Isang Aral na Natutuhan Mula sa Isang Maliit na Bagay

Agosto 3, 2022

Kamakailan, inirekomenda ni Sister Li si Wang Mei para tumanggap ng responsibilidad ng pagdidilig sa mga baguhan. Sa palagay ko ay palagi siyang pabaya sa kanyang tungkulin at hindi niya pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Kaya nagmadali akong tanungin si Sister Li kung kumusta na si Wang Mei ngayon. Naisip ko, “Kung iresponsable pa rin siya sa kanyang tungkulin, hindi siya nababagay na magdilig sa mga baguhan.” Sabi ni Sister Li, “Pinahahalagahan ni Wang Mei ang kanyang reputasyon at katayuan, pero maayos naman ang saloobin niya sa kanyang tungkulin, at wala akong nakitang anumang malalaking problema.” Nabunutan ako ng tinik nang marinig ko ito. Kung siniyasat na ni Sister Li ang bagay na iyon, tama lang naman na hayaan si Wang Mei na magdilig sa mga baguhan. Makalipas ang ilang araw, naisaayos ko na ang lahat ng gawain, at pwede nang direktang simulan ni Wang Mei ang trabaho pagdating niya. Pero biglang sinabi sa akin ni Sister Li na naging tuso at tamad si Wang Mei, at hindi nito tinanggap ang katotohanan, kung kaya’t hindi ito nababagay na magdilig ng mga baguhan. Nabigla ako nang marinig ko ang balitang ito at naisip ko, “Hindi ba’t sinabi mong walang malalaking problema nang suriin mo siya ilang araw ang nakararaan? Ilang araw pa lang ang nagdaan, paanong nagbago na naman ang mga bagay-bagay?” Hindi ko mapigilang magreklamo: “Masyado kang hindi maaasahan. Sinabihan kitang siyasatin ang isang tao at hindi mo ito ginawa nang mabuti. Kulang na kulang ka sa pagkakilala. Nasira ng pagpili mo ng maling tao ang mga plano ko sa gawain, at naapektuhan din ang gawain. Hindi ba’t naaantala mo ang mga bagay-bagay? Paano ka naging lider ng grupo nang ganito ang kakayahan mo?” Habang mas iniisip ko iyon ay lalo akong nagagalit, pero hindi ko sinubukang alamin ang tunay na sitwasyon, at patuloy lang siyang hinusgahan sa aking isipan. Noong panahong iyon, gusto ko talagang padalhan ng mensahe si Sister Li, na nagtatanong kung ano ang nangyayari sa kanya, kung nagkaroon na siya ng anumang pagkakilala sa taong ito, kung bakit hindi niya siniyasat nang mabuti ang bagay na ito, at kung paanong naging masyado siyang iresponsable. Pero pinag-isipan ko iyong muli at naisip ko, “Ang galit na pagtatanong sa mga tao ay hindi isang makatwirang bagay na gawin.” Kaya hindi ko siya pinadalhan ng mensahe, at lumipas na ang bagay na iyon.

Tapos, sa isang pagtitipon, narinig kong magbahagi ang isang brother kung paano siya nagbunyag ng pagiging mainitin ang ulo, nagalit, at nanita ng mga tao nang hindi mangyari ang mga bagay-bagay nang ayon sa gusto niya, at kung paano niya hinanap ang katotohanan at pinagnilayan ang kanyang sarili. Napahiya ako nang marinig ko ito, at hindi ko napigilang alalahanin ang inilantad ko kamakailan. Hindi ba’t pareho ang sitwasyon namin ng brother na ito? May natamo siya dahil hinanap niya ang katotohanan at natuto siya ng aral. Bakit hindi ako natututo ng aral? Kaya’t inilapit ko ang bagay na ito sa Diyos sa panalangin, hinahanap ang aral na dapat kong matutuhan. Minsan, sa mga debosyonal, nabasa ko ang salita ng Diyos: “Ang pagsunod sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos ang pinakapangunahing aral sa pagsunod sa Diyos. Kabilang sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos ang mga tao, usapin, at bagay—at ang iba’t ibang sitwasyon—na pinasusulpot ng Diyos sa paligid mo. Kaya ano dapat ang reaksyon mo kapag nahaharap ka sa ganitong mga sitwasyon? Ang pinakapangunahin sa lahat ay ang pagtanggap mula sa Diyos. Ano ba ang ibig sabihin ng ‘pagtanggap mula sa Diyos’? Ang pagrereklamo at paglaban—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Ang pagdadahilan at paghahanap ng mali—pagtanggap ba ito mula sa Diyos? Hindi. Kaya paano ba dapat isagawa ang pagtanggap mula sa Diyos? Kumalma ka muna, hanapin ang katotohanan, at isagawa ang pagsunod. Huwag magdahilan o mangatwiran. Huwag subukang manghula o suriin kung sino ang tama at kung sino ang mali. At huwag suriin kung kaninong pagkakamali ang mas mabigat, at kung kanino ang hindi gaanong mabigat. Ang palagi bang pagsusuri sa mga bagay na ito ang saloobin ng pagtanggap mula sa Diyos? Ito ba ang saloobin ng pagsunod? (Hindi.) Hindi ito ang saloobin ng pagsunod sa Diyos, hindi ito ang saloobin ng pagtanggap mula sa Diyos, hindi ito ang saloobin ng pagtanggap sa kapamahalaan at mga pagsasaayos ng Diyos. Ang pagtanggap mula sa Diyos: isang aspeto ito ng mga prinsipyo para maisagawa ang pagsunod sa Diyos. … Hindi pagsusuri ng tama o mali, hindi pangangatwiran, hindi paghahanap ng mali sa mga tao, hindi pakikipagtalo dahil sa maliliit na bagay, hindi pagsusuri ng mga obhektibong katwiran, at hindi pagsusuri at pagsisiyasat gamit ang isip ng tao; ang lahat ng ito ay mga detalye, at ito ang pagtanggap mula sa Diyos. At ang paraan para maisagawa ito ay ang sumunod muna. Kahit pa mayroon kang mga kuru-kuro o kung hindi malinaw sa iyo ang mga bagay-bagay, sumunod ka, huwag kang magdahilan o magrebelde; at pagkatapos mong sumunod, hanapin mo ang katotohanan; manalangin sa Diyos at maghanap” (“Ang Pagsunod sa Diyos ay Isang Pangunahing Aralin sa Pagtatamo ng Katotohanan” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Habang binabasa ang salita ng Diyos, naunawaan ko na kapag may mga nangyayari sa atin, nauunawaan man natin ang Kanyang kalooban o hindi, hindi natin iyon dapat salungatin o pangatwiranan ang sarili nating argumento. Dapat tayong magkaroon ng saloobin ng pagtanggap at pagsunod sa sitwasyong pinaglagyan sa atin ng Diyos. Ito ang pag-uugali ng pagtanggap sa mga bagay-bagay bilang mula sa Diyos. Kapag may nangyayari, palagi ko iyong tinitingnan mula sa panlabas, sinusuri ang tama at mali, nagrereklamo tungkol sa kung anu-ano. Palagi kong iniisip na nagiging pabaya at iresponsable si Sister Li sa kanyang tungkulin, naaapektuhan ang gawain ko, at labis na nakadaragdag ng hindi kinakailangang trabaho para sa akin. Sa sitwasyong ito, wala akong anumang saloobin ng pagtanggap sa mga bagay na mula sa Diyos. Hindi ko pinayapa ang puso ko at hinanap ang kalooban ng Diyos, o pinagnilayan kung anong mga aral ang dapat kong matutuhan. Sa halip, itinutok ko ang mga mata ko kay Sister Li. Gusto kong magalit, pagalitan siya, at punahin ang mga pagkukulang niya. Hindi ito isang saloobin ng pagtanggap o pagsunod! Talaga bang kasalanang lahat ng ibang tao ang mga problema at aberya sa gawain? Wala bang kinalaman ang mga iyon sa akin? Palagi kong nilalabanan ang mga sitwasyong pinaglalagyan sa akin ng Diyos. Kahit na sa huli ay kasalanang lahat ng ibang tao ang mga problema, at hindi ako ang may kasalanan, nagagawa ng iba na pagnilayan ang kanilang mga sarili, matuto mula roon, at lumago. Pero ano ang nakakamit ko, maliban sa pagkakaroon ng kinimkim na galit sa loob ko? Sa puntong ito ko napagtanto na nasa maling kalagayan ako. Hindi ako pwedeng patuloy na magsuri at magsaliksik, nahuhumaling sa kung sino ang tama at mali. Kailangan kong payapain ang sarili ko, hanapin ang katotohanan at matuto ng aral.

Habang nagninilay ako, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Kung hindi ka umaasa at humihingi ng tulong sa Diyos kapag gumaganap ka ng iyong tungkulin, at ginagawa mo lang kung ano ang nais mo, kahit gaano ka pa katalino, may mga pagkakataon pa ring mabibigo ka. Malamang na sumunod sa sarili nilang mga ideya ang mga taong matigas ang ulo, kaya may puso ba silang may takot sa Diyos? Nakalimutan na ng mga taong napakatigas ng ulo ang Diyos, at nakalimutan na nila ang pagsunod sa Diyos; kapag tapos na ang mga bagay-bagay, kapag may nasagupa nang balakid ang mga taong ito, o nabigo silang magawa ang anuman, saka lamang nila naiisip na hindi nila sinunod ang Diyos, at hindi sila nagdasal sa Diyos. Ano ito? Ito ay ang kawalan ng Diyos sa mga puso nila. Ipinapahiwatig ng kanilang mga kilos na wala ang Diyos sa kanilang mga puso, na ang lahat ay nagmumula sa kanilang sarili. Kaya, gumagawa ka man ng gawain ng iglesia, gumaganap ng tungkulin, nag-aasikaso ng ilang gawain sa labas, o humaharap ng mga bagay-bagay sa personal mong buhay, dapat may mga prinsipyo sa iyong puso, dapat may espirituwal na kalagayan. Anong kalagayan? ‘Kahit ano pa ito, bago pa may mangyari sa akin dapat akong manalangin, dapat kong sundin ang Diyos, dapat kong sundin ang Kanyang kapamahalaan, ang lahat ay isinasaayos ng Diyos, at kapag may nangyayari, dapat kong hanapin ang kalooban ng Diyos, dapat akong magkaroon ng ganitong pag-iisip, hindi ako dapat gumawa ng sarili kong mga plano.’ Pagkatapos maranasan ito sa loob ng ilang panahon, makikita ng mga tao ang kapamahalaan ng Diyos sa maraming bagay. Kung lagi kang may sariling mga plano, isinasaalang-alang, ninanais, makasariling motibo, at hangarin, hindi sinasadyang lilihis palayo sa Diyos ang iyong puso, magiging bulag ka sa kung paano kumikilos ang Diyos, at kadalasan ay matatago ang Diyos sa iyo. Hindi ba’t gusto mong ginagawa ang mga bagay-bagay ayon sa sarili mong mga ideya? Hindi ba’t gumagawa ka ng sarili mong mga plano? May utak ka, nakapag-aral ka, may kaalaman, mayroon kang abilidad at pamamaraan para gawin ang mga bagay-bagay, kaya mong gawin ang mga ito nang mag-isa, mahusay ka, hindi mo kailangan ang Diyos, kaya naman sinasabi ng Diyos, ‘Sige at gawin mo ito nang mag-isa, at ikaw ang managot kung maging maayos man o hindi ang kalabasan nito, wala Akong pakialam.’ Hindi ka iintindihin ng Diyos. Kapag sinusunod ng mga tao ang sarili nilang kagustuhan sa ganitong paraan sa kanilang pananampalataya sa Diyos at naniniwala sa kung paanong paraan nila gusto, ano ang kahihinatnan? Hindi nila kailanman magagawang maranasan ang kapamahalaan ng Diyos, hindi nila kailanman makikita ang kamay ng Diyos, hindi kailanman mararamdaman ang kaliwanagan at pagtanglaw ng Banal na Espiritu, at hindi nila madarama ang patnubay ng Diyos. At ano ang mangyayari sa paglipas ng panahon? Lalong lalayo ang puso nila sa Diyos, at magkakaroon ng mga sunud-sunod na epekto. Anong mga epekto? (Pagdududa at pagtatatwa sa Diyos.) Hindi lang ito kaso ng pagdududa at pagtatatwa sa Diyos; kapag walang puwang ang Diyos sa puso ng mga tao, at ginagawa nila kung ano ang maibigan nila sa loob ng mahabang panahon, makakasanayan nila ito: Kapag may nangyari sa kanila, ang unang gagawin nila ay mag-isip ng sarili nilang solusyon, mga pakay, motibasyon, at plano; isasaalang-alang muna nila kung magiging kapaki-pakinabang ba ito sa kanila; kung oo, gagawin nila ito, at kung hindi naman, hindi nila ito gagawin; makakasanayan nilang dumiretso sa pagtahak sa landas na ito. At paano tatratuhin ng Diyos ang gayong mga tao kung patuloy silang kikilos nang ganoon, nang walang pagsisisi? Hindi sila iintindihin ng Diyos, at isasantabi sila(“Ang mga Prinsipyo ng Pagsasagawa Ukol sa Pagpapasakop sa Diyos” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Matapos kong pag-isipan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga taong masyadong matigas ang ulo ay madalas na nagsisimula sa paggawa ng sarili nilang mga plano, kinakalkula kung ano ang gagawin nila, at kung paano. Nagsisimula sila sa pagbuo at paggawang pinal sa isang plano, tapos ay isasagawa ito gamit ang mga paraan at sistema na napili nila, habang hinihingi sa iba na sundin din ang kanilang mga pamamaraan. Sa ganitong paraan, mukhang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, pinangangalagaan ang gawain ng iglesia, at sinisiguro na nagkakaroon ng magagandang resulta ang kanilang tungkulin. Pero kapag ginagawa nila ang mga bagay-bagay nang ganito, masyadong marami roon ang sarili nilang kalooban at masyadong marami ang kanilang sariling mga plano. Hindi sila nagdarasal o naghahanap sa Diyos, wala silang saloobin ng pagsunod, at hindi nila inaalala na sumunod sa patnubay ng Banal na Espiritu. Ginagawa nila ang lahat alinsunod sa sarili nilang mga kagustuhan at gustong umusad ang mga bagay ayon sa nais nila. Sinasabi ng Diyos na masyadong malakas ang sarili nilang paghahanais, at walang puwang ang Diyos sa kanilang puso. Kinasusuklaman at binabalewala ng Diyos ang ganitong klase ng tao. Ipinakita sa akin ng pagninilay ko sa pag-uugali ko na masyadong naging matigas ang ulo ko sa mga tungkulin ko, at na anuman ang ginagawa ko, sa sandaling makapagpasya na ako, wala nang makababago nito. Gusto ko pa ngang pasunurin ang iba sa mga utos ko, at kung hindi sila sumunod, iisipin kong hindi sila tapat sa kanilang tungkulin, at hindi nila pinoprotektahan ang gawain ng iglesia. Ganito ang nangyari sa pagsisiyasat sa tagapagdilig. Ipinlano ko ang oras ng pagdating at pagsisimula ni Wang Mei sa gawain, pero nang malaman ko na hindi siya makapupunta at makapagdidilig sa mga baguhan, nagulo ang mga plano ko. Gusto kong mawalan ng pasensya, at napuno ang puso ko ng mga reklamo. Hinusgahan ko si Sister Li na kulang sa kakayahan at pagkakilala, at iresponsable. Masyado akong nag-aakalang mas matuwid ako kaysa sa iba, mapagmataas, at wala sa katwiran! Kahit na tama at hindi lumalabag sa mga prinsipyo ng sambahayan ng Diyos ang mga bagay na ipinaplano at ipinapasya ko, hindi palaging nakatitiyak na mangyayari ang mga bagay-bagay sa paraang gusto ko, at hindi palaging magkakaroon ng epekto na iniisip ko. Gumagawa ako ng mga plano at mga pagsasaayos, ito ang tungkulin ko, at ganito dapat ako makipagtulungan, pero hindi ko dapat pangunahan ang huling resulta. Dapat kong gawin ang makakaya ko, tapos ay magpasakop sa kalooban ng Diyos. Tungkol naman sa kung maisasakatuparan ang isang bagay sa huli, kung anong mga aspeto ang maaaring makaimpluwensiya sa resulta, at kung paano iyon mangyayari, kailangan kong sumunod sa patnubay ng Banal na Espiritu at magpasakop sa pamumuno ng Diyos. Ito ang pagkaunawa sa katwiran na dapat kong taglayin. Ang mga bagay na ginagawa ko ay lubos na ayon sa sarili kong kalooban, hindi ko alam ang tungkol sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at walang puwang sa puso ko para sa Diyos. Paano ko makukuha ang kaliwanagan at patnubay ng Diyos sa pagganap sa tungkulin ko nang ganito?

Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting kabatiran sa tiwaling disposisyon sa likod ng aking galit. Sabi ng Diyos, “Kung tunay mong nauunawaan ang katotohanan sa iyong puso, malalaman mo kung paano isagawa ang katotohanan at sundin ang Diyos, at natural na matatahak ang landas ng paghahanap ng katotohanan. Kung tama ang landas na tinatahak mo, at nakaayon ito sa kalooban ng Diyos, hindi ka iiwanan ng gawain ng Banal na Espiritu—kung magkagayon ay mababawasan nang mababawasan ang pagkakataon mong pagtaksilan ang Diyos. Kung wala ang katotohanan, madaling gumawa ng masama, at gagawin mo iyon kahit ayaw mo. Halimbawa, kung mayroon kang mapagmataas at palalo na disposisyon, walang kaibahan kung sabihan kang huwag kalabanin ang Diyos, hindi mo mapigilan ang sarili mo, hindi ito sakop ng kontrol mo. Hindi mo gagawin ito nang sadya; gagawin mo ito dahil nangingibabaw ang iyong likas na pagmamataas at kapalaluan. Dahil sa iyong pagmamataas at kapalaluan, hahamakin mo ang Diyos at hindi mo Siya bibigyan ng halaga; magiging dahilan ang mga ito para dakilain mo ang iyong sarili, palaging ibandera ang iyong sarili; magiging dahilan ang mga ito para hamakin mo ang iba, para wala nang matira sa puso mo kundi ang sarili mo; nanakawan ka ng mga ito ng puwang ng Diyos sa puso mo, at sa huli ay magiging sanhi ang mga ito para ilagay mo ang iyong sarili sa puwesto ng Diyos at hingin sa mga tao na magpasakop sila sa iyo, at magiging dahilan para igalang mo ang sarili mong mga kaisipan, ideya at kuru-kuro bilang katotohanan. Napakaraming kasamaan ang ginagawa ng mga tao dahil nangingibabaw ang kanilang mapagmamataas at palalong kalikasan!(“Sa Pamamagitan Lamang ng Paghahanap sa Katotohanan Makakagawa ng Pagbabago sa Disposisyon ang Isang Tao” sa Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw). Habang pinag-iisipan ko ang mga salita ng Diyos, nagtamo ako ng kaunting pagkaunawa sa aking kalikasang mapagmataas at labis ang tingin sa sarili. Hindi lang pala ako gumagawa ng mga bagay-bagay ayon sa sarili kong mga kagustuhan, bagkus ay isang mapagmataas na disposisyon ang nakakubli sa likod nito. Tungkol sa problema sa gawain sa panahong ito, hindi ko sinubukang unawain ang sitwasyon, ni hindi ko tinanong kung nagkaroon ba si Sister Li ng anumang paghihirap. Basta-basta na lang akong nagreklamo at nanghusga sa kanya. Sa panghahamak at panghuhusga sa iba, nangmamaliit talaga ako ng mga tao, iniisip na mas magaling ako sa kanila, na para bang masyado akong maingat, at pabaya ang lahat ng iba pa, na para bang malinaw ang pag-unawa ko sa katotohanan at nahahalata ang lahat ng bagay, pero hindi nauunawaan ng iba ang anuman sa katotohanan at bulag sila. Ang tingin ko sa sarili ko ay panginoon ng katotohanan, at ang iba ay mga alipin ng katotohanan, na para bang hindi ako ginawang tiwali ni Satanas, at hindi ko kailangan ng pagninilay at kamalayan sa sarili. Sa paningin ko, walang kakayahan at hindi kaaya-aya ang ibang tao, at ako ang pinakamahusay, kaya kapag may dumarating na anumang problema sa gitna ng tungkulin ng isang tao, palagi akong nag-iisip nang ganito, “Paano mo ito matatawag na paggawa ng tungkulin mo?” “Kaya mo ba talagang gawin ang tungkulin mo?” “Ginagambala mo lang ang mga bagay-bagay.” Gusto ko lang manisi at manita ng iba. Ang totoo, nakagawa rin ako ng maraming ganoon ding pagkakamali sa tungkulin ko tulad ng iba, at nasangkot sa parehong mga bagay, kaya talaga bang mas mahusay ako sa kanila? Ang lahat ng tao ay may mga sandali kung kailan hindi nila nakikita nang malinaw ang isang tao o sitwasyon, at hindi maiiwasan na magkukulang ang mga tao at hindi sasapat sa kanilang mga tungkulin. Basta’t makikita nang maaga ang mga problema at paglihis at patuloy na rerepasuhin at aayusin, isa lang itong proseso ng pag-unlad. Sa katunayan, hindi ba’t katulad lang ako ni Sister Li nang hindi niya siniyasat nang wasto si Wang Mei? Alam na alam kong hindi maganda ang pag-uugali ni Wang Mei dati, pero nang sabihin ni Sister Li na walang naging anumang malalaking problema sa pag-uugali nito nitong huli, tumigil na ako sa paghahanap ng kalinawan. Ipinagpalagay ko lang na nasuri na ni Sister Li ang sitwasyon, at wala nang anumang magiging problema. Sa huli, nagkaroon nga ng problema. Malinaw na kasama ako sa may pananagutan, pero ibinaling ko ang lahat ng iyon kay Sister Li, sinisisi, hinuhusgahan, at pinupuna siya. Napakamapagmataas ko! Ang paggawa sa tungkulin ng isang tao nang ganito ay hindi lang hindi makatutulong o makapagtataguyod sa iba, kundi malamang na makapaghihigpit sa kanila at magdudulot sa kanila na maging negatibo. Nang maharap sa isang problema, hindi ko tiningnan ang mga bagay o mga tao alinsunod sa salita ng Diyos. Nagreklamo lang ako, naging mainitin ang ulo, at nanita ng mga tao. Inisip ko pa nga na ito ang kahulugan ng pagiging responsable, na paggawa ito ng katarungan, at na pinoprotektahan ko ang gawain ng iglesia. Ang pananaw na ito ay talagang wala sa katwiran!

Kalaunan, nakabasa ako ng isang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pag-unawa sa ibig sabihin ng pagkagalit at pagiging makatarungan. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang tao, madalas ay mahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya’t masisiyahan siyang samantalahin ang mga pagkakataon upang ipahayag ang kanyang pagkayamot at ilabas ang kanyang mga nadarama; madalas siyang magpupuyos sa matinding galit nang walang malinaw na dahilan, nang sa gayon ay maihayag ang kanyang kakayahan at maipaalam sa ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang mga pansariling kapakanan. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas nilang nailalabas ang kanilang mga nararamdaman at naibubunyag ang kanilang mapagmataas na kalikasan. Ang tao ay magpupuyos sa galit at ilalabas ang kanyang mga nadarama upang maipagtanggol at mapagtibay ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan kung paano ipinahahayag ng tao ang kanyang pagkayamot; puno ang mga ito ng karumihan, ng mga pakana at mga intriga, ng katiwalian at kasamaan ng tao; at higit sa lahat, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nakipagsagupaan ang katarungan sa kasamaan, hindi sisiklab ang galit ng tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan o upang pagtibayin ito; bagkus, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganganib, inuusig at inaatake, ang ginagawa ng tao ay ang di-pagpansin, pag-iwas o paglayo. Subalit, kapag humaharap naman sa mga puwersa ng kasamaan, ang ginagawa ng tao ay ang pagpapaunlak, at labis na pagyuko. Samakatuwid, ang pagbubulalas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kasamaan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi mapigilang masamang ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, gayon pa man, lahat ng puwersa ng kasamaan ay mapahihinto, lahat ng kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapipigilan, lahat ng mapanlabang puwersa na humahadlang sa gawain ng Diyos ay maipakikita, ihihiwalay at susumpain; at lahat ng kasabwat ni Satanas na lumalaban sa Diyos ay parurusahan at aalisin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano ng Diyos sa pamamahala ay magpapatuloy sa unti-unting pag-unlad ayon sa nakatakda; magiging malaya sa panggugulo at panlilinlang ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos; at yaong mga sumusunod sa Diyos ay masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa tahimik at mapayapang kapaligiran. Ang poot ng Diyos ay isang pananggalang na pumipigil sa lahat ng masasamang puwersa mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong pananggalang na nangangalaga sa pag-iral at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay, at walang-hanggang nag-aadya sa kanila sa pagkasupil at pagkawasak(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II). Mula sa salita ng Diyos ay naunawaan ko na para protektahan ang mga personal nilang interes at tuparin ang kanilang mga ambisyon at pagnanasa, nagagalit ang mga tao nang hindi pinag-iisipan ang dahilan, prinsipyo, o puntirya ng kanilang galit. Ang lahat ng ito ay mga anyo ng pagiging mainitin ang ulo, at pagpapahayag din ng isang tiwaling disposisyon, at nasusuklam sa kanila ang Diyos. Kung kaya ng isang tao na tingnan ang mga bagay at mga tao alinsunod sa salita ng Diyos, ibigin ang iniibig ng Diyos, kapootan ang kinapopootan ng Diyos, kasuklaman ang mga nakagagambalang masasamang tao at anticristo para protektahan ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng mga hinirang ng Diyos, kung gayon ay isa iyong pagpapahayag ng normal na pagkatao, at pagpapamalas ng pagkamakatarungan ng isang tao. Kahit na minsan ay nagsasalita ka nang medyo matigas o mabagsik, basta’t ang lahat ng sinasabi mo ay batay sa salita ng Diyos, hindi sumasalungat sa mga totoong impormasyon, hindi naglalabas ng personal na galit, at hindi nadudungisan ng sarili mong mga motibo, kung gayon ay makikita ng mga tao nang mas malinaw ang diwa ng mga problema, at magkakamit ng positibong mga resulta ang iyong mga komento. Ang ganitong klase ng galit ay isang positibong bagay, at hindi ito pagpapahayag ng isang tiwaling disposisyon. Ang pagkaubos ng pasensya ng isang tao bilang resulta ng isang tiwaling disposisyon ay naiiba, ang galit na ito ay kontaminado ng personal na mga motibo at kakila-kilabot na mga layon. May ilang tao na nauubusan ng pasensya para protektahan ang kanilang reputasyon at katayuan, may ilang tao na ginagawa ito para pakinggan sila ng ibang tao at kumilos ang mga ito alinsunod sa kanilang mga kagustuhan, at may ilan na ginagawa ito dahil napinsala ang personal nilang mga interes. Ang lahat ng ito ay mga anyo ng pagiging mainitin ang ulo at isang tiwaling disposisyon. Gaya noong makita ko na nagkaroon ng mga problema sa tungkulin ni Sister Li na nakaantala sa pag-usad, ang galit ko ay tila udyok ng isang pagnanasa na protektahan ang gawain ng iglesia, pero ang totoo, galit ako dahil hindi niya nagagawa ang mga hinihingi ko at kailangan kong dumaan sa maraming hindi kinakailangang abala. Ginagamit ko ito bilang pagkakataon para ilabas ang mga nararamdaman kong kawalang-kasiyahan, nanghuhusga at nangmamaliit ng mga tao sa loob ko. Malinaw na paglitaw ito ng pagiging mainitin ang ulo.

Kalaunan, naisip ko kung paanong noon ay natatalo ako ng aking kalikasan kapag nagkakaproblema ako, pero hindi ko iyon masyadong pinag-isipan. Kaya paano ako dapat magsagawa kapag nakaharap ako ng isang bagay sa hinaharap at gusto ko na namang maubusan ng pasensya at magbunyag ng pagiging mainitin ang ulo? Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos. “Kapag may kinalaman sa gawain o sa pag-aayos ng mga bagay-bagay, kahit papaano man lang ay huwag mong labagin ang mga pamantayan ng konsensya at katinuan; makihalubilo at makipag-ugnayan sa mga tao—at harapin ang mga bagay-bagay—ayon sa pakiramdam ng normal na pagkatao; natural na ang pinakamainam ay ang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan na hinihingi ng Diyos, nakalulugod ito sa Diyos. Ano ba ang mga prinsipyo ng katotohanan na hinihingi ng Diyos? Na maging maunawain ang mga tao sa kahinaan at pagiging negatibo ng iba kapag sila ay mahina at negatibo, na maging maalalahanin ang mga tao sa pasakit at mga paghihirap ng iba, at pagkatapos ay magtanong tungkol sa mga bagay na ito, at mag-alok ng tulong at suporta, at basahin sa kanila ang mga salita ng Diyos para matulungan silang lutasin ang mga problema, nang sa gayon ay hindi na sila maging mahina, at madala sila sa harapan ng Diyos. Isa ba itong paraan ng pagsasagawa na naaayon sa prinsipyo? Ang pagsasagawa nang ganito ay naaayon sa prinsipyo. Natural na ang mga ganitong kaugnayan ay nakaayon din sa prinsipyo. Kapag sinasadya ng mga taong makialam at manggambala, o sinasadyang maging pabaya at pabasta-basta kapag gumaganap ng kanilang tungkulin, kung nakikita mo ito at nagagawa mong harapin ang mga bagay ayon sa prinsipyo, at kaya mong tukuyin ang mga bagay na ito sa kanila, at pagsabihan sila, at tulungan sila, kung gayon, nakaayon ito sa mga prinsipyo ng katotohanan. Kung nagbubulag-bulagan ka, o kinukunsinti sila at pinagtatakpan sila, at sukdulan pa ngang nagsasalita ng mabubuting bagay sa kanila, at pinupuri at pinapalakpakan sila, binobola sila gamit ang mga salitang hindi totoo, kung gayon ang ganoong mga pag-uugali, ang gayong mga paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, pagharap sa mga isyu, at pag-aasikaso ng mga problema, ay malinaw na salungat sa mga prinsipyo ng katotohanan, at walang basehan sa mga salita ng Diyos—kung magkagayon, ang mga pag-uugali at paraang ito ng pakikisalamuha sa mga tao at pagharap sa mga isyu ay malinaw na hindi lehitimo(Pagkilala sa mga Huwad na Lider). Matapos basahin ang salita ng Diyos, naunawaan ko na ang pinakamabuti at pinakamakatwirang paraan para kumilos kapag nakakita ng mga problema o mga paglihis sa gitna ng mga tungkulin ay ang magbahagi tungkol sa katotohanan para tulungan at suportahan sila. Kung ang iba ay nagdudulot ng mga pagkaantala sa gawain dahil sa isang panandaliang pagkakamali o dahil hindi pa nila nauunawaan ang mga prinsipyo, dapat ay matiyaga mong ibahagi ang katotohanan, habang ibinabahagi rin nang malinaw sa kanila ang mga prinsipyo para malaman nila ang mga umiiral na problema at bigyan sila ng isang landas. May ilang tao na palaging pabaya sa kanilang tungkulin. Hindi nila kayang magdala ng mga pasanin, patuloy na nagkakaroon ng mga problema sa kanilang tungkulin, at ang mga bagay na pwedeng gawin nang mabuti ay hindi nagagawa nang mabuti. Paulit-ulit na lumilitaw ang parehong mga problema, nakaaapekto sa gawain, o nagdudulot pa nga ng matinding pinsala. Kung gayon, ang ganitong klase ng tao ay maaaring iwasto, tabasan, o paalalahanan. Kung hindi sila magbabago sa kabila ng paulit-ulit na mga paalala, maaari silang ilipat o tanggalin. Pero anuman ang sitwasyon, palagi mo dapat tingnan at harapin ang mga bagay batay sa salita ng Diyos at sa mga prinsipyo ng katotohanan, at huwag kang gumawa ng mga bagay dala ng pagiging mainitin ang ulo o ng isang tiwaling disposisyon. Matapos pagnilayan ang mga bagay na ito, sumaya ang puso ko, at nakakita ako ng ilang landas ng pagsasagawa.

Pagkatapos nito, hinanap ko si Sister Li para maunawaan kung ano ang nangyari kay Wang Mei. Noon ko lang nalaman na si Wang Mei ay dati nang gumaganap ng mga tungkulin sa ibang mga iglesia, at kamakailan lang lumipat sa aming iglesia, kaya hindi pa pamilyar si Sister Li sa kanya. Sa pagtatanong-tanong sa ibang mga iglesia, kalaunan ay natuklasan niya na noon pa man ay pabaya na si Wang Mei, at mapanlinlang at tuso rin. Ang mga bagay na sinabi nito ay masarap pakinggan sa panlabas, pero hindi nito tinutupad ang mga sinasabi nito; bukod pa roon, wala itong pagkatao at mahilig itong maghigpit sa mga tao, kaya hindi ito nababagay na magdilig sa mga baguhan. Hiyang-hiya ako nang malaman ko ang paliwanag na ito. Hindi naging iresponsable si Sister Li gaya ng inakala ko. Dahil lang sa kinailangang magtanong sa ibang mga iglesia, kaya may nangyari na ilang pagkakamali sa proseso at hindi nagawa nang malinaw ang beripikasyon. Hindi ko pinuna si Sister Li tungkol sa bagay na ito at ipinaalala lang sa kanya na repasuhin ang mga pagkakamaling ito, at iwasan na muling mangyari ang ganitong klase ng problema. Nang harapin ko ang problemang ito sa pagkakataong ito, hindi ito nagmula sa pagiging mainitin ang ulo o sa sarili kong kalooban, dala lang ito ng paghahanap sa mga prinsipyo ng katotohanan. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, napanatag ang puso ko.

Mula sa karanasang ito ay nakita ko na sa paggawa man ng iyong tungkulin o kung paano mo man tratuhin ang mga tao, hindi ka maaaring umasa sa personal mong mga kuru-kuro at imahinasyon, o sa pagiging mainitin ng ulo mo. Ang lahat ay dapat na nakabatay sa mga salita ng Diyos. Hanapin ang mga prinsipyo ng katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, at isagawa at gampanan ang iyong mga tungkulin alinsunod sa Kanyang mga hinihingi. Ito lang ang tunay na paghahanap sa katotohanan at ang landas para makapasok sa buhay.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paalam, Mapagpasaya ng Mga Tao!

Ni Li Fei, SpainAkala ko mabuti ang mga nagpapasaya ng tao noong hindi pa ako nananalig sa Diyos. Mahinahon ang mga disposisyon nila, gusto...

Leave a Reply