65. Matatamo ang Isang Kawangis ng Tao sa Pamamagitan ng Paglutas sa Pagmamataas

Ni Zhenxin, USA

Noong March 2017, nagsimula ako sa gawain ng graphic design para sa simbahan karamihan para sa mga poster ng pelikula at mga thumbnail. Noong una, wala ako masyadong alam sa teknikal na aspeto, kaya patuloy kong pinag-aaralan ang mga prinisipyo at teknikal na kasanayan. Mapagpakumbaba akong humihingi ng tulong sa mga kapatid at isinasaalang-alang ko ang payo ng iba sa mga disenyo ko. Kalaunan ay nakuha ko na ang mga teknikal na kasanayang kailangan ko para sa tungkulin. Nailagay na online ang mga thumbnail ko at mataas ang bilang ng click-through. May isang partikular na poster para sa isang dokumentaryo na pinuri ng maraming kapatid. May ibang kumokonsulta sa akin nang madalas sa mga problemang teknikal, kaya pakiramdam ko ay meron talaga akong talento sa larangan ng graphic design. Naging mapagmataas ako nang hindi ko namamalayan.

Kinalaunan, kapag nagdidisenyo ako ng mga thumbnail na mas madali sa mga poster ng pelikula, pakiramdam ko ay sapat na ang kasanayan ko para matapos ang mga iyon nang mabilis. Kaya ginagawa ko ang mga iyon batay sa mga teknikal na kasanayang meron ako nang hindi masyadong pinag-iisipan iyon o hinahanap ang mga prinsipyo. Bilang resulta, nakatanggap ako ng komento sa mga kapatid na hindi raw akma ang ilaw at kulay sa tema. Hindi ko isinaalang-alang o tinanggap ang komento nila, sa halip ay inisip ko, “Wala ba kayong taste? Matapang na pagkamalikhain ito. Napag-isipan ko nang lahat ito at hindi ito problema. Dala ng kawalan ng kaalaman ang mga mungkahi ninyo.” Talagang ipinagpilitan ko ang desisyon ko at nag-init pa nga ang ulo ko. Tumanggi akong baguhin ang kahit ano. Bilang resulta, hindi tinanggap ang ilan sa mga thumbnail ko dahil sa problema sa mga larawan. Nabalitaan ko pagkatapos na nahigpitan ang isang sister sa akin at natatakot nang magbigay ng mga suhestyon. Medyo nalungkot ako nang mabalitaan ko ito pero hindi ako nagnilay sa sarili ko tungkol sa nangyari.

Hindi nagtagal, gumawa ako ng disenyo para sa isa pang poster ng pelikula. Ang pelikula ay tungkol sa isang mananampalatayang niligaw at kinontrol ng mga pastor at elder at nalimitahan ng mga relihiyosong kuru-kuro, kaya ayaw niyang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Kalauanan ay tinanggap niya ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw matapos hanapin ang katotohanan at namuhay sa liwanag ng Diyos. Pinag-isipan ko ang temang ito at naisip ko, “Dapat talagang mag-fade ang poster na mula sa madilim papaliwanag—wala nang gaganda pa sa ideyang iyon.” Ang tagal kong naghanap ng katulad na poster para gamiting sanggunian. Nang tignan ko ang tapos nang larawan, naisip ko, ang ganda talaga, mukha itong poster ng pelikulang patok sa takilya. Puring-puri ako sa sarili ko. Tapos ay nakita ng isang sister ang poster ko at ibinigay ang mungkahing ito: “Masyadong madilim dito. Walang detalye at masyadong walang buhay.” Tapos iminungkahi ng isa pang sister: “Masyadong madilim ang kabuuan, hindi malinaw. Mukhang malungkot. Nagpapatotoo ang pelikulang ito sa Diyos, kaya dapat hindi masyadong madilim ang larawan.” Ayaw kong tanggapin ang mga ideya nila, ang mga sinasabi nila. Naisip ko, “Para sa akin maganda talaga ito. Wala kayong alam sa shading pero tinuturuan n’yo ako kung paano gawin iyon. Hindi ba’t masyado lang kayong namumuna?” Ang sinabi ko ay “Pero hindi ba’t ito naman ang tamang shading? Dapat maging malinaw ang kaibahan ng liwanag at dilim. Isa pa, para sa poster ng pelikula iyan, kaya ang mahalaga ay magawa ang shading. Ganoon ang paggawa sa ibang poster ng pelikula. Walang mali riyan.” Tapos ay nagpadala ako sa kanila ng kopya ng poster ng pelikulang ginamit kong sanggunian. At sa gulat ko, sinabi nilang masyadong malaki ang madilim na bahagi sa poster ko at hindi iyon kasingganda nung isa. Inis na inis talaga ako nang sabihin nila iyon, at naisip ko, “Baka nalilimutan ninyong lagi kayong nanghihingi sa akin ng payo tungkol sa shading. Wala nga kayong kahit kaalam-alam dito, pero tinuturuan n’yo ako kung paano gawin ito. Bakit nagmamarunong kayo?” Para patunayang tama ako, pinadala ko ang larawang dinisenyo ko sa ibang mga kapatid, pero sinabi rin nila sa aking masyado iyong madilim. Kinailangan kong lunukin na lang na baguhin iyon. Pero tingin ko pa rin ay tama ang ideya ko at nakaayon naman iyon sa mga prinsipyo ng shading, kaya kaunti lang ang binago ko, pero hindi pa rin iyon tinanggap. Bilang resulta, isang buwan kong ginawa ang larawan na dapat ay inabot lang ng isang linggo. Sa huli ay hindi na iyon tinanggap dahil sa mga problema sa pagkakadisenyo. Para akong sinampal noon. Talagang nawalan ako ng gana at pinanghinaan ng loob at ayokong magkuwento sa pagbabahagi kasama ng iba. Nasa isa akong madilim at malungkot na lugar. Tapos ay pinaalala sa akin ng team leader na walang naging matagumpay sa mga disenyo ko nitong mga huli at na kailangan kong magnilay sa sarili ko sa harap ng Diyos agad-agad. Noon lang ako humarap sa Diyos sa pagninilay at nakahanap ako ng ilang mahahalagang salita ng Diyos.

Nabasa ko ito sa mga debosyonal ko isang araw: “Kapag dumarating sa iyo ang mga usapin, hindi ka dapat maging mapagmagaling, iniisip na, ‘Nauunawaan ko ang mga prinsipyo, at ako ang may huling salita. Hindi kayo karapat-dapat na magsalita. Anong alam ninyo? Hindi ninyo nauunawaan; Nauunawaan ko!’ Ito ay pagiging mapagmagaling. Ang pagiging mapagmagaling ay isang tiwali, satanikong disposisyon; hindi ito isang bagay na nasa normal na pagkatao.” “Kung palagi mong inaakalang mas matuwid ka kaysa sa iba at iginigiit ang sarili mong mga pamamaraan, sinasabing, ‘Hindi ako makikinig kanino man. Kung makinig man ako, palabas lang iyon—hindi ako magbabago. Gagawin ko ang mga bagay ayon sa aking paraan; Ramdam kong tama ako at ganap na nabigyang-katwiran,’ ano ang mangyayari? Maaari kang mabigyang-katwiran at maaaring walang pagkakamali sa iyong ginagawa; maaaring hindi ka nakagawa ng anumang pagkakamali, at maaaring mayroon kang mas mahusay na pag-unawa sa teknikal na aspeto ng isang usapin kaysa sa iba, subalit, sa sandaling kumilos at magsagawa sa ganitong paraan, makikita ng iba, at sasabihin nila: ‘Hindi mabuti ang disposisyon ng taong ito! Kapag nangyari sa kanila ang mga usapin, hindi nila tinatanggap ang sasabihin ng iba, tama man o mali. Lahat ay pagtutol. Hindi tinatanggap ng taong ito ang katotohanan.’ At kung sinasabi ng mga tao na hindi mo tinatanggap ang katotohanan, ano ang dapat isipin ng Diyos? Nakikita ba ng Diyos ang iyong mga pagpapahayag? Napakalinaw na nakikita ng Diyos itong lahat. Hindi lamang naghahanap sa pinakaloob na puso ng tao ang Diyos, pinagmamasdan din Niya ang lahat ng sinasabi at ginagawa mo sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar. At, kapag nakikita Niya ang mga bagay na ito, ano ang ginagawa Niya? Sinasabi Niya: ‘Ikaw ay pinatigas. Nasa gayon kang mga kalagayan na nasa tama, at gayon din na nasa mga kalagayan ka na ikaw ay nasa mali. Sa lahat ng kalagayan, salungat at magkabangga ang lahat ng iyong paghahayag at pagpapakita. Wala kang tinatanggap sa mga ideya o mungkahi ng iba. Lahat ng nasa iyong puso ay salungatan, pagkakulong, at pagtanggi. Napakahirap mo!’(“Kung Hindi Mo Kayang Mamuhay Palagi sa Harap ng Diyos, Ikaw ay Hindi Naniniwala” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakikita nga talaga ng Diyos ang laman ng mga puso’t isip natin. Talagang nalantad nito ang kalagayan ko. Ibinubunyag ko noon ang satanikong disposisyon ng pagmamataas. Noong naaaprubahan at pinupuri ng mga kapatid ang mga poster ko, akala ko ay dahil iyon sa sarili kong kakayahan at wala nang ibang makapapantay sa disenyo at teknikal na kaalaman ko. Nang magbigay sa akin ng mga mungkahi ang ibang tao, hindi ko tinanggap ang mga iyon, iniisip na hindi nila naiintindihan. Kahit na maraming tao ang nagbigay ng pare-parehong mungkahi, nagmatigas ako. Nagkunwari akong tinatanggap ang sinabi nila pero ang totoo ay kumapit ako sa sarili kong ideya. Binago ko lang kung ano ang naaayon sa mga ideya ko at tumangging baguhin ang hindi ko sinasang-ayunan. Naghanap ako ng lahat ng uri ng dahilan para makipagtalo sa mga tao. Nasakal ko ang isang sister dahil doon. Napagtanto kong sobra-sobra na ang pagiging mapagmataas ko. Talagang wala na ako sa katwiran! Masyado akong mapagmataas at mapagmatuwid na ayaw kong tumanggap ng mungkahi ninuman. Hindi lang kinailangang paulit-ulit na i-edit ang larawan na umantala sa gawain namin, lumala pa ang sarili kong kalagayan. Kung hindi ko hinarap ang mga pagkabigo at dagok na iyon, hindi ako makakaharap sa Diyos para magnilay at makilala ang sarili ko. Kung hindi ako bumalik, kung ipinagpatuloy ko ang pamumuhay sa mapagmataas kong disposisyon, tatanggihan ako ng iba at masusuklam ang Diyos sa akin. Napuno ako ng pagsisisi at natakot ako. Agad akong lumapit sa Diyos sa panalangin na handang magsisi.

Pagkatapos, nagsabi ako sa mga sister sa team tungkol sa katiwaliang naibunyag ko at sinabi sa kanilang handa akong tanggapin ang anumang mga mungkahi nila at pagwawasto. Sa tungkulin ko mula noon, maraming mungkahi ang ibinigay sa akin ng mga kapatid at noong una ay medyo mahirap para sa aking tanggapin ang mga iyon. Pero kapag naaalala ko ang mga kapalpakan ko kailan lang, nananalangin ako at isinasantabi ang aking sarili. Iniisip ko kung bakit nila ibinigay ang mungkahing iyon, kung anong makakamit kung susundin iyon, at kung nasaan ang problema. Tapos ay isinasaalang-alang ko iyon batay sa prinsipyo. Sa ganoong paraan, mas madaling intindihin at tanggapin ang mungkahi ng iba at naging mas maganda ang pagtanggap sa mga pag-e-edit ko. Nakita ko rin kung gaano kabuti ang pagsasagawa sa katotohanan. Ngunit talagang nakaugat na sa akin ang mapagmataas kong disposisyon, kaya hindi ko iyon maialis sa isang karanasan lamang ng pagkabigo.

Hindi nagtagal ay nasadlak akong muli sa pagmamataas. May isang beses na nagdisenyo ako ng thumbnail para sa lahat ng kanta ng simbahan. Naisip ko na dahil sila ay mga kapatid na nagpapahayag ng papuri sa Diyos matapos nilang maranasan ang gawain Niya ay may mainit, romantiko, at magandang damdamin dapat iyon. Naisip ko ang isang teorya sa kulay na natutunan ko na nagsasabing lila ang sumisimbulo sa pakiramdam na iyon, at may marangal at elegante iyong kahulugan. Pakiramdam ko hindi ako magkakamali sa paggamit ng lila bilang pangunahing kulay. Nang matapos ako, sinabi ng ilang kapatid na nagustuhan nila ang naisip ko ukol doon at maganda ang kulay. Natuwa ako sa sarili ko at naisip ko na may kaunting kakayahan nga ako at abilidad na magdisenyo. Nagulat ako nang nagpadala sa akin ng suhestyon ang isang sister na nagsisimula pa lang sa design, na nagsasabing “Ang mga awit ng Iglesia ay mga tunay na karanasan at pagkakaunawa ng mga miyembro ng kongregasyon. Masyadong hindi makatotohanan ang paggamit ng kulay lila at talagang hindi iyon naaangkop sa mood ng mga awit. Medyo masakit iyon sa mata. Ang payo ko ay palitan iyon.” Nabasa ko ang mungkahi niya pero nakaramdam ako ng pagtutol sa loob ko. Naisip ko, “Marami na akong napagdaanang training materials na nagsasabing may mainit na damdamin ang lila. Isa pa, maraming disenyo online ang gumagamit ng lila sa ganitong paraan. Bakit mo sasabihing masakit ito sa mata? Higit sa lahat, nagsisimula ka pa lang dito at wala ka pa masyadong nagagawang disenyo, pero nagmumungkahi ka na sa akin. Hindi mo alam kung hanggang saan ka lang.” Pero hindi pa rin ako komportableng kontrahin siya agad, kaya pinaghintay ko siya, sabi ko magtatanong-tanong ako ng mungkahi ng iba. Hindi naman ako nagtanong ng opinyon ng iba pagkatapos noon, binalewala ko lang iyon.

Makalipas ang ilang araw, binigyan ako ng isa pang sister ng parehong komento at sabi niya masyado raw nakakalungkot ang kulay na ginamit ko. Iminungkahi niyang baguhin ko iyon. Bigla akong pinaalalahanan ng team leader na huwag maging matigas ang ulo at na dapat ko iyong baguhin para muling masuri. Hindi na ako nangahas na ipagpilitan ang desisyon ko kaya sinubukan kong baguhin nang kaunti. Pero hindi talaga ako handang bitawan ang lilang disenyo ko. Naisip ko, “Hindi naman ganoon kasama ang disenyo ko na may ganitong kulay. Nagustuhan naman ito ng iba, kaya bakit kailangan ko itong baguhin?” Kaya nahirapan akong baguhin iyon nang ganoon ang iniisip ko. Hindi pa rin iyon gumanda pagkatapos ng ilang subok. Tapos ay nagkaproblema sa larawan sa isang inedit ko na ilang oras kong sinubukang ayusin pero hindi ko maayos. Inis na inis ako, at wala nang maisip na paraan at gusto ko na ngang sumuko. Naisip ko kung paanong isang buwan na ang iginugol ko sa isang larawang iyon sa pag-e-edit, no’n nang anim na beses, at napakaraming suhestyon na ang ibinigay sa akin ng iba. Hindi ko pa rin iyon natatapos at naaantala ko ang gawain namin. Ang sama talaga ng loob ko. Naalala ko kung paano ko naantala ang gawain namin dati dahil mapagmataas ako at hindi ako marunong tumanggap ng komento. Ngayon ay nagiging mapagmataas na naman ako at ayaw tumanggap ng mga suhestyon ng iba. Hindi ba’t iyon rin ang dating problema? Agad akong lumapit sa Diyos sa panalangin, “O Diyos, malala na po talaga ang mapagmataas kong disposisyon. Hindi ako makapagpasakop sa sitwasyong ito. Patnubayan at bigyan Mo po ako ng kaliwanagan upang maunawaan ko ang kalooban Mo, upang lubos kong makilala ang sarili ko at makaalis sa kalagayang ito.”

Pagkatapos ay nabasa ko ang talatang ito sa mga salita ng Diyos: “Pagmamataas ang ugat ng tiwaling disposisyon ng tao. Kapag mas mayabang ang mga tao, mas malamang na lumaban sila sa Diyos. Gaano kaseryoso ang problemang ito? Hindi lang isinasaalang-alang ng mga taong mayabang ang mga disposisyon ang lahat ng iba pa na mas mababa kaysa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos. Bagama’t, sa tingin, maaaring mukhang naniniwala sa Diyos ang ilang tao at sinusunod Siya, ni hindi nila Siya itinuturing na Diyos. Pakiramdam nila palagi ay taglay nila ang katotohanan at napakataas ng tingin nila sa kanilang sarili. Ito ang diwa at ugat ng mayabang na disposisyon, at nagmumula ito kay Satanas. Kaya, kailangang malutas ang problema ng kayabangan. Ang pakiramdam na mas magaling ka kaysa iba—walang kuwenta iyan. Ang kritikal na isyu ay na nakakapigil sa isang tao ang kanyang mayabang na disposisyon na magpasakop sa Diyos, sa Kanyang kapamahalaan, at sa Kanyang mga pagsasaayos; laging nadarama ng ganitong tao na makipagpaligsahan sa Diyos na magkaroon ng kapangyarihan sa iba. Ang ganitong klaseng tao ay walang pagpipitagan sa Diyos ni katiting, ni hindi niya mahal ang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Ang mga taong mayayabang at palalo, lalo na iyong mga nawalan na ng katinuan sa sobrang yabang, ay hindi kayang magpasakop sa Diyos sa kanilang paniniwala sa Kanya, at pinaparangalan pa nila at nagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang gayong mga tao ang pinakalumalaban sa Diyos. Kung nais ng mga taong umabot sa kung saan nagpipitagan sila sa Diyos, kailangan muna nilang lutasin ang mayayabang nilang disposisyon. Habang mas ganap mong nilulutas ang mayabang mong disposisyon, mas magpipitagan ka sa Diyos, at saka ka lang makakapagpasakop sa Kanya at magagawang makamit ang katotohanan at kilalanin Siya(Pagbabahagi ng Diyos). Natulungan ako nitong maunawaan na ang pagmamataas ang ugat ng paglaban sa Diyos. Kontrolado ng mapagmataas kong disposisyon, akala ko ay palagi akong tama, na para bang ang pananaw ko ang katotohanan, na para bang iyon ay may awtoridad. Wala akong anumang pagnanasang hanapin ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Basta ayaw ko lang tanggapin ang mungkahi ninuman. Lalo na kung ang taong nagbigay ng mungkahi ay hindi kasinggaling ko sa teknikal na aspeto o hindi naiintindihan ang isang partikular na teknikal na aspeto, talagang tumatanggi ako. Kunwari ay tinatanggap ko iyon, pero sa totoo ay hindi ko siniseryoso ang mga mungkahi nila. Sa pamamagitan ng ibang tao, maraming beses ipinaalala ng Diyos sa akin na isantabi ang kalooban ko, na magtuon sa kung anong makabubuti sa Sambahayan ng Diyos, na maghanap, at sumubok, at gawin ang pinakamagandang bersyon. Pero napakatigas ng ulo ko at masyado akong may labis na pagtingin sa sarili. Inari kong katotohanan ang sarili kong mga ideya at karanasan at ipinagpilitan ang gusto ko kapag hindi pasado sa akin ang mungkahi ng iba. Naantala nito ang gawain ng Sambahayan ng Diyos. Tapos sa wakas ay unti-unti ko nang naunawaan ang mga salitang ito ng Diyos: “Hindi lang isinasaalang-alang ng mga taong mayabang ang mga disposisyon ang lahat ng iba pa na mas mababa kaysa kanila, kundi, ang pinakamasama, hinahamak pa nila ang Diyos.” “Kapag mas mayabang ang mga tao, mas malamang na lumaban sila sa Diyos.” Lubos akong nakumbinsi ng mga ito. Medyo natakot din ako. Naalala ko rito ang mga anticristo sa simbahan. Talagang mapagmataas at diktador sila, at hindi kailanman nakikinig sa mga suhestyon ng iba. Nagwala pa nga sila at nagtanggal ng mga tao na nagbigay ng mga komento at naantala talaga niyon ang gawain ng Sambahayan ng Diyos at nalabag sa disposisyon ng Diyos. Lahat sila ay pinalayas ng Diyos. Hindi ko pa nagagawa ang kasamaang ginawa ng mga anticristo, pero anong kaibahan ng disposisyong ipinakita ko sa disposisyon nila? Noon ko napagtanto kung gaano kaseryoso ang kahihinatnan kung hindi ko aayusin ang pagmamataas ko. Agad akong lumapit sa Diyos sa panalangin, handang magsisi.

Pagkatapos, nabasa ko ang talatang ito ng mga salita ng Diyos: “Habang tinitingnan ito ngayon, mahirap bang tuparin nang sapat ang tungkulin ng isang tao? Sa katunayan, hindi ito mahirap; dapat lang magkaroon ang mga tao ng paninindigan ng pagpapakumbaba, magtaglay ng kaunting katinuan, at taglayin ang naaangkop na katayuan. Gaano man kataas sa inaakala mo ang iyong pinag-aralan, ano mang mga gantimpala ang napanalunan mo na, o gaano man ang natamo mo na, at gaano man kataas sa paniniwala mo ang iyong kakayahan at ranggo, dapat kang magsimula sa pamamagitan ng pagpapakawala sa mga bagay na ito—walang halaga ang mga ito. Sa tahanan ng Diyos, gaano man kalaki o kabuti ang mga bagay na iyon, hindi magiging higit na mataas kaysa sa katotohanan ang mga ito; hindi ang mga ito ang katotohanan, at hindi ito maaaring halinhan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na dapat kayong magkaroon nitong bagay na tinatawag na katinuan. Kung sabihin mong, ‘Likas akong matalino, may isip akong napakatalas, listo ako, mabilis akong matuto, at labis na matalas ang aking memorya,’ at lagi mong ginagamit ang mga ito bilang puhunan, sa gayon ay magiging sanhi ito ng gulo. Kung nakikita mo ang mga bagay na ito bilang siyang katotohanan, o bilang higit na mataas kaysa katotohanan, sa gayon ay magiging mahirap para sa iyong tanggapin ang katotohanan at isagawa ito. Pinakamahirap para sa mayayabang at mapagmataas na mga taong laging kumikilos na tila nakahihigit ang tanggapin ang katotohanan at pinakamalimit na mabigo. Kung malulutas ng isang tao ang usapin ng kanyang pagiging-mapagmataas, magiging madali na isagawa ang katotohanan. Kaya, dapat mo munang isuko at itatwa ang mga bagay na yaon na tila ay mabuti at matayog sa panlabas at nakapupukaw sa pagkainggit ng iba. Hindi katotohanan ang mga bagay na iyon; sa halip, mahahadlangan ka ng mga ito sa pagpasok sa katotohanan(“Ano ang Sapat na Pagtupad ng Tungkulin?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos ay naunawaan ko na kailangan kong isantabi at itanggi ang aking sarili para lutasin ang mapagmataas kong disposisyon. Ang mga kasanayan, kakayahan, karanasan, at talentong pantao ay hindi ang katotohanan, gaano man kahanga-hanga ang mga iyon. Kasangkapan lang ang mga iyon para tulungan tayong gawin ang ating mga tungkulin. Hindi natin dapat samantalahin ang mga iyon. Ang paghahanap sa katotohanan, paggawa sa mga bagay ayon sa prinsipyo, pakikipagtrabaho nang mabuti sa iba, at pagkatuto mula sa iba ay mahahalagang lahat. Iyon ang tanging paraan para magawa nang mabuti ang ating tungkulin. Tapos ay tinignan ko ang ilan sa mas magagandang poster na dinisenyo ko noon at nakitang may malinaw na mga problema iyon sa konsepto, sa shading, kulay, at komposisyon sa orihinal kong mga larawan. Pero matapos i-edit ang mga iyon batay sa mga komento ng mga kapatid, ang laki ng iginanda ng mga iyon, at ang iba ay dumaan sa lubos at ganap na pagbabago. Nahiya talaga akong makita ito. Akala ko ay nakakuha na ako ng kaunting tagumpay sa gawain ko at nakatanggap ako ng kaunting papuri sa iba dahil mas marami akong teknikal na kasanayan at mas maraming karanasan kaysa sa kanila. Pinanghawakan ko iyon, tumatangging makinig kaninuman. Pero ang totoo, nagtagumpay lang naman ang mga disenyo ko dahil sinunod ko ang mga prinsipyo sa katotohanan at tinanggap ang mga mungkahi ng iba. Nagawa ang mga iyon nang may patnubay at kaliwanagan ng Diyos at sa pakikipagtrabaho sa mga kapatid nang may pagkakasundo at kababaang-loob. Noong umaasa lang ako sa mga teknikal kong kasanayan nang hindi hinahanap ang mga prinsipyo sa katotohanan o tinatanggap ang mga komento ng iba, hindi talaga maganda ang mga larawan ko, at talagang nakaantala ito sa gawain ng iglesia. Hiyang-hiya ako nang maalala ko noong masyado akong mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba sa aking pamamaraan. Malinaw na hindi ako espesyal. Marami pa akong dapat matutunan sa design at malayo pa ako sa pagiging isang tunay na propesyonal. Pero labis pa rin ang tiwala ko sa aking sarili at masyado akong mapagmataas. Napakayabang ko. Sa napagtanto kong ito, nanalangin ako at iwinaksi ang mga pananaw ko. Sinunod ko ang mga komento ng iba, at talagang pinag-isipan kung paano mag-e-edit para magkaroon ng mas magandang resulta. Hindi lang nalutas ang problema, nakahanap din ako ng mas magandang kulay. Napakabilis ko lang na-edit ang larawan at sinabi ng mga kapatid na mas maganda na ito pagkatapos ng mga pagbabagong iyon. Hiyang-hiya akong makita ito. Maraming beses naming binago ang larawang iyon lahat dahil sa sarili kong pagmamataas, nagsasayang ng maraming mahalagang oras at inaabala ang iba. Tunay noong naantala ang gawain ng Sambahayan ng Diyos. Hindi lang nangalawang ang mga kakayahan ko, nahadlangan pa ang pagpasok ko sa buhay. Nakita ko na walang nagawa ang pamumuhay ko sa aking mapagmataas na disposisyon kundi magdulot ng masama. Ang laki ng pagsisisi ko at tahimik akong nagpasya na: “Anumang komento ang matanggap ko sa hinaharap, pag-aaralan kong isantabi ang aking sarili, hanapin ang katotohanan, at unahin ang interes ng Sambahayan ng Diyos. Hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa pagmamataas.”

Kamakailan ay nagdisenyo ako ng thumbnail para sa isang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos at nang ipakita ko ang unang gawa ko sa mga kapatid na nagbasa ng mga salita ng Diyos, sinabi nilang masyadong malaki ang imahe ng globo at mukhang isiniksik sa gitna, kaya hindi masyadong bukas ang field of view. Pinadalhan nila ako ng ilang larawan para maging sanggunian nang matulungan akong ayusin iyon. Naisip ko, “Kailangang ganyan kalaki ang globo para magkaroon ng tamang epekto at wala kayong propesyonal na karanasan sa graphic design o anumang praktikal na kasanayan. Mas sanay ako sa larangang ito. Wala akong mapapala sa komento ninyo.” Kaya wala sa loob ko lang na pinasadahan ang mga komento nila at sariling opinyon ko lang ang ginusto kong isaalang-alang sa pag-e-edit ng larawan. Napagtanto kong nagpapakita na naman ako ng pagmamataas, at hindi ko mahinahong isinaalang-alang ang mga komento o ang kalalabasan. Bulag ang paghatol ko at salungat iyon sa kalooban ng Diyos. Agad akong nanalangin, hinihiling sa Diyos na papayapain ang puso ko upang maisagawa ko ang katotohanan at matalikdan ang aking laman. Pagkatapos noon ay nabasa ko ang talatang ito sa mga salita ng Diyos: “Dapat ka munang magkaroon ng saloobing mapagpakumbaba, isantabi ang pinaniniwalaan mong tama, at hayaang magbahagi ang lahat. Kahit naniniwala ka na tama ang iyong paraan, hindi mo ito dapat ipagpilitan. Iyan, una sa lahat, ay isang uri ng pagsulong; ipinapakita nito na hinahanap mo ang katotohanan, ng pagtanggi sa iyong sarili, at ng pagbibigay-kasiyahan sa kalooban ng Diyos. Kapag nagkaroon ka na ng ganitong saloobin, kasabay ng hindi mo pagkapit sa sarili mong opinyon, nagdarasal ka. Dahil hindi mo alam ang kaibhan ng tama at mali, hinahayaan mong ihayag at sabihin sa iyo ng Diyos kung ano ang pinakamainam at pinakaangkop na gawin. Habang sumasali ang lahat sa pagbabahagi, naghahatid ng kaliwanagan ang Banal na Espiritu sa inyong lahat. Nililiwanagan ng Diyos ang mga tao ayon sa isang proseso, na kung minsan ay isinasaalang-alang lamang ang iyong pag-uugali. Kung ang pag-uugali mo ay isang mahigpit na paggigiit sa sarili, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa iyo at isasara ang Kanyang sarili sa iyo; ilalantad ka Niya at titiyaking hindi ka makauusad. Sa kabilang banda, kung tama ang iyong pag-uugali, hindi mapilit sa sarili mong paraan, ni hindi mapagmagaling, ni di-makatwiran at padalos-dalos, bagkus ay isang pag-uugali ng paghahanap at pagtanggap ng katotohanan, kung gayon, kapag nakipagsalamuha ka sa grupo, at nagsimulang gumawa ang Banal na Espiritu sa inyo, aakayin ka Niya marahil sa pag-unawa sa pamamagitan ng mga salita ng iba(Pagbabahagi ng Diyos). Pagkatapos ay naunawaan ko na kapag nakakakuha ako ng ibang mga ideya galing sa ibang tao sa tungkulin ko, iyon ay isang bagay na pinahihintulutan ng Diyos. Tinitignan ng Diyos ang ating bawat saloobin at gawa, kaya dapat ay isinasagawa ko ang katotohanan at tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos. Hindi ko dapat basta tanggapin ang mga bagay ayon sa kung ano ang nakikita ko at husgahan ang pagiging propesyonal ng ibang tao. Kahit na mas marami akong nalalaman, gaano man kamakatuwiran ang tingin ko sa ideya ko, dapat akong maging mapagpakumbaba, isantabi ang sarili kong mga iniisip, hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan, at gawin kung anuman ang magiging pinakaepektibo. Kahit na lumabas na tama ako sa huli, ang mahalaga ay hinanap at isinagawa ko ang katotohanan. Napakahalaga noon. Nasusuklam ang Diyos sa aking satanikong disposisyon na laban sa Kanya, kaya ang pagpapakita ng pagmamataas ko ay mas masama pa sa pagkakamali. Naisip ko kung paanong labis na naantala ng pagmamataas ko ang gawain ng Sambahayan ng Diyos at hindi ko iyon nagustuhan at naisip ko talagang hindi na dapat masyadong matigas ang ulo ko. Dapat kong harapin nang mahinahon ang mga mungkahi para sa pagbabago at pagsikapang pagandahin ang larawan. Pagkatapos noon, nagsimula akong seryosohin ang mga suhestyon ng iba at nagandahan ako sa isa sa mga sangguniang litrato at magagamit ko iyon para matuto. Kinausap ko ang ibang miyembro ng team tungkol dito at sumang-ayon ang lahat na dapat gawin ang mga pagbabago gaya ng iminungkahi. Ginawa ko ulit ang layout at iba pang mga aspeto at di ko na lang namalayang natapos na iyon. Pakiramdam ko nagawa ang lahat ng ito sa pamamagitan ng kaliwanagan at patnubay ng Diyos. Kahit na may ilang suhestyon pa akong natanggap, hinarap ko iyon nang tama at hindi na ako masyadong nagmatigas. Masaya akong baguhin iyon kahit ilang beses kinakailangan para magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ng ilang pagbabago, sinabi ng lahat na maganda na iyon at wala na silang iba pang suhestyon. Nakita ko kung gaano kabuti na magawa ang tungkulin ko sa ganoong paraan.

Matapos disiplinahin at ilantad, at sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sa wakas ay naunawaan at kinamuhian ko na ang mapagmataas kong satanikong disposisyon. Nakita ko kung gaano kahalaga ang paghahanap at pagtanggap sa katotohanan sa lahat. Hindi na ako mapagmataas gaya ng dati at marunong na akong tumanggap ng mga suhestyon galing sa iba. Nagbago ako sa ganitong paraan dahil lahat sa paghatol, pagkastigo, at pagdidisiplina ng Diyos.

Sinundan: 64. Nauuna ang Kayabangan Bago ang Pagbagsak

Sumunod: 66. Paano ko Nabago ang Aking Mapagmataas na Sarili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

40. Gamot Para sa Inggit

Ni Xunqiu, TsinaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang laman ng tao ay kay Satanas, ito ay puno ng mga masuwaying disposisyon, nakakahiya ang...

70. Hindi Na Isang Pasikat

Ni Mo Wen, SpainNaalala ko noong taong 2018, nasa tungkuling ebanghelyo ako sa iglesia, at pagkatapos ay ginawang tagapamahala ng gawaing...

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito