napakasinsero yata niya ngayon? Parang may mali. Hindi dapat ako gumawa agad-agad ng kongklusyon. Titingnan ko muna kung ano ang mga susunod niyang sasabihin.” Magpapatuloy ang anticristo at sasabihing kinikilala niyang isa siyang diyablo, isang Satanas, inaaming wala siyang nagawang anumang aktuwal na gawain, nagpapahayag na handa siyang magpagamit sa Itaas at tanggapin ang anumang kritisismo o panunumbat mula sa mga kapatid. Sasabihin pa niyang, “Kahit tanggalin pa nila ako at huwag akong hayaang mamuno, payag akong maging isa sa mga pinakamababa. Inirerekomenda ko si Sister Li at ang anak niyang babae na mula sa iglesia natin para pumalit sa akin.” Nakapili na siya ng hahalili sa kanya. Hindi ba’t sinsero naman ang saloobin niya? Kailangan pa bang pagdudahan ito? Habang sinasabi ito, magsisimula na nga siyang umiyak. Pagkatapos, palalapitin niya ang asawa niya at sasabihing, “Sa pagkakataong ito, wala ka ring nagawang kahit anong aktuwal na gawain, nagdudulot ka lang ng mga pagkagambala at kaguluhan, at basta-basta mo na lang pinupungusan ang mga kapatid. Dapat ka ring tanggalin.” Sinisisi ng anticristo ang sarili niya at ang kanyang pamilya, dahilan para maramdaman ng mga taong sinsero siya. Kapag narinig na ito ng lahat, may magsasabing, “Ang totoo, matagal na namin kayong kinikilatis. Hindi ninyo kami sinasangguni sa mga bagay-bagay; magkakasamang pinag-uusapan ng ilan sa inyo ang mga bagay-bagay at gumagawa ng mga desisyon nang pribado. Hindi ito umaayon sa mga prinsipyo ng gawain sa sambahayan ng Diyos. Bukod pa roon, kayo-kayo lang ang nagpasya kung sino ang magiging lider nang hindi namin nalalaman—ni wala kaming karapatang malaman ito. Hindi lang bigong makagawa ng anumang aktuwal na gawain ang taong pinili ninyo kundi nagdudulot pa siya ng mga kaguluhan, pero hindi niyo siya tinatanggal.” Sunud-sunod na ibubulalas ng mga kapatid ang mga opinyon nila. Pagkarinig ng anticristo rito, iisipin niya, “Masama ito! Pero, mabuti na ring sabay-sabay nilang ibinubuhos ang tunay na laman ng isipan nila. Makikinabang dito ang gawain ko sa hinaharap. Kung hindi sila nagsalita at sa halip ay tinira nila ako nang patalikod, direktang sumulat ng ulat sa itaas nang hindi ko nalalaman, siguradong katapusan ko na, hindi ba? Buti na lang, ginamit ko ang taktikang ito, matalino at mabilis akong kumilos, at nalaman ko agad ang mga opinyon nila.” At pagkatapos ay magpapatuloy siya, sasabihin niya nang may pang-uuto, “Salamat, mga kapatid, sa tiwala ninyo, at sa taos-puso ninyong pagpuna sa mga pagkakamali ko ngayong araw. Tiyak na babaguhin ko ang mga ito sa hinaharap. Kung hindi, maparusahan at masumpa nawa ako.” Ang masusing pagsisiyasat at pagkontrol ng anticristo sa puso ng mga tao ay hindi limitado sa patagong pakikinig sa usapan ng iba at pagsilip sa mga pintuan. Sa mga seryosong sitwasyon, may nakahanda siyang plano. Anong uri ng plano? Nagpapatupad siya ng demokrasya at kalayaan, binibigyan ng sapat na kalayaan sa pananalita ang mga tao, binibigyan sila ng ganap na kalayaang ipahayag ang mga opinyon at saloobin nila, hinihimok ang mga tao na sabihin ang kanilang mga damdamin, kahit na mga reklamo pa ito. Pagkatapos, sinasamantala niya ang mga kahinaan ng mga may ibang ideya sa kanya o mga opinyon tungkol sa kanya, at nililipol sila nang sabay-sabay. Maganda ba ang pamamaraang ito ng anticristo? Napakabuktot nito! Hindi ba’t medyo katulad nito ang sa malaking pulang dragon? Iisang grupo lang sila kumbaga, na may iisang kalikasang diwa. Hindi ba’t ganoon magtrabaho ang malaking pulang dragon? Kapag nakita mo kung paano magtrabaho ang anticristo, parang nakikita mo na rin ang pangit na hitsura ng malaking pulang dragon.
Mahusay ang mga anticristo sa paggamit ng mga kaaya-aya at tamang salita para himukin ang mga taong pagkatiwalaan sila. Pagkatapos na masusing siyasatin at alamin ang mga totoong sitwasyon ng mga tao, ano ang resulta? Magsisisi ba ang mga anticristo dahil sinabi sa kanila ng mga tao ang mga totoong salita na ito? Susuko na ba sila, titigil sa paggawa ng masama, bibitiwan ang kapangyarihan nila, tatalikuran ang kanilang paghahangad sa kapangyarihan, at bubuwagin ang teritoryo nila? Hindi kailanman. Sa halip, lalo pa nilang paiigtingin ang mga ito. Pagkatapos gawin ang lahat ng makakaya nila para kontrolin ang puso ng mga tao, pinapanatili nila ang mga umaayon sa kanila at itinatapon naman ang lahat ng hindi. Hindi natin maiaalis sa isip na ang ilang kapatid sa iglesia ay napaalis na, pinatalsik, o kinumpiska na ang mga aklat nila ng mga salita ng Diyos sa ilalim ng ganoong mga sitwasyon. Ginawan ng mali ang mga indibidwal na ito. Ano ang dapat gawin ng mga kapatid na ito na ginawan ng mali? Dapat ba silang tumigil sa pananalig sa Diyos dahil may lumitaw na anticristo sa sambahayan ng Diyos na nagparusa sa kanila nang ganito at sumira sa pananalig nila? Ganoon ba ang dapat nilang gawin? (Hindi.) Tama bang makipagkompromiso o yumuko na lang sa mga anticristo o sa masasama o buktot na puwersa? Iyon ba ang landas na dapat ninyong piliin? (Hindi.) Kaya, anong landas ang dapat ninyong piliin? (Ang ilantad at isumbong ang mga anticristo.) Kapag natuklasan mong anticristo ang isang tao, hayaan mong sabihin Ko sa iyo, kung lubha siyang maimpluwensiya, at maraming lider at manggagawa ang nakikinig sa kanya at hindi makikinig ang mga ito sa iyo, at kung ilalantad mo siya at mabubukod o mapapaalis ka lang din, kung gayon, dapat mong pag-isipang mabuti ang istratehiya mo. Huwag mo siyang harapin nang mag-isa; malamang na matatalo ka. Simulan mo sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa ilang tao na nakakaunawa sa katotohanan at may pagkilatis, at makipagbahaginan ka sa kanila. Kung may mapagkasunduan kayo, lumapit kayo sa dalawa pang lider o manggagawa na kayang tanggapin ang katotohanan at makipagkasunduan kayo sa kanila. Kapag may ilang tao nang magkakasamang kumikilos, ilantad at harapin ninyo ang anticristo nang sama-sama. Sa ganitong paraan, may pag-asa kayong magtagumpay. Kung masyadong malakas ang impluwensiya ng anticristo, puwede rin kayong sumulat sa Itaas. Ito ang pinakamainam na paraan. Kung talagang susubukan ng ilang lider at manggagawa na pigilan kayo, puwede ninyong sabihin sa kanila, “Kung hindi ninyo tatanggapin ang pagsisiwalat at sumbong namin, dadalhin namin ang usaping ito sa Itaas at hahayaan naming sila ang humarap sa inyo!” Palalakihin nito ang tsansa ninyong magtagumpay, dahil hindi sila mangangahas na kumilos laban sa inyo. Kapag mga anticristo ang kaharap ninyo, dapat ninyong gamitin ang maaasahang pamamaraan na ito—huwag na huwag kayong kikilos nang mag-isa. Kung hindi ka suportado ng ilang lider at manggagawa, mabibigo ka lang sa gagawin mo, maliban na lang kung makakagawa ka ng sulat at maiaabot mo ito sa Itaas. Lubhang traydor at tuso ang mga anticristo. Kung wala kang sapat na ebidensiya, iwasan mong kumilos laban sa kanila. Walang silbing makipagkatwiranan o makipagdebate sa kanila, walang silbing magpakita ng malasakit para subukang mabago sila, at walang magagawa ang makipagbahaginan sa kanila tungkol sa katotohanan; hindi mo sila mababago. Sa isang sitwasyon kung saan hindi mo sila kayang baguhin, ang pinakamainam mong gawin ay hindi ang makipag-usap sa kanila nang puso-sa-puso, makipagkatwiranan sa kanila, at hintaying magsisi sila. Sa halip, isiwalat at isumbong mo sila nang hindi nila nalalaman, hayaan mong ang Itaas ang humarap sa kanila, at himukin mo ang mas marami pang tao na isiwalat sila, isumbong sila, at itakwil sila, na sa huli ay mauuwi sa pagkatiwalag nila sa iglesia. Hindi ba’t isa itong magandang diskarte? Kung pakay nilang alamin mula sa iyo ang mga saloobin mo, masusi kang siyasatin, at tingnan kung may anumang pagkilatis ka sa kanya, ano ang dapat mong gawin kung natukoy mo na ngang isa siyang anticristo? (Hindi dapat ako magsalita nang tapat sa kanya, kundi sumunod lang pansamantala sa mga salita niya, hindi ipapaalam sa kanya ang pagkilatis ko, at pagkatapos ay dapat ko siyang isiwalat at isumbong nang pribado.) Ayos ba ang diskarteng ito? (Ayos ito.) Dapat mong makita nang mabuti ang mga pakana ng mga diyablo at Satanas at iwasan mong mabitag ka nila o mahulog sa kanilang mga patibong. Kapag mga Satanas at diyablo ang kaharap mo, dapat kang gumamit ng karunungan, at iwasan mong magsalita sa kanila nang tapat. Ito ay dahil ang mga puwede mo lang pagsabihan ng totoo ay ang Diyos at ang mga tunay na kapatid. Hindi ka dapat magsalita nang tapat sa mga Satanas, sa mga diyablo, o sa mga anticristo. Ang Diyos lang ang karapat-dapat makaunawa sa laman ng puso mo at magkaroon ng kataas-taasang kapangyarihan at sumiyasat sa iyong puso. Hindi kwalipikado ang sinuman, lalo na ang mga diyablo at Satanas, na kontrolin at siyasatin ang puso mo. Samakatwid, kung susubukan ng mga diyablo at Satanas na alamin ang katotohanan mula sa iyo, may karapatan kang magsabi ng “hindi,” tumangging sagutin ito, at huwag magbigay ng impormasyon—karapatan mo ito. Kung sasabihin mo, “Diyablo ka, gusto mong pilitin akong magsalita, pero hindi ako magsasalita nang totoo sa iyo, hindi ko sasabihin sa iyo. Isusumbong kita—ano ang magagawa mo sa akin? Kung mangangahas kang pahirapan ako, isusumbong kita; kung pahihirapan mo ako, susumpain at parurusahan ka ng Diyos!” uubra ba ito? (Hindi.) Sinasabi ng Bibliya: “Mangagpakatalino nga kayong gaya ng mga ahas, at mangagpakatimtimang gaya ng mga kalapati” (Mateo 10:16). Sa ganoong mga sitwasyon, dapat kang magpakatalino gaya ng mga ahas; dapat maging matalino ka. Ang mga puso natin ay angkop lang para siyasatin at taglayin ng Diyos, at sa Kanya lang natin dapat ibigay ang mga ito. Ang Diyos lang ang karapat-dapat sa mga puso natin, hindi karapat-dapat ang mga Satanas at diyablo! Samakatwid, may karapatan ba ang mga anticristo na malaman kung ano ang laman ng puso natin o kung ano ang iniisip natin? Wala silang karapatan. Ano ang layunin nila at sinusubukan nilang alamin ang katotohanan mula sa iyo at masusi kang siyasatin? Layunin nilang kontrolin ka; dapat makita mo ito nang malinaw. Kaya, huwag kang magsabi ng totoo sa kanila. Dapat humanap ka ng paraan para pagkaisahin ang mas marami pang kapatid para ilantad at itakwil sila, pababain sila sa posisyon nila, at huwag na huwag silang hahayaang magtagumpay. Tanggalin sila sa iglesia, para huwag na silang muling makapanggulo at makahawak ng kapangyarihan sa sambahayan ng Diyos.
Isang realidad talaga na masusing sinisiyasat at kinokontrol ng mga anticristo ang puso ng mga tao. Kung titingnan natin ang diwa ng mga anticristo, maliwanag na natural na sa kanilang pumasok sa ganoong mga aktibidad, at pangkaraniwang-pangkaraniwan na ito. Sa iba’t ibang iglesia, madalas na ipinapadala ng mga anticristo ang mga taong napagkakatiwalaan nila para pasukin ang mga kapatid, alamin ang mga bagay-bagay, at mangalap ng impormasyon mula sa loob. Paminsan, ang impormasyong nakakalap nila ay may kinalaman sa mga mumunting domestikong bagay o kaswal na usapan sa pagitan ng mga tao, na talagang hindi naman importante. Gayumpaman, laging lumilikha ng usap-usapan ang mga anticristo tungkol sa mga bagay na ito, pinapalaki pa sa antas ng mga kaisipan at pananaw para agad na maarok ang mga pagbabago sa mga isipan at opinyon ng mga tao. Ito ay para makontrol nila ang mga sitwasyon at ang kalagayan ng bawat tao nang walang kahirap-hirap, kung saan tinutugunan nila agad ang bawat isa. Lalong espesipiko ang mga anticristo sa mga kilos nila pagdating sa kapangyarihan at katayuan. Gaano kaespesipiko? Pagdating sa pananaw ng bawat tao sa kung paano nila hinaharap ang mga bagay-bagay, pati na sa pananaw nila sa mga materyal na bagay, pera, katayuan, pananalig sa Diyos, pagganap sa mga tungkulin, at pagbitiw sa mga trabaho—gusto nila na kabisadong-kabisado nila ang lahat ng ito. Kapag kabisadong-kabisado na nila ito, hindi na ginagamit ng mga anticristo ang katotohanan para tustusan ang mga tao, baguhin ang mga maling pananaw ng mga tao, o lutasin ang mga isyu. Sa halip, ginagamit nila ito para pagsilbihan ang sarili nilang katayuan, kapangyarihan, at teritoryo. Ito ang layunin ng mga anticristo sa masusi nilang pagsisiyasat at pagkontrol sa puso ng mga tao. Para sa mga anticristo, ang lahat ng ginagawa nila ay tila makahulugan at mahalaga, pero ang lahat ng bagay na ito na ipinagpapalagay na makabuluhan at mahalaga ay kinokondena mismo ng Diyos. Tiyak nilang ipinagkakanulo ang Diyos at nakikipag-alitan sila sa Kanya.
Nobyembre 7, 2020