Isang Maikling Pagtalakay Tungkol sa “Dumating Na ang Milenyong Kaharian”

Ano ang palagay ninyo tungkol sa pangitain ng Milenyong Kaharian? Madalas itong isipin ng ilang tao, at sinasabi nila: “Tatagal ang Milenyong Kaharian nang isang libong taon sa lupa, kaya kung walang asawa ang nakatatandang mga miyembro ng iglesia, dapat ba silang mag-asawa? Walang pera ang pamilya ko, dapat ba akong magsimulang kumita ng pera? …” Ano ang Milenyong Kaharian? Alam ba ninyo? Malabo ang isip ng mga tao at nagdaranas ng matinding pagsubok. Sa katunayan, hindi pa opisyal na dumarating ang Milenyong Kaharian. Sa yugto na gagawing perpekto ang mga tao, baguhan pa lamang ang Milenyong Kaharian; sa panahon ng Milenyong Kaharian na binabanggit ng Diyos, nagawa nang perpekto ang tao. Dati-rati, sinabi na ang mga tao ay magiging katulad ng mga banal at maninindigan sa lupain ng Sinim. Kapag ginawa nang perpekto ang mga tao—kapag sila ay naging mga banal na binabanggit ng Diyos—saka lamang darating ang Milenyong Kaharian. Kapag ginagawang perpekto ng Diyos ang mga tao, dinadalisay Niya sila, at kung sila ay mas dalisay ay mas ginagawa silang perpekto ng Diyos. Kapag naalis ang karumihan, pagkasuwail, pagsalungat, at mga bagay na maka-laman sa iyong kalooban, kapag pinadalisay ka na, pakamamahalin ka ng Diyos (sa madaling salita, magiging isa kang banal); kapag nagawa kang perpekto ng Diyos at naging isang banal, mapupunta ka sa Milenyong Kaharian. Ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian aasa ang mga tao sa mga salita ng Diyos upang mabuhay, at lahat ng bansa ay mapapasailalim sa pangalan ng Diyos, at lahat ay magbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa oras na iyon, ang ilan ay tatawag sa telepono, ang ilan ay magpapadala ng fax … gagamitin nila ang bawat kaparaanan upang makuha ang mga salita ng Diyos, at kayo rin ay mapasasailalim sa mga salita ng Diyos. Ang lahat ng ito ang nangyayari matapos gawing perpekto ang mga tao. Ngayon, ang mga tao ay ginagawang perpekto, pinipino, nililiwanagan, at ginagabayan sa pamamagitan ng mga salita; ito ang Kapanahunan ng Kaharian, ito ang yugto na ginagawang perpekto ang mga tao, at wala itong kaugnayan sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian. Sa Kapanahunan ng Milenyong Kaharian, nagawa nang perpekto ang mga tao at napadalisay na ang mga tiwaling disposisyon sa kanilang kalooban. Sa oras na iyon, gagabayan ng mga salitang sinambit ng Diyos ang mga tao sa paisa-isang hakbang, at ibubunyag ang lahat ng hiwaga ng gawain ng Diyos mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, at sasabihin ng Kanyang mga salita sa mga tao ang mga kilos ng Diyos sa bawat kapanahunan at bawat araw, kung paano Niya ginagabayan ang mga tao sa kanilang kalooban, ang gawaing Kanyang ginagawa sa espirituwal na dako, at sasabihin sa kanila ang mga galaw sa espirituwal na dako. Saka lamang iyon tunay na magiging Kapanahunan ng Salita; ngayo’y nasa baguhang kalagayan pa lamang ito. Kung hindi magagawang perpekto at madadalisay ang mga tao, wala silang paraan para mabuhay nang isang libong taon sa lupa, at di-maiiwasang mabulok ang kanilang katawan; kung ang kalooban ng mga tao ay dinalisay, at hindi na sila nabibilang kay Satanas at sa laman, mananatili silang buhay sa lupa. Sa yugtong ito malabo pa rin ang isip mo, at nararanasan lamang ninyo ay ang pagmamahal sa Diyos at pagpapatotoo tungkol sa Kanya sa bawat araw na nabubuhay kayo sa lupa.

Ang “Dumating na ang Milenyong Kaharian,” ay isang propesiya, kahalintulad ito ng panghuhula ng isang propeta, kung saan ipinopropesiya ng Diyos kung ano ang mangyayari sa hinaharap. Ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa hinaharap at ang mga salitang sinasambit Niya ngayon ay hindi magkapareho: Ang mga salita ng hinaharap ay gagabay sa kapanahunan, samantalang ang mga salitang sinasambit Niya ngayon ay ginagawang perpekto ang mga tao, pinipino sila, at pinakikitunguhan sila. Ang Kapanahunan ng Salita sa hinaharap ay naiiba sa Kapanahunan ng Salita ngayon. Ngayon, lahat ng salitang sinasambit ng Diyos—anumang kaparaanan ang Kanyang ginagamit sa pagsasalita—ay upang gawing perpekto ang mga tao, para dalisayin yaong marumi ang kalooban, para gawin silang banal, at gawin silang matuwid sa harap ng Diyos. Ang mga salitang sinasambit ngayon, at ang mga salitang sasambitin sa hinaharap, ay dalawang magkahiwalay na bagay. Ang mga salitang sinasambit sa Kapanahunan ng Kaharian ay para hikayatin ang mga tao na pumasok sa lahat ng pagsasanay, para dalhin ang mga tao sa tamang landas sa lahat ng bagay, para maalis ang lahat ng marumi sa kanila. Gayon ang ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito. Lumilikha Siya ng isang pundasyon ng Kanyang mga salita sa bawat tao, ginagawa Niyang buhay ng bawat tao ang Kanyang mga salita, at ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para palaging liwanagan at gabayan sila sa kanilang kalooban. At kapag hindi isinasaisip ang kalooban ng Diyos, pasasaloob nila ang mga salita ng Diyos para sawayin at disiplinahin sila. Ang mga salita ng ngayon ay para maging buhay ng tao; tuwirang ibinibigay ng mga ito ang lahat ng kailangan ng tao, lahat ng wala sa iyong kalooban ay inilalaan ng mga salita ng Diyos, at lahat ng mga tumatanggap sa mga salita ng Diyos ay naliliwanagan sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang sasambitin ng Diyos sa hinaharap ay gumagabay sa mga tao sa buong sansinukob; ngayon, ang mga salitang ito ay ipinapahayag lamang sa China, at hindi kumakatawan ang mga ito sa mga sinasambit sa buong sansinukob. Magsasalita lamang ang Diyos sa buong sansinukob kapag dumating na ang Milenyong Kaharian. Dapat mong malaman na ang mga salitang sinasambit ng Diyos ngayon ay pawang para gawing perpekto ang mga tao; ang mga salitang sinasambit ng Diyos sa yugtong ito ay upang maglaan para sa mga pangangailangan ng mga tao, hindi upang tulutan kang malaman ang mga hiwaga o makita ang mga himala ng Diyos. Siya ay nagsasalita sa maraming kaparaanan upang maglaan para sa mga pangangailangan ng mga tao. Ang Kapanahunan ng Milenyong Kaharian ay hindi pa dumarating—ang Kapanahunan ng Milenyong Kaharian na binabanggit ay ang araw ng kaluwalhatian ng Diyos. Nang matapos na ang gawain ni Jesus sa Judea, inilipat ng Diyos ang Kanyang gawain sa mainland China at bumuo Siya ng isa pang plano. Ginagawa Niya ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa inyo, ginagawa Niya ang gawain na gawing perpekto ang mga tao gamit ang mga salita, at gumagamit Siya ng mga salita para masaktan nang husto ang mga tao at magtamo rin ng maraming biyaya ng Diyos. Ang yugtong ito ng gawain ay lilikha ng isang grupo ng mga mananagumpay, at matapos Niyang gawin ang grupong ito ng mga mananagumpay, magagawa nilang magpatotoo tungkol sa Kanyang mga gawa, magagawa nilang isabuhay ang realidad, at talagang mabibigyang-kasiyahan nila Siya at magiging tapat sila sa Kanya hanggang kamatayan, at sa paraang ito ay magtatamo ng kaluwalhatian ang Diyos. Kapag nagtamo ng kaluwalhatian ang Diyos—ibig sabihin, kapag nagawa Niyang perpekto ang grupong ito ng mga tao, iyon na ang magiging Kapanahunan ng Milenyong Kaharian.

Nasa lupa si Jesus sa loob ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon, pumarito Siya para gawin ang gawaing magpapako sa krus, at sa pamamagitan ng pagkapako sa krus ay nakamit ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian. Nang pumarito ang Diyos sa katawang-tao, nagawa Niyang magpakumbaba at maging tago, at magtiis ng matinding pagdurusa. Bagama’t Siya ang Diyos Mismo, tiniis pa rin Niya ang bawat kahihiyan at bawat panlalait, at tiniis Niya ang matinding sakit ng maipako sa krus para tapusin ang gawain ng pagtubos. Nang matapos ang yugtong ito ng gawain, bagama’t nakita ng mga tao na nagkamit na ng dakilang kaluwalhatian ang Diyos, hindi ito ang kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian; isang bahagi lamang ito ng Kanyang kaluwalhatian, na nakamit na Niya mula kay Jesus. Bagama’t nagawang tiisin ni Jesus ang bawat hirap, magpakumbaba at maging tago, maipako sa krus para sa Diyos, natamo lamang ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian, at natamo ang Kanyang kaluwalhatian sa Israel. May isa pa ring bahagi ng kaluwalhatian ang Diyos: ang maparito sa lupa para praktikal na gumawa at gawing perpekto ang isang grupo ng mga tao. Sa yugto ng gawain ni Jesus, gumawa Siya ng ilang kahima-himalang mga bagay, ngunit ang yugtong iyon ng gawain ay hindi lamang upang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan. Ito una sa lahat ay para ipakita na kaya ni Jesus na magdusa, at maipako sa krus para sa Diyos, na nakayanang magdusa ni Jesus ng matinding sakit dahil minahal Niya ang Diyos at na, bagama’t pinabayaan Siya ng Diyos, handa pa ring Siyang ialay ang Kanyang buhay para sa kalooban ng Diyos. Nang mabuo na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Israel at ipako si Jesus sa krus, nagtamo ng kaluwalhatian ang Diyos, at nagpatotoo na Siya sa harap ni Satanas. Hindi ninyo alam ni nakita kung paano nagkatawang-tao ang Diyos sa China, kaya paano ninyo makikita na nagtamo ang Diyos ng kaluwalhatian? Kapag gumagawa ang Diyos ng maraming gawain ng paglupig sa inyo, at kayo ay naninindigan, tagumpay ang yugtong ito ng gawain ng Diyos, at bahagi ito ng kaluwalhatian ng Diyos. Ito lamang ang nakikita ninyo, at hindi pa kayo nagagawang perpekto ng Diyos, hindi pa ninyo naibibigay nang lubusan ang inyong puso sa Diyos. Hindi pa ninyo nakikita nang lubusan ang kaluwalhatiang ito; nakikita ninyo lamang na nalupig na ng Diyos ang inyong puso, na hindi ninyo Siya kailanman maiiwan, at susundan ninyo ang Diyos hanggang sa pinakahuli at hindi magbabago ang inyong puso, at na ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Saan ninyo nakikita ang kaluwalhatian ng Diyos? Sa mga epekto ng Kanyang gawain sa mga tao. Nakikita ng mga tao na lubhang kaibig-ibig ang Diyos, nasa puso nila ang Diyos, at ayaw nilang iwan Siya, at ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Kapag nagkaroon ng lakas ang mga kapatid ng mga iglesia, at kaya nilang mahalin ang Diyos nang taos-puso, makita ang sukdulang kapangyarihan ng gawaing ginawa ng Diyos, ang walang-kapantay na kapangyarihan ng Kanyang mga salita, kapag nakita nila na may awtoridad ang Kanyang mga salita at na kaya Niyang simulan ang Kanyang gawain sa bayan ng mainland China na walang katau-tao, kapag, bagama’t mahina ang mga tao, nagpapakumbaba ang kanilang puso sa harap ng Diyos at handa silang tanggapin ang mga salita ng Diyos, at kapag, bagama’t sila ay mahina at hindi karapat-dapat, nagagawa nilang makita na lubhang kaibig-ibig ang mga salita ng Diyos, at lubhang karapat-dapat sa kanilang pagpapahalaga, ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Kapag dumating ang araw na gagawing perpekto ng Diyos ang mga tao, at nagagawa nilang sumuko sa Kanyang harapan, at ganap na sumunod sa Diyos, at iwanan ang kanilang mga inaasam at kapalaran sa mga kamay ng Diyos, lubos nang natamo ang ikalawang bahagi ng kaluwalhatian ng Diyos. Ibig sabihin, kapag lubos na nabuo ang gawain ng praktikal na Diyos, magwawakas na ang Kanyang gawain sa mainland China. Sa madaling salita, kapag nagawa nang perpekto ang mga itinalaga at hinirang ng Diyos, nagtamo na ng kaluwalhatian ang Diyos. Sinabi ng Diyos na dinala na Niya ang ikalawang bahagi ng Kanyang kaluwalhatian sa Silangan, subalit hindi ito nakikita ng mata. Dinala na ng Diyos ang Kanyang gawain sa Silangan: dumating na Siya sa Silangan, at ito ang kaluwalhatian ng Diyos. Ngayon, bagama’t kailangan pang tapusin ang Kanyang gawain, dahil nagpasya nang gumawa ang Diyos, tiyak na maisasagawa ito. Nagpasya na ang Diyos na tatapusin Niya ang gawaing ito sa China, at nagpasya na Siya na gawin kayong ganap. Dahil diyan, hindi ka Niya binibigyan ng malalabasan—nalupig na Niya ang inyong puso, at kailangang magpatuloy ka gustuhin mo man o hindi, at kapag naangkin kayo ng Diyos, nagtatamo ang Diyos ng kaluwalhatian. Ngayon, hindi pa ganap na natatamo ng Diyos ang kaluwalhatian, dahil hindi pa kayo nagagawang perpekto. Bagama’t nagbalik-loob na ang inyong puso sa Diyos, marami pa ring kahinaan sa inyong laman, wala kayong kakayahang palugurin ang Diyos, hindi ninyo nagagawang isaisip ang kalooban ng Diyos, at marami pa rin kayong taglay na negatibong mga bagay na dapat ninyong alisin sa inyong sarili at kailangan pa rin kayong sumailalim sa maraming pagsubok at pagpipino. Sa gayong paraan lamang maaaring magbago ang mga disposisyon mo sa buhay at maaari kang maangkin ng Diyos.

Sinundan: Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos

Sumunod: Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito