Isa Ka bang Tunay na Mananampalataya sa Diyos?
Maaaring tinahak mo na ang landas ng pananampalataya sa Diyos nang higit sa isa o dalawang taon, at marahil nagtiis ka ng maraming paghihirap sa buhay mo sa mga taong ito; o marahil hindi ka nagtiis ng maraming paghihirap, at sa halip ay nakatanggap ng maraming biyaya. Maaari ring hindi ka nakaranas ni paghihirap o biyaya, ngunit namuhay nang medyo hindi kapansin-pansing buhay. Anupaman, tagasunod ka pa rin ng Diyos, kaya magbahaginan tayo sa paksa ng pagsunod sa Diyos. Gayunman, dapat Kong paalalahanan ang lahat ng bumabasa sa mga salitang ito na nakatuon ang salita ng Diyos sa mga kumikilala at sumusunod sa Kanya, hindi sa lahat ng mga tao, kinikilala man nila Siya o hindi. Kung naniniwala kang nakikipag-usap ang Diyos sa masa, sa lahat ng tao sa mundo, walang magiging bisa sa iyo ang salita ng Diyos. Kaya naman, dapat mong tandaan ang lahat ng salitang ito sa puso mo, at hindi palaging ibinubukod ang sarili mo sa mga ito. Gayunman, pag-usapan natin ang nangyayari sa sambahayan natin.
Dapat nauunawaan na ninyong lahat ngayon ang totoong kahulugan ng pananampalataya sa Diyos. Nauugnay sa positibong pagpasok ninyo ang kahulugan ng pananampalataya sa Diyos na dati Ko nang nabanggit. Iba ngayon: Ngayon, nais Kong suriin ang diwa ng pananampalataya ninyo sa Diyos. Siyempre, ginagabayan kayo nito mula sa isang negatibong aspeto; kung hindi Ko ito gagawin, hindi ninyo kailanman malalaman ang tunay ninyong mukha, at magpakailanmang ipagyayabang ang pagkamaka-Diyos at katapatan ninyo. Makatarungang sabihing kung hindi Ko inilantad ang kapangitan sa kaibuturan ng mga puso ninyo, maglalagay ng korona sa ulo ang bawat isa sa inyo at sasarilinin ang lahat ng kaluwalhatian. Ang mapagmataas at palalong mga kalikasan ninyo ang nagtutulak sa inyo na ipagkanulo ang sarili ninyong mga konsensya, na maghimagsik at lumaban kay Cristo, at upang ibunyag ang kapangitan ninyo, sa gayo’y inilalantad ang inyong mga balak, mga kuru-kuro, mga magagarbong pagnanais, at mga matang puno ng kasakiman. Gayunpaman ay patuloy kayong dumadaldal tungkol sa habambuhay ninyong silakbo ng damdamin para sa gawain ni Cristo, at inuulit-ulit ang mga katotohanang matagal nang sinabi ni Cristo. Ito ang “pananampalataya” ninyo—ang inyong “pananampalatayang walang karumihan.” Tinrato Ko ang tao sa mahigpit na pamantayan sa buong panahon. Kung may kaakibat na mga balak at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat nasusuklam Ako sa mga nanlilinlang sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga balak at nangingikil sa Akin sa pamamagitan ng mga kondisyon. Hiling Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay para sa kapakanan ng—at para patunayan ang—isang salita: pananampalataya. Kinamumuhian Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananampalataya. Pagdating sa pananampalataya, maaaring iniisip ng marami na sumusunod sila sa Diyos sapagkat may pananampalataya sila, kung hindi ay hindi sila magtitiis ng gayong pagdurusa. Kaya ito ang tanong Ko sa iyo: Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit hindi mo Siya kinatatakutan? Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit wala ka ni katiting na pangamba sa Kanya sa puso mo? Tinatanggap mong si Cristo ang pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit bakit hinahamak mo Siya? Bakit ka lapastangang umaasal sa Kanya? Bakit lantaran mo Siyang hinahatulan? Bakit palagi mong minamanmanan ang Kanyang mga pagkilos? Bakit hindi ka nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos? Bakit hindi ka kumikilos nang naaayon sa Kanyang salita? Bakit mo sinusubukang kikilan at pagnakawan Siya ng mga alay para sa Kanya? Bakit ka nagsasalita mula sa kinatatayuan ni Cristo? Bakit mo hinuhusgahan kung tama ba ang gawain at salita Niya? Bakit ka nangangahas na lapastanganin Siya sa Kanyang likuran? Ang mga ito ba at ang iba pa ang bumubuo sa pananampalataya ninyo?
Sa mga salita at pag-uugali ninyo ay nahahayag ang mga elemento ng kawalan ninyo ng paniniwala kay Cristo. Lumalaganap ang kawalan ng paniniwala sa mga motibo at mga layon ng lahat ng ginagawa ninyo. Maging ang pakiramdam ng titig ninyo ay naglalaman ng kawalan ng paniniwala kay Cristo. Maaaring sabihing sa bawat minuto, nagkikimkim ang bawat isa sa inyo ng mga elemento ng kawalan ng paniniwala. Ibig sabihin, sa bawat sandali, kayo ay nanganganib na ipagkanulo si Cristo, sapagkat ang dugong nananalaytay sa katawan ninyo ay nanunuot sa kawalan ng paniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Samakatuwid, sinasabi Kong hindi tunay ang mga yapak na iniiwan ninyo sa landas ng pananampalataya sa Diyos; habang tinatahak ninyo ang landas ng pananampalataya sa Diyos, hindi ninyo itinatayo nang matatag ang mga paa ninyo sa lupa—kayo ay wala sa loob na kumikilos lamang. Kailanman ay hindi ninyo lubos na pinaniwalaan ang salita ni Cristo at walang kakayahang isagawa ito kaagad. Ito ang dahilan kung bakit wala kayong pananampalataya kay Cristo. Ang palaging pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya ay isa pang dahilan kaya wala kayong pananampalataya sa Kanya. Magpakailanmang nagdududa tungkol sa gawain ni Cristo, hinahayaang nababalewala ang salita ni Cristo, pagkakaroon ng opinyon sa kung anumang gawain ang ginagawa ni Cristo at hindi maunawaan nang tama ang gawaing ito, nahihirapang isaisantabi ang mga kuru-kuro ninyo kahit ano pang paliwanag ang matanggap ninyo, at iba pa—ang lahat ng ito ang mga elemento ng kawalan ng paniniwalang nakahalo sa mga puso ninyo. Kahit na nasusundan ninyo ang gawain ni Cristo at hindi kailanman napag-iiwanan, masyadong maraming paghihimagsik ang nakahalo sa mga puso ninyo. Ang paghihimagsik na ito ay isang karumihan sa paniniwala ninyo sa Diyos. Marahil ay iniisip ninyong hindi kayo ganoon, ngunit kung hindi ninyo kayang mabatid ang mga balak ninyo mula rito, siguradong magiging isa kayo sa mga mapapahamak, sapagkat ginagawang perpekto lamang ng Diyos ang mga totoong naniniwala sa Kanya, hindi iyong mga nagdududa sa Kanya, at pinakalalong hindi iyong mga atubiling sumusunod sa Kanya sa kabila ng hindi paniniwala kailanman na Siya ang Diyos.
Hindi nagagalak sa katotohanan ang ilang tao, lalo na sa paghatol. Sa halip, nagagalak sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may impluwensya, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na naniniwala; wala silang kakayahang ibigay ang lahat ng puso at isip nila, ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng mga sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi nila binibigyan si Cristo ng karagdagang pansin. Nakatuon ang kanilang mga puso sa katanyagan, kayamanan, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoon kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang hindi kapansin-pansin ay mapeperpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na kasama ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay tatawa nang tatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga hamak upang perpektuhin, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng kawalan ng paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga hibang na hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, katanyagan, at kapangyarihan, at pinahahalagahan lamang nila ang malalaking grupo at denominasyon. Wala silang ni katiting na pagmamalasakit para sa mga inakay ni Cristo; sila ay mga taksil lamang na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi ang pagpapakumbaba ni Cristo ang hinahangaan mo, kundi ang mga huwad na pastol na may bantog na katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, kundi iyong mahahalay na nakalublob sa karumihan ng mundo. Tinatawanan mo ang pasakit ni Cristo na walang lugar na mapagpapahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na naghahanap ng mga alay at namumuhay sa kabuktutan. Hindi ka handang magdusa sa tabi ni Cristo, ngunit masayang inihahagis ang sarili sa mga bisig ng mga walang habas na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang impluwensya. Gayunpaman patuloy kang nagtataglay ng saloobin na nahihirapan kang paniwalaan ang gawain ni Cristo at mabigat sa kalooban mong tanggapin ito. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong kulang ka sa pananampalataya upang kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nangingibabaw sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at mga kamay. Sa mga puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Wala Siyang halaga sa puso mo magpakailanman, at hindi karapat-dapat sa katakutan magpakailanman. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensya, at malayo sa pagiging napakatayog.
Magkagayunman, sinasabi Kong ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga walang pananampalataya at mga taksil sa katotohanan. Ang mga ganoong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natukoy mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang kawalan ng paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano kalaki ang pagtataksil kay Cristo na mayroon ka? Ikaw ay Aking pinapayuhan nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag maging salawahan o mahina ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi nabibilang sa mundo o sa sinumang tao, kundi sa lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, sa lahat ng sumasamba sa Kanya, at sa lahat ng nagmamahal at tapat sa Kanya.
Ngayon, malaki pa rin ang nananatiling kawalan ng paniniwala sa inyo. Tingnang mabuti ang loob ng mga sarili ninyo, at tiyak na matatagpuan ninyo ang kasagutan ninyo. Kapag natagpuan mo ang tunay na kasagutan, aaminin mong hindi ka mananampalataya sa Diyos, sa halip ay isang nanlilinlang, lumalapastangan, at nagkakanulo sa Kanya, at isang taksil sa Kanya. Pagkatapos ay mapagtatanto mong si Cristo ay hindi tao, kundi Diyos. Kapag dumating ang araw na iyon, ikaw ay matatakot, mangangamba, at tunay na magmamahal kay Cristo. Sa kasalukuyan, ang pananampalataya ninyo ay tatlumpung porsyento lamang ng puso ninyo, habang ang pitumpung porsyento ay puno ng pagdududa. Lahat ng ginagawa at sinasabi ni Cristo ay malamang na magbibigay sa inyo ng mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa Kanya, mga kuru-kuro at pakiwaring nagmumula sa ganap ninyong kawalan ng paniniwala sa Kanya. Hinahangaan at pinangangambahan lamang ninyo ang di-nakikitang Diyos na nasa langit, at walang malasakit para sa buhay na Cristo na nasa lupa. Hindi ba ito rin ang kawalan ninyo ng paniniwala? Pinananabikan lamang ninyo ang Diyos na gumanap sa gawain sa nakaraan, ngunit hindi hinaharap ang Cristo ng kasalukuyan. Ang lahat ng ito ang “pananampalataya,” nakahalo sa mga puso ninyo magpakailanman, ang pananampalatayang hindi naniniwala sa Cristo ng kasalukuyan. Hindi sa minamaliit Ko kayo, sapagkat sobra ang kawalan ng paniniwala sa inyo, malaking bahagi ninyo ang hindi dalisay at dapat himayin. Ang mga karumihang ito ay tanda na wala kayong anumang pananampalataya; marka ang mga ito ng pagtalikod ninyo kay Cristo, at tinatatakan kayo ng mga ito bilang taksil kay Cristo. Ang mga ito ay tabing sa kaalaman ninyo kay Cristo, isang hadlang sa pagkakamit sa inyo ni Cristo, isang balakid sa pagkakatugma ninyo kay Cristo, at patunay na hindi kayo inaayunan ni Cristo. Ngayon ang panahon upang suriin ang lahat ng bahagi ng buhay ninyo! Sa paggawa nito’y makikinabang kayo sa lahat ng paraang maaaring maisip!