Tungkol sa mga Atas Administratibo ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian

Una sa lahat, pag-usapan natin kung ano ang mga atas administratibo at ang kahulugan ng mga atas administratibo. Isa itong bagay na dapat maunawaan. Kapag naririnig ng ilang tao ang tungkol sa “mga atas administratibo,” napapaisip sila, “Ano ba ang kahulugan ng mga atas administratibo? Mga legal na batas ba ang mga iyon? Mga panuntunan ba ang mga iyon? Isang sistema ba ang mga iyon? Ilang kalipunan ng mga pagbabawal ng angkan? Mga kautusan ba ang mga iyon? Ano ba talaga ang mga iyon?” Walang pagkaunawa ang mga tao. Walang sinumang nakauunawa kung ano ba talaga ang mga atas administratibo, o kung paano gumagana ang mga iyon. Madalas sabihin ng mga tao na, “Ang Diyos ay mayroong mga atas administratibo. Kung matigas ang ulo mo, gagamitin ng Diyos ang mga atas na iyon para kontrolin at parusahan ka.” Binibigkas nila ang mga salitang “mga atas administratibo” nang hindi nauunawaan ang mahalagang kahulugan ng mga iyon. Kaya ano ba talaga ang mga atas administratibo? Ang mga iyon ay isang pangkat ng mga salitang ipinahayag ng Diyos na tumatalakay sa mga kalikasan at tiwaling disposisyon ng mga tao upang kontrolin sila. Ang mga atas administratibo ay hindi mga kautusan o legal na batas, lalong hindi maihahambing ang mga iyon sa mga saligang batas ng mundo ng tao. Ang mga ito ay isang pangkat ng mga kondisyong itinakda ng Diyos na ang layon ay kontrolin ang pag-uugali ng mga tao. Binabanggit sa mga detalye ng mga atas administratibo kung paano matakot sa Diyos, paano sumamba sa Diyos, paano magpasakop sa Diyos, paano kumilos bilang nilikha, paano kumilos bilang isang tao, paano magpatotoo sa Diyos, at paano maiwasang magdala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos. Maraming binabanggit sa mga detalye ng mga atas administratibo ng Diyos. Sinasabi ng ilang tao, “Nakagagawa ng mga bagay ang Espiritu ng Diyos. Kaya Niyang magparusa ng mga tao at suklian ang bawat tao ng karampatang ganti. Ipinahayag na rin ng Diyos ang katotohanan upang turuan ang lahat ng tao. Bakit kailangan pa na may mga atas administratibo?” Ang katotohanan ay may kaugnayan sa pagpasok sa buhay ng mga tao at sa pag-unawa ng mga tao sa mga tiwaling disposisyon. Ang mga atas administratibo ay malinaw na itinakdang mga kasunduan. Anuman ang iyong kalagayan, anumang uri ng tao ka, kung nananampalataya ka sa Diyos, kailangan mong isagawa ang lahat ng itinatakda ng mga atas administratibo sa loob ng sambahayan ng Diyos. Kung hindi mo kaya, ang iyong pangalan ay buburahin, at sa mata ng Diyos, ikaw ay itataboy. Ang mga atas administratibo, sa katunayan, ay ang mga pinakakaunting hinihinging kilos para sa mga mananampalataya ng Diyos, katulad lang kung paanong sinamba ng mga Israelita si Jehova sa pamamagitan ng alay at pagsunod sa Sabbath. Noong Kapanahunan ng Kautusan, gumawa si Jehova ng partikular na gawain, nangusap ng maraming salita, at nagpahayag ng napakaraming batas. Natural na kabilang sa mga batas na iyon ang marami sa mga dapat gawin ng tao: kung paano nila dapat sambahin si Jehova, halimbawa, o kung paano gumawa ng mga alay kay Jehova, magbayad ng ikapu, magbigay ng mga handog, at iba pa. Noong panahong iyon, ang mga ito ay tinatawag na mga batas, at pagsapit ng Kapanahunan ng Biyaya, ang mga katumbas na kasunduan ay tinatawag nang mga kautusan, at kinakailangang sundin ng lahat ng tao ang mga iyon. Ngayon, sa Kapanahunan ng Kaharian, sa yugtong ito ng gawain sa mga huling araw, naipahayag na ang mga kautusan ng isang bagong panahon, at ang mga iyon ay tinatawag na ngayong mga atas administratibo. Sa Kapanahunan ng Kaharian, ang mga kautusang ito ay bahagi ng mga atas administratibo. Gayunpaman, ang mga kautusan ng Kapanahunan ng Biyaya ay hindi maaaring magsilbi bilang mga atas administratibo ngayon, dahil magkakaiba ang hinihingi ng Diyos sa tao sa bawat kapanahunan.

Bawat kapanahunan ay may mga kautusan, at bawat kapanahunan ay mayroong kinakailangan at pamantayan ng Diyos para sa tao, pamantayan na nag-iiba ayon sa mga pagbabago sa kapanahunan at sa mga hinihingi ng gawain ng Diyos. Hindi magiging angkop na gamitin ang ilan sa mga batas ng Kapanahunan ng Kautusan sa panahon ngayon, pero siyempre, ang ilan ay naaangkop pa rin. Sa mga kautusan na binigkas ni Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya, karamihan ay naaangkop sa kasalukuyan, at ang ilan ay hindi. Sinasabi ng ilang tao, “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina, huwag kang magkasala, huwag kang mangangalunya, huwag kang sumamba sa mga diyos-diyosan—papaanong hindi naaangkop ang mga ito?” Ang sinasabi Ko ay ilan lamang sa mga iyon. Para doon sa mga tulad ng “Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina,” depende ito sa sitwasyon, kaya huwag kang magkamali ng pag-intindi. Sinasabi ng ilang hangal na tao, “Sinabi ng Diyos na ang mga naunang batas at kautusan ay ipinawalang-bisa nang lahat, at napakakaunti na lang ang magagamit pa rin.” Hindi mo dapat ipakalat ang pagkaunawang ito. Ang pagpapalaganap ng gayong mensahe ay isang pagkakamali at nagdudulot ng pagkagambala. Isa itong maling pakahulugan sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong mali ang pakahulugan sa mga salita ng Diyos ay sumasalungat sa Kanyang disposisyon, at ang mga sumasalungat sa Kanyang disposisyon ay mga demonyo. Anuman ang panahon, kailangan mong panatilihin ang pinakakaunting hinihingi para sa kagandahang-asal ng isang banal. Ang ganito, kahit paano, ay kinakailangan para magkaroon talaga ng anumang wangis ng tao. Ang mga batas at kautusang iyon ay nilikhang lahat alinsunod sa kasalukuyang kapanahunan at konteksto ng mga ito, at alinsunod sa kasalukuyang gawain at mga pangangailangan ng tao. Sa kasalukuyang panahong ito, bumigkas ang Diyos ng ilan pang salita, at nagbigay ng ilan pang panuntunan sa mga tao para kontrolin sila. Ibig sabihin, binigyan Niya sila ng pamantayan, gaya ng kung paano manalig sa Diyos, kung ano ang dapat at hindi nila dapat na gawin bilang bahagi ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at iba pa. Noong Kapanahunan ng Biyaya, sinabi ni Jesus, “Hindi Ako naparito upang ipawalang-bisa ang batas, bagkus ay upang tuparin ito.” Subalit pagkatapos, marami Siyang ipinawalang-bisa na batas. Ang mga batas na ito ay hindi angkop sa kapanahunang iyon, hindi nababagay ang mga iyon sa gawain ng panahong iyon, at hindi akma ang mga iyon sa kapaligiran ng panahong iyon, kaya ipinawalang-bisa Niya ang mga iyon. Sa ngayon, siyempre, lalo pang kinakailangang mapawalang-bisa ang mga iyon. Gayundin, sa bagong kapanahunan, ang ilang kautusan ng Bagong Tipan ay kailangang mapawalang-bisa, at ang ilan ay kailangang magpatuloy, dahil iba ang kapaligiran ng gawain sa panahon ngayon at iba ang pangangailangan ng mga tao. Ang bawat yugto ng gawain ay mas mataas kaysa sa huli. Sinasabi ng ilang hangal na tao, “Sinabi ng Panginoong Jesus na naparito Siya upang tuparin ang batas, kung gayon ay bakit Niya ipinawalang-bisa at inalis ang napakarami rito? Bakit nilabag ng Kanyang mga gawa ang batas?” Ang Kanyang pagpapawalang-bisa, sa katunayan, ay isang katuparan. Ito ay dahil natamo ng gawaing Kanyang ginawa ang ganitong uri ng resulta, kaya hindi na kinakailangang sundin ang mga batas na iyon. Tulad lang noong pagkatapos magsilbi ni Jesus bilang handog para sa kasalanan, hindi na kinakailangang maghandog pa para sa kasalanan alinsunod sa batas na iyon, dahil ang gawain ng Diyos ay hindi sumusunod sa mga patakaran. May mga partikular na batas at kautusang maaaring ipawalang-bisa at maaaring magamit ang bagong gawain kapalit ng mga ito. Kung ipalalaganap ninyo ang mensahe na, “Lahat ng dating kautusan ay ipinawalang-bisa na. Hindi na kapaki-pakinabang ang mga iyon,” ito ay magiging katawa-tawa. Ngayon, nagpalabas ang Diyos ng mga atas administratibo na angkop sa mga kalagayan at pangangailangan ng sangkatauhan. May ilang taong nagtatanong, “Bakit maglalabas ang Diyos ng mga atas administratibo sa bawat kapanahunan? Minsan na iyong nagawa, alam na iyon ng mga tao, at ginagawa namin ang iniuutos sa amin. Iyon na dapat ang katapusan nito. Bakit patuloy pang naglalabas ng mga bago?” Sabihin ninyo sa Akin, sa ganitong katiwalian ng mga tao sa ngayon, magiging posible bang hindi maglabas ng mga atas administratibo? Ang lahat ng tao ay may mga tiwaling disposisyon. Kaya bang magpasakop ng mga tao sa Diyos habang sila ay kinokontrol ng kanilang mga tiwaling kalikasan? Hindi mo masasabing sa sandaling magtamo ang mga tao ng pananampalataya sa Diyos at magawang isakatuparan at sundin ang mga kautusan ay naging banal at matuwid na sila. Hindi iyon ganoon. Ang mga tao ay may mga tiwaling disposisyon, at palaging namumuhay sa gitna ng mga tiwaling disposisyong iyon, kaya palaging kinakailangan ng mga kaukulang atas administratibo upang mapanatiling wasto ang kanilang pag-uugali. Kung tunay na nilalabag ng mga tao ang mga atas administratibong ito, maaari silang madisiplina, malagyan ng mga limitasyon, o maaari silang matiwalag at mapatalsik. May iba’t ibang uri ng mga kahihinatnan. Noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya, mayroong mga batas at kautusan. Ngayon, sa Kapanahunan ng Kaharian, bukod pa sa mga kautusan, dapat magkaroon ng mga atas administratibo. Kaya, anu-ano ba ang mga pangunahing atas administratibo ng Kapanahunan ng Kaharian? Ngayon, sampu ang ipalalabas.

1. Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos.

“Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos.” Ang tinatalakay talaga ng apat na bagay na ito ay iisang usapin: Sa kanilang pananalita, kailangang lumugar ang mga tao sa posisyon ng tao, at hindi sila dapat magyabang tungkol sa kanilang mga sarili. Huwag mong ipagmayabang kung gaano mo kahusay pinamunuan ang isang partikular na iglesia, huwag mong ipagmayabang na pag-aari mo iyon, at huwag mong ipagmayabang na ginagamit ka ng Diyos at na natatangi ang kabutihan Niya sa iyo. Huwag kang magsabi ng mga bagay na tulad ng, “Sinaluhan kami ng Diyos sa pagkain at nakipagkuwentuhan Siya sa amin.” Ang mga sinasabi mong ito ay hindi tugma sa realidad. Pare-pareho ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng Kanyang hinirang. Basta’t hindi naibunyag at naitiwalag ang isang tao, pare-pareho ang saloobin ng Diyos sa lahat ng tao. Kung nagbahagi ang Diyos ng katotohanan sa iyo, hindi niyon pinatutunayan na mas mahusay ka sa iba, bagkus, ito ay dahil nagkataong nararapat ka sa pagkakataon. Kung gayon ay ano ang maaaring sabihin ng mga tao na mayroong katwiran? Kung hindi mo kayang magbahagi ng katotohanan, at hindi mo kayang magbigay ng buhay sa iyong mga kapatid, kailangan mong magnilay-nilay at kilalanin ang iyong sarili, suriin ang iyong sarili, magawang sabihin kung ano ang nasa iyong puso, buksan at ilantad ang iyong sarili sa harap ng lahat. Makakukuha ng mga resulta ang pagsasagawa nito. Ang pagbubukas sa iyong sarili ay hindi nangangahulugang binibigyang-katwiran mo ang iyong sarili. Nangangahulugan ito ng pagpapakita ng mga maling motibasyon at kaisipan sa kaibuturan mo para sa pagsusuri, para ang lahat ay sama-samang makakilala, nagbibigay-daan na makinabang din ang iba rito. Sa paggawa nito, hindi mo dinadakila ang iyong sarili. Kung itatrato mo nang tama ang iyong sarili at tatayo ka sa tamang lugar mo, ibig sabihin ay kung kaya mong isantabi at suriin ang sarili mong mga motibasyon, ilantad ang maruruming bagay sa kaibuturan mo, at sa paggawa niyon, ilantad ang iyong sarili, ipinakikita nito na nasa tamang posisyon ka. Nalaman Ko na ang kaya lamang ng maraming lider ay sermunan ang mga tao at mangaral sa iba mula sa mataas na posisyon, at na hindi nila kayang makipag-usap sa iba bilang mga kapantay. Hindi nila nagagawang makisalamuha nang normal sa mga tao. Kapag nagsasalita ang ilang tao, para bang lagi silang nagtatalumpati o nag-uulat. Lagi lamang nakatuon ang kanilang mga salita sa mga kalagayan ng ibang tao, ngunit hindi sila kailanman nagtatapat tungkol sa mga sarili nila. Hindi nila kailanman sinusuri ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon, sa halip, sinusuri lamang nila ang mga problema ng ibang tao, ginagamit ang mga ito na mga halimbawa upang bigyan ang lahat ng kaalaman. Bakit nila ito ginagawa? Bakit nila ipinangangaral ang gayong mga sermon at sinasabi ang gayong mga bagay? Ito ay katunayan na wala silang anumang pagkakilala sa kanilang sarili, na kulang na kulang sila sa katwiran, at na masyado silang mapagmataas at mapagmatuwid. Iniisip nilang pinatutunayan ng kanilang abilidad na makilala ang mga tiwaling disposisyon ng ibang tao na nakahihigit sila sa iba, mas mahusay sila sa ibang kumilatis ng mga tao at bagay-bagay, at na hindi sila kasing tiwali ng ibang tao. Nagagawa nilang suriin at sermunan ang iba, subalit hindi nila inilalantad ang kanilang mga sarili, ibinubunyag o sinusuri ang mga sarili nilang tiwaling disposisyon, ipinakikita ang tunay nilang pagkatao, o nagsasalita ng anuman tungkol sa mga sarili nilang motibasyon. Sinesermunan lamang nila ang ibang tao dahil sa maling pag-uugali. Ito ay pagmamalaki at pagtataas sa sarili. Paano ka magiging isang lider kung labis kang nagdadala ng di-makatwirang gulo? Bakit, matapos kang maging lider ng isang iglesia ay kaswal mong pinagagalitan ang iba, umaasal nang hindi makatwiran, at kumikilos nang ayon sa gusto mo? Bakit kailanman ay hindi mo isinasaalang-alang ang mga kahihinatnan ng iyong mga salita, hindi kailanman isinasaalang-alang ang sarili mong pagkakakilanlan? Bakit ka kumikilos nang ganito? Ito ay dahil kahit na isa kang lider, hindi mo alam ang sarili mong katayuan o pagkakakilanlan. Ang pagsasaayos sa iyo para maging lider ay pagtataas lamang sa iyo at pagbibigay sa iyo ng isang pagkakataon na magsagawa. Hindi ito dahil sa nagtataglay ka ng mas maraming realidad kasya sa iba o dahil mas mahusay ka kaysa sa iba. Sa katunayan, katulad ka ng lahat. Wala sa inyo ang nagtataglay ng realidad, at sa ilang paraan, maaaring mas tiwali ka pa kaysa sa iba. Kaya bakit di-makatwiran kang nagdadala ng gulo, at di-makatwiran mong sinesermunan, kinagagalitan at pinipigilan ang iba? Bakit mo pinipilit ang iba na makinig sa iyo, kahit na mali ka? Ano ang pinatutunayan nito? Pinatutunayan nitong nasa maling posisyon ka. Hindi ka gumagawa mula sa posisyon ng isang tao, ginagawa mo ang iyong gawain mula sa posisyon ng Diyos, mula sa isang posisyong mas mataas sa iba. Kung ang sinasabi mo ay tama at naaayon sa katotohanan, maaari kang pakinggan ng iba. Katanggap-tanggap ito sa pagkakataong ito. Ngunit kapag mali ka, bakit mo pinipilit ang iba na pakinggan ka? May awtoridad ka ba? Kataas-taasan ka ba? Ikaw ba ang katotohanan? Kapag pumupunta ang ilang tao sa isang lugar para mangaral ng ebanghelyo at nalalaman nilang hindi kaaya-aya para sa kanila ang mga tao roon at ang kalagayan ng pamumuhay ng mga ito, sa huli ay hindi nila nagugustuhan ang lugar na iyon at ninanais na lumipat sa ibang lugar. Maaaring sabihin sa kanila ng isa pang tao na, “Kailangan ng isang tao rito para mangaral ng ebanghelyo. Maaantala mo ang gawain kung aalis ka.” Ngunit hindi sila makikinig, at magpupumilit na umalis, sinasabing, “Kung ganoon ay bakit hindi ikaw ang maiwan? Kailangan kong umalis! Dapat kayong makinig sa akin, at matutong sumunod.” Mas gugustuhin nilang antalahin ang gawain ng iglesia para masunod ang kagustuhan nila at pumili ng lugar na gusto nila. Ginagawa nila ang anumang naisin nila at iginigiit na gawin ng iba ang anumang sabihin nila. Hindi ba’t dinadakila nila ang kanilang mga sarili? Hindi ba’t itinataas nila ang kanilang mga sarili? Hindi ba’t mga mapagmataas at palalo sila? Sa kanilang tungkulin, hangga’t maaari ay sinusunod nila ang sarili nilang mga kagustuhan nang hindi isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Kaya, kapag pinangungunahan nila ang mga tao, hindi nila hinihiling sa mga pinangungunahan nila na isagawa ang katotohanan. Sa halip, iginigiit nila na pakinggan ng iba ang sinasabi nila at sundin ang kanilang mga paraan. Hindi ba’t pag-uutos ito sa mga tao na tratuhin sila na tulad ng Diyos at sundin sila bilang Diyos? Taglay ba nila ang katotohanan? Hindi nila taglay ang katotohanan, puno sila ng disposisyon ni Satanas, at malademonyo sila. Kaya bakit hinihiling pa rin nila sa mga tao na sundin sila? Hindi ba’t ipinagmamalaki ng ganitong tao ang kanyang sarili? Hindi ba’t itinataas niya ang kanyang sarili? Madadala ba ng ganitong mga indibiduwal ang mga tao sa harap ng Diyos? Mahihikayat ba nila ang mga tao na sambahin ang Diyos? Gusto nilang sila ang sundin ng mga tao. Kapag ganito silang gumawa, talaga bang inaakay nila ang mga tao sa pagpasok sa mga katotohanang realidad? Talaga bang ginagawa nila ang gawaing ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos? Hindi, nagsisikap silang magtatag ng sarili nilang kaharian. Gusto nilang maging Diyos, at gusto nilang ituring sila ng mga tao na gaya ng Diyos at sundin sila na gaya ng Diyos. Hindi ba’t mga anticristo sila? Noon pa man ay ganito na ang mga anticristo; anuman ang pagkaantala sa gawain ng iglesia o ang tindi ng hadlang o pinsala sa pagpasok sa buhay ng mga hinirang ng Diyos, kailangan silang sundin at pakinggan ng lahat. Hindi ba ito ang likas na katangian ng mga demonyo? Hindi ba ito ang disposisyon ni Satanas? Ang mga taong ganito ay buhay na mga demonyong nakasuot ng balat ng tao. Maaaring may mukha sila ng tao, ngunit lahat ng nasa kanilang kalooban ay ubod ng sama. Lahat ng sinasabi at ginagawa nila ay ubod ng sama. Wala silang anumang ginagawa na nakaayon sa katotohanan, wala sa mga iyon ang ginagawa ng mga taong makatwiran, kaya nga wala nang duda na kilos ang mga ito ng mga demonyo, ni Satanas, at ng mga anticristo. Dapat ninyo itong malinaw na makilatis. Kaya kapag kayo ay kumikilos, nagsasalita, at nakikisalamuha sa iba—sa lahat ng inyong ginagawa sa buhay—dapat ninyong isapuso ang atas na ito: “Hindi dapat ipagmalaki ng tao ang kanyang sarili, ni itaas ang kanyang sarili. Dapat niyang sambahin at dakilain ang Diyos.” Sa ganitong paraan ay nalalagyan ng mga pagpigil ang mga tao, at hindi nila paaabutin sa puntong sinasalungat nila ang disposisyon ng Diyos. Napakahalaga ng atas administratibong ito, at lahat kayo ay dapat na pag-isipan nang mabuti kung ano ang ibig sabihin ng atas administratibong ito, kung bakit ito hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan, at kung ano ang layon Niyang makamit. Pag-isipan ninyo itong mabuti. Huwag ninyong basta hayaang pumasok lang ito sa isang tainga at lumabas sa kabila. Magiging tunay na kapaki-pakinabang ito sa inyo.

2. Gawin mo ang lahat ng bagay na kapaki-pakinabang sa gawain ng Diyos at hindi ang anumang nakasasama sa kapakanan ng gawain ng Diyos. Ipagtanggol mo ang pangalan ng Diyos, ang patotoo ng Diyos, at ang gawain ng Diyos.

Dapat mong panindigan at panagutan ang anumang may kaugnayan sa mga kapakanan ng sambahayan ng Diyos, o ang may kinalaman sa gawain ng sambahayan ng Diyos at sa pangalan ng Diyos. Bawat isa sa inyo ay may ganitong pananagutan at obligasyon, at ito ang kailangan ninyong gawin.

3. Ang pera, materyal na mga bagay, at lahat ng ari-arian sa sambahayan ng Diyos ang mga handog na dapat ibigay ng tao. Walang sinumang maaaring magtamasa ng mga handog na ito kundi ang pari at ang Diyos, sapagkat ang mga handog ng tao ay para sa kaluguran ng Diyos. Ibinabahagi lamang ng Diyos ang mga handog na ito sa pari, at wala nang iba pang kwalipikado o nararapat na magtamasa ng anumang bahagi ng mga iyon. Lahat ng handog ng tao (pati na ang pera at mga materyal na bagay na maaaring matamasa) ay ibinibigay sa Diyos, hindi sa tao. Kaya nga, ang mga bagay na ito ay hindi dapat tamasahin ng tao; kung tatamasahin ng tao ang mga ito, magnanakaw siya ng mga handog. Sinumang gumagawa nito ay isang Hudas, sapagkat, bukod pa sa pagiging traydor, kinuha rin ni Hudas ang nakalagay sa supot ng pera.

Kailangan Kong ipaliwanag ang mga salitang ito. Kung hindi, mayroong mga partikular na tao na napakawalang-hiya at makapal ang mukha na magnanakaw ng mga handog. Sa kasalukuyan, ang mga lider at manggagawa sa lahat ng antas sa iglesia ay pansamantalang nasa ilalim ng probasyon. Ang mga naaangkop ay patuloy na gagamitin, pero ang mga hindi naaangkop ay tatanggalin at ititiwalag. Hindi permanente ang mga posisyong ito. Huwag ninyong isiping ang pagiging lider o manggagawa ay nangangahulugang permanente na ang inyong posisyon at hinding-hindi na kayo matatanggal o matitiwalag. Huwag kayong mahulog sa kahibangang ito. Isa itong labis na pagnanasa. Ang pari ay hindi isang pangkaraniwang lider. Mayroon siyang karapatan at kuwalipikasyon para direktang maglingkod sa Diyos. Natural na ang karapatan at kuwalipikasyong ito ay ibinigay sa kanya ng Diyos. Katulad lang ito ng mga pari noong Kapanahunan ng Kautusan. Puwede silang pumasok sa templo, ngunit wala nang ibang pupuwede, at puwede nilang kainin ang mga sakripisyong handog, pero wala nang ibang pupuwede. Ngayon, sa Kapanahunan ng Kaharian, anong uri ng tao ang isang pari? Ang isang taong kilala bilang isang pari noon ay tinatawag na ngayong isang taong ginagamit ng Banal na Espiritu. Kung ganoon, kayo ba ang inilalarawan nito? Hindi talaga kayo mga pari! Ang isang pari ay isang taong ginagamit ng Banal na Espiritu, at wala nang iba maliban sa gayong tao ang maaaring magtamasa ng mga handog. Wala nang iba pang karapat-dapat. Kung sinasabi mong karapat-dapat ka, ikaw sa sarili mo ang umaako niyon. Hindi ka papayagang magtamasa ng mga handog. Hindi para sa iyo ang mga iyon.

Mas tatalakayin Ko ang tungkol sa sitwasyon ninyo. Para sa mga taong tulad ninyo, mga lider at manggagawang gumagawa ng partikular na gawain sa mga iglesia, puwede kang bigyan ng iglesia ng pamasahe, pero hindi pananagutan ng iglesia ang pang-araw-araw ninyong pangangailangan. Nananalig ka sa Diyos, at ang paggugol para sa Diyos ay kusang-loob. Kung sinasabi mong, “Hindi ko ginagawa ito nang kusang-loob isinaayos ito ng sambahayan ng Diyos,” makaaalis ka na. Sinasabi ng ilang tao na, “Tinawag ako ng Diyos, gusto akong gamitin ng Diyos, kaya pumunta ako. Hindi ako kusang-loob na pumunta.” Kung ganoon, hindi na kita kailangan ngayon. Makaaalis ka na. Kailanman ay hindi Ako namimilit ng mga tao. Kahit pa nandito ka nang kusang-loob, nakasalalay sa iyong mga kuwalipikasyon kung pananatilihin ka. Kung hindi ka kuwalipikado, hindi ka gagamitin. Makahahanap ng iba na papalit sa posisyon mo. Ito ang prinsipyo kung paano gumagamit ng mga tao ang sambahayan ng Diyos. Walang espesyal na eksepsyon ang ibinibigay. Ang pera ng sambahayan ng Diyos ay iginugugol sa gawain nito, hindi ito nakalaan para suportahan ang buhay ng mga indibidwal na tao, ni nakalaan para sa pansariling kasiyahan ng mga tao.

4. Ang tao ay may tiwaling disposisyon at, bukod pa rito, siya ay nagtataglay ng mga damdamin. Dahil dito, talagang ipinagbabawal sa dalawang kasaping magkaiba ang kasarian na magsama sa gawain nang walang kasama habang naglilingkod sa Diyos. Sinumang matuklasan na gumagawa nito ay ititiwalag, nang walang pagtatangi.

May ilang kapatid na lalaki na iginigiit na makipagbahaginan sa mga kapatid na babae lamang, at maging ang gawin pa iyon nang nag-iisa. Nagtatapat sila sa mga kapatid na babae kapag nakikipagbahaginan sila sa mga ito, ngunit tumatangging gawin iyon sa iba. Ang mga taong ito ay walang silbi! May ilang mga kapatid na babae na hindi nakikipagbahaginan sa ibang mga kapatid na babae, at kailanman ay hindi naging bukas sa mga ito, mga kapatid na lalaki lamang ang tanging hinahangad nilang makasalamuha. Anong klaseng tao ang mga ito? Wala ba ni isang kapatid na babaeng makakatulong sa iyo? Wala ba ni isang kapatid na babae na maaaring makipagbahaginan sa iyo? Kinamumuhian ka ba nilang lahat? Wala bang nababagay para sa iyo? Mga kapatid na lalaki lamang ba ang iyong kasundo? Sa tingin Ko ay mayroong ibang nag-uudyok sa iyo! Mayroong mga taong palaging nakikipaglandian sa kabilang kasarian. Mapanganib ito. Kailangan ninyong pigilan ang inyong mga sarili, linangin nang kaunti ang kabatiran, at magkaroon ng kaunting katwiran. May mga tiwaling disposisyon ang mga tao, kaya huwag ninyong walang pakundangang palayawin ang inyong mga sarili. Kailangan ninyong sumailalim sa kaunting pagpipigil, at sa ganitong paraan, mapabubuti ang inyong pag-uugali. Kung walang pagpipigil, at kung walang may-takot-sa-Diyos na puso, nagiging labis na imoral ang mga tao. Sa sandaling labagin nila ang mga atas administratibo, mabigat ang mga magiging kahihinatnan, kaya’t kailangang lagi nilang tandaan ang atas administratibong ito.

5. Huwag mong husgahan ang Diyos, ni basta-bastang talakayin ang mga bagay na may kaugnayan sa Diyos. Gawin mo ang nararapat gawin ng tao, at magsalita kung paano dapat magsalita ang tao, at huwag kang lumampas sa iyong mga limitasyon ni lumabag sa iyong mga hangganan. Bantayan mo ang iyong sariling pananalita at mag-ingat kung saan ka tumatapak, upang maiwasan mo ang paggawa ng anumang bagay na lalabag sa disposisyon ng Diyos.

6. Gawin mo iyong nararapat gawin ng tao, at isakatuparan ang iyong mga obligasyon, at tuparin ang iyong mga responsibilidad, at manangan sa iyong tungkulin. Yamang nananalig ka sa Diyos, dapat kang gumawa ng iyong kontribusyon sa gawain ng Diyos; kung hindi, hindi ka karapat-dapat na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, at hindi ka karapat-dapat na manirahan sa sambahayan ng Diyos.

Ang Ikaanim na Atas ay may kaugnayan sa mga tungkulin ng mga tao. Anuman ang iyong nakaraang buhay pagpasok o kung ano ang kinahantungan ng iyong personal na paghahangad, at anuman ang iyong kakayahan o pagkatao, basta’t may hinihingi sa iyo ang gawain ng iglesia, gaano man katindi ang pagdurusa o hirap, dapat mo itong gawin. Kung hindi, hindi ka nababagay na manatili sa sambahayan ng Diyos. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi nagpapakain nang libre at hindi nagkakanlong ng mga walang kuwenta! Kung hindi hinahangad ng isang tao ang katotohanan, kailangang kahit paano ay magawa niyang gumawa ng kaunting trabaho. Kung ayaw niyang magtrabaho nang kahit kaunti, o kakaunting pagsisikap lang ang ginagawa niya alang-alang sa kaunting pagkain, kailangan siyang mapaalis nang walang pagkaantala, kailangang mabawi ang mga aklat niya ng mga salita ng Diyos, at kailangan siyang tratuhin bilang isang hindi mananampalataya. Kahit paano, kailangan ng mga taong taimtim na manalig sa Diyos, magkaroon ng medyo may-takot-sa-Diyos na puso, at magpakita ng kaunting pagpapamalas ng pagsamba sa Diyos para maging karapat-dapat sa pananatili sa sambahayan ng Diyos. Hindi marami ang hinihingi ng sambahayan ng Diyos sa mga tao. Basta’t ang isang tao ay may konsensiya at katwiran, nakauunawa at tumatanggap ng katotohanan, at kayang maging responsable sa kanyang tungkulin, sapat na iyon. Kahit papaano, ang iyong pag-uugali at paraan ng pagkilos ay kailangang katanggap-tanggap. Dapat kang magkaroon ng medyo may-takot-sa-Diyos na puso, at kailangan mong magpakita ng kaunting pagpapasakop sa Kanya. Kung kahit iyon ay hindi mo magawa, dapat ka nang umuwi sa lalong madaling panahon at itigil na ang paggawa nang pabasta-basta sa sambahayan ng Diyos. Kung maging ang pinakamaliliit na tungkulin ay tinatanggihan mo, at nais mo lamang manghuthot sa sambahayan ng Diyos, isa ka bang taong taimtim na sumasampalataya sa Diyos? Sa Aking pananaw, ang gayong tao ay hindi mananampalataya, at walang pinagkaiba sa walang pananampalataya. Nakasusuya silang pagmasdan! Kung nais mong manalig sa Diyos, gawin mo iyon nang maayos, o huwag mo na lang iyon gawin. Ang pananampalataya sa Diyos ay kusang-loob. Walang pumipilit sa iyo. Kung hindi mo kayang unawain ang maliit na bagay na ito, ano pa ba ang dapat sabihin tungkol sa pananampalataya sa Diyos? Ayaw ng sambahayan ng Diyos ng basura. Ang iglesia ay hindi isang himpilan ng pagsasalba. Ang mga taong wala ni katiting na pagtanggap sa katotohanan ay ititiwalag at paaalisin! Ang katotohanan ang naghahari sa sambahayan ng Diyos. Kung may sinumang magtatangkang gumawa ng anumang kalokohan, o magdudulot ng anumang paggambala o kaguluhan, kailangan siyang paalisin at ganap na ititiwalag.

7. Sa gawain at mga usapin ng iglesia, bukod pa sa pagpapasakop sa Diyos, dapat mong sundin ang mga tagubilin ng tao na ginagamit ng Banal na Espiritu sa lahat ng bagay. Kahit ang pinakamaliit na pagsuway ay hindi katanggap-tanggap. Kailangan mong maging ganap sa iyong pagsunod, at huwag mong suriin ang tama o mali; anuman ang tama o mali ay walang kinalaman sa iyo. Ganap na pagpapasakop lamang ang iyong dapat alalahanin.

Kailangan mong makinig at magpasakop sa taong ginamit ng Banal na Espiritu anuman ang kanyang sinasabi o ginagawa. Gawin mo kung ano ang iniuutos sa iyo, sa paraang sinabi sa iyo. Huwag mong sabihing, “Alam ba ng Diyos? Kailangan kong tanungin ang Diyos.” Hindi na kailangang magtanong, gawin mo na lang ang iniuutos sa iyo ng taong ginamit ng Banal na Espiritu. Naiintindihan mo ba? Hindi na ito kailangang palawakin pa. Dapat ay malinaw na ninyo itong nauunawaan.

8. Ang mga taong nananalig sa Diyos ay dapat magpasakop sa Diyos at sumamba sa Kanya. Huwag mong dakilain o tingalain ang sinumang tao; huwag ilagay sa una ang Diyos, ipangalawa ang mga tao na iyong tinitingala, at ipangatlo ang iyong sarili. Walang sinumang dapat magkaroon ng lugar sa iyong puso, at hindi mo dapat isaalang-alang ang mga tao—lalo na ang iyong mga iginagalang—na kapareho ng Diyos, na Kanyang kapantay. Hindi ito katanggap-tanggap para sa Diyos.

May ilang tao na kayang-kayang sumunod sa uso at sumipsip sa iba. Sinuman ang nakikita nilang Aking pinupuri, tinatrato nang mabuti, o madalas pinaggugugulan ng panahon sa pagbabahaginan, ay pinagsisikapan nilang sumipsip sa mga ito. Mayroong nabuong kuru-kuro sa kanilang mga isipan: Ngayon kasunod ng Diyos ay ang partikular na kapatid na lalaking ito, at kasunod nito ay ang partikular na kapatid na babae naman. Huwag kang magkaroon ng mga pagraranggo sa iyong isipan: Ang Diyos ang una, ang isang tao ang pangalawa, pangatlo, o pang-apat…. Mayroon bang anumang kabuluhan ang gayong mga ranggo? Hindi ba’t parang imperyal na hukuman lang ito, kung saan ang emperador ang una, ang punong ministro ang pangalawa, at ang isa pang opisyal ang pangatlo? Walang gayong mga ranggo sa sambahayan ng Diyos, mayroon lamang Diyos at ang mga hinirang ng Diyos, at sa Diyos lang dapat na magpasakop at sumamba ang mga hinirang ng Diyos! Sa katunayan, pantay-pantay kayong lahat. Nauna man ninyong tanggapin ang Diyos o kalaunan pa, at anuman ang inyong kasarian, edad, o kakayahan, pantay-pantay kayong lahat sa harapan ng Diyos. Huwag kayong sumamba sa mga tao, at huwag masyadong mataas ang tingin ninyo sa inyong mga sarili. Huwag kayong lumikha ng mga ranggo o antas. Kung gagawin mo iyon, pinatutunayan nito na ang nilalaman ng iyong puso ay kontaminado ng maraming kuru-kuro at imahinasyon ng tao, kung kaya malamang na malalabag mo ang mga atas administratibo.

9. Panatilihin mong nasa gawain ng iglesia ang iyong pag-iisip. Isantabi mo ang mga inaasam ng iyong sariling laman, maging desidido ka tungkol sa mga usaping pampamilya, buong-puso mong ialay ang iyong sarili sa gawain ng Diyos, at unahin mo ang gawain ng Diyos at ipangalawa ang iyong sariling buhay. Ito ang kagandahang-asal ng isang banal.

10. Ang kaanak na iba ang pananampalataya (ang iyong mga anak, ang iyong asawa, iyong mga kapatid o magulang, at iba pa) ay hindi dapat piliting sumapi sa iglesia. Ang sambahayan ng Diyos ay hindi kulang sa mga kasapi, at hindi kailangang pataasin ang bilang nito ng mga taong walang silbi. Hindi na dapat akayin sa iglesia ang lahat ng hindi malugod na nananalig. Ang kautusang ito ay para sa lahat ng tao. Dapat ninyong siyasatin, subaybayan at paalalahanan ang isa’t isa sa bagay na ito, at walang sinumang maaaring lumabag dito. Kahit atubiling pumapasok nga sa iglesia ang kaanak na iba ang pananampalataya, huwag silang bigyan ng mga aklat o ng bagong pangalan; ang gayong mga tao ay hindi bahagi ng sambahayan ng Diyos, at kailangang patigilin ang pagpasok nila sa iglesia sa anumang paraang kinakailangan. Kung may gulong nadala sa iglesia dahil sa paglusob ng mga demonyo, ikaw mismo ay ititiwalag o paghihigpitan. Sa madaling salita, lahat ay may responsibilidad sa bagay na ito, ngunit hindi ka rin dapat magpadalus-dalos, ni gamitin ito para lutasin ang mga personal mong atraso.

Ang mga ito ang sampung atas administratibo ng Diyos na dapat sundin ng mga hinirang ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian. Tandaan ninyo ang lahat ng ito.

Huling bahagi ng 1995

Sinundan: Paano Tumatawid ang Tao Patungo sa Bagong Kapanahunan

Sumunod: Ang Ikalawang Aspekto ng Kabuluhan ng Pagkakatawang-tao

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito