Isang Kristiyanong Espirituwal na Paggising

Hulyo 5, 2023

Ni Lingwu, Japan

Ako ay ipinanganak noong 80’s, at isinilang sa pamilya ng isang ordinaryong magsasaka. Ang kuya ko ay palaging may sakit simula noong bata pa siya. Nasugatan ang aking ama sa isang aksidente noong ako ay 10 taon; lubos siyang naparalisa dalawang taon pagkaraan noon. Maralita ang aming pamilya sa simula pa lang, at nabaon kami sa utang sa pagpapagamot sa aking ama. Ayaw kaming pautangin ng aming mga kaibigan at kamag-anak dahil natakot sila na hindi namin mabayaran ang utang kahit kailan, kaya, dahil wala na kaming ibang opsiyon, napilitan akong huminto sa pag-aaral sa edad na 16 para maghanap ng trabaho sa ibang lugar. Sa kalaliman ng gabi na tahimik na ang lahat, madalas kong maisip: “Noong mga bata pa kami, malayang nakakapaglaro ang mga kaklase ko paglabas ng eskuwela, samantalang kailangan kong pumunta sa bukid upang magsaka; ngayon ay malalaki na kami, at nag-aaral pa rin sila, umaaktong parang mga laki sa layaw sa harap ng kanilang mga magulang, ngunit kailangan kong magsimulang magtrabaho sa napakamurang edad at magdusa ng lahat ng uri ng paghihirap upang suportahan ang aking pamilya.” Sa panahong iyon, sinisi ko ang aking mga magulang sa pagkapanganak sa akin, na nag-iisip kung bakit ako ipinanganak sa mundong ito para lamang magdusa at magpakahirap. Ngunit wala akong magagawa tungkol dito—ang magagawa ko lang ay tanggapin ang realidad na ito. Sa panahong iyon, ang pinakamalaki kong nais ay magtrabaho nang husto at kumita ng pera para makapamuhay nang komportable ang aking mga magulang at hindi na sila hamakin ng iba.

Nagsimula akong magtrabaho sa isang pribadong pabrika ng aluminum. Dahil isa akong batang trabahador, inalagaan ako palagi ng boss ko sa pagkain at pabahay. Pagkaraan ng isang taon, nadama ko na napakaliit ng sahod ko, kaya nagpasiya akong lumipat ng trabaho sa isang pabrika ng mga muwebles, bilang tagabarnis na ayaw gawin ng ibang tao. Noong panahong iyon, gagawin ko ang lahat ng klase ng trabaho kung mas malaki ang kikitain ko, basta’t hindi iyon labag sa batas. Iyon ay dahil ang tangi kong mithiin ay yumaman, para hindi na ako muling mamuhay na gaya ng isang maralita. Dumating ang panahon na ipinasok ako ng isa sa mga kamag-anak ko sa isang kumpanya na may mga oportunidad na makapangibang-bansa para magtrabaho, at sa gulat ko, ilang taon pagkaraan ay nakapangibang-bansa nga ako.

Noong tagsibol ng 2012, tulad ng inasam ko, nakarating ako sa Japan at nagsimula ng aking bagong buhay. Kabilang ako sa industriya ng paggawa ng mga barko, at pumirma ako sa isang tatlong-taong kontrata sa kumpanya. Nang magsimula ako sa trabaho, hindi ako marunong magluto kaya wala akong kinain kundi instant noodles sa loob ng isang buwan hanggang sa magsimula akong makaramdam na parang masusuka ako tuwing kakain ako nito, kaya napilitan akong mag-aral na magluto. Wala akong ideya kung ilang araw ako kumain ng hilaw na kanin. Mga dayuhan kami sa Japan, kaya hindi maiwasan na medyo hindi patas ang pagtrato sa amin ng mga lokal na may-ari ng kumpanya. Pinagawa nila kami ng maraming marumi, nakakapagod, at mapanganib na mga gawain. Lalo na kapag nagbabarnis ako, kadalasan ay medyo takot ako, dahil kapag nadikit sa apoy ang gas, sisiklab ito, at kung hindi ko ito mapansin sandali, manganganib ang buhay ko. Ngunit pagdurusa man sa buhay ko o panganib sa aking trabaho, tuwing naiisip kong kumita ng mas maraming pera para ipadala sa aking pamilya, at makabili rin ng kotse at bahay kapag nakauwi ako sa China para makapagmalaki ako sa iba at hindi na mamuhay nang dukha, na hinahamak ng iba, nadama ko na ang aking pagdurusa noong panahong iyon ay hindi naman talaga gaanong masama. Tatlong taon ng buhay ko ang lumipas sa isang kisapmata sa pagtatrabaho doon. Nang malapit nang mag-expire ang aking visa, nalaman ko na may patakaran ang kumpanya sa pag-renew ng mga kontrata; para kumita ng mas maraming pera, ipinasiya kong gawin iyon, at magpatuloy sa pagtatrabaho sa Japan. Ang masayang nakagulat sa akin ay na hindi nagtagal matapos kong i-renew ang aking kontrata, natagpuan ko ang ebanghelyo ng kaharian ng Makapangyarihang Diyos.

Noong Setyembre ng 2015, nagkuwento sa akin ang isang kaibigang nakilala ko sa Japan tungkol sa gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Nang una siyang magkuwento sa akin tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pananampalataya, hindi ako gaanong naging interesado, at naisip ko na isang uri lamang ito ng paniniwala. Pakiramdam ko hindi naman mababago ng paniniwala sa Diyos ang kapalaran ko. Di-nagtagal pagkatapos niyon, ibinahagi ko sa kaibigan ko ang aking pananaw at tinanong ko siya, “Mababago ba ng paniniwala sa Diyos ang kapalaran ko? Malas lang ako talaga, nagdusa na ako nang labis mula pa noong bata ako. Kung may pera ako, hindi ko na kailangang magdusa pa. Palagay ko sa ngayon ang pinaka-totoo para sa akin ay ang kumita ng mas malaki. Para sa akin, ang pananampalataya sa Diyos ay isang bagay na malayong mangyari.” Bilang tugon, binasa ng kaibigan ko sa akin ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung saan ka pupunta araw-araw, ano ang gagawin mo, sino o ano ang iyong makakatagpo, ano ang sasabihin mo, ano ang mangyayari sa iyo—maaari bang mahulaan ang alinman sa mga ito? Hindi maaaring mahulaan ng mga tao ang lahat ng pangyayaring ito, at lalong hindi nila makokontrol kung paano magaganap ang mga ito. Sa buhay, ang mga di-mahuhulaang pangyayaring ito ay nagaganap sa lahat ng oras; ang mga ito’y nangyayari araw-araw. Ang mga pang-araw-araw na pagbabago na ito at ang mga paraan kung paano nangyayari ang mga ito o ang mga disenyong sinusundan ng mga ito, ay palagiang pagpapaalala sa sangkatauhan na walang nangyayari nang sapalaran, na ang proseso ng bawat pangyayari, ang pagiging di-maiiwasan ng bawat pangyayari, ay hindi mababago ayon sa kagustuhan ng tao. Bawat pangyayari ay naghahatid ng isang paalala ng Lumikha sa sangkatauhan, at nagdadala rin ito ng mensahe na hindi maaaring makontrol ng mga tao ang kanilang sariling kapalaran. Ang bawat pangyayari ay isang pagsalungat sa padalus-dalos at walang-saysay na ambisyon at pagnanasa ng sangkatauhan na ilagay sa sarili nilang mga kamay ang kanilang kapalaran. … Mula sa mga pang-araw-araw na pagbabagong ito hanggang sa mga kapalaran ng buong buhay ng mga tao, walang bagay na hindi nagbubunyag sa mga plano ng Lumikha at ng Kanyang kataas-taasang kapangyarihan; walang anumang hindi nagpapaabot ng mensahe na ‘ang awtoridad ng Lumikha ay hindi malalampasan,’ na hindi nagpapahayag ng walang hanggang katotohanan na ‘ang awtoridad ng Lumikha ang pinakamataas’(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Malaki ang naging katuturan ng mga salitang ito sa akin, at hindi ko naiwasang isipin na ang pag-renew ng aking kontrata ay parang isang bagay na ipinlano ng Langit. Naisip ko rin ang pamilya kung saan ako isinilang, ang buhay ko sa piling ng aking pamilya, at lahat ng nangyari sa paligid ko—lahat ng iyon ay mga bagay na hindi ko kayang kontrolin at hindi ko maaaring asahan. Nagkaroon ako ng pakiramdam na sa banda riyan, may isang Pinunong Makapangyarihan sa Lahat na nagpapasiya.

Pagkatapos ay pinagbasa ako ng kaibigan ko ng isang sipi mula sa mga salita ng Diyos sa Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III, na bumabanggit tungkol sa anim na sugpungan na dapat pagdaanan ng isang tao sa buhay: Ang Unang Sugpungan ay ang pagsilang; ang ikalawang sugpungan ay ang paglaki; ang ikatlong sugpungan ay ang kalayaan; ang ikaapat na sugpungan ay ang pag-aasawa; ang ikalimang sugpungan ay ang mga supling; ang ikaanim na sugpungan ay kamatayan. Namangha ako matapos kong mabasa ang mga salitang ito mula sa Diyos. Hindi ko naisip kailanman na nagsalita nang napakalinaw ng Diyos tungkol sa tadhana ng tao sa buong buhay niya. Ngunit ang mga katotohanan ay talagang katulad ng Kanyang inilarawan. Ang pamilya kung saan isinisilang ang isang tao ay talagang hindi nila mapipili, at hindi nila mapipili kung anong klase ang kanilang mga magulang. Nang lalo ko itong pag-isipan, lalo kong nadama na ang mga salitang ito ay napaka-praktikal, at pagkatapos ay unti-unti na akong naniwala sa puso ko ang nasabi ng Makapangyarihang Diyos, na ang kapalaran ay hindi isang bagay na mababago mong mag-isa. Pagkatapos niyon ay mas lalo akong naging interesado sa pananampalataya; naniwala ako na may Diyos na ang kapalaran ng isang tao ay hindi kontrolado ng sarili niya. Ngunit dahil wala akong gaanong alam tungkol sa Diyos, nadama ko na napakalayo Niya sa akin. Gayunman, di-nagtagal sa isang karanasan pagkatapos niyon, tunay kong nadama na katabi ko ang Diyos, at binabantayan at pinoprotektahan ako.

Umuulan noong araw na iyon, at nakarating ako trabaho sa oras tulad ng dati. Pasado alas-10:00 ng umaga, nagtatrabaho ako sa jobsite nang bigla akong nakarinig ng isang pagsabog. May kung anong hindi ko alam na bumagsak nang malakas sa lupa, at nanlamig ako sa takot. Nang lumingon ako para tingnan iyon, nasindak ako sa nakita ko—isang mahabang tubong yari sa bakal na 40 sentimetro ang lapad at 4 na metro ang haba, na mga kalahating tonelada ang bigat. Nahulog iyon mula sa isang crane. Bumagsak ito sa lupa sa aking likuran, na wala pang isang metro ang layo sa kinatatayuan ko. Takot na takot ako sa sandaling iyon na talagang hindi ako nakaimik, at medyo natagalan bago ako nahimasmasan mula sa pagkasindak. Sa puso ko ay sumisigaw ako nang walang humpay: “Salamat, Diyos ko! Salamat, Diyos ko! Kung wala Ka roon para bantayan at protektahan ako, binagsakan na sana ako nang diretso ng tubong iyon, at tapos na sana ang aking walang-kabuluhang buhay.”

Paglabas ko sa trabaho, ikinuwento ko sa mga kapatid ang nangyari sa araw na iyon, at ipinaliwanag nila sa akin na proteksyon iyon ng Diyos. Binasahan din nila ako mula sa salita ng Makapangyarihang Diyos: “Sa mahabang kabuuan ng buhay ng tao, halos bawat isang tao ay nakasagupa na ng maraming mapanganib na sitwasyon at sumailalim na sa maraming tukso. Ito’y dahil si Satanas ay nandoon mismo sa tabi mo, ang mga mata nito ay palaging nakatuon sa iyo. Kapag ang kapahamakan ay dumarating sa iyo, nagagalak si Satanas dito, kapag sumasapit sa iyo ang mga kalamidad, kapag walang mabuting nangyayari sa iyo, kapag ikaw ay napupulupot sa sapot ni Satanas, tuwang-tuwa si Satanas sa mga bagay na ito. Tungkol naman sa ginagawa ng Diyos, palagi ka Niyang pinapangalagaan, inilalayo ka Niya sa sunud-sunod na kasawian at sa sunud-sunod na kapahamakan. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na lahat ng mayroon ang tao—kapayapaan at kasiyahan, mga pagpapala at personal na kaligtasan—sa totoo lang ay nasa ilalim lahat ng kontrol ng Diyos; ginagabayan Niya at pinagpapasiyahan ang kapalaran ng bawat isang tao(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos naunawaan ko na ang mga tao ay nabubuhay araw-araw sa lambat ni Satanas, at maaaring maharap sa lahat ng uri ng mapanganib na tukso anumang sandali. Maaari silang makaranas ng mga kapahamakan, kalamidad at kahit ilang bagay na hindi umaayon sa kanilang nais. Kung hindi sila binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos, matagal na sanang nilamon ni Satanas ang mga tao. Nasasaisip ang panganib na nakaharap ko sa sarili kong trabaho, sa tubong bakal na halos kalahating tonelada ang bigat na nahulog sa lupa nang kalahating metro lamang ang layo mula sa akin, alam ko na hindi lang ako sinuwerte. Bagkus, dahil sa pagbabantay at pagprotekta sa akin ng Diyos, naiwasan ko ang balang iyon. Hindi ko alam kung ilang beses ako nakinabang sa pagbabantay at proteksyon ng Diyos sa akin sa mga taon na iyon, ngunit magkagayunman, hindi ko naunawaan o sinamba ang Diyos; talagang wala akong budhi. Simula sa sandaling iyon, mas naunawaan ko na ang biyaya ng pagliligtas ng Diyos. Ang katotohanan na buhay pa ako ay dahil lahat sa mapagmahal na kamay ng Diyos na nagpoprotekta sa akin; at nagpasalamat ako sa Diyos nang taos-puso. Nagpasiya rin ako na mula noon ay gagawin ko ang lahat ng makakaya ko upang sundin ang Diyos. Sa sumunod na mga araw, dumalo ako nang madalas sa mga pagtitipon, binasa ko ang mga salita ng Diyos, nagbahaginan at nagkuwentuhan kami ng mga kapatid ng mga karanasan at pag-unawa sa mga salita ng Diyos, at nagkantahan ng mga himno ng papuri sa Diyos. Nakadama ako ng kalayaan sa puso ko. Nagtulungan at nagsuportahan kaming magkakapatid sa isa’t isa sa aming mga espirituwal na buhay. Walang isa man sa kanila ang humamak sa akin, ni wala ring sinumang nagbalewala sa mga maralita at pumuri sa mayayaman—nadama ko na nagawa kong mabuhay ako nang may dangal. Sa pagtira sa malaki, kaaya-aya, at masayang bahay ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, unti-unting nagkaroon ng mga pagbabago sa buhay ko. Hindi na ako nakadama ng pagkabalisa, pagdurusa, at kahungkagan sa paglipas ng mga araw. Nakadama ako ng higit na ligaya at katuparan kaysa noon.

Isang araw, may nangyaring masama sa isang matagal nang empleyado sa aming kumpanya; Japanese siya at mahigit sampung taon nang nagtrabaho sa kumpanya. Talagang malakas siya kapwa sa kamalayan sa kaligtasan at sa teknolohiya, ngunit sa araw na iyon sa oras ng trabaho niya, nagmamaneho siya ng isang lifiting truck at gumagawa ng kaunting trabaho na dalawampung metro ang taas sa ere. Habang pinatatakbo ito, nagsimulang tumagas ang gasolina dahil sa kanyang kapabayaan. Isa pang trabahador ang naghihinang na nakalutang sa ere sa ibabaw niya mismo. Tumilamsik ang apoy sa damit niya, nadikit sa tumatagas na gasolina—ganoon lang, nagkaroon na ng malaking sunog. Nakatingin lang kaming lahat na naroon habang nilalamon ng apoy ang matagal na naming katrabaho, ngunit wala talaga kaming magagawa. Walang sapat na oras para puntahan siya ng sinuman para iligtas, at sa loob lang ng ilang minuto, nasunog na siya nang buhay. Marami na nakatingin lang habang nagaganap ang trahedyang ito ang nalungkot para sa kanya, at naunawaan nila ang katotohanan ng buhay: Para saan nga ba, kung gayon, nabubuhay ang mga tao? Dahil sa isang bagay na katulad nito na nangyayari sa tabi ko mismo, tunay kong napagtanto na kung inilalayo ng tao ang kanilang sarili mula sa Diyos at hindi sila binabantayan at pinoprotektahan ng Diyos, walang katiyakan ang kanilang buhay. Nahaharap sa anumang klase ng kapahamakan, napaka-delikado ng buhay ng tao, hindi nila magawang tiisin ang pinakamaliit na dagok. Labis ko ring nadama na gaano man kahusay ang kasanayan ng tao o gaano man kalaki ang pera nila, wala silang kontrol sa sarili nilang tadhana, at lalo nang hindi nila nagagawang iligtas ang kanilang sarili mula sa mga kapahamakan at kamatayan.

Hindi nagtagal pagkatapos niyon, nabasa ko ang siping ito mula sa mga salita ng Diyos: “Dahil sa kataas-taasang kapangyarihan at pagtatadhana ng Lumikha, ang isang malungkot na kaluluwa na nagsimula nang walang anuman sa pangalan niya ay nagkakaroon ng mga magulang at isang pamilya, ng pagkakataon na maging kasapi ng sangkatauhan, ng pagkakataon na maranasan ang buhay ng tao at makita ang mundo. Natatamo rin ng kaluluwa na ito ang pagkakataon na maranasan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Lumikha, na malaman ang kahanga-hangang paglikha ng Lumikha, at higit pa riyan ay ang malaman at magpasakop sa awtoridad ng Lumikha. Subalit hindi tunay na sinasamantala ng karamihan ng mga tao ang pambihira at madaling lumipas na pagkakataong ito. Inuubos ng tao ang panghabambuhay na halaga ng enerhiya sa paglaban sa kapalaran, ginugugol ang lahat ng kanyang panahon sa pagiging abala para buhayin ang kanyang pamilya at nagpapabalik-balik sa pagitan ng kayamanan at katayuan. Ang mga bagay na pinakaiingat-ingatan ng mga tao ay ang pamilya, salapi, at katanyagan at itinuturing nila ang mga bagay na ito na pinakamahahalagang bagay sa buhay. Lahat ng tao ay nagrereklamo tungkol sa kanilang mga kapalaran, subalit isinasantabi pa rin nila sa kanilang mga isip ang mga usapin na pinakamahalagang suriin at unawain: bakit buhay ang tao, paano dapat mabuhay ang tao, ano ang kahalagahan at kahulugan ng buhay. Gaano man karaming taon sila magtatagal, ginugugol lamang nila ang buong buhay nila sa pagiging abala sa paghahanap ng katanyagan at mabuting kapalaran, hanggang sa lumipas na ang kabataan nila at maging matanda at kulubot na sila. Nabubuhay sila nang ganito hanggang sa makita nila na hindi mapapahinto ng katanyagan at mabuting kapalaran ang pagdausdos nila tungo sa katandaan, na hindi maaaring punan ng salapi ang kahungkagan ng puso; na walang sinuman ang malilibre mula sa mga batas ng pagsilang, pagtanda, pagkakasakit, at kamatayan, na hindi matatakasan ninuman ang kapalarang nakalaan sa kanila. Tanging kapag napilitan lamang silang harapin ang huling sugpungan ng buhay nila tunay na nauunawaan na kahit na magmay-ari ang isang tao ng napakalaking kayamanan at napakaraming ari-arian, kahit marami siyang pribilehiyo at may mataas na katayuan, walang sinuman ang maaaring makatakas sa kamatayan, bawat isa ay babalik sa kanyang orihinal na posisyon: isang nag-iisang kaluluwa, na walang anuman sa pangalan niya(Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Matapos basahin ang mga salitang ito ng Diyos, labis akong napukaw: Ang kaluluwa ng mga tao ay nagmumula sa Diyos, at pumaparito sa mundo dahil sa naitakda ng Diyos. Magkagayunman, ayaw pa ring paniwalaan at sambahin ng mga tao ang Diyos, hindi nila pinahahalagahan ang pagkakataong ito na maranasan ang awtoridad ng Lumikha nang personal. Sa halip, ang alam lang nilang gawin ay mabuhay para sa pera, katanyagan, at pagmamahal. Hibang na hibang na nagpaparoo’t parito sila para matakasan ang naiplano na para sa kanila, ngunit ano ang mapapala ng mga tao sa paghahangad sa mga bagay na ito? Kapag namatay sila, alin sa mga bagay na ito—mga mahal sa buhay, katanyagan, o kayamanan—ang makapagliligtas sa kanila? Hindi ba ang pagkamatay ng katrabaho ko ang pinakamagandang halimbawa ng katotohanang ito? At nang maisip ko ang mga bagay na hinangad ko Iniisip ang mga bagay na hinangad ko na noon, hindi ba pareho ang mga iyon? Nang mangibang-bansa ako para magtrabaho, tinanggap ko ang anumang trabaho—marumi, nakakapagod, o mapanganib—para lang kumita ako ng mas maraming pera, tingalain ako ng mga tao, at gumapang palabas ng karukhaan. Sa kabila ng matinding pagdurusa, hindi man lang naisip kailanman na baguhin ang aking pamumuhay. Patuloy lang akong nagtiyagang tumahak sa dating landas na iyon. Sa puso ko, hindi ko alam kung may Diyos o kung nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng tao, kundi umasa lang ako sa sarili kong pagsusumikap na baguhin ang aking tadhana. Nagpunyagi akong makatakas mula sa mga pagsasaayos at plano ng Diyos para sa buhay ko. Hindi ba patungo ako sa pagkawasak? Kung hindi sa pagliligtas ng Diyos, kung hindi sa pagbabantay at pagprotekta ng Diyos sa akin, palagay ko matagal nang naagaw ni Satanas ang aking munting buhay. Sa gayon ay paano magiging ganap at makabuluhan ang buhay ko na tulad ngayon? Sa sandaling iyon, nakita ko rin sa wakas na ang kahulugan ng buhay ay hindi para maghangad ng kayamanan o katanyagan, ni hindi ito para manguna sa iba para tingalain nila tayo, kundi sa halip, iyon ay para makapasok sa presensya ng Diyos at matanggap ang Kanyang pagliligtas. Sa pagsamba at pagpapasakop lamang sa Diyos tayo makakalaya sa pamiminsala ni Satanas at mabubuhay sa kapayapaan at kaligayahan. Habang lalo kong pinag-iisipan ito, lalo akong naaantig. Nakita ko na ang kakayahan kong manampalataya sa sa espesyal na biyaya ng Diyos para sa akin. Pinasasalamatan ko ang Makapangyarihang Diyos sa pagliligtas sa akin!

Sinundan: Ang Aking Pinili

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Hindi na Ako Naduduwag

Ni Mu Yu, Tsina Nabalitaan ko ang pagkaaresto ng isang sister noong Setyembre 2. Papunta ako sa bahay ng isang lider noong araw na iyon,...