Sino ang Naging Dahilan ng Pagkasira ng Pamilya Ko?
Noong bata-bata ako, dahil nagtrabaho ako bilang lingkod sibil sa pamahalaan, ang asawa ko ay guro sa hayskul, at ang anak namin ay isang cute, matalinong batang babae na nakakukuha ng matataas na marka, kinaiinggitan kami ng lahat sa pagkakaroon namin ng tila perpekto at nagkakasundong pamilya. Pagkatapos, noong papatapos ng 2005, pinalad akong tanggapin ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at nalaman ko na ang Makapangyarihang Diyos ay ang nagbalik na Panginoong Jesus, at ipinahahayag Niya ang katotohanan upang gawin ang gawain ng paghatol upang dalisayin, iligtas, at dalhin ang tao sa kaharian ng Diyos. Dinala ko ang kahanga-hangang balitang ito sa aking asawa at biyenang babae at hindi naglaon ay tinanggap din ng aking biyenan ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Sa kabila ng hindi pagtanggap mismo ng aking asawa, hindi siya tumutol sa aming pananalig. Noong mga panahon na iyon, binabasa ko ang mga salita ng Diyos araw-araw, nakikipagbahaginan ako ng katotohanan sa aking mga kapatid at ginagawa ang aking tungkulin— noon ay masasagana, nakalulugod, at masasayang araw. Hindi ko naisip na mabilis na matatapos ang mga araw na iyon dahil sa pang-uusig ng CCP.
Isang hapon noong 2006, pagkauwi ko mula sa isang pagtitipon, galit na sinabi sa akin ng asawa ko, “Inisip ko dati na ang pagkakaroon ng pananalig sa Diyos ay isang mabuting bagay, pero kakikita ko lang sa internet na naghihigpit ang pamahalaan sa mga mananampalataya. Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos ay isang pangunahing puntirya ng paghihigpit ng pamahalaan, at kung maaresto ka, ituturing kang seryosong kriminal at ikukulong ka. Sinumang lingkod sibil na may mga kapamilyang nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos ay paparusahan nang matindi, tatanggalan ng kanilang trabaho, babawian ng kapakanang panlipunan, at hindi makapapasok sa unibersidad ang kanilang mga anak, hindi makapaglilingkod sa militar o makapag-aaplay sa mga posisyon na lingkod sibil. Mula sa araw na ito, hindi ka na pinapayagang manampalataya sa Makapangyarihang Diyos!” Pagkatapos ng litanya niya, padabog siyang lumabas ng bahay. Medyo nagalit ako at naisip ko, “Sa aming pananalig, ang ginagawa lang namin ay kumain at uminom ng mga salita ng Diyos, maghangad sa katotohanan at maglakad sa tamang landas, wala kaming ginagawang anumang labag sa batas. Pero kahit ganoon, nilalayon pa rin ng CCP na arestuhin at siilin kami— napakasama nila! Gaano man nila ako usigin, magpapatuloy ako sa pagsunod sa Makapangyarihang Diyos!”
Nang sumunod na araw, pagkatapos ko ng aking tungkulin at pagkauwi sa bahay, tinanong ako ng aking biyenan nang may istriktong ekspresyon sa mukha, “Bakit ngayon ka lang umuwi? Talaga bang magpapatuloy ka sa pananampalataya kahit napakadelikadong gawin iyan ngayon? Nabasa ko sa internet ngayong araw na maaari kang maaresto sa pananampalataya sa Diyos, masentensyahan ng pagkakulong, hindi na makapapasok sa kolehiyo ang mga anak mo at aalisin kayo ng asawa mo sa mga posisyon ninyo bilang lingkod sibil. Para sa kinabukasan ng apo kong babae, nagpasya akong huminto sa pananampalataya sa Diyos.” May kasamang malisyosong ngisi, sinabi ng asawa ko, “Tingnan mo, marunong mag-isip ang nanay ko! Sa sandaling narinig niya na maaari kang maaresto sa pagsasagawa ng pananalig, huminto siya agad— dapat huminto ka na rin sa sa pananampalataya mo! Kung maaresto ka habang nananampalataya, buong pamilya mo ang magdurusa at lahat ng iyon ay dahil sa iyo. Dapat pag-isipan mo ito!” Pagkarinig niyon, medyo nag-alala ako at naisip ko, “Kung magpapatuloy ako sa pagsasagawa ng pananalig at paggawa ng aking tungkulin at mahuli ako at maaresto, tatanggalin sa trabaho ang asawa ko at negatibo ring maiimpluwensyahan nito ang anak ko. Kung mangyari iyon, siguradong pareho silang magagalit sa akin dahil doon. Siguro maaari akong medyo umiwas sa pagpunta sa mga pagtitipon para maiwasang malagay sa gulo ang pamilya ko.” Pero nang maisip ko ito, sobrang hindi ako mapalagay. Naisip ko, “Kung hindi ako pupunta sa mga pagtitipon at hindi gagawin ang tungkulin ko para maiwasang maaresto ng CCP, kuwalipikado pa rin ba ako bilang isang mananampalataya? Makakamit ko pa rin ba ang katotohanan?” Nagmamadali akong tumawag sa Diyos. Noon din, naisip ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabi na: “Sa lahat ng bagay na nagaganap sa sansinukob, walang anuman na hindi Ako ang may huling kapasyahan. Mayroon bang anumang wala sa Aking mga kamay? Anumang Aking sinasabi ay nangyayari, at sino sa mga tao ang makapagpapabago sa Aking isipan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 1). Habang pinagbubulayan ang mga salita ng Diyos, nagkaroon ako ng mas malinaw na pang-unawa. Ang ating mga kapalaran bilang mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Itinakda na ng Diyos kung ako o ang asawa ko ay matatanggal sa trabaho, at kung ano ang magiging kinabukasan ng anak ko. Hindi ito mga bagay na maaaring pagpasyahan ng mga tao lamang. Nang mapagtanto ko ito, sinabi ko sa kanila, “Ang Diyos ang may huling salita kung ako man ay maaaresto at kung maaapektuhan ba nito ang kinabukasan ng ating anak. Ang tao ay nilikha ng Diyos, at ganap na likas at may katwiran lang na manampalataya at sumamba tayo sa Diyos. Alam ko na ito ang dapat kong gawin, kaya hindi ako sasama sa iyo sa pag-abandona ng tunay na daan.” Nagalit ang asawa ko at nagsimula siyang maliitin ako at nangutya siya, “Magpakatotoo ka nga! Nagtrabaho tayo sa sistema ng CCP sa loob ng maraming taon at hindi mo pa rin nauunawaan ang mga polisiya nila? Imposibleng magkaroon ng tunay na kalayaan sa relihiyon ang Tsina. Sa Tsina, maaari mo lang ilagay ang pananalig mo sa partido. Anuman ang pagpasyahan ng partido, iyon ang batas at hindi mo iyon puwedeng salungatin. Halimbawa na lang ang insidente sa Tiananmen Square: sinusubukan lang ng mga estudyanteng iyon na magkamit ng demokrasya at kalayaan, pero brutal silang sinawata ng CCP at pinaratangan pa sila ng pag-uudyok ng kaguluhan at rebolusyon, dahilan kaya inaresto ang marami sa kanila at ikinulong, May ilan pang mga estudyante na sinagasaan ng mga tangke. Isipin ko pa lang iyon ay tumatayo na ang mga balahibo ko. Isipin mo: Kung kaya nilang maging brutal sa mga estudyante, sa tingin mo ba talaga ay palalampasin nila kayong mga mananampalataya? Kailangan mong makita nang malinaw ang sitwasyon, ikaw ay isang mamamayan ng Tsina kaya maaari ka lang manampalataya sa CCP at hinding-hindi ka maaaring manampalataya sa Diyos.” Pagkarinig sa argumento ng asawa ko, naisip ko, “Totoong may pagkamabangis, pagkamalupit, at may sa demonyo ang CCP. Kung igigiit ko ang pananampalataya sa Diyos at mahuli ako, siguradong bubugbugin nila ako hanggang mamatay.” Hindi ko maiwasang matakot nang kaunti. Noon din, naalala ko ang mga salita ng Panginoong Jesus na nagsasabi na: “At huwag kayong mangatakot sa mga nagsisipatay ng katawan, datapuwat hindi nangakakapatay sa kaluluwa: kundi bagkus ang katakutan ninyo’y Siyang makapupuksa sa kaluluwa at sa katawan sa impiyerno” (Mateo 10:28). Pinuno ako ng pananalig ng mga salita ng Diyos— lahat ng pangyayari at bagay ay nasa mga kamay ng Diyos at ni hindi ako madadantian ng daliri ng CCP kung walang permiso ng Diyos. Kahit pa sa huli ay maaresto nga ako at mabugbog hanggang sa mamatay o malumpo, iyon ay sa permiso pa rin ng Diyos. Kung magagawa kong manindigan sa aking patotoo at ipahiya si Satanas, hindi mawawalan ng kabuluhan ang buhay ko. Hindi ako dapat mapigilan ng sinabi lang ng asawa ko at mabuhay gaya niya, isang buhay na walang dignidad sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Dapat akong umasa sa Diyos at manindigan sa aking patotoo.
Pagkakita ng asawa ko na hindi ko pa rin tinatalikuran ang aking pananalig, madalas na niya akong hinahanapan ng kamalian, minamaliit, at pinapagalitan at sa harap ng anak ko, pinupuna niya pa ako dahil sa hindi ko paggawa ng trabahong dapat kong gawin. Nagsimula rin akong tingnan nang masama ng biyenan kong babae at pagalitan ako, sinasabi niyang ang dami-dami kong libreng oras na sinasayang ko sa mga walang kuwentang bagay at pinababayaan ko ang kinabukasan ng anak ko at ng pamilya ko kapalit ng sarili kong pananalig. Maliban sa aking anak, walang kumakausap sa akin— parang wala nang natirang lugar sa pamilya para sa akin. Sa paglipas ng panahon, medyo nanghina ako, kaya lumapit ako sa Diyos sa panalangin at naghanap at natagpuan ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Ang malaking pulang dragon ay inuusig ang Diyos at kaaway ng Diyos, kaya nga, sa lupaing ito, ang mga tao ay sumasailalim sa pamamahiya at pag-uusig dahil sa pananampalataya nila sa Diyos…. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, natutuhan ko na ang rehimen ng CCP ay rehimen ni Satanas. Galit na galit ang CCP sa Diyos at sa katotohanan kaya hindi maiiwasan na ang mga nananampalataya sa Diyos sa Tsina ay mapapasailalam lahat sa paniniil ng CCP. Gayumpaman, ang karunungan ng Diyos ay nagagamit batay sa mga pakana ni Satanas at ang mahihirap na kapaligirang nilikha ng mga pag-aresto at paniniil ng CCP ay ginagamit ng Diyos upang gawing perpekto ang ating pananalig. Nakikiayon sa CCP ang asawa ko sa pag-uusig sa akin at itinakwil ako ng pamilya ko; nagdurusa ako at medyo napahiya, pero ito ang pagdurusa na kasama ng paghahangad sa katotohanan at paglalakad sa tamang landas kaya sulit na sulit ito. Hindi ako dapat magpakalugmok sa pagkanegatibo at kahinaan, na nakasasakit sa Diyos. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo para sa Kanya! Nang mapagtanto ko ito, hindi na ako masyadong malungkot at nagkamit ako ng panibagong pananalig.
Pagkatapos niyon, nagsalitan ang asawa at biyenan ko sa pagbabantay sa akin at hindi nila ako hinahayaang makipagtipon o magbasa ng mga salita ng Diyos, Gayumpaman, hindi ko hinayaang mahadlangan nila ako, at tumatakas ako para dumalo sa mga pagtitipon kapag hindi sila nakatingin at sa gabi ay nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos sa ilalim ng kumot gamit ang flashlight. Ngunit, isang araw noong papunta ako sa isang pagtitipon, nahuli ako ng biyenan ko at, lumuluhang sinabi niya, “Anak, pakiusap, pakiusap, huminto ka na sa pananampalataya sa Diyos. Kapag nahuli ka, ano ang mangyayari sa pamilya natin? Sinabi ng anak ko na kung ipagpapatuloy mo ito, hihiwalayan ka niya. Mabuti kang manugang, ayaw kong mawala ka sa akin at hindi ko kayang makitang magkawatak-watak ang pamilya natin.” Napakahirap talagang makitang ganoon ang biyenan ko na basa ng luha ang mga pisngi. Noon, palagi niya akong tinatrato bilang sarili niyang anak at hindi ko makayang makita siyang nagdurusa nang ganoon, kaya nagbahagi ako sa kanya, “Inay, nabasa mo mismo ang mga salita ng Diyos, kaya alam mo na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan, ang langit at lupa at lahat ng bagay. Ang mga buhay natin at lahat ng tinatamasa natin ay galing sa Kanya, at ang pananampalataya at pagsamba sa Diyos ay ganap na likas at makatwiran. Sa mga huling araw, ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang maraming katotohanan upang iligtas tayo sa kasalanan. Kung isusuko natin ang ating pananalig dahil natatakot tayong maaresto, mawawala sa atin ang pagkakataong maligtas tayo. Gayundin, naglalakad ako sa tamang landas ng buhay sa pananampalataya ko sa Diyos, kung magkakawatak-watak ang pamilya natin, hindi ba’t CCP ang may kasalanan niyon? Ang CCP ang tunay na kalaban dito. Dapat manindigan tayo sa patotoo natin sa kabuuan ng pagsubok na ito at hindi natin ipagkanulo ang Diyos.” Galit na sumagot ang biyenan ko, “Alam kong mabuting manampalataya sa Diyos, pero paano ako posibleng mangangahas na ipagpatuloy ang pananampalataya ko ngayon na nang-aaresto ang CCP? Kung ipipilit mo ang pananampalataya sa Diyos, wala na akong pagpipilian kundi pumanig sa anak ko para sa kapakanan ng ating pamilya.” Ang tangi kong nagawa ay ang sabihin sa kanya na, “Kung gusto mong isuko ang pananalig mo, iyan ang pinili mo, pero pakiusap, huwag kang sumali sa CCP sa paghadlang at pang-uusig sa akin dahil sa pananampalataya ko sa Diyos. Alam mo na nananampalataya ako sa tunay na Diyos at sumusunod ako sa tunay na daan. Kahit pa maaresto ako at makulong, patuloy akong mananampalataya sa Diyos hanggang sa pinakawakas.” Pagkarinig nito, galit na galit siyang umalis at bumalik sa kuwarto niya, ibinagsak ang pinto pagkalabas niya.
Nang umuwi ang asawa ko at nabalitaan niya na nagpunta ako sa isang pagtitipon, galit niya akong inusisa, “Nagpapakamatay ka ba? Sa tingin mo ba ay biro-biro iyong mga sinasabi nila sa internet? Galing iyon sa website ng Kawanihan ng Pambansang Pampublikong Seguridad. Alam mo ba na marami nang mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos ang naaresto, at ang ilan ay nasentensyahan nang makulong, mabugbog hanggang mamatay o malumpo? Huwag mong hayaang hilahin pababa ng pananalig mo ang pamilya natin!” Nagpupuyos sa galit, naghalughog siya sa aming kuwarto, hinahanap ang mga libro ko ng mga salita ng Diyos at itinapon niya sa sahig ang flashlight na ginagamit ko sa pagbabasa habang sumisigaw ng, “Kung hindi mo isusuko ang pananalig mo at ipipilit mong ituloy ang pananampalataya sa Diyos, hindi ka na magiging bahagi ng pamilyang ito! Natatakot ako at ninenerbyos araw-araw dahil sa pananampalataya mo sa Diyos. Alam mo ba na puwede tayong mawalan ng trabaho kung maaresto ka? Parating harapang binabanggit ng asawa ng kasamahan ko na mananampalataya ka at naging sobrang nakaaasiwa na para sa akin sa trabaho. Pinahiya mo ako nang todo! Kailangan ko ng sagot mo ngayon: Pipiliin mo ba ang pananalig mo o ang ating pamilya? Kung pipiliin mo ang pamilya natin, mamumuhay ka nang wasto ng normal na buhay sa bahay, hindi ka magkakaroon ng anumang obligasyon, at bibigyan pa kita ng pera kada buwan para makapaglaro ka ng mahjong. Ibibigay ko ang anumang kailangan mo. Kung ipipilit mong patuloy na manampalataya sa Diyos, ididiborsyo kita, hindi ka makakukuha ng anumang bahagi sa mga pag-aari natin at hindi ko papayagang makita mo ang anak natin.” Nadurog ang puso ko pagkakita kung paano naging walang-puso at malupit ang asawa ko. napuno ng luha ang mga mata ko at nasaktan ako nang husto. Nagsumikap akong magtrabaho para kumita ng pera para sa pamilya namin, kapapaayos pa lamang ng bahay namin, at ngayon, palalayasin lang ako ng asawa ko matapos ang sampung taon ng masayang pagsasama para lang hindi siya mapahiya at magkaroon siya ng mga oportunidad sa hinaharap. Sa sandaling iyon, malinaw na kasal lang kami sa papel. Sumagot ako sa kanya, sinabi na, “Kahit wala kang iwan sa akin pagkatapos ng diborsyo natin, pipiliin ko pa ring sundin ang Diyos.” Sa mapagbanta, kasuklam-suklam na tinig ay sinabi niya, “Kung pipiliin mong sundin ang Diyos, hindi ko ito gagawing madali para sa iyo. Ipadadampot kita sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad, malalaman nila kung ano ang gagawin sa iyo!” Kasabay niyon, ipinakita niya sa akin ang isang sulat na naka-print na nagsasabi na, “Ang asawa ko ay nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at ngayon ay hindi na maililigtas. Sinubukan ko na ang lahat ng makakaya ko, pero hindi siya nakikinig sa akin. kaya wala akong ibang pagpipilian kundi hilingin sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad na tulungan ako sa gagawin sa asawa ko. Kung kakailanganin ang aking tulong, ganap akong susunod.” Nang makita ko ang sulat, galit na galit ako, iniisip ko na, “Anong klaseng asawa siya? Wala siyang ipinagkaiba sa isang demonyo! Malinaw na alam niya kung gaano kabrutal ang pagtrato ng CCP sa mga mananampalataya ng Diyos, pero handa pa rin siyang ipadampot ako sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Hindi ba’t ibinubulid niya lang ako sa aking kamatayan?” Labis na nakapag-aalala sa akin ang makita na ang sarili kong asawa ay tuluyang nawalan ng kanyang pagkatao, at ngayon ay may kakayahan nang gumawa ng kahit ano. “Kung dadalhin niya nga talaga ako sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad, ano na ang gagawin ko pagkatapos? May espesyalisasyon sila sa pamiminsala at maging pagpatay sa mga mananampalatayang naroon.” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong natatakot kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihinging bigyan Niya ako ng pananalig at kalakasan. Matapos manalangin, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nabasa ko habang nagdedebosyon: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daan? Tandaan ito! Huwag kalimutan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Pinuno ako ng mga salita ng Diyos ng lakas at pananalig— ang Diyos ang aking kalasag kaya wala akong dapat katakutan. Sinabi ko sa asawa ko nang may matatag na kumbiksyon, “Kahit pa ibigay mo ako sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad, patuloy akong mananampalataya sa Diyos. Alam mo na magagawa lang pagmalupitan at pahirapan ng CCP ang katawan ko, pero hindi nila mawawasak ang kalooban ko na sumunod sa Diyos. Kahit gaano nila ako usigin, patuloy akong manampalataya sa Diyos kahit pa kamatayan ko ang katumbas niyon!” Pagkakita kung gaano ako kadeterminado sa aking pananalig, walang nagawang umiling ang asawa ko at sinabi, “Ah hindi, ah hindi, hindi na siya maililigtas!” Pagkakitang naubusan na ng mga ideya ang asawa ko, nagpasalamat ako sa Diyos mula sa kaibuturan ng puso ko sa pagbibigay sa akin ng pananalig para manindigan.
Pagkatapos ng hapunan, naupo ako sa aking kama at nagnilay-nilay sa lahat ng nangyari noong araw na iyon at napagtanto ko na hindi na ako maaaring patuloy na manirahan sa bahay na iyon. Habang iniisip ko ito, medyo nalungkot ako at ayaw kong lumayo, at dumaloy ang mga luha mula sa mga mata ko. Pagkakita sa akin na umiiyak, sinubukan akong tuksuhin muli ng asawa ko, sinasabi na, “Kung ipapangako mong hindi ka na mananampalataya sa Diyos, hindi kita ididiborsyo at hindi kita dadalhin sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad. Pagkatapos makapapamuhay na ang pamilya natin nang nagkakasundo gaya noon.” Sumagot ako, “Ipinahayag ng Makapangyarihang Diyos ang mga katotohanan upang gawin ang gawain ng paghatol at pagdalisay sa sangkatauhan. Dapat tanggapin nating lahat ang katotohanan at lumapit tayo sa Diyos nang may pagsisisi para mailigtas Niya tayo. Ito lang ang ating tanging daan palabas. Sa mga araw na ito, nangyayari ang mga kalamidad na mas matitindi— kung magpapatuloy ka sa pagsama sa CCP sa paghadlang at pag-uusig sa pananampalataya ko sa Diyos, magiging biktima ka ng mga kalamidad na ito at mapaparusahan ka!” Hindi basta matanggap ng asawa ko ang sinasabi ko at galit na sumagot, “Huwag mong banggitin iyang pananalig mo sa harapan ko. Kahit pa totoong Diyos ang Makapangyarihang Diyos, hindi pa rin ako mananampalataya sa Kanya. Kung ipipilit mo pa rin na manampalataya sa Diyos, dadalhin kita sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad pagputok ng araw!” Pagkakitang hindi ako nakikinig sa kanya, nagwala siya, idiniin niya ako sa kama, sinampal sa mukha at sinakal ako habang sinasabi na, “Hindi lang napinsala ng pananalig mo ang pamilya natin, nadadamay na rin ako. Tingnan natin kung mananampalataya ka pa rin sa Diyos pagkatapos kitang gulpihin!” Habang desperado akong nagpupumiglas para makawala, narinig ng biyenan ko ang komosyon at pumasok siya sa kuwarto namin. Pinagalitan niya ako, sinabi na, “Pinagwatak-watak ng pananalig mo ang pamilyang ito at nadadamay na rin ang anak ko.” Galit na galit ako dahil dito, at naisip ko, “Ang tunay na dahilan kaya nawalan ng pagkakaisa sa pamilya natin ay dahil pareho kayong naniwala sa mga naging usap-usapan ng CCP at inusig ninyo ako dahil sa aking gawaing panrelihiyon. Ganap na hindi makatwiran kung paanong sinasabi ninyong kasalanan ko ang lahat sa halip na magalit kayo sa CCP. Hindi ko kayang patuloy na mamuhay nang ganito.” Galit na galit ako na tumakbo ako palapit sa bintana at naghandang tumalon doon at wakasan ang buhay ko. Nang tatalon na ako, dinuro ako ng biyenan ko at sinabi, “Sige, tumalon ka. Tumalon ka sa bintana, walang magsasakripisyo ng buhay nila para sa iyo!” Nang sabihin niya ito, bigla akong natauhan at naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabi na: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasakop sa pagsasaayos ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Habang pinagbubulayan ko ang mga salita ng Diyos, hindi ko mapigilan ang mga luhang dumadaloy sa mukha ko. Kahit hindi ako nauunawaan ng aking pamilya at inuusig pa nila ako, patuloy akong binibigyang-liwanag at ginagabayan ng Diyos upang ipakita sa akin ang layunin Niya. Sa ganoong kapaligiran, alam kong dapat akong umasa sa Diyos, manindigan sa aking pananalig sa Kanya at sa aking patotoo upang ipahiya si Satanas. Ngunit nang maharap ako sa kaunting pag-uusig, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos at ginusto kong tumakas sa pamamagitan ng kamatayan. Hindi ba’t nahulog lang ako sa pakana ni Satanas? Napakahangal ko at nabigo akong magpatotoo. Hindi ko dapat patuloy na hayaang lokohin ako ni Satanas, dapat patuloy akong mamuhay, manampalataya sa Diyos at gumampan sa aking tungkulin gaano man ako usigin ng pamilya ko.
Nang mapagtanto ng asawa ko na hindi niya ako mapipigilan, ipinatawag niya ang tiyuhin niya. Sinabi ng tiyuhin niya sa akin, “Nabalitaan ko na nagpupumilit kang magpatuloy sa pananampalataya sa Diyos. Alam mo, kapag nahuli ka, maaapektuhan nito ang buong pamilya mo at ididiborsyo ka ng pamangkin ko. Kung magsusulat ka ngayong gabi ng pangako na hindi ka na mananampalataya sa Diyos, mananatiling buo ang pamilyang ito.” Pagkatapos ay inabot sa akin ng asawa ko ang panulat at papel at sinabihan akong magsulat ng pangako. Nag-unahan ang mga iniisip ko, “Kung magdidiborsyo talaga tayo, ano ang mangyayari sa anak natin? Napakabata pa niya at kung wala ako para mag-alaga sa kanya baka apihin siya ng iba. Kung magpapakasal uli ang asawa ko, aabusuhin ba siya ng magiging madrasta niya? Lalaki ba siya nang may mabuting kalusugan? Kung sa panlabas ay sasang-ayon akong magsulat ng pangako at mananalig nang patago, buo pa rin ang pamilya ko at maaari akong patuloy na manampalataya. Hindi ba’t makukuha kong pareho ang gusto ko?” Pero nabalisa ako sa kaisipan na gagawin ko iyon kung kaya nanalangin ako sa Diyos, hinahanap kung paano ako kikilos ayon sa Kanyang layunin. Matapos manalangin, naisip ko na ang pagsusulat ng pangako ay isang pagkakanulo sa Diyos. Napagtanto ko na minsan pa akong muntikang mahulog sa mga pandaraya ni Satanas. Kung nagsulat ako ng pangakong iyon, ipinagkanulo ko ang Diyos at nabigo akong magpatatotoo, kaya hinding-hindi ko iyon magagawang isulat. Nang hindi pa rin ako nagsimulang magsulat ng pangako, nagtagis ang mga ngipin ng tiyuhin ng asawa ko at sinabi niya, “Ikamamatay mo ba talaga kung hihinto kang manampalataya sa Diyos? Kung umakto ng gaya mo ang asawa ko, babaliin ko ang mga braso at binti niya. Tingnan ko lang kung makapagsagawa pa siya ng pananalig niya nang ganoon!” Nasulasok ako sa mga salita niya at napaisip ako kung paanong nakapagsasalita ng ganoong karumihan ang sinumang tao. Hindi ba’t nagsasalita siya gaya ng diyablo? Galit na ipinakli ko, “HINDI KO isusulat ang pangakong iyan!” Pagkasabi ko niyon, galit na hinablot ng asawa ko ang kontrata ng diborsyo na naisulat na niya at walang alinlangang pumirma siya roon. Sa kontrata, nakalagay na ang bahay at ang aming anak ay mapupunta lahat sa kanya, samantalang sa akin ay walang maiiwang ari-arian o karapatang bumisita sa anak naming babae. Kahit sa isip ay naihanda ko na ang sarili ko para sa diborsyo, nang sa wakas ay mangyari ito sa tunay na buhay, medyo nanghina pa rin ako. Nagsikap ako upang marating ang kinaroroonan ng pamilya ko, at ngayon ay mawawalan ako ng bahay at hindi ko na makikita ang anak ko. Hindi ko kayang iwan ang pamilyang ito, iwan ang anak ko, ngunit pinupuwersa ako ng asawa ko at hindi ako basta makagawa ng desisyon. Nang sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap alang-alang sa katotohanan, dapat mong ibigay ang iyong sarili sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa isang mapayapang buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo para sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng mainam at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makahulugan. Kung namumuhay ka ng gayong mahalay na buhay, at walang hinahangad na anumang mga layunin, hindi ba’t sinasayang mo ang iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa nag-iisang katotohanan, at hindi mo dapat isuko ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na mahalaga at makabuluhan ang magdusa para makamit ang katotohanan. Ang makabuluhan lang na buhay ay iyong isang buhay na ginugol sa paghahangad sa katotohanan sa pananalig ng isang tao. Kung nauwi ako sa pamumuhay nang madaling buhay dahil hinangad ko ang isang nagkakasundong buhay-pamilya at inaliw ko ang laman, ngunit nawala naman sa akin ang pagkakataong maligtas ng Diyos, pagsisisihan ko iyon sa natitirang panahon ng buhay ko. Para naman sa kinabukasan ng anak ko at sa kung anong pagdurusa ang kailangan niyang tiisin, naitakda na ng Diyos ang lahat ng iyon. Kahit pa manatili ako sa tabi niya, hindi ko masisiguro na mabubuhay siya araw-araw nang malusog, lalong hindi ko mababago ang kapalaran niya. Kailangan kong ipaubaya sa Diyos ang kanyang kapalaran at magpasakop sa Kanyang mga pamamatnugot at mga pagsasaayos. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, nadama kong may landas ako pasulong at hindi na ganoon kasama ang loob ko. Pagkatapos, inalala ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabi na: “Sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, sinumang hindi kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao—nasa loob man sila o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino si Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos kundi ang mga mapanlaban na hindi naniniwala sa Diyos?” “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Habang pinagbubulayan ko ang mga salita ng Diyos, naalala ko kung paanong nang marinig ng asawa ko na ang mga mananampalataya ng Diyos ay aarestuhin at sisiilin ng CCP, sinimulan na niya akong usigin, hindi ako hinahayaang magbasa ng mga salita ng Diyos, pinagbabawalan akong makipagkita sa mga kapatid, gumagamit ng anumang paraang kinakailangan para hadlangan ang aking pagsasagawa ng pananalig, at umabot pa sa puntong pinagbantaan akong ipapadala sa Kawanihan ng Pampublikong Seguridad kung saan haharap ako sa tiyak na panganib. Ngayon pinupuwersa niya ako na magsulat ng pangako na hindi ako magsasagawa ng pananalig, sumusumpang ididiborsyo ako at palalayasin, aalisan ng lahat kung hindi ko iyon isusulat. Nakita ko na ang asawa ko ay walang iba kundi isang demonyo na lumalaban sa Diyos at galit sa katotohanan. Kung iisipin na umayon siya sa CCP sa paglaban sa Diyos habang hinahangad kong sumunod sa Diyos at lumakad sa tamang landas, malinaw na papunta kami sa magkaibang direksyon at magdurusa lang kami kung mananatili kaming magkasama. Nang mapagtanto ito, nagawa kong kalmadong harapin ang sitwasyon at nagpasyang ipirma ang pangalan ko sa dokumento ng diborsyo.
Sa pagdanas ko ng pagsubok na ito, nagawa kong matukoy ang kahindik-hindik, nakasusuklam, at lumalaban sa Diyos na kalikasan ng CCP. Gaya ng sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Kalayaang pangrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan! … Bakit naglalagay ng isang di-mapapasok na balakid sa gawain ng Diyos? Bakit gumagamit ng iba’t ibang pandaraya upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Nasaan ang tunay na kalayaan at lehitimong mga karapatan at mga interes? Nasaan ang katarungan? Nasaan ang kaaliwan? Nasaan ang init? Bakit gumagamit ng madayang mga pakana upang linlangin ang mga tao ng Diyos? Bakit gumagamit ng puwersa para pigilin ang pagdating ng Diyos? Bakit hindi hinahayaan ang Diyos na malayang gumala sa ibabaw ng lupa na nilikha Niya? Bakit tinutugis ang Diyos hanggang wala na Siyang mapagpahingahan man lamang ng Kanyang ulo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ang paghahari ng CCP ay ang paghahari mismo ni Satanas. Upang mapatindi ang tibay ng kanilang diktatoryal na pamumuno, mabangis na nilalabanan ng CCP ang Diyos at ginagawa nila ang lahat sa kanilang kapangyarihan upang guluhin at wasakin ang gawain ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Ginagamit nila ang media para siraan, manirang-puri, kondenahin at lapastangin ang Diyos, gumagamit din sila ng iba’t ibang klase ng istratehiya para arestuhin at pagmalupitan ang mga Kristiyano, at ilihis at udyukan ang mga pamilya ng mga Kristiyano para siilin at atakihin sila ng mga ito, nagdudulot ng pagkabuwag ng kanilang mga pamilya. Pero binabaligtad nila ang katotohanan at ipinapahayag na inaabandona ng mga mananampalataya ang kanilang mga pamilya—lubhang kasuklam-suklam at masasama sila! Sa pagdanas ng pang-uusig na ito, nagkamit ako ng pagkilatis sa tunay na kalikasan ng galit ng asawa ko sa katotohanan. Naunawaan ko rin na ang Diyos ang nag-iisang tunay na maaasahan ko. Noong ako ay nasa puntong pinakamahina ako at pinakanagdurusa, paulit-ulit na binigyang-liwanag at ginabayan ako ng mga salita ng Diyos, nagtanim sa akin ng pananalig at kalakasan at pinahintulutan akong makita ang masasamang balak ni Satanas upang magawa kong manindigan sa harap ng paniniil. Mula ngayon, magpapatuloy ako sa paghahangad sa katotohanan at tutuparin ko nang maayos ang aking tungkulin upang mabayaran ang Diyos.