N. Tungkol sa Paano Hangarin ang Pagbabago ng Disposisyon at Pagpeperpekto ng Diyos

504. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at maging kaayon ng puso ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay tanda na napalaya na ng tao ang kanyang sarili mula sa pagkaalipin kay Satanas at mula sa impluwensya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at halimbawa ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong kaayon ng puso ng Diyos. Ngayon, naparito ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at hinihiling Niya sa tao na magkamit ng kaalaman tungkol sa Kanya, pagsunod sa Kanya, patotoo sa Kanya, malaman ang Kanyang praktikal at normal na gawain, sundin ang lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at magpatotoo sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na ang lahat ng gawang isinasakatuparan Niya upang lupigin ang tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng kaalaman tungkol sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at totoo, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagdaan sa Kanyang paghatol at pagkastigo, pakikitungo at pagtatabas, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya, at ginagamit din Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita lamang, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya nailigtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang karapat-dapat na magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang magdala ng kahihiyan sa Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

505. Hindi mababago ng mga tao ang sarili nilang disposisyon; kailangan silang dumaan sa paghatol at pagkastigo, at sa pagdurusa at pagpipino, ng mga salita ng Diyos, o sa pakikitungo, pagdidisiplina, at pagtatabas ng Kanyang mga salita. Pagkatapos noon, saka lamang sila magiging masunurin at matapat sa Diyos, at hindi na magpapadalus-dalos sa pakikitungo sa Kanya. Sa ilalim ng pagpipino ng mga salita ng Diyos nagbabago ang disposisyon ng mga tao. Sa pamamagitan lamang ng paglalantad, paghatol, pagdidisiplina, at pakikitungo ng Kanyang mga salita sila hindi na mangangahas na kumilos nang walang pakundangan kundi sa halip ay magiging matatag at mahinahon sila. Ang pinakamahalagang punto ay na nagagawa nilang magpasakop sa kasalukuyang mga salita ng Diyos, at sa Kanyang gawain, kahit hindi ito nakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, nagagawa nilang isantabi ang mga kuru-kurong ito at maluwag sa loob na magpasakop. Noong araw, ang usapan tungkol sa mga pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumukoy lamang sa pagtalikod sa sarili, pagpapahintulot na magdusa ang laman, pagdidisiplina sa katawan ng isang tao, at pag-aalis sa sarili ng mga makamundong kagustuhan—na isang uri ng pagbabago sa disposisyon. Ngayon, alam ng lahat na ang tunay na pagpapakita ng pagbabago sa disposisyon ay sa pagsunod sa kasalukuyang mga salita ng Diyos at tunay na pagkaalam sa Kanyang bagong gawain. Sa ganitong paraan, maaaring mapawi ang dating pagkaunawa ng mga tao tungkol sa Diyos, na nakulayan ng sarili nilang mga kuru-kuro, at makapagtatamo sila ng tunay na kaalaman at pagsunod sa Diyos—ito lamang ang tunay na pagpapahayag ng isang pagbabago sa disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

506. Nagsisimula ang pagbabago ng disposisyon ng tao sa kaalaman ng kanyang diwa at sa pamamagitan ng mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kalikasan, at pangkaisipang pananaw—sa pamamagitan ng mga pangunahing pagbabago. Tanging sa ganitong paraan lamang makakamtan ang mga tunay na pagbabago sa disposisyon ng tao. Nagmumula ang tiwaling disposisyon ng tao sa pagkalason at pagyurak sa kanya ni Satanas, mula sa napakalaking pinsalang idinulot ni Satanas sa kanyang pag-iisip, moralidad, kaunawaan, at katinuan. Sumasalungat ang tao sa Diyos at hindi nauunawaan ang katotohanan dahil mismo nagawa nang tiwali ni Satanas ang mga pangunahing bagay ng tao, at lubhang hindi na katulad ng orihinal na pagkakalikha ng Diyos sa kanila. Sa gayon, dapat magsimula ang mga pagbabago sa disposisyon ng tao sa mga pagbabago sa kanyang pag-iisip, kaunawaan, at katinuan na siyang magbabago ng kanyang pagkakilala sa Diyos at kanyang pagkakilala sa katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos

507. Sa kanyang buhay, kung nais ng tao na malinis at makamtan ang mga pagbabago sa kanyang disposisyon, kung nais niya na isabuhay ang isang makabuluhang buhay, at tuparin ang kanyang tungkulin bilang isang nilalang, kung gayon dapat niyang tanggapin ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at hindi dapat hayaan ang pagdisiplina ng Diyos at pagpalo ng Diyos na lumisan mula sa kanya, upang maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa pagmamanipula at impluwensya ni Satanas, at mamuhay sa liwanag ng Diyos. Kilalanin mo na ang pagkastigo at paghatol ng Diyos ay ang liwanag, at ang liwanag ng kaligtasan ng tao, at na walang higit na mabuting pagpapala, biyaya o pag-iingat para sa tao. Ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng impluwensya ni Satanas, at umiiral sa laman; kung hindi siya nalilinis at hindi nakatatanggap ng pag-iingat ng Diyos, kung gayon ang tao ay lalo kailanmang magiging higit na masama. Kung nais niyang ibigin ang Diyos, kung gayon dapat siyang malinis at maligtas. Nanalangin si Pedro, “Diyos ko, kapag pinakikitunguhan Mo ako nang may-kabaitan ako ay nalulugod, at nagiginhawahan; kapag kinakastigo Mo ako, nakadarama ako ng higit pang kaginhawahan at kagalakan. Bagaman ako ay mahina, at nagbabata ng di-mabigkas na pagdurusa, bagaman mayroong mga luha at kalungkutan, batid Mo na ang kalungkutang ito ay dahil sa aking pagkamasuwayin, at dahil sa aking kahinaan. Tumatangis ako dahil hindi ko natutugunan ang Iyong mga ninanasa, nalulungkot ako at nanghihinayang dahil hindi ako sapat para sa Iyong mga kailangan, ngunit handa akong abutin ang kinasasaklawang ito, handa akong gawin ang lahat ng kaya ko upang Ikaw ay aking mapasaya. Ang Iyong pagkastigo ay nagdulot sa akin ng pag-iingat, at nakapagbigay sa akin ng pinakamabuting kaligtasan; ang Iyong paghatol ay nagkukubli ng Iyong pagpaparaya at pagtitiis. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, hindi ko matatamasa ang Iyong awa at kagandahang-loob. Ngayon, lalo kong nakikita na ang Iyong pag-ibig ay nakalampas sa mga kalangitan at hinigitan ang lahat ng iba pang bagay. Ang Iyong pag-ibig ay hindi lamang awa at kagandahang-loob; higit pa riyan, ito ay pagkastigo at paghatol. Ang Iyong pagkastigo at paghatol ay nagbigay ng napakarami sa akin. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol, walang isa mang taong malilinis, at walang isa mang taong makararanas ng pag-ibig ng Lumikha.”

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

508. Kung nais mong maperpekto, kailangan ka munang paboran ng Diyos, sapagkat pineperpekto Niya yaong mga pinapaboran Niya at kaayon ng Kanyang puso. Kung nais mong maging kaayon ng puso ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pusong sumusunod sa Kanyang gawain, kailangan mong sikaping hanapin ang katotohanan, at kailangan mong tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Sumailalim na ba ang lahat ng ginagawa mo sa masusing pagsusuri ng Diyos? Tama ba ang iyong hangarin? Kung tama ang iyong hangarin, pupurihin ka ng Diyos; kung mali ang iyong hangarin, ipinapakita niyan na ang minamahal ng puso mo ay hindi ang Diyos, kundi ang laman at si Satanas. Kung gayon, kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang masusing pagsusuri ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagama’t hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka naniniwala sa katawang-taong ito? Naniniwala ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Maniniwala ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag naniniwala ka sa taong ito, naniniwala ka sa Espiritu ng Diyos. Kapag natatakot ka sa taong ito, natatakot ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pananampalataya sa Espiritu ng Diyos ay pananampalataya sa taong ito, at ang pananampalataya sa taong ito ay pananampalataya rin sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay masyadong takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang masusing pagsusuri ng Diyos ay hindi nakaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay nagkakasala ka sa Diyos. Kaya, kailangan mong ilatag ang iyong puso sa harap ng Diyos sa lahat ng oras, kapag nagdarasal ka, kapag nagsasalita at nagbabahagi ka sa iyong mga kapatid, at kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin at ginagawa ang iyong gawain. Kapag ginampanan mo ang iyong tungkulin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong hangarin at iyon ay para sa gawain ng bahay ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong taimtim na ialay ang iyong sarili sa pagganap sa iyong tungkulin. Kapag nagdarasal ka, kung may pagmamahal ka sa Diyos sa iyong puso at hangad mo ang malasakit, pangangalaga at masusing pagsusuri ng Diyos, kung ang mga bagay na ito ang iyong hangarin, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pulong, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Kung taos mong minamahal ang Diyos sa puso mo, manumpa ka sa Diyos: “Diyos ko, na nasa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay, isinusumpa ko sa Iyo: Nawa’y suriin ng Iyong Espiritu ang lahat ng ginagawa ko at protektahan at pangalagaan ako sa lahat ng oras, at gawing posible na lahat ng ginagawa ko ay tumayo sa Iyong presensya. Kung sakaling tumigil ang puso ko sa pagmamahal sa Iyo o pagtaksilan Ka nito, kastiguhin at isumpa Mo ako nang matindi. Huwag Mo akong patawarin sa mundong ito o kahit sa susunod!” Nangangahas ka bang manumpa nang gayon? Kung hindi, ipinapakita niyan na ikaw ay dungo, at na mahal mo pa rin ang iyong sarili. Ito ba ang inyong pasya? Kung ito talaga ang inyong pagpapasya, dapat ninyong gawin ang panunumpang ito. Kung may pagpapasya kang gawin ang gayong panunumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong pagpapasya. Kapag nanunumpa ka sa Diyos, nakikinig Siya. Tinitiyak ng Diyos kung ikaw ay makasalanan o matuwid sa pamamagitan ng iyong panalangin at iyong pagsasagawa. Ito ngayon ang proseso ng pagperpekto sa inyo, at kung talagang nananalig kang gagawin kang perpekto, dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang masusing pagsusuri; kung gagawa ka ng isang bagay na labis na mapanghimagsik o kung pagtataksilan mo ang Diyos, gagawin Niyang magkatotoo ang iyong panunumpa, at sa gayon anuman ang mangyari sa iyo, mapahamak ka man o makastigo, kagagawan mo mismo ito. Ikaw ang nanumpa, kaya dapat mong tuparin ito. Kung ikaw ay nanumpa, ngunit hindi mo ito tinupad, mapapahamak ka. Yamang ikaw ang nanumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong panunumpa. Natatakot ang ilan pagkatapos nilang manalangin, at dumaraing, “Tapos na ang lahat! Wala na ang pagkakataon ko sa kahalayan; wala na ang pagkakataon kong gumawa ng masasamang bagay; wala na ang pagkakataon kong magpakalulong sa aking mga makamundong pagnanasa!” Gustung-gusto pa rin ng mga taong ito na maging makamundo at magkasala, at tiyak na mapapahamak ang kanilang kaluluwa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos Yaong mga Kaayon ng Kanyang Puso

509. Mayroong isang patakaran sa pagperpekto ng Diyos sa mga tao, na kung saan nililiwanagan ka Niya sa pamamagitan ng paggamit ng isang kaibig-ibig na bahagi mo upang magkaroon ka ng landas ng pagsasagawa at maihiwalay mo ang sarili mo mula sa lahat ng negatibong kalagayan, na tumutulong mapalaya ang iyong espiritu, at ginagawa kang mas kayang mahalin Siya. Sa ganitong paraan, nagagawa mong iwaksi ang tiwaling disposisyon ni Satanas. Hindi ka maarte at bukas ka, handang kilalanin ang sarili mo at isagawa ang katotohanan. Tiyak na pagpapalain ka ng Diyos, kaya kapag ikaw ay mahina at negatibo, nililiwanagan ka Niya nang doble, tinutulungan kang mas makilala ang sarili mo, maging mas handang magsisi para sa sarili mo, at mas maisagawa ang mga bagay na dapat mong isagawa. Sa ganitong paraan lamang magiging payapa at maginhawa ang iyong puso. Ang isang taong karaniwang nakatuon sa pagkilala sa Diyos, na nakatuon sa pagkilala sa kanyang sarili, na nakatuon sa kanyang sariling pagsasagawa, ay madalas na makatatanggap ng gawain ng Diyos, maging ng Kanyang patnubay at kaliwanagan. Kahit negatibo ang kalagayan ng taong iyon, nagagawa niyang baguhin kaagad ang mga bagay-bagay, tulak man iyon ng budhi o ng kaliwanagan mula sa salita ng Diyos. Ang pagbabago sa disposisyon ng isang tao ay palaging natatamo kapag nalalaman niya ang kanyang sariling tunay na kalagayan at ang disposisyon at gawain ng Diyos. Ang isang taong handang kilalanin ang kanyang sarili at maging bukas ay makakayang isagawa ang katotohanan. Ang ganitong klaseng tao ay isang taong matapat sa Diyos, at ang isang taong matapat sa Diyos ay may pagkaunawa tungkol sa Diyos, malalim man o mababaw ang pagkaunawang ito, kakaunti o sagana. Ito ang katuwiran ng Diyos, at isang bagay ito na natatamo ng mga tao; sarili nilang pakinabang ito. Ang isang taong may kaalaman tungkol sa Diyos ay isa na may batayan, may pananaw. Ang ganitong klaseng tao ay nakatitiyak tungkol sa katawang-tao ng Diyos, at nakatitiyak tungkol sa salita at gawain ng Diyos. Paano man gumagawa o nagsasalita ang Diyos, o paano man nagsasanhi ng kaguluhan ang ibang mga tao, kaya niyang manindigan, at tumayong saksi para sa Diyos. Kapag lalong ganito ang isang tao, lalo niyang maisasagawa ang katotohanang kanyang nauunawaan. Dahil lagi niyang isinasagawa ang salita ng Diyos, lalo niyang nauunawaan ang Diyos, at matatag ang kanyang pasya na tumayong saksi para sa Diyos magpakailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

510. Sa paniniwala sa Diyos, kung nais ng mga tao na baguhin ang kanilang disposisyon, hindi nila dapat ihiwalay ang kanilang sarili mula sa tunay na pamumuhay. Sa tunay na pamumuhay, kailangan mong kilalanin ang iyong sarili, talikuran ang iyong sarili, isagawa ang katotohanan, at matutuhan din ang mga prinsipyo, sentido kumon, at mga panuntunan ng sariling pag-uugali sa lahat ng bagay bago mo magawang unti-unting magbago. Kung pagtutuunan mo lamang ang teoretikal na kaalaman at mabubuhay ka lamang sa mga relihiyosong seremonya nang hindi inaarok nang malalim ang realidad, nang hindi pumapasok sa tunay na pamumuhay, hindi mo kailanman mapapasok ang realidad, hindi mo kailanman makikilala ang iyong sarili, ang katotohanan, o ang Diyos, at magiging bulag at mangmang ka magpakailanman. Ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa mga tao ay hindi upang tulutan silang mamuhay nang normal pagkaraan ng maikling panahon, ni hindi para baguhin ang kanilang mga maling kuru-kuro at doktrina. Sa halip, ang Kanyang layunin ay baguhin ang dati nilang mga disposisyon, baguhin nang ganap ang dati nilang paraan ng pamumuhay, at baguhin ang lahat ng makalumang paraan ng kanilang pag-iisip at pananaw. Ang pagtutuon lamang sa buhay iglesia ay hindi mababago ang mga dating gawi ng mga tao sa buhay o mababago ang mga pamamaraan ng pamumuhay na nakasanayan nila sa mahabang panahon. Anuman ang mangyari, hindi dapat mahiwalay ang mga tao mula sa tunay na pamumuhay. Hinihiling ng Diyos na mamuhay nang normal bilang tao ang mga tao sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay iglesia; na isabuhay nila ang katotohanan sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay iglesia; at na tuparin nila ang kanilang mga tungkulin sa tunay na pamumuhay, hindi lamang sa buhay iglesia. Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na pamumuhay. Kung, sa paniniwala sa Diyos, hindi makilala ng mga tao ang kanilang sarili sa pamamagitan ng pagpasok sa tunay na pamumuhay, at kung hindi sila makapamuhay nang normal bilang tao sa tunay na pamumuhay, mabibigo sila. Yaong mga sumusuway sa Diyos ay pawang mga taong hindi makakapasok sa tunay na pamumuhay. Sila ay pawang mga taong nagsasalita tungkol sa pagiging makatao, ngunit isinasabuhay ang likas na pagkatao ng mga demonyo. Sila ay pawang mga taong nagsasalita tungkol sa katotohanan, ngunit sa halip ay isinasabuhay ang mga doktrina. Yaong mga hindi makayang isabuhay ang katotohanan sa tunay na pamumuhay ay yaong mga naniniwala sa Diyos, ngunit kinasusuklaman at inaayawan Niya. Kailangan mong isagawa ang iyong pagpasok sa tunay na pamumuhay, alamin ang iyong mga kakulangan, pagsuway, at kamangmangan, at alamin ang iyong abnormal na pagkatao at mga kahinaan. Sa gayong paraan, ang iyong kaalaman ay mapag-iisa sa iyong aktwal na kalagayan at mga paghihirap. Ang klaseng ito lamang ng kaalaman ang tunay at maaaring magtulot sa iyo na tunay na maunawaan ang iyong sariling kalagayan at mabago ang iyong disposisyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagtalakay sa Buhay Iglesia at sa Tunay na Buhay

511. Ang pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pananalangin, pagtanggap ng pasanin ng Diyos, at pagtanggap ng mga gawaing ipinagkakatiwala Niya sa iyo—lahat ng ito ay para mayroong landas sa iyong harapan. Kapag mas mabigat ang pasaning ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, mas madali ka Niyang mapeperpekto. Ayaw makipagtulungan ng ilan sa iba sa paglilingkod sa Diyos, kahit natawag sila; tamad ang mga taong ito na nais lamang magsaya sa kaginhawahan. Kapag mas pinaglilingkod ka sa pakikipagtulungan sa iba, mas marami kang mararanasan. Dahil mas marami kang pasanin at karanasan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto. Samakatuwid, kung kaya mong paglingkuran nang tapat ang Diyos, isasaisip mo ang pasanin ng Diyos; dahil diyan, magkakaroon ka ng mas maraming pagkakataong maperpekto ng Diyos. Ang gayong grupo lamang ng mga tao ang kasalukuyang pineperpekto. Kapag mas inaantig ka ng Banal na Espiritu, mas maraming panahon kang iuukol sa pagsasaisip sa pasanin ng Diyos, mas mapeperpekto ka ng Diyos, at mas makakamit ka Niya—hanggang, sa bandang huli, magiging isang tao ka na kinakasangkapan ng Diyos. Sa kasalukuyan, may ilan na walang dinadalang pasanin para sa iglesia. Ang mga taong ito ay maluwag at pabaya, at ang tanging pinahahalagahan nila ay ang sarili nilang laman. Ang gayong mga tao ay masyadong makasarili, at bulag din sila. Kung hindi malinaw sa iyo ang bagay na ito, hindi ka magdadala ng anumang pasanin. Kapag mas isinasaisip mo ang kalooban ng Diyos, mas mabigat ang pasaning ipagkakatiwala Niya sa iyo. Ang mga makasarili ay ayaw magtiis ng gayong mga bagay; ayaw nilang bayaran ang halaga, at, dahil dito, mawawalan sila ng mga pagkakataong maperpekto ng Diyos. Hindi ba nila sinasaktan ang kanilang sarili? Kung ikaw ay isang tao na isinasaisip ang kalooban ng Diyos, makakabuo ka ng tunay na pasanin para sa iglesia. Sa katunayan, sa halip na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iglesia, mas mainam na tawagin itong pasanin na dinadala mo para sa iyong sariling buhay, dahil ang layunin ng pasaning ito na binubuo mo para sa iglesia ay para magamit mo ang gayong mga karanasan upang maperpekto ka ng Diyos. Samakatuwid, sinuman ang nagdadala ng pinakamabigat na pasanin para sa iglesia, at sinuman ang nagdadala ng isang pasanin para makapasok sa buhay—sila ang magiging mga taong pineperpekto ng Diyos. Malinaw na ba ito sa iyo? Kung ang iglesiang kinabibilangan mo ay nakakalat na parang buhangin, ngunit hindi ka nag-aalala ni nababahala, at nagbubulag-bulagan ka pa kapag hindi normal na kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos ang iyong mga kapatid, hindi ka nagdadala ng anumang mga pasanin. Ang gayong mga tao ay hindi ang klaseng kinatutuwaan ng Diyos. Ang klase ng mga taong kinatutuwaan ng Diyos ay nagugutom at nauuhaw para sa katuwiran at isinasaisip ang kalooban ng Diyos. Sa gayon, dapat ninyong isaisip ang pasanin ng Diyos, ngayon mismo; hindi ninyo dapat hintaying ihayag ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa buong sangkatauhan bago ninyo isaisip ang pasanin ng Diyos. Hindi ba magiging huli na ang lahat sa oras na iyon? Ngayon ang magandang pagkakataon upang maperpekto ng Diyos. Kung hahayaan mong makalagpas ang pagkakataong ito, pagsisisihan mo iyon habambuhay, gaya noong hindi nagawang pumasok ni Moises sa magandang lupain ng Canaan at pinagsisihan niya ito habambuhay, at namatay nang may taos na pagsisisi. Kapag naihayag na ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon sa lahat ng bayan, mapupuspos ka ng pagsisisi. Kahit hindi ka kastiguhin ng Diyos, kakastiguhin mo ang iyong sarili dahil sa sarili mong taos na pagsisisi. Hindi kumbinsido rito ang ilan, ngunit kung hindi ka naniniwala rito, maghintay ka lang at makikita mo. May ilang tao na ang tanging layunin ay tuparin ang mga salitang ito. Handa ka bang isakripisyo ang sarili mo para sa mga salitang ito?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isaisip ang Kalooban ng Diyos para Makamit ang Pagiging Perpekto

512. Ang Banal na Espiritu ay may isang landas na tatahakin sa bawat tao, at binibigyan ang bawat tao ng pagkakataon na maperpekto. Sa iyong pagiging negatibo naipapaalam sa iyo ang sarili mong katiwalian, at sa pag-aalis ng pagiging negatibo ay makasusumpong ka ng landas ng pagsasagawa; lahat ito ay paraan kung saan ginagawa kang perpekto. Bukod diyan, sa patuloy na paggabay at pagpapalinaw ng ilang positibong bagay sa iyong kalooban, aktibo mong gagampanan ang iyong tungkulin, lalago sa kabatiran at makakahiwatig. Kapag maganda ang iyong mga kalagayan, mas handa kang basahin ang salita ng Diyos, at mas handa kang manalangin sa Diyos, at maiuugnay mo ang mga sermon na iyong naririnig sa iyong sariling sitwasyon. Sa gayong mga pagkakataon nililiwanagan at pinaliliwanagan ng Diyos ang iyong kalooban, kaya natatanto mo ang ilang positibong aspeto. Ganito ka pineperpekto sa positibong aspeto. Sa mga negatibong kalagayan, ikaw ay mahina at walang kibo; pakiramdam mo ay wala ang Diyos sa puso mo, subalit pinaliliwanagan ka ng Diyos, tinutulungan kang makahanap ng isang landas ng pagsasagawa. Lalabas dito ang pagtatamo ng pagkaperpekto sa negatibong aspeto. Mapeperpekto ng Diyos ang tao kapwa sa positibo at negatibong mga aspeto. Nakasalalay ito sa kung nagagawa mong makaranas, at kung hinahangad mong maperpekto ng Diyos. Kung tunay mong hinahangad na maperpekto ng Diyos, ang negatibo ay hindi ka magagawang dumanas ng kawalan, kundi maaaring maghatid sa iyo ng mga bagay na mas totoo, at magawa kang mas alam yaong wala sa iyong kalooban, mas nakauunawa sa iyong tunay na kalagayan, at nakikita na walang kahit ano ang tao, at balewala siya; kung hindi ka dumaranas ng mga pagsubok, hindi mo alam, at palagi mong madarama na nakahihigit ka sa iba at mas mahusay ka kaysa sa lahat ng iba pa. Sa lahat ng ito makikita mo na lahat ng dumating noon ay ginawa ng Diyos at protektado ng Diyos. Ang pagpasok sa mga pagsubok ay iniiwan kang walang pagmamahal o pananampalataya, kulang ka sa panalangin at hindi mo nagagawang umawit ng mga himno, at hindi mo namamalayan, sa gitna nito ay nakikilala mo ang iyong sarili. Maraming paraan ang Diyos para maperpekto ang tao. Ginagamit Niya ang lahat ng uri ng sitwasyon para pakitunguhan ang tiwaling disposisyon ng tao, at gumagamit ng iba’t ibang bagay upang ilantad ang tao; sa isang bagay, pinakikitunguhan Niya ang tao, sa isa pa ay inilalantad Niya ang tao, at sa isa pa ay ibinubunyag Niya ang tao, hinuhukay at ibinubunyag ang “mga hiwaga” sa kaibuturan ng puso ng tao, at ipinakikita sa tao ang kanyang kalikasan sa pamamagitan ng paghahayag sa marami sa kanyang mga kalagayan. Pineperpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng maraming pamamaraan—sa pamamagitan ng paghahayag, pakikitungo, pagpipino, at pagkastigo sa tao—para malaman ng tao na ang Diyos ay praktikal.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

513. Sa kasalukuyan, ang pangunahing dapat ninyong hangarin ay ang gawin kayong perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at gawing perpekto ng Diyos sa pamamagitan ng lahat ng tao, usapin, at bagay na hinaharap ninyo, upang higit pa sa kung ano ang Diyos ay mapapanday sa loob ninyo. Kailangan mo munang tanggapin ang pamana ng Diyos sa lupa; saka ka lamang magkakaroon ng karapatang magmana ng mas marami, at mas higit pang, mga pagpapala mula sa Diyos. Ito ang lahat ng bagay na dapat ninyong hangarin, at na dapat muna ninyong unawain bago ang lahat. Kapag mas hinahangad mong magawang perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, mas magagawa mong makita ang kamay ng Diyos sa lahat ng bagay, at bunga nito ay, sa pamamagitan ng iba’t ibang pananaw at sa iba’t ibang usapin, aktibo mong hahangarin na makapasok sa katauhan ng salita ng Diyos at makapasok sa realidad ng salita Niya. Hindi ka maaaring masiyahan sa mga balintiyak na kalagayan gaya ng hindi lamang gumagawa ng kasalanan, o walang mga kuru-kuro, walang pilosopiya sa pamumuhay, at walang pantaong kalooban. Ginagawang perpekto ng Diyos ang tao sa napakaraming paraan; sa lahat ng bagay ay may posibilidad na magawang perpekto, at magagawa ka Niyang perpekto hindi lamang sa positibong mga paraan kundi pati sa negatibong mga paraan, upang gawing mas masagana ang makakamit mo. Bawat isang araw ay may mga pagkakataong magawang perpekto at dahilang makamtan ng Diyos. Matapos maranasan ang ganito nang maikling panahon, lubos kang mababago, at likas na maiintindihan mo ang maraming bagay na dati ay hindi mo alam. Hindi na kakailanganin ang tagubilin mula sa iba; lingid sa kaalaman mo, liliwanagan ka ng Diyos, upang makatanggap ka ng kaliwanagan sa lahat ng bagay at makapasok sa lahat ng karanasan mo nang detalyado. Tiyak na gagabayan ka ng Diyos upang hindi ka gumawi sa kaliwa o sa kanan, at sa gayon tatapak ka sa landas ng pagpeperpekto Niya.

… Kung nais ninyong gawing perpekto ng Diyos, dapat ninyong matutuhan kung paanong dumanas sa lahat ng bagay, at makamit ang kaliwanagan sa lahat ng mangyayari sa inyo. Mabuti man ito o masama, dapat itong magdala ng kapakinabangan sa iyo, at dapat hindi ka gawing negatibo. Anupaman, dapat mong maisaalang-alang ang mga bagay habang nakatayo sa panig ng Diyos, at hindi suriin o aralin ang mga ito mula sa pananaw ng tao (ito ay magiging isang paglihis sa karanasan mo). Kung ganito ka dumanas, mapupuno ang puso mo ng mga pasanin ng buhay mo; palagi kang mamumuhay sa liwanag ng anyo ng Diyos, na hindi madaling malilihis ng landas sa pagsasagawa mo. May magandang kinabukasan ang ganitong mga tao sa hinaharap. Mayroong napakaraming pagkakataong magawang perpekto ng Diyos. Nakasalalay ang lahat ng ito sa kung kayo ay isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at kung taglay ninyo ang kapasyahang gawing perpekto ng Diyos, makamit ng Diyos, at tumanggap ng mga biyaya at pamana Niya. Hindi sapat ang kapasyahan lamang; dapat mayroon kayong malawak na kaalaman, kung hindi, palagi kayong malilihis sa pagsasagawa ninyo. Handa ang Diyos na gawing perpekto ang bawat isa sa inyo. Sa kasalukuyan, bagamat matagal nang tinanggap ng karamihan ng tao ang gawain ng Diyos, nilimitahan nila ang mga sarili nila sa pagpapainit lamang sa biyaya ng Diyos, at handa lamang na hayaan ang Diyos na bigyan sila ng kaunting ginhawa ng laman, subalit ayaw nilang tumanggap ng mas higit pa, at mas matataas, na mga pahayag. Ipinapakita nitong palagi pa ring nasa labas ang puso ng tao. Bagamat ang gawain ng tao, ang paglilingkod niya, at ang puso ng pagmamahal niya para sa Diyos ay may mas kaunting karumihan, kung ang panloob na diwa niya at ang paurong na pag-iisip niya ang pag-uusapan, palagi pa ring hinahangad ng tao ang kapayapaan at kasiyahan ng laman, at walang pakialam sa kung anu-ano ang mga kondisyon at mga layunin ng Diyos para sa pagpeperpekto sa tao. Kaya naman, masagwa at nabubulok pa rin ang buhay ng karamihan ng tao. Hindi nagbago kahit katiting ang mga buhay nila; sadyang hindi nila itinuturing na isang mahalagang bagay ang pananampalataya sa Diyos, na para bang may pananampalataya lamang sila alang-alang sa iba, kumikilos nang walang pagsisikap at pabayang nakararaos, inaanod sa isang walang-layong pag-iral. Kakaunti lamang yaong mga nagagawang maghangad na makapasok sa salita ng Diyos sa lahat ng bagay, na nagkakamit ng mas higit at mas masasaganang bagay, nagiging mga taong may mas higit na kayamanan sa tahanan ng Diyos ngayon, at tumatanggap ng mas higit pang mga pagpapala ng Diyos. Kung hinahangad mong gawing perpekto ng Diyos sa lahat ng bagay, at nagagawang tanggapin ang ipinangako ng Diyos sa lupa, kung hinahangad mong maliwanagan ng Diyos sa lahat ng bagay at hindi hinahayaang lumipas ang mga taon nang nakatunganga, ito ang pinakamainam na landas na aktibong pasukin. Sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat at magkakaroon ng karapatang gawing perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Pangako sa Yaong mga Nagawang Perpekto

514. Ang Banal na Espiritu ay hindi lamang gumagawa sa ilang taong ginagamit ng Diyos, kundi, higit pa rito, sa iglesia. Maaaring gumagawa Siya sa sinuman. Maaaring gumawa Siya sa iyo sa kasalukuyang oras, at mararanasan mo ang gawaing ito. Sa susunod na yugto, maaari Siyang gumawa sa ibang tao, kung gayon dapat kang magmadaling makasunod; kapag mas malapit mong sinusundan ang kasalukuyang ilaw, higit na lalago ang buhay mo. Kahit na ano pang uri ang isang tao, kung gumagawa sa kanya ang Banal na Espiritu, dapat kang sumunod. Gamitin mo ang mga karanasan niya sa sarili mo, at tatanggap ka ng mas higit pang mga bagay. Sa paggawa nito mas mabilis kang uunlad. Ito ang landas ng pagkaperpekto para sa tao at ang paraan kung saan lalago ang buhay. Ang landas ng pagiging perpekto ay naaabot sa pamamagitan ng pagsunod mo sa gawain ng Banal na Espiritu. Hindi mo alam kung sa pamamagitan ng anong uri ng tao gagawa ang Diyos upang gawin kang perpekto, o sa pamamagitan ng anong tao, pangyayari, o bagay ka Niya hahayaang makamit o makita ang mga bagay. Kung makatatapak ka sa tamang landas na ito, ipinakikita nito na mayroong malaking pag-asang magawa kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo magagawa, ipinakikita nitong malungkot at walang liwanag ang kinabukasan mo. Kapag nagsimula ka sa tamang landas, makakamit mo ang pahayag sa lahat ng bagay. Kahit na ano pa man ang ibinubunyag ng Banal na Espiritu sa iba, kung magpapatuloy ka batay sa kaalaman nila para maranasan ang mga bagay sa sarili mo, kung gayon ay magiging bahagi ng buhay mo ang karanasang ito, at magagawa mong tustusan ang iba mula sa karanasang ito. Ang mga nagtutustos sa iba sa pamamagitan ng paggaya sa mga salita ay mga taong hindi pa nagkakaroon ng anumang mga karanasan; dapat mong matutunang humanap, sa pamamagitan ng kaliwanagan at pagtanglaw ng iba, isang paraan ng pagsasagawa bago ka magsimulang magsalita tungkol sa sarili mong aktwal na karanasan at kaalaman. Ito ay may higit na pakinabang sa sarili mong buhay. Dapat mong maranasan ang ganito, na sumusunod sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Dapat mong hangarin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng mga bagay at matutunan ang mga aral sa lahat ng bagay, nang lumago ang buhay mo. Ang ganitong pagsasagawa ay nagbibigay ng pinakamabilis na pag-unlad.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

515. Tunay bang handa kang gawing perpekto? Kung talagang handa kang gawing perpekto ng Diyos, magkakaroon ka ng tapang na isantabi ang laman mo, at magagawa mong isakatuparan ang mga salita ng Diyos, at hindi ka magiging balintiyak o mahina. Magagawa mong sundin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at ang lahat ng mga kilos mo, ginagawa man ang mga ito sa publiko o nang pribado, ay maihaharap sa Diyos. Kung isa kang tapat na tao, at isinasagawa ang katotohanan sa lahat ng bagay, kung gayon ay magiging perpekto ka. Ang mga mapanlinlang na mga taong kumikilos sa isang paraan sa harap ng iba at sa ibang paraan sa likuran nila ay hindi handang gawing perpekto. Lahat sila ay mga anak ng kapahamakan at pagkawasak; hindi sila pag-aari ng Diyos kundi ni Satanas. Hindi sila ang uri ng mga taong pinili ng Diyos! Kung ang mga kilos at pag-uugali mo ay hindi maihaharap sa Diyos o matitingnan ng Espiritu ng Diyos, patunay itong mayroong mali sa iyo. Magagawa mo lamang na tumapak sa landas ng pagiging perpekto kung tinatanggap mo ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, at pinapahalagahan ang pagbabago ng disposisyon mo. Kung tunay na handa kang maperpekto ng Diyos at gawin ang kalooban ng Diyos, kung gayon ay dapat mong sundin ang lahat ng gawain ng Diyos, nang walang kahit isang salita ng pagdaing, nang hindi nangangahas na suriin o hatulan ang gawain ng Diyos. Ito ang pinakamabababang hinihingi para maperpekto ng Diyos. Ang mahalagang hinihingi sa mga naghahangad na maperpekto ng Diyos ay ito: Kumilos nang may pusong nagmamahal sa Diyos sa lahat ng mga bagay. Ano ang kahulugan ng kumilos nang may pusong nagmamahal sa Diyos? Ibig sabihin nito ay ang lahat ng mga kilos at pag-uugali mo ay maihaharap sa Diyos. At sapagkat mayroon kang mga tamang layunin, tama man o mali ang mga kilos mo, hindi ka natatakot na ipakita ang mga ito sa Diyos o sa mga lalaki at mga babaeng kapatid mo, at nangangahas kang sumumpa sa harap ng Diyos. Dapat mong ilahad ang bawat layunin, iniisip, at ideya mo sa harap ng Diyos para sa masusing pagsisiyasat Niya; kung nagsasagawa at pumapasok ka sa ganitong paraan, magiging mabilis ang pag-unlad sa buhay mo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos

516. Kung gusto mong kasangkapanin ka at magawang perpekto ng Diyos, kailangan mong taglayin ang lahat: ang kahandaang magdusa, pananampalataya, pagtitiis, pagsunod, at kakayahang maranasan ang gawain ng Diyos, maunawaan ang Kanyang kalooban, maisaalang-alang ang Kanyang pighati, at iba pa. Hindi madaling gawing perpekto ang isang tao, at bawat isang pagpipinong nararanasan mo ay nangangailangan ng iyong pananampalataya at pagmamahal. Kung gusto mong magawang perpekto ng Diyos, hindi sapat ang magmadali lamang sa landas, ni sapat ang gugulin lamang ang iyong sarili para sa Diyos. Kailangan kang magtaglay ng maraming bagay upang maging isang tao na ginagawang perpekto ng Diyos. Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, na mapanatili ang iyong dating pagmamahal nang hindi ito hinahayaang maging marupok o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangan kang magpasakop sa Kanyang plano at maging handang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong mapalugod ang Diyos, bagama’t maaaring mapait ang iyong pagluha o nag-aatubili kang mawalay sa anumang bagay na minamahal mo. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya. Anuman ang aktuwal mong tayog, kailangan mo munang magkaroon kapwa ng kahandaang dumanas ng paghihirap at ng tunay na pananampalataya, at kailangan ka ring magkaroon ng kahandaang talikdan ang laman. Dapat ay handa kang magtiis ng personal na mga paghihirap at magdusa ng mga kawalan sa iyong mga personal na interes upang mapalugod ang kalooban ng Diyos. Kailangan mo ring magkaroon ng kakayahang taos na magsisi tungkol sa iyong sarili: Noong araw, hindi mo nagawang mapalugod ang Diyos, at ngayon, maaari kang magsisi sa iyong sarili. Hindi ka dapat magkulang sa anuman sa mga bagay na ito—sa pamamagitan ng mga bagay na ito, gagawin kang perpekto ng Diyos. Kung hindi mo matutugunan ang mga pangangailangang ito, hindi ka magagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

517. Ang pagbabago sa disposisyon ay pangunahing tumutukoy sa pagbabago sa kalikasan ng isang tao. Ang mga bagay tungkol sa kalikasan ng isang tao ay hindi makikita mula sa panlabas na mga paggawi; ang mga ito ay tuwirang may kinalaman sa halaga at kabuluhan ng kanyang pag-iral. Iyan ay, tuwirang nakapaloob sa mga ito ang pananaw ng isang tao sa buhay at sa kanyang mga pinahahalagahan, sa mga bagay na nasa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, at kanyang esensya. Kung ang isang tao ay hindi kayang tumanggap ng katotohanan, hindi siya sasailalim ng pagbabago sa mga aspetong ito. Sa pamamagitan lamang ng pagdaranas sa gawain ng Diyos, pagpasok nang lubusan sa katotohanan, pagbabago sa mga pinahahalagahan ng isa at mga pananaw ng isa tungkol sa pag-iral at buhay, pag-aayon ng pananaw ng isa sa pananaw ng Diyos, at pagiging may-kakayahang ganap na magpasakop at pagiging nakatalaga sa Diyos, saka masasabing nagbago na ang disposisyon ng isa. Maaaring ikaw ay lumilitaw na nagsisikap nang kaunti, maaaring ikaw ay matatag sa harap ng paghihirap, maaaring nagagawa mong magsakatuparan ng mga pagsasaayos ng gawain mula sa Itaas, o maaaring nagagawa mong pumunta saanmang dako ka pinapupunta, subali’t ang mga ito ay maliliit na pagbabago lamang ng gawi, at hindi sapat upang ibilang na pagbabago ng iyong disposisyon. Maaaring nakakaya mong tumahak sa maraming landasin, magdusa ng maraming mga kahirapan at magtiis ng matinding kahihiyan; maaaring nadarama mo na napakalapit mo sa Diyos, at ang Banal na Espiritu ay maaaring gumagawa sa iyo nang kaunti. Gayunpaman, kapag hinihingi ng Diyos sa iyo na gumawa ng isang bagay na hindi kaayon sa iyong mga kuru-kuro, maaaring hindi ka pa rin nagpapasakop; sa halip, maaring naghahanap ka ng mga dahilan, naghihimagsik at lumalaban sa Diyos, kahit hanggang sa puntong pinupuna mo na Siya at nagproprotesta laban sa Kanya. Ito ay magiging isang malalang suliranin! Makikita rito na mayroon ka pa ring kalikasan na lumalaban sa Diyos, at na hindi ka napasailalim sa anumang pagbabago kahit na kaunti.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

518. Ang pagkakamit ng pagbabagong-anyo sa disposisyon ng isang tao ay hindi isang simpleng bagay; hindi ito nangangahulugan ng pagkakaroon lamang ng ilang mga pagbabago sa pag-uugali, pagkakamit ng ilang kaalaman sa katotohanan, kakayahang makapagsabi ng kaunting kaalaman ukol sa karanasan sa bawat aspekto ng katotohanan, o magbago nang kaunti o bahagyang maging masunurin pagkaraang madisiplina. Ang mga bagay na ito ay hindi bumubuo ng pagbabagong-anyo ng disposisyon sa buhay ng isang tao. Bakit Ko sinasabi ito? Bagama’t maaaring medyo nagbago ka na, hindi mo pa rin totoong isinasagawa ang katotohanan. Marahil dahil nasa isang angkop ka na kapaligiran pansamantala, at kanais-nais na kalagayan, o napilit ka ng mga kasalukuyang pangyayari, umaasal ka sa ganitong paraan. Dagdag pa rito, kapag matatag ang katayuan ng iyong isip at gumagawa ang Banal na Espiritu, nakapagsasagawa ka. Kung sumasailalim ka sa mga pagsubok, at nagdurusa sa mga ito tulad ng ginawa ni Job, o tulad ni Pedro na hiniling ng Diyos na mamatay, magagawa mo bang sabihin na “Kahit na mamatay ako matapos Kang makilala, ito ay magiging maayos”? Hindi nagaganap nang magdamag ang pagbabagong-anyo sa disposisyon, at kapag naunawaan mo na ang katotohanan ay hindi nangangahulugang makakaya mong isagawa ito sa bawat kapaligiran. Nasasangkot dito ang kalikasan ng tao. Minsan, mukhang isinasagawa mo ang katotohanan, ngunit ang totoo, ang ikinikilos mo ay hindi nagpapakita na isinasagawa mo ang katotohanan. Maraming tao na may ilang pag-uugaling ipinapakita, tulad ng pagsasantabi sa pamilya at trabaho at pagganap ng kanilang mga tungkulin, na dahil dito naniniwala silang isinasagawa nila ang katotohanan. Gayunpaman, hindi kinikilala ng Diyos na sila ay nagsasagawa ng katotohanan. Kapag ang mga ginagawa mo ay may personal na motibo at hindi puro, hindi mo isinasagawa ang katotohanan; nagpapakita ka lamang nang mababaw na pag-uugali. Ang totoo, malamang na isumpa ng Diyos ang ganitong klaseng pag-uugali; hindi Niya ito pupurihin o maaalala. Kung mas susuriin pa ito, gumagawa ka ng masama at ang pag-uugali mo ay laban sa Diyos. Kung titingnan mula sa labas, hindi ka nakagagambala sa anumang bagay at hindi ka nakagawa ng totoong pinsala o nakalabag ng anumang katotohanan. Mukhang makatwiran at makatarungan iyon, subalit ang diwa ng iyong mga kilos ay patungkol sa paggawa ng kasamaan at paglaban sa Diyos. Samakatuwid ay dapat kang magpasiya kung mayroon nang pagbabago sa iyong disposisyon at kung isinasagawa mo ang katotohanan sa pagtingin sa mga motibo sa likod ng iyong mga kilos ayon sa mga salita ng Diyos. Hindi iyon nakasalalay sa pananaw ng tao kung ang mga kilos mo ba ay base sa imahinasyon at intensyon ng tao, o kung ito ba ay angkop sa iyong panlasa; ang mga bagay na ito ay hindi mahalaga. Bagkus, nakadepende iyon sa pagsasabi ng Diyos kung sumusunod ka o hindi sa Kanyang kalooban, kung ang iyong mga kilos ay mayroong katotohanang realidad o wala, at kung tumutugon ang mga ito o hindi sa Kanyang mga hinihiling at pamantayan. Ang pagsukat lamang ng iyong sarili ayon sa mga hinihiling ng Diyos ang tama. Ang pagbabago sa disposisyon at pagsasagawa ng katotohanan ay hindi kasingpayak at kasindali ng inaakala ng tao. Nauunawaan mo na ba ito ngayon? May karanasan ka ba rito? Pagdating sa diwa ng isang suliranin, maaaring hindi ninyo ito maunawaan; labis na mababaw ang inyong pagpasok. Paroo’t parito kayo sa maghapon, mula bukang-liwayway hanggang takipsilim, bumabangon nang maaga at natutulog nang gabing-gabi na, subalit hindi pa ninyo nakakamit ang pagbabago sa inyong disposisyon sa buhay, at hindi ninyo maintindihan kung ano ang kailangan sa gayong pagbabago. Ibig sabihin ay napakababaw ng inyong pagpasok, hindi ba? Gaano katagal man kayo naniniwala sa Diyos, maaaring hindi ninyo madama ang diwa at malalalim na bagay na gagawin sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon. Masasabi bang nagbago na ang iyong disposisyon?

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao

519. Maaaring magpakabait ang mga tao, nguni’t hindi ito nangangahulugan na taglay nila ang katotohanan. Ang pagkakaroon ng sigasig ay magagawa lamang na sumunod sila sa doktrina at sundin ang patakaran; ang mga tao na walang katotohanan ay walang pag-asa sa paglutas ng mga makabuluhang suliranin, at hindi mapapalitan ng doktrina ang katotohanan. Ang mga taong nakaranas ng pagbabago sa kanilang disposisyon ay naiiba; naunawaan na nila ang katotohanan, naiintindihan nila ang lahat ng usapin, alam nila kung paano kumilos alinsunod sa kalooban ng Diyos, kung paano kumilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo, at kung paano kumilos upang mapalugod ang Diyos, at nauunawaan nila ang kalikasan ng katiwalian na kanilang ipinapakita. Kapag ang kanilang sariling mga ideya at mga kuru-kuro ay naibubunyag, nagagawa nilang makakilala at tinatalikuran ang laman. Ganito ipinahahayag ang isang pagbabago sa disposisyon. Ang pangunahing bagay tungkol sa mga taong dumaraan sa pagbabago ng disposisyon ay nagagawa nilang maunawaan nang malinaw ang katotohanan, at kapag ipinatutupad ang mga bagay, isinasagawa nila ang katotohanan nang may kaugnay na kawastuhan at hindi sila nagbubunyag ng katiwalian nang madalas. Karaniwan, ang mga nagbago na ang disposisyon ay nagiging makatwiran at maunawain, at dahil sa kanilang pagkaunawa sa katotohanan, hindi sila gaanong nagpapakita ng pagmamataas o kayabangan. Nauunawaan at nahihiwatigan nila ang marami sa katiwaliang naibunyag sa kanila, kaya hindi sila nagyayabang. Nagagawa nilang magkaroon ng isang nasusukat na pagkaunawa sa kung ano ang kalagayan ng tao, kung paano gumawi nang may katwiran, kung paano maging masunurin, kung ano ang sasabihin at kung ano ang hindi sasabihin, at kung ano ang sasabihin at kung ano ang gagawin sa alin mang mga tao. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi na ang mga taong gaya nito ay medyo makatwiran. Ang mga tao na dumaraan sa pagbabago ng disposisyon ay tunay na namumuhay na kawangis ng tao, at taglay nila ang katotohanan. Lagi nilang nasasabi at nakikita ang mga bagay alinsunod sa katotohanan, at may prinsipyo sila sa lahat ng ginagawa nila; hindi sila sumasailalim sa impluwensiya ng sinumang tao o bagay, at lahat sila ay may sariling pananaw at kaya nilang panatilihin ang mga katotohanang prinsipyo. Ang kanilang disposisyon ay medyo matatag, hindi sila sala sa init at sala sa lamig, at anuman ang kanilang sitwasyon, nauunawaan nila kung paano isagawa nang wasto ang kanilang tungkulin at kung paano umasal na ikalulugod ng Diyos. Yaong nagbago ang mga disposisyon ay hindi nagtutuon ng pansin sa kung ano ang gagawin upang mapaganda ang kanilang mga sarili sa mababaw na antas—natamo nila ang panloob na kaliwanagan sa kung ano ang gagawin upang mapalugod ang Diyos. Kung gayon, sa panlabas maaaring tila hindi sila ganoon kasigasig o parang hindi sila nakagawa ng anumang totoong dakila, ngunit ang lahat ng kanilang ginagawa ay makahulugan, mahalaga, at nagbubunga ng praktikal na mga resulta. Yaong nagbago ang mga disposisyon ay nakatitiyak na magtataglay ng napakaraming katotohanan,at ito ay mapapatunayan sa pamamagitan ng kanilang mga pananaw sa mga bagay at sa kanilang mga maprinsipyong pagkilos. Yaong mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay tiyak na hindi pa nagtamo ng anumang pagbabago sa disposisyon. Ang isang pagbabago ng disposisyon ay hindi nangangahulugan ng pagkakaroon nang husto at napapanahong pagkatao; pangunahin itong tumutukoy sa lahat ng mga pagkakataon kung kailan ang ilan sa napakasasamang lason ni Satanas sa loob ng kalikasan ng tao ay nagbabago bunga ng pagtatamo ng kaalaman tungkol sa Diyos at pag-unawa sa katotohanan. Ibig sabihin, ang napakasasamang lason ni Satanas na iyon ay nalinis na, at ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ay nag-uugat sa kalooban ng gayong mga tao, nagiging buhay nila, at nagiging pundasyon ng kanilang pamumuhay. Saka lamang sila nagiging bagong tao, at dahil doon, nakararanas ng pagbabago ng kanilang disposisyon. Ang isang pagbabago sa disposisyon ay hindi nangangahulugan na ang panlabas na mga disposisyon ng mga tao ay mas mapagpakumbaba kaysa rati, na dati silang mayabang ngunit ngayo’y makatwiran nang magsalita, o na dati ay wala silang pinakikinggan ngunit ngayo’y kaya na nilang makinig sa iba; hindi masasabi na ang nakikitang mga pagbabagong ito ay mga pagbabago sa disposisyon. Mangyari pa, ang mga pagbabago sa disposisyon ay kinabibilangan ng mga estado at pagpapahayag na ito ngunit ang pinakamahalagang bagay ay na nagbago na ang kanilang kalooban. Ang katotohanang ipinahayag ng Diyos ang nagiging buhay nila mismo, ang napakasasamang lason sa kalooban ay naalis na, at ang kanilang mga pananaw ay ganap nang nagbago—at wala sa kanila ang nakaayon sa mga pananaw ng mundo. Nakikita ng mga taong ito nang malinaw ang mga pakana at lason ng malaking pulang dragon sa kung ano ang mga ito; naunawaan na nila ang tunay na esensya ng buhay. Kaya nagbago na ang kanilang mga pagpapahalaga sa buhay—ito ang pinakapangunahing pagbabago, pati na ang esensya ng isang pagbabago ng disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

520. Kung nais mong madalisay ang katiwalian mo at dumanas ng pagbabago sa disposisyon mo sa buhay, kailangan mong magkaroon ng pagmamahal sa katotohanan at kakayahang tanggapin ang katotohanan. Ano ang ibig sabihin ng tanggapin ang katotohanan? Ipinahihiwatig ng tanggapin ang katotohanan na anumang klase ang iyong tiwaling disposisyon o alinman sa mga lason ng malaking pulang dragon ang nasa iyong kalikasan, kinikilala mo ito kapag ibinubunyag ito ng mga salita ng Diyos, at nagpapasakop ka sa mga salitang ito; tinatanggap mo ang mga ito nang walang kundisyon, nang hindi nagdadahilan o sinusubukang mamili, at nakikilala mo ang iyong sarili ayon sa sinasabi Niya. Ito ang ibig sabihin ng tanggapin ang mga salita ng Diyos. Anuman ang sinasabi Niya, gaano man maaaring tumagos sa puso mo ang mga pagbigkas Niya, at anumang mga salita ang ginagamit Niya, matatanggap mo ang mga ito basta’t katotohanan ang sinasabi Niya, at kaya mong kilalanin ang mga ito basta’t umaayon ang mga ito sa realidad. Kaya mong magpasakop sa mga salita ng Diyos gaano kalalim mo man nauunawaan ang mga ito, at tinatanggap mo at nagpapasakop ka sa liwanag na ibinubunyag ng Banal na Espiritu at ibinabahagi ng iyong mga kapatid. Kapag umabot na sa isang punto ang pagtataguyod sa katotohanan ng gayong tao, maaari niyang matamo ang katotohanan at makamtan ang pagbabago ng kanyang disposisyon. Kahit na ’yung mga hindi nagmamahal sa katotohanan ay maaaring magkaroon ng disenteng pagkatao, pagdating sa katotohanan, sila’y magulo mag-isip at hindi ito siniseryoso. Bagama’t makagagawa sila ng ilang mabuting gawain, at makakayang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at makakayanan ang pagtatakwil, hindi nila makakamit ang pagbabago ng disposisyon.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

521. Ang susi sa pagkakamit ng pagbabago sa disposisyon ay ang malaman ng isang tao ang kanyang sariling kalikasan, at kailangang mangyari ito alinsunod sa mga pagbubunyag mula sa Diyos. Sa salita lamang ng Diyos malalaman ng isang tao ang sarili niyang kasuklam-suklam na kalikasan, makikilala sa sarili niyang kalikasan ang iba’t ibang lason ni Satanas, matatanto na siya ay hangal at mangmang, at matutukoy ang mahihina at mga negatibong elemento sa kanyang kalikasan. Pagkatapos malaman nang lubusan ang mga ito, at talagang nagagawa mong kamuhian ang sarili mo at talikdan ang laman, palaging isagawa ang salita ng Diyos, at maging handa na lubusang magpasakop sa Banal na Espiritu at sa salita ng Diyos, nasimulan mo nang tumahak sa landas ni Pedro. Kung wala ang biyaya ng Diyos, kung wala ang kaliwanagan at patnubay mula sa Banal na Espiritu, magiging mahirap tahakin ang landas na ito, dahil hindi taglay ng mga tao ang katotohanan at hindi nila magawang pagtaksilan ang kanilang sarili. Ang pagtahak sa landas ng pagiging perpekto ni Pedro ay nakasalalay una sa lahat sa matibay na pagpapasiya, pagkakaroon ng pananampalataya, at pagtitiwala sa Diyos. Bukod dito, kailangang magpasakop ang tao sa gawain ng Banal na Espiritu; sa lahat ng bagay, hindi makakaraos ang tao nang wala ang mga salita ng Diyos. Ito ang mga pangunahing aspeto, at wala ni isa rito ang maaaring labagin. Napakahirap kilalanin ang sarili mula sa karanasan; kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, napakahirap iyong pasukin. Para matahak ang landas ni Pedro, kailangang magtuon ang tao sa pagkilala sa kanyang sarili at sa pagbabago ng kanyang disposisyon. Ang landas ni Pablo ay hindi paghahangad sa buhay o pagtutuon sa pagkilala sa sarili; nakatuon siya lalo na sa paggawa ng gawain at sa impluwensya at bilis ng pagsulong nito. Ang kanyang motibasyon ay magtamo ng mga pagpapala kapalit ng kanyang gawain at paghihirap, at makatanggap ng mga gantimpala mula sa Diyos. Ang motibasyong ito ay mali. Hindi nagtuon si Pablo sa buhay, ni hindi niya pinahalagahan ang pagkakamit ng pagbabago ng disposisyon; nagtuon lamang siya sa mga gantimpala. Dahil mali ang kanyang mga layunin, ang landas na kanyang tinahak, mangyari pa, ay mali rin. Dahil ito sa kanyang likas na kayabangan at kahambugan. Malinaw, walang taglay na katotohanan si Pablo, ni wala siyang konsiyensya o katwiran. Sa pagliligtas at pagbabago sa tao, binabago ng Diyos una sa lahat ang kanilang disposisyon. Ang layunin ng Kanyang mga salita ay upang makamtan sa mga tao ang resulta ng pagtataglay ng nagbagong mga disposisyon at ng kakayahang makilala ang Diyos, magpasakop sa Kanya, at sambahin Siya sa normal na paraan. Ito ang layunin ng mga salita ng Diyos at ng Kanyang gawain. Ang paraan ni Pablo sa paghahanap ay direktang lumalabag, at salungat, sa kalooban ng Diyos; lubos itong sumalungat dito. Gayunman, ang paraan ng paghahanap ni Pedro ay ganap na naaayon sa kalooban ng Diyos, na mismong resultang hinahangad ng Diyos na makamtan sa mga tao. Ang landas ni Pedro kung gayon ay pinagpala at pinupuri ng Diyos. Dahil ang landas ni Pablo ay labag sa kalooban ng Diyos, kinamumuhian at isinusumpa ito ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

522. Kung napakababaw ng kaalaman ng mga tao tungkol sa kanilang sarili, makikita nila na imposibleng lutasin ang mga problema, at talagang hindi magbabago ang kanilang disposisyon sa buhay. Kailangang makilala nang malalim ng isang tao ang kanyang sarili, na ibig sabihi’y malaman ng isang tao ang kanyang sariling likas na pagkatao: anong mga elemento ang kasama sa pagkataong iyon, paano nagsimula ang mga bagay na ito, at saan nanggaling ang mga ito. Bukod pa riyan, talaga bang nagagawa mong kamuhian ang mga bagay na ito? Nakita mo na ba ang sarili mong pangit na kaluluwa at likas na kasamaan? Kung talagang nagagawa mong makita ang katotohanan tungkol sa iyong sarili, magsisimula kang kasuklaman ang iyong sarili. Kapag kinasuklaman mo ang iyong sarili at pagkatapos ay isinagawa mo ang salita ng Diyos, magagawa mong talikuran ang laman at magkakaroon ka ng lakas na isagawa ang katotohanan nang walang hirap. Bakit maraming taong sumusunod sa kagustuhan ng kanilang laman? Dahil itinuturing nila ang kanilang sarili na mahusay, na nadarama na tama at makatwiran ang kanilang ikinikilos, na wala silang kamalian, at na talaga ngang tama sila, samakatuwid ay maaari silang kumilos na ipinapalagay na nasa panig nila ang katarungan. Kapag kinikilala ng isa kung ano ang tunay niyang kalikasan—gaano kapangit, gaano kasuklam-suklam, at gaano kaawa-awa—hindi na niya ipinagmamalaki nang labis ang kaniyang sarili, hindi na masyadong mapagmataas, at hindi na gaanong nasisiyahan sa kaniyang sarili tulad ng dati. Nararamdaman ng gayong tao, “Kailangan kong maging masigasig at makatotohanan, at isagawa ang ilan sa mga salita ng Diyos. Kung hindi, ako ay hindi aabot sa pamantayan ng pagiging tao, at mahihiyang mamuhay sa harapan ng Diyos.” Nakikita niyang tunay ang sarili bilang napakahamak, bilang totoong walang halaga. Sa pagkakataong ito ay nagiging madali para sa isa na isakatuparan ang katotohanan, at ang isa ay mas magmumukhang katulad ng kung ano dapat ang isang tao. Kapag tunay na kinasuklaman ng mga tao ang kanilang sarili, saka lang nila nagagawang talikuran ang laman. Kung hindi nila kinasusuklaman ang kanilang sarili, hindi nila magagawang talikuran ang laman. Ang tunay na pagkamuhi sa sarili ay binubuo ng ilang bagay: Una, pagkaalam sa sariling likas na pagkatao; at pangalawa, pagkakita sa sarili na nangangailangan at kaawa-awa, pagkakita sa sarili na napakahamak at walang kabuluhan, at pagkakita sa sariling kaawa-awa at maruming kaluluwa. Kapag lubos na nakikita ng isang tao kung ano siya talaga, at ito ang kinahinatnan, talagang nagtatamo siya ng kaalaman tungkol sa sarili, at masasabi na lubos na niyang nakilala ang kanyang sarili. Saka lamang niya talaga maaaring kamuhian ang kanyang sarili, hanggang sa isumpa niya ang kanyang sarili, at talagang madama niya na labis siyang nagawang tiwali ni Satanas kaya ni hindi siya mukhang tao. Sa gayon, balang araw, kapag lumitaw ang panganib ng kamatayan, iisipin ng taong iyon, “Ito ang matuwid na parusa ng Diyos. Tunay ngang matuwid ang Diyos; dapat talaga akong mamatay!” Sa puntong ito, hindi siya magrereklamo, lalo nang hindi niya sisisihin ang Diyos, nadarama lamang na siya ay talagang nangangailangan at kaawa-awa, napakarumi at napakatiwali kaya dapat siyang puksain ng Diyos, at ang isang kaluluwang katulad ng sa kanya ay hindi nababagay na mabuhay sa lupa. Sa puntong ito, hindi lalabanan ng taong ito ang Diyos, lalo nang hindi siya magtataksil sa Diyos. Kung hindi nakikilala ng isang tao ang kanyang sarili, at itinuturing pa rin ang sarili niya na mahusay, iisipin ng taong ito kapag malapit na siyang mamatay, “Napakabuti ng nagawa ko sa aking pananampalataya. Talagang nagsumikap ako sa paghahanap! Napakarami kong naibigay, nagdusa ako nang todo, subalit sa huli, hinihingi sa akin ngayon ng Diyos na mamatay ako. Hindi ko alam kung nasaan ang katuwiran ng Diyos. Bakit Niya hinihingi sa aking mamatay ako? Kung kailangang mamatay pati ang isang taong katulad ko, sino na lang ang maliligtas? Hindi ba magwawakas ang lahi ng tao?” Una sa lahat, ang taong ito ay may mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Pangalawa, ang taong ito ay nagrereklamo, at hindi nagpapakita ng anumang pagpapasakop. Katulad lang siya ni Pablo: Noong malapit na siyang mamatay, hindi niya kilala ang kanyang sarili, at noong malapit na ang parusa ng Diyos, huli na para magsisi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

523. Kapag nagsimulang tumahak ang mga tao sa landas ng pagkaperpekto, ang dati nilang mga disposisyon ay may kakayahang magbago. Bukod dito, patuloy na lumalago ang kanilang buhay, at unti-unti silang pumapasok nang mas malalim sa katotohanan. Nagagawa nilang kamuhian ang mundo at lahat ng hindi nagsisikap na matamo ang katotohanan. Kinamumuhian nila lalo na ang kanilang sarili, ngunit higit pa riyan, malinaw nilang kilala ang kanilang sarili. Handa silang mamuhay ayon sa katotohanan at ginagawa nilang kanilang layunin na sikaping matamo ang katotohanan. Ayaw nilang mamuhay ayon sa mga kaisipang nabuo sa sarili nilang utak, at nakararamdam sila ng pagkamuhi sa pagmamagaling, kahambugan, at kapalaluan ng tao. Nagsasalita sila nang may matinding pagpapahalaga sa kagandahang-asal, nangangasiwa sa mga bagay-bagay nang may paghiwatig at karunungan, at matapat at masunurin sa Diyos. Kung nakararanas sila ng isang pagkakataon ng pagkastigo at paghatol, hindi lamang sila hindi nagiging walang kibo o mahina, kundi nagpapasalamat pa sila para sa pagkastigo at paghatol na ito ng Diyos. Naniniwala sila na hindi maaaring wala silang pagkastigo at paghatol ng Diyos, na pinoprotektahan sila nito. Hindi sila nagsisikap na maghangad ng pananampalatayang magkaroon ng kapayapaan at kagalakan at maghanap ng tinapay upang mapawi ang gutom. Ni hindi rin sila naghahangad ng panandaliang kaaliwan ng laman. Ito ang nangyayari sa mga naperpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Katotohanang Nakapaloob sa Gawain ng Paglupig 4

524. Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang tinutupad ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at kayang pumasok sa katotohanang realidad ng lahat ng aspeto ng katotohanan, siya ay isang taong gagawing perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na naging mabisa para sa gayong mga tao, na ang mga salita ng Diyos ay naging mga buhay nila, na nakamit na nila ang katotohanan, at na nagagawa nilang mabuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanilang laman—iyon ay, ang pinakasaligan ng kanilang orihinal na pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, magiging mga bagong tao sila. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging buhay nila, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga kinakailangan mula sa sangkatauhan, ang Kanyang mga pahayag sa tao, at ang mga pamantayan para sa isang tunay na buhay na hinihingi ng Diyos na magawa nila ay maging buhay nila, kung nabubuhay sila alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinisilang ang gayong mga tao, at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Ito ang landas kung paano naghabol si Pedro sa katotohanan; ito ay ang landas ng pagiging ginagawang perpekto, ginagawang perpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at nagkakamit ng buhay mula sa mga salita ng Diyos. Ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos ay naging kanyang buhay, at sa gayon lamang siya naging isang tao na nakamit ang katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Tahakin Ang Landas ni Pedro

525. Kung may tunay na pagkaunawa ang mga tao sa disposisyon ng Diyos, at nakapagbibigay ng taos-pusong papuri sa Kanyang kabanalan at katuwiran, nangangahulugan ito na tunay nga silang kumikilala sa Kanya at nagtataglay ng katotohanan; saka lamang sila mabubuhay sa liwanag. Kapag nagbago na ang pananaw ng isang tao sa mundo at sa buhay, saka lamang siya magkakaroon ng malaking pagbabago. Kapag ang isang tao ay may layunin sa buhay at kumikilos ayon sa katotohanan, kapag ganap siyang nagpapasakop sa Diyos at nabubuhay ayon sa Kanyang mga salita, kapag panatag siya at natatanglawan hanggang sa kaibuturan ng kanyang kaluluwa, kapag walang kadiliman sa kanyang puso, at kapag siya ay nakapamumuhay nang lubos na malaya at hindi napipigilan sa presensya ng Diyos, saka lamang siya makapamumuhay ng isang tunay na buhay ng tao, at saka lamang siya magiging isang taong nagtataglay ng katotohanan. Bukod pa rito, ang lahat ng katotohanang taglay mo ay mula sa mga salita ng Diyos at mula sa Diyos Mismo. Ang Naghahari sa buong sansinukob at sa lahat ng bagay—ang Kataas-taasang Diyos—ay sinasang-ayunan ka bilang isang tunay na taong namumuhay ng tunay na buhay ng tao. May mas makabuluhan pa ba kaysa sa pagsang-ayon ng Diyos? Ito ang ibig sabihin ng pagtataglay ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao

526. Kung, sa paniniwala ng tao sa Diyos, siya ay hindi taimtim tungkol sa mga bagay-bagay ng buhay, hindi hinahabol ang pagpasok sa katotohanan, hindi naghahabol ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at lalong hindi naghahabol ng isang kaalaman sa gawain ng Diyos, kung gayon hindi siya magagawang perpekto. Kung gusto mo na magawang perpekto, kung gayon ay dapat mong maunawaan ang gawain ng Diyos. Sa partikular, dapat mong maunawaan ang kahalagahan ng Kanyang pagkastigo at paghatol, at bakit ang gawaing ito ay isinasagawa sa tao. Kaya mo bang tanggapin? Sa panahon ng ganitong uri ng pagkastigo, kaya mo bang makamit ang mga karanasan at kaalaman na kapareho ng kay Pedro? Kung ikaw ay naghahangad ng kaalaman sa Diyos at ng gawain ng Banal na Espiritu, at kung nagsisikap kang magkaroon ng mga pagbabago sa iyong disposisyon, kung gayon mayroon kang pagkakataon na magawang perpekto.

Para sa mga yaong gagawing perpekto, ang hakbang na ito ng gawain ng pagiging nalupig ay hindi maaaring hindi isasagawa, sa sandaling nalupig ang isang tao ay saka pa lamang siya makararanas ng gawain ng pagiging ginagawang perpekto. Walang malaking kahalagahan sa pagganap lamang ng papel ng pagiging nalupig, hindi ito magtutulot sa iyo na maging akmang gamitin ng Diyos. Hindi ka magkakaroon ng daan na gampanan ang iyong bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo, sapagkat hindi mo hinahabol ang buhay, at hindi mo pinagsisikapan ang mga pagbabago at pagpapanibago ng iyong sarili, kung kaya wala kang tunay na karanasan sa buhay. Sa panahon ng gawaing ito nang paisa-isang hakbang, gumanap ka nang minsan bilang taga-serbisyo, at isang hambingan, ngunit kung sa kasukdulan ay hindi mo pinagsikapang maging Pedro, at ang iyong pagsisikap ay hindi kaayon sa landas kung saan si Pedro ay ginawang perpekto, kung gayon, natural, hindi ka makararanas ng mga pagbabago sa iyong disposisyon. Kung ikaw ay isang taong naghahangad na magawang perpekto, kung gayon magpapatotoo ka, at sasabihin mo: “Sa hakbang-hakbang na gawaing ito ng Diyos, natanggap ko ang pagkastigo at paghatol ng Diyos, at bagaman nakapagtiis ako ng matinding pagdurusa, nalaman ko kung paano ginagawang perpekto ng Diyos ang tao, nakamit ko ang gawaing ginagawa ng Diyos, nagkaroon ako ng kaalaman sa pagkamatuwid ng Diyos, at ang Kanyang pagkastigo ay nagligtas sa akin. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay dumating sa akin, at nagdala sa akin ng mga pagpapala at biyaya; ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang nag-ingat at dumalisay sa akin. Kung hindi ako nakastigo at nahatulan ng Diyos, at kung ang Kanyang masasakit na salita ay hindi dumating sa akin, hindi ko sana makikilala ang Diyos, at ni hindi ako maliligtas. Nakikita ko ngayon: Bilang isang nilalang, hindi lamang tinatamasa ng isang tao ang lahat ng bagay na nilikha ng Lumikha, ngunit, mas mahalaga, na lahat ng nilalang ay dapat magtamasa ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang matuwid na paghatol, sapagkat ang disposisyon ng Diyos ay karapat-dapat sa pagtatamasa ng tao. Bilang isang nilalang na nagawang tiwali ni Satanas, dapat na tamasahin ng isa ang matuwid na disposisyon ng Diyos. Sa Kanyang matuwid na disposisyon ay mayroong pagkastigo at paghatol, at, higit pa rito, mayroong dakilang pag-ibig. Bagaman hindi ko kayang lubos na matamo ang pag-ibig ng Diyos sa ngayon, nagkaroon naman ako ng mabuting kapalaran na makita ito, at dahil dito ako ay pinagpala.” Ito ang landas na nilakaran niyaong mga nakakaranas na magawang perpekto at ito ang kaalaman na sinasabi nila. Ang gayong mga tao ay pareho ni Pedro; mayroon silang parehong mga karanasan ni Pedro. Ang gayong mga tao ay yaon ding nakatamo ng buhay, at nagtataglay ng katotohanan. Kapag nararanasan nila hanggang sa katapus-tapusan, sa panahon ng paghatol ng Diyos tiyak na ganap nilang iwawaksi sa kanilang sarili ang impluwensya ni Satanas, at matatamo ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

527. Ang nais Ko ay mga taong tulad ni Pedro, mga taong nagsisikap na magawang perpekto. Ang katotohanan sa ngayon ay ipinagkakaloob sa mga nananabik at naghahanap dito. Ang pagliligtas na ito ay iginagawad sa mga yaong mahigpit na nagnanais na mailigtas ng Diyos, at hindi lamang ito itinakda upang makamit ninyo. Ang layunin nito ay upang maaaring makamit din kayo ng Diyos; nakakamit ninyo ang Diyos upang maaari kayong makamit ng Diyos. Ngayon ay winika Ko ang mga salitang ito sa inyo, at narinig ninyo ang mga yaon, at dapat kayong magsagawa ayon sa mga salitang ito. Sa huli, ang oras na isinagawa ninyo ang mga salitang ito ay magiging sandali kung kailan ay nakamit Ko kayo sa pamamagitan ng mga salitang ito; kasabay nito, ay inyo ring makakamit ang mga salitang ito, na ibig sabihin, ay makakamit ninyo ang pinakamataas na kaligtasang ito. Kapag kayo ay nalinis, kayo ay magiging isang tunay na tao na. Kung hindi mo kayang isabuhay ang katotohanan, o isabuhay ang wangis ng isa na nagawa nang perpekto, kung gayon ay masasabing ikaw ay hindi isang tao, kundi isang naglalakad na bangkay, isang hayop, dahil wala sa iyo ang katotohanan, na ibig sabihin ay wala sa iyo ang hininga ni Jehova, sa gayon ikaw ay isang patay na tao na walang espiritu! Bagaman posible na magpatotoo pagkatapos mong malupig, ang natamo mo lamang ay kaunting kaligtasan, at hindi ka pa naging isang buhay na taong nilalang na may taglay na espiritu. Bagaman nakaranas ka ng pagkastigo at paghatol, ang iyong disposisyon ay hindi napanibago o nabago bilang resulta; ikaw ay ang dati mo pa ring sarili, kabilang ka pa rin kay Satanas, at ikaw ay hindi isang tao na nalinis. Tanging yaong mga nagawang perpekto ang may halaga, at ang mga ganitong tao lamang ang nakatamo ng isang tunay na buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol

528. Sa landas ng iyong paglilingkod sa hinaharap, paano mo matutupad ang kalooban ng Diyos? Ang isang mahalagang punto ay ang patuloy na sikaping makapasok sa buhay, patuloy na sikaping magkaroon ng pagbabago sa disposisyon, at patuloy na sikaping mas lalong makapasok sa katotohanan—ito ang landas tungo sa pagtatamo ng pagpeperpekto at pagiging nakamit ng Diyos. Lahat kayo ay tumatanggap ng tagubilin ng Diyos, ngunit anong klaseng tagubilin? Nauugnay ito sa susunod na hakbang ng gawain; ang susunod na hakbang ng gawain ay magiging mas dakilang gawaing isinasagawa sa buong sansinukob, kaya ngayon, dapat ninyong patuloy na sikaping baguhin ang inyong disposisyon sa buhay, upang sa hinaharap ay talagang maging patunay kayo ng pagtatamo ng Diyos ng kaluwalhatian sa pamamagitan ng Kanyang gawain, na gagawin kayong mga uliran para sa Kanyang gawain sa hinaharap. Ang patuloy na pagsisikap ngayon ay lubos na para sa paglalatag ng pundasyon para sa gawain sa hinaharap, upang makasangkapan kayo ng Diyos at makapagpatotoo kayo sa Kanya. Kung gagawin mo itong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, makakamit mo ang presensya ng Banal na Espiritu. Kapag mas mataas ang itinatakda mong mithiin ng iyong patuloy na pagsisikap, mas magagawa kang perpekto. Kapag mas patuloy mong pinagsisikapang matamo ang katotohanan, mas gumagawa ang Banal na Espiritu. Kapag mas masigla ka sa iyong patuloy na pagsisikap, mas marami kang mapapala. Pineperpekto ng Banal na Espiritu ang mga tao ayon sa panloob nilang kalagayan. Sinasabi ng ilang tao na hindi sila handang kasangkapanin ng Diyos o gawin Niyang perpekto, na nais lamang nilang manatiling ligtas ang kanilang laman at hindi dumanas ng anumang kamalasan. Ang ilang tao ay ayaw pumasok sa kaharian subalit handang bumaba sa walang hanggang kalaliman. Kung gayon, ipagkakaloob din ng Diyos ang iyong nais. Anuman ang patuloy mong pagsikapan, papangyarihin iyon ng Diyos. Kaya ano ang patuloy mong pinagsisikapan sa ngayon? Iyon ba ay ang magawang perpekto? Ang kasalukuyan mo bang mga kilos at pag-uugali ay para magawang perpekto ng Diyos at makamit Niya? Kailangan mong palagiang sukatin ang iyong sarili sa ganitong paraan sa iyong pang-araw-araw na buhay. Kung buong puso mong patuloy na pinagsisikapang makamtan ang isang mithiin, tiyak na gagawin kang perpekto ng Diyos. Gayon ang landas ng Banal na Espiritu. Ang landas kung saan ginagabayan ng Banal na Espiritu ang mga tao ay nakakamit sa pamamagitan ng kanilang patuloy na pagsisikap. Kapag mas nauuhaw kang magawang perpekto at makamit ng Diyos, mas gagawa ang Banal na Espiritu sa iyong kalooban. Kapag mas bigo kang magsikap, at mas negatibo ka at bumabalik sa dati, mas pinagkakaitan mo ang Banal na Espiritu ng mga pagkakataong gumawa; habang lumalaon, pababayaan ka ng Banal na Espiritu. Nais mo bang magawang perpekto ng Diyos? Nais mo bang makamit ng Diyos? Nais mo bang kasangkapanin ka ng Diyos? Dapat ninyong patuloy na sikaping gawin ang lahat para magawa kayong perpekto, makamit, at kasangkapanin ng Diyos, upang makita ng sansinukob at ng lahat ng bagay ang mga kilos ng Diyos na nakikita sa inyo. Kayo ang panginoon ng lahat ng bagay, at sa gitna ng lahat ng naroroon, hahayaan ninyong matamasa ng Diyos ang patotoo at kaluwalhatian sa pamamagitan ninyo—patunay ito na kayo ang pinakamapalad sa lahat ng henerasyon!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Taong Nagbago Na ang Disposisyon ay Yaong mga Nakapasok Na sa Realidad ng mga Salita ng Diyos

Sinundan: M. Tungkol sa Paano Maiwaksi ang Impluwensya ni Satanas at Makamit ang Kaligtasan

Sumunod: XI. Mga Salita tungkol sa Pagkilala sa Diyos

Ngayon nagsimula na ang malalaking sakuna. Paano natin masasalubong ang pagbabalik ng Panginoon at magkaroon ng pagkakataong matamo ang proteksyon ng Diyos? Makipag-ugnayan sa amin ngayon upang mahanap ang paraan.

Kaugnay na Nilalaman

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Kontakin Kami Gamit ang Messenger