Pagninilay sa Pagkawala ng Aking Tungkulin

Enero 10, 2022

Ni Wang Lin, South Korea

Dahil may kaunti akong kakayahan sa pagwe-welding, naatasan ako noong 2017 na mag-asikaso ng ilang gawain sa iglesia. Ito’y isang tungkuling pisikal ang pangangailangan at may ilang overtime na kasama. Minsan, hindi ako makakain o makadalo ng mga pagtitipon nang tama sa oras. Nung una, wala akong pakialam, iniisip ko na ang pagkakaroon ng pagkakataong gamitin ang kakayahang iyon sa aking tungkulin ay isang karangalan para sa akin. Gusto kong ibuhos dito ang lahat ng mayroon ako. ’Di nagtagal, mas naging abala ang aming grupo, at naging napakahirap ng tungkulin ko. Medyo napagod ako makalipas ang kaunting panahon at nagsimulang makaramdam ng sama ng loob.

Isang beses sa isang pagtitipon, biglang sinabi ng isang kapatid na kailangan naming tumulong na magbaba ng ilang materyales. Ayoko talagang gawin ito. Nagtaka ako kung bakit hindi ito makapaghintay hanggang matapos ang pagtitipon, at kung ito’y kailangang-kailangan na, may ibang pwedeng gumawa nito! Bakit kailangang kami? Katulong na lang ba ang silbi namin? Dahil sa ganitong paglaban ng kalooban ko, kahit pumunta ako, talagang nagmamabagal ako. Hindi ko ibinigay ang lahat ko rito, sa halip ay iniraos lang ito. Ang lahat ng iba ay gumagawa nang lagpas sa oras kapag may biglang kinakailangang gawin sa bandang huli, pero nagsho-shortcut ako hangga’t kaya ko. Kung pwede kong bawasan ang trabaho ko, iniiwasan kong magsumikap. Kapag kailangan kong magtrabaho nang dagdag na ilang oras pa, sumasama ang loob ko at ayoko, na para bang ako’y sobrang ginagawan ng mali Natapos ko nga ang gawain, pero mabigat naman sa kalooban ang pagkakagawa nito. Gusto kong maghinay-hinay na sa oras na matapos ko ang gawain na iniatas sa akin ng pinuno ng grupo at ayokong tumulong sa iba na hindi pa tapos. Naisip kong gawain nila ’yun at walang kinalaman sa akin. Sinaway ako ng pinuno ng grupo at iwinasto ako, nang makitang nagmamabagal ako, pero akala ko’y sobrang namumuna lang siya at hindi ko pinagnilayan ang sarili ko. Talagang pasibo kong ginawa ang tungkulin ko sa ganitong paraan, kontento na sa pinakakaunting dapat gawin. Ang ibang mga kapatid ay talagang nagsusumikap, at ’di ko lang sila hindi kinainggitan, pero palihim ko pa silang pinagtawanan. Isang beses, habang naglilipat ng ilang kahoy, paisa-isang bigkis lang ang dinadala ko, habang ang isa pang kapatid ay dala-dalawa. Naisip ko, “Bakit mo pinapatay ang sarili mo? Isa kang hangal. Hindi na kailangan niyan kahit pa mayroon kang lakas. Papagurin mo ang sarili mo.” Sa katunayan, mas bata ako sa kanya, kaya ang padala-dalawang pagdadala ay hindi magiging problema sa akin, pero sasakit ang katawan ko sa pagbubuhat ng ganun karami. Hindi ko gagawin iyon. Nang makita akong papetiks-petiks sa aking trabaho, sinita ako ng ibang kapatid at sinabihan akong maging mas masigasig sa aking tungkulin, pero wala akong pakialam. Pakiramdam ko’y natatapos ko naman ito, kaya hindi ito nakasasama. Dahil tumanggi akong itama ang aking saloobin tungo sa aking tungkulin, ang paghatol at pagkastigo ng Diyos ay dumating sa akin.

Noong ika-21 ng Hulyo ng taong ito, noong nasa kalagitnaan ako ng gawain, biglang sinabi sa akin ng pinuno ng grupo na kulang ako sa pagkatao at naging tamad ako sa aking tungkulin, kaya’t hindi ako akma para sa posisyon. Pinanghinaan ako ng loob nang matanggap ko ang balita. Kung walang tungkulin, papaano na ako? May anumang pag-asa pa ba ako na maligtas? Lalo’t lalo akong nadismaya at talagang nalubog sa depresyon. Agad akong lumuhod sa harap ng Diyos sa panalangin. “O Diyos! Alam kong hinayaan Mong mangyari ito sa akin, pero ’di ko maintindihan ang Iyong kalooban dito at hindi ko alam kung anong aral ang dapat kong matutuhan. Pakiusap, bantayan Mo po ang puso ko nang sa gayo’y makapagpasakop ako sa Iyong gawain at hindi maghanap ng kapintasan.” Mas kumalma ako pagkatapos ng aking dasal. Nang nakaimpake na ang mga gamit ko’t paalis na ako, pinagmasdan ko ang ibang mga kapatid sa may kalayuan, lahat ay nagmamadaling pumaroo’t parito, masigasig na gumagawa habang ako’y paalis na. Sumama ang pakiramdam ko. Mahigit 10 taon na akong mananampalataya at palagi kong naramdaman na ako’y isang taong naghahangad sa katotohanan, na kayang gumawa ng mga sakripisyo. Hindi ko kailanman naisip na aalisin ako mula sa isang tungkulin. Kung ni hindi ako akma para sa paggawa ng isang tungkulin, anong kaya kong gawin? Hindi ko naintindihan kung bakit sinabi ng pinuno ng grupo na kulang ako sa pagkatao. Sa pangkalahatan ay wala akong anumang uri ng hidwaan sa iba at nakasundo ko naman ang lahat. Pakiramdam ko’y walang anumang mali sa aking pagkatao. Tungkol naman sa aking tungkulin, pakiramdam ko’y gumugol naman ako ng marami-raming lakas dito. Pero napagtanto kong ang Diyos ay matuwid, kaya kung ginagawa ko nang maayos ang tungkulin ko, hindi ako tatanggalin. Matapos mawala ang aking tungkulin, hindi ko na kailangang maging sobrang abala o labis na magtrabaho palagi, pero talagang dismayado ako, talagang malungkot. Palagi akong humaharap sa Diyos sa panalangin, humihiling sa Kanyang bigyang-liwanag ako para makilala ko ang aking sarili. Sa isang punto nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Palaging ipinagyayabang ng ilang tao na nagtataglay sila ng mabuting pagkatao, sinasabing hindi sila kailanman nakagawa ng anumang masama, nakapagnakaw ng mga pag-aari ng iba, o nakapaghangad ng mga pag-aari ng ibang tao. Umaabot pa sila sa puntong pinahihintulutan nila ang iba na makinabang sa kanilang sariling kapinsalaan kapag mayroong pagtatalo sa mga interes, pinipiling dumanas ng pagkatalo, at hindi sila nagsasabi ng anumang masama tungkol sa sinuman para lamang isipin ng lahat na mabubuti silang tao. Gayunpaman, kapag ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa bahay ng Diyos, tuso at madaya sila, palaging nagbabalak para sa kanilang sarili. Hindi nila kailanman iniisip ang kapakanan ng bahay ng Diyos, hindi nila kailanman tinatrato na madalian ang mga bagay na tinatrato ng Diyos na madalian o nag-iisip gaya ng pag-iisip ng Diyos, at hindi nila kailanman kayang isantabi ang mga sarili nilang kapakanan upang magampanan ang kanilang mga tungkulin. Hindi nila kailanman tinalikdan ang sarili nilang kapakanan. Kahit na nakikita nilang gumagawa ng kasamaan ang masasamang tao, hindi nila inilalantad ang mga ito; wala silang mga prinsipyo o kung anuman. Hindi ito isang halimbawa ng mabuting pagkatao. Huwag ninyong pansinin ang sinasabi ng gayong tao; kailangan ninyong makita ang kanyang ipinamumuhay, ang kanyang ipinapakita, at ang kanyang saloobin kapag ginagampanan niya ang kanyang mga tungkulin, pati na ang kalagayang panloob niya at ang kanyang minamahal(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Sa pagninilay-nilay rito, napagtanto kong akala ko may mabuti akong pagkatao dahil may ilang mabubuting bagay akong ginawa sa panlabas, pero hindi talaga ito nakaayon sa katotohanan. Hinahatulan ng Diyos ang pagkatao ng isang tao batay sa kanyang pagganap at saloobin sa kanyang tungkulin. Ito’y tungkol sa kung isinasantabi ba niya ang kanyang mga personal na interes at itinataguyod ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Ang isang taong may tunay na mabuting pagkatao ay tapat sa Diyos sa kanyang tungkulin. Kaya niyang magdusa’t magbayad ng halaga. Sa mga kritikal na panahon, kaya niyang talikdan ang sarili niyang laman at itaguyod ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Pagkatapos noon, sinimulan kong pagnilayan kung talaga bang nagtataglay ako ng pagkatao o hindi, at anong uri ng saloobin ang mayroon ako sa aking tungkulin batay sa mga salita ng Diyos.

Binasa ko ang siping ito: “Lahat ng umuusbong mula sa mga hinihingi ng Diyos, ang sari-saring mga aspeto ng paggawa at ng gawain na may kaugnayan sa mga hinihingi ng Diyos—nangangailangan itong lahat ng kooperasyon ng tao, lahat ng ito’y katungkulan ng tao. Napakalawak ng saklaw ng mga katungkulan. Responsibilidad mo ang mga tungkulin, ang mga ito ang nararapat mong gawin, at kung lagi mong inaayawan ang mga ito, kung gayon ay may problema. Sa magaan na pananalita, masyado kang tamad, masyadong mapanlinlang, batugan ka, mahilig ka sa kalayawan at namumuhi ka sa paggawa; sa mas seryosong pananalita, hindi bukal sa loob mong gampanan ang iyong tungkulin, wala kang dedikasyon, walang pagsunod. Kung hindi mo man lang mapagsumikapan ang maliit na gampaning ito, ano ang kaya mong gawin? Ano ang kaya mong gawin nang wasto? Kung tunay ngang tapat ang isang tao, at ginagawa ang mga responsibilidad sa kanyang tungkulin, kung gayon hangga’t hinihingi ito ng Diyos, at hangga’t kailangan ito ng sambahayan ng Diyos, gagawin nila ang anumang iutos sa kanila, nang hindi namimili; susuungin at kukumpletuhin nila ang anumang makakaya nila at nararapat nilang gawin. Ito ba ang kailangang maunawaan ng mga tao, at kailangan nilang makamit? (Oo.) Hindi sang-ayon dito ang ilang tao, at sinasabing, ‘Hindi ninyo kailangang suungin maghapon ang hagupit ng hangin o ang matinding init ng araw, hindi ninyo kailangang magdusa ng anumang hirap. Madali lang para sa inyong itango ang inyong ulo bilang pagsang-ayon, subalit tatango ka ba kung sinabihan kang lumabas sa matinding init ng araw nang ilang oras?’ Hindi mali ang mga pananalitang ito; madali lang talagang sabihin subalit mahirap gawin. Kapag talagang kumilos naman ang mga tao, sa isang banda, dapat mong tingnan ang kanilang mga katangian, at sa isa pang banda, dapat mong tingnan kung gaano nila kamahal ang katotohanan. Pag-usapan muna natin ang katauhan ng mga tao. Kung ang isang tao ay may mabuting mga katangian, nakikita niya ang positibo sa lahat ng bagay, niyayakap niya ang mga bagay-bagay, at sinusubukang unawain ang mga ito nang may positibo at aktibong pananaw; ibig sabihin, ang kanyang puso, mga katangian, at ugali ay matuwid—mula ito sa pananaw ng mga katangian. Ang isa pang aspeto ay kung gaano nila kamahal ang katotohanan. Saan ito nauugnay? Ang ibig sabihin nito ay gaano man nauugnay sa katotohanan ang mga opinyon, saloobin, at pananaw tungkol sa isang bagay ang nasa isip mo, gaano man karami ang nauunawaan mo, nagagawa mo itong tanggapin mula sa Diyos; sapat nang masunurin at tapat ka. Kapag masunurin ka at tapat, hindi ka tatamad-tamad kapag nagtatrabaho, at nagsisikap ka talaga nang husto. Kapag nasa puso ang iyong paggawa, susunod ang iyong mga kamay. Kapag nasisiraan ka ng loob, kapag hindi ka na sumusubok, nagiging mapanlinlang ka na, at nagsisimula ka nang mag-isip: ‘Anong oras kaya ang hapunan? Paanong napakaaga pa? Nakakaasar talaga—kailan ako matatapos sa tila walang-katapusang trabahong ito? Hindi ako hangal; gagawin ko lamang kung ano ang kailangan, hindi ko ibubuhos ang lahat ng magagawa ko para rito.’ Ano ang masasabi mo sa mga katangian ng taong ito? Matuwid ba ang kanyang mga intensyon? (Hindi.) Nailantad na sila. May pagmamahal ba sa katotohanan ang gayong mga tao? Gaano nila kamahal ang katotohanan? Babahagya lamang ang kagustuhan nilang magtrabaho; hindi naman ganoon kasama ang kanilang konsensya, makagagawa pa rin naman sila ng kaunti, subalit hindi talaga sila nagsisikap; lagi silang tatamad-tamad, gusto lamang nilang gawin ang mga bagay kung saan nagmumukha silang mabuti; kapag oras nang magtrabaho, doon lumilitaw ang kanilang mga tusong pakana at masasamang intensyon, doon lumilitaw ang kanilang masasamang saloobin, at ang kanilang pagpapakitang-gilas. Mabagal at hindi mabisang magtrabaho ang ganitong mga tao. Lagi na lamang silang nakakasira ng mga kasangkapan at kagamitan. Maaaring matagalan ang ibang mga tao na matuklasan ito, subalit sa sandaling may masamang saloobin na nasa kanilang isipan, sa sandaling may umusbong na saloobin sa kanila na sumasalungat sa katotohanan, alam ng Diyos, nakikita ng Diyos. Subalit iniisip pa rin nila sa kanilang sarili, ‘Tingnan mo kung gaano ako katalino. Pareho tayo ng kinaing pagkain, subalit wala akong ginastos kahit magkano. Pagkaraang matapos ninyo ang inyong gawain, magsusukatan na kayo—pero tingnan ninyo ako, mas nadadalian ako. Ako ang siyang matalino; ang lahat ng nagtatrabaho nang husto ay mga hangal.’ Sa totoo lang, ang ‘mga hangal’ ang siyang matatalino. Ano ang ikinakatalino nila? Sinasabi nila, ‘Hindi ko ginagawa ang anumang bagay na hindi naman ipinagagawa ng Diyos, at ginagawa ko ang lahat ng ipinagagawa Niya sa akin. Ginagawa ko ang anumang iutos Niya, at ginagawa ko ito nang may puso, ibinibigay ko rito ang 120%, ginagawa ko ang lahat ng aking makakaya para rito, at hindi ako nandaraya sa anumang paraan. Hindi ko ito ginagawa para sa sinumang tao, ginagawa ko ito para sa Diyos, at ginagawa ko ito sa harapan ng Diyos upang makita ng Diyos; hindi ko ito ginagawa para makita ng kung sinumang tao.’ At ang resulta? Nagtatanggal ng mga tao ang isang grupo, ngunit ang natitira ay ang ‘mga hangal;’ sa isa namang grupo ay nalalantad ang ilang tao, subalit ang ‘mga hangal’ ay hindi; sa halip, lalong bumubuti ang kanilang kalagayan, at pinoprotektahan sila ng Diyos sa lahat ng pangyayaring dumarating sa kanila. At ano ang mayroon sila at pinoprotektahan sila nang ganito? Sa kanilang puso, sila’y matapat. Hindi nila kinatatakutan ang hirap o pagod, at hindi sila namimili tungkol sa anumang bagay na ipinagkakatiwala sa kanila; hindi sila nagtatanong kung bakit, ginagawa lamang nila kung ano ang iniutos sa kanila, sumusunod sila, nang hindi na nagsusuri o nagsisiyasat pa, o isinasaalang-alang ang iba pa mang bagay; wala silang mga tusong plano, subalit may kakayahan silang maging masunurin sa lahat ng bagay. Ang panloob nilang kalagayan ay laging normal na normal; kapag nahaharap sa panganib, pinoprotektahan sila ng Diyos; kapag dumarating sa kanila ang sakit o salot, pinoprotektahan din sila ng Diyos—lubos silang pinagpapala(“Kinamumuhian Nila ang Katotohanan, Hayagang Nilalabag ang mga Prinsipyo, at Binabalewala ang mga Pagsasaayos ng Sambahayan ng Diyos (Ikaapat na Bahagi)” sa Paglalantad sa mga Anticristo). Matapos kong basahin ito’y lubos akong nakumbinsi. Lubos na inilantad ng mga salita ng Diyos ang aking pananaw, saloobin, at kalagayan sa aking tungkulin, at nakita kong nakikita ngang talaga ng Diyos ang ating mga kaluluwa. Pinagmamasdan Niya ang ating bawat kilos, ang ating bawat galaw, ang bawat naiisip natin. Noong nagsisimula pa lang ako sa aking tungkulin, lubos ang pagpapasya kong igugol ang sarili ko para sa Diyos at suklian ang Kanyang pagmamahal. Pero lumipas ang ilang panahon, at sa sandaling mas nagsikap ako at mas nagdusa, ang aking tunay na kalikasan ay kusang nagpakita. Nagsimula akong mag-shortcut sa aking tungkulin, sinusubukang makalusot na wala masyadong ginagawa. Naging palaban ako at pakiramdam ko’y inaapi ako kapag kailangan kong gumawa ng kaunting dagdag na gawain at tiisin ang kaunting pisikal na paghihirap. Kapag gumagawa kami, ang lahat ay nagsusumikap, hindi natatakot na mapagod ang kanilang sarili, pero ako’y nagbabagal, pinipili ang madadaling gawain. Nang makita ko ang kapatid na iyon na labis na gumagawa palihim ko pa siyang tinawanan sa pagiging hangal niya, iniisip na ako ’yung matalino, na kaya kong tapusin ang tungkulin ko nang hindi pinapagod ang sarili at habang tinatamasa pa rin ang mga biyaya ng Diyos, nagagawa ko ’yun nang sabay. Kinukwenta ko pa nga ang mga personal kong natamo at nawala sa aking tungkulin. Sobrang katusuhan ito, sobrang kasuklam-suklam! Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na kapag pinagtatawanan ko ang iba sa sa matindi nilang pagsusumikap, ako ang tunay na hangal. Sa lahat ng mga kapatid na iyon, wala ni isa man sa mga inakala kong hangal ang nawalan ng kanilang tungkulin, pero pinatalsik ako kahit na inakala kong sobrang talino ko, kaya nawalan ako ng pagkakataong maglingkod. Ako ang biktima ng sarili kong “katalinuhan.” Ako ang nararapat na tawaging hangal at ang paggawa ng aking tungkulin sa ganoong paraan ay kasuklam-sulam sa Diyos. Ang paggawa nang maayos ng kanyang tungkulin ang dapat na layunin, ang misyon sa buhay ng isang nilikha at isa itong bagay na ipinagkakatiwala ng Lumikha sa sangkatauhan. Ngunit umaasta ako na para bang isa lang akong trabahador, iniraraos lang ito, hindi inaako ang anumang responsibilidad. Tuluyan na akong nawalan ng konsensya at katwiran na tinataglay dapat ng isang nilikha, mas mababa ang halaga ko kaysa sa isang asong tagapagbantay ng pamilya. Buti pa ang aso, kaya nitong pagsilbihan ang amo nito, binabantayan ang kanyang bakuran, at magiging tapat ito sa kanya paano man ito tratuhin. Pero ako, kinakain at iniinom ko ang ibinigay sa akin ng Diyos, tinatamasa ang mga pagpapala ng Kanyang biyaya, pero hindi ko tinatapos ang mga gawaing iniatas Niya sa akin. Mas mababa pa ako sa isang hayop, hindi karapat-dapat na tawaging tao. Ang pagkakatanggal sa aking tungkulin ay isang pagpapamalas ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Ito’y lubos na dala ng aking paghihimagsik. Wala ako ni katiting na pagdududa.

Kalaunan ay nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Kung walang tunay na halaga at walang katapatan kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, kung gayon ay hindi ito umaabot sa pamantayan. Kung hindi mo taimtim na itinuring ang iyong pananampalataya sa Diyos at pagganap sa iyong tungkulin; kung palagi kang kumikilos nang walang pagsisikap at walang interes sa iyong mga kilos, tulad sa isang hindi naniniwala na gumagawa para sa kanilang amo; kung gumagawa ka lamang ng isang walang-katuturang pagsisikap, umaangkop kahit paano nang walang gaanong pagpaplano o pagsisikap sa bawat araw na dumarating, hindi pinapansin ang mga suliranin kapag nakikita mo ang mga ito, nakikita ang isang ligwak at hindi ito nililinis, at walang patumanggang iwinawaksi ang lahat-lahat na hindi na mapakikinabangan—hindi ba ito kaguluhan? Paanong magiging kasapi ng sambahayan ng Diyos ang isang tao na katulad nito? Tagalabas ang gayong tao; hindi siya nabibilang sa sambahayan ng Diyos. Sa puso mo, malinaw sa iyo ang tungkol sa kung ikaw by nagiging tunay, nagiging taimtim, kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, at ang Diyos man ay nagtatala. Kaya, taimtim ba ninyong itinuring ang pagganap ng inyong tungkulin? Isinapuso na ba ninyo ito? Itinuring mo na ba ito bilang iyong pananagutan, iyong pasanin? Inari mo na ba ito? Nagsalita ka ba noong natuklasan mo ang isang suliranin habang ginagampanan ang iyong tungkulin? Kung hindi ka pa kailanman nagsalita pagkaraang matuklasan o naisip man lang ang isang suliranin, kung ayaw mong magbaling ng pansin sa ganitong mga bagay, at iniisip na higit na mabuting maging malayo sa kaguluhan—kung iyan ang prinsipyong dinadala mo patungkol sa mga ito, kung gayon ay hindi mo ginagampanan ang iyong tungkulin; namumuhay ka sa pawis ng iyong pagsisikap, ginagawa mo ang pagsisilbi. Hindi nabibilang sa tahanan ng Diyos ang mga tagapagsilbi. Sila ay mga kawani; pagkaraang tapusin ang kanilang gawain, kinukuha nila ang kanilang salapi at lumilisan, tungo sa kani-kaniyang daan at nagiging banyaga sa isa’t isa. Iyan ang kanilang ugnayan sa sambahayan ng Diyos. Naiiba ang mga kasapi ng sambahayan ng Diyos: Pinaghihirapan nila ang lahat-lahat sa sambahayan ng Diyos, inaako nila ang pananagutan, nakikita ng kanilang mga mata ang mga kailangang gawin sa sambahayan ng Diyos at pinananatili ang mga gawaing ito sa kanilang isip, natatandaan nila ang lahat-lahat na kanilang naiisip at nakikita, may pasanin sila, may pakiramdam sila ng pananagutan—ito ang mga kasapi ng tahanan ng Diyos. Naabot na ba ninyo ang puntong ito? (Hindi.) Kung gayon ay malayo pa ang inyong lalakbayin, kaya dapat ninyong ipagpatuloy ang paghahanap! Kung hindi mo ipinalalagay ang iyong sarili na isang kasapi ng tahanan ng Diyos at tinatanggal ang iyong sarili, kung gayon ay paano ka tinitingnan ng Diyos? Hindi ka itinuturing ng Diyos na isang tagalabas; ikaw ang naglalagay sa iyong sarili sa kabila ng Kanyang pinto. Kaya, sa patas na pananalita, anong uri ka talagang tao? Wala ka sa Kanyang tahanan. May anumang kinalaman ba ito sa kung anong sinasabi o tinutukoy ng Diyos? Ikaw ang naglagay sa iyong katapusan at posisyon sa labas ng sambahayan ng Diyos—sino pa ang maaaring sisihin?” (“Ang Kinakailangan sa Pagganap ng Tungkulin Nang Mabuti, Kahit Papaano, ay Konsensiya” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nang pagnilayan ko ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagsasaalang-alang sa mga interes ng sambahayan ng Diyos sa lahat ng bagay at pagtingin sa sambahayan ng Diyos bilang sarili kong sambahayan ang tanging paraan para palugurin ang Diyos at bigyan Siya ng ginhawa. ’Yun lang ang tanging paraan para mapabilang sa Kanyang sambahayan. Ginagawa ko ang aking tungkulin sa sambahayan ng Diyos, pero dahil sa saloobin ko at pamamaraan ko sa aking tungkulin, hindi talaga ako tunay na miyembro ng Kanyang pamilya. Para akong isang empleyado ng sambahayan ng Diyos, gumagawa lamang sa panlabas nang hindi inilalagay ang puso ko rito. Wala akong pakialam sa anumang bagay na hindi direktang nakaapekto sa akin. Nakita kong talagang walang-wala akong pagkatao at ni anumang integridad. Ni hindi nga ako karapat-dapat na maging tagapagsilbi—isa akong walang pananampalataya. Lubos akong hindi karapat-dapat sa anumang tungkulin sa iglesia.

Pagkatapos noon, walang tigil ako sa pagsusumamo at pagdarasal sa Diyos, pinag-iisipan kung bakit ako nagkaroon ako ng ganoong uri ng saloobin sa aking tungkulin. Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang likas na katangian ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa likas na katangiang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katungkulan? Bakit ka mayroong gayon katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban mo ang lason ni Satanas. Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung magtatanong ka ng, Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat ang buhay ng mga tao?’ sasagot ang mga tao: ‘Bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang mangyari, nariyan ang mga tao para lamang sa kanilang sarili. Samakatuwid, nabubuhay lamang sila para sa kanilang sarili. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na katangian ng tao. Ang mga salitang ito ni Satanas ang mismong lason ni Satanas, at kapag isinapuso ito ng mga tao, nagiging likas na katangian na nila ito. Ang likas na katangian ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kinakatawan ng mga ito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy na pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Tinulungan ako nitong maunawaan na ako’y namumuhay ayon sa mga kautusan ni Satanas para manatiling buhay, tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Hayaang umagos ang mga bagay kung wala naman itong personal na naaapektuhan.” Mayroon ding, “Laging makalamang, hindi ang malamangan.” Malalim na nakaugat sa akin ang mga bagay na ito at naging kalikasan ko na. Nabuhay ako ayon sa mga ito at lalo’t lalong naging makasarili at kasuklam-suklam. Sariling mga interes ko lang ang inisip ko sa aking tungkulin, kung anong may pakinabang sa akin, at ginawa ko kung ano ang pinakamadali sa akin. Hindi ko inisip kung paano pangalagaan ang kalooban ng Diyos sa aking tungkulin. Naisip ko kung paano naging tao ang Diyos at pumarito sa lupa, tinitiis ang matinding kahihiyan at paghihirap para ipahayag ang mga katotohanan para linisin at iligtas ang sangkatauhan, pero kailanman ay hindi hiningi ng Diyos sa sangkatauhan na suklian Siya. Napakalaki ng Kanyang pagmamahal sa atin. At tinatamasa ko ang mayayamang materyal na panustos at pagdidilig ng mga salitang iginawad ng Diyos nang walang anumang pagkaramdam ng pasasalamat, at sumasama ang loob sa kaunting paghihirap sa aking tungkulin. Ako’y ganap na walang konsensya at katwiran. Dahil kulang sa kakayahan, hindi ako makagawa ng anumang uri ng mahalagang tungkulin, pero hindi ako tinanggihan ng Diyos. Nagsaayos Siya na magkaroon ako ng angkop na tungkulin, na nagbibigay sa akin ng pagkakataong makamit ang katotohanan at maligtas. Ito ang pagmamahal ng Diyos. Nang maisip ko ito, napuno ako ng pagsisisi at kinamuhian ko ang sarili ko sa pagiging sobrang tamad at pabaya sa aking tungkulin. Partikular kong kinamuhian ang sarili ko dahil sa lalim ng aking satanikong katiwalian at kawalan ng pagkatao at ayoko nang mamuhay sa ganoong paraan. Napagdesisyunan kong anumang tungkulin ang ibigay sa akin pagkatapos noon, ibibigay ko rito ang buo kong puso, ang buo kong pagsusumikap at titigilan kong isahan ang Diyos. Humarap ako sa Diyos sa panalangin: “Diyos ko! Salamat sa Iyong paghatol at pagkastigo na tinulutan akong makita na hindi ko masyadong sineseryoso ang aking tungkulin, na naging makasarili, kasuklam-suklam, at walang pagkatao ako. Inaamin ko ang aking pagkakamali at nagsisisi ako. Magsusumikap akong gawin ang aking tungkulin at bayaran ang aking pagkakautang sa Iyo, upang paginhawahin ang Iyong puso.” Pagkatapos noon, sinimulan kong ibuhos ang lahat ng oras at pagsusumikap ko sa pagbabahagi ng ebanghelyo, gusto lamang gawin ang tungkulin na iyon nang maayos para makabawi sa mga pagkakamali ko sa nakaraan.

Matapos ang mahigit nang kaunti sa isang buwan, nakita ng pinuno na nasa mas mabuti na akong kalagayan at na bumuti na ang aking saloobin tungo sa aking tungkulin at tinawagan niya ako para ipaalam sa akin na pwede na akong bumalik sa tungkulin ko. Sobrang sabik na sabik ako at mahina kong sinabing, “Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay sa akin ng isa pang pagkakataon para gawin ang aking tungkulin.” Nangilid ang luha ko nang ibaba ko ang telepono. Napuno ang puso ko ng pasasalamat sa Diyos, pati na ng matinding pagkaramdam ng utang na loob. Sa pagmumuni-muni sa aking saloobin at paghihimagsik noon sa aking tungkulin, napuno ako ng pagsisisi at kahihiyan. Lumuhod ako sa harap ng Diyos sa panalangin, umiiyak lamang nang hindi nalalaman kung anong sasabihin sa Kanya. Anumang puwede kong sabihin ay para bang ganap na hindi sapat, kaya paulit-ulit ko na lang sinabing: “O Diyos ko! Nagpapasalamat ako sa Iyo!” Iniisip ko lang kung gaano karami ang iginugol ng Diyos sa akin, paghatol, pagkastigo, paglilinis, at pagliligtas sa akin. Ang magagawa ko na lang ay ipahayag ang aking pasasalamat. Wala akong ibang gusto kundi ang ialay ang buong sarili ko para sa Diyos at ilagay ang lahat sa aking tungkulin upang masuklian ang pagmamahal ng Diyos. Nang makuha kong muli ang aking tungkulin matapos mawala ito, natutuhan kong pahalagahan ito at sa wakas ay naunawaan ko kung anong ibig sabihin ng Diyos sa “Lahat ng umuusbong mula sa mga hinihingi ng Diyos, ang sari-saring mga aspeto ng paggawa at ng gawain na may kaugnayan sa mga hinihingi ng Diyos—nangangailangan itong lahat ng kooperasyon ng tao, lahat ng ito’y katungkulan ng tao.” Hindi ko na iniisip na ang pagsusumikap sa aking gawain ay pagdurusa, na nakakahiya ito, kundi isa itong karangalan. ’Yan ay dahil isa itong atas ng Diyos. Ito ang hinihingi Niya, at higit pa roon, ito ang aking tungkulin. May maling akala ako dati na walang pagkakaiba ang paggawa ng gawain sa sambahayan ng Diyos at paggawa ng gawain sa mundo, na puro kapaguran lang ito. Pero itinuro sa akin ng karanasang ito na ang paggawa sa mundo ay para lamang magkaroon ng ikabubuhay at anumang paghihirap ay para sa personal na pakinabang. Wala itong kahulugan. At kahit na sa sambahayan ng Diyos ay paggawa rin ito ng trabaho, ito’y paggawa ng aking tungkulin. Anumang paghihirap para sa aking tungkulin ay may halaga at nakakakuha ng pagsang-ayon ng Diyos.

Ang pagsasaayos na ito ng aking tungkulin ay tinulutan akong tunay na maranasan ang pag-ibig ng Diyos. Ayokong maging isang empleyado lang sa sambahayan ng Diyos, kundi hangarin na maging bahagi ng pamilya. Simula noon, nag-uumapaw ang sigla ko sa aking tungkulin. Minsan, ang mga bagay-bagay ay medyo mahirap o nakakapagod, pero hindi na ako nagrereklamo. Kaya kong ibigay ang buong puso ko, ang buong lakas ko sa maayos na paggawa ng gawain. Lubos akong nagpapasalamat sa paghatol at pagkastigo ng Diyos sa pagbago ng mga ito sa aking saloobin sa aking tungkulin at sa paglutas ng aking kakatwang perspektibo rito. Medyo binago rin nito ang aking tiwaling disposisyon.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Sugat na Hindi Gumagaling

Ni Li Zhen, Tsina Alas-singko noon nang umaga noong Nobyembre ng 2018 bigla akong nakarinig ng malakas na pagkatok sa pinto. Nang buksan...