Pagiging Tapat sa Aking Tungkulin

Hulyo 23, 2020

Ni Yangmu, South Korea

Dati, inggit na inggit ako kapag nakikita kong nagtatanghal ang mga kapatid, umaawit at nagsasayaw ng papuri sa Diyos. Pinangarap kong makapagtanghal sa entablado para umawit at magpatotoo sa Diyos. Inisip kong isa iyong malaking karangalan! Mas maagang dumating ang araw na iyon kaysa sa inakala ko.

Noong Mayo 2018, sumali ako sa mga ensayo para sa Awit ng Kaharian, isang choral show. Hindi ako nag-aral ng pagkanta o pagsayaw, kaya talagang nahirapan akong mag-ensayo noong una. Kabadong-kabado ako at walang emosyon kapag kumakanta, at lagi akong wala sa tiyempo kung sumayaw. Pero hindi pa rin ako nasiraan ng loob. Iniisip kong patotoo ang Awit ng Kaharian sa buong sangkatauhan tungkol sa pagparito ng Diyos at agad akong magiging inspirado at patuloy na mananalangin. Determinado akong ibigay ang lahat sa pagkanta at pagsayaw. Ginabayan ako ng Diyos nang paunti-unti, at pagkalipas ng ilang buwan mas komportable na ako sa lahat ng iyon. Ginagabayan ko rin ang mga kapatid sa pag-eensayo ng mga ekspresyon. Nagsimula na akong matuwa sa sarili ko, iniisip ko, “Ang galing na talaga ng mga ekspresyon at galaw ko ngayon. Siguradong ilalagay ako sa pinakaharap kapag nag-film kami, at kapag napanood ako rito ng mga kapatid sa lugar namin matutuwa sila nang sobra. Siguradong maiinggit din sila, at hahanga sa akin.” Ang saya-saya ko tuwing maiisip ko iyon at lalo akong ginanahan sa tungkulin ko. Kahit naliligo na ako sa pawis at masakit na ang katawan sa kaka-ensayo, hindi pa rin ako nagpahinga. Baka kasi kapag nagpabaya ako, hindi ako ilagay sa harapan, at mababawasan ang pagkakataon kong makita. Alam ko na dapat kong galingan kahit mahirap at nakakapagod. Pinlano ng direktor ang mga pwesto namin nang malapit na ang pag-film. Sabik kong binuksan ang listahan ng mga gaganap at hinanap ang pangalan ko, tapos nakita kong nasa ikapitong hanay ako. Hindi ako agad makapaniwala. Bakit sa likod na likod ako inilagay? Nagkamali ba ang direktor? Mahusay ang mga ekspresyon at galaw ko, at tinutulungan ko pang mag-ensayo ang mga kapatid. Naisip kong dapat talaga nasa mga unang hanay ako. Bakit ako mapupunta sa likuran? Kung hindi ako makikita sa screen, kung wala akong mga kuha, hindi man lang ako makikita ng iba. Nainis talaga ako sa naisip kong iyon. Sa mga ensayo mula noon, wala nang saya sa pagkanta ko o sigla sa pagsayaw ko. Laging masama ang loob ko, lalo na nang makita kong wala namang espesyal sa ekspresyon at galaw ng ilang kapatid, pero nasa unang tatlong hanay sila. Hindi ko talaga maintindihan. Paano sila naging mas magaling sa akin? Bakit sila inilagay sa harap, habang napunta ako sa likuran? Napuno ako ng inggit at hindi ko iyon matanggap. Nakita ko rin naman ang ilang kapatid na mas magaling sa akin sa ensayo na inilagay sa mas likuran pa, pero mukhang kuntentong-kuntento sila sa mga ensayo na parang hindi man lang sila apektado rito. Nagtaka ako: Kahit nasa likuran, masunurin sila at masiglang ginagawa ang tungkulin nila, kaya bakit ang hirap-hirap para sa akin, at bakit hindi ko kayang magpasakop? Wala ba ako sa katwiran? Nakaramdam ako noon ng konting pagsisisi, pero hindi ko pa rin hinanap ang katotohanan o nagnilay-nilay. Hindi ko pa rin matanggap kung saan ako inilagay sa lineup.

Makalipas ang ilang araw, binago nang kaunti ng direktor ang lineup. Lihim akong natuwa at inisip ko kung malilipat ako sa harapan. Pero nang makita ko iyon, gusto ko talagang umiyak. Inilagay ako sa pinakahuling hanay at sa pinaka-gilid kung saan hindi ako halos makikita sa kamera. Ang mas hindi ko mapaniwalaan ay inilagay sa harap ko ang ilang sister na bago lang nag-eensayo. Gulong-gulo ako at ang sama ng loob ko. Pinaghirapan kong ensayuhin ang mga ekspresyon at galaw ko para makasama sa pelikula, kaya bakit ako iniligay sa isang hindi nakikitang sulok na wala ni kaunting pagkakataon na maipakita ang mukha ko? Prop lang ako! Para saan pa ang pagsali ko sa palabas? Kung alam ko lang, hindi na sana ako nagpakahirap sa mga ensayo. Sobrang nanlumo ako at hindi ko matanggap ang pangyayaring ito. Makalipas ang ilang araw ng ensayo, napilayan ako sa bukung-bukong. Naisip ko, “Makakapagpahinga na ako ngayong napilay ang bukung-bukong ko, hindi ko na kailangang magpakapagod araw-araw. Nasa likod ako, wala namang makakakita sa akin. Bakit pa ako magpapakahirap?” Huli na ako dumadating at maagang umuuwi, at nang tumindi ang mga ensayo, magpapahinga lang ako sa tabi-tabi. Nang makita ako ng ilang sister, pinaalalahanan nila ako. “Malapit na tayong mag-film. Kapag hindi ka nag-ensayo ngayon, hindi ka makakasabay sa iba. Hindi tayo pwedeng papatay-patay.” Medyo nakakabalisa marinig iyon at medyo nalungkot naman ako. Alam kong 20 araw na lang, mag-fi-film na kami, kaya kung hindi ako mag-eensayo nang maigi, maaantala ang buong proyekto. Makakagulo ako. Bigla akong nakaramdam ng takot. Bakit ang sama ko naman? Sa pagninilay-nilay ko lang napagtanto na nagdadahilan ako at lumalaban, at nawalan na ako ng gana sa tungkulin ko simula nang malagay ako sa likuran at mawalan ng pagkakataong magpasikat. Sapat lang ang ginagawa ko, hindi ko na ginagalingan. Sinusuway ko ang Diyos at lumalaban ako. Palala rin nang palala ang pilay ko, na maaaring paraan ng pagdisiplina sa akin ng Diyos. Kung patuloy akong lalaban, hindi bale na kung makakapagpasikat o hindi, baka hindi na ako makaakyat sa entablado at mawalan pa ng tungkulin. Sa aking paghihirap at pagsisisi, lumuhod ako para manalangin sa Diyos nang gabing iyon. “O Diyos ko, masamang-masama ang loob ko mula nang makita kong inilagay ako sa likuran at hindi ko nagawang magpasakop, puro ako reklamo, at hindi ko pinagbuti ang tungkulin ko, pinapabayaan ang trabaho. Nakita ko ang tindi ng paghihimagsik ko, kung paano Kita binigo. Diyos ko, gabayan mo ako upang makalabas sa kalagayang ito.”

Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Sa sandaling pumasok na sa usapan ang posisyon, mukha, o reputasyon, lumulukso sa pag-asam ang puso ng lahat, at gusto palagi ng bawat isa sa inyo na mamukod-tangi, maging tanyag, at makilala. Lahat ay ayaw sumuko, sa halip ay palaging nagnanais na makipagtalo—kahit nakakahiya at hindi tinutulutan ang pagtatalo sa sambahayan ng Diyos. Gayunman, kung walang pagtatalo, hindi ka pa rin kuntento. Kapag nakikita mong may ibang namumukod-tangi, naiinggit ka, namumuhi, at na hindi iyon patas. ‘Bakit hindi ako namumukod-tangi? Bakit palagi na lang ang taong iyon ang namumukod-tangi, at hindi ako kahit kailan?’ Sa gayo’y naghihinanakit ka. Sinusubukan mo itong pigilin, ngunit hindi mo magawa. Nagdarasal ka sa Diyos at gumaganda ang pakiramdam mo sandali, ngunit kapag naharap kang muli sa ganitong sitwasyon, hindi mo ito madaig. Hindi ba iyan tayog na kulang pa sa gulang? Hindi ba isang patibong ang pagkahulog ng isang tao sa gayong katayuan? Ito ang mga kadena ng likas na katiwalian ni Satanas na gumagapos sa mga tao. Kung naiwaksi na ng isang tao ang mga tiwaling disposisyong ito, hindi ba siya noon malaya at napakawalan na? Isaalang-alang mo ito: Anong mga uri ng pagbabago ang kailangang gawin ng isang tao kung nais niyang maiwasang mabitag sa mga kundisyong ito, mapalaya ang sarili niya mula sa mga ito, at mapakawalan mula sa pagkayamot at pagkagapos ng mga bagay na ito? Ano ang kailangang makamit ng isang tao bago siya maging tunay na malaya at napakawalan? Sa kabilang banda, kailangan niyang makita nang malinaw ang mga bagay-bagay: Ang katanyagan at yaman at posisyon ay mga kasangkapan at pamamaraan lamang na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang mga tao, bitagin sila, saktan sila, at gawin silang ubod ng sama. Sa teorya, kailangan mo munang magtamo ng malinaw na pagkaunawa rito. Bukod pa roon, kailangan mong matutuhang pakawalan at isantabi ang mga bagay na ito. … Kung hindi, habang nagpupumilit ka, lalong magdidilim ang paligid mo, at lalo kang maiinggit at mamumuhi, at lalong titindi ang hangarin mong magtamo. Habang mas tumitindi ang hangarin mong magtamo, lalo mo itong di matatamo, at habang mas kaunti ang natatamo, mas namumuhi ka. Habang mas namumuhi ka, lalong nagdidilim ang kalooban mo. Kapag lalong nagdilim ang iyong kalooban, lalo mong hindi magagampanan ang iyong tungkulin; kapag lalo mong hindi nagagampanan ang iyong tungkulin, lalo kang mawawalan ng silbi. Ito ay magkakaugnay at masamang bagay na paulit-ulit na nangyayari. Kung hindi mo magagampanan nang maayos ang iyong tungkulin kailanman, kung gayon ay unti-unti kang aalisin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Medyo natauhan ako dahil dito. Ibinunyag nang eksakto ng Diyos ang kalagayan ko. Nang sumali ako sa koro at nakita kong nagiging mas pamilyar na ako sa proseso, at ginagabayan ang ibang mag-ensayo, pakiramdam ko mas magaling na akong magtanghal sa kanila at sa harap ako ilalagay sa pag-fi-film. Nag-uumapaw ang kasiglahan ko sa aking tungkulin nang akala ko ay makakapagpasikat ako. Masaya akong magpakahirap, at nakatuon lang sa pag-eensayo. Pero nang maurong nang maurong ang pwesto ko sa likuran, naglaho ang pag-asa kong magpasikat. Tutol ako sa pagkakaayos ng direktor at ayaw kong tanggapin ang mga nasa harapan. Naiinggit ako sa kanila. Mali ang intindi ko at nagreklamo ako, pakiramdam ko hindi patas iyon. Tinangka kong mangatwiran at makipagbungguan ng ulo sa Diyos at naging negatibo at pabaya ako sa tungkulin ko. Nanghinayang pa ako sa pinagpaguran ko sa pag-eensayo. Sa pagninilay-nilay ko sa mga motibo at asal ko, nakita kong hindi ko ginagawa ang tungkulin ko para sa kalooban ng Diyos o para magpatotoo sa Kanya. Kundi, gusto kong gamitin ang oportunidad para mapansin, para hangaan ng iba. Hindi ba’t sariling reputasyon at katayuan ko lang ang ipinaglalaban ko? Napakasakim at kasuklam-suklam ko! Ang pagkakataong makasali sa koro ay pag-aangat ng Diyos sa akin, pero sa kawalan ng konsensya at katinuan, hindi ko inisip pagbutihin ang tungkulin ko at bigyang-lugod ang Diyos. Ipinaglaban ko lang ang makapagpasikat. Sumama ang loob ko at nagreklamo nang hindi ako makapagpasikat. Nasadlak ako sa dumidilim na kalagayan. Hindi ko napagbuti ang tungkulin ko, at nasuklam doon ang Diyos. Hindi ba’t nahulog ako sa bitag ni Satanas? Naisip ko lahat ng kapatid na ginagawa ang tungkulin sa likod ng eksena, hindi makakaakyat ng entablado, pero nagpakahirap sila nang walang reklamo, tapat sa kanilang mga tungkulin at praktikal. Wala akong kuwenta kumpara sa kanila. Pakiramdam ko’y wala akong utang-na-loob at napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos. Ayokong manatiling mapanghimagsik. Gusto kong magsisi sa Diyos.

Nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Kailangan mong matuto na hayaan at isantabi ang mga bagay na ito, na irekomenda ang iba, at tulutan silang mamukod-tangi. Huwag kang magpumilit o magmadaling manamantala sa sandaling magkaroon ka ng pagkakataong mamukod-tangi o mapuri. Kailangan mong matuto na pagbigyan ang iba, ngunit huwag mong ipagpaliban ang pagsasagawa ng iyong tungkulin. Maging isang taong nagtatrabaho nang patago, at hindi nagpapasikat sa iba habang matapat mong ginagampanan ang iyong tungkulin. Kapag lalo mong binitiwan ang iyong kasikatan at katayuan, lalo mong bibitiwan ang sarili mong mga interes, mas mapapayapa ka, at magkakaroon ng mas malaking puwang sa iyong puso at bubuti ang lagay mo. Kapag lalo kang nagpumilit at nakipagkumpitensya, lalong didilim ang lagay mo. Kung hindi mo ito pinaniniwalaan, subukan mo at makikita mo! Kung gusto mong baligtarin ang ganitong klaseng kalagayan, at hindi ka makontrol ng mga bagay na ito, kailangan mo munang isantabi at isuko ang mga ito(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Sa tuwing gusto ko ulit magpasikat, kinailangan kong manalangin sa Diyos at talikdan at iwaksi ang sarili kong kagustuhan at mas isipin na isagawa ang tungkulin ko ayon sa hinihingi ng Diyos, at husayan ang mga galaw ko at ayusin ang pagkanta ko. Iyon ang kinailangan kong gawin. Napagtanto ko na ang pagiging bahagi ng “Awit ng Kaharian” ay paggawa ko ng tungkulin bilang nilalang, nasa harapan man ako o sa likuran. Hindi ipinapasya ng Diyos kung tapat ang mga tao sa kanilang tungkulin batay sa pwesto nila sa lineup, kundi sa sinseridad nila, at kung isinasagawa nila ang katotohanan at nagpapasakop sa Diyos. Mas naging panatag ako nang maunawaan ko ang kalooban ng Diyos, at idinalangin ito: “Diyos ko, ayoko nang maghimagsik sa Iyo. Saan man ang puwesto ko, kahit sa pinakalikuran kung saan walang makakakita sa akin, gusto kong pagbutihin ang tungkulin ko para makalugod sa Iyo!”

Sa mga sumunod na ensayo, lagi na akong nasa likuran. Minsan naiisip kong hindi ako makakasama sa kuha kapag ganoon, na wala nang hahanga sa akin, at medyo madidismaya ako. Pero agad akong magdadasal sa Diyos at hihilingin sa Kanyang payapain ako, at pinag-isipan ko kung paano ipapahayag ang gusto ng Diyos sa bawat linyang kakantahin ko, at paano sumayaw nang masigla, ayon sa choreography. Nang simulan kong ilagay ang puso ko rito, parang ang lapit-lapit ko sa Diyos at wala na akong pakialam kung saan ako ipuwesto. Ang pambihira, habang papalapit kami sa pag-fi-film, palapit ako nang palapit sa harapan at nabigyan din ako ng maliliit na eksena. Nagpasalamat ako sa Diyos sa pagbibigay ng pagkakataon na mag-ensayo. Sa ilang araw ng shooting ng mga eksena, pinanghawakan ko ang pagpapasalamat ko. Sa bawat kuha, itinuon ko ang paglalagay ng puso ko roon para wala akong pagsisihan sa tungkulin ko. Para sa huling eksena, inilagay ako sa unang hanay at napakalapit ng kamera sa akin. Hindi talaga ako makapaniwala. Malaking karangalan iyon para sa akin. Paulit-ulit akong nagpasalamat sa Diyos at determinado akong magpakahusay. Habang masaya akong pumupunta sa unang hanay, nakatutok sa akin lahat ng ilaw at lahat ng kamera. Isang sister ang nagmamadaling lumapit para ayusin ang damit, makeup, at buhok ko. Bigla kong naramdamang nakatutok ang atensiyon ng lahat sa akin, na nakatingin ang lahat sa akin, at hindi ko mapigilan ang sobrang tuwa. Kahit sa panaginip, hindi ko naisip na mapupunta ako sa unang hanay. Kung magiging maganda ang kuha, maraming makakakita sa akin, at talagang makikilala ako. Unti-unti kong nagugustuhan ang ideya. Hindi ko maipaliwanag ang pakiramdam. Nang maisip ko iyon Bigla kong napagtantong wala ako sa tamang kalagayan, at gusto ko na namang magpasikat. Dali-dali akong nanalangin sa Diyos at tinalikdan ang aking sarili, pero hindi ko pa rin mapigilan ang mali kong pag-iisip at hindi ko magawang kumalma. Nakadalawa o tatlong kuha kami, pero hindi ko iyon maisapuso. Pinaalalahanan kami ng direktor na ikondisyon ang aming pag-iisip. Nagsimula na akong mag-alala na nakita ng direktor na mali ang mga ekspresyon ko at ilagay ulit ako sa likod. Nag-alala ako na hindi na ako makapagpasikat. Pero napagtanto ko na hindi puwedeng interes ko lang ang nasa isip ko, at dapat kong isaayos ang kalagayan ko para magawa nang tama ang tungkulin ko. Nagtatalo ang kalooban ko sa pagitan ng paggawa nang maayos sa tungkulin ko at sa pangambang hindi ako makapagpasikat. Kinabahan ako nang husto dahil doon. Limang sunud-sunod na kuha ang ginawa namin, pero hindi ko pa rin iyon maisapuso, at naninigas ako. Nakita ko na masayang pinagkukwentuhan ng ibang mga sister ang natutuhan nila sa shoot, at labis naantig ang iba na napaiyak pa sila, pero hindi ko mapasaya ang sarili ko. Sirang-sira ang loob ko at mabilis akong umalis.

Sa pagbalik ko, labis akong nakunsensiya sa hindi magandang nagawa ko sa pag-fi-film. Ang lahat ay naibigay sa Diyos ang tapat nilang mga puso at inosenteng mga ngiti, pero nakatutok lang ako sa pagpapasikat. Hindi sapat ang pagganap ko para magpatotoo sa Diyos, at hindi masisiyahan ang Diyos sa aking tungkulin. Sa puntong iyon gusto ko na talagang umiyak. Sinabi ko sa Diyos, “O Diyos ko, pinagsisisihan ko ang huling eksenang ito. Ayoko na talagang magpasikat, at gusto ko na lang sa likod ng entablado, sa isang sulok na wala ni isa, kahit kamera, na makakakita sa akin. Basta magkaroon lang ako ng simple at matapat na puso na tapat na aawit para sa Iyo, magiging masaya at payapa na ako, at hindi na ako makokonsensya ulit. Pero huli na ang lahat, at hindi na ako makakabawi sa pagkukulang ko.” Kapag iniisip ko iyon lalo lang akong naiinis, sising-sisi ako sa pagkakagawa ko ng tungkulin ko.

Kinalma ko ang aking puso at pinag-isipan iyong muli. Bakit ba ang tindi ng kagustuhan kong magpasikat at mapansin na napakahirap talikdan ang laman at isagawa ang katotohanan? Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Ang gusto mo, ang pinagtutuunan mo, ang sinasamba mo, ang kinaiinggitan mo, at ang iniisip mo sa iyong puso araw-araw ay lahat kinakatawan ang iyong kalikasan. Sapat na ito para patunayan na kinagigiliwan ng kalikasan mo ang kasamaan, at sa mga seryosong sitwasyon, masama at wala nang lunas ang kalikasan mo. Dapat mong suriin ang kalikasan mo sa ganitong paraan; ibig sabihin, siyasatin mo ang kinagigiliwan mo at ang tinatalikdan mo sa buhay mo. Maaring mabait ka sa isang tao sa isang panahon, nguni’t hindi nito pinatutunayan na kinagigiliwan mo sila. Ang tunay na kinagigiliwan mo ay kung ano eksakto ang nasa kalikasan mo, kahit pa mabali ang mga buto mo, masisiyahan ka pa rin dito at hindi mo ito matatalikdan kailanman. Ito ay hindi madaling baguhin(“Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Bukod sa pagtuklas sa mga bagay na kinagigiliwan ng mga tao sa kanilang likas na pagkatao, kailangan ding tuklasin ang iba pang aspetong may kinalaman sa kanilang likas na pagkatao. Halimbawa, ang mga pananaw ng mga tao sa mga bagay-bagay, ang mga pamamaraan at mga mithiin ng mga tao sa buhay, ang mga pinahahalagahan ng mga tao sa buhay at mga pananaw sa buhay, pati na rin ang mga pananaw nila tungkol sa lahat ng bagay na may kaugnayan sa katotohanan. Lahat ng ito ay umiiral sa kaibuturan ng kaluluwa ng mga tao at may direktang kaugnayan ang mga ito sa pagbabago ng disposisyon(“Ang Dapat Malaman Tungkol sa Pagbabago ng Disposisyon ng Isang Tao” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang pag-iisip ng tao, mga kagustuhan, at mga paghahangad ay galing lahat sa ating likas at kinokontrol din ng ating likas. Tinanong ko sa sarili ko kung saan talaga ako nakatuon at ano ang hinahanap ko sa tungkulin ko. Noong palapit ako nang palapit sa harap ng entablado at nasa mas marami akong kuha, ang lagi ko lang iniisip ay mapunta sa harap sa wakas, para makita ako, at maging sentro ng inggit at respeto ng mga tao. Lalo na nang ilagay ako sa harap para sa huling eksena, pakiramdam ko isa akong sikat na artista. Para iyong isang malaking tagumpay, kaya hindi ko mapigilang magpasikat, at iharap ang pinakamaganda kong anggulo sa kamera, para masurpresa ang mga kapatid na nakakakilala sa akin, at magkaroon ako ng magandang alaalang hindi ko malilimutan. Nakita ko kung gaano kahalaga sa akin ng reputasyon at katayuan, at natanim na iyon sa kaibuturan ng puso ko.

Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Napakalalim na nakaugat sa mga tao ang isang satanikong disposisyon; nagiging buhay na nila ito. Ano ba talaga ang hinahanap at nais na matamo ng mga tao? Sa malakas na udyok ng isang tiwaling satanikong disposisyon, ano ang mga mithiin, inaasahan, ambisyon, at layunin at direksyon sa buhay ng mga tao? Hindi ba sumasalungat ang mga ito sa mga positibong bagay? Una, palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking katanyagan at mabuting pangalan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng pagkakaroon ng Diyos ng kapamahalaan sa kapalaran ng sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi iyan? Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais Niya ng isang taong matatag na nakatapak ang mga paa sa lupa, na naghahangad na maging karapat-dapat na nilalang ng Diyos, na kayang tuparin ang tungkulin ng isang nilalang, at na kayang manatili sa lugar ng isang tao(“Maaayos lamang ang mga Tiwaling Disposisyon sa pamamagitan ng Paghahanap sa Katotohanan at Pagtitiwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Palagi kang naghahangad ng kadakilaan, karangalan, at dignidad; palagi kang naghahangad ng pagpaparangal. Anong nararamdaman ng Diyos kapag nakikita Niya ito? Kinamumuhian Niya ito, at ayaw Niyang tingnan ito. Habang lalo kang naghahabol ng mga bagay gaya ng kadakilaan; karangalan; at pagiging mas mataas kaysa iba, kilala, katangi-tangi, at kapansin-pansin, lalo kang kasuklam-suklam para sa Diyos. Huwag kang maging isang taong kasuklam-suklam para sa Diyos! Kaya, paano ito makakamit? Sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay sa isang praktikal na paraan habang nakatayo sa posisyon ng tao. Huwag kang mag-isip ng mga walang-saysay na mga pangarap, huwag kang maghangad na maging tanyag o mamukod-tangi sa mga kapantay mo, at higit pa roon, huwag mong subukang maging isang dakilang taong hinihigitan ang lahat ng iba pa, na nakalalamang sa mga tao at ginagawa ang iba na sambahin sila. Iyan ang landas na nilalakaran ni Satanas; ayaw ng Diyos sa ganoong mga nilikhang nilalang. Kung, sa huli, kapag tapos na ang lahat ng gawain ng Diyos, mayroon pa ring mga taong naghahabol sa mga bagay na ito, mayroon lang isang kalalabasan para sa kanila: ang alisin(“Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Totoong nagising ako sa mga salita ng Diyos. Pinagnilayan ko kung bakit gustung-gusto kong magpasikat, bakit ang yabang ko. Lahat ng iyon ay dahil naturuan at nagawa akong tiwali ni Satanas. Ang mga lason nito gaya ng “Mamukod-tangi at magdala ng parangal sa kanyang mga ninuno” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa” ay talagang tumagos sa akin, nagbigay sa akin ng maling pananaw sa buhay. Itinuring kong positibo ang paghahangad ng reputasyon at katayuan at mas magandang pamumuhay sa iba. Ginawa ko ang mga iyong mithiin sa buhay. Kahit anong ginagawa ko, gusto kong magpasikat, na hangaan ako at kainggitan ng iba. Inisip ko na mas magiging maganda ang buhay ko sa iba, kagalang-galang. Kaya nagkaroon ako ng matinding pagmamahal para sa reputasyon at katayuan. Naisip ko kung gaano ko kagustong umangat noon sa paaralan at sa pakikipag-ugnayan sa iba. Gusto kong mahigitan ang iba, ang mapansin. Kapag may nakakapansin sa akin, talagang tuwang-tuwa ako. Kapag walang pumapansin sa akin o hindi ako mahalaga sa anumang grupo ng tao, hindi ko matanggap iyon. Gusto kong lumaban para magkapwesto, at nakakasama ng loob na mabigo roon. Nabubuhay ako sa mga lason ni Satanas, laging hinahangad na hangaan ako ng mga tao. Ang mga ito ay parang mga kadenang gumagapos sa akin, kumokontrol sa isipan ko, ipinapakita sa aking ang pagsali sa pelikula para magpatotoo sa Diyos ay para makita ako. Ginagamit kong tuntungan ang tungkulin ko para makamit ang sarili kong hangarin. Wala nang ibang nasa puso ko kundi paano mamukod-tangi, sumikat. Hindi ko inisip na magpakahusay sa tungkulin ko o bigyang-lugod ang Diyos. Nakita kong sa mga lason ni Satanas at mga hindi nalutas na disposisyon, hindi lang imposibeng magawa nang mabuti ang tungkulin ko at bigyang-lugod ang Diyos, kundi aalisin pa ako ng Diyos dahil naghimasik at lumaban ako sa Kanya.

Nabasa ko ito kalaunan sa mga salita ng Diyos: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao ay hindi ang kakayahang tapusin ang ilang gawain o isakatuparan ang anumang dakilang pagsasagawa, at hindi rin Niya kailangan sila na magpasimula ng anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, at hindi rin Niya kailangan na magsagawa ka ng anumang mga himala, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang makinig ka sa Kanyang mga salita at, matapos mong marinig ang mga ito, isapuso mo ang mga ito at sundin ang mga ito habang nagsasagawa ka sa isang praktikal na pamamaraan, upang ang mga salita ng Diyos ay maaaring maging ang isinasabuhay mo, at maging ang buhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos(“Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Nagkakaisang Pakikipagtulungan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakita ko na kalooban ng Diyos na hanapin natin ang katotohanan at maging lubos na matapat na tao, magpasakop sa Kanyang panuntunan at pagsasaayos, at ibigay ang lahat sa ating mga tungkulin. Ikalulugod Niya ang pagsisikap nating makamit ang mga mithiing ito. Hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos noon, hinanap ko lang ang reputasyon at katayuan. Kaya hindi ko magawa nang mabuti ang tungkulin ko, na nakabigo sa Diyos. Napakatiwali ko, pero hindi pa rin Niya ako sinukuan. Sa paglilipat sa pwesto ko sa entablado, paulit-ulit Niyang inihayag ang mga mali kong pananaw para makita ko ang tiwali kong makademonyong disposisyon, ibahin ko ang landas ko, at magbago. Tunay akong naantig sa pagmamahal ng Diyos. Nanalangin ako sa Kanya: “Diyos ko, ayoko nang hangarin na mapansin at hangaan. Pasakit lang ang dulot sa akin ng mga hangaring iyon at hindi kita nabibigyang-lugod sa aking tungkulin dahil doon, kaya nakukunsensya ako. Mula ngayon, nais ko lang magsagawa ayon sa Iyong mga salita. Anuman ang pwesto ko, makakapagpasikat man ako o hindi, ang gusto ko lang ay umawit ng papuri sa Iyo na taos-pusong nagpapasakop sa Iyo, upang magawa ko ang tungkulin ko at bigyang-lugod Ka.” Sa mga sumunod naming kuha, minsan ay inililipat ako sa likuran, minsan sa harapan, at minsan ay kailangan ako sa ensayo pero hindi sa pag-fi-film. Naapektuhan noon nang kaunti ang emosyon ko, pero naiwaksi ko na ang sarili kong kagustuhan sa pamamagitan ng pananalangin sa Diyos at pagbabasa ng mga salita Niya. Minsan nakita kong may mga sister na naapektuhan nang mabago ang pwesto nila at hindi napapagbuti ang tungkulin nila. Nakahanap ako ng angkop na mga salita ng Diyos at naiugnay sa karanasan ko para matulungan sila. Napanatag ako ng pagganap sa tungkulin sa ganoong paraan at napakahalaga noon! Inilagay ulit ako ng direktor sa unang hanay, pero hindi na ako nagpapasikat na tulad ng dati. Naramdaman kong kailangan kong gampanan ang aking tungkulin at magpatotoo sa bawat eksena. Tumuon ako sa pagkanta nang mabuti at paggawa ng tungkulin ko. Naalala ko ang isang eksena noong nasa pinakalikod ako, kinanta namin ito mula sa mga salita ng Diyos: “Itaas ang iyong matagumpay na bandila upang ipagbunyi ang Diyos! Awitin ang iyong awit ng tagumpay at ipalaganap ang banal na pangalan ng Diyos!” Inisip ko kung gaano ako ginawang tiwali ni Satanas, naghahangad ng reputasyon at katayuan, kaya hindi ko nagawa nang mabuti ang tungkulin ko para bigyang-lugod ang Diyos, sinaktan ko Siya nang labis. Noong araw na iyon, nadama kong dapat kong purihin ang Diyos nang taos-puso, ialay sa Kanya ang pinakamaganda kong awitin upang ipahiya at talunin si Satanas! Habang umaawit ako ng papuri sa Diyos sa entablado sa ganoong saloobin, nakadama ako ng kapayapaan at saya na ngayon ko lang naranasan. Nadama ko rin ang karangalan!

Hindi nagtagal, ang Awit ng Kaharian, isang malawakang gawaing pangkoro, ay naging online. Masaya naming pinanood na magkakapatid ang video. Ang makitang nakatayo ang marami sa mga pinili ng Diyos sa harap ng Bundok ng mga Olibo at may karangalang umaawit ng “Ipinagbubunyi ng mga tao ang Diyos, pinupuri ng mga tao ang Diyos” ay talagang nakaapekto sa akin, at sobra akong naantig, hindi ko mapigilang maluha sa pasasalamat. Sa paggunita ko sa lahat ng nangyari, nakita ko na mula sa pagkaapekto sa posisyon ko noong una kaya hindi ko mailagay ang puso sa tungkulin ko, hanggang sa hindi na ako apektado ng reputasyon at katayuan sa harapan o sa likuran man ang puwesto ko, sa pagganap lang bilang isang nilalang, malayang umaawit at nagpapatotoo sa Diyos, ay bunga lahat ng gawain ng Diyos sa akin. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...