Mga Gantimpala ng Pagganap sa Tungkulin

Hulyo 23, 2020

Ni Yang Mingzhen, Canada

Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Dapat na tunay at aktwal ang pagpapasakop sa gawain ng Diyos, at dapat itong isabuhay. Ang paimbabaw na pagpapasakop lamang ay hindi makatatanggap ng papuri ng Diyos, at ang pagsunod lamang sa paimbabaw na mga aspeto ng salita ng Diyos, nang hindi hinahangad ang pagbabago ng disposisyon ng isang tao, ay hindi umaayon sa puso ng Diyos. Iisa at pareho ang pagsunod sa Diyos at pagpapasakop sa gawain ng Diyos. Ang mga nagpapasakop lamang sa Diyos ngunit hindi sa gawain Niya ay hindi maituturing na masunurin, lalong hindi ang mga hindi tunay na nagpapasakop kundi ay mga mambobola sa panlabas. Ang lahat ng mga tunay na nagpapasakop sa Diyos ay nagkakamit mula sa gawain at nagtatamo ng pagkaunawa sa disposisyon at gawain ng Diyos. Ang ganitong mga tao lamang ang tunay na nagpapasakop sa Diyos. Nagkakamit ng bagong kaalaman ang ganitong mga tao, at sumasailalim sa mga bagong pagbabago mula sa bagong gawain. Tanging ang mga taong ito lamang ang pinupuri ng Diyos; tanging ang mga taong ito lamang ang naging perpekto, at tanging ang mga ito lamang ang nagbago ang disposisyon. Ang mga pinupuri ng Diyos ay ang mga nagagalak na magpasakop sa Diyos, at sa salita at gawain Niya. Ang ganitong mga tao lamang ang nasa tama, ang ganitong mga tao lamang ang taos-pusong nagnanais sa Diyos, at taos-pusong naghahangad sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Sumusunod sa Diyos Nang may Tapat na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos). Ipinapaalala sa akin ng pagkabasa ng mga salitang ito ng Diyos ang aking karanasan ng pagpapasakop sa Diyos.

Marso ng 2016 nagsimula ang lahat nang tumakas ako sa Tsina para makaligtas sa pag-aresto at pag-uusig ng Partido Komunista ng Tsina, nang sa gayo’y malaya kong maisagawa ang aking pananampalataya. Makaraan ang ilang panahon, pinuntahan ako ng pinuno ng iglesia na si Sister Zhang at nagtanong, “Gusto mo bang tanggapin ang tungkulin ng pagdidilig?” Tuwang-tuwa kong sagot, “Maganda iyan! Matutulungan ko ang mga kapatid na maunawaan ang katotohanan at makapagtatag ng pundasyon sa tunay na daan. Mabuting gawain iyon!” Naisip ko sa sarili ko: Kung malaman ng mga kapatid na kilala ako na ginagawa ko ang tungkulin ng pagdidilig hahangaan talaga nila ako at titingalain. Magmumukha akong napakabuti. Kaya lang, kung kailan asang-asa na ako, bumalik ang pinuno para kausapin ako ulit. May mga kapatid daw na kailangang lumipat dahil sa isang kagipitan, pero wala silang nakitang magandang lugar. Puwedeng-puwede raw ang bahay ko, at nakiusap siya kung puwede ko silang patuluyin. Naligalig ang loob ko nang sabihin niya iyon. Akala ko, pagdidilig ang tungkulin ko, pero ngayon, pagpapatuloy na pala ng bisita? Hindi kaya sa kusina na lang lagi ako? Mahirap na trabaho iyon, at tsaka, kahihiyan naman iyon. Malalaking negosyo ang napangasiwaan ko sa mundo, at nagkaroon pa ng sariling pabrika. Tawag nga sa akin ng lahat ng kaibiga’t kamag-anak ko, “superwoman.” Sa bahay ko noon, may katulong akong tagalaba, tagaluto, at tagalinis. Ngayon, ako naman ang kukuha ng papel na iyon at magluluto para sa iba. Ayaw ko talagang gawin iyon. Pero naisip ko, walang matitirhan ang mga kapatid at hindi nila tahimik na magagawa ang tungkulin nila, tsaka, ang bahay ko ay bagay namang tumanggap ng bisita, kaya’t pumayag ako kahit nag-aalangan.

Sa sumunod na ilang araw, ginagawa ko ang mga tungkulin ng pagtanggap ng bisita sa panlabas, pero sa loob ko ay naliligalig ako, at naghihinala na. Iniisip kaya ng mga kapatid ko na hindi ako bagay sa tungkulin ng pagdidilig? Ano pa ba’ng ibang dahilan kung bakit hiningi nilang magpatuloy ako ng bisita? Kapag nalaman ito ng mga kapatid na nakakakilala sa akin, sasabihin kaya nilang kulang ako sa realidad ng katotohanan, at wala na akong ibang tungkulin na kayang gawin, kundi ang tumanggap ng bisita? Lalo akong nadismaya sa inisip kong ito. Tapos nito, naisip ko ang ginawa kong pasya sa harap ng Diyos, na anumang tungkulin ang itoka sa akin, hangga’t ito’y makakatulong sa gawain ng iglesia, pagsisikapan kong gawin ito nang mabuti, at kahit na hindi ko ito gusto, magpapasakop pa rin ako para mapasaya ang Diyos. Kaya bakit hindi ko kayang magpasakop ngayong hinihingi sa aking magpatuloy ng bisita? Tahimik akong nanalangin sa Diyos. Sabi ko, “O Diyos, Ikaw ang nagpasya at nagsaayos para gawin ko ang pagpapatuloy ng bisita, pero parang gusto ko laging sumuway at hindi magpasakop. Liwanagan at gabayan Mo ako para maunawaan ko ang Iyong kalooban.”

Pagkatapos ay nagbasa ako ng dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa pagsukat kung masusunod ng mga tao ang Diyos o hindi, ang mahalagang tingnan ay kung may hinahangad silang anumang labis-labis mula sa Diyos, at kung may iba pa silang mga lihim na motibo o wala. Kung laging humihiling ang mga tao sa Diyos, pinatutunayan nito na hindi sila masunurin sa Kanya. Anuman ang mangyari sa iyo, kung hindi mo ito natatanggap mula sa Diyos, hindi nahahanap ang katotohanan, laging nagsasalita mula sa iyong pansariling pangangatwiran at laging nadarama na ikaw lamang ang tama, at kaya pa ring pagdudahan ang Diyos, magkakaproblema ka. Ang gayong mga tao ang pinakamayabang at pinakasuwail sa Diyos. Ang mga taong laging may hinihiling sa Diyos ay hindi kailanman totoong makasusunod sa Kanya. Kung humihiling ka sa Diyos, pinatutunayan nito na nakikipagkasundo ka sa Kanya, na pinipili mo ang mga sarili mong saloobin, at kumikilos ayon sa mga sarili mong saloobin. Dito, ipinagkakanulo mo ang Diyos, at walang pagsunod(“Masyadong Maraming Hinihingi ang mga Tao Mula sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Ano ang tunay na pagsuko? Tuwing gumagawa ang Diyos ng isang bagay na umaayon sa gusto mo, at pakiramdam mo ay kasiya-siya at maayos ang lahat, at natulutan kang mamukod-tangi, nararamdaman mong ito ay napakamaluwalhati, at sinasabi mong ‘salamat sa Diyos’ at nakakaya mong magpasakop sa Kanyang pagsasaayos at mga plano. Gayunman, tuwing itinatalaga ka sa isang lugar na hindi kapansin-pansin kung saan hindi mo kailanman nagagawang mamukod-tangi, at kung saan walang kumikilala sa iyo kailanman, hindi ka na masaya at nahihirapan ka nang magpasakop. … Kadalasan ay madaling sumuko kapag umaayon sa iyo ang mga sitwasyon. Kung kaya mo ring sumuko sa mahihirap na sitwasyon—kapag hindi umaayon sa gusto mo ang mga bagay-bagay at nasasaktan ka, nanghihina, nahihirapan ang katawan mo at nasisira ang iyong reputasyon, hindi nabibigyang-kasiyahan ang iyong kahambugan at kayabangan, at nahihirapan kang mag-isip—mayroon ka na talagang tayog. Hindi ba ito ang mithiing dapat mong pagsikapang matamo? Kung mayroon kayong ganitong pagnanais, ganitong mithiin, may pag-asa pa(Pagbabahagi ng Diyos). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na hindi transaksyon ang tunay na pagpapasakop, at walang sangkot na personal na pagpili rito. Gusto ko man ito o hindi, may pakinabang man ako o wala, basta’t ito’y galing sa Diyos at nakakatulong sa gawain ng simbahan, dapat akong ganap na magpasakop. Pero ano ang ginagawa ko sa halip na ito? Nang pakiusapan akong magpatuloy ng mga bisita, wala sa isip kong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos o suportahan ang gawain ng iglesia. Sa halip, inisip ko lang kung makakapagpasikat ba ako, para tingalain ako ng iba, at kung mabibigyang-kasiyahan ang kahambugan ko. Paano iyon naging pagpapasakop sa Diyos? Naisip ko noong ako’y pinuno pa ng grupo. Sa akin muna nagbabahagi palagi ang pinuno ng iglesia tungkol sa gawain ng iglesia. Iniisip ko noon na mataas ang tingin sa akin ng pinuno, at tinitingala ako ng aking mga kapatid. Walang pagsisikap na napakalaki sa aking tungkulin, at gaano man kahirap o nakakapagod, masaya akong gawin ito. Pero nang maharap sa tungkulin ng pagpapatuloy ng bisita, naging negatibo ako at iniisip kong hamak na gawain iyon. Ang mas mahalaga, gaano man ako nagsikap, hindi iyon makikita ng iba. Kaya kontra ako roon, at ayokong gawin iyon. Sa puntong iyon ko lang nakita na sobra-sobrang pagsisikap ang ibinigay ko sa dati kong tungkulin dahil makakapagpasikat ako at titingalain ako ng iba. Pero ang tungkulin ng pagpapatuloy ng bisita ay hindi makakapuno sa ambisyon ko, kaya hindi ko magawang magpasakop. Doon ko napagtanto na lagi pala akong may personal na gusto at pinipili sa tungkulin ko, at ang lagi ko lang iniisip ay ang reputasyon at posisyon ko, at paano ako nakikinabang dito. Ni hindi man lang ako naghanap ng katotohanan o nagpasakop sa Diyos!

Kalaunan ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos. “Yaong mga may kakayahang magsagawa ng katotohanan ay makakayang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa paggawa ng mga bagay. Kapag tinatanggap mo ang pagsisiyasat ng Diyos, naitutuwid ang puso mo. Kung gumagawa ka lamang ng mga bagay para makita ng iba at hindi tinatanggap ang pagsisiyasat ng Diyos, kung gayon, nasa puso mo pa ba ang Diyos? Ang mga taong tulad nito ay walang paggalang sa Diyos. Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pamamagitan ng pagmumuni-muni kung ikaw ay naging dalisay o hindi sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Nakakita ako ng daan ng pagsasagawa sa mga salita ng Diyos. Kailangan kong tanggapin ang pagsuri ng Diyos sa aking tungkulin, magkaroon ng pusong may takot sa Diyos, mabitawan ang personal na pakinabang at gawin lang ang anumang makakatulong sa simbahan. Pagkatapos maunawaan ang kalooban ng Diyos, dinasal ko ito: “O Diyos ko, handa akong tanggapin ang pagsusuri Mo. Hindi ko na pagtutuunan kung ano ang iniisip ng iba sa akin. Gusto ko lang magawang magpasakop sa Iyong pagsasaayos at gawin nang mabuti ang tungkulin ng pagpapatuloy ng bisita.” Sa mga sumunod na araw, nalaman ng mga kapatid ko sa iglesia na bagong salta lang ako sa bansang ito at nahihirapan sa pagbili ng mga bagay, kaya naghanap sila ng oras para samahan ako sa pagbili ng mga kinakailangan. Abala rin talaga sila sa kanilang mga tungkulin, pero tinutulungan nila ako sa gawaing-bahay kapag kaya nila. Kapag nagkakaproblema ako, magbabahagi sila ng mga salita ng Diyos sa akin, at magbabahagi ng sarili nilang mga karanasan para tulungan at suportahan ako. Wala sa mga kapatid kong ito ang humahamak o umiiwas sa akin dahil tagapagpatuloy lang ako. Naintindihan ko na wala talagang mataas o mababa pagdating sa paggawa ng mga tungkulin sa mga kapatid. Basta’t ginagawa lang natin ang ating mga tungkulin at obligasyon sa harap ng Diyos. Matapos ang karanasang ito, akala ko’y nagawa ko nang magpasakop nang kaunti sa aking tungkulin, pero dahil wala akong tunay na pagkaunawa sa likas at diwa ko, hindi ko pa rin lubusang nabibitawan ang paghahanap ng kasikatan at katayuan. Nalalantad na naman ako sa sandaling may lumabas na sitwasyong hindi ko nagugustuhan.

Kalaunan, tinawagan ako ng pinuno ng iglesia at sinabing lubos na naging abala si Sister Zhou sa pangangaral ng ebanghelyo, at nakiusap kung makakapaglaan ba ako ng kalahating araw tuwing Sabado para alagaan ang batang anak na babae ni Sister Zhou. Salungat agad ako sa ideyang ito ng pag-aalaga ng mga bata. Dati-rati’y abalang-abala ako sa negosyo ko, na hindi ko nga inalagaan ang sarili kong mga anak. Magmumukha talaga akong katulong sa pag-aalaga ng mga anak ng ibang tao. Ano na lang ang iisipin ng mga kapatid na nakakakilala sa akin kapag nalaman nila ito? Anong mukha ang ipapakita ko? Pero naisip ko ang mga tunay na hirap na nararanasan ni Sister Zhou, at alam kong kapag hindi ako tumulong, makokonsensya ako. Ilang sandali ko itong pinag-isipan at pumayag din ako. Nang hapon ng Sabadong iyon, pumunta ako sa bahay ni Sister Zhou. Tiniis ko lang hanggang gabi nang biglang magsimulang humiyaw at sumigaw ang bata na hinahanap ang nanay niya, at hindi ko siya mapatahan. Naghagilap ako ng mabibigay na pang-alo sa kanya para pasayahin siya, kinuwentuhan ko siya at nagsuot ng kengkoy para sa kanya, at sa wakas ay tumahan din siya. Naglakad-lakad ako pauwi at naisip ko: “Napakahirap mag-alaga ng mga bata. Hindi lang nakakapagod, kundi talagang pang-alila at walang nakakapansin.” Habang lalo kong iniisip, lalong agrabyado ang pakiramdam ko. Pagkauwi ko, nadatnan ko ang mga kapatid doon na masayang pinag-uusapan ang mga gantimpala at karanasang natamo nila sa kanilang mga tungkulin. Naiinggit ako at dismayado. Naisip ko, “Kailan kaya ako sasalang sa pagdidilig gaya ng mga kapatid ko? Sa tungkuling ginagawa ko ngayon, kung hindi ako nagkukuskos ng mga kaldero’t kawali ay nag-aalaga ng maliliit na bata. Anong mga katotohanan ang makukuha ko sa paggawa nito? Sasabihin kaya ng mga tao na wala akong realidad ng katotohanan, kaya’t ang kaya ko lang gawin ay mga pang-alilang trabaho na kagaya nito?” Lalo pa akong nadismaya sa inisip kong ito. Nang gabing iyon, pabaling-baling ako sa aking higaan, at hindi man lang makatulog, kaya’t humarap ako sa Diyos at nanalangin. Sabi ko, “O Diyos ko, sobrang dismayado ako ngayon. Gusto ko lagi ng mga tungkulin kung saan makakaungos ako, kung saan titingalain ako ng iba. O Diyos ko, alam kong ang hinahanap kong ito ay kasalungat ng Iyong kalooban, pero nahihirapan akong magpasakop. O Diyos ko, gabayan Mo ako at pangunahan, at tulungan Mo akong makilala ang sarili ko nang sa gayon ay matalikuran ko ang maling kalagayang ito.”

Tapos ay binasa ko ang ilan sa mga salita ng Diyos: “Ang tiwaling disposisyon ng tao ay nakatago sa bawat kaisipan at ideya nila, sa loob ng mga motibo sa likod ng bawat kilos nila; nakatago ito sa bawat pananaw ng tao tungkol sa anumang bagay at sa loob ng bawat opinyon, pagkaunawa, pananaw at hangarin nila sa kanilang pag-unawa sa lahat ng ginagawa ng Diyos. Nakatago ito sa mga bagay na ito(“Tanging ang Pagiging Totoong Masunurin ang Tunay na Paniniwala” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Napakalalim na nakaugat sa mga tao ang isang satanikong disposisyon; nagiging buhay na nila ito. Ano ba talaga ang hinahanap at nais na matamo ng mga tao? Sa malakas na udyok ng isang tiwaling satanikong disposisyon, ano ang mga mithiin, inaasahan, ambisyon, at layunin at direksyon sa buhay ng mga tao? Hindi ba sumasalungat ang mga ito sa mga positibong bagay? Una, palaging nais ng mga tao na maging sikat o maging mga kilalang tao; hinihiling nilang magtamo ng malaking katanyagan at mabuting pangalan, at magdala ng karangalan sa mga ninuno nila. Mga positibong bagay ba ang mga ito? Lubhang hindi kaayon ang mga ito ng mga positibong bagay; higit pa roon, taliwas ang mga ito sa batas ng pagkakaroon ng Diyos ng kapamahalaan sa kapalaran ng sangkatauhan. Bakit Ko sinasabi iyan? Anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais ba Niya ng isang dakilang tao, isang kilalang tao, isang maharlikang tao, o isang taong yumayanig sa mundo? (Hindi.) Kaya, kung gayon, anong uri ng tao ang nais ng Diyos? Nais Niya ng isang taong matatag na nakatapak ang mga paa sa lupa, na naghahangad na maging karapat-dapat na nilalang ng Diyos, na kayang tuparin ang tungkulin ng isang nilalang, at na kayang manatili sa lugar ng isang tao. … Ano kung gayon ang idinudulot ng tiwaling satanikong disposisyon sa mga tao? (Pagsalungat sa Diyos.) Ano ang dumarating sa mga taong sumasalungat sa Diyos? (Pasakit.) Pasakit? Ito ay pagkawasak! Ang pasakit ay wala pa sa kalahati nito. Ang nakikita mismo ng iyong mga mata ay pasakit, pagiging negatibo, at kahinaan, at pagtutol at mga hinaing—ano ang kalalabasan nito? Pagkalipol! Hindi ito maliit na bagay at hindi ito biro(“Maaayos lamang ang mga Tiwaling Disposisyon sa pamamagitan ng Paghahanap sa Katotohanan at Pagtitiwala sa Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pagkatapos kong mabasa ang mga salita ng paghatol at paghahayag ng Diyos, hiyang-hiya ako. Sinimulan kong pagnilayan ang sarili: “Bakit hindi ko magawang magpasakop sa mga sitwasyong isinasaayos ng Diyos? Bakit parating hindi ako handang gawin ang mga tila di-mahalagang tungkuling ito? Pakiramdam ko’y hinahamak ako ng iba sa paggawa ng mga ito, na para bang mas mababa ako. Hindi ko kayang itaas ang aking noo, at pakiramdam ko’y wala akong kuwenta. Pakiramdam ko, iyong mga mahalagang tungkulin lang kung saan puwede akong mangibabaw at makuha ang paghanga at pagpapahalaga ng iba ang siyang may-kabuluhang gawin.” Habang pinagninilayan ko ang mga inisip kong ito, natuklasan kong kontrolado pa rin ako ng paghahangad ko ng kasikatan at katayuan. Ako’y nabubuhay sa mga makademonyong lason gaya ng “Habang nabubuhay ang puno para sa balat nito, nabubuhay naman ang tao para sa kanyang mukha,” “Iniiwan ng tao ang kanyang pangalan kahit saan man siya maglagi, tulad ng pagputak ng gansa saanman ito lumipad,” at “Nagsusumikap ang tao na umangat; dumadaloy ang tubig pababa.” Ang mga lasong ito ay matagal nang nag-ugat sa akin at naging likas ko. Naging sobrang mapagmataas at palalo ako dahil dito. Gusto kong tinitingala ako ng iba. Gusto kong may pangalan at posisyon ako, at tinuring ko ang mga bagay na ito na mga layunin sa buhay na dapat habulin. Napagtanto ko rin na ang mga ito rin mismo ang mga layuning hinahabol ng ibang mga tao. Bago ako magsimulang sumampalataya sa Diyos, sobra akong makipagkumpitensya. Buong araw akong nagtatrabaho at pinapagod ko ang sarili sa trabaho sa pagsisikap na panatilihing maayos ang takbo ng aking pabrika. Sa tuwing dadalaw ako sa aming bayan, mainit ang pagbati ng mga kaibiga’t kamag-anak ko at tinatawag nila akong “superwoman,” nasisiyahan ang kahambugan ko, at nagiging handa akong suklian iyon ng kahit ano. Nabubuhay pa rin ako sa mga pananaw na ito matapos matamo ang pananampalataya. Napapag-alala ako tungkol sa mga pakinabang at kawalan sa paggawa ko ng tungkulin para sa reputasyon at posisyon. Masaya ako sa pagkakaroon ng posisyong tinitingala ng iba. Kung wala ang posisyong iyon, kapag hindi ako nangingibabaw, nagiging negatibo at malungkot ako, at nilalabanan ko ang Diyos, at nilalabanan ko ang sitwasyong isinaayos ng Diyos. Habang lalo ko itong iniisip, lalo ko ring napapagtanto na ang tanging idinulot ng mga makademonyong lasong ito ay kirot at ginawa ako nitong magrebelde sa Diyos at suwayin Siya kahit hindi ko gusto. Kung ipinagpatuloy ko ang ganyang uri ng paghahabol, tiyak na pagkamuhi ng Diyos ang kahahantungan ko, at aalisin Niya ako. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nakakaramdam ng takot sa landas na tinutunton ko. Dali-dali akong nanalangin at nagsisi sa Diyos. Ayaw ko nang maghabol ng pangalan at posisyon o tingalain ng iba, pero gusto kong pagsikapang maging tunay na nilikhang kaayon ng mga salita ng Diyos. Pagkatapos kong manalangin, naging mas kalmado ang aking puso

Sa oras ng mga debosyonal ko nang sumunod na araw, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Naniniwala ka sa Diyos at sumusunod sa Kanya, kaya nga sa puso mo ay kailangan mong mahalin ang Diyos. Kailangan mong isantabi ang iyong tiwaling disposisyon, kailangan mong hangaring matupad ang naisin ng Diyos, at kailangan mong gampanan ang tungkulin ng isang nilalang ng Diyos. Dahil naniniwala at sumusunod ka sa Diyos, dapat mong ialay ang lahat sa Kanya, at hindi ka dapat gumawa ng mga personal na pagpili o paghingi, at dapat mong makamit ang katuparan ng naisin ng Diyos. Dahil ikaw ay nilikha, dapat mong sundin ang Panginoong lumikha sa iyo, sapagkat ikaw ay likas na walang kapamahalaan sa iyong sarili, at walang kakayahang kontrolin ang sarili mong tadhana. Dahil isa kang taong naniniwala sa Diyos, dapat kang maghangad ng kabanalan at pagbabago. Dahil ikaw ay isang nilalang ng Diyos, dapat kang sumunod sa iyong tungkulin, at manatili sa iyong lugar, at huwag kang lumampas sa iyong tungkulin. Ito ay hindi upang pigilan ka, o supilin ka sa pamamagitan ng doktrina, kundi sa halip ay ang landas na makakatulong upang magampanan mo ang iyong tungkulin, at makakamit ito—at dapat makamit—ng lahat ng gumagawa ng katuwiran(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Depende sa Landas na Tinatahak ng Tao). Ipinaunawa sa akin ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos na bilang nilikha, dapat akong magpasakop sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos. Dapat kong hanapin ang katotohanan at patuloy na baguhin ang aking disposisyon. Ito ang tungkulin ko at ito dapat ang patuloy kong gawin. Hindi ko gusto ang sitwasyong isinaayos ng Diyos, pero ang magagandang intensyon Niya ang nasa likod nito. Maingat Niyang isinaayos ang lahat ng ito para dalisayin at baguhin ako. Hindi ko na magagawang maghabol pa ng reputasyon at posisyon, o maging maselan sa tungkulin ko. Dapat akong magtuon sa paghahanap sa katotohanan. At tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos para ayusin ang tiwali kong disposisyon. Dapat kong ibigay ang lahat ko sa paggawa nang mabuti sa aking tungkulin.

Sa mga sumunod na araw, hindi na ako nagtuon sa iniisip ng iba sa akin kundi ginawa ko ang aking tungkulin sa harap ng Diyos. Kung minsan, kapag abala ang mga kapatid sa kanilang mga tungkulin at wala nang panahon para alagaan ang kanilang mga anak, nag-aalok akong tumulong. Kapag nakikita kong ipinangangaral ng mga kapatid ang ebanghelyo at nagdadala ng marami pang tao sa harap ng Diyos, nagagalak ang puso ko. Kahit hindi ako nangingibabaw sa tungkulin ko, napapanatag ko ang isipan ng mga kapatid at tahimik na nagagawa ang aking bahagi sa pagpapalawak sa ebanghelyo ng kaharian. Makabuluhan din ito. Habang ginagawa ko ang mga tungkulin sa pagpapatuloy ng bisita at pagtulong sa pag-alaga ng bata, kahit hindi nabigyang-kasiyahan ang aking kahambugan at hangaring tumanyag, labis akong nasiyahan dito. Alam kong ang paghabol sa reputasyon at posisyon ay hindi ang tamang landas. Ang pagpapasakop sa pamumuno at pagsasaayos ng Diyos at paggawa ng pinakamainam ko sa aking tungkulin ang dapat kong patuloy na gawin. Talagang naunawaan ko na wala talagang mataas o mababa pagdating sa mga tungkulin sa bahay ng Diyos. Anuman ang tungkuling ginagawa ko, laging may mga leksyong matututuhan at mga katotohanang dapat kong isagawa at pasukin. Hangga’t nagpapasakop ako at naghahangad sa katotohanan, makikinabang ako mula rito. Ipinakita nitong talagang matuwid ang Diyos at hindi Siya nagtatangi ng kahit sino. Ang pagkakaroon ng katiting na pag-unawa at pagbabago ay biyayang ipinagkaloob ng Diyos sa aking buhay. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...