Mga Pagninilay-nilay sa Pagtanggi sa Pangangasiwa
Ako ang responsable sa gawain ng pag-aalis sa iglesia sa mga nakalipas na ilang taong ito. Dahil matagal-tagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito at naarok ko na ang ilang prinsipyo, hindi ako karaniwang nakakaramdam ng masyadong pressure sa tungkulin ko at kaya kong tapusin nang madali ang gawain ko. Hindi ko namamalayan, nagsimula ko nang gawin ang tungkulin ko ayon sa sarili kong mga kapritso at gumagawa nang walang pagmamadali. Hindi nagtagal, humiling ang mga lider ng isang komprehensibong imbestigasyon para matukoy ang mga tao na kailangang paalisin. Ibinigay ko sa mga lider ang listahan ng mga pangalan ng mga natukoy na tao. Kalaunan, madalas nila akong tinatanong tungkol sa mga detalye ng bawat taong nasa listahan at tinatanong kung kailan ko matatapos ayusin ang mga materyal para sa pagpapaalis, at iba pang bagay. Dahil naharap ako sa pangangasiwa at pagsubaybay ng mga lider, naisip ko, “Hindi ba’t ginagawa ko na nga ito? Hindi naman ako nakaupo rito na walang ginagawa. Hindi ba kayo nagtitiwala sa akin? Paano magagawa nang napakabilis ang pagdaragdag at pagbeberipika ng impormasyon? Bakit napakahigpit ng pagsubaybay ninyo? Hindi ba puwedeng bigyan ninyo ako ng kaunting kalayaan?” Pero napagtanto ko na kung hindi ako magmamadali at tapusin na ito, maaaring sabihin ng mga lider na wala akong pasanin, kaya wala akong nagawa kundi beripakahin at dagdagan ang impormasyon sa lalong madaling panahon. Pagkatapos niyon, pinuno ko ang iskedyul ko bawat araw. Dahil doon pakiramdam ko ay napigilan at nalimitahan ako habang ginagawa ang tungkulin ko. Kalaunan, noong iniulat ko ang gawain ko, hindi ako nagbigay ng listahan ng pangalan ng ilang taong nasa imbestigasyon ko. Inakala ng mga lider na halos tapos ko na ang gampanin ko at tumigil na sila sa madalas na pagsubaybay at pangangasiwa sa gawain ko gaya ng dati. Kaya, nawala na rin ang pakiramdam ko ng pagmamadali. Minsan, inaantala ko ang pagpunta sa iglesia para dagdagan ang mga materyales hanggang tanghali, kahit halatang kaya ko namang tapusin ito sa umaga. Wala rin akong malinaw na plano, ginagawa ko lang ang mga bagay-bagay batay sa isang kapritso. Kalaunan, nalaman ng mga lider na hindi ko pa naiulat ang listahan ng mga pangalan ng ilang taong kailangang paalisin. Pinungusan nila ako sa pagiging sutil sa tungkulin ko, sa hindi ko pagtanggap sa pangangasiwa, at sa hindi ko talaga pagsasaalang-alang sa gawain ng iglesia. Noong panahong iyon, matindi ang paglaban ko, iniisip ko na hindi ko lang naiulat sa kanila ang kumpletong listahan ng pangalan, pero hindi ibig sabihin niyon na hindi ko iyon tinatrabaho. Dagdag pa rito, hindi ko pa naantala ang tungkulin ko.
Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi pinahihintulutan ng mga anticristo ang iba na makialam, magtanong, o mangasiwa sa kanila sa kanilang gawain. Anumang mga pagsasaayos ang ginagawa ng sambahayan ng Diyos para masubaybayan ang kanilang gawain, o higit na malaman ang tungkol dito, o pangasiwaan ito, gagamit sila ng lahat ng uri ng teknik para hadlangan at tanggihan ang mga ito. Bilang halimbawa, kapag itinalaga ng Itaas ang ilang tao sa isang proyekto, lumilipas ang ilang panahon nang wala talagang anumang pag-usad. Hindi nila sinasabi sa Itaas kung ginagawa nila ito, o kung kumusta ito, o kung nagkaroon ba ng anumang nakaaabalang mga paghihirap o problema. Hindi sila nagbibigay ng feedback. Ang ilan sa gawain ay apurahan at hindi maaaring maantala, pero nagmamabagal sila, pinatatagal ito nang mahabang panahon nang hindi tinatapos ang gawain. Dapat nang magtanong ang Itaas. Kapag ginagawa ito ng Itaas, nakararamdam ng matinding pagkahiya ang mga taong iyon mula sa mga pagtatanong, at nilalabanan nila ang mga ito sa kanilang puso: ‘May sampung araw pa lang mula nang itinalaga sa akin ang trabahong ito. Hindi pa nga ako nasasanay, at agad, nagtatanong na ang Itaas. Masyado lang mataas ang hinihingi nila sa mga tao!’ Nandiyan sila, naghahanap ng mga pagkakamali sa mga pagtatanong. Ano ang problema rito? Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t talagang normal para sa Itaas na magtanong? Bahagi nito ay ang pagnanais na higit na malaman ang tungkol sa kalagayan ng pag-usad ng gawain, pati na rin ang kung anong mga paghihirap ang nananatiling dapat lutasin; bukod pa riyan, ito ay isang pagnanais na higit pang malaman ang tungkol sa kung anong uri ng kakayahan mayroon ang mga taong itinalaga nila sa gawaing ito, at kung talagang malulutas ng mga ito ang mga problema at magagawa ang trabaho nang maayos. Gustong malaman ng Itaas kung ano talaga ang mga totoong nangyayari, at kadalasan, nagtatanong sila sa gayong mga kaganapan. Hindi ba’t isang bagay iyon na dapat nilang gawin? Nag-aalala ang Itaas na hindi mo alam kung paano lutasin ang mga problema at hindi mo kayang pangasiwaan ang trabaho. Kaya nagtatanong sila. Medyo palaban at nasusuklam ang ilang tao sa gayong mga pagtatanong. Ayaw nilang hayaang magtanong ang mga tao, at hangga’t ginagawa ito ng mga tao, lumalaban sila at may mga pag-aalinlangan, palaging nag-iisip, ‘Bakit palagi silang nagtatanong at naghahanap na mas marami pang malaman? Ito ba ay dahil wala silang tiwala sa akin at minamaliit nila ako? Kung wala silang tiwala sa akin, hindi nila ako dapat gamitin!’ Hindi nila kailanman nauunawaan ang mga pagtatanong at pangangasiwa ng Itaas, sa halip ay nilalabanan ang mga ito. May katwiran ba ang ganitong mga tao? Bakit hindi nila pinahihintulutan ang Itaas na magtanong at mangasiwa sa kanila? Saka bakit sila mapanlaban at mapanuway? Ano ang problema rito? Wala silang pakialam kung epektibo ang pagganap nila sa kanilang tungkulin o kung nakahahadlang ito sa pag-usad ng gawain. Hindi nila hinahanap ang mga katotohanang prinsipyo kapag ginagawa nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay ginagawa nila ang anumang gustuhin nila. Hindi nila iniisip ang mga resulta o kahusayan ng gawain, at talagang hindi nila iniisip ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, lalong hindi ang kung ano ang nilalayon at hinihingi ng Diyos. Ang pag-iisip nila ay, ‘May sarili akong mga paraan at nakagawian sa paggawa ng aking tungkulin. Huwag masyadong humingi sa akin o maging masyadong detalyado sa paghingi sa akin ng mga bagay-bagay. Sapat na na nagagawa ko ang aking tungkulin. Hindi ako puwedeng masyadong mapagod o magdusa nang sobra.’ Hindi nila nauunawaan ang mga katanungan at mga pagtatangka ng Itaas na malaman ang higit pa tungkol sa kanilang gawain. Ano ang kulang sa kawalan nilang ito ng pang-unawa? Hindi ba’t nawawala rito ang pagpapasakop? Hindi ba’t nawawala rito ang pagpapahalaga sa responsabilidad? Katapatan? Kung tunay silang responsable at tapat sa paggawa ng kanilang tungkulin, tatanggihan ba nila ang mga pagtatanong ng Itaas sa kanilang gawain? (Hindi.) Mauunawaan nila ito. Kung talagang hindi nila ito nauunawaan, iisa lang ang posibilidad: Nakikita nila ang kanilang tungkulin bilang bokasyon nila at kabuhayan nila, at sinasamantala nila ito, itinuturing ang tungkulin na kanilang ginagawa bilang isang kondisyon at pang-negosasyon para makakuha ng gantimpala sa lahat ng oras. Gagawa lang sila ng kaunting prestihiyosong gawain para makalusot sa Itaas, nang walang anumang pagtatangka na tanggapin ang atas ng Diyos bilang tungkulin nila at obligasyon nila. Kaya, kapag nagtatanong ang Itaas tungkol sa kanilang gawain o pinangangasiwaan ito, nagkakaroon sila ng nasusuklam at mapanlaban na balangkas ng pag-iisip. Hindi ba’t ganoon iyon? (Ganoon nga.) Saan nagmumula ang problemang ito? Ano ang diwa nito? Ito ay na mali ang kanilang saloobin sa proyektong gawain. Iniisip lang nila ang kaginhawahan at kasiyahan ng laman, ang kanilang sariling katayuan at karangalan, sa halip na isipin ang pagiging epektibo ng gawain at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Hindi talaga nila hinahangad na kumilos ayon sa mga katotohanang prinsipyo” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem: Sa Kanila Lamang Nila Pinasusunod ang Iba, Hindi sa Katotohanan o sa Diyos (Ikalawang Bahagi)). Inilalantad ng Diyos na ayaw ng mga anticristo na hayaan ang mga tao na pangasiwaan ang gawain nila. Kapag sinusubaybayan at inuusisa ng mga lider ang gawain nila, nakakadama sila ng paglaban at ginagawa nila ang mga bagay ayon sa kagustuhan nila, walang pakialam sa pagiging epektibo ng kanilang gawain. Sa pagninilay ko sa aking sarili, nagpakita ako ng kaparehong pag-uugali. Noong tanungin ng mga lider ang tungkol sa pag-usad ng gawain ko, lubhang mapanlaban ako, iniisip na hindi ako naging tamad, at masyado silang nagpupumilit. Bagama’t nagpatuloy ako sa paggawa pagkatapos niyon, ginawa ko naman iyon nang sobrang napipilitan. Nilinlang ko pa nga sila sa hindi tapat na pag-uulat sa kanila ng mga detalye ng mga taong natukoy sa imbestigasyon, na ginagawang imposible para sa mga lider na pangasiwaan ang gawain ko, para magawa ko ang tungkulin ko ayon sa kagustuhan ko alinsunod sa sarili kong mga plano. Sa panlabas, hindi ako nagpakatamad, pero ang saloobin kong hindi nagmamadali sa paggawa ng mga bagay ayon sa nakagawian ay direkta nang nakakaapekto sa pagsulong ng gawain. Napagtanto kong wala akong pagpapahalaga sa responsabilidad sa tungkulin ko at hindi ako mapagkakatiwalaan.
Kalaunan, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Isang magandang bagay na pinangangasiwaan ng isang lider ang gawain mo. Bakit? Dahil nangangahulugan ito na umaako siya ng responsabilidad para sa gawain ng iglesia; ito ang tungkulin niya, ang responsabilidad niya. Ang magawang tuparin ang responsabilidad na ito ay nagpapatunay na siya ay isang mahusay na lider, isang mabuting lider. Kung bibigyan ka ng ganap na kalayaan at mga karapatang pantao, at magagawa mo ang anumang gusto mo, masusunod ang mga pagnanais mo, at matatamasa ang buong kalayaan at demokrasya, at anuman ang ginawa mo o paano mo man ito ginawa, ang lider ay walang pakialam o hindi nangasiwa, hindi ka kailanman kinuwestiyon, hindi sinuri ang gawain mo, hindi nagsalita nang matuklasan ang mga isyu, at maaaring nanghikayat o nakipagkasundo lang sa iyo, maituturing ba siya na isang mabuting lider? Malinaw na hindi. Pinipinsala ka ng gayong lider. Kinukunsinti niya ang paggawa mo ng kasamaan, hinahayaan kang sumalungat sa mga prinsipyo at gawin ang nais mo—tinutulak ka niya patungo sa isang hukay ng apoy. Hindi ito isang responsable at pasok sa pamantayan na lider. Sa kabilang banda, kung nagagawa ng isang lider na regular kang pangasiwaan, tukuyin ang mga isyu sa gawain mo, at maagap kang paalalahanan o sawayin at ilantad ka, at ituwid at tulungan ka sa iyong mga maling paghahangad at paglihis sa maagap na paggampan sa tungkulin mo, at sa ilalim ng kanyang pangangasiwa, pagwawasto, pagtutustos, at pagtulong, nagbabago ang mali mong saloobin sa tungkulin mo, nagagawa mong iwaksi ang ilang kakatwang pananaw, unti-unting nababawasan ang sarili mong mga ideya at mga bagay na umuusbong mula sa pagkamainitin ng ulo, at nagagawa mong mahinahong tanggapin ang mga pahayag at pananaw na tama at ayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi ba’t kapaki-pakinabang ito para sa iyo? Napakalaki nga ng mga pakinabang!” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (7)). Tinulungan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na responsabilidad ng mga lider na pangasiwaan at subaybayan ang gawain. Ipinahihiwatig din nito na responsable sila sa kanilang mga tungkulin at naglalayong gawin nang maayos ang gawain ng iglesia. Madalas na pinagninilayan ng mga taong tunay na may konsensiya at katwiran ang kanilang sarili kapag naharap sila sa pangangasiwa ng mga lider, na ibinubuod at iwinawasto sa napapanahong paraan ang mga paglihis at problema sa mga tungkulin nila para makamit ang mas magagandang resulta sa kanilang mga tungkulin. Naalala ko na noong una akong magsimulang gumawa ng gawain ng pag-aalis, hindi ko naunawaan ang anumang mga prinsipyo. Pagkatapos makipagbahaginan ng mga kapatid at tulungan ako nang maraming beses saka ko lamang naarok ang ilang prinsipyo at nagkaroon ako ng kaunting pagkilatis sa pag-uugali ng iba’t ibang tao. Isa itong espesyal na pabor para gawin ko ang tungkuling ito, at biyaya ito ng Diyos. Itinalaga ako ng iglesia sa gampaning ito, kaya dapat ay pinasan ko ang tungkuling ito at ginawa ang pinakamakakaya ko nang buong puso at lakas para matiyak ang maayos na pagsulong sa gawain. Ipinapakita nito ang pagkakaroon ng konsensiya at katwiran. Gayumpaman, binabagalan ko lang ang paggawa ng tungkulin ko, at masaya na sa pagkakaroon lang ng mga gagawing gampanin nang walang pagsasaalang-alang sa pagsulong ng gawain. Nilinlang ko pa nga ang mga lider sa pamamagitan ng hindi pag-uulat ng mga partikular na detalye para mapigilan sila sa pagsubaybay at pangangasiwa sa gawain ko. Paano ko masasabing may konsensiya o pagkatao ako sa paggawa ko ng aking tungkulin sa gayong paraan? Panay ang iwas ko sa pangangasiwa at ayaw ko na napipigilan. Ginawa niyong komportable ang aking laman pero inantala ang gawain, at naging dahilan para makagawa ako ng mga pagsalangsang. Naging napakaestupido ko!
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ano nga ba ang tungkulin? Isa itong atas na ipinagkatiwala ng Diyos sa mga tao, bahagi ito ng gawain ng sambahayan ng Diyos, at isa itong responsabilidad at obligasyon na dapat pasanin ng bawat isa sa mga taong hinirang ng Diyos. Karera mo ba ang tungkulin? Isa ba itong personal na usaping pampamilya? Tama bang sabihin na sa sandaling mabigyan ka ng tungkulin, nagiging personal mong gawain ang tungkuling ito? Talagang hindi iyon ganoon. Kaya paano mo dapat tuparin ang iyong tungkulin? Sa pamamagitan ng pagkilos alinsunod sa mga hinihingi, salita, at pamantayan ng Diyos, at sa pagbabatay ng iyong pag-uugali sa mga katotohanang prinsipyo sa halip na sa pansariling pagnanais ng tao. Sinasabi ng ilang tao, ‘Sa sandaling ibigay sa akin ang isang tungkulin, hindi ko ba ito sariling gawain? Ang tungkulin ko ay pananagutan ko, at hindi ko ba sariling gawain kung ano ang pinananagutan ko? Kung pangangasiwaan ko ang aking tungkulin bilang sarili kong gawain, hindi ba’t nangangahulugan ito na gagawin ko ito nang maayos? Gagawin ko kaya ito nang maigi kung hindi ko ito itinuring na sarili kong gawain?’ Tama ba ang mga salitang ito o mali? Mali ang mga ito; salungat ang mga ito sa katotohanan. Ang tungkulin ay hindi mo personal na gawain, gawain ito ng Diyos, bahagi ito ng gawain ng Diyos, at dapat mong gawin kung ano ang ipinagagawa ng Diyos; maaari ka lamang maging pasado sa pamantayan sa pamamagitan ng pagganap sa iyong tungkulin nang may pusong nagpapasakop sa Diyos. Kung palagi mong ginagampanan ang iyong tungkulin ayon sa iyong sariling mga kuru-kuro at imahinasyon, at ayon sa iyong sariling mga kagustuhan, hindi mo kailanman maaabot ang pamantayan. Ang pagganap sa iyong tungkulin nang ayon lamang sa gusto mo ay hindi pagganap ng iyong tungkulin, dahil ang ginagawa mo ay hindi saklaw ng pamamahala ng Diyos, hindi ito ang gawain ng sambahayan ng Diyos; sa halip, nagpapatakbo ka ng sarili mong operasyon, isinasakatuparan ang sarili mong mga gawain, kung kaya’t hindi ito ginugunita ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Paghahanap Lamang ng mga Katotohanang Prinsipyo Magagampanan Nang Mabuti ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na galing sa Diyos ang mga tungkulin; ang mga ito ay responsabilidad at obligasyon ng bawat tagasunod ng Diyos. Hindi ito katulad ng pangangasiwa sa usaping pambahay, kung saan puwedeng gawin ng mga tao ang mga bagay ayon sa kagustuhan nila. Sa halip, dapat nilang hanapin ang katotohanan at gawin ang kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo. Ako ang responsable sa gawain ng pag-aalis sa iglesia. Ang hinihingi ng Diyos sa tungkuling ito ay ang alisin sa iglesia sa lalong madaling panahon ang mga anticristo, ang masasamang tao, at ang mga hindi mananampalataya, upang makapagbigay ng isang magandang buhay iglesia sa mga kapatid. Gayumpaman, wala akong pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Hindi ko pa naisaalang-alang kung paano maisasagawa nang mabilis ang gawaing ito ayon sa mga prinsipyo. Sa halip, sa bawat araw, inisip ko kung paano gagawing komportable ang laman ko at iiwasan ang paghihirap at pagod. Ginawa ko ang tungkulin ko nang may pagkasutil, dahan-dahan at walang pagmamadali. Para sa mga gampaning puwedeng matapos nang mas maaga, hindi ko pinilit na matapos agad ang mga iyon, at ayaw kong gumawa pa kahit kaya ko naman, at sinadya kong itago ang listahan ng pangalan ng mga taong pasok sa pamantayan ng pag-aalis. Hindi ko ipinaalam sa mga lider ang partikular na pag-usad ng gawain, para hindi nila ako mapangasiwaan, at para hindi ako maging napakaabala o pagod. Alang-alang sa makalamang kaginhawaan, nagsinungaling at nanlinlang ako. Talagang hindi ako nararapat sa tungkuling ito!
Kalaunan, pinagnilayan ko ang sarili ko. Bakit ayaw akong tanggapin ang pangangasiwa at gusto ko palaging gawin ang mga bagay ayon sa paraan ko? Kalaunan, nabasa ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Paano mailalarawan ang mga taong inaasikaso ang nauukol nilang gawain? Sila ay mga taong tinitingnan ang kanilang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain, kasuotan, tirahan, at transportasyon sa isang simpleng paraan. Hanggat naaabot ng mga ito ang isang normal na pamantayan, sapat na iyon para sa kanila. Mas inaalala nila ang landas nila sa buhay, ang kanilang misyon bilang mga tao, ang kanilang pananaw sa buhay at mga pagpapahalaga. Ano ang maghapong pinag-iisipan ng mga taong hindi maaasahan? Palagi nilang pinag-iisipan kung paano magpapakatamad, kung paano manlilinlang para makatakas sila sa responsabilidad, kung paano kakain nang mabuti at magpapakasaya, kung paano mamumuhay nang maginhawa at komportable ang katawan, nang hindi isinasaalang-alang ang mga nauukol na bagay. Kaya, pakiramdam nila ay napipigilan sila sa sitwasyon at kapaligiran ng paggawa sa kanilang mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. … Ang mga indibidwal na ito na hindi inaasikaso ang kanilang nauukol na gawain at na ginagawa ang gusto nila ay hindi nagnanais na gawin ang mga nauukol na bagay na ito. Ang sukdulang layon na ninanais nilang makamit sa paggawa ng anumang gusto nila ay ang pisikal na kaginhawahan, kasiyahan, at kadalian, at ang hindi malimitahan o maagrabyado sa anumang paraan. Ito ay ang sapat na makakain ng anumang gusto nila, at magawa ang gusto nila. Dahil sa kalidad ng kanilang pagkatao at sa mga hinahangad ng kanilang kalooban kaya madalas nilang nararamdaman na napipigilan sila. Paano ka man magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi sila magbabago, at hindi malulutas ang kanilang pagkapigil. Ganoon lang talaga silang klase ng tao; mga bagay lang sila na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Bagama’t sa panlabas ay tila hindi sila nakagawa ng anumang malaking kasamaan o na hindi sila masasamang tao, at bagama’t mukhang nabigo lang silang itaguyod ang mga prinsipyo at panuntunan, ang totoo, ang diwa ng kanilang kalikasan ay na hindi sila nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain o tumatahak sa tamang landas. Ang mga ganitong tao ay walang konsensiya at katwiran ng normal na pagkatao, at hindi nila matatamo ang katalinuhan ng normal na pagkatao. Hindi nila pinag-iisipan, pinagninilayan, o hinahangad ang mga layong dapat hangarin ng mga taong may normal na pagkatao, o ang mga saloobin sa buhay at pamamaraan ng pag-iral na dapat taglayin ng mga taong may normal na pagkatao. Ang kanilang mga isipan ay araw-araw na puno ng mga isipin kung paano makakahanap ng pisikal na kaginhawahan at kasiyahan. Subalit, sa kapaligirang pinamumuhayan ng iglesia, hindi nila mabigyang-kasiyahan ang mga pisikal nilang kagustuhan kaya pakiramdam nila ay hindi sila komportable at napipigilan sila. Ganyan umuusbong ang mga emosyon nilang ito. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t lubhang nakakapagod ang buhay ng mga ganitong tao? (Oo.) Kaawa-awa ba ang kanilang buhay? (Hindi, hindi kaawa-awa ang mga iyon.) Tama iyan, hindi kaawa-awa ang mga iyon. Sa madaling salita, sila ang uri ng mga tao na hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain. Sa lipunan, sino ang mga taong hindi nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain? Sila ang mga walang ginagawa, ang mga hangal, tamad, basagulero, sanggano, at tambay—mga ganyang tao. Ayaw nilang matuto ng anumang bagong kasanayan o kakayahan, at ayaw nilang maghangad ng mga seryosong propesyon o maghanap ng trabaho para makaraos sila. Sila ang mga walang ginagawa at ang mga tambay ng lipunan. Pinapasok nila ang iglesia, at pagkatapos ay gusto nilang may makuha sila nang walang kapalit, at na matamo nila ang parte nila sa mga pagpapala. Sila ay mga oportunista. Ang mga oportunistang ito ay hindi kailanman handang gumawa ng kanilang mga tungkulin. Kung hindi masusunod ang gusto nila, kahit bahagya lang, pakiramdam nila ay napipigilan sila. Palagi nilang hinihiling na makapamuhay nang malaya, ayaw nilang gumanap ng anumang uri ng gawain, pero gusto pa rin nilang kumain ng masasarap na pagkain at magsuot ng magagandang kasuotan, at kumain ng anumang naisin nila at matulog kailan man nila gusto. Iniisip nila na kapag dumating ang ganitong araw ay tiyak na magiging napakaganda nito. Ayaw nilang magtiis ng ni katiting na paghihirap at nagnanais sila ng buhay na mapagpalayaw. Labis pa ngang nakakapagod sa mga taong ito ang mabuhay; nagagapos sila ng mga negatibong emosyon. Madalas silang nakakaramdaman ng pagod at pagkalito dahil hindi nila magawa ang gusto nila. Ayaw nilang pangasiwaan ang kanilang nauukol na gawain o harapin ang mga bagay-bagay na nauukol sa kanila. Ayaw nilang manatili sa isang trabaho at paulit-ulit itong gawin mula simula hanggang katapusan, na tratuhin ito bilang sarili nilang propesyon at tungkulin, bilang kanilang obligasyon at responsabilidad; ayaw nilang tapusin ito at makamit ang mga resulta, o na gawin ito sa pinakamataas na pamantayang maaari. Hindi sila kailanman nag-isip nang ganyan. Gusto lang nilang kumilos nang pabasta-basta at na gamitin ang tungkulin nila bilang paraan para kumita ng ikabubuhay. Kapag nahaharap sila sa kaunting kagipitan o sa isang uri ng pagkontrol, o kapag medyo tinaasan ang pamantayang kailangan nilang maabot, o pinagpasan sila ng kaunting responsabilidad, pakiramdam nila ay hindi sila komportable at na napipigilan sila. Umuusbong sa kalooban nila ang mga negatibong emosyong ito, pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay, at miserable sila. Isang pangunahing dahilan kung bakit pakiramdam nila ay sobrang nakakapagod mabuhay ay dahil walang katwiran ang ganitong mga tao. Napinsala ang kanilang pangangatwiran, ginugugol nila ang buong araw sa pagpapantasya, pamumuhay sa isang panaginip, sa mga ulap, palaging iniisip ang mga pinakamatitinding bagay. Iyan ang dahilan kung bakit napakahirap lutasin ng kanilang pagkapigil. Hindi sila interesado sa katotohanan, sila ay mga hindi mananampalataya. Ang tanging magagawa natin ay ang hingin sa kanila na lisanin ang sambahayan ng Diyos, na bumalik sa mundo at hanapin ang sarili nilang lugar ng kadalian at kaginhawahan” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ang mga gumagawa sa kanilang mga tungkulin paano man nila gusto at hindi nag-aasikaso ng wastong gawain ay hindi kailanman nag-iisip ng mga wastong bagay. Bawat araw, iniisip lang nila kung paano gagawing komportable ang laman nila. Ilang taon man nilang ginagawa ang mga tungkulin nila, palagi nilang pinananatili ang isang saloobin na basta makaraos lang, hindi sila naiiba sa mga tamad at batugan sa makasanlibutang mundo. Tutol ang gayong mga tao sa katotohanan at hindi nila minamahal ang mga positibong bagay, ginagawa silang mga tipikal nag hindi mananampalataya. Kung hindi sila magsisisi, hahantong sila sa pagbubunyag at pagkatiwalag. Hinahamak ko noon ang mga tamad at batugan, inaakalang hindi inaasikaso ng mga taong iyon ang wastong gawain, at sa halip ay nakaistambay lang. Sa aking paghahambing ng sarili ko sa mga salita ng Diyos, nakita ko na ngayon na kagaya lang ako ng gayong mga tao. Ayaw kong mapangasiwaan o madaliin sa tungkulin ko; gusto ko lang ng kalayaan at walang mga paglilimita, na hindi nagpapakita ng responsabilidad sa aking pangunahing gawain. Hindi ko inasikaso ang wastong gawain at nagpakasasa ako sa kaginhawahan. May katiting man lang ba akong pagpapahalaga sa integridad at dignidad? Bagama’t mukha akong gumagawa ng ilang gawain, hindi ako naging tapat sa Diyos, naging tuso at nagpakatamad ako sa aking tungkulin, nag-aakalang makakapasa ako sa pamamagitan ng panloloko sa Diyos para matanggap ang mga pagpapala Niya. Ginawa ko ang ilang tungkulin para lamang sa kapakanan ng mga oportunidad at destinasyon ko. Hindi ba’t isa akong ganap na oportunista? Sinisiyasat ng Diyos ang lahat ng bagay, at ibinubunyag at itinitiwalag ang sinumang hindi tapat sa kanyang mga tungkulin. Nilinlang ko ang sarili ko sa pag-aakalang puwede kong matamo ang pagpapala ng Diyos sa pamamagitan ng mga mapanlinlang na pamamaraan. Hindi ba’t talagang napakahangal niyon? Paano naiba ang mga pagpapamalas ko sa mga pinaalis na hindi mananampalataya? Kung nagpatuloy ako nang ganito, sisirain ko ang sarili kong kalalabasan at destinasyon. Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong natakot. Kaya nanalangin ako sa Diyos para magsisi, at handa akong hanapin ang katotohanan para lutasin ang mga problema ko.
Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang mga tunay na nananampalataya sa Diyos ay lahat ng mga indibidwal na nag-aasikaso ng kanilang nauukol na gawain, lahat sila ay handang gampanan ang kanilang mga tungkulin, kaya nilang magpasan ng isang gawain at gawin iyon nang maayos ayon sa kanilang kakayahan at sa mga patakaran ng sambahayan ng Diyos. Siyempre, sa simula ay maaaring maging mahirap masanay sa buhay na ito. Maaari mong maramdamang pagod na pagod ang iyong katawan at isip. Subalit, kung talagang may paninindigan kang makipagtulungan at handa kang maging isang normal at mabuting tao, at na magtamo ng kaligtasan, kailangan mong magbayad ng kaunting halaga at hayaan ang Diyos na disiplinahin ka. Kapag nahihimok kang maging sutil, kailangan mong maghimagsik laban dito at bitiwan ito, paunti-unting bawasan ang iyong pagkasutil at mga makasariling ninanasa. Dapat kang humingi ng tulong ng Diyos sa mahahalagang bagay, sa mahahalagang oras, at sa mahahalagang gampanin. Kung tunay kang may paninindigan, dapat mong hilingin sa Diyos na ituwid at disiplinahin ka, at na bigyang-liwanag ka upang maunawaan mo ang katotohanan, sa ganoong paraan ay makakukuha ka ng mas magagandang resulta. Kung tunay kang may paninindigan, at magdarasal ka sa Diyos sa Kanyang presensya at magsusumamo ka sa Kanya, kikilos ang Diyos. Babaguhin Niya ang iyong kalagayan at mga iniisip. Kung gagawa nang kaunti ang Banal na Espiritu, aantigin ka nang kaunti, at bibigyang-liwanag ka nang kaunti, magbabago ang iyong puso, at magbabago ang iyong kalagayan. Kapag nangyari ang pagbabagong ito, madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakapipigil. Ang pagkapigil mong kalagayan at mga emosyon ay magbabago at mababawasan, at magiging iba ang mga ito sa dati. Madarama mong ang pamumuhay nang ganito ay hindi nakakapagod. Masisiyahan kang gampanan ang iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Madarama mo na magandang mamuhay, umasal, at gumampan ng iyong tungkulin sa ganitong paraan, nagtitiis ng mga paghihirap at nagbabayad ng halaga, sumusunod sa mga patakaran, at ginagawa ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga prinsipyo. Madarama mong ito ang uri ng buhay na dapat mayroon ang mga normal na tao. Kapag namumuhay ka ayon sa katotohanan at ginagampanan mo nang maayos ang iyong tungkulin, madarama mong panatag at payapa ang iyong puso, at na makabuluhan ang iyong buhay” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na inaasikaso ng mga sinserong mananampalataya sa Diyos ang wastong gawain, palaging iniisip kung paano gampanan nang maayos ang mga tungkulin nila at kung paano makamit ang pinakamagagandang resulta. Handa silang magdusa at magbayad ng halaga, at kaya rin nilang tanggapin ang pangangasiwa ng iba. Madalas nilang pinagninilayan ang mga paglihis sa kanilang gawain at itinutuwid kaagad kapag nakatuklas ng kahit anong mga isyu. Naunawaan ko rin na sa mas pagsasaalang-alang sa gawain ng sambahayan ng Diyos at pagtutok sa mga wastong usapin, hindi makakadama ng kalungkutan o pagkapigil ang isang tao dahil sa kaunting pagdurusa. Pagkatapos ng ilang panahon, kinolekta ko ang impormasyon tungkol sa isang masamang tao. Nang malaman ito ng mga lider, tinanong nila kung kailan ko ito maaayos. Naisip ko, “Kalilipat lang ng taong ito dito sa aming iglesia galing sa ibang iglesia. Para sa ilang masasamang gawa niya, kailangan kong ipagtanong ito at beripikahin sa dati niyang iglesia, kaya hindi magiging madaling ipunin ang mga ito. Dagdag pa rito, may iba pa akong materyal na kailangang dagdagan sa lalong madaling panahon. Mukhang kailangan na namang pagtiisan ng laman ko ang ilang pagdurusa.” Nang sandaling iyon, napagtanto kong isinasaalang-alang ko na naman ang laman ko. Sa pagninilay ko kung paanong pinabagal ko ang pag-usad ng gawain dati, ngayon, alam ko nang hindi na puwedeng magpaantala na naman ako. Bukod dito, nag-uudyok na ng alitan ang taong ito at hinahadlangan ang mga kapatid sa iglesia. Kailangan nang alisin ang taong ito sa lalong madaling panahon. Isinaayos ko kaagad para tulungan ako ng mga taong may kinalaman para maunawaan at maberipika ang impormasyon. Natapos ko kaagad ang pagkolekta ng lahat ng kinakailangang detalye. Sa pahintulot ng 80% ng mga kapatid sa iglesia, pinatalsik ang masamang taong iyon sa iglesia. Kapag tumuon ako sa tungkulin ko nang hindi isinasaalang-alang ang sarili kong laman, nakadama ako ng napakatatag na determinasyon sa puso ko. Mula noon, kapag ginagawa ko ang aking mga tungkulin, iniuulat ko ang aking gawain sa napapanahong paraan. Kapag pinangangasiwaan at sinusubaybayan ng mga lider ang gawain ko, hindi na ako nakakadama ng paglaban. Sa halip, natuklasan ko ang mga paglihis sa gawain ko sa pamamagitan ng kanilang pangangasiwa, at naiwawasto ko kaagad ang mga iyon. Halimbawa, noong tanungin ako tungkol sa mabagal na usad ng gawain, pinagnilayan ko ang aming buod at napagtanto kong ito ay pangunahing dulot ng kawalan ko ng abilidad na unahin ang mas mahahalagang gampanin. Kaya, mabilis ko itong itinuwid. Kapag nagsagawa ako sa ganitong paraan, hindi na ako nakakadama ng pagkapigil o paglaban. Bukod doon, malaki ang ibinuti ng pagiging epektibo ng tungkulin ko, mas dumoble kaysa sa dati ang dami ng mga materyal na naaayos sa isang buwan. Alam kong resulta ng mga salita ng Diyos ang lahat ng ito, at lubos akong nagpapasalamat sa Diyos!