Nagbago sa Pamamagitan ng Aking Tungkulin

Abril 7, 2022

Ni Alicia, Espanya

Noong nakaraang taon, nahalal ako bilang lider ng grupo, at ako ang naging responsable sa paggawa ng graphic design. Noong una, dahil hindi ko masyadong nauunawaan ang mga prinsipyo at mga propesyunal na pamamaraan sa lahat ng aspeto, nag-aaral ako nang mabuti, at kapag may hindi ako alam, humihingi ako ng tulong sa mga kapatid. Noong tumagal-tagal, naging bihasa na ako sa ilang prinsipyo at nagkamit ng ilang resulta sa aking tungkulin. Nagsimula akong makampante sa kasalukuyang sitwasyon, at akala ko ang paggawa sa mga bagay-bagay sa ganitong paraan ay ayos lang. Pagkatapos noon, bihira na akong mag-aral nang masigasig para pagbutihin ang aking mga kasanayan. Nang panahong iyon, para makagawa ng mas magaganda pang larawan, iminungkahi ng mga lider ng iglesia na matuto at mag-innovate pa kami. Sumang-ayon ako sa salita, pero sa isip-isip ko, “Inobasyon? Nakakapagod at matrabaho ‘yon, at medyo maganda naman ang mga larawang ginagawa ko ngayon. Bakit namin kailangang labis na magsumikap para mag-innovate?” Pagkatapos noon, hindi ko na ito sineryoso. Isang araw, nadiskubre ng kasama ko ang isang bagong paraan ng paggawa ng mga larawan na magbibigay ng mas magagandang resulta, at inirekomenda niyang pag-aralan ko ito. Naisip kong, “Mas maganda nga talaga ang mga resulta, pero hindi ko alam ang pamamaraang ito, at kahit matutuhan ko ito, kakain ito ng oras at magiging sakit sa ulo. Kung gagawin namin ang mga bagay-bagay gamit ang mga pamamaraan namin ngayon, hindi lang kami makakatipid sa oras at lakas, magkakamit din kami ng ilang resulta, kaya bakit pa kami mag-aabalang aralin ‘yung bago? Ang ginagawa namin ay sapat na.” Kaya, gumawa pa rin ako ng mga larawan ayon sa lumang pamamaraan. Kapag kinukumusta ang gawain ng grupo, nagsimula rin akong subukang huwag magpagod. Noong umpisa, ako lang ang namamahala, kaya mabigat ang aking pinapasan. Kalaunan, ipinareha ako kay Sister Ella, at masayang-masaya ako. Naisip ko, “Mabuti ‘to, mabusisi si Ella sa kanyang mga tungkulin, at handa siyang magsakripisyo. Hahayaan ko siyang maging responsable sa mas maraming gawain sa hinaharap. Sa gano’ng paraan, mababawasan ang pinagkakaabalahan ko, at hindi ko na kailangang masyadong mag-alala.” Kalaunan, dahil sobrang daming kailangang gawin ni Ella, sinabi niyang napakarami niyang pinapasan at pakiramdam niya’y kulang ang oras. Hindi ko lang hindi pinagnilayan ang sarili ko, kundi nagdahilan pa ako na pagkakataon niya ito para magsanay at nagpatuloy ako sa pagbibigay sa kanya ng mas maraming gawain. Nang panahong iyon, medyo nakonsensya ako at naramdaman kong masyado nang maraming pinapasan ang kapatid ko, at binibigyan ko pa rin siya ng maraming gawain, na napakasama para gawin ko. Pero para hindi ako mapagod, patuloy kong ginawa ito.

Nagpapatuloy sa gayong paraan, hindi ako nag-aral, hindi nag-innovate, at patuloy na ipinapasa ang gawain sa iba, kaya napakarami kong oras para sa sarili ko. Sa mga libre kong oras, nagagawa ko ang mga bagay na nagpapasaya sa akin. Sa panahong iyon, sunod-sunod akong nanood ng mga sekular na video sa pagkukunwaring pinapahusay ang pag-unawa ko sa aesthetics. Kahit habang nagbabasa ng salita ng Diyos at sa mga pagtitipon, palaging sumasagi sa isip ko ang mga video clip na iyon, kaya hindi ko mapakalma ang sarili ko at mapagnilayan ang salita ng Diyos. Nagsimula akong tumuon sa kasiyahan ng laman, kung paano magluto ng masasarap na pagkain, at madalas akong manood ng iba’t ibang video ng mga balita online habang nasa tungkulin. Minsan, masyado akong maraming napapanood at natatakot akong baka sabihin ng iba na pinababayaan ko ang tungkulin ko, kaya kapag may napapadaan, kinakabahan ako, agad kong isinasarado ang video window, at binubuksan ang work interface, nagpapanggap na nagtatrabaho. Habang nagpapatuloy ito, paunti na nang paunti ang dinadala kong pasanin sa aking tungkulin. Kapag kinukumusta ko ang gawain, wala sa loob kong iniraraos ang gawain. Kapag sinabi ng aking mga kapatid na walang paghihirap, o walang problema, pinakamaganda ‘yon, at ayokong magsumikap para maghanap ng mga solusyon kapag may mga problema. Naisip kong, “Kung pagsisikapan kong lutasin ang problema ng lahat sa kanilang mga tungkulin, gaano karaming oras at lakas ang kakailanganin no’n? Hahayaan ko na lang silang lutasin ang mga ito nang sila-sila lang. Paaalalahanan ko na lang silang mas maghanap kasama ang mga kapatid na nakakaintindi sa mga pamamaraan.” Sa ganitong paraan, ‘yung dalas ng pagsusubaybay ko sa gawain ay unti-unting bababa mula sa pagtatanong nang isang beses sa isang linggo hanggang sa isang beses na lang kada kalahating buwan. Sa totoo lang, nakokonsensya ako rito minsan. Hinihingi ng Diyos sa atin na buong puso, isip, at lakas nating isagawa ang ating mga tungkulin, pero palagi kong iniiwasan ang tungkulin ko nang ganito para mapasaya ang mga ninanasa ng aking laman, na hindi umaayon sa kalooban ng Diyos. Pero sa kabilang banda, hindi ko naman naantala ang paggawa ng larawan, walang lantarang problema sa tungkulin ko, at lahat ay tumatakbo nang normal, kaya hindi ko naisip na isa itong malaking problema. Sa huli, hindi ko na maramdaman ang presensya ng Diyos, wala na akong maramdaman kapag nagdarasal, hindi na ako naliliwanagan ng pagbabasa ng salita ng Diyos, at wala akong anumang inspirasyon para gumawa ng mga larawan. Lumala nang lumala ang mga resulta ng tungkulin ko. Bukod pa rito, hindi ko seryosong sinubaybayan ang gawain, at nang magkaroon ng mga paghihirap ang aking mga kapatid, wala akong pakialam o hindi ko sila sineryoso. Kaya naging tamad sila sa kanilang mga tungkulin, hindi nila hinangad na humusay, kontento na sila sa kalagayan nila, walang nangyaring pagsulong sa kanilang mga tungkulin, at hindi sila nakapagbigay ng magagandang resulta sa kanilang gawain. Nang makita ang sitwasyong ito, naramdaman ko lang na may mali, pero naguguluhan ako at hindi nagnilay.

Isang araw, bigla akong tinanong ng aking lider, “Matagal ka nang gumagawa ng mga larawan, kaya bakit nababawasan ang kahusayan sa halip na madagdagan? Hindi kapani-paniwala kung gaano pumangit ang gawa mo!” Inilantad niya rin ang hindi ko paggawa ng praktikal na gawain, ang pagiging walang kwenta kong “kadre,” at ang paggawa ko sa mga kapatid na maging pabaya, mabagal, at walang kalidad sa kanilang mga tungkulin sa ilalim ng aking pamumuno. Sinabi niyang ang paggawa ko sa mga tungkulin ko nang ganito ay paggawa para lang mairaos ang gawain, panlilinlang, at pamiminsala sa iglesia, at na kung hindi ako magninilay at magsisisi, magiging huli na ang lahat para manghinayang kapag nawala sa ‘kin ang tungkulin ko. Nang sandaling iyon, masakit mang marinig ang mga salita ng lider, hindi ako nagnilay sa sarili ko, at basta-basta ko na lang sinubaybayan ang gawain ng grupo at pinigilan ang sarili ko na manood ng mga videong walang kaugnayan sa tungkulin ko.

Makalipas ang isang buwan, dahil sa matagal na panahong iniraraos ko lang ang gawain at nagpapakatamad, natanggal ako, at dalawa pang kapatid ang nawalan ng kanilang tungkulin dahil sa pagkabigong gumawa ng tunay na gawain. Inilantad ako ng lider ko dahil sa pagiging pabaya ko sa aking mga tungkulin, pagpapaliban, pagiging tamad, at pagkakaroon ng mga natatagong layunin, na isang panlilinlang sa Diyos. Sinabi niyang hindi ko sinubaybayan ang gawain o nilutas ang mga problema ng mga kapatid, kaya sa diwa, pinagtatakpan at kinukunsinti ko ang kanilang pag-uugali, na nakakapinsala sa iglesia. Nagulat ako nang marinig kong inilantad ng lider ang pag-uugali ko. Napakasama ng paggawa ko sa aking tungkulin na hindi na ito makayanang makita ng iba, pero ni hindi ko napagtanto ito. Pakiramdam ko, hindi naman talaga ako nakakaabala sa gawain. Bakit napakamanhid ko? Paulit-ulit kong naisip na, “Ginawa ko talaga ang mga bagay na ito, at ginawa ko ang mga ito nang may buong kamalayan kung anong ginagawa ko. Alam kong dapat akong maging tapat sa aking tungkulin, pero bakit nagagawa ko pa ring iraos lang ang tungkulin ko at iwasan ang gawain nang ganito? Anong klaseng tao ba talaga ako?” Sa aking pighati at pagkalito, nagdasal ako sa Diyos at hiniling sa Kanya na gabayan ako sa pagkilala sa aking sarili.

Tapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Iilang mensahe lang ang narinig ni Noe, at noong panahong iyon ay hindi nagpahayag ng maraming salita ang Diyos, kung kaya walang dudang maraming katotohanan ang hindi naunawaan ni Noe. Hindi niya naiintindihan ang makabagong siyensya o makabagong kaalaman. Isa siyang napakaordinaryong tao, isang hindi kapansin-pansing miyembro ng sangkatauhan. Subalit sa isang aspeto, hindi siya katulad ng sinupaman: Marunong siyang makinig sa mga salita ng Diyos, marunong siyang tumalima at sumunod sa mga salita ng Diyos, alam niya kung ano ang katayuan ng tao, at nagawa niyang tunay na maniwala at sumunod sa mga salita ng Diyos—wala nang iba. Ang mga simpleng prinsipyong ito ay sapat na para tulutan si Noe na isakatuparan ang lahat ng ipinagkatiwala sa kanya ng Diyos, at nagtiyaga siya rito hindi lamang sa loob ng ilang buwan, ni ilang taon, ni ilang dekada, kundi sa loob ng mahigit isang siglo. Hindi ba kagila-gilalas ang numerong ito? Sino ang makakagawa nito kundi si Noe? (Walang iba.) At bakit wala? Sinasabi ng ilang tao na ito ay dahil hindi nila nauunawaan ang katotohanan—ngunit hindi iyan alinsunod sa katunayan. Ilang katotohanan ang naunawaan ni Noe? Bakit nakaya ni Noe ang lahat ng ito? Nabasa na ng mga mananampalataya ngayon ang marami sa mga salita ng Diyos, nauunawaan nila ang ilang katotohanan—kaya bakit hindi nila ito makaya? Sinasabi ng iba na ito ay dahil sa mga tiwaling disposisyon ng mga tao—ngunit wala bang tiwaling disposisyon si Noe? Bakit nagawa ito ni Noe, pero hindi ng mga tao ngayon? (Dahil ang mga tao sa kasalukuyan ay hindi naniniwala sa mga salita ng Diyos, hindi nila itinuturing ni sinusunod ang mga iyon bilang katotohanan.) At bakit hindi nila maituring na katotohanan ang mga salita ng Diyos? Bakit hindi nila kayang sumunod sa mga salita ng Diyos? (Wala silang takot sa Diyos.) Kaya kapag walang pagkaunawa ang mga tao sa katotohanan, at hindi pa nila naririnig ang maraming katotohanan, paano magkakaroon ng takot sa Diyos? Sa pagkatao ng mga tao, kailangan ay mayroon ng dalawa sa pinakamahahalagang bagay sa lahat: Ang una ay konsensya, at ang pangalawa ay ang katinuan ng normal na pagkatao. Ang pagkakaroon ng konsensya at katinuan ng normal na pagkatao ang pinakamababang pamantayan sa pagiging isang tao; ito ang pinakamababa at pinakapangunahing pamantayan sa pagsukat sa isang tao. Ngunit wala nito ang mga tao sa kasalukuyan, kaya nga gaano man karaming katotohanan ang naririnig at nauunawaan nila, hindi nila magawang magkaroon ng takot sa Diyos. Kaya ano ang naiiba sa diwa ng mga tao sa kasalukuyan kumpara kay Noe? (Wala silang pagkatao.) At ano ang diwa ng kawalan ng pagkatao na ito? (Mga hayop at demonyo.) Hindi magandang pakinggan ang ‘mga hayop at demonyo,’ pero naaayon ito sa mga katunayan; ang isang mas magalang na paraan ng pagsasabi niyon ay na wala silang pagkatao. Ang mga taong walang pagkatao at katinuan ay hindi mga tao, masahol pa nga sila sa mga hayop. Kaya nakumpleto ni Noe ang atas ng Diyos ay dahil nang marinig ni Noe ang mga salita ng Diyos, nagawa niyang isaisip ang mga iyon; para sa kanya, ang atas ng Diyos ay isang panghabambuhay na gawain, matibay ang kanyang pananampalataya, hindi nagbago ang kanyang kahandaan sa loob ng isandaang taon. Iyon ay dahil may puso siyang may takot sa Diyos, isa siyang tunay na tao, at malakas ang pakiramdam niya na ipinagkatiwala ng Diyos ang pagbubuo ng arka sa kanya. Ang mga taong may katinuan na katulad ni Noe ay bihirang-bihira, napakahirap makatagpo ng gayong tao(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalawang Ekskorsus: Kung Paano Nakinig sina Noe at Abraham sa mga Salita ng Diyos at Sumunod sa Kanya (Unang Bahagi)). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay harap-harapan akong pinapagalitan ng Diyos dahil sa hindi ko pagiging tapat sa aking tungkulin. Nakita kong hindi ko maayos na ginampanan ang tungkulin ko—hindi dahil sa mahinang kakayahan at mababaw na pagkakaunawa sa katotohanan, at hindi dahil hindi ko alam kung paano tratuhin ang tungkulin—kundi dahil wala akong pagkatao, at wala akong takot sa Diyos sa aking puso habang ginagampanan ang tungkulin ko. Kaunting salita ng Diyos ang narinig ni Noe at kaunting katotohanan lang ang kanyang naunawaan, pero masigasig at masigla siya nang gawin niya ang atas ng Diyos. Naalala niya ang bawat detalye at nagsumikap siyang magkamit ng magagandang resulta. Isinaalang-alang ni Noe ang kalooban ng Diyos. Isang daan at dalawampung taon siyang nagtiyaga na patotohanan ang kanyang katapatan at pagkamasunurin sa Diyos. Pero ako? Napakarami kong nakain at nainom na salita ng Diyos, naintindihan ang maraming katotohanan at misteryo, at nagkamit ako ng mas marami kaysa sa mga nananalig sa nakaraan, pero nagtangka pa rin akong maging tuso at tatamad-tamad sa aking tungkulin. Alam ko kung paano magkamit ng magagandang resulta at mas maayos na magpalaganap ng ebanghelyo at magpatotoo sa Diyos, pero tingin ko ay sakit sa ulo ang mga bagay na ito, kaya iniraos ko lang ang gawain at sinamantala ko ang aking kapareha sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mas maraming trabaho. Kapag may mga paghihirap ang mga kapatid, pinapadali ko ang mga bagay-bagay para sa sarili ko at ayokong magsumikap na hanapin ang katotohanan para maghanap ng mga solusyon. Wala din sa loob ang aking pagsubaybay sa gawain. Wala talaga sa puso ko ang aking mga tungkulin. Bilang resulta, isinagawa nila ang kanilang mga tungkulin nang walang anumang pagmamadali o pagmamalasakit. Nagpabaya ako sa aking tungkulin, isinasaalang-alang lang kung pa’no makakain nang mabuti at maghanap ng kasiyahan ng laman. Nanood pa nga ako ng mga sekular na video sa pagkukunwaring gumagawa ng aking tungkulin. Sa takot na mahuli, sinubukan kong itago ang mga bagay-bagay at kumilos nang palihis at mapanlinlang. Bagama’t sinasaway ako ng konsensya ko, matigas ang ulong ipinilit kong ipagpatuloy pa rin itong gawin. Nakita ko kung gaano talaga kahina ang konsensya at katwiran ko. Hindi ako pwedeng ihambing kay Noe, o sa sinumang mga kapatid na responsableng ginagawa ang kanilang mga tungkulin. Ang pagsasagawa sa tungkulin ko nang ganito ay pagtatangkang lokohin at linlangin ang Diyos. Ang pagkatanggal ko ay ang matuwid na disposisyon ng Diyos sa akin. Talagang sumusobra na ako.

Nagnilay ako sa sarili ko nung panahong ‘yon. Bakit wala akong konsensya at katuwiran? Narinig ko ang isang himno ng salita ng Diyos “Ang Katotohanan ng Bunga ng Kasamaan ng Tao na Gawa ni Satanas”:

1 Sa loob ng maraming taon, ang mga kaisipang naging sandigan ng mga tao para manatiling buhay ay sumisira na sa kanilang puso hanggang sa sila ay maging taksil, duwag, at kasuklam-suklam. Hindi lamang sila walang malakas at matibay na pagpapasya, kundi sila rin ay naging ganid, mapagmataas at sutil. Walang-wala silang anumang paninindigan na dumaraig sa sarili, at higit pa riyan, wala silang katiting na tapang na iwaksi ang mga paghihigpit ng mga impluwensiyang ito ng kadiliman.

2 Ang saloobin at buhay ng mga tao ay bulok na bulok kaya ang kanilang mga pananaw tungkol sa paniniwala sa Diyos ay napakapangit pa rin, at kahit kapag nagsasalita ang mga tao tungkol sa kanilang mga pananaw sa paniniwala sa Diyos, talagang hindi iyon matitiis pakinggan. Ang lahat ng tao ay duwag, walang kakayahan, kasuklam-suklam, at marupok. Wala silang nadaramang pagkasuklam para sa mga puwersa ng kadiliman, at wala silang nadaramang pagmamahal para sa liwanag at katotohanan; sa halip, ginagawa nila ang lahat upang maalis ang mga ito.

—Sundan ang Cordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin

Matapos pag-isipan ang mga salita ng Diyos, naintindihan ko na. Madalas akong nagpapabaya at iniraraos lang ang gawain, sinusubukang lokohin ang Diyos sa aking tungkulin dahil namumuhay ako sa mga satanikong pilosopiya, tulad ng “Maigsi ang buhay. Magpakasaya habang kaya,” “Magpakasaya ka na ngayon,” at “Maigsi ang buhay, kaya magpakasaya habang kaya.” Ang lahat ng kalokohang ito ay ginawang tiwali at binaluktot ang isipan ko. Pakiramdam ko’y magandang desisyon ang mamuhay ng masarap at komportableng buhay. Napakaigsi ng buhay, kaya bakit ko pahihirapan ang sarili ko? Ang pagpapakahirap ay isang kalokohan. Dapat maging mabait ang mga tao sa kanilang sarili, tratruhin nang maayos ang kanilang sarili, at magpakasaya hangga’t kaya nila. Dahil kontrolado ako ng ganitong klase ng pag-iisip, naging tuso ako at minamadali ang lahat ng bagay. Mas lalo akong naging tuso at palihis. Naalala ko noong nag-aaral pa ako, mayroon akong part-time job. Madali lang ang trabaho. Kapag wala ang tagapamahala, tumatakas ako dati pabalik sa dorm para magpahinga, at nag-iisip ng mga paraan para hindi masyadong magtrabaho. Laging sinasabi ng roomate ko na napakatamad ko. Sabi niya na kapag nakakuha ako ng trabaho balang araw, tiyak na mamadaliin ko lang ang trabaho. Nang marinig ko ito, napahiya ako. Pero naisip ko na, “Ayos lang, sabihin mo na ang gusto mong sabihin. Hindi ba’t kahangalan na masyadong magsumikap ang mga tao? Sabi nga nila, ‘Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.’ Sinong hindi sumusubok na mamuhay para sa kanilang sarili? Hindi ba’t kahangalan na hindi isipin ang sarili?” Matapos kong manalig sa Diyos, namuhay pa rin ako ayon sa mga satanikong pilosopiyang ito, at ang tanging inisip ko lang ay kung paano makakamit ang kaginhawahan at kasiyahan ng laman, kaya sa mga tungkulin ko, ginawa ko ang lahat para madaliin ang trabaho at maiwasan ang pagdurusa ng laman. Namuhay ako sa mga satanikong pilosopiyang ito, kaya palagi kong pinipigilan ang sarili ko sa aking tungkulin, at hindi kailanman ibinigay ang lahat ng makakaya ko, at hindi kailanman taos-pusong nagbayad ng halaga. Palagi akong nakakaraos gamit ang mga pandaraya, katusuhan, at panlilinlang. Kahit na no’ng inilantad at iwinasto ako ng aking lider, hindi pa rin ako natauhan. Nakita kong ako’y naging medyo manhid at ganap na kontrolado ng mga satanikong pilosopiyang ito. Ginawa ko ang tungkulin ko nang hindi iniisip ang pagsulong, at hindi ko rin sinubaybayan talaga ang gawain, na naging dahilan para maging tamad ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin at hindi umuusad, at para kasama kong matanggal ang dalawa pang kapatid. Talagang ipinapahamak ko ang aking sarili at ang iba sa paggawa ng tungkulin ko nang ganito. Nakita kong ginawa akong tiwali ni Satanas at nawalan na ng pinakadiwa ng pagiging isang tao. Ako ay naging isang taong tamad, makasarili, tuso, at palihis. Pakiramdam ko’y namumuhay ako sa isang kaawa-awa at kahiya-hiyang paraan. Tahimik akong nanalangin sa Diyos. Sabi ko, “Diyos ko! Ayoko nang mamuhay nang ganito. Pakiusap, iligtas Mo ako mula sa gapos ng aking satanikong disposisyon.”

Kalaunan, sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, nakahanap ako ng isang landas ng pagsasagawa. Sabi ng Diyos, “Lahat ng ipinagagawa ng Diyos sa mga tao, at lahat ng iba’t ibang uri ng gawain sa sambahayan ng Diyos—lahat ng ito ay nangangailangan ng mga taong gagawa, lahat ng ito ay binibilang na mga tungkulin ng mga tao. Kahit ano pang gawain ang gawin ng mga tao, ito ang tungkuling dapat nilang gampanan. Napakalawak ng saklaw ng mga tungkulin, at kinapapalooban ng maraming aspeto—pero kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan mo, sa madaling salita ay obligasyon mo ito, ito’y isang bagay na dapat ginagawa mo. Kahit ano pang tungkulin ang ginagampanan mo, hangga’t pinagsisikapan mong pagbutihan ito, pupurihin ka ng Diyos, at kikilalanin ka bilang isang taong tunay na naniniwala sa Diyos. Kahit sino ka pa, kung lagi mo na lang sinusubukang iwasan o pagtaguan ang iyong tungkulin, may problema nga: Sa magaan na pananalita, masyado kang tamad, masyadong mapanlinlang, batugan ka, mahilig ka sa kalayawan at namumuhi ka sa paggawa; sa mas seryosong pananalita, hindi bukal sa loob mong gampanan ang iyong tungkulin, wala kang dedikasyon, walang pagsunod. Kung hindi mo man lang mapagsumikapan ang maliit na gampaning ito, ano ang kaya mong gawin? Ano ang kaya mong gawin nang wasto? Kung tunay ngang tapat ang isang tao, at ginagawa ang mga responsibilidad sa kanyang tungkulin, kung gayon hangga’t hinihingi ito ng Diyos, at hangga’t kailangan ito ng sambahayan ng Diyos, gagawin nila ang anumang iutos sa kanila, nang hindi namimili. Hindi ba’t isa sa mga prinsipyo ng pagganap sa tungkulin ng isang tao ay gawin at kumpletuhin ang anumang makakaya at nararapat gawin ng isang tao? (Oo.) Hindi sang-ayon ang ilang gumagawa ng manu-manong trabaho, at sinasabing, ‘Ginugugol ninyo ang buong maghapon sa paggawa ng inyong tungkulin sa inyong silid, na protektado mula sa ihip ng hangin at init ng araw. Wala man lang kahirap-hirap ito, mas madali ito kaysa sa amin. Ilagay ninyo ang sarili ninyo sa sitwasyon namin, tingnan natin kung kakayanin ba ninyo pagkaraan ng ilang oras ng pagtatrabaho sa labas sa hangin at ulan.’ Sa katunayan, bawat tungkulin ay may kasamang kaunting hirap. Ang pisikal na trabaho ay may kasamang pisikal na hirap, at ang trabahong pang-isipan ay may kasamang hirap sa isipan; bawat isa ay may mga paghihirap. Lahat ay mas madaling sabihin kaysa gawin. Kapag talagang kumilos naman ang mga tao, sa isang banda, dapat mong tingnan ang kanilang mga katangian, at sa isa pang banda, kailangan mong tingnan kung mahal ba nila ang katotohanan. Pag-usapan muna natin ang katangian ng mga tao. Kung ang isang tao ay may mabuting mga katangian, nakikita niya ang positibo sa lahat ng bagay, at nagagawa niyang tanggapin at unawain ang mga bagay na ito mula sa positibong pananaw at batay sa katotohanan; ibig sabihin, ang kanyang puso, mga katangian, at espiritu ay matuwid—mula ito sa pananaw ng mga katangian. Sunod nating pag-usapan ang isa pang aspeto—kung mahal ba ng isang tao ang katotohanan o hindi. Ang pagmamahal sa katotohanan ay tumutukoy sa kakayahang tanggapin ang katotohanan, na ibig sabihin kung, naiintindihan mo man ang mga salita ng Diyos o hindi, at kung nauunawaan mo man ang kalooban ng Diyos o hindi, kung naaayon man sa katotohanan ang iyong pananaw, opinyon, at perspektibo tungkol sa trabaho, ang tungkuling dapat mong gampanan, nagagawa mo pa rin itong tanggapin mula sa Diyos, at masunurin at taos, sapat na ito, ginagawa ka nitong karapat-dapat na gampanan ang tungkulin mo, ito ang pinakamababang kinakailangan. Kung ikaw ay masunurin at taos, kapag isinasagawa mo ang isang gawain, hindi ka pabaya at walang interes, at hindi ka humahanap ng mga paraan para magpakatamad, kundi ay naroon ang iyong buong katawan at kaluluwa. Ang pagkakaroon ng maling kalagayan sa kalooban ay nagbubunga ng pagiging negatibo, na dahilan upang mawalan ng gana ang mga tao, kaya nga nawawalan sila ng ingat at nagiging pabaya. Ang mga taong lubos na nakakaalam, sa puso nila, na hindi tama ang kanilang kalagayan, subalit hindi pa rin nagsisikap na ayusin ito sa pamamagitan ng paghahanap sa katotohanan: ang gayong mga tao ay walang pagmamahal sa katotohanan, at babahagya lang ang kahandaan nilang gampanan ang kanilang tungkulin; atubili silang gumawa ng anumang pagsisikap o magpakahirap, at lagi silang naghahanap ng mga paraan para magpakatamad. Sa katunayan, nakita na ng Diyos ang lahat ng ito—kaya bakit hindi Niya pinapansin ang mga taong ito? Hinihintay lang ng Diyos na magising ang mga taong hinirang Niya at tukuyin ang mga ito sa kung ano talaga ang mga ito, para ilantad at palayasin nila ang mga ito. Gayunman, iniisip pa rin ng gayong mga tao sa kanilang sarili, ‘Tingnan ninyo kung gaano ako katalino. Pareho ang kinakain natin, pero pagkatapos magtrabaho ay pagod na pagod na kayo. Hindi man lang ako napagod. Ako ang matalino; sinumang gumagawa ng tunay na gawain ay isang hangal.’ Tama bang maging ganito ang tingin nila sa matatapat na tao? Hindi. Sa katunayan, ang mga taong gumagawa ng tunay na gawain kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin ay isinasagawa ang katotohanan at binibigyang-kasiyahan ang Diyos, kaya sila ang pinakamatatalinong tao sa lahat. Ano ang ikinakatalino nila? Sinasabi nila, ‘Hindi ko ginagawa ang anumang bagay na hindi naman ipinagagawa ng Diyos, at ginagawa ko ang lahat ng ipinagagawa Niya sa akin. Ginagawa ko ang anumang iutos Niya, at ginagawa ko ito nang may puso, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para rito, at hindi ako nandaraya sa anumang paraan. Hindi ko ito ginagawa para sa sinumang tao, ginagawa ko ito para sa Diyos. Mahal na mahal ako ng Diyos, dapat ko itong gawin para mabigyang-kasiyahan ang Diyos.’ Ito ang tamang kalagayan ng isipan, at ang resulta ay na pagdating ng oras para linisin ang iglesia, ang mga madaya sa pagganap sa kanilang tungkulin ay palalayasing lahat, samantalang ang matatapat na tao at tumatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay mananatili. Ang kalagayan ng matatapat na taong ito ay yumayabong sa paisa-isang kalakasan, at pinoprotektahan sila ng Diyos sa lahat ng pangyayaring dumarating sa kanila. At ano ang mayroon sila at pinoprotektahan sila nang ganito? Dahil sa puso nila, sila’y matapat. Hindi nila kinatatakutan ang hirap o pagod kapag ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, at hindi sila namimili tungkol sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila; hindi sila nagtatanong kung bakit, ginagawa lamang nila kung ano ang iniutos sa kanila, sumusunod sila, nang hindi na nagsusuri o nagsisiyasat pa, o isinasaalang-alang ang iba pa mang bagay; wala silang lihim na motibo, subalit may kakayahan silang maging masunurin sa lahat ng bagay. Ang panloob nilang kalagayan ay laging normal na normal; kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan sila ng Diyos; kapag dumarating sa kanila ang sakit o salot, pinoprotektahan din sila ng Diyos—lubos silang pinagpapala(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)). Matapos kong pagnilayan ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na. Ang mga nananalig sa Diyos ay dapat gumawa ng mga tungkulin nang may tapat na puso at sa mapagpakumbabang paraan, hindi ang isipin ang mga personal na pakinabang at kawalan, hindi ang gumawa ng mga panloloko, at gumawa sa abot ng kanilang makakaya. Kapag nagkakaproblema, kailangan nating solusyunan kaagad ang mga ito at gawin ang lahat ng makakaya natin sa ating mga tungkulin. Sa ganitong paraan lang tayo magiging mga tapat na tao sa harap ng Diyos at magkakamit ng proteksyon at mga pagpapala ng Diyos. Matapos matanggal, gumawa pa rin ako ng mga larawan sa libre kong oras, at naalala ko kung paanong dati ay makasarili ako, kasuklam-suklam, nagsasaalang-alang sa laman, ayaw magsakripisyo sa mga tungkulin ko, at hindi nagkaroon ng magagandang resulta. Sobra akong nakonsensya, at sinadya kong subukang magbago. Nagsimula akong matuto ng mga bagong pamamaraan, at sinubukan kong gumawa sa mga bagong paraan. Kapag nagkakaroon ako ng mga problema, nagdarasal ako sa Diyos, at humihingi ng tulong sa iba, gumagawa ng paulit-ulit na mga rebisyon batay sa kanilang mga suhestiyon. Sa tuwing nagdidisenyo ako ng bagong larawan, isinasaalang-alang ko ang bawat anggulo nito para makita kung may iba pang paraan para makagawa ng panibago at mag-innovate. Sa ganitong paraan, matapos kong pagsikapang isagawa ang tungkulin ko sa loob ng maikling panahon, nakita ko ang biyaya ng Diyos. Nakagawa ako ng ilang pambihirang tagumpay sa mga konsepto at pamamaraan ng aking komposisyon, at sinabi ng mga kapatid na ang mga larawang ginagawa ko ngayon ay mas magaganda kaysa sa dati. Nakahanap ako ng kagustuhan na gawin ang tungkulin ko at nagawa kong magbigay ng inspirasyon sa aking mga kapatid sa tungkulin nila. Gusto ng lahat na mag-innovate, at maging mas mahusay.

Panatag ako kapag tunay akong nagsusumikap sa aking tungkulin, ‘pag isinasapuso ko ito. May nasasabi ako kapag nagdarasal ako. Nagkamit din ako ng kaunting pag-unawa sa ilang bagay-bagay at medyo nakasulong sa aking propesyon. Nang ilaan ko ang buong pagsusumikap ko sa aking tungkulin, talagang hindi ako masyadong napagod. Kahit na minsan, kailangan itong mas pag-isipan, puno ako ng kapanatagan at kagalakan. Nakita ko na ang mga hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi mahirap, na kayang makamit ang mga ito sa kaunting pagsisikap, at labis ang pasasalamat ko sa Diyos. Makalipas ang ilang panahon, ibinalik ako sa tungkulin ko. Labis ang pasasalamat ko, pero pakiramdam ko rin ay hindi ako karapat-dapat, kaya nagdasal ako sa Diyos: “Diyos ko! Sa pagkataong tulad ng sa akin, hindi talaga ako karapat-dapat na magsagawa ng isang tungkulin, at na maitaas nang ganito. Nais kong gawin ang lahat ng makakaya ko sa tungkuling ito, at kung itatrato ko pa rin ang tungkulin ko na gaya ng dati, hinihiling kong disiplinahin at parusahan Mo ako nang sa gayon ay tunay akong magsisi at tapat na maisagawa ang aking tungkulin para masuklian ko ang pagmamahal Mo!”

Kalaunan, isinaayos ng lider na ako at ang tatlo pang mga kapatid ay gumawa ng bagong effects. Talagang nangangailangan ng maraming oras at lakas ang proseso ng produksyon, at may mataas na pangangailangan din sa mga larawan nang panahong iyon, kaya talagang nakakapagod ito. Lalo na kapag nagkakapatong-patong na ang mga gawain at kailangang maasikaso, pakiramdam ko’y sasabog na ang ulo ko. Minsan, dahil hindi ko natapos sa oras ang mga larawan, tinanong ako ng isang sister kung bakit napakabagal kong gumawa. No’ng oras na iyon, sumama ang loob ko, at naisip ko, “Nakatuon lang ang lahat sa paggawa ng mga larawan, hindi katulad ko, na kailangang matuto at gumawa ng mga bagong effects kasabay ng paggawa ng mga larawan. Kumakain ito ng mas maraming oras at lakas para sa akin. Kung kakaunting larawan lang ang nagawa ko, anong iisipin ng mga kapatid sa akin? Baka kailangan kong kausapin ang lider namin at sabihing hindi ko kayang gawin ang lahat ng bagong effects na ito, kaya dapat siyang maghanap ng ibang gagawa nito.” Nang mag-isip ako nang ganito, alam kong isinasaalang-alang ko na naman ang laman, kaya sinadya kong kumain at uminom ng mga bahagi ng salita ng Diyos na nauugnay dito. Nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagsasabing, “Gusto ng Diyos ang mga taong matapat at ayaw naman Niya ng mga taong taksil. Dapat malinaw itong maunawaan ng lahat, at huwag nang malito at gumawa ng mga kahangalan. Ang panandaliang kamangmangan ay maaaring unawain, pero ang talagang tumanggi na tanggapin ang katotohanan ay isang sutil na pagtangging magbago. Marunong humawak ng responsibilidad ang mga taong matapat. Hindi nila isinasaalang-alang ang sarili nilang mga pakinabang at kawalan, bagkus iniingatan nila ang gawain at mga interes ng sambahayan ng Diyos. Mayroon silang mabait at matapat na puso na gaya ng isang mangkok ng malinaw na tubig na makikita mo ang ilalim sa isang sulyap. Wala rin silang itinatago sa kanilang mga kilos. Ang isang taong mapanlinlang ay laging nanloloko, laging ikinukubli ang mga bagay-bagay, pinagtatakpan, at binabalot nang husto ang sarili para walang sinumang makahalata sa kanya. Hindi naaaninagan ng mga tao ang iyong mga saloobin, pero kaya ng Diyos na makita ang pinakamalalalim na bagay sa iyong puso. Kung nakikita ng Diyos na hindi ka isang matapat na tao, na tuso ka, na hindi mo kailanman tinatanggap ang katotohanan, na lagi mo na lang sinusubukang linlangin Siya, at na hindi mo ibinibigay ang iyong puso sa Kanya, kung gayon ay hindi ka mamahalin ng Diyos, kapopootan at tatalikuran ka Niya. Lahat ng umuunlad sa mga hindi mananampalataya—mga taong matamis ang dila at mabilis mag-isip—anong uri ng mga tao ang mga ito? Malinaw ba ito sa inyo? Ano ang diwa nila? Masasabi na lahat sila ay pambihira ang pagiging magulang, sobrang tuso at daya nilang lahat, sila ang tunay na diyablong si Satanas. Maaari bang iligtas ng Diyos ang isang taong gaya nito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi ang mga diyablo—mga taong tuso at mapanlansi. Hinding-hindi ililigtas ng Diyos ang gayong mga tao, kaya anuman ang gawin ninyo, huwag kayong maging kagaya ng taong ito. Sila na laging maingat at isinasaalang-alang ang lahat ng anggulo sa kanilang pananalita, na nakikita kung ano ang opinyon ng nakararami at tuso sa pangangasiwa sa kanilang mga gawain—sinasabi Ko sa iyo, kinasusuklaman ng Diyos ang gayong mga tao higit sa lahat, hindi na matutubos pa ang mga taong gaya nito. … Kung, sa buong pananampalataya nila sa Diyos, hindi hinahanap ng mga tao ang katotohanan, hindi mahalaga kung ilang taon na silang naging mananampalataya; sa huli, wala silang mapapala. Kung nais nilang matamo ang Diyos, kailangang matamo nila ang katotohanan. Kung maunawaan nila ang katotohanan, maisagawa ang katotohanan, at mapasok ang realidad ng katotohanan, saka lamang sila magtatamo ng katotohanan, at maliligtas ng Diyos; at saka lamang sila magtatamo ng pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos; at ito lamang ang pagtatamo sa Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsibilidad ng mga Lider at Manggagawa). Matapos basahin ang salita ng Diyos, napagtanto kong may mga mali pa rin akong pananaw. Dati, hinahangaan ko ‘yung “mauutak”. Akala ko, ginagawa lang nila ang mga bagay na magpapabango sa kanila, na mga tamang shortcut ang ginagamit nila, at laging nakakamit ang kanilang mga layon sa pinakakaunting pagsisikap. Inisip kong matalino ito at madiskarte, at nangarap akong maging tulad ng gano’ng tao. Noon lamang matapos kong basahin ang mga salita ng Diyos saka ko naunawaan na para sa Diyos, katusuhan ito, hindi katalinuhan. Para sa kanilang mga sariling interes, kaya nilang gamitin ang lahat ng uri ng kasuklam-suklam na pamamaraan. Ang mga gano’ng tao ay hindi maintindihan at may kalikasan ng diyablo. Gusto ng Diyos ang mga simple at tapat na tao, mga taong walang panlilinlang sa kanilang puso, mga taong walang masyadong masasamang motibo, mga taong kayang tanggapin ang mga atas na ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, at ‘yung mga gumagawa nang buong puso at sa praktikal na paraan. Sinusuri ng Diyos ang ating puso at isip, at tinatrato tayo nang magkakaiba ayon sa ating diwa. Ang saloobin ng Diyos sa mga mapanlinlang ay pagkasuklam. Hindi Niya binibigyan ng kaliwanagan ang mga ito upang maunawaan ang katotohanan, at sa huli ay itinitiwalag ang mga ito, ngunit binibigyan Niya ng kaliwanagan at ginagabayan ang mga tapat na tao. Tapos naisip ko ang sarili ko. Sa tungkulin ko, noong kailangan kong magbayad ng halaga at tiisin ang pagdurusa ng laman, ginusto kong iwasan ang tungkulin ko para hindi ako mapagod. Makasarili ito at masama, at isang pagpapahayag ng katusuhan. Kapag ginawa ko ito, kamumuhian ako ng Diyos. Sa puntong ito, bigla kong napagtanto na ang tungkuling ito ay pagsubok ng Diyos sa akin para makita kung nakasulong na ako, at kung naging responsable ako sa aking tungkulin, at kung kaya kong pumili nang tama sa pagitan ng tungkulin at pisikal na kaginhawahan. Kapag iniwasan ko ang tungkulin ko para protektahan ang mga sarili kong interes, mawawalan ako ng patotoo sa pagsubok na ito. Binalikan ko ang nakaraang mga araw. Kahit na medyo pagod ako sa tungkulin ko, parang tumaba ang puso ko. Mas marami akong inaalala at problema sa aking tungkulin, pero napalapit din ako sa Diyos para mas maghanap ng katotohanan at mga prinsipyo. Araw-araw akong may nakakamit, at napakamakabuluhan nito sa akin. Dati, kaginhawahan ang inaasam ko, at ang hindi pagurin ang aking laman, pero wala akong pag-usad o mga nakamit, wala akong nararamdamang kasiyahan, at iniwan ako ng Banal na Espiritu. Ang gano’ng uri ng pasakit ay mas malala kaysa pisikal na pasakit. Hindi na ako puwedeng maging mapanlinlang. Pagkatapos noon, sinuri ko ulit ang gawaing mayroon ako, at kapag talagang nahihirapan ako, humihingi ako ng tulong sa namamahalang kapatid, gumugugol ng lakas na kaya kong ibigay, at ginagawa ang kinakailangan kong gawin sa abot ng aking makakaya. Mas naging magaan ang pakiramdam ko sa paggawa nito.

Ang pagliligtas ng Diyos sa akin ang tunay na nakapagpabago sa akin nang kaunti at nagawa kong gampanan ang aking tungkulin sa praktikal na paraan at mamuhay nang may kaunting wangis ng tao. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Rosalie, Timog KoreaSinimulan kong diligan ang mga baguhan sa iglesia dalawang taon na ang nakararaan. Alam kong isa talaga itong...

Leave a Reply