Pinahirapan Dahil sa Paghahatid ng mga Aklat

Disyembre 11, 2024

Ni Guo Qiang, Tsina

Nagmamaneho ako nang dis-oras isang gabi noong taglamig ng 2015, papunta ako para maghatid ng ilang aklat ng mga salita ng Diyos. Sa isang kurbada sa kalsada sa bundok, nakita ko na nag-iinspeksyon ng mga sasakyan ang mga pulis sa malayo, nang may tatlong kotse ng pulis sa tabi nila. Bumilis ang tibok ng puso ko: “Naku, hindi! Mayroon akong mahigit isandaang libro sa trak. Kung makikita ito ng mga pulis, katapusan ko na.” Pero talagang halatang-halata ang mga headlight sa gabi, kaya kung hihinto ako at bubuwelta sa puntong iyon, tiyak na lalapit ang mga pulis para usisain ako. Nagkataon din na umuulan ng niyebe noon; madulas ang daan sa bundok, at isa iyong makitid na kalsada, kaya napakahirap lumiko pabalik—wala akong ibang pagpipilian kundi umabante. Sa sobrang kaba, dali-dali akong nagdasal sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bantayan ang puso ko at tulungan akong huminahon. Sumagi sa isipan ko na nasa akin din ang cellphone na ginamit para ugnayan ang ilang kapatid, kaya agad kong binagalan ang takbo ng sasakyan, sinira ang cellphone at SIM card ko, at pagkatapos ay itinapon ang mga iyon sa labas ng bintana. Pagdating ko sa kinaroroonan ng mga pulis, tinanong ako ng isa sa kanila kung ano ang dala ko sa trak. Sabi ko, “Mga patatas.” Mayamaya pa ay naglakad palapit ang dalawa pang pulis at umakyat sa likuran ng trak. Habang nanonood sa rearview mirror, nakita kong sunod-sunod nilang itinaas iyong mga supot ng patatas, natuklasan ang mga kahon na nakatago sa ilalim ng mga iyon, at humugot ng ilang libro. Nagsimula akong mabalisa, at naisip ko, “Ayan na. Nahuli na ako sa pagkakataong ito. Napakaimportante ng mga aklat na ito ng mga salita ng Diyos, napakahalaga para sa aming paghahangad sa katotohanan. Kailangan kong protektahan ang mga ito, kahit pa buhay ko ang maging kapalit—hindi ko mahahayaang mapasakamay ito ng mga pulis.” Kaya pinaandar ko ang makina at sinubukang paharurutin ang sasakyan, gustong makaalis nang mabilis doon. Pero dahil napakadulas ng daan dahil sa niyebe, sumadsad lang ang mga gulong at naipit ako. Noon din, may kinuha ang isang pulis sa kotse nila at inihagis iyon, na bumasag sa windshield ko. Ang dalawang pulis na nakatayo sa magkabilang gilid ng trak ay hinawakan ang mga pinto at binasag ang magkabilang bintana, binuksan ang mga pinto, at pagkatapos ay sinimulan akong bugbugin nang husto mula ulo hanggang paa gamit ang kanilang mga batuta habang tinatangka nila akong hilahin palabas ng sasakyan. Isa sa kanila ang pumasok at sinipa ako pabagsak sa lupa, ipinosas ang mga kamay ko sa aking magkabilang paa, at pagkatapos ay marahas akong binugbog. Dahil taglamig noon, nakasuot ang lahat ng pulis ng napakatitigas at napakakakapal na bota. Nang sipain nila ako, para bang napupunit ang laman ko. Pagkatapos ay ipinasok nila ako sa isang kotse ng pulis nang nakaposas pa rin ang mga kamay at paa ko, at ipinagitan ako sa espasyo ng mga upuan sa harapan at likuran nang nakatungo. Para bang mababali ang leeg ko—sobrang sakit ng nararamdaman ko, basang-basa ng pawis ang damit ko.

Naguguluhan ako sa kaloob-looban ko. Hindi ko alam kung anong uri ng pagpapahirap ang gagawin sa akin ng mga pulis. Bubugbugin ba nila ako hanggang mamatay, o lulumpuhin ako? Ipakukulong ba nila ako? Makikita ko pa kaya ang pamilya ko? Mas lalo akong natatakot habang iniisip ko iyon. Habang iniisip ko ang lahat ng ito, bigla kong napagtanto na sa harap ng pang-aapi at paghihirap, ang tanging nasa isip ko ay ang sarili kong laman at kaligtasan, hindi ang kung paano manindigan sa aking patotoo para palugurin ang Diyos. Mabilis akong nagdasal: “Diyos ko, natatakot akong mabugbog at makulong. Pakiusap, bigyan Mo po ako ng pananalig. Gusto kong manindigan sa aking patotoo para sa Iyo.” Pagkatapos kong magdasal, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos.

Kailangan ang Pananampalataya sa mga Pagsubok

1  Habang sumasailalim sa mga pagsubok, normal sa mga tao ang manghina, o maging negatibo ang kalooban, o hindi malinawan ang layunin ng Diyos o ang landas ng kanilang pagsasagawa. Ngunit ano’t anuman, kailangan mong magkaroon ng pananampalataya sa gawain ng Diyos, at huwag itanggi ang Diyos, gaya ni Job. …

2  … Kinakailangan ang pananampalataya ng mga tao kapag may isang bagay na hindi nakikita ng mata lamang, at kinakailangan ang iyong pananampalataya kapag hindi mo mapakawalan ang iyong sariling mga kuru-kuro. Kapag hindi malinaw sa iyo ang gawain ng Diyos, ang kinakailangan mong gawin ay manampalataya at manindigan at magiging matatag sa iyong patotoo. Nang umabot si Job sa puntong ito, nagpakita sa kanya ang Diyos at nangusap sa kanya. Ibig sabihin, sa pananampalataya mo lamang makikita ang Diyos, at kapag mayroon kang pananampalataya gagawin kang perpekto ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Naisip ko noon na gusto kong sundan ang halimbawa ni Job at ipaubaya ang lahat sa mga kamay ng Diyos. Bagamat nahulog ako sa kamay ng mga pulis, kung walang pahintulot ng Diyos, hindi nila maaaring kitilin ang buhay ko. Kailangan kong manalig sa Diyos, at gaano man katindi ang pagdurusa ko at kahit pa mamatay ako sa huli, kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Diyos at ipahiya si Satanas.

Dinala nila ako sa isang istasyon ng pulis, kung saan kinaladkad ako pasulong ng dalawang pulis na nakahawak sa magkabilang paa ko. Nakalapat sa sahig ang buong likod ko at nasa posas ang bigat ng buong katawan ko, at kumakagat ang posas sa laman ng aking mga pulso at bukung-bukong. Para bang lumalagutok ang mga pulso ko dahil sa puwersa. Kinaladkad nila ako papunta sa isang silid at marahas nila akong itinapon na parang sako sa isang sulok. Bawat parte ng katawan ko ay napakasakit, nahihirapan akong huminga. Dumating ang ilang pulis pagkaraan ng ilang sandali at sinimulang tadyakan ako sa ulo at tapakan ako, at galit na galit na sinabi ng isa, “Sa tingin mo napakagaling mo, na nangangahas ka na maghatid ng mga relihiyosong aklat? Bugbugin na lang kaya kita hanggang mamatay ka!” Sa sumunod na mga oras, walang tigil ang pagpasok ng mga pulis, sinusuntok at sinisipa ako habang sumisigaw ng napakasasamang bagay. Dahil makakapal ang bota ng pulis, napakasakit ng bawat sipa. Dahil nakaposas ang mga kamay at paa ko, walang paraan para mailagan ko ang mga iyon—kailangan ko na lang saluhin. Naalala ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Dapat mong malaman na ito na ang mga huling araw. Ang mga diyablo at si Satanas, na gaya ng mga leong umaatungal, ay umaali-aligid, naghahanap ng mga taong masisila(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 28). Ang konstitusyon ng Tsina ay malinaw na nagbibigay ng kalayaan sa pananampalataya, at ang ginawa ko lang ay maghatid ng mga aklat ng mga salita ng Diyos. Hindi ako lumabag sa anumang batas, pero dinakip ako ng mga pulis at inilagay sa peligro ang buhay ko sa pamamagitan ng kanilang mga pambubugbog. Tunay na isang demonyong lumalaban sa Diyos ang Partido Komunista! Binubugbog nila ako nang gayon para maging Hudas ako at ipagkanulo ko ang Diyos—hindi ako puwedeng mahulog sa mga panlilinlang ni Satanas. Gaano man ako magdusa, kailangan kong sumandal sa Diyos, manindigan sa aking patotoo para sa Diyos, at ipahiya si Satanas.

Binugbog ako hanggang sa puntong kadalasan ay halos wala na akong malay. Hindi ko alam kung kailan tinanggal ng mga pulis ang posas ko, pero nang mahimasmasan ako, napansin kong magkatali ang kaliwang kamay at kaliwang paa ko, pati na rin ang kanang kamay at kanang paa ko. May lubid din na nakagapos mula sa likod ng leeg ko at ilang beses na nakapulupot sa mga hita ko. Itinali nila ako na parang isang buhol, nakasandal sa sulok. Sumasakit ang buong katawan ko, mahirap huminga, at masakit na namamaga ang ulo ko. Pumapasok pa rin ang mga pulis at binubugbog ako nang walang pahinga. Kung minsan ay dalawa ang tig-isang nakatayo sa magkabilang tagiliran ko at sinisipa ako pabalik-balik na parang isang bola ng soccer. Tulala na ako. Kapag mas mahina nila akong tinatamaan, hindi ko na nararamdaman. Kapag tinatamaan nila ako nang husto o sa isang parteng nasugatan na, makararamdam ako ng bahagyang panginginig, na parang may kuryenteng dumadaloy sa akin. Kapag manaka-nakang nahihimasmasan ako, napagtatanto ko na sumasakit ang bawat parte ng katawan ko. Habang nakahiga sa napakalamig na sahig, nauuhaw at nagugutom at nananakit ang buong katawan, iniisip ko kung kailan matatapos ang mga pulis sa walang katapusang pambubugbog na ito. Pakiramdam ko ay mas mabuti pa ang kamatayan kaysa sa pagpapahirap na iyon, dahil kahit papaano ay hindi ko na kailangang magdusa nang gayon. Sa nalalabuan at nalilito kong kalagayan, isang himno na pinamagatang “Ang Pagsunod kay Cristo ay Inorden ng Diyos” ang biglang sumagi sa isip ko nang napakalinaw: “Inorden ng Diyos na sundin natin si Cristo at dumanas tayo ng mga pagsubok at pagtitiis. Kung tunay nating minamahal ang Diyos, dapat tayong magpasakop sa Kanyang kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos. Ang dumanas ng mga pagsubok at pagtitiis ay ang pagpalain ng Diyos, at sinasabi ng Diyos na mas bako-bako ang landas na ating tinatahak, mas naipapakita nito ang ating pagmamahal. Ang landas na tinatahak natin ngayon ay nauna nang inorden ng Diyos. Ang sumunod kay Cristo ng mga huling araw ang pinakadakilang pagpapala sa lahat” (Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Tama iyon. Kung gaano karaming landas ang dapat nating lakaran at kung gaano tayo magdurusa sa buhay na ito ay pauna nang itinakda ng Diyos—walang sinuman ang makatatakas dito. Kung titingnan, mukhang isang masamang bagay ang sumailalim sa ganitong uri ng pang-aapi at paghihirap, pero sa katunayan, ito ay kapaki-pakinabang sa paglago ko sa buhay at makatutulong na gawing perpekto ang pananampalataya ko. Nalagpasan ko na ang ilang mapanganib na sitwasyon dati, kaya inakala ko na mayroon na akong tayog at pananampalataya, na kaya kong magdusa at gugulin ang sarili ko para sa Diyos. Pero nang maharap sa brutal na pagpapahirap ng mga pulis, natakot akong mabugbog hanggang sa mamatay o malumpo, natakot na masentensiyahan akong makulong. Ang inisip ko lang ay ang sariling interes ng aking laman at ang sarili kong kaligtasan. Nang masyado nang masakit ang mga bagay-bagay, ninais ko pa ngang takasan ito sa pamamagitan ng kamatayan. Sa puntong ito, napagtanto ko kung gaano kahabag-habag ang aking pananampalataya, na kulang ako sa tunay na tayog at higit pa roon, kulang sa pagmamahal sa Diyos. Mas malinaw ring ipinakita sa akin ng paghihirap at pang-aapi na ito ang kasamaan at brutal na malademonyong kalikasan ng malaking pulang dragon. Ipinagmamalaki ng Partido Komunista sa mga tagalabas ang kalayaan sa pananalig na ipinagkakaloob nito, pero ang totoo, marahas nitong hinuhuli at inuusig ang mga mananampalataya at tinatrato silang parang mga kaaway. Lahat tayo ay nilikha ng Diyos, kaya ang pagkakaroon ng pananampalataya at ang pagsamba sa Diyos ay tama at natural, pero hinuhuli ng mga pulis na ito ang mga mananampalataya at inihahatid tayo sa pintuan ng kamatayan. Ang Partido Komunista ay tunay na isang demonyo na lumalaban sa Diyos! Nagkaroon ako ng higit na pagkakilala sa diwa ng Partido Komunista. Naisip ko ang isang bagay na sinabi ng Diyos: “Hinarap ng Diyos ang mga panganib nang ilang libong beses na mas matindi kaysa roon sa Kapanahunan ng Biyaya upang bumaba sa kung saan ang malaking pulang dragon ay nananahan upang gawin ang Kanyang sariling gawain, upang ibuhos ang lahat ng Kanyang pag-iisip at pangangalaga sa pagtubos sa grupong ito ng naghihirap na mga tao, sa grupong ito ng mga taong nasadlak sa tambak ng basura(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 4). Nabasa ko na iyon dati, pero wala akong totoong pagkaunawa rito. Kung hindi dahil sa pag-arestong ito, hindi ko personal na mapahahalagahan kung gaano kahirap para sa Diyos na gumawa sa Tsina para sa kaligtasan ng tao. Bilang isang mananampalataya lang na sumusunod sa Diyos at gumagawa sa aking tungkulin, isinailalim ako sa ganitong uri ng brutal na pagmamaltrato ng Partido Komunista—hanggang saan kaya paaabutin ng grupong ito ng mga demonyo ang kanilang kalupitan laban sa Diyos na nagkatawang-tao? Pero kahit na sa ganitong mapanganib na kapaligiran, nagpapatuloy pa rin ang Diyos sa pagpapahayag ng mga katotohanan, ginagawa ang lahat ng Kanyang makakaya para sa pagliligtas ng sangkatauhan. Napakadakila ng pagmamahal Niya sa atin! Labis na nakaaantig at nakapagpapalakas ng loob ko ang pagninilay-nilay sa pagmamahal ng Diyos. Tahimik akong nagpasya na kahit anong taktika ang gamitin ng malaking pulang dragon para pahirapan ako, sasandal ako sa Diyos at maninindigan sa patotoo ko; kung makalalabas ako nang buhay balang araw, magpapatuloy akong sundin ang Diyos at tuparin ang aking tungkulin para palugurin Siya. Labis akong mas naging kalmado dahil sa pananalig at lakas na ibinigay sa akin ng mga salita ng Diyos. Hindi na tumatakbo kung saan-saan ang imahinasyon ko, at kahit na nagdurusa ang katawan ko, payapa ang pakiramdam ko sa aking puso.

Pagkaraan ng kaunting panahon—hindi ko alam kung gaano katagal—lumapit ang isang pulis at sinipa ako nang dalawang beses para tingnan kung buhay pa ako o hindi na. Nakatali pa rin ako at nakasiksik sa sulok, at hindi ko man lang maiangat ang ulo ko. Ang tanging nakikita ko lang ay ang mga paa niya. Tinanong ako ng pulis, “Alam mo ba kung anong mga libro ang inihahatid mo?” Sabi ko, “Oo.” Pagkatapos ay sabi niya, “Isa ka bang mananampalataya?” Sumagot ako ng oo. Pagkatapos niyon ay paulit-ulit niyang tinanong kung saan nanggaling ang mga libro, kung saan ko dadalhin ang mga ito, kung paano ko kinokontak ang iba, kung ilang batch ng mga libro ang naihatid ko na, at iba pa. Nang makitang ayaw kong magsalita, lumapit siya, sinipa ako nang ilang beses at sinabing, “Mas mabuti pang magsalita ka na! Sabihin mo sa amin ang lahat at pakakawalan ka namin—wala nang pambubugbog!” Sa sumunod na mga araw, walang tigil nila akong tinatanong nang gayon, at kapag wala silang nakukuhang sagot, paulit-ulit nila akong binubugbog. Naalala ko minsan habang tinatanong nila ako, iniangat ko ang ulo ko para tingnan kung ano ang hitsura nila. Ang resulta, sinuntok ako ng isang pulis sa mukha, pagkatapos ay hinablot ang isang batuta na nakapatong sa isang mesa at ginamit iyon para hampasin ako sa leeg. Nawalan agad ako ng malay. Hindi ko alam kung ilang beses akong nahimatay sa mga araw na nandoon ako. Hindi lang nila ako binugbog, kundi ipinahiya pa nila ako, hindi ako pinapayagang gumamit ng banyo. Minsan ay sinabi ko sa kanila na payagan akong pumunta ng banyo, pero nabugbog lang ako ulit dahil doon. Malisyosong sinabi sa akin ng isang pulis, “Tumae ka sa pantalon mo! Umihi ka sa pantalon mo!” Pagkatapos ay umalis na siya. Wala akong nagawa kundi magpigil. Namamaga at sumasakit ang tiyan ko, at kalaunan ay naging manhid ito hanggang sa wala na akong maramdamang anuman. Hindi ko alam kung kailan ako nawalan ng kontrol sa pantog ko—naramdaman ko na lang na basa at sobrang lamig ng ibabang bahagi ng katawan ko. Sobra-sobra itong nakapang-aalipusta at nakahihiya.

Hindi nila ako binigyan ng kahit anong makakain pagkatapos akong dakpin. Gutom na gutom ako noong una, pero kalaunan ay wala na akong ganang kumain—ang tanging nararamdaman ko ay sakit at hirap. Namaga nang husto ang mga mata ko na hindi ko na maimulat ang mga ito, pero naramdaman kong may nagbubuka ng bibig ko at nagbubuhos dito ng malamig na tubig. Nauuhaw ako noong una, pero nang tumagal-tagal ay hindi na ako makalunok ng tubig, kaya pilit nila akong pinaiinom. Walang-wala na akong lakas at nang pilitin kong idilat nang kaunti ang mga mata ko, nanlalabo kong naaninag ang isang pulis. Sinuntok niya ako sa dibdib at sinigawan ako, “Magsasalita ka ba, o hindi?” Sabi ko, “Nasabi ko na ang lahat ng dapat kong sabihin sa inyo. Ano pa ba ang gusto n’yong sabihin ko?” Pagkatapos ay galit na galit niya akong sinimulang suntukin at sipain. Pakiramdam ko ay pinupunit ang laman ko. Matapos akong hampasin nang mga isang dosenang beses, sinipa niya ako mismo sa dibdib—parang may dumaklot sa puso ko, at napakasakit niyon na hindi na ako makahinga. Pagkatapos ay kinuwelyuhan niya ako, itinulak ako sa sulok, at paulit-ulit akong sinuntok sa ulo, dibdib, at tiyan. Hindi ko alam kung ilang beses niya akong sinuntok o kung gaano katagal. Pakiramdam ko lang ay parang napakabagal ng paglipas ng oras. Lalo siyang nauulol habang paulit-ulit akong nawawalan ng malay at nagkakamalay, namamanhid na ngayon sa sakit. Naramdaman kong nagsisimula na akong masuka at sa huli ay hindi ko na ito napigilan, at nagsimula itong tumalsik palabas ng bibig ko. Bahagya kong narinig na sumigaw ang pulis, “Pumunta kayo rito, sumusuka siya ng dugo!” Nawalan ako ng malay pagkatapos niyon, at hindi ko alam kung ano ang nangyari. Nang magkamalay ako, nakita kong may dugo sa buong damit ko. Nahihilo ako at hindi ko alam kung kailan ako nahimatay ulit. Nang magkamalay ako, wala akong anumang lakas para gumalaw—para akong babagsak na lang. Iniisip ko na malamang na hindi na ako makaliligtas, na talagang nakalulungkot. Noon din, isang bagay mula sa mga salita ng Diyos ang malinaw na sumagi sa isipan ko. Sabi ng Diyos: “Ako ang iyong suporta at ang iyong kalasag, at lahat ay nasa Aking mga kamay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 9). Tama iyon. Ang lahat ay nasa kamay ng Diyos, at ang Diyos ang magpapasya kung mabubuhay ako o mamamatay. Naalala ko na noong sinubok si Job, inatake siya ni Satanas, at napuno ng napakasasakit na pigsa ang buong katawan niya, pero hindi pinahintulutan ng Diyos na kunin ni Satanas ang buhay ni Job, at hindi nangahas si Satanas na lumampas sa linyang iyon. Inalala ko ang mga araw mula nang maaresto ako. Bagamat walang tigil akong binubugbog ng mga pulis at hindi ko alam kung ilang beses na akong nahimatay, buhay pa rin ako, lahat ay dahil sa pangangalaga at proteksyon ng Diyos. Totoo at tunay kong nakita na ang buhay at kamatayan natin ay ganap na nasa mga kamay ng Diyos, at kung hindi Niya ito pahihintulutan, hindi maaaring kunin ni Satanas ang buhay natin. Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos, at tahimik akong nanalangin, “Diyos ko, handa na akong ilagay ang buhay ko sa Iyong mga kamay at magpasakop sa Iyong kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos.”

Noong mga araw na iyon, nag-aagaw-buhay ako. Habang nahaharap ako sa posibleng kamatayan, ang pinakapinag-aalala ko ay ang aking asawa at anak. Noong 2012, pumunta ang mga pulis sa bahay ko para arestuhin ako dahil sa aking pananampalataya, pero sa kabutihang-palad, wala ako sa bahay noong araw na iyon. Mula noon, hindi na ako nangahas na bumalik, at tatlong taon na ang nakalilipas mula nang huli ko silang makita. Iniisip ko na kung mamamatay ako, hindi ko na sila makikitang muli. Ilang taon na akong hindi nakauwi ng bahay para alagaan sila. Hindi ko alam kung kumusta na sila at may sakit pa rin ang anak naming babae. Paano sila makararaos sa hinaharap? Gusto kong umiyak nang maisip ko ito, pero ni wala akong lakas para doon. Kalaunan, naalala ko ang isang himno na madalas kong kantahin, na pinamagatang “Isang Panaghoy para sa Isang Malungkot at Kalunos-lunos na Mundo”: “Ang mga tao ay may kani-kanilang mga kanlungan, pero ang Diyos ay walang mapagpahingahan ng Kanyang ulo. Ilan ba ang nag-aalay ng lahat ng mayroon sila? Sapat na ang natikman ng Diyos na kawalan ng awa ng mundo, at tiniis Niya ang lahat ng pagdurusa sa mundo, subalit napakahirap para sa Kanya na makuha ang simpatya ng tao. Palaging nag-aalala ang Diyos tungkol sa sangkatauhan, naglalakad Siya kasama ng mga tao. Sino ang nagpapakita ng pagmamalasakit sa Kanyang kaligtasan? Walang kapaguran Siyang gumagawa sa kabila ng mga nagbabagong panahon, isinusuko Niya ang lahat para sa sangkatauhan. Walang sinuman ang nagpakita ng pag-aalala para sa kaginhawahan ng Diyos. Ang alam lang ng mga tao ay humingi sa Diyos, pero ayaw nilang pag-isipan pa nang kaunti ang mga layunin ng Diyos. Nagtatamasa ng kaligayahan sa tahanan ang sangkatauhan, kung gayon, bakit lagi nilang pinapaluha ang Diyos?(Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin). Talagang nakaaantig ang kantang ito para sa akin, at naramdaman ko kung gaano kalaki ang pagkakautang ko sa Diyos. Para sa ating kaligtasan, nagkatawang-tao ang Diyos at nagpapakita at gumagawa Siya sa bansang ito ng malaking pulang dragon. Siya ay inaapi at tinutugis ng Partido Komunista, tinatanggihan ng henerasyong ito at wala nang mapagpahingahan pa. Ang Diyos ang Panginoon ng sangnilikha—Siya ay napakadakila at napakamarangal, pero nagtitiis Siya ng napakalaking kahihiyan para sa ating kaligtasan, nagbabayad ng napakalaking halaga para sa ating kapakanan. Napakadakila ng Kanyang pagmamahal sa sangkatauhan! Mananampalataya na ako sa lahat ng taong iyon at nagtamasa na ng labis na pagdidilig at panustos mula sa Kanyang mga salita, pero nang maharap ako sa pang-aapi at paghihirap, walang puwang para sa Diyos sa puso ko. Hindi ko iniisip kung paano manindigan sa aking patotoo para sa Diyos at ipahiya si Satanas, isinasaalang-alang ko lang ang laman at ang pamilya ko. Pakiramdam ko pa nga ay naagrabyado ako ng paghihirap na ito. Nakita ko na wala akong anumang pagsasaalang-alang para sa mga layunin ng Diyos, talagang makasarili ako at kasuklam-suklam. Ang katunayan, kapaki-pakinabang sa buhay ko ang paghihirap na ito, binigyan-daan ako nitong makita ang sarili kong katiwalian at mga kapintasan at makatutulong ito sa paglago ng pananampalataya ko sa Diyos. Habang pinagninilayan ko ang pagmamahal ng Diyos, labis akong naantig at nabuhayan ng loob, at nanumpa ako na mabubuhay ako para sa Diyos, at mabubuhay para paluguran ang Diyos. Gaano man ako magdusa, kahit pa mangahulugan ito ng kamatayan ko, sasandal ako sa Diyos at maninindigan sa aking patotoo para sa Kanya.

Gumamit ang mga pulis ng kapwa malupit at banayad na mga taktika sa kanilang mga pagtatangkang may makuha mula sa akin. Naaalala ko isang araw, dinalhan ako ng isang pulis ng kalahating mangkok ng kanin, at kalahating mangkok ng kamatis, at sinabi niya, “Ilang araw ka nang hindi kumakain. Lahat ng paghihirap na ito at labis na pambubugbog, at para saan? Hindi ka naman nakapatay ng isang tao o nagsunog ng isang bagay. Napakatinding pambubugbog ang natanggap mo—hindi ito sulit. Mas mabaho ka pa kaysa sa pulubi sa lansangan ngayon. Sabihin mo na lang sa amin kung ano ang nalalaman mo at hindi mo na kailangang magdusa pa. Makakauwi ka na at makakasama mo ang asawa at anak mo.” Nagpatuloy siya, sinasabing, “Saan mo nakuha ang mga aklat na iyon? Saan mo iyon dadalhin? Kung sasagutin mo lang ang isa sa mga tanong na iyon, pakakawalan ka namin kaagad.” Hindi pa rin ako nagsalita, kaya sinipa niya ako nang ilang beses at sumigaw, “Ang baho mo! Mukhang kailangan mong bugbugin nang husto! Kahit ngayong halos hindi ka na makapagsalita nang maayos, nagpipigil ka pa rin.” Iniisip ko na kahit anong mangyari, hinding-hindi ko pwedeng pagtaksilan ang mga kapatid. Hindi ako pwedeng maging isang Hudas at ipagkanulo ang Diyos. Nang makitang wala siyang makukuha sa akin, tumalikod na lang siya at umalis. Sa buong panahong iyon ay nakatali ang mga kamay at paa ko; nakabaluktot ako sa sulok, tinitiis ang mga panlalait at pambubugbog nila. Pagkaraan ng ilang sandali ay nagsimula akong makaramdam ng sobrang kalungkutan at panghihina. Malubha akong nasugatan dahil sa pambubugbog at madalas akong mawalan ng malay. Kapag may malay ako, nananalangin ako sa Diyos at madalas na nakaiisip ng ilang sipi mula sa mga salita ng Diyos. Mayroong dalawang sipi mula sa mga salita ng Diyos na nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin. Sabi ng Diyos: “Ang landas kung saan ginagabayan tayo ng Diyos ay hindi diretso, bagkus ay isang paliku-likong daan na puno ng mga lubak; sinasabi ng Diyos, bukod dito, na habang mas mabato ang landas, mas maibubunyag nito ang ating mga pusong mapagmahal(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … 6). “Huwag matakot, ang Makapangyarihang Diyos ng maraming hukbo ay tiyak na sasaiyo; Siya ay nasa inyong likuran at Siya ang inyong sanggalang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 26). Nang isipin ko ang mga salita ng Diyos, pakiramdam ko ay nariyan Siya sa tabi ko, ginagabayan ako. Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas, na nagbigay-daan sa akin na magpatuloy. Tahimik akong nanalangin: “O Diyos! Dahil lahat sa pangangalaga at proteksyon Mo kaya ako nabubuhay pa. Nagpapasalamat ako sa Iyo!”

Kinabukasan, nakita ng mga pulis na hindi ko na kakayanin, kaya dinala nila ako sa isang silid, binanlawan ako gamit ang hose ng tubig, pagkatapos ay nagdala sila ng isang piraso ng papel para pirmahan ko. Malabo talaga ang paningin ko, at isang linya lang ang malabo kong nababasa. Ang mga krimeng ikinaso nila sa akin ay: pagdadala ng mga kontrabando, pananalig sa isang kulto, at paggambala sa kaayusan ng lipunan. Nang tumanggi akong pirmahan ito, hinawakan ng isang pulis ang kamay ko at pinilit akong mag-iwan ng fingerprint. Pagkaraan ng ilang sandali, hindi ko alam kung gaano katagal, nilagyan nila ng talukbong ang ulo ko, pinilit akong sumakay sa kotse ng pulis, dinala ako sa kung saan, at pagkatapos ay sinipa ako palabas ng kotse. Noong sandaling nakatayo na ako at natanggal ang talukbong, malayo na ang sasakyan ng pulis. Naglakad ako nang ilang hakbang at pagkatapos ay talagang wala na akong lakas na maglakad pa palayo. Ang tanging nagawa ko ay umupo sa gilid ng kalsada. Pagkatapos ng maraming sagabal, nakabalik ako sa silid na nirerentahan ko. Napakahirap para sa akin na maglakad, at sa pagsakay ko ng kotse, kailangan kong umusod nang dahan-dahan. Mahaba na rin ang balbas ko, kaya inakala ng drayber na matanda na ako at nag-alok na alalayan ako. Pagtagal-tagal nang tumingin ako sa isang kalendaryo, natanto ko na pinahirapan ako sa istasyon ng pulis na iyon sa loob ng walong araw. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos, imposibleng makaliligtas ako roon. Nang makabalik ako sa tinutuluyan ko, ang tanging nagawa ko ay humiga sa kama—lubhang nananakit ang buong katawan ko. May mga nangangasul at nangingitim na pasa kahit saan na parang mga tumor kapag hinahawakan ko. Napakasakit kapag nasasagi kahit kaunti ang mga bukol na ito. Nanatili lang akong nakahiga roon, at noong ikasampung araw lang ako nakabangon at nakalakad, at noong ikalabinlimang araw lang ako nagkaroon ng lakas na kumuha ng aklat ng mga salita ng Diyos para basahin. Noong una, hindi ko man lang matapos ang isang buong pahina dahil sumasakit ang likod ko kapag nakaupo ako, at wala akong lakas para iangat ang libro kapag nakahiga ako. Nakapagbabasa lang ako nang tatlo o apat na minuto sa bawat pagkakataon.

Patuloy akong binabantayan pagkalaya ko at patuloy akong tinatawagan at ginugulo ng mga pulis. Naalala ko minsan, nagkasakit ang nanay ko at bumalik ako sa bayan ko para makita siya. Dahil dito, tumawag ang mga pulis kinabukasan at tinanong ako kung bakit ako umuwi. Talagang mahirap para sa akin na isipin kung gaano kalubha akong nasaktan, na hindi ako pwedeng makipag-ugnayan sa mga kapatid o gumawa ng anumang uri ng tungkulin. Hindi ko alam kung paano ako makapagpapatuloy nang ganoon. Noong sandaling napakamiserable talaga ng pakiramdam ko, may nabasa ako sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Yaong mga tinutukoy ng Diyos na mga ‘mananagumpay’ ay yaong mga nagagawa pang manindigan sa kanilang pagsaksi at mapanatili ang kanilang tiwala at katapatan sa Diyos kapag nasa ilalim sila ng impluwensya ni Satanas at nilulusob ni Satanas, ibig sabihin, kapag nasa gitna sila ng mga puwersa ng kadiliman. Kung nagagawa mo pa ring magpanatili ng isang dalisay na puso sa harap ng Diyos at ng tunay na pagmamahal para sa Diyos anuman ang mangyari, ikaw ay naninindigan sa iyong pagsaksi sa harap ng Diyos, at ito ang tinutukoy ng Diyos na pagiging isang ‘mananagumpay.’ … Ang pag-aalay ng isang banal na espirituwal na katawan at isang dalisay na birhen sa Diyos ay nangangahulugan ng pagpapanatili ng isang pusong taos sa harap ng Diyos. Para sa sangkatauhan, ang katapatan ay kadalisayan, at ang kakayahang maging taos sa Diyos ay pagpapanatili ng kadalisayan. Ito ang dapat mong isagawa. Kapag dapat kang manalangin, manalangin ka; kapag dapat kang makitipon sa pagbabahagi, gawin mo iyon; kapag dapat kang umawit ng mga himno, umawit ka ng mga himno; at kapag dapat kang maghimagsik laban sa laman, maghimagsik ka laban sa laman. Kapag ginagampanan mo ang iyong tungkulin, hindi ka natataranta; kapag nahaharap ka sa mga pagsubok naninindigan ka. Ito ang katapatan sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Panatilihin ang Iyong Katapatan sa Diyos). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng pananalig at lakas at nagliwanag sa puso ko. Gaano man ako usigin ng malaking pulang dragon, kung makakapag-ugnayan man ako sa ibang mga miyembro ng iglesia o makagagawa ng isang tungkulin, at anumang uri ang kalalabasan ko, susundin ko ang Diyos hanggang sa wakas.

Humantong ako na may maraming problema sa kalusugan dahil sa brutal na pagpapahirap ng mga pulis. Sinabi ng isang doktor na may pinsala sa heart valves ko, nabawasan ang daloy ng dugo sa puso ko, at may mga problema sa aking atay, apdo, lapay, at mga bato. Sabi niya, halos durog-durog na ako. Dati ay napakaayos ng kalusugan ko, pero ngayon ay humihingal at kumikirot na ang puso ko kapag umaakyat ako ng hagdan, kahit wala akong dala. Noong una pa lang nila akong pinakawalan, parang tinuklap ang bumbunan ko. Masakit talaga iyon at lalong sumasakit sa kahit kaunting pagkasagi. Pagkatapos uminom ng mahigit 80 pakete ng Chinese na gamot, medyo nabawasan sa wakas ang sakit ng ulo ko. PNaramdaman ko rin na para bang malalaglag na ang sikmura ko. Napakasakit niyon, at may dalawang araw na patuloy akong umiihi ng dugo. Noong panahong iyon, wala akong pera para magpatingin sa doktor, at naisip kong malamang na hindi na talaga ako mabubuhay, kaya nanalangin ako sa Diyos: “Diyos ko, kung mabubuhay ako o mamamatay ay ganap na nakasalalay sa Iyo. Malagpasan ko man ito o hindi, nagpapasalamat ako sa Iyo.” Sa laking gulat ko, pagkatapos uminom ng mga pampaalis ng pamamaga sa loob ng tatlong araw, tumigil na ang pag-ihi ko ng dugo.

Bagamat nagdusa ako noong inaresto at pinahirapan ako ng Partido Komunista, talagang malaki naman ang nakamit ko. Malinaw na ipinakita sa akin ng walong araw na iyon sa impiyerno na ang Partido Komunista ay isang demonyo na kumokontra sa Diyos. Isa lang akong karaniwan at hindi mapagpanggap na Kristiyano, na sumusunod sa batas at hindi nakikialam sa iba. Ang gusto ko lang ay isagawa ang aking pananampalataya, hangarin ang katotohanan, kamtin ang pagliligtas ng Diyos, at tuparin ang tungkulin ng isang nilikha sa abot ng aking makakaya. Gayunpaman, inaresto at muntik na akong mapatay ng mga pulis ng Partido Komunista. Gusto ng Partido Komunista na gumamit ng marahas at brutal na pag-uusig para takutin ang mga mananampalataya, para hindi maglakas-loob ang mga tao na manampalataya at sumunod sa Diyos, at sa gayon ay masira ang gawain ng pagliligtas ng Diyos. Pero habang mas ginagawa nito ang ganoong uri ng pag-uusig, mas nakikita natin ang kasamaan at kalupitan nito, kinamumuhian at tinatanggihan ito, at mas lalo tayong nananabik sa liwanag at sa pagdating ng kaharian ng Diyos, sa araw na maghahari ang pagkakapantay-pantay at katarungan sa lupa. Sa pamamagitan nito, naranasan ko rin ang pagmamahal ng Diyos. Kung hindi dahil sa proteksyon ng Diyos at gabay ng Kanyang mga salita, hinding-hindi ako makalalabas nang buhay mula sa pugad na iyon ng mga demonyo. Nagpapasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko, at gusto kong hangarin ang katotohanan at gawin ang tungkulin ko nang maayos para masuklian ang pagmamahal ng Diyos.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Buhay na nasa Bingit

Ni Wang Fang, TsinaNoong 2008, ako ang responsable sa pagbibiyahe ng mga lathalain ng iglesia. Isa itong napakapangkaraniwang uri ng...