Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan
Ang anim-na-libong-taong plano ng pamamahala ng Diyos ay malapit na sa pagtatapos, at ang tarangkahan ng kaharian ay nabuksan na para sa lahat niyaong naghahanap ng Kanyang pagpapakita. Minamahal na mga kapatid, ano ang hinihintay ninyo? Ano ba ang hinahanap ninyo? Kayo ba ay naghihintay sa pagpapakita ng Diyos? Hinahanap ba ninyo ang Kanyang mga yapak? Talagang dapat kapanabikan ang pagpapakita ng Diyos! At talagang napakahirap masumpungan ang mga yapak ng Diyos! Sa kapanahunang tulad ngayon, sa mundong tulad nito, ano ang nararapat nating gawin upang masaksihan ang araw ng pagpapakita ng Diyos? Ano ang nararapat nating gawin upang makasabay sa mga yapak ng Diyos? Ang mga katanungang ganito ay kinakaharap ng lahat niyaong naghihintay na magpakita ang Diyos. Naisip na ninyong lahat ito nang hindi lamang miminsan—ngunit ano ang kinalabasan? Saan nagpapakita ang Diyos? Nasaan ang mga yapak ng Diyos? Nakuha na ba ninyo ang mga sagot? Maraming tao ang sasagot nang ganito: “Ang Diyos ay nagpapakita sa gitna ng lahat ng sumusunod sa Kanya at ang Kanyang mga yapak ay nasa ating kalagitnaan; ganyan lamang kapayak!” Kahit sino ay makapagbibigay ng mala-pormulang sagot, ngunit naiintindihan ba ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos o ng Kanyang mga yapak? Ang pagpapakita ng Diyos ay tumutukoy sa personal na pagparito ng Diyos sa lupa para gumawa, bumababa sa gitna ng sangkatauhan upang isakatuparan ang gawain ng pagsisimula ng isang kapanahunan at pagwawakas ng isang kapanahunan gamit ang Kanyang sariling pagkakakilanlan at disposisyon, at sa paraang likas sa Kanya. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi isang uri ng seremonya. Ito ay hindi isang tanda, isang larawan, isang himala, o isang uri ng malaking pangitain, at lalong hindi ito isang prosesong panrelihiyon. Sa halip, ito ay isang tunay at aktuwal na katunayan na nahihipo at nakikita ng sinuman. Ang ganitong uri ng pagpapakita ay hindi upang kumilos nang pabasta-basta, o alang-alang sa isang uri ng panandaliang gawain. Sa halip, ito ay alang-alang sa isang yugto ng gawain sa plano ng pamamahala ng Diyos. Ang pagpapakita ng Diyos ay laging makabuluhan at laging may kaugnayan sa Kanyang plano ng pamamahala. Ang tinatawag na “pagpapakita” rito ay ibang-iba mula sa uri ng “pagpapakita” kung saan ang Diyos ay gumagabay, pumapatnubay, at binibigyang-liwanag ang tao. Sa tuwing nagpapakita ang Diyos, isinasakatuparan Niya ang isang yugto ng Kanyang dakilang gawain. Ang gawaing ito ay naiiba mula sa gawain ng alinmang iba pang kapanahunan. Hindi ito kayang isipin ng tao, at hindi pa naranasan kailanman ng tao noon. Ito ay gawain na nagsisimula ng isang bagong kapanahunan at nagwawakas ng lumang kapanahunan, at ito ay isang mas bago at mas mataas na yugto ng gawain para sa pagliligtas ng sangkatauhan; higit pa rito, ito ay gawain na umaakay sa sangkatauhan sa bagong kapanahunan. Ito ang kabuluhan ng pagpapakita ng Diyos.
Sa sandaling naunawaan na ninyo kung ano ang kahulugan ng pagpapakita ng Diyos, paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos? Ang katanungang ito ay hindi mahirap ipaliwanag: Kung saan nagpapakita ang Diyos, masusumpungan ninyo roon ang Kanyang mga yapak. Tila napakasimple ng ganitong paliwanag, ngunit hindi ito madaling gawin, sapagkat maraming tao ang hindi nakakaalam kung saan nagpapakita ang Diyos, lalong hindi kung saan Niya nais, o kung saan Siya dapat, magpakita. Ang ilan ay pabigla-biglang naniniwala na kung saanman gumagawa ang Banal na Espiritu, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga espirituwal na tao, doon nagpapakita ang Diyos. O kung hindi naman ay naniniwala sila na kung saanman mayroong mga taong bantog, doon nagpapakita ang Diyos. Sa ngayon, isantabi natin kung tama man o mali ang gayong mga paniniwala. Upang ipaliwanag ang ganitong tanong, kailangan muna nating magkaroon ng isang malinaw na layunin: Hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos. Hindi tayo naghahanap ng mga espirituwal na tao, lalong hindi natin sinusunod ang mga bantog; sinusunod natin ang mga yapak ng Diyos. Dahil dito, yamang hinahanap natin ang mga yapak ng Diyos, dapat nating hanapin ang mga layunin ng Diyos, ang mga salita ng Diyos, ang mga pagbigkas Niya. Ito ay dahil kung saanman naroon ang mga bagong salita na binibigkas ng Diyos, naroon ang tinig ng Diyos, at kung saanman naroon ang mga yapak ng Diyos, naroon ang mga gawa ng Diyos; kung saanman naroon ang pagpapahayag ng Diyos, doon nagpapakita ang Diyos, at kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon umiiral ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Sa paghahanap sa mga yapak ng Diyos, nakaligtaan ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.” At kaya, maraming tao, kahit pa tumanggap sila ng katotohanan, ang hindi naniniwala na natagpuan na nila ang mga yapak ng Diyos, at lalo nang hindi nila kinikilala ang pagpapakita ng Diyos. Napakatinding pagkakamali! Ang pagpapakita ng Diyos ay hindi makakaayon sa mga kuru-kuro ng tao, lalong hindi makakapagpakita ang Diyos sa paraang iginigiit ng tao na magpakita Siya. Ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang sariling mga pagpili at Kanyang sariling mga plano kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain; bukod dito, Siya ay may sariling mga layunin at sarili Niyang mga pamamaraan. Anuman ang gawaing ginagawa Niya, hindi Niya kailangang talakayin ito sa tao o hingin ang payo nito, lalong hindi Niya kailangang ipaalam sa bawat isang tao ang Kanyang gawain. Ito ang disposisyon ng Diyos, at lalong dapat pa itong makilala ng lahat. Kung nais ninyong masaksihan ang pagpapakita ng Diyos, sundan ang mga yapak ng Diyos, kung gayon nararapat muna ninyong iwan ang inyong sariling mga kuru-kuro. Hindi mo dapat utusan ang Diyos na gawin ito o iyan, lalong hindi mo Siya dapat ikulong sa sarili mong mga hangganan at limitahan Siya sa sarili mong mga kuru-kuro. Sa halip, dapat ay inoobliga ninyo sa inyong mga sarili kung paano ninyo dapat hanapin ang mga yapak ng Diyos, kung paano ninyo dapat tanggapin ang pagpapakita ng Diyos, at kung paano kayo dapat magpasakop sa bagong gawain ng Diyos: Ito ang dapat gawin ng tao. Dahil ang tao ay hindi ang katotohanan, at hindi nagtataglay ng katotohanan, dapat siyang maghanap, tumanggap, at magpasakop.
Ikaw man ay isang Amerikano, Ingles, o anumang iba pang nasyonalidad, dapat kang humakbang palabas ng mga hangganan ng iyong sariling nasyonalidad, nang hinihigitan ang iyong sarili, at tingnan ang gawain ng Diyos mula sa perspektiba ng pagkakakilanlan ng isang nilikha—sa gayong paraan, hindi mo lilimitahan ang mga yapak ng Diyos sa anumang partikular na saklaw. Ito ay dahil, ayon sa kanilang mga kuru-kuro, maraming tao ngayon ang naniniwala na hindi posibleng magpapakita ang Diyos sa isang partikular na bansa o sa gitna ng isang partikular na bayan. Napakalalim ng kabuluhan ng gawain ng Diyos, at napakahalaga ng pagpapakita ng Diyos! Paano masusukat ang mga ito ng mga kuru-kuro at pag-iisip ng tao? At kaya sinasabi Ko, dapat kang kumawala sa iyong mga kuru-kuro tungkol sa nasyonalidad at katutubong pinagmulan upang hanapin ang pagpapakita ng Diyos. Sa ganitong paraan ka lamang hindi magagapos ng sarili mong mga kuru-kuro; sa ganitong paraan ka lamang magiging karapat-dapat na salubungin ang pagpapakita ng Diyos. Kung hindi, mananatili ka sa walang-hanggang kadiliman, at hindi kailanman makakamtan ang pagsang-ayon ng Diyos.
Ang Diyos ay ang Diyos ng buong lahi ng tao. Hindi Niya itinuturing ang sarili Niya bilang pribadong pag-aari ng anumang bansa o bayan, kundi ginagawa ang Kanyang gawain nang ayon sa Kanyang plano, nang hindi nalilimitahan ng anumang anyo, bansa, o bayan. Marahil hindi mo kailanman naisip ang anyong ito, o marahil ay pagtatatwa ang iyong saloobin sa anyong ito, o marahil ang bansa at bayan kung saan nagpapakita ang Diyos ay nagkataon lamang na dinidiskrimina ng lahat at nagkataon lamang na ang pinakapaurong sa lupa. Ngunit ang Diyos ay may karunungan Niya. Sa Kanyang dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng Kanyang katotohanan at Kanyang disposisyon, tunay na nakamit na Niya ang isang grupo ng mga tao na kaisa Niya sa isipan, at ang isang grupo ng mga tao na nais Niyang gawing ganap—isang grupong nalupig Niya, na nagtiis ng lahat ng uri ng mga pagsubok at mga pagdurusa at lahat ng uri ng pag-uusig, at kayang sumunod sa Kanya hanggang sa katapus-tapusan. Ang layunin ng pagpapakita ng Diyos, na hindi limitado sa anumang anyo o bansa, ay ang matapos Niya ang Kanyang gawain alinsunod sa Kanyang plano. Gaya lamang ito nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea: ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapapako sa krus upang tubusin ang buong lahi ng tao. Ngunit naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng maging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang “imposible” ang naging batayan ng kanilang pagkondena at paglaban sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay humantong sa pagkawasak ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa na ng katulad na pagkakamali. Buong-kalakasan nilang ipinoproklama ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, ngunit kasabay nito ay kinokondena nila ang Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong sa pagpapakita ng Diyos sa loob ng mga hangganan ng kanilang imahinasyon. At sa gayon nakita Ko na maraming tao ang tumawa nang walang habas at napakalakas matapos matagpuan ang mga salita ng Diyos. Ngunit hindi ba ang pagtawang ito ay walang ipinagkaiba sa pagkondena at paglapastangan ng mga Hudyo? Hindi kayo nagpipitagan sa presensya ng katotohanan, lalong hindi ninyo taglay ang saloobin ng pananabik. Ang ginagawa lamang ninyo ay matigas ang ulong magsiyasat, at maghintay lamang nang walang pakialam. Ano ang mapapala ninyo sa pagsisiyasat at paghihintay nang ganito? Inaakala ba ninyong tatanggap kayo ng personal na patnubay mula sa Diyos? Kung hindi mo makilatis ang mga pagbigkas ng Diyos, sa anong paraan ka kalipikadong mamasdan ang pagpapakita ng Diyos? Kung saanman nagpapakita ang Diyos, doon ipapahayag ang katotohanan, at naroon ang tinig ng Diyos. Tanging ang mga nagagawang tanggapin ang katotohanan ang nakakarinig sa tinig ng Diyos, at tanging ang mga ganitong tao ang kalipikadong mamasdan ang pagpapakita ng Diyos. Pakawalan mo ang iyong mga kuru-kuro! Patahimikin ang iyong sarili at basahing mabuti ang mga salitang ito. Hangga’t mayroon kang pusong nananabik sa katotohanan, bibigyang-liwanag ka ng Diyos para maunawaan mo ang Kanyang mga layunin at Kanyang mga salita. Bitiwan na ninyo ang mga argumento ninyo ng pagiging “imposible”! Habang lalong naniniwala ang mga tao na imposible ang isang bagay, mas lalong maaari itong mangyari, sapagkat ang karunungan ng Diyos ay mas mataas pa sa mga kalangitan, ang mga kaisipan ng Diyos ay higit pa sa mga kaisipan ng tao, at ginagampanan ng Diyos ang gawain Niya nang lampas sa mga hangganan ng kaisipan at mga kuru-kuro ng tao. Habang mas imposible ang isang bagay, lalong higit na mayroong katotohanang mahahanap dito; habang mas hindi kayang maisip ng mga kuru-kuro ng tao ang isang bagay, lalong naglalaman ito ng mga layunin ng Diyos. Ito ay dahil, kahit saan pa Siya nagpapakita, ang Diyos ay nananatiling Diyos, at ang Kanyang diwa ay hinding-hindi magbabago dahil lamang sa lugar o paraan ng Kanyang pagpapakita. Ang disposisyon ng Diyos ay hindi magbabago saanman naroon ang Kanyang mga yapak, at nasaan man ang mga yapak ng Diyos, Siya ay ang Diyos ng buong sangkatauhan, gaya ng ang Panginoong Jesus ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos din ng lahat ng tao sa Asya, Europa, at Amerika, at higit pa rito, Siya ang nag-iisa at natatanging Diyos sa itaas at kabuuan ng sansinukob. Kaya hanapin natin ang mga layunin ng Diyos at tuklasin ang Kanyang pagpapakita mula sa Kanyang mga pagbigkas at salita, at sabayan ang Kanyang mga yapak! Ang Diyos ang katotohanan, ang daan, at ang buhay. Ang Kanyang mga salita at ang Kanyang pagpapakita ay sabay na umiiral, at ang Kanyang disposisyon at mga yapak ay hayagang ipinakikita sa sangkatauhan sa lahat ng oras. Minamahal na mga kapatid, umaasa Akong makikita ninyong lahat ang pagpapakita ng Diyos sa mga salitang ito, uumpisahan ninyong makasabay sa Kanyang mga yapak at humakbang pasulong tungo sa isang bagong kapanahunan, at papasok kayo sa magandang bagong langit at lupa na naihanda na ng Diyos para sa mga naghihintay sa Kanyang pagpapakita!