VII. Mga Salita tungkol sa Disposisyon ng Diyos at Kung Ano ang Mayroon Siya at Kung Ano Siya

255. Ang Diyos Mismo ay may sarili Niyang mga pag-aari at Kanyang pagiging Diyos. Ang lahat ng ipinapahayag at ibinubunyag Niya ay kumakatawan sa sarili Niyang diwa at sa sarili Niyang pagkakakilanlan. Ang mga pag-aaring ito at ang Kanyang pagiging Diyos, pati na ang diwa at pagkakakilanlang ito, ay mga bagay na hindi maaaring palitan ng sinumang tao. Ang Kanyang disposisyon ay sumasaklaw sa Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan, kapanatagan sa sangkatauhan, pagkamuhi sa sangkatauhan, at higit pa rito, ang lubos na pagkaunawa sa sangkatauhan. Gayumpaman, ang personalidad ng tao ay maaaring kapalooban ng pagiging masiyahin, masigla, o manhid. Ang disposisyon ng Diyos ay ang taglay ng May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa mga nilikhang may buhay; ito ang taglay ng Panginoon ng paglikha. Kumakatawan ang disposisyon Niya sa pagiging kagalang-galang, sa kapangyarihan, pagkamaharlika, kadakilaan, at higit sa lahat, sa kataas-taasang kapangyarihan. Ang disposisyon Niya ay ang simbolo ng awtoridad, ang simbolo ng lahat ng makatarungan, ang simbolo ng lahat ng maganda at mabuti. Higit pa roon, ang disposisyon Niya ay isang simbolo na hindi kayang malugmok o masalakay ng kadiliman o ng anumang puwersa ng kaaway, at simbolo rin ng pagiging hindi mapipinsala ng anumang pagkakasala (at di-pagkunsinti sa pagkakasala) ng sinumang nilikha. Ang disposisyon Niya ang simbolo ng pinakamataas na kapangyarihan. Walang tao o mga tao na kaya o maaaring makagulo sa gawain Niya o sa disposisyon Niya. Ngunit ang personalidad ng tao ay isa lamang tanda ng bahagyang kalamangan ng tao sa hayop. Ang tao, sa kanyang sarili, ay walang awtoridad, walang kasarinlan, at walang kakayahang lampasan ang sarili, ngunit sa diwa niya ay isang nilalang na napapayukyok para sa awa ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ang kagalakan ng Diyos ay dahil sa pag-iral at paglitaw ng katarungan at liwanag, dahil sa pagkawasak ng kadiliman at kasamaan. Nalulugod Siya sa pagdadala ng liwanag at ng isang mabuting buhay sa sangkatauhan; ang kagalakan Niya ay isang makatarungang kagalakan, isang sagisag ng pag-iral ng lahat ng bagay na positibo at, higit pa rito, isang sagisag ng pagkamapalad. Ang galit ng Diyos ay dahil sa pinsalang dulot ng pag-iral at panggugulo ng kawalan ng katarungan sa sangkatauhan Niya, dahil sa pag-iral ng kasamaan at kadiliman, dahil sa pag-iral ng mga bagay na nagtataboy sa katotohanan, at higit pa, dahil sa pag-iral ng mga bagay na sumasalungat sa kung anong mabuti at maganda. Ang galit Niya ay sagisag na hindi na umiiral ang lahat ng bagay na negatibo at, higit pa riyan, isa itong sagisag ng kabanalan Niya. Ang kalungkutan Niya ay dahil sa sangkatauhan, na mayroon sana Siyang inaasahan ngunit nahulog na sila sa kadiliman, at ito ay dahil hindi natutugunan ng gawaing ginagawa Niya sa tao ang mga layunin Niya, sapagkat lahat ng sangkatauhang minamahal Niya ay hindi kayang makapamuhay sa liwanag. Nakakaramdam Siya ng kalungkutan para sa inosenteng sangkatauhan, para sa matapat ngunit mangmang na tao, at para sa taong mabuti ngunit sa kanyang sariling mga pananaw ay nagkukulang. Ang kalungkutan Niya ay sagisag ng kabutihan Niya at ng awa Niya, isang sagisag ng kagandahan at ng kabaitan. Ang kaligayahan Niya, mangyari pa, ay nagmumula sa pagkatalo ng mga kaaway Niya at pagkakamit ng mabuting pananampalataya ng tao. Higit pa riyan, umuusbong ito mula sa pagpapatalsik at pagkawasak ng lahat ng puwersa ng kaaway, at sapagkat tumatanggap ang sangkatauhan ng mabuti at mapayapang buhay. Hindi katulad ng kagalakan ng tao ang kaligayahan ng Diyos; sa halip, ito ay ang pakiramdam ng paglikom ng magagandang bunga, isang pakiramdam na higit pa sa kagalakan. Ang kasiyahan Niya ay sagisag ng paglaya ng sangkatauhan sa pagdurusa mula sa oras na ito, at isang tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang daigdig ng liwanag. Ang mga damdamin ng sangkatauhan, sa kabilang banda, ay umuusbong na lahat para sa kapakanan ng sarili niyang mga interes at hindi para sa katarungan, liwanag, o kung ano ang maganda, at higit sa lahat, hindi para sa biyayang ipinagkaloob ng Langit. Ang mga damdamin ng sangkatauhan ay makasarili at nabibilang sa daigdig ng kadiliman. Hindi sila kumikilos para sa kapakanan ng kalooban, lalong hindi para sa plano ng Diyos, at kaya ang tao at Diyos ay hindi kailanman maaaring pag-usapan nang magkasabay. Ang Diyos ay kataas-taasan magpakailanman at kagalang-galang magpakailanman, samantalang ang tao ay napakababa magpakailanman at walang halaga magpakailanman. Ito ay sapagkat ang Diyos ay inilalaan at iginugugol ang sarili Niya Mismo para sa sangkatauhan magpakailanman, samantalang ang tao ay nanghihingi at nagsisikap para lamang sa sarili niya magpakailanman. Ang Diyos ay nagpapakahirap magpakailanman para manatiling buhay ang sangkatauhan, gayumpaman, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay alang-alang sa katarungan o liwanag, at kahit na pansamantalang magsikap ang tao, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Makasarili ang tao magpakailanman, samantalang ang Diyos ay walang pag-iimbot magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ang siyang pumapalit at nagpapahayag ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang diwa ng katarungan at kagandahan, gayumpaman, ang tao ay maaaring ipagkanulo ang katarungan at lumayo sa Diyos sa anumang oras at sa anumang sitwasyon.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos

256. Ako ay matuwid, Ako ay mapagkakatiwalaan, at Ako ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao! Ibubunyag Ko agad kung sino ang tunay at kung sino ang huwad. Huwag kayong maalarma, lahat ng bagay ay kumikilos ayon sa Aking oras. Sino ang taos na nagnanais sa Akin, sino ang hindi—sasabihin Ko sa inyo, isa-isa. Siguraduhin lamang ninyong kumain nang mabuti, uminom nang mabuti, at lumapit sa Akin kapag kayo ay nasa presensya Ko, at Ako Mismo ang gagawa ng Aking gawain. Huwag kayong labis na masabik sa mga agarang resulta; ang Aking gawain ay hindi isang bagay na maisasagawa agad-agad. Nakapaloob dito ang Aking mga hakbang at ang Aking karunungan, at iyan ang dahilan kung kaya mabubunyag ang Aking karunungan. Hahayaan Ko kayong makita kung ano ang ginagawa ng Aking mga kamay—ang pagpaparusa sa kasamaan at paggantimpala sa kabutihan. Ako ay talagang walang pinapaboran na kahit na sino. Ikaw na tapat na nagmamahal sa Akin, tapat Kitang mamahalin, at yaon namang mga hindi tapat na nagmamahal sa Akin, ang Aking poot ay mamamalagi magpakailanman sa kanila, upang maalala nila magpakailanman na Ako ang tunay na Diyos, ang Diyos na nagsisiyasat sa kaibuturan ng puso ng tao. Huwag kang kumilos ng isang paraan kapag kaharap ang kapwa ngunit ibang paraan kapag nakatalikod sila; malinaw Kong nakikita ang lahat ng ginagawa mo, at kahit malinlang mo ang iba, hindi mo Ako malilinlang. Malinaw Kong nakikita iyong lahat. Hindi posibleng maitago mo ang anumang bagay; ang lahat ay nasa Aking mga kamay. Huwag mong isiping napakatalino mo dahil lamang sa nagtagumpay ka sa iyong mga mumunting kalkulasyon para sa iyong sariling kapakinabangan. Sinasabi Ko sa iyo: gaano man karaming plano ang gawin ng tao, libo-libo man o sampu-sampung libo, sa huli ay hindi sila makatatakas mula sa Aking palad. Lahat ng kaganapan ay kontrolado ng Aking mga kamay, lalo naman ang isang tao! Huwag mo Akong subukang iwasan o pagtaguan, huwag mong subukang mambola o magtago. Maaari kayang hindi mo pa rin nakikita na ang Aking maluwalhating mukha, ang Aking poot at Aking paghatol, ay naibunyag na sa madla? Sinumang hindi nagnanais sa Akin nang tapat, agad at walang habag Ko silang hahatulan. Ang Aking awa ay natapos na; wala nang natitira pa roon. Huwag na kayong maging mga paimbabaw, at itigil na ninyo ang inyong mga gawing mararahas at pabaya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 44

257. Ako ang Simula, at Ako ang Wakas. Ako ang muling nabuhay at ganap na nag-iisang tunay na Diyos. Sinasabi Ko ang Aking mga salita sa harap ninyo, at dapat ninyong matatag na paniwalaan ang sinasabi Ko. Maaaring lumipas ang langit at lupa pero walang kahit isang titik o kudlit ng sinasabi Ko ang lilipas kailanman. Tandaan ito! Tandaan ito! Sa oras na binigkas Ko na ito, wala ni isang salita ang binawi na kailanman, at matutupad ang bawat isa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 53

258. Nasa Aking mga kamay ang sansinukob at lahat ng bagay. Kapag sinabi Ko, mangyayari iyon. Kapag itinalaga Ko, iyon ang mangyayari. Nasa ilalim ng Aking mga paa si Satanas; nasa walang-hanggang kalaliman ito! Kapag lumalabas ang Aking tinig, lilipas ang langit at lupa at mauuwi sa wala! Paninibaguhin ang lahat ng bagay; ito ay isang di-mababagong katotohanan na talagang tama. Nadaig Ko na ang mundo, maging ang lahat ng masama. Nakaupo Ako rito at nakikipag-usap sa inyo, at lahat ng may pandinig ay dapat makinig at lahat ng nabubuhay ay dapat itong tanggapin.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 15

259. Tapat Ako sa mga sinasabi Ko, at maisasakatuparan ang sinasabi Ko, at hindi ito mababago ng sinuman—ito ay ganap. Kung ito man ang nasabi Ko na sa nakaraan o kung ano ang sasabihin Ko sa hinaharap, lahat ng ito ay isa-isang matutupad, at pahihintulutan Ko ang buong sangkatauhan na makita na magkatotoo ang mga ito. Ito ang prinsipyo sa likod ng Aking mga salita at gawain. … Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay natutupad, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking kapasyahan? Maaari kayang ito ang tipan na ginawa Ko sa lupa? Walang makahahadlang sa pagsulong ng Aking plano. Sa lahat ng oras, ginagawa Ko ang gawain Ko, at sa lahat ng oras, pinaplano Ko ang pamamahala Ko. Sino sa mga tao ang maaaring makialam? Hindi ba’t Ako ang personal na namatnugot ng lahat ng bagay? Ang pagpasok sa kalagayang ito ngayon ay hindi pa rin lumilihis mula sa Aking plano o kung ano ang Aking patiunang nakita; ito ay pauna Ko nang itinakda noon pa. Sino sa inyo ang maaaring makatarok sa hakbang na ito? Ang Aking bayan ay may katiyakang makikinig sa Aking tinig, at ang bawat isa sa mga yaon na totoong nagmamahal sa Akin ay tiyak na magbabalik sa harapan ng Aking trono.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1

260. Mahal Ko ang lahat na taos-pusong gumugugol ng kanilang mga sarili para sa Akin at inilalaan ang kanilang mga sarili sa Akin. Namumuhi Ako sa lahat ng isinilang mula sa Akin pero hindi Ako kilala, at lumalaban pa sa Akin. Hindi Ko tatalikuran ang sinuman na taos-pusong para sa Akin; sa halip, dodoblehin Ko ang mga pagpapala ng taong iyon. Parurusahan Ko nang doble yaong mga kumakagat sa kamay ng nagpapakain sa kanila, at hindi Ko sila basta hahayaan nang ganoon na lamang. Sa Aking kaharian, walang kabuktutan o panlilinlang, at walang kamunduhan; iyon ay, walang amoy ng bangkay. Sa halip, ang lahat ay pagkamatuwid at katuwiran; ang lahat ay pagkabusilak at katapatan, na walang nakatago o lingid. Ang lahat ay sariwa, ang lahat ay kasiyahan, at ang lahat ay pagpapahusay. Ang sinumang nangangamoy-patay pa rin ay hindi maaaring manatili sa Aking kaharian, at sa halip ay pamumunuan ng Aking bakal na pamalo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 70

261. Ako ay isang apoy na tumutupok sa lahat at hindi Ko kinukunsinti ang pagkakasala. Dahil Ako ang lumikha sa lahat ng mga tao, anuman ang sabihin at gawin Ko, kailangan nilang magpasakop, at hindi sila maaaring sumalungat. Walang karapatan ang mga tao na makialam sa Aking gawain, at lalong hindi sila karapat-dapat na suriin kung ano ang tama o mali sa Aking gawain at sa Aking mga salita. Ako ang Lumikha, at dapat makamit ng mga nilikha ang lahat ng hinihingi Ko nang may pusong takot sa Akin; hindi nila dapat subukang makipagtalo sa Akin, at lalo nang hindi sila dapat lumaban. Pinamamahalaan Ko ang Aking mga tao gamit ang Aking awtoridad, at lahat ng bahagi ng Aking paglikha ay dapat magpasakop sa Aking awtoridad. Bagama’t ngayon ay matapang at mapangahas kayo sa Aking harapan, bagama’t naghihimagsik kayo laban sa mga salitang itinuturo Ko sa inyo at hindi ninyo alam kung paano matakot, tinutugunan Ko lamang ng pagpaparaya ang inyong paghihimagsik; hindi Ako mawawalan ng pagtitimpi at hindi Ko aapektuhan ang Aking gawain nang dahil sa ikinalat ng maliliit, walang-halagang mga uod ang dumi sa bunton ng dumi ng hayop. Tinitiis Ko ang patuloy na pag-iral ng lahat ng Aking kinamumuhian at lahat ng bagay na Aking kinasusuklaman alang-alang sa kalooban ng Aking Ama, at gagawin Ko iyon hanggang sa matapos ang Aking mga pahayag, hanggang sa kahuli-hulihan Kong sandali.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo

262. Yamang gumawa ka na ng mga resolusyon na paglingkuran Ako, hindi kita pakakawalan. Isa Akong Diyos na kinapopootan ang kasamaan, at isa Akong Diyos na naninibugho sa sangkatauhan. Yamang nailagay mo na ang mga salita mo sa dambana, hindi Ko kukunsintihin ang pagtakbo mo sa mismong harap ng mga mata Ko, ni hindi Ko kukunsintihin na naglilingkod ka sa dalawang panginoon. Inisip mo bang maaari kang magkaroon ng pangalawang pagmamahal matapos mong mailagay na ang mga salita mo sa dambana Ko at sa harap ng mga mata Ko? Paano Ko mapapayagan ang mga tao na gawin Akong isang hangal sa gayong paraan? Inisip mo bang maaari kang basta-basta gumawa ng mga panata at mga panunumpa sa Akin gamit ang dila mo? Paano ka nakagagawa ng mga panunumpa sa trono Ko, ang trono Ko na Siyang Kataas-taasan? Inisip mo bang lumipas na ang mga panunumpa mo? Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Kahit pa maaaring pumanaw ang mga laman ninyo, ang mga panunumpa ninyo ay hindi. Sa katapusan, parurusahan Ko kayo batay sa mga panunumpa ninyo. Gayunman, naniniwala kayong magagawa ninyong makitungo sa Akin nang pabasta-basta sa pamamagitan ng paglalagay ng mga salita ninyo sa harap Ko, at na makapaglilingkod sa maruruming espiritu at masasamang espiritu ang mga puso ninyo. Paano makapagpaparaya ang galit Ko sa kanila na malaaso at malababoy na mga taong dinaraya Ako? Dapat Kong isakatuparan ang mga atas administratibo Ko, at agawin pabalik mula sa mga kamay ng maruruming espiritu ang lahat ng labis na pormal at “relihiyoso” na mayroong pananampalataya sa Akin upang maaari silang “maghintay” sa Akin sa isang disiplinadong pamamaraan, maging Aking baka, maging Aking mga kabayo, at maging nasa awa ng Aking pagkakatay. Ipag-uutos Ko sa iyong ibalik ang dati mong mga kapasyahan at muling paglingkuran Ako. Hindi Ako magpaparaya sa anumang nilikhang nanlilinlang sa Akin. Inisip mo bang maaari kang walang taros na gumawa ng mga hiling at magsinungaling sa harapan Ko? Inisip mo bang hindi Ko narinig o nakita ang mga salita at mga gawa mo? Paano mawawala sa paningin Ko ang mga salita at mga gawa mo? Paano Ko mapahihintulutan ang mga tao na linlangin Ako na katulad niyan?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Masyadong Hamak ang Pagkatao Ninyong Lahat!

263. Ako ang walang-katulad na Diyos Mismo at, higit pa, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Bukod pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapakita ng Diyos. Sinumang nangangahas na hindi matakot sa Akin, sinumang maglalakas-loob na magpakita ng paglaban sa kanilang mga mata, at sinumang maglalakas-loob na magsalita ng mga salita ng paglaban sa Akin ay tiyak na mamamatay mula sa Aking mga sumpa at poot (magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot). At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging mabuting anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, pagiging maharlika at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; katuwiran, pagiging maharlika at paghatol lamang ang bumubuo sa disposisyon Ko—ang ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang maibiging kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, pagiging maharlika, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79

264. Pinaghaharian Ko ang lahat ng bagay, Ako ang marunong na Diyos na may hawak ng buong kapangyarihan, at Ako ay mahigpit sa lahat; ganap Akong walang awa, at ganap na walang personal na damdamin. Tinatrato Ko ang lahat (kahit na gaano siya kahusay magsalita, hindi Ko siya bibitawan) gamit ang Aking katuwiran, pagkamatuwid, at kamahalan, habang binibigyang-kakayahan ang lahat na makita nang mas malinaw ang pagiging kamangha-mangha ng Aking mga gawa, pati na rin ang kahulugan ng Aking mga gawa. Isa-isa, pinarusahan Ko ang masasamang espiritu para sa lahat ng uri ng pagkilos na kanilang ginagawa, ibinubulid silang isa-isa sa walang-hanggang kalaliman. Ang gawaing ito ay tinapos Ko bago nagsimula ang panahon, iniwan ang mga ito na walang posisyon, iniwan ang mga ito na walang lugar para gawin ang kanilang gawain. Wala sa Aking mga piniling tao—yaong mga paunang-itinadhana at pinili Ko—ang maaaring sapian ng masasamang espiritu kailanman, at sa halip ay laging magiging banal. Samantalang ang mga hindi paunang-itinadhana at napili, ipapasa Ko sila kay Satanas, at hindi Ko na sila hahayaang manatili. Sa lahat ng aspeto, nakapaloob sa Aking mga atas administratibo ang Aking katuwiran at Aking kamahalan. Wala Akong pakakawalan kahit isa sa mga kinikilusan ni Satanas, kundi itatapon sila kasama ang kanilang mga katawan sa Hades, dahil galit Ako kay Satanas. Hindi Ko ito basta-basta pakakawalan, kundi ganap itong wawasakin, hindi ito binibigyan ng bahagya mang pagkakataong gawin ang gawain nito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 70

265. Kakastiguhin Ko ang lahat ng isinilang sa Akin na hindi pa Ako kilala para ipamalas ang lahat ng Aking poot, ang Aking dakilang kapangyarihan, at ang Aking buong karunungan. Sa Akin, lahat ay matuwid, at wala talagang kawalang-katarungan, walang panlilinlang, at walang kabuktutan; sinumang buktot at mapanlinlang ay tiyak na anak ng impiyerno, isinilang sa Hades. Sa Akin lahat ay lantad; anumang sabihin Ko ay matutupad, talagang matutupad; anumang sabihin Ko ay maitatatag, talagang maitatatag, at walang sinumang makakapagpabago o makakagaya sa mga bagay na ito dahil Ako ang nag-iisa at tanging Diyos Mismo.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 96

266. Parurusahan Ko ang masama at gagantimpalaan ang mabuti, ipatutupad Ko ang Aking katuwiran, isasagawa Ko ang Aking paghatol, at gagamitin Ko ang Aking mga salita para isakatuparan ang lahat, na ipaparanas sa lahat ng tao at lahat ng bagay ang Aking kamay na kumakastigo. Tiyak na ipapakita Ko sa lahat ng tao ang Aking buong kaluwalhatian, ang Aking buong karunungan, at ang Aking buong kasaganaan. Walang taong mangangahas na tumindig para humusga, dahil para sa Akin, lahat ng bagay ay naisakatuparan na; at dito, hayaang makita ng lahat ng tao ang Aking buong karangalan, at matikman ang Aking buong tagumpay, dahil para sa Akin lahat ng bagay ay nahayag na. Sapat ito para mapakita ang Aking dakilang kapangyarihan at ang Aking awtoridad. Walang mangangahas na sumalungat sa Akin, at walang mangangahas na humadlang sa Akin. Para sa Akin, hayag ang lahat—sino ang mangangahas na magtago ng anuman? Tiyak na hindi Ko sila patatawarin! Kailangang tumanggap ng Aking matinding parusa ang mga tampalasang iyon, at kailangang mapawi mula sa Aking paningin ang mga kasuklam-suklam na taong iyon. Pamamahalaan Ko sila gamit ang tungkod na bakal at gagamitin Ko ang Aking awtoridad para hatulan sila, nang wala ni katiting na awa at hindi man lamang isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin, sapagkat Ako Mismo ang Diyos, na maharlika at na walang mga damdamin ng laman at hindi nalalabag. Dapat itong maunawaan at makita ng lahat, kung hindi ay mahahampas at malilipol sila sa Akin “nang walang dahilan o katwiran,” sapagkat hahampasin ng Aking tungkod ang lahat ng sumasalungat sa Akin. Wala Akong pakialam kung alam man nila ang Aking mga atas administratibo; wala iyang halaga sa Akin, dahil hindi nalalabag ng sinuman ang Aking persona. Ito ang dahilan kaya sinasabi na Ako ay isang leon; hinahampas Ko ang sinumang Aking hipuin. Kaya nga sinasabi na kalapastanganan na ngayong sabihin na Ako ang Diyos na may awa at mapagmahal na kabaitan. Sa diwa, hindi Ako isang kordero, kundi isang leon. Walang nangangahas na sumalungat sa Akin; sinumang sumasalungat sa Akin, parurusahan Ko ng kamatayan, agad-agad, nang hindi isinasaalang-alang ang kanilang mga damdamin kahit kaunti.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120

267. Ang Aking tinig ay paghatol at poot; hindi ito nagluluwag sa sinuman at hindi nagpapakita ng awa sa sinuman, sapagkat Ako ang matuwid na Diyos Mismo, at Ako ay napopoot; Ako ay nanununog, naglilinis, at nangwawasak. Sa Akin ay walang natatago at walang mga damdamin ng laman, sa kabaligtaran, mayroong pagiging bukas, matuwid, makatarungan at walang pagkiling. Dahil ang Aking mga panganay na anak ay kasama Ko na sa trono, namumuno sa di-mabilang na mga bansa at tao, yaong di-makatarungan at di-matuwid na mga bagay at mga tao ay sinisimulan nang mahatulan ngayon. Sisiyasatin Ko sila nang isa-isa, walang nilalagpasan at ibinubunyag sila nang ganap. Sapagkat ang Aking paghatol ay lubusan nang nabunyag at lubusan nang bukas, at wala Akong itinira ni anuman; itatapon Ko ang lahat ng hindi nakaayon sa Aking mga layunin at hahayaan ang mga itong mapahamak nang walang-hanggan sa walang-hanggang hukay. Hahayaan Kong masunog ang mga ito roon nang walang-hanggan. Ito lang ang Aking katuwiran, at ito lang ang Aking pagkamatuwid. Walang sinumang makapagbabago nito, at lahat ay dapat na nasa ilalim ng Aking pamumuno.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 103

268. Bawat pangungusap na Aking binibigkas ay may taglay na awtoridad at paghatol, at walang sinumang maaaring magbago ng Aking mga salita. Sa sandaling lumabas ang Aking mga salita, tiyak na matutupad ang mga bagay ayon sa Aking mga salita; ito ang Aking disposisyon. Ang Aking mga salita ay awtoridad at sinumang bumabago sa mga iyon ay nagkakasala sa Aking pagkastigo, at kailangan Ko silang pabagsakin. Sa seryosong mga kalagayan, ipinapahamak nila ang sarili nilang buhay at napupunta sila sa Hades, o sa walang-hanggang kalaliman. Ito ang Aking tanging paraan ng pakikitungo sa sangkatauhan, at walang paraan ang tao para baguhin ito—ito ang Aking atas administratibo. Tandaan ninyo ito! Walang sinumang pinahihintulutang magkasala sa Aking atas; kailangang magawa ang mga bagay ayon sa Aking mga layunin! Dati-rati, napakaluwag Ko sa inyo at ang Aking mga salita lang ang nakatagpo ninyo. Hindi pa nagaganap ang mga salitang Aking ipinahayag tungkol sa pagpapabagsak sa mga tao. Ngunit mula ngayon, lahat ng kalamidad (ang mga ito na may kaugnayan sa Aking mga atas administratibo) ay sunud-sunod na darating upang parusahan ang lahat ng hindi naaayon sa Aking mga layunin. Kailangang magkaroon ng pagdating ng mga katotohanan—kung hindi ay hindi makikita ng mga tao ang Aking poot kundi paulit-ulit nilang durungisan ang kanilang sarili. Isa itong hakbang ng Aking plano ng pamamahala, at ito ang paraan kung paano Ko gagawin ang susunod na hakbang ng Aking gawain. Ipinagpapauna Ko ito sa inyo nang sa gayon ay maiwasan ninyong makagawa ng pagkakasala at mapahamak magpakailanman. Ibig sabihin, mula sa araw na ito, papupuntahin ko ang lahat ng tao, maliban sa Aking mga panganay na anak, sa kanilang dapat kalagyan ayon sa Aking mga layunin, at isa-isa Ko silang kakastiguhin. Hindi Ko palalagpasin ang kahit isa sa kanila. Subukan lang ninyong magpakasamang muli! Subukan mo lang maging suwail na muli! Nasabi Ko na noon na matuwid Ako sa lahat, na wala Ako ni katiting na damdamin, at ipinapakita nito na hindi dapat magkasala sa Aking disposisyon. Ito ang Aking persona. Walang sinumang maaaring magbago nito. Naririnig ng lahat ng tao ang Aking mga salita at nakikita ng lahat ng tao ang Aking maluwalhating mukha. Kailangang magpasakop sa Akin ang lahat ng tao nang lubusan at ganap—ito ang Aking atas administratibo. Lahat ng tao sa buong sansinukob at sa mga dulo ng mundo ay dapat Akong purihin at luwalhatiin, sapagkat Ako ang natatanging Diyos Mismo, sapagkat Ako ang persona ng Diyos. Walang sinumang maaaring magbago ng Aking mga salita at pahayag, ng Aking pananalita at kilos, sapagkat ang mga ito ay mga bagay na para sa Akin lamang, at ang mga ito ay mga bagay na taglay Ko na noong una pa man at iiral magpakailanman.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 100

269. Lahat ay maisasakatuparan sa pamamagitan ng Aking mga salita; walang sinumang tao ang maaaring makibahagi, at walang taong makakagawa ng gawaing Aking isasagawa. Lilinisin Ko ang hangin sa lahat ng lupain at pupuksain Ko ang lahat ng bakas ng mga demonyo sa lupa. Nagsimula na Ako, at uumpisahan Ko ang unang hakbang ng Aking gawain ng pagkastigo sa tirahan ng malaking pulang dragon. Kaya makikita na sumapit na ang Aking pagkastigo sa buong sansinukob, at na ang malaking pulang dragon at lahat ng uri ng mga karumal-dumal na espiritu ay mawawalan ng lakas na takasan ang Aking pagkastigo, sapagkat nakatingin Ako sa lahat ng lupain. Kapag natapos na ang Aking gawain sa lupa, ibig sabihin, kapag nagwakas na ang panahon ng paghatol, pormal Kong kakastiguhin ang malaking pulang dragon. Makikita ng Aking mga tao ang matuwid Kong pagkastigo sa malaking pulang dragon, siguradong magbubuhos sila ng papuri dahil sa Aking pagkamatuwid, at siguradong pupurihin nila ang Aking banal na pangalan magpakailanman dahil sa Aking pagkamatuwid. Dahil dito ay pormal ninyong gagampanan ang inyong tungkulin, at pormal ninyo Akong pupurihin sa buong lupain, magpakailan pa man!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28

270. Ngayon ang panahon na tinutukoy Ko ang kalalabasan ng bawat tao, hindi ang yugto na sinimulan Kong gawaan ang tao. Isinusulat Ko sa Aking talaang aklat, isa-isa, ang mga salita at kilos ng bawat tao, ang kanyang landas sa pagsunod sa Akin, ang kanyang likas na klasipikasyon, at ang kanilang mga pagpapamalas sa huli. Sa ganitong paraan, anumang uri ng tao sila, walang sinumang makatatakas sa kamay Ko, at ang lahat ay mabubukod ayon sa kanilang uri batay sa Aking pagtatalaga. Tinutukoy Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, senyoridad, o dami ng pagdurusa, lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito. Dapat ninyong maunawaan na parurusahan ang lahat ng hindi sumusunod sa kalooban ng Diyos nang walang eksepsiyon. Isa itong bagay na hindi mababago ng sinumang tao. Samakatwid, lahat ng pinarurusahan ay pinarurusahan dahil sa katuwiran ng Diyos at bilang ganting-parusa sa kanilang maraming masasamang gawa.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

271. Kung isa kang mananalig sa loob ng maraming taon at matagal nang nakikisalamuha sa Akin, subalit nananatiling malayo sa Akin, kung gayon ay sinasabi Ko na tiyak na madalas kang sumasalungat sa disposisyon ng Diyos, at magiging napakahirap kalkulahin ang katapusan mo. Kung ang maraming taon ng pakikisalamuha mo sa Akin ay hindi lamang nabigong baguhin ka para maging isang taong nagtataglay ng pagkatao at ng katotohanan, ngunit, bukod dito ay pinag-ugat na ang masasama mong gawi sa iyong kalikasan, at hindi lamang dumoble ang pagmamataas mo kaysa dati, kundi dumami rin ang mga maling pagkakaintindi mo sa Akin, kaya’t tinitingnan mo na Ako ngayon bilang abang alalay, kung gayon ay sinasabi Ko na hindi na lamang paimbabaw ang sakit mo ngunit tumagos na sa mismong mga buto mo. Ang nalalabi na lamang ay hintayin mong matapos ang pagsasaayos ng iyong libing. Hindi mo na kailangang magsumamo sa Akin upang maging Diyos mo, dahil nakagawa ka ng kasalanang nararapat sa kamatayan, isang kasalanang walang kapatawaran. Magkaroon man Ako ng habag sa iyo, igigiit ng Diyos na nasa langit na kunin ang buhay mo, dahil hindi pangkaraniwang suliranin ang pagkakasala mo laban sa disposisyon ng Diyos, ngunit isang may napakalubhang kalikasan. Pagdating ng oras, huwag mo Akong sisisihin na hindi Kita sinabihan nang maaga. Bumabalik ang lahat dito: Kapag nakipag-ugnayan ka kay Cristo—ang Diyos na nasa lupa—bilang pangkaraniwang tao, ibig sabihin, kapag naniniwala kang walang iba kundi isang tao lamang ang Diyos na ito, saka ka mamamatay. Ito lamang ang babala Ko sa inyong lahat.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Mababatid ang Diyos na Nasa Lupa

272. Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at bumibitiw sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng masamang gawa, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng lubos na katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang kasiyahan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong kaisa Ko ng isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa ng isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan

273. Itatama Ko ang mga kawalang-katarungan sa mundo ng tao. Gagawin Ko mismo ang Aking gawain sa buong mundo, pagbabawalan Ko si Satanas na muling saktan ang Aking mga tao, pagbabawalan Ko ang mga kaaway na muling gawin ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking luklukan doon, papangyayarihin Kong magpatirapa sa lupa ang lahat ng kaaway Ko at paaaminin Ko sa mga krimen nila sa Aking harapan. Sa Aking kalungkutan, na may kahalong galit, tatapakan Ko ang buong sansinukob, na wala ni isang matitira, at sisindakin Ko ang puso ng Aking mga kaaway. Paguguhuin Ko ang buong mundo, at pababagsakin Ko ang Aking mga kaaway sa mga guho, upang mula ngayon ay hindi na nila magawang tiwali ang sangkatauhan. Buo na ang Aking plano, at hindi ito dapat baguhin ng sinuman, maging sino man sila. Habang naglilibot Ako sa maringal na seremonya sa ibabaw ng sansinukob, gagawing bago ang buong sangkatauhan, at lahat ay bubuhaying muli. Hindi na iiyak ang tao, hindi na sila hihingi ng tulong sa Akin. Sa gayon ay magagalak ang Aking puso, at babalik ang mga tao upang ipagdiwang Ako. Magbubunyi ang buong sansinukob, mula itaas hanggang ibaba, dahil sa kagalakan …

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 27

274. Sion! Magbunyi! Sion! Umawit nang malakas! Ako ay nagbalik nang wagi, Ako ay nagbalik nang matagumpay! Lahat ng tao! Magmadaling pumila nang maayos! Lahat ng nilikha! Magsitigil na kayo, sapagkat ang Aking persona ay nakaharap sa buong sansinukob at nagpapakita sa Silangan ng mundo! Sino ang nangangahas na hindi lumuhod sa pagsamba? Sino ang nangangahas na hindi Ako tawaging totoong Diyos? Sino ang nangangahas na hindi tumingala nang may pusong takot? Sino ang nangangahas na hindi magbigay ng papuri? Sino ang nangangahas na hindi magbunyi? Tiyak na maririnig ng bayan Ko ang Aking tinig, at tiyak na patuloy na mabubuhay ang Aking mga anak sa Aking kaharian! Ang mga bundok, ilog, at lahat ng bagay ay magbubunyi nang walang humpay, at magtatatalon nang walang tigil. Sa panahong ito, walang mangangahas na umurong, at walang mangangahas na tumindig sa paglaban. Ito ang Aking kamangha-manghang gawa, at higit pa roon, ito ang Aking dakilang kapangyarihan! Ang lahat ay gagawin Ko na magkaroon ng pusong may takot sa Akin at higit pa rito, gagawin Ko na papurihan Ako ng lahat! Ito ang pinakalayunin ng Aking plano ng pamamahala sa loob ng anim na libong taon, at ito ang inorden Ko. Wala ni isang tao ni isang bagay ni isang pangyayari ang nangangahas na tumindig para labanan o tutulan Ako. Lahat ng Aking bayan ay magtutungo sa Aking bundok (sa madaling salita, ang mundong lilikhain Ko kalaunan) at tiyak na susuko sila sa Aking harapan, dahil Ako ay may pagiging maharlika at paghatol, at taglay Ko ang awtoridad. (Tumutukoy ito sa kapag Ako ay nasa katawan. Mayroon din Akong awtoridad sa katawang-tao, ngunit dahil ang mga limitasyon ng panahon at kalawakan ay hindi malalagpasan sa katawang-tao, hindi masasabi na nakamtan Ko na ang ganap na kaluwalhatian. Bagama’t nakakamit Ko ang mga panganay na anak sa katawang-tao, hindi pa rin masasabi na nakamtan Ko na ang kaluwalhatian. Masasabi lamang na mayroon Akong awtoridad—na nagkamit na Ako ng kaluwalhatian—kapag nagbalik na Ako sa Sion at binago ang Aking anyo.) Walang magiging mahirap para sa Akin. Sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay mawawasak, at sa pamamagitan ng mga salita mula sa Aking bibig, ang lahat ay mananatiling matatag at maisasakatuparan. Gayon ang Aking dakilang kapangyarihan at gayon ang Aking awtoridad. Dahil puspos Ako ng kapangyarihan at puno ng awtoridad, walang sinumang tao ang makapangangahas na hadlangan Ako. Matagal na Akong nagwagi sa lahat, at nagtagumpay na Ako laban sa lahat ng anak ng paghihimagsik.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 120

275. Nilikha ng Diyos ang sangkatauhan; nagawa man silang tiwali o sumusunod man sa Kanya, itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang mga pinakaitinatangi Niyang minamahal—o gaya ng sinasabi ng mga tao, ang mga taong pinakamalapit sa Kanya—at hindi bilang mga laruan Niya. Bagama’t sinasabi ng Diyos na Siya ang Lumikha at ang tao ay Kanyang nilikha, na para bang may kaunting pagkakaiba sa katayuan, ang realidad ay lahat ng nagawa ng Diyos para sa sangkatauhan ay sobra-sobra para sa ganitong kalikasan ng relasyon. Mahal ng Diyos ang sangkatauhan, inaalagaan ang sangkatauhan, at nagpapakita ng malasakit para sa sangkatauhan, gayundin ay patuloy at walang-tigil na naglalaan para sa sangkatauhan. Hindi Niya kailanman nararamdaman sa Kanyang puso na ito ay karagdagang gawain o bagay na karapat-dapat bigyan ng malaking parangal. Ni hindi rin Niya kailanman nararamdaman na ang pagliligtas sa sangkatauhan, pagtutustos sa kanila, at pagbibigay sa kanila ng lahat ng bagay, ay pagbibigay ng napakalaking ambag sa sangkatauhan. Tahimik at walang-imik lamang Siyang naglalaan para sa sangkatauhan, sa sarili Niyang paraan at sa pamamagitan ng sarili Niyang diwa at mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos. Gaano man karami ang paglalaan at gaano man karaming tulong ang natatanggap ng sangkatauhan mula sa Kanya, hindi kailanman iniisip ng Diyos na umako ng kredito o sinusubukang gawin ito. Ito ay itinatakda ng diwa ng Diyos, at tiyak rin na isa itong tunay na pagpapahayag ng disposisyon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

276. Maraming gabi na walang tulog ang tiniis ng Diyos para sa kapakanan ng gawain para sa sangkatauhan. Mula sa kaitaasan hanggang sa pinakamababang kalaliman, bumaba Siya sa buhay na impiyerno kung saan ang tao ay nananahan para mamuhay kasama ang tao sa pagitan ng mga kaduluhan ng mundo, hindi Siya kailanman nagreklamo sa panlilimahid ng tao, at hindi Niya kailanman sinisi ang tao dahil sa paghihimagsik nito, kundi tinitiis ang pinakamatinding kahihiyan habang personal Niyang isinasakatuparan ang Kanyang gawain. Paano kayang ang Diyos ay mabibilang sa impiyerno? Paano kayang gugugulin Niya ang Kanyang buhay sa impiyerno? Ngunit para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, nang sa gayon ang buong sangkatauhan ay makasumpong ng kapahingahan sa mas lalong madaling panahon, tiniis Niya ang kahihiyan at nagdusa ng kawalang-katarungan upang makaparito sa lupa, at personal na pumasok sa “impiyerno” at “Hades,” sa yungib ng tigre, upang iligtas ang tao. Paanong kalipikado ang tao na labanan ang Diyos? Anong dahilan ang mayroon siya upang magreklamo tungkol sa Diyos? Paano siya nagkakaroon ng lakas ng loob na humarap sa Diyos? Dumating sa pinakamaruming lupain ng kahalayan na ito ang Diyos ng langit, at hindi kailanman ibinulalas ang Kanyang mga hinaing, o nagreklamo tungkol sa tao, bagkus ay tahimik na tinatanggap ang mga pamiminsala[1] at pang-aapi ng tao. Hindi Siya kailanman gumanti sa di-makatwirang mga hinihingi ng tao, hindi Siya kailanman humingi nang labis sa tao, at hindi Siya kailanman gumawa ng di-makatwirang mga paghingi sa tao; ginagawa lang Niya ang lahat ng gawain na kinakailangan ng tao, tinitiis ang lahat ng paghihirap at hindi nagrereklamo: pagtuturo, pagliliwanag, pagsaway, pagpipino ng mga salita, pagpapaalala, panghihikayat, pang-aaliw, paghatol at paglalantad. Alin sa Kanyang mga hakbang ang hindi naging para sa buhay ng tao? Kahit naalis na Niya ang mga inaasam-asam at kapalaran ng tao, alin sa mga hakbang na isinakatuparan ng Diyos ang hindi para sa kapalaran ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng tao? Alin sa mga iyon ang hindi para palayain ang tao mula sa paghihirap na ito at mula sa pang-aapi ng mga pwersa ng kadiliman na kasing-itim ng gabi? Alin sa mga iyon ang hindi para sa kapakanan ng tao? Sino ang maaaring makaunawa sa puso ng Diyos, na tulad ng sa isang mapagmahal na ina? Sino ang maaaring makaunawa sa sabik na puso ng Diyos?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (9)

Talababa:

1. Ang “mga pamiminsala” ay ginagamit upang ilantad ang paghihimagsik ng sangkatauhan.


277. Nang pumarito ang Diyos sa lupa, hindi Siya kabilang sa mundo, at hindi Siya nagkatawang-tao para tamasahin ang mundo. Ipapanganak Siya kung saan man ibubunyag ng gawain Niya ang Kanyang disposisyon at magiging pinakamakahulugan, ito man ay banal o maruming lupain. Saan man Siya gumagawa, Siya ay banal. Lahat ng bagay sa mundo ay nilikha Niya, bagama’t ang mga ito ay nagawa nang tiwali ni Satanas. Gayumpaman, lahat ng bagay ay pag-aari pa rin Niya; nasa mga kamay Niya ang lahat ng iyon. Pumupunta Siya sa isang maruming lupain at gumagawa roon upang ibunyag ang Kanyang kabanalan; ginagawa lamang Niya ito alang-alang sa Kanyang gawain, na ibig sabihin ay tinitiis lang Niya ang malaking kahihiyan upang gawin ang gayong gawain upang iligtas ang mga tao ng maruming lupaing ito. Ginagawa ito alang-alang sa pagpapatotoo, para sa kapakanan ng buong sangkatauhan. Ang ipinapakita sa mga tao ng gayong gawain ay ang katuwiran ng Diyos, at mas naipapakita nito na ang Diyos ang pinakamataas. Ang Kanyang kadakilaan at karangalan ay mismong naipapamalas sa pagliligtas ng isang grupo ng hamak na mga tao na nililibak ng iba. Ang maisilang sa isang maruming lupain ay hindi nagpapatunay na Siya ay hamak; tinutulutan lamang nitong makita ng lahat ng mga nilikha ang Kanyang kadakilaan at Kanyang tunay na pagmamahal para sa sangkatauhan. Habang mas ginagawa Niya ito, mas ibinubunyag nito ang Kanyang dalisay na pagmamahal, ang Kanyang perpektong pagmamahal sa tao. Ang Diyos ay banal at matuwid, kahit isinilang Siya sa isang maruming lupain, at kahit nabubuhay Siyang kasama ng mga taong puno ng karumihan, gaya noong namuhay si Jesus sa piling ng mga makasalanan sa Kapanahunan ng Biyaya. Hindi ba’t ginawa ang Kanyang buong gawain para sa kapakanan ng pananatiling buhay ng buong sangkatauhan? Hindi ba lahat ng iyon ay upang magtamo ng dakilang kaligtasan ang sangkatauhan? Dalawang libong taon na ang nakararaan, namuhay Siya sa piling ng mga makasalanan sa loob ng ilang taon. Iyon ay alang-alang sa pagtubos. Ngayon, namumuhay Siya sa piling ng isang grupo ng marurumi at hamak na mga tao. Ito ay alang-alang sa kaligtasan. Hindi ba para sa kapakanan ninyong mga tao ang lahat ng Kanyang gawain? Kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya nabuhay at nagdusa kasama ng mga makasalanan sa loob ng napakaraming taon pagkatapos maisilang sa isang sabsaban? At kung hindi para iligtas ang sangkatauhan, bakit Siya magbabalik sa katawang-tao sa ikalawang pagkakataon, isisilang sa lupaing ito kung saan nagtitipon ang mga demonyo, at mamumuhay sa piling ng mga taong ito na lubhang nagawang tiwali ni Satanas? Hindi ba tapat ang Diyos? Anong bahagi ng Kanyang gawain ang hindi naging para sa sangkatauhan? Anong bahagi ang hindi naging para sa inyong tadhana? Ang Diyos ay banal—hindi iyan mababago! Hindi Siya narungisan ng dumi, bagama’t pumunta Siya sa isang maruming lupain; lahat ng ito ay maaari lamang mangahulugan na ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan ay lubhang hindi makasarili at ang pagdurusa at kahihiyang Kanyang tinitiis ay napakatindi! Hindi ba ninyo alam kung gaano kalaking kahihiyan ang Kanyang dinaranas, para sa inyong lahat at para sa inyong tadhana? Sa halip na iligtas ang mga dakilang tao o ang mga anak ng mayaman at makapangyarihang mga pamilya, nakatuon Siyang iligtas iyong mga hamak at minamaliit ng iba. Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang kabanalan? Hindi ba lahat ng ito ay Kanyang katuwiran? Para manatiling buhay ang buong sangkatauhan, mas gusto pa Niyang maisilang sa isang maruming lupain at magdusa ng lahat ng kahihiyan. Ang Diyos ay tunay na tunay—wala Siyang ginagawang huwad na gawain. Hindi ba ginagawa ang bawat yugto ng Kanyang gawain sa napakapraktikal na paraan? Kahit sinisiraan Siya ng lahat ng tao at sinasabi na nauupo Siya sa hapag na kasama ang mga makasalanan, kahit iniinsulto Siya ng lahat ng tao at sinasabi na namumuhay Siya sa piling ng mga anak ng karumihan, na namumuhay Siya sa piling ng pinakahamak sa lahat ng tao, iniaalay pa rin Niya nang walang pag-iimbot ang Kanyang Sarili, gayumpaman, tinatanggihan pa rin Siya ng sangkatauhan. Hindi ba mas matindi ang pagdurusang Kanyang tinitiis kaysa sa inyo? Hindi ba mas malaki ang gawaing Kanyang ginagawa kaysa sa halagang inyong naibayad?

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kabuluhan ng Pagliligtas sa mga Inapo ni Moab

278. Nagpakumbaba Mismo ang Diyos sa gayong antas upang gawin ang Kanyang gawain sa gitna ng marurumi at tiwaling mga taong ito, at pineperpekto ang grupong ito ng mga tao. Hindi lamang naging tao ang Diyos upang mamuhay at kumain sa gitna ng mga tao, ipastol ang mga tao, at tustusan ang pangangailangan ng mga tao. Ang higit na mahalaga ay ginagawa Niya ang Kanyang makapangyarihang gawain ng pagliligtas at paglupig sa mga taong ito na lubhang tiwali. Dumating Siya sa sentro ng malaking pulang dragon upang iligtas ang pinakatiwaling mga taong ito, nang sa gayon ay mabago at mapanibago ang lahat ng tao. Ang napakalaking hirap na tinitiis ng Diyos ay hindi lamang ang hirap na tinitiis ng Diyos na nagkatawang-tao, kundi higit sa lahat ay dumaranas ng malaking kahihiyan ang Espiritu ng Diyos—labis Siyang nagpapakumbaba at nagtatago ng sarili kaya Siya naging isang ordinaryong tao. Ang Diyos ay nagkatawang-tao at kinuha ang anyo ng laman upang makita ng mga tao na mayroon Siyang buhay ng normal na pagkatao at ng mga pangangailangan ng normal na pagkatao. Sapat na ito upang patunayan na nagpakumbaba Mismo ang Diyos nang labis. Ang Espiritu ng Diyos ay nagkakaroon ng katuparan sa katawang-tao. Ang Kanyang Espiritu ay lubhang kataas-taasan at napakadakila, subalit nag-aanyo Siyang isang ordinaryong tao, isang hamak na tao, upang gawin ang gawain ng Kanyang Espiritu. Sa usapin ng kakayahan, kabatiran, katwiran, pagkatao, at buhay ng bawat isa sa inyo, talagang hindi kayo karapat-dapat na tanggapin ang ganitong uri ng gawain ng Diyos, at talagang hindi kayo karapat-dapat sa pagtitiis ng Diyos ng gayong hirap para sa inyong kapakanan. Ang Diyos ay napakataas. Siya ay lubhang kataas-taasan, at ang mga tao ay napakaaba, ngunit gumagawa pa rin Siya sa kanila. Hindi lamang Siya nagkatawang-tao upang magtustos para sa mga tao, upang magsalita sa mga tao, kundi namumuhay pa Siyang kasama ng mga tao. Labis na mapagpakumbaba ang Diyos, labis na kaibig-ibig.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaon Lamang mga Nakatuon sa Pagsasagawa ang Mapeperpekto

279. Ang kabuluhan ng lahat ng ginagawa ng Diyos ay may labis na kalaliman. Isipin, halimbawa, ang pagpapako kay Jesus sa krus. Bakit kinailangang ipako sa krus si Jesus? Hindi ba’t para tubusin ang buong sangkatauhan? Kaya, gayundin, may malaking kabuluhan sa kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos, at ang Kanyang pagdanas ng pagdurusa ng mundo—ito ay para sa magandang hantungan ng sangkatauhan. Sa Kanyang gawain, laging ginagawa ng Diyos kung ano ang pinakapraktikal. Bakit walang kasalanan ang tingin ng Diyos sa tao, at na maaaring magkaroon ng magandang kapalaran ang tao na lumapit sa harapan ng Diyos? Ito ay dahil ipinako sa krus si Jesus, pinasan ang mga kasalanan ng tao, at tinubos ang sangkatauhan. Kung gayon ay bakit hindi na magdurusa pa ang sangkatauhan, hindi na magdadalamhati, hindi na luluha, at hindi na bubuntong-hininga? Ito ay dahil inako ng kasalukuyang pagkakatawang-tao ng Diyos ang lahat ng pagdurusang ito sa Kanyang sarili at natiis na ngayon ang pagdurusang ito para sa tao. Para iyong isang ina na nakikitang nagkakasakit ang kanyang anak at nagdarasal sa Langit, hinihiling na mapaikli ang kanyang sariling buhay kung nangangahulugan iyon na mapapagaling ang kanyang anak. Gumagawa rin ang Diyos sa ganitong paraan, inaalay ang Kanyang pasakit kapalit ng magandang hantungan na darating pagkatapos para sa sangkatauhan. Wala nang dalamhati, wala nang mga luha, wala nang mga buntong-hininga at wala nang pagdurusa. Ang Diyos ang nagbabayad ng halaga—ng kabayaran—ng personal na pagdanas ng pagdurusa ng mundo kapalit ng susunod na magandang hantungan para sa sangkatauhan. Ang pagsasabi na ito ay ginagawa “kapalit” ng magandang hantungan ay hindi nangangahulugan na walang kapangyarihan o awtoridad ang Diyos na pagkalooban ng magandang hantungan ang sangkatauhan, kundi sa halip ay na nais ng Diyos na maghanap ng mas praktikal at makapangyarihang patunay para lubos na makumbinsi ang mga tao. Naranasan na ng Diyos ang pagdurusang ito, kaya karapat-dapat Siya, nasa Kanya ang kapangyarihan, at lalo nang nasa Kanya ang awtoridad na ihatid ang sangkatauhan sa magandang hantungan, ibigay sa sangkatauhan ang magandang hantungan at pangakong ito. Lubos na makukumbinsi si Satanas; lubos na makukumbinsi ang lahat ng nilikha sa sansinukob. Sa huli, tutulutan ng Diyos ang sangkatauhan na tanggapin ang Kanyang pangako at pagmamahal. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay praktikal, wala Siyang ginagawang hungkag, at nararanasan Niya Mismong lahat iyon. Pinagbabayaran ng Diyos ang halaga ng Kanyang sariling karanasan ng pagdurusa kapalit ng isang hantungan para sa sangkatauhan. Hindi ba ito praktikal na gawain? Maaaring magbayad nang taos-pusong halaga ang mga magulang para sa kapakanan ng kanilang mga anak, at kinakatawan nito ang kanilang pagmamahal para sa kanilang mga anak. Sa paggawa nito, ang Diyos na nagkatawang-tao, mangyari pa, ay nagpapakita ng lubos na sinseridad at katapatan sa sangkatauhan. Ang diwa ng Diyos ay tapat; ginagawa Niya kung ano ang Kanyang sinasabi, at kung anuman ang Kanyang ginagawa ay nakakamit. Lahat ng Kanyang ginagawa para sa mga tao ay taos-puso—hindi Siya basta bumibigkas ng mga salita. Sa halip, kapag sinabi Niyang babayaran Niya ang halaga, nagbabayad Siya ng aktuwal na halaga; kapag sinabi Niyang babalikatin Niya ang pagdurusa ng sangkatauhan at Siya ang magdurusa sa halip na sila, talagang dumarating Siya upang mamuhay sa piling nila, nadarama at personal na nararanasan ang pagdurusang ito. Pagkatapos niyon, kikilalanin ng lahat ng bagay sa sansinukob na lahat ng ginagawa ng Diyos ay tama at matuwid, na lahat ng ginagawa ng Diyos ay makatotohanan. Ito ay makapangyarihang katibayan. Bilang karagdagan, magkakaroon ng magandang hantungan ang sangkatauhan sa hinaharap, at lahat ng yaong natitira ay pupurihin ang Diyos; pupurihin nila na ang mga gawa ng Diyos ay talagang ginawa dahil sa pagmamahal Niya sa sangkatauhan. Mapagpakumbabang dumarating ang Diyos sa sangkatauhan, bilang isang pangkaraniwang tao. Hindi lamang Niya ginagampanan ang ilang gawain, binibigkas ang ilang pananalita, pagkatapos ay aalis; sa halip, praktikal Siyang nagsasalita at gumagawa habang dinaranas ang pasakit ng sanlibutan. Aalis lamang Siya kapag natapos na Niyang danasin ang pasakit na ito. Ganito katotoo at praktikal ang gawain ng Diyos; ang lahat ng nananatili ay magpupuri sa Kanya dahil dito, at makikita nila ang katapatan ng Diyos sa tao at ang Kanyang kagandahang-loob. Ang diwa ng kagandahan at kabutihan ng Diyos ay maaaring makita sa kabuluhan ng Kanyang pagkakatawang-tao. Anumang ginagawa ng Diyos ay taos-puso; anuman ang Kanyang sinasabi ay taos-puso at tapat. Ang lahat ng nilalayon Niyang gawin, ginagawa Niya nang praktikal; kapag may kailangang bayarang halaga, aktuwal Niyang binabayaran ito; hindi lamang Siya basta bumibigkas ng mga salita. Ang Diyos ay isang matuwid na Diyos; ang Diyos ay isang tapat na Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Ikalawang Aspekto ng Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

280. Itinuturing ng Diyos ang pagkakataong ito ng Kanyang pamamahala sa sangkatauhan, ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, bilang higit na mahalaga kaysa sa anupaman. Ginagawa Niya ang mga bagay na ito hindi lang gamit ang Kanyang isip, at hindi lang gamit ang Kanyang mga salita, at tiyak na hindi Niya ginagawa ang mga ito sa isang kaswal na paraan—ginagawa Niya ang mga bagay na ito nang may mga layunin Niya, habang may plano, may layon, at mga pamantayan. Makikita na nagtataglay ng malaking kahalagahan kapwa sa Diyos at sa tao ang pagkakataong ito ng gawain ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan. Kahit na gaano kahirap ang gawain, gaano man kalaki ang mga hadlang dito, gaano man kahina ang mga tao, o gaano man kalalim ang paghihimagsik ng sangkatauhan, wala sa mga ito ang mahirap para sa Diyos. Pinananatiling abala ng Diyos ang sarili Niya, ginugugol Niya ang dugo ng Kanyang puso, at pinamamahalaan ang gawain na gusto Niyang isakatuparan. Isinasaayos din Niya ang lahat, at Siya ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng tao na kung kanino Niya gustong gumawa at sa lahat ng gawaing nais Niyang gawin—lahat ng ito ay wala pang katulad. Ito ang unang pagkakataon na ginamit ng Diyos ang mga pamamaraang ito at nagbayad Siya ng gayon kalaking halaga para isakatuparan ang malaking proyektong ito ng pamamahala at pagliligtas sa sangkatauhan. Habang isinasakatuparan ng Diyos ang lahat ng gawaing ito, unti-unti Niyang ipinahahayag at inilalabas sa sangkatauhan, nang walang anumang pasubali, ang dugo ng Kanyang puso, kung ano ang mga tinataglay Niya at kung ano Siya, ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at ang bawat aspekto ng Kanyang disposisyon. Wala pang katulad ang pagpapahayag at paglalabas ng mga pamamaraang ito. Kaya, sa buong sansinukob, maliban sa mga taong nilalayon ng Diyos na pamahalaan at iligtas, kailanman ay hindi pa nagkaroon ng anumang mga nilalang na napakalapit sa Diyos, na nagkaroon ng gayon katalik na kaugnayan sa Kanya. Sa Kanyang puso, ang sangkatauhang nais Niyang pamahalaan at iligtas, ang pangunahin, at pinahahalagahan Niya ang sangkatauhang ito nang higit sa lahat. Kahit na nagbayad na Siya ng napakalaking halaga para sa kanila, at kahit na patuloy Siyang sinasaktan at pinaghihimagsikan ng mga ito, wala Siyang mga reklamo o pagsisisi, hindi pa rin Niya sila iniiwanan o sinusukuan, at patuloy Niyang ginagawa ang gawain Niya nang walang tigil. Ito ay dahil nalalaman Niya na sa malao’t madali, darating ang araw na ang mga tao ay magigising sa pagtawag ng Kanyang mga salita, maaantig ng Kanyang mga salita, makikilala na Siya ang Panginoon ng paglikha, at pagkatapos ay magbabalik sa Kanyang piling …

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

281. Kapag nagagawa mong tunay na pahalagahan ang mga kaisipan at saloobin ng Diyos tungo sa sangkatauhan, kapag tunay mong nauunawaan ang mga pagmamahal at malasakit ng Diyos para sa bawat nilikha, mauunawaan mo ang debosyon at ang pagmamahal na ginugol sa bawat isa sa mga taong nilikha ng Lumikha. Kapag nangyari ito, gagamitin mo ang dalawang salita upang isalarawan ang pag-ibig ng Diyos. Ano ang dalawang salitang iyon? Sinasabi ng ilang tao na “di-makasarili,” at ang ilang tao ay sinasabing “mapagkawanggawa.” Sa dalawang ito, ang “mapagkawanggawa” ang salitang pinaka-di-naaangkop upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Isang salita ito na ginagamit ng mga tao upang ilarawan ang isang taong may magandang kalooban o malawak na pag-iisip. Kinasusuklaman Ko ang salitang ito, sapagkat tumutukoy ito sa pamumudmod ng kawanggawa kahit kanino, nang walang itinatangi, nang walang pagsasaalang-alang para sa prinsipyo. Ito ay pagbubuhos ng emosyon na karaniwan sa mga taong hangal at magugulo ang isip. Kapag ang salitang ito ay ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, mayroong di-maiiwasan na isang kalapastanganang kahulugan. Mayroon Ako ritong dalawang salita na mas angkop na naglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Ano ang mga ito? Ang una ay ang “napakalaki.” Hindi ba lubos na nakaaantig ang salitang ito? Ang ikalawa ay ang “napakalawak.” Mayroong praktikal na kahulugan sa likod ng mga salitang ito na Aking ginamit upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos. Kapag inintindi nang literal, ang “napakalaki” ay naglalarawan sa laki o kapasidad, ngunit gaano man kalaki ang bagay na iyon, isang bagay ito na mahahawakan at makikita ng mga tao. Dahil umiiral ito—hindi ito isang bagay na malabo, bagkus ay isang bagay na makapagbibigay sa mga tao ng mga ideya sa medyo tumpak at praktikal na paraan. Tingnan mo man ito mula sa pananaw na may dalawa o tatlong dimensyon, hindi mo kailangang isipin ang pag-iral nito, sapagkat ito ay isang bagay na talagang umiiral sa tunay na paraan. Bagaman ang paggamit ng salitang, “napakalaki,” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos ay tila pagsukat sa Kanyang pag-ibig, ibinibigay rin nito ang damdamin na hindi nasusukat ang Kanyang pag-ibig. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay masusukat sapagkat hindi hungkag ang Kanyang pag-ibig, at hindi rin ito isang alamat. Sa halip, isang bagay ito na pinaghahati-hatian ng lahat ng bagay sa ilalim ng pamumuno ng Diyos, isang bagay na tinatamasa ng lahat ng nilalang sa magkakaibang antas at mula sa iba’t ibang pananaw. Bagaman hindi ito nakikita o nahahawakan ng mga tao, ang dinadala ng pag-ibig na ito ang panustos at buhay sa lahat ng bagay habang ito ay ibinubunyag, nang unti-unti, habang sila ay nabubuhay, at nabibilang sila at nagpapatotoo sa pag-ibig ng Diyos na tinatamasa nila sa bawat isang sandali. Sinasabi Ko na ang pag-ibig ng Diyos ay hindi masusukat sapagkat ang hiwaga ng pagtutustos at pangangalaga ng Diyos sa lahat ng bagay ay isang bagay na mahirap para sa mga tao na maarok, kagaya ng mga kaisipan ng Diyos para sa lahat ng bagay, at lalo na yaong para sa sangkatauhan. Ibig sabihin, walang sinuman ang nakaaalam sa dugo at mga luha na ibinuhos ng Lumikha para sa sangkatauhan. Walang sinuman ang makaiintindi, walang sinuman ang makauunawa sa lalim o bigat ng pag-ibig na mayroon ang Lumikha para sa sangkatauhan na nilikha Niya gamit ang Kanyang sariling mga kamay. Ang paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos bilang napakalaki ay upang tulungan ang mga tao na pahalagahan at maunawaan ang laki nito at ang katotohanan ng pag-iral nito. Ito rin ay upang mas malalim na maiintindihan ng mga tao ang praktikal na kahulugan ng salitang “Lumikha,” at nang ang mga tao ay makapagkamit ng mas malalim na pagkaunawa sa tunay na kahulugan ng katawagang, “nilikha.” Ano ang madalas na inilalarawan ng salitang “napakalawak”? Ito ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang karagatan o ang sansinukob, halimbawa: “ang napakalawak na sansinukob,” o “ang napakalawak na karagatan.” Ang kalawakan at ang tahimik na kalaliman ng sansinukob ay lampas sa pagkaunawa ng tao; isang bagay ito na nakabibihag sa imahinasyon ng tao, isang bagay na lubos nilang hinahangaan. Ang hiwaga at kalaliman nito ay abot-tanaw, ngunit hindi maaabot. Kapag iniisip mo ang karagatan, iniisip mo ang kalaliman nito—mukha itong walang hangganan, at nararamdaman mo ang kahiwagaan at ang napakalaking kapasidad nito na magtaglay ng mga bagay. Ito ang dahilan kung bakit ginamit Ko ang salitang “napakalawak” upang ilarawan ang pag-ibig ng Diyos, upang tulungan ang mga taong madama kung gaano ito kahalaga, na madama ang malalim na kagandahan ng Kanyang pag-ibig, at na ang kapangyarihan ng pag-ibig ng Diyos ay walang hanggan at napakalawak. Ginamit Ko ang salitang ito upang tulungan ang mga tao na madama ang kabanalan ng Kanyang pag-ibig, at ang dignidad at ang pagiging-di-malalabag ng Diyos na naihahayag sa pamamagitan ng Kanyang pag-ibig.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

282. Mayroong isang bagay sa diwa at disposisyon ng Diyos na napakadaling hindi mapansin, isang bagay na kung ano ang mayroon ang Diyos lamang at hindi ninumang tao, kasama yaong sa tingin ng iba ay mga dakilang tao, mabubuting tao, o ang Diyos ng kanilang imahinasyon. Ano ang bagay na ito? Ito ang pagiging hindi makasarili ng Diyos. Kapag nagsasalita tungkol sa pagiging hindi makasarili, maaaring isipin mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili, dahil pagdating sa iyong mga anak, hindi ka kailanman nakikipagbaratan o nakikipagtawaran sa kanila, o iniisip mong ikaw rin ay lubhang hindi makasarili pagdating sa iyong mga magulang. Ano man ang iyong palagay, kahit paano ay may konsepto ka sa salitang “hindi makasarili” at iniisip ito bilang isang positibong salita, at ang pagiging isang tao na hindi makasarili ay napakarangal. Kapag ikaw ay hindi makasarili, mataas ang tingin mo sa iyong sarili. Ngunit walang nakakakita sa pagiging hindi makasarili ng Diyos sa lahat ng bagay, sa mga tao, mga pangyayari, at mga bagay, at sa Kanyang gawain. Bakit ganoon ito? Dahil ang tao ay masyadong makasarili! Bakit Ko sinasabi iyon? Ang sangkatauhan ay nabubuhay sa isang materyal na mundo. Maaaring sumusunod ka sa Diyos, ngunit hindi mo kailanman nakikita o napahahalagahan ang paraan na ang Diyos ay nagtutustos sa iyo, nagmamahal, at nagpapakita ng malasakit para sa iyo. Kaya ano ang nakikita mo? Nakikita mo ang mga kamag-anak mo sa dugo na nagmamahal sa iyo o mapagpalayaw sa iyo. Nakikita mo ang mga bagay na kapaki-pakinabang sa iyong laman, kinakalinga mo ang mga tao at mga bagay na mahal mo. Ito ang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng tao. Ngunit ang mga ganitong “hindi makasariling” mga tao ay hindi kailanman nagbibigay-pansin sa Diyos na nagbibigay sa kanila ng buhay. Kung ihahambing iyan sa Diyos, ang pagiging hindi makasarili ng tao ay nagiging makasarili at kasuklam-suklam. Ang pagiging hindi makasarili na pinaniniwalaan ng tao ay hungkag at hindi makatotohanan, may halo, hindi tugma sa Diyos, at hindi kaugnay sa Diyos. Ang pagiging hindi makasarili ng tao ay para sa sarili niya, habang ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ay isang tunay na pagbubunyag ng Kanyang diwa. Ang mismong dahilan nito ay ang pagiging hindi makasarili ng Diyos kaya patuloy Niyang tinutustusan ang tao. Maaaring hindi kayo gaanong apektado ng paksang tinatalakay Ko sa araw na ito at pawang tumatango lamang sa pagsang-ayon, ngunit kapag sinusubukan mong pahalagahan ang puso ng Diyos sa iyong puso, matutuklasan mo ito nang hindi sinasadya: Sa lahat ng tao, mga usapin, at mga bagay na nadarama mo sa mundong ito, tanging ang pagiging hindi makasarili ng Diyos ang totoo at tiyak, dahil ang pag-ibig lamang ng Diyos para sa iyo ang walang pasubali at walang dungis. Bukod sa Diyos, ang lahat ng anumang tinatawag na pagiging hindi makasarili ng sinuman ay pawang huwad, mababaw, hindi matapat; mayroon itong layunin, mga tanging hangarin, may kapalit, at hindi kakayaning dumaan sa pagsubok. Maaari ninyo pang sabihin na ito ay marumi at kasumpa-sumpa.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

283. Kinamumuhian ng Diyos ang tao dahil ang tao ay mapanlaban sa Kanya, ngunit sa Kanyang puso, ang Kanyang pag-aalaga, pagmamalasakit, at awa para sa sangkatauhan ay hindi kailanman nagbabago. Kahit winasak Niya ang sangkatauhan, ang puso Niya’y nanatiling hindi nagbago. Noong ang sangkatauhan ay puno ng katiwalian at paghihimagsik sa Diyos hanggang sa isang malubhang antas, kinakailangan ng Diyos na wasakin ang sangkatauhang ito, dahil sa Kanyang disposisyon at Kanyang diwa, at alinsunod sa Kanyang mga prinsipyo. Ngunit dahil sa diwa ng Diyos, kinakaawaan pa rin Niya ang sangkatauhan, at nagnanais pa ngang gumamit ng iba’t ibang mga paraan upang manumbalik ang sangkatauhan nang makapagpatuloy silang mabuhay. Gayumpaman, nilalabanan ng tao ang Diyos, patuloy na naghihimagsik laban sa Diyos, at tumatangging tanggapin ang pagliligtas ng Diyos; ibig sabihin, tumatanggi ang tao na tanggapin ang Kanyang mabubuting layunin—kahit paano man siya tinatawag, pinapaalalahanan, tinutustusan, tinutulungan ng Diyos, o paano man nagpaparaya ang Diyos sa kanya, hindi ito nauunawaan o pinahahalagahan ng tao, ni hindi siya nagbibigay-pansin. Sa Kanyang pasakit, hindi pa rin kinakalimutan ng Diyos na ipagkaloob sa tao ang pinakamataas na antas ng Kanyang pagpaparaya, naghihintay sa panunumbalik ng tao. Matapos Niyang maabot ang Kanyang hangganan, ginagawa Niya ang dapat Niyang gawin nang walang anumang alinlangan. Sa madaling salita, may partikular na panahon at proseso mula sa sandaling planuhin ng Diyos na lipulin ang sangkatauhan hanggang sa pormal na pagsisimula ng Kanyang gawain ng paglipol sa sangkatauhan. Umiiral ang ganitong proseso alang-alang sa panunumbalik ng tao, at ito ang huling pagkakataon na ibinibigay ng Diyos sa tao. Kaya, ano ang ginagawa ng Diyos sa panahong ito bago lipulin ang sangkatauhan? Napakaraming gawain ng pagpapaalala at panghihikayat ang ginagawa ng Diyos. Kahit gaano pa katindi ang sakit o pighating pinagdadaanan ng puso ng Diyos, patuloy Niyang ibinibigay ang Kanyang pag-aalaga, malasakit, at masaganang awa sa sangkatauhan. Ano ang nakikita natin mula rito? Walang duda, nakikita natin na ang pag-ibig ng Diyos para sa sangkatauhan ay totoo at hindi salita lamang. Ito ay aktuwal, nahahawakan at nararanasan, hindi huwad, marumi, mapanlinlang o mapagkunwari. Hindi kailanman gumagamit ang Diyos ng anumang pandaraya o lumilikha ng mga huwad na larawan para ipakita sa mga taong Siya ay kaibig-ibig. Hindi Siya kailanman gumagamit ng di-tunay na patotoo para maipakita sa mga tao ang Kanyang pagiging kaibig-ibig, o ipangalandakan ang Kanyang pagiging kaibig-ibig at kabanalan. Hindi ba karapat-dapat para sa pag-ibig ng tao ang mga aspetong ito ng disposisyon ng Diyos? Hindi ba karapat-dapat sambahin ang mga ito? Hindi ba karapat-dapat itangi ang mga ito? Sa puntong ito, nais Ko kayong tanungin: Matapos ninyong marinig ang mga salitang ito, sa palagay ba ninyo ang kadakilaan ng Diyos ay pawang mga salita lamang sa isang pilas ng papel? Ang pagiging kaibig-ibig ba ng Diyos ay mga hungkag na salita lamang? Hindi! Tiyak na hindi! Ang pangingibabaw ng Diyos, ang Kanyang kadakilaan, kabanalan, pagpaparaya, pag-ibig, at iba pa—lahat ng detalye ng bawat isa sa iba’t ibang aspeto ng disposisyon at diwa ng Diyos ay nakakakita ng praktikal na pagpapahayag tuwing ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ay nakapaloob sa Kanyang mga layunin para sa tao, at natutupad at nasasalamin din sa bawat tao. Nadama mo man ito dati o hindi pa, nagmamalasakit ang Diyos sa bawat tao sa lahat ng posibleng paraan, gamit ang Kanyang tapat na puso, karunungan, at iba’t ibang kaparaanan upang bigyang-ginhawa ang puso ng bawat tao, at gisingin ang espiritu ng bawat tao. Ito ay isang di-matututulang katunayan.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

Sinundan: VI. Mga Salita tungkol sa Biblia

Sumunod: VIII. Mga Salita tungkol sa Pag-alam sa Gawain ng Diyos

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito