Bakit Hindi Ko Mapanghawakan ang mga Prinsipyo?

Nobyembre 28, 2022

Ni Isabella, France

Noong Agosto 2021, nagsimula akong magsagawa bilang lider ng iglesia. Sa mga pakikipag-ugnayan ko kay Lillian, na namamahala sa gawain ng ebanghelyo, napansin kong madalas niyang pinalalaki ang maliliit na problema ng mga tao, at sinasabi sa lahat ang tungkol sa mga ito. Hindi siya makapagtrabaho nang maayos kasama ang iba at palagi siyang nagsasabi ng mga bagay na salungat sa mga katunayan. Minsan, sa isang pagtitipon, sinabi niya na ang dating lider ng iglesia ay hindi tumuon sa gawain ng ebanghelyo at hindi kailanman nagtanong sa kanya kung kumusta ang kanyang gawain. Pero sa katunayan, palaging sinusubaybayan ng lider na iyon ang kanyang gawain. At saka, iniulat niya sa aming lider na talagang maayos ang takbo ng gawain, kaya nagkaroon ng impresyon na normal na umuusad ang mga bagay-bagay. Pero ang totoo, wala siyang nagawang anumang tunay na gawain. Sa isang pagtitipon, paulit-ulit niyang binibigyang-diin ang mga paghihirap sa kanyang gawain, sinasabing hindi magaling ang mga manggagawa ng ebanghelyo, ngunit nang siyasatin ko ang mga detalye, nalaman kong maraming gawain na hindi niya nagawa, kaya wala siyang basehan para sabihin iyon. Pinuna ko siya sa hindi paggawa ng totoong gawain at pagpapasa ng sisi. Wala siyang sinabi bilang tugon. Akala ko ay pagninilayan niya ang kanyang sarili, ngunit ang nakagugulat, pinadalhan niya ang aking kapareha na si Maya ng isang mensahe na nagsasabing hindi na niya gustong makipag-ugnayan pa sa akin, na pinungusan ko siya nang walang batayan nang makakita ako ng problema at hindi ko naintindihan ang kanyang mga aktwal na paghihirap. Sinabi rin niya na hindi siya pwedeng maging katulad ko, bagkus ay kailangan niyang tratuhin ang mga kapatid nang may pagmamahal at pasensya. Pagkabasa ko nito, natulala lang ako nang saglit. Napakaraming problema sa kanyang tungkulin. Ipinaaalam ko lang ang mga iyon—malayo ito sa pagpupungos sa kanya. Paano niya nasabing pinungusan ko siya nang walang batayan? Hindi iyon ang nangyari. Paano niya nagawang maging napakadaya at mapanlinlang? Nais kong ipaliwanag ang mga bagay-bagay kay Maya, pero nasa kalagitnaan na ako ng aking mensahe sa kanya tapos ay nag-alangan ako. Kung magpapadala ako ng mensahe na nagpapaliwanag o naglalarawan sa mga isyu ni Lillian, baka isipin ni Maya na wala akong kamalayan sa sarili sa harap ng mga problema, at hindi ko tinatrato nang tama ang mga tao. Sa isiping iyon, hindi ko ipinadala ang mensahe. Nabalitaan ko pagkatapos na ginagamit ni Lillian ang pagtatapat niya sa iba bilang dahilan para sabihing walang batayan ko siyang pinungusan nang hindi ko inaalam ang sitwasyon, at naging negatibo siya dahil dito. Talagang sumama ang loob ko nang marinig ko ito. Hindi ko alam kung paano ko makukumusta ang kanyang gawain sa hinaharap, at naramdaman kong napakahirap niyang pakisamahan. Makalipas ang ilang araw, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, gusto naming maglipat ng ilang tao mula sa saklaw ng responsibilidad ni Lillian para magsagawa ng gawain ng pagdidilig. Ang nakagugulat, sa sandaling sabihin ko sa kanya iyon, nakasimangot niyang sinabing, “Kung gusto mo silang ilipat, gawin mo na lang. Wala akong pakialam. Sigurado namang hindi magiging maganda ang mga resulta ko ano’t anuman.” Kalaunan ay lantaran niyang sinabi sa akin na nagkaroon siya ng isyu sa sister na namamahala sa gawain ng pagdidilig, at iyon ang dahilan kung bakit hindi siya sang-ayon sa paglilipat. Sinabi rin niya na hindi siya masisisi kung maghihigpit siya sa sister na iyon kung magdudulot ito ng mas maraming problema. Nang marinig ang pagbabanta sa kanyang mga salita, naramdaman kong hindi lang siya mahirap pakisamahan, kundi wala pa siyang pagkatao, at kailangan kong mag-ingat kapag kinukumusta ko ang kanyang gawain, kung hindi ay hahanap siya ng magagamit laban sa akin.

Minsan, inatasan kami ng isang nakatataas na lider na gawin ang gawain ng paglilinis, upang siyasatin at alamin kung may masasamang tao o mga anticristo sa iglesia, at kung may sinumang mabubunyag, ay itiwalag sila sa iglesia. Pumasok sa isip ko si Lillian. Hindi maganda ang pagkatao niya at tumanggi siyang tanggapin ang katotohanan. Nagkikimkim siya ng sama ng loob sa sinumang nagbabanggit ng mga problema sa kanya, at binabaluktot niya ang mga bagay-bagay, ginagawang tama ang mali, at ikinakalat ang kanyang pagkiling kapag nakatalikod ang mga taong ito. Naisip ko na dapat kong siyasatin ang kanyang pangkalahatang pag-uugali. Pero naisip ko kung gaano katutol si Lillian na siyasatin ko ang gawain niya at kung paano niya sinabi noong nakatalikod ako na pinungusan ko siya nang walang batayan. Kung mangongolekta ako ng mga pagsusuri sa kanya sa oras na ito, iisipin ba ng mga kapatid na ginagamit ko ang pagkakataong iyon para makaganti sa kanya? Iisipin ba ng kapareha ko na labis ang pagmamahal ko sa katayuan, at na maghahanap ako ng mga pagkakataon para pagbayarin ang sinumang pumuna sa aking mga problema? Kung gayon, ang lahat ay matatakot at iiwas sa akin, at magiging malaking problema kung susubukan nilang tukuyin ang aking mga isyu at iuulat ako bilang isang huwad na lider. Naisip ko, hindi bale na nga. Pwede ko iyong asikasuhin kapag may ibang tao nang tumukoy sa kanyang mga problema. Kung hindi, kapag ako ang pangunahing magsasalita tungkol dito, baka mali ang maging pagkaunawa rito. Kaya, hindi ko binanggit ang isyu. Hindi nagtagal, binanggit ni Maya na hindi maganda ang pagkatao ni Lillian at gusto niyang siyasatin ang pag-uugali nito. Kapwa ako natuwa at medyo nakonsensya nang sabihin niya iyon. Alam ko na ang tungkol kay Lillian, at dapat ay inimbestigahan ko kaagad ang kanyang pag-uugali, pero hindi ko iyon inasikaso dahil nag-alala ako na iisipin ng mga tao na ginagantihan ko siya. Hindi ko pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Pero buti na lang, may iba nang nagsalita tungkol dito, kaya hindi ko na kailangan pang alalahanin iyon. Pagkatapos makolekta ang mga pagsusuri kay Lillian, nakita namin na karamihan sa mga taong sumulat sa mga ito ay hindi siya lubos na kilala at nagbigay sila ng napakakaunting impormasyon. Iilang tao lang ang nakapansin sa mga problema niya. Alam kong ang tamang gawin sa sitwasyong ito ay ang maghanap ng mga tao na nakasalamuha niya sa mahabang panahon, ngunit nag-alala ako na sasabihin ng iba na pinupuntirya ko siya dahil sa personal na sama ng loob, kaya ayokong magsalita. Sa puntong iyon, sinabi ni Maya na dapat naming bantayan kung ano ang mangyayari, at wala na akong sinabi pa.

Nang maglaon, nalaman ko na ang ibang mga kapatid ay nagbigay ng mga mungkahi kay Lillian at hindi lamang niya hindi tinanggap ang mga ito, kundi gumanti pa siya sa pamamagitan ng mga ganting-paratang na hindi naman totoo. Minsan, nagbigay ang isang tagadilig ng komento kay Lillian na ang ilan sa mga taong pinangaralan ng mga manggagawa ng ebanghelyo ay hindi angkop sa mga prinsipyo at walang pagkatao. Hindi lamang tumanggi si Lillian na tanggapin iyon, kundi nagpahayag pa siya ng kanyang pagkiling at mga hinaing sa harap ng mga manggagawa ng ebanghelyo. Sinabi niyang sumusunod naman silang lahat sa mga prinsipyo sa kanilang tungkulin, ngunit dahil ang mga tagadilig ay hindi malinaw na nagbahagi tungkol sa katotohanan sa mga taong pinaghirapang mapagbalik-loob ng mga manggagawa ng ebanghelyo, ilang bagong mananampalataya ang nailigaw ng mga sabi-sabi at pagkatapos ay umurong. Sa isang pagtitipon, nagbahaginan at naghimay kami ni Maya tungkol sa diwa ng problemang ito, kaugnay ng pag-uugali ni Lillian. Ilang beses pa kaming nagbahagi sa kanya pagkatapos niyon. Akala ko ay magninilay siya sa sarili, ngunit hindi talaga siya natinag, at patuloy niyang ipinakalat ang masasamang palagay niya laban sa mga tagadilig. Sinabi niya na nagiging negatibo siya at hindi niya alam kung paano niya magagawa ang kanyang trabaho. Dahil sa hidwaang kanyang inihasik, ang ilang manggagawa ng ebanghelyo at tagadilig ay nagrereklamo sa isa’t isa, at walang anumang maayos na pagtutulungan. Alam kong hindi nababagay si Lillian na maging superbisor at dapat siyang matanggal kaagad. Nagsisi talaga ako na hindi ako nag-imbestiga kaagad at tinanggal siya sa simula pa lang. Alam kong wala siyang pagkatao, ngunit binigyan ko siya ng maraming pagkakataon para patuloy na gambalain ang gawain ng iglesia. Sumama ang loob ko. Nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako na magnilay sa sarili at makilala ang aking sarili.

Sa aking paghahanap, nakita ko na sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kapag hindi umaako ng responsabilidad ang mga tao sa kanilang mga tungkulin, kapag ginagawa nila ang mga ito nang pabasta-basta, kapag kumikilos sila na parang mga mapagpalugod ng mga tao, at hindi nila pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, anong disposisyon ito? Ito ay katusuhan, ito ay disposisyon ni Satanas. Ang pinakakapansin-pansing aspekto sa mga pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo ay ang katusuhan. Iniisip ng mga tao na kung hindi sila tuso, malamang na masasaktan nila ang damdamin ng iba at hindi nila mapoprotektahan ang kanilang mga sarili; iniisip nila na kailangan nilang maging sapat na tuso upang hindi makapanakit o makapagpasama ng loob ninuman, nang sa gayon ay mapananatili nilang ligtas ang kanilang mga sarili, mapangangalagaan nila ang kanilang mga kabuhayan at magkakaroon sila ng matatag na katayuan sa ibang mga tao. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay lahat ayon sa mga pilosopiya ni Satanas. Silang lahat ay mga mapagpalugod ng mga tao at hindi nila pinapasama ang loob ng sinuman. Narito ka na sa sambahayan ng Diyos, nabasa mo na ang salita ng Diyos, at nakinig ka na sa mga sermon ng sambahayan ng Diyos, kaya bakit hindi mo maisagawa ang katotohanan, bakit hindi ka makapagsalita mula sa puso, at maging matapat na tao? Bakit lagi kang mapagpalugod ng mga tao? Pinoprotektahan lang ng mga mapagpalugod ng mga tao ang sarili nilang mga interes, at hindi ang mga interes ng iglesia. Kapag may nakikita silang isang taong gumagawa ng masama at pumipinsala sa mga interes ng iglesia, hindi nila ito pinapansin. Mahilig silang maging mapagpalugod ng mga tao, at ayaw nilang makapagpasama ng loob ng sinuman. Iresponsable ito, at ang ganoong uri ng tao ay masyadong tuso at hindi mapagkakatiwalaan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Naunawaan ko mula sa paghahayag ng mga salita ng Diyos na iniwasan kong mapasama ang loob ni Lillian sa pagsisikap na mapanatili ang aking imahe at katayuan, at hindi ako nanindigan para sa iglesia nang makita kong ginagambala niya ang gawain nito. Sa halip, sinubukan kong maging mapagpalugod ng mga tao sa pamamagitan ng pagbubulag-bulagan. Iyon ay iresponsable at tusong pag-uugali. Ang mga walang pananampalataya ay namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya upang protektahan ang kanilang sariling mga interes. Maingat nilang pinagmamasdan ang iba kapag nagsasalita sila at inaalam ang opinyon ng nakararami—tuso at mapanlinlang sila sa ganoong paraan. Sa aking tungkulin, katulad ng sa mga walang pananampalataya ang saloobin ko. Malinaw kong nakita na hindi maganda ang pagkatao ni Lillian at nakagambala na siya sa gawain ng iglesia. Dapat ay natanggal na siya. Pero ayokong isipin ng iba na ginagantihan ko lang siya, kaya iniwasan ko ang isyu sa pamamagitan ng pagsisikap na huwag gumawa ng anumang bagay na maaaring mapaghinalaan, at ipinagpaliban ko ang pagharap kay Lillian. Gusto kong maghintay hanggang sa magkaroon ng pagkakilala sa kanya ang ibang mga kapatid. Dahil nais kong protektahan ang aking reputasyon at katayuan, at kahit alam kong nakagagambala siya sa gawain ng iglesia, mas pinili ko pa ring hayaan na mapinsala ang mga interes ng iglesia kaysa sundin ang mga prinsipyo, ilantad siya, at harapin nang tama ang sitwasyon. Napakatuso, makasarili, at kasuklam-suklam ko talaga. Nang maisip ko ito, nagsisi ako at nakonsensya. Alam ko na hindi ako pwedeng magpatuloy na magbulag-bulagan. Kailangan kong asikasuhin ang isyu ni Lillian nang naaayon sa mga prinsipyo ng iglesia, at itigil na ang pagprotekta sa sarili kong mga interes lamang.

Nagpunta kami ni Maya para kausapin si Lillian pagkatapos nun, inilantad namin kung paano niya binaluktot ang mga bagay-bagay at di-makatwirang ipinakalat ang kanyang mga maling palagay tungkol sa iba, na sumisira sa relasyon sa pagitan ng mga kapatid, at na ginambala nito ang gawain ng iglesia. Sa gulat ko, hindi niya tinanggap ang alinman sa mga ito, bagkus ay inatake niya kami, at galit na sinabing, “Nagbahagi ako ng mga isyu sa inyo, at sa halip na lutasin ninyo ang mga ito ay ginamit ninyo ang mga ito para hanapan ako ng mali. Nakikita kong hindi talaga kayo gumagawa ng anumang totoong gawain.” Nakikita kung gaano siya kamapaniil, na walang-walang kamalayan sa sarili, sinuri namin sa kanya ang kalikasan at mga kahihinatnan ng kanyang mga salita at kilos, gamit ang mga nauugnay na salita ng Diyos. Ngunit ayaw niyang tanggapin ang alinman sa mga ito—patuloy siyang nakipagtalo at pinangatwiranan ang kanyang sarili.

Pagkatapos, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na nakatulong sa akin na maunawaan ang diwa ni Lillian. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Hindi mananampalataya at masamang tao ang sinumang madalas na nanggugulo sa buhay iglesia at sa buhay pagpasok ng mga hinirang na tao ng Diyos, at dapat silang alisin sa iglesia. Kahit sino pa ang taong iyon o paano man siya kumilos noon, kung madalas niyang ginugulo ang gawain ng iglesia at ang buhay iglesia, kung tumatanggi siyang mapungusan, at palagi niyang ipinagtatanggol ang kanyang sarili gamit ang maling pangangatwiran, dapat siyang alisin sa iglesia. Ang ganitong paraan ay ganap na para sa kapakanan ng pagpapanatili ng normal na pag-usad ng gawain ng iglesia at sa pagprotekta ng interes ng hinirang na mga tao ng Diyos, na lubos na umaayon sa mga katotohanang prinsipyo at sa mga layunin ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 14). “Anuman ang mga pagkakamali o masamang bagay na nagawa nila, hindi papayag ang mga taong iyon na may malulupit na disposisyon na may maglantad o magpungos sa kanila. Kapag may naglantad at sumalungat sa kanila, labis silang magagalit, gaganti, at hindi nila kailanman titigilan ang isyu. Wala silang pasensya at pagtitimpi sa ibang tao, at wala silang pagpaparaya sa iba. Ano ang prinsipyo kung saan nakabatay ang kanilang asal? ‘Gugustuhin ko pang magkanulo kaysa ipagkanulo.’ Sa madaling salita, hindi nila kayang tiisin na masalungat ng kahit sino. Hindi ba’t ito ang lohika ng masasamang tao? Ito mismo ang lohika ng masasamang tao. Walang sinuman ang pwedeng sumalungat sa kanila. Para sa kanila, hindi katanggap-tanggap na galitin sila ng sinuman kahit kaunti, at kinamumuhian nila ang sinumang gumawa nito. Patuloy nilang tutugisin ang taong iyon at hindi titigilan ang isyu—ganito ang masasamang tao(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 14). Nakita ko mula sa mga salita ng Diyos na ang masasamang tao ay may malupit na disposisyon at ayaw talagang tanggapin ang katotohanan. Napopoot sila sa sinumang naglalantad at tumutukoy ng mga problema nila, itinuturing nila ang mga ito na kaaway, at maaari pa nga silang umatake bilang paghihiganti. Ikinumpara ko roon si Lillian. Hindi niya kailanman pinagnilayan o kinilala ang kanyang sarili nang maharap siya sa mga problema, at kinapootan niya ang sinumang nagbigay sa kanya ng mga mungkahi, itinuring niya sila na kaaway niya. Samantala, binaluktot niya ang katotohanan, ginawang tama ang mali, at nagpakalat siya ng masasamang palagay at mga reklamo tungkol sa iba, na nagsanhi ng mga problema sa relasyon ng mga kapatid. Dahil dito ay nagkaroon ng hidwaan, na nakagambala at nakahadlang sa gawain ng ebanghelyo. Maraming beses siyang pinayuhan at tinulungan ng iba, pero ayaw niyang tanggapin ang mga sinabi nila. Mapanlaban siyang tumugon sa kanila at nagparatang ng mga hindi totoo bilang ganti, nang wala ni katiting na pagsisisi. Batay sa kanyang kalikasan, napopoot at tutol siya sa katotohanan. Nabunyag na isa siyang masamang tao, at kung hahayaan namin siyang manatili sa iglesia, magdadala lang iyon ng mas maraming problema sa gawain ng iglesia. Kung kaya, ibinahagi namin ni Maya sa mga kapatid ang aming pagkakilala sa pag-uugali ni Lillian, nang alinsunod sa mga prinsipyo, at tinanggal siya pagkatapos ng isang botohan. Inatasan namin siyang bumukod at magnilay sa kanyang sarili, at paaalisin namin siya kung magkakaroon pa ng anumang karagdagang mga kaguluhan.

Kalaunan, sunud-sunod na sinabi ng ilang kapatid na talagang napipigilan sila kapag katrabaho si Lillian. Palagi niyang pinagagalitan ang mga tao at maraming tao ang natatakot sa kanya. Laging maagang naghahanda ang lahat tuwing darating siya para siyasatin ang kanilang gawain, nag-aalalang mapagagalitan niya dahil sa anumang hindi nila maipaliliwanag nang maayos. Labis akong nabalisa. Napakarami nang nagawang kasamaan ni Lillian, na labis na nakapinsala sa mga kapatid. Isa akong lider ng iglesia, pero nang matuklasan ko ang isang masamang tao, nabigo akong harapin iyon. Kung gayon, ano pa ang silbi ko? Wala akong nagagawang tunay na gawain. Sa loob ng ilang araw ay pinagnilayan ko kung bakit kaya kong harapin nang tama ang ibang masasamang tao at mga anticristo, pero iniwasan at inayawan kong harapin ang usapin tungkol kay Lillian. Nakabasa ako ng ilan sa mga salita ng Diyos: “Anuman ang ginagawa nila, isinasaalang-alang muna ng mga anticristo ang sarili nilang mga interes, at kumikilos lang sila kapag napag-isipan na nilang lahat iyon; hindi sila tunay, sinsero, at lubos na nagpapasakop sa katotohanan nang walang pakikipagkompromiso, kundi ginagawa nila ito nang may pagpili at may kondisyon. Anong kondisyon ito? Ito ay na dapat maingatan ang kanilang katayuan at reputasyon, at hindi sila dapat mawalan ng anuman. Kapag natugunan ang kondisyong ito, saka lang sila magpapasya at pipili kung ano ang gagawin. Ibig sabihin, pinag-iisipang mabuti ng mga anticristo kung paano tatratuhin ang mga katotohanang prinsipyo, ang mga atas ng Diyos, at ang gawain ng sambahayan ng Diyos, o kung paano haharapin ang mga bagay na kaharap nila. Hindi nila isinasaalang-alang kung paano tugunan ang mga layunin ng Diyos, kung paano iingatang huwag mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kung paano mapalulugod ang Diyos, o kung paano makikinabang ang mga kapatid; hindi ang mga ito ang isinasaalang-alang nila. Ano ang isinasaalang-alang ng mga anticristo? Kung maaapektuhan ba ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, at kung bababa ba ang kanilang katanyagan. Kung ang paggawa ng isang bagay ayon sa mga katotohanang prinsipyo ay kapaki-pakinabang sa gawain ng iglesia at sa mga kapatid, subalit magdurusa naman ang kanilang sariling reputasyon at mapagtatanto ng maraming tao ang kanilang tunay na tayog at malalaman kung anong uri ng kalikasang diwa ang mayroon sila, kung gayon, tiyak na hindi sila kikilos alinsunod sa mga katotohanang prinsipyo. Kung ang paggawa ng tunay na gawain ay magiging sanhi para maging mataas ang tingin sa kanila, tingalain sila at hangaan sila ng mas maraming tao, tulutan silang magkaroon ng mas higit pang katanyagan, o magkaroon ng awtoridad ang kanilang mga salita at mas maraming tao pa ang magpasakop sa kanila, kung gayon ay pipiliin nilang gawin ito sa ganoong paraan; kung hindi naman, hinding-hindi nila pipiliin na isantabi ang sarili nilang mga interes para ikonsidera ang mga interes ng sambahayan ng Diyos o ng mga kapatid. Ganito ang kalikasang diwa ng mga anticristo. Hindi ba ito makasarili at kasuklam-suklam?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). “Kung sabihin ng isang tao na mahal niya ang katotohanan at hinahanap niya ang katotohanan, subalit sa diwa, ang mithiing hinahangad niya ay gawing tanyag ang sarili, magpakitang-gilas, gawing mataas ang tingin ng mga tao sa kanya, makamit ang kanyang sariling mga interes, at ang pagganap ng kanyang tungkulin ay hindi upang magpasakop o bigyang-kaluguran ang Diyos, at sa halip ay upang magtamo ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, kung gayon ay hindi lehitimo ang kanyang paghahangad. At kung ganoon ang kaso, pagdating sa gawain ng iglesia, balakid ba ang kanilang mga kilos, o nakakatulong ba ang mga ito upang maisulong iyon? Malinaw na balakid ang mga ito; hindi napapasulong ng mga ito ang gawain ng iglesia. Ang ilang tao ay nagkukunwaring gumagawa ng gawain ng iglesia subalit naghahangad naman ng sarili nilang kasikatan, pakinabang, at katayuan, nagpapatakbo ng sarili nilang operasyon, bumubuo ng sarili nilang maliit na grupo, ng sarili nilang munting kaharian—ginagawa ba ng ganitong uri ng tao ang kanyang tungkulin? Lahat ng gawaing ginagawa nila, sa esensya, ay nakakagambala, nakakagulo, at nakakapinsala sa gawain ng iglesia. Ano ang kahihinatnan ng paghahangad nila ng kasikatan, pakinabang, at katayuan? Una, naaapektuhan nito kung paano kinakain at iniinom ng mga taong hinirang ng Diyos ang salita ng Diyos nang normal at paano nila nauunawaan ang katotohanan, hinahadlangan nito ang pagpasok nila sa buhay, pinipigilan silang pumasok sa tamang landas ng pananampalataya sa Diyos, at inaakay sila patungo sa maling landas—na nakakapinsala sa mga taong hinirang, at dinadala sila sa kapahamakan. At ano ang ginagawa nito sa gawain ng iglesia sa huli? Ito ay panggugulo, pamiminsala, at pagbuwag. Ito ang kahihinatnang idinudulot ng paghahangad ng mga tao sa kasikatan, pakinabang, at katayuan(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Unang Bahagi)). Inihahayag ng mga salita ng Diyos na isinasaalang-alang lang ng mga anticristo ang sarili nilang reputasyon at katayuan sa kanilang mga kilos. Kung may magagawa siya na makapagpapaganda sa reputasyon niya, iyon mismo ang gagawin ng isang anticristo. Kung masisira ang kanyang reputasyon o katayuan sa paggawa ng mga bagay-bagay alinsunod sa prinsipyo, isasantabi ng isang anticristo ang mga prinsipyo at iisipin lang kung ano ang magpoprotekta sa personal niyang mga interes, kung ano ang magiging kapaki-pakinabang sa kanya. Partikular siyang makasarili at kasuklam-suklam. At hindi ba’t kumikilos din ako na parang isang anticristo? Matagal ko nang natuklasan na masama ang pagkatao ni Lillian, at na hindi niya hinahangad ang katotohanan. Kinamumuhian niya ang sinumang nagbibigay sa kanya ng mga mungkahi, naghahanap siya ng mali sa kanila at ginagamit iyon para husgahan at atakihin sila, at patuloy niyang hahadlangan ang gawain ng iglesia kung hindi siya agad papalitan. Pero dahil may galit siya sa akin, nag-alala akong iisipin ng mga kapatid na pinaghihigantihan ko lang siya sa pamamagitan ng pag-iimbestiga sa kanya. Baka isipin pa nga nilang isa akong huwad na lider. Pakiramdam ko ay manganganib ang posisyon ko. At dahil sa disposisyon ni Lillian, nag-alala ako na kung tatanggalin ko siya, sisiraan niya ako kapag nakatalikod ako o maghahanap siya ng dahilan para kondenahin o iulat ako. Pakiramdam ko ay mapapahamak lang ako kapag hinarap ko siya, at madaling maaapektuhan niyon ang reputasyon at posisyon ko, kaya naghintay na lang ako para makita kung anong mangyayari at wala akong ginawa. Napakatuso at napakamakasarili ko. Nang makatuklas ako dati ng mga taong dapat paalisin o itiwalag noong panahon ng gawain ng paglilinis, nagawa ko iyong harapin alinsunod sa prinsipyo. Iyon ay dahil hindi ko kilala ang karamihan sa kanila. Higit sa lahat, hindi sila maituturing na banta sa aking reputasyon at katayuan. Kung paaalisin ko sila o ititiwalag sa iglesia, ituturing ako ng mga kapatid na isang lider na nauunawaan ang katotohanan at mayroong pagkakilala, at na gumagawa ng totoong gawain. Pero sa pagharap kay Lillian, na isang problemang may direktang kinalaman sa sarili kong posisyon, nagbulag-bulagan na lang ako, sinusubukang protektahan ang sarili kong mga interes. Dati, napanghawakan ko ang mga prinsipyo dahil hindi nakataya ang mga personal kong interes, sa halip na dahil gusto ko talagang gawin nang mabuti ang gawain ng iglesia. Napagtanto ko mula sa mga salita ng Diyos na ang paggawa para protektahan ang personal na katanyagan at katayuan ay para na ring paraan ng pananabotahe at paggambala sa gawain ng iglesia. Hinahadlangan nito ang normal na pag-usad ng gawain. Dahil gusto kong protektahan ang reputasyon at posisyon ko, nabigo akong agad na harapin ang isang masamang tao. Talagang malubha ang kalikasan ng problemang iyon. Hindi lang iyon maliit na kaso ng pagpapakita ng katiwalian, ang totoo ay pagkakanlong ito ng isang masamang tao, pangungunsinti sa paggambala nito sa gawain ng iglesia. Pagkilos iyon bilang kampon ni Satanas at paggawa rin ng masama. Partikular na nakaaantig ang mga salitang ito ng Diyos: “Dapat mong ibukod o paalisin agad ang masasamang tao sa sandaling matuklasan mo na mayroon silang diwa ng masasamang tao, bago pa sila makagawa ng malubhang kasamaan. Makakabawas ito sa pinsalang idinudulot nila; ito ang matalinong pasya. Kung hihintayin ng mga lider at manggagawa na makagawa pa ng kung anong sakuna ang isang masamang tao bago nila ito pangasiwaan, nagiging pasibo sila. Patutunayan niyon na napakahangal at walang mga prinsipyo sa kanilang mga kilos ang mga lider at manggagawa(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa 14). Sumama ang loob ko at labis akong nakonsensya habang pinag-iisipan ang mga salita ng Diyos. Bilang isang lider, ang trabaho ko ay protektahan ang hinirang na mga tao ng Diyos mula sa paniniil at paggambala ng masasamang tao, at protektahan ang normal na buhay ng iglesia para makausad nang tama at maayos ang gawain nito. Pero nang lumitaw ang isang masamang tao sa iglesia, nagpaliban-liban ako at walang ginawa. Hindi ko tinutupad ang mga responsibilidad ng isang lider, na naging sanhi para mapigilan at maatake ng masamang tao ang mga kapatid, at mapinsala ang kanilang pagpasok sa buhay. Nagambala rin ang gawain ng iglesia. Kasuklam-suklam sa Diyos ang nagawa ko!

Kalaunan, paulit-ulit kong pinag-isipan ang mga bagay-bagay. Alam kong kapag ginagambala ng isang masamang tao ang gawain ng iglesia, naaayon sa mga prinsipyo na mabilis na asikasuhin ang usapin. Kaya bakit ba ako natakot na magkakamali ng pagkaunawa sa sitwasyon ang iba at sasabihing pinahihirapan ko siya? At ano ba talaga ang pagpapahirap sa isang tao? Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ano pa ang ibang mga pagpapamalas na karaniwan kapag gumagawa ang mga anticristo? (Sinusupil at pinapahirapan ng mga anticristo ang mga tao alang-alang sa sarili nilang katayuan.) Napakakaraniwang bagay na sa mga anticristo na magpahirap ng ibang tao, at isa ito sa kanilang kongkretong pagpapamalas. Upang mapanatili ang kanilang katayuan, laging hinihingi ng mga anticristo na sundin at pakinggan sila ng lahat. Kapag nakita nilang may hindi nakikinig sa kanila o kumokontra at lumalaban sa kanila, gagamit sila ng mga pamamaraan ng paghahadlang at pagpapahirap sa taong iyon, para supilin ito. Madalas na sinusupil ng mga anticristo ang mga taong may mga opinyong naiiba sa opinyon nila. Madalas na pinipigilan nila ang mga taong naghahangad sa katotohanan at matapat na ginagampanan ang kanilang tungkulin. Madalas nilang sinusupil ang mga taong medyo disente at matuwid na hindi nambobola o sumisipsip sa kanila. Pinipigilan nila ang mga hindi nila kasundo o hindi nagpapatalo sa kanila. Ang pagtrato ng mga anticristo sa iba ay hindi nakabatay sa mga katotohanang prinsipyo. Hindi nila kayang tratuhin nang patas ang mga tao. Kapag hindi nila nagustuhan ang isang tao, kapag ang isang tao ay tila hindi buong-pusong nagpatalo sa kanila, naghahanap sila ng mga pagkakataon at mga palusot, at nag-iisip pa nga ng iba’t ibang dahilan, upang atakihin at pahirapan ang taong iyon, umaabot pa sa puntong nagkukunwari silang ginagawa nila ang gawain ng iglesia upang supilin siya. Hindi sila tumitigil hanggang sa maging sunud-sunuran at hindi maka-hindi sa kanila ang mga tao; hindi sila tumitigil hangga’t hindi kinikilala ng mga tao ang kanilang katayuan at kapangyarihan, at binabati sila nang may ngiti, nagpapahayag ng pag-endorso at pagtalima sa kanila, at hindi nangangahas na pag-isipan sila nang hindi maganda. Sa anumang sitwasyon, anumang grupo, ang salitang ‘patas’ ay hindi umiiral sa pagtrato ng isang anticristo sa iba, at ang salitang ‘mapagmahal’ ay hindi umiiral sa pagtrato niya sa kanyang mga kapatid na tunay na nananalig sa Diyos. Itinuturing niya ang sinumang banta sa kanyang katayuan bilang pako sa kanyang mata at tinik sa kanyang tagiliran, at hahanap siya ng mga pagkakataon at mga dahilan para pahirapan sila. Kung ang taong iyon ay hindi magpapatalo, pinapahirapan niya ang mga ito, at hindi tumitigil hangga’t hindi nasusupil ang taong iyon. Ang pagsasagawa ng mga anticristo ng ganito ay labis na hindi naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, at laban sa katotohanan, kung gayon, dapat ba silang pungusan? Hindi lang iyon—walang mas mababa pa sa paglalantad, pagkikilatis, at pag-uuri sa kanila ang sasapat. Tinatrato ng isang anticristo ang lahat ayon sa kanyang sariling mga kagustuhan, layunin at pakay. Sa ilalim ng kanyang awtoridad, ang sinumang may pagpapahalaga sa katarungan, sinumang kayang magsalita nang patas, sinumang nangangahas na labanan ang kawalang-hustisya, sinumang pinanghahawakan ang mga katotohanang prinsipyo, sinumang tunay na may talento at marunong, sinumang kayang magbigay ng patotoo tungkol sa Diyos—lahat ng gayong tao ay haharapin ang inggit ng anticristo, at sila ay susupilin, ibubukod, at tatapak-tapakan ng anticristo hanggang sa puntong hindi na nila kaya pang bumangon muli. Gayon ang poot sa pagtrato ng anticristo sa mabubuting tao, at sa mga naghahangad ng katotohanan. Masasabing, humigit-kumulang, ang karamihan sa mga taong kinaiinggitan ng anticristo at kanyang sinusupil ay mga positibong personalidad at mabubuting tao. Karamihan sa kanila ay mga taong ililigtas ng Diyos, na magagamit ng Diyos, at gagawing perpekto ng Diyos. Sa paggamit ng gayong mga taktika para supilin at ihiwalay ang mga ililigtas, gagamitin, at gagawing perpekto ng Diyos, hindi ba’t kalaban ng Diyos ang mga anticristo? Hindi ba’t sila ay mga taong lumalaban sa Diyos?(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalabing-isang Aytem). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagpapahirap sa isang tao, at ang pagsunod sa mga prinsipyo ay dalawang magkaibang usapin. Kailangan nating tingnan ang mga natatagong motibo para sa ating kilos, at kailangan din nating tingnan kung ang pagtrato natin sa iba ay may batayan sa mga salita ng Diyos. Kung natukoy natin na ang isang tao ay isang masamang tao o isang anticristo batay sa mga katotohanang prinsipyo, ang pagpapaalis o pagpapatalsik sa kanya ay pag-aalis ng isang salot sa iglesia, na alinsunod sa mga prinsipyo. Hindi ito pagpapahirap. Pero kapag sinusupil at pinahihirapan ng mga anticristo at masasamang tao ang iba, ganap na galing iyon sa malulupit nilang motibo. Naiinggit sila sa mga naghahangad sa katotohanan at nagtataglay ng pagkaunawa sa katarungan. Napopoot sila sa mga may pagkakilala sa kanila at naglalakas-loob na punahin sila. Inaalis nila ang mga sumasalungat para protektahan ang sarili nilang kapangyarihan at katayuan. Sinusunggaban nila ang kaliit-liitang problema ng iba at pinalalaki iyon. Binabaluktot nila ang mga katunayan at sinisiraan ang iba, ibinabato ang lahat ng uri ng paratang laban sa mga ito para mapaalis o mapatalsik ang mga ito. Ang mga motibo at layunin nila ay ganap na laban sa katotohanan at sa Diyos. Kinokondena at isinusumpa sila ng Diyos. Inilalantad at tinatanggal ko si Lillian batay sa pagkakilala ko sa kanya bilang isang masamang tao alinsunod sa mga salita ng Diyos. Hindi iyon dahil sa personal na hinanakit, at hindi ko siya pinahihirapan. Mababaw ang naging pagtingin ko sa mga bagay-bagay at hindi ko naunawaan kung ano ba talaga ang pagpapahirap. Pakiramdam ko, ang pag-aasikaso ng isyu na may kinalaman sa isang taong may hinanakit sa akin ay para na ring pagpapahirap sa kanya. Hindi ko isinaalang-alang kung isa ba siyang masamang tao at kung anong papel ang ginagampanan niya sa iglesia. Bilang resulta ng mali kong pananaw, hindi ako nakakilos. Kahangalan iyon! Talagang nakapagpapalaya para sa akin na maunawaan ang lahat ng ito.

Pagkatapos nun, sadya kong isinagawa ang pagtupad sa tungkulin ko alinsunod sa mga prinsipyo. Lalo na pagdating sa gawain ng paglilinis, kung natutukoy na ang isang tao ay kandidato para alisin o itiwalag, may galit man siya sa akin o wala, hinaharap ko iyon alinsunod sa mga prinsipyo. Nang isagawa ko iyon, lalo pa akong napanatag. Personal kong naranasan na sa paggawa ng isang tungkulin, kailangan nating isantabi ang mga alalahanin tungkol sa reputasyon at katayuan, itaguyod ang mga prinsipyo at protektahan ang gawain ng iglesia, at sa ganitong paraan ay makakaramdam ng kapayapaan at kagalakan.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagkalas sa mga Buhol ng Puso

Ni Chunyu, Tsina Nangyari ’yon nung nakaraang tagsibol habang nasa tungkuling pang-ebanghelyo ako sa iglesia. Noong panahong ’yon, nahalal...