Pagtakas sa Pugad ng mga Demonyo

Disyembre 11, 2024

Ni Xiao Kang, Tsina

Isang araw noong Mayo 2024, nasa isang pagtitipon ako kasama ang dalawang sister nang biglang pumasok ang mahigit 20 pulis. Sinigawan nila kami, sinasabing, “Walang gagalaw, maupo kayo sa sahig!” Pagkatapos ay kinunan nila kaming tatlo ng litrato bago nagpatuloy sa paghalughog sa buong bahay na parang isang grupo ng mga bandido. Isa sa mga pulis ang nakakita ng isang resibo sa aking pitaka para sa 200,000 yuan na pondo ng iglesia. Kinakabahan ako nang husto habang naiisip ko: “Ngayong nakita na nila ang resibong ito, tiyak na tatanungin nila ako kung nasaan ang pondo ng iglesia.” Dali-dali akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong huwag Siyang ipagkanulo gaya ng ginawa ni Hudas at tulutan akong manindigan sa aking patotoo para sa Kanya. Pagkatapos ay tinanong ako ng isang pulis: “Pitaka mo ba ito?” Nang hindi ako sumagot, sinampal niya ako nang malakas sa mukha at sinipa nang ilang beses. Pagkatapos ay pilit nila kaming isinakay sa kanilang squad car.

Pagdating sa kawanihan ng pampublikong seguridad, pinaghiwalay kami at dinala para sa interogasyon. Tinanong ako ng kapitan ng National Security Brigade kung gaano kataas ang posisyon ko sa pamunuan at kung kanino ako karaniwang nakikipagtipon. Nang hindi ako sumagot, dumampot siya ng isang libro at hinampas ako sa mukha at ulo nang ilang beses, iniwang nanunuot sa sakit ang mukha ko. Naisip ko, “Anong uri ng pagpapahirap ang gagawin nila sa akin para lang makuha ang 200,000 yuan na iyon? Kakayanin ko ba ito? Paano kung hindi ko makayanan at maipagkanulo ko ang Diyos katulad ni Hudas?” Nang maisip ko ito, agad akong nabalisa at hiniling sa Diyos na bigyan ako ng pananalig at lakas. Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Yaong mga nasa kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil maliit ang inyong pananampalataya. Hangga’t lumalago ang inyong pananampalataya, walang magiging napakahirap(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). “Tama iyon,” naisip ko. “Gaano man kalupit ang mga pulis na ito, lahat sila ay nasa kamay ng Diyos. Kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nila ako magagalaw kahit kaunti. Dapat akong manalig sa Diyos at ipagkatiwala ang sarili ko sa Kanyang mga kamay. Paano man ako tratuhin ng mga pulis, dapat akong umasa sa Diyos at manindigan sa aking patotoo sa Kanya.” Galit ko silang tinanong, “Sa anong dahilan ninyo kami inaresto at binugbog? Anong batas ang nilabag namin?” Malupit na sumagot ang isa pang pulis: “Ikinakaila mo pa rin ang kasalanan mo, ganon ba? Ang pananalig sa Makapangyarihang Diyos ay labag sa batas, sa partido at sa ating bansa!” Sumagot ako, sinasabing: “Sa pananampalataya namin, nagtitipon at nagbabasa lang kami ng mga salita ng Diyos. Hindi kami kailanman nakikibahagi sa pulitika, kaya paanong kumikilos kami laban sa partido at sa bansa? Sadya mong nilalabag ang batas sa pag-aresto at pambubugbog sa amin nang walang dahilan.” Nagalit siya nang husto na halatang sasampalin niya sana ako, pero biglang dumating ang isa pang pulis at sinabihan silang kumain na ng hapunan at ipagpatuloy ang pagtatanong kinagabihan.

Noong gabing iyon, dinala nila ako sa isang hotel at pinagtatanong ako kung sino ang nagtatago sa 200,000 yuan na pondo ng iglesia at kung saan ito makikita. Nang hindi ako sumagot, malakas akong sinampal ng isa sa mga pulis kaya nagsimula akong mahilo at kumirot sa sakit ang mga pisngi ko. Sinubukan akong takutin ng kapitan ng National Security Brigade, sinasabing: “Ilang araw lang ang nakalipas, inaresto namin ang ilan sa inyong nakatataas na lider. Matagal-tagal ka na naming sinusundan at alam namin na isa kang lider. Mas mabuting makipagtulungan ka sa amin o kung hindi, bubugbugin ka namin hanggang mamatay ka!” Hindi ko siya pinansin at nagpatuloy lang akong manalangin sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng lakas ng loob at karunungan para hindi ko katakutan si Satanas. Pagkatapos niyon, mapagkunwaring pilit na ngumiti ang isa pang pulis at sinabing: “Ang kailangan mo lang gawin ay sabihin sa amin ang nalalaman mo at pagkatapos ay pwede ka nang umuwi. Napakabata pa ng anak mo at walang ibang mag-aalaga sa mga magulang mo. Paano nila kakayanin kung wala ka sa bahay para sa kanila? Sabihin mo lang sa amin kung ano ang nalalaman mo ngayon o kung hindi, makukulong ka!” Nang marinig ko ito, naisip ko: “Parehong nasa setenta na ang mga magulang ko at napakabata pa ng anak kong babae. Sino ang mag-aalaga sa kanila kung masentensiyahan akong makulong?” Habang iniisip ko ito, hindi ko napigilang umiyak. Sa sandaling iyon, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa lahat ng oras, dapat maging handa ang Aking mga tao laban sa mga tusong pakana ni Satanas, na pinangangalagaan ang pasukan ng Aking sambahayan para sa Akin … upang maiwasang mahulog sa bitag ni Satanas, kung kailan magiging huling-huli na para magsisi(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 3). Ipinaalala sa akin ng mga salita ng Diyos na sinusubukan lang ni Satanas na gamitin ang pagmamalasakit ko sa mga kapamilya ko para tuksuhin akong ipagkanulo ang Diyos. Hindi ako pwedeng mahulog sa bitag nito. Naisip ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang sapat na paniniwala sa Akin? O ito ba’y dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman? Lagi kang nasasabik sa iyong mga mahal sa buhay! Mayroon ba Akong puwang sa puso mo?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Totoo nga na nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng anak at mga magulang ko at Siya ang nagdidikta at nagsasaayos sa kanila, kaya ano pa ang ipinag-aalala ko? Dapat ko silang ipagkatiwala sa Diyos at hindi ko dapat ipagkanulo ang mga kapatid ko dahil sa pagmamalasakit ko sa aking pamilya. Tahimik akong nanumpa: “Kahit na kailanganin kong manatili sa bilangguan sa mga natitirang araw ko, hinding-hindi ko pagtataksilan ang aking mga kapatid o ipagkakanulo ang Diyos!” Sa sandaling iyon, pumasok ang isa pang pulis at sinabing kailangan muna nilang tanungin ang dalawa pang sister, at pagkatapos ay lumipat sila sa katabing silid, nag-iwan lang ng dalawang pulis para bantayan ako. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, narinig ko ang nakakakilabot na paulit-ulit na sigaw ng mga sister. Galit na galit ako—bilang mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos, tumatahak kami sa tamang landas at hindi lumalabag sa anumang mga batas, pero inaresto kami at pinahihirapan ng CCP! Naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa loob ng libu-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? … Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang CCP ay isang diyablo na napopoot at lumalaban sa Diyos. Ang pagkakatawang-tao ng Diyos at ang pagliligtas Niya sa sangkatauhan ay isang tunay na masayang okasyon, pero hindi pinahihintulutan ng CCP na pumarito ang Diyos sa lupa. Hindi nila tayo papayagan na manalig sa Diyos, sumunod sa Diyos at tumahak sa tamang landas. Galit nilang tinutugis si Cristo at pinahihirapan ang mga tagasunod ng Diyos. Nakatuon sila sa pagpuksa sa ating lahat, nililipol tayo at pinipigilan ang gawain ng Diyos para makamit nila ang walang hanggang kapangyarihan at matupad ang kanilang matinding ambisyon na kontrolin ang sangkatauhan; talagang mapanlaban sila. Kinasusuklaman ko ang CCP, ang matandang demonyong ito, nang buong puso ko, at habang lalo nila akong inuusig, mas lalo kong ninanais na sundin ang Diyos. Gaano man ako magdusa, handa akong manindigan sa aking patotoo para sa Diyos at ipahiya si Satanas.

Kalaunan, medyo lagpas alas-4 ng umaga, nahiga ang mga guwardiya sa kanilang mga kama at natulog. Nakaramdam ako ng napakalakas na udyok na tumakbo palabas doon at tumakas, pero nag-aalala rin ako na kung hindi ako magtagumpay at maibalik ako, gagamitan ako ng mga pulis ng mas malulupit na taktika ng pagpapahirap. Dali-dali akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos! Kung binuksan Mo ang daan na ito para makalabas ako, pakiusap punuin Mo po ako ng pananalig, lakas ng loob at karunungan na kinakailangan ko para makatakas mula sa pugad ng leon na ito.” Matapos magdasal, naisip ko ang mga salita ng Diyos, na nagsasabing: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Binigyan ako ng lakas ng mga salita ng Diyos: Ang Diyos ay makapangyarihan at namumuno bilang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Nasa mga kamay rin ng Diyos si Satanas. Naisip ko kung paanong noong pangunahan ni Moises ang mga Israelita palabas ng Ehipto at naipit sa pagitan ng mga tumutugis na karwahe na nasa likuran nila at sa Dagat na Pula na nasa harapan nila, taimtim na tumawag si Moises sa Diyos na si Jehova at nagbukas ang Diyos ng isang landas para sa kanila, hinahati ang tubig ng Dagat na Pula at inilalantad ang isang piraso ng tuyong lupa sa gitna. Matapos makadaan ang mga Israelita sa Dagat na Pula, mabilis na isinara ng Diyos ang daan sa pamamagitan ng matataas na tubig, nilalamon ang tumutugis na mga taga-Ehipto. Nang napagtanto ko na ang lahat ng bagay ay napapasailalim sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nabawasan ang takot ko at nagkaroon ako ng lakas ng loob at pananalig na tumakas. Tahimik kong binuksan ang pinto at marahan itong isinara sa paglabas ko bago ako dahan-dahang bumaba sa unang palapag, hawak ang tsinelas ko. Walang tao sa front desk, pero pagdating ko sa entrada ng gusali, nakita kong nakakandado ito. Naisip ko: “Hindi ako makakatakas ngayon. Mas mabuting bumalik na lang ako. Kapag nalaman ng mga pulis ang ginawa ko, siguradong bubugbugin nila ako nang husto.” Sobra akong kinakabahan at kumakabog ang dibdib ko. Pero sa gulat ko, pagbalik ko sa pangalawang hagdanan, bigla kong napansin na may labasan sa likod. Kaya dahan-dahan akong naglakad para tingnan ito, pero nakakandado rin ang pintong iyon—isa na namang pagkabigo. Naisip ko: “O Diyos! Hindi ko susubukang tumakas kung hindi Mo pahihintulutan. Handa akong magpasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos Mo. Kung pahihintulutan Mo ako, pakiusap magbukas ka ng isang landas para sa akin.” Maingat kong hinila ang seradura at, sa gulat ko, bumukas ito kaagad! Tuwang-tuwa ako at tumakbo ako palabas ng pinto sa likod sa pinakamabilis na kaya ko. Buong lakas akong tumakbo, at, pagkatapos ng isang nakakapagod na paglalakbay, sa wakas ay nakarating ako sa bahay ng tiyahin ko mga apat na kilometro ang layo.

Pagkaupo ko pa lang sa bahay ng tiyahin ko, bigla kong narinig ang malakas na tunog ng mga sirena ng pulis na nagmumula sa kalye—katulad ng ginagamit nila kapag tumutugis sila ng mga totoong kriminal. Sa pag-iisip pa lamang sa mababangis na mukha ng mga pulis na iyon at sa kanilang iba’t ibang taktika ng pagpapahirap, nataranta na ako at nag-alala na baka damputin nila ako anumang oras. Sa sandaling iyon, muli akong binigyan ng lakas ng loob ng mga salita ng Diyos: “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Nagbigay sa akin ng agarang bugso ng lakas ng loob at pananalig ang mga salita ng Diyos. Kung nasa likod ko ang Diyos, ano ang dapat kong ikatakot? Hindi ba’t tinulungan na ako ng Diyos na makaligtas sa pugad ng leon? Kailangan kong manalig sa Diyos at ganap na ipagkatiwala ang sarili ko sa Kanya. Kung gaano ako magdurusa ay pauna nang itinakda ng Diyos, at kung muli akong aarestuhin, ito ay sa Kanyang pahintulot lamang. Sa isiping ito, medyo kumalma ako, pero pagkatapos ay naisip ko kung paanong tumutol ang anak na lalaki at manugang ng tiyahin ko sa kanyang pananalig sa Diyos at ilang beses pa nga nilang ginustong ipadala siya sa himpilan ng pulis. Hindi ako sigurado kung ano ang gagawin nila kapag nalaman nilang hinahanap ako ng CCP, kaya alam kong kailangan kong umalis doon sa lalong madaling panahon.

Para masigurong hindi ako makikilala, ginupit ko nang maiksi ang buhok ko at nagpalit ako ng damit. Pagkatapos, sa ikatlong umaga ng pananatili ko sa aking tiyahin, bandang alas-kuwatro ng umaga, lumabas ako ng bahay at nagbisikleta nang 20 kilometro sa mga likurang kalsada patungo sa bahay ni Sister Dong En. Naalala ko na pinangako ko sa ilang sister tatawagan ko sila araw-araw bandang tanghali, pero hindi nila alam na inaresto ako at hawak ng pulis ang telepono ko—kung tatawagan nila ako, masusubaybayan sila at maaaresto sila sa huli. Kaya bumili ako ng bagong phone card at tumawag para sabihin sa kanila na patayin kaagad ang kanilang mga telepono. Sa kasamaang palad, sinusubaybayan na ng mga pulis ang kanilang mga tawag at sa sandaling kinontak ko sila, agad na natukoy ng mga ito ang lokasyon ko. Makalipas ang ilang araw, bandang alas-siyete ng gabi, pinakilos ng CCP ang isang napakalaking puwersa ng pulisya na binubuo ng mga opisyal ng kawanihan ng pampublikong seguridad, mga armadong pulis at mga operatiba ng SWAT para hanapin at arestuhin ako sa nayon ni Dong En. Nang malaman ito ng asawa ni Dong En, dali-dali niyang sinabi sa akin na napapalibutan na ng mga pulis ang nayon at malamang ay nagpunta sila para kunin ako. Sa sandaling iyon, nagsimulang kumabog ang dibdib ko sa takot at dali-dali akong tumakbo pababa nang hindi man lang nagpapalit ng tsinelas. Pagbaba ko sa unang palapag, agad akong sinalubong ni Sister Liu Yi, na nakatira din sa parehong nayon. Hinawakan niya ako at sabay kaming tumakbo palabas ng bahay patungo sa isang bukirin ng utaw na may limampung metro ang layo. Kakayuko pa lang namin sa bukiring iyon, pumasok na ang isang grupo ng pito o walong pulis sa bahay ni Dong En at nagsimulang halughugin ang bawat palapag gamit ang mga lente. Nang hindi pa rin nila ako matagpuan pagkatapos maghanap nang mahigit kalahating oras, kinuha na lang nila ang asawa ni Dong En. Nagtago kami ni Liu Yi sa bukirin ng utaw hanggang bandang alas-onse ng gabing iyon, at sa puntong iyon ay nagpasya siyang bumalik sa bahay ni Dong En para tingnan kung kumusta na ang sitwasyon, sa paniniwalang nakaalis na ang mga pulis. Matagal siyang nawala, at labis akong nag-alala para sa kanya, pero hindi ako nangahas na magpadalus-dalos. Pagkatapos ay biglang may humintong isang kotse ng pulis sa labas ng bahay at ilang sandali pa, wala akong nagawa kundi manood habang hinahatid nila si Liu Yi sa squad car. Hindi ko napigilan ang mga luha ko at kinasuklaman ko ang sarili ko dahil hinayaan ko si Liu Yi na bumalik ng bahay, pero ang tanging nagawa ko lang noon ay tahimik na magdasal para sa kanya.

Noong panahong iyon, hindi ako nangahas na pumunta sa alinman sa mga bahay ng iba pang mga kapatid at hindi ko alam kung saan ako dapat pumunta, kaya nagsimula na lang akong tumakbo nang walang patutunguhan patungong timog. Pero hindi tumitigil sa paghabol sa akin at pagtahol ang ilan sa mga aso ng nayon. Natakot ako na baka dumating ang mga pulis para maghanap kapag narinig nila ang mga ito, kaya mabilis akong nagtago sa isang maisan. Hindi nagtagal, narinig ko ang mga makina ng iskuter na umiikot sa paligid at halos masindak ako. Naisip ko: “Imposibleng makatakas ako sa napakaraming pulis na naghahanap sa akin dito. Alam nilang lider ako at nasa kanila ang resibong iyon—kung mahuhuli nila ako ulit, tiyak na papatayin nila ako. Talaga bang kapalaran ko na mapatay ng CCP sa murang edad?” Nang mapagtanto ko ito, medyo nasiraan ako ng loob, pero sa sandaling iyon ay naalala ko ang sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Sino sa buong sangkatauhan ang hindi inaalagaan sa paningin ng Makapangyarihan? Sino ang hindi nabubuhay sa gitna ng itinalagang tadhana ng Makapangyarihan? Nangyayari ba ang buhay at kamatayan ng tao ayon sa sarili niyang pagpapasiya? Kontrolado ba ng tao ang kanyang sariling kapalaran?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 11). Totoo ngang nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ko, at Siya ang may huling kapasyahan sa kung mabubuhay o mamamatay ako. Kung hindi pahihintulutan ng Diyos na arestuhin at pahirapan ako ng CCP hanggang sa mamatay ako, tiyak na hindi magagawang kitilin ng mga pulis ang buhay ko. Nang atakihin at tuksuhin ni Satanas si Job, hindi ito pinahintulutan ng Diyos na patayin si Job, kaya’t maaari lamang nitong mapinsala ang katawan niya at hindi maaaring kitilin ang kanyang buhay. Naisip ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Pinuno ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos. Alam kong kailangan kong ipagkatiwala ang sarili ko sa Diyos at magpasakop sa Kanyang mga pangangasiwa at pagsasaayos. Kahit sa huli kong hininga, kailangan kong manatiling tapat sa Diyos at hindi Siya ipagkanulo kailanman. Naisip ko si Pedro, na matapos maranasan ang lahat ng uri ng pag-uusig at paghihirap, ay handang maipako sa krus nang patiwarik para patotohanan ang kanyang pagmamahal sa Diyos. Sa mga nagdaang kapanahunan, hindi na mabilang ang mga santong nag-alay ng kanilang mga buhay para ipalaganap ang ebanghelyo, nagbigay ng matibay at matunog na patotoo sa Diyos para pigilang magtagumpay at ipahiya si Satanas. Ang maranasan ang pag-uusig at paghihirap na ito at magkaroon ng pagkakataong magpatotoo para sa Diyos, sa katunayan, ay isang pagpapala. Nang mapagtanto ko ito, nakaramdam ako ng panibagong lakas ng loob kung kaya’t nanalangin ako sa Diyos, nanumpa sa Kanya na magpapatotoo ako sa Kanya sa harap ni Satanas kahit na ang ibig sabihin nito ay itaya ang buhay ko. Pagkatapos magdasal, hindi na ako gaanong nataranta at nagsimula akong mag-isip kung paano ako makakaasa sa Diyos para makatakas. Alam kong hindi ako makakadaan sa pangunahing kalsada, kaya umikot ako sa kagubatan sa labas ng nayon at nagawang tumawid dito, kung minsan ay tumatakbo sa gilid ng ilog. Sa proteksyon ng Diyos, sa wakas ay nakatakas ako sa nayon nang ligtas.

Nang makalabas ako sa kagubatan, malalim na ang gabi at hindi ako sigurado kung saan ako pupunta, kaya nagpasya akong tumungo sa bahay ng kapatid kong babae, mga sampung kilometro ang layo. Nakarinig ako ng mga iskuter na dumadaan sa kahabaan ng pangunahing kalsada at napagtanto ko na sinusubukan pa rin akong palibutan ng mga pulis at harangan ako, kaya tumakbo ako nang nakayapak sa maliliit na daanan sa kagubatan. Pagkaraan ng mga dalawa o tatlong kilometro, dumaan ako sa ilang palayan at nasugatan ang paa ko sa isang baldosa, pero wala akong oras para indahin ang sakit—patuloy akong tumakbo papalayo sa abot ng aking makakaya. Kalaunan ay nakarating ako sa isang aspaltong kalsada, na siyang tanging daan patungo sa bahay ng kapatid kong babae. Dumikit ang graba sa sugat sa aking paa, na nagdulot sa akin ng matinding pananakit, pero napapatiim-bagang na lang ako dahil hindi ako nangahas na huminto. Nang malapit ko nang madaanan ang isang electric pump station, may narinig akong iskuter na paparating sa likuran ko at nagmadali akong yumuko sa damuhan sa gilid ng kalsada. Huminto ang iskuter sa istasyon at tinanong ng isang pulis ang matandang lalaki na nagtatrabaho roon kung may nakita siyang babaeng dumaan. Sinabi ng matanda na wala siyang nakita. Naisip ko: “Hindi ako pwedeng patuloy na maglakbay sa aspaltong kalsada na ito. Dapat akong bumalik sa paglalakad sa mga palayan o sa mga likurang kalsada; baka makaiwas ako sa mga pulis sa ganoong paraan.” Matapos ang isa pang kalahating kilometro o higit pa, nang makita kong unti-unti nang papalapit ang bukang-liwayway, naisip ko na baka tumigil na ang mga pulis matapos ang buong gabing paghahanap sa akin at pwede na akong bumalik sa pangunahing kalsada. Pero sa gulat ko, bigla kong natanaw ang kapitan ng National Security Brigade at dalawang pulis ilang hakbang lang ang layo, ang isa ay nakasakay sa iskuter, ang isa ay nakatayo sa tabi ng iskuter at may isa pang nakatalungko sa lupa. Sobrang natakot ako, parang lulukso ang puso ko palabas ng dibdib ko. Naisip ko, “Lagot na ako ngayon, hindi na ako makakatakas pa. Buong gabi akong tumakbo, pero hindi ko pa rin nagawang makatakas mula sa kanila.” Dali-dali akong nagdasal sa Diyos: “O Diyos! Ang lahat ng bagay ay nasa ilalim ng Iyong kontrol. Kung pahihintulutan Mo akong maaresto ng mga pulis, handa akong magpasakop at hayaan ang lahat na magpatuloy ayon sa mga pangangasiwa Mo.” Pagkatapos magdasal, medyo naging kalmado ako at, pagkatapos ayusin ang buhok ko, tumayo ako mula sa kinaroroonan ko nang ilang segundo at pagkatapos ay humakbang ako paabante. Kung ginusto nila akong arestuhin, madali lang sana nila itong magagawa sa mismong sandaling iyon, pero sa gulat ko, nanatili sila sa kinaroroonan nila, hindi gumagalaw gaya ng tatlong inukit na mga kahoy. Mukhang hindi nila ako nakilala dahil ginupit ko ang buhok ko at nakapagpalit ako ng damit, at ibang-iba ang hitsura ko kumpara noong una nila akong inaresto. Nang makitang tila hindi nila ako napapansin, nakaramdam ako ng kaunting lakas ng loob at kumpiyansa at nagpatuloy ako sa paglalakad. Habang nilalagpasan ko sila, kinakabahan akong nagpipigil-hininga; para bang hindi gumagalaw ang lahat sa paligid ko. May nakita akong maliit na kalsada patungo sa silangan, kaya dahan-dahan akong naglakad papunta roon, pero hindi pa rin gumagalaw ang tatlong pulis. Muli kong nasaksihan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Nang makalayo na ako sa kanila nang mga sampung metro, narinig kong sumigaw ang kapitan mula sa likuran ko, “Xiao Kang, Xiao Kang, ikaw ba iyan Xiao Kang?” Apat o limang beses yata niya akong tinawag. Kumabog ang dibdib ko nang marinig kong isinigaw niya ang pangalan ko, at pinagpawisan ako nang malamig. Wala akong ibang gustong gawin kundi kumaripas ng takbo, pero hindi sumusunod ang mga binti ko sa utos ng utak ko. Naisip ko na kung tatakbo ako, makikilala nila ako at hahabulin nila ako. Nagmadali akong manalangin sa Diyos, hiniling ko sa Kanya na panatilihin akong kalmado at hindi mataranta. Pagkatapos magdasal, medyo kumalma ako at kahit anong tawag ng mga pulis sa akin, hindi ko sila pinansin at nagpatuloy ako sa paglalakad. Wala sa mga pulis ang humabol sa akin. Ganun-ganon lang, sa proteksyon ng Diyos, nakatakas ako sa harap mismo nila.

Dahil sa napakamapanganib na pagtakas na ito, naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kahit gaano pa ‘kalakas’ si Satanas, kahit gaano pa ito kapangahas at kaambisyoso, kahit gaano pa katindi ang abilidad nito para magdulot ng pinsala, kahit gaano pa kalawak ang mga paraan para gawing tiwali at akitin nito ang tao, kahit gaano pa kagaling ang mga pandaraya at mga pakana nito sa pananakot ng tao, kahit gaano pa pabago-bago ang anyo ng pag-iral nito, hindi pa ito kailanman nakalikha ng kahit isang buhay na nilalang, hindi pa kailanman nakapagtakda ng mga batas at patakaran para sa pag-iral ng lahat ng bagay, at hindi pa kailanman naghari o kumontrol ng anumang bagay, may buhay man o wala. Sa loob ng kosmos at sa kalangitan, wala ni isang tao o bagay ang naisilang mula rito, o umiiral nang dahil dito; wala ni isang tao o bagay ang pinaghaharian nito, o kinokontrol nito. Sa kabaligtaran, hindi lamang nito kailangang sumailalim sa kapamahalaan ng Diyos, kundi, higit pa rito ay kailangang magpasakop sa lahat ng atas at kautusan ng Diyos. Kung walang pahintulot ang Diyos, mahirap para kay Satanas na hipuin kahit na ang isang patak ng tubig o butil ng buhangin sa lupa; kung walang pahintulot ang Diyos, ni hindi malaya si Satanas na galawin man lamang ang mga langgam sa lupa, lalo na ang sangkatauhan, na nilikha ng Diyos(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi I). Nakita ko na ang Diyos ay makapangyarihan, namumuno bilang kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay at may sukdulan at pinakamataas na awtoridad. Ang Diyos ang bumulag sa mga pulis, na nagpahintulot sa akin na makalusot nang hindi napapansin. Sa pagbabalik-tanaw sa dalawang pagkakataong ito ng panunupil at pag-aresto ng CCP, napagtanto ko na walang lugar na hindi naaabot ng kapangyarihan ng Diyos. Nang maaresto ako, nagbukas ng daan palabas ang Diyos para sa akin, pinahintulutan akong makatakas nang walang insidente. Nagpakilos ang pulisya ng malawakang operasyon para hanapin at arestuhin ako, pinalibutan ang bahay at nayon na tinutuluyan ko, pero hindi pa rin nila ako nahuli. Pagkatapos ay sinubukan nila akong habulin at harangan sa kalsada, pero sa kung anong dahilan ay hindi nila ako nakilala nang dumaan ako sa harap nila. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo kong naramdaman na tunay na makapangyarihan ang Diyos at, gaano man kalupit kumilos si Satanas, hindi ako nito makakanti kung wala ang pahintulot ng Diyos.

Kalaunan, sinabi sa akin ng ilang kapatid na nagpaskil ang CCP ng mga wanted na karatula na nagpapakita ng larawan ko sa buong probinsya, na may mababasang caption na “Matinding nakakagambala sa kaayusan ng lipunan.” Pumupunta rin sa mga bus ng lungsod ang mga pulis dala ang larawan ko, nagtatanong kung may sinumang nakakaalam sa kinaroroonan ko. Dahil pinaghahanap pa rin ako ng mga pulis, hindi ako makalabas para gawin ang mga tungkulin ko at kinailangan kong magtago sa bahay ng pamilyang nagpatira sa akin, at palagi akong kinakabahan. Pagkatapos niyon, hindi ako lumabas nang mahigit isang taon, at nakaramdam ako ng labis na panunupil at panlulumo. Minsan naramdaman ko na talagang napakahirap at napakasakit na manalig sa Diyos sa bansa ng malaking pulang dragon. Nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Napagtanto ko na hindi sinasadya ng Diyos na pahirapan ang mga tao, sa halip, ginagamit Niya ang masasamang sitwasyon na nilikha ng pag-aresto at pag-uusig ng CCP sa mga mananampalataya para gawing perpekto ang pananalig at pagmamahal ng mga tao at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay.

Sa pagbabalik-tanaw sa buong karanasang ito—mula sa pagkaaresto, hanggang sa pagtakas at hanggang sa ngayon—naharap ako sa napakaraming paghihirap, pero nagbigay-daan ito sa akin na makilala nang malinaw ang mala-demonyong diwa ng paglaban ng CCP sa Diyos. Hindi na ako kayang ilihis ng CCP at naghimagsik na ako laban dito at tumalikod dito. Kasabay nito, nakita ko nang malapitan at personal na kasama ko ang Diyos sa bawat hakbang ng daan, tumutulong sa akin tuwing nangangailangan ako at paulit-ulit na nagbubukas ng daan para sa akin. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas at muli’t muli akong ginabayan palabas ng pugad ng leon. Nakita ko ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at pinalakas nito ang pananalig ko sa Diyos. Habang lalo ko itong iniisip, mas lalo kong napagtatanto na napakarami kong nakamit mula sa paghihirap at pag-uusig na ito. Dahil dito, hindi na ito mapait para sa akin, sa halip ay nararamdaman ko na parang ipinapakita ng Diyos sa akin ang biyaya at pinapaboran ako sa pamamagitan ng pagpaparanas sa akin ng Kanyang gawain sa mahirap na sitwasyong ito. Gaano man ako tugisin at usigin ng CCP, patuloy kong hahangarin ang katotohanan, tutuparin ang aking tungkulin at susuklian ang pagmamahal ng Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Mahabang mga Taon sa Bilangguan

Ni Anning, Tsina Isang araw noong Disyembre, 2012, halos isang taon na akong mananampalataya, at nasa daan kami ng isang nakababatang...