Ang mga Araw na Sapilitan Akong Nasa Psychiatric Hospital

Disyembre 11, 2024

Ni Zhang Mingxia, Tsina

Noong Agosto 2011, isang kasamahan ang nagpangaral ng ebanghelyo ng mga huling araw ng Diyos sa akin. Nang panahong iyon, matagal na akong nalantad sa mga kemikal na gamot dahil sa trabaho ko at nagkaroon ng aplastic anemia, kaya madalas akong nagpapahinga at nagkaroon ng maraming libreng oras. Sa pagdarasal at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang langit, lupa, at ang lahat ng bagay ay nilikha ng Diyos, at na ang mga tao ay nagmula sa Diyos, kaya dapat tayong maniwala sa Diyos at sambahin Siya. Natutunan ko rin na sa mga huling araw, ang Diyos ay nagkakatawang-tao at nagpapahayag ng mga salita para ganap na iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, at maliligtas lang ang tao sa pamamagitan ng pagtanggap ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Pagkatapos noon, madalas akong dumadalo sa mga pagpupulong at nagbabasa ng mga salita ng Diyos. Sa hindi inaasahan, unti-unting nagsimulang bumuti ang karamdaman ko. Matapos makita ang resultang ito, sinuportahan ng pamilya ko ang pananampalataya ko sa Diyos.

Noong Disyembre 2012, nagsimula ng isang bagong yugto ng pang-aapi at pang-uusig ang CCP sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Nang panahong iyon, maraming kapatid ang naaresto. Isang araw, pinapunta ako ng kuya ko na deputy director ng Water Conservancy Bureau sa kanyang bahay. Sabi niya sa akin, “Tinutugis ng gobyerno ang Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Oras na malaman nitong may isang taong naniniwala sa Makapangyarihang Diyos, o na ang mga miyembro ng kanilang pamilya ay naniniwala, agad silang tatanggalin sa kanilang pampublikong tungkulin. Tapos, wala sa kanila o sa mga miyembro ng kanilang pamilya ang papayagang umanib sa Partido, at ang kanilang mga anak ay hindi pahihintulutang sumama sa hukbo o pumasok sa unibersidad. Kailangan mo nang tumigil sa pananampalataya sa Diyos mula ngayon. Ngayon, kapag naaresto ka, ang mga anak mo ay hindi makakukuha ng entrance exam sa unibersidad o makasasama sa hukbo, dahil hindi sila papasa sa political background check. Kailangan mong isaalang-alang ang kinabukasan ng iyong mga anak! Isa pa, ako at ang hipag mo ay parehong nagtatrabaho sa mga kagawaran ng gobyerno at may mahahalagang posisyon. Kapag nahuli ka, maapektuhan kami nito. Kapag nangyari iyon, sino ang magsasaayos ng trabaho para sa anak mo balang araw?” Sumali rin ang hipag at pamangkin ko sa panawagan na tumigil ako. Labis itong nagpalungkot sa akin, dahil naging napakabait sa akin ng kuya ko simula no’ng bata pa lang ako, at madalas na siya ang nag-aasikaso sa pangangailangan ng aming pamilya. Isinaayos niya ang trabaho ng anak kong babae. Noon pa man ay lubos na akong nagpapasalamat sa kanya. Kung mawawalan siya ng trabaho dahil sa pananampalataya ko sa Diyos, papaano pa ako haharap sa kanya? At kung madadamay ang buong pamilya, kamumuhian nila ako dahil dito. Nang maisip ko ito, medyo nag-alala ako, kaya kinailangan kong mangako sa kanila na hindi ako dadalo sa mga pagpupulong o mangangaral ng ebanghelyo. Pero nag-aalala pa rin ang kuya ko, at bago umalis, partikular niyang sinabi sa asawa ko na bantayan ako nang mas mabuti.

Pagkatapos noon, madalas na akong pinupuntahan ng asawa ko sa pagawaan sa takot na pupunta ako sa mga pulong, at hindi niya ako pinapayagang magbasa ng salita ng Diyos sa bahay. Kinailangan kong basahin ito nang palihim, sa takot na malaman ito ng asawa ko. Ginunita ko ang nakaraan, noong hindi pa ako pinipigilan ng mga kapamilya ko sa paniniwala sa Diyos at pagdalo sa mga pagtitipon. Ngayon, dahil natatakot sila sa kapangyarihan ng CCP, nagsama-sama sila para usigin ako, at hindi ako makadalo sa mga pulong o makapagbasa ng salita ng Diyos gaya ng dati. Pakiramdam ko na ang paniniwala sa Diyos ay isang napakahirap na bagay sa China. Kalaunan, nabasa ko ang mga salitang ito mula sa Diyos: “Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at nangangailangan ng mahaba-habang panahon ang pagsasakatuparan sa marami sa Kanyang mga salita; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao. Sa pamamagitan ng pagdurusa ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang kakayahan, at sa pamamagitan ng lahat ng satanikong disposisyon ng mga tao ng maruming lupaing ito ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain ng pagdadalisay at paglupig, upang, mula rito, magkamit Siya ng kaluwalhatian, at makamit Niya yaong mga magpapatotoo sa Kanyang mga gawa. Ganyan ang buong kabuluhan ng lahat ng sakripisyong ginawa ng Diyos para sa grupong ito ng mga tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). “Wala ni isa mang tao sa inyo ang protektado ng batas—sa halip, kayo ay pinaghihigpitan ng batas. Ang mas malaking problema pa ay hindi kayo nauunawaan ng mga tao: Mga kamag-anak man ninyo, mga magulang, mga kaibigan, o mga kasamahan, walang isa man sa kanila ang nakakaunawa sa inyo. Kapag kayo ay pinabayaan ng Diyos, imposibleng patuloy kayong mamuhay sa lupa, ngunit magkagayon man, hindi kaya ng mga tao na mapalayo sa Diyos, na siyang kabuluhan ng paglupig ng Diyos sa mga tao, at siyang kaluwalhatian ng Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Naantig ako sa mga salita ng Diyos. Sa Tsina, sa ateistang bansa na ito, dahil sa paniniwala sa Diyos at pagsunod sa tamang landas sa buhay, hindi lang kami hindi protektado ng batas, kundi kinokondena at inaaresto kami, at pati ang aming mga kamag-anak ay nadadamay. Ang CCP ay tunay na ang diyablong namumuhi sa Diyos. Kapag ang isang tao ay naniniwala sa Diyos at sinusunod ang Diyos sa Tsina, tiyak na sila ay uusigin, pero sa pamamagitan ng pagdurusang ito ginagawang perpekto ng Diyos ang pananampalataya ng tao. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, hindi na ako masyadong naging miserable, at handa na akong umasa sa Diyos para maranasan ang kapaligirang ito. Makalipas ang dalawang buwan, medyo lumuwag ang pagbabantay sa akin ng asawa ko, at nagsimula ulit akong palihim na dumalo sa mga pagpupulong.

Noong Disyembre 2015, nangaral ako ng ebanghelyo sa isang kaibigan. Nalaman ito ng pamilya niya at nagbanta sila na isusumbong ako. Natakot ang kuya ko na ang pagkakaaresto ko ay makaaapekto sa kanyang trabaho, kaya ako ay ipinadala niya at ng aking pamilya sa isang ospital ng mga baliw pagkatapos ng Spring Festival. Noong araw na iyon, ang anak kong lalaki, anak kong babae, at ang kapatid kong babae ay naroon lahat. Nagkaroon ng depresyon ang anak kong babae, at ginamit niyang dahilan ang insomnia niya kamakailan para makapasok at makakuha ng gamot nang mapadaan kami sa ospital ng mga baliw. Hindi ko inaasahan na paglabas niya, nagdala rin siya ng dalawang nars na may lubid sa kanilang mga kamay para itali ako. Napagtanto ko rin sa wakas na ipadadala nila ako sa ospital ng mga baliw, pero huli na talaga para tumakbo. Itinulak at kinaladkad ako ng pamilya ko papasok sa ospital. Nagpumiglas ako nang husto at sinabing wala akong sakit, pero walang nakinig. Nang makita kong walang-awa ang pamilya ko, naisip ko, “Gaano ninyo man ako usigin, hindi ko kailanman isusuko ang paniniwala ko sa Diyos.” Itinulak ako ng dalawang nars sa kama noong hindi ako nakikinig at puwersahan akong tinurukan. Pagkatapos ng ineksiyon, nahilo ako at nanghina para lumaban. Tapos, binigyan nila ako ng tinatawag na pagsusuri. Sinabi ng nars na masyadong mataas ang blood pressure ko, at na kailangan kong maospital magdamag para maobserbahan. Nang gabing iyon, nakahiga ako sa kama ng ospital, binabalikan kung anong nangyari nang araw na iyon, at nakaramdam ako ng matinding kalungkutan. Hindi ko akalain na ipadadala ako ng pamilya ko sa ospital ng mga baliw para lang maprotektahan ang mga sarili nilang interes at hindi madamay sa akin. Napakalupit nito. Paanong naging pamilya ko ang mga taong ito? Isa lang silang pulutong ng mga demonyo! Nang sumunod na araw, nakita ko ang medical certificate, na nagsasabing, “May matinding sakit sa pag-iisip dahil sa mga pangkultong paniniwala; madaling magkaroon ng mga manic episode kapag nakikipag-ugnayan sa mga mananampalataya ng Diyos.” Narinig ko rin sa doktor na kailangan kong maospital dahil magtatagal ang paggamot sa kondisyon ko. Sabi sa akin ng anak ko, “Nagpaliwanag na ang tiyuhin ko sa direktor ng ospital. Dapat kang manatili rito sa loob ng ilang araw at pag-isipang mabuti ang mga bagay-bagay. Susunduin ka namin kapag sinabi mo sa amin na hindi ka na naniniwala sa Diyos.” Galit na galit ako: Dahil naniniwala ako sa Diyos, tinatawag akong may sakit sa pag-iisip nang walang malinaw na dahilan. Kasalanan itong lahat ng CCP! Kung hindi dahil sa pag-aresto at pang-uusig ng CCP sa mga taong naniniwala sa Diyos, sa paggawa ng mga kasinungalingan nito para ilihis ang mga tao, at sa pagdamay sa kanilang mga pamilya, hindi sana ako ipadadala sa ospital ng mga baliw. Sa sandaling ito, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay di-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Anong pagpapahalaga ang mayroon sila para sa mga bagay sa mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok 8). Ganap na tama ang mga salita ng Diyos. Para sa isang taong ipinanganak sa bansa ng malaking pulang dragon, wala talagang kalayaan. Galit na galit na sinusupil at inuusig ng CCP ang mga Kristiyano, at maging ang mga ospital para sa mga baliw ay naging mga lugar kung saan ay pinahihirapan ang mga Kristiyano. Matinong-matino ako, pero ikinulong ako sa ospital ng mga baliw para puwersahin akong pagtaksilan ang Diyos. Namuhi ako sa CCP, ang pasimuno ng lahat ng ito. Habang lalo akong inuusig nito, mas malinaw kong nakikita ang malademonyong diwa nito ng pagkapoot sa Diyos, at pinatatag din nito ang pananalig ko sa pagsunod sa Diyos.

Kalaunan, sinabi ng doktor sa pamilya ko, “Wag kayong mag-alala. Iwan ninyo siya rito sa loob ng ilang buwan, at hindi na siya maniniwala sa Diyos pagkalabas niya.” Naniwala ang pamilya ko na totoo ito, kaya ginawa nila ang mga papeles para maipagkatiwala ako. Pagkatapos akong maipagkatiwala, gaya ng ibang mga pasyente, tatlong beses akong tinuturukan sa isang araw, at kailangang uminom ng mga tableta sa bawat isa sa tatlong pagkain ko sa ilalim ng pangangasiwa ng mga nars. Noong una, tinatanggihan ko ang mga turok at gamot, pero binantaan ako ng nars, “Kapag hindi ka makikipagtulungan, itatali ka namin at pupuwersahin kang inumin ang mga ito!” Nakita ko mismo kung paano itinatali sa kama at pinahihirapan ang mga pasyenteng tumatanggi sa paggagamot. Nang makita ang malupit na pagpapahirap na ito sa mga pasyente, pakiramdam ko ay wala akong pagpipilian kundi ang sumunod.

Isang tanghali, hindi ako kumain. Umupo ako sa upuan ko at tahimik na umiyak, iniisip na, “Wala akong sakit, pero nakakulong ako rito, at ni wala akong makausap. Hindi ko mabasa ang salita ng Diyos, hindi ko magawa ang tungkulin ko, at kailangan kong magpaturok at uminom ng gamot araw-araw. Kailan ito matatapos? …” Kapag lalo ko itong iniisip, mas lalo akong nalulungkot. Nakikitang hindi ako kakain, binantaan ako ng nars, “Kapag hindi ka kumain, itatali ka namin gamit ang mga lubid, gaya ng pasyenteng iyon ngayon lang. Itatali ka namin sa kama, lalagyan ng catheter ang iyong ilong, at ibubuhos ang pagkain!” Naisip ko ang kaawa-awang kalagayan ng pasyenteng kakakita ko lang, na sumisigaw sa hirap, at takot na takot ako, kaya wala akong pagpipilian kundi ang kunin ang pagkain ko. Habang nasa ospital ako, araw-araw kong nakikita na ang mga pasyenteng hindi nakikipagtulungan sa panggagamot ay inaabuso at sumisigaw sa sakit, na nakatatakot panoorin. Pakiramdam ko ay nasa pugad ako ng mga demonyo, at kabadong-kabado ako araw-araw. Sobra akong nag-aalala na sa paggugol ko ng buong araw sa mga taong may sakit sa pag-iisip at ang pagpuwersa sa akin ng mga doktor na uminom ng gamot at magpaturok, ay baka mabaliw nga ako. Kung mabaliw ako, hindi na ako makakapaniwala sa Diyos, kaya ano pa ang saysay ng buhay ko? Sa aking paghihirap at kawalan ng kakayahan, nagdasal ako sa Diyos para hilingin sa Kanyang akayin ako sa daang tatahakin. Matapos kong magdasal, naalala ko ang salita ng Diyos: “Ano ang tinutukoy ng salitang ‘pananampalataya’? Ang pananampalataya ay ang tunay na paniniwala at tapat na pusong dapat taglayin ng mga tao kapag hindi nila nakikita o nahahawakan ang isang bagay, kapag ang gawain ng Diyos ay hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, kapag hindi ito kayang abutin ng tao. Ito ang pananampalatayang binabanggit Ko. Kailangang manampalataya ang mga tao sa mga panahon ng paghihirap at pagpipino, at ang pananampalataya ay isang bagay na sinusundan ng pagpipino; hindi mapaghihiwalay ang pagpipino at pananampalataya. Paano man gumawa ang Diyos, at anuman ang iyong sitwasyon, nagagawa mong hangarin ang buhay at hanapin ang katotohanan, at hangaring malaman ang tungkol sa gawain ng Diyos, at magkaroon ng pag-unawa sa Kanyang mga kilos, at nagagawa mong kumilos alinsunod sa katotohanan. Ang paggawa nito ang kahulugan ng pagkakaroon ng tunay na pananampalataya, at ang paggawa nito ay nagpapakita na hindi ka nawalan ng pananampalataya sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang kapaligirang ito ay isang pagsubok para sa akin para makita kung may tunay akong pananalig. Naisip ko si Daniel nang itapon siya sa yungib ng mga leon. Kasama niya ang Diyos, at isinara ng Diyos ang bunganga ng mga leon, kaya hindi masyadong nasaktan si Daniel. Nakita kong may pananalig si Daniel sa Diyos, tumayo siyang saksi para sa Diyos, at nasaksihan niya ang mga gawain ng Diyos, kaya hindi na ako dapat mamuhay sa takot at kaduwagan. Kailangan kong umasa sa pananampalataya ko sa Diyos para tumayong saksi sa Diyos. Nang mapagtanto ko ito, nabawasan ang sakit na nararamdaman ko sa puso ko.

Minsan, makalipas ang alas-dos ng madaling araw, natutulog ako nang may tumapik sa akin nang dalawang beses. Napabangon ako bigla at nagulat nang makitang may isang taong nakatayo sa tabi ng kama ko. Tinawanan lang ako ng baliw na pasyente at kung anu-ano ang pinagsasabi niya. Itinaboy ko siya pero ayaw niyang umalis at patuloy siyang tumawa. Sa sandaling ito, ang ibang pasyente sa kuwarto ay nagising na rin, at sa wakas, dumating ang nars at pinalabas ito. Karamihan sa mga taong ito na may sakit sa pag-iisip ay nasasapian ng masasamang espiritu, at kailangan kong manatiling kasama sila araw-araw. Kapag nagpatuloy ito, hindi magtatagal, mababaliw rin ako sa hirap. Kapag mas lalo ko itong iniisip, mas lalo akong nasasaktan. Sa mga panahong iyon, tumigil ako sa pagkanta at sa pagninilay-nilay sa salita ng Diyos. Labis akong nalumbay at naisip kong maganda sana kung may isang taong makapagbabahagi sa akin. Nagdasal ako sa Diyos at sinabi sa Kanya ang tungkol sa mga paghihirap at sakit na nararamdaman ko. Isang umaga, makalipas ang tatlo o apat na araw, habang nanonood ng TV kasama ang ibang pasyente sa lobby, nakita ko ang isang babaeng nasa trenta ang edad, na namumukhaan ko mula sa kung saan. Pamilyar siya sa akin. Matapos kong makipag-usap sa kanya, nalaman kong naniniwala siya sa Makapangyarihang Diyos. Tulad ko, sapilitan din siyang ipinadala sa ospital ng mga baliw dahil ang kanyang pamilya ay nakinig sa mga sabi-sabi ng CCP. Matapos makilala ang isang kapatid doon, masayang-masaya ako na sa wakas ay may kasama na akong makakausap. Isinaayos ng Diyos na makakilala ako ng isang kapatid doon, para makapagbahagi kami at hikayatin ang isa’t isa, kaya labis akong nagpasalamat sa Diyos.

Bente-kuwatro oras na binabantayan ng mga medical staff ang ospital ng mga baliw, kaya kinailangan naming maghanap ng mga pagkakataon para palihim na makapagbahaginan tungkol sa mga salita ng Diyos, talakayin ang aming mga karanasan at mga naunawaan, at tulungan at suportahan ang isa’t isa. Minsan, sa pasilyo para sa aktibidad ng mga pasyente, bumulong ako sa kanya, “Natatakot ako na kapag nagtagal ako rito, masisiraan na talaga ako ng bait, kaya gusto ko na talagang umalis, pero hindi ko kaya, at napakasakit nito.” Sumagot siya sa pamamagitan ng pagbulong ng isang sipi ng salita ng Diyos sa akin: “Ang puso’t espiritu ng tao ay nasa kamay ng Diyos, lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man dito o hindi, anuman at lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito pinamumunuan ng Diyos ang lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Sinabi niya rin sa akin ang tungkol sa karanasan niya sa ospital ng mga baliw, at sinabi niyang kontrolado ng Diyos ang lahat, kaya hindi ako dapat matakot, at dapat akong mas sumandig sa Diyos. Napagtanto kong ang lahat ay nasa mga kamay ng Diyos, at kung walang pahintulot ng Diyos, walang magagawa si Satanas sa akin. Sa patnubay ng salita ng Diyos, hindi na ako masyadong natakot.

Sumunod, isinulat namin ng kapatid ko ang mga salita ng Diyos at mga himnong natatandaan namin at ipinasa ito sa isa’t isa bilang paraan ng panghihikayat. Minsan, binigyan ako ng aking kapatid ng isang maikling liham na may nakasulat na himno. Sinasabi sa mga titik: “Taglay ang mga payo ng Diyos sa puso ko, hinding-hindi ako luluhod kay Satanas. Bagamat maaari kaming mapugutan ng ulo at dumanak ang aming dugo, hindi matitiklop ang gulugod ng mga tao ng Diyos. Magbibigay ako ng matunog na patotoo para sa Diyos, at ipapahiya ko ang mga diyablo at si Satanas. Pauna nang itinakda ng Diyos ang mga pasakit at paghihirap, at magiging tapat at magpapasakop ako sa Kanya hanggang kamatayan. Hinding-hindi ko na muling paiiyakin o bibigyan ng alalahanin ang Diyos. Iaalay ko ang pagmamahal at katapatan ko sa Diyos at tatapusin ko ang aking misyon para Siya ay luwalhatiin(Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin, Nais Kong Makita ang Araw ng Kaluwalhatian ng Diyos). Binigyan ako ng mga titik na ito ng inspirasyon, at naramdaman kong mas tumibay ang loob ko. Paano man ako tratuhin ng diyablong si Satanas, hindi ko kailanman pagtataksilan ang Diyos. Kailangan kong tumayong saksi at ipahiya si Satanas.

Kinakausap ako ng punong doktor nang isang beses sa isang linggo, at sa bawat pagkakataon, hinihikayat niya akong isuko ang pananampalataya ko sa Diyos. Alam kong sumusunod at nagtatrabaho siya para sa CCP, kaya hindi ko siya pinansin. Pagkatapos, pinuntahan niya ako ulit para kausapin at tinanong niya kung anong tingin ko tungkol sa pagkakaospital ko. Sa isip-isip ko, “Alam ninyong lahat na wala akong sakit, pero dahil naniniwala ako sa Diyos, tinatrato ninyo ako na parang may sakit ako sa pag-iisip at patuloy akong ikinukulong dito. Pinupuwersa ninyo akong uminom ng gamot at magpaturok araw-araw. Kayo, bilang mga doktor, ay pinahihirapan ako nang walang kakonse-konsensiya man lang, at ngayon tinatanong mo ako kung ano ang palagay ko?” Nang-aakusa ko siyang tinanong, “Wala akong sakit, kaya bakit n’yo ipinipilit na may sakit ako at tinatrato na parang isang baliw na pasyente?” Tiningnan niya ako, at pagkatapos ay malupit na sinabing, “Sasabihin ko sa iyo nang malinaw, hindi mahalaga ang mga pagsusuring ginawa namin para sa iyo. Ang mahalaga ay ginagawa kang abnormal ng pananampalataya mo sa Diyos. Mas malala pa ang kondisyon mo kaysa doon sa mga pasyenteng may sakit sa pag-iisip. At para lang alam mo, hindi ikaw ang una o huling mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos na nagkaroon kami dito. Kung ipagpipilitan mong maniwala, makukulong ka ng ilang taon. Nasa akin ang huling pagpapasya rito. May sakit ka man o wala ay nakadepende sa desisyon ko!” Galit na galit ako nang marinig ko ito. Ang mga ospital ay lugar para iligtas ang mga nasa bingit ng kamatayan at alagaan ang mga may sakit, pero ngayon, naging lugar ito ng CCP para pahirapan ang mga Kristiyano. Naniniwala kami sa Diyos at tinatahak ang tamang landas sa buhay, pero ginagamit ng CCP ang lahat ng kasuklam-suklam na pamamaraan para pinsalain ang mga taong naniniwala sa Diyos. Tagos sa buto ang kasamaan nila, isang politikal na partido na ubod ng sama! Dahil sa paniniwala ko sa Diyos, inusig ako ng CCP, tinanggihan ng aking pamilya, at pinahirapan ng mga doktor gamit ang mga gamot. Malinaw kong nakita na ang CCP ay walang iba kundi mga demonyong pumarito sa lupa. Sila’y mga Satanas na lumalaban sa Diyos at namiminsala ng mga tao. Kalaunan, ipinangaral ko at ng aking kapatid ang ebanghelyo sa mga mananampalataya ng Panginoon na nakilala namin sa ospital. Ang ilan ay ipinadala sa ospital para ipagamot dahil sa insomnia, at ang ilan ay sapilitang dinala ng gobyerno dahil sa paniniwala nila sa Panginoon. Sa huli, tinanggap ng ilan sa kanila ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw.

Dahil sa araw-araw na puwersahang mga ineksiyon at gamot mula sa mga doktor, lumala nang lumala ang kalusugan ko. Nahihilo ako at pagod, at palaging gustong matulog, mabigat ang mga balikat ko, at hindi ko halos maitaas ang mga braso ko. Hiniling ko sa mga doktor na itigil na ang mga gamot, pero hindi sila nakinig. Kalaunan, mas lumala pa ang kondisyon ko. Palaging masakit ang ulo ko, at pakiramdam ko ay araw-araw akong nawawalan ng ulirat. Palagi akong naguguluhan, hindi komportable, at napakairitable; nanginginig ang mga kamay ko at hindi ko mahawakan ang mga bagay-bagay gamit ang chopsticks. Madalas akong nananaginip ng masama, at humina rin ang memorya ko. Madalas, kapag ibinababa ko ang mga bagay-bagay, hindi ko na agad maalala kung saan ko inilagay ang mga ito, at hindi ako makapag-isip nang tuluy-tuloy. Kalaunan, hinahanap ko ang mga bagay na nasa mga kamay ko pa, at gulong-gulo ako araw-araw. Dati-rati, ilang minuto lang akong naguguluhan, pero nang maglaon, humaba ang mga pagkakataong ito mula sampung minuto hanggang isang oras. Sobrang nakababalisa ito, at hindi ko na makontrol ang isip ko. Pakiramdam ko ay may kakulangan na ako sa pag-iisip, at gusto kong umiyak palagi. Tahimik akong nagdasal sa Diyos sa puso ko, hinihiling sa Kanya na iligtas ako sa kalupitan ni Satanas. Matapos ang higit sa apatnapung araw sa ospital, pinuntahan ako ng anak kong babae. Nang araw na iyon, nakaupo ako sa pasilyo habang nakatungo. Nang marinig kong tawagin ako ng anak ko, iniangat ko ang ulo ko at ilang segundo ko siyang tulalang tiningnan, tapos dahan-dahan akong tumayo, lumapit sa kanya, hinila siya sa braso, at umiyak, “Iuwi mo ako, iuwi mo na ako….” Makalipas ang ilang saglit, nagsimula akong tumawa ulit. Hindi makapaniwala ang anak ko at sinabing, “Bakit ka nagkaganito? Talaga bang may sakit ka na?” Dinala ako ng anak ko sa bahay ng kuya ko. Pinagalitan siya nito, “Bakit mo iniuwi ang nanay mo?” Tapos tinanong niya ako kung naniniwala pa rin ako sa Diyos. Nang oras na iyon, mas malinaw na ang ulirat ko, at mariin kong sinabing, “Oo! Naniniwala ako sa Diyos, sinusundan ko ang katotohanan, at sinusubukan kong maging isang mabuting tao at sundan ang tamang landas. Bakit hindi ako dapat maniwala?” Sabi ng hipag ko, “Mukhang hindi pa sapat ang inalagi mo roon. Oras na para ibalik siya.” Galit kong sinabing, “Isinailalim ninyo na ako sa malupit na paggagamot na iyon, at gusto ninyo pa rin akong pabalikin. Napakalupit ninyo! Kapag ginawa ninyo ito, hindi magtatagal ay maparurusahan kayo!” Nang marinig nilang sabihin ko iyon, wala na silang sinabi pa, at atubiling sinabi ng kuya ko sa anak kong babae na asikasuhin niya ang mga discharge procedure para sa akin.

Matapos akong ma-discharge sa ospital, palaging sumasakit ang ulo ko, at araw-araw na nawawalan ng ulirat. Madalas akong basta na lang natutulala. Kapag patay ang ilaw sa gabi, takot na takot ako, dahil pakiramdam ko ay nasa ospital na naman ako ng mga baliw, at madalas akong nagkakaroon ng masasamang panaginip. Ayon sa asawa ko, basta na lang ako umiiyak at tumatawa kung minsan, at madalas uminit ang ulo ko sa kanya. Natakot ako, at naisip ko na, “Talaga bang may sakit ako sa pag-iisip? Kung gayon, papaano ako makakapanampalataya sa Diyos sa hinaharap?” Lumuhod ako sa harap ng higaan ko at nagdasal sa Diyos nang may luha sa mga mata ko, “Diyos ko, kung ano man ako ngayon ay ganap na kagagawan ng malaking pulang dragon. Kinamumuhian ko ito. Diyos ko, pakiusap, protektahan Mo ako, pakiusap, iligtas Mo ako….” Pagkatapos kong magdasal, medyo kumalma ako. Makalipas ang dalawang linggo, bumuti nang husto ang kondisyon ko, at nagawa kong sadyang kontrolin ang mga emosyon ko. Makalipas ang tatlong buwan, talagang naging normal na ang kalagayan ng aking pag-iisip, at lubhang bumuti ang aking mental well-being, pero mahina pa rin ang memorya ko. Makalipas ang kalahating taon, nagsimula ulit akong dumalo sa mga pagtitipon at gumawa ng mga tungkulin ko.

Ang apatnapu’t limang araw na ginugol ko sa ospital ng mga baliw ay nagdulot ng malaking pinsala sa aking pag-iisip at katawan. Sa pamamagitan ng pagpapahirap na ito, malinaw kong nakita ang mala-demonyong diwa ng CCP ng pagkapoot sa katotohanan at pagiging palaban sa Diyos. Lubos kong kinamumuhian ang CCP, ang demonyo, at tinatanggihan ko ito at naghihimagsik ako laban dito mula sa aking puso. Kasabay nito, nakita ko rin ang diwa ng pamilya ko. Dahil lang sa naniwala ako sa Diyos at natatakot silang madamay at maapektuhan ang kanilang kalagayan at kinabukasan, sinunod nila ang CCP at sumubok ng masasamang paraan para puwersahin akong isuko ang aking pananampalataya sa Diyos. Ipinadala pa nga nila ako sa ospital ng mga baliw. Wala silang pakialam kung mamatay man ako o mabuhay. Paano ko sila makokonsiderang kapamilya? Mga diyablo sila! Matapos maranasan ang kalagayang ito, naramdaman ko talaga ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos sa akin. Sa ospital ng mga baliw, kapag natatakot ako, nagdurusa, at walang magawa, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita nang paulit-ulit para bigyan ako ng kaliwanagan, patnubayan ako, at bigyan ako ng pananalig at lakas, at isinaayos Niyang tulungan at suportahan ako ng isang kapatid. Kung wala ang proteksyon ng Diyos, siguro’y nagawa na akong ganap na baliw at wala sa ulirat ng mga demonyong iyon. Nakita ko ang kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, ang Kanyang walang hanggang kapangyarihan, at karunungan. Tunay ko ring naramdaman na tanging Diyos ang sumusuporta sa akin sa lahat ng oras at tanging ang Diyos ang makapagliligtas sa tao, at nagkamit ako ng mas malaking pananampalataya sa Diyos. Salamat sa Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Isang Napakasakit na Pagpili

Ni Alina, EspanyaNoong 1999, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw, at hindi nagtagal ay nahalal akong...

Paalam sa Gawaing Walang Bunga

Ni Rosalie, Timog KoreaSinimulan kong diligan ang mga baguhan sa iglesia dalawang taon na ang nakararaan. Alam kong isa talaga itong...