Hindi Matibag na Pananampalataya

Oktubre 1, 2019

Ni Meng Yong, Tsina

Noong Disyembre 2012, ako at ang ilang kapatid ay nagtungo sa isang lugar upang ipalaganap ang ebanghelyo, at humantong sa pagkakasumbong ng masasamang tao. Hindi nagtagal, inutusan ng pamahalaan ng lalawigan ang mga opisyal mula sa brigada ng kapulisan laban sa krimen, mga pambansang puwersang pangseguridad, pangkat na laban sa droga, mga armadong puwersa ng pulisya, at lokal na istasyon ng pulisya, na pumunta sakay nang mahigit sa 10 sasakyan ng pulisya upang arestuhin kami. Nang ang isang kapatid na lalaki at ako ay naghahanda upang umalis, mabilis na tumakbo ang apat na opisyal ng pulis at hinarangan ang aming kotse. Inalis ng isa sa kanila ang susi ng kotse at inutusan kaming manatili sa loob ng kotse at huwag gagalaw. Sa oras na iyon, nakita ko ang pito o walong pulis na may mga baton at galit na galit na binubugbog ang isa pang kapatid na lalaki, at ang kapatid na lalaking iyon ay nabugbog na hanggang sa punto na hindi na siya makagalaw. Hindi ko napigilang mapuno ng matuwid na galit at nagmadaling lumabas mula sa kotse upang patigilin ang kanilang karahasan, ngunit pinigilan ako ng mga pulis. Kalaunan, dinala nila kami sa istasyon ng pulisya, at ang aming kotse ay in-impound din.

Pasado ikasiyam ng gabi na iyon, dalawang pulis pangkrimen ang dumating upang tanungin ako. Nang makita nila na hindi sila makakakuha ng anumang kapaki-pakinabang na impormasyon mula sa akin, nabalisa at nayamot sila, nagngangalit ang kanilang mga ngipin sa galit habang nagmumura sila: “Letse, babalikan ka namin mamaya!” Pagkatapos ay ikinulong nila ako sa hintayan ng interrogation room. Pagsapit ng alas-11:30 ng gabi, dinala ako ng dalawang opisyal sa isang silid na walang mga kamera na pangmatyag. Naramdaman ko na gagamit sila ng karahasan laban sa akin, kaya nagsimula akong manalangin sa Diyos nang paulit-ulit sa aking puso, nagmamakaawa sa Diyos na ingatan ako. Sa oras na ito, isang opisyal ng pulis na may apelyido na Jia ang lumapit upang tanungin ako: “Sumakay ka ba sa isang Volkswagen Jetta sa nakalipas na ilang araw?” Sumagot ako na hindi, at siya ay galit na galit na sumigaw: “Nakita ka na ng ibang tao, at gayunman ay itinatanggi mo pa rin ito?” Matapos sabihin ito, marahas niya akong sinampal sa mukha. Ang tanging nadama ko ay ang mahapding kirot sa aking pisngi. Pagkatapos ay umatungal siya nang malakas: “Tingnan natin kung gaano ka katigas!” Dinampot niya ang isang malapad na sinturon habang siya ay nagsasalita at paulit-ulit na inihagupit ito sa aking mukha, hindi ko alam kung ilang beses akong hinagupit, ngunit hindi ko napigilang paulit-ulit na sumigaw dahil sa kirot. Nang makita ito, hinila nila ang sinturon sa paligid ng aking bibig. Pagkatapos, may ilang pulis na nagtakip ng kumot sa aking katawan bago ako galit na galit na hinataw ng kanilang mga baton, humihinto lamang sila kapag napapagod na upang habulin ang kanilang hininga. Malubha akong binugbog kaya umiikot ang aking paningin at masakit ang aking katawan na parang ang bawat buto ay nagkahiwa-hiwalay. Sa oras na iyon hindi ko alam kung bakit nila ako binubugbog sa ganitong paraan, ngunit nang maglaon nalaman ko na nilagyan nila ako ng kumot upang maiwasan na mag-iwan ng marka ang pambubugbog sa aking laman. Inilagay nila ako sa isang silid na walang nagmamatyag, binusalan ang aking bibig, at tinakpan ako ng kumot—lahat ng iyon ay dahil natatakot sila na malantad ang kanilang masasamang gawa. Lubhang taksil at marahas ang pulisya ng Partido Komunista ng Tsina! Nang mapagod silang apat sa pagbugbog sa akin, binago nila ang paraan ng pagpapahirap sa akin: Dalawang pulis ang pumilipit pabaliktad sa isa sa aking mga braso at pinilit na itaas ito, habang ang dalawa pang pulis ay itinaas ang aking kabilang braso sa ibabaw ng balikat sa likod at hinila ito nang malakas pababa. (Tinawag nila ang ganitong uri ng paraan ng pagpapahirap na “Pagdadala ng Espada sa Likod,” na hindi talaga matitiis ng karaniwang tao.) Ngunit hindi mahila nang sabay ang dalawa kong kamay ano man ang gawin, kaya marahas nilang tinuhod ang aking braso. Ang narinig ko lang ay isang “lagitik,” at naramdaman ko na parang napunit ang dalawang braso ko. Lubhang masakit ito kaya halos mamatay ako. Hindi nagtagal, nawalan na ng pakiramdam ang pareho kong kamay. Hindi pa rin ito sapat para sumuko sila, kaya inutusan nila akong mag-squat sa sahig para madagdagan ang aking pagdurusa. Labis akong nasasaktan kaya namawis nang malamig ang buong katawan ko, umaalingawngaw ang ulo ko, at ang aking kamalayan ay nagsimulang magdilim. Naisip ko: “Sa loob ng maraming taon sa buhay ko; hindi ako kailanman nakaramdam ng kawalan ng kontrol sa aking sariling kamalayan. Malapit na ba akong mamatay?” Kalaunan, talagang hindi ko na makaya pa ito, kaya naisip ko na maghangad na ng ginhawa sa pamamagitan ng kamatayan. Sa sandaling iyon, binigyang-liwanag ang aking kalooban ng mga salita ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga…. Ang pagdurusa ng ilang tao ay umaabot sa isang sukdulan, at ang kanilang mga iniisip ay nagiging tungkol sa kamatayan. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang lakas!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Bigla akong ginising ng mga salita ng Diyos at napagtanto ko na ang paraan ng aking pag-iisip ay hindi alinsunod sa kalooban ng Diyos at gagawin lang na malungkot at bigo ang Diyos. Sapagkat sa gitna ng sakit at pagdurusang ito, ang nais ng Diyos na makita ay hindi ang paghahangad ko ng kamatayan, kundi na kaya kong umasa sa patnubay ng Diyos upang labanan si Satanas, upang magpatotoo sa Diyos, at upang hiyain at talunin si Satanas. Ang paghahangad ng kamatayan ay ang pagbagsak sa mismong pakana ni Satanas, at hindi ito maituturing na pagpapatotoo sa Diyos, sa halip ay magiging tanda ng kahihiyan. Matapos maintindihan ang mga intensyon ng Diyos, tahimik akong nanalangin sa Diyos: “O Diyos ko! Ipinakita ng realidad na ang aking kalikasan ay napakahina. Wala akong kalooban at tapang na magdusa para sa Iyo at gusto kong mamatay dahil lamang sa kaunting pisikal na sakit. Ngayon ay ayaw ko nang takasan ito at dapat akong tumayong saksi at palugurin Ka gaano man ang pagdurusa na kailangan kong tiisin. Ngunit sa oras na ito, ang aking katawan ay nasa matinding sakit at mahina, at alam ko na napakahirap mapagtagumpayan ang mga pambubugbog ng mga demonyong ito nang ako lamang. Mangyaring bigyan Mo ako ng higit na pagtitiwala at lakas upang makaya kong umasa sa Iyo upang talunin si Satanas. Ipinapangako ko sa aking buhay na hindi Kita ipagkakanulo ni pagtataksilan ang aking mga kapatid.” Habang paulit-ulit akong nananalangin sa Diyos, ang aking puso ay unti-unting nagiging tiwasay. Nakita ng masasamang pulis na halos hindi na ako humihinga at natakot na kailangan silang managot kung mamatay ako, kaya lumapit sila upang alisin ang aking mga posas. Ngunit nanigas na ang aking mga braso, at napakahigpit ng mga posas kaya naging napakahirap na tanggalin ang mga ito. Inabot ng ilang minuto para maalis ng apat na masasamang pulis ang mga posas bago ako hinila pabalik sa hintayan ng interrogation room.

Nang sumunod na hapon, walang patumanggang inakusahan ako ng mga pulis ng “kriminal na pagkakasala” at inuwi ako sa aking bahay upang salakayin ito, at pagkatapos ay dinala ako sa isang sentro ng detensiyon. Nang sandaling pumasok ako sa sentro ng detensiyon, kinumpiska ng apat na opisyal ng koreksiyonal ang aking cotton jacket, pantalon, mga bota, at relo, pati na rin ang 1,300 yuan na perang dala ko. Pinagbihis nila ako ng karaniwang uniporme sa bilangguan at pinuwersa nilang gumastos ako ng 200 yuan upang bumili ng kumot mula sa kanila. Pagkatapos nito, ikinulong ako ng mga opisyal ng koreksiyonal kasama ang mga magnanakaw, mamamatay-tao, manggagahasa, at mangangalakal ng droga. Nang pumasok ako sa aking selda, nakita ko ang labindalawang kalbong bilanggo na galit na nakatingin sa akin. Malungkot at nakasisindak ang kapaligiran, at agad akong natakot. Dalawa sa pinuno ng selda ang lumapit sa akin at nagtanong: “Bakit ka narito?” Sinabi ko: “Nagpapalaganap ng ebanghelyo.” Walang anumang salita, sinampal ako sa mukha ng isa sa kanila nang dalawang beses, at sinabing: “Isa kang pinuno ng relihiyon, hindi ba?” Nagsimulang tumawa nang malupit ang lahat ng iba pang bilanggo at kinutya ako sa pamamagitan ng pagtatanong: “Bakit hindi mo hayaan ang iyong Diyos na iligtas ka mula rito?” Sa gitna ng panlilibak at pagkutya, sinampal ako ng pinuno ng selda sa aking mukha nang ilan pang beses. Mula noon, binansagan nila ako na “pinuno ng relihiyon” at madalas akong ipahiya at kutyain. Nakita ng isa pang pinuno ng selda ang tsinelas na suot ko at mayabang na sumigaw: “Hindi mo talaga alam ang dapat mong kalagyan. Karapat-dapat ka bang magsuot ng mga sapatos na ito? Hubarin mo ang mga ito!” Habang sinasabi niya ito, pinilit niya akong hubarin ang mga ito at isuot ang isang pares ng kanilang sirang tsinelas. Ibinigay rin niya sa ibang mga bilanggo ang aking kumot. Paulit-ulit na pinag-awayan ng mga bilanggong iyon ang aking kumot, at sa huli ay iniwanan ako ng isang lumang kumot na manipis, punit-punit, marumi, at nangangamoy. Dahil sinulsulan ng mga opisyal ng koreksiyonal, isinailalim ako ng mga bilanggong ito sa lahat ng klase ng paghihirap at pagdurusa. Palaging nakasindi ang ilaw sa loob ng selda sa gabi, ngunit nakangising sinabi sa akin ng pinuno ng selda: “Patayin mo ang ilaw na iyon para sa akin.” Dahil hindi ko ito magawa (ni walang switch), nagsimula silang pagtawanan at kutyain akong muli. Nang sumunod na araw, pinilit akong tumayo sa isang sulok ng ilang kabataang bilanggo at ipinakabisado ang mga patakaran ng bilangguan, habang nagbababala: “Malalagot ka kung hindi mo makakabisado ito sa loob ng dalawang araw!” Hindi ko napigilang matakot, at mas lalo akong natakot sa pag-iisip tungkol sa kung ano ang napagdaanan ko sa nakalipas na ilang araw. Kaya patuloy akong tumawag sa Diyos at nagmakaawa sa Kanya na ingatan ako upang mapagtagumpayan ko ito. Sa sandaling ito, isang himno ng mga salita ng mga Diyos ang naisip ko: “Kapag mga pagsubok ay dumarating, kaya mo pa ring mahalin ang Diyos; nahaharap ka man sa pagkabilanggo, karamdaman, panunuya, o paninira ng iba, o tila wala ka nang malabasan, maaari mo pa ring mahalin ang Diyos. Ibig sabihin ay bumaling na ang puso mo sa Diyos(“Bumaling Na Ba ang Puso Mo sa Diyos?” sa Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Binigyan ako ng lakas ng salita ng Diyos at itinuro sa akin ang isang landas ng pagsasagawa—ang hangarin na mahalin ang Diyos at ibaling ang aking puso sa Diyos! Sa sandaling iyon, biglang naging napakalinaw ito sa aking puso: Ang pagpayag ng Diyos na mangyari sa akin ang paghihirap na ito ay hindi upang pagdusahin ako o sadyang pahirapan ako, kundi upang sanayin ako na ibaling ang aking puso sa Diyos sa ganoong kapaligiran, upang mapaglabanan ko ang kontrol ng madidilim na impluwensya ni Satanas at upang ang aking puso ay maging malapit pa rin sa Diyos at ibigin ang Diyos, hindi kailanman nagrereklamo at palaging sinusunod ang mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos. Hindi na ako natakot dahil ito ang nasa isip ko. Anuman ang gawing pagtrato sa akin ng mga pulis at mga preso, ang tanging iintindihin ko ay ang pagbibigay ng sarili ko sa Diyos; hindi ako kailanman yuyuko kay Satanas.

Ang buhay sa bilangguan ay talagang impiyerno sa lupa. Sinulsulan ng mga guwardiya ng bilangguan ang mga preso na gumamit ng iba’t ibang paraan upang pahirapan ako: Sinisiksik nila ako kapag natutulog ako sa gabi kaya mahirap ang pagpihit sa higaan, at pinapatulog nila ako sa tabi ng palikuran. Matapos mahuli, hindi ako natulog sa loob ng ilang araw at naging antukin kaya hindi ko mapigil ito at ako ay naiidlip. Nilalapitan ako ng mga bilanggo na nakatalaga bilang tagabantay upang ligaligin ako, sinasadyang pitikin ako sa ulo hanggang sa ako ay magising bago sila umalis. May isang preso na sadyang ginising ako at sinubukang kunin ang pantulog ko. Pagkatapos ng almusal nang sumunod na araw, iniutos sa akin ng pinuno ng selda na magkuskos ng sahig araw-araw. Ito ang pinakamalalamig na araw ng taon at walang mainit na tubig, kaya malamig na tubig lang ang magagamit ko sa basahan. Pagkatapos, ilang nahatulang magnanakaw ang nagpasaulo sa akin ng mga patakaran ng bilangguan. Kung hindi ko maisasaulo ang mga ito, susuntukin at sisipain nila ako; mas karaniwan pa nga ang masampal sa mukha. Sa harap ng ganoong kapaligiran, nadama ko ang sobrang pagkamiserable. Sa gabi, itinatakip ko ang aking kumot sa aking ulo at nananalangin nang tahimik: “O Diyos, pinayagan Mo ang kapaligirang ito na mangyari sa akin, kaya naroroon siguro ang Iyong mabubuting layunin. Mangyaring ibunyag Mo ang Iyong mga layunin sa akin.” Sa oras na iyon, binigyang-liwanag ako ng mga salita ng Diyos: “Hinahangaan Ko ang mga liryong namumukadkad sa kaburulan; umaabot ang mga bulaklak at damo patawid sa mga dalisdis, ngunit nagdaragdag ng kislap ang mga liryo sa Aking kaluwalhatian sa lupa bago sumapit ang tagsibol—makakamit ba ng tao ang gayong mga bagay? Maaari kaya siyang magpatotoo sa Akin sa lupa bago Ako bumalik? Maiaalay kaya niya ang kanyang sarili alang-alang sa Aking pangalan sa bansa ng malaking pulang dragon?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 34). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naisip ko sa sarili ko: “Ang mga bulaklak at damo at ako ay likha lahat ng Diyos. Nilikha kami ng Diyos upang ipahayag Siya, upang luwalhatiin Siya. Nakadaragdag ng ningning ang mga lily sa kaluwalhatian ng Diyos sa lupa bago dumating ang tagsibol, ibig sabihin nagampanan ng mga ito ang kanilang tungkulin bilang nilikha ng Diyos. Ang tungkulin ko ngayon ay sundin ang pangangasiwa ng Diyos at magpatotoo sa Diyos sa harap ni Satanas. Ngayon ay inuusig at ipinapahiya ako dahil sa aking pananampalataya, ngunit ito ay pagdurusa alang-alang sa pagiging matuwid at ito ay maluwalhati. Habang mas ipinapahiya ako ni Satanas, mas dapat akong tumayo sa panig ng Diyos at ibigin ang Diyos. Sa ganoong paraan, makakamit ng Diyos ang kaluwalhatian, at magagampanan ko ang tungkulin na dapat kong natupad. Basta’t ang Diyos ay masaya at nalulugod, makakatanggap din ng kaginhawahan ang aking puso. Handa akong tiisin ang panghuling pagdurusa upang masiyahan ang Diyos at magpasakop sa pangangasiwa ng Diyos sa lahat ng bagay.” Nang magsimula akong mag-isip sa ganitong paraan, naramdaman kong lalong naantig ang aking puso, at muli ay hindi ko napigilan ang aking mga luha. Tahimik akong nanalangin sa Diyos: “O Diyos ko, Ikaw ay talagang karapat-dapat ibigin! Sumunod na ako sa Iyo nang napakaraming taon, ngunit hindi kailanman naramdaman ang Iyong magiliw na pagmamahal gaya ng nararamdaman ko ngayon, o naramdaman na kasinglapit sa Iyo gaya ng nararamdaman ko ngayon.” Ganap kong nakalimutan ang sarili kong pagdurusa at nalubog sa nakakaantig na pakiramdam na ito sa napakahabang panahon …

Napakababa ng temperatura noong ikaanim na araw sa kulungan. Dahil kinumpiska ng masasamang pulis ang aking jacket, isang pares lang ng pantulog ang suot ko at kaya nagkasipon ako. Nagkasakit ako na may mataas na lagnat at ayaw ring tumigil ang pag-ubo. Sa gabi, binalot ko ang sarili ko ng gutay-gutay na kumot, tinitiis ang paghihirap ng karamdaman habang iniisip din ang tungkol sa walang katapusang pagmaltrato at pag-abuso ng mga preso sa akin. Nadama ko ang sobrang kalungkutan at kahinaan. Noong matindi na ang aking paghihirap, naisip ko ang tapat at taimtim na panalangin ni Pedro sa harap ng Diyos: “Kung binibigyan Mo ako ng karamdaman, at kukunin ang aking kalayaan, maaari pa rin akong patuloy na mabuhay, ngunit kung sakaling lilisanin ako ng Iyong pagkastigo at paghatol, mawawalan na ako ng daan upang patuloy na mabuhay. Kung wala ang Iyong pagkastigo at paghatol sa akin, mawawala na sa akin ang Iyong pag-ibig, isang pag-ibig na lubhang malalim upang aking masabi. Kung wala ang Iyong pag-ibig, ako ay mabubuhay sa ilalim ng sakop ni Satanas, at hindi na makikita ang Iyong maluwalhating mukha. Paano ako makakapagpatuloy na mabuhay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Binigyan ako ng pananampalataya ng mga salitang ito. Hindi inisip ni Pedro ang mga pisikal na paghihirap. Ang kanyang iningatan, ang kanyang talagang inalala, ay ang paghatol at pagkastigo ng Diyos. Ang kanyang hinangad ay ang maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Diyos upang siya ay malinis at maabot sa huli ang pagsunod maging hanggang kamatayan, at ang sukdulang pag-ibig sa Diyos. Alam kong dapat akong magkaroon ng kaparehong paghahangad tulad ni Pedro, na tinulutan ako ng Diyos na mapunta sa ganoong sitwasyon. Kahit pa dumaranas ako ng pisikal na pagdurusa, pag-ibig ng Diyos ang dumarating sa akin. Nais ng Diyos na perpektuhin ang aking pananampalataya at ang aking kapasyahan sa harap ng pagdurusa. Naantig talaga ako nang maunawaan ko ang taimtim na mga intensyon ng Diyos, at kinamuhian ko kung gaano ako naging mahina, naging makasarili. Nadama kong nagkaroon ako ng matinding utang sa Diyos sa hindi pagsasaalang-alang ng Kanyang kalooban, at nangako akong gaano man katindi ang aking pagdurusa, tatayo akong saksi at palulugurin ang Diyos. Nang sumunod na araw, himalang bumaba ang mataas kong lagnat. Nagpasalamat ako sa Diyos sa aking puso.

Isang gabi, lumapit sa may bintana ang isang tindero at bumili ang pinuno ng selda ng maraming hamon, karne ng aso, hita ng manok, at iba pa. Sa huli, inutusan niya akong magbayad. Sinabi kong wala akong pera, kaya sinabi niya nang buong karahasan: “Kung wala kang pera, dahan-dahan kitang pahihirapan!” Kinabukasan, pinaglaba niya ako ng mga sapin sa higaan, damit, at medyas. Ipinalaba rin sa akin ng mga opisyal ng koreksiyonal sa sentro ng detensiyon ang kanilang mga medyas. Sa sentro ng detensiyon, kinailangan kong tiisin ang kanilang mga pambubugbog halos araw-araw. Sa tuwing hindi ko na matiis ito, iisipin ko ang mga salita ng Diyos: “Dapat mong gawin ang iyong huling tungkulin sa Diyos sa iyong panahon sa lupa. Noon, si Pedro ay ipinako sa krus nang pabaligtad para sa Diyos; subalit dapat mong bigyang-kasiyahan ang Diyos sa katapusan, at ubusin ang lahat ng iyong lakas para sa Kanya. Ano ang maaaring gawin ng isang nilalang para sa Diyos? Dapat mong ibigay samakatuwid ang iyong sarili sa Diyos, nang mas maaga sa halip na mas huli, para maiwaksi ka Niya sa paraang nais Niya. Hangga’t napapasaya at nabibigyang-kaluguran nito ang Diyos, kung gayon ay hayaan Siyang gawin kung ano ang ninanais Niyang gawin sa iyo. Ano ang karapatan ng tao na bumigkas ng mga salita ng pagdaing?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob”, Kabanata 41). Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos. Bagama’t paminsan-minsan ay sumasailalim pa rin ako sa mga pag-atake, pang-aabuso, pagsumpa, at pambubugbog ng mga preso, sa paggabay ng mga salita ng Diyos, maginhawa ako sa kalooban at hindi na nasasaktan pa.

Isang beses, isang opisyal ng koreksiyonal ang nagdala sa akin sa kanilang opisina. Nakita ko ang mahigit isang dosenang tao na nakatingin sa akin nang kakaiba. Isa sa kanila ang nagtutok ng video camera sa gawing kanan sa aking harapan, habang ang isa ay lumakad patungo sa akin na may mikropono, na nagtatanong: “Bakit ka naniniwala sa Makapangyarihang Diyos?” Noon ko napagtanto na ito ay isang panayam ng media, kaya sumagot ako nang may dangal na kapakumbabaan: “Magmula nang ako ay bata, palagi akong dumaranas ng pananakot at pagwawalang-bahala ng mga tao, at nakita ko ang mga taong pare-parehong nandaraya at nilalamangan ang isa’t isa. Naramdaman ko na ang lipunang ito ay napakadilim, sobrang mapanganib; namumuhay ang mga tao ng hungkag at kaawa-awang mga buhay, na walang inaasahan at walang layunin sa buhay. Kalaunan, nang ipangaral sa akin ng isang tao ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos, nagsimula akong maniwala rito. Pagkatapos maniwala sa Makapangyarihang Diyos, nadama ko na itinuring ako ng ibang mananampalataya bilang kapamilya. Walang sinuman sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ang nagbalak laban sa akin. Lahat ay nagkakaunawaan at kumakalinga sa isa’t isa. Inaasikaso nila ang isa’t isa, at hindi natatakot na sabihin kung ano ang nasa kanilang mga isipan. Sa salita ng Makapangyarihang Diyos, natagpuan ko ang layunin at halaga ng buhay. Sa palagay ko ang paniniwala sa Diyos ay maganda.” Pagkatapos ay itinanong ng tagapagbalita: “Alam mo ba kung bakit ka narito?” Sumagot ako: “Simula nang maniwala sa Makapangyarihang Diyos, nakita ko na ang salita ng Diyos ay talagang kayang iligtas at linisin ang mga tao at gabayan sila para tahakin ang tamang landas sa buhay. Kaya, nagpasya ako na sabihin itong magandang balita sa ibang tao, ngunit hindi ko kailanman nalaman na ang gayong magandang gawa ay ipagbabawal sa China. Kaya ako ay inaresto at dinala rito.” Nakita ng tagapagbalita na ang mga sagot ko ay hindi kapaki-pakinabang sa kanya, kaya kaagad niyang inihinto ang panayam at umalis. Sa sandaling iyon, ang punong kinatawan ng Brigada ng Pambansang Seguridad ay galit na galit kaya patuloy niyang ipinapadyak ang kanyang mga paa. Tinitigan niya ako nang masama, nagngangalit ang mga ngipin at sinabi: “Maghintay ka lang at makikita mo!” Ngunit ni hindi ako natakot sa kanyang mga banta o pananakot. Sa kabaligtaran, nadama kong lubos akong naparangalan dahil nagawa kong sumaksi sa Diyos sa pangyayaring iyon, at saka nagbigay ako ng luwalhati sa Diyos para sa kadakilaan ng pangalan ng Diyos at pagkatalo ni Satanas.

Kalaunan ang opisyal na pulis na may hawak sa aking kaso ay tinanong akong muli. Sa panahong ito, hindi siya gumamit ng pagpapahirap upang subukang puwersahin akong umamin, at sa halip ay gumamit naman ng “mabait” na mukha upang tanungin ako: “Sino ang inyong lider? Bibigyan kita ng isa pang pagkakataon. Kung sasabihin mo sa amin, magiging maayos ka. Papakitaan kita ng malaking kaluwagan. Inosente ka naman talaga, ngunit isinumbong ka ng ibang tao. Kaya bakit mo sila pagtatakpan? Mukha kang mabait na tao. Bakit mo ibibigay ang buhay mo para sa kanila? Kung sasabihin mo sa amin, makakauwi ka na. Bakit ka mananatili rito at magdurusa?” Nakita nitong mga mapagkunwaring doble-karang ito na ang matigas na pamamaraan ay hindi gumana, kaya nagpasya sila na subukan ang malambot na pamamaraan. Tunay na puno sila ng tusong panlilinlang at mga dalubhasa sa mga pakana at panlilinlang! Sa pagkakita sa kanyang mapagkunwaring mukha napuno ng galit ang aking puso para sa grupong ito ng mga demonyo. Sinabi ko sa kanya: “Sinabi ko na sa inyo ang lahat ng nalalaman ko. Wala na akong anumang alam pa.” Nakita niya ang aking matatag na kalooban at na wala siyang makukuhang anuman sa akin; umalis siya nang malungkot.

Pagkatapos na mamalagi sa sentro ng detensiyon nang kalahating buwan, pinalaya lamang ako pagkatapos na pagbayarin ng mga pulis ang pamilya ko ng 8,000 yuan na piyansa. Ngunit binalaan nila ako na huwag pumunta kahit saan at dapat na manatili ako sa bahay at mangako na palaging puwedeng ipatawag. Kalaunan, dahil sa walang batayang akusasyon na “paggambala sa kaayusang panlipunan,” sinentensyahan ako ng CCP ng isang taong pirming pagkabilanggo, na suspendido sa loob ng dalawang taon.

Pagkatapos maranasan ang pag-uusig at kapighatian na ito, nagkaroon ako ng pang-unawa at nakikilatis ang mala-demonyong mukha at ang masamang diwa ng ateistang Partido Komunista ng Tsina, at nabuo ang napakatinding galit dito. Gumagamit ito ng karahasan at mga kasinungalingan upang protektahan ang sarili nitong posisyon ng pagiging dominante; hibang nitong inaapi at inuusig ang mga taong naniniwala sa Diyos. Ginagamit nito ang lahat ng uri ng panlalansi upang pigilan at gambalain ang gawain ng Diyos sa lupa, at sukdulang kinapopootan ang katotohanan. Ito ang pinakamatinding kalaban ng Diyos at kalaban din nating mga mananampalataya. Matapos pagdaanan ang kapighatiang ito, nakikita kong ang salita lamang ng Diyos ang makapagdadala ng buhay sa tao. Nang ako ay nasa pinakadesperadong kalagayan o nasa bingit ng kamatayan, ang salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananampalataya at tapang, at nagtulot sa akin na mahigpit na kumapit sa buhay. Salamat sa Diyos sa pangangalaga sa akin sa pinakamadidilim at pinakamahihirap na mga araw na iyon. Sobra-sobra ang pag-ibig Niya para sa akin.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Ang Mga Kayamanan ng Buhay

Wang Jun Lalawigan ng Shandong Sa paglipas ng mga taon mula nang tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, ang...

Leave a Reply