Nakalaya Mula sa Pagkabalisa sa Aking mga Karamdaman

Pebrero 24, 2024

Ni Jin Xin, Tsina

Nagkaroon ng cancer ang nanay ko at pumanaw siya bago ako ikinasal at nagkaroon ng altapresyon ang tatay ko noong siya ay 57 taong gulang, na naging sanhi ng pagputok ng daluyan ng dugo, kaya naging paralisado ang kalahati ng katawan niya at nakaratay siya sa kama nang 15 taon. Sa huli, namatay siya sa matinding paghihirap. Labis ang lungkot sa puso ko nang makita ang tatay ko na nakahiga habang nasasaktan. Mayroon akong altapresyon at pananakit ng dibdib. Minsan, nagiging manhid ang kalahati ng ulo ko, at para akong tinutusok ng mga karayom. Nagkaroon din ako ng iba pang uri ng mga isyung pangkalusugan, at naggagamot ako sa loob ng mahabang panahon. Napagtanto ko na pareho ang mga sintomas namin ng tatay ko, at palagi akong nag-aalala: “Tumatanda na ako. Paano kung maging baldado ako tulad ng tatay ko? Paano ako mabubuhay niyon? Paano ko magagawa ang tungkulin ko at mahahangad ang katotohanan? Kung hindi ako makakagawa ng tungkulin, paano ako maliligtas?” Kaya, anumang oras na lumilitaw ang mga sintomas, binabalot ako ng pagkabalisa. Isang beses, agarang nangangailangan ang isang iglesia ng taong susuporta sa kanila. Kinausap ako ng isang nakatataas na lider tungkol sa pagpunta roon para tumulong, pero iniisip ko na: “Maraming problema sa iglesiang iyon. Kung pupunta ako, napakalaking abala nito at kakailanganin kong magsikap nang husto rito. Masama na ang kalusugan ko, mas papagurin lang ako nito. Patuloy bang lalala ang kondisyon ko? Ano ang gagawin ko kung talagang magkasakit ako?” Kaya, tinanggihan ko ito. Pagkalipas ng ilang buwan, talagang nangailangan ng tao ang iglesiang iyon, at muli akong kinausap ng nakatataas na lider tungkol dito. Nakonsensya talaga ako. Hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos noon, at medyo nabagabag ako pagkatapos niyon. Hindi ko pwedeng tanggihan ulit ang tungkuling iyon, kaya pumayag akong puntahan ang iglesiang iyon.

Pero pagdating ko sa iglesia, nakita ko na wala silang natatamo sa kanilang gawain, at nakaramdam ako ng matinding pressure. Maraming isyu ang dapat tugunan kung gusto kong mapabuti ang mga resulta ng gawain, at talagang magiging mahirap ito. Palaging puno ang isipan ko. Nagsimula na namang mamanhid ang ulo ko, at hindi ako komportable, para bang may mga insekto na gumagapang sa loob ng utak ko. Hindi ako makatulog at wala akong kasigla-sigla sa buong araw. Nanghihina ang buong katawan ko at wala man lang akong lakas. Medyo nag-alala ako. Patuloy bang lalala ang kondisyon ko? Kung magiging barado ang mga daluyan ng dugo ko kagaya ng sa tatay ko, mahihimatay na lang ba ako? Kung magiging baldado ako, o mapaparalisa, o mawawalan pa nga ng buhay, paano ako makakagawa ng tungkulin, at paano ako magtatamo ng kaligtasan? Binalot ako ng mga pag-aalala tungkol sa karamdaman ko, at bagamat ako ang nangangasiwa sa gawain ng ebanghelyo, ayaw kong alalahanin ang mga detalye ng mga problema. Bihira kong pinangangasiwaan ang mga detalye ng gawain, natatakot na baka maging baldado ako kapag masyado kong pinagod ang sarili ko. Talagang nauubusan ako ng pasensya, at gusto kong ipasa itong nakapapagod na gawaing ebanghelyo sa isang bagong halal na lider. Dati nang walang gaanong natatamo ang iglesiang ito sa gawain ng ebanghelyo, at hindi ko detalyadong tinugunan ang problema, ibig sabihin, hindi man lang umusad ang gawaing iyon. Nag-aalala ako noon kung mas mapapasama ba ang kondisyon ko, at kung bigla itong lumala, mawawalan ako ng buhay. Kung mamamatay ako, hindi ko magagawa ang aking tungkulin at hindi ako maliligtas. Pero naisip ko, nasa kalagitnaan ako ng paggawa ng isang tungkulin, kaya dapat akong protektahan ng Diyos, at malamang na hindi ako lubhang magkakasakit. Kaya, medyo napayapa ang loob ko, bagamat paminsan-minsan pa rin akong dinadalaw ng aking mga alalahanin. Lalo na nang makita ko ang brother na nagtatrabaho kasama ko na nasa edad 70, na walang mga problema sa kalusugan, samantalang mas bata ako kaysa sa kanya pero tadtad ako ng sakit, hindi ko maiwasang malungkot: “Nasa mabuting kalusugan ang brother at siguradong madali para sa kanya na gawin ang kanyang tungkulin. Bakit hindi ako malusog?” Talagang wala akong magawa at naging negatibo ako sa tungkulin ko. Noong huling bahagi ng Disyembre 2022, sumiklab ang pandemya. Marami na akong naunang isyu sa kalusugan at pagkatapos ay nahawa pa ako ng Covid. Nilagnat ako, nanghina ang buong katawan ko, at umuubo ako ng dugo. Wala akong gana at dalawang linggong hindi makakain. Ang sama-sama ng pakiramdam ko noong panahong iyon. Naisip ko, “Katapusan ko na, talagang bumabagsak ang kalusugan ko. Kung mawawalan ako ng buhay, paano ko pa magagawa ang tungkulin ko? Ang ilang tao ay nagkaroon ng Covid, nagkaroon ng ubo nang ilang araw at pagkatapos ay gumaling na sila. Pero hindi ako kailanman huminto sa paggawa ng tungkulin ko, at ilang araw akong nagkaroon ng mataas na lagnat at hindi ako nakakakain ng anuman. Bakit lubha akong nagkasakit?” Mas lalo akong nalulungkot habang iniisip ko iyon, at miserable ako. Pagkaraan ng ilang araw, bumaba ang aking lagnat, pero nahawaan ang dalawang tao na nakatrabaho ko, at walang sinuman ang naroon para gumawa ng gawain ng iglesia. Nang walang ibang pagpipilian, kinailangan kong pilitin ang mahina kong katawan na dumalo sa mga pagtitipon. Mga dalawa o tatlong araw akong nagpapakaabala habang may sakit, at mahirap pangasiwaan ang maraming gampanin dahil sa pandemya. Nagsimulang lumayo ang puso ko, at pakiramdam ko ay masyadong mahirap ang gawain. Palala nang palala ang kalusugan ko, at hindi ko nagagawa nang maayos ang gawain, kaya naisip kong mabuti pang umuwi na lang ako at magpagaling. Baka mas maging maayos ang pakiramdam ko. Pagbalik sa bahay ng host ko, biglang umatake ang pananakit ng dibdib ko, at pakiramdam ko ay hindi ko na ito kakayanin. Iniisip ko, “Kung patuloy kong gagawin ang tungkulin ng isang lider, hindi na ito kakayanin ng kalusugan ko. Mas mabuti pang hindi ko na gawin ang tungkuling ito.” Nanlumo talaga ako, at hindi ako umalis sa kama nang dalawa o tatlong araw. Pakiramdam ko na kung gusto kong gumaling, kailangan kong gawin ito nang ako mismo at alagaan ang kalusugan ko, na iyon ang makatotohanan. Sumulat ako ng liham sa lider para ipaliwanag ang iniisip ko, at umuwi ako kaagad pagkatapos ko itong maipadala. Habang papauwi, hindi ko maiwasang isipin na, “Matagal na panahon na akong mananampalataya, pero nasa ganitong kalagayan ang kalusugan ko at hindi ko magawa nang maayos ang tungkulin ko. Sa palagay ko, ganap na akong nalantad sa pagkakataong ito; maliligtas pa ba ako?” Pagkauwi ko, humiga ako sa kama nang hungkag ang pakiramdam, at hindi ako makatulog. Lubos akong nakokonsensya. Naisip ko rin ang lahat ng detalye ng gawaing ebanghelyo na responsabilidad ko na kinakailangang ng pagsasaayos. Kung mananatili lang ako sa bahay, tiyak na maaantala nito ang gawain ng iglesia. Hindi naaayon sa kalooban ng Diyos na gawin iyon. Hindi ba’t sumusuko na lang ako at pinagtataksilan ang Diyos? Kaya, nagdasal ako sa Diyos, “Diyos ko! Bakit sa harap ng sitwasyong ito ay napakahina ko at ayaw kong gawin ang aking tungkulin? Alam kong hindi ito naaayon sa Iyong kalooban, pero hindi ko kayang magpatuloy. Wala na akong natitirang kahit katiting na lakas. O Diyos, hindi ko talaga alam ang gagawin, at sobra akong nahihirapan. Pakiusap, bigyang-liwanag at gabayan Mo po ako, bigyan Mo po ako ng pananalig at lakas.”

Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos sa aking paghahanap: “Ikaw man ay may karamdaman o may pasakit, hangga’t may natitira kang hininga, hangga’t ikaw ay nabubuhay pa, hangga’t ikaw ay nakapagsasalita at nakapaglalakad pa, may enerhiya ka pa para gampanan ang tungkulin mo, at dapat ay maganda ang asal mo sa pagganap mo ng iyong tungkulin at praktikal kang mag-isip. Hindi mo dapat talikuran ang tungkulin ng isang nilalang o ang responsabilidad na ibinigay sa iyo ng Lumikha. Hangga’t hindi ka pa patay, dapat mong tuparin ang iyong tungkulin at tuparin ito nang maayos(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Nakinig din ako sa isang himno ng mga salita ng Diyos “Napakahirap Iligtas ng mga Tao”: “Walang nagbabalak na tahakin ang landas ng pagsunod sa Diyos sa buong buhay nila, na hangarin ang katotohanan para makamit ang buhay, na magtamo ng kaalaman sa Diyos, at sa huli ay mabuhay nang makabuluhan gaya ni Pedro. Kaya, lumilihis ang mga tao habang naglalakad sila, nag-iimbot ng mga kasiyahan ng laman. Kapag nakararanas sila ng pasakit, malamang na sila ay maging negatibo o mahina, at hindi magkaroon ng puwang para sa Diyos sa kanilang puso. Hindi gagawa sa kanila ang Banal na Espiritu, at ilang tao ang nanaisin pang umatras. Nasayang ang lahat ng pagsisikap nila sa lahat ng taon ng kanilang pananalig, at isa itong napakamapanganib na bagay! Nakakapanghinayang na ang lahat ng kanilang paghihirap, ang mga hindi mabilang na sermon na pinakinggan nila, at ang mga taon na ginugol nila sa pagsunod sa Diyos, ay pawang nawalan ng kabuluhan! Madali para sa mga tao na kumilos nang mali, at talagang mahirap lumakad sa tamang landas, at piliin ang landas ni Pedro. Karamihan sa mga tao ay may malabong pag-iisip. Hindi nila makita nang malinaw kung anong landas ang tama at ano ang paglihis doon. Gaano man karaming sermon ang naririnig nila, at gaano man karaming salita ng Diyos ang nababasa nila, kahit alam nila sa puso nila na Siya ang Diyos, hindi pa rin sila ganap na naniniwala sa Kanya. Alam nilang ito ang tunay na daan, ngunit hindi kayang tahakin ito. Napakahirap magligtas ng mga tao!(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos). Napaluha ako sa pakikinig ng himnong ito. Talagang nakakaantig sa akin ang mga salita ng Diyos, at itinuro ako nito sa isang landas ng pagsasagawa. Kahit may sakit ako, hangga’t may hininga pa ako, at hangga’t kaya ko pang magsalita at maglakad, hindi ko pwedeng talikuran ang aking tungkulin bilang isang nilikha. Habang mas pinag-iisipan ang tungkol sa karamdaman ko, nakita kong hindi naman ito ganoon kalala na hindi na ako makakapunta sa kung saan. Medyo mahina lang ako at kailangan kong magdusa nang kaunti para magawa ang tungkulin ko. Gayunpaman, isinantabi ko ang tungkulin ko at umuwi. Matagal na akong mananampalataya ng Diyos, at napakinggan ko na ang napakaraming salita ng Diyos. Gusto ko ba talagang sumuko sa tungkulin ko? Labag iyon sa dikta ng konsensya! Napagtanto ko na hindi pwedeng patuloy akong maging napakanegatibo. Hindi ba’t magiging isa itong tanda ng kahihiyan sa mga mata ng Diyos kung tatalikuran ko ang tungkulin ko nang ganoon? Kailan man ako gumaling, basta’t may hininga ako, gaano man kahirap ang aking tungkulin, kailangan kong gawin ang lahat ng aking makakaya para makipagtulungan. Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng motibasyon para sa aking tungkulin, at biglang naging mas malaya ang pakiramdam ko. Naramdaman ko ang pagbabago sa kalagayan ko, at bumalik ako para gawing muli ang tungkulin ko.

Nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos pagkatapos niyon: “Nariyan din ang mga taong hindi maganda ang kalusugan, na mahina ang pangangatawan at kulang sa enerhiya, na madalas na may malubha o kaunting karamdaman, na hindi man lamang magawa ang mga pangunahing bagay na kinakailangan sa pang-araw-araw na buhay, na hindi kayang mabuhay o kumilos tulad ng mga normal na tao. Ang gayong mga tao ay madalas na hindi komportable at hindi maayos ang pakiramdam habang ginagampanan nila ang kanilang mga tungkulin; ang ilan ay mahina ang pangangatawan, ang ilan ay may tunay na mga karamdaman, at siyempre, may ilan na may natuklasan nang sakit at kung anong posibleng sakit. Dahil may gayon silang praktikal na pisikal na mga paghihirap, ang gayong mga tao ay madalas na nalulubog sa mga negatibong emosyon at nakakaramdam ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala. Ano ang kanilang ikinababagabag, ikinababalisa, at ipinag-aalala? Nag-aalala sila na kung magpapatuloy sila sa pagganap sa kanilang tungkulin nang ganito, ginugugol ang kanilang sarili at nagpapakaabala para sa Diyos nang ganito, at palaging napapagod nang ganito, lalo bang hihina nang hihina ang kanilang kalusugan? Kapag sila ay nasa edad 40 o 50 na, mararatay na lang ba sila sa kama? May basehan ba ang mga pag-aalalang ito? May magbibigay ba ng kongkretong paraan para harapin ito? Sino ang magiging responsable rito? Sino ang mananagot? Ang mga taong may mahinang kalusugan at hindi maayos na pangangatawan ay nababagabag, nababalisa, at nag-aalala sa mga ganitong bagay. Ang mga may karamdaman ay madalas na iniisip na, ‘Determinado akong gampanan nang mabuti ang tungkulin ko, ngunit may ganito akong karamdaman. Hinihiling ko sa Diyos na ilayo ako sa kapahamakan, at hindi ko kailangang matakot dahil nariyan ang proteksyon ng Diyos. Ngunit kung mapagod ako habang ginagampanan ko ang mga tungkulin ko, lalala ba ang aking kalagayan? Ano ang gagawin ko kung talagang lumala ang kalagayan ko? Kung kailangan kong maospital upang sumailalim sa operasyon, wala akong perang pambayad para dito, kaya kung hindi ko uutangin ang pera para sa paggagamot, lalo bang lalala ang kalagayan ko? At kung lumala nga talaga ito, mamamatay ba ako? Maituturing bang normal na pagkamatay ang gayong kamatayan? Kung mamamatay nga talaga ako, maaalala ba ng Diyos ang mga tungkulin na ginampanan ko? Maituturing kayang gumawa ako ng mabubuting gawa? Makakamtan ko ba ang kaligtasan?’ May ilan ding nakakaalam na may sakit sila, ibig sabihin, alam nilang mayroon silang tunay na karamdaman o iba pa, halimbawa, mga sakit sa tiyan, pananakit ng ibabang bahagi ng likod at ng binti, arthritis, rayuma, pati na rin mga sakit sa balat, sakit ng mga kababaihan, sakit sa atay, alta presyon, sakit sa puso, at iba pa. Iniisip nila, ‘Kung patuloy kong gagampanan ang tungkulin ko, sasagutin ba ng sambahayan ng Diyos ang bayarin para sa pagpapagamot ng sakit ko? Kung lumala ang karamdaman ko at maapektuhan nito ang pagganap ko sa tungkulin ko, pagagalingin ba ako ng Diyos? May ibang tao na gumaling matapos manalig sa Diyos, kaya gagaling din ba ako? Pagagalingin ba ako ng Diyos, gaya ng Kanyang pagpapakita ng kabutihan sa iba? Kung tapat kong gagampanan ang tungkulin ko, dapat akong pagalingin ng Diyos, ngunit kung ako lang ang may gusto na pagalingin ako ng Diyos at ayaw Niyang gawin ito, ano na ang gagawin ko kung gayon?’ Tuwing iniisip nila ang mga bagay na ito, nararamdaman nila ang pag-usbong ng matinding pagkabalisa sa kanilang puso. Kahit na hindi sila kailanman tumitigil sa pagganap ng kanilang tungkulin at palagi nilang ginagawa ang dapat nilang gawin, palagi nilang iniisip ang kanilang karamdaman, kalusugan, hinaharap, at ang tungkol sa kanilang buhay at kamatayan. Sa huli, ang nagiging konklusyon nila ay nangangarap silang, ‘Pagagalingin ako ng Diyos, papanatilihin akong ligtas ng Diyos. Hindi ako aabandonahin ng Diyos, at hindi babalewalain ng Diyos kung makikita Niyang nagkakasakit ako.’ Walang anumang basehan na mag-isip nang ganito, at masasabi pa ngang isang uri ito ng kuru-kuro. Kailanman ay hindi malulutas ng mga tao ang kanilang praktikal na mga paghihirap gamit ang ganitong mga kuru-kuro at imahinasyon, at sa kaibuturan ng kanilang puso, bahagya silang nababagabag, nababalisa, at nag-aalala tungkol sa kanilang kalusugan at mga karamdaman; hindi nila alam kung sino ang magiging responsable para sa mga bagay na ito, o kung mayroon man lang bang magiging responsable para sa mga ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Kung hindi ito sinabi ng Diyos, hindi ko pa rin malalaman na ang palaging pag-aalala tungkol sa mga karamdaman ko ay isang negatibong emosyon, at iisipin kong makatwiran lang ito. Sa wakas, napagtanto ko ngayon na malalim akong nakabaon sa negatibong damdaming ito. Dahil mayroon akong mga kondisyon ng altapresyon at pananakit ng dibdib, mayroon akong mga sintomas na madalas na sumiklab. Nang lalo akong magdusa sa aking tungkulin at mas napagod ako nang kaunti, nag-alala ako na baka lalo pang lumala ang kondisyon ko. Kung mawawalan ako ng buhay, paano ko magagawa ang tungkulin ko? Kaya naman, natakot ako na mawawala ang pagkakataon ko na maligtas. Noong hindi pa ganoon kasama ang kalusugan ko, kaya ko pang ipagpatuloy ang paggawa ng tungkulin ko. Pakiramdam ko ay nagbabayad ako ng halaga at na pinoprotektahan ako ng Diyos, pero sa sandaling lumitaw ang mga sintomas ko, napuno ako ng lahat ng emosyong ito ng pagkabalisa. Palagi akong nag-aalala tungkol sa kinabukasan ko, at hindi ko malayang magawa ang tungkulin ko. Habang mas iniisip ko ang laman, mas lalo akong natatakot sa kamatayan at sa hirap at sakit na dulot ng mahinang kalusugan. At nang maalala ko ang tatay ko na nakaratay sa kama, araw-araw na puno ng matinding sakit, wala nang magawa at nakatitig na lang sa puting pader, nang walang anumang pag-asa sa buhay, natakot akong maging katulad niya. Kaya lagi kong iniisip ang laman ko habang ginagawa ang aking tungkulin. Yumukyok ako, natatakot na ibigay ang lahat ko. Ayaw kong magsumikap para matutunan ang mga detalye ng gawaing ebanghelyo, ibig sabihin, hindi kailanman umusad nang maayos ang gawain. At pagkatapos kong mahawaan ng Covid at lumala ang kondisyon ko, mas tumindi ang aking mga pag-aalala. Ayaw ko nang gawin ang tungkulin ko, at sumuko na lang ako at nagmadaling umuwi. Nakita ko kung gaano ako naapektuhan ng negatibong emosyong iyon. Namumuhay sa loob ng ganoong pagkabalisa, lalo lang akong nagrebelde sa Diyos, at lalong naging mas nakapanlulumo at masakit ang buhay. Sa totoo lang, alam ko na ang pagsilang, pagtanda, karamdaman, at kamatayan ay nasa mga kamay ng Diyos, wala sa aking kontrol, at na wala akong magagawa para maiwasan ang karamdaman. Dapat ko itong harapin nang tama at magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos. Kahit gaano pa ako mag-alala, wala akong mababago. Pero dahil palagi kong iniisip ang mga inaasam ko at kung paano makakatakas sa mga inaalala ko, hindi ko mapigilang mamuhay sa isang kalagayan ng pagkabalisa. Binibigyan ko lang ang sarili ko ng walang kabuluhang tensiyon at pasakit. Napakahangal ko! Nang mapagtanto ko ito, ayaw ko nang mamuhay sa negatibong kalagayang iyon.

Pagkatapos niyon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kapag dumadapo ang karamdaman, anong landas ang dapat sundan ng mga tao? Paano sila dapat pumili? Hindi dapat malubog ang mga tao sa pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi nila dapat pag-isipan ang mga posibilidad at mga landas para sa kanila sa hinaharap. Sa halip, habang mas nalalagay sa ganitong mga panahon at ganitong mga espesyal na sitwasyon at konteksto ang mga tao, at habang mas nalalagay sila sa ganitong mga biglaang paghihirap, mas higit nilang dapat hanapin at hangarin ang katotohanan. Sa ganitong paraan lamang na hindi masasayang at na magkakabisa ang mga sermon na iyo nang narinig noon at ang mga katotohanan na iyo nang nauunawaan. Habang mas nalalagay ka sa ganitong mga paghihirap, mas lalong dapat mong bitiwan ang sarili mong mga ninanasa at magpasakop ka sa mga pangangasiwa ng Diyos. Ang layunin ng Diyos sa pagsasaayos ng ganitong uri ng sitwasyon at pagsasaayos ng mga kondisyon na ito para sa iyo ay hindi para malubog ka sa mga emosyon ng pagkabagabag, pagkabalisa, at pag-aalala, at hindi ito upang masubok mo ang Diyos kung pagagalingin ka ba Niya kapag ikaw ay nagkasakit, o upang siyasatin ang katotohanan sa usapin; isinasaayos ng Diyos ang mga espesyal na sitwasyon at kondisyong ito para sa iyo upang matutunan mo ang mga praktikal na aral sa gayong mga sitwasyon at kondisyon, upang makamit mo ang mas malalim na pagpasok sa katotohanan at sa pagpapasakop sa Diyos, at upang mas malinaw at tumpak mong malaman kung paano pinangangasiwaan ng Diyos ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay. Ang kapalaran ng tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at nararamdaman man ito ng mga tao o hindi, tunay man nila itong namamalayan o hindi, dapat silang sumunod at huwag lumaban, huwag tumanggi, at lalong huwag subukin ang Diyos. Maaari kang mamatay anu’t anuman, at kung lalabanan, tatanggihan, at susubukin mo ang Diyos, malinaw na agad kung ano ang iyong magiging wakas. Sa kabaligtaran, kung sa kaparehong mga sitwasyon at kondisyon ay magawa mong hanapin kung paano dapat magpasakop ang isang nilalang sa mga pangangasiwa ng Lumikha, hanapin kung anong mga aral ang dapat mong matutunan at kung anong mga tiwaling disposisyon ang dapat mong malaman sa mga sitwasyon na ibinibigay ng Diyos sa iyo, at maunawaan ang kalooban ng Diyos sa gayong mga sitwasyon, at maayos kang makapagpatotoo upang matugunan ang mga hinihingi ng Diyos, ito ang dapat mong gawin. Kapag isinasaayos ng Diyos na ang isang tao ay magkasakit, ng malubhang sakit man o simple, ang layunin Niya sa paggawa nito ay hindi upang mapahalagahan mo ang mga detalye ng pagkakaroon ng sakit, ang pinsalang idinudulot ng sakit sa iyo, ang mga hirap at suliraning idinudulot ng sakit sa iyo, at ang maraming damdaming ipinararamdam sa iyo ng sakit—hindi layunin ng Diyos na mapahalagahan mo ang sakit sa pamamagitan ng pagkakasakit. Sa halip, ang layunin Niya ay para matuto ka ng mga aral mula sa sakit, matuto ka kung paano umunawa sa kalooban ng Diyos, malaman mo ang mga tiwaling disposisyon na iyong inihahayag at ang mga maling saloobing mayroon ka tungkol sa Diyos kapag ikaw ay may sakit, at matuto ka kung paano magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, upang magkaroon ka ng tunay na pagsunod sa Diyos at mapanindigan mo ang iyong patotoo—ito ay napakahalagang bagay. Nais ng Diyos na iligtas at linisin ka sa pamamagitan ng sakit. Ano ang nais Niyang linisin sa iyo? Nais Niyang linisin ang lahat ng iyong labis-labis na mga ninanasa at hinihingi sa Diyos, at pati na rin ang iba’t ibang plano, panghuhusga, at pakana na ginagawa mo anuman ang kapalit upang makaligtas ka at mabuhay. Hindi hinihingi ng Diyos na gumawa ka ng mga plano, hindi Niya hinihingi na manghusga ka, at hindi ka Niya pinahihintulutan na magkaroon ng anumang mga labis-labis na ninanasa sa Kanya; hinihingi lamang Niyang magpasakop ka sa Kanya, at sa iyong pagsasagawa ng pagdanas at pagpapasakop, na malaman mo ang iyong saloobin tungkol sa pagkakasakit, at malaman mo ang iyong saloobin sa mga kondisyong ito sa katawan na itinatakda Niya sa iyo, pati na rin ang iyong mga personal na kahilingan. Kapag nalaman mo na ang mga bagay na ito, mapapahalagahan mo na kung gaano kakapaki-pakinabang sa iyo na isinaayos ng Diyos ang mga kondisyon ng karamdaman para sa iyo o na ibinigay Niya sa iyo ang mga kondisyong ito sa katawan; at mapapahalagahan mo kung gaano nakatutulong ang mga ito sa pagbabago ng iyong disposisyon, sa pagkakamit mo ng kaligtasan, at sa iyong pagpasok sa buhay. Kaya nga, kapag dumadapo ang karamdaman, hindi mo dapat palaging isipin kung paano mo ito maiiwasan o matatakasan o matatanggihan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Naunawaan ko ang kalooban ng Diyos matapos basahin ang Kanyang mga salita. Kapag sumapit ang karamdaman, hindi ako dapat maipit sa negatibong emosyon ng pagkabalisa, at hindi ko dapat suriin kung pagagalingin ako ng Diyos. Sa halip, dapat akong matutong magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos sa kapaligirang itinatakda Niya. Ang magkasakit ay hindi nangangahulugang sadyang pinahihirapan ako ng Diyos. Nais niyang hanapin ko ang katotohanan at maunawaan kung anong mga aral ang dapat kong matutunan. Sa paggunita noong nagkasakit ako at nakaranas ng pisikal na sakit, nag-alala ako tungkol sa landas na tatahakin ko at sa kinabukasan ko, natatakot na mamamatay ako at hindi matatamo ang kaligtasan. Pakiramdam ko ay isinaayos ng Diyos ang sitwasyong iyon para palayasin ako. Iyon ang pinakamalaking maling pagkaunawa ko sa Diyos. Pero sa totoo lang, hindi iyon ang kalooban ng Diyos. Isinaayos niya ang sitwasyong iyon para bigyan ako ng praktikal na karanasan sa karamdaman, upang ilantad ang katiwalian at mga kakulangan sa loob ko, at upang ipakita sa akin na bagamat ipinapahayag kong nananalig ako sa Diyos, sa puso ko, hindi ako naniniwala na Siya ang naghahari sa lahat. Tinulutan din ako nitong makita na noong magkasakit ako, ang sariling laman ko lang ang isinaalang-alang ko. Alam kong apurahang kinailangan ang isang tao para sa gawain ng iglesia, pero tinanggihan ko pa rin ang tungkulin ko. Bagamat kalaunan ay atubili kong tinanggap ito, hindi ako buong-pusong nagbayad ng halaga para dito. Nang magkaroon ako ng Covid at lumala ang kondisyon ko, nakipagtalo ako sa Diyos at nilabanan Siya. Sa huli, tinalikuran ko ang tungkulin ko at pinagtaksilan ang Diyos, na nagdulot ng mga kawalan sa gawain ng iglesia. Nakita ko na bilang isang mananampalataya sa buong panahong ito, wala akong kahit katiting na takot sa Diyos, at na mayroon akong napakakaswal na saloobin sa tungkulin ko. Napagtanto ko sa wakas na kahit pa malusog ang katawan ko, kung hindi malulutas ang lahat ng tiwaling disposisyong iyon sa loob ko, patuloy kong lalabanan at pagtataksilan ang Diyos, at hindi ko makukuha ang Kanyang pagsang-ayon. Pinahintulutan ng Diyos ang karamdaman ko para dalisayin ang mga karumihan sa aking pananalig at baguhin ang aking satanikong disposisyon. Pero hindi ko kailanman pinag-isipan ang mga taimtim na layunin ng Diyos. Palagi akong nalulugmok sa pagkabalisa at pag-aalala tungkol sa mga karamdaman ko, at tutol ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito, palaging iniisip ang sarili kong mga plano at pagsasaayos. Naisip ko pa nga na gusto akong palayasin ng Diyos. Talagang naging mapaghimagsik ako at walang pagkatao at katwiran. Hindi pwedeng patuloy kong harapin ang mga karamdaman ko nang may gayong saloobin. Kinailangan kong itama ang saloobin ko, pagnilayan at kilalanin ang aking mga tiwaling disposisyon, at hangarin ang katotohanan sa panahon ng mga karamdamang ito. Iyon sana ang dapat kong ginawa.

Pinagnilayan ko ang sarili ko pagkatapos niyon. Ano ang ugat ng palagi kong pagkabalisa pagkatapos kong magkasakit? Nabasa ko ito sa mga salita ng Diyos: “Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang pagalingin Ko sila. Napakaraming naniniwala sa Akin para lamang gamitin Ko ang Aking mga kapangyarihan upang itaboy ang masasamang espiritu mula sa kanilang mga katawan, at napakaraming naniniwala sa Akin para lamang makatanggap sila ng kapayapaan at kagalakan mula sa Akin. … Noong ibinigay Ko sa tao ang pagdurusa ng impiyerno at binawi ang mga pagpapala ng langit, ang kahihiyan ng tao ay naging galit. Noong hilingin ng tao na pagalingin Ko siya, hindi Ko siya pinakinggan at namuhi Ako sa kanya; lumayo sa Akin ang tao upang hanapin ang paraan ng panggagaway at pangkukulam. Noong alisin Ko ang lahat ng hiningi ng tao sa Akin, naglaho ang lahat ng nasa tao nang walang bakas. Samakatuwid, sinasabi Ko na ang tao ay may pananampalataya sa Akin sapagkat Ako’y nagbibigay ng masyadong maraming biyaya, at masyadong maraming magiging pakinabang(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ano ang Alam Mo sa Pananampalataya?). Inilantad ng Diyos ang kalagayan ko. Hindi ba’t ang pananaw ko sa pananalig ang mismong inilarawan Niya? Ang pananalig ko ay para lamang sa mga pagpapala, at sinisikap kong makipagtawaran sa Diyos. Noong wala akong anumang malaking problemang pangkalusugan sa mga tungkulin ko, inakala ko na nakamit ko ang pangangalaga at proteksyon ng Diyos, at na may tsansa akong maligtas, kaya’t handa akong magdusa at magbayad ng halaga para sa tungkulin ko. Nang magkasakit ako at hindi ko nakitang bumubuti ang mga sintomas, hindi ko kayang ibuhos ang sarili ko sa tungkulin ko, at hindi ko rin isinapuso ang gawaing ebanghelyo. Inisip ko lang ang aking kinabukasan at kapalaran. Nag-aalala ako kung mamamatay ba ako, at kung pagpapalain ba ako. Noong lubha akong nagkasakit dahil sa Covid at masama ang pakiramdam ko sa loob ng dalawang linggo, nagreklamo ako na hindi ako pinoprotektahan ng Diyos, at ayaw ko na ngang gawin pa ang tungkulin ko. Nang makita kong nawala ang pag-asa ko sa mga pagpapala, nalantad ang tunay kong kalikasan. Tinalikuran ko ang Diyos, inabandona ko ang aking tungkulin at pinagtaksilan Siya. Tuluyan akong sumalungat sa Diyos, naghihimagsik sa Kanya at nilalabanan Siya. Sa pakikipagtalo sa Diyos, pagiging negatibo at lumalaban—nasaan ang aking pagkatao at katwiran? Kung iisipin, talagang nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong iyon para sa akin. Bagamat nagdusa ako nang kaunti sa laman, nagkaroon ako ng kaunting pagkaunawa sa mga karumihan sa aking pananalig at sa aking satanikong disposisyon ng pagsalungat sa Diyos. Naramdaman ko sa puso ko na ang lahat ng ginagawa ng Diyos sa akin ay para sa kaligtasan, at lahat ng ito ay pagmamahal.

Nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos kalaunan at nagkaroon ako ng higit na kabatiran sa usapin ng kamatayan. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Ikaw man ay maharap sa malala o simpleng karamdaman, sa sandaling ang iyong sakit ay maging malubha o ikaw ay maharap sa kamatayan, tandaan mo lamang ang isang bagay: Huwag mong katakutan ang kamatayan. Kahit pa ikaw ay nasa mga huling yugto na ng kanser, kahit pa napakalaki ng posibilidad na mamatay sa iyong partikular na karamdaman, huwag mong katakutan ang kamatayan. Gaano man katindi ang iyong pagdurusa, kung ikaw ay natatakot sa kamatayan ay hindi ka magpapasakop. … Kung ang iyong karamdaman ay lumala nang husto na maaari mo na itong ikamatay, at malaki ang posibilidad na mamatay rito anuman ang edad ng tao na tinamaan ng sakit, at ang panahon mula sa pagkakasakit ng tao hanggang sa mamatay siya ay labis na maikli, ano ang dapat mong isipin sa iyong puso? ‘Hindi ko dapat katakutan ang kamatayan, ang lahat naman ay namamatay sa huli. Gayunpaman, ang magpasakop sa Diyos ay isang bagay na hindi magawa ng karamihan sa mga tao, at magagamit ko ang karamdamang ito upang maisagawa ang pagpapasakop sa Diyos. Dapat akong magkaroon ng kaisipan at saloobing nagpapasakop sa mga pangangasiwa at pagsasaayos ng Diyos, at hindi ko dapat katakutan ang kamatayan.’ Ang mamatay ay madali, higit na mas madali kaysa mabuhay. Maaaring ikaw ay labis na nasasaktan at hindi mo ito namamalayan, at sa sandaling pumikit ang iyong mga mata, humihinto ang iyong paghinga, lumilisan ang iyong kaluluwa mula sa katawan, at ang iyong buhay ay nagwawakas. Ganito mamatay; ganito ito kasimple. Ang hindi katakutan ang kamatayan ay isang saloobing dapat taglayin. Bukod dito, hindi mo dapat alalahanin kung lalala ba ang iyong sakit o hindi, o kung mamamatay ka ba kung hindi ka magagamot, o kung gaano pa katagal bago ka mamatay, o kung anong kirot ang mararanasan mo kapag dumating na ang oras ng kamatayan. Hindi mo dapat alalahanin ang mga bagay na ito; ito ay mga bagay na hindi mo dapat alalahanin. Ito ay sapagkat darating ang araw na iyon, at darating iyon sa partikular na taon, buwan, at araw. Hindi mo ito mapagtataguan at hindi mo ito matatakasan—ito ang iyong kapalaran. Ang iyong diumano’y kapalaran ay pauna nang itinakda ng Diyos at isinaayos na Niya. Ang haba ng iyong mga taon at ang edad mo at ang oras kung kailan ka mamamatay ay naitakda na ng Diyos, kaya ano ang inaalala mo? Maaari mo itong alalahanin, pero wala itong mababago; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo ito mapipigilang mangyari; maaari mo itong alalahanin, ngunit hindi mo mapipigilan ang pagdating ng araw na iyon. Samakatuwid, ang iyong pag-aalala ay walang kabuluhan, at ang idinidulot lamang nito ay ang pabigatin pa lalo ang pasanin mo sa iyong karamdaman(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 3). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naging malinaw sa akin na ang kamatayan ng lahat ay itinakda ng Diyos, at na walang silbi kahit gaano man ako mag-alala. Sa tuwing nakakaranas ako ng mga sintomas o nagiging hindi komportable, nag-aalala ako na kung lalala ang mga sintomas na iyon, baka mawala ang buhay ko. Hindi ko naunawaan na ang oras ng kamatayan ng lahat ay matagal nang itinakda ng Diyos, at hindi ito idinulot ng pagkapagod sa ating mga tungkulin. Naisip ko kung paanong noong bata pa ang tiyahin ko, nanghihina siya at puno ng karamdaman, palaging labas-pasok sa ospital. Inakala naming lahat na hindi na siya magtatagal sa mundong ito. Pero ang nakakapagtaka, ngayong mas matanda na siya, lalong bumubuti ang kalusugan niya. Higit sa 80 anyos na siya at kaya pa rin niyang alagaan ang kanyang sarili. Pero ang asawa niya, na laging malusog at halos hindi nagkakasakit, ay hindi inaasahang nagkaroon ng cancer sa atay at pumanaw. Ipinakita sa akin ng mga halimbawang ito na batay sa totoong buhay na ang buhay at kamatayan natin ay nasa loob ng paghahari at mga pagsasaayos ng Diyos. Medyo marami akong karamdaman. Kung lalala ba ang kondisyon ko, kung mamamatay ba ako—hindi ito malulutas ng pag-aalala tungkol dito. Ang lahat ay nakasalalay sa pamumuno ng Diyos. Kung mamatay tayo ay walang kinalaman sa pagpapakapagod sa ating mga tungkulin. Ang ilang tao ay hindi gumagawa ng tungkulin at pinangangalagaan nila ang kanilang kalusugan, ngunit darating pa rin ang kanilang kamatayan. Isa akong mananampalataya na hindi naniniwala sa pamumuno ng Diyos, palaging namumuhay sa loob ng pagkabalisa ng pagkatakot sa kamatayan. Wala akong tunay na pananalig sa Diyos. Ang totoo, ang lahat ay namamatay. Ito ay batas ng kalikasan. Ang kamatayan ay hindi dapat katakutan. Ang ating buhay at kamatayan ay itinakda ng Diyos, at dapat akong magpasakop sa isinasaayos ng Diyos. Hindi mahalaga kung kailan sasapit sa akin ang kamatayan, dapat ko itong harapin nang mahinahon. Kailangan kong maging tapat sa aking tungkulin at ibigay ang lahat ko rito, at sikapin na wala akong mga pagsisisihan sa oras ng aking kamatayan, na siyang tanging paraan para maging kontento at payapa. Kung palagi akong namumuhay sa negatibong emosyon ng pagkabalisa, palaging gumagawa ng mga plano para sa aking laman, hindi tunay na ibinibigay ang lahat ko sa aking tungkulin, magsisisi ako at makokonsensya, at maaantala ko ang gawain ng iglesia, at gaano man kaganda ang aking kalusugan, magiging walang kabuluhan ang buhay ko, at hindi maiiwasang maparurusahan ako ng Diyos. Nang maintindihan ko na ang lahat ng iyon, mas naging malaya ang pakiramdam ko.

Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ano ang halaga ng buhay ng isang tao? Ito ba ay para lamang sa pagpapakasasa sa laman tulad ng pagkain, pag-inom, at pagpapakaaliw? (Hindi.) Kung gayon, ano ito? Mangyaring ibahagi ang inyong mga saloobin. (Upang matupad ang tungkulin ng isang nilikha, ito man lang ay dapat na makamit ng isang tao sa kanyang buhay.) Tama iyan. … Habang nabubuhay ka, dapat mong tuparin ang iyong misyon; ito ang pinakamahalaga. Hindi ang pagtapos ng isang malaking misyon, tungkulin, o responsabilidad ang pinag-uusapan natin; pero kahit papaano, dapat may matamo ka. Halimbawa, sa iglesia, ibinubuhos ng ilang tao ang lahat ng kanilang pagsisikap sa gawain ng pagpapalaganap ng ebanghelyo, inilalaan ang lakas ng kanilang buong buhay, nagbabayad ng malaking halaga, at nakapagpapabalik-loob ng maraming tao. Dahil dito, pakiramdam nila ay hindi naging walang kabuluhan ang buhay nila, at na mayroon silang halaga at kapanatagan. Kapag nahaharap sa sakit o kamatayan, kapag ibinubuod ang kanilang buong buhay at ginugunita ang lahat ng kanilang ginawa, ang landas na kanilang tinahak, napapanatag ang kanilang puso. Hindi sila nakokonsiyensiya o nagsisisi. Ang ilang tao ay nagsisikap nang husto habang namumuno sa iglesia o habang nagiging responsable para sa isang partikular na aspeto ng gawain. Inilalabas nila ang kanilang pinakamalaking potensyal, ibinibigay ang lahat ng kanilang lakas, iginugugol ang lahat ng kanilang sigla at binabayaran ang halaga para sa gawain nila. Sa pamamagitan ng kanilang pagdidilig, pamumuno, tulong, at suporta, tinutulungan nila ang maraming tao, sa kabila ng sarili nilang mga kahinaan at pagkanegatibo, na maging matatag at na manindigan, na hindi umatras, at sa halip ay bumalik sa presensya ng Diyos at makapagpatotoo pa nga sa Kanya sa wakas. Higit pa rito, sa panahon ng kanilang pamumuno, naisasakatuparan nila ang maraming mahalagang gawain, inaalis ang higit sa iilang masamang tao, pinoprotektahan ang maraming hinirang ng Diyos, at binabawi ang ilang mabigat na kawalan. Ang lahat ng tagumpay na ito ay nagaganap sa panahon ng kanilang pamumuno. Sa pagbabalik-tanaw sa landas na kanilang tinahak, paggunita sa gawain nila at sa halagang binayad nila sa paglipas ng mga taon, wala silang nararamdamang pagsisisi o pagkakonsiyensiya. Naniniwala sila na wala silang dapat pagsisihan, at namumuhay sila nang may halaga, at katatagan at ginhawa sa puso nila. Kamangha-mangha iyon! Hindi ba’t ito ang resulta? (Oo.) Ang pakiramdam na ito ng katatagan at kaginhawaan, ang kawalan ng pinagsisisihan, ang mga ito ang resulta at gantimpala ng paghahangad sa mga positibong bagay at sa katotohanan. Huwag tayong magtakda ng matataas na pamantayan para sa mga tao. Isaalang-alang natin ang isang sitwasyon kung saan nahaharap ang isang tao sa isang gampanin na dapat niyang gawin o gustong gawin sa kanyang buhay. Matapos matuklasan ang kanyang layon, matatag siyang naninindigan sa kanyang posisyon, pinanghahawakan ang kanyang posisyon, nagsusumikap nang husto, nagbabayad ng halaga, at naglalaan ng lahat ng kanyang lakas upang magawa at matapos ang dapat niyang pagsikapan at tapusin. Kapag sa wakas ay tumayo na siya sa harap ng Diyos para mag-ulat, medyo nasisiyahan siya, nararamdaman niyang malinis ang kanyang konsiyensiya o na wala siyang pinagsisisihan sa kanyang puso. Maginhawa ang kalooban niya at nararamdaman niyang nagantimpalaan siya, na nakapamuhay siya nang may halaga. Hindi ba’t isa itong makabuluhang layon? Anuman ang sukat nito, sabihin mo sa Akin, praktikal ba ito? (Ito ay praktikal.) Ito ba ay espesipiko? Sapat na itong espesipiko, praktikal, at makatotohanan. Kaya, upang makapamuhay siya nang may halaga at sa huli ay makamit ang ganitong uri ng gantimpala, sa tingin mo ba ay sulit para sa pisikal na katawan ng isang tao na magdusa nang kaunti at magbayad ng kaunting halaga, kahit na nakararanas siya ng pagkahapo at pisikal na karamdaman? (Sulit ito.) Kapag ang isang tao ay pumarito sa mundong ito, hindi ito para lamang sa kasiyahan ng laman, ni sa pagkain, pag-inom, at paglilibang. Hindi dapat mamuhay ang isang tao para lamang sa mga bagay na iyon; hindi iyon ang halaga ng buhay ng tao, at hindi rin ang tamang landas. Ang halaga ng buhay ng tao at ang tamang landas na susundin ay kinabibilangan ng pagsasakatuparan ng isang mahalagang bagay at pagtatapos ng isa o maraming trabahong may halaga. Hindi ito tinatawag na propesyon; ito ay tinatawag na tamang landas, tinatawag din itong wastong gampanin. Sabihin mo sa Akin, sulit ba para sa isang tao na magbayad ng halaga para matapos ang ilang gawain na may halaga, mamuhay nang makabuluhan at may halaga, at hangarin at tamuhin ang katotohanan? Kung talagang ninanais mong hangarin at unawain ang katotohanan, na tahakin ang tamang landas sa buhay, na gampanan nang maayos ang iyong tungkulin, at mamuhay ng isang mahalaga at makabuluhang buhay, kung gayon, hindi ka dapat mag-atubiling ibigay ang lahat ng lakas mo, magbayad ng halaga, at ibigay ang lahat ng iyong oras at kabuuan ng mga araw mo. Kung nakakaranas ka ng kaunting sakit sa panahong ito, hindi na ito mahalaga, hindi ka nito masisira. Hindi ba’t mas nakahihigit ito sa habambuhay na kaginhawahan at kawalang-ginagawa, tinutustusan ang pisikal na katawan hanggang sa puntong busog at malusog na ito, at sa huli ay nagkakamit ng mahabang buhay? (Oo.) Alin sa dalawang mapagpipiliang ito ang mas nakakatulong sa isang buhay na may halaga? Alin ang makapagbibigay ng kaginhawahan at ng walang pagsisisihan sa mga tao kapag naharap sila sa kamatayan sa pinakahuli? (Ang makapamuhay nang makabuluhan.) Ang ibig sabihin ng mamuhay nang makabuluhan ay ang makaramdam ng mga resulta at kaginhawaan sa puso mo. Paano naman iyong mga busog, at nagpapanatili ng kulay-rosas na kutis hanggang kamatayan? Hindi sila naghahangad ng makabuluhang buhay, kaya, ano ang nararamdaman nila kapag namatay sila? (Na parang namuhay sila nang walang kabuluhan.) Ang apat na salitang ito ay tumatagos—namumuhay nang walang kabuluhan. Ano ang ibig sabihin ng ‘namumuhay nang walang kabuluhan’? (Ang sayangin ang buhay ng isang tao.) Namumuhay nang walang kabuluhan, sinasayang ang buhay ng isang tao—ano ang batayan ng dalawang pariralang ito? (Sa dulo ng kanilang buhay, napagtatanto nila na wala silang nakamit.) Ano ang dapat makamit ng isang tao kung gayon? (Dapat niyang makamit ang katotohanan o maisakatuparan ang mga mahalaga at makabuluhang bagay sa buhay na ito. Dapat niyang gampanan ang kanyang tungkulin bilang nilikha. Kung mabibigo siyang gawin ang lahat ng iyon at mamumuhay lamang para sa kanyang pisikal na katawan, mararamdaman niya na hindi naging makabuluhan ang buhay niya at nasayang lang ito.)” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan I. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan 6). Sa pagbabasa nito sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang kabuluhan ng buhay ng tao. Naisip ko kung paanong ngayon ay mayroon na akong pagkakataon na gawin ang tungkulin ng isang nilikha, at na iyon ang pinakamatuwid na bagay na dapat gawin. Ang mga hindi mananampalataya ay naghahangad ng pagkain, inumin, at kasiyahan, at bagamat mayroon silang mga kasiyahan ng laman at hindi gaanong nagdurusa, pagsapit sa kanila ng kamatayan, hindi nila alam kung para saan nabubuhay ang mga tao. Isa iyong buhay na walang kabuluhan. Maaari akong itaas ng Diyos at maglingkod bilang lider sa aking tungkulin habang nabubuhay ako, kaya’t dapat kong ibigay ang lahat ko rito at umako ng responsabilidad para sa mga proyekto ng iglesia gaya ng hinihingi ng Itaas, akayin ang mga kapatid na hangarin ang katotohanan at gawin ang kanilang mga tungkulin ayon sa mga prinsipyo, at gawin ang parte ko na palawakin ang ebanghelyo ng kaharian—ito ang pinakamakabuluhang bagay. Ngunit, kung namumuhay lamang ang mga tao para sa laman, inaaksaya nila ang kanilang mga araw, at lahat ng ito ay ganap na walang kabuluhan. Katulad ng dati, nang talikuran ko ang aking tungkulin at umuwi para hindi ako bumagsak dahil sa sakit, bagamat nasa bahay ako at hindi naghihirap ang katawan ko at hindi ko na kinailangang masyadong mag-alala tungkol sa gawain ng iglesia, hindi ko isinasabalikat ang mga responsabilidad na dapat mayroon ako, at hungkag ang pakiramdam ko sa loob. Lubos din akong nakokonsensya, at wala akong tunay na kapayapaan o kagalakan. Nakita ko na ang isang buhay na ipinamuhay para sa laman ay ganap na walang saysay at na wala itong kabuluhan, gaano ko man kahusay na alagaan ang kalusugan ko. Bagamat medyo pagod ako at nagdusa nang kaunti sa paggawa ng aking tungkulin, nakakamit ko ang katotohanan at nakakaramdam ako ng kahinahunan at kapayapaan. Iyon lang ang makabuluhang buhay. Sa pamamagitan nito, nagkamit din ako ng personal na karanasan sa kung paanong ang paggawa ng tungkulin ng isang nilikha ay ang tanging paraan para makapamuhay tayo ng maunlad at makabuluhang buhay, at para magkaroon tayo ng tunay na kapayapaan at kagalakan sa puso natin. Ang pagpapahalaga sa laman ay humahantong lang sa isang walang kabuluhang buhay, at sumisira sa pagkakataon ng isang tao na hangarin ang katotohanan at mailigtas. Sa sandaling naunawaan ko ang mga bagay na ito, nabawi ko ang aking motibasyon na gawin ang aking tungkulin. Wala akong natatamo sa gawaing ebanghelyo, kaya’t kinailangan kong magkaroon ng praktikal na pagkaunawa sa sitwasyon, hanapin ang mga prinsipyo para malutas ang mga problema, gawin ang lahat ng makakaya ko, nagsusumikap na mapabuti ang mga resulta ng gawain. Sa ganoong paraan, hindi ako magkakaroon ng kahihiyan o pagsisisihan sa kung paano ko ginagawa ang tungkulin ko. Kapag nakikibahagi ako sa gawain ng ebanghelyo at nakakaranas ng mga paghihirap, minsan ay nag-aalala ako na mapapagod ako o lalala ang lagay ko dahil sa paglutas ng mga problema, pero nararamdaman ko na hindi ako pwedeng patuloy na mamuhay sa isang kalagayan ng pagkabalisa. Kaya’t nagdasal ako sa Diyos, “O Diyos, lumala man o hindi ang mga karamdaman ko, ayaw ko pong patuloy na maghimagsik laban sa Iyo tulad ng dati. Mabuhay man ako o mamatay ay ganap na nasa mga kamay Mo, at gusto kong magpasakop sa Iyong mga pangangasiwa at pagsasaayos.” Hindi na ako gaanong nag-alala pagkatapos magdasal. Nakipagbahaginan ako sa ilang kapatid para lutasin ang mga isyu sa gawaing ebanghelyo. Magkakasamang hinanap ng lahat ang mga prinsipyo, tinalakay ang mga pagpipilian, at nakahanap kami ng landas para sa aming mga tungkulin. Nagkaroon ng pag-usad sa gawaing ebanghelyo, at naging mas malinaw sa amin ang ilang prinsipyo.

Noong Marso 2023, nagdaos ng halalan ang iglesia para sa mga nakatataas na lider, at sa huli, nahalal ako. Alam kong magkakaroon ako ng mas malaking pasanin sa tungkuling ito at inisip ko pa rin ang aking kalusugan, pero ayaw ko nang pakinggan ang laman. Nais kong talagang pahalagahan ang pagkakataon ng tungkuling ito. Pagkatapos, sa paggawa ng aking tungkulin, maaari akong gumawa ng mga pag-aayos para sa kalusugan ko kung kinakailangan, magpapahinga nang kaunti kapag hindi maganda ang pakiramdam ko, at maglalaan ng oras para mag-ehersisyo. Sa paggawa ng tungkulin ko sa ganoong paraan, hindi ako sobrang napapagod, at hindi ako napipigilan ng karamdaman. Sa paglipas ng panahon, wala na akong masyadong pamamanhid sa ulo ko. Ngayon, naisip ko na dapat kong pahalagahan ang oras na natitira sa akin, at na ang pinakamahalaga ay kung paano gagawin nang maayos ang aking tungkulin. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pagsasaayos ng sitwasyong ito para matuto ako ng aral. Hindi na ako palaging nag-aalala na magkakasakit ako.

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Huling Pagkamulat

Ni Lin Min, Tsina Noong 2013, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw. Napakasigasig ko noong panahong ‘yon....

Isang Kapaki-pakinabang Na Ulat

Ni Ding Li, Estados Unidos Tag-init noon, dalawang taon na ang nakalilipas. Narinig ko na si Sister Zhou, isang lider, ay itinalaga si...