Nagsasabuhay na ng Kawangis ng Tao sa Wakas

Pebrero 2, 2021

Ni Zhou Hong, Tsina

Nang maging lider ako sa iglesia noong 2018, nalaman ko na may isang kapatid na Yang ang apelyido na may mataas na kakayahan at naghanap ng katotohanan. Naisip ko, “Kung masasanay ko siyang mabuti, magiging madali ang buhay ko, bubuti ang gawain namin, at pupurihin din ako ng lider namin.” Kaya nagpursigi akong sanayin siya. Nagbabahagi ako sa kanya sa tuwing may nagiging problema siya at itinalaga ko siya na maging isang lider ng pangkat. Mabilis siyang gumaling at maasikaso siya sa kanyang tungkulin. Hindi nagtagal, gumanda ang gawain ng pangkat niya. Naisip ko, “Kung meron pang ibang tulad ni Sister Yang, malaki ang ibubuti ng lahat ng gawain namin sa iglesia. Makakapagpahinga ako nang kaunti at mas maganda ang magiging resulta namin, at sasabihin ng lahat na magaling ang ginagawa ko.” Isang araw, kinailangan namin ng taong magtitipon ng mga dokumento tungkol sa paglilinis at pag-aalis ng mga anticristo at gumagawa ng masama. Nagkasundo ako at ang aking mga kasama sa gawain na si Sister Yang ang dapat gumawa nito. Laking gulat ko nang madali niyang nakuha ang mga prinsipyo at nakagawa ng mga dokumento na patas at tama. Sa panahong ito, madalas tanungin ng lider ko kung may kasamahan kami na magaling sa pag-aasikaso ng mga dokumento at alam kong karapat-dapat si Sister Yang doon. Pero kapag naiisip kong malilipat siya at kung anong magiging epekto noon sa gawain namin, ayaw ko siyang pakawalan at hindi ko siya inirekomenda sa lider.

Isang araw, sa isang pagtitipon, sinabi ng lider na kailangan nila ng taong magtitipon ng mga dokumento sa paglilinis at pag-aalis ng mga anticristo at mga gumagawa ng masama at tinanong kami kung may maimumungkahi kami. Naisip ko, “Magiging magaling diyan si Sister Yang, pero kung pakakawalan ko siya, kakailanganin kong magsanay ng iba. Malaking trabaho iyon. Ano na lang ang iisipin ng lider ko sa akin kapag nagsimulang sumama ang gawain namin? Magaling din naman si Sister Tang sa pagtitipon ng mga dokumento, pero hindi siya gaanong aktibo sa tungkulin niya at kinakailangan niya pa ng tulong. Siya na lang ang irerekomenda ko. Sa ganitong paraan, may maibibigay ako para sa trabaho at hindi mawawala si Sister Yang. Hindi maaapektuhan ang gawain namin.” Kaya’t inirekomenda ko si Sister Tang at ibinida ko ang mga kalakasan niya at sinadya kong palabasin na hindi ganoon kagaling si Sister Yang. Makalipas ang ilang araw, napili si Sister Tang para sa trabahong iyon. Kalaunan ay nalaman kong hindi makayanan ni Sister Tang ang gawain nang mag-isa. Naisip ko, “Kaya iyon ni Sister Yang, walang problema. Pero ayaw ko siyang pakawalan. Ang galing-galing niya sa tungkulin niya, anong mangyayari sa gawain namin kapag umalis siya?” Kaya pinili ko pa ring hindi irekomenda si Sister Yang. Ilang araw matapos iyon, hiniling mismo ng lider ko si Sister Yang at sinabihan kaming maghanap agad ng kapalit niya. Tutol talaga ako sa ideyang ito. Naisip ko, “Kapag umalis si Sister Yang, sinong magtitipon ng mga dokumento ng iglesia? Kahit makahanap pa kami ng karapat-dapat na tao, baguhan lang iyon at hindi alam ang mga prinsipyo. Kakailanganin nila ng pagsasanay. Hindi lang magdurusa ang gawain namin, magiging mahirap at matrabaho pa iyon para sa akin.” Alam kong mali ako para isipin ito, pero patuloy akong nagdahilan para sa sarili ko: “Ako mismo ang nagsanay kay Sister Yang. Kapag umalis siya, walang tao sa pangkat namin ang makakagawa ng trabaho niya. Paano na iyon matatapos? Hindi, kailangan ko itong talakayin sa mga kasamahan ko sa gawain at sulatan ang lider para hilingin na manatili si Sister Yang nang ilang buwan pa hanggang sa makapagsanay na kami ng iba.” Nang sabihin ko ito sa dalawa kong kasama sa gawain, pinagsabihan nila ako. Sabi nila, “Nagsasanay tayo ng mga tao para gawin ang gawain ng bahay ng Diyos. Kapag umalis na si Sister Yang, makakapagsanay pa tayo ng iba. Hindi ba’t nagiging makasarili ka sa pagpigil sa pag-alis ni Sister Yang?” Pero hindi ako nagnilay sa aking sarili, sa halip inisip ko, “Ang bait mo naman. Akala mo ba madaling magsanay ng tao?” Lalong sumama ang loob ko. Lumaban ako at nainis ako sa mga kasama ko sa gawain dahil hindi nila naunawaan ang panig ko. Hindi nagtagal, pakiramdam ko ay nag-iinit ako, para akong nasusunog, at nanghihina ang buong katawan ko. Naisip ko, “Ayos naman ang panahon, at wala akong sipon. Kakatwa naman ito.” Napagtanto kong pagtutuwid at pagdidisiplina ito ng Diyos sa akin. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ngayon, kapag Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang araw na walang sinuman ang naroon upang bantayan kayo, hindi ba kayo magiging gaya ng mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Napakaseryosong Problema: Pagtataksil 1). Nagulat ako nang mapagtanto kong ibinubunyag mismo ng mga salita ng Diyos ang kalagayan ko. Tinatrato ko si Sister Yang na parang pag-aari ko siya. Akala ko na dahil ako ang nagsanay sa kanya, sa akin dapat siya at dapat siyang manatili sa iglesia ko para maging maganda ang tingin sa akin. Ayaw kong pumayag na makuha siya ng iba. Sa totoo, ginagawa ng lahat ng kapatid ang kanilang mga tungkulin sa bahay ng Diyos at ang mga tagubilin sa kanila ay galing lahat sa Diyos. Ginagawa nila ang kanilang mga gawain kung kailan at kung saan kailanganin ng bahay ng Diyos at kung paano isaayos ng Diyos. Pero naging mapanlinlang ako at dinaya ko ang iba para sa sarili kong reputasyon at katayuan, ginagawa ang makakaya ko para manatili sa akin si Sister Yang. Hindi ba’t isa ako sa “mga bandido na ipinapahayag ang kanilang sarili na mga hari ng kanilang mga munting bundok”? Sinubukan kong kontrolin si Sister Yang at agawin siya sa Diyos. Ito ang ginagawa ng mga anticristo at isa itong landas papunta sa pagkawasak. Nang mapagtanto ko ito, labis akong nakonsiyensiya. Masyado akong mapagmataas at makasarili.

Pagkatapos ay nabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano ang pamantayan kung paano hinuhusgahan ang mga gawa ng isang tao bilang mabuti o masama? Depende ito sa kung taglay mo o hindi, sa iyong mga iniisip, pagpapahayag, at kilos, ang patotoo tungkol sa pagsasagawa ng katotohanan at pagsasabuhay ng katotohanang realidad. Kung wala ka ng realidad na ito o hindi mo ito isinasabuhay, walang duda na ikaw ay isang masamang tao(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). “Kung naniniwala sa Diyos ang isang tao ngunit hindi nakikinig sa Kanyang mga salita, hindi tinatanggap ang katotohanan, o hindi nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos at orkestrasyon; kung nagpapakita lamang sila ng ilang mabubuting pag-uugali, ngunit hindi magawang talikuran ang laman, at walang inaalis sa kanilang pagmamataas o kapakinabangan; kung, bagama’t sa lahat ng pagpapakita ay ginagampanan nila ang kanilang tungkulin, nabubuhay pa rin sila sa kanilang mga satanikong disposisyon, at hindi binibitawan man lamang ang mga pilosopiya at pamamaraan ng pag-iral ni Satanas, at hindi nagbabago—paano nila maaaring paniwalaan ang Diyos kung gayon? Iyon ay paniniwala sa relihiyon. Tinatalikdan ng gayong mga tao ang mga bagay at ginugugol ang kanilang sarili nang may kababawan, ngunit ang landas na kanilang tinatahak at ang pinagmumulan at lakas ng lahat ng kanilang ginagawa ay hindi nakabatay sa mga salita ng Diyos o sa katotohanan; sa halip, patuloy silang kumikilos alinsunod sa kanilang mga sariling paglalarawan sa isip, pagnanasa, at pansariling palagay, at ang mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas ang patuloy na pinagbabatayan ng kanilang pag-iral at mga kilos. Sa mga bagay na hindi nila nauunawaan ang katotohanan, hindi nila ito hinahanap; sa mga bagay na nauunawaan nila ang katotohanan, hindi nila ito isinasagawa, hindi ipinagbubunyi ang Diyos bilang dakila, o pinahahalagahan ang katotohanan. Bagama’t maituturing silang tagasunod ng Diyos, ito ay sa salita lamang; ang laman ng kanilang mga kilos ay walang iba kundi pagpapahayag ng kanilang mga tiwaling disposisyon. Walang palatandaan na ang kanilang layon at hangarin ay upang isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong iniisip ang kanilang mga sariling kapakanan bago ang iba pa, na inuunang tuparin ang kanilang mga sariling hangarin at layon—ito ba ang mga taong sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At maaari bang maghatid ng pagbabago sa kanilang mga disposisyon ang mga taong hindi sumusunod sa Diyos? (Hindi.) At kung hindi nila mababago ang kanilang mga disposisyon, hindi ba sila kalunos-lunos?(“Ang Paniniwala sa Relihiyon ay Hindi Kailanman Hahantong sa Kaligtasan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Pinag-isipan ko ang mga salita ng Diyos at pinagnilayan ang naging asal ko. Mukha akong nagsasakripisyo para sa Diyos, pero ang motibo ko sa tungkulin ko ay ang tugunan ang sarili kong mga interes. Nang maghanap ang lider ko ng taong makapag-aasikaso ng mga dokumento, alam kong si Sister Yang ang pinakamagaling sa trabahong iyon. Pero nagsinungaling ako at nanlinlang para protektahan ang sarili kong mga interes, at sa halip ay inirekomenda si Sister Tang. Kahit nang makita kong nahihirapan si Sister Tang sa trabaho at alam kong makakaantala siya sa gawain, hindi ko pa rin inirekomenda si Sister Yang. Hindi ko inisip ang bahay ng Diyos o isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos. Ginamit ko lang na kasangkapan ang mga kapatid para pag-ingatan ang sarili kong reputasyon at katayuan. Masyado akong masama, makasarili, at malupit. Matagal na akong naniniwala sa Diyos, pero lahat ng saloobin at pananaw ko ay nakabatay sa aking mga satanikong disposisyon at sa mga taktika ni Satanas para mabuhay. Hindi ko sinunod ang mga salita ng Diyos o isinagawa ang katotohanan. Isa akong walang pananampalataya, katulad ng inilalarawan ng mga salita ng Diyos. Hindi na ako puwedeng maging makasarili. Kailangan kong magrekomenda ng taong may talento at magsanay ng iba pang tao para sa iglesia namin. Nagsaayos kami ng tao na aako sa gawain ni Sister Yang sa pangkat namin at nalipat na siya. Kalaunan, nalaman kong mabilis na natipon ni Sister Yang ang mga dokumento sa paglilinis at pag-aalis ng tao. Nalungkot ako nang mabalitaan ko ito. Kung nairekomenda ko lang siya agad at isinantabi ang sarili kong mga interes, hindi maaantala nang ganito katagal ang gawaing ito. Nangyari ito dahil sa pagiging makasarili ko. Nagkasala ako at nakagawa ng masama. Tinanggap ko ito bilang isang babala na huwag na ulit uunahin ang aking mga interes kaysa sa bahay ng Diyos.

Akala ko nabago ako nang kaunti ng karanasang ito, pero ang problema pa ring ito ay naghihintay lang ng tamang sitwasyon para muling magpakita. Hindi nagtagal, tinanong ako ng lider ko tungkol kay Sister Liu. Gusto niyang magpatulong sa kanya sa pagdidilig sa mga bagong mananampalataya sa kalapit na iglesia. Nakadama ako ng kaunting pag-aatubili, pero naisip kong hindi ako dapat maging makasarili, na kailangan kong itaguyod ang gawain ng Iglesia, at puwede naman akong magsanay ng iba. Pumayag akong pakawalan si Sister Liu. Pero pagkatapos ay sinabi niyang itataas ang tungkulin ni Sister Li na nangangasiwa sa pag-aasikaso ng mga dokumento at sinabi sa aking gumawa ng ebalwasyon. Sobra na ito para sa akin. Kapag umalis si Sister Li, sino nang mangangasiwa sa pag-aasikaso ng mga dokumento? Ayaw kong pakawalan si Sister Li kaya ipinagpaliban ko ang paggawa ng ebalwasyon niya. Gusto kong antalahin ng ilang araw ang pag-alis niya para pansamantalang makahanap ng ibang tao ang lider ko at maiwan si Sister Li sa amin. Napansin ng kasama ko sa gawain na hindi ko ginagawa ang ebalwasyon at pinilit akong gawin na iyon. Binalewala ko lang siya at sinabing gagawin ko na iyon, pero hindi ko pa rin iyon ginawa. Makalipas ang sampung araw, sinabi ng kasama ko, “Inilipat na ng lider natin si Sister Li matapos malaman mula sa iba ang tungkol sa kaniya.” Hindi ko agad ito naintindihan. Masyadong mabilis ang pangyayari! Nakuha na ang lahat ng may mabubuting kakayahan sa pangkat ko. Wala na kaming matatapos sa iglesia ngayon. Napuno ng mga saloobing iyon ang isip ko hanggang sa parang sasabog na ito. Parang ang bigat-bigat ng puso ko. Nawalan ako ng ganang kumain sa mga sumunod na araw. Ang naiisip ko lang ay kung paanong kailangan kong maghanap ng mga tao at kung gaano katinding pasanin ang dala ko. Magiging matrabaho ang lahat ng iyon. Habang iniisip ko iyon, lalo akong napupuno ng pag-aalala, at napagod ako.

Isang araw, bumababa ako ng hagdan nang mawalan ako ng balanse. Nakarinig ako ng lagutok sa paa ko, parang butong nabali. Naisip ko, “Lagot na talaga. Hindi ko magagawa ang tungkulin ko nang bali ang paa ko.” Alam kong iyon ang Diyos na dumidisiplina sa akin. Naisip ko kung paano ko pinanood na isa-isang malipat ang mga tao at kung paano ako nakipagtalo sa Diyos sa puso ko at nilabanan ang lahat ng iyon. Malamang ay nasuklam ang Diyos sa ugali ko sa tungkulin ko, kaya’t binawi ng Diyos ang tungkulin ko. Labis akong natakot sa isiping ito. Napakasakit din ng paa ko. Paulit-ulit akong nanalangin sa Diyos, handang magsisi. Laking gulat ko nang pagkatapos ng tanghalian noong araw na iyon ay biglang nawala ang sakit ng paa ko, para bang hindi ako nasaktan. Alam ko sa puso ko na isa itong babala mula sa Diyos para pagnilayan at kilalanin ko ang aking sarili. Naisip ko, “Bakit ba lagi kong inuuna ang sarili kong mga interes?”

Kalaunan ay nanood ako ng video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Hangga’t hindi nararanasan ng mga tao ang gawain ng Diyos at natatamo ang katotohanan, ang likas na pagkatao ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa likas na pagkataong iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katungkulan? Bakit ka mayroong gayon katinding mga damdamin? Bakit ka nasisiyahan sa mga di-matutuwid na bagay na iyon? Bakit gusto mo ang mga kasamaang iyon? Ano ang batayan ng pagkahilig mo sa mga ganoong bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit ka masayang-masaya na tanggapin ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat na ang pangunahing dahilan sa likod ng lahat ng bagay na ito ay dahil nasa kalooban mo ang lason ni Satanas. Tungkol naman sa kung ano ang lason ni Satanas, lubos itong maipapahayag sa mga salita. Halimbawa, kung tatanungin mo ang ilang masamang tao kung bakit sila gumawa ng kasamaan, sasagot sila: ‘Dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili, at bahala na ang iba.’ Ipinahahayag ng nag-iisang pariralang ito ang pinakaugat ng problema. Ang lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Maaari silang gumawa ng mga bagay-bagay para sa ganito at ganoong layunin, ngunit ginagawa lamang nila iyon para sa kanilang sarili. Iniisip ng lahat ng tao na dahil ang bawat tao ay para sa kanyang sarili at bahala na ang iba, dapat mabuhay ang mga tao para sa sarili nilang kapakanan, at gawin ang lahat ng makakaya nila para magkaroon ng magandang posisyon alang-alang sa pagkain at marangyang pananamit. ‘Bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba’—ito ang buhay at ang pilosopiya ng tao, at kinakatawan din nito ang likas na pagkatao. Ang mga salitang ito ang mismong lason ni Satanas, at kapag isinapuso ito ng mga tao, nagiging kalikasan na nila ito. Ang kalikasan ni Satanas ay inilalantad sa pamamagitan ng mga salitang ito; lubos itong kinakatawan ng mga ito. Ang lasong ito ay nagiging buhay ng mga tao at nagiging pundasyon din nila sa buhay, at ang sangkatauhang ginawang tiwali ay patuloy nang pinangingibabawan ng lasong ito sa loob ng libu-libong taon(“Paano Lakaran Ang Landas ni Pedro” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw).

Sinasabi ng mga salita ng Diyos na matapos gawing tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, lahat ng klase ng satanikong lason ay natanim sa ating mga puso at naging ating kalikasan. Halimbawa ang “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba.” Nabubuhay ang lahat sa satanikong lason na ito, lahat ng ginagawa natin ay para sa sarili nating pakinabang, at iniisip nating tama at dapat ito, kaya lalo tayong nagiging makasarili at mapanlinlang. Nagnilay ako sa aking sarili. Nang ilipat ng lider ang mga tao paalis sa iglesia ko, lumaban ako at sinubukan iyong pigilan, hanggang sa punto ng panlilinlang. Tinrato ko ang mga tao na parang pag-aari ko sila at tumangging makuha sila ng bahay ng Diyos. Masyado akong makasarili at kasuklam-suklam, talagang wala sa katwiran. Humahadlang ako sa gawain ng bahay ng Diyos! Nang dumating ang Panginoong Jesus para gumawa, sinubukan ng mga Fariseo na protektahan ang sarili nilang katayuan at kabuhayan sa pamamagitan ng pagpigil sa mga tao sa pagsunod sa Kanya. Tinrato nilang pag-aari ang mga mananampalataya at nakipagkompetensiya sa Panginoon para sa kanila. Sa huli, nagkasala sila sa disposisyon ng Diyos at pinarusahan Niya sila. Anong pagkakaiba ng ugali ko sa mga Fariseo? Ang mga kapatid ay mga tupa ng Diyos at may karapatan ang bahay ng Diyos na italaga sila ayon sa nais nito. Wala akong karapatang makialam. Bilang isang lider ng iglesia, dapat kong gawin ang tungkulin ko gaya ng hinihiling ng bahay ng Diyos at nang naaayon sa mga prinsipyo, ibahagi ang katotohanan para lutasin ang mga problema at magsanay ng mga tao. Ito ang tungkulin ko, ang aking responsibilidad. Pero hindi ko isinaalang-alang ang kalooban ng Diyos o itinalaga ang mga tao nang naaayon sa mga prinsipyo. Hindi ako nakahandang magsikap na magsanay pa ng mga tao. Hindi ko inirekomenda ang mga taong alam kong may talento, sa halip ay sinubukan ko silang kontrolin, pinagtatrabaho at pinagsisilbi sila para sa sarili kong reputasyon. Hindi ba’t ginagawa ko ang sarili kong gusto na salungat sa bahay ng Diyos? Nilalabanan ko ang Diyos at nilalakaran ang landas ng mga anticristo. Natakot ako sa isiping iyon at nagpasalamat ako sa Diyos sa pagdidisiplina Niya sa akin at pagpipigil sa aking gumawa pa ng kasamaan.

Kalaunan, nanood ako ng isa pang video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang mga damdamin ng sangkatauhan ay makasarili at nabibilang sa daigdig ng kadiliman. Hindi sila umiiral para sa kapakanan ng kalooban, lalong hindi para sa plano ng Diyos, at kaya ang tao at Diyos ay hindi kailanman maaaring pag-usapan nang magkasabay. Ang Diyos ay walang hanggang kataas-taasan at marangal kailanman, samantalang ang tao ay hamak magpakailanman at walang halaga hanggang sa walang katapusan. Ito ay sapagkat ang Diyos ay walang hanggang gumagawa ng mga sakripisyo at nag-uukol ng sarili Niya para sa sangkatauhan; ang tao, gayunman, ay walang hanggang nangunguha at nagsisikap para lamang sa sarili niya. Ang Diyos ay walang katapusan ang pagpapakahirap para makaligtas ang sangkatauhan, gayon pa man, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay para sa kapakanan ng liwanag o para sa pagkamakatuwiran. Kahit na magsikap ang tao sa maikling panahon, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Palaging makasarili ang tao, samantalang ang Diyos ay hindi makasarili magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ay ang siyang nagtatagumpay at nagpapamalas ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang diwa ng pagkamakatuwiran at kagandahan Niya, gayon pa man, ang tao ay ganap na may kakayahan, sa anumang oras at sa anumang kalagayan, na ipagkanulo ang pagkamakatuwiran at lumayo mula sa Diyos(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Maintindihan ang Disposisyon ng Diyos). Ipinakita sa akin ng mga salita ng Diyos na ang Diyos ay hindi makasarili. Lahat ng ginagawa Niya ay ginagawa para iligtas tayo; tayong lahat ang nakikinabang doon. Ang bahay ng Diyos ay nagtataas at nagsasanay ng mga tao para ang mga naghahanap ng katotohanan na may mataas na kakayahan ay magkaroon ng higit pang pagsasanay at sa huli ay maisagawa ang mga tagubilin ng Diyos. Napapakinabangan ito ng mga kapatid at ng gawain ng bahay ng Diyos. Ako naman, malaya kong natanggap ang pagdidilig at panustos ng mga salita ng Diyos, at pagsasanay mula sa bahay ng Diyos, pero hindi ko inisip na gawin ang tungkulin ko para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Ang inisip ko lang ay kung paano makontrol ang mga tao. Para sa sarili kong reputasyon at katayuan, hindi ako nag-atubiling hadlangan ang pagsasanay ng bahay ng Diyos sa mga tao, na nakaantala sa gawain nito. Masyado akong naging makasarili at mapaminsala, hindi karapat-dapat mabuhay sa harap ng Diyos. Alam kong hindi ako puwedeng magpatuloy nang ganoon. Kailangan kong bigyan ang bahay ng Diyos ng mga taong may talento nang sa gayon ay mas maraming mga kapatid ang makagawa ng tungkuling nakalaan sa kanila sa tamang lugar. Nang maisaayos ko na ang isip ko, mabilis akong nakakita ng taong aako sa gawain ni Sister Li at nag-alay ako ng pasasalamat sa Diyos. Kahit na hindi alam ng bagong tao ang mga prinsipyo at kailangan kong mas magsikap, payapa at panatag ang pakiramdam ko. Handa akong magsakripisyo para magawa ang anumang magagawa ko, at manalangin kasama ng mga kapatid ko para magawa namin nang mabuti ang gawain namin sa iglesia.

Makalipas ang dalawang linggo, sinabi ng lider ko, “Gusto naming ilipat si Sister Zhao, na nag-eedit ng mga dokumento, sa isa pang iglesia para gampanan ang kanyang tungkulin.” Nang marinig ito, naisip ko, “Dapat kong isipin ang buong gawain ng bahay ng Diyos. Hindi na ako puwedeng maging makasarili. Sa isang banda, kakasimula pa lang naming magsanay ng isa pang sister para gawin ang gawaing ito at hindi pa niya alam ang mga prinsipyo. Magdurusa ang gawain namin. Mas mabuting manatili si Sister Zhao kung nasaan siya.” Napagtanto kong sariling mga interes ko na naman ang iniisip ko. Naisip ko kung paano kong nilakaran ang landas ng mga anticristo, paulit-ulit na inaantala ang gawain ng iglesia at nagkakasala sa disposisyon ng Diyos. Labis akong natakot. Naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Huwag kang laging gumawa ng mga bagay para sa sarili mong kapakanan at huwag mong palagiang isaalang-alang ang iyong mga sariling interes; huwag isipin ang iyong sariling katayuan, katanyagan, o reputasyon. Huwag mo ring isaalang-alang ang mga interes ng tao. Kailangan mo munang isipin ang mga interes ng bahay ng Diyos, at unahin ang mga iyon. Dapat mong isaalang-alang ang kalooban ng Diyos at magsimula sa pamamagitan ng pagmumuni-muni kung ikaw ay naging dalisay o hindi sa pagtupad mo sa iyong tungkulin, kung nagawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang maging matapat, nagawa ang lahat ng iyong makakaya upang matupad ang iyong mga pananagutan, at naibigay ang lahat mo, gayundin kung buong-puso mo nang naisaisip o hindi ang iyong tungkulin at ang gawain ng bahay ng Diyos. Kailangan mong isaalang-alang ang mga bagay na ito. Isipin mong madalas ang mga ito, at magiging higit na madali sa iyong gampanan nang maayos ang iyong tungkulin. Kung mahina ang iyong kakayahan, mababaw ang iyong karanasan, o hindi ka bihasa sa iyong mga propesyunal na gawain, kung gayon ay maaaring may ilang pagkakamali o kakulangan sa iyong gawain, at maaaring hindi maging napakaganda ng mga resulta—ngunit naibuhos mo na ang iyong buong pagsisikap. Kapag hindi mo iniisip ang iyong mga makasariling paghahangad o isinasaalang-alang ang iyong mga pansariling interes sa mga bagay na ginagawa mo, at sa halip ay nagbibigay ng palagiang pagsasaalang-alang sa gawain ng tahanan ng Diyos, taglay sa isip ang mga kapakanan nito, at ginagampanan nang mahusay ang iyong tungkulin, makakaipon ka, kung gayon, ng mabubuting gawa sa harap ng Diyos. Ang mga taong gumaganap sa mabubuting gawang ito ay yaong mga may angking katotohanang realidad; sa gayon, mayroon silang patotoo(“Ipagkaloob ang Iyong Tunay na Puso sa Diyos, at Makakamit Mo ang Katotohanan” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo ng mga Huling Araw). Ibinigay sa akin ng mga salita ng Diyos ang landas ng pagsasagawa. Kailangan kong alalahanin ang kalooban ng Diyos at gawain ng iglesia. Hindi ako puwedeng maging makasarili at subukang sarilinin ang talento ng tao. Kaya nanalangin ako sa Diyos: “Mahal kong Diyos, masyado akong naging makasarili at malupit, lagi kong pinipigilan ang bahay ng Diyos na magtaas ng mga tao at pinipinsala ang gawain ng iglesia. Ayaw ko nang lumaban sa Iyo. Patnubayan Mo akong talikdan ang aking laman at isagawa ang katotohanan.” Matapos manalangin, pinuntahan at kinausap ko si Sister Zhao tungkol sa paglipat niya. Kahit na nalipat siya, hindi na masama ang loob ko tulad ng dati. Sa halip, nadama kong kabutihan at pagpapala ng Diyos ang magawa kong magpadala ng ganoong talento sa bahay ng Diyos. Nagawa ko ring gampanan ang sarili kong tungkulin at napuno ng kapayapaan at saya ang aking puso. Salamat sa Makapangyarihang Diyos!

Iba't ibang bihirang sakuna ang nangyayari ngayon, at ayon sa mga propesiya sa Bibliya, mas malalaking kalamidad pa ang darating. Kaya paano natin matatanggap ang proteksyon ng Diyos sa mga kapighatiang ito? Makipag-ugnayan sa amin, at tutulungan namin kayong mahanap ang daan.

Kaugnay na Nilalaman

Leave a Reply