Lalong Hangarin ang Katotohanan sa Panahon ng Katandaan

Pebrero 24, 2024

Ni Jinru, Tsina

Ipinanganak ako sa isang Kristiyanong tahanan, at tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw noong sisenta na ako. Dama kong napakaswerte ko na makasalubong ang Panginoon sa mga huling araw at matanggap ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, at na malapit nang matupad ang pangarap kong maligtas at makapasok sa kaharian. Hangga’t ako ay nagsisikap sa aking tungkulin at nagsasakripisyo, magkakaroon ako ng pagkakataong maligtas ng Diyos. Pagkatapos niyon, ibinigay ko ang lahat ng makakaya ko sa anumang tungkulin na isinaayos ng iglesia para sa akin, at kahit sa edad na sitenta, nagagawa ko pa ring magbisikleta at mag-asikaso ng mga bagay-bagay para sa iglesia. Tumatakbo ako pataas at pababa ng hagdan habang ginagawa ang tungkulin ko nang hindi napapagod. Masaya ako na nakakagampan pa rin ako ng tungkulin. Gayunpaman, habang patuloy akong tumatanda, naaapektuhan ang katawan ko ng pagtanda at hindi na gaya ng dati ang katawan ko. Sa pagsasaalang-alang sa aking kalusugan, itinalaga ako ng iglesia sa tungkulin ng pagho-host sa bahay. Medyo nadismaya ako. Habang patuloy akong tumatanda, lumalabo ang mata ko at hindi na ako makapagbisikleta para gumawa ng tungkulin. Ang nagagawa ko na lang na tungkulin ay ang mag-host. Kung hindi ako makakagawa ng anumang tungkulin habang lalo akong tumatanda, maliligtas pa ba ako? Naisip ko kung gaano sana kaganda kung naging mas bata ako ng ilang taon, at kinainggitan ko talaga ang mga nakababatang kapatid na nakakapunta sa iba’t ibang lugar habang gumagawa para sa Diyos.

Noong Marso 2022, isinaayos ng lider ng iglesia na puntahan at suportahan ko si Sister Yu Xin. Pitumpu’t walong taong gulang na siya at nahihirapang magpunta sa mga lugar dahil sa kanyang kalusugan, at hindi niya magampanan ang anumang tungkulin. Nang makita ko ang kalagayan niya, nalungkot at nabalisa ako. Mahigit otsenta na ako, mas matanda pa kay Sister Yu Xin, hindi na tulad ng dati ang kalusugan ko, at hindi ko alam kung isang araw ay magkakasakit din ako at hindi makakagawa ng tungkulin, at ano na ang magiging silbi ko kung magkagayon? May pag-asa bang maligtas ako kung hindi ako makakagawa ng tungkulin? Lalo akong nalulungkot habang mas naiisip ko iyon. Pagkatapos ay nagkasakit din ako. Isang beses, nahilo ako nang bumangon ako sa kalagitnaan ng gabi para mag-banyo, at nang mag-umaga na, hindi na ako makabangon sa kama. Sa sobrang hilo ko ay hindi ko man lang maimulat ang mga mata ko. Nagsusuka at nagtatae ako, at isinusuka ko rin ang tubig na iniinom ko. Tumawag ang asawa ko sa anak namin para alagaan ako, at pagkaraan ng dalawang araw, nagsimula na akong gumaling. Hindi na ako napipigilan sa aking tungkulin, pero talagang mahina ako at walang lakas na gumawa ng kahit ano. Isinusuka ko ang mga kinakain ko, at nahihilo at nasusuka ako. Nag-alala ako, bilang isang matanda, na dahil unti-unti nang humihina ang kalusugan ko, kung magkasakit akong muli nang ganoon, gagaling din kaya ako nang ganoon kabilis? Kung hindi ako gagaling kaagad at mangangailangan ako ng mag-aalaga sa akin, hindi ako makakagawa ng tungkulin, at hindi ba’t magiging walang silbi ako kung gayon? Makakapasok ba ako sa kaharian nang walang tungkulin? Napakaganda sana kung mas bata ako nang ilang taon, gaya noong 20 taon na ang nakararaan nang tanggapin ko ang yugto ng gawaing ito, walang takot na gumawa ng kahit ano. Anuman ang italaga sa akin ng iglesia, sa malapit man o malayo, nagagawa ko ito. Kung may tungkulin, mas may pag-asa akong pagpalain. Pero hindi ko na maibabalik ang panahon at hindi ako angkop para sa anumang bagay. Kaya’t iniraos ko na lang ang mga araw. Bago ko pa namalayan, namumuhay na ako sa isang negatibong kalagayan at maling pagkaunawa. Patuloy na humihina ang kalagayan ko. Nawalan na ako ng ganang magbasa ng mga salita ng Diyos at gumawa ng anumang bagay. Hindi ko na isinasapuso ang tungkulin ko tulad nang dati. Nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Pakiramdam ko, ngayong mas matanda na ako at hindi ako makagawa ng maraming tungkulin, wala nang pag-asang makapasok ako sa kaharian at mailigtas. Talagang nalulungkot ako. O Diyos, pakiusap, bigyan Mo ako ng pananalig at gabayan ako para hindi ako mapigilan ng katandaan at maunawaan ko ang Iyong kalooban at makaalis ako sa kalagayang ito.”

Nagsimulang magbago ang kalagayan ko nang mabasa ko ang ilang salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Mayroon ding matatandang kapatid na ang edad ay 60 hanggang bandang 80 o 90, at dahil sa kanilang katandaan, nakakaranas din sila ng ilang paghihirap. Sa kabila ng kanilang edad, hindi palaging tama o makatwiran ang kanilang pag-iisip, at ang kanilang mga ideya at pananaw ay hindi palaging naaayon sa katotohanan. May mga problema rin ang mga matatandang ito, at palagi silang nag-aalala, ‘Hindi na masyadong malakas ang katawan ko at may mga limitasyon na sa kung anong tungkulin ang aking magagampanan. Kung gagampanan ko lamang itong maliit na tungkulin na ito, tatandaan kaya ako ng Diyos? Minsan ay nagkakasakit ako, at kailangan ko ng mag-aalaga sa akin. Kapag walang nag-aalaga sa akin, hindi ko magampanan ang aking tungkulin, kaya ano ang magagawa ko? Matanda na ako at hindi ko na naaalala ang mga salita ng Diyos kapag binabasa ko ito at nahihirapan akong maunawaan ang katotohanan. Kapag nakikipagbahaginan tungkol sa katotohanan, magulo at hindi maayos ang pagsasalita ko, at wala akong karanasan na karapat-dapat na ibahagi. Matanda na ako at kulang na ako sa enerhiya, malabo na ang aking paningin at hindi na ako malakas. Ang lahat ay mahirap na para sa akin. Maliban sa hindi ko magampanan ang aking tungkulin, madali rin akong makalimot ng mga bagay-bagay at magkamali. Minsan ay nalilito ako at nagdudulot ako ng problema sa iglesia at sa aking mga kapatid. Gusto kong makamtan ang kaligtasan at mahangad ang katotohanan ngunit napakahirap nito. Ano ang puwede kong gawin?’ … Partikular na may matatandang nais gumugol ng kanilang buong oras para sa Diyos at gumanap ng kanilang tungkulin, ngunit mahina ang kanilang katawan. Mayroong may altapresyon, mataas ang blood sugar, may problema sa gastrointestinal, at hindi sapat ang kanilang lakas para matugunan ang mga hinihingi ng kanilang tungkulin, kaya nababahala sila. Nakikita nila ang mga kabataan na nakakakain at nakakainom, nakakatakbo at nakakatalon, at naiinggit sila. Habang mas nakikita nila ang mga kabataan na nagagawa ang gayong mga bagay, mas lalo silang nababagabag, iniisip na, ‘Nais kong gampanan nang maayos ang tungkulin ko at hangarin at unawain ang katotohanan, at nais ko ring isagawa ang katotohanan, kaya bakit napakahirap nito? Napakatanda ko na at wala akong silbi! Ayaw ba ng Diyos sa matatanda? Talaga bang walang silbi ang matatanda? Hindi ba kami makapagkakamit ng kaligtasan?’ Malungkot sila at hindi nila magawang maging masaya paano man nila ito pag-isipan. Ayaw nilang palampasin ang gayon kagandang panahon at pagkakataon, ngunit hindi nila magugol ang kanilang sarili at magampanan ang kanilang tungkulin nang buong-puso at kaluluwa gaya ng mga kabataan. Nahuhulog sa malalim na pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala ang matatandang ito dahil sa kanilang edad. Sa tuwing nahaharap sila sa ilang pagsubok, kabiguan, paghihirap, o hadlang, sinisisi nila ang kanilang edad, at napopoot pa nga sila sa kanilang sarili at hindi nila gusto ang kanilang sarili. Pero anut anuman, wala itong saysay, walang solusyon, at wala silang daan pasulong. Posible nga talaga kayang wala silang daan pasulong? May solusyon ba? (Dapat pa ring magampanan ng matatanda ang kanilang mga tungkulin sa abot ng kanilang makakaya.) Katanggap-tanggap naman na gampanan ng matatanda ang kanilang tungkulin sa abot ng kanilang makakaya, tama ba? Hindi na ba mahahangad ng matatanda ang katotohanan dahil sa kanilang edad? Wala na ba silang kakayahan na maunawaan ang katotohanan? (Kaya nila.) Kaya bang unawain ng matatanda ang katotohanan? Maaari nilang maunawaan ang ilan, at maging ang mga kabataan ay hindi rin naman maunawaan ang lahat ng ito. Ang matatanda ay palaging may maling akala, iniisip nilang malilituhin na sila, na mahina na ang kanilang memorya, kaya hindi nila maunawaan ang katotohanan. Tama ba sila? (Hindi.) Bagaman higit na mas marami ang enerhiya ng mga kabataan kaysa sa matatanda, at mas malakas ang kanilang katawan, ang totoo, ang kanilang kakayahan na makaunawa, makaintindi, at makaalam ay katulad lamang ng sa matatanda. Hindi ba’t minsan ding naging kabataan ang matatanda? Hindi sila ipinanganak na matanda, at darating din ang araw na ang mga kabataan ay tatanda rin. Hindi dapat palaging isipin ng matatanda na dahil sila ay matanda na, mahina ang katawan, may karamdaman, at mahina ang memorya, ay naiiba na sila sa mga kabataan. Ang totoo, wala namang pagkakaiba. Ano ang ibig Kong sabihin na walang pagkakaiba? Bata man o matanda ang isang tao, pare-pareho ang kanilang mga tiwaling disposisyon, pare-pareho ang kanilang mga saloobin at opinyon sa lahat ng bagay, at pare-pareho ang kanilang mga perspektiba at pananaw sa lahat ng bagay. Kaya hindi dapat isipin ng matatanda na dahil matanda na sila, mas kaunti ang kanilang maluluhong kagustuhan kaysa sa mga kabataan, at mas matatag sila, wala na silang malalaking pangarap o ninanasa, at mas kaunti na ang kanilang mga tiwaling disposisyon—ito ay isang maling paniniwala. Maaaring makipagkumpetensya para sa puwesto ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? Ang mga kabataan ay maaaring gumawa ng mga bagay na labag sa mga prinsipyo at kumilos nang pabasta-basta, kaya hindi ba’t maaari din itong gawin ng matatanda? (Oo, maaari.) Maaaring maging mayabang ang mga kabataan, kaya hindi ba’t maaari ding maging mayabang ang matatanda? Gayunpaman, kapag mayabang ang matatanda, dahil sa kanilang edad ay hindi sila ganoon kaagresibo, at hindi masyadong matindi ang kanilang pagiging mayabang. Mas malinaw ang pagpapamalas ng mga kabataan ng kayabangan dahil sa kanilang maliliksing katawan at isipan, samantalang mas hindi halata ang mga pagpapamalas ng kayabangan ng mga nakatatanda dahil sa kanilang mahihinang kasukasuan at saradong isipan. Subalit iisa ang diwa ng kanilang kayabangan at iisa ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Gaano katagal man nang nananalig ang isang matanda sa Diyos, o ilang taon na niyang ginagampanan ang kanyang tungkulin, kung hindi niya hinahangad ang katotohanan, mananatili ang kanyang mga tiwaling disposisyon. … Kaya hindi totoo na wala nang magagawa ang matatanda, o hindi na nila kayang gampanan ang kanilang mga tungkulin, at lalong hindi totoo na hindi nila kayang hangarin ang katotohanan—marami silang pwedeng gawin. Ang iba’t ibang maling pananampalataya at maling paniniwala na naipon mo sa buong buhay mo, pati na rin ang iba’t ibang tradisyonal na ideya at kuru-kuro, mga kamangmangan at katigasan ng ulo, mga bagay na konserbatibo, mga bagay na hindi makatwiran, at mga bagay na kakatwa na naipon mo ay nagkapatong-patong na sa puso mo, at dapat kang gumugol ng mas maraming oras kaysa sa mga kabataan upang alisin, suriin, at kilalanin ang mga bagay na ito. Hindi totoo na wala kang magagawa, o na dapat kang mabagabag, mabalisa, at mag-alala kapag wala kang ginagawa—hindi ito ang iyong gawain o responsabilidad. Una sa lahat, dapat magkaroon ng tamang pag-iisip ang matatanda. Bagamat tumatanda ka na at medyo tumatanda na rin ang iyong katawan, dapat ay parang sa kabataan pa rin ang iyong pag-iisip. Bagamat tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan. Kung ang isang tao ay nasa 70 na ngunit hindi pa rin niya nauunawaan ang katotohanan, ipinapakita nito na napakababa ng kanyang tayog at hindi niya kaya ang gawain. Samakatuwid, walang kinalaman ang edad pagdating sa katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Ilang beses kong binasa ang siping iyon. Talagang tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos, inihahayag ang mismong kalagayan ko. Nakita ko na matanda na ako ngayon at hindi na gaya ng dati ang kondisyon ko, kaya’t hindi ko na magagawang magpakaabala sa paggawa ng tungkulin, at pwede na lang akong mag-host sa bahay. At nang makita ko ang kondisyon ni Sister Yu Xin, nasa bahay, hindi makagawa ng tungkulin, nag-alala talaga ako sa edad ko, na kung isang araw ay hindi talaga ako makakilos o makagawa ng tungkulin, hindi ako maliligtas. Talagang masakit at nakakalungkot para sa akin ang isiping hindi ako makakapasok sa kaharian, at dahil dito ay nag-alala ako tungkol sa hantungan ko. Namuhay ako sa negatibo at pesimistang kalagayan, at nawalan ako ng motibasyong gumawa ng kahit ano. Naantig ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at sumigla ang puso ko. Hindi naman sa wala nang mapagpipilian ang matatanda at hindi na maliligtas, na hindi na kami makakagawa ng anumang tungkulin. Ang katandaan ay hindi nangangahulugan na matanda na ang aming puso, at na wala na kaming magagawa. Kaya pa ring gawin ng matatanda ang mga bagay tulad ng dati, nagbabasa ng mga salita ng Diyos at nagdarasal kung kinakailangan, at ginagawa ang anumang tungkulin na karaniwan naming ginagawa. Hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi Niya sinasang-ayunan ang matatanda dahil hindi sila makagawa ng maraming tungkulin. At saka, kapwa matanda at bata ay may mga tiwaling disposisyon, at kailangan nating lahat na hanapin ang katotohanan upang malutas ang mga ito. Lalo na sa matatandang tulad ko, sa buhay sa tahanan, paaralan, at sa lipunan, nagkaroon na tayo ng lahat ng uri ng kaisipan, kuru-kuro, at pilosopiya sa buhay. Naipon sa isipan ko ang napakaraming satanikong pilosopiya, at maling pananampalataya at paniniwalang ito. Matagal na akong mananampalataya, pero nakabaon pa rin sa loob ko ang mga satanikong lasong ito at naging mga tuntunin ko para mabuhay. Minsan, nang nakipagtipon ako sa iba, napansin kong may isang taong namumuhay sa maling kalagayan o nagpapakalat ng pagkanegatibo. Malinaw kong nakita na hindi nakakapagpatibay ang sinasabi niya sa iba, pero tumahimik lang ako para protektahan ang ugnayan ko sa iba. Namuhay ako sa satanikong pilosopiya na, “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Hindi ako handang isagawa ang katotohanan, atubili ako na makapagpasama ng loob. At kapag pinag-uusapan namin sa mga pagtitipon ang ilang tao at kwento sa Bibliya, hindi ito naiintindihan ng ilang kapatid, at nagpakita ako ng mayabang na disposisyon. Pakiramdam ko, bilang isang matandang Kristiyano, mas may nalalaman ako, kaya’t ipinaliliwanag ko ito nang ipinaliliwanag sa kanila, ginagamit iyon bilang kapital para magpakitang-gilas. Sa napakaraming tiwaling disposisyon na hindi nalutas, dapat ay nakaramdam ako ng higit na pag-aapura at nagsikap sa paghahangad sa katotohanan. Dapat kong mas hanapin ang katotohanan hangga’t nabubuhay ako para lutasin ang aking katiwalian. Napakaraming bagay na dapat kong gawin at katotohanang dapat kong pasukin. Gayunpaman, palagi kong kinaiinggitan ang magandang kalusugan at maraming posibleng tungkulin ng mga kabataan, iniisip na mas may pag-asa silang maligtas. Ngayong hindi na ako gaanong nakakapunta sa mga lugar at limitado ang aking mga tungkulin, nag-aalala ako na hindi ako magkakaroon ng puwang sa kaharian. Nasadlak ako sa pagkanegatibo at hindi ako makaahon. Kung iisipin ko ito ngayon, napakahangal niyon. Kinailangan kong magkaroon ng tamang saloobin. Bagamat matanda na ako at tumatanda na ang aking laman, nauunawaan ko pa rin ang mga salita ng Diyos, at mayroon pa rin akong normal na katinuan at katwiran, kaya hindi ako pwedeng mag-aksaya ng oras at dapat kong hangarin ang katotohanan, at hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay nang nababagabag at nababalisa. Talagang naipapahiwatig ito sa sipi ng mga salita ng Diyos: “Bagamat tumatanda ka na, ang iyong pag-iisip ay bumabagal na at ang iyong memorya ay humihina na, kung nakikilala mo pa rin ang iyong sarili, nauunawaan pa rin ang mga salitang sinasabi Ko, at nauunawaan pa rin ang katotohanan, pinatutunayan niyon na hindi ka pa matanda at sapat pa ang iyong kakayahan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Sumigla ang puso ko dahil sa mga salita ng Diyos, at naramdaman ko kaagad na mayroon akong dapat na pagsumikapan. Sinasabi ng Diyos na hindi ako matanda, kaya dapat kong masigasig na hangarin ang katotohanan hangga’t nabubuhay pa ako.

Nabasa ko rin ito sa mga salita ng Diyos: “Pinagpapasyahan Ko ang hantungan ng bawat tao hindi batay sa gulang, katandaan, tindi ng pagdurusa, at lalong hindi batay sa kung gaano siya kaawa-awa, kundi batay sa kung taglay niya ang katotohanan. Wala nang ibang pagpipilian kundi ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). “Ang inaasam ng Diyos ay para ang bawat tao ay magawang perpekto, sa kahuli-hulihan ay matamo Niya, lubos Niyang malinis, at maging mga tao na Kanyang minamahal. Hindi mahalaga kung sinasabi Ko mang kayo ay paurong o mahina ang kakayahan—ito ay tunay lahat. Ang pagsasabi Ko nito ay hindi nagpapatunay na binabalak Kong pabayaan ka, na nawalan na Ako ng pag-asa sa inyo, lalong hindi na ayaw Kong iligtas kayo. Naparito Ako ngayon upang gawin ang gawain ng pagliligtas sa inyo, na ang ibig sabihin ay ang gawain na Aking ginagawa ay isang pagpapatuloy ng gawain ng pagliligtas. Ang bawat tao ay may pagkakataon upang magawang perpekto: Basta’t ikaw ay handa, basta’t patuloy kang magsisikap, sa huli ay magagawa mong makamit ang resultang ito, at walang sinuman sa inyo ang mapapabayaan. Kung mahina ang iyong kakayahan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong mahinang kakayahan; kung magaling ang iyong kakayahan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong magaling na kakayahan; kung ikaw ay ignorante at mangmang, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong kamangmangan; kung ikaw ay may pinag-aralan, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa antas ng iyong pinag-aralan; kung ikaw ay nakatatanda, ang Aking mga kakailanganin sa iyo ay alinsunod sa iyong katandaan; kung ikaw ay may kakayahang magbigay ng kagandahang-loob, ang Aking mga hihingin sa iyo ay magiging alinsunod sa kakayahang ito; kung sinasabi mong hindi ka makapagbibigay ng kagandahang-loob, at magagampanan mo lamang ang isang partikular na tungkulin, maging ito man ay pagpapalaganap ng ebanghelyo, o pag-aalaga sa iglesia, o pagdalo sa iba’t ibang mga pangkalahatang ugnayan, ang Aking pagpeperpekto sa iyo ay magiging alinsunod sa tungkulin na iyong ginagampanan. Ang pagiging tapat, ang pagsunod hanggang sa katapus-tapusan, at ang paghahangad na magkaroon ng pinakadakilang pag-ibig sa Diyos—ito ang kailangan mong tuparin, at wala nang iba pang mas magandang mga pagsasagawa kaysa sa tatlong bagay na ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). Talagang naantig ako ng mga salitang ito ng Diyos. Hindi kailanman tinukoy ng Diyos ang kahihinatnan ng isang tao batay sa kanyang kakayahan, edad o sa kung gaano na karaming tungkulin ang nagawa niya. Tinitingnan lamang ng Diyos kung tapat at masunurin sa Kanya ang mga tao. Hangga’t determinado ang isang tao na hangarin ang katotohanan, at mayroon siyang tunay na pananalig at mahal niya ang katotohanan, hindi siya tatalikdan ng Diyos. Nakita ko na matuwid ang Diyos, at hindi pare-pareho ang mga hinihingi Niya sa bawat tao. Ang mga hinihingi Niya sa mga tao ay batay sa kanilang tayog at kung ano ang kaya nilang matamo. Ang mga kayang mag-host ay dapat mag-host, ang mga kayang mangaral ng ebanghelyo ay dapat mangaral. Dapat gawin ng mga tao ang anumang tungkuling magagawa nila. Hangga’t kaya nating hangarin ang katotohanan at kumilos batay sa mga salita ng Diyos, may pag-asa tayong maligtas. Ngunit pakiramdam ko, dahil sa aking katandaan, wala akong magagawang tungkulin, at na hindi ako sasang-ayunan ng Diyos. Inihalintulad ko ang Diyos sa isang makamundong amo na papanatilihin ka kung makakapagtrabaho at may halaga ka, pero kung hindi na ay palalayasin ka. Ito ay kawalan ng takot sa Diyos. Mali rin ang pagkaunawa ko sa kalooban ng Diyos dahil sa aking mga maling kuro-kuro at imahinasyon. At saka, hindi kailanman sinabi ng Diyos na hindi maliligtas o mapeperpekto ang matatanda. Inisip ko ang mga anticristo at masamang tao na itiniwalag sa iglesia. Mas bata sa akin ang ilan, at isinuko nila ang kanilang tahanan at trabaho para sa kanilang mga tungkulin. Nagtrabaho sila nang husto ayon sa pamantayan ng tao, pero hindi nila hinangad ang katotohanan at hindi nagbago kahit kaunti ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Umasa sila sa kanilang satanikong kalikasan, ginagambala ang gawain ng sambahayan ng Diyos, hindi kailanman nagsisisi, at pinalayas sila ng Diyos sa huli. Samantala, ang ilan sa matatandang miyembro ay nananatili sa bahay at gumagampan ng tungkuling pagho-host sa bahay, ang ilan naman ay nagtatago ng mga libro ng iglesia, pero ginagampanan nilang lahat ang kanilang papel gaya ng nararapat. Hindi sila tinatalikuran o pinalalayas ng Diyos dahil sa matanda na sila o dahil hindi na sila makagawa ng maraming tungkulin gaya ng dati. Nakita ko na pinalalayas ng Diyos ang mga tao dahil sa kanilang kalikasang diwa, hindi dahil sa kanilang edad. Ngayong matanda na ako, hindi ko na masusuportahan ang iglesia gaya ng dati. Nagho-host ako ng iba sa bahay ko. Kaya dapat kong gawin nang maayos ang tungkulin ng pagho-host at mapanatili ang isang ligtas na kapaligiran para sa mga pagtitipon, para mapayapang makapunta at makaalis ang mga kapatid. Paglalaan iyon ng sarili ko sa aking tungkulin. Masama ang pakiramdam ng kapitbahay kong si Sister Yu Xin at kailangan niya ng suporta, kaya dapat kong gawin ang anumang makakaya ko, makipagkita at makipagbahaginan sa kanya. At sa tuwing nahaharap ako sa mga pagsubok o problema, dapat akong magdasal at magbasa ng mga salita ng Diyos para lutasin ang mga ito. Kung kaya kong pumasan ng limang libra, papasanin ko ang limang libra, at kung kaya ko ang 20, papasanin ko ang 20. Gawin mo ang iyong pinakamakakaya, at gawin mo ang lahat ng kaya mo—iyon ang pinakamahalaga. Sa sandaling naunawaan ko iyon, nakaramdam ako ng kahihiyan. Hindi ko naunawaan ang kalooban ng Diyos, at hindi ako tumitingin sa mga bagay-bagay o kumikilos batay sa Kanyang mga salita. Sa halip, namumuhay ako ayon sa mga sarili kong maling pananaw, mali ang pagkaunawa ko sa Diyos. Talagang mapaghimagsik ako.

Nagnilay ako kung bakit palagi akong nag-aalala tungkol sa pagiging matanda, na hindi ako makagagawa ng tungkulin, at na mapalalayas ako. Ano ba ang motibo sa likod niyon? Sa aking paghahanap, nabasa ko ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos: “Napupuno ng lakas ang ilang tao sa sandaling makita nila na ang pananampalataya sa Diyos ay maghahatid sa kanila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang lahat ng sigla sa sandaling makita nila na kailangan nilang dumanas ng mga pagpipino. Iyan ba ang paniniwala sa Diyos? Sa huli, kailangan kang ganap at lubos na makasunod sa harap ng Diyos sa iyong pananampalataya. Naniniwala ka sa Diyos ngunit mayroon ka pa ring mga hinihiling sa Kanya, marami ka pa ring mga relihiyosong kuru-kuro na hindi mo mabitawan, mga personal na interes na hindi mo mapakawalan, at naghahangad ka pa rin ng mga pagpapala ng laman at nais mong sagipin ng Diyos ang iyong laman, na iligtas ang iyong kaluluwa—lahat ng ito ay mga pag-uugali ng mga tao na may maling pananaw. Kahit may pananampalataya sa Diyos ang mga taong may mga relihiyosong paniniwala, hindi sila naghahangad na baguhin ang kanilang disposisyon at hindi sila naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, kundi ang tanging hinahangad nila ay ang mga interes ng kanilang laman. Marami sa inyo ang may pananampalatayang nabibilang sa kategorya ng mga relihiyosong pananalig; hindi iyan tunay na pananampalataya sa Diyos. Upang maniwala sa Diyos, kailangang magkaroon ang mga tao ng isang pusong handang magdusa para sa Kanya at kahandaang isuko ang kanilang sarili. Hangga’t hindi natutugunan ng mga tao ang dalawang kundisyong ito, walang bisa ang kanilang pananampalataya sa Diyos, at hindi nila mababago ang kanilang disposisyon. Ang mga tao lamang na tunay na naghahanap sa katotohanan, naghahangad ng kaalaman tungkol sa Diyos, at naghahangad ng buhay ang mga tunay na naniniwala sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). “Nananalig ang mga tao sa Diyos upang pagpalain, magantimpalaan, at makoronahan. Hindi ba’t may ganito sa puso ng lahat? Totoo na mayroon nga. Bagamat hindi ito madalas tinatalakay ng mga tao, at pinagtatakpan pa nga ang kanilang motibo at hangaring magtamo ng mga pagpapala, ang paghahangad at motibong ito sa kaibuturan ng puso ng mga tao ay hindi matinag-tinag noon pa man. Gaano man karaming espirituwal na teorya ang nauunawaan ng mga tao, anumang karanasan o kaalaman ang mayroon sila, anumang tungkulin ang kaya nilang gampanan, gaano mang pagdurusa ang tinitiis nila, o gaano man ang isinasakripisyo nila, hinding-hindi nila binibitawan ang motibasyon para sa mga pagpapala na nakatago sa kaibuturan ng kanilang mga puso, at laging tahimik na nagseserbisyo para rito. Hindi ba’t ito ang bagay na nakabaon sa pinakakaibuturan ng puso ng mga tao? Kung wala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala, ano ang mararamdaman ninyo? Sa anong saloobin ninyo gagampanan ang inyong tungkulin at susundan ang Diyos? Ano kaya ang mangyayari sa mga tao kung mawawala ang motibasyong ito na tumanggap ng mga pagpapala na nakatago sa kanilang puso? Posible na magiging negatibo ang maraming tao, samantalang ang ilan ay mawawalan ng gana sa kanilang mga tungkulin. Mawawalan sila ng interes sa kanilang paniniwala sa Diyos, na para bang naglaho ang kanilang kaluluwa. Magmumukha silang inalisan ng kanilang puso. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Kong ang motibasyon para sa mga pagpapala ay isang bagay na nakatago sa kaibuturan ng puso ng mga tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). Ang inihahayag at hinuhusgahan ng Diyos sa mga salitang ito ay ang mismong kalagayan ko. Talagang sinusuri ng Diyos ang puso at isipan ng tao. Inilantad nito ang mga malalim kong motibo at mga pagnanais na pagpalain, at na ang pananalig ko ay para lamang sa mga pagpapala. Noong katatanggap ko pa lang sa yugtong ito ng gawain, nahikayat ako ng pagkakataong makapasok sa kaharian. Handa akong gawin ang anumang gusto ng iglesia. Gagawin ko ang tungkulin ko, umaraw man o umulan. Inakala ko na sasang-ayon ang Diyos hangga’t nagbabayad ako ng halaga, at pagkatapos ay maliligtas ako at makakamit ko ang mga pagpapala ng kaharian ng langit. Pero ngayong nakikita kong tumatanda na ako, na naaapektuhan na ng pagtanda ang lahat ng bahagi ng katawan ko, at na hindi ko na nagagawa ang mga tungkuling nagagawa ko noon, nag-aalala ako na magkakasakit ako isang araw at hindi makakagawa ng tungkulin. Nalungkot at nabalisa ako dahil doon. At nang maisip ko ang dalawang araw na iyon na nagkasakit ako at hindi makakilos, mas lalo akong nag-alala na kung magkakasakit akong muli at hindi ako agad gagaling, hindi ko magagawa ang anumang tungkulin at hindi ako maliligtas. Hungkag ang pakiramdam ko, malungkot at nalulumbay. Wala akong motibasyon na basahin ang mga salita ng Diyos o magdasal, iniisip na iraraos ko na lang ang bawat araw. Talagang nakita ko na may motibong nakatago sa kaibuturan ng puso ko na pagpalain ako, malalim itong nakabaon, at na palagi akong nagtatrabaho at nagsisikap para makamit ang layong ito. Sa panlabas, gumagawa ako ng tungkulin at gusto kong palugurin ang Diyos, pero ang totoo, gusto kong ipagpalit ang tungkulin ko sa mga pagpapala ng kaharian ng langit. Gumagawa ako para sa aking hantungan. Masyado talaga akong likas na masama at tuso. Ipinanganak ako sa isang Kristiyanong tahanan, at sinunod ko ang mga magulang ko, nananampalataya ako sa Panginoong Jesus mula pagkabata. Noong sisenta na ako, tinanggap ko ang gawain ng Diyos sa mga huling araw. Ang dami ko nang nakamit. Malinaw na nagbahagi ang Diyos sa bawat aspeto ng katotohanan sa mga huling araw, at sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang salita, nagkamit ako ng kaunting pagkaunawa sa sarili kong tiwaling kalikasan at mga satanikong lason, nagawa kong kamuhian ang sarili ko, at medyo nagbago ang tiwali kong disposisyon. Ito ang mga bunga ng mga karanasan ko sa paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos. Napakalaking biyaya nito mula sa Diyos! Natanggap ko ang napakadakilang pagliligtas. Hugutan man ako ng hininga ng Diyos ngayon mismo, wala akong pagsisisihan, at dapat akong magpasalamat sa Diyos. Pero buhay pa rin ako ngayon, at may hininga pa. Dapat buong puso kong hangarin ang katotohanan at pagbabago sa disposisyon. Pagpalain o dumanas man ako ng sakuna sa hinaharap, dapat akong magpasakop sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos. Ito ang katwirang dapat kong taglayin bilang isang nilikha. Pero matapos magkamit ng labis na panustos mula sa mga salita ng Diyos, hindi ko pa rin alam kung paano suklian ang pagmamahal Niya. Gusto kong gamitin ang tungkulin ko para makipagpalitan sa Diyos para sa mga pagpapala ng kaharian. Naging negatibo ako at mali ang naging pagkaunawa ko sa Diyos nang maisip kong hindi ko iyon makukuha. Wala akong konsiyensiya o katwiran. Nasaan ang pagkatao ko? Sobra akong makasarili, kasuklam-suklam, at kahabag-habag. Hindi tama ang mga motibasyon at perspektiba ko sa pananampalataya. Ginusto ko lang makapasok sa kaharian ng langit, at hinangad ko lang ang mga pakinabang at pagpapala ng laman. Nasa parehong landas ako ni Pablo. Naisip ko kung gaano kalaki ang naisakatuparan ni Pablo, pero nanalig siya para lamang magantimpalaan at makoronahan. Ginamit niya ang gawain niya para makipagtawaran sa Diyos, para ipagpalit ito sa mga pagpapala ng langit. Hindi niya hinangad na makilala ang Diyos. Nasa landas siya ng paglaban sa Diyos. Sa huli, pinarusahan siya ng Diyos. Ang paghahangad ko ay parehas ng kay Pablo. Hindi ko hinangad na magbago ng disposisyon para mapalugod ang Diyos, at ginagawa ko lang ang tungkulin ko para sa mga pagpapala. Kung titingnan, gumaganap ako ng isang tungkulin, pero sa diwa, niloloko ko ang Diyos. Hindi ako tunay na mananampalataya. Ang isang tunay na mananampalataya ay isang taong naghahangad sa katotohanan, na nais makilala at mahalin ang Diyos. Walang anumang kondisyon o pakikipagtawaran sa paggawa niya ng tungkulin. Walang anumang personal na motibo o layon, o labis-labis na hangarin. Iniaalay nila ang lahat ng meron sila para palugurin ang Diyos. Katulad ni Pedro—bagamat hindi kasingdami ng kay Pablo ang gawaing ginawa niya, nagawa niyang tanggapin ang paghatol at pagkastigo ng Diyos, kilalanin ang kanyang sarili, at hangaring makilala at mahalin ang Diyos. Sa huli, nagpasakop siya hanggang sa kamatayan, ipinako sa krus nang patiwarik para sa Diyos, nagpapatotoo para luwalhatiin ang Diyos. Sa ganitong pananalig ko, na palaging kumakapit sa masasamang motibo at hangarin, hinding-hindi ko makakamit ang pagsang-ayon ng Diyos kahit ilang taon man akong manampalataya. Tatanggihan at kapopootan lang ako ng Diyos sa huli. Kung hindi ako magsisisi, at mananatiling transaksyonal sa pananalig at tungkulin ko, hindi ko makakamit ang katotohanan o pagbabago ng disposisyon sa huli. Matutulad ako kay Pablo, na inilantad at pinalayas ng Diyos.

Naisip ko ang sinabi ng Diyos: “Walang kaugnayan sa pagitan ng tungkulin ng tao at kung siya ay pinagpala o isinumpa. Ang tungkulin ay kung ano ang nararapat tuparin ng tao; ito ang tungkuling bigay sa kanya ng langit, at hindi dapat umasa sa gantimpala, mga kondisyon, o mga dahilan. Saka lamang niya nagagawa ang kanyang tungkulin(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagkakaiba sa Pagitan ng Ministeryo ng Diyos na Nagkatawang-tao at ng Tungkulin ng Tao). Napagtanto ko sa puntong ito na dapat gumawa ng tungkulin ang isang nilikha, at wala itong kinalaman sa pagtanggap ng mga pagpapala o kasawian. Bilang miyembro ng sambahayan ng Diyos, wala dapat akong mga kondisyon para sa Kanya. Dapat kong tuparin ang mga responsabilidad ko. Kagaya lang ito ng isang pamilya. Kapag ginagawa ng mga anak ang makakaya nila para sa pamilya, maaari ba silang humingi ng pera sa mga magulang nila bilang gantimpala? Hindi iyon isang kapamilya, kundi isang empleyado. Bilang miyembro ng pamilya ng Diyos, at bilang isang nilikha, nararapat lang na gumawa ako ng tungkulin para sa Lumikha, tama at natural lang ito. Dapat kong ipakita ang aking debosyon nang hindi nag-iisip ng mga kondisyon o gantimpala. Iyon ang dapat kong gawin. Mas matanda na ako ngayon at hindi maganda ang kalusugan ko, pero hindi ako sinusukuan ng Diyos. Tinutustusan at ginagabayan pa rin Niya ako sa Kanyang mga salita. Hindi ako maaaring mawalan ng konsiyensiya, at hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa negatibong kalagayan, pinapabayaan ang sarili ko na mawalan ng pag-asa. Dapat akong magkaroon ng tamang saloobin, at habang nasa tamang pag-iisip at may katwiran pa ako, dapat mas basahin ko ang mga salita ng Diyos para makilala ang aking sarili at hangarin ang pagbabago sa disposisyon, gawin ang anumang tungkuling kaya ko ngayon, at magpasakop sa pamumuno at mga pagsasaayos ng Diyos. May iba pa akong nabasa sa mga salita ng Diyos: “Ano man ang iyong kakayahan, o edad, o ilang taon ka man nang nananalig sa Diyos, ang bawat tao ay dapat na magsumikap tungo sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Hindi mo dapat bigyang-diin ang anumang obhektibong batayan; dapat mong hangarin ang katotohanan nang walang pag-aalinlangan. Huwag sayangin ang iyong mga araw. Kung hahanapin at pagsusumikapan mo ang paghahangad sa katotohanan bilang ang dakilang usapin sa iyong buhay, maaaring ang katotohanang nakamit at naabot mo sa iyong paghahangad ay hindi ang ninanais mo. Pero kung sinasabi ng Diyos na bibigyan ka Niya ng hantungan depende sa saloobin mo sa iyong paghahangad at sa iyong sinseridad, napakaganda niyon! Huwag tumuon sa kung ano ang kahahantungan at kalalabasan mo sa ngayon. Huwag mong isipin at huwag mong itanong kung ano ang mangyayari at ano ang magaganap sa hinaharap—kung makakaiwas ka man sa sakuna at hindi mamamatay. Tumuon ka lang sa paghahangad sa katotohanan sa mga salita ng Diyos at sa Kanyang mga hinihingi, sa pagganap nang maayos sa iyong tungkulin, sa pagtupad sa kalooban ng Diyos, sa pagiging karapatdapat sa anim na libong taong paghihintay ng Diyos, sa Kanyang anim na libong taon ng pananabik. Bigyan ng kaunting kapanatagan ang Diyos; hayaan Siyang makita na may pag-asa sa iyo, at hayaang matupad ang Kanyang mga kahilingan sa iyo. Sabihin mo sa Akin, tatratuhin ka ba nang hindi maganda ng Diyos kung gagawin mo ito? Siyempre, hindi! At kahit ang maging mga resulta ay hindi ang ninanais ng isang tao, paano niya dapat harapin ang katunayang iyon, bilang isang nilikha? Dapat siyang magpasakop sa lahat ng bagay sa pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, nang walang anumang personal na layon. Hindi ba’t ito ang pananaw na dapat taglayin ng mga nilikha? (Ito nga.) Iyan ang tamang pag-iisip(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). “Ang paghahangad sa katotohanan ay isang dakilang usapin sa buhay ng tao. Wala nang ibang usapin na kasinghalaga ng paghahangad sa katotohanan, at wala nang ibang usapin ang mas mahalaga pa sa pagkakamit ng katotohanan. Naging madali ba, na sundan ang Diyos hanggang sa kasalukuyan? Magmadali kayo, at ituring na mahalaga ang paghahangad ninyo sa katotohanan! Ang yugtong ito ng gawain sa mga huling araw ang pinakaimportanteng yugto ng gawain na ginagawa ng Diyos sa Kanyang anim na libong taon ng pamamahala. Ang paghahangad sa katotohanan ang pinaka-inaasahan ng Diyos sa Kanyang mga hinirang na tao. Umaasa Siya na tinatahak ng tao ang tamang landas, ang paghahangad sa katotohanan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Napukaw at naantig talaga ako nang mabasa ko ito. Nasabi na sa atin ng Diyos ang lahat ng tungkol sa kalooban Niya, pati na rin ang hinihingi at inaasam Niya mula sa mga tao. Wala Siyang pakialam kung gaano kahusay ang kakayahan natin, kung gaano tayo katanda, o gaano karami nang tungkulin ang nagampanan natin, at ang inaalala lang Niya ay kung hinahangad natin ang katotohanan, kung tapat tayo sa ating pananalig at kung masunurin tayo. Tulad ng sa Kapanahunan ng Biyaya, dalawang barya lamang ang naihandog ng isang balo, pero nakamit niya ang pagsang-ayon ng Diyos dahil inialay niya sa Diyos ang lahat ng mayroon siya. Nakita ng Diyos ang sinseridad niya. Bagamat matanda na ako ngayon at hindi ko mapantayan ang mga kabataan sa anumang aspeto, hindi na ako negatibo. Gusto kong sumulong at sulitin ang bawat araw. Hangga’t may katinuan at katwiran pa ako, dapat ko talagang mas hangarin ang katotohanan at mas basahin ang mga salita ng Diyos, isagawa ang bawat maliit na bagay na nauunawaan ko, at gawin ang makakaya ko sa aking tungkulin. Pagkatapos, kapag namatay ako, mapapayapa ang puso ko, at hindi ko bibiguin ang Diyos sa pagtustos sa akin sa buong buhay ko. Tinulutan ng Diyos na maipanganak ako sa mga huling araw. Natanggap ko ang Kanyang gawain sa mga huling araw sa edad na sisenta, upang saksihan ang pagpapakita ng Diyos, personal na marinig ang Kanyang tinig, at maranasan ang paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita; napakalaking biyaya at pagpapala ito ng Diyos para sa akin. Kung malungkot pa rin akong namumuhay sa pagiging matanda, nang walang pag-aapura na sulitin ang pagkakataong ito na mahangad ang katotohanan, mapapalagpas ko ang pagkakataong maranasan ang gawain ng Diyos at mailigtas. Kung saka ko na lang hahangarin ang katotohanan, mawawalan ako ng pagkakataon, at magiging huli na para magsisi. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Handa na akong magsisi. Ayaw ko nang mabuhay sa pagkanegatibo, pagkabalisa, at maling pagkaunawa. Nais kong isagawa ang mga salita Mo, gawin ang makakaya ko para hangarin ang katotohanan habang nabubuhay pa ako, at tahakin ang tamang landas. Gusto kong isagawa ang lahat ng nauunawaan ko sa mga salita Mo, gawin ang tungkulin ko, at palugurin ang Iyong kalooban. Pagpalain man ako o masawi, handa na akong magpasakop sa pamumuno at mga pagsasaayos Mo.”

Mula noon, tumuon ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at mas pinagnilayan ko ang mga ito. Ibinuhos ko ang lahat ng mayroon ako sa anumang tungkuling ipinapagawa sa akin ng iglesia. Nagkaroon ako ng ilang karanasan at kaalaman sa mga taon ko bilang isang mananampalataya, at nagsanay akong magsulat ng mga artikulo para magpatotoo sa Diyos. Lalo na ngayon, nangangailangan ng magagandang artikulo ang mga mangangaral ng ebanghelyo para malutas ang mga kuru-kuro ng mga tao, at bilang isang taong matagal nang nananalig, gusto kong magsulat ng ilan, upang magawa ko ang makakaya ko para maipalaganap ang ebanghelyo ng kaharian. Dagdag pa rito, dahil masyadong mayabang ang disposisyon ko at may tendensiya akong pigilan ang pamilya ko dahil sa aking kayabangan, hinahangad ko ang katotohanan para malutas ang aspetong ito ng katiwalian ko, at para maisabuhay ang normal na pagkatao sa harap ng aking pamilya. Sa karaniwan kong pakikipag-ugnayan sa mga kapatid, kapag may nakikita akong isang taong lumalabag sa mga prinsipyo, kung natatakot akong may masabi akong makapagpapasama ng loob niya o makapagbibigay sa kanya ng masamang impresyon sa akin, nagdarasal ako sa Diyos na hindi ako mamuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya, at tumutuon ako sa pagsasagawa ng katotohanan, pagtataguyod ng mga interes ng iglesia, at hindi lang sa pagiging isang mapagpalugod ng tao. Ngayon, sinasanay ko ang sarili ko na isagawa ang katotohanan sa bawat maliit na bagay, at napakapayapa at napakasaya ng pakiramdam ko. Ang makalaya mula sa pagkabahala, pagkabalisa, at pag-aalala, ay lahat dahil sa patnubay at biyaya ng Diyos. Tunay akong nagpapasalamat sa Diyos! Ang lahat ng kaluwalhatian ay sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...